The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Si Daniel at ang Kanyang mga Kaibigan sa Babilonia
1 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Jehoyakim sa Juda, sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ng kanyang mga kawal ang Jerusalem. 2 Binihag niya si Haring Jehoyakim ayon sa kalooban ng Panginoon. Kinuha niya ang ilang mga kagamitan sa templo ng Dios at dinala sa Babilonia.[a] Inilagay niya ang mga ito sa taguan ng kayamanan doon sa templo ng kanyang dios.
3 Nag-utos si Haring Nebucadnezar kay Ashpenaz na pinuno ng mga tauhan niya na pumili sa mga bihag na Israelita ng ilang kabataang mula sa angkan ng mga hari at angkan ng mararangal na pamilya. 4 Kinakailangan na ang mga ito ay gwapo, malusog, matalino, mabilis kumilos at madaling turuan para maging karapat-dapat maglingkod sa hari. Inutusan din niya si Ashpenaz na turuan sila ng wika at mga panitikan ng mga taga-Babilonia.[b] 5 Iniutos din ng hari na mula sa kanyang sariling pagkain at inumin ang ibibigay sa kanila araw-araw. At pagkatapos ng tatlong taong pagsasanay, maglilingkod na sila sa kanya.
6 Kabilang sa mga napili ay sina Daniel, Hanania, Mishael, at Azaria na pawang mula sa lahi ni Juda. 7 Pinalitan ni Ashpenaz ang kanilang mga pangalan. Si Daniel ay pinangalanang Belteshazar, si Hanania ay Shadrac, si Mishael ay Meshac, at si Azaria ay Abednego.
8 Pero ipinasya ni Daniel na hindi siya kakain ng pagkain ng hari o iinom ng kanyang inumin para hindi siya marumihan.[c] Kaya nakiusap siya kay Ashpenaz na huwag siyang bigyan ng pagkain at inuming iyon. 9 Niloob naman ng Dios na siyaʼy kalugdan ni Ashpenaz. 10 Pero sinabi ni Ashpenaz kay Daniel, “Natatakot ako sa hari. Siya ang pumili kung ano ang kakainin at iinumin ninyo, at kung makita niyang hindi kayo malusog gaya ng ibang mga kabataan, baka ipapatay niya ako.”
11 Dahil dito, sinabi ni Daniel sa itinalaga ni Ashpenaz na mangangalaga sa kanila, 12 “Subukan nʼyo kaming pakainin lang ng gulay at painumin ng tubig sa loob ng sampung araw. 13 Pagkatapos, ihambing ninyo kami sa mga kabataang kumakain ng pagkain ng hari, at tingnan ninyo kung ano ang magiging resulta. At bahala na kayo kung ano ang gagawin ninyo sa amin.” 14 Pumayag naman ito at sinubukan nga sila sa loob ng sampung araw.
15 Pagkatapos ng sampung araw, nakita ng tagapagbantay na mas malusog sila kaysa sa mga kabataang kumakain ng pagkain ng hari. 16 Kaya ipinagpatuloy na lang ang pagbibigay sa kanila ng gulay at tubig sa halip na pagkain at inumin ng hari.
17 Binigyan ng Dios ang apat na kabataang ito ng karunungan at pang-unawa, pati na ang kaalaman sa ibaʼt ibang literatura. Bukod pa rito, binigyan ng Dios si Daniel ng karunungan sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng mga pangitain at mga panaginip.
18 Pagkalipas ng tatlong taon na pagtuturo sa kanila ayon sa utos ni Haring Nebucadnezar, dinala sila ni Ashpenaz sa kanya. 19 Nakipag-usap ang hari sa kanila, at napansin ng hari na wala ni isa man sa mga kabataan doon ang makahihigit kina Daniel, Hanania, Mishael, at Azaria. Kaya sila ang piniling maglingkod sa kanya. 20 Sa lahat ng itinanong ng hari sa kanila, nakita niya na ang kanilang kaalaman ay sampung ulit na mas mahusay kaysa sa kaalaman ng mga salamangkero at engkantador[d] sa buong kaharian niya. 21 Patuloy na naglingkod si Daniel kay Nebucadnezar hanggang sa unang taon ng paghahari ni Cyrus.[e]
Ang Panaginip ni Nebucadnezar
2 Noong pangalawang taon ng paghahari ni Nebucadnezar, nagkaroon siya ng mga panaginip na bumabagabag sa kanya, kaya hindi siya makatulog. 2 Ipinatawag niya ang kanyang mga salamangkero, engkantador, mangkukulam, at mga astrologo[f] para ipaliwanag nila ang kanyang mga panaginip. 3 Sinabi niya sa kanila, “Nanaginip ako at binabagabag ako nito, kaya ipinatawag ko kayo dahil gusto kong malaman kung ano ang kahulugan ng panaginip na iyon.”
4 Sumagot ang mga astrologo sa hari sa wikang Aramico,[g] “Mahal na Hari, sabihin nʼyo po sa amin na inyong mga lingkod ang inyong panaginip at ipapaliwanag namin sa inyo ang kahulugan nito.”
5 Sinabi ng hari sa kanila, “Ito ang aking napagpasyahan: Kung hindi ninyo mahulaan ang aking panaginip at ang kahulugan nito, pagpuputol-putulin ko ang katawan ninyo at ipapawasak ang inyong mga bahay. 6 Kung mahuhulaan ninyo ang aking panaginip at maipaliwanag ang kahulugan nito, gagantimpalaan ko kayo at bibigyan pa ng malaking karangalan. Sige, hulaan na ninyo at ipaliwanag ang kahulugan nito.”
7 Muli silang sumagot sa hari, “Mahal na Hari, sabihin nʼyo po sa amin ang inyong panaginip at ipapaliwanag namin sa inyo ang kahulugan nito.”
8 Sinabi ng hari, “Alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras dahil alam ninyong gagawin ko ang sinabi ko sa inyo, 9 na kung hindi ninyo mahulaan at maipaliwanag ang aking panaginip, paparusahan ko kayo katulad ng sinabi ko. Nagkasundo kayong magsinungaling sa akin sa pag-aakalang magbabago pa ang aking isip sa paglipas ng oras. Hulaan na ninyo kung ano ang aking panaginip para maniwala ako na marunong talaga kayong magpaliwanag ng kahulugan nito.”
10 Sumagot sila sa hari, “Walang tao sa buong mundo ang makagagawa ng iniuutos ninyo. At wala ring hari, gaano man ang kanyang kapangyarihan, na mag-uutos ng ganyan sa kanyang mga engkantador, mangkukulam, o mga astrologo. 11 Napakahirap ng inyong hinihingi, Mahal na Hari. Ang mga dios lang ang makakagawa niyan, pero hindi sila naninirahan kasama ng mga tao.”
12 Dahil sa sagot nilang ito, galit na galit ang hari. At nag-utos siyang patayin ang lahat ng marurunong[h] na mga tao sa Babilonia. 13 Nang inilabas na ang utos ng hari na patayin ang mga marurunong, hinanap si Daniel at ang kanyang mga kasama para patayin din.
14-15 Kaya nakipag-usap si Daniel kay Arioc na kapitan ng mga tagapagbantay ng hari na siyang inutusan na patayin ang mga marurunong sa Babilonia. Maingat na nagtanong si Daniel sa kanya kung ano ang dahilan ng napakabigat na utos ng hari. Kaya sinabi sa kanya ni Arioc ang nangyari.
16 Pagkatapos, pumunta si Daniel sa hari at hiniling niya na bigyan siya ng panahong maipaliwanag ang kahulugan ng panaginip nito. 17 Pumayag naman ang hari, kaya umuwi si Daniel at ibinalita sa kanyang mga kasamahang sina Hanania, Mishael at Azaria ang tungkol sa nangyari. 18 Hiniling niya sa mga ito na manalangin para kaawaan sila ng Dios sa langit[i] at para malaman nila ang kahulugan ng panaginip ng hari, upang hindi sila patayin kasama ng iba pang marurunong na tao sa Babilonia. 19 Nang gabing iyon, ipinahayag ng Dios kay Daniel ang panaginip ng hari at ang kahulugan nito sa pamamagitan ng pangitain. At pinuri ni Daniel ang Dios sa langit. 20 Sinabi niya,
“Purihin ang Dios magpakailanman.
Siya ay matalino at makapangyarihan.
21 Siya ang nagbabago ng panahon.
Siya ang nagpapasya kung sino ang maghahari at siya rin ang nag-aalis sa kanila sa trono.
Siya ang nagbibigay ng karunungan sa marurunong.
22 Ipinapaliwanag niya ang mahihiwagang bagay na mahirap intindihin.
Nasa kanya ang liwanag, at nalalaman niya ang anumang nasa kadiliman.
23 O Dios ng aking mga ninuno, pinupuri ko kayo at pinapasalamatan.
Kayo ang nagbigay sa akin ng karunungan at kakayahan.
At ibinigay nʼyo sa amin ang aming kahilingan sa inyo na ipahayag sa amin ang panaginip ng hari.”
Magmahalan Kayong Lahat
8 Ngayon, narito ang ilan ko pang bilin sa inyong lahat: Dapat magkaisa kayo sa isip at damdamin, at magdamayan. Magmahalan kayo bilang magkakapatid. Maging maunawain at mapagpakumbaba kayo sa isaʼt isa. 9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, at huwag din ninyong gantihan ng pang-iinsulto ang mga nang-iinsulto sa inyo. Ang dapat ninyong gawin ay manalangin na kaawaan sila ng Dios, dahil pinili kayo ng Dios na gawin ito, at para kaawaan din niya kayo. 10 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,
“Ang sinumang nagnanais ng maligaya at masaganang pamumuhay ay hindi dapat magsalita ng masama at kasinungalingan.
11 Dapat lumayo siya sa masama at gawin ang mabuti.
Pagsikapan niyang kamtin ang kapayapaan.
12 Sapagkat iniingatan ng Panginoon ang matuwid, at sinasagot niya ang mga panalangin nila,
ngunit galit siya sa mga gumagawa ng masama.”[a]
13 Sino ang gagawa ng masama sa inyo kung laging mabuti ang ginagawa nʼyo? 14 Pero kung usigin kayo dahil sa kabutihang ginagawa nʼyo, mapalad kayo. Huwag kayong matakot o mag-alala sa ano mang gawin nila sa inyo. 15 Alalahanin nʼyo na si Cristo ang dapat ninyong parangalan at sundin. Dapat lagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo. 16 At maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagsagot. Tiyakin ninyong laging malinis ang inyong konsensya, para mapahiya ang mga taong minamasama ang mabubuti ninyong gawa bilang mga tagasunod ni Cristo. 17 Mas mabuti pang magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng mabuti, kung ito talaga ang kalooban ng Dios, kaysa sa magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo ngaʼy pinatay kahit wala siyang nagawang masama. At minsan lang siya namatay para mapatawad ang mga kasalanan natin. Siya na walang kasalanan ay pinatay alang-alang sa atin na mga makasalanan, para madala niya tayo sa Dios. Pinatay siya sa laman pero binuhay siya sa espiritu. 19-20 At sa kalagayan niyang espiritwal, nangaral siya kahit sa mga espiritu ng mga taong nakabilanggo, na hindi sumunod sa Dios noong panahon ni Noe. Sa panahong iyon, matiyagang hinintay ng Dios ang pagsampalataya nila sa kanya habang ginagawa ang barko. Ngunit walong tao lang ang sumampalataya at pumasok sa barko at nakaligtas sa tubig. 21 Ang tubig na itoʼy larawan ng bautismong nagliligtas sa atin sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Hindi ito paghuhugas ng dumi sa katawan, kundi pangako natin sa Dios na hindi na tayo gagawa ng anumang bagay na alam nating labag sa kalooban niya. 22 Si Jesu-Cristo ay nasa langit na ngayon, sa kanan ng Dios,[b] at ipinasakop sa kanya ang lahat ng anghel at ang lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.
Ang Bagong Buhay
4 Dahil naghirap si Cristo sa katawang-tao niya, dapat ay handa rin kayong maghirap. Sapagkat hindi na gumagawa ng kasalanan ang taong nagtitiis ng hirap. 2 Hindi na siya sumusunod sa masasama niyang ugali kundi sumusunod na siya sa kalooban ng Dios. 3 Kaya huwag na ninyong gawin ang mga ginagawa nʼyo noon, ang mga bagay na gustong gawin ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Puno ng kahalayan ang buhay nʼyo noon at sinunod nʼyo ang nasa ng inyong laman. Palagi kayong nagtitipon-tipon para mag-inuman at gumagawa ng mga bagay na kahiya-hiya. At sa pagsamba ninyo sa inyong mga dios-diosan, kung anu-ano pang masasamang bagay ang ginagawa ninyo. 4 Pero nagtataka ngayon sa inyo ang mga taong hindi kumikilala sa Dios kung bakit hindi na kayo nakikisama sa magulo at maluho nilang pamumuhay. Kaya nagsasalita sila ng masama sa inyo. 5 Ngunit mananagot sila sa Dios sa ginagawa nila, dahil hahatulan ng Dios ang lahat ng tao, buhay man o patay. 6 Ito ang dahilan kung bakit ipinangaral ang Magandang Balita sa mga taong patay na. Nang sa ganoon, kahit patay na sila sa laman, at mahatulan tulad ng lahat ng tao, mabubuhay pa rin sila sa espiritu gaya ng Dios.
65 Panginoon, maging mabuti kayo sa akin na inyong lingkod, ayon sa inyong pangako.
66 Bigyan nʼyo ako ng kaalaman at karunungan,
dahil nagtitiwala ako sa inyong mga utos.
67 Nang akoʼy hindi nʼyo pa pinarurusahan, akoʼy lumayo sa inyo,
ngunit ngayoʼy sinusunod ko na ang inyong mga salita.
68 Napakabuti nʼyo at mabuti ang inyong mga ginagawa.
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
69 Kahit na akoʼy sinisiraan ng mga taong mapagmataas, buong puso ko pa ring tinutupad ang inyong mga tuntunin.
70 Hindi sila nakakaunawa ng inyong kautusan,
ngunit akoʼy sumusunod sa inyong mga utos nang may kagalakan.
71 Mabuti na pinarusahan nʼyo ako,
dahil sa pamamagitan nito natutunan ko ang inyong mga turo.
72 Para sa akin, ang kautusang ibinigay nʼyo ay higit na mahalaga kaysa sa maraming kayamanan.
73 Akoʼy nilikha at hinubog nʼyo;
kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang matutunan ko ang inyong mga utos.
74 Matutuwa ang mga may takot sa inyo kapag akoʼy kanilang nakita,
dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong salita.
75 Panginoon alam kong matuwid ang inyong mga utos.
At dahil kayo ay matapat, akoʼy inyong dinisiplina.
76 Sanaʼy aliwin nʼyo ako ng inyong pagmamahal ayon sa pangako nʼyo sa akin na inyong lingkod.
77 Kahabagan nʼyo ako upang patuloy akong mabuhay,
dahil nagagalak akong sumunod sa inyong kautusan.
78 Mapahiya sana ang mga mapagmataas dahil sa kanilang paninira sa akin.
Subalit ako ay magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
79 Magsilapit sana sa akin ang mga may takot sa inyo at nakakaalam ng inyong mga turo.
80 Sanaʼy masunod ko nang buong puso ang inyong mga tuntunin upang hindi ako mapahiya.
14 Mapalad ang taong laging may paggalang sa Panginoon, ngunit mapapahamak ang taong matigas ang ulo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®