The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
Nanalangin si Daniel para sa mga Israelita
9 1-2 Si Darius na taga-Media na anak ni Ahasuerus[a] ang hari noon sa buong Babilonia. Noong unang taon ng paghahari niya, nalaman ko sa mga Kasulatan na mananatiling giba ang Jerusalem sa loob ng 70 taon, ayon sa sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias. 3 Dahil dito, lumapit ako sa Panginoong Dios at nanalangin. Nag-ayuno ako, nagdamit ng sako, at naglagay ng abo sa ulo.[b] 4 Nanalangin ako sa Panginoon na aking Dios at humingi ng tawad para sa aming mga kasalanan:
“Panginoon, kayo ay makapangyarihan at kahanga-hangang Dios. Tapat po kayo sa pagtupad ng inyong pangako na mamahalin nʼyo ang mga nagmamahal sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos. 5 Nagkasala kami sa inyo. Gumawa kami ng kasamaan at sumuway sa inyong mga utos at tuntunin. 6 Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na inutusan nʼyong makipag-usap sa aming hari, mga pinuno, matatanda at sa lahat ng taga-Israel.
7 “Panginoon, matuwid po kayo, pero kami ay kahiya-hiya pa rin hanggan ngayon. Gayon din ang lahat ng mga mamamayan ng Juda at Jerusalem, at ang lahat ng Israelita na pinangalat nʼyo sa malalapit at malalayong lugar dahil sa kanilang pagsuway sa inyo. 8 Panginoon, kami ay talagang kahiya-hiya, pati ang aming hari, mga pinuno, at matatanda dahil kami ay nagkasala sa inyo. 9 Pero maawain pa rin kayo, Panginoon naming Dios, at mapagpatawad kahit na sumuway kami sa inyo. 10 Hindi kami sumunod sa inyo dahil hindi namin sinunod ang mga utos na ibinigay ninyo sa amin sa pamamagitan ng inyong mga lingkod na propeta. 11 Ang lahat ng Israelita ay sumuway sa inyong Kautusan; ayaw nilang sundin ang mga sinabi ninyo. At dahil sa aming pagkakasala, dumating sa amin ang sumpa na nakasulat sa Kautusan ni Moises na inyong lingkod. 12 Tinupad po ninyo ang inyong sinabi laban sa amin at sa aming mga pinuno na kami ay inyong parurusahan nang matindi. Kaya ang nangyari sa Jerusalem ay walang katulad sa buong mundo. 13 Dumating sa amin ang parusang ito ayon sa nasusulat sa Kautusan ni Moises. Pero sa kabila nito, hindi namin sinikap na malugod kayo sa amin sa pamamagitan ng pagtalikod sa aming mga kasalanan at ang pagkilala sa inyong katotohanan. 14 Kaya handa kayong parusahan kami; at ginawa nʼyo nga dahil palagi kayong tama sa inyong mga ginagawa. Pero hindi pa rin kami sumunod sa inyo.
15 “Panginoon naming Dios, ipinakita nʼyo ang inyong kapangyarihan noong pinalaya ninyo ang inyong mga mamamayan sa Egipto, at dahil dito ay naging tanyag kayo hanggang ngayon. Inaamin namin na kami ay nagkasala at gumawa ng kasamaan. 16 Kaya, Panginoon, ayon sa inyong ginagawang matuwid, nakikiusap ako na alisin nʼyo na ang inyong galit sa Jerusalem, ang inyong lungsod at banal[c] na bundok. Dahil sa aming kasalanan at sa kasalanan ng aming mga ninuno, hinamak kami at ang Jerusalem ng mga taong nakapaligid sa amin.
17 “Kaya ngayon, O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panalangin at pagsamo. Alang-alang sa inyong pangalan, muli nʼyong itayo ang inyong templong[d] nagiba at napabayaan. 18 O Dios, pakinggan nʼyo ako. Tingnan nʼyo ang nakakawa naming kalagayan at ang wasak nʼyong bayan, kung saan kinikilala ang iyong pangalan. Hindi kami dumadalangin sa dahilang kami ay matuwid, kundi dahil sa alam naming kayo ay mahabagin. 19 Panginoon, dinggin nʼyo po kami at patawarin. Tulungan nʼyo kami agad alang-alang sa inyong pangalan, dahil kayo ay kinikilalang Dios sa inyong bayan at ng inyong mga mamamayan.”
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Kahulugan ng Pangitain
20 Patuloy akong nananalangin at sinasabi ang aking kasalanan at ang kasalanan ng aking mga kababayang Israelita. Nagmakaawa ako sa Panginoon kong Dios alang-alang sa kanyang banal na bundok. 21 At habang nananalangin ako, mabilis na lumipad papunta sa akin si Gabriel na nakita ko noon sa aking pangitain. Oras iyon ng panghapong paghahandog.[e] 22 Pinaunawa niya sa akin at sinabi, “Daniel, naparito ako para ipaliwanag sa iyo ang tungkol sa pangitain. 23 Sa simula pa lamang ng iyong panalangin ay may ipinahayag na ang Dios, kung kayaʼt akoʼy pumarito para sabihin sa iyo, dahil mahal ka ng Dios. Kaya makinig ka at unawain ang sasabihin ko sa iyo.
24 “490 taon[f] ang itinakda ng Dios sa banal na lungsod at sa mga kababayan mo para tigilan nila ang pagrerebelde sa Dios, para mapatawad ang kanilang kasalanan, para mapairal ng Dios ang walang hanggang katuwiran, para matupad ang pangitain at propesiya, at para maihandog na muli ang templo sa Dios.
25 “Dapat mong malaman at maintindihan na mula sa panahong iniutos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Dios ay lilipas muna ang 49 na taon.[g] At sa loob ng 434 na taon[h] ay muling itatayo ang Jerusalem na may mga plasa at tanggulan. Magiging magulo sa panahong iyon. 26 Pagkatapos ng 434 na taon,[i] papatayin ang pinunong hinirang ng Dios at walang tutulong sa kanya.[j] Darating ang isang hari at sisirain ng mga tauhan niya ang bayan at ang templo. At ayon sa itinakda ng Dios, ang pagwasak at digmaan ay magpapatuloy hanggang sa katapusan. Ang katapusan ay darating na parang baha. 27 Ang haring iyon ay gagawa ng matibay na kasunduan sa napakaraming tao sa loob ng pitong taon. Pero pagkatapos ng tatlong taon at kalahati, patitigilin niya ang mga paghahandog at ilalagay niya ang kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pagpapabaya sa templo. Mananatili ito roon hanggang sa dumating ang katapusan ng hari na itinakda ng Dios.”
Ang Pangitain ni Daniel sa Pampang ng Ilog ng Tigris
10 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Cyrus sa Persia, may ipinahayag na mensahe kay Daniel na tinatawag ding Belteshazar. Totoo ang pahayag at tungkol ito sa malaking digmaan. Naunawaan ni Daniel ang pahayag dahil ipinaliwanag ito sa kanya sa pamamagitan ng isang pangitain. 2 Ganito ang nangyari ayon kay Daniel:
Nang panahong iyon, tatlong linggo akong nagdalamhati. 3 Hindi ako kumain ng masarap na pagkain, ni tumikim ng karne o uminom ng alak, at hindi rin ako nagpabango ng katawan sa loob ng tatlong linggo.
4 Nang ika-24 na araw ng unang buwan, nakatayo ako sa tabi ng malawak na Ilog ng Tigris. 5 May nakita ako doon na parang tao na nakadamit ng telang linen at may tali sa baywang na puro ginto. 6 Ang katawan niya ay kumikinang na parang mamahaling bato. Ang kanyang mukha ay kumikislap na parang kidlat, at ang kanyang mga mata ay nagliliyab na parang sulo. Ang kanyang mga kamay at mga paa ay kumikinang na parang makinis na tanso, at ang kanyang tinig ay parang ingay ng napakaraming tao.
7 Ako lang talaga ang nakakita ng pangitaing iyon. Hindi iyon nakita ng aking mga kasama, pero nagsipagtago sila dahil sa takot. 8 Kaya naiwan akong nag-iisa at ako lang ang nakakita ng kamangha-manghang pangitaing iyon. Namutla ako at nawalan ng lakas. 9 Narinig kong nagsasalita ang taong iyon. At habang nagsasalita siya, nawalan ako ng malay at nasubsob sa lupa. 10 Hinawakan at tinulungan niya ako habang nanginginig pa ang aking mga kamay at mga tuhod. 11 Sinabi niya, “Daniel, mahal ka ng Dios. Tumayo ka at makinig nang mabuti sa sasabihin ko sa iyo, dahil isinugo ako ng Dios dito sa iyo.” Pagkasabi niya noon, nanginginig akong tumayo. 12 Sinabi niya sa akin, “Daniel, huwag kang matakot. Sapagkat sa unang araw pa lamang ng iyong pagpapakumbaba sa Dios at sa hangad mong maunawaan ang pangitain, sinagot na ang iyong dalangin. Kaya pumarito ako para dalhin ang kasagutan sa iyong dalangin. 13 Pero hindi ako nakarating agad dito dahil sa loob ng 21 araw ay hinadlangan ako ng pinuno[k] ng kaharian ng Persia. Mabuti na lang at tinulungan ako ni Micael na pinuno ng mga anghel dahil ako lang ang nakikipaglaban sa pinuno ng Persia. 14 Narito ako ngayon para ipaliwanag sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong mga kababayang Israelita sa hinaharap, dahil ang iyong pangitain ay tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap.”
15 Habang nagsasalita siya sa akin, napayuko na lang ako at hindi nakapagsalita. 16 Hinipo ako sa bibig nitong parang tao, at nakapagsalita akong muli. Sinabi ko sa kanya na nakatayo sa aking harapan, “Ginoo, nabagabag po ako at nawalan ng lakas dahil sa pangitaing nakita ko. 17 Paano ako makikipag-usap sa inyo gayong wala na akong lakas at halos hindi na ako makahinga?”
18 Kaya muli niya akong hinipo at bumalik ang aking lakas. 19 Sinabi niya sa akin, “Ikaw na mahal ng Dios, huwag kang matakot o mag-alala. Magpakalakas at magpakatatag ka.” Nang masabi niya ito sa akin, muli akong lumakas. Sinabi ko sa kanya, “Ituloy nʼyo po ang pagsasalita, dahil pinalakas nʼyo na ako.” 20 Sumagot siya, “Kinakailangang bumalik ako sa pakikipaglaban sa pinuno ng Persia. Pagkatapos, darating naman ang pinuno[l] ng Grecia. Pero alam mo ba kung bakit ako pumarito sa iyo? 21 Naparito ako para ipaliwanag sa iyo ang nakasulat sa Aklat ng Katotohanan. Sa aking pakikipaglaban, walang ibang tumulong sa akin kundi si Micael lamang, ang pinuno[m] ng Israel.
11 “Noong unang taon ng paghahari ni Darius na taga-Media, ako ang tumulong at nagtanggol kay Micael.
Ang Anti-Cristo
18 Mga anak, malapit na ang mga huling araw, at tulad ng narinig ninyo, malapit na ang pagdating ng anti-Cristo. Ngayon pa lang ay marami nang anti-Cristo, kaya alam nating malapit na ang mga huling araw. 19 Kahit naging kasama natin sila noong una, hindi sila tunay na kabilang sa atin. Sapagkat kung tunay na kabilang sila, nanatili sana sila sa atin. Ngunit ang pagtiwalag nilaʼy nagpapakita na hindi talaga sila kabilang sa atin.
20 Ngunit ipinagkaloob sa inyo ang Banal na Espiritu, kaya alam ninyong lahat ang katotohanan. 21 Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan kundi dahil sa alam nʼyo na, at alam din ninyo na walang kasinungalingan na maaaring magmula sa katotohanan. 22 At sino ba ang sinungaling? Ang taong nagsasabing hindi si Jesus ang Cristo. Siya ang anti-Cristo. Ayaw niyang kilalanin ang Ama at ang Anak. 23 Ang taong hindi kumikilala sa Anak, hindi sumasakanya ang Ama. Ngunit ang taong kumikilala sa Anak, sumasakanya ang Ama.
24 Huwag ninyong kalimutan ang mga natutunan ninyo mula pa noong una, upang patuloy kayong mamuhay nang may pagkakaisa sa Anak at sa Ama. 25 Sa ganoon, mapapasainyo ang ipinangako ni Cristo: ang buhay na walang hanggan.
26 Isinusulat ko sa inyo ang tungkol sa mga taong nanlilinlang sa inyo. 27 Kung tungkol naman sa inyo, ang Banal na Espiritu[a] na tinanggap ninyo kay Cristo ay nananatili sa inyo, kaya hindi na kailangang turuan pa kayo ng iba. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang magtuturo sa inyo sa lahat ng bagay. At ang mga itinuturo niya ay katotohanan at hindi kasinungalingan. At gaya ng itinuro niya sa inyo, manatili kayo kay Cristo.
28 Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya, upang magkaroon tayo ng kapanatagan sa kanyang pagbabalik, at hindi tayo mapahiya pagdating ng araw na iyon. 29 Alam ninyo na si Cristo ay matuwid, kaya makasisiguro kayo na ang lahat ng taong gumagawa ng matuwid ay mga anak ng Dios.
Mga Anak ng Dios
3 Pag-isipan ninyo kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Ama sa atin! Tinawag niya tayong mga anak niya, at tunay nga na tayoʼy mga anak niya! Kaya hindi tayo nakikilala ng mga tao sa mundo dahil hindi nila kilala ang Dios. 2 Mga minamahal, mga anak na tayo ng Dios. Ngunit hindi pa naihahayag kung magiging ano tayo sa hinaharap. Alam natin na sa pagbabalik ni Cristo, tayo ay magiging katulad niya dahil makikita natin kung sino talaga siya. 3 Kaya ang sinumang may ganitong pag-asa kay Cristo ay dapat maging matuwid sa kanyang buhay, tulad ng buhay ni Cristo na matuwid. 4 Ang lahat ng nagkakasala ay lumalabag sa Kautusan ng Dios dahil ang kasalanan ay paglabag sa Kautusan. 5 Alam ninyong si Cristo na walang kasalanan ay naparito sa mundo upang alisin ang ating mga kasalanan. 6 Ang sinumang nananatili kay Cristo ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan. Ang nagpapatuloy sa kasalanan ay hindi pa nakakita o nakakilala sa kanya.
Ang Panginoon ang Aking Tagapag-ingat
121 Tumitingin ako sa mga bundok;
saan kaya nanggagaling ang aking saklolo?
2 Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon,
na gumawa ng langit at ng lupa.
3 Hindi niya papayagan na ikaw ay mabuwal.
Siyang nag-iingat sa iyo ay hindi natutulog.
4 Pakinggan mo ito!
Ang nag-iingat sa mga taga-Israel ay hindi umiidlip o natutulog.
5 Ang Panginoon ang nag-iingat sa iyo;
siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan.
6 Hindi makakasakit sa iyo ang init ng araw o ang liwanag ng buwan kung gabi.[a]
7 Iingatan ka ng Panginoon sa anumang kapahamakan;
pati ang buhay moʼy kanyang iingatan.
8 Ang Panginoon ang mag-iingat sa iyo nasaan ka man,
ngayon at magpakailanman.
27 Ang taong mapagbigay sa mahihirap ay hindi kukulangin, ngunit ang nagbubulag-bulagan ay makakatanggap ng mga sumpa.
28 Kapag masama ang mga pinuno, mga tao ay nagtatago. Ngunit kapag namatay sila, ang matutuwid ang mamumuno.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®