Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 16:42-17:24

42 Sa gayon, mapapawi na ang matinding galit ko sa iyo at ang aking panibugho. Hindi na ako magagalit sa iyo.

43 “Kinalimutan mo kung papaano kita inalagaan noong kabataan mo pa. Sa halip, ginalit mo ako sa iyong mga ginawa, kaya paparusahan kita ayon sa iyong mga gawa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. Hindi baʼt sa dami ng mga kasuklam-suklam mong ginawa, nagawa mo pang dagdagan ito ng kalaswaan?

44 “Tingnan mo, may mga taong nagsabi ng kasabihang ito sa iyo: ‘Kung ano ang ina, ganoon din ang anak.’ 45 Talagang pareho kayo ng iyong ina na nagtakwil ng kanyang asawaʼt mga anak. Ang ina mo ay isang Heteo at ang ama mo ay isang Amoreo. 46 Ang nakatatanda mong kapatid na babae ay ang Samaria sa hilaga kasama ang mga anak niyang babae[a] at ang nakababata mong kapatid na babae ay ang Sodom sa timog pati na ang mga anak niyang babae. 47 Sinunod mo ang mga pag-uugali at kasuklam-suklam na gawain nila. At sa loob lang ng maikling panahon ay mas masama pa ang ginawa mo kaysa sa kanila. 48 Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay nagsasabi na ang kapatid mong Sodom at ang mga anak niyang babae ay hindi gumawa ng tulad ng ginawa mo at ng mga anak mong babae. 49 Ang kasalanan ng kapatid mong Sodom ay pagmamataas. Siya at ang mga anak niyang babae ay sagana sa pagkain at maunlad ang buhay, pero hindi sila tumulong sa mahihirap at mga nangangailangan. 50 Sa pagmamataas nila, gumawa sila ng kasuklam-suklam sa paningin ko, kaya pinarusahan ko sila katulad nga ng nakita mo.

51 “Kahit ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati man lang ng mga kasalanan mo. 52 Dapat kang mahiya dahil mas marami kang ginawang kasuklam-suklam kaysa sa mga kapatid mong babae, kaya lumabas pang mas matuwid sila kaysa sa iyo. 53 Pero darating ang araw na muli kong pauunlarin ang Sodom at Samaria, pati na ang mga anak nilang babae. At ikaw ay muli kong pauunlarin kasama nila, 54 para mapahiya ka sa lahat ng ginawa mo, dahil nagmukha pa silang matuwid kaysa sa iyo. 55 Oo, muli kong pauunlarin ang mga kapatid mong babae – ang Sodom at Samaria, ganoon din ang mga anak nilang babae. Ito rin ang mangyayari sa iyo at sa mga anak mong babae. 56 Nilait mo noon ang Sodom noong ikaw ay nagmamataas pa 57 at hindi pa nabubunyag ang iyong kasamaan. Pero ngayon, katulad ka na rin niya. Nilalait ka na rin ng mga taga-Edom at ng mga bansa sa palibot niya, pati na ng mga Filisteo. Kinukutya ka ng mga nakapalibot sa iyo. 58 Dadanasin mo ang parusa dahil sa iyong kahalayan at kasuklam-suklam na gawain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

59 Ito pa ang sinabi ng Panginoong Dios. “Parurusahan kita nang nararapat, dahil binalewala mo ang iyong pangako sa pamamagitan ng pagsira sa kasunduan natin. 60 Pero tutuparin ko pa rin ang kasunduang ginawa ko sa iyo noong kabataan mo pa at gagawa ako sa iyo ng kasunduan na walang hanggan. 61 Sa gayon, maaalala mo ang mga ginawa mo at mapapahiya ka, lalo na kung gagawin ko ang iyong mga kapatid na babae, ang Samaria at Sodom, na iyong mga anak, kahit na hindi sila kasama sa kasunduan natin. 62 Patitibayin ko ang kasunduan ko sa iyo, at malalaman mong ako ang Panginoon. 63 Maaalala mo ang mga kasalanan mo at mahihiya ka, lalo na kapag pinatawad ko na ang lahat ng ginawa mo, hindi ka na makakapagsalita dahil sa sobrang kahihiyan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Talinghaga tungkol sa Agila at sa Halamang Gumagapang

17 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, sabihin mo ang talinghaga na ito sa mga mamamayan ng Israel. Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: May malaking agila na lumipad papuntang Lebanon. Malapad ang pakpak nito at malago ang balahibong sari-sari ang kulay. Dumapo siya sa tuktok ng punong sedro, pinutol ang umuusbong na sanga at dinala sa lupain ng mga mangangalakal at doon itinanim. Pagkatapos, kumuha naman ng binhi ang agila mula sa lupain ng Israel at itinanim sa matabang lupa sa tabi ng ilog at mabilis na tumubo. Tumubo ito na isang mababang halaman na gumagapang. Ang mga sanga nitoʼy gumapang papunta sa agila at ang ugat ay lumalim. Nagsanga pa ito at marami pang umusbong.

“Pero may isa pang malaking agilang dumating Malapad din ang mga pakpak at malago ang balahibo. Ang mga ugat at sanga ng halamang iyon ay gumapang papunta sa agila upang mabigyan ito ng mas maraming tubig kaysa sa lupang tinubuan nito. Ginawa ito ng halaman kahit na nakatanim ito sa matabang lupa na sagana sa tubig para tumubo, mamunga at maging maganda.

“Ngayon, ako, ang Panginoong Dios, ay magtatanong: Patuloy ba itong tutubo? Hindi! Bubunutin ito at kukunin ang mga bunga at pababayaang malanta. Napakadali nitong bunutin, hindi na kinakailangan ng lakas o maraming tao para bunutin ito. 10 Kahit na itanim itong muli sa ibang lugar hindi na ito tutubo? Tuluyan na itong malalanta kapag nahipan na ng mainit na hangin mula sa silangan.”

Ang Kahulugan ng Talinghaga

11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, 12 “Tanungin mo ang mga mapagrebeldeng mamamayan ng Israel kung alam nila ang kahulugan ng talinghagang ito. Sabihin mo na ito ang kahulugan: Pumunta ang hari ng Babilonia sa Jerusalem at binihag ang hari nito at ang mga tagapamahala, at dinala sa Babilonia. 13 Kinuha niya ang isa sa mga anak ng hari ng Juda at gumawa sila ng kasunduan, pinasumpa niya ang anak ng hari na maglilingkod sa kanya. Binihag din niya ang mga marangal na tao ng Juda, 14 upang hindi na makabangong muli ang kahariang ito at hindi na makalaban sa kanya. Ang kahariang ito ay mananatili kung ipagpapatuloy niya ang kanyang kasunduan sa Babilonia. 15 Pero nagrebelde ang hari ng Juda sa hari ng Babilonia. Nagpadala ng mga tao sa Egipto ang hari ng Juda para humingi ng mga kabayo at sundalo. Pero magtatagumpay kaya siya? Makakatakas kaya siyaʼt makakaligtas sa parusa dahil sa pagsira niya sa kasunduan sa Babilonia? 16 Hindi! Sapagkat ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpa na ang hari ng Juda ay siguradong mamamatay sa Babilonia dahil sinira niya ang sinumpaang kasunduan sa hari nito na nagluklok sa kanya sa trono. 17 Hindi siya matutulungan ng Faraon[b] sa digmaan, pati na ang napakarami at makapangyarihang sundalo nito kapag sumalakay na ang mga taga-Babilonia para puksain ang maraming buhay. 18 Sinira ng hari ng Juda ang kasunduang sinumpaan niya sa hari ng Babilonia, kaya hindi siya makakaligtas.

19 “Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang parurusahan ko siya dahil sa pagsira niya sa kasunduang sinumpaan niya sa pangalan ko. 20 Huhulihin ko siya at dadalhin sa Babilonia at dooʼy paparusahan ko siya dahil sa pagtataksil niya sa akin. 21 Mamamatay ang kanyang mga sundalong tumatakas, at ang matitira sa kanila ay mangangalat sa ibaʼt ibang lugar. At malalaman ninyo na akong Panginoon ang nagsabi nito.”

Ang Mabuting Kinabukasan na Ipinangako ng Dios

22-23 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kukuha ako ng usbong sa itaas ng punong sedro at itatanim ko sa ibabaw ng pinakamataas na bundok ng Israel. Lalago ito, magbubunga at magiging magandang punong sedro. Pamumugaran ito ng lahat ng uri ng ibon at sisilong naman ang ibaʼt ibang hayop sa ilalim nito. 24 Sa ganoon, malalaman ng lahat ng mga punongkahoy sa lupa na ako nga ang Panginoong pumuputol ng matataas na punongkahoy. Ako rin ang nagpapatuyo sa mga sariwang punongkahoy at nagpapasariwa ng natutuyong puno. Ako, ang Panginoon, ang nangako nito, at talagang gagawin ko ito.”

Hebreo 8

Si Cristo ang Ating Punong Pari

Ito ang ibig kong sabihin: Mayroon na tayo ngayong punong pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasang Dios sa langit. Naglilingkod siya bilang punong pari sa Pinakabanal na Lugar na hindi tao ang gumawa kundi ang Panginoon mismo. Ang bawat punong pari ay itinalagang mag-alay ng mga handog at kaloob, kaya kailangan na may ihandog din ang punong pari natin. Kung nandito pa siya sa lupa, hindi siya maaaring maging pari dahil mayroon nang mga paring nag-aalay ng mga handog ayon sa Kautusan. Ang pag-aalay na ginagawa nila ay anino lang ng mga bagay na nangyayari roon sa langit. Sapagkat nang itatayo na ni Moises ang Toldang Sambahan, mahigpit siyang pinagbilinan ng Dios, “Kailangang sundin mo ang planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.”[a] Ngunit higit na dakila ang mga gawain ni Jesus bilang punong pari kaysa sa mga gawain ng mga pari, dahil siya ang tagapamagitan ng isang kasunduang higit na mabuti kaysa sa nauna. At nakasalalay ito sa mas mabubuting pangako ng Dios.

Kung walang kakulangan ang unang kasunduan, hindi na sana kailangan pang palitan. Ngunit nakita ng Dios ang pagkukulang ng mga taong sumusunod sa unang kasunduan, kaya sinabi niya,

    “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong kasunduan sa mga taga-Israel at taga-Juda.
Hindi ito katulad ng kasunduang ginawa ko sa mga ninuno nila noong akayin ko sila palabas sa Egipto.
    Hindi nila sinunod ang unang kasunduang ibinigay ko sa kanila, kaya pinabayaan ko sila.”

10 Sinabi pa ng Panginoon,

    “Ito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa mga mamamayan ng Israel pagdating ng araw na iyon:
Itatanim ko sa isipan nila ang mga utos ko, at isusulat ko ang mga ito sa mga puso nila.
    Ako ang magiging Dios nila, at sila naman ang magiging bayan ko.
11 Hindi na nila kailangan pang turuan ang mga kababayan o kapatid nila na kilalanin ang Panginoon.
    Sapagkat kikilalanin nila akong lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila.
12 Sapagkat patatawarin ko ang kasamaan nila at lilimutin ko na ang mga kasalanan nila.”[b]

13 Nang sabihin ng Dios na may bago nang kasunduan, malinaw na pinawalang-bisa na niya ang nauna, at ang anumang wala nang bisa at luma na ay mawawala na lamang.

Salmo 106:13-31

13 Ngunit muli nilang kinalimutan ang kanyang mga ginawa,
    at hindi na nila hinintay ang kanyang mga payo.
14 Doon sa ilang, sinubok nila ang Dios dahil sa labis nilang pananabik sa pagkain.
15 Kaya ibinigay niya sa kanila ang kanilang hinihiling,
    ngunit binigyan din sila ng karamdaman na nagpahina sa kanila.

16 Sa kanilang kampo, nainggit sila kay Moises at kay Aaron na itinalagang maglingkod sa Panginoon.
17 Kaya bumuka ang lupa sa kinaroroonan ni Datan at ni Abiram at ng kanilang sambahayan at silaʼy nilamon.
18 At may apoy pang naging kasunod na tumupok sa kanilang masasamang tagasunod.

19 Doon sa Horeb ay gumawa ang mga taga-Israel ng gintong baka
    at sinamba nila ang dios-diosang ito.
    Itoʼy ginawa nilang dios at kanilang sinamba.
20 Ang kanilang dakilang Dios ay pinalitan nila ng imahen ng toro na kumakain ng damo.
21-22 Kinalimutan nila ang Dios na nagligtas sa kanila at gumawa ng mga kamangha-manghang bagay at himala roon sa Egipto na lupain ng mga lahi ni Ham, at doon sa Dagat na Pula.
23 Nilipol na sana ng Dios ang kanyang mga mamamayan kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod.
    Pinakiusapan ni Moises ang Panginoon na pigilan niya ang kanyang galit upang hindi sila malipol.
24 Tinanggihan nila ang magandang lupain dahil hindi sila naniwala sa pangako ng Dios sa kanila.
25 Nagsipagreklamo sila sa loob ng kanilang mga tolda at hindi sumunod sa Panginoon.
26 Kaya sumumpa ang Panginoon na papatayin niya sila doon sa ilang,
27 at ikakalat ang kanilang mga angkan sa ibang mga bansa at nang doon na sila mamatay.

28 Inihandog nila ang kanilang mga sarili sa dios-diosang si Baal doon sa bundok ng Peor,
    at kumain sila ng mga handog na inialay sa mga patay.
29 Ginalit nila ang Panginoon dahil sa kanilang masasamang gawa,
    kaya dumating sa kanila ang salot.
30 Ngunit namagitan si Finehas,
    kaya tumigil ang salot.
31 Ang ginawang iyon ni Finehas ay ibinilang na matuwid,
    at itoʼy hindi makakalimutan ng mga tao magpakailanman.

Kawikaan 27:7-9

Kahit pulot ay tinatanggihan ng taong busog, ngunit sa taong gutom kahit pagkaing mapait ay matamis para sa kanya.
Ang taong lumayas sa kanyang bahay ay parang ibong lumayas sa kanyang pugad.
Ang langis at pabango ay gaya ng tapat na payo ng isang kaibigan na nagdudulot ng kaligayahan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®