The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Inihulog si Daniel sa Kulungan ng mga Leon
6 Pumili si Haring Darius ng 120 gobernador para mamahala sa kanyang buong kaharian. 2 Ang mga gobernador na itoʼy nasa ilalim ng pamamahala ng tatlong administrador, at isa sa kanila ay si Daniel. Ginawa ito para hindi mahirapan sa pamamahala ang hari. 3 Si Daniel ang natatangi sa kanilang lahat dahil sa kanyang pambihirang kakayahan, kaya binalak ng hari na siya ang gawing tagapamahala ng buong kaharian. 4 Dahil dito, ang dalawa pang kasama niyang administrador at mga gobernador ay naghanap ng kamalian sa pamamahala ni Daniel para paratangan siya. Pero wala silang makita, dahil si Daniel ay tapat sa kanyang tungkulin at maaasahan. 5 Kaya sinabi nila, “Wala tayong maipaparatang sa kanya maliban kung hahanap tayo ng kasalanan na may kaugnayan sa Kautusan ng kanyang Dios.”
6 Kaya pumunta sila sa hari at sinabi, “Mahal na Hari! 7 Kaming mga administrador, mayor, gobernador, tagapayo, at mga komisyoner ng inyong kaharian ay nagkasundong hilingin sa inyo na gumawa ng kautusan na sa loob ng 30 araw ay walang mananalangin sa sinumang dios o tao maliban sa inyo. At dapat itong sundin, dahil ang sinumang susuway sa utos na ito ay itatapon sa kulungan ng mga leon. 8 Kaya Mahal na Hari, magpalabas na po kayo ng ganoong kautusan. Ipasulat nʼyo po at lagdaan para hindi na mabago o mapawalang-bisa ayon sa kautusan ng ating kahariang Media at Persia.”
9 Pumayag si Haring Darius, kaya nilagdaan niya ang kautusang iyon. 10 Nang malaman ni Daniel na lumagda ang hari, umuwi siya at pumunta sa kanyang silid na nasa itaas na bahagi ng bahay, kung saan nakabukas ang bintana na nakaharap sa Jerusalem. Doon lumuhod siya, nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Dios, tatlong beses sa isang araw, ayon sa kanyang nakaugalian. 11 Pero sinusubaybayan pala siya ng mga opisyal na kumakalaban sa kanya, at nakita nila siyang nananalangin at nagpupuri sa kanyang Dios. 12 Kaya pumunta sila sa hari at sinabi ang paglabag ni Daniel sa kautusan. Sinabi nila sa hari, “Mahal na Hari, hindi baʼt lumagda kayo ng kautusan na sa loob ng 30 araw ay walang mananalangin sa alin mang dios o tao maliban sa inyo? At ang sinumang lumabag sa kautusang iyon ay ihuhulog sa kulungan ng mga leon?”
Sumagot ang hari, “Totoo iyon, at hindi na iyon mababago o mapapawalang-bisa ayon sa kautusan ng ating kahariang Media at Persia.”
13 Sinabi nila sa hari, “Si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi sumusunod sa inyong utos. Nananalangin siya sa kanyang Dios ng tatlong beses sa isang araw.” 14 Nang marinig ito ng hari, nabalisa siya ng sobra. Nais niyang tulungan si Daniel, kaya buong maghapon siyang nag-isip at naghanap ng paraan para mailigtas si Daniel.
15 Nagtipong muli ang mga opisyal ng hari at sinabi, “Mahal na Hari, alam nʼyo naman na ayon sa kautusan ng Media at Persia, kapag nagpalabas ang hari ng kautusan ay hindi na ito maaaring baguhin.”
16 Kaya iniutos ng hari na hulihin si Daniel at ihulog sa kulungan ng mga leon. Sinabi ng hari kay Daniel, “Iligtas ka nawa ng iyong Dios na patuloy mong pinaglilingkuran.”
17 Pagkatapos, tinakpan ng isang malaking bato ang kulungan na pinaghulugan kay Daniel, at tinatakan ng singsing ng hari at ng singsing ng mga marangal sa kaharian para walang sinumang magbubukas nito. 18 Pagkatapos ay umuwi si Haring Darius sa palasyo niya. Hindi siya kumain ng gabing iyon at hindi rin humiling na siya ay aliwin. At hindi siya makatulog.
19 Kinaumagahan, nagbubukang-liwayway pa lamang ay nagmamadaling pumunta ang hari sa kulungan ng mga leon. 20 Pagdating niya roon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, lingkod ng buhay na Dios, iniligtas ka ba sa mga leon ng iyong Dios na patuloy mong pinaglilingkuran?” 21 Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari! 22 Hindi ako sinaktan ng mga leon, dahil nagpadala ang Dios ng kanyang mga anghel para itikom ang mga bibig ng mga leon. Ginawa ito ng Dios dahil alam niyang matuwid ang aking buhay at wala akong ginawang kasalanan sa inyo.” 23 Nang marinig iyon ng hari, nagalak siya at nag-utos na kunin si Daniel sa kulungan. Nang nakuha na si Daniel, wala silang nakitang kahit galos man lamang sa kanyang katawan, dahil nagtiwala siya sa Dios.
24 Nag-utos ang hari na ang lahat ng nagparatang kay Daniel ay hulihin at ihulog sa kulungan ng mga leon pati ang kanilang asawaʼt mga anak. Hindi pa sila nakakarating sa ilalim ng kulungan, agad silang sinakmal ng mga leon at nilapa.
25 Pagkatapos ay sumulat si Haring Darius sa lahat ng tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi at wika sa mundo. Ito ang nakasulat:
“Nawaʼy nasa mabuti kayong kalagayan.
26 “Iniuutos ko sa lahat ng tao na nasasakupan ng aking kaharian na matakot at gumalang sa Dios ni Daniel.
Sapagkat siya ang buhay na Dios at nabubuhay magpakailanman.
Ang paghahari niya ay walang hanggan,
at walang makakapagbagsak nito.
27 Nagliligtas siya at gumagawa ng mga himala at kababalaghan sa langit at dito sa lupa.
Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.”
28 Naging maunlad ang buhay ni Daniel sa panahon ng paghahari ni Darius at sa panahon ng paghahari ni Cyrus na taga-Persia.
Ang Pagbabalik ng Panginoon
3 Mga minamahal, pangalawang sulat ko na ito sa inyo. Sa mga sulat ko, sinikap kong gisingin ang kaisipan nʼyo sa kabutihan, sa pamamagitan ng pagpapaalala sa inyo ng ilang bagay. 2 Nais kong ipaalala sa inyo ang mga salita ng mga propeta ng Dios noong una at ang utos na ibinigay sa inyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. 3 Una sa lahat, dapat ninyong maunawaan na sa mga huling araw ay darating ang mga manlilibak at susundin ang masasama nilang nasa. 4 Sasabihin nila, “Hindi baʼt nangako si Cristo na babalik siya? Nasaan na siya ngayon? Namatay na ang mga magulang namin pero wala pa ring pagbabago mula nang likhain ang mundo.” 5 Sinasadya nilang kalimutan ang katotohanan na nilikha ng Dios ang langit sa pamamagitan ng kanyang salita. At nilikha niya ang lupa mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig.[a] 6 At sa pamamagitan din ng tubig, bumaha sa mundo at nalipol ang lahat. 7 Sa pamamagitan din ng kanyang salita, itinakdang tupukin ng Dios sa apoy ang kasalukuyang langit at lupa sa Araw ng Paghuhukom at paglipol sa masasama.
8 Ngunit huwag sana ninyong kakalimutan mga minamahal, na sa Panginoon, walang pinagkaiba ang isang araw sa isang libong taon. Para sa kanya ang mga ito ay pareho lang. 9 Hindi nagpapabaya ang Panginoon sa pagtupad sa pangako niya, gaya ng inaakala ng ilan. Ang totoo, binibigyan lang niya ng pagkakataong magsisi ang lahat sa mga kasalanan nila, dahil ayaw niyang mapahamak ang sinuman. 10 Ang araw ng Panginoon ay darating na tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, biglang mawawala ang kalangitan na may nakakapangilabot na ugong. Masusunog ang lupa[b], at mawawala ang lahat ng nasa lupa. 11 Kung ganito ang magiging kahihinatnan ng lahat, dapat kayong mamuhay nang banal at makadios, 12 habang hinihintay nʼyo ang araw ng pagdating ng Dios at ginagawa ang makakayanan nʼyo para mapadali ang pagdating niya. Sa araw na ito, masusunog ang langit sa apoy at matutunaw ang lahat ng nasa lupa sa tindi ng init. 13 Ngunit ayon sa pangako niya, may maaasahan din tayong bagong langit at lupa na paghaharian ng katarungan.
14 Kaya nga, mga minamahal, habang inaasahan nʼyo ang bagay na ito, pagsikapan ninyong mamuhay nang mapayapa, malinis, at walang kapintasan sa paningin niya. 15 Alalahanin nʼyo na kaya hindi pa dumarating ang Panginoon ay para bigyan ng pagkakataong maligtas ang mga tao, gaya nga ng mga isinulat sa inyo ng mahal nating kapatid na si Pablo sa pamamagitan ng karunungang ibinigay sa kanya ng Panginoon. 16 At ito rin ang sinasabi niya sa lahat ng sulat niya. May ilang bahagi sa mga sulat niya na mahirap intindihin, na binibigyan ng maling kahulugan ng mga hangal at mahihina ang pananampalataya, gaya ng ginagawa nila sa ibang mga Kasulatan. Kaya sila mismo ang nagpapahamak sa sarili nila. 17 Mga minamahal, alam na ninyo ito kahit noon pa. Kaya mag-ingat kayo nang hindi kayo maloko sa pamamagitan ng mga maling aral ng mga taong suwail, at mawalay sa mabuti ninyong kalagayan sa Dios. 18 Sa halip, lumago kayo sa biyaya ng Dios at sa pagkakakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Purihin siya ngayon at magpakailanman! Amen.
129 Kahanga-hanga ang inyong mga turo,
kaya sinusunod ko ito nang buong puso.
130 Ang pagpapahayag ng inyong mga salita ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao at karunungan sa mga wala pang kaalaman.
131 Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.
132 Masdan nʼyo ako at kahabagan,
gaya ng lagi nʼyong ginagawa sa mga umiibig sa inyo.
133 Patnubayan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong mga salita,
at huwag nʼyong hayaang pagharian ako ng kasamaan.
134 Iligtas nʼyo ako sa mga nang-aapi sa akin,
upang masunod ko ang inyong mga tuntunin.
135 Ipakita nʼyo sa akin na inyong lingkod ang inyong kabutihan,
at turuan nʼyo ako ng inyong mga tuntunin.
136 Labis akong umiiyak dahil hindi sinusunod ng mga tao ang inyong kautusan.
137 Matuwid kayo, Panginoon,
at tama ang inyong mga paghatol.
138 Ang inyong ibinigay na mga turo ay matuwid at mapagkatiwalaan.
139 Labis ang aking galit dahil binalewala ng aking mga kaaway ang inyong mga salita.
140 Napatunayan na maaasahan ang inyong mga pangako,
kaya napakahalaga nito sa akin na inyong lingkod.
141 Kahit mahirap lang ako at inaayawan, hindi ko kinakalimutan ang inyong mga tuntunin.
142 Walang katapusan ang inyong katuwiran,
at ang inyong kautusan ay batay sa katotohanan.
143 Dumating sa akin ang mga kaguluhan at kahirapan,
ngunit ang inyong mga utos ay nagbigay sa akin ng kagalakan.
144 Ang inyong mga turo ay matuwid at walang hanggan.
Bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang patuloy akong mabuhay.
145 Panginoon, buong puso akong tumatawag sa inyo;
sagutin nʼyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.
146 Tumatawag ako sa inyo;
iligtas nʼyo ako, at susundin ko ang inyong mga tuntunin.
147 Gising na ako bago pa sumikat ang araw
at humihingi ng tulong sa inyo,
dahil nagtitiwala ako sa inyong pangako.
148 Akoʼy nagpuyat ng buong magdamag, upang pagbulay-bulayan ang inyong mga pangako.
149 Panginoon, dinggin nʼyo ako ayon sa inyong pagmamahal;
panatilihin nʼyo akong buhay ayon sa inyong paghatol.[a]
150 Palapit na nang palapit ang masasamang umuusig sa akin, ang mga taong tumatanggi sa inyong kautusan.
151 Ngunit malapit kayo sa akin, Panginoon; at ang inyong mga utos ay maaasahan.
152 Sa pag-aaral ko ng inyong mga turo, naunawaan ko noon pa man na ang inyong mga katuruan ay magpapatuloy magpakailanman.
21 Hindi mabuti ang may kinikilingan, ngunit may mga gumagawa nito dahil sa kaunting suhol.
22 Nagmamadaling yumaman ang taong sa pera ay gahaman, ngunit ang hindi niya alam patungo pala siya sa kahirapan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®