Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Daniel 4

Ang Pangalawang Panaginip ni Nebucadnezar

Gumawa si Haring Nebucadnezar ng isang mensahe para sa lahat ng tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika sa buong mundo. Ito ang nakasulat:

“Sumainyo nawa ang mabuting kalagayan.

“Nais kong ipaalam sa inyo ang mga himala at kababalaghang ginawa sa akin ng Kataas-taasang Dios.

Kamangha-mangha at makapangyarihan ang mga himalang ipinakita ng Dios.
Ang paghahari niya ay walang hanggan.

“Ang aking kalagayan dito sa palasyo ay mabuti at namumuhay ako sa kasaganaan. Pero nagkaroon ako ng nakakatakot na panaginip at pangitain na bumabagabag sa akin. Kaya iniutos ko na dalhin sa akin ang lahat ng marurunong sa Babilonia para ipaliwanag sa akin ang kahulugan ng aking panaginip. Nang dumating ang mga salamangkero, manghuhula at mga astrologo,[a] sinabi ko sa kanila ang panaginip ko, pero hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito.

“Nang bandang huli, lumapit sa akin si Daniel. (Pinangalanan siyang Belteshazar na pangalan din ng aking dios. Nasa kanya ang espiritu ng banal na mga dios.)[b] Isinalaysay ko sa kanya ang aking panaginip. Sinabi ko, ‘Belteshazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong nasa iyo ang espiritu ng mga dios at nauunawaan mo agad ang kahulugan ng mga hiwaga. Sabihin mo sa akin ang kahulugan ng mga pangitaing nakita ko sa aking panaginip. 10 Ito ang mga pangitaing nakita ko habang natutulog ako: Nakita ko ang isang napakataas na punongkahoy sa gitna ng mundo. 11 Lumaki at tumaas ito hanggang sa langit kaya kitang-kita ito kahit saang bahagi ng mundo. 12 Mayabong ang kanyang mga dahon at marami ang kanyang bunga na maaaring kainin ng lahat. Ang mga hayop ay sumisilong dito at ang mga ibon ay namumugad sa kanyang mga sanga. At dito kumukuha ng pagkain ang lahat ng nilalang.’

13 “Nakita ko rin sa panaginip ang isang anghel[c] na bumaba mula sa langit. 14 Sumigaw siya, ‘Putulin ninyo ang punongkahoy na iyan at ang mga sanga nito. Alisin ang mga dahon nito at itapon ang mga bunga. Bugawin ninyo ang mga hayop na sumisilong at ang mga ibon na namumugad sa mga sanga nito. 15 Pero hayaan ninyo ang tuod sa gitna ng kaparangan para maging talian ng bakal at tanso.’

Ang taong sinisimbolo ng punong iyon ay laging mababasa ng hamog at kakain ng damo kasama ng mga hayop. 16 Sa loob ng pitong taon ay mawawala siya sa katinuan at magiging isip-hayop. 17 Ito ang hatol na sinabi ng anghel para malaman ng lahat na ang Kataas-taasang Dios ang siyang may kapangyarihan sa kaharian ng mga tao. At maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin, kahit na sa pinakaabang tao.

18 “Ito ang panaginip ko, Belteshazar. Sabihin mo sa akin ang kahulugan nito dahil wala ni isa man sa mga marunong sa aking kaharian ang makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito. Pero maipapaliwanag mo ito sapagkat nasa iyo ang espiritu ng mga dios.”[d]

Ipinaliwanag ni Daniel ang Kahulugan ng Panaginip

19 Nabagabag at natakot si Daniel (na tinatawag ding Belteshazar) nang marinig niya ito. Kaya sinabi sa kanya ng hari, “Belteshazar, huwag kang mabagabag sa panaginip ko at sa kahulugan nito.” Sumagot si Belteshazar, “Mahal na Hari, sana ang iyong panaginip at ang kahulugan nito ay sa inyong mga kaaway mangyari at hindi sa iyo. 20 Ang napanaginipan ninyong punongkahoy na lumaki at tumaas hanggang langit na kitang-kita sa buong mundo, 21 na may mayayabong na dahon at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon ang mga sanga, 22 ay walang iba kundi kayo, Mahal na Hari. Sapagkat kayo po ay naging makapangyarihan; ang kapangyarihan nʼyo ay abot hanggang langit,[e] at ang inyong nasasakupan ay umabot sa ibaʼt ibang dako ng mundo.”

23 Sinabi pa ni Daniel, “Nakita nʼyo rin, Mahal na Hari, ang isang anghel na bumaba mula sa langit na sumisigaw, ‘Putulin ninyo ang punongkahoy pero hayaan ninyo ang tuod nito sa lupa na natatalian ng bakal at tanso. Hayaang mabasa ng hamog at kakain kasama ng mga hayop sa gubat sa loob ng pitong taon.’

24 “Mahal na Hari, ito po ang ibig sabihin ng pangitaing niloob ng Kataas-taasan na Dios na mangyari sa inyo: 25 Itataboy kayo at ilalayo sa mga tao at maninirahan kayong kasama ng mga hayop sa gubat. Kakain kayo ng damo tulad ng baka at palagi kayong mababasa ng hamog. Pagkatapos ng pitong taon, kikilalanin nʼyo ang Kataas-taasang Dios na siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin. 26 Tungkol naman po sa sinabi ng anghel na hayaan lang ang tuod, ang ibig sabihin noon ay ibabalik sa inyo ang kaharian nʼyo kung kikilalanin nʼyo na ang Dios ang siyang naghahari sa lahat. 27 Kaya Mahal na Hari, pakinggan nʼyo po ang payo ko: Tigilan nʼyo na po ang inyong kasamaan, gumawa kayo ng matuwid at maging maawain sa mga dukha. Kung gagawin nʼyo po ito, baka sakaling manatili kayong maunlad.”

28 Ang lahat ng itoʼy nangyari sa buhay ni Haring Nebucadnezar. 29 Pagkalipas ng isang taon mula nang ipaliwanag ni Daniel ang kahulugan ng kanyang panaginip, ganito ang nangyari:

Habang namamasyal si Haring Nebucadnezar sa bubong ng kanyang palasyo sa Babilonia 30 sinabi niya, “Talagang makapangyarihan ang Babilonia, ang itinayo kong maharlikang bayan sa pamamagitan ng aking kapangyarihan at para sa aking karangalan.”

31 Hindi pa siya halos natatapos sa pagsasalita, may tinig mula sa langit na nagsabi, “Haring Nebucadnezar, makinig ka: Binabawi ko na sa iyo ang iyong kapangyarihan bilang hari. 32 Itataboy ka mula sa mga tao at maninirahan kang kasama ng mga hayop sa gubat. Kakain ka ng damo na parang baka. Pagkatapos ng pitong taon ay kikilalanin mo ang Kataas-taasang Dios na siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin.”

33 Nangyari nga agad kay Nebucadnezar ang sinabi ng tinig. Itinaboy siya mula sa mga tao at kumain ng damo na parang baka. Palaging basa ng hamog ang kanyang katawan, at humaba ang kanyang buhok na parang balahibo ng agila at ang kanyang kuko ay parang kuko ng ibon.

34 “Pagkatapos ng pitong taon, ako, si Nebucadnezar ay lumapit sa Dios[f] at nanumbalik ang matino kong pag-iisip. Kaya pinuri ko at pinarangalan ang Kataas-taasang Dios na buhay magpakailanman. Sinabi ko,

‘Ang paghahari niya ay walang katapusan.
35 Balewala ang mga tao sa mundo kung ikukumpara sa kanya.
    Ginagawa niya ang nais niya sa mga anghel sa langit at sa mga tao sa lupa.
    Walang makakatutol o makakahadlang sa kanya.’

36 “Nang manumbalik na ang aking katinuan, ibinalik din sa akin ang karangalan at kapangyarihan bilang hari. Muli akong tinanggap ng aking mga opisyal at mga tagapayo, at akoʼy naging mas makapangyarihan kaysa dati. 37 Kaya ngayon, pinupuri koʼt pinararangalan ang Hari ng langit, dahil matuwid at tama ang lahat niyang ginagawa at ibinabagsak niya ang mga mapagmataas.”

2 Pedro 1

Pagbati Mula kay Pedro

Mula kay Simon Pedro na lingkod at apostol ni Jesu-Cristo.

Mahal kong mga kapatid na kabahagi sa napakahalagang pananampalataya na tinanggap din namin. Ang pananampalatayang itoʼy ibinigay sa atin ni Jesu-Cristo na ating Dios at Tagapagligtas, dahil matuwid siya.

Sumainyo nawa ang higit pang biyaya at kapayapaan dahil sa pagkakakilala ninyo sa ating Dios at Panginoong Jesu-Cristo.

Pinili Tayo ng Dios na Maging mga Anak Niya

Ang kapangyarihan ng Dios ang nagbigay sa atin ng lahat ng kailangan natin para mamuhay nang may kabanalan. Itoʼy sa pamamagitan ng pagkakakilala natin sa kanya na tumawag sa atin. Tinawag niya tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan niya at kabutihan. At sa pamamagitan din nito, ipinagkaloob niya sa atin ang mahahalaga at dakila niyang mga pangako. Ginawa niya ito para makabahagi tayo sa kabanalan ng Dios at matakasan ang mapanirang pagnanasa na umiiral sa mundong ito. Dahil dito, pagsikapan ninyong maidagdag sa pananampalataya nʼyo ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; sa kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili, ang pagtitiis; sa pagtitiis, ang kabanalan; sa kabanalan, ang pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo; at sa pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo, ang pag-ibig sa lahat. Sapagkat kung ang mga katangiang ito ay nasa inyo at lumalago, nagiging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang pagkakakilala nʼyo sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Ngunit ang mga nagkukulang sa mga katangiang ito ay mga bulag sa katotohanan. Nakalimutan na nilang nilinis na sila ng Dios sa dati nilang mga kasalanan.

10 Kaya nga, minamahal kong mga kapatid kay Cristo, pagsikapan ninyong mapatunayan na mga tinawag nga kayo at pinili ng Dios. Sapagkat kung gagawin nʼyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod, 11 kundi buong galak kayong tatanggapin sa walang katapusang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

12 Kaya lagi ko kayong pinapaalalahanan tungkol sa mga bagay na ito, kahit alam nʼyo na ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang tinanggap ninyo. 13 At sa palagay ko, nararapat lang na paalalahanan ko kayo sa mga bagay na ito habang nabubuhay pa ako, 14 dahil alam kong hindi na ako magtatagal sa mundong ito. Ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo ang nagpahayag nito sa akin. 15 Kaya gagawin ko ang lahat para makatiyak akong maaalala nʼyo pa rin ang mga itinuro ko kahit wala na ako rito.

Naging Saksi Kami sa Kapangyarihan ni Cristo

16 Ang mga ipinangaral namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi kwentong gawa-gawa lang. Nasaksihan namin mismo ang kadakilaan niya. 17 Sapagkat nang parangalan at papurihan si Jesu-Cristo ng Dios Ama, narinig namin ang tinig ng Makapangyarihang Dios na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” 18 Narinig namin mismo ang tinig na nanggaling sa langit noong kasama namin si Jesus doon sa banal na bundok. 19 Dahil nga rito, lalong tumibay ang paniniwala namin sa mga ipinahayag ng mga propeta noon. Kaya nararapat lang na bigyan nʼyo ng pansin ang mga sinabi nila, dahil para itong ilaw na tumatanglaw sa madilim na lugar hanggang sa araw ng pagdating ng Panginoon. Tulad siya ng tala sa umaga na nagbibigay-liwanag sa isipan ninyo.[a] 20 Higit sa lahat, dapat ninyong tandaan na ang lahat ng isinulat ng mga propeta sa Kasulatan ay hindi ayon sa sarili nilang interpretasyon. 21 Sapagkat hindi galing sa sarili nilang kalooban ang mga ipinangaral nila kundi sa Banal na Espiritu na nag-udyok sa kanila upang sabihin ang salita ng Dios.

Salmo 119:97-112

97 Iniibig ko ang inyong kautusan.
    Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.
98 Ang mga utos nʼyo ay nasa puso ko,
    kaya mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway.
99 Mas marami ang aking naunawaan kaysa sa aking mga guro,
    dahil ang lagi kong pinagbubulay-bulayan ay ang inyong mga turo.
100 Higit pa ang aking pang-unawa kaysa sa matatanda,
    dahil sinusunod ko ang inyong mga tuntunin.
101 Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali,
    upang masunod ko ang inyong mga salita.
102 Hindi ako lumihis sa inyong mga utos,
    dahil kayo ang nagtuturo sa akin.
103 Kay tamis ng inyong mga salita, mas matamis pa ito kaysa sa pulot.
104 Sa pamamagitan ng inyong mga tuntunin,
    lumalawak ang aking pang-unawa,
    kaya kinamumuhian ko ang lahat ng gawaing masama.

105 Ang salita nʼyo ay katulad ng ilaw na nagbibigay-liwanag sa aking dadaanan.
106 Tutuparin ko ang aking ipinangako na susundin ang inyong matuwid na mga utos.
107 Hirap na hirap na po ako Panginoon;
    panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong pangako.
108 Tanggapin nʼyo Panginoon ang taos-puso kong pagpupuri sa inyo,
    at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga utos.
109 Kahit na akoʼy palaging nasa bingit ng kamatayan,
    hindi ko kinakalimutan ang inyong mga kautusan.
110 Ang masasama ay naglagay ng patibong para sa akin,
    ngunit hindi ako humihiwalay sa inyong mga tuntunin.
111 Ang inyong mga turo ang aking mana na walang hanggan,
    dahil itoʼy nagbibigay sa akin ng kagalakan.
112 Aking napagpasyahan na susundin ko ang inyong mga tuntunin hanggang sa katapusan.

Kawikaan 28:17-18

17 Ang taong hindi pinatatahimik ng kanyang budhi dahil sa pagpatay sa kanyang kapwa ay tatakas kahit saan hanggang sa siya ay mamatay. Huwag ninyo siyang tulungan.
18 Ang taong namumuhay nang matuwid ay ligtas sa kapahamakan, ngunit ang taong namumuhay sa maling pamamaraan ay bigla na lamang mapapahamak.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®