The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
3 Makinig kayo sa sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan: “Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo. At ang Panginoon na inyong hinihintay ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang inyong pinakahihintay na sugo na magsasagawa ng aking kasunduan.”
2-3 Pero sino ang makatatagal sa araw ng kanyang pagdating? Sino ang makakaharap sa kanya kapag nagpakita na siya? Sapagkat para siyang apoy na nagpapadalisay ng bakal o parang sabon na nakakalinis. Lilinisin niya ang mga paring Levita, tulad ng pagpapadalisay ng pilak at ginto, upang maging malinis ang kanilang buhay at maging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon.[a] 4 Sa ganoon, muling malulugod ang Panginoon sa mga handog ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, gaya ng dati.
5 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga Israelita, “Darating ako upang hatulan kayo. Sasaksi agad ako laban sa mga mangkukulam, sa mga nangangalunya, sa mga sinungaling na saksi, sa mga nandaraya sa sahod ng kanilang mga manggagawa, sa mga nanggigipit sa mga biyuda at mga ulila, at sa mga hindi makatarungan sa mga dayuhan. Gagawin ko ito sa inyo na mga walang takot sa akin.”
Ang Pagbibigay ng Ikapu
6 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Ako, ang Panginoon, ay hindi nagbabago. Kaya nga kayong mga lahi ni Jacob ay hindi lubusang nalipol. 7 Tulad ng inyong mga ninuno, hindi kayo sumunod sa aking mga tuntunin. Manumbalik kayo sa akin, ang Panginoong Makapangyarihan, at babalik[b] ako sa inyo. Pero itinatanong ninyo, ‘Paano kami manunumbalik sa inyo?’ 8 Magtatanong din ako sa inyo, maaari bang nakawan ng tao ang Dios? Parang imposible. Pero ninanakawan ninyo ako. At itinatanong inyo, ‘Paano namin kayo ninanakawan?’ Ninanakawan ninyo ako dahil hindi ninyo ibinibigay ang inyong mga ikapu[c] at mga handog. 9 Iyan ang dahilan kung bakit ko isinumpa ang buong bansa. 10 Pero ngayon, hinahamon ko kayo na subukan ninyo ako, ang Panginoong Makapangyarihan. Dalhin ninyo nang buo ang inyong mga ikapu sa bodega ng templo upang may pagkain sa aking templo. Kapag ginawa ninyo ito, padadalhan ko kayo ng ulan[d] at ibubuhos ko ang sobra-sobrang pagpapala. 11 Hindi ko papayagang sirain ng peste ang inyong mga pananim o malagas ang bunga ng inyong mga ubas. 12 Tatawagin kayong mapalad[e] ng lahat ng bansa, dahil napakabuting tirhan ang inyong lupain. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”
13 Sinabi pa ng Panginoon, “Masasakit ang inyong sinabi tungkol sa akin. Pero itinatanong ninyo, ‘Ano ang sinabi naming masakit tungkol sa inyo?’ 14 Hindi baʼt sinabi ninyo, ‘Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios. Ano ba ang mapapala natin kung susundin natin ang kanyang mga utos? At ano ang mapapala natin kung ipapakita natin sa Dios na nalulungkot tayo at nagsisisi sa ating mga kasalanan? 15 Masasabi pa nga natin na mapalad ang mga taong mayabang. Sapagkat sila na gumagawa ng masama ay umuunlad. At kahit na sinusubukan nila ang Dios, hindi sila pinarurusahan.’ ”
16 Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may paggalang sa Panginoon. Narinig ng Panginoon ang kanilang pinag-uusapan. Ang kanilang pangalan ay isinulat sa aklat na nasa harapan ng Panginoon, para maalala niya silang mga may takot at kumikilala sa kanya.
17 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Magiging akin sila sa araw ng paghatol ko. Ituturing ko silang isang tanging kayamanan. Hindi ko sila parurusahan, tulad ng isang amang hindi nagpaparusa sa anak na masunurin. 18 At muling makikita ng mga tao ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, at ang pagkakaiba ng naglilingkod sa akin at ng hindi.”
Ang Araw ng Pagpaparusa ng Panginoon
4 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Tiyak na darating ang araw ng aking pagpaparusa. Magiging tulad ito ng nagliliyab na pugon. Parurusahan kong gaya ng pagsunog sa dayami ang lahat ng mayayabang at ang gumagawa ng masama. Magiging tulad sila ng sinunog na kahoy na walang natirang sanga o ugat. 2 Pero kayong may paggalang sa akin ay ililigtas ko gaya ng pagsikat ng araw[f] na ang sinag nito ay nagbibigay ng kabutihan. At lulundag kayo sa tuwa, na parang mga guyang pinakawalan sa kulungan. 3 Pagdating ng araw na isakatuparan ko na ang mga bagay na ito, lilipulin ninyo ang masasama na parang alikabok na tinatapakan.
4 “Sundin ninyo[g] ang Kautusang ibinigay ng aking lingkod na si Moises. Ang mga utos at mga tuntuning iyan ay ibinigay ko sa kanya doon sa Bundok ng Sinai[h] upang sundin ng lahat ng mamamayan ng Israel.
5 “Makinig kayo! Bago dumating ang nakakapangilabot na araw ng aking pagpaparusa, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. 6 Ibabalik niya ang magandang relasyon ng mga magulang at mga anak, upang pagdating ko ay hindi ko na isusumpa ang inyong bayan.”
22 Ipinakita rin sa akin ng anghel ang ilog na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito ay kasinglinaw ng kristal at dumadaloy mula sa trono ng Dios at ng Tupa, 2 at umaagos sa gitna ng pangunahing lansangan ng lungsod. Sa magkabilang tabi ng ilog ay may punongkahoy na nagbibigay-buhay. Namumunga ito ng 12 beses sa isang taon, isang beses sa bawat buwan. At ang mga dahon nito ay ginagamit sa pagpapagaling sa mga bansa. 3 Walang anumang isinumpa ng Dios na makikita roon. Naroon ang trono ng Dios at ng Tupa, at sasambahin siya ng mga lingkod niya. 4 Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa mga noo nila ang kanyang pangalan. 5 Wala nang gabi roon, kaya hindi na kailangan ang mga ilawan o ang liwanag ng araw, dahil ang Panginoong Dios ang magiging ilaw nila. At maghahari sila magpakailanman.
Ang Pagbabalik ni Jesus
6 At sinabi sa akin ng anghel, “Ang mga salitang ito ay totoo at maaasahan. Ang Panginoong Dios, na nagpapahayag sa kanyang mga propeta,[a] ang siyang nagsugo ng anghel niya upang ipakita sa mga lingkod niya ang mga bagay na malapit nang mangyari.”
7 Sinabi ni Jesus, “Malapit na akong dumating! Mapalad ang mga sumusunod sa mga pahayag ng Dios sa aklat na ito.”
8 Akong si Juan ang nakarinig at nakakita ng lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat ng ito, lumuhod ako upang sumamba sa anghel na nagpakita sa akin ng mga ito. 9 Pero sinabi niya sa akin, “Huwag! Huwag mo akong sambahin. Sapagkat katulad mo, alipin din ako ng Dios at ng mga katulad mong propeta, at ng lahat ng sumusunod sa mga nakasulat sa aklat na ito. Ang Dios ang sambahin mo!” 10 Sinabi pa niya sa akin, “Huwag mong ililihim ang mga propesiya sa aklat na ito, dahil malapit na itong matupad. 11 Ang masama ay magpapakasama pa, at ang marumi ay magpapakarumi pa. Pero ang matuwid ay magpapakatuwid pa, at ang banal ay magpapakabanal pa.”
12 Sinabi ng Panginoong Jesus, “Makinig kayo! Malapit na akong dumating! Dala ko ang aking gantimpala para sa bawat isa ayon sa mga ginawa niya. 13 Ako ang Alpha at ang Omega, na ang ibig sabihin, ang una at ang huli, o ang simula at ang katapusan ng lahat.
14 “Mapalad ang naglilinis ng mga damit nila,[b] dahil papayagan silang makapasok sa lungsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. 15 Pero maiiwan sa labas ang masasamang tao,[c] mga mangkukulam, mga imoral, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa mga dios-diosan, at ang lahat ng nabubuhay sa kasinungalingan.
16 “Akong si Jesus ang nagsugo sa aking anghel upang sabihin sa iyo ang mga bagay na ito para sa mga iglesya. Galing ako sa angkan ni David at ako rin ang maningning na bituin sa umaga.”
17 Nag-iimbita ang Banal na Espiritu at ang babaeng ikakasal, “Halikayo!” Ang lahat ng nakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!” Lumapit ang sinumang nauuhaw at gustong uminom ng tubig na nagbibigay-buhay. Wala itong bayad.
Ang Pangwakas na Sinabi ni Juan
18 Ako, si Juan ay nagbibigay babala sa lahat ng nakakarinig sa mga pahayag ng Dios sa aklat na ito. Ang sinumang magdagdag sa mga nilalaman ng aklat na ito, idaragdag ng Dios sa kanyang parusa ang mga salot na nakasulat dito. 19 At ang sinumang magbawas sa mga nilalaman ng aklat na ito ay aalisan ng Dios ng karapatang kumain sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. At mawawalan din siya ng karapatang makapasok sa Banal na Lungsod na nabanggit sa aklat na ito.
20 Si Jesus ang nagpapatunay sa lahat ng nakasulat dito. At sinabi pa niya, “Talagang malapit na akong dumating!” Sinabi ko naman, “Sana nga po![d] Pumarito na po kayo, Panginoong Jesus.”
21 Pagpalain kayong lahat ng Panginoong Jesus.
Purihin ang Panginoon
150 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Dios sa kanyang templo.
Purihin nʼyo siya sa langit, ang kanyang matibay na tirahan.
2 Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang dakilang mga ginagawa.
Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang kapangyarihang walang kapantay.
3 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga trumpeta!
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga alpa at lira!
4 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga tamburin at mga sayaw.
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga instrumentong may kwerdas at mga plauta.
5 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga matutunog na mga pompyang.
6 Ang lahat ng may buhay ay magpuri sa Panginoon.
Purihin ninyo ang Panginoon!
25 Malakas at iginagalang siya, at hindi siya nangangamba para sa kinabukasan.
26 Nagsasalita siya nang may karunungan, at nagtuturo nang may kabutihan.
27 Masipag siya, at inaalagaang mabuti ang kanyang pamilya.
28 Pinupuri siya ng kanyang mga anak, at pinupuri rin ng kanyang kabiyak na nagsasabi, 29 “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit ikaw ang pinakamabuti sa kanilang lahat.”
30 Ang pagiging kaakit-akit ay makapandaraya, at ang kagandahan ay kumukupas. Pero ang babaeng may takot sa Panginoon ay dapat purihin.
31 Dapat siyang gantimpalaan sa kanyang ginawang kabutihan at parangalan sa karamihan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®