Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 27-28

Ang Panaghoy tungkol sa Tyre

27 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, managhoy ka para sa Tyre, ang lungsod na daungan ng mga barko[a] na sentro ng kalakalan ng mga taong nakatira malapit sa dagat. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: ‘Ipinagmamalaki mo Tyre, ang iyong kagandahan at sinasabi mong wala kang kapintasan. Pinalawak mo ang nasasakupan mo sa karagatan. Talagang pinaganda ka ng mga nagtayo sa iyo. Tulad ka ng isang malaking barko na gawa sa kahoy na abeto mula sa Senir. Ang palo moʼy yari sa kahoy na sedro mula sa Lebanon. Ang mga sagwan moʼy yari sa kahoy na ensina mula sa Bashan. At ang sahig moʼy gawa sa mga kahoy na galing pa sa isla[b] ng Cyprus[c] na may disenyong gawa sa pangil ng elepante. Ang layag moʼy gawa sa binurdahan na telang linen na mula pa sa Egipto at parang bandila kapag tiningnan. Ang iyong tolda ay kulay asul at ube na mula sa tabing-dagat ng Elisha. Mga taga-Sidon at Arbad ang tagasagwan mo at ang mga bihasang tripulante ay nanggaling mismo sa sarili mong tauhan. Ang mga bihasang karpintero na mula sa Gebal ang taga-ayos ng iyong mga sira. Pumupunta sa iyo ang mga tripulante ng ibang mga sasakyan at nakikipagkalakalan. 10 Ang mga sundalo mo ay mga taga-Persia, Lydia at Put. Isinasabit nila ang mga kalasag nila at helmet sa dingding mo na nagbibigay ng karangalan sa iyo. 11 Mga taga-Arbad at taga-Helek ang nagbabantay sa palibot ng iyong mga pader. At ang mga taga-Gammad ang nagbabantay ng iyong mga tore. Isinasabit nila ang kanilang mga kalasag at mga helmet sa dingding mo, at nagbibigay din ito ng karangalan sa iyo.

12 “ ‘Nakipagkalakalan sa iyo ang Tarshish dahil sagana ka sa kayamanan. Ang ibinayad nila sa iyo ay pilak, bakal, lata at tingga. 13 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Grecia,[d] Tubal at Meshec, at ang ibinayad nila sa iyo ay mga alipin at mga gamit na yari sa tanso. 14 Ang ibinayad naman sa iyo ng mga taga-Bet Togarma ay mga kabayong pantrabaho at mga molang pandigma.

15 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Dedan[e] at marami kang suki sa mga lugar sa tabing-dagat. At ang ibinayad nila ay mga pangil ng elepante at maiitim at matitigas na kahoy.

16 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang Syria dahil sa marami kang produkto. At ang ibinayad nila sa iyo ay batong turkois, telang kulay ube, telang linen, mga binurdahang tela, mga koral at batong rubi.

17 “ ‘Nakipagkalakalan din ang Juda at Israel at ang ibinayad nila sa iyo ay trigo mula sa Minit, igos, pulot, langis, at gamot na ipinapahid.

18 “ ‘Nakipagkalakalan din ang Damascus sa iyo dahil sa napakarami mong kayamanan at produkto. At ang ibinayad nila sa iyo ay alak mula sa Helbon at puting telang lana mula sa Zahar. 19 Nakipagkalakalan din ang mga taga-Dan at taga-Javan na mula sa Uzal at ang ibinayad nila sa iyo ay mga bakal at mga sangkap.

20 “ ‘Ang ibinayad naman sa iyo ng mga taga-Dedan ay mga telang panapin sa likuran ng mga sinasakyang hayop.

21 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Arabia at lahat ng pinuno sa Kedar. At ang ibinayad nila sa iyo ay mga tupa at kambing.

22 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga mangangalakal ng Sheba at Raama, at ang ibinayad nila sa iyo ay lahat ng klase ng pinakamainam na sangkap, mga mamahaling bato at ginto.

23 “ ‘Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Heran, Cane, Eden at Sheba, maging ang mga mangangalakal ng Ashur at Kilmad. 24 At ang ibinayad nila sa iyo ay mga mamahaling damit, mga asul na tela, mga telang may burda at mga karpet na maayos ang pagkakatahi na may ibaʼt ibang kulay.

25 “ ‘Ang mga barko ng Tarshish ang nagdadala ng mga produkto mo. Tulad ka ng isang barkong punong-puno ng karga habang naglalakbay sa pusod ng karagatan. 26 Pero dadalhin ka ng mga tagasagwan mo sa gitna ng karagatan, at wawasakin ka ng malakas na hangin mula sa silangan. 27 Ang mga kayamanan moʼt produkto, mga tripulante, tagasagwan at mga karpintero, maging ang mga mangangalakal at lahat ng sundalo, ay lulubog sa gitna ng laot sa oras na mawasak ka.

28 “ ‘Manginginig sa takot ang mga nakatira sa tabing-dagat kapag narinig nila ang sigawan ng mga nalulunod. 29 Iiwan ng mga tagasagwan, mga tripulante at mga opisyal ng barko ang kanilang mga sasakyan at tatayo sa tabing-dagat. 30 Iiyak sila ng buong pait, maglalagay ng alikabok sa ulo at gugulong sa abo para ipakita ang kanilang pagdadalamhati. 31 Magpapakalbo sila at magdadamit ng sako habang umiiyak sa labis na kapighatian 32 Sa pagdadalamhati nilaʼy tataghoy sila ng ganito: O Tyre, may iba pa bang tulad mo na lumubog sa gitna ng karagatan? 33 Naglayag kang dala ang mga kalakal mo at maraming bansa ang natuwa sa napakarami mong kayamanan. Pinayaman mo ang mga hari sa mundo sa pamamagitan ng iyong mga produkto. 34 Pero ngayon, wasak ka na at lumubog na sa gitna ng karagatan, pati ang mga kalakal moʼt tripulante. 35 Ang lahat ng nakatira sa mga tabing-dagat ay nagulat sa nangyari sa iyo. Natakot ang mga hari nila at kitang-kita ito sa kanilang mga mukha. 36 Hindi makapaniwala ang mga mangangalakal ng mga bansa sa sinapit mo. Nakakatakot ang naging wakas mo, at lubusan ka nang mawawala.’ ”

Ang Mensahe Laban sa Hari ng Tyre

28 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tyre na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Sa pagmamataas moʼy sinasabi mo na isa kang dios na nakaupo sa trono sa gitna ng karagatan. Pero ang totoo, kahit na ang tingin mo sa iyong sarili ay marunong katulad ng isang dios, tao ka lang at hindi dios. Iniisip mong mas marunong ka pa kaysa kay Daniel at walang lihim na hindi mo nalalaman. Sa pamamagitan ng iyong karunungan at pang-unawa ay yumaman ka, at nakapag-imbak ng mga ginto at pilak sa iyong taguan. Dahil magaling ka sa pangangalakal, lalo pang nadagdagan ang kayamanan mo at dahil ditoʼy naging mapagmataas ka. Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, dahil ang tingin mo sa sarili ay isa kang dios, ipapalusob kita sa mga dayuhan, sa pinakamalulupit na bansa. Wawasakin nila ang naggagandahang ari-ariang nakuha mo sa pamamagitan ng iyong karunungan. At mawawala ang karangalan mo. Masaklap ang magiging kamatayan mo, at ihahagis ka nila sa kailaliman ng karagatan. Masasabi mo pa kayang isa kang dios, sa harap ng mga papatay sa iyo? Para sa kanila, tao ka lang at hindi dios. 10 Kaya mamamatay ka ng tulad ng kamatayan ng mga taong hindi naniniwala sa akin,[f] sa kamay ng mga dayuhan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

11 May sinabi pa ang Panginoon sa akin, 12 “Anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Tyre. Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Noon, larawan ka ng isang walang kapintasan, puspos ng kaalaman at kagandahan. 13 Nasa Eden ka pa noon, sa halamanan ng Dios. Napapalamutian ka ng sari-saring mamahaling bato gaya ng rubi, topaz, esmeralda, krisolito, onix, jasper, safiro, turkois at beril. Napapalamutian ka rin ng ginto na inihanda para sa iyo noong araw ng kapanganakan mo. 14 Hinirang kita bilang kerubin na magbabantay sa banal kong bundok. Lumalakad ka sa gitna ng nagniningning[g] na bato. 15 Walang maipipintas sa pamumuhay mo mula pa nang isinilang ka hanggang sa maisipan mong gumawa ng masama. 16 Ang pag-unlad mo sa pangangalakal ang naging dahilan ng pagmamalupit mo at pagkakasala. Kaya pinalayas kita sa aking banal na bundok; pinaalis kita mula sa nagniningning na mga bato. 17 Naging mayabang ka dahil sa kagandahan mo, at ang karunungan moʼy ginamit mo sa paggawa ng masama para maging sikat ka. Ito ang dahilan kung bakit ibinagsak kita sa lupa sa harap ng mga hari, upang magsilbing babala sa kanila. 18 Dahil sa napakarami mong kasalanan at pandaraya sa pangangalakal, dinungisan mo ang mga lugar kung saan ka sumasamba. Kaya sa harap ng mga nakatingin sa iyo, sinunog ko ang lugar mo at nasunog ka hanggang sa maging abo sa lupa. 19 At ang lahat ng mga nakakakilala sa iyo ay nagulat sa sinapit mo. Nakakatakot ang naging wakas mo, at lubusan ka nang mawawala.”

Ang Mensahe Laban sa Sidon

20 Sinabi sa akin ng Panginoon, 21 “Anak ng tao, humarap ka sa Sidon at sabihin mo ito laban sa kanya. 22 Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sidon, kalaban kita. Pupurihin ako ng mga tao sa oras na parusahan kita, at malalaman nila na ako ang Panginoon. Sa ganitong paraan malalaman mo kung gaano ako kabanal. 23 Padadalhan kita ng mga salot at dadanak ang dugo sa mga lansangan mo. Kabi-kabila ang sasalakay sa iyo, maraming mamamatay sa mga mamamayan mo. At malalaman nila na ako ang Panginoon.

24 “At mawawala na ang mga kalapit-bansa ng Israel na nangungutya sa kanila, na parang mga tinik na sumusugat sa kanilang damdamin. At malalaman nilang ako ang Panginoong Dios.”

25 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Titipunin ko na ang mga mamamayan ng Israel mula sa mga bansang pinangalatan nila. Sa pamamagitan ng gagawin kong ito, maipapakita ko ang aking kabanalan sa mga bansa. Titira na sila sa sarili nilang lupain, ang lupaing ibinigay ko sa aking lingkod na si Jacob. 26 Ligtas silang maninirahan doon. Magtatayo sila ng mga bahay at magtatanim ng mga ubas. Wala nang manggugulo sa kanila kapag naparusahan ko na ang lahat ng kalapit nilang bansa na kumukutya sa kanila. At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Dios.”

Hebreo 11:17-31

17-18 Dahil sa pananampalataya, handang ihandog ni Abraham ang kaisa-isa niyang anak na si Isaac nang subukin siya ng Dios. Kahit na alam niyang si Isaac ang ipinangako ng Dios na pagmumulan ng kanyang lahi, handa pa rin niya itong ialay.[a] 19 Sapagkat nanalig si Abraham na kung mamamatay si Isaac, muli siyang bubuhayin ng Dios. At ganoon nga ang nangyari – parang bumalik sa kanya si Isaac mula sa kamatayan.

20 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau para maging mabuti ang hinaharap nila.

21 Dahil sa pananampalataya, binasbasan ni Jacob ang mga anak ni Jose bago siya namatay. At sumamba siya sa Dios habang nakatukod sa kanyang tungkod.

22 Dahil sa pananampalataya, sinabi ni Jose nang malapit na siyang mamatay na aalis ang mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin niyang dalhin nila ang mga buto niya kapag umalis na sila.

23 Dahil sa pananampalataya, hindi natakot sumuway ang mga magulang ni Moises sa utos ng hari. Sapagkat nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.

24 Dahil sa pananampalataya, nang malaki na si Moises ay tumanggi siyang tawaging anak ng prinsesa ng Egipto. 25 Mas ginusto niyang makibahagi sa paghihirap na dinaranas ng mga taong sakop ng Dios kaysa lasapin ang mga panandaliang kaligayahan na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang mas mahalaga ang maalipusta para kay Cristo kaysa sa mga kayamanan ng Egipto, dahil inaasam niya ang gantimpalang matatanggap niya.

27 Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Moises ang Egipto at hindi siya natakot kahit na magalit ang hari sa kanya. Nanindigan siya dahil parang nakita niya ang Dios na hindi nakikita. 28 Dahil sa pananampalataya niya, sinimulan niya ang pagdaraos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Inutusan niya ang mga Israelita na pahiran ng dugo ng tupa ang mga pintuan nila, para maligtas ang mga panganay nila sa anghel na papatay sa mga panganay ng mga Egipcio.

29 Dahil sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang dumadaan sa tuyong lupa. Pero nang sinubukang tumawid ng mga humahabol na Egipcio, nalunod sila.

30 Dahil sa pananampalataya, gumuho ang mga pader ng Jerico matapos itong ikutan ng mga Israelita sa loob ng pitong araw.

31 Dahil sa pananampalataya, tinulungan ni Rahab na babaeng bayaran ang mga espiya at hindi siya pinatay kasama ng mga kababayan niyang suwail sa Dios.

Salmo 111

Pagpupuri sa Dios

111 Purihin ang Panginoon!
    Buong puso kong pasasalamatan ang Panginoon sa pagtitipon ng mga matuwid.
Napakadakila ng mga gawa ng Panginoon;
    iniisip ito ng lahat ng nagagalak sa kanyang mga gawa.
Ang lahat ng kanyang mga gawa ay nagpapakita ng kanyang kapangyarihan at karangalan.
    At ang kanyang katuwiran ay nagpapatuloy magpakailanman.
Ipinaaalala niya ang kanyang mga kahanga-hangang gawa.
    Siya ay mapagbiyaya at mahabagin.
Binibigyan niya ng pagkain ang mga may takot sa kanya,
    at ang kanyang kasunduan sa kanila ay hindi niya kinakalimutan.
Ipinakita niya sa kanyang mga mamamayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
    sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga lupain ng ibang mga bansa.
Tapat at matuwid ang lahat niyang ginagawa,
    at mapagkakatiwalaan ang lahat niyang mga utos.
Ang kanyang mga utos ay mananatili magpakailanman,
    at itoʼy ibinigay niya nang buong katapatan at ayon sa katuwiran.
Tinubos niya ang kanyang mga mamamayan,
    at gumawa siya ng kasunduan na pangwalang hanggan.
    Banal siya at kahanga-hanga.

10 Ang pagkatakot sa Panginoon ang pinagmumulan ng karunungan.
    Lahat ng sumusunod sa kanyang mga utos ay may mabuting pang-unawa.
    Purihin siya magpakailanman.

Kawikaan 27:15-16

15 Ang asawang bungangera ay parang tumutulong bubungan sa panahon ng tag-ulan.
16 Hindi siya mapatigil, tulad ng hanging hindi mapigilan o kaya ng langis na hindi mahawakan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®