The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
Malapit na ang Katapusan ng Israel
7 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi sa bansang Israel, ‘Ito na ang katapusan ng buong lupain ng Israel. 3 Katapusan na ninyo, dahil ipadarama ko na ang galit ko. Hahatulan ko kayo ayon sa pamumuhay ninyo at pagbabayarin ko na kayo ayon sa lahat ng kasuklam-suklam na ginawa ninyo. 4 Hindi ko na kayo kahahabagan. Hahatulan ko kayo sa inyong pamumuhay at sa inyong kasuklam-suklam na ginawa, para malaman ninyo na ako ang Panginoon.’
5 “Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Darating sa inyo ang sunod-sunod na kapahamakan. 6 Ito na ang wakas! Ang katapusan ninyo, 7 kayong mga nakatira sa lupain ng Israel. Dumating na sa inyo ang kapahamakan. Malapit na ang oras na magkakagulo kayo. Tapos na ang maliligayang araw ninyo sa mga kabundukan. 8 Hindi magtatagal at ipadarama ko na sa inyo ang matindi kong galit. Hahatulan ko kayo ayon sa pamumuhay ninyo, at pagbabayarin ko kayo sa mga kasuklam-suklam na ginawa ninyo. 9 Hindi ko kayo kahahabagan. Pagbabayarin ko kayo ayon sa inyong pamumuhay at sa mga kasuklam-suklam na ginawa ninyo. At ditoʼy malalaman ninyong ako, ang Panginoon, ang nagparusa sa inyo.
10 “Malapit na ang araw ng pagpaparusa. Darating na ang kapahamakan. Sukdulan na ang kasamaan at kayabangan ng mga tao. 11 Ang kalupitan nilaʼy babalik sa kanila bilang parusa sa kasamaan nila. Walang matitira sa kanila, pati ang lahat ng kayamanan nila ay mawawala. 12 Oo, malapit na ang araw ng pagpaparusa. Hindi na ikatutuwa ng mga mamimili ang naitawad nila at hindi na rin malulungkot ang mga naluging nagbebenta, dahil mararanasan ng lahat ang galit ko. 13 Kung may mga nagbebenta mang makakabawi, hindi na sila makakabalik sa pagtitinda dahil ang mga sinabi ko tungkol sa buong bansa ng Israel ay hindi na mababago. Hindi maililigtas ng bawat gumagawa ng kasamaan ang kanyang buhay. 14 Kahit na hipan pa nila ang trumpeta para ihanda ang lahat sa pakikipaglaban, wala ring pupunta sa labanan, dahil mararanasan ng lahat ang galit ko.
15 “Ang sinumang lalabas ng lungsod ay mamamatay sa digmaan. Ang mananatili naman sa loob ng lungsod ay mamamatay sa sakit at gutom. 16 Ang mga makakaligtas sa kamatayan at tatakas papunta sa mga bundok ay iiyak doon na parang huni ng kalapati, dahil sa kani-kanilang kasalanan. 17 Manghihina ang mga kamay nila at mangangatog ang kanilang mga tuhod. 18 Magsusuot sila ng damit na sako at aahitin ang kanilang buhok para ipahayag ang kanilang pagdadalamhati. Takot at kahihiyan ang makikita sa mukha nila. 19 Itatapon nila sa mga lansangan ang mga pilak at ginto nila na parang maruruming bagay. Hindi sila maililigtas ng mga ito sa araw na ipadama ko ang aking poot. Hindi rin nila ito makakain para mabusog sila dahil ito ang dahilan kung bakit sila nagkasala. 20 Ipinagmamalaki nila ang mga naggagandahan nilang hiyas na siyang ginamit nila para gumawa ng mga kasuklam-suklam na dios-diosan. Kaya gagawin kong marumi ang mga bagay na ito para sa kanila. 21 Ipapasamsam ko ito sa masasamang dayuhan at dudungisan nila ito. 22 Pababayaan kong lapastanganin nila at nakawan ang aking templo. Papasukin at lalapastanganin ito ng mga magnanakaw.
23 “Bibihagin ang aking mga mamamayan dahil puro patayan at puno ng kaguluhan ang kanilang lungsod. 24 Ipakakamkam ko sa mga masasamang bansa ang mga bahay nila. Tatapusin ko ang pagmamataas ng kanilang mga makapangyarihang tao,[a] at ipalalapastangan ko ang mga sambahan nila. 25 Darating sa kanila ang takot at maghahanap sila ng kapayapaan pero hindi nila ito matatagpuan. 26 Darating sa kanila ang sunud-sunod na panganib at masasamang balita. Magtatanong sila sa mga propeta, pero wala silang matatanggap na kasagutan. Magpapaturo sila sa mga pari at hihingi ng payo sa mga tagapamahala, pero hindi sila tuturuan at papayuhan. 27 Magdadalamhati ang hari at mawawalan ng pag-asa ang mga tagapamahala niya. Ang mga taoʼy manginginig sa takot. Parurusahan ko sila ayon sa kanilang pamumuhay. Hahatulan ko sila kung paano nila hinatulan ang iba. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”
Ang Pagsamba sa mga Dios-diosan sa Jerusalem
8 Nang ikalimang araw ng ikaanim na buwan, nang ikaanim na taon ng aming pagkabihag, pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoong Dios. Nakaupo ako noon sa bahay ko at nakikipag-usap sa mga tagapamahala ng Juda. 2 May nakita akong parang isang tao. Mula baywang pababa, para siyang apoy at mula naman baywang pataas ay para siyang makintab na metal. 3 Iniunat niya ang kanyang parang kamay at hinawakan ako sa buhok. Pagkatapos, sa pamamagitan ng isang pangitain mula sa Dios, itinaas ako ng Espiritu sa kalawakan at dinala sa Jerusalem, sa bandang hilaga ng pintuan ng bakuran sa loob ng templo, sa kinalalagyan ng dios-diosan na siyang ikinagalit ng Dios. 4 Nakita ko roon ang kapangyarihan ng Dios ng Israel, tulad ng nakita ko sa kapatagan.
5 Pagkatapos, sinabi ng Dios sa akin, “Anak ng tao, tumingin ka sa hilaga.” Tumingin ako at nakita ko sa tapat ng pinto malapit sa altar ang dios-diosan na siyang lubhang nagpagalit sa Dios. 6 Sinabi sa akin ng Dios, “Anak ng tao, nakita mo ba ang ginagawa ng mga mamamayan ng Israel? Nakita mo ba ang kasuklam-suklam na ginagawa nila rito para palayasin ako sa aking templo? Pero may makikita ka pang higit na kasuklam-suklam na bagay.”
7 Pagkatapos, dinala niya ako sa pintuan ng bakuran ng templo at nang tumingin ako, mayroon akong nakitang butas sa pader. 8 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, lakihan mo pa ang butas ng pader.” Pinalaki ko iyon at nakita ko ang isang pintuan. 9 Muli niyang sinabi sa akin, “Pumasok ka at tingnan mo ang mga kasuklam-suklam na bagay na ginagawa nila.” 10 Kaya pumasok ako at nakita kong nakaukit sa buong pader ang lahat ng uri ng hayop na gumagapang, mga hayop na itinuturing na marumi at lahat ng mga dios-diosan ng mga mamamayan ng Israel. 11 Nakatayo roon ang 70 tagapamahala ng Israel at isa sa kanila si Jaazania na anak ni Shafan. Ang bawat isa sa kanilaʼy may hawak na lalagyan ng insenso at ang usok ay pumapaitaas.
12 Sinabi sa akin ng Dios, “Anak ng tao, nakita mo ba kung ano ang lihim na ginagawa ng mga tagapamahala ng Israel? Ang bawat isa sa kanilaʼy nasa silid ng kanyang dios-diosan. Sinasabi nilang hindi na nakatingin sa kanila ang Panginoon at itinakwil na niya ang Israel.”
13 Sinabi pa ng Dios, “Makikita mo pa ang mas kasuklam-suklam nilang ginagawa.” 14 Pagkatapos, dinala niya ako sa pintuan ng templo sa hilaga at nakita ko roon ang mga babaeng nakaupo at umiiyak para sa dios-diosang si Tamuz. 15 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, nakikita mo ba ito? May makikita ka pang mas kasuklam-suklam na bagay kaysa riyan.”
16 Pagkatapos, dinala niya ako sa loob ng bakuran ng templo ng Panginoon. At doon sa pintuan ng templo, sa pagitan ng balkonahe at ng altar ay may 25 tao. Nakatalikod sila sa templo at nakaharap sa silangan at nakayuko na sumasamba sa araw.
17 Pagkatapos, sinabi ng Dios sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba ito? Pangkaraniwan na lang ba sa mga taga-Juda ang paggawa ng kasuklam-suklam na mga bagay dito? Maliban diyan, ginagawa pa nila ang mga karahasan sa buong bansa, kaya lalo pa nila akong ginagalit. Tingnan mo ang mga paglapastangan nila sa akin. 18 Kaya matitikman nila ang galit ko. Hindi ko sila kahahabagan. Kahit sumigaw pa sila sa paghingi ng tulong sa akin, hindi ko sila pakikinggan.”
Pinatay ang mga Sumasamba sa mga Dios-diosan
9 Pagkatapos, narinig ko ang Dios na nagsasalita nang malakas, “Halikayo sa Jerusalem, kayong mga magpaparusa sa lungsod na ito. Dalhin ninyo ang inyong mga sandata.” 2 Pagkatapos, may anim na taong pumasok sa hilagang pintuan ng templo. Lahat silaʼy may dalang sandata. May kasama silang taong nakadamit ng telang linen at may panulat sa baywang. Tumayo sila sa tabi ng tansong altar. 3 Mula pa noon, ang kapangyarihan ng Dios ng Israel ay nasa itaas ng mga kerubin sa loob ng templo, ngayon ay umalis na roon at lumipat sa pintuan ng templo. Pagkatapos, tinawag ng Panginoon ang taong nakadamit ng telang linen at may panulat sa baywang, 4 at sinabi sa kanya, “Libutin mo ang buong lungsod ng Jerusalem at tatakan mo ang noo ng mga taong nagdadalamhati dahil sa mga kasuklam-suklam na mga ginagawa roon.”
5 At narinig ko ring sinabi ng Dios sa iba, “Sundan ninyo siya sa lungsod at patayin ang mga walang tatak sa noo. Huwag kayong maawa sa kanila. 6 Patayin ninyo ang matatanda, mga binataʼt dalaga, mga ina at mga bata, pero huwag ninyong patayin ang mga may tatak sa noo. Magsimula kayo sa aking templo.” Kaya una nilang pinatay ang mga tagapamahala na nasa harapan ng templo.
7 Pagkatapos, sinabi ng Dios sa kanila, “Dumihan ninyo ang templo sa pamamagitan ng pagtatambak ng mga bangkay sa bakuran at pagkatapos ay umalis na kayo.” Umalis sila at pinagpapatay ang mga tao sa buong lungsod. 8 Habang pumapatay sila ng mga tao, naiwan akong nag-iisa. Nagpatirapa ako at tumawag sa Dios, “O Panginoong Dios, papatayin nʼyo bang lahat ang mga natitirang Israelita dahil sa galit ninyo sa Jerusalem?” 9 Sumagot siya sa akin, “Sukdulan na ang kasalanan ng mga mamamayan ng Israel at Juda. Sukdulan na ang patayan sa lungsod at wala nang katarungan. Sinasabi pa nilang, ‘Hindi na tayo pinapansin ng Panginoon, itinakwil na niya ang Israel.’ 10 Kaya hindi ko na sila kahahabagan, sa halip gagawin ko rin sa kanila ang ginawa nila sa iba.”
11 Bumalik sa Panginoon ang taong nakadamit ng telang linen at may panulat sa baywang at sinabi, “Nagawa ko na po ang ipinapagawa ninyo sa akin.”
5 Ang bawat punong pari ay pinili mula sa mga tao upang maglingkod sa Dios para sa kanila. Tungkulin niyang maghandog ng mga kaloob at iba pang mga handog para sa kapatawaran ng mga kasalanan. 2 At dahil tao rin siyang tulad natin na may mga kahinaan, mahinahon siyang nakikitungo sa mga taong hindi nakakaalam na naliligaw sila ng landas. 3 At dahil nagkakasala rin siya, kailangan niyang maghandog, hindi lang para sa kasalanan ng mga tao, kundi para rin sa sarili niyang mga kasalanan. 4 Hindi maaaring makamtan ninuman sa sarili niyang kagustuhan ang karangalan ng pagiging punong pari. Sapagkat ang Dios mismo ang humihirang sa kanya na maging punong pari, tulad ng pagkahirang kay Aaron. 5 Ganoon din naman, hindi si Cristo ang nagparangal sa sarili niya na maging punong pari kundi ang Dios. Sapagkat sinabi sa kanya ng Dios,
“Ikaw ang Anak ko, at ngayon ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.”[a]
6 At sinabi pa ng Dios sa ibang bahagi ng Kasulatan,
“Ikaw ay pari magpakailanman, tulad ng pagkapari ni Melkizedek.”[b]
7 Noong namumuhay pa si Jesus sa mundong ito, umiiyak siyang nananalangin at nagmamakaawa sa Dios na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig naman siya dahil lubos siyang naging masunurin. 8 At kahit Anak siya mismo ng Dios, natutunan niya ang pagiging masunurin sa pamamagitan ng mga pagtitiis na dinanas niya. 9 Naging ganap siya at pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan[c] ng lahat ng sumusunod sa kanya. 10 Kaya itinalaga siya ng Dios na maging punong pari tulad ng pagkapari ni Melkizedek.
Babala sa Pagtalikod sa Dios
11 Marami pa sana kaming sasabihin tungkol sa mga bagay na ito, pero mahirap ipaliwanag dahil mahina ang pang-unawa ninyo. 12 Dapat mga tagapagturo na sana kayo dahil matagal na kayo sa pananampalataya, ngunit hanggang ngayon ay kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin tungkol sa salita ng Dios. Katulad pa rin kayo ng mga sanggol na nangangailangan ng gatas dahil hindi nʼyo pa kaya ang matigas na pagkain. 13 Ang mga nabubuhay sa gatas ay mga sanggol pa at walang muwang kung ano ang mabuti at masama. 14 Ngunit ang matigas na pagkain ay para sa may mga sapat na gulang na, at alam na kung ano ang mabuti at masama.
Ang Dios at ang Kanyang mga Mamamayan(A)
105 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon.
Sambahin nʼyo siya!
Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
2 Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
3 Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
4 Magtiwala kayo sa Panginoon,
at sa kanyang kalakasan.
Palagi kayong dumulog sa kanya.
5-6 Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Dios,
at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,
alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang paghatol.
7 Siya ang Panginoon na ating Dios,
siya ang humahatol sa buong mundo.
8 Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman – ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi
9 – ang pangako niya kay Abraham, gayon din kay Isaac.
10 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,
at magpapatuloy ito magpakailanman.
11 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
“Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan.”
12 Noon ay iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
13 Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
14 Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
15 Sinabi niya,
“Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”
28 Ang sinungaling ay nagagalit sa nabiktima niya ng kasinungalingan, at ang taong nambobola ay ipapahamak ka.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®