Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Obadias

Ito ang sinabi ng Panginoong Dios tungkol sa bansa ng Edom, na kanyang ipinahayag kay Obadias.

Parurusahan ng Panginoon ang Edom

Nabalitaan nating mga Israelita mula sa Panginoon, na nagsugo siya ng mensahero sa mga bansa upang hikayatin sila na salakayin ang bansa ng Edom. Sapagkat sinabi ng Panginoon sa mga taga-Edom, “Makinig kayo! Gagawin ko kayong pinakamahina sa lahat ng bansa at hahamakin nila kayo. Sinasabi ninyo na walang makakapagpabagsak sa inyo dahil nakatira kayo sa lugar na mataas at mabato. Sa pagyayabang ninyong ito, dinadaya lamang ninyo ang inyong mga sarili. Sapagkat kahit gawin ninyong kasintaas ng lipad ng agila ang inyong tirahan at paabutin pa ninyo sa mga bituin, ibabagsak ko pa rin kayo sa lupa. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

“Hindi baʼt kapag pinasok ng mga magnanakaw ang iyong bahay, ang kinukuha lamang nila ay ang kanilang magustuhan? At hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nagtitira ng ilang bunga?[a] Pero kayong lahat ay lilipulin ng inyong mga kaaway. Hahanapin nila at kukunin ang lahat ng kayamanan ng mga lahi ni Esau. Lilinlangin kayo ng inyong kakamping mga bansa. Ang mga bansang nakipagkaibigan sa inyo ay siya ring sasalakay sa inyo, at palalayasin nila kayo sa bayan ninyo. Silang mga nakisalo sa inyo ang siya pang palihim na maglalagay ng bitag laban sa inyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi na sa araw ng paghatol ko sa inyo, lilipulin ko ang marurunong sa inyo. Mawawala ang karunungan sa Edom na tinatawag na Bundok ni Esau. Manginginig sa takot ang inyong mga sundalo sa lungsod ng Teman, kaya mamamatay kayong lahat na nakatira sa Bundok ni Esau.”

Ang Kasalanan ng mga Taga-Edom

10 “Dahil sa inyong pagmamalupit sa mga lahi ni Jacob, na inyong kalahi, malalagay kayo sa kahihiyan at lilipulin magpakailanman. 11 Pinabayaan lamang ninyo ang Jerusalem nang salakayin ng ibang bansa. Pinabayaan ninyong kunin ang kanilang mga ari-arian at paghahati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan. Kayoʼy tulad nila na mga kaaway ng Israel. 12 Hindi sana ninyo ikinatuwa ang panahon ng kapahamakan ng mga taga-Juda na inyong kalahi. Hindi sana kayo nagalak sa panahon ng kanilang pagkawasak. At hindi sana kayo nagmalaki sa panahon ng kanilang kahirapan. 13 Hindi dapat sana kayo pumasok sa lungsod ng aking mga mamamayan sa panahon ng kanilang kasawian at kumuha ng kanilang mga ari-arian. At hindi sana kayo natuwa sa panahon ng kanilang paghihirap. 14 Hindi sana kayo nag-abang sa mga sangang-daan upang patayin ang mga tumatakas mula sa Jerusalem. At hindi sana ninyo sila ibinigay sa mga kaaway sa panahon ng kanilang kasawian.

Parurusahan ng Dios ang mga Bansa

15 Hindi sana ninyo ginawa iyon sa mga taga-Jerusalem, dahil malapit na ang araw ng aking paghatol sa lahat ng bansa. At kung ano ang inyong ginawa sa iba, ganoon din ang gagawin sa inyo. Kung paano ang pagtrato nʼyo sa iba, ganoon din ang magiging pagtrato nila sa inyo. 16 Kung paanong pinarusahan ang aking mga mamamayan[b] sa aking banal na bundok,[c] parurusahan din ang lahat ng bansa. Matinding parusa ang ibibigay ko sa kanila hanggang malipol silang lahat.

Magtatagumpay ang Israel

17 “Pero may matitirang mga Israelita sa bundok ng Zion, at magiging banal muli ang lugar na ito. Maibabalik sa mga lahi ni Jacob ang mga lupain na dati nilang pag-aari. 18 Ang mga lahi nina Jacob at Jose[d] ay magiging tulad ng apoy na lilipol sa lahi ni Esau, tulad ng pagsunog sa dayami. At walang matitira sa lahi ni Esau.” Mangyayari nga ito, dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

19 “Sasakupin ng mga Israelitang taga-Negev[e] ang bundok ni Esau, at sasakupin ng mga Israelitang nakatira sa kaburulan sa kanluran[f] ay sasakupin naman ang lupain ng mga Filisteo. Sasakupin din ng mga Israelita ang lupain ng Efraim at Samaria, at sasakupin naman ng mga lahi ni Benjamin ang Gilead. 20 Sasakupin ng maraming Israelita na galing sa pagkabihag ang lupain ng Canaan hanggang sa Zarefat. Ang mga taga-Jerusalem na binihag sa Sefarad ay sasakupin naman ang mga bayan ng Negev. 21 Aakyat sa Bundok ng Zion ang mga tagapagpalaya ng Israel upang pamahalaan ang mga taong naninirahan sa Bundok ni Esau. At ako, ang Panginoon, ang siyang maghahari.”

Pahayag 4

Ang Pagsamba sa Langit

Pagkatapos nito, nakita kong nabuksan ang pinto sa langit. At narinig kong muli ang tinig na parang trumpeta. Sinabi niya, “Umakyat ka rito at ipapakita ko sa iyo ang mga mangyayari sa hinaharap.” Bigla na lang akong napuspos ng Banal na Espiritu. At nakita ko roon sa langit ang isang trono na may nakaupo na nagniningning tulad ng mamahaling mga batong jasper at kornalina. At nakapaikot sa trono ang bahagharing kakulay ng batong esmeralda. Nakapaligid sa trono ang 24 pang trono kung saan nakaupo ang 24 na namumuno na nakaputi at may mga koronang ginto. Mula sa tronoʼy kumikidlat, kumukulog at may umuugong. Sa harap ng tronoʼy may pitong nakasinding ilawan. Ito ang pitong Espiritu ng Dios.[a] Sa harap ng trono ay mayroon ding parang dagat na salamin na kasinglinaw ng kristal.

Nakapaligid sa trono ang apat na buhay na nilalang na punong-puno ng mga mata sa harap at likod. Ang unang nilalang ay parang leon, ang pangalawa ay parang guya,[b] ang pangatlo ay may mukha na parang tao, at ang pang-apat ay parang agilang lumilipad. Tig-aanim ang mga pakpak nila at punong-puno ng mata ang buong katawan. Araw-gabi ay wala silang tigil sa pagsasabi ng:

    “Banal! Banal! Banal ang Panginoong Dios nating makapangyarihan sa lahat.
    Siya ang Dios noon, ngayon, at sa hinaharap.”

Habang nagbibigay sila ng parangal, papuri at pasasalamat sa nakaupo sa trono na nabubuhay magpakailanman, 10 lumuluhod at sumasamba sa kanya ang 24 na namumuno. Iniaalay nila ang mga korona nila sa harap ng trono, at sinasabi,

11 “Karapat-dapat po kayo Panginoon naming Dios na tumanggap ng parangal, papuri at kapangyarihan,
    dahil kayo ang lumikha sa lahat ng bagay.
    At ginawa ninyo ang mga ito ayon sa inyong kagustuhan.”

Salmo 132

Papuri sa Templo ng Dios

132 Panginoon, huwag nʼyong kalilimutan si David at ang lahat ng paghihirap na kanyang tiniis.
Alalahanin nʼyo ang pangako niya sa inyo Panginoon, kayo na Makapangyarihang Dios ni Jacob.
    Ipinangako niya,
“Hindi ako uuwi o mahihiga man sa aking higaan
o matulog
hanggaʼt hindi ako nakakakita ng lugar na matitirhan ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”

Nang kami ay nasa Efrata nabalitaan namin kung nasaan ang Kaban ng Kasunduan,
    at natagpuan namin ito sa kapatagan ng Jaar.
Sinabi namin, “Pumunta tayo sa tirahan ng Panginoon, at sumamba tayo sa kanya sa harap ng kanyang trono.”

Sige na po Panginoon, pumunta na kayo sa inyong templo kasama ng Kaban ng Kasunduan na sagisag ng inyong kapangyarihan.
Sanaʼy palaging mamuhay ng matuwid ang inyong mga pari,
    at umawit nang may kagalakan ang inyong mga tapat na mamamayan.
10 Alang-alang kay David na inyong lingkod,
    huwag nʼyong itatakwil ang haring inyong hinirang.
11 Nangako kayo noon kay David,
    at itoʼy tiyak na inyong tutuparin at hindi babawiin.
    Sinabi nʼyo, “Isa sa iyong angkan ang papalit sa iyo bilang hari.
12 At kung ang mga hari na nagmula sa iyong angkan ay susunod sa aking kasunduan at mga turo sa kanila,
    ang kanilang mga anak ay maghahari rin magpakailanman.”

13 Hinangad at pinili ng Panginoon ang Zion na maging tahanan niya.
    Sinabi niya,
14 “Ito ang aking tirahan magpakailanman;
    dito ako maninirahan dahil ito ang nais ko.
15 Bibigyan ko ang Zion ng lahat niyang pangangailangan,
    at kahit ang mga mamamayan niyang dukha ay bubusugin ko ng pagkain.
16 Ililigtas ko ang kanyang mga pari,
    at ang kanyang tapat na mamamayan ay aawit sa kagalakan.

17 “Paghahariin ko sa Zion, ang haring mula sa angkan ni David,
    at gagawin ko siyang parang ilawang pumapatnubay sa mga tao.
18 Hihiyain ko ang kanyang mga kaaway, ngunit pauunlarin ko ang kaharian niya.”

Kawikaan 29:24-25

24 Ang taong nakikipagsabwatan sa magnanakaw ay ipinapahamak ang kanyang sarili. Kahit na pasumpain siya na magsabi ng totoo ay hindi pa rin magsasabi.
25 Mapanganib kung tayo ay matatakutin.[a] Ngunit kung magtitiwala tayo sa Panginoon ay ligtas tayo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®