Bible in 90 Days
Dalawang Uri ng Karunungan
13 Sino sa inyo ang matalino at nakakaunawa? Hayaang ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay ang kaniyang mga gawa na may mapagpakumbabang karunungan.
14 Maaaring magkaroon ng mapait na pag-iinggitan at makasariling pagnanasa sa inyong mga puso. Kung mayroon man, huwag kayong magmapuri at magsinungaling laban sa katotohanan. 15 Ang karunungang ito ay hindi nagmumula sa itaas, subalit ito ay mula sa lupa, makalaman at mula sa mga demonyo. 16 Kung saan may pag-iinggitan at makasariling pagnanasa, naroroon ang kaguluhan at lahat ng masamang bagay.
17 Ang karunungang nagmumula sa itaas una, sa lahat, ay dalisay, pagkatapos ay mapayapa, maamo, nagpapasakop, puno ng kahabagan at may mabubuting bunga. Ito ay hindi nagtatangi at walang pagpapakunwari. 18 Ngunit ang bunga ng katuwiran ay itinatanim sa kapayapaan para doon sa mga gumagawa ng kapayapaan.
Ipasakop Ninyo sa Diyos ang Inyong mga Sarili
4 Saan nagmula ang mga pag-aaway at mga paglalaban-laban sa inyo? Hindi ba ito ay nagmula sa inyong mga pagnanasa sa kalayawan na nag-aaway sa inyong katawan?
2 May masidhi kayong paghahangad ngunit hindi kayo nagkakaroon. Kayo ay pumapatay at nag-iimbot ngunit hindi kayo nagkakamit. Kayo ay nag-aaway-away at naglalaban-laban. Hindi kayo nagkakaroon dahil hindi kayo humihingi. 3 Humingi kayo, ngunit hindi kayo nakatanggap sapagkat ang inyong paghingi ay masama. Ang inyong hinihingi ay gagamitin ninyo sa inyong mga kalayawan. 4 Hindi ba ninyo nalalaman, kayong mga mangangalunyang lalaki at babae na ang nagnanais maging kaibigan ng sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya ang sinumang makikipagkaibigan sa sanlibutan ay kaaway ng Diyos. 5 Sinasabi ng kasulatan:
Ang Espiritung nananahan sa atin ay labis na naninibugho.
Sa palagay ba ninyo ay walang kabuluhan ang sinasabing ito ng kasulatan?
6 Ngunit tayo ay binigyan niya ng higit pang biyaya. Dahil dito sinabi niya:
Sinasalungat ng Diyos ang mga mapagmataas ngunit binibigyan niya ng biyaya ang mga mapagpakumbaba.
7 Ipasakop nga ninyo ang inyong mga sarili sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at siya ay lalayo sa inyo. 8 Magsilapit kayo sa Diyos at siya ay lalapit sa inyo. Kayong mga makasalanan, linisin ninyo ang inyong mga kamay. Kayong mga taong nagdadalawang-isip, dalisayin ninyo ang inyong mga puso. 9 Magdalamhati kayo, maghinagpis kayo at tumangis kayo. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagdadalamhati. Palitan ninyo ang inyong katuwaan ng kalungkutan. 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at kayo ay itataas niya.
11 Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa’t isa. Ang gumagawa nito at humahatol sa kaniyang kapatid ay nagsasalita ng masama laban sa kautusan at humahatol sa kautusan. Kung hinahatulan mo ang kautusan, hindi ka tagatupad ng kautusan. Ikaw ay tagahatol. 12 Iisa lamang ang nagbigay ng kautusan. Siya ang makakapagligtas at makakapuksa. Sino ka upang humatol sa iba?
Pagyayabang Patungkol sa Kinabukasan
13 Makinig kayo ngayon, kayong nagsasabi: Ngayon o kaya bukas, kami ay pupunta sa gayong lungsod. Mananatili kami roon ng isang taon. Kami ay mangangalakal at tutubo.
14 Ngunit hindi ninyo nalalaman kung ano ang mangyayari sa kinabukasan. Ito ay sapagkat ano ang iyong buhay? Ito ay tulad sa isang singaw na sa maikling oras ay lumilitaw at pagkatapos ay naglalaho. 15 Ito ang dapat ninyong sabihin: Kung kalooban ng Panginoon, mabubuhay tayo. Gagawin natin ang bagay na ito o ang gayong bagay. 16 Datapuwa’t ngayon ay nagmamapuri kayo sa inyong mga kayabangan. Ang lahat ng ganitong pagmamapuri ay napakasama. 17 Kaya nga, ang sinumang nakakaalam sa paggawa ng mabuti at hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kaniya.
Babala sa mga Mayayaman na Nang-aapi sa Ibang Tao
5 Makinig kayo, kayong mayayaman. Kayo ay tumangis at humagulgol dahil sa darating na mga paghihirap ninyo.
2 Ang mga kayamanan ninyo ay nangabulok. Ang mga damit ninyo ay kinain ng tanga. 3 Ang inyong mga ginto at pilak ay kinalawang. Ang mga kalawang na ito ang magiging patotoo laban sa inyo at siyang kakain sa inyong mga laman tulad ng apoy. Kayo ay nag-imbak ng kayamanan para sa mga huling araw. 4 Narito, ipinagkait ninyong may pandaraya ang mga upa ng mga manggagawang gumapas sa inyong mga bukirin. Ang kanilang mga upa ay umiiyak. Ang iyak ng mga manggagawang gumapas ay narinig ng Panginoon ng mga hukbo. 5 Kayo ay namuhay sa lupang ito, sa karangyaan at pagpapasasa. Binusog ninyo ang inyong mga puso tulad sa araw ng katayan. 6 Inyong hinatulan at pinatay ang taong matuwid. Hindi niya kayo tinutulan.
Pagtitiis sa Paghihirap
7 Mga kapatid ko, magtiis kayo hanggang sa pagbabalik ng Panginoon. Narito, ang magsasaka ay naghihintay sa mahalagang bunga ng lupa. Hinihintay niya ito ng may pagtitiyaga hanggang sa matanggap nito ang una at huling ulan.
8 Magtiis din nga kayo at patatagin ninyo ang inyong kalooban sapagkat malapit na ang pagbabalik ng Panginoon. 9 Mga kapatid, huwag kayong magsumbatan sa isa’t isa upang hindi kayo mahatulan. Narito, ang hukom ay nakatayo sa pintuan.
10 Mga kapatid, gawin ninyong halimbawa ang mga propeta na nangaral sa pangalan ng Panginoon. Sila ang mga halimbawa na dumanas ng paghihirap at ng pagtitiis. 11 Narito, itinuturing nating pinagpala ang mga nakapagtiis. Narinig ninyo ang pagtitiis ni Job at nalaman ninyo ang ginawa ng Panginoon sa katapusan na lubhang mapagmalasakit at maawain.
12 Ngunit higit sa lahat, mga kapatid ko, huwag kayong susumpa sa pamamagitan ng langit, o lupa, o ng ano pa mang panunumpa. Ang inyong oo ay dapat maging oo, ang inyong hindi ay dapat maging hindi upang hindi kayo mahulog sa kahatulan.
Ang Panalanging may Pananampalataya
13 Mayroon bang nahihirapan sa inyo? Manalangin siya. Mayroon bang masaya sa inyo? Magpuri siya.
14 Mayroon bang may sakit sa inyo? Tawagin niya ang mga matanda sa iglesiya upang siya ay kanilang ipanalangin at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Ang panalanging may pananampalataya ay makakapagpagaling sa taong maysakit at siya ay ibabangon ng Panginoon. Kung mayroon siyang nagawang mga pagkakasala, siya ay patatawarin. 16 Ipahayag ninyo ang inyong mga pagsalangsang sa isa’t isa. Manalangin kayo para sa isa’t isa, upang gumaling kayo. Ang mabisa at taimtim na panalangin ng taong matuwid ay higit na malaki ang magagawa.
17 Si Elias ay taong may damdamin ding tulad natin. Mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan at hindi nga umulan sa lupa sa loob ng tatlo at kalahating taon. 18 Muli siyang nanalangin at ang langit ay nagbuhos ng ulan, at ang lupa ay nagbigay ng ani.
19 Mga kapatid, kung ang isa sa inyo ay lumihis sa katotohanan, maaring siya ay mapanumbalik ng isa sa inyo. 20 Dapat malaman ng nagpanumbalik sa makasalanan mula sa pagkakaligaw na maililigtas niya ang isang kaluluwa mula sa kamatayan. Siya ay magtatakip ng maraming kasalanan.
1 Akong si Pedro ay apostol ni Jesucristo. Sa mga hinirang ng Diyos na pansamantalang nakikipamayan at nakakalat sa Ponto, Galacia, Cappadocia, Asya at Bitinia. 2 Hinirang sila ayon sa paunang kaalaman ng Diyos Ama sa pamamagitanng pagpapaging-banal ng Espiritu, patungo sa pagsunod at pagwiwisik ng dugo ni Jesucristo.
Sumagana nawa sa inyo ang biyaya at kapayapaan.
Papuri sa Diyos para sa Isang Buhay na Pag-asa
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesucristo sapagkat sa kaniyang dakilang kahabagan ay ipinanganak niya tayong muli patungo sa isang buhay na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesucristo mula sa mga patay.
4 Ginawa niya ito para sa isang manang hindi nabubulok, hindi narurumihan at hindi kumukupas na inilaan sa langit para sa atin. 5 Ang kapangyarihan ng Diyos ang nag-iingat sa atinsa pamamagitan ng pananampalataya, para sa kaligtasang nakahandang ihayag sa huling panahon. 6 Ito ang inyong ikinagagalak bagamat, ngayon sa sandaling panahon kung kinakailangan, ay pinalulumbay kayo sa iba’t ibang pagsubok. 7 Ito ay upang ang pagsubok sa inyong pananampalataya, na lalong higit na mahalaga kaysa ginto na nasisira, bagaman sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay masumpungan sa ikapupuri, ikararangal at ikaluluwalhati ni Jesucristo sa kaniyang kapahayagan. 8 Kahit na hindi ninyo siya nakita, inibig ninyo siya. Kahit hindi ninyo siya nakikita ngayon ay nananampalataya kayo sa kaniya. Dahil dito, nagagalak kayo ng kagalakang hindi kayang ipaliwanag sa salita at puspos ng kaluwalhatian. 9 Nagagalak kayo sapagkat tinatanggap ninyo ang layunin ng inyong pananampalataya na walang iba kundi ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa.
10 Ang kaligtasang ito ay masusing sinisiyasat at sinusuring mga propetang naghayag sa biyayang darating sa inyo. 11 Sinisiyasat nila kung sino at kung kailan mangyayari ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na sumasakanila. Ang Espiritu ang nagpatotoo noon pang una patungkol sa mga kahirapan ni Cristo at ang mga kaluwalhatiang kasunod nito. 12 Ipinahayag ito sa kanila subalit hindi para sa kanilang sarili kundi ipinaglingkod nila ito para sa atin. Ang bagay na ito ay ibinalita ngayon sa inyo sa pamamagitan ng mga tagapangaral ng ebanghelyo. Nangaral sila sa pamamagitan ng Espiritu na isinugo mula sa langit. Mahigpit na hinahangad ng mga anghel na malaman ang mga bagay na ito.
Magpakabanal Kayo
13 Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong isipan gaya ng pagkabigkis ng baywang. Magkaroon kayo ng maayos na pag-iisip. Lubos kayong umasa sa biyayang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesucristo.
14 Tulad ng mga masunuring anak, huwag na kayong makiayon pa sa dating masidhing pita noong kayo ay wala pang pang-unawa. 15 At sapagkat ang tumawag sa inyo ay banal, magpakabanal din kayong tulad niya sa lahat ng inyong pag-uugali. 16 Ito ay sapagkat nasusulat: Magpakabanal kayo sapagkat ako ay banal.
17 Ang Ama ay humahatol nang walang pagtatangi ayon sa gawa ng bawat isa. Yamang tinatawag ninyo siyang Ama, ang inyong pag-uugali ay dapat may pagkatakot sa panahon nakayo ay namumuhay bilang mga dayuhan. 18 Nalalaman ninyong tinubos kayo mula sa walang kabuluhang paraan ng pamumuhay na minana ninyo sa inyong mga ninuno. Ang ipinangtubos sa inyo ay hindi nasisirang mga bagay na gaya ng pilak at ginto. 19 Subalit ang ipinangtubos sa inyo ay ang mahalagang dugo ni Cristo. Siya ay tulad ng isang korderong walang kapintasan at walang dungis. 20 Alam na ng Diyos ang patungkol sa kaniya noong una pa man, bago pa itinatag ang sanlibutan. Ngunit alang-alang sa inyo, nahayag siya sa mga huling araw na ito. 21 Sa pamamagitan niya, nanampalataya kayo sa Diyos na muling bumuhay sa kaniya mula sa mga patay at nagbigay kaluwalhatian sa kaniya. Kaya nga, ang inyong pananampalataya at pag-asa ay mapasa-Diyos.
22 Ngayon ay dinalisay na ninyo ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu upang kayo ay magkaroon ng pag-ibig na walang pagkukunwari sa mga kapatid. Kaya nga, mag-ibigan kayo sa isa’t isa nang buong ningas ng may malinis na puso. 23 Ipinanganak kayong muli, hindi sa binhing nasisira kundi sa walang kasiraan, sa pamamagitan ng salita ng Diyos na nabubuhay at namamalagi magpakailanman. 24 Ito ay sapagkat sinasabi:
Ang lahat ng tao ay gaya ng damo. Ang lahat ng kaluwalhatian ng tao ay gaya ng bulaklak ng damo. Ang damo ay natutuyo at ang bulaklak ay nalalagas.
25 Ngunit ang salita ng Panginoon ay mamamalagi magpakailanman.
Ito ang ebanghelyo na ipinangaral sa inyo.
2 Kaya nga, alisin na ninyo ang lahat ng masamanghangarin at lahat ng pandaraya. Talikdan na ninyo ang pagkukunwari, pagkainggit at lahat ng uri ng paninirang puri. 2 Kung magkagayon, gaya ng sanggol na bagong silang, nasain ninyo ang dalisay na gatas na ukol sa espiritu upang lumago kayo. 3 Nasain ninyo ito, yamang nalasap ninyo na ang Panginoon ay mabuti.
Ang Batong Buhay at ang Mga Batong Buhay
4 Lumapit kayo sa kaniya na siyang batong buhay na itinakwil ng mga tao. Ngunit sa Diyos siya ay hirang at mahalaga.
5 Kayo rin ay katulad ng mga batong buhay. Itinatatag kayo ng Diyos na isang bahay na espirituwal. Kayo ay mga saserdoteng banal, kaya maghandog kayo ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo. 6 Ganito ang sinasabi ng kasulatan:
Narito, itinatayo ko sa Zion ang isang pangunahing batong panulok, hinirang at mahalaga. Ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.
7 Kaya nga, sa inyo na sumasampalataya, siya ay mahalaga. Ngunit sa mga hindi sumusunod:
Ang batong tinakwil ng mga tagapagtayo ang naging pangunahing batong panulok.
8 At naging batong ikabubuwal at katitisuran.
Natitisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita yamang dito rin naman sila itinalaga.
9 Ngunit kayo ay isang lahing hinirang, makaharing pagkasaserdote, isang bansang banal at taong pag-aari ng Diyos. Ito ay upang ipahayag ninyo ang kaniyang kadakilaan na siya rin naman ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kaniyang kamangha-manghang kaliwanagan. 10 Noong nakaraan, kayo ay hindi niya tao ngunit ngayon ay tao na ng Diyos. Noon ay hindi kayo nagkamit ng kahabagan ngunit ngayon ay nagkamit na ng kahabagan.
11 Mga minamahal, bilang mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo ay lumayo sa masamang pagnanasa ng laman na nakikipaglaban sa kaluluwa. 12 Mamuhay kayong maayos sa gitna ng mga Gentil. Nagsasalita sila laban sa inyo na tulad sa gumagawa ng masama. Subalit sa pagkakita nila ng inyong mabubuting gawa ay pupurihin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagdalaw.
Pagpapasakop sa mga Namumuno at mga Panginoon
13 Magpasakop kayo sa bawat pamamahalang itinatag ng tao alang-alang sa Panginoon. Magpasakop kayo maging sa hari na siyang pinakamataas na pinuno.
14 Magpasakop kayo maging sa mga gobernador na waring mga sugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng matuwid. 15 Ito ay sapagkat ang kalooban ng Diyos na sa paggawa ninyo ng mabuti ay mapatahimik ninyo ang walang kabuluhang salita ng mga taong mangmang. 16 Magpasakop kayo bilang mga malaya ngunit huwag ninyong gamitin ang inyong kalayaan bilang panakip sa masamang hangarin. Subalit magpasakop kayo sa Diyos bilang mga alipin. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao. Ibigin ninyo ang mga kapatid. Matakot kayo sa Diyos at igalang ninyo ang hari.
18 Mga katulong, magpasakop kayo na may buong pagkatakot sa inyong mga amo. Gawin ninyo ito hindi lamang sa mababait at mahinahon kundi sa mga liko rin. 19 Ito ay sapagkat kapuri-puri ang isang taong namimighati at naghihirap kahit walang sala kung ang kaniyang budhi ay umaasa sa Diyos. 20 Maipagmamapuri ba kung kayo ay nagtitiis ng hirap ng pangbubugbog dahil sa paggawa ng kasalanan? Ngunit kung kayo ay nagtitiis ng hirap dahil sa paggawa ng mabuti ito ay kalugud-lugod sa Diyos. 21 Ito ay sapagkat tinawag kayo sa ganitong bagay. Si Cristo man ay naghirap alang-alang sa atin at nag-iwan sa atin ng halimbawa upang kayo ay sumunod sa kaniyang mga hakbang.
22 Hindi siya nagkasala at walang pandarayang namutawi sa kaniyang bibig.
23 Nang alipustain siya, hindi siya nang-alipusta. Nang naghirap siya, hindi siya nagbanta. Sa halip, ang kaniyang sarili ay ipinagkatiwala niya sa kaniya na humahatol nang matuwid. 24 Dinala niya sa kaniyang sariling katawan ang ating mga kasalanan sa ibabaw ng kahoy upang tayo na namatay sa kasalanan ay maging buhay sa katuwiran at dahil sa kaniyang sugat kayo ay gumaling. 25 Ito ay sapagkat kayo ay tulad ng mga tupa na naligaw, ngunit nagbalik na kayo ngayon sa Pastol at Tagapangasiwa ng inyong mga kaluluwa.
Mga Asawang Babae at mga Asawang Lalaki
3 Kayo namang mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong sariling mga asawa. At kung mayroon pa sa kanila na hindi sumusunod sa salita ng Diyos ay madala rin sila ng walang salita sa pamamagitan ng pamumuhay ng asawang babae.
2 Madadala sila kapag nakita nila ang inyong dalisay na pamumuhay na may banal na pagkatakot. 3 Ang inyong paggayak ay huwag maging sa panlabas lamang. Ito ay huwag maging gaya ng pagtitirintas ng buhok at pagsusuot ng mga hiyas na ginto at mamahaling damit. 4 Sa halip, ang pagyamanin ninyo ay ang paggayak sa pagkatao na natatago sa inyong puso, ang kagayakang hindi nasisira na siyang bunga ng maamo at payapang espiritu. Ito ang lubhang mahalaga sa mata ng Diyos. 5 Ito ay sapagkat ganito ang kagayakang pinagyaman ng mga babaeng banal noong unang panahon. Sila ay nagtiwala sa Diyos at nagpasakop sa kanilang sariling asawa. 6 Katulad ni Sara, sinunod niya at tinawag na panginoon ang kaniyang asawang si Abraham. Kayo rin ay mga anak ni Sara kung mabuti ang inyong mga gawa at wala kayong katatakutang anuman.
7 Kayo namang mga asawang lalaki, manahan kayong may pang-unawa kasama ng inyong asawa tulad ng isang mahinang sisidlan. Bigyan ninyo sila ng karangalan sapagkat kapwa ninyo silang tagapagmana ng biyaya ng buhay. Sa gayon ay walang magiging hadlang sa inyong mga panalangin.
Pagdanas ng Hirap sa Paggawa ng Mabuti
8 Katapus-tapusan, magkaisa kayo, magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid. Kayo ay maging maawain at mapagkaibigan.
9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama. Huwag ninyong alipustain ang umaalipusta sa inyo. Sa halip, gantihan ninyo sila ng pagpapala sapagkat tinawag kayo upang gawin ito, upang kayo ay magmana ng pagpapala. 10 Ito ay sapagkat nasusulat:
Ang nagnanais umibig sa buhay at makakita ng mabubuting araw ay dapat magpigil ang dila mula sa pagsasalita ng masama. At ang kaniyang labi ay dapat pigilin sa pagsalita ng pandaraya.
11 Tumalikod siya sa masama at gumawa siya ng mabuti. Hanapin niya ang kapayapaan at ipagpatuloy niya ito. 12 Ito ay sapagkat ang mga mata ng Panginoon ay nasa mga matuwid. Ang kaniyang tainga ay dumirinig ng kanilang panalangin. Ngunit ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama.
13 Kapag ang sinusunod ninyo ay ang mabuti, sino ang mananakit sa inyo? 14 At kung uusigin kayo sa paggawa ng mabuti, pinagpala pa rin kayo. Huwag kayong matakot sa kanilang pinangangambahan at huwag kayong mabagabag. 15 Ngunit pakabanalin ninyo ang Panginoong Diyos sa inyong mga puso. Humanda kayong lagi na sumagot sa sinumang magtatanong sa inyo patungkol sa inyong pag-asa, na may kaamuan at pagkatakot. 16 Magkaroon kayo ng magandang budhi upang mapahiya ang mga naninirang-puri sa inyo na nagsasabing gumagawa kayo ng masama at tumutuya sa inyong magandang pamumuhay kay Cristo. 17 Ito ay sapagkat kung loloobin ng Diyos, higit na mabuti ang magdusa nang dahil sa paggawa ng kabutihan kaysa paggawa ng kasamaan.
18 Dahil si Cristo man ay minsang nagdusa dahil sa kasalanan. Ang matuwid para sa mga hindi matuwid upang madala niya tayo sa Diyos. Pinatay siya sa laman ngunit binuhay siya sa pamamagitan ng Espiritu. 19 Sa pamamagitan din niya pumunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. 20 Iyan ang mga espiritung sumuway, na nang minsan ay hinintay ng pagbabata ng Diyos noong panahon ni Noe, samantalang ginagawa ang arka. Ilan tao lamang ang naligtas. Walo lamang ang naligtas sa arka sa pamamagitan ng tubig. 21 Ang tubig na iyon ang larawan ng bawtismo na ngayon ay nagliligtas sa atin. Hindi sa paglilinis ng karumihan ng makasalanang likas kundi ang tugon ng isang malinis na budhi sa Diyos. Ito ay sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesucristo. 22 Siya ay umakyat sa langit at nasa kanan ng Diyos. Ipinasailalim na sa kaniya ng Diyos ang mga anghel, ang mga kapamahalaan at ang mga kapangyarihan.
Namumuhay para sa Diyos
4 Kaya nga, yamang si Cristo ang nagbata ng hirap sa laman dahil sa atin, maging gayundin nawa ang inyong pag-iisip sapagkat ang nagbata ng hirap sa laman ay tumigil sa pakikipag-ugnayan sa kasalanan.
2 Sa nalalabi niyang panahon sa katawang ito ay hindi na siya namuhay para sa masidhing pagnanasa sa laman kundi ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. 3 Sapat na ang nakaraang panahon ng ating buhay upang gawin ang kalooban ng mga Gentil. Lumakad tayo sa kahalayan, masamang pagnanasa, paglalasing, magulong pagtitipon, mga pag-iinuman at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyos-diyosan. 4 Iniisip nilang hindi pangkaraniwan ang hindi ninyo pakikipamuhay sa kanila sa gayong labis na kaguluhan. Dahil dito nilalait nila kayo. 5 Ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buhay at sa mga patay. 6 Ito ay sapagkat ang ebanghelyo ay inihayag maging sa mga namatay upang sila ay mahatulan ayon sa mga taong nasa katawang laman ngunit maging buhay ayon sa Diyos sa espiritu.
7 Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay. Kaya nga, maging maayos ang inyong pag-iisip at laging handa sa pananalangin. 8 Higit sa lahat, mag-ibigan kayo ng buong ningas sa isa’t isa. Sapagkat ang pag-ibig ay tumatakip ng maraming kasalanan. 9 Maging mapagpatuloy kayo sa isa’t isa nang hindi mabigat sa loob. 10 Ayon sa biyaya na tinanggap ninyo ay ipaglingkod ninyo sa inyong kapwa. Maglingkod kayo gaya ng mabuting katiwala sa masaganang biyaya ng Diyos. 11 Kung ang sinuman ay magsalita, magsalita siya tulad ng isang nagsasalita ng salita ng Diyos. Kung ang sinuman ay naglilingkod, maglingkod siya ayon sa lakas na ibinibigay sa kaniya ng Diyos. Gawin niya ang mga ito upang papurihan ang Diyos sa lahat ng bagay sa pamamagitan ni Jesucristo. Sa kaniya ang karangalan at paghahari magpakailan pa man. Siya nawa.
Pagdanas ng Hirap sa Pagiging Isang Kristiyano
12 Mga minamahal, huwag ninyong isipin na wari bang hindi pangkaraniwan ang matinding pagsubok na inyong dinaranas. Huwag ninyong isipin na tila baga hindi pangkaraniwan ang nangyayari sa inyo.
13 Magalak kayo na kayo ay naging bahagi sa mga paghihirap ni Cristo. Kapag nahayag na ang kaniyang kaluwalhatian labis kayong magagalak. 14 Kapag kayo ay inalipusta dahil sa pangalan ni Cristo, pinagpala kayo sapagkat ang Espiritu ng kaluwalhatian at ng Diyos ay nananahan sa inyo. Sa ganang kanila, siya ay inalipusta, ngunit sa ganang inyo siya ay pinarangalan. 15 Huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang mamamatay tao, o magnanakaw, o gumagawa ng masama o mapanghimasok sa gawain ng iba. 16 Ngunit bilang isang mananampalataya huwag ikahiya ninuman kung siya ay magdusa. Sa halip, purihin niya ang Diyos sa bagay na ito. 17 Ito ay sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa sambahayan ng Diyos. Ngunit kung sa atin ito nagsimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga taong sumusuway sa ebanghelyo ng Diyos?
18 At kung ang kaligtasan ay mahirap para sa matuwid, ano kaya ang magiging kalagayan ng hindi kumikilala sa Diyos at ng makasalanan?
19 Kaya ang mga nagbabata dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos ay italaga nila ang kanilang kaluluwa sa kaniya na matapat na Manglilikha at magpatuloy sa paggawa ng mabuti.
Sa mga Matanda at mga Kabataang Lalaki
5 Ang mga matanda na nasa inyo ay pinagtatagubilinan ko bilang isa ring matanda na nakasaksi sa mga paghihirap ni Cristo at bilang kabahagi rin ng kaluwalhatiang ihahayag.
2 Ipinamamanhik kong pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Pangasiwaan ninyo sila, hindi dahil sa napipilitan kayo kundi kusang-loob, hindi dahil sa kasakiman sa pagkakamal ng salapi sa masamang paraan kundi sa paghahangad na makapaglingkod. 3 At hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan kundi bilang huwaran sa inyong kawan. 4 Sa pagparito ng Pangulong Pastol tatanggap kayo ng hindi nasisirang putong ng kaluwalhatian.
5 Kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa mga matanda. Magpasakop kayo sa isa’t isa at isuot ninyo ang kapakumbabaan sapagkat
sinasaway ng Diyos ang mga palalo at nagbibigay biyaya sa mga mapagpakumbaba.
6 Kaya nga, magpakumbaba kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos upang kayo ay kaniyang itaas sa takdang panahon. 7 Ilagak ninyo sa kaniya ang lahat ninyong kabalisahan sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
8 Magkaroon kayo ng maayos na pag-iisip at magbantay kayo sapagkat ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leon na umaatungal at umaali-aligid na naghahanap kung sino ang malalamon niya. 9 Magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya. Labanan ninyo siya. Tulad ng nalalaman ninyo, dumaranas din ng gayong kahirapan ang mga kapatid ninyo sa buong sanlibutan.
10 Ang Diyos ng lahat ng biyaya, ang siyang tumawag sa inyo sa kaniyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo Jesus. Pagkatapos ninyong maghirap ng maikling panahon, siya rin ang magpapaging-ganap, magpapalakas, magbibigay ng kakayanan at magpapatatag sa inyo. 11 Sumakaniya nawa ang papuri at paghahari magpakailanman. Siya nawa!
Panghuling Pagbati
12 Isinulat ko ang maikling liham na ito sa tulong ni Silvano na itinuturing kong matapat na kapatid upang mahikayat ko kayo ng may katapatan at patunayan sa inyo na ito nga ang totoong biyaya ng Diyos na nagpapatatag sa inyo.
13 Ang babae na nasa Babilonia ay bumabati sa inyo. Siya rin ay isang hinirang na tulad ninyo. Binabati rin kayo ni Marcos na aking anak. 14 Batiin ninyo ang isa’t isa ng halik ng pag-ibig. Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na na kay Cristo Jesus. Siya nawa!
1 Akong si Simon Pedro ay alipin at apostol ni Jesucristo. Sumusulat ako sa kanila na kasama naming tumanggap ng mahalagang pananampalataya katulad ng aming pananampalataya sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesucristo.
2 Sumagana sa inyo ang biyaya at kapayapaan sa pagkakilala sa Diyos at kay Jesus na Panginoon natin.
Tiyakin Ninyong Kayo ay Tinawag at Hinirang ng Diyos
3 Ayon sa kaniyang kapangyarihan, ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang lahat ng bagay na nauukol sa buhay at sa pagkamaka-Diyos sa pamamagitan ng pagkakilala sa kaniya na tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaluwalhatian at kapangyarihan.
4 Sa pamamagitan nito, ibinigay niya sa atin ang kaniyang mga mahalaga at dakilang pangako upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi kayo sa banal na kalikasan ng Diyos. Yamang nakaiwas na kayo sa kabulukan na nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa, nakabahagi kayo sa banal na kabanalan ng Diyos.
5 Dahil dito, pagsikapan ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kagandahang-asal at sa kagandahang-asal, ang kaalaman. 6 Idagdag ninyo sa kaalaman ang pagpipigil, at sa pagpipigil ay ang pagtitiis, at sa pagtitiis ay ang pagkamaka-Diyos. 7 Idagdag ninyo sa pagkamaka-Diyos ay ang pag-ibig sa kapatid at sa pag-ibig sa kapatid ay ang pag-ibig. 8 Ito ay sapagkat kung taglay ninyo at nananagana sa inyo ang mga katangiang ito, hindi kayo magiging tamad o walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesucristo. 9 Ngunit ang sinumang wala ng mga katangiang ito ay bulag, maiksi ang pananaw. Nakalimutan na niyang nalinis na siya sa mga dati niyang kasalanan.
10 Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong lalo na maging tiyak ang pagkatawag at pagkahirang sa inyo sapagkat kung gagawin ninyo ito, kailanman ay hindi na kayo matitisod. 11 Ito ay sapagkat sa ganitong paraan ay ibibigay sa inyo ang masaganang pagpasok sa walang hanggang paghahari ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.
Ang Kasulatan ay Sinabi na Noong Una Pa
12 Kaya nga, hindi ako magpapabaya sa pagpapaala-ala sa inyo ng mga bagay na ito bagamat alam na ninyo ang mga katotohanan at matatag na kayo sa katotohanan na inyo nang tinaglay.
13 Aking minabuti na pakilusin kayo upang maala-ala ninyo ito samantalang nabubuhay pa ako sa toldang ito na pansamantalang tirahan. 14 Yamang alam kong hindi na magtatagal at lilisanin ko na ang aking tirahan ayon sa ipinakita sa akin ng ating Panginoong Jesucristo. 15 Sisikapin ko ang lahat upang sa aking pag-alis ay maala-ala pa ninyo ang mga bagay na ito.
16 Ito ay sapagkat hindi kami sumunod sa mga kathang-isip na maingat na ginawa nang ipakilala namin sa inyo ang patungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesucristo, kundi nasaksihan namin ang kaniyang kadakilaan. 17 Ito ay sapagkat nakita namin nang ipagkaloob sa kaniya ng Diyos Ama ang karangalan at kaluwalhatian. Ito ay nangyari nang marinig niya ang gayong uri ng tinig na dumating sa kaniya mula sa napakadakilang kaluwalhatian: Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalugdan. 18 Narinig namin ang tinig na ito mula sa langit nang kami ay kasama niya sa banal na bundok.
19 Taglay namin ang salita ng mga propeta na lubos na mapagkakatiwalaan. Makakabuting isaalang-alang ninyo ito. Ang katulad nito ay isang ilawan na nagliliwanag sa kadiliman hanggang sa mabanaag ang bukang-liwayway at ang tala sa umaga ay sumikat sa inyong mga puso. 20 Higit sa lahat, dapat ninyong unang malaman na alinmang pahayag sa kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling paliwanag. 21 Ito ay sapagkat ang mga pahayag ay hindi dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao ngunit nagsalita ang mga banal na tao ng Diyos nang sila ay ginabayan ng Banal na Espiritu.
Lilipulin ng Diyos ang Mga Huwad na Tagapagturo
2 Ngunit nagkaroon ng mga bulaang propeta sa gitna ng mga tao. Gayundin naman may lilitaw ring mga bulaang guro sa inyo. Lihim nilang ipapasok ang mga nakakasirang maling katuruan. Ikakaila rin nila ang naghaharing Panginoon na bumili sa kanila. Inilalagay nila ang kanilang sarili sa biglang kapahamakan.
2 Marami ang susunod sa kanilang mga gawang nakakawasak. Dahil sa kanila, pagsasalitaan ng masama ang daan ng katotohanan. 3 Sa kanilang kasakiman ay makikinabang sila dahil sa inyong mga salapi sa pamamagitan ng gawa-gawang salita. Ang hatol sa kanila mula pa noon ay hindi na magtatagal at ang kanilang pagkalipol ay hindi natutulog.
4 Ito ay sapagkat hindi pinaligtas ng Diyos ang mga anghel na nagkasala subalit sila ay ibinulid sa kailaliman at tinanikalaan ng kadiliman upang ilaan para sa paghuhukom. 5 Gayundin naman hindi rin pinaligtas ng Diyos ang sanlibutan noong unang panahon kundi ginunaw niya ito dahil sa hindi pagkilala sa Diyos. Ngunit iningatan niya si Noe na tagapangaral ng katuwiran na kasama ng pitong iba pa. 6 Nang ang mga lungsod ng Sodoma at Gomora ay natupok ng apoy, hinatulan sila ng matinding pagkalipol upang maging halimbawa sa mga mamumuhay nang masama. 7 Ngunit iniligtasng Diyos ang matuwid na si Lot na lubhang nahahapis sa mahahalay na pamumuhay ng masama. 8 Ito ay sapagkat naghihirap ang kaluluwa ng matuwid na tao sa kanilangmga gawa na hindi ayon sa kautusan. Ito ay kaniyang nakikita at naririnig sa araw-araw niyang pakikipamuhay sa kanila. 9 Alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga sumasamba sa Diyos. Alam din niya kung paanong ilaan ang mga hindi matuwid para sa araw ng paghuhukom upang sila ay parusahan. 10 Inilaan niya sa kaparusahan lalo na ang mga lumalakad ayon sa laman sa pagnanasa ng karumihan at lumalait sa mga may kapangyarihan.
Sila ay mapangahas, ginagawa ang sariling kagustuhan at hindi natatakot lumait sa mga maluwalhatiang nilalang.
11 Ang mga anghel na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi humahatol na may panlalait laban sa kanila sa harapan ng Panginoon. 12 Ang mga taong ito ay parang maiilap na hayop na hindi makapangatuwiran, na ipinanganak upang hulihin at patayin. Nilalait nila maging ang mga bagay na hindi nila nalalaman. Sila ay lubusang mapapahamak sa kanilang kabulukan.
13 Tatanggapin nila ang kabayaran sa ginagawa nilang kalikuan. Inaari nilang kaligayahan ang labis na pagpapakalayaw kahit na araw. Sila ay tulad ng mga dungis at batik kapag sila ay nakikisalo sa inyo samantalang sila ay labis na nagpapakalayaw sa kanilang pandaraya. 14 Ang mata nila ay puspos ng pangangalunya. Wala silang tigil sa paggawa ng kasalanan. Inaakit nila ang hindi matatag ang pag-iisip. Nasanay ang kanilang puso sa kasakiman. Sila ay mga taong isinumpa. 15 Iniwan nila ang tamang daan at sila ay naligaw nang sundan nila ang daan ni Balaam na anak ni Besor. Inibig ni Balaam ang kabayaran sa paggawa ng kalikuan. 16 Kayat siya ay sinaway sa kaniyang pagsalangsang at isang asnong pipi, na nagsalita ng tinig ng tao, ang siyang nagbawal sa kahangalan ng propeta.
17 Ang mga bulaang gurong ito ay tulad ng bukal na walang tubig at mga ulap na itinataboy ng unos. Inilaan na sa kanila ang pusikit na kadiliman magpakailanman. 18 Ito ay sapagkat ang mapagmalaki nilang pananalita ay walang kabuluhan dahil inaakit nila sa pamamagitan ng masamang pagnanasa ng kahalayan sa laman yaong mga tunay na nakaligtas na mula sa mga taong may lihis na pamumuhay. 19 Pinapangakuan nila ng kalayaan ang mga naaakit nila gayong sila ay alipin ng kabulukan sapagkat ang tao ay alipin ng anumang nakakadaig sa kaniya. 20 Ito ay sapagkat nakawala na sa kabulukan ng sanlibutan ang mga taong kumikilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Subalit kung muli silang masangkot at madaig, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa kaysa sa dati. 21 Ito ay sapagkat mabuti pang hindi na nila nalaman ang daan ng katuwiran kaysa tumalikod pagkatapos na malaman ang banal na utos na ibinigay sa kanila. 22 Kung magkagayon, nangyari sa kanila ang kawikaang totoo: Bumabalik ang aso sa sarili niyang suka at sa paglulublob sa pusali ang baboy na nahugasan na.
Ang Araw ng Panginoon
3 Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Sa dalawang sulat na ito ay ginigising ko ang inyong malinis na pag-iisip sa pagpapaala-ala sa inyo.
2 Ito ay upang lagi ninyong alalahanin ang mga salitang sinabi ng mga banal na propeta noong una pa at ang mga utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan namin na mga apostol.
3 Dapat ninyong malaman muna na sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na lumalakad ayon sa sarili nilang masamang pagnanasa. 4 Kanilang sasabihin: Nasaan ang katuparan ng pangako ng kaniyang pagparito? Ito ay sapagkat natulog na ang ating mga ninuno ngunit ang lahat ay nananatili pa ring gayon simula pa ng paglalalang. 5 Ito ay sapagkat sadya nilang nilimot na sa pamamagitan ng Diyos ay nagkaroon ng kalangitan noon pang una at ang lupa ay lumitaw mula sa tubig at sa ilalim ng tubig. 6 Sa pamamagitan din nito, ang sanlibutan na nagunaw ng tubig nang panahong iyon ay nalipol. 7 Sa pamamagitan ng salita ng Diyos ang kalangitan ngayon at ang lupa ay iningatang nakatalaga para sa apoy at para sa araw ng paghuhukom at pagkalipol ng mga taong hindi kumikilala sa Diyos.
8 Ngunit mga minamahal, huwag ninyong kalimutan ito: Sa Panginoon ang isang araw ay tulad sa isang libong taon at ang isang libong taon ay tulad ng isang araw. 9 Ang katuparan ng pangako ay hindi inaantala ng Panginoon tulad ng inaakala ng iba. Siya ay mapagtiis sa atin. Hindi niya nais na ang sinuman ay mapahamak kundi ang lahat ay magsisi.
10 Ngunit ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng magnanakaw sa gabi. Sa araw na iyon ang kalangitan ay mapaparam na may malakas na ugong. Ang lahat ng mga sangkap na bumubuo ng sanlibutan ay masusunog at mawawasak. Ang lupa at ang mga bagay na ginawa na naroroon ay mapupugnaw.
11 Yamang ang lahat ng bagay na ito ay mawawasak, ano ngang pagkatao ang nararapat sa inyo? Dapat kayong mamuhay sa kabanalan at pagkamaka-Diyos. 12 Hintayin ninyo at madaliin ang pagdating ng araw ng Diyos. Sa araw na iyon ang langit ay masusunog at mawawasak. Ang lahat ng mga sangkap na bumubuo ng sanlibutan ay matutunaw sa matinding init. 13 Ngunit ayon sa pangako ng Diyos tayo ay naghihintay ng bagong langit at bagong lupa. Ang katuwiran ay nananahan doon.
14 Kaya nga, mga minamahal, yamang hinihintay natin ang mga bagay na ito, sikapin ninyong masumpungan niya tayong walang dungis at walang kapintasan at mapayapa sa kaniyang pagdating. 15 Inyong ariin na ang pagtitiis ng ating Panginoon ay kaligtasan. Ito rin ang isinulat sa inyo ng minamahal na kapatid nating si Pablo ayon sa karunungang kaloob sa kaniya. 16 Gayundin naman sa lahat ng kaniyang sulat, sinasalita niya ang mga bagay na ito. Ilan sa mga ito ay mahirap unawain at binigyan ng maling kahulugan ng mga hindi naturuan at hindi matatag. Ganito rin ang kanilang ginagawa sa ibang kasulatan sa ikapapahamak ng kanilang sarili.
17 Kaya nga, kayo mga minamahal, dahil alam na ninyo ang mga bagay na ito noon pa, mag-ingat kayo baka kayo mahulog sa inyong matatag na kalalagayan at mailigaw ng kamalian ng mga walang pagkilala sa kautusan ng Diyos. 18 Lumago kayo sa biyaya at kaalaman ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa kaniya ang kapurihan ngayon at magpakailanman. Siya nawa!
Ang Salita ng Buhay
1 Siya na buhat pa nang pasimula ay aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming namasdan at nahawakanng aming mga kamay. Siya ang Salita ng buhay.
2 Ang buhay ay nahayag at nakita namin ito at aming pinatotohanan. Isinasalaysay namin sa inyo ang buhay na walang hanggan na iyon na kasama ng Ama na nahayag sa amin. 3 Siya na aming nakita at narinig ay isinasalaysay namin sa inyo upang kayo rin naman ay magkaroon ng pakikipag-isa sa amin. Tunay na ang pakikipag-isa ay sa Ama at sa kaniyang Anak na si Jesucristo. 4 Sinusulat namin ang mga bagay na ito sa inyo upang malubos ang ating kagalakan.
Pamumuhay sa Liwanag
5 Ito nga ang pangaral na narinig namin sa kaniya at ipinahahayag namin sa inyo: Ang Diyos ay liwanag at sa kaniya ay walang anumang kadiliman.
6 Kung sinasabi nating tayo ay may pakikipag-isa sa kaniya ngunit lumalakad naman sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi natin ginagawa ang katotohanan. 7 Ngunit kung lumalakad tayo sa liwanag, tulad niyang nasa liwanag, may pakikipag-isa tayo sa isa’t isa. Ang dugo ni Jesucristo na kaniyang anak ang naglilinis sa lahat ng kasalanan.
8 Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. 9 Kung ihahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na magpapatawad at maglilinis sa atin sa lahat ng ating kalikuan. 10 Kung sinasabi nating hindi tayo nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling at ang salita niya ay wala sa atin.
2 Munti kong mga anak, sinusulat ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Ngunit kapag nagkasala ang sinuman, mayroon tayong isang Tagapagtanggol sa Ama, si Jesucristo, ang matuwid. 2 Siya ang kasiya-siyang handog para sa ating mga kasalanan. Hindi lamang para sa ating mga kasalanan kundi para rin naman sa mga kasalanan ng buong sanlibutan.
3 Sa ganitong paraan, nalalaman natin na nakikilala natin siya kapag sinusunod natin ang kaniyang mga utos. 4 Ang nagsasabing: Nakikilala ko siya, ngunit hindi sinusunod ang kaniyang mga utos ay isang sinungaling at wala sa kaniya ang katotohanan. 5 Ang sinumang sumusunod sa kaniyang mga salita, totoong naganap sa kaniya ang pag-ibig ng Diyos. Sa ganitong paraan ay nalalaman natin na tayo ay nasa kaniya. 6 Ang sinumang nagsasabing siya ay nananatili sa kaniya, ay nararapat din namang lumakad kung papaano lumakad si Jesus.
7 Mga kapatid, hindi ako sumusulat ng bagong utos sa inyo kundi ang dating utos na inyong tinanggap mula pa noong una. Ang dating utos ay ang salita na inyong narinig buhat pa sa pasimula. 8 Muli, isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo na totoo sa kaniya at sa inyo sapagkat ang kadiliman ay napapawi na at ang tunay na liwanag ay sumisikat na.
9 Ang nagsasabing siya ay nasa liwanag ngunit napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon. 10 Ang umiibig sa kaniyang kapatid ay nananatili sa liwanag at walang anumang bagay ang sa kaniya na magiging katitisuran. 11 Ang napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya malaman kung saan siya patutungo sapagkat ang kadilimang iyon ang bumulag sa kaniyang mga mata.
12 Munti kong mga anak, sinusulatan ko kayo sapagkat ang inyong mga kasalanan ay pinatawad na, alang-alang sa kaniyang pangalan.
13 Mga ama, sumusulat ako sa inyo sapagkat nakilala na ninyo siya, na buhat pa sa pasimula. Mga kabataang lalaki, sumusulat ako sa inyo sapagkat nalupig ninyo siya na masama. Mga munti kong anak, sumusulat ako sa inyo sapagkat nakilala ninyo ang Ama. 14 Mga ama, sinulatan ko kayo sapagkat nakilala na ninyo siya na buhat pa sa pasimula. Mga kabataang lalaki, sinulatan ko kayo sapagkat kayo ay malakas at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo at nalupig ninyo ang masama.
Huwag Ibigin ang Sanlibutan
15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, maging ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama.
16 Ito ay sapagkat ang lahat ng nasa sanlibutan, ang masasamang pagnanasa ng laman, ang masasamang pagnanasa ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay. Ang mga ito ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan.
17 Lumilipas ang sanlibutan at ang masasamang pagnanasa nito ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.
Babala Laban sa mga Anticristo
18 Munting mga anak, ito na ang huling oras. Gaya ng inyong narinig na darating ang anticristo. Kahit ngayon ay marami nang anticristo kaya nalalaman natin na ito na ang huling oras.
19 Humiwalay sila sa atin subalit hindi sila kabilang sa atin sapagkat kung talagang kabilang sila sa atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila upang mahayag na silang lahat ay hindi kabilang sa atin.
20 Ngunit kayo ay pinagkalooban niyaong Banal at nalalaman ninyo ang lahat ng bagay. 21 Sinulatan ko kayo hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan kundi dahil sa alam na ninyo ito. Alam din ninyong walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan. 22 Sino ang sinungaling? Siya na tumatangging si Jesus ang Mesiyas. Ang tumatanggi sa Ama at sa Anak, siya ay anticristo. 23 Ang bawat isang tumatanggi sa Anak ay wala rin naman sa kaniya ang Ama. 24 Kaya nga, ang mga bagay na inyong narinig buhat pa sa pasimula ay manatili nga sa inyo. Kung ang inyong narinig buhat pa sa pasimula ay nananatili sa inyo ay mananatili rin kayo sa Anak at sa Ama.
25 Ang pangakong ipinangako niya sa atin ay ito, ang buhay na walang hanggan. 26 Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo patungkol sa kanila na ibig na kayo ay mailigaw. 27 Ang pagkakaloob sa inyo na inyong tinanggap mula sa kaniya ay nananatili sa inyo at hindi na kayo kailangang turuan ninuman. Ito ring pagkakaloob na ito ang siyang nagtuturo sa inyo patungkol sa lahat ng bagay. Ito ay totoo at hindi ito kasinungalingan. At kung papaanong tinuruan kayo nito, manatili kayo sa kaniya.
Mga Anak ng Diyos
28 Ngayon, munting mga anak, manatili kayo sa kaniya. Sa gayon, kapag mahahayag siya, magkakaroon tayo ng kapanatagan at hindi tayo mahihiya sa harapan niya sa kaniyang pagparito.
29 Kung inyong nalalaman na siya ay matuwid, inyong nalalaman na ang bawat gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak mula sa Diyos.
3 Narito, kung gaano kalaki ang pag-ibig ng Ama na ipinagkaloob sa atin upang tawagin tayong mga anak ng Diyos. Ang dahilan kaya hindi tayo kilala ng sanlibutan ay sapagkat hindi ito nakakakilala sa kaniya. 2 Mga minamahal, ngayon ay mga anak na tayo ng Diyos bagaman hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Ngunit alam natin na kapag mahahayag siya, tayo ay magiging katulad niya sapagkat makikita natin siya kung ano ang anyo niya. 3 Sinumang nagtataglay ng ganitong pag-asa sa kaniya ay dumadalisay sa kaniyang sarili, gaya naman niyang dalisay.
4 Sinumang gumagawa ng kasalanan ay lumalabag din sa kautusan at ang kasalanan ay ang hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos.
5 Nalalaman ninyo na siya ay nahayag upang alisin ang ating mga kasalanan at sa kaniya ay walang kasalanan. 6 Sinumang nananatili sa kaniya ay hindi nagkakasala. Ang sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa kaniya o nakakilala sa kaniya.
7 Mga anak, huwag ninyong hayaang iligaw kayo ninuman. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid na gaya niyang matuwid. 8 Ang gumagawa ng kasalanan ay sa diyablo sapagkat ang diyablo ay nagkakasala na buhat pa sa pasimula. Ang Anak ng Diyos ay nahayag sa dahilang ito upang wasakin niya ang mga gawa ng diyablo. 9 Ang sinumang ang kapanganakan ay mula sa Diyos ay hindi nagpapatuloy sa kasalanan sapagkat ang kaniyang binhi ay nananatili sa kaniya. At hindi siya maaaring magkasala sapagkat ang kaniyang kapanganakan ay mula sa Diyos. 10 Sa ganitong paraan nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diyablo. Ang sinumang hindi gumagawa ng matuwid at hindi umiibig sa kaniyang kapatid ay hindi sa Diyos.
Mag-ibigan sa Isa’t isa
11 Ito ang pangaral na inyong narinig buhat pa sa pasimula, na dapat tayong mag-ibigan sa isa’t isa.
12 Huwag nating tularan si Cain na galing sa kaniya na masama. At malupit niyang pinatay ang kaniyang kapatid. Bakit malupit niyang pinatay ang kaniyang kapatid? Ito ay sapagkat masasama ang kaniyang mga gawa at ang mga gawa ng kaniyang kapatid ay matuwid. 13 Mga kapatid ko, huwag kayong magtaka kapag kinapopootan kayo ng sangkatauhan. 14 Nalalaman natin na lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid ay nananatili sa kamatayan. 15 Sinumang napopoot sa kaniyang kapatid ay isang mamamatay-tao. Alam ninyong ang mamamatay-tao ay walang buhay na walang hanggan sa kaniya.
16 Sa ganitong paraan ay nakilala natin ang pag-ibig ng Diyos sapagkat inialay na ni Jesus ang kaniyang buhay para sa atin. Kaya dapat din naman na ialay natin ang ating mga buhay para sa mga kapatiran. 17 Kung ang sinuman ay may mga pag-aari sa sanlibutang ito at nakikita niya ang kaniyang kapatid na may pangangailangan at ipagkait sa kaniya ang habag, paano mananatili ang pag-ibig ng Diyos sa kaniya? 18 Munti kong mga anak, huwag tayong umibig sa pamamagitan ng salita lamang ni ng dila lamang kundi sa pamamagitan ng gawa at sa katotohanan. 19 Sa ganitong paraan, nalalaman nating tayo ay mula sa katotohanan at ang ating mga puso ay magkakaron ng katiyakan sa harapan niya. 20 Kapag hinatulan tayo ng ating puso, ang Diyos ay lalong higit kaysa sa ating puso at alam niya ang lahat ng bagay.
21 Mga minamahal, kung hindi tayo hinahatulan ng ating puso, may kapanatagan tayo sa harap ng Diyos. 22 At anuman ang ating hingin ay ating tatanggapin mula sa kaniya sapagkat sinusunod natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na nakakalugod sa kaniyang paningin. 23 Ito ang kaniyang utos: Sumampalataya tayo sa pangalan ng kaniyang Anak na si Jesucristo. Tayo ay mag-ibigan sa isa’t isa ayon sa ibinigay niyang utos sa atin. 24 Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa kaniya at ang Diyos ay nananatili sa kaniya. Sa ganitong paraan ay nalalaman natin na siya ay nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na ibinigay niya sa atin.
Subukin ang mga Espiritu
4 Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, sa halip, subukin muna ninyo ang mga espiritu kung sila ay mula sa Diyos sapagkat maraming bulaang propeta ang naririto na sa sanlibutan.
2 Sa ganitong paraan ninyo malalaman ang Espiritu ng Diyos: Ang bawat espiritung kumikilala na si Jesucristo ay nagkatawang tao sa kaniyang pagparito ay mula sa Diyos. 3 Ang bawat espiritung hindi kumikilala na si Jesucristo ay nagkatawang tao sa kaniyang pagparito ay hindi mula sa Diyos. Ito ang espiritu ng anticristo na narinig ninyong darating at narito na nga sila ngayon sa sanlibutan.
4 Munting mga anak, kayo ay mula sa Diyos at sila ay napagtagumpayan ninyo sapagkat higit siyang dakila na nasa inyo kaysa sa kaniya na nasa sanlibutan. 5 Sila ay mula sa sanlibutan, kaya nga, sila ay nagsasalita kung papaano ang sanlibutan ay nagsasalita at pinakikinggan sila ng sanlibutan. 6 Tayo ay mula sa Diyos. Ang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa atin. Ang hindi mula sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin. Sa ganitong paraan ay makikilala natin ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan.
Ang Pag-ibig ng Diyos at ang Ating Pag-ibig
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa’t isa sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang sa bawat isang umiibig, ang kanilang kapanganakan ay mula sa Diyos at nakakilala sa Diyos.
8 Ang hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos dahil ang Diyos ay pag-ibig. 9 Sa ganitong paraan nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin na sinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang tayo ay mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Ganito ang pag-ibig, hindi sapagkat inibig natin ang Diyos kundi dahil siya ang umibig sa atin at sinugo ang kaniyang Anak bilang kasiya-siyang handog para sa ating mga kasalanan. 11 Mga minamahal, yamang iniibig tayo ng Diyos, dapat din naman tayong mag-ibigan sa isa’t isa. 12 Walang sinumang nakakita sa Diyos kahit kailan. Kapag tayo ay nag-iibigan sa isa’t isa, ang Diyos ay nananatili sa atin at ang kaniyang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin.
13 Sa ganitong paraan ay nalalaman natin na tayo ay nananatili sa kaniya at siya sa atin sapagkat ibinigay niya sa atin ang kaniyang Espiritu. 14 Nakita namin at pinatunayang sinugo ng Ama ang Anak upang maging Tagapagligtas ng sanlibutan. 15 Ang sinumang kumikilalang si Jesus ay Anak ng Diyos, nananatili ang Diyos sa kaniya at siya ay nananatili sa Diyos. 16 Alam natin ang pag-ibig ng Diyos sa atin at sinampalatayanan natin ito. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos at ang Diyos ay nananatili sa kaniya.
17 Sa ganitong paraan, naging ganap sa atin ang pag-ibig upang tayo ay magkaroon ng katiyakan sa araw ng paghuhukom. Ito ay sapagkat kung ano nga siya ay gayundin tayo sa sanlibutang ito. 18 Walang takot sa pag-ibig. Ang ganap na pag-ibig ay nagtataboy ng takot sapagkat ang takot ay kaparusahan. Ang natatakot ay hindi pa nagiging ganap sa pag-ibig.
19 Iniibig natin siya sapagkat siya ang unang umibig sa atin. 20 Kung sinasabi ng isang tao: Iniibig ko ang Diyos, ngunit napopoot naman sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Ito ay sapagkat kung hindi niya iniibig ang kaniyang kapatid na kaniyang nakikita, paano niya maibig ang Diyos na hindi niya nakikita? 21 Ito ang utos na ibinigay niya sa atin: Ang sinumang umiibig sa Diyos ay dapat din namang umibig sa kaniyang kapatid.
Pananampalataya sa Anak ng Diyos
5 Ang sinumang sumampalataya na si Jesus ang Mesiyas, ang kaniyang kapanganakan ay mula sa Diyos. Ang sinumang umiibig sa kaniya na pinagmulan ng kapanganakan ay umiibig din naman sa kaniya na ipinanganak niya.
2 Sa pamamagitan nito ay nalalaman natin na iniibig natin ang mga anak ng Diyos kung iniibig natin ang Diyos at sinusunod ang kaniyang mga utos. 3 Ito ang pag-ibig ng Diyos: Tuparin natin ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga utos ay hindi mabigat. 4 Dahil ang sinuman na ang kapanganakan ay mulasa Diyos ay nagtatagumpay sa sanlibutan at ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya. 5 Sino ang nagtatagumpay sa sanlibutan? Hindi ba ang sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos?
6 Siya itong naparito sa pamamagitan ng tubig at dugo, si Jesucristo. Hindi siya naparito sa pamamagitan ng tubig lamang kundi sa pamamagitan ng tubig at dugo. Ang nagpapatotoo ay ang Espiritu sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. 7 May tatlong nagpapatotoo sa langit, ang Ama, ang Salita, ang Banal na Espiritu at ang tatlong ito ay iisa. 8 May tatlong nagpapatotoo sa lupa, ang Espiritu, ang tubig at ang dugo. Ang tatlong ito ay nagkakaisa. 9 Yamang tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, higit na dakila ang patotoo ng Diyos sapagkat ito ang patotoo ng Diyos na pinapatunayan niya patungkol sa kaniyang Anak. 10 Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay nagtataglay ng patotoo sa kaniyang sarili. Ang hindi sumasampalataya sa Diyos, siya ang nagsasabi na ang Diyos ay sinungaling sapagkat hindi niya sinampalatayanan ang patotoo na pinatotohanan ng Diyos patungkol sa kaniyang Anak. 11 At ito ang patotoo: Binigyan tayo ng Diyos ng buhay na walang hanggan at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak. 12 Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay. Siya na hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay hindi kinaroroonan ng buhay.
Mga Panghuling Salita
13 Isinulat ko ang mga bagay na ito sa inyo na sumasampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos upanginyong malaman na kayo ay may buhay na walang hanggan at upang kayo ay sumampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos.
14 Mayroon tayong katiyakan sa pagharap sa kaniya. Ito ang kapanatagan na sa tuwing humihingi tayo ng anumang bagay na ayon sa kaniyang kalooban, dinirinig niya ito. 15 Yamang alam nating dinirinig niya tayo sa anumang hingin natin, alam din nating natatamo natin ang mga kahilingan na hiningi sa kaniya.
16 Maaaring may makakita sa kaniyang kapatid na gumagawa ng kasalanang hindi ikamamatay. Humiling siya sa Diyos para sa kaniya at magbibigay ng buhay ang Diyos sa kaniya. Ito ay para sa mga nagkakasala ng kasalanang hindi ikamamatay. May kasalanang ikamamatay. Hindi ko sinasabing idalangin niya ito. 17 Ang lahat ng kalikuan ay kasalanan. Ngunit may kasalanang hindi ikamamatay.
18 Nalalaman natin na ang sinuman na ang kapanganakan ay mula sa Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala.Siya na ang kapanganakan ay mula sa Diyos ay nag-iingatsa kaniyang sarili at hindi siya maaagaw ng masama. 19 Nalalaman natin na tayo ay sa Diyos at ang buong sanlibutan ay nasa kamay ng masama. 20 Alam nating naparito ang Anak ng Diyos at binigyan tayo ng pang-unawa upang makilala natin siya na totoo. Tayo ay nasa kaniya na totoo, samakatuwid, sa kaniyang Anak na si Jesucristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.
21 Munting mga anak, lumayo kayo sa mga diyos-diyosan. Siya nawa!
1 Ako na isang matanda ay sumusulat sa hinirang na ginang at sa kaniyang mga anak na aking iniibig sa katotohanan. Hindi lamang ako ang umiibig sa inyo kundi kasama rin ang lahat ng nakakilala ng katotohanan. 2 Minamahal ko kayo alang-alang sa katotohanang nananatili sa atin at mamamalagi sa atin magpakailanman.
3 Sumainyo ang biyaya, kahabagan at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa Panginoong Jesucristo, ang Anak ng Ama sa katotohanan at sa pag-ibig.
4 Labis akong nagagalak na makita ko ang inyong mga anak na lumalakad sa katotohanan, ayon sa tinanggap nating utos mula sa Ama. 5 Ngayon ay nakikiusap ako sa iyo, ginang, hindi sa waring sumusulat ako sa iyo ng isang bagong utos kundi yaong tinanggap na natin buhat pa sa pasimula. Ito ay ang mag-ibigan tayo sa isa’t isa. 6 Ganito ang pag-ibig: Lumakad tayo ayon sa kaniyang mga kautusan. Ito ang utos na inyong narinig buhat pa sa pasimula na siyang dapat ninyong lakaran.
7 Maraming manlilinlang ang narito na sa sanlibutan. Sila yaong mga ayaw kumilala na si Jesucristo ay nagkatawang-tao. Ang ganitong tao ay isang mandaraya at anticristo. 8 Ingatan ninyo ang inyong sarili upang huwag mawala sa atin ang mga bagay na ating pinagpagalan kundi matanggap natin ang buong gantimpala. 9 Sa sinumang sumasalangsang at hindi nananatili sa aral ni Cristo ay wala sa kaniya ang Diyos. Siya na nananatili sa aral ni Cristo, ang Ama at ang Anak ay nasa kaniya. 10 Kung may dumating sa inyo at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, ni batiin man. 11 Ito ay sapagkat ang sinumang bumabati sa kaniya ay nakikibahagi sa kaniyang masasamang gawa.
12 Maraming bagay akong isusulat sa inyo ngunit hindi ko ibig na isulat sa pamamagitan ng papel at tinta. Umaasa akong makapariyan sa inyo at makausap kayo ng mukhaan upang malubos ang ating kagalakan.
13 Binabati ka ng mga anak ng kapatid mong babaeng hinirang. Siya nawa!
1 Ako na isang matanda ay sumulat sa pinakamamahal na Gayo na aking iniibig sa katotohanan. 2 Minamahal, ang hangad ko ay sumagana ka sa lahat ng bagay at magkaroon ka ng mabuting kalusugan gaya naman ng kasaganaang taglay ng iyong kaluluwa. 3 Labis akong nagalak nang dumating ang mga kapatid at nagpatotoo patungkol sa katotohanan na nasa iyo at kung paano ka lumalakad sa katotohanan. 4 Wala nang hihigit pang kagalakan sa akin kundi ang marinig ko na ang aking mga anak ay lumalakad sa katotohanan.
5 Minamahal, ginagawa mong may katapatan ang anumang iyong ginagawa sa mga kapatid at sa mga dayuhan. 6 Sila ang mga nagpapatotoo sa iglesiya patungkol sa iyong pag-ibig. Sa tuwing tinutulungan mo sila sa kanilang paglalakbay sa paraang karapat-dapat sa Diyos. Mabuti ang ginagawa mo. 7 Ito ay sapagkat sila ay humayo alang-alang sa kaniyang pangalan na walang kinuhang anuman sa mga Gentil. 8 Kaya nga, dapat nating tanggapin ang mga tulad nila upang makasama natin sila sa paggawa ng katotohanan.
9 Sumulat ako sa iglesiya ngunit hindi kami tinatanggap ni Diotrefes na ibig maging pinakamataas sa kanilang lahat. 10 Kaya nga, kung makapunta ako riyan, ipapaala-ala ko sa kaniya ang mga ginawa niyang paninira laban sa amin sa pamamagitan ng masasamang salita. At hindi pa siya nasiyahan sa ganito. Hindi rin niya tinanggap ang mga kapatid at pinagbabawalan ang mga ibig tumanggap sa kanila at itinataboy sila mula sa iglesiya.
11 Minamahal, huwag ninyong tularan ang masama kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay mula sa Diyos ngunit ang gumagawa ng masama ay hindi pa nakakita sa Diyos. 12 Maganda ang patotoo ng lahat tungkol kay Demetrio, maging ang katotohanan mismo ay nagpapatotoo sa kaniya. Kami ay nagpatotoo rin at alam ninyong ang aming patotoo ay tunay.
13 Maraming bagay pa akong isusulat ngunit hindi ko ibig na isulat sa iyo sa pamamagitan ng tinta at panulat. 14 Umaasa ako na makikita kita riyan kaagad at mag-uusap tayo ng mukhaan. Kapayapaan ang sumaiyo. Binabati ka ng mga kaibigan dito. Batiin mo ang mga kaibigan diyan sa kanilang mga pangalan.
Copyright © 1998 by Bibles International