Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Amos 1-3

Ito ang mensahe ni Amos na isang pastol ng mga tupa na taga-Tekoa. Ang mensaheng ito ay tungkol sa Israel. Ipinahayag ito sa kanya ng Dios dalawang taon bago lumindol, noong panahon na si Uzia ang hari ng Juda at si Jeroboam na anak ni Joash ang hari ng Israel.

Sinabi ni Amos: “Umaatungal ang Panginoon mula sa Zion;[a] dumadagundong ang tinig niya mula sa Jerusalem. Dahil dito natutuyo ang mga pastulan ng mga pastol at nalalanta ang mga tanim sa tuktok ng Bundok ng Carmel.”

Ang Parusa sa Bansang Syria

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Syria: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Damascus,[b] parurusahan ko sila. Sapagkat pinagmalupitan nila ang mga taga-Gilead na parang giniik ng tabla na may mga ngiping bakal sa ilalim. Kaya susunugin ko ang palasyo ni Haring Hazael at ang matitibay na bahagi ng Damascus na ipinagawa ng anak niyang si Haring Ben Hadad. Wawasakin ko ang pintuan ng Damascus at papatayin ko ang pinuno ng Lambak ng Aven at ng Bet Eden.[c] Bibihagin at dadalhin sa Kir ang mga mamamayan ng Syria.[d] Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa sa Bansang Filistia

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Filistia: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Gaza,[e] parurusahan ko sila. Sapagkat binihag nila ang lahat ng naninirahan sa mga bayan at ipinagbili bilang mga alipin sa Edom. Kaya susunugin ko ang mga pader[f] ng Gaza at ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito. Lilipulin ko ang mga pinuno ng Ashdod at ng Ashkelon, at parurusahan ko ang mga taga-Ekron.[g] At ang mga Filisteong makakatakas sa parusa ay mamamatay din. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa sa Bansang Tyre

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Tyre: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Tyre, parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbili nila ang lahat ng naninirahan sa mga bayan bilang mga alipin sa Edom. Hindi nila sinunod ang kanilang kasunduang pangkapatiran sa mga mamamayang ito. 10 Kaya susunugin ko ang mga pader ng Tyre at ang matitibay na bahagi ng lungsod nito.”

Ang Parusa sa Bansang Edom

11 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Edom: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Edom, parurusahan ko sila. Sapagkat tinugis nila ang kanilang mga kaanak na mga Israelita at walang awang pinatay. Hinding-hindi mawawala ang kanilang galit sa mga Israelita. 12 Kaya susunugin ko ang Teman at ang matitibay na bahagi ng Bozra.”[h]

Ang Parusa sa Bansang Ammon

13 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Ammon: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Ammon, parurusahan ko sila. Sapagkat nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead nang salakayin nila ito, upang mapalawak ang kanilang lupain. 14 Kaya susunugin ko ang mga pader ng Rabba[i] at ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito habang nagsisigawan ang mga kaaway na sumasalakay sa kanila, na parang umuugong na bagyo. 15 At bibihagin ang hari ng Ammon gayon din ang kanyang mga opisyal. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa sa Bansang Moab

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Moab: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Moab, parurusahan ko sila. Sapagkat sinunog nila ang mga buto ng hari ng Edom hanggang sa maging abo ito. Kaya susunugin ko ang Moab pati na ang matitibay na bahagi ng Keriot.[j] Mamamatay ang mga taga-Moab habang nagsisigawan at nagpapatunog ng mga trumpeta ang kanilang mga kaaway na sumasalakay sa kanila. Mamamatay pati ang kanilang hari at ang lahat ng kanyang mga opisyal. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa sa Bansang Juda

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Juda: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Juda, parurusahan ko sila. Sapagkat itinakwil nila ang aking mga kautusan at hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Iniligaw sila ng paglilingkod nila sa mga dios-diosan na pinaglingkuran din ng kanilang mga ninuno. Kaya susunugin ko ang Juda pati na ang matitibay na bahagi ng Jerusalem.”

Ang Parusa sa Bansang Israel

Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Israel,[k] parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbibili nila bilang alipin ang mga taong walang kasalanan dahil lamang sa kanilang utang. Ginagawa rin nila ito sa mga mahihirap kahit na isang pares lang na sandalyas ang utang. Ginigipit nila ang mga mahihirap at hindi binibigyan ng katarungan. Mayroon sa kanila na mag-amang nakikipagtalik sa iisang babae. Dahil dito nilalapastangan nila ang aking banal na pangalan. Natutulog sila sa kanilang sambahan[l] na suot ang damit na isinangla sa kanila ng mga mahihirap.[m] At nag-iinuman sila sa aking templo ng alak na binili galing sa ibinayad ng mga mahihirap na may utang sa kanila. Pero ako, ang ginawa ko para sa kanila na mga taga-Israel, nilipol ko ang mga Amoreo, kahit na kasintaas sila ng punong sedro at kasintibay ng punong ensina. Nilipol ko silang lahat at walang itinirang buhay. 10 Inilabas ko rin sa Egipto ang mga ninuno ng mga taga-Israel at pinatnubayan ko sila sa ilang sa loob ng 40 taon upang makuha nila ang lupain ng mga Amoreo. 11 Pinili ko ang ilan sa mga anak nila na maging propeta at Nazareo. Mga taga-Israel, hindi baʼt totoo itong sinasabi ko? 12 Pero ano ang ginawa ninyo? Pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo[n] at pinagbawalan ninyo ang mga propeta na sabihin ang ipinapasabi ko. 13 Kaya makinig kayo! Pahihirapan ko kayo katulad ng kariton na hindi na halos makausad dahil sa bigat ng karga. 14 Kaya kahit na ang mabilis tumakbo sa inyo ay hindi makakatakas, ang malalakas ay manghihina, at ang mga sundalo ay hindi maililigtas ang kanilang sarili. 15 Kahit na ang mga sundalong namamana sa labanan ay uurong. Ang mga sundalong mabilis tumakbo ay hindi makakatakas, at silang mga nakasakay sa kabayo ay hindi rin makakaligtas. 16 Sa araw na iyon, kahit ang pinakamatapang na sundalo ay tatakas na nakahubad. Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.”

Kayong mga taga-Israel, na ang mga ninuno ay inilabas ng Panginoon sa Egipto, pakinggan ninyo ang sasabihin niya laban sa inyo: Sa lahat ng bansa sa buong mundo, kayo lamang ang aking pinili na maging mga mamamayan ko. Kaya parurusahan ko kayo dahil sa lahat ng inyong mga kasalanan.

Itinalaga ng Dios ang Gawain ng mga Propeta

Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang tao kung hindi sila magkasundo? Umaatungal ba ang leon sa kagubatan kung wala siyang mabibiktima? Aatungal ba siya sa loob ng kanyang yungib kung wala siyang nahuli? Mahuhuli ba ang ibon kung walang pain na inilagay sa bitag? At iigkas ba ang bitag kung walang nahuli? Hindi baʼt nanginginig sa takot ang mga tao sa tuwing patutunugin ang trumpeta na nagpapahiwatig na may paparating na kaaway? Mangyayari ba ang kapahamakan sa isang lungsod kung hindi ito pinahintulutan ng Panginoon?

Sa katunayan, hindi gumagawa ng anuman ang Panginoong Dios na hindi muna niya ipinababatid sa kanyang mga lingkod na propeta.

Sino ang hindi matatakot kung umaatungal na ang leon? Sino kaya ang hindi magpapahayag ng mensahe ng Panginoong Dios kung ang Panginoong Dios na mismo ang nagsasalita sa kanya?

Ang Hatol ng Dios sa Samaria

Sabihin ninyo sa mga pinunong nakatira sa matitibay na bahagi ng Ashdod[o] at Egipto na magtipon sila sa mga burol sa paligid ng Samaria[p] at tingnan nila ang kaguluhang nangyayari sa lungsod na ito at ang panggigipit sa mga mamamayan nito. 10-11 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Dios laban sa Samaria: “Hindi sila marunong gumawa ng matuwid. Ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod ay puno ng mga bagay na ninakaw at sinamsam. Kaya lulusubin sila ng mga kaaway at gigibain ang kanilang mga kampo. Sasamsamin ng mga kaaway ang mga ari-arian sa matitibay na bahagi ng kanilang lungsod.”

12 Ito pa ang sinasabi ng Panginoon: “Ang maililigtas lang ng isang pastol sa tupang sinisila ng leon ay maaaring dalawang paa o isang tainga lamang. Ganoon din ang mangyayari sa inyong mga Israelitang nakatira sa Samaria; wala kayong maililigtas kundi bahagi na lamang ng inyong magagandang higaan.”

13 Sinabi ng Panginoong Dios, ang Dios na Makapangyarihan, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko at sabihin din ninyo ito sa mga lahi ni Jacob: 14 Sa araw na parusahan ko ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan, wawasakin ko ang mga altar sa Betel.[q] Puputulin ko ang sungay ng mga sulok ng altar[r] at mahuhulog ang mga ito sa lupa. 15 Wawasakin ko ang kanilang mga bahay na pangtaglamig at ang mga bahay na pangtag-init. Wawasakin ko rin ang kanilang mamahalin[s] at malalaking bahay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Pahayag 2:1-17

Ang Sulat para sa Iglesya sa Efeso

“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Efeso:

“Ito ang mensahe ng may hawak ng pitong bituin sa kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto: Alam ko ang mga ginagawa ninyo pati ang inyong mga pagsisikap at pagtitiyaga. Alam ko rin na hindi ninyo kinukunsinti ang masasamang tao. Siniyasat ninyo ang mga nagpapanggap na apostol, at napatunayan ninyong mga sinungaling sila. Tiniis ninyo ang mga kahirapan dahil sa pananampalataya ninyo sa akin, at hindi kayo nanghina. Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: ang inyong pag-ibig sa akin ngayon ay hindi na tulad ng dati. Alalahanin ninyo kung gaano kayo nanamlay sa pananampalataya. Magsisi kayo sa mga kasalanan ninyo at gawing muli ang dati ninyong ginagawa. Kung hindi, pupuntahan ko kayo at kukunin ang inyong ilawan. Ngunit ito ang gusto ko sa inyo: kinasusuklaman ninyo ang mga ginagawa ng mga Nicolaita,[a] na kinasusuklaman ko rin.

“Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.

“Ang magtatagumpay ay papayagan kong kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay. Ang punong ito ay nasa paraiso ng Dios.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Smirna

“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Smirna:

“Ito ang mensahe niya na siyang simula at katapusan ng lahat, na namatay ngunit muling nabuhay: Alam ko ang inyong pagtitiis. Alam ko ring mahirap kayo, ngunit mayaman sa espiritwal na mga bagay. Alam kong hinahamak kayo ng mga taong nagsasabing mga Judio sila, ngunit ang totooʼy mga kampon sila ni Satanas. 10 Huwag kayong matakot sa mga paghihirap na malapit na ninyong danasin. Tandaan ninyo: Ipapabilanggo ni Satanas ang ilan sa inyo upang subukan kayo. Daranas kayo ng pang-uusig sa loob ng sampung araw. Manatili kayong tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan ko kayo ng buhay na walang hanggan.

11 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.

“Ang magtatagumpay ay hindi makakaranas ng ikalawang kamatayan.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Pergamum

12 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Pergamum:

“Ito ang mensahe ng may hawak ng matalas na espada na dalawa ang talim: 13 Alam ko na kahit nakatira kayo sa lugar na hawak ni Satanas ay nananatili pa rin kayong tapat sa akin. Sapagkat hindi kayo tumalikod sa pananampalataya ninyo sa akin, kahit noong patayin si Antipas na tapat kong saksi riyan sa lugar ninyo na tirahan ni Satanas. 14 Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: May ilan sa inyo na sumusunod sa mga aral ni Balaam. Si Balaam ang nagturo kay Balak kung paano udyukan ang mga Israelita na magkasala sa pamamagitan ng pagkain ng mga inihandog sa mga dios-diosan at sa pamamagitan ng paggawa ng sekswal na imoralidad. 15 At may ilan din sa inyo na sumusunod sa mga aral ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi kayo sa mga kasalanan ninyo! Sapagkat kung hindi, pupunta ako riyan sa lalong madaling panahon at kakalabanin ko ang mga taong iyan na sumusunod sa mga maling aral sa pamamagitan ng espada na lumalabas sa aking bibig.

17 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.

“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng pagkain na inilaan ko sa langit. Bibigyan ko rin ang bawat isa sa kanila ng puting bato na may nakasulat na bagong pangalan na walang ibang nakakaalam kundi ang makakatanggap nito.”

Salmo 129

Dalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel

129 Mga taga-Israel, sabihin ninyo kung paano kayo pinahirapan ng inyong mga kaaway mula nang itatag ang inyong bansa.
“Maraming beses nila kaming pinahirapan mula pa nang itatag ang aming bansa.
    Ngunit hindi sila nagtagumpay laban sa amin.
Sinugatan nila ng malalim ang aming likod, na parang lupang inararo.
Ngunit ang Panginoon ay matuwid, pinalaya niya kami sa pagkaalipin mula sa masasama.”

Magsitakas sana dahil sa kahihiyan ang lahat ng namumuhi sa Zion.
Matulad sana sila sa damong tumutubo sa bubungan ng bahay, na nang tumubo ay agad ding namatay.
Walang nagtitipon ng ganitong damo o nagdadala nito na nakabigkis.
Sanaʼy walang sinumang dumadaan na magsasabi sa kanila,
    “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon!
    Pinagpapala namin kayo sa pangalan ng Panginoon.”

Kawikaan 29:19-20

19 May mga utusan na hindi mo maturuan sa pamamagitan lamang ng salita, sapagkat kahit nauunawaan ka nila, hindi sila nakikinig.
20 Mas mabuti pa ang kahihinatnan ng mangmang kaysa sa taong pabigla-biglang magsalita.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®