Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Mga Bilang 8:15-21:7

15 At pagkatapos nito ay magsisipasok ang mga Levita, upang gawin ang paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan at iyo silang lilinisin, at ihahandog mo na pinakahandog na inalog.

16 Sapagka't sila'y buong nabigay sa akin sa gitna ng mga anak ni Israel; na kinuha ko silang kapalit ng lahat ng nagsisipagbukas ng bahay-bata, ng mga panganay sa lahat ng mga anak ni Israel.

17 Sapagka't lahat ng mga panganay sa gitna ng mga anak ni Israel ay akin, maging tao at maging hayop: nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, ay aking pinapagingbanal para sa akin.

18 At aking kinuha ang mga Levita na kapalit ng lahat ng mga panganay sa gitna ng mga anak ni Israel.

19 At aking ibinigay ang mga Levita na pinaka kaloob kay Aaron at sa kaniyang mga anak mula sa gitna ng mga anak ni Israel upang gawin nila ang paglilingkod sa mga anak ni Israel sa tabernakulo ng kapisanan, at upang magsigawa ng pangtubos sa mga anak ni Israel, upang huwag magkaroon ng salot sa gitna ng mga anak ni Israel, pagka ang mga anak ni Israel, ay lumalapit sa santuario.

20 Ganito ang ginawa ni Moises, at ni Aaron, at ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel sa mga Levita: ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel sa kanila.

21 At ang mga Levita ay nagsipaglinis ng kanilang sarili sa kasalanan, at nagsipaglaba ng kanilang mga damit; at inihandog ni Aaron sila na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon; at si Aaron ay naggawa ng pangtubos sa kanila upang linisin sila.

22 At pagkatapos niyaon ay nagsipasok ang mga Levita upang gawin ang kanilang paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan sa harap ni Aaron at sa harap ng kaniyang mga anak: kung paano ang iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita, ay gayon ang ginawa nila sa kanila.

23 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

24 Ito ang nauukol sa mga Levita: mula sa dalawang pu't limang taong gulang na patanda, ay papasok upang maglingkod sa gawa ng tabernakulo ng kapisanan.

25 At mula sa limang pung taong gulang ay titigil sila sa paglilingkod sa gawain at hindi na sila maglilingkod;

26 Nguni't sila'y mangangasiwa ng kanilang mga kapatid sa tabernakulo ng kapisanan, upang ingatan ang katungkulan, at sila'y walang gagawing paglilingkod. Gayon ang gagawin mo sa mga Levita tungkol sa kanilang mga katungkulan.

At sinalita ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, sa unang buwan ng ikalawang taon pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Egipto, na sinasabi,

Bukod sa rito ay ipagdiwang ng mga anak ni Israel ang paskua sa kaniyang kaukulang panahon.

Sa ikalabing apat na araw ng buwang ito, sa paglubog ng araw ay inyong ipagdidiwang sa kaniyang kaukulang panahon: ayon sa lahat na palatuntunan niyaon, at ayon sa lahat ng ayos niyaon, ay inyong ipagdidiwang.

At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel upang ipagdiwang ang paskua.

At kanilang ipinagdiwang ang paskua nang unang buwan, sa ikalabing apat na araw ng buwan, sa paglubog ng araw, sa ilang ng Sinai: ayon sa lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.

At may mga lalake na mga marurumi dahil sa bangkay ng isang tao, na anopa't hindi nila naipagdiwang ang paskua nang araw na yaon; at nagsiharap sila kay Moises at kay Aaron nang araw na yaon:

At ang mga lalaking yaon ay nagsipagsabi sa kanila, Kami ay mga marumi dahil sa bangkay ng isang tao: bakit kami ay masasansala na anopa't kami ay huwag maghandog ng alay sa Panginoon sa kaniyang kaukulang panahon na kasama ng mga anak ni Israel?

At sinabi ni Moises sa kanila, Maghintay kayo; upang aking marinig ang ipaguutos ng Panginoon tungkol sa inyo.

At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

10 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Kung ang sinomang tao sa inyo o sa inyong sali't saling lahi ay maging marumi dahil sa isang bangkay, o masumpungan sa isang malayong paglalakbay, ay kaniyang ipagdidiwang din ang paskua sa Panginoon:

11 Sa ikalawang buwan nang ikalabing apat na araw sa paglubog ng araw, ay kanilang ipagdidiwang; kanilang kakanin na may mga tinapay na walang lebadura at mga gulay na mapait:

12 Wala silang ititira niyaon hanggang sa kinaumagahan, ni sisira ng buto niyaon: ayon sa buong palatuntunan ng paskua ay kanilang ipagdidiwang.

13 Datapuwa't ang lalaking malinis, at wala sa paglalakbay, at hindi magdiwang ng paskua, ay ihihiwalay ang taong yaon, sa kaniyang bayan; sapagka't siya'y hindi naghandog ng alay sa Panginoon sa kaukulang panahon, ang taong yaon ay magtataglay ng kaniyang kasalanan.

14 At kung ang isang taga ibang bayan ay makikipamayan sa inyo, at ipagdidiwang ang paskua sa Panginoon; ayon sa palatuntunan ng paskua, at ayon sa ayos, ay gayon gagawin niya; kayo'y magkakaroon ng isang palatuntunan, maging sa taga ibang lupa, at maging sa ipinanganak sa lupain.

15 At nang araw na ang tabernakulo ay itayo, ay tinakpan ng ulap ang tabernakulo, sa makatuwid baga'y ang tabernakulo ng patotoo: at sa paglubog ng araw ay nasa ibabaw ng tabernakulo na parang anyong apoy hanggang sa kinaumagahan.

16 Gayon namalagi: ang ulap ang tumakip doon, at ang anyong apoy sa gabi.

17 At kailan pa man ang ulap ay napaitaas mula sa ibabaw ng Tolda ay naglakbay nga pagkatapos ang mga anak ni Israel: at sa dakong tigilan ng ulap ay doon humantong ang mga anak ni Israel.

18 Sa utos ng Panginoon ay nagsisipaglakbay ang mga anak ni Israel, at sa utos ng Panginoon ay humantong sila: kung gaano kalaon ang itigil ng ulap sa ibabaw ng tabernakulo, ay siya nilang ipina-nanatili sa kampamento.

19 At pagka ang ulap ay tumigil sa ibabaw ng tabernakulo na maluwat, ay iningatan ng mga anak ni Israel ang bilin ng Panginoon at hindi naglalakbay.

20 At kung minsan ay nananatiling ilang araw sa ibabaw ng tabernakulo ang ulap; ayon nga sa utos ng Panginoon ay tumitira sila sa mga tolda at ayon sa utos ng Panginoon ay naglakbay sila.

21 At kung minsan ang ulap ay nananatili mula sa hapon hanggang sa kinaumagahan; at pagka ang ulap ay napaitaas sa kinaumagahan, ay naglakbay sila: maging araw maging gabi, na ang ulap ay paitaas, ay naglakbay sila.

22 Maging dalawang araw o isang buwan, o isang taon na nakatigil ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo, na manatili sa ibabaw niyaon, ay tumitira ang mga anak ni Israel sa mga tolda at hindi naglakbay: datapuwa't pagtaas ay naglakbay sila.

23 Sa utos ng Panginoon ay humantong sila, at sa utos ng Panginoon ay naglakbay sila; kanilang iningatan ang bilin ng Panginoon, sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

10 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Gumawa ka ng dalawang pakakak na pilak; yari sa pamukpok gagawin mo: at iyong gagamitin sa pagtawag sa kapisanan, at sa paglalakbay ng mga kampamento.

At pagka kanilang hihipan, ay magpipisan sa iyo ang buong kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

At kung kanilang hihipan ang isa lamang, ang mga prinsipe nga, ang mga pangulo sa mga libolibong taga Israel, ay magpipisan sa iyo.

At paghihip ninyo ng hudyat, ay magsisisulong ang mga kampamento na nasa dakong silanganan.

At paghihip ninyo ng hudyat na ikalawa, ay magsisisulong ang mga kampamento na nasa dakong timugan: sila'y hihihip ng isang hudyat para sa kanilang paglalakbay.

Datapuwa't pagka ang kapisanan ay magpipisan ay hihihip kayo, nguni't huwag ninyong patutunuging ayon sa hudyat.

At ang mga anak ni Aaron, ang mga saserdote, ay magsisihihip ng mga pakakak; at magiging palatuntunan sa inyo magpakailan man sa buong panahon ng inyong mga lahi.

At pagka makikipagbaka kayo sa inyong lupain laban sa kaaway na sa inyo'y pumipighati, ay inyo ngang patutunugin ang hudyat ng pakakak; at kayo'y aalalahanin sa harap ng Panginoon ninyong Dios, at kayo'y maliligtas sa inyong mga kaaway.

10 Gayon sa kaarawan ng inyong kasayahan, at sa inyong mga takdang kapistahan, at sa mga pasimula ng inyong mga buwan, ay inyong hihipan ang mga pakakak sa ibabaw ng inyong mga handog na susunugin, at sa ibabaw ng mga hain ng inyong mga handog tungkol sa kapayapaan; at sa inyo'y magiging alaala sa harap ng inyong Dios: ako ang Panginoon ninyong Dios.

11 At nangyari sa ikalawang taon, nang ikalawang buwan, nang ikadalawang pung araw ng buwan, na ang ulap ay napaitaas mula sa tabernakulo ng patotoo.

12 At ang mga anak ni Israel ay nagsisulong, ayon sa kanilang mga paglalakbay mula sa ilang ng Sinai; at ang ulap ay tumahan sa ilang ng Paran.

13 At kanilang pinasimulan ang kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

14 At unang sumulong ang watawat ng kampamento ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga hukbo; at nangungulo sa kaniyang hukbo si Naason na anak ni Aminadab.

15 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Issachar, si Nathanael na anak ni Suar.

16 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Zebulon, si Eliab na anak ni Helon.

17 At ang tabernakulo ay tinanggal at ang mga anak ni Gerson at ang mga anak ni Merari, na mga may dala ng tabernakulo ay nagsisulong.

18 At ang watawat ng kampamento ng Ruben ay sumulong ayon sa kanilang mga hukbo: at nangungulo sa kaniyang hukbo si Elisur na anak ni Sedeur.

19 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Simeon si Selumiel na anak ni Zurisaddai.

20 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Gad, si Eliasaph na anak ni Dehuel.

21 At ang mga Coathita ay nagsisulong na dala ang santuario: at itinayo ng iba ang tabernakulo samantalang ang mga ito'y nagsisidating.

22 At ang watawat ng kampamento ng mga anak ni Ephraim ay nagsisulong ayon sa kanilang mga hukbo: at nangungulo sa kaniyang hukbo si Elisama na anak ni Ammiud.

23 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Manases, si Gamaliel na anak ni Pedasur.

24 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Benjamin, si Abidan na anak ni Gedeon.

25 At ang watawat ng kampamento ng mga anak ni Dan na siyang nasa hulihan ng lahat ng mga kampamento ay nagsisulong ayon sa kanilang mga hukbo: at nangungulo sa kaniyang hukbo si Ahiezer na anak ni Ammisaddai.

26 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Aser si Phegiel na anak ni Ocran.

27 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Nephtali si Ahira na anak ni Enan.

28 Ganito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, ayon sa kanilang mga hukbo; at sila'y nagsisulong.

29 At si Moises ay nagsabi kay Hobab na anak ni Rehuel na Madianita, biyanan ni Moises: Kami ay naglalakbay sa dakong sinabi ng Panginoon, Aking ibibigay sa inyo: sumama ka sa amin at gagawan ka namin ng mabuti: sapagka't ang Panginoon ay nagsalita ng mabuti tungkol sa Israel.

30 At sinabi niya sa kaniya, Ako'y hindi paroroon; kundi ako'y babalik sa aking sariling lupain, at sa aking kamaganakan.

31 At sinabi ni Moises, Huwag mo kaming iwan, ipinamamanhik ko sa iyo; sapagka't nalalaman mo kung paanong hahantong kami sa ilang, at ikaw ay maaari sa aming pinakamata.

32 At mangyayari, na kung ikaw ay sasama sa amin, oo, mangyayari, na anomang mabuting gagawin ng Panginoon sa amin, ay siya rin naming gagawin sa iyo.

33 At sila'y nagsisulong mula sa bundok ng Panginoon ng tatlong araw na paglalakbay; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay nasa unahan nila ng tatlong araw nilang paglalakbay, upang ihanap sila ng dakong kanilang mapagpapahingahan.

34 At ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila sa araw, pagka sila'y sumulong mula sa kampamento.

35 At nangyari pagka ang kaban ay isinulong na sinabi ni Moises, Bumangon ka, Oh Panginoon, at mangalat ang mga kaaway mo, at magsitakas sa harap mo ang nangapopoot sa iyo.

36 At pagka inilapag ay kaniyang sinabi, Bumalik ka, Oh Panginoon sa mga laksang libolibong Israelita.

11 At ang bayan ay naging parang mapag-upasala na nagsalita ng masasama sa pakinig ng Panginoon: at nang marinig ng Panginoon ay nagningas ang kaniyang galit; at ang apoy ng Panginoon ay sumunog sa gitna nila, at sinupok ang kahulihulihang bahagi ng kampamento.

At ang bayan ay humibik kay Moises; at si Moises ay nanalangin sa Panginoon at ang apoy ay namatay.

At ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Tabera: sapagka't ang apoy ng Panginoon ay sumunog sa gitna nila.

At ang halohalong karamihan na nasa gitna nila ay nahulog sa kasakiman: at ang mga anak ni Israel naman ay muling umiyak at nagsabi, Sino ang magbibigay sa atin ng karneng makakain?

Ating naaalaala ang isda, na ating kinakain sa Egipto na walang bayad; ang mga pipino, at ang mga milon, at ang mga puero, at ang mga sibuyas, at ang bawang:

Nguni't ngayo'y ang ating kaluluwa ay natutuyo; walang kaanoanoman: sa ating harapan ay walang anoman kundi ang manang ito.

At ang mana ay gaya ng butil ng culantro, at ang kulay niyaon ay gaya ng kulay ng bdelio.

Ang bayan ay dumadaan sa palibot, at pinupulot yaon, at kanilang ginigiling sa mga gilingan, o kanilang dinidikdik sa mga lusong, at kanilang niluluto sa mga palyok, at ginagawa nilang munting tinapay at ang lasa ay gaya ng lasa ng bagong langis.

At pagka ang hamog ay nahuhulog sa ibabaw ng kampamento sa gabi, ang mana ay nahuhulog.

10 At narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanikaniyang sangbahayan, na bawa't lalake ay nasa pintuan ng kaniyang tolda; at ang galit ng Panginoon ay nagningas na mainam; at sumama ang loob ni Moises.

11 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? at bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasan ng buong bayang ito.

12 Akin ba kayang ipinaglihi ang buong bayang ito? ipinanganak ko ba upang iyong sabihin sa akin, Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakandong ang kaniyang batang pasusuhin, sa lupain na iyong isinumpa sa kanilang mga magulang?

13 Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? sapagka't sila'y umiyak sa akin, na nagsisipagsabi, Bigyan mo kami ng karneng aming makain.

14 Hindi ko kayang dalhing magisa ang buong bayang ito, sapagka't totoong mabigat sa akin.

15 At kung ako'y ginagawan mo ng ganito ay patayin mo na ako, ipinamamanhik ko sa iyo, kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin; at huwag ko nang makita ang aking kahirapan.

16 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pisanin mo sa akin ang pitong pung lalake sa mga matanda sa Israel, sa iyong mga nalalaman na mga matanda sa bayan at mga nangungulo sa kanila; at dalhin mo sa tabernakulo ng kapisanan, upang sila'y makatayo roon na kasama mo.

17 At ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha sa Espiritung sumasaiyo at aking isasalin sa kanila; at kanilang dadalhin ang pasan ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing magisa.

18 At sabihin mo sa bayan, Magpakabanal kayo, para sa kinabukasan, at kayo'y magsisikain ng karne: sapagka't kayo'y nagsisiiyak sa pakinig ng Panginoon, na sinasabi, Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? sapagka't maigi kahit nang nasa Egipto: dahil dito bibigyan kayo ng Panginoon ng karne at kakain kayo.

19 Hindi ninyo kakaning isang araw, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sangpung araw, ni dalawang pung araw;

20 Kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong kasuyaan: sapagka't inyong itinakuwil ang Panginoon na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, Bakit kami nakaalis sa Egipto?

21 At sinabi ni Moises, Ang bayan na kinaroroonan ko, ay anim na raang libong katao na nakatayo; at iyong sinabi, Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan.

22 Papatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan, upang magkasya sa kanila? o ang lahat ng isda sa dagat at titipunin sa kanila upang magkasya sa kanila?

23 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Umikli na ba kaya ang kamay ng Panginoon? ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.

24 At si Moises ay lumabas, at isinaysay sa bayan ang mga salita ng Panginoon: at siya'y nagpisan ng pitong pung lalake sa mga matanda sa bayan at kaniyang pinatayo sa palibot ng Tolda.

25 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at nagsalita sa kaniya; at kumuha sa Espiritung sumasakaniya at isinalin sa pitong pung matanda: at nangyari, na nang sumakanila ang Espiritu, ay nanganghula, nguni't hindi na sila umulit.

26 Nguni't naiwan ang dalawang lalake sa kampamento, na ang pangalan ng isa ay Eldad, at ang pangalan ng isa ay Medad: at ang Espiritu ay sumasakanila; at sila'y kabilang sa nangasulat, nguni't hindi nagsilabas sa Tolda: at sila'y nanghula sa kampamento.

27 At tumakbo ang isang binata, at isinaysay kay Moises, at sinabi, Si Eldad at si Medad ay nanghuhula sa kampamento.

28 At si Josue na anak ni Nun, na tagapangasiwa ni Moises, na isa sa kaniyang mga piling lalake, ay sumagot at nagsabi, Panginoon kong Moises, pagbawalan mo sila.

29 At sinabi ni Moises sa kaniya, Ikaw ba'y may paninibugho sa akin? ibigin nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na isakanila ng Panginoon ang kaniyang Espiritu!

30 At naparoon si Moises sa kampamento, siya at ang mga matanda sa Israel.

31 At lumabas ang isang hanging galing sa Panginoon, at nagdala ng mga pugo na mula sa dagat, at pinalapag sa kampamento na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampamento, at nagsilipad na may dalawang siko ang taas sa balat ng lupa.

32 At ang bayan ay nangakatindig ng buong araw na yaon at ng buong gabi, at ng buong ikalawang araw, at nagsipanghuli ng mga pugo; yaong kaunti ang napisan ay nakapisan ng sangpung homer: at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampamento.

33 Samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa, na hindi pa nila nangunguya ay nagningas laban sa bayan ang galit ng Panginoon at sinaktan ng Panginoon ang bayan ng isang salot na di kawasa.

34 At ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Kibroth-hattaavah; sapagka't doon inilibing nila ang bayang sakim.

35 Mula sa Kibroth-hattaavah ay naglakbay ang bayan na patungo sa Haseroth; at sila'y tumira sa Haseroth.

12 At si Miriam at si Aaron ay nagsalitaan laban kay Moises tungkol sa pagkapagasawa niya sa isang babaing Cusita: sapagka't siya'y nag-asawa sa isang babaing Cusita.

At kanilang sinabi, Ang Panginoon ba'y kay Moises lamang nakipagsalitaan? hindi ba nakipagsalitaan din naman sa atin? At narinig ng Panginoon.

Ang lalake ngang si Moises ay totoong maamong loob, na higit kay sa lahat ng lalaking nasa ibabaw ng lupa.

At sinalita agad ng Panginoon kay Moises, at kay Aaron, at kay Miriam, Lumabas kayong tatlo sa tabernakulo ng kapisanan. At silang tatlo ay lumabas.

At ang Panginoon ay bumaba sa isang tila haliging ulap, at tumayo sa pintuan ng Tolda, at tinawag si Aaron at si Miriam: at sila'y kapuwa lumabas.

At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo ngayon ang aking mga salita: kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, akong Panginoon ay pakikilala sa kaniya sa pangitain, na kakausapin ko siya sa panaginip.

Ang aking lingkod na si Moises ay hindi gayon; siya'y tapat sa aking buong buhay:

Sa kaniya'y makikipag-usap ako ng bibig, sa bibig, ng maliwanag, at hindi sa malabong salitaan; at ang anyo ng Panginoon ay kaniyang makikita: bakit nga hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod, laban kay Moises?

At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila; at siya'y umalis.

10 At ang ulap ay lumayo sa Tolda; at narito, si Miriam ay nagkaketong, na pumuting gaya ng niebe; at tiningnan ni Aaron si Miriam, at narito, siya'y nagkaketong.

11 At sinabi ni Aaron kay Moises, Oh panginoon ko, isinasamo ko sa iyo na huwag mong iparatang ang kasalanan sa amin, sapagka't ginawa namin na may kamangmangan, at sapagka't kami ay nagkasala.

12 Huwag mong itulot sa kaniya, isinasamo ko sa iyo, na maging parang isang patay na tunaw ang kalahati ng kaniyang laman paglabas sa tiyan ng kaniyang ina.

13 At humibik si Moises sa Panginoon, na sinasabi, Pagalingin mo siya, Oh Dios, ipinamamanhik ko sa iyo.

14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Kung siya'y niluran ng kaniyang ama sa kaniyang mukha, hindi ba siya mahihiyang pitong araw? kulungin siyang pitong araw sa labas ng kampamento, at pagkatapos ay madadala siyang muli sa loob.

15 At si Miriam ay kinulong na pitong araw sa labas ng kampamento: at ang bayan ay hindi naglakbay hanggang si Miriam ay nadalang muli sa loob.

16 At pagkatapos nito ay naglakbay ang bayan mula sa Haseroth, at humantong sa ilang ng Paran.

13 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Magsugo ka ng mga lalake na makakapaniktik sa lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel: isang lalake sa bawa't isa sa mga lipi ng kanilang mga magulang ay susuguin ninyo, na bawa't isa'y prinsipe sa kanila.

At sinugo sila ni Moises mula sa ilang ng Paran ayon sa utos ng Panginoon: silang lahat ay mga lalaking pangulo sa mga anak ni Israel.

At ito ang kanilang mga pangalan: sa lipi ni Ruben, ay si Sammua na anak ni Zaccur.

Sa lipi ni Simeon, ay si Saphat na anak ni Huri.

Sa lipi ni Juda, ay si Caleb na anak ni Jephone.

Sa lipi ni Issachar, ay si Igal na anak ni Jose.

Sa lipi ni Efraim, ay si Oseas na anak ni Nun.

Sa lipi ni Benjamin, ay si Palti na anak ni Raphu.

10 Sa lipi ni Zabulon, ay si Gaddiel na anak ni Sodi.

11 Sa lipi ni Jose, sa makatuwid baga'y sa lipi ni Manases, ay si Gaddi na anak ni Susi.

12 Sa lipi ni Dan, ay si Ammiel na anak ni Gemalli.

13 Sa lipi ni Aser, ay si Sethur, na anak ni Michael.

14 Sa lipi ni Nephtali, ay si Nahabi na anak ni Vapsi.

15 Sa lipi ni Gad, ay si Geuel na anak ni Machi.

16 Ito ang mga pangalan ng mga lalake na sinugo ni Moises upang tiktikan ang lupain. At tinawag ni Moises na Josue ang anak ni Nun na si Oseas.

17 At sinugo sila ni Moises upang tiktikan ang lupain ng Canaan, at sinabi sa kanila, Sumampa kayo rito sa dakong Timugan at umakyat kayo sa mga bundok:

18 At tingnan ninyo ang lupain, kung ano; at ang bayan na tumatahan doon, kung sila'y malakas o mahina, kung sila'y kaunti o marami;

19 At kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga bayan na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampamento, o sa mga nakukutaan;

20 At kung ano ang lupain, kung mataba o payat, kung mayroong kahoy o wala. At magpakatapang kayo, at magdala kayo rito ng bunga ng lupain. Ngayon ang panahon ay panahon ng mga unang hinog na ubas.

21 Sila nga'y umakyat, at kanilang tiniktikan ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa pagpasok sa Emath.

22 At sila'y umakyat sa dakong Timugan, at sila'y dumating sa Hebron; at si Aimen, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anac, ay nangaroon. (Ngayon ang Hebron ay natayong pitong taon bago ang Zoan sa Egipto).

23 At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa; sila'y nagdala rin ng mga granada, at mga igos.

24 Ang dakong yaon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na kinitil ng mga anak ni Israel doon.

25 At sila'y nagbalik pagkatiktik sa lupain, sa katapusan ng apat na pung araw.

26 At sila'y nagsiyaon at nagsiparoon kay Moises, at kay Aaron at sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Cades; at kanilang binigyang sagot sila, at ang buong kapisanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.

27 At kanilang isinaysay sa kaniya, at sinabi, Kami ay dumating sa lupaing yaong pinaparoonan mo sa amin, at tunay na binubukalan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyaon.

28 Gayon man ang bayan na tumitira sa lupaing yaon ay malakas, at ang mga bayan ay nakukutaan, at napakalalaki: at saka aming nakita ang mga anak ni Anac doon.

29 Si Amalec ay tumatahan sa lupain ng Timugan: at ang Hetheo, at ang Jebuseo, at ang Amorrheo ay tumatahan sa mga bundok: at ang Cananeo ay tumatahan sa tabi ng dagat, at sa mga pangpang ng Jordan.

30 At pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, Ating akyating paminsan, at ating ariin; sapagka't kaya nating lupigin.

31 Nguni't sinabi ng mga lalaking nagsiakyat na kasama niya, Hindi tayo makaaakyat laban sa bayan; sapagka't sila'y malakas kay sa atin.

32 At sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang tiniktikan, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Ang lupain na aming pinaroonan upang tiktikan ay isang lupain na kinakain ang mga tumatahan doon; at lahat ng bayan na aming nakita roon, ay mga taong malalaki.

33 At doo'y aming nakita ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anac, na mula sa mga Nefilim: at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga balang, at gayon din kami sa kanilang paningin.

14 At ang buong kapisanan ay naglakas ng kanilang tinig, at humiyaw; at ang bayan ay umiyak ng gabing yaon.

At inupasala ng lahat ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron: at sinabi sa kanila ng buong kapisanan, Nangamatay na sana tayo sa lupain ng Egipto! o kaya'y nangamatay na sana tayo sa ilang na ito!

At bakit kaya tayo dinala ng Panginoon sa lupaing ito, upang tayo'y mabuwal sa tabak? Ang ating mga asawa at ang ating mga anak ay magiging mga huli: hindi ba magaling sa atin na tayo'y magbalik sa Egipto?

At nag-sangusapan sila, Tayo'y maglagay ng isang kapitan at tayo'y magbalik sa Egipto.

Nang magkagayon, si Moises at si Aaron ay nagpatirapa sa harap ng buong kapulungan na kapisanan ng mga anak ni Israel.

At hinapak ni Josue na anak ni Nun, at ni Caleb na anak ni Jephone, na mga kasamang tumiktik sa lupain, ang kanilang mga suot:

At sinalita nila sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sinasabi, Ang lupain na aming dinaanan upang tiktikan ay isang napakainam na lupain.

Kung kalulugdan tayo ng Panginoon ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing yaon, at ibibigay niya sa atin; na yao'y lupaing binubukalan ng gatas at pulot.

Huwag lamang kayong manghimagsik laban sa Panginoon, ni matakot sa bayan ng lupaing yaon, sapagka't sila'y tinapay sa atin; ang kaniyang kalinga ay inilayo sa kanila, at ang Panginoon ay sumasaatin: huwag kayong matakot sa kanila.

10 Datapuwa't tinangka ng buong kapisanan na pagbatuhanan sila. At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa tabernakulo ng kapisanan sa lahat ng mga anak ni Israel.

11 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hanggang kailan hahamakin ako ng bayang ito? at hanggang kailan hindi sila mananampalataya sa akin, sa lahat ng mga tanda na aking ginawa sa kanila?

12 Aking sasaktan sila ng salot, at hindi ko sila pamamanahan at gagawin kita na isang bansang malaki at matibay kay sa kanila.

13 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Kung gayo'y mababalitaan ng mga taga Egipto; sapagka't isinampa mo ang bayang ito ng iyong kapangyarihan sa gitna nila;

14 At kanilang sasaysayin sa mga tumatahan sa lupaing ito. Kanilang nabalitaan na ikaw Panginoon, ay nasa gitna ng bayang ito; sapagka't ikaw Panginoon, ay napakita ng mukhaan, at ang iyong ulap ay nakatindig sa ibabaw ng mga yaon, at ikaw ay nangunguna sa kanila, sa isang haliging ulap sa araw, at sa isang haliging apoy sa gabi.

15 Kung iyong papatayin nga ang bayang ito na parang isang tao, ay magsasalita nga ang mga bansang nakabalita ng iyong kabantugan na sasabihin,

16 Sapagka't hindi madadala ng Panginoon ang bayang ito sa lupain, na kaniyang isinumpa sa kanila, kaya't kaniyang pinatay sila sa ilang.

17 At ngayon, idinadalangin ko sa iyo, na itulot mo na ang kapangyarihan ng Panginoon ay maging dakila, ayon sa iyong sinalita, na sinasabi,

18 Ang Panginoon ay banayad sa pagkagalit at sagana sa kaawaan, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsalangsang; at sa anomang paraan ay hindi aariing walang muang ang may sala, na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama sa mga anak sa ikatlo at sa ikaapat na salin ng lahi.

19 Ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo, ang kasamaan ng bayang ito ayon sa kalakhan ng iyong kaawaan, at ayon sa iyong pagkapatawad sa bayang ito, mula sa Egipto hanggang ngayon.

20 At sinabi ng Panginoon, Aking pinatawad ayon sa iyong salita:

21 Nguni't tunay, na kung paanong ako'y buhay at kung paanong mapupuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon ang buong lupa:

22 Sapagka't ang lahat ng taong yaon na nakakita ng aking kaluwalhatian at ng aking mga tanda, na aking ginawa sa Egipto at sa ilang ay tinukso pa rin ako nitong makasangpu, at hindi dininig ang aking tinig;

23 Tunay na hindi nila makikita ang lupain na aking isinumpa sa kanilang mga magulang, ni sinoman sa kanila na humamak sa akin ay hindi makakakita:

24 Kundi ang aking lingkod na si Caleb, sapagka't siya'y nagtaglay ng ibang diwa at siya'y sumunod na lubos sa akin, ay aking dadalhin siya sa lupain na kaniyang pinaroonan; at aariin ng kaniyang lahi.

25 Ngayon nga'y ang mga Amalecita at ang mga Cananeo ay tumatahan sa libis: bukas ay magbalik kayo at kayo'y pasa ilang sa daang patungo sa Dagat na Mapula.

26 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

27 Hanggang kailan titiisin ko ang masamang kapisanang ito, na naguupasala laban sa akin? Aking narinig ang mga pag-upasala ng mga anak ni Israel na kanilang inuupasala laban sa akin.

28 Sabihin mo sa kanila, Ako'y buhay, sabi ng Panginoon, tunay na kung paano ang sinalita ninyo sa aking pakinig ay gayon ang gagawin ko sa inyo:

29 Ang inyong mga bangkay ay mangabubuwal sa ilang na ito; at yaong lahat na nangabilang sa inyo ayon sa inyong kabuoan ng bilang, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda na nag-upasala laban sa akin,

30 Ay tunay na hindi kayo papasok sa lupaing pinagtaasan ko ng aking kamay, na patatahanan ko sana sa inyo, maliban si Caleb na anak ni Jephone, at si Josue na anak ni Nun.

31 Nguni't ang inyong mga bata, na inyong sinabing magiging mga huli ay aking papapasukin, at kanilang makikilala ang lupain na inyong itinakuwil.

32 Nguni't tungkol sa inyo, ang inyong mga bangkay ay mangabubuwal sa ilang na ito.

33 At ang inyong mga anak ay magiging gala sa ilang na apat na pung taon, at kanilang tataglayin ang inyong pakikiapid, hanggang sa ang inyong mga bangkay ay matunaw sa ilang.

34 Ayon sa bilang ng mga araw na inyong itiniktik sa lupain, sa makatuwid baga'y apat na pung araw, sa bawa't araw ay isang taon, ay inyong tataglayin ang inyong mga kasamaan, na apat na pung taon, at inyong makikilala ang pagsira ko ng kapangakuan.

35 Akong Panginoon ang nagsalita, tunay na ito'y aking gagawin sa buong masamang kapisanang ito, na nagpipisan laban sa akin: sa ilang na ito matutunaw sila, at diyan sila mamamatay.

36 At ang mga lalake, na sinugo ni Moises upang tumiktik ng lupain, na nagsipagbalik, at nagpaupasala ng buong kapisanan laban sa kaniya sa paghahatid ng masamang balita laban sa lupain,

37 Sa makatuwid baga'y ang mga taong yaon na nagsipaghatid ng masamang balita ng lupain, ay nangamatay sa salot sa harap ng Panginoon.

38 Nguni't si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jephone, ay naiwang buhay sa mga taong yaon na nagsiparoong tumiktik ng lupain.

39 At sinaysay ni Moises ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel: at ang bayan ay tumaghoy na mainam.

40 At sila'y bumangong maaga sa kinaumagahan, at umakyat sila sa taluktok ng bundok, na sinasabi, Narito kami, at kami ay aakyat sa dakong ipinangako ng Panginoon: sapagka't kami ay nagkasala.

41 At sinabi ni Moises, Bakit sinasalangsang ninyo ngayon ang utos ng Panginoon, sa bagay ay hindi ninyo ikasusulong?

42 Huwag kayong umakyat, sapagka't ang Panginoon ay wala sa gitna ninyo; upang huwag kayong masaktan sa harap ng inyong mga kaaway.

43 Sapagka't nandoon ang mga Amalecita at ang mga Cananeo sa harap ninyo, at kayo'y mangabubuwal sa tabak: sapagka't kayo'y humiwalay sa pagsunod sa Panginoon, kaya't ang Panginoon ay wala sa inyo.

44 Nguni't sila'y nagpumilit umakyat sa taluktok ng bundok: gayon ma'y ang kaban ng tipan ng Panginoon, at si Moises ay hindi nagsilabas sa kampamento.

45 Nang magkagayon ang mga Amalecita ay bumaba at ang mga Cananeo na tumatahan sa bundok na yaon, ay sinaktan sila at nilupig silang hinabol, hanggang sa Horma.

15 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupain na inyong mga tahanan, na aking ibibigay sa inyo,

At maghahandog kayo sa Panginoon ng pinaraan sa apoy na handog na susunugin, o ng hain upang tumupad ng panata, o ng kusang handog, o sa inyong mga takdang kapistahan, upang gawing masarap na amoy sa Panginoon, na mula sa bakahan, o mula sa kawan:

Kung gayon ay maghandog sa Panginoon yaong maghahandog ng alay ng isang handog na harina, na ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis:

At ng alak na inuming handog, na ikaapat na bahagi ng isang hin, ang iyong ihahanda na kalakip ng handog na susunugin, o ng hain, sa bawa't kordero.

O kung isang tupang lalake, ay iyong ihahanda na pinakahandog na harina, ang dalawang ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng ikatlong bahagi ng isang hin ng langis:

At bilang pinakainuming handog ay iyong ihahandog ang ikatlong bahagi ng isang hin ng alak na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

At pagka maghahanda ka ng isang toro na handog na susunugin, o upang ihain, sa katuparan ng isang panata, o upang mga handog sa Panginoon tungkol sa kapayapaan;

Ay kaniyang ihahandog nga na kalakip ng toro ang isang handog na harina na tatlong ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng kalahating hin ng langis.

10 At iyong ihahandog na pinakainuming handog ay kalahating hin ng alak na pinakahandog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

11 Gayon gagawin sa bawa't toro, o sa bawa't tupang lalake, o sa bawa't korderong lalake, o sa mga anak ng kambing.

12 Ayon sa bilang ng inyong ihahanda, ay gayon ninyong gagawin sa bawa't isa ayon sa kanilang bilang.

13 Lahat ng tubo sa lupain ay gagawa ng mga bagay na ito sa ganitong paraan, sa paghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

14 At kung ang isang taga ibang bayan ay makipamayang kasama ninyo, o sinomang nasa gitna ninyo sa buong panahon ng inyong mga lahi, at maghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon; ay kaniyang gagawin ang gaya ng inyong ginagawa.

15 Sa kapisanan ay magkakaroon ng isang palatuntunan sa inyo, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa inyo, isang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong mga lahi: kung paano kayo, ay magiging gayon din ang taga ibang bayan sa harap ng Panginoon.

16 Isang kautusan at isang ayos ay magkakaroon sa inyo, at sa taga ibang bayan sa nakikipamayan sa inyo.

17 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

18 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupaing aking pinagdadalhan sa inyo,

19 Ay mangyayari nga, na pagkain ninyo ng tinapay sa lupain, ay maghahandog kayo ng isang handog na itinaas sa Panginoon.

20 Sa pinaka una sa inyong masang harina ay maghahandog kayo ng isang munting tinapay na pinakahandog na itinaas: kung paano ninyo ginagawa ang handog na itinaas tungkol sa giikan, ay gayon ninyo itataas ito.

21 Sa pinaka una sa inyong masang harina ay magbibigay kayo sa Panginoon ng isang handog na itinaas sa buong panahon ng inyong mga lahi.

22 At pagka kayo'y nagkamali, at hindi ninyo tinupad ang lahat ng utos na ito, na sinalita ng Panginoon kay Moises,

23 Sa makatuwid baga'y lahat ng iniutos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises, mula sa araw na lagdaan kayo ng utos ng Panginoon, at sa haharapin sa buong panahon ng inyong mga lahi;

24 Ay mangyayari nga na kung magkasala ng walang malay, na hindi nalalaman ng kapisanan, na ang buong kapisanan ay maghahandog ng isang guyang toro na pinakahandog na susunugin, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon, na kalakip ng handog na harina niyaon at inuming handog niyaon, ayon sa ayos, at isang lalaking kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan.

25 At itutubos ng saserdote sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, at sila'y patatawarin; sapagka't isang kamalian, at kanilang dinala ang kanilang alay, na handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ang kanilang handog dahil sa kasalanan sa harap ng Panginoon, dahil sa kanilang kamalian:

26 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay patatawarin at ang taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila; sapagka't tungkol sa buong bayang nakagawa ng walang malay.

27 At kung ang isang tao ay nagkasala ng walang malay, ay maghahandog nga siya ng isang kambing na babae ng unang taon na pinakahandog dahil sa kasalanan.

28 At itutubos ng saserdote sa taong nagkamali, kung tunay na siya'y nagkasala ng walang malay sa harap ng Panginoon, upang itubos sa kaniya; at siya'y patatawarin.

29 Kayo'y magkakaroon ng isang kautusan sa kaniya na nagkasala ng walang malay, sa kaniya na ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila.

30 Nguni't ang tao na makagawa ng anoman ng buong kapusukan, maging tubo sa lupain o taga ibang lupa, ay lumapastangan sa Panginoon; at ang taong yaon ay ihihiwalay sa gitna ng kaniyang bayan.

31 Sapagka't kaniyang hinamak ang salita ng Panginoon, at kaniyang sinira ang kaniyang utos; ang taong yaon ay lubos na ihihiwalay, ang kaniyang kasamaan ay tataglayin niya.

32 At samantalang ang mga anak ni Israel ay nangasa ilang, ay nakasumpong sila ng isang lalake na namumulot ng kahoy sa araw ng sabbath.

33 At silang nakasumpong sa kaniya na namumulot ng kahoy, ay dinala siya kay Moises, at kay Aaron, at sa buong kapisanan.

34 At kanilang inilagay siya sa bilangguan, sapagka't hindi pa ipinahahayag kung ano ang gagawin sa kaniya.

35 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang lalake ay walang pagsalang papatayin; babatuhin siya ng buong kapisanan sa labas ng kampamento.

36 At inilabas siya ng buong kapisanan sa kampamento at kanilang binato siya hanggang sa mamatay ng mga bato; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

37 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

38 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila na sila'y gumawa ng mga tirintas sa mga laylayan ng kanilang mga damit sa buong panahon ng kanilang mga lahi, at kanilang patungan ang tirintas ng bawa't laylayan ng isang panaling bughaw:

39 At sa inyo'y magiging isang tirintas, upang inyong mamasdan, at inyong maalaala ang lahat ng mga utos ng Panginoon, at inyong tuparin; at upang huwag kayong sumunod sa inyong sariling puso at sa inyong sariling mga mata, na siya ninyong ipinangaapid:

40 Upang inyong maalaala at gawin ang lahat ng aking mga utos, at maging banal kayo sa inyong Dios.

41 Ako ang Panginoon ninyong Dios, na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto, upang maging inyong Dios: ako ang Panginoon ninyong Dios.

16 Si Core nga na anak ni Ishar, na anak ni Coath, na anak ni Levi sangpu ni Dathan at ni Abiram na mga anak ni Eliab, at si Hon na anak ni Peleth, na mga anak ni Ruben, ay nagsikuha ng mga tao:

At sila'y tumindig sa harap ni Moises, na kasama ng ilang mga anak ni Israel, na dalawang daan at limang pung prinsipe sa kapisanan na tinawag sa kapulungan na mga lalaking bantog:

At sila'y nagpupulong laban kay Moises at laban kay Aaron, at sinabi nila sa kanila, Kayo'y kumukuha ng malabis sa inyo, dangang ang buong kapisanan ay banal, bawa't isa sa kanila, at ang Panginoon ay nasa gitna nila: bakit nga kayo'y magmamataas sa kapisanan ng Panginoon?

At nang marinig ni Moises, ay nagpatirapa.

At sinalita niya kay Core at sa kaniyang buong pulutong, na sinasabi, Sa kinaumagahan ay ipakikilala ng Panginoon kung sino ang kaniya, at kung sino ang banal, at kung sino ang palalapitin niya sa kaniya: sa makatuwid baga'y ang piliin ay siyang kaniyang palalapitin sa kaniya.

Ito'y inyong gawin; kumuha kayo ng mga suuban, si Core at ang kaniyang buong pulutong;

At lagyan ninyo ng apoy at patungan ninyo ng kamangyan bukas sa harap ng Panginoon: at mangyayari na ang tao na piliin ng Panginoon, ay siyang banal: kayo'y kumukuha ng malabis sa inyo, kayong mga anak ni Levi.

At sinabi ni Moises kay Core, Dinggin ninyo ngayon, kayong mga anak ni Levi:

Minumunting bagay pa ba ninyo na kayo'y ibinukod ng Dios ng Israel sa kapisanan ng Israel, upang ilapit niya kayo sa kaniya, upang gawin ninyo ang paglilingkod sa tabernakulo ng Panginoon, at upang kayo'y tumayo sa harap ng kapisanan na mangasiwa sa kanila;

10 At inilapit ka niya sangpu ng lahat ng iyong mga kapatid na mga anak ni Levi? at hangarin din naman ninyo ang pagkasaserdote?

11 Kaya't ikaw at ang iyong buong pulutong ay napipisan laban sa Panginoon: at si Aaron, ano nga't siya'y inyong inupasala?

12 At ipinatawag ni Moises si Dathan at si Abiram, na mga anak ni Eliab: at kanilang sinabi, Hindi kami sasampa:

13 Munting bagay pa ba na kami ay iyong pinasampa sa isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot, upang kami ay patayin sa ilang, kundi napapanginoon ka pa mandin sa amin?

14 Bukod dito'y hindi mo kami dinala sa isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot, ni binigyan mo kami ng manang bukid at mga ubasan: dudukitin mo ba ang mga mata ng mga taong ito? hindi kami sasampa.

15 At si Moises ay nag-init na mainam, at sinabi sa Panginoon, Huwag mong pagpitaganan ang kanilang handog: ako'y hindi kumuha ng isang asno sa kanila ni gumawa ng masama sa kanino man sa kanila.

16 At sinabi ni Moises kay Core, Humarap ka at ang iyong buong kapisanan sa Panginoon, ikaw, at sila, at si Aaron, bukas:

17 At kumuha ang bawa't isa ng kaniyang suuban, at lagyan ninyo ng kamangyan, at dalhin ninyo sa harap ng Panginoon, na bawa't isa'y magdala ng kaniyang suuban, na dalawang daan at limang pung suuban; ikaw naman at si Aaron, bawa't isa sa inyo'y may kaniyang suuban.

18 At kinuha ng bawa't isa ang kaniyang suuban, at kanilang nilagyan ng apoy at kanilang pinatungan ng kamangyan, at sila'y tumayo sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan na kasama ni Moises at ni Aaron.

19 At pinisan ni Core ang buong kapisanan laban sa kanila sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa buong kapisanan.

20 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

21 Humiwalay kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sangdali.

22 At sila'y nagpatirapa, at nagsabi, Oh Dios, na Dios ng mga diwa ng lahat ng laman, sa pagkakasala ba ng isang tao ay magagalit ka sa buong kapisanan?

23 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

24 Salitain mo sa kapisanan na iyong sabihin, Lumayo kayo sa palibot ng tabernakulo ni Core, ni Dathan, at ni Abiram.

25 At si Moises ay tumayo at naparoon kay Dathan at kay Abiram; at ang mga matanda sa Israel ay sumunod sa kaniya.

26 At sinalita ni Moises sa kapisanan na sinasabi, Magsilayo kayo, isinasamo ko sa inyo, sa mga tolda ng masasamang taong ito, at huwag kayong humipo ng anomang bagay nila, baka kayo'y mamatay sa lahat nilang kasalanan.

27 Gayon sila nagsilayo sa tabernakulo ni Core, ni Dathan, at ni Abiram sa lahat ng dako: at si Dathan at si Abiram ay nagsilabas, at nagsitayo sa pintuan ng kanilang mga tolda, at ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak, at ang kanilang bata.

28 At sinabi ni Moises, Dito ninyo makikilala na ako'y sinugo ng Panginoon na gawin ang lahat ng mga gawang ito; sapagka't hindi kinatha ng aking sariling pagiisip.

29 Kung ang mga taong ito ay mamatay sa karaniwang kamatayan ng lahat ng tao, o kung sila'y dalawin ayon sa karaniwang pagdalaw sa lahat ng tao; ay hindi nga ako sinugo ng Panginoon.

30 Nguni't kung ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay, na anopa't ibuka ng lupa ang kaniyang bibig, at sila'y lamunin, sangpu ng buong nauukol sa kanila, at sila'y ibabang mga buhay sa Sheol; ay inyo ngang mapagkikilala na minungkahi ng mga taong ito ang Panginoon.

31 At nangyari, na pagkatapos na masalita niya ang lahat ng salitang ito, na ang lupa na nasa ilalim nila ay bumuka:

32 At ibinuka ng lupa ang kaniyang bibig at nilamon sila, at ang kanilang mga sangbahayan, at ang lahat ng lalake na nauukol kay Core, at lahat ng kanilang pag-aari.

33 Na anopa't sila at lahat ng nauukol sa kanila, ay nababang buhay sa Sheol: at sila'y pinagtikuman ng lupa, at sila'y nalipol sa gitna ng kapisanan.

34 At ang buong Israel na nasa palibot nila ay tumakas sa hiyaw nila; sapagka't kanilang sinabi, Baka pati tayo'y lamunin ng lupa.

35 At apoy ang lumabas na mula sa Panginoon, at nilamon ang dalawang daan at limang pung lalake na naghandog ng kamangyan.

36 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

37 Salitain mo kay Eleazar na anak ni Aaron na saserdote, na kaniyang kunin ang mga suuban sa sunog, at magkalat ng apoy doon; sapagka't mga banal yaon;

38 Pati ng mga suuban ng mga makasalanang ito laban sa kanilang sariling buhay, at gawin mo sa kanilang mga laminang pinukpok na pinaka pangtakip sa dambana: sapagka't kanilang inihandog sa harap ng Panginoon: kaya't mga banal: at magiging isang tanda sa mga anak ni Israel.

39 At kinuha ni Eleazar na saserdote ang mga tansong suuban na inihandog ng mga nasunog; at kanilang pinukpok na ginawang pinaka pangtakip sa dambana:

40 Upang maging pinakaalaala sa mga anak ni Israel, upang sinomang ibang tao na hindi sa mga anak ni Aaron ay huwag lumapit na magsunog ng kamangyan sa harap ng Panginoon; upang huwag magaya kay Core at sa kaniyang mga kasama: gaya ng sinalita ng Panginoon sa kaniya sa pamamagitan ni Moises.

41 Datapuwa't sa kinabukasan ay inupasala ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron, na sinasabi, Inyong pinatay ang bayan ng Panginoon.

42 At nangyari, nang magpipisan ang kapisanan laban kay Moises at laban kay Aaron, na sila'y tumingin sa dako ng tabernakulo ng kapisanan; at, narito, tinakpan ng ulap at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw.

43 At si Moises at si Aaron ay naparoon sa tapat ng tabernakulo ng kapisanan.

44 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

45 Lumayo kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sangdali. At sila'y nagpatirapa.

46 At sinabi ni Moises kay Aaron, Kunin mo ang iyong suuban, at lagyan mo ng apoy mula sa dambana at patungan ng kamangyan, at dalhin mong madali sa kapisanan, at itubos mo sa kanila: sapagka't may galit na lumabas sa harap ng Panginoon; ang salot ay nagpapasimula na.

47 At kinuha ni Aaron gaya ng sinalita ni Moises, at siya'y tumakbo sa gitna ng kapulungan; at, narito, ang salot ay nagpasimula sa gitna ng bayan; at siya'y naglagay ng kamangyan at itinubos sa bayan.

48 At siya'y tumayo sa gitna ng mga patay at ng mga buhay; at ang salot ay tumigil.

49 Ang nangamatay nga sa salot ay labing apat na libo at pitong daan, bukod pa yaong nangamatay dahil kay Core.

50 At si Aaron ay nagbalik kay Moises sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at ang salot ay tumigil.

17 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Salitain mo sa mga anak ni Israel, at kumuha ka sa kanila ng mga tungkod, isa sa bawa't sangbahayan ng mga magulang; sa lahat nilang mga prinsipe ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, labing dalawang tungkod: isulat mo ang pangalan ng bawa't isa sa kaniyang tungkod.

At isusulat mo ang pangalan ni Aaron sa tungkod ni Levi: sapagka't isa lamang tungkod magkakaroon sa bawa't pangulo sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.

At iyong ilalagay sa tabernakulo ng kapisanan sa harap ng patotoo, na aking pinakikipagkitaan sa inyo.

At mangyayari na ang lalaking aking pipiliin, ay mamumulaklak ang kaniyang tungkod: at aking ipatitigil sa akin, ang mga pag-upasala ng mga anak ni Israel, na kanilang iniupasala laban sa inyo.

At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel, at ang lahat nilang mga prinsipe ay nagbigay sa kaniya ng tungkod, na bawa't pangulo ay isa, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, labing dalawang tungkod: at ang tungkod ni Aaron ay nasa gitna ng kanilang mga tungkod.

At inilagay ni Moises ang mga tungkod sa harap ng Panginoon sa tabernakulo ng patotoo;

At nangyari nang kinabukasan, na si Moises ay pumasok sa tabernakulo ng patotoo; at, narito, na ang tungkod ni Aaron sa sangbahayan ni Levi ay namulaklak at nagkaroon ng mga hinog na almendras.

At mula sa harap ng Panginoon ay inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod sa lahat ng mga anak ni Israel: at kanilang pinagmalas, at kinuha ng bawa't lalake ang kaniyang tungkod.

10 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ibalik mo ang tungkod ni Aaron sa harap ng patotoo, upang ingatang pinakatanda laban sa mga anak ng panghihimagsik; upang iyong wakasan ang kanilang mga pag-upasala laban sa akin, upang huwag silang mamatay.

11 Gayon ginawa ni Moises: kung paanong iniutos ng Panginoon sa kaniya, ay gayon niya ginawa.

12 At sinalita ng mga anak ni Israel kay Moises, na sinasabi, Narito, kami ay mga patay, kami ay napahamak, kaming lahat ay napahamak.

13 Lahat ng lumalapit, na lumalapit sa tabernakulo ng Panginoon, ay namamatay: kami bang lahat ay malilipol?

18 At sinabi ng Panginoon kay Aaron, Ikaw at ang iyong mga anak at ang sangbahayan ng iyong mga magulang na kasama mo ay magtataglay ng kasamaan ng santuario: at ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay magtataglay ng kasamaan ng inyong pagkasaserdote.

At ang iyong mga kapatid naman, ang lipi ni Levi, ang lipi ng iyong ama, ay palalapitin mo sa iyo upang sila'y lumakip sa iyo at mangasiwa sa iyo: nguni't ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo, ay lalagay sa harap ng tabernakulo ng patotoo.

At kanilang iingatan ang iyong katungkulan, at ang katungkulan ng buong tolda: huwag lamang silang lalapit sa mga kasangkapan ng santuario ni sa dambana, upang huwag silang mamatay, ni maging kayo.

At sila'y lalakip sa iyo, at mag-iingat ng katungkulan sa tabernakulo ng kapisanan, sa buong paglilingkod sa tolda: at sinomang taga ibang lupa ay huwag lalapit sa inyo.

At inyong iingatan ang katungkulan ng santuario, at ang katungkulan ng dambana; upang huwag nang magkaroon pa ng kagalitan sa mga anak ni Israel.

At ako, narito, aking pinili ang inyong mga kapatid na mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel: sa inyo sila ay isang kaloob, na bigay sa Panginoon, upang gawin ang paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan.

At iingatan mo at ng iyong mga anak na kasama mo at ang inyong pagkasaserdote sa bawa't bagay ng dambana; at doon sa nasa loob ng tabing; at kayo'y maglilingkod: aking ibinibigay sa inyo ang pagkasaserdote na parang isang paglilingkod na kaloob: at ang taga ibang lupa na lumapit ay papatayin.

At sinalita ng Panginoon kay Aaron, At ako'y, narito, aking ibinigay sa iyo ang katungkulan sa mga handog na itinaas sa aking, lahat ng mga banal na bagay ng mga anak ni Israel; aking ibinigay sa iyo dahil sa pagpapahid, at sa iyong mga anak na marapat na bahagi ninyo, magpakailan man.

Ito'y magiging iyo sa mga pinakabanal na bagay, na hindi pinaraan sa apoy: bawa't alay nila, bawa't handog na harina nila, at bawa't handog nila dahil sa kasalanan, at bawa't handog nila dahil sa pagkakasala na kanilang ihahandog sa akin, ay magiging pinaka banal sa iyo at sa iyong mga anak.

10 Gaya ng mga kabanalbanalang bagay ay kakain ka ng mga iyan: bawa't lalake ay kakain niyaon magiging banal na bagay sa iyo.

11 At ito ay iyo; ang handog na itinaas na kanilang kaloob, sa makatuwid baga'y ang lahat ng mga handog na inalog ng mga anak ni Israel: aking ibinigay sa iyo, at sa iyong mga anak na lalake at babae na kasama mo na marapat na bahagi magpakailan man: bawa't malinis sa iyong bahay ay kakain niyaon.

12 Lahat ng pinakamainam sa langis, at lahat ng pinakamainam sa alak, at sa trigo, ang mga pinakaunang bunga ng mga yaon na kanilang ibibigay sa Panginoon, ay ibibigay ko sa iyo.

13 Ang mga unang hinog na bunga ng lahat na nasa kanilang lupain, na kanilang dinadala sa Panginoon, ay magiging iyo; bawa't malinis sa iyong bahay ay kakain niyaon.

14 Lahat ng mga bagay na natatalaga sa Israel ay magiging iyo.

15 Lahat ng mga bagay na nagbubukas ng bahay-bata, sa lahat ng laman na kanilang inihahandog sa Panginoon, sa mga tao at gayon din sa mga hayop, ay magiging iyo: gayon man ang panganay sa tao ay tunay na iyong tutubusin, at ang panganay sa maruruming hayop ay iyong tutubusin.

16 At yaong mga matutubos sa kanila, mula sa isang buwang gulang ay iyong tutubusin, ayon sa iyong pagkahalaga, ng limang siklong pilak, ayon sa siklo ng santuario (na dalawang pung gera).

17 Nguni't ang panganay ng baka, o ang panganay ng tupa, o ang panganay ng kambing ay huwag mong tutubusin; mga banal: iyong iwiwisik ang kanilang dugo sa ibabaw ng dambana, at iyong susunugin ang kanilang taba na pinakahandog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

18 At ang laman nila ay magiging iyo, gaya ng dibdib na inalog at gaya ng kanang hita ay magiging iyo.

19 Lahat ng mga handog na itinaas sa mga banal na bagay na ihahandog ng mga anak ni Israel sa Panginoon, ay aking ibinigay sa iyo, at sa iyong mga anak na lalake at babae na kasama mo, na marapat na bahagi magpakailan man: tipan ng asin magpakailan man sa harap ng Panginoon sa iyo, at sa iyong binhi na kasama mo.

20 At sinabi ng Panginoon kay Aaron, Huwag kang magkakaroon ng mana sa kanilang lupain, ni magkakaroon ka ng anomang bahagi sa gitna nila: ako ang iyong bahagi at ang iyong mana sa gitna ng mga anak ni Israel.

21 At sa mga anak ni Levi, ay narito, aking ibinigay ang lahat ng ikasangpung bahagi sa Israel na pinakamana, na ganti sa kanilang paglilingkod na kanilang ipinaglilingkod, sa makatuwid baga'y sa paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan.

22 At sa haharapin ay huwag lalapit ang mga anak ni Israel sa tabernakulo ng kapisanan, baka sila'y magtaglay ng kasalanan, at mamatay.

23 Nguni't gagawin ng mga Levita ang paglilingkod ng tabernakulo ng kapisanan; at kanilang tataglayin ang kanilang kasamaan: ito'y magiging palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong mga lahi, at sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.

24 Sapagka't ang ikasangpung bahagi ng tinatangkilik ng mga anak ni Israel na kanilang ihahandog na pinakahandog na itinaas sa Panginoon, ay aking ibinigay sa mga Levita na pinakamana: kaya't aking sinabi sa kanila, Sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.

25 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

26 Bukod dito'y sasalitain mo sa mga Levita, at sasabihin mo sa kanila, Pagkuha ninyo sa mga anak ni Israel ng ikasangpung bahagi na aking ibinigay sa inyo mula sa kanila na inyong pinakamana, ay inyong ihahandog nga na pinakahandog na itinaas sa Panginoon, ang ikasangpung bahagi ng ikasangpung bahagi.

27 At ang inyong handog na itinaas ay ibibilang sa inyo, na parang trigo ng giikan at ng kasaganaan ng pisaan ng ubas.

28 Ganito rin kayo maghahandog ng handog na itinaas sa Panginoon sa inyong buong ikasangpung bahagi, na inyong tinatanggap sa mga anak ni Israel; at ganito ibibigay ninyo ang handog na itinaas sa Panginoon kay Aaron na saserdote.

29 Sa lahat ng inyong natanggap na kaloob ay inyong ihahandog ang bawa't handog na itinaas sa Panginoon, ang lahat ng pinakamainam niyaon, sa makatuwid baga'y ang banal na bahagi niyaon.

30 Kaya't iyong sasabihin sa kanila, Pagka inyong naitaas ang pinakamainam sa handog, ay ibibilang nga sa mga Levita, na parang bunga ng giikan, at parang pakinabang sa pisaan ng ubas.

31 At inyong kakanin saa't saan man, ninyo at ng inyong mga kasangbahay: sapagka't kabayaran sa inyo, na ganti sa inyong paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan.

32 At hindi kayo magtataglay ng kasalanan dahil dito, pagka inyong naitaas ang pinakamainam sa mga yaon: at huwag ninyong lalapastanganin ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, upang huwag kayong mamatay.

19 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

Ito ang palatuntunan ng kautusan na iniutos ng Panginoon, na sinasabi, Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila'y magdala sa iyo ng isang mapulang guyang bakang babae, na walang kapintasan, na walang dungis, na hindi pa napapatungan ng pamatok.

At ibibigay ninyo kay Eleazar na saserdote, at kaniyang ilalabas sa kampamento at papatayin ng isa sa kaniyang harapan:

At si Eleazar na saserdote ay dadampot ng dugo sa pamamagitan ng kaniyang daliri, at magwiwisik ng dugo na makapito sa dakong harap ng tabernakulo ng kapisanan:

At susunugin ng isa sa paningin niya ang guyang bakang babae; ang balat niyaon at ang laman niyaon, at ang dugo niyaon, sangpu ng dumi niyaon, ay susunugin niya:

At ang saserdote ay kukuha ng kahoy na sedro, at ng isopo, at ng kulay grana, at ihahagis sa gitna ng pinagsusunugan sa guyang bakang babae.

Saka lalabhan ng saserdote ang kaniyang mga suot at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampamento at ang saserdote ay magiging marumi hanggang sa hapon.

At yaong sumunog sa baka ay maglalaba ng kaniyang mga suot sa tubig at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at magiging marumi hanggang sa hapon.

At pupulutin ng isang taong malinis ang mga abo ng guyang bakang babae at ilalagay sa labas ng kampamento sa isang dakong malinis; at iingatan ukol sa kapisanan ng mga anak ni Israel na pinaka tubig para sa karumihan: handog nga dahil sa kasalanan.

10 At yaong pumulot ng mga abo ng guyang bakang babae ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magiging marumi hanggang sa hapon; at sa mga anak ni Israel at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, ay magiging isang palatuntunan magpakailan man.

11 Ang makahipo ng bangkay ng sinomang tao, ay magiging marumi na pitong araw:

12 Ang gayon ay maglilinis sa pamamagitan ng tubig na yaon sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw ay magiging malinis: nguni't kung siya'y hindi maglinis sa ikatlong araw, ay hindi nga siya magiging malinis sa ikapitong araw.

13 Sinomang humipo ng patay, ng bangkay ng taong patay, at hindi maglilinis, ay ihahawa ang tabernakulo ng Panginoon; at ang taong yaon ay ihihiwalay sa Israel: sapagka't ang tubig para sa karumihan ay hindi iniwisik sa kaniya, siya'y magiging marumi; ang kaniyang karumihan ay sumasakaniya pa.

14 Ito ang kautusan pagka ang isang tao ay namamatay sa isang tolda: lahat na pumapasok sa tolda at lahat na nasa tolda ay magiging maruming pitong araw.

15 At bawa't sisidlang bukas na walang takip na nakatali roon, ay marumi.

16 At sinomang humipo sa luwal na parang ng alin mang pinatay ng tabak, o ng bangkay, o ng buto ng tao, o ng libingan, ay magiging maruming pitong araw.

17 At sa taong marumi, ay kukuha sila ng mga abo sa sunog niyang handog dahil sa kasalanan, sa mga yaon ay ilalagay ang tubig na buhay sa isang sisidlan.

18 At isang malinis na tao ay kukuha ng isopo, at itutubog sa tubig at iwiwisik sa tolda at sa lahat ng kasangkapan, at sa mga taong nandoon, at sa humipo ng buto, o ng bangkay, o ng patay, o ng libingan:

19 At iwiwisik ng taong malinis sa marumi sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw: at lilinisin niya siya sa ikapitong araw; at siya'y maglalaba ng kaniyang mga suot, at maliligo sa tubig at magiging malinis sa hapon.

20 Nguni't ang taong magiging marumi, at hindi maglilinis, ay ihihiwalay ang taong yaon sa gitna ng kapulungan, sapagka't kaniyang inihawa ang santuario ng Panginoon: ang tubig para sa karumihan ay hindi nawisik sa kaniya; siya'y marumi.

21 At ito'y magiging isang palatuntunan magpakailan man sa kanila: at yaong nagwiwisik ng tubig para sa karumihan, ay maglalaba ng kaniyang mga suot; at yaong humipo ng tubig para sa karumihan ay magiging marumi hanggang sa hapon.

22 At anomang hipuin ng taong marumi ay magiging marumi; at ang taong humipo niyaon ay magiging marumi hanggang sa hapon.

20 At ang mga anak ni Israel, sa makatuwid baga'y ang buong kapisanan ay nagsipasok sa ilang ng Zin nang unang buwan: at ang bayan ay tumahan sa Cades; at si Miriam ay namatay doon, at inilibing doon.

At walang tubig na mainom ang kapisanan; at sila'y nagpulong laban kay Moises at laban kay Aaron.

At sinisi ng bayan si Moises, at nagsipagsalita, na sinasabi, Ibigin sana na kami ay nangamatay, nang mamatay ang aming mga kapatid sa harap ng Panginoon!

At bakit ninyo dinala ang kapulungan ng Panginoon sa ilang na ito, upang mamatay rito, kami at ang aming mga hayop?

At bakit ninyo kami pinasampa mula sa Egipto, upang dalhin kami sa masamang dakong ito? hindi dakong bukirin, o ng igos; o ng ubasan, o ng mga granada; at wala kahit tubig na mainom.

At si Moises at si Aaron ay umalis sa harap ng kapulungan at napasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at nangagpatirapa: at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa kanila.

At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Hawakan mo ang tungkod, at pisanin mo ang kapisanan, pisanin mo at ni Aaron na iyong kapatid, at magsalita kayo sa bato sa harap ng kanilang mga mata, na ibibigay niyaon ang kaniyang tubig; at ikukuha mo sila ng tubig sa bato: sa ganito paiinumin mo ang kapisanan at ang kanilang mga hayop.

At kinuha ni Moises ang tungkod sa harap ng Panginoon, na gaya ng iniutos sa kaniya.

10 At pinisan ni Moises at ni Aaron ang kapulungan sa harap ng bato, at kaniyang sinabi sa kanila, Makinig kayo ngayon, mga mapanghimagsik, ikukuha ba namin kayo ng tubig sa batong ito?

11 At itinaas ni Moises ang kaniyang kamay, at pinalong makalawa ang bato ng kaniyang tungkod: at ang tubig ay lumabas na sagana, at ang kapisanan ay uminom at ang kanilang mga hayop.

12 At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Sapagka't hindi kayo sumampalataya sa akin upang ipakilala ninyong banal ako sa mga mata ng mga anak ni Israel, kaya't hindi ninyo dadalhin ang kapisanang ito sa lupain na aking ibinigay sa kanila.

13 Ito ang tubig ng Meriba; sapagka't sinisi ng mga anak ni Israel ang Panginoon, at siya'y napakilalang banal sa kanila.

14 At si Moises ay nagutos ng mga sugo sa hari sa Edom mula sa Cades, na ipinasabi, Ganito, ang sabi ng iyong kapatid na Israelita, Talastas mo ang buong kahirapan na dumating sa amin:

15 Kung paanong ang aming mga magulang ay bumaba sa Egipto, at kami ay tumahan sa Egipto na malaong panahon, at inalipusta ng mga Egipcio kami at ang aming mga magulang:

16 At nang kami ay dumaing sa Panginoon ay dininig niya ang aming tinig, at nagsugo siya ng isang anghel, at inilabas kami sa Egipto: at, narito, kami ay nasa Cades, na isang bayan na nasa dulo ng iyong hangganan:

17 Isinasamo ko sa iyo, na paraanin mo kami, sa iyong lupain: hindi kami dadaan sa kabukiran o sa ubasan, ni di kami iinom ng tubig sa mga balon: kami ay manunuwid sa maluwang na lansangan, hindi kami liliko sa dakong kanan ni sa dakong kaliwa man hanggang sa maraanan namin ang iyong hangganan.

18 At sinabi ni Edom sa kaniya, Huwag kang magdadaan sa aking lupain, baka kita'y salubungin ng tabak.

19 At sinabi ng mga anak ni Israel sa kaniya, Kami ay aahon sa lansangan: at kung kami ay uminom ng iyong tubig, ako at ang aking mga hayop, ay pagbabayaran ko ang halaga: pahintulutan mo lamang ako na makaraan ng aking mga paa na walang anoman.

20 At kaniyang sinabi, Huwag kang magdadaan. At si Edom ay lumabas laban sa kaniya na may dalang maraming tao, at may malakas na kamay.

21 Ganito tumanggi si Edom na paraanin ang Israel sa kaniyang hangganan: kaya't ang Israel ay lumayo sa kaniya.

22 At sila'y naglakbay mula sa Cades: at ang mga anak ni Israel, sa makatuwid baga'y ang buong kapisanan, ay napasa bundok ng Hor.

23 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron sa bundok ng Hor, sa tabi ng hangganan ng lupain ng Edom, na sinasabi,

24 Si Aaron ay malalakip sa kaniyang bayan: sapagka't siya'y hindi makapapasok sa lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel, sapagka't kayo'y nagsipanghimagsik laban sa aking salita sa tubig ng Meriba.

25 Dalhin mo si Aaron at si Eleazar na kaniyang anak, at isampa mo sila sa bundok ng Hor.

26 At hubaran mo si Aaron ng kaniyang mga suot at isuot mo kay Eleazar na kaniyang anak: at si Aaron ay malalakip sa kaniyang bayan, at doon siya mamamatay.

27 At ginawa ni Moises gaya ng iniutos ng Panginoon: at sila'y sumampa sa bundok ng Hor sa paningin ng buong kapisanan.

28 At hinubaran ni Moises si Aaron, ng kaniyang mga suot, at isinuot kay Eleazar na kaniyang anak; at namatay si Aaron doon sa taluktok ng bundok: at si Moises at si Eleazar ay bumaba sa bundok.

29 At nang makita ng buong kapisanan na si Aaron ay namatay, ay kanilang tinangisan si Aaron na tatlong pung araw, sa makatuwid baga'y ng buong sangbahayan ni Israel.

21 At ang Cananeo, na hari sa Arad, na tumatahan sa Timugan ay nakabalita na ang Israel ay dumating sa daan ng Atarim; at nilabanan niya ang Israel at binihag ang iba sa kanila.

At ang Israel ay nanata sa Panginoon, at nagsabi, Kung tunay na ibibigay mo ang bayang ito sa aking kamay, ay aking lubos na gigibain nga ang kanilang mga bayan.

At dininig ng Panginoon ang tinig ng Israel, at ibinigay ang Cananeo sa kanila, at kanilang lubos na nilipol sila at ang kanilang mga bayan: at ang ipinangalan sa dakong yaon ay Horma.

At sila'y naglakbay mula sa bundok ng Hor na napasa daang patungo sa Dagat na Mapula upang lumiko sa lupain ng Edom; at ang damdamin ng bayan ay nainip dahil sa daan.

At ang bayan ay nagsalita laban sa Dios at laban kay Moises: Bakit ninyo kami pinasampa mula sa Egipto, upang mamatay sa ilang? sapagka't walang tinapay at walang tubig; at ang aming kaluluwa ay nasusuya na sa manang ito.

At ang Panginoon ay nagsugo ng mababangis na ahas sa gitna ng bayan, at kanilang kinagat ang bayan: at maraming tao sa Israel ay namatay.

At ang bayan ay naparoon kay Moises, at nagsabi, Kami ay nagkasala, sapagka't kami ay nagsalita laban sa Panginoon, at laban sa iyo; idalangin mo sa Panginoon, na kaniyang alisin sa amin ang mga ahas. At idinalangin ni Moises ang bayan.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain