The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Babilonia ay Gagamitin ng Panginoon Bilang Espada para Parusahan ang Israel
21 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, humarap ka sa Jerusalem at magsalita ka laban sa Israel at sa mga sambahan nito. 3 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: Kalaban ko kayo! Bubunutin ko ang aking espada at papatayin ko kayong lahat, mabuti man o masama. 4 Oo, papatayin ko kayong lahat mula sa timog hanggang sa hilaga. 5 At malalaman ng lahat na ako ang Panginoon. Binunot ko na ang aking espada at hindi ko ito ibabalik sa lalagyan hanggaʼt hindi natatapos ang pagpatay nito.
6 “Kaya anak ng tao, umiyak ka nang may pagdaramdam at kapaitan. Iparinig sa kanila ang pag-iyak mo. 7 Kapag tinanong ka nila kung bakit ka umiiyak, sabihin mong dahil sa balitang lubhang nakakatakot, nakakapanghina, nakakayanig at nakakahimatay. Hindi magtatagal at mangyayari ito. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
8 Sinabi pa ng Panginoon sa akin, 9-10 “Anak ng tao, sabihin mo ang ipinapasabi ko sa mga tao. Sabihin mong ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito: Hinasa ko na ang espada ko para patayin kayo. Pinakintab ko ito nang husto para kuminang na parang kidlat. Ngayon, matutuwa pa ba kayo? Kukutyain nʼyo pa ba ang mga turo at pagdidisiplina ko sa inyo? 11 Hinasa ko naʼt pinakintab ang espada, at nakahanda na itong gamitin sa pagpatay.
12 “Anak ng tao, umiyak ka nang malakas at dagukan mo ang iyong dibdib dahil ang espadang iyon ang papatay sa mga mamamayan kong Israel, pati na sa kanilang mga pinuno. 13 Isang pagsubok ito sa mga mamamayan ko. Huwag nilang iisipin na hindi ko gagawin ang pagdidisiplinang ito na kinukutya nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 14 Kaya, anak ng tao, sabihin mo ang ipinasasabi ko sa iyo. Isuntok mo ang iyong kamao sa iyong palad sa galit, at kumuha ka ng espada at itaga ito ng dalawa o tatlong ulit. Ito ang tanda na marami sa kanila ang mamamatay sa digmaan. 15 Manginginig sila sa takot at maraming mamamatay sa kanila. Ilalagay ko ang espada sa pintuan ng kanilang lungsod para patayin sila. Kumikislap ito na parang kidlat at handang pumatay. 16 O espada, tumaga ka sa kaliwa at sa kanan. Tumaga ka kahit saan ka humarap. 17 Isusuntok ko rin ang aking kamao sa aking palad, nang sa gayoʼy mapawi ang galit ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
18 Sinabi sa akin ng Panginoon, 19 “Anak ng tao, gumawa ka ng mapa at iguhit mo ang dalawang daan sa mapa na siyang dadaanan ng hari ng Babilonia na may dalang espada. Ang daang iguguhit mo ay magsisimula sa Babilonia. Maglagay ka ng karatula sa kanto ng dalawang daan para malaman kung saan papunta ang bawat daang ito. 20 Ang isa ay papuntang Rabba, ang kabisera ng Ammon at ang isa naman ay papuntang Jerusalem, ang kabisera ng Juda na napapalibutan ng mga pader. 21 Sapagkat tatayo ang hari ng Babilonia sa kanto ng dalawang daan na naghiwalay at aalamin niya kung aling daan ang dadaanan niya sa pamamagitan ng palabunutan ng mga palaso, pagtatanong sa mga dios-diosan, at pagsusuri sa atay ng hayop na inihandog. 22 Ang mabubunot ng kanyang kamay ay ang palasong may tatak na Jerusalem. Kaya sisigaw siya at mag-uutos na salakayin ang Jerusalem at patayin ang mga mamamayan doon. Maglalagay siya ng malalaking troso na pangwasak ng pintuan ng Jerusalem. Tatambakan nila ng lupa ang tabi ng pader ng lungsod para makaakyat sila sa pader. 23 Hindi makapaniwala ang mga taga-Jerusalem na mangyayari ito sa kanila dahil may kasunduan sila sa Babilonia. Pero ipapaalala ng hari ng Babilonia ang tungkol sa kasalanan nila at pagkatapos ay dadalhin silang bihag.
24 “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Ang inyong kasalanan ay nahayag at ipinakita ninyo ang inyong pagiging rebelde at makasalanan. At dahil sa ginagawa ninyong ito, ipapabihag ko kayo.
25 “Ikaw na masama at makasalanang pinuno ng Israel, dumating na rin ang oras ng pagpaparusa sa iyo. 26 Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Alisin mo ang turban at korona mo dahil ngayon, magbabago na ang lahat. Ang mga hamak ay magiging makapangyarihan at ang mga makapangyarihan ay magiging hamak. 27 Wawasakin ko ang Jerusalem! Hindi ito maitatayong muli hanggang sa dumating ang pinili ko na maging hukom nito. Sa kanya ko ito ipagkakatiwala.
28 “At ikaw anak ng tao, sabihin mo sa mga taga-Ammon na humahamak sa mga taga-Israel na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito sa kanila: Ang espada ay handa nang pumatay. Pinakintab ko na ito at kumikislap na parang kidlat. 29 Hindi totoo ang pangitain nila tungkol sa espada. Ang totoo, handang-handa na ang espada sa pagputol ng leeg ng mga taong masama. Dumating na ang oras ng pagpaparusa sa kanila. 30 Ibabalik ko kaya ang espada sa lalagyan nito nang hindi ko kayo napaparusahan? Hindi! Parurusahan ko kayo sa sarili ninyong bansa, sa lugar na kung saan kayo ipinanganak. 31 Ibubuhos ko sa inyo ang matindi kong galit at ibibigay ko kayo sa malulupit na mga tao na bihasang pumatay. 32 Magiging panggatong kayo sa apoy, at ang inyong mga dugo ay mabubuhos sa inyong lupa at hindi na kayo maaalala pa. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang mga Kasalanan ng Jerusalem
22 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, handa ka na bang hatulan ang Jerusalem? Handa ka na bang humatol sa lungsod na ito ng mga kriminal? Ipaalam mo sa kanya ang kasuklam-suklam niyang gawain. 3 Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: O lungsod ng mga kriminal, darating na sa iyo ang kapahamakan. Dinudungisan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga dios-diosan. 4 Mananagot ka dahil sa mga pagpatay mo at dahil dinungisan mo ang iyong sarili sa paggawa ng mga dios-diosan. Dumating na ang wakas mo. Kaya pagtatawanan ka at kukutyain ng mga bansa. 5 O lungsod na sikat sa kasamaan at kaguluhan, kukutyain ka ng mga bansa, malayo man o malapit. 6 Tingnan mo ang mga pinuno ng Israel na nakatira sa iyo, ginagamit nila ang kapangyarihan nila sa mga pagpatay. 7 Hindi na iginagalang ang mga magulang sa iyong lugar. Ang mga dayuhang naninirahan sa lugar moʼy kinikikilan, at ang mga biyuda at mga ulila ay hindi tinatrato nang mabuti. 8 Hindi mo iginagalang ang mga bagay na itinuturing kong banal, pati ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa iyo. 9 May mga tao riyan na nagsisinungaling para ipapatay ang iba. Mayroon ding kumakain ng mga inihandog sa mga dios-diosan sa sambahan sa mga bundok at gumagawa ng malalaswang gawain. 10 Mayroon ding mga tao riyan na sumisiping sa asawa ng kanyang ama o sa babaeng may buwanang dalaw na itinuturing na marumi. 11 Mayroon ding sumisiping sa asawa ng iba, o sa manugang niyang babae, o sa kapatid niyang babae. 12 Ang iba ay nagpapasuhol para pumatay ng tao, ang iba ay nagpapatubo ng labis, at ang iba ay nagiging mayaman dahil mukhang pera. Kinalimutan na nila ako. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 13 Isusuntok ko ang aking kamao sa palad ko sa galit, dahil sa mga pangingikil at mga pagpatay ninyo. 14 Magiging matapang pa rin ba kayo at malakas ang loob sa oras na parusahan ko na kayo? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito: Siguradong paparusahan ko kayo. Tiyak na gagawin ko ito. 15 Pangangalatin ko kayo sa ibaʼt ibang bansa at patitigilin ko ang mga ginagawa ninyo na nagpaparumi sa inyo. 16 Lalapastanganin kayo ng mga taga-ibang bansa at malalaman ninyo na ako ang Panginoon.”
17 Sinabi rin sa akin ng Panginoon, 18 “Anak ng tao, ang mga mamamayan ng Israel ay wala nang halaga sa akin. Tulad sila ng sari-saring latak ng tanso, lata, bakal at tingga na naiwan pagkatapos dalisayin ang pilak sa hurno. 19 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sapagkat wala kayong kabuluhan, titipunin ko kayo sa Jerusalem, 20-21 katulad ng taong nagtitipon ng pilak, tanso, bakal, tingga at lata sa nagniningas na hurno para tunawin. Titipunin ko kayo sa Jerusalem para ibuhos sa inyo ang galit ko at doon ko kayo parurusahan na parang mga metal na tinutunaw. 22 Kung paanong ang pilak ay tinutunaw sa hurno, tutunawin din kayo sa Jerusalem at malalaman ninyo na ako, ang Panginoon, ang nagpadama ng galit ko sa inyo!”
23 Sinabing muli sa akin ng Panginoon, 24 “Anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na dahil ayaw nilang linisin ko sila, hindi ko sila kaaawaan[a] sa araw na ibuhos ko sa kanila ang aking galit. 25 Ang mga pinuno nila ay nagpaplano ng masama. Para silang umaatungal na leon na lumalapa ng kanyang biktima. Pumapatay sila ng tao, kumukuha ng mga kayamanan at mahahalagang bagay, at marami ang naging biyuda dahil sa mga pagpatay nila. 26 Ang mga pari nilaʼy hindi sumusunod sa mga utos ko at nilalapastangan nila ang mga bagay na itinuturing kong banal. Para sa kanila, walang pagkakaiba ang banal at ang hindi banal, ang malinis at ang marumi, at hindi nila sinusunod ang mga ipinapagawa ko sa kanila sa Araw ng Pamamahinga. Hindi nila ako iginagalang. 27 Ang mga pinuno nilaʼy parang mga lobong lumalapa sa mga biktima nito. Pumapatay sila para magkapera. 28 Pinagtatakpan ng kanilang mga propeta ang mga kasalanan nila sa pamamagitan ng mga hindi totoong pangitain at mga hula. Sinasabi nilang iyon daw ang sinabi ng Panginoong Dios kahit na hindi ito sinabi ng Panginoon. 29 Nandaraya at nagnanakaw ang mga tao. Inaapi nila ang mahihirap, ang mga nangangailangan at ang mga dayuhang naninirahang kasama nila. Hindi nila binibigyan ng katarungan ang mga ito.
30 “Naghahanap ako ng taong makapagtatanggol ng lungsod, at mamamagitan sa akin at sa mga tao para hindi ko gibain ang lungsod na ito, pero wala akong nakita. 31 Kaya ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila. Lilipulin ko sila dahil sa ginawa nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
10 Ang Kautusan ay anino lang ng mabubuting bagay na darating. Kailanman ay hindi ito nakakapagpabanal sa mga taong lumalapit sa Dios sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay nila taun-taon. 2 Dahil kung napatawad na sila sa pamamagitan ng mga handog, hindi na sana sila uusigin ng kanilang budhi, at hindi na nila kailangang maghandog pa. 3 Ngunit ang paghahandog na ginagawa nila taun-taon ay siya pang nagpapaalala sa mga kasalanan nila, 4 dahil hindi makapag-aalis ng kasalanan ang dugo ng mga toro at kambing na inihahandog nila. 5 Kaya nga, nang dumating si Jesus dito sa mundo, sinabi niya sa kanyang Ama,
“Hindi mo nagustuhan ang mga handog at kaloob ng mga tao,
kaya binigyan mo ako ng katawan na ihahandog ko.
6 Hindi ka nasiyahan sa mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis.
7 Kaya sinabi ko sa iyo, ‘Narito ako para tuparin ang kalooban mo, O Dios, ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.’ ”[a]
8 Una, sinabi ni Cristo na hindi nagustuhan ng Dios ang mga handog at kaloob, at hindi siya nasiyahan sa mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis kahit na ipinapatupad ito ng Kautusan. 9 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang Ama, “Nandito ako para sundin ang kalooban mo.” Kaya inalis ng Dios ang dating paraan ng paghahandog upang palitan ng paghahandog ni Cristo. 10 At dahil sinunod ni Jesu-Cristo ang kalooban ng Dios, nilinis niya tayo sa mga kasalanan natin sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng sarili niya.
11 Naglilingkod ang mga pari araw-araw, at paulit-ulit na nag-aalay ng ganoon ding mga handog, na hindi naman nakapag-aalis ng kasalanan. 12 Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa ating mga kasalanan, at hindi na ito mauulit kailanman. Pagkatapos nito, umupo na siya sa kanan ng Dios. 13 At hinihintay na lang niya ngayon ang panahong pasukuin sa kanya ng Dios ang mga kaaway niya. 14 Kaya sa pamamagitan lang ng minsang paghahandog, ginawa niyang ganap magpakailanman ang mga pinabanal[b] niya.
15 Ang Banal na Espiritu mismo ang nagpapatotoo tungkol dito. Sapagkat sinabi niya,
16 “ ‘Ganito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa kanila sa darating na panahon,’ sabi ng Panginoon:
‘Ilalagay ko ang aking mga utos sa puso nila at itatanim ko ang mga ito sa kanilang isipan.’ ”[c]
17 Dagdag pa niya, “Tuluyan ko nang lilimutin ang mga kasalanan at kasamaan nila.”[d]
Panalangin para Tulungan ng Dios(A)
108 O Dios, lubusan akong nagtitiwala sa inyo.
Buong puso kitang aawitan ng mga papuri.
2 Gigising ako ng maaga
at ihahanda ko ang alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
3 Panginoon, pupurihin kita sa gitna ng mga bansa.
Akoʼy aawit para sa inyo sa gitna ng inyong mga mamamayan.
4 Dahil napakadakila at walang kapantay ang pag-ibig nʼyo at katapatan.
5 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
6 Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Pakinggan nʼyo kami,
upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
7 O Dios, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
“Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang Lambak ng Sucot,
para ipamigay sa aking mga mamamayan.
8 Sa akin ang Gilead at Manase,
ang Efraim ay gagawin kong tanggulan[a]
at ang Juda ang aking tagapamahala.[b]
9 Ang Moab ang aking utusan[c] at ang Edom ay sa akin din.[d]
Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”
10 Sinong magdadala sa akin sa Edom
at sa lungsod nito na napapalibutan ng pader?
11 Sino na ang makakatulong, O Dios, ngayong itinakwil nʼyo na kami?
Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
12 Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Sa tulong nʼyo, O Dios,
kami ay magtatagumpay
dahil tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.
12 Ang taong marunong ay umiiwas sa paparating na panganib, ngunit ang taong hangal ay sumusuong sa panganib, kaya siya ay napapahamak.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®