The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang Pangitain Tungkol sa Lalaking may Panukat
2 Nang muli akong tumingin, may nakita akong lalaking may dalang panukat. 2 Tinanong ko siya, “Saan ka pupunta?” Sumagot siya, “Sa Jerusalem, susukatin ko ang luwang at haba nito.” 3 Pagkatapos, umalis ang anghel na nakikipag-usap sa akin at sinalubong siya ng isa pang anghel 4 at sinabi sa kanya, “Magmadali ka, sabihin mo sa lalaking iyon na may dalang panukat na ang Jerusalem ay magiging lungsod na walang pader dahil sa sobrang dami ng kanyang mga mamamayan at mga hayop. 5 Sinabi ng Panginoon na siya mismo ang magiging pader na apoy sa paligid ng lungsod ng Jerusalem, at siya rin ang magiging dakila sa bayan na ito.”
Pinababalik ng Dios ang Kanyang mga Mamamayan sa Kanilang Lugar
6-7 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Pinangalat ko kayo sa lahat ng sulok ng mundo. Pero ngayon, tumakas na kayo, pati kayong mga binihag at dinala sa Babilonia, at bumalik na kayo sa Zion.”
8 Pagkatapos kong makita ang pangitaing iyon, sinugo ako ng Panginoon na magsalita laban sa mga bansang sumalakay sa inyo at sumamsam ng inyong mga ari-arian. Sapagkat ang sinumang gumagawa ng masama sa inyo ay para na ring gumagawa ng masama sa mahal ng Panginoon. At ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan laban sa mga bansang iyon: 9 “Parurusahan ko sila; sasalakayin sila ng kanilang mga alipin at sasamsamin ang kanilang mga ari-arian.” At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoong Makapangyarihan ang nagpadala sa akin.
10-11 Sinabi ng Panginoon, “Sumigaw kayo sa kagalakan, kayong mga taga-Zion, dahil darating ako at maninirahang kasama ninyo. At sa panahong iyon, maraming bansa ang magpapasakop sa akin. At sila rin ay magiging aking mga mamamayan.” Kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoong Makapangyarihan ang nagpadala sa akin dito sa inyo. 12 At muling aangkinin ng Panginoon ang Juda bilang kanyang bahagi sa banal na lupain ng Israel. At ang Jerusalem ay muli niyang ituturing na kanyang piniling lungsod.
13 Tumahimik kayong lahat ng tao sa presensya ng Panginoon, dahil dumarating siya mula sa kanyang banal na tahanan.
Ang Pangitain Tungkol kay Josue na Punong Pari
3 Ipinakita sa akin ng Panginoon ang punong pari na si Josue na nakatayo sa harapan ng anghel ng Panginoon. Nakatayo naman sa gawing kanan niya si Satanas upang paratangan siya.[a] 2 Pero sinabi ng anghel ng Panginoon kay Satanas, “Ayon sa Panginoon na pumili sa Jerusalem, mali ka Satanas. Sapagkat ang taong ito na si Josue ay iniligtas niya sa pagkakabihag katulad ng panggatong na inagaw mula sa apoy.”
3 Marumi ang damit ni Josue habang nakatayo siya sa harapan ng anghel. 4 Kaya sinabi ng anghel sa iba pang mga anghel na nakatayo sa harapan ni Josue, “Hubarin ninyo ang kanyang maruming damit.” Pagkatapos, sinabi ng anghel kay Josue, “Inalis ko na ang iyong mga kasalanan. Ngayon, bibihisan kita ng bagong damit.”[b] 5 At sinabi ko, “Suotan din ninyo siya ng malinis na turban sa ulo.” Kaya binihisan nila siya ng bagong damit at nilagyan ng malinis na turban habang nakatayo at nakatingin ang anghel ng Panginoon.
6 Pagkatapos, ibinilin ng anghel ng Panginoon kay Josue ang sinabi 7 ng Makapangyarihang Panginoon: “Kung susunod ka sa aking mga pamamaraan at susundin ang aking mga iniuutos, ikaw ang mamamahala sa aking templo at sa mga bakuran nito. At papayagan kitang makalapit sa aking presensya katulad ng mga anghel na ito na nakatayo rito. 8 Ngayon, makinig ka, Josue na punong pari: Ikaw at ang mga kapwa mo pari ay larawan ng mga pangyayaring darating. Ihahayag ko ang aking lingkod na tinatawag na Sanga.[c] 9 Josue, tingnan mo ang batong inilagay ko sa iyong harapan, mayroon itong pitong mata.[d] Uukitan ko ito, at aalisin ang kasalanan ng lupain ng Israel sa loob lamang ng isang araw.[e] 10 Sa araw na iyon, aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang inyong mga kapitbahay upang mapayapang umupo sa ilalim ng inyong mga ubasan at puno ng igos. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”
Ang Dalawang Halimaw
13 Pagkatapos, may nakita akong halimaw na umaahon sa dagat. Pito ang ulo nito at sampu ang sungay. Bawat sungay nito ay may korona, at sa bawat ulo naman ay may nakasulat na pangalang lumalapastangan sa Dios.[a] 2 Ang halimaw ay parang leopardo, at may mga paang katulad ng sa oso. Ang bibig niya ay parang bibig ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang kapangyarihan at trono upang maging malawak ang kapangyarihan nito. 3 Nakita kong isa sa mga ulo ng halimaw ay parang pinatay, ngunit gumaling na ang matinding sugat nito. Kaya humanga sa halimaw ang mga tao sa buong mundo at naging tagasunod sila nito. 4 Sinamba nila ang dragon dahil siya ang nagbigay ng kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw, at sinabi, “Wala nang makakatulad sa halimaw! Walang makakalaban sa kanya!”
5 Hinayaan ng Dios na magsalita ang halimaw ng kalapastanganan laban sa kanya at maghari sa loob ng 42 buwan. 6 Nagsalita siya ng kalapastanganan laban sa Dios, laban sa pangalan ng Dios, sa kanyang tahanan, at sa lahat ng nakatira sa langit. 7 Hinayaan din ang halimaw na makipaglaban at talunin ang mga pinabanal[b] ng Dios. At binigyan din siya ng kapangyarihang maghari sa lahat ng tao sa mundo, anumang angkan, lahi, wika at bansa. 8 Sasambahin siya ng lahat ng tao sa mundo na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat na listahan ng mga taong binigyan ng buhay na walang hanggan. Bago pa man likhain ang mundo, ang mga pangalan nila ay hindi na nakasulat sa aklat na ito na hawak ng Tupang pinatay.
9 Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang mga bagay na ito. 10 Ang sinumang itinakdang dakpin ay dadakpin. At ang sinumang itinakdang mamatay sa espada ay mamamatay sa espada. Kaya ang mga pinabanal ng Dios ay kailangang maging matiisin at matatag sa kanilang pananampalataya.
11 Pagkatapos, nakita ko ang isa pang halimaw na lumalabas mula sa lupa. Ito ay may dalawang sungay na katulad ng sa tupa, ngunit parang dragon kung magsalita. 12 Naglingkod siya sa unang halimaw at ginamit niya ang lahat ng kapangyarihan nito. Pinilit niya ang lahat ng tao sa mundo na sumamba sa unang halimaw na may malubhang sugat na gumaling. 13 Gumawa ng kagila-gilalas na mga himala ang pangalawang halimaw tulad ng pagpapaulan ng apoy mula sa langit. Ginawa niya ito upang ipakita sa mga tao ang kanyang kapangyarihan. 14 At dahil sa mga himalang ito na ipinagawa sa kanya ng unang halimaw, nalinlang niya ang mga tao. Inutusan niya ang mga tao na gumawa ng imahen ng unang halimaw na malubhang nasugatan ng espada ngunit nabuhay pa. 15 Hinayaan ng Dios ang pangalawang halimaw na magbigay ng buhay sa imahen ng unang halimaw. Kaya nakapagsalita ang imahen at nakapag-utos na patayin ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya. 16 Pinilit ng pangalawang halimaw ang lahat ng tao – dakila o hindi, mayaman o mahirap, alipin o malaya – na magpatatak sa kanang kamay o sa noo. 17 At ang sinumang ayaw magpatatak ng pangalan o numero ng unang halimaw ay hindi maaaring bumili o magbenta.
18 Kailangan dito ang talino upang maunawaan ang kahulugan ng numero ng unang halimaw, dahil simbolo ito ng pangalan ng tao. At ang numero ay 666.
Panalangin para Ilayo sa Kasamaan
141 Panginoon, tumatawag ako sa inyo; agad nʼyo akong tulungan.
Dinggin nʼyo ang panawagan ko sa inyo.
2 Tanggapin nʼyo sana ang dalangin ko bilang insenso,
ang pagtataas ko ng aking mga kamay bilang handog panggabi.[a]
3 Panginoon, tulungan nʼyo akong huwag makapagsalita ng masama.
4 Ilayo nʼyo ako sa gawaing masama at sa mga taong gumagawa nito.
Ilayo nʼyo rin ako sa kanilang mga handaan upang huwag makisalo.
5 Tatanggapin ko ang parusa at pagsaway ng taong matuwid,
dahil ginagawa nila ito na may pag-ibig at pagmamalasakit sa akin.
Itoʼy parang langis sa aking ulo.
Pero sa masasamang tao ang lagi kong panalangin ay laban sa kanilang masasamang gawain.
6 Kapag itinapon na ang kanilang mga pinuno sa mabatong bangin,
maniniwala silang totoo ang mga sinasabi ko.
7 Sasabihin nila, “Kakalat sa libingan ang mga buto natin katulad ng mga bato na naglalabasan at kumakalat kapag inaararo ang lupa.”
8 Panginoong Dios, akoʼy lumalapit sa inyo.
Hinihiling ko sa inyo na ingatan nʼyo ako,
huwag nʼyong hahayaang akoʼy mamatay.
9 Ilayo nʼyo ako mula sa mga bitag na inilaan sa akin ng masasamang tao.
10 Sila sana ang mahulog sa sarili nilang bitag, habang ako naman ay makakaiwas doon.
18 May apat[a] na bagay na para sa akin ay kahanga-hanga at hindi ko maunawaan:
19 Kung paano nakakalipad ang agila sa kalangitan,
kung paano nakakagapang ang ahas sa batuhan,
kung paano nakapaglalayag ang barko sa karagatan,
at ang pamamaraan ng lalaki sa babae.
20 Ganito ang ginagawa ng babaeng nagtataksil sa kanyang asawa: Sumisiping siya sa ibang lalaki pagkatapos sasabihin niyang wala siyang ginagawang masama.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®