The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
36 “Gagawin ng hari ng hilaga ang anumang gusto niyang gawin. Ituturing niyang higit ang kanyang sarili kaysa sinumang dios, at hahamakin niya ang Dios na higit kaysa sa lahat ng dios. Magtatagumpay siya hanggang sa panahon na ipakita ng Dios ang kanyang galit, dahil kailangang mangyari ang mga bagay na itinakda ng Dios na dapat mangyari. 37-38 Hindi niya kikilalanin ang dios ng kanyang mga ninuno o ang dios na mahal ng mga babae. Ituturing niyang higit ang kanyang sarili kaysa sa mga iyon. Wala siyang pahahalagahang dios maliban sa dios na nananalakay ng mga napapaderang bayan. Pararangalan niya ang dios na ito na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Hahandugan niya ito ng mga ginto, pilak, mamahaling bato, at ng iba pang mamahaling mga regalo. 39 Lulusubin niya ang pinakamatibay na mga lungsod sa tulong ng dios na iyon na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Pararangalan niya ang mga taong mabuti sa kanya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang mamahala sa maraming tao. At bibigyan niya sila ng lupain bilang gantimpala.
40 “Pagdating ng wakas, makikipaglaban ang hari ng timog sa hari ng hilaga. Pero lulusubin siya ng hari ng hilaga na may mga karwaheng pandigma, mga nangangabayong sundalo at mga hukbong pandagat. Lulusubin niya ang maraming bansa at maninira na parang baha. 41 Lulusubin niya pati ang magandang lupain ng Israel, at maraming tao ang mamamatay. Pero makakatakas ang Edom, ang Moab at ang mga pinuno ng Ammon. 42 Maraming bansa ang kanyang lulusubin, kabilang dito ang Egipto. 43 Mapapasakanya ang mga ginto, pilak, at ang lahat ng kayamanan ng Egipto. Sasakupin din niya ang Libya at Etiopia.[a] 44 Pero may mga balitang magmumula sa silangan at hilaga na babagabag sa kanya. Kaya sasalakay siya sa matinding galit, at maraming tao ang kanyang lilipulin nang lubusan. 45 Magtatayo siya ng maharlikang tolda sa pagitan ng dagat at ng banal na bundok. Pero mamamatay siya nang wala man lang tutulong sa kanya.”
Ang Pahayag ng Anghel tungkol sa Huling Panahon
12 “Sa panahong iyon,[b] darating si Micael, ang makapangyarihang pinuno[c] na nagtatanggol sa iyong mga kababayan. Magiging mahirap ang kalagayan sa mga panahong iyon, at ang matinding kahirapang ito ay hindi pa nangyayari mula nang naging bansa ang Israel. Pero ililigtas sa paghihirap ang iyong mga kababayan na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat.[d] 2 Bubuhayin ang marami sa mga namatay na. Ang iba sa kanila ay tatanggap ng buhay na walang hanggan, pero ang iba ay isusumpa at ilalagay sa kahihiyang walang hanggan. 3 Ang mga taong nakakaunawa ng katotohanan at nagtuturo sa mga tao na mamuhay nang matuwid ay magniningning na parang bituin sa langit magpakailanman. 4 Pero Daniel, isara mo muna ang aklat na ito at huwag mo munang sabihin sa mga tao ang mensahe nito hanggang sa dumating ang katapusan. Habang hindi pa ito ipinapahayag, marami ang magsisikap na unawain ang mga nangyayari.”
5 Pagkatapos niyang sabihin iyon, may nakita pa akong dalawang taong nakatayo sa magkabilang pampang ng ilog. 6 Nagtanong ang isa sa kanila sa taong nakadamit ng telang linen na nakatayo sa mataas na bahagi ng ilog, “Gaano kaya katagal bago matapos ang mga nakakamanghang pangyayaring iyon?”
7 Itinaas ng taong nakadamit ng telang linen ang kanyang dalawang kamay at narinig kong sumumpa siya sa Dios na buhay magpakailanman. Sinabi niya, “Matatapos ito sa loob ng tatlong taon at kalahati, kapag natapos na ang paghihirap ng mga mamamayan ng Dios.”
8 Hindi ko naintindihan ang kanyang sagot kaya tinanong ko siya, “Ano po ba ang kalalabasan ng mga pangyayaring iyon?” 9 Sumagot siya, “Sige na,[e] Daniel, hayaan mo na iyon, dahil ang sagot sa tanong moʼy mananatiling lihim at hindi maaaring sabihin hanggang sa dumating ang katapusan. 10 Marami sa mga nakakaunawa ng katotohanan ang lilinisin ang kanilang buhay, at mauunawaan nila ang mga sinasabi ko. Pero ang masasama ay patuloy na gagawa ng masama at hindi makakaunawa ng mga sinasabi ko.
11 “Lilipas ang 1,290 araw mula sa panahon ng pagpapatigil ng araw-araw na paghahandog at paglalagay ng kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo hanggang sa dumating ang katapusan. 12 Mapalad ang naghihintay at nananatili hanggang sa matapos ang 1,335 araw.
13 “At ikaw Daniel, ipagpatuloy mo ang iyong gawain. Mamamatay ka, pero bubuhayin kang muli sa mga huling araw upang tanggapin ang iyong gantimpala na inihanda para sa iyo.”
Ang Espiritu ng Dios at ang Espiritu ng Anti-Cristo
4 Mga minamahal, huwag kayong basta maniniwala sa mga taong nagsasabi na ang ipinangangaral nilaʼy mula sa Banal na Espiritu. Sa halip, alamin muna ninyo kung nagmula nga sa Dios ang itinuturo nila. Sapagkat marami nang huwad at sinungaling na propetang nagkalat sa mundo. 2 Sa ganitong paraan ninyo malalaman kung ang espiritung sumasakanila ay mula sa Dios: kung kinikilala nila na si Jesu-Cristoʼy naging tao, ang Dios mismo ang nagsugo sa kanila. 3 Ngunit ang hindi kumikilala na si Jesus ay naging tao ay hindi isinugo ng Dios kundi ng espiritu ng anti-Cristo. Narinig ninyo na darating na ang anti-Cristo, at naririto na nga sa mundo. 4 Ngunit mga anak ko, kayoʼy sa Dios at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad at sinungaling na propeta, dahil ang Espiritung nasa inyo ay higit na makapangyarihan kaysa kay Satanas, na siyang naghahari ngayon sa mga makamundo. 5 Itong mga huwad at sinungaling na propetaʼy makamundo, kaya ang mga bagay ng mundo ang kanilang itinuturo, at nakikinig sa kanila ang mga makamundo. 6 Ngunit tayo naman ay sa Dios. Ang mga kumikilala sa Dios ay nakikinig sa mga itinuturo natin, ngunit ang mga hindi kumikilala sa Dios ay hindi nakikinig sa atin. Sa gayong paraan natin makikilala kung sino ang nangangaral ng mula sa Espiritu ng katotohanan o sa espiritu ng kasinungalingan.
Ang Dios ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo dahil ang pag-ibig ay mula sa Dios. Ang umiibig sa kanyang kapwa ay anak ng Dios at kumikilala sa Dios. 8 Ang sinumang hindi umiibig sa kanyang kapwa ay hindi kumikilala sa Dios dahil ang Dios ay pag-ibig. 9 Ipinakita ng Dios ang kanyang pag-ibig sa atin nang isinugo niya ang kanyang kaisa-isang[a] anak dito sa mundo, upang sa pamamagitan niya ay magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. 10 Ito ang tunay na pag-ibig: hindi tayo ang umibig sa Dios kundi siya ang umibig sa atin; at isinugo niya ang kanyang anak upang akuin ang ating mga kasalanan para sa kapatawaran natin.
11 Mga minamahal, kung ganoon na lamang ang pag-ibig ng Dios sa atin, nararapat lamang na mag-ibigan tayo. 12 Wala pang tao na nakakita sa Dios. Ngunit kung nagmamahalan tayo, ang Dios ay sumasaatin at lubos na natupad ang kanyang pag-ibig sa atin.
13 Nalalaman nating tayoʼy nasa Dios at ang Dios ay sumasaatin dahil ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. 14 Nakita at pinatototohanan namin na isinugo ng Ama ang kanyang anak bilang Tagapagligtas ng mundo. 15 Ang sinumang kumikilala na si Jesus ay Anak ng Dios, ang Dios ay nasa kanya at siya naman ay nasa Dios. 16 Kaya nakilala na natin at pinaniwalaan ang pag-ibig ng Dios sa atin.
Ang Dios ay pag-ibig. At ang nabubuhay nang may pag-ibig ay nananatili sa Dios at nananatili rin sa kanya ang Dios. 17 Sa ganitong paraan ay naging ganap ang pag-ibig sa atin, kaya panatag tayo sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom, dahil ang pamumuhay natin dito sa mundo ay tulad ng kay Cristo. 18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Kung natatakot man ang isang tao, itoʼy dahil sa takot na maparusahan, at ipinapakita lang nito na hindi pa lubos na natupad sa kanya ang pag-ibig.
19 Umiibig tayo sa Dios dahil siya ang unang umibig sa atin. 20 Ang nagsasabing mahal niya ang Dios ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Dahil kung ang kapatid niya mismo na nakikita niya ay hindi niya mahal, paano pa kaya niya magagawang mahalin ang Dios na hindi naman niya nakikita? 21 Kaya ito ang utos na ibinibigay sa atin ni Cristo: ang taong nagmamahal sa Dios ay dapat ding magmahal sa kanyang kapatid.
Dalangin para Kahabagan
123 Panginoon, dumadalangin ako sa inyo,
sa inyo na nakaupo sa inyong trono sa langit.
2 Kung paanong ang alipin ay naghihintay sa ibibigay ng kanyang amo,
naghihintay din kami Panginoon naming Dios, na tulungan nʼyo at kahabagan.
3 Maawa kayo sa amin Panginoon, dahil labis na ang panghahamak sa amin.
4 Sobra na ang pangungutya sa amin ng mga taong hambog at walang magawa.
2 Kapag matutuwid ang namamahala, nagdiriwang ang madla. Ngunit kapag ang nangunguna ay masama, silaʼy lumuluha.
3 Ang naghahangad ng karunungan ay nagdudulot ng tuwa sa magulang. Ang nakikisama sa babaeng bayaran ay nagwawaldas ng kayamanan.
4 Kapag ang layunin ng hari ay katarungan, pinatatatag niya ang kanyang kaharian, ngunit kapag ang layunin niya ay humingi ng suhol, winawasak niya ang kanyang kaharian.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®