Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 35-36

Ang Mensahe Laban sa Edom

35 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, humarap ka sa Bundok ng Seir[a] at sabihin mo ito laban sa mga mamamayan niya. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kalaban ko kayo, mga taga-bundok ng Seir. Parurusahan ko kayo at magiging mapanglaw ang inyong lugar. Magigiba at magiging mapanglaw ang mga bayan ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon. Matagal na kayong galit sa Israel, at pinabayaan lang ninyo silang salakayin sa panahon ng kanilang kagipitan, ang panahon na pinarurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Kaya ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang ipapapatay ko kayo kahit saan kayo pumunta. Hahabulin kayo ng mamamatay-tao dahil pumatay din kayo. Gagawin kong mapanglaw ang bundok ng Seir at papatayin ko ang lahat ng dumadaan dito. Ang mga namatay sa inyo sa digmaan ay kakalat sa mga kabundukan, kaburulan, lambak at sa mga daluyan ng tubig. Gagawin kong mapanglaw ang lugar ninyo magpakailanman. Wala nang titira sa mga bayan ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.

10 “Sinasabi ninyo na ang Juda at ang Israel ay magiging inyo, at aangkinin ninyo ito kahit ako, ang Panginoon, ay kasama nila. 11 Kaya ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang gagantihan ko kayo sa inyong galit, inggit at poot, na ipinadama ninyo sa mga mamamayan ko. Kaya malalaman ninyong ako ang Panginoon habang pinarurusahan ko kayo. 12 Sa ganitong paraan, malalaman din ninyong ako ang Panginoon na nakaririnig ng lahat ng paglapastangan ninyo sa mga bundok ng Israel. Sapagkat sinasabi ninyong, ‘Wasak na ito, sakupin na natin!’ 13 Nagmalaki kayo sa akin. Kinutya nʼyo ako at narinig ko ito.

14 “Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing magagalak ang buong mundo, kapag ginawa kong mapanglaw ang lugar ninyo, 15 dahil natuwa kayo nang naging mapanglaw ang lupaing ipinamana ko sa mga mamamayan ng Israel. Kaya ito rin ang mangyayari sa inyo. Magiging mapanglaw ang bundok ng Seir at ang buong lupain ng Edom. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.”

Ang Mensahe para sa mga Bundok ng Israel

36 Sinabi ng Panginoon, “Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bundok ng Israel. Sabihin mo sa kanila, ‘O mga bundok ng Israel, makinig kayo sa sinasabi ng Panginoon. Ito ang sinabi ng Panginoong Dios: Sinabi ng mga kalaban ninyo na sa kanila na ang mga bundok ninyo.’

“Kaya anak ng tao, sabihin mo sa mga bundok ng Israel na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Sinalakay kayo ng mga bansa mula sa ibaʼt ibang dako at sila ngayon ang nagmamay-ari sa inyo. Kinutya nila kayo at inilagay sa kahihiyan. 4-5 Kaya kayong mga bundok, burol, mga daluyan ng tubig, lambak, mga gibang lugar at mapanglaw na bayan na sinalakay at kinutya ng mga bansa sa palibot ninyo, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, lubha akong nagagalit sa mga bansang iyon, lalung-lalo na sa Edom. Sinakop nila ang aking lupain nang may katuwaan at pangungutya, dahil talagang gusto nilang mapunta sa kanila ang mga pastulan nito.

“Kaya anak ng tao, magsalita ka tungkol sa Israel. Sabihin mo sa mga bundok, burol, daluyan ng tubig at lambak, na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Tiniis ninyo ang pangungutya ng mga bansa sa palibot ninyo. Kaya dahil sa matindi kong galit, ako, ang Panginoong Dios ay sumusumpang mapapahiya rin ang mga bansang iyon. Ngunit kayong mga bundok ng Israel, tutubuan kayo ng mga punongkahoy na mamumunga para sa mga mamamayan kong Israel, dahil malapit na silang umuwi. Makinig kayo! Aalagaan ko kayo. Bubungkalin at tataniman ko ang mga lupa ninyo. 10 Pararamihin ko kayo, kayong mga mamamayan ng Israel. Muling itatayo at titirhan ang mga nawasak ninyong mga bayan. 11 Pararamihin ko ang mga tao at mga hayop sa inyo. Patitirahin ko silang muli sa lupain ninyo katulad noon at pauunlarin ko kayo ng higit pa kaysa sa dati, at malalaman ninyong ako ang Panginoon. 12 Ibabalik ko ang mga mamamayan kong Israel sa inyo. Sila ang magmamay-ari sa inyo, at hindi nʼyo na muling kukunin ang mga anak nila.”

13 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Sinasabi ng mga tao sa inyo na nilalapa ninyo ang inyong mga mamamayan at inuulila ninyo sa kabataan ang inyong bansa. 14 Pero mula ngayon, hindi na ninyo lalapain ang inyong mga mamamayan at hindi na ninyo uulilain sa kabataan ang inyong bansa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 15 Hindi ko na papayagang kutyain o hiyain kayo ng ibang mga bansa. At hindi ko na rin papayagang mawasak ang bansa ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

16 Sinabi pa ng Panginoon sa akin, 17 “Anak ng tao, noong ang mga Israelita ay nakatira pa sa lupain nila, dinungisan nila ito sa pamamagitan ng masasama nilang ugali at pamumuhay. Sa aking paningin, ang kanilang uri ng pamumuhay ay kasindumi ng babaeng may buwanang dalaw. 18 Kaya ibinuhos ko sa kanila ang galit ko, dahil sa mga pagpatay nila roon sa lupain ng Israel, at dahil sa pagsamba nila sa mga dios-diosan na siyang nagparumi sa lupaing ito. 19 Pinangalat ko sila sa ibang mga bansa. Ginawa ko sa kanila ang nararapat ayon sa mga ugali at pamumuhay nila. 20 At kahit saanmang bansa sila pumunta ay ipinapahiya nila ang banal kong pangalan. Sapagkat sinasabi ng mga tao, ‘Sila ang mga mamamayan ng Panginoon, pero pinaalis niya sila sa kanilang lupain.’ 21 Nag-alala ako sa aking banal na pangalan na inilagay ng mga mamamayan ng Israel sa kahihiyan saang bansa man sila pumunta. 22 Kaya sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoong Dios, ako ang nagsasabi, ‘O mga mamamayan ng Israel, pinababalik ko na kayo sa lupain ninyo, hindi dahil karapat-dapat kayong pabalikin, kundi dahil sa banal kong pangalan na nilalapastangan dahil sa inyo, saan mang bansa kayo mapunta. 23 Ipapakita ko ang kabanalan ng marangal kong pangalan sa mga bansa kung saan nilapastangan ninyo ito. At malalaman ng mga bansang iyon na ako ang Panginoon kapag ipinakita ko sa kanila ang aking kabanalan sa pamamagitan ng gagawin ko sa inyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 24 Sapagkat kukunin ko kayo sa ibaʼt ibang bansa at pababalikin ko kayo sa sarili ninyong lupain. 25 Wiwisikan ko kayo ng malinis na tubig nang maging malinis kayo sa lahat ng karumihan ninyo at hindi na kayo sasamba sa mga dios-diosan. 26 Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. At ang matitigas ninyong puso ay magiging pusong masunurin. 27 Ibibigay ko rin sa inyo ang aking Espiritu para maingat ninyong masunod ang mga utos koʼt mga tuntunin. 28 Titira kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Magiging mga mamamayan ko kayo at magiging Dios ninyo ako. 29 Lilinisin ko kayo sa lahat ng karumihan ninyo. Bibigyan ko kayo ng napakaraming butil at hindi na kayo magugutom. 30 Pagbubungahin ko ng marami ang mga punongkahoy ninyo at pasasaganain ang mga ani ninyo para hindi na kayo hamakin ng mga taga-ibang bansa dahil sa dinanas ninyong gutom. 31 At maaalala ninyo ang inyong masasamang ugali at pamumuhay. Kasusuklaman ninyo ang inyong mga sarili dahil sa inyong mga kasalanan at kasuklam-suklam na ginawa. 32 Ngunit mga mamamayan ng Israel, gusto kong malaman ninyo na ang lahat ng itoʼy ginagawa ko hindi dahil sa inyo. Dapat ninyong ikahiya ang masasama ninyong pag-uugali. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.’ ”

33 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kapag nalinis ko na kayo sa lahat ng kasalanan ninyo, patitirahin ko kayong muli sa lungsod ninyo, at muli ninyong itatayo ang mga bayan na nawasak. 34 Ang mga lupaing walang pakinabang noon ay bubungkalin na ngayon. At ang lahat ng makakakita nito 35 ay magsasabi, ‘Ang lupaing walang pakinabang noon, ngayon ay parang hardin na ng Eden. Ang mga lungsod na giba at mapanglaw noon, ngayon ay tinitirhan at napapaderan na.’ 36 At malalaman ng mga bansang nakatira sa palibot ninyo na ako ang Panginoong nagtayo ng mga nawasak at nagtanim sa mga ilang na lupain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito, at gagawin ko ito.”

37-38 Patuloy pang sinabi ng Panginoong Dios, “Pakikinggan kong muli ang mga kahilingan ng mga mamamayan ng Israel, at ito pa ang gagawin ko sa kanila. Pararamihin ko sila na kasindami ng mga tupa na inihahandog sa Jerusalem sa panahon ng pista. Kaya ang mga nawasak na lungsod ay titirhan na ng maraming tao. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Santiago 1:1-18

Mula kay Santiago na lingkod[a] ng Dios at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Mahal kong mga mananampalataya na nagsipangalat saan man sa mundo.[b]

Ang Pananampalataya at Karunungan

Mga kapatid, magalak kayo sa tuwing dumaranas kayo ng mga pagsubok. Sapagkat alam ninyong nagdudulot ito ng katatagan sa inyong pananampalataya. Kaya tiisin ninyo ang mga pagsubok upang maging ganap at walang anumang pagkukulang ang buhay nʼyo. Kung mayroon mang nagkukulang sa inyo sa karunungan, humingi siya sa Dios at ibibigay ito sa kanya nang walang pagmamaramot at panunumbat. Ngunit dapat magtiwala ang humihingi at huwag magduda, dahil ang taong nagdududa ay katulad ng alon sa dagat na tinatangay at pinapadpad ng hangin. Ang ganitong tao ay hindi dapat umasa na may matatanggap mula sa Panginoon dahil nagdadalawang-isip siya at walang katiyakan sa mga ginagawa niya.

Mga Mahihirap at Mayayaman

Dapat ikagalak ng mga mahihirap na kapatid kay Cristo ang pagpaparangal ng Dios sa kanila. 10 Ang mga mayayaman naman na kapatid kay Cristo ay dapat ding ikarangal ang pagkakababa sa kanila ng Dios, dahil lilipas sila katulad ng mga bulaklak sa parang.[c] 11 Natutuyo ang mga damo sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang mga bulaklak nito, at kumukupas ang ganda. Ganoon din naman ang isang mayaman, mamamatay siya sa kasagsagan ng paghahanapbuhay niya.

Mga Pagsubok at Tukso

12 Mapalad ang taong nananatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok dahil pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang mga ito, tatanggapin niya bilang gantimpala ang buhay na walang hanggan, na ipinangako ng Dios sa mga nagmamahal sa kanya. 13 Kung dumaranas ng tukso ang isang tao, hindi niya dapat isiping galing ito sa Dios, dahil hindi maaaring matukso ang Dios sa kasamaan, at hindi rin siya nanunukso sa kahit kanino. 14 Natutukso ang isang tao kapag nahihikayat siya at nadadala ng sariling pagnanasa. 15 At kung susundin niya ang pagnanasa niya, magbubunga ito ng kasalanan; at kung magpapatuloy siya sa kasalanan, hahantong ito sa kamatayan.

16 Kaya huwag kayong magpadaya, mga minamahal kong kapatid. 17 Lahat ng mabubuti at angkop na kaloob ay nanggagaling sa Dios na siyang lumikha ng mga bagay sa langit na nagbibigay-liwanag. At kahit pabago-bago at paiba-iba ang anyo ng anino ng mga ito, ang Dios ay hindi nagbabago. 18 Ayon sa kanyang kalooban, ginawa niya tayong mga anak niya sa pamamagitan ng pagkilala natin sa katotohanan,[d] upang maging higit tayo sa lahat ng nilikha niya.

Salmo 116

Ang Dios ang Nagliligtas ng Tao sa Kamatayan

116 Mahal ko ang Panginoon,
    dahil dinidinig niya ang paghingi ko ng tulong sa kanya.
Dahil pinakikinggan niya ako,
    patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.

Natakot ako dahil nararamdaman kong malapit na akong mamatay.
    Ang kamatayan ay parang tali na pumupulupot sa akin.
    Nag-aalala ako at naguguluhan,
kaya tumawag ako sa Panginoon,
    Panginoon, iligtas nʼyo po ako.”

Ang Panginoon nating Dios ay mabuti, matuwid at mahabagin.
Iniingatan ng Panginoon ang mga walang sapat na kaalaman.
    Nang wala na akong magawa, akoʼy kanyang iniligtas.

Magpapakatatag ako,
    dahil ang Panginoon ay mabuti sa akin,
sapagkat iniligtas niya ako sa kamatayan, sa kalungkutan at kapahamakan.
Kaya mamumuhay ako na malapit sa Panginoon dito sa mundo ng mga buhay.
10 Kahit na sinabi kong, “Sukdulan na ang paghihirap ko,” nagtitiwala pa rin ako sa kanya.
11 Sa aking pagkabalisa ay nasabi kong, “Wala ni isang taong mapagkatiwalaan.”
12 Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon sa lahat ng kabutihan niya sa akin?
13 Sasambahin ko ang Panginoon, at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat sa kanyang pagliligtas sa akin.
14 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa Panginoon sa harap ng kanyang mga mamamayan.

15 Nasasaktan ang Panginoon kung mamatay ang kanyang mga tapat na mga mamamayan.[a]

16 Panginoon, ako nga ay inyong lingkod.[b]
    Iniligtas nʼyo ako sa pagkabihag.
17 Sasamba ako sa inyo
    at mag-aalay ng handog bilang pasasalamat.
18 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo sa harap ng inyong mga mamamayan,
19 doon sa inyong templo sa Jerusalem.

    Purihin ang Panginoon!

Kawikaan 27:23-27

23 Mga hayop mo ay iyong alagaan at bantayang mabuti ang iyong kawan.
24 Sapagkat ang kayamanan at kapangyarihan ay hindi mamamalagi magpakailanman.
25 Putulin ang mga damo; at habang hinihintay ang muling pagtubo nito, putulin din ang mga damo sa kabundukan, upang may pagkain ang iyong kawan.
26 Mula sa balahibo ng mga tupa ay makakagawa ka ng kasuotan, at maipagbibili mo ang iba mong mga kambing upang may pambili ka ng kabukiran.
27 Mula sa mga kambing, makakakuha ka ng maraming gatas na sapat sa pangangailangan ng iyong pamilya at mga babaeng utusan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®