Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 140

Panalangin para Ingatan ng Dios

140 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa mga taong masama at malupit.
Nagpaplano sila ng masama at palaging pinag-aaway ang mga tao.
Ang kanilang mga dila ay parang mga makamandag na ahas;
    at ang kanilang mga salita ay makakalason na parang kamandag ng ahas.
Panginoon, ingatan nʼyo ako sa masasama at malulupit na mga taong nagpaplanong akoʼy ipahamak.
Ang mga hambog ay naglagay ng mga bitag para sa akin;
    naglagay sila ng lambat sa aking dinadaanan upang ako ay hulihin.

Panginoon, kayo ang aking Dios.
    Dinggin nʼyo Panginoon ang pagsamo ko sa inyo.
Panginoong Dios, kayo ang aking makapangyarihang Tagapagligtas;
    iniingatan nʼyo ako sa panahon ng digmaan.
Panginoon, huwag nʼyong ipagkaloob sa masama ang kanilang mga hinahangad.
    Huwag nʼyong payagang silaʼy magtagumpay sa kanilang mga plano,
    baka silaʼy magmalaki.
Sana ang masasamang plano ng aking mga kaaway na nakapaligid sa akin ay mangyari sa kanila.
10 Bagsakan sana sila ng mga nagniningas na baga,
    at ihulog sana sila sa hukay nang hindi na sila makabangon pa.
11 Madali sanang mawala sa lupa ang mga taong nagpaparatang ng mali laban sa kanilang kapwa.
    Dumating sana ang salot sa mga taong malupit upang lipulin sila.

12 Panginoon, alam kong iniingatan nʼyo ang karapatan ng mga dukha,
    at binibigyan nʼyo ng katarungan ang mga nangangailangan.
13 Tiyak na pupurihin kayo ng mga matuwid at sa piling nʼyo silaʼy mananahan.

Salmo 142

Panalangin para Iligtas ng Dios

142 Tumawag ako nang malakas sa inyo, Panginoon.
    Nananalangin ako na kaawaan nʼyo ako.
Sinasabi ko sa inyo ang aking mga hinaing at mga suliranin.
Kapag akoʼy nawawalan na ng pag-asa, kayo ay nariyan na nagbabantay kung ano ang nangyayari sa akin.
    Ang aking mga kaaway ay naglagay ng bitag sa aking dinadaanan.
Tingnan nʼyo ang aking paligid, walang sinumang tumutulong sa akin.
    Walang sinumang nangangalaga at nagmamalasakit sa akin.
Kaya tumawag ako sa inyo, Panginoon.
    Sinabi ko, “Kayo ang aking kanlungan,
    kayo lang ang kailangan ko rito sa mundo.”
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong,
    dahil wala na akong magawa.
    Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin,
    dahil silaʼy mas malakas sa akin.
Palayain nʼyo ako sa bilangguang ito,
    upang akoʼy makapagpuri sa inyo.
    At ang mga matuwid ay magtitipon sa paligid ko,
    dahil sa kabutihan nʼyo sa akin, Panginoon.

Salmo 141

Panalangin para Ilayo sa Kasamaan

141 Panginoon, tumatawag ako sa inyo; agad nʼyo akong tulungan.
    Dinggin nʼyo ang panawagan ko sa inyo.
Tanggapin nʼyo sana ang dalangin ko bilang insenso,
    ang pagtataas ko ng aking mga kamay bilang handog panggabi.[a]
Panginoon, tulungan nʼyo akong huwag makapagsalita ng masama.
Ilayo nʼyo ako sa gawaing masama at sa mga taong gumagawa nito.
    Ilayo nʼyo rin ako sa kanilang mga handaan upang huwag makisalo.
Tatanggapin ko ang parusa at pagsaway ng taong matuwid,
    dahil ginagawa nila ito na may pag-ibig at pagmamalasakit sa akin.
    Itoʼy parang langis sa aking ulo.
    Pero sa masasamang tao ang lagi kong panalangin ay laban sa kanilang masasamang gawain.
Kapag itinapon na ang kanilang mga pinuno sa mabatong bangin,
    maniniwala silang totoo ang mga sinasabi ko.
Sasabihin nila, “Kakalat sa libingan ang mga buto natin katulad ng mga bato na naglalabasan at kumakalat kapag inaararo ang lupa.”

Panginoong Dios, akoʼy lumalapit sa inyo.
    Hinihiling ko sa inyo na ingatan nʼyo ako,
    huwag nʼyong hahayaang akoʼy mamatay.
Ilayo nʼyo ako mula sa mga bitag na inilaan sa akin ng masasamang tao.
10 Sila sana ang mahulog sa sarili nilang bitag, habang ako naman ay makakaiwas doon.

Salmo 143

Panalangin sa Oras ng Kahirapan

143 Panginoon, dinggin nʼyo ang aking panalangin.
    Dinggin nʼyo ang aking pagsusumamo.
    Tulungan nʼyo ako dahil kayo ay matuwid at tapat.
Huwag nʼyong hatulan ang inyong lingkod,
    dahil walang sinumang matuwid sa inyong harapan.
Tinugis ako ng aking mga kaaway.
    Tinalo ako at inilagay sa madilim na bilangguan;
    tulad ako ng isang taong matagal nang patay.
Kaya nawalan na ako ng pag-asa,
    at punong-puno ng takot ang puso ko.
Naalala ko ang inyong mga ginawa noong una;
    pinagbulay-bulayan ko ang lahat ng inyong ginawa.
Itinaas ko ang aking mga kamay sa inyo at nanalangin,
    kinauuhawan ko kayo tulad ng tuyong lupa na uhaw sa tubig.
Panginoon, agad nʼyo akong sagutin.
    Nawawalan na ako ng pag-asa.
    Huwag nʼyo akong layuan, baka akoʼy mamatay.
Bawat umaga, ipaalala nʼyo sa akin ang inyong pag-ibig,
    dahil sa inyo ako nagtitiwala.
    Ipakita nʼyo sa akin ang tamang daan na dapat kong daanan,
    dahil sa inyo ako nananalangin.
Panginoon, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway,
    dahil sa inyo ako humihingi ng kalinga.
10 Turuan nʼyo akong sundin ang inyong kalooban,
    dahil kayo ang aking Dios.
    Patnubayan sana ako ng inyong butihing Espiritu sa landas na walang kapahamakan.
11 Iligtas nʼyo ako, Panginoon, upang kayo ay maparangalan.
    Dahil kayo ay matuwid, iligtas nʼyo ako sa kaguluhan.
12 Alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin na inyong lingkod,
    lipulin nʼyo ang aking mga kaaway.

Isaias 66:1-6

Hahatulan ng Panginoon ang mga Bansa

66 Ito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Kaya, anong klaseng bahay ang itatayo ninyo para sa akin? Saang lugar ninyo ako pagpapahingahin? Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay.

“Binibigyang pansin ko ang mga taong mapagpakumbaba, nagsisisi, at may takot sa aking mga salita. Pero ganito naman ang magiging trato ko sa mga taong sumusunod sa sarili nilang kagustuhan at nagagalak sa kanilang mga ginagawang kasuklam-suklam: Kung papatay sila ng baka para ihandog, ituturing ko na parang pumatay sila ng tao. Kung maghahandog sila ng tupa, ituturing ko na parang pumatay sila ng aso. Kung mag-aalay sila ng handog na regalo, ituturing ko na parang naghandog sila ng dugo ng baboy. At kung magsusunog sila ng insenso bilang pag-alaala sa akin, ituturing ko na parang nagpupuri sila sa mga dios-diosan. Maliban diyan, padadalhan ko sila ng parusang labis nilang katatakutan. Sapagkat noong akoʼy tumawag, hindi sila sumagot; nang akoʼy nagsalita, hindi sila nakinig. Gumawa sila ng masama sa aking paningin at kung ano ang ayaw ko, iyon ang ginagawa nila.”

Kayong mga may takot sa salita ng Panginoon, pakinggan nʼyo ang mensahe niya, “Dahil kayoʼy tapat sa akin, kinapopootan at tinatakwil kayo ng ilan sa inyong mga kababayan. Kinukutya nila kayo na nagsasabi, ‘Ipakita na sana ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan para makita namin ang inyong kagalakan!’ ” Pero silaʼy mapapahiya. Naririnig nʼyo ba ang ingay sa lungsod at sa templo? Iyan ang ingay ng Panginoon habang pinaghihigantihan niya ang kanyang mga kaaway.

2 Timoteo 4:1-8

Inaatasan kita sa presensya ng Dios at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at mga patay, at muling babalik at maghahari: Maging handa ka sa pangangaral ng Salita ng Dios sa anumang panahon. Ilantad mo ang mga maling aral; pagsabihan ang mga tao sa mga mali nilang gawain, at patatagin ang pananampalataya nila sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahon na ayaw nang makinig ng mga tao sa tamang aral. Sa halip, hahanap sila ng mga gurong magtuturo lamang ng gusto nilang marinig para masunod nila ang kanilang layaw. Hindi na nila pakikinggan ang katotohanan at babaling sila sa mga aral na gawa-gawa lang ng tao. Ngunit ikaw, maging mapagpigil ka sa lahat ng oras; magtiis ka sa mga paghihirap. Gawin mo ang tungkulin mo bilang tagapangaral ng Magandang Balita, at tuparin mo ang mga tungkulin mo bilang lingkod ng Dios.

Ang buhay ko ay iaalay na, dahil dumating na ang panahon ng pagpanaw ko. Puspusan akong nakipaglaban sa paligsahan. Natapos ko ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. At ngayon, may inilaan ang Dios sa akin na korona ng katuwiran.[a] Ibibigay ito sa akin ng makatarungang Panginoon sa araw ng paghuhukom niya. At hindi lang ako ang bibigyan, kundi maging ang lahat ng nananabik sa pagbabalik niya.

Lucas 12:32-48

Kayamanan sa Langit(A)

32 “Kayong mga tagasunod ko ay kaunti lang.[a] Ngunit huwag kayong matakot, dahil ipinagkaloob ng inyong Ama na maghari kayong kasama niya. 33 Ipagbili ninyo ang mga ari-arian ninyo at ipamigay ang pera sa mga mahihirap, upang makaipon kayo ng kayamanan sa langit. Doon, ang maiipon ninyong kayamanan ay hindi maluluma o mauubos, sapagkat doon ay walang makakalapit na magnanakaw o makakapanirang insekto. 34 Sapagkat kung nasaan ang kayamanan ninyo, naroon din ang puso ninyo.”

Ang Mapagkakatiwalaang mga Utusan

35-36 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Maging handa kayo palagi sa pagbabalik ng inyong Panginoon, katulad ng mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang amo mula sa kasalan. Nakahanda sila at nakasindi ang mga ilawan nila, upang sa pagdating at pagkatok ng amo nila ay mabubuksan nila agad ang pinto. 37 Mapalad ang mga aliping madadatnan ng amo nila na gising at nagbabantay sa kanyang pag-uwi. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maghahanda ang amo nila para pagsilbihan sila. Sila ay pauupuin niya sa kanyang mesa at pagsisilbihan habang kumakain sila. 38 Mapalad ang mga aliping iyon kung madadatnan sila ng amo nila na handa kahit anong oras – hatinggabi man o madaling-araw. 39 Tandaan ninyo ito: kung alam ng isang tao kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin nito ang bahay niya. 40 Kayo man ay dapat maging handa, dahil ako, na Anak ng Tao, ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Ang Tapat at Hindi Tapat na Alipin(B)

41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, para kanino po ba ang talinghaga na iyon, para sa amin o para sa lahat?” 42 Sumagot ang Panginoon, “Hindi baʼt ang tapat at matalinong utusan ang pamamahalain ng amo niya sa mga kapwa niya alipin? Siya ang magbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. 43 Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na ginagawa ang kanyang tungkulin. 44 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. 45 Ngunit kawawa ang alipin kung inaakala niyang matatagalan pa bago bumalik ang amo niya, at habang wala ito ay pagmamalupitan niya ang ibang mga alipin, lalaki man o babae, at magpapakabusog siya at maglalasing. 46 Darating ang amo niya sa araw o oras na hindi niya inaasahan, at parurusahan siya nang matindi[b] at isasama sa mga hindi mapagkakatiwalaan.

47 “Ang aliping nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya ngunit hindi naghahanda at hindi gumagawa ng kanyang tungkulin ay tatanggap ng mabigat na parusa.[c] 48 At ang aliping hindi nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya, at nakagawa ng kamalian ay parurusahan din, pero magaan lang. Ang binigyan ng marami ay hahanapan ng marami. Mas marami nga ang pananagutan ng pinagkatiwalaan ng mas marami.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®