Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 15:1-16:36

Ang Paghahanda sa Pagkuha ng Kahon ng Kasunduan

15 Nagpatayo si David ng mga gusali sa kanyang lungsod[a] para sa sarili niya. Nagpagawa rin siya ng tolda para sa Kahon ng Dios, at inilagay niya ito nang maayos sa lugar na kanyang inihanda para rito. Pagkatapos, sinabi ni David, “Walang ibang tagabuhat ng Kahon ng Dios maliban sa mga Levita, dahil sila ang pinili ng Panginoon na magbuhat ng Kahon ng Panginoon at maglingkod sa presensya niya magpakailanman.” Tinipon ni David ang lahat ng mga Israelita sa Jerusalem na magdadala ng Kahon ng Panginoon sa lugar na inihanda niya para rito. Ipinatawag din niya ang mga pari[b] at mga Levita, na ang mga bilang ay ito:

Mula sa mga angkan ni Kohat, 120, at pinamumunuan sila ni Uriel.

Mula sa mga angkan ni Merari, 220, at pinamumunuan sila ni Asaya.

Mula sa mga angkan ni Gershon,[c] 130, at pinamumunuan sila ni Joel.

Mula sa angkan ni Elizafan, 200, at pinamumunuan sila ni Shemaya.

Mula sa mga angkan ni Hebron, 80, at pinamumunuan sila ni Eliel.

10 Mula sa mga angkan ni Uziel, 112, at pinamumunuan sila ni Aminadab.

11 Pagkatapos, ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar at ang mga Levitang sina Uriel, Asaya, Joel, Shemaya, Eliel at Aminadab. 12 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga pinuno ng mga pamilyang Levita. Linisin nʼyo ang inyong mga sarili[d] at ganoon din ang mga kapwa nʼyo Levita, para madala ninyo ang Kahon ng Panginoon, ang Dios ng Israel, sa lugar na inihanda ko para rito. 13 Dahil noong una hindi kayo ang nagdala ng Kahon ng Kasunduan. Pinarusahan tayo ng Panginoon na ating Dios dahil hindi tayo nagtanong sa kanya kung paano ito dadalhin sa tamang paraan.”

14 Kaya nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili para madala nila ang Kahon ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 15 Pinagtulungang pasanin ng mga Levita ang Kahon ng Dios sa pamamagitan ng tukod, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

16 Inutusan ni David ang mga pinuno ng mga Levita na pumili ng mang-aawit mula sa kapwa nila Levita, sa pag-awit ng masasayang awitin na tinugtugan ng mga lira, alpa at pompyang. 17 Kaya pinili ng mga Levita si Heman na anak ni Joel, si Asaf na anak ni Berekia, at si Etan na anak ni Kusaya na mula sa angkan ni Merari. 18 Ang piniling tutulong sa kanila ay ang mga kamag-anak nilang sina Zacarias, Jaaziel, Shemiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaya, Maaseya, Matitia, Elifelehu, Mikneya, at ang mga guwardya ng pintuan ng Tolda na sina Obed Edom at Jeyel. 19 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga tansong pompyang ay sina Heman, Asaf at Etan. 20 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga lira sa mataas na tono ay sina Zacarias, Aziel, Shemiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maaseya at Benaya. 21 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga alpa sa mababang tono ay sina Matitia, Elifelehu, Mikneya, Obed Edom, Jeyel at Azazia. 22 Ang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit ay ang pinuno ng mga Levita na si Kenania, dahil mahusay siyang umawit. 23 Ang pinagkatiwalaang magbantay ng Kahon ng Kasunduan ay sina Berekia at Elkana. 24 Ang pinagkatiwalaang magpatunog ng trumpeta sa harapan ng Kahon ng Dios ay ang mga pari na sina Shebania, Joshafat, Netanel, Amasai, Zacarias, Benaya at Eliezer. Sina Obed Edom at Jehia ay mga tagapagbantay din sa Kahon ng Kasunduan.

Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem(A)

25 Kaya masayang pumunta si David, ang mga tagapamahala ng Israel, at ang mga pinuno ng libu-libong sundalo sa bahay ni Obed Edom para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. 26 At dahil tinulungan ng Dios ang mga Levita nang dalhin nila ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, naghandog sila ng pitong batang toro at pitong tupa. 27 Nagsuot si David ng damit na gawa sa telang linen pati ang lahat ng Levitang bumubuhat ng Kahon ng Kasunduan, ang mga mang-aawit, at si Kenania na siyang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit. Nagsuot din si David ng espesyal na damit[e] na gawa sa telang linen. 28 At dinala ng lahat ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon nang may kagalakan. Pinatunog nila ang mga tambuli, trumpeta at pompyang; at pinatugtog ang mga lira at mga alpa.

29 Nang papasok na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa Lungsod ni David, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. At nang makita niya si Haring David na sumasayaw sa tuwa, kinamuhian niya siya.

16 Inilagay nila ang Kahon ng Dios sa loob ng toldang itinayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[f] Pagkatapos nilang maghandog nina David, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ng Panginoon. Binigyan niya ng tinapay, karne,[g] at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae.

Pumili si David ng mga Levita na maglilingkod sa harap ng Kahon ng Panginoon para manalangin, magpasalamat at magpuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Si Asaf ang nanguna sa kanila at siya ang nagpapatunog ng mga pompyang. Sumunod sa kanya ay sina Zacarias, Jeyel, Shemiramot, Jehiel, Matitia, Eliab, Benaya, Obed Edom at Jeyel. Sila ang mga tagatugtog ng lira at alpa. Ang mga pari na sina Benaya at Jahaziel ang palaging nagpapatunog ng mga trumpeta sa harapan ng Kahon ng Kasunduan ng Dios.

Ang Awit ng Pasasalamat ni David(B)

Nang araw na iyon, sa unang pagkakataon ay ibinigay ni David kay Asaf at sa mga kapwa niya Levita ang awit na ito ng pasasalamat sa Panginoon:

Pasalamatan nʼyo ang Panginoon. Sambahin nʼyo siya!
    Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
    ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
10 Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
    Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
11 Magtiwala kayo sa Panginoon,
    at sa kanyang kalakasan.
    Palagi kayong dumulog sa kanya.

12-13 Kayong mga pinili ng Dios na mga lahi ni Jacob na lingkod ng Dios, alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang mga paghatol.
14 Siya ang Panginoon na ating Dios,
    at siya ang namamahala sa buong mundo.
15 Hindi niya kinakalimutan ang kanyang kasunduan at pangako sa libu-libong henerasyon.
16 Ang kasunduang ito ay ginawa niya kay Abraham,
    at ipinangako niya kay Isaac.
17 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,[h]
    at magpapatuloy ito magpakailanman.
18 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
    “Ibibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan,
    ipamamana ko ito sa inyo at sa inyong mga angkan.”[i]

19 Noon iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
    at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
20 Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
21 Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
    Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
22 Sinabi niya,
    “Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
    huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”

23 Kayong mga tao sa buong mundo, umawit kayo sa Panginoon.
    Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagliligtas niya sa atin.
24 Ipahayag ninyo sa lahat ng tao sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa.
25 Dahil dakila ang Panginoon at karapat-dapat papurihan.
    Dapat siyang katakutan ng higit kaysa sa lahat ng mga dios,
26 dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay ginawa lang nila para sambahin,
    ngunit ang Panginoon ang lumikha ng langit.
27 Nasa kanya ang kaluwalhatian at karangalan;
    ang kalakasan at kagalakan ay nasa kanyang tahanan.

28 Purihin ninyo ang Panginoon,
    kayong lahat ng tao sa mundo.
    Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
29 Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
    Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa kanyang presensya.
    Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kanyang kabanalan.
30 Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
    Matatag niyang itinayo ang mundo at hindi ito mauuga.
31 Magalak ang buong kalangitan at mundo;
    ipahayag sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon.”
32 Magalak din ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
33 At ang mga puno sa gubat ay aawit sa tuwa sa presensya ng Panginoon.
    Dahil darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo.
34 Magpasalamat kayo sa Panginoon dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
35 Manalangin kayo, “Iligtas nʼyo kami, O Dios na aming Tagapagligtas;
    palayain nʼyo po kami sa mga bansa at muli kaming tipunin sa aming lupain,
    upang makapagpasalamat at makapagbigay kami ng papuri sa inyong kabanalan.”[j]
36 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.

At ang lahat ay magsabing, “Amen!” Purihin ninyo ang Panginoon!

Roma 1:18-32

Ang Galit ng Dios sa Lahat ng Kasamaan

18 Ipinapahayag ng Dios mula sa langit ang kanyang poot sa lahat ng kasamaan at kalapastanganang ginagawa ng mga tao, na siyang pumipigil sa kanila para malaman ang katotohanan tungkol sa Dios. 19 Sapagkat ang katotohanan tungkol sa Dios ay malinaw sa kanila dahil inihayag ito sa kanila ng Dios. 20 Totoong hindi nakikita ang Dios, pero mula pa nang likhain niya ang mundo, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Dios ay naipahayag sa mga bagay na ginawa niya; kaya wala silang maidadahilan. 21 At kahit alam nilang may Dios, hindi nila siya pinarangalan o pinasalamatan man lang. Sa halip, ibinaling nila ang kanilang pag-iisip sa mga bagay na walang kabuluhan, kaya napuno ng kadiliman ang mga hangal nilang pag-iisip. 22 Nagmamarunong sila, pero lumilitaw na silaʼy mga mangmang. 23 Sapagkat ipinagpalit nila ang dakila at walang kamatayang Dios sa mga dios-diosang anyong tao na may kamatayan, mga ibon, mga hayop na may apat na paa, at mga hayop na nagsisigapang.

24 Kaya hinayaan na lang sila ng Dios sa maruruming hangarin ng kanilang puso, hanggang sa gumawa sila ng kahalayan at kahiya-hiyang mga bagay sa isaʼt isa. 25 Ipinagpalit nila sa kasinungalingan ang katotohanan tungkol sa Dios. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha sa halip na ang Manlilikha na siyang dapat papurihan magpakailanman. Amen!

26 Dahil ayaw nilang kilalanin ang Dios, hinayaan na lang sila ng Dios na gawin ang kanilang malalaswang pagnanasa. Ipinagpalit ng mga babae ang natural na pakikipagrelasyon nila sa lalaki sa pamamagitan ng pakikipagrelasyon sa kapwa babae. 27 Ganoon din ang mga lalaki. Tinalikuran nila ang natural na pakikipagrelasyon sa babae, at sa halip ay pinagnasahan ang kapwa lalaki. Kahiya-hiya ang ginagawa nila sa isaʼt isa. Dahil dito, pinarusahan sila ng Dios nang nararapat sa kanila.

28 At dahil sa ayaw talaga nilang kilalanin ang Dios, hinayaan niya sila sa kanilang kaisipang hindi makapili ng tama. Kaya ginagawa nila ang mga bagay na hindi nararapat. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman at masasamang hangarin. Silaʼy mainggitin, mamamatay-tao, mapanggulo, mandaraya, at laging nag-iisip ng masama sa kanilang kapwa. Silaʼy mga tsismosoʼt tsismosa 30 at mapanirang-puri. Napopoot sila sa Dios, mga walang galang at mapagmataas. Naghahanap sila ng magagawang masama, at suwail sa mga magulang nila. 31 Silaʼy mga hangal, mga traydor, at walang awa. 32 Alam nila ang utos ng Dios na dapat parusahan ng kamatayan ang mga taong gumagawa ng mga kasalanang ito, pero patuloy pa rin silang gumagawa nito, at natutuwa pa sila na ginagawa rin ito ng iba.

Salmo 10:1-15

Panalangin upang Tulungan

10 Panginoon, bakit parang kay layo nʼyo sa akin?
    Bakit sa panahon ng kaguluhan kayo ay nagtatago sa amin?
Ang dukha ay pinahihirapan ng masasama at mayayabang.
    Sanaʼy mangyari rin sa kanila ang kanilang masasamang plano.
Ipinagmamalaki nila ang kanilang masasamang kagustuhan.
    Pinupuri nila ang mga sakim,
    ngunit kinukutya ang Panginoon.
Dahil sa kahambugan ng mga taong masama,
    binabalewala nila ang Dios,
    at ayaw nila siyang lapitan.
Ang kanilang pamumuhay ay laging matagumpay,
    at hindi man lang sila nag-aalala na silaʼy inyong hahatulan.
    Hinahamak nila ang lahat ng kanilang mga kaaway.
Akala nilaʼy walang mangyayaring masama sa kanila at wala silang magiging problema.
Silaʼy lapastangan kapag nagsalita, sinungaling at mapagbanta,
    at sila na rin ang nagsasabi ng masasakit at masasamang salita.
Sa liblib na mga lugar silaʼy nagtatago,
    at nag-aabang sa mga inosente na kanilang papatayin.
Naghihintay silang nakakubli na parang leon,
    upang sakmalin at kaladkarin ang mahihirap.
10 Dahil malakas sila, ibinabagsak nila ang mga kawawa,
    hanggang sa hindi na makabangon.
11 Ang akala nilaʼy hindi sila pinapansin ng Dios at hinding-hindi niya nakikita ang kanilang mga ginagawa.

12 Sige na Panginoong Dios, parusahan nʼyo na po ang mga taong masama.
    Huwag nʼyong pababayaan ang mga inaapi.
13 O Dios, bakit nilalait kayo ng mga taong masama?
    Sinasabi pa nila, “Hindi tayo parurusahan ng Dios.”
14 Ngunit nakikita nʼyo, O Dios, ang mga taong nagdurusa at naghihirap.
    Lumalapit sa inyo ang mga kaawa-awa tulad ng mga ulila,
    at nakahanda kayong tumulong sa kanila.
15 Alisan nʼyo ng lakas ang mga taong masama,
    at parusahan nʼyo sila hanggang sa silaʼy tumigil na sa paggawa ng masama.

Kawikaan 19:6-7

Marami ang lumalapit sa pinunong mabait, at sa mapagbigay ang lahat ay nakikipagkaibigan.
Ang mahihirap ay iniiwasan ng mga kamag-anak, at lalo na ng mga kaibigan. Kapag sila ay kailangan hindi sila matagpuan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®