The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Piging ni Belshazar
5 1-3 Noong si Belshazar ang hari ng Babilonia, naghanda siya ng malaking piging para sa kanyang 1,000 marangal na mga bisita. Habang nag-iinuman sila, ipinakuha ni Belshazar ang mga tasang ginto at pilak na kinuha ng ama niyang si Nebucadnezar sa templo ng Dios sa Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito para gamitin nila ng kanyang mga marangal na mga bisita, ng kanyang mga asawa, at ng iba pa niyang mga asawang alipin. Nang madala na sa kanya ang mga tasa, ginamit nila ito para inuman. 4 At habang silaʼy nag-iinuman, pinupuri nila ang kanilang mga dios na gawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5 Walang anu-anoʼy may nakitang kamay ang hari na sumusulat sa pader ng palasyo malapit sa ilawan. 6 Dahil dito, nanginig at namutla ang hari sa tindi ng takot. 7 Kaya sumigaw siya na ipatawag ang marurunong sa Babilonia: ang mga salamangkero, mga astrologo,[a] at mga manghuhula.
Nang dumating sila, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang makabasa ng nakasulat na iyan at makapagpaliwanag ng kahulugan ay bibihisan ko ng maharlikang damit at pasusuotan ko ng gintong kwintas. At siyaʼy magiging pangatlong pinakamataas na pinuno sa aking kaharian.”
8 Lumapit ang mga marurunong upang basahin ang nakasulat sa pader. Pero hindi nila kayang basahin o maipaliwanag sa hari ang kahulugan nito. 9 Kaya lalong natakot at namutla si Haring Belshazar. Litong-lito naman ang isip ng kanyang marangal na mga bisita.
10 Nang marinig ng reyna[b] ang kanilang pagkakagulo, lumapit siya sa kanila at sinabi, “Mabuhay ang Mahal na Hari! Huwag kang matakot o mag-alala, 11 dahil may isang tao sa iyong kaharian na nasa kanya ang espiritu ng banal na mga dios.[c] Noong panahon ng iyong amang si Haring Nebucadnezar, ang taong ito ay nagpamalas ng kanyang karunungan tulad sa karunungan ng mga dios. Ginawa siya ng iyong ama na pinuno ng mga salamangkero, engkantador, manghuhula, at mga astrologo. 12 Siya ay si Daniel na pinangalanan ng hari na Belteshazar. May pambihira siyang kakayahan at karunungan. Marunong siyang magbigay-kahulugan sa mga panaginip, magpaliwanag ng mga bugtong, at lumutas ng mahihirap na mga problema. Kaya ipatawag mo siya at ipapaliwanag niya ang kahulugan ng nakasulat na iyon sa pader.”
13 Kaya ipinatawag si Daniel. At nang siyaʼy dumating, sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw pala si Daniel na isa sa mga bihag na Judio na dinala rito ng aking ama mula sa Juda. 14 Nabalitaan kong ang espiritu ng mga dios ay nasa iyo at mayroon kang pambihirang kakayahan at karunungan. 15 Ipinatawag ko na ang marurunong, pati na ang mga engkantador, para ipabasa at ipaliwanag ang kahulugan ng nakasulat na iyon sa pader, pero hindi nila ito nagawa. 16 Nabalitaan kong marunong kang magpaliwanag ng kahulugan ng mga pangyayari at kaya mo ring lutasin ang mabibigat na mga problema. Kung mababasa mo at maipapaliwanag ang kahulugan ng nakasulat na iyan, pabibihisan kita ng maharlikang damit at pasusuotan ng gintong kwintas. At gagawin kitang pangatlong pinakamataas na pinuno sa aking kaharian.”
17 Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng regalo; ibigay nʼyo na lamang sa iba. Pero babasahin ko pa rin para sa inyo ang nakasulat sa pader at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito.
18 “Mahal na Hari, ang inyong amang si Nebucadnezar ay ginawang hari ng Kataas-taasang Dios. Naging makapangyarihan siya at pinarangalan. 19 Dahil sa kapangyarihang ibinigay ng Dios sa kanya, ang mga tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi at wika ay natakot sa kanya. Nagagawa niyang patayin ang sinumang gusto niyang patayin. At nagagawa rin niyang huwag patayin ang gusto niyang huwag patayin. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas, at ibinababa niya sa tungkulin ang gusto niyang ibaba. 20 Pero siya ay naging mayabang at nagmataas, kaya pinaalis siya sa kanyang tungkulin bilang hari, 21 at itinaboy mula sa mga tao. Naging isip-hayop siya. Tumira siya kasama ng mga asnong-gubat at kumain ng damo na parang baka. Palaging basa ng hamog ang kanyang katawan. Ganoon ang kanyang kalagayan hanggang kilalanin niya na ang Kataas-taasang Dios ang siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin.
22 “At ikaw, Haring Belshazar na anak niya, kahit na alam mo ang lahat ng ito, hindi ka pa rin nagpakumbaba, 23 sa halip itinuring mong mas mataas ka kaysa sa Panginoon. Ipinakuha mo ang mga tasang mula sa templo ng Dios at ginamit ninyong inuman ng iyong marangal na mga bisita, mga asawa, at iba pang mga asawang alipin. Maliban diyan, sumamba ka pa sa mga dios-diosang gawa sa pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy, at bato. Itoʼy mga dios na hindi nakakakita, hindi nakakarinig, at hindi nakakaunawa. Ngunit hindi mo man lang pinuri ang Dios na siyang may hawak ng iyong buhay at nakakaalam ng iyong landas na dadaanan. 24-25 Kaya ipinadala niya ang kamay na iyon para isulat ang mga katagang ito:
“Mene, Mene, Tekel, Parsin. 26 Ang ibig sabihin nito:
Ang Mene ay nangangahulugan na bilang na ng Dios ang natitirang araw ng paghahari mo, dahil wawakasan na niya ito.
27 Ang Tekel ay nangangahulugan na tinimbang ka ng Dios at napatunayang ikaw ay nagkulang.
28 Ang Parsin[d] ay nangangahulugan na ang kaharian moʼy mahahati at ibibigay sa Media at Persia.”
29 Pagkatapos magsalita ni Daniel, iniutos ni Haring Belshazar na bihisan si Daniel ng maharlikang damit at suotan ng gintong kwintas. At ipinahayag ng hari na siya ay magiging pangatlong pinakamataas na pinuno sa kaharian ng Babilonia.
30 Nang gabi ring iyon, pinatay si Belshazar na hari ng mga taga-Babilonia.[e] 31 At si Darius na taga-Media ang pumalit sa kanya, na noon ay 62 taong gulang na.
Ang mga Huwad na Guro
2 Ngunit nagkaroon din ng mga huwad na propeta sa mga mamamayan ng Israel noong araw, at ganito rin ang mangyayari sa inyo. Magkakaroon ng mga huwad na guro sa inyo at palihim nilang ituturo ang mga aral na makakasira sa pananampalataya ninyo. Itatakwil nila maging ang Panginoon na tumubos sa kanila, kaya biglang darating sa kanila ang kapahamakan. 2 Sa kabila nito, marami pa ring susunod sa nakakahiya nilang pamumuhay, at dahil sa kanila, malalapastangan ang katotohanang sinusunod natin. 3 Dahil sa kasakiman nila, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng matatamis na salita para kwartahan kayo. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila, at malapit na silang lipulin.
4 Kahit nga ang mga anghel ay hindi kinaawaan ng Dios nang nagkasala sila. Sa halip, itinapon sila sa malalim at madilim na hukay para roon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. 5 Hindi rin kinaawaan ng Dios ang mga tao noong unang panahon dahil sa kasamaan nila, kundi nilipol silang lahat sa baha. Tanging si Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay at ang pito niyang kasama ang nakaligtas. 6 Hinatulan din ng Dios ang mga lungsod ng Sodom at Gomora dahil sa kasamaan nila, at sinunog ang mga ito, para ipakita ang mangyayari sa masasama. 7 Pero iniligtas ng Dios si Lot, isang taong matuwid na nababahala sa malaswang pamumuhay ng mga tao. 8 Habang naninirahan doon si Lot, araw-araw niyang nasasaksihan ang masasama nilang gawain at labis na naghihirap ang kalooban niya. 9-10 Kaya makikita natin na alam ng Panginoon kung paano iligtas sa mga pagsubok ang mga matuwid, at kung paano parusahan ang masasama. Parurusahan niya lalo na ang mga sumusunod sa masasamang nasa ng kanilang laman at ayaw magpasakop sa kanya, hanggang sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Ang binabanggit kong mga huwad na guro ay mayayabang at mapangahas. Hindi sila natatakot lapastanganin ang mga makapangyarihang nilalang. 11 Kahit ang mga anghel, na higit pang malakas at makapangyarihan sa mga gurong ito, ay hindi nilalapastangan ang mga makapangyarihang nilalang sa harap ng Panginoon. 12 Pero nilalapastangan ng mga gurong ito ang mga bagay na wala naman silang alam. Para silang mga hayop na walang isip at ipinanganak para hulihin at patayin. Talagang lilipulin ang mga taong ito. 13 Ito ang kabayaran sa ginagawa nilang kasamaan. Mahilig silang gumawa ng lantarang kalaswaan. Malaking kahihiyan at kapintasan ang dala nila sa inyo. Natutuwa silang lokohin kayo habang kumakain silang kasama ninyo sa mga pagsasalo-salo ninyo. 14 Kung tumingin sila sa babae, puno ito ng pagnanasa. Wala silang tigil sa paggawa ng kasalanan at hinihikayat pa ang mga taong mahihina. Sanay sila sa pagiging sakim. Mga isinumpa sila! 15 Tinalikuran nila ang tamang daan, kaya sila naligaw. Sinunod nila ang halimbawa ni Balaam na anak ni Beor na pumayag masuhulan sa paggawa ng masama. 16 At dahil nilabag niya ang utos ng Dios, sinumbatan siya ng asno[a] niyang nakapagsalita na parang tao upang mapigilan siya sa kabaliwan niya.
17 Ang mga huwad na gurong itoʼy tulad ng mga natuyong batis at mga ulap na tinatangay ng malakas na hangin. Inilaan na sila ng Dios sa kadiliman. 18 Mayabang silang magsalita, pero wala namang kabuluhan. Sinasabi nilang hindi masama ang pagsunod sa masasamang nasa ng laman. Kaya nahihikayat nilang bumalik sa imoralidad ang mga taong kakatalikod pa lamang sa masamang pamumuhay. 19 Ipinapangako nila ang kalayaan sa mga nahihikayat nila, pero sila mismo ay mga alipin ng kasalanang magpapahamak sa kanila. Sapagkat alipin ang tao ng anumang kumokontrol sa kanya. 20 Ang mga taong nakakilala na kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas ay tumalikod na sa kasamaan ng mundo. Ngunit kung muli silang bumalik sa kasamaan at maging alipin muli nito, mas masahol pa sa dati ang magiging kalagayan nila. 21 Mas mabuti pang hindi na nila natagpuan ang landas patungo sa matuwid na pamumuhay, kaysa sa natagpuan ito at talikuran lang sa bandang huli ang mga banal na utos na ibinigay sa kanila. 22 Bagay sa kanila ang kasabihan,
“Ang asoʼy kumakain ng suka niya.”[b]
At, “Ang baboy, paliguan man ay babalik din sa kanyang lubluban.”
113 Kinamumuhian ko ang mga taong hindi tapat sa inyo,
ngunit iniibig ko ang inyong mga kautusan.
114 Kayo ang aking kanlungan at pananggalang;
akoʼy umaasa sa inyong mga salita.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama,
upang masunod ko ang mga utos ng aking Dios.
116 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kalakasan ayon sa inyong pangako
upang ako ay patuloy na mabuhay;
at huwag nʼyong hayaan na mabigo ako sa pag-asa ko sa inyo.
117 Tulungan nʼyo ako upang ako ay maligtas;
at nang lagi kong maituon sa inyong mga tuntunin ang aking isipan.
118 Itinakwil nʼyo ang lahat ng lumayo sa inyong mga tuntunin.
Sa totoo lang, ang kanilang panloloko ay walang kabuluhan.
119 Itinuturing nʼyo na parang basura ang lahat ng masasama rito sa mundo,
kaya iniibig ko ang inyong mga turo.
120 Nanginginig ako sa takot sa inyo;
sa hatol na inyong gagawin ay natatakot ako.
121 Ginawa ko ang matuwid at makatarungan,
kaya huwag nʼyo akong pababayaan sa aking mga kaaway.
122 Ipangako nʼyong tutulungan nʼyo ako na inyong lingkod;
huwag pabayaang apihin ako ng mga mayayabang.
123 Nagdidilim na ang aking paningin sa paghihintay sa inyong pangako na ililigtas ako.
124 Gawin nʼyo sa akin na inyong lingkod ang naaayon sa inyong pagmamahal,
at ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
125 Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa,
upang maunawaan ko ang inyong mga katuruan.
126 Panginoon, ito na ang panahon upang kayo ay kumilos,
dahil nilalabag ng mga tao ang inyong kautusan.
127 Pinahahalagahan ko ang inyong mga utos,
nang higit pa kaysa sa ginto o pinakadalisay na ginto.
128 Sinusunod ko ang lahat nʼyong mga tuntunin,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng masamang gawain.
19 Ang masipag na magsasaka ay sasagana sa pagkain, ngunit maghihirap ang taong nag-aaksaya ng oras niya.
20 Ang taong tapat ay sasagana sa pagpapala, ngunit ang taong nagmamadaling yumaman ay parurusahan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®