Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 20

Ang mga Rebeldeng Israelita

20 Nang ikasampung araw ng ikalimang buwan, nang ikapitong taon ng aming pagkabihag, may ilang tagapamahala ng Israel na lumapit sa akin para humingi ng payo mula sa Panginoon. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sabihin mo sa mga tagapamahala ng Israel na ako, ang Panginoong Dios ay nagtatanong, ‘Pumarito ba kayo para humingi ng payo sa akin?’ Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi ako magbibigay ng payo sa kanila.

“Anak ng tao, hatulan mo sila. Ipamukha sa kanila ang mga kasuklam-suklam na bagay na ginawa ng mga ninuno nila. Sabihin mo sa kanila na ito ang sinabi ng Panginoong Dios: Nang piliin ko ang Israel na lahi ni Jacob at ipakilala ang sarili ko sa kanila roon sa lupain ng Egipto, sumumpa ako sa kanila na ako ang Panginoon na magiging Dios nila. Isinumpa ko sa kanila na palalayain ko sila sa Egipto at dadalhin sa lupaing pinili ko para sa kanila – isang maganda at masaganang lupain,[a] ang lupaing pinakamaganda sa lahat. Pagkatapos, sinabi ko sa kanila, ‘Itakwil na ninyo ang inyong mga dios-diosan, huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan ng Egipto, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios.’

“Pero nagrebelde sila at hindi nakinig sa akin. Hindi nila itinakwil ang kasuklam-suklam na dios-diosan ng Egipto. Kaya sinabi kong ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila roon sa Egipto. Ngunit hindi ko ito ginawa, dahil ayaw kong malagay sa kahihiyan ang pangalan ko sa mga bansa sa palibot na nakaalam na inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto. 10 Kaya pinalaya ko sila sa Egipto at dinala sa ilang. 11 At dooʼy ibinigay ko sa kanila ang mga utos at mga tuntunin ko na dapat nilang sundin para mabuhay sila. 12 Ipinatupad ko rin sa kanila ang Araw ng Pamamahinga bilang tanda ng aming kasunduan. Magpapaalala ito sa kanila na ako ang Panginoong pumili sa kanila na maging mga mamamayan ko.

13 “Pero nagrebelde pa rin sila sa akin doon sa ilang. Hindi nila sinunod ang mga utos ko at mga tuntunin, na kung susundin nila ay mabubuhay sila. At nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Kaya sinabi kong ibubuhos ko sa kanila ang galit ko at lilipulin ko sila sa ilang. 14 Ngunit hindi ko ito ginawa, dahil ayaw kong malagay sa kahihiyan ang pangalan ko sa mga bansa sa palibot na nakaalam na inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto. 15 Pero isinumpa ko sa kanila roon sa ilang na hindi ko sila dadalhin sa lupaing ibinigay ko sa kanila – ang maganda at masaganang lupain, ang lupaing pinakamaganda sa lahat. 16 Dahil hindi nila sinunod ang mga utos koʼt mga tuntunin at nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Higit nilang pinahalagahan ang pagsamba sa mga dios-diosan nila.

17 “Ngunit sa kabila ng ginawa nila, kinaawaan ko sila at hindi nilipol doon sa ilang. 18 Sinabihan ko ang mga anak nila roon sa ilang, ‘Huwag ninyong tutularan ang mga tuntunin at pag-uugali ng inyong mga magulang at huwag ninyong dudungisan ang sarili ninyo sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan. 19 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Sundin ninyong mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin. 20 Pahalagahan ninyo ang Araw ng Pamamahinga, dahil tanda ito ng kasunduan natin at nagpapaalala sa inyong ako ang Panginoon na inyong Dios.’

21 “Pero nagrebelde rin sa akin ang mga anak nila. Hindi nila sinunod ang mga utos ko at tuntunin, na kapag tinupad nilaʼy mabubuhay sila. At hindi nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Kaya sinabi kong ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila roon sa ilang. 22 Ngunit hindi ko rin ito ginawa, dahil ayaw kong malagay sa kahihiyan ang pangalan ko sa mga bansa sa palibot na nakaalam na inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto. 23 Pero isinumpa ko sa kanila roon sa ilang na pangangalatin ko sila sa ibaʼt ibang bansa, 24 dahil hindi nila sinunod ang mga utos koʼt panuntunan at hindi nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Higit nilang pinahalagahan ang pagsamba sa mga dios-diosan ng kanilang mga magulang. 25 Pinabayaan ko silang sundin ang mga utos at mga tuntuning hindi mabuti at hindi makapagbibigay ng magandang buhay. 26 Pinabayaan ko silang dungisan ang mga sarili nila sa pamamagitan ng paghahandog sa mga dios-diosan pati na ang paghahandog ng kanilang mga panganay na lalaki. Pinayagan ko ito para mangilabot sila at malaman nilang ako ang Panginoon.

27 “Kaya anak ng tao, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel, na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Ang inyong mga ninuno ay patuloy na lumapastangan at nagtakwil sa akin. 28 Sapagkat nang dalhin ko sila sa lupaing ipinangako ko sa kanila, nag-alay sila ng mga handog, mga insenso at mga inumin sa matataas na lugar at malalagong punongkahoy. Kaya nagalit ako sa kanila. 29 Tinanong ko sila, ‘Ano iyang matataas na lugar na pinupuntahan ninyo?’ ” Ang sagot nila, “Bama.”[b] (Hanggang ngayon, Bama ang tawag sa matataas na lugar na iyon).

30 “Sabihin mo ngayon sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: Dudungisan din ba ninyo ang inyong sarili gaya ng ginawa ng inyong mga ninuno at sasamba rin ba kayo sa mga kasuklam-suklam na dios-diosan? 31 Ngayon nga ay dinudumihan ninyo ang inyong sarili sa pamamagitan ng paghahandog sa mga dios-diosan pati na ang paghahandog ninyo ng inyong mga anak na lalaki bilang handog na sinusunog. Kaya mga mamamayan ng Israel, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay hindi magbibigay ng payo sa inyo kahit humingi kayo sa akin.

32 “Hinding-hindi mangyayari ang iniisip ninyo. Hindi kayo magiging katulad ng mga bansa na ang mga mamamayan ay sumasamba sa mga dios-diosang gawa sa bato at kahoy. 33 Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang pamumunuan ko kayo ng may kapangyarihan at poot. 34 Sa pamamagitan ng kapangyarihan ko at poot, kukunin ko kayo mula sa mga bansang pinangalatan ninyo, 35 at dadalhin sa ilang na lugar ng mga bansa. At doon, haharapin ko kayo at hahatulan. 36 Kung hinatulan ko ang inyong mga ninuno sa ilang ng Egipto, hahatulan ko rin kayo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 37 Ibubukod ko ang masasama sa inyo at patitibayin ko ang kasunduan ko sa inyo. 38 Ihihiwalay ko sa inyo ang mga naghimagsik sa akin. Kahit palabasin ko sila sa bansang bumihag sa kanila, hindi pa rin sila makakapasok sa lupain ng Israel. At malalaman ninyong ako nga ang Panginoon!”

39 Sinabi pa ng Panginoong Dios sa mga mamamayan ng Israel, “Sige, magpatuloy kayong maglingkod sa mga dios-diosan kung ayaw ninyong sumunod sa akin. Pero darating ang araw na hindi na ninyo malalapastangan ang pangalan ko sa pamamagitan ng paghahandog sa inyong mga dios-diosan ninyo. 40 Sapagkat doon sa banal kong bundok, sa mataas na bundok ng Israel, ang buong mamamayan ng Israel ay maglilingkod sa akin. Doon ko kayo tatanggapin at hihilingin na mag-alay kayo sa akin ng ibaʼt ibang handog at mabuting mga kaloob. 41 Kapag nakuha ko na kayo mula sa mga bansa kung saan kayo nangalat, tatanggapin ko na kayo katulad ng pagtanggap ko sa mabangong insenso na inihahandog sa akin. Ipapakita ko sa inyo ang kabanalan ko habang nakatingin ang ibang mga bansa. 42 At kapag nadala ko na kayo sa lupain ng Israel na ipinangako kong ibibigay sa inyong mga ninuno, malalaman ninyong ako ang Panginoon. 43 At doon ninyo maaalala ang mga ginawa ninyong nagparumi sa inyong mga sarili at kamumuhian ninyo ang mga sarili ninyo dahil sa lahat ng ginawa ninyong kasamaan. 44 O mga mamamayan ng Israel, malalaman ninyong ako ang Panginoon kapag pinakitunguhan ko kayo ng mabuti, sa kabila ng marumi at masama ninyong ginawa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Mensahe ng Dios Laban sa Timog ng Juda

45 Sinabi sa akin ng Panginoon, 46 “Anak ng tao, humarap ka sa timog at magsalita ka laban sa mga lugar doon na may mga kagubatan. 47 Sabihin mo sa mga lugar na iyon na ako, ang Panginoong Dios, ang magpapaningas at susunog sa mga kagubatan, sariwa man ito o tuyo. Walang makakapatay sa nagliliyab na apoy at susunugin nito ang lahat mula sa hilaga hanggang sa timog. 48 At makikita ng lahat na ako, ang Panginoon, ang sumunog nito at hindi ito mapapatay.

49 “Pagkatapos ay sinabi ko, ‘O Panginoong Dios, sinasabi ng mga tao na nagsasalita lang daw ako ng mga talinghaga.’ ”

Hebreo 9:11-28

11 Ngunit dumating na si Cristo na punong pari ng bagong pamamaraan na higit na mabuti kaysa sa dati. Pumasok siya sa mas dakila at mas ganap na Tolda na hindi gawa ng tao, at wala sa mundong ito. 12 Minsan lang pumasok si Cristo sa Pinakabanal na Lugar. At hindi dugo ng kambing o ng guya[a] ang dala niya kundi ang sarili niyang dugo. At sa pamamagitan ng kanyang dugo, tinubos niya tayo sa mga kasalanan natin magpakailanman. 13 Ayon sa Kautusan, kung itinuturing na marumi ang isang tao, kailangan siyang wisikan ng dugo ng kambing at toro, at ng abo ng guya para maging malinis. 14 Kung nakakalinis ang mga ito, di lalo na ang dugo ni Cristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Banal na Espiritu, inialay ni Cristo ang sarili niya bilang handog na walang kapintasan sa Dios. Ang dugo niya ang lilinis sa ating pusoʼt isipan para matalikuran natin ang mga gawaing walang kabuluhan at paglingkuran ang Dios na buhay.

15 Kaya si Cristo ang ginawang tagapamagitan sa atin at sa Dios sa bagong kasunduan. Sapagkat sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, tinubos niya ang mga taong lumabag sa unang kasunduan. Dahil dito, matatanggap ng mga tinawag ng Dios ang walang hanggang pagpapala na ipinangako niya. 16 Maihahalintulad ito sa isang huling testamento na kailangang mapatunayan na namatay na ang gumawa nito, 17 dahil wala itong bisa habang nabubuhay pa siya. Nagkakabisa lang ang isang testamento kapag namatay na ang gumawa nito. 18 Kaya maging ang unang kasunduan ay kinailangang pagtibayin sa pamamagitan ng dugo. 19 Sapagkat nang ipahayag ni Moises ang Kautusan sa mga tao, kumuha siya ng dugo ng mga guyaʼt kambing, at hinaluan ng tubig. Isinawsaw niya rito ang balahibo ng tupa na kinulayan ng pula na nakatali sa sanga ng isopo. Pagkatapos, winisikan niya ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. 20 At sinabi niya: “Ito ang dugong nagpapatibay sa kasunduang ibinigay at ipinatutupad sa inyo ng Dios.”[b] 21 Winisikan din niya ng dugo ang Toldang Sambahan at ang lahat ng bagay doon na ginagamit sa pagsamba. 22 Ayon sa Kautusan, nililinis sa pamamagitan ng dugo ang halos lahat ng bagay na ginagamit sa pagsamba. At kung walang pagbubuhos ng dugo bilang handog sa Dios, wala ring kapatawaran ng mga kasalanan.

23 Kaya kailangang linisin sa pamamagitan ng ganitong paraan ng paghahandog ang mga bagay sa sambahang ito na larawan lang ng mga bagay na nasa langit. Pero nangangailangan ng mas mabuting handog ang mga bagay na nasa langit. 24 Sapagkat hindi pumasok si Cristo sa isang banal na lugar na gawa ng tao at larawan lang ng mga bagay na nasa langit, kundi sa langit mismo. Siya ngayon ay namamagitan para sa atin sa harap ng Dios. 25 Ang punong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Pinakabanal na Lugar bawat taon, na may dalang dugo ng hayop. Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog ng kanyang sarili, at hindi na niya ito inulit-ulit pa. 26 Dahil kung kailangang ulit-ulitin, maraming beses sanang nagdusa si Cristo mula pa nang likhain ang mundo. Pero minsan lamang siya naparito sa mundo para alisin ang mga kasalanan natin sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang sarili. Ginawa niya ito nitong mga huling araw. 27 Itinakda sa mga tao ang mamatay nang minsan at pagkatapos nitoʼy ang paghuhukom ng Dios. 28 Ganoon din naman, minsan lang namatay si Cristo nang inihandog niya ang kanyang sarili para alisin ang kasalanan ng mga tao. At muli siyang babalik dito sa mundo, hindi na para akuing muli ang kasalanan ng mga tao, kundi para iligtas ang mga taong naghihintay sa kanya.

Salmo 107

Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios

107 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
Sabihin ninyo ito, kayo na iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.
Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga.

May mga taong naglakbay sa ilang;
    hindi nila makita ang daan papuntang lundsod na maaari nilang tirhan.
Silaʼy nagutom at nauhaw at halos mamatay na.
Sa kanilang kahirapan, tumawag sila sa Panginoon,
    at iniligtas niya sila sa kagipitan.
At pinatnubayan niya sila papunta sa lungsod na matitirahan.
Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
Dahil pinaiinom niya ang mga nauuhaw,
    at pinakakain ang mga nagugutom.

10 May mga taong ibinilanggo at kinadenahan na nakaupo sa napakadilim na piitan.
11 Nabilanggo sila dahil nagrebelde sila sa mga sinabi ng Kataas-taasang Dios at hindi sumunod sa kanyang mga payo.
12 Kaya pinahirapan niya sila sa kanilang mabigat na trabaho.
    Nabuwal sila ngunit walang sinumang sumaklolo.
13 Sa kanilang kagipitan, silaʼy tumawag sa Panginoon,
    at silaʼy kanyang iniligtas.
14 Pinutol niya ang kanilang mga kadena
    at silaʼy kinuha niya sa napakadilim na piitan.
15 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
    dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
16 Dahil giniba niya ang mga pintuang tanso
    at binali ang mga rehas na bakal.

17 May mga naging hangal dahil sa kanilang likong pamumuhay,
    at silaʼy naghirap dahil sa kanilang kasalanan.
18 Nawalan sila nang gana sa kahit anong pagkain at malapit nang mamatay.
19 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
    at iniligtas niya sila.
20 Sa kanyang salita silaʼy nagsigaling
    at iniligtas niya sila sa kamatayan.
21 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
    dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
22 Dapat silang mag-alay ng handog ng pasasalamat sa kanya
    at ihayag ang kanyang mga ginawa nang may masayang pag-aawitan.

23 May mga taong sumakay sa mga barko at nagbiyahe sa karagatan, dahil ito ang kanilang hanapbuhay.
24 Nakita nila ang kahanga-hangang mga gawa ng Panginoon sa karagatan.
25 Sa utos ng Panginoon, ang hangin ay lumakas at lumaki ang mga alon.
26 Kaya pumapaitaas ang kanilang barko nang napakataas at pumapailalim.
    At silaʼy nangatakot sa nagbabantang kapahamakan.
27 Silaʼy susuray-suray na parang mga lasing,
    at hindi na alam kung ano ang gagawin.
28 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
    at silaʼy iniligtas niya mula sa kapahamakan.
29 Pinatigil niya ang malakas na hangin at kumalma ang dagat.
30 At nang kumalma ang dagat, silaʼy nagalak,
    at pinatnubayan sila ng Dios hanggang sa makarating sila sa nais nilang daungan.
31 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
    dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
32 Dapat nilang parangalan ang Dios sa kanilang pagtitipon,
    at purihin siya sa pagtitipon ng mga namamahala sa kanila.

33 Nagagawa ng Panginoon ang ilog na maging ilang,
    at ang mga bukal na maging tuyong lupa.
34 Nagagawa rin ng Panginoon na walang maani sa matabang lupa,
    dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Nagagawa rin niya ang ilang na maging tubigan,
    at sa mga tuyong lupain ay magkaroon ng mga bukal.
36 Pinapatira niya roon ang mga taong nagugutom,
    at nagtatayo sila ng lungsod na kanilang tatahanan.
37 Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin at nagtatanim ng ubas,
    kaya sagana sila pagdating ng anihan.
38 Silaʼy pinagpapala ng Dios, at pinararami ang kanilang angkan.
    Kahit ang kanilang mga alagang hayop ay nadadagdagan.

39 Ngunit dahil sa pang-aapi, kahirapan at pagkabagabag, silaʼy nabawasan at napahiya.
40 Isinusumpa ng Dios ang mga umaapi sa kanila,
    at silaʼy ililigaw at gagala sa ilang na walang daan.
41 Ngunit tinulungan niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan,
    at pinarami ang kanilang sambahayan na parang kawan.

42 Nakita ito ng mga matuwid at silaʼy nagalak,
    ngunit tumahimik ang masasama.

43 Ang mga bagay na itoʼy dapat ingatan sa puso ng mga taong marunong,
    at dapat din nilang isipin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon.

Kawikaan 27:11

11 Anak, magpakatalino ka upang ako ay maging maligaya, at para may maisagot ako sa nagpapahiya sa akin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®