Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezekiel 44:1-45:12

Mga Tuntunin sa Templo

44 Muli akong dinala ng tao sa pintuang palabas ng templo sa gawing silangan, pero nakasarado ito. Sinabi ng Panginoon sa akin, “Ang pintuang ito ay kinakailangang palaging nakasara at hindi dapat buksan para walang makadaan, dahil ako, ang Panginoong Dios ng Israel ay dumaan dito. Ang pinuno lang ng Israel ang makakaupo rito sa daanan para kumain ng inihandog sa akin, pero roon siya dadaan sa balkonahe ng daanan at doon din siya lalabas.”

Pagkatapos, dinala ako ng tao sa harap ng templo. Doon kami dumaan sa daanan sa gawing hilaga. Nakita ko roon ang dakilang presensya ng Panginoon na nakapalibot sa templo niya, at nagpatirapa ako. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko sa iyo tungkol sa lahat ng tuntunin sa aking templo. Alamin mong mabuti kung sinu-sino ang maaaring pumasok at ang hindi. Sabihin mo sa mga rebeldeng mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Mga mamamayan ng Israel, tigilan na ninyo ang mga kasuklam-suklam ninyong ginagawa. Pinapapasok ninyo sa aking templo ang mga dayuhang hindi naniniwala sa akin. Sa ganitong paraan, dinudungisan ninyo ang templo ko kahit na naghahandog pa kayo ng mga pagkain, taba, at dugo. Maliban sa kasuklam-suklam ninyong ginagawa, nilalabag pa ninyo ang kasunduan ko. Sa halip na kayo ang mamamahala sa mga banal na bagay sa templo, ipinauubaya ninyo ito sa ibang tao. Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, walang dayuhan na hindi naniniwala sa akin ang papayagang pumasok sa templo ko, kahit na ang mga dayuhang nakatira kasama ninyo.

10 “Tungkol naman sa mga Levita na tumalikod sa akin at sumama sa ibang Israelita na sumamba sa mga dios-diosan, pagdurusahan nila ang kasalanan nila. 11 Maaari silang maglingkod sa akin bilang mga tagapagbantay sa pintuan at tagakatay ng mga handog na sinusunog at ng iba pang handog ng mga tao. Maaari rin silang maglingkod sa mga tao sa templo. 12 Ngunit dahil sumamba sila sa mga dios-diosan habang naglilingkod sa mga tao, at dahil din dooʼy nagkasala ang mga mamamayan ng Israel, isinusumpa kong pagdurusahan nila ang kasalanan nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 13 Mula ngayon, hindi ko na sila papayagang maglingkod sa akin bilang pari. Hindi rin sila papayagang humipo man lang ng aking mga banal na bagay o makapasok sa Pinakabanal na Lugar. Kinakailangan nilang magtiis ng kahihiyan dahil sa kasuklam-suklam nilang ginawa. 14 Gagawin ko na lang silang mga katulong sa lahat ng gawain sa templo.

15 “Ngunit ang mga paring Levita na mula sa angkan ni Zadok na naging tapat sa paglilingkod sa akin sa templo nang tumalikod ang mga Israelita ay patuloy na makapaglilingkod sa akin. Sila ang maghahandog sa akin ng taba at dugo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 16 Sila lang ang maaaring pumasok sa templo ko at makalalapit sa aking altar upang maglingkod sa akin. At sila lang din ang pwedeng mamamahala sa pagsamba sa templo. 17 Kapag pumasok sila sa daanan patungo sa bakuran sa loob ng templo, kinakailangang magbihis sila ng damit na gawa sa telang linen. Hindi sila dapat magsuot ng anumang damit na gawa sa lana habang naglilingkod sa bakuran sa loob o sa loob ng templo. 18 Kinakailangang magsuot din sila ng turban na gawa sa telang linen at magsuot ng pang-ilalim na damit na gawa rin sa telang linen. Hindi sila dapat magsuot ng anumang makapagpapapawis sa kanila. 19 At kapag lumabas na sila sa bulwagan sa labas na kinaroroonan ng mga tao, kinakailangang hubarin muna nila ang mga damit na ginamit nila sa paglilingkod at ilagay doon sa banal na silid, at saka sila magsuot ng pangkaraniwang damit para hindi mapinsala ang mga tao sa kabanalan nito.[a]

20 “Hindi rin sila dapat magpakalbo o magpahaba ng buhok, dapat lagi silang magpagupit. 21 Hindi rin sila dapat uminom ng alak kung pupunta sa loob na bakuran ng templo. 22 Hindi sila dapat mag-asawa ng biyuda o ng hiwalay sa asawa. Ang kunin nilang asawa ay kapwa Israelita o biyuda ng kapwa nila pari. 23 Tuturuan nila ang mga mamamayan ko kung alin ang banal at hindi banal, kung alin ang malinis at hindi malinis. 24 Kapag may alitan, ang mga pari ang hahatol batay sa mga kautusan ko. Kinakailangang sundin nila ang mga utos ko at mga tuntunin tungkol sa mga pistang itinakda kong sundin, at dapat nilang ituring na banal ang Araw ng Pamamahinga. 25 Huwag nilang dudungisan ang sarili nila sa pamamagitan ng paghipo sa bangkay, maliban lang kung ang namatay ay kanyang ama o ina, anak o kapatid na wala pang asawa. 26 Kapag nakahipo siya ng bangkay, kailangan niya ang paglilinis[b] at maghintay ng pitong araw, 27 bago siya makapasok sa bakuran sa loob ng templo at mag-alay ng handog sa paglilinis para sa kanyang sarili. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

28 Sinabi pa ng Panginoon, “Walang mamanahing lupa ang mga pari ng Israel, dahil ako ang magbibigay ng mga pangangailangan nila. 29 Ang pagkain nila ay magmumula sa mga handog ng pagpaparangal sa akin, handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan.[c] Ang anumang bagay na itinalaga para sa akin ay para sa kanila. 30 Ang pinakamagandang unang ani ninyo at mga natatanging handog para sa akin ay para sa mga pari. Bigyan din ninyo ng inyong pinakamagandang klase ng harina ang mga pari, para pagpalain ang sambahayan ninyo. 31 Ang mga pari ay hindi dapat kumain ng anumang ibon o hayop na basta na lang namatay o pinatay ng ibang hayop.”

Ang Partihan ng Lupa

45 Sinabi pa ng Panginoon, “Kapag pinaghati-hati nʼyo na ang lupain para sa bawat lahi ng Israel, bigyan ninyo ako ng parte na 12 kilometro ang haba at sampung kilometro[d] ang luwang. Ang lupaing ito ay ituturing na banal. Ang bahagi nito na 875 talampakan na parisukat ang siyang pagtatayuan ng templo, at sa paligid ng templo ay may bakanteng bahagi na 87 talampakan ang luwang. 3-4 Ang kalahati ng parte kong lupain na 12 kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang ay ibubukod ko para sa mga paring naglilingkod sa akin sa templo. Pagtatayuan ito ng mga bahay nila at ng templo na siyang pinakabanal na lugar. Ang natirang kalahati na 12 kilometro ang haba at 5 kilometro ang luwang ay para sa mga Levita. Sila ang magmamay-ari nito at dito sila maninirahan.[e]

“Sa katabi ng lupa na para sa akin, magbukod din kayo ng lupang 12 kilometro ang haba at 3 kilometro ang luwang. Ito ang gawin ninyong lungsod, na maaaring tirahan ng sinumang Israelita na gustong tumira roon. Bibigyan din ng dalawang bahagi ng lupain ang pinuno ng Israel. Ang isang bahagi ay nasa gawing kanluran ng hangganan ng lupaing para sa akin at ng lupaing gagawing lungsod papunta sa Dagat ng Mediteraneo, at ang isa ay mula sa hangganan sa silangan papunta sa Ilog ng Jordan. Ang hangganan nito sa silangan at sa kanluran ay pantay sa hangganan ng lupaing ibinahagi sa mga lahi ng Israel. Ang lupaing ito ang magiging parte ng pinuno ng Israel.

Mga Utos para sa mga Pinuno ng Israel

“Ang aking mga pinuno ay hindi na mang-aapi sa aking mga mamamayan. Hahayaan nila na ang mga mamamayan ng Israel ang magmay-ari ng lupang ibinibigay sa kanila ayon sa angkan nila. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kayong mga pinuno ng Israel, tama na ang ginagawa ninyo. Tigilan nʼyo na ang pagmamalupit at pang-aapi, at gawin ninyo kung ano ang matuwid at tama. Tigilan nʼyo na rin ang pangangamkam ng lupain ng aking mga mamamayan. 10 Gamitin ninyo ang tamang timbangan, sukatan, o takalan. 11 Ang ‘homer’[f] ang batayan ng panukat sa pagbilang. Ang isang ‘homer’ ay sampung ‘epa’[g] o sampung ‘bat’.[h] 12 Ang ‘shekel’[i] ang siyang batayan ng pagsukat ng bigat. Ang isang ‘shekel’ ay 20 ‘gera’, at ang 60 ‘shekel’ ay isang ‘mina’.

1 Pedro 1:1-12

Mula kay Pedro na apostol ni Jesu-Cristo.

Mahal kong mga pinili ng Dios na nangalat at naninirahan bilang mga dayuhan sa Pontus, Galacia, Capadosia, Asia at Bitinia:

Pinili na kayo ng Dios Ama noon pa para maging mga anak niya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, para sundin nʼyo si Jesu-Cristo at upang linisin kayo sa mga kasalanan nʼyo sa pamamagitan ng kanyang dugo.

Sumainyo nawa ang higit pang biyaya at kapayapaan.

May Inihanda ang Dios para sa Atin

3-4 Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa dakila niyang awa sa atin, ipinanganak tayong muli sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa na may nakahandang mana ang Dios para sa atin. Ang manang itoʼy nasa langit, walang kapintasan, hindi nasisira, at hindi kumukupas. At sa pamamagitan ng pananampalataya nʼyo, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Dios habang naghihintay kayo ng kaligtasang nakalaang ihayag sa huling panahon.

Dahil dito, dapat kayong magalak sa kabila ng ibaʼt ibang pagsubok, dahil ang mga pagsubok na itoʼy panandalian lang, at dapat ninyong maranasan, para masubukan kung talagang tunay ang pananampalataya ninyo. Katulad ng ginto, sinusubok ito sa apoy para malaman kung tunay o hindi. Pero mas mahalaga ang pananampalataya natin kaysa sa ginto na nawawala. Kaya kapag napatunayang tunay ang pananampalataya nʼyo, papupurihan kayoʼt pararangalan pagdating ni Jesu-Cristo. Kahit hindi nʼyo siya nakita ay mahal nʼyo siya, at kahit hindi nʼyo pa siya nakikita hanggang ngayon, sumasampalataya pa rin kayo sa kanya. At nag-uumapaw ang inyong kagalakan na hindi kayang ipahayag ng bibig, dahil tinatanggap nʼyo ang bunga ng pananampalataya nʼyo, na walang iba kundi ang inyong kaligtasan. 10 Ang kaligtasang itoʼy pinagsikapang saliksikin ng mga propeta noon. Sila ang nagpahayag tungkol sa kaloob na ito ng Dios sa atin. 11 Ipinahayag na sa kanila ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila, na maghihirap siya bago parangalan. Kaya patuloy sa pagsasaliksik ang mga propeta noon kung kailan at kung papaano ito mangyayari. 12 Ipinahayag din sa kanila na ang mga bagay na ipinaalam nila ay hindi para sa ikabubuti nila kundi para sa atin.[a] At ngayon, napakinggan nʼyo na sa mga nangangaral ng Magandang Balita ang mga ipinahayag nila. Nagsalita sila sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritung sinugo sa kanila mula sa langit. Kahit ang mga anghel noon ay nagnais na maunawaan ang Magandang Balitang ito na ipinangaral sa inyo.

Salmo 119:17-32

17 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod,
    upang patuloy akong makasunod at makapamuhay ng ayon sa inyong salita.
18 Buksan nʼyo ang aking isipan upang maunawaan ko ang kahanga-hangang katotohanan ng inyong kautusan.
19 Akoʼy pansamantala lang dito sa sanlibutan,
    kaya ipaliwanag nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
20 Sa lahat ng oras ay naghahangad akong malaman ang inyong mga utos.
21 Sinasaway nʼyo ang mga hambog
    at isinusumpa ang mga ayaw sumunod sa inyong mga utos.
22 Ilayo nʼyo ako sa kanilang panghihiya at pangungutya,
    dahil sinusunod ko ang inyong mga turo.
23 Kahit na magtipon ang mga namumuno at mag-usap laban sa akin,
    akong lingkod nʼyo ay patuloy na magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
24 Ang inyong mga turo, ay nagbibigay sa akin ng kagalakan, at nagsisilbing tagapayo.

25 Akoʼy parang mamamatay na, kaya panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
26 Sinabi ko sa inyo ang tungkol sa aking pamumuhay at pinakinggan nʼyo ako.
    Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
27 Ipaunawa nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin,
    upang pagbulay-bulayan ko ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
28 Akoʼy nanlulumo dahil sa kalungkutan, palakasin nʼyo ako ayon sa inyong pangako.
29 Ilayo nʼyo ako mula sa paggawa ng masama,
    at tulungan nʼyo ako na sundin ang inyong kautusan.
30 Pinili ko ang tamang daan,
    gusto kong sumunod sa inyong mga utos.
31 Panginoon, sinunod ko ang inyong mga turo,
    kaya huwag nʼyong papayagang akoʼy mapahiya.
32 Pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga utos,
    dahil pinapalawak nʼyo ang aking pang-unawa.

Kawikaan 28:8-10

Kung yumaman ka sa pamamagitan ng patubuan, ang iyong kayamanan ay mapupunta sa matulungin sa mga nangangailangan.
Ang taong hindi sumusunod sa Kautusan, kahit panalangin niya ay kasusuklaman ng Dios.
10 Ang taong inililigaw ang matuwid para magkasala ay mabibiktima ng sarili niyang mga pakana. Ngunit ang taong namumuhay nang matuwid ay tatanggap ng maraming kabutihan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®