Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 3:16-6:14

16 Pagkatapos ng pitong araw, sinabi sa akin ng Panginoon, 17 “Anak ng tao, ginawa kitang bantay ng mga mamamayan ng Israel. Kaya ang anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila. 18 Kapag sinabi kong mamamatay ang taong masama, pero hindi mo siya binalaan o pinagsabihang lumayo sa kasamaan para maligtas, mamamatay ang taong iyon dahil sa kanyang kasalanan at pananagutan mo sa akin ang kamatayan niya. 19 Pero kung pinagsabihan mo siya at hindi siya lumayo sa kasamaan, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan, pero wala kang pananagutan sa akin. 20 Kapag ang taong matuwid ay tumalikod sa kanyang pagiging matuwid at hahayaan ko siya sa ganoong kalagayan, mamamatay siya. Kung hindi mo siya pinagsabihan, mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan at hindi ko aalalahanin ang kanyang mabubuting gawa. Pero pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan. 21 Ngunit kung pinagsabihan mo siyang tumigil na sa pagkakasala at nakinig sa iyo, hindi siya mamamatay at wala kang pananagutan sa akin.”

22 Pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at sinabi niya sa akin, “Tumayo kaʼt pumunta sa kapatagan, dahil may sasabihin ako sa iyo roon.” 23 Kaya pumunta agad ako sa kapatagan at nakita ko ang makapangyarihang presensya ng Panginoon katulad ng nakita ko sa pampang ng Ilog ng Kebar at akoʼy nagpatirapa. 24 Pagkatapos, pinuspos ako ng Espiritu, pinatayo at sinabihan, “Umuwi ka at magkulong sa bahay mo! 25 Doon ay gagapusin ka ng lubid para hindi mo makasama ang mga kababayan mo. 26 Gagawin kitang pipi para hindi mo mapagsabihan ang mga rebeldeng mamamayang ito. 27 Pero sa oras na kausapin kita, makakapagsalita kang muli. At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang mensahe ng Panginoong Dios.’ May mga makikinig sa iyo pero mayroon ding hindi makikinig dahil mga rebelde silang mamamayan.”

Ipinakita ni Ezekiel ang Pagkubkob sa Jerusalem

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, kumuha ka ng tisa, ilagay mo ito sa harap mo at iguhit doon ang lungsod ng Jerusalem. Gawin mo ito na parang sinasalakay ng mga kaaway. Lagyan mo ng mga hagdan sa tabi ng pader at lagyan mo ng mga kampo sa palibot ng lungsod at ng trosong pangwasak ng pader. Pagkatapos, kumuha ka ng malapad na bakal at ilagay mo na parang pader sa pagitan mo at ng lungsod. Humarap ka sa lungsod na parang sinasalakay mo ito. Ito ang magiging palatandaan sa mga mamamayan ng Israel na sasalakayin sila ng kanilang mga kaaway.

“Pagkatapos, mahiga kang nakatagilid sa kaliwa. Tanda ito na pinapasan mo ang kasalanan ng mga mamamayan ng Israel. Papasanin mo ang mga kasalanan nila ayon sa dami ng araw ng iyong paghiga. Ang isang araw ay nangangahulugan ng isang taon. Kaya sa loob ng 390 araw ay papasanin mo ang mga kasalanan nila. Pagkatapos, bumaling ka sa kanan at pasanin mo rin ang kasalanan ng mga taga-Juda sa loob ng 40 araw, ang isang araw ay nangangahulugan pa rin ng isang taon. Tingnan mong muli ang tisa, na may larawan ng Jerusalem na kinubkob, at magsalita ka laban sa Jerusalem na nakatupi ang manggas ng iyong damit. Gagapusin kita upang hindi ka makabaling, hanggang sa matapos ang pagpapakita mo ng pagkubkob ng Jerusalem.

“Magdala ka rin ng trigo, sebada, at ibaʼt ibang mga buto. Paghalu-haluin mo ito sa isang lalagyan at gawin mong tinapay. Ito ang kakainin mo sa loob ng 390 araw habang nakahiga kang nakatagilid sa kaliwa. 10 Bawat araw, dalawaʼt kalahating guhit lang na pagkain ang kakainin mo sa mga itinakdang oras. 11 At kalahating litrong tubig lang ang iinumin mo bawat araw sa mga itinakda ring oras. 12 Lutuin mo ang tinapay bawat araw habang nanonood ang mga tao. Lutuin mo ito tulad ng pagluluto ng tinapay na gawa sa sebada. Gamitin mong panggatong ang tuyong dumi ng tao at pagkatapos ay kainin mo ang tinapay. 13 Sapagkat iyan ang mangyayari sa mga mamamayan ng Israel. Kakain sila ng mga pagkaing itinuturing na marumi sa mga lugar na pagdadalhan ko sa kanila bilang mga bihag.”

14 Pagkatapos ay sinabi ko, “O Panginoong Dios, huwag nʼyo po akong utusan na gumawa ng ganyan. Alam ninyong hindi ko kailanman dinumihan ang sarili ko, mula pa noong bata ako hanggang ngayon. Hindi po ako kumain ng anumang hayop na namatay o pinatay ng ibang hayop at hindi rin po ako kumain ng anumang hayop na itinuturing na marumi.” 15 Sumagot ang Panginoon, “Kung ganoon, dumi na lang ng baka ang gawin mong panggatong sa halip na dumi ng tao.”

16 Sinabi pa ng Panginoon, “Anak ng tao, babawasan ko ang pagkain sa Jerusalem. Kaya tatakalin ng mga taga-Jerusalem ang pagkain nilaʼt inumin. Mababalisa at magdadalamhati sila. 17 At dahil sa kakulangan ng pagkain at tubig, magtitinginan sila sa sindak, at unti-unti silang mamamatay dahil sa kanilang mga kasalanan.”

Ang Pagkagiba ng Jerusalem

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, kumuha ka ng matalim na espada at gamitin mong pang-ahit ng iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo ang buhok moʼt balbas at hatiin ito sa tatlong bahagi. Ang unang bahagi ay ilagay mo sa tisa na ginuhitan mo ng lungsod ng Jerusalem. Sunugin mo ito sa gitna ng lungsod matapos mong maipakita ang pagkubkob nito. Ang ikalawang bahagi ay ilagay mo sa palibot ng lungsod at pagputol-putulin sa pamamagitan ng espada mo. At ang natirang bahagi ay isaboy mo sa hangin dahil ikakalat ko ang mga mamamayan ko sa pamamagitan ng espada. Pero magtira ka ng kaunting buhok at balutin mo ito ng iyong damit. Kumuha ka ng iilan at sunugin mo sa apoy. Mula rito, kakalat ang apoy at masusunog ang buong Israel.

Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na ito ang kahihinatnan ng Jerusalem, ang lungsod na ginawa kong pinakasentro sa buong daigdig. Nilabag niya ang mga utos ko at naging mas masama pa kaysa sa ibang mga bansang nasa palibot nito. Itinakwil niya ang mga utos at mga tuntunin ko. Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kayong mga taga-Jerusalem, mas masama pa kayo kaysa sa mga bansang nasa palibot ninyo. Hindi ninyo sinunod ang mga utos at mga tuntunin ko, o sinunod[a] man ang mga tuntunin ng mga bansang nasa palibot ninyo. Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay laban sa inyo. Parurusahan ko kayo sa harap ng mga bansa. Sapagkat kasuklam-suklam ang mga ginagawa ninyo, gagawin ko sa inyo ang hindi ko pa nagagawa at hindi ko na ito gagawin pa pagkatapos. 10 Kakainin ng mga magulang ang mga anak nila at kakainin naman ng mga anak ang mga magulang nila. Parurusahan ko kayo at ang natitira pa sa inyo ay pangangalatin ko sa buong daigdig. 11 Ako, ang buhay na Panginoong Dios, ay sumusumpang lilipulin ko kayo. Hindi ko kayo kahahabagan dahil dinungisan ninyo ang aking templo sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan at paggawa ng kasuklam-suklam na mga bagay. 12 Hahatiin ko kayo sa tatlo. Ang unang bahagi ay mamamatay sa gutom at sakit sa lungsod. Ang ikalawang bahagi ay mamamatay sa labas ng lungsod sa pamamagitan ng espada. At ang ikatlong bahagi ay pangangalatin ko sa buong daigdig at patuloy kong uusigin.[b]

13 “Kapag nangyari na ito, huhupa na ang matindi kong galit, at makakaganti na ako sa inyo. Kapag naipadama ko na ito sa inyo, malalaman ninyo na ako ang Panginoong nakipag-usap sa inyo dahil sa labis kong pagkapoot. 14 Wawasakin ko ang inyong lungsod at kukutyain kayo ng mga bansang nakapalibot sa inyo at ng mga taong dumadaan sa lugar ninyo. 15 Hihiyain, kukutyain, at pandidirian kayo ng mga bansa sa paligid ninyo dahil sa nangyari sa inyo. Magiging babala kayo sa kanila sa panahon ng aking pagpaparusa sa inyo dahil sa matindi kong galit. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 16 Padadalhan ko kayo ng taggutom na parang pana na pupuksa sa inyo. Titindi nang titindi ang taggutom hanggang sa wala na kayong makain. 17 Maliban sa taggutom, padadalhan ko rin kayo ng malulupit na hayop at lalapain nila ang mga anak ninyo. Mamamatay din kayo sa sakit at mga digmaan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang mga Ipinapasabi Laban sa mga Bundok ng Israel

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, humarap ka sa mga bundok ng Israel at sabihin mo ito sa kanila: O mga bundok ng Israel, mga burol, mga lambak, at mga kapatagan, dinggin ninyo ang sinasabi ng Panginoong Dios: Padadalhan ko kayo ng digmaan at gigibain ko ang mga sambahan sa matataas na lugar.[c] Gigibain ko ang mga altar ninyo pati na ang mga altar na pagsusunugan ng insenso at papatayin ko ang mamamayan ninyo sa harap ng inyong mga dios-diosan. Ikakalat ko ang mga bangkay ninyong mga Israelita sa harap ng inyong mga dios-diosan at ikakalat ko rin ang mga buto ninyo sa palibot ng inyong mga altar. Ang bawat bayan ninyo sa Israel ay wawasakin para masira ang mga sambahan ninyo sa matataas na lugar, mga dios-diosan at mga altar pati na ang mga altar na pinagsusunugan ng insenso at ang iba pang ginawa ninyo. Mamamatay ang inyong mga mamamayan at malalaman ninyo na ako ang Panginoon.

“Pero may ititira ako sa inyo mula sa digmaan. Makakatakas ang iba at mangangalat sa ibang bansa bilang mga bihag. Doon nila ako maaalala at maiisip na nila kung paano ako nagdamdam nang magtaksil sila sa akin at higit nilang pinahalagahan ang mga dios-diosan. Masusuklam sila sa sarili nila dahil sa masama at kasuklam-suklam nilang ginawa. 10 At malalaman nilang ako ang Panginoon, at totoo ang babala na ipinasabi ko na gagawin ko sa kanila.”

11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoong Dios, “Pumalakpak ka at pumadyak at sabihin mo, ‘Mabuti nga sa mga mamamayan ng Israel, dahil sa lahat ng masasama at kasuklam-suklam nilang ginawa. Ito ang dahilan kung bakit mamamatay sila sa digmaan, gutom at sakit. 12 Ang mga nasa malayo ay mamamatay sa sakit. Ang nasa malapit ay mamamatay sa digmaan. At ang natitira ay mamamatay sa gutom. Sa ganitong paraan, madadama nila ang galit ko sa kanila. 13 At malalaman nilang ako ang Panginoon kapag ang bangkay ng mga kababayan nila ay kumalat kasama ng kanilang mga dios-diosan sa palibot ng kanilang mga altar, burol, tuktok ng bundok, malalaking punongkahoy at mayayabong na punong ensina sa lugar na pinaghahandugan nila ng insenso para sa lahat ng kanilang dios-diosan. 14 Parurusahan ko sila saan man sila tumira, at gagawin kong mapanglaw ang lupain nila mula sa disyerto sa timog hanggang sa Dibla sa hilaga, at malalaman nila na ako ang Panginoon.’ ”

Hebreo 4

Ngunit kahit na ganoon ang nangyari sa kanila, nanatili pa rin ang pangako ng Dios na makakamtan natin ang kapahingahang mula sa kanya. Kaya mag-ingat tayo at baka mayroon sa atin na hindi magkakamit ng pangakong ito. Sapagkat nakarinig din tayo ng Magandang Balita katulad nila, pero naging walang saysay ang narinig nila dahil hindi sila sumampalataya. Tayong mga sumasampalataya ang magkakamit ng kapahingahang mula sa Dios. Ngunit hindi ito makakamit ng hindi sumasampalataya, dahil sinabi ng Dios,

    “Sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”[a]

Hindi ibig sabihin na wala pa ang kapahingahan. Ang totoo, nariyan na ito mula pa nang likhain ang mundo. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan tungkol sa ikapitong araw,

    “Sa ikapitong araw, nagpahinga ang Dios sa kanyang paglikha.”[b]

At sinabi rin sa Kasulatan, “Hinding-hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.” Malinaw na niloob ng Dios na may magkakamit ng kapahingahang ito, pero ang mga nakarinig noon ng Magandang Balita ay hindi ito nakamtan dahil sa pagsuway nila sa kanya. Kaya muling nagtakda ang Dios ng isa pang pagkakataon, na walang iba kundi ngayon. Dahil pagkalipas ng matagal na panahon sinabi ng Dios sa pamamagitan ni David,

    “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios, huwag ninyong patigasin ang puso ninyo.”[c]

Dahil kung tunay na nadala ni Josue sa kapahingahan ang mga tao noong una, hindi na sana nagsalita ang Dios tungkol sa isa pang kapahingahan. Kaya may kapahingahan pang nakalaan sa mga taong sakop ng Dios. At ang kapahingahang itoʼy katulad ng pagpapahinga ng Dios sa ikapitong araw. 10 Sapagkat ang sinumang magkakamit ng kapahingahang mula sa Dios ay makapagpapahinga rin sa mga gawain niya, tulad ng pamamahinga ng Dios matapos niyang likhain ang lahat. 11 Kaya sikapin nating makamit ang kapahingahang ito. Huwag nating tularan ang mga tao noong una na sumuway sa Dios, at baka hindi natin ito makamtan. 12 Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Dios, at higit na matalas kaysa sa alinmang espadang magkabila ang talim. Tumatagos ito hanggang kaluluwaʼt espiritu, at hanggang sa kasu-kasuan at kaloob-looban ng buto. Nalalaman nito ang pinakamalalim na iniisip at hinahangad ng tao. 13 Walang makapagtatago sa Dios. Nakikita niya at lantad sa paningin niya ang lahat, at sa kanya tayo mananagot.

Si Cristo ang Ating Punong Pari

14 Kaya panghawakan nating mabuti ang pinaniniwalaan natin dahil mayroon tayong dakilang punong pari na pumasok sa kalangitan, na walang iba kundi si Jesus na Anak ng Dios. 15 Nadarama rin ng ating punong pari ang lahat ng kahinaan natin, dahil naranasan din niya ang lahat ng pagsubok na dumarating sa atin, pero hindi siya nagkasala. 16 Kaya huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng maawaing Dios para matanggap natin ang awa at biyayang makakatulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.

Salmo 104:24-35

24 Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon.
    Nilikha nʼyo ang lahat ayon sa inyong karunungan.
    Ang buong mundo ay puno ng inyong nilikha.
25 Ang dagat ay napakalawak,
    at hindi mabilang ang inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit.
26 Ang mga barko ay parooʼt parito sa karagatan,
    at doon din lumalangoy-langoy ang nilikha nʼyong dragon na Leviatan.
27 Lahat ng inyong nilikha ay umaasa sa inyo ng kanilang pagkain, sa oras na kanilang kailanganin.
28 Binibigyan nʼyo sila ng pagkain at kinakain nila ito,
    at silaʼy nabubusog.
29 Ngunit kung pababayaan nʼyo sila, matatakot sila;
    at kapag binawi nʼyo ang kanilang buhay, silaʼy mamamatay at babalik sa lupa.
30 Nalilikha sila kapag binigyan mo ng hininga,
    at sa ganoong paraan, binibigyan nʼyo ng bagong nilalang ang mundo.

31 Panginoon, sana ay magpatuloy ang inyong kaluwalhatian magpakailanman.
    Sanaʼy magalak kayo sa lahat ng inyong nilikha.
32 Nayayanig ang mundo kapag inyong tinitingnan.
    Kapag hinipo nʼyo ang bundok, itoʼy umuusok.

33 Aawit ako sa Panginoon habang nabubuhay.
    Aawit ako ng papuri sa aking Dios habang may hininga.
34 Sanaʼy matuwa siya sa aking pagbubulay-bulay.
    Akoʼy magagalak sa Panginoon.

35 Lipulin sana ang masasama, at ang mga makasalanan sa mundo ay tuluyan nang mawala.
    Pupurihin ko ang Panginoon.

    Purihin ang Panginoon!

Kawikaan 26:27

27 Ang humuhukay ng patibong para mahulog ang iba ay siya rin ang mahuhulog doon. Ang nagpapagulong ng malaking bato para magulungan ang iba ay siya rin ang magugulungan nito.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®