Book of Common Prayer
Dalanging may Pagtitiwala
131 Panginoon, akoʼy hindi hambog o mapagmataas.
Hindi ko hinahangad ang mga bagay na napakataas na hindi ko makakayanan.
2 Kontento na ako katulad ng batang inawat na hindi na naghahangad ng gatas ng kanyang ina.
3 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon ngayon at magpakailanman.
Papuri sa Templo ng Dios
132 Panginoon, huwag nʼyong kalilimutan si David at ang lahat ng paghihirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin nʼyo ang pangako niya sa inyo Panginoon, kayo na Makapangyarihang Dios ni Jacob.
Ipinangako niya,
3 “Hindi ako uuwi o mahihiga man sa aking higaan
4 o matulog
5 hanggaʼt hindi ako nakakakita ng lugar na matitirhan ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”
6 Nang kami ay nasa Efrata nabalitaan namin kung nasaan ang Kaban ng Kasunduan,
at natagpuan namin ito sa kapatagan ng Jaar.
7 Sinabi namin, “Pumunta tayo sa tirahan ng Panginoon, at sumamba tayo sa kanya sa harap ng kanyang trono.”
8 Sige na po Panginoon, pumunta na kayo sa inyong templo kasama ng Kaban ng Kasunduan na sagisag ng inyong kapangyarihan.
9 Sanaʼy palaging mamuhay ng matuwid ang inyong mga pari,
at umawit nang may kagalakan ang inyong mga tapat na mamamayan.
10 Alang-alang kay David na inyong lingkod,
huwag nʼyong itatakwil ang haring inyong hinirang.
11 Nangako kayo noon kay David,
at itoʼy tiyak na inyong tutuparin at hindi babawiin.
Sinabi nʼyo, “Isa sa iyong angkan ang papalit sa iyo bilang hari.
12 At kung ang mga hari na nagmula sa iyong angkan ay susunod sa aking kasunduan at mga turo sa kanila,
ang kanilang mga anak ay maghahari rin magpakailanman.”
13 Hinangad at pinili ng Panginoon ang Zion na maging tahanan niya.
Sinabi niya,
14 “Ito ang aking tirahan magpakailanman;
dito ako maninirahan dahil ito ang nais ko.
15 Bibigyan ko ang Zion ng lahat niyang pangangailangan,
at kahit ang mga mamamayan niyang dukha ay bubusugin ko ng pagkain.
16 Ililigtas ko ang kanyang mga pari,
at ang kanyang tapat na mamamayan ay aawit sa kagalakan.
17 “Paghahariin ko sa Zion, ang haring mula sa angkan ni David,
at gagawin ko siyang parang ilawang pumapatnubay sa mga tao.
18 Hihiyain ko ang kanyang mga kaaway, ngunit pauunlarin ko ang kaharian niya.”
Pagsasamahang may Pagkakaisa
133 Napakagandang tingnan ang mga mamamayan ng Dios na namumuhay nang may pagkakaisa.
2 Itoʼy parang mamahaling langis na ibinuhos sa ulo ni Aaron na dumaloy sa kanyang balbas at kwelyo ng damit.
3 Katulad din ito ng hamog sa Bundok ng Hermon na umaabot sa Bundok ng Zion.
At dito sa Zion ay nangako ang Panginoon na magbibigay nang pagpapala, at itoʼy ang buhay na walang hanggan.
Paanyaya para Purihin ang Dios
134 Purihin ang Panginoon,
lahat kayong mga naglilingkod sa kanyang templo kung gabi.
2 Itaas ninyo ang inyong mga kamay kapag mananalangin kayo sa loob ng templo,
at purihin ninyo ang Panginoon.
3 Pagpalain sana kayo ng Panginoon na nasa Zion na siyang lumikha ng langit at ng lupa.
Awit ng Papuri
135 Purihin ang Panginoon! Purihin ninyo siya, kayong mga lingkod niya,
2 na naglilingkod sa templo ng Panginoon na ating Dios.
3 Purihin ninyo ang Panginoon, dahil siya ay mabuti.
Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, dahil ito ay kaaya-aya.
4 Purihin ninyo siya dahil pinili niya ang mga mamamayan ng Israel na mga lahi ni Jacob, na maging espesyal niyang mamamayan.
5 Alam kong ang Panginoon ay higit na dakila kaysa sa alinmang dios-diosan.
6 Ginagawa ng Panginoon ang anumang nais niya sa langit, sa lupa, sa dagat at sa kailaliman nito.
7 Dinadala niya paitaas ang mga ulap mula sa malayong dako ng mundo,
at pinadala ang kidlat na may kasamang ulan.
Inilabas din niya ang hangin mula sa kinalalagyan nito.
8 Pinatay niya ang mga anak na panganay ng mga Egipcio at pati na ang mga panganay ng kanilang mga hayop.
9 Gumawa rin siya dito ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay upang parusahan ang Faraon at ang lahat niyang mga lingkod.
10 Winasak niya ang maraming bansa,
at pinatay ang kanilang makapangyarihang mga hari,
11 katulad nina Sihon na hari ng Amoreo, Haring Og ng Bashan,
at ang lahat ng hari ng Canaan.
12 At kinuha niya ang kanilang mga lupain at ibinigay sa mga mamamayan niyang Israelita upang maging kanilang pag-aari.
13 Panginoon, ang inyong pangalan at katanyagan ay hindi malilimutan sa lahat ng salinlahi.
14 Dahil patutunayan nʼyo, Panginoon, na ang inyong lingkod ay walang kasalanan,
at silaʼy inyong kahahabagan.
15 Ang mga dios ng ibang mga bansa ay mga yari sa pilak at ginto na gawa ng tao.
16 May mga bibig, ngunit hindi nakakapagsalita;
may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
17 May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig,
at silaʼy walang hininga.
18 Ang mga gumawa ng dios-diosan at ang lahat ng nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito na walang kabuluhan.
19-20 Kayong mga mamamayan ng Israel, pati kayong mga angkan ni Aaron at ang iba pang mga angkan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
Kayong mga may takot sa Panginoon, purihin ninyo siya!
21 Purihin ninyo ang Panginoon na nasa Zion, ang bayan ng Jerusalem na kanyang tahanan.
Purihin ang Panginoon!
7 Anak, sundin mo ang mga sinasabi ko sa iyo. Itanim mo ito sa iyong isipan at 2 sundin ang mga iniuutos ko, upang humaba ang buhay mo. Ingatan mong mabuti ang mga itinuturo ko katulad ng pag-iingat mo sa mga mata mo. 3 Itanim mo sa iyong isipan upang hindi mo makalimutan. 4 Ituring mo na parang kapatid na babae ang karunungan at ang pang-unawa na parang isang malapit na kaibigan. 5 Sapagkat ilalayo ka nito sa masamang babaeng nakakaakit ang pananalita.
Ang Masamang Babae
6 Minsan dumungaw ako sa bintana ng aming bahay. 7 Nakakita ako ng mga kabataang lalaki na wala pang muwang sa buhay. Isa sa kanila ay talagang mangmang. 8 Lumalakad siya patungo sa kanto kung saan naroroon ang bahay ng isang masamang babae. 9 Takip-silim na noon at malapit nang dumilim. 10 Sinalubong siya ng isang babae na ang suot ay katulad ng suot ng isang babaeng bayaran. Nakapagplano na siya ng gagawin sa lalaking iyon. 11 Maingay siya at hindi mahiyain. Hindi siya nananatili sa bahay. 12 Madalas siyang makita sa mga lansangan, mga kanto at mga plasa. 13 Paglapit ng lalaki ay agad niya itong hinalikan at hindi nahiyang sinabi, 14 “Tinupad ko na ang pangako kong maghandog, at may mga sobrang karne doon sa bahay na mula sa aking inihandog. 15 Kaya hinanap kita at mabuti naman nakita kita. 16 Sinapinan ko na ang aking higaan ng makulay na telang galing pa sa Egipto. 17 Nilagyan ko iyon ng pabangong mira, aloe, at sinamon. 18 Kaya halika na, doon tayo magpakaligaya hanggang umaga, 19 dahil wala rito ang asawa ko. Naglakbay siya sa malayo. 20 Marami siyang dalang pera at dalawang linggo pa bago siya bumalik.”
21 Kaya naakit niya ang lalaki sa pamamagitan ng kanyang matatamis at nakakaakit na pananalita. 22 Sumunod agad ang lalaki na parang bakang hinihila papunta sa katayan, o tulad ng isang usa[a] na patungo sa bitag, 23 at dooʼy papanain siya na tatagos sa kanyang puso. Para din siyang isang ibon na nagmamadali papunta sa bitag ng kamatayan, ngunit hindi niya ito nalalaman.
24 Kaya mga anak, pakinggan ninyong mabuti ang aking mga sinasabi. 25 Huwag kayong paaakit sa ganyang uri ng babae at huwag ninyong hayaan na kayoʼy kanyang iligaw. 26 Marami na ang mga lalaking napahamak dahil sa kanya. 27 Kapag pumunta kayo sa bahay niya, para na rin kayong pumunta sa daigdig ng mga patay.
Ang Buhay na Walang Hanggan
13 Isinusulat ko ito sa inyo na mga sumasampalataya sa Anak ng Dios upang malaman ninyong mayroon kayong buhay na walang hanggan. 14 At may kapanatagan tayo sa paglapit natin sa Dios, dahil naniniwala tayong ibibigay niya sa atin ang anumang hilingin natin na ayon sa kanyang kalooban. 15 At kung alam nating nakikinig sa atin ang Dios, alam nating tinatanggap na natin ang hinihiling natin sa kanya.
16 Kung nakikita ninyo ang inyong kapatid kay Cristo na gumagawa ng kasalanang hindi hahantong sa espiritwal na kamatayan, ipanalangin ninyo siya at bibigyan siya ng Dios ng buhay. Ito ay para lang sa mga nakagawa ng kasalanang hindi hahantong sa espiritwal na kamatayan. May mga kasalanang nagdudulot ng espiritwal na kamatayan. Hindi ko sinasabing ipanalangin ninyo ang mga taong nakagawa ng ganitong kasalanan. 17 Ang lahat ng gawaing hindi matuwid ay kasalanan, ngunit may mga kasalanang hindi hahantong sa espiritwal na kamatayan.
18 Alam nating ang sinumang naging anak ng Dios ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan. Iniingatan siya ng Anak ng Dios, at hindi siya maaaring saktan ng diyablo. 19 Ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng diyablo, ngunit alam nating tayoʼy mga anak ng Dios. 20 Alam din nating ang Anak ng Dios ay naparito sa mundo, at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Dios. At tayo nga ay nasa tunay na Dios sa pamamagitan ng kanyang anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan.
21 Mga anak, lumayo kayo sa mga dios-diosan.
55 Nang malapit na ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel, maraming tao mula sa ibaʼt ibang bayan ng Israel ang pumunta sa Jerusalem upang isagawa ang ritwal na paglilinis bago magpista. 56 Hinanap nila nang hinanap si Jesus, at nagtatanungan sila roon sa templo, “Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista?” 57 Nang mga panahong iyon, ipinag-utos ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam ng sinumang nakakaalam kung nasaan si Jesus upang madakip nila.
Binuhusan ng Pabango si Jesus(A)
12 Anim na araw bago dumating ang Pista ng Paglampas ng Anghel, pumunta si Jesus sa Betania, kung saan nakatira si Lazarus na muli niyang binuhay. 2 Kaya naghanda sila roon ng hapunan para kay Jesus. Si Lazarus ay isa sa kasalo ni Jesus sa pagkain. Si Marta ang nagsilbi sa kanila. 3 Kumuha si Maria ng kalahating litro ng purong pabango na gawa sa halamang nardo na mamahaling pabango. Ibinuhos niya ito sa paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok. At humalimuyak ang pabango sa buong bahay. 4 Ang isa sa mga tagasunod ni Jesus na naroon ay si Judas Iscariote na magtatraydor sa kanya. Sinabi ni Judas, 5 “Isang taon na sweldo ang halaga ng pabangong iyan. Bakit hindi na lang iyan ipinagbili, at ibigay sa mahihirap ang pera?” 6 Sinabi niya ito, hindi dahil nagmamalasakit siya sa mga mahihirap kundi dahil isa siyang magnanakaw. Bilang tagapag-ingat ng pera nila, madalas niya itong kinukupitan. 7 Pero sinabi ni Jesus, “Hayaan mo siya. Ibinuhos niya ito sa katawan ko bilang paghahanda sa aking libing.[a] 8 Lagi nʼyong nakakasama ang mga mahihirap, pero akoʼy hindi nʼyo laging makakasama.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®