Bible in 90 Days
21 Sinabing muli ng Panginoon sa akin, 22 “Anak ng tao, ano itong kasabihan sa Israel na, ‘Lumilipas ang panahon pero hindi natutupad ang mga propesiya?’ 23 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay magpapatigil sa kasabihang ito at hindi na muling sasabihin pa sa Israel. Sabihin mo rin sa kanilang malapit nang matupad ang mga propesiya. 24 Tiyak na mawawala na sa Israel ang mga maling pangitain o mga panghuhula ng kasinungalingan. 25 Sapagkat kapag ako, ang Panginoon ay nagsalita, tiyak na mangyayari. Hindi magtatagal at magaganap na ang mga sinabi ko tungkol sa mga rebeldeng mamamayan. At mangyayari ito sa panahon ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
26 Sinabi sa akin ng Panginoon, 27 “Anak ng tao, sinasabi ng mga mamamayan ng Israel na ang mga pangitain mo at mga propesiya ay mangyayari pero matagal pa. 28 Kaya sabihin mo sa kanila: ‘Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi na sa lalong madaling panahon ay magaganap na ang mga sinabi ko. Oo, mangyayari na ito.’ ”
Parurusahan ang mga Bulaang Propeta
13 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bulaang propeta ng Israel na nanghuhula mula sa sarili nilang isipan. Sabihin mo na pakinggan nila ang mensahe kong ito: 3 Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing nakakaawa ang mga hangal na propetang nanghuhula mula sa sarili nilang isipan, at wala silang nakikitang mga pangitain. 4 O Israel, ang mga propeta moʼy katulad ng mga asong-gubat na nasa gibang lungsod. 5 Katulad nilaʼy mga walang pakialam sa wasak na mga pader ng Israel na hindi inayos para maging matibay dumating man ang digmaan, sa araw ng pagpaparusa ng Panginoon. 6 Hindi totoo ang mga pangitain nila at kasinungalingan ang mga hula nila. Sinasabi nilang mula sa Panginoon ang sinasabi nila pero ang totooʼy hindi ko sila sinugo at hinihintay nilang maganap ito. 7 Hindi totoo ang mga pangitain nila at kasinungalingan ang mga hula nila. Sinasabi nilang iyon ang ipinapasabi ko pero hindi iyon nanggaling sa akin.
8 “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi na kakalabanin ko sila dahil kasinungalingan ang mga hula nila at hindi totoo ang kanilang mga pangitain. 9 Parurusahan ko ang mga propetang hindi totoo ang pangitain at kasinungalingan ang mga hula. Hindi ko sila ituturing na kabilang ng aking mga mamamayan at ang mga pangalan nilaʼy hindi isusulat sa talaan ng mga mamamayan ng Israel at hindi maaaring pumasok sa lupain ng Israel. At malalaman ninyong ako ang Panginoong Dios.
10 “Inililigaw ng mga propetang ito ang aking mga mamamayan sa pagsasabing maayos ang lahat, pero hindi naman. Parang tinatapalan lang ng apog at putik ang mahinang pader na itinatayo ng mga mamamayan. 11 Sabihin mo sa mga nagtapal na mawawasak ang pader na ito, dahil darating ang malakas na bagyo at uulan ng yelong kasing tigas ng bato na wawasak sa pader na ito. 12 At kapag nawasak na ito, magtatanong ang mga tao sa kanila, ‘Ano ang naitulong ng itinapal ninyo?’
13 “Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sa tindi ng galit ko, wawasakin ko ang pader sa pamamagitan ng malakas na bagyo, pag-ulan ng yelo na kasing tigas ng bato, at malakas na ulan. 14 Oo, wawasakin ko ang pader na tinapalan ninyo ng apog at putik. Wawasakin ko ito hanggang sa lumabas ang pundasyon nito. At kapag nawasak na ito, babagsakan kayo at mamamatay. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon. 15 Ipadarama ko ang galit ko sa pader at sa mga nagtapal dito. At ipamamalita ko na wala na ang pader at ang mga nagtapal nito, 16 na walang iba kundi ang mga propeta ng Israel na humula na magiging maayos ang kalagayan ng Jerusalem, pero kasinungalingan naman. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
17 “Ngayon naman, anak ng tao, magsalita ka laban sa mga babaeng nanghuhula mula sa sarili nilang isipan. 18 Sabihin mo sa kanilang ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: Nakakaawa kayo, kayong mga babaeng bumibiktima sa mga mamamayan ko, maging mga bata o matatanda sa pamamagitan ng mga anting-anting ninyo. Nilalagyan ninyo sila ng mga anting-anting na pulseras sa kanilang kamay at belo sa mga ulo. Binibiktima ninyo ang mga mamamayan ko para sa pansarili ninyong kapakinabangan. 19 Nilalapastangan ninyo ako sa harap ng mga mamamayan ko para lang sa kaunting sebada at ilang tinapay. Sa pamamagitan ng pagsisinungaling ay sinasabi ninyong mamamatay ang hindi dapat mamatay at hindi mamamatay ang dapat mamatay. At naniniwala naman ang mga mamamayan ko sa kasinungalingan ninyo.
20 “Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing: Labis akong nagagalit sa mga anting-anting na ginagamit ninyo para biktimahin ang mga tao na parang mga ibong nahuli sa bitag. Hahablutin ko ang mga anting-anting ninyo sa kamay[a] at palalayain ko ang mga taong hinuli ninyo na parang ibon. 21 Pupunitin ko rin ang mga belo ninyo at ililigtas ko ang mga mamamayan mula sa mga kamay ninyo, hindi nʼyo na sila mabibiktimang muli. At malalaman ninyong ako ang Panginoon.
22 “Pinalungkot ninyo ang mga matuwid sa pamamagitan ng inyong kasinungalingan, na kahit ako ay hindi sila nabigyan ng kalungkutan. Pinalakas ninyo ang loob ng masasama na ipagpatuloy ang kasamaan nila sa pamamagitan ng mga pangakong maliligtas sila sa kamatayan.[b] 23 Kaya mawawala na ang mga hindi totoong pangitain at panghuhula ninyo. Ililigtas ko ang mga mamamayan ko mula sa inyong mga kamay. At malalaman ninyong ako ang Panginoon.”
Ang Pagsamba sa mga Dios-diosan ng mga Namamahala sa Israel
14 Minsan, lumapit sa akin ang mga tagapamahala ng Israel at umupo sa harap ko para sumangguni sa Panginoon. 2 Sinabi sa akin ng Panginoon, 3 “Anak ng tao, ang mga taong iyan ay nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanila sa pagkakasala, kaya hindi ako makakapayag na humingi sila ng payo sa akin. 4 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: ‘Ang sinumang Israelitang nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanya sa pagkakasala, at pagkatapos ay humihingi ng payo sa isang propeta ay tuwiran kong sasagutin sa pamamagitan ng parusang nararapat at ayon sa dami ng kanyang mga dios-diosan. 5 Gagawin ko ito para magsibalik sa akin ang lahat ng Israelitang lumayo sa akin dahil sa mga dios-diosan nila.’
6 “Kaya sabihin mo ngayon sa mga Israelitang ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Magsisi kayo at itakwil na ang mga dios-diosan ninyo at talikuran ang lahat ng kasuklam-suklam ninyong mga gawa. 7 Ang sinumang Israelita o hindi Israelitang nakatira sa Israel, na lumayo sa akin at nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanya sa pagkakasala, at pagkatapos ay humingi ng payo sa akin sa pamamagitan ng paglapit sa mga propeta, ako, ang Panginoon, ang tuwirang sasagot mismo sa kanya sa pamamagitan ng parusa. 8 Kakalabanin ko siya at gagawing babala sa mga tao, at siyaʼy pag-uusapan nila. Ihihiwalay ko siya sa mga mamamayan ko. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.
9 “Kung ang isang propeta ay iniligaw sa pagpapahayag ng mali, itoʼy dahil sa ako, ang Panginoon ay nag-udyok sa kanya para magpahayag ng mali. Parurusahan ko siya at ihihiwalay sa mga mamamayan kong Israel. 10 Ang propetang iyon at ang mga taong humingi ng payo sa kanya ay parehong parurusahan. 11 Gagawin ko ito para ang mga Israelita ay hindi na lumayo sa akin at nang hindi na nila dungisan ang sarili nila sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan. Kung magkagayon, magiging mga mamamayan ko sila at akoʼy magiging Dios nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
12 Sinabi sa akin ng Panginoon, 13 “Anak ng tao, kung ang isang bansa ay magkasala sa pamamagitan ng pagtatakwil sa akin, parurusahan ko sila at aalisin ko ang pinagmumulan ng kanilang pagkain. Magpapadala ako ng taggutom para mamatay sila pati na ang kanilang mga hayop. 14 Kahit kasama pa nila sina Noe, Daniel at Job, silang tatlo lang ang maliligtas dahil sa matuwid nilang pamumuhay. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
15 “Sakaling magpadala ako ng mababangis na hayop sa bansang iyon para patayin ang mga mamamayan, magiging mapanglaw ito at walang dadaan doon dahil sa takot sa mababangis na hayop, 16 kahit na kasama pa nila ang tatlong taong binanggit ko, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi makapagliligtas ang tatlong iyon kahit ng mga anak nila. Sila lang ang maliligtas, at ang bansang iyon ay magiging mapanglaw.
17 “O kung padalhan ko naman ng digmaan ang bansang iyon para patayin ang mga mamamayan at ang mga hayop nila, 18 kahit na kasama pa nila ulit ang tatlong taong binanggit ko, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi pa rin nila maililigtas kahit ang mga anak nila maliban lang sa kanilang sarili.
19 “O kung dahil sa galit ko sa kanila, padalhan ko ng sakit ang bansang iyon para patayin ang mga mamamayan at ang mga hayop nila, 20 kahit na kasama pa nga nila sina Noe, Daniel at Job, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi nila maililigtas kahit ang kanilang mga anak kundi ang mga sarili lang nila dahil sa matuwid nilang pamumuhay.
21 “Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi na magiging kahabag-habag ang Jerusalem kapag ipinadala ko na sa kanila ang apat na mabibigat na parusa – ang digmaan, taggutom, mababangis na hayop at mga karamdaman – na papatay sa mga mamamayan nila at mga hayop. 22 Pero may makakaligtas sa kanila na dadalhin dito sa Babilonia para isama sa inyo bilang mga bihag. Makikita ninyo ang masasamang ugali nila at gawa, at mawawala ang sama ng loob ninyo sa akin sa pagpaparusa ko sa Jerusalem. 23 Oo, mawawala ang sama ng loob ninyo kapag nakita ninyo ang pag-uugali nila at mga gawa, at maiintindihan ninyo na tama ang ginawa ko sa mga taga-Jerusalem. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Jerusalem ay Parang Sanga ng Ubas na Walang Kabuluhan
15 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, sa anong paraan nakakahigit ang sanga ng ubas sa ibang punongkahoy? 3 Ang mga sanga ba nito ay magagamit sa iba pang mga bagay? Maaari ba itong gawing sabitan? 4 Hindi! Pwede lang itong panggatong; ganoon pa man madali itong matupok. 5 Kaya wala talaga itong kabuluhan, sunog man o hindi pa.
6 “Ngayon, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na ang mga mamamayan ng Jerusalem ay tulad ng baging ng ubas na tumutubong kasama ng mga punongkahoy sa kagubatan. Dahil itoʼy walang kabuluhan, susunugin ko sila. 7 Oo, parurusahan ko sila at kahit na makatakas sila sa apoy, tutupukin pa rin sila ng isa pang apoy. At malalaman nila na ako ang Panginoon. 8 Gagawin kong mapanglaw ang lugar nila dahil nagtaksil sila sa akin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Jerusalem ay Katulad ng Babaeng Nangangalunya
16 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, ipaalam mo sa Jerusalem ang mga kasuklam-suklam niyang gawa. 3 Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito sa kanya: Isa kang Canaanita! Ang ama mo ay isang Amoreo at ang iyong ina ay isang Heteo. 4 Nang ipinanganak kaʼy walang nag-asikaso sa iyo. Walang pumutol ng pusod mo, nagpaligo o nagpahid ng asin sa katawan mo at wala ring nagbalot ng lampin sa iyo. 5 Walang nagmalasakit sa iyo para gawin ang mga bagay na ito. Walang sinumang naawa sa iyo. Sa halip, itinapon ka sa kapatagan at isinumpa mula nang araw na isinilang ka.
6 “Pero nang mapadaan ako, nakita kitang kumakawag-kawag sa sarili mong dugo at sinabi ko sa iyong mabubuhay ka. 7 Pinalaki kita tulad ng isang tanim sa bukirin. Lumaki ka at naging dalaga. Lumaki ang dibdib mo at lumago ang iyong buhok, pero hubad ka pa rin.
8 “Nang muli akong mapadaan, nakita kong ganap ka nang dalaga. Kaya tinakpan ko ng aking balabal ang kahubaran mo at ipinangakong ikaw ay aking mamahalin. Gumawa ako ng kasunduan sa iyo, at ikaw ay naging akin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
9 “Pinaliguan kita at nilinis ang mga dugo sa katawan mo at pinahiran din kita ng langis. 10 Pagkatapos, dinamitan kita ng mamahaling damit na pinong linen, seda na may magagandang burda at pinagsuot ng sandalyas na balat. 11 Binigyan kita ng mga alahas: mga pulseras at kwintas. 12 Binigyan din kita ng singsing para sa ilong, hikaw at korona. 13 Pinalamutian kita ng pilak at ginto, dinamitan ng burdadong seda at ang pagkain moʼy mula sa magandang klaseng harina, pulot at langis ng olibo. Napakaganda mo, para kang reyna. 14 Naging tanyag ka sa mga bansa dahil sa labis mong kagandahan, at sa karangyaang ibinigay ko sa iyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
15 “Pero, nagtiwala ka sa iyong kagandahan at ginamit mo ang iyong katanyagan. Tulad ng isang babaeng bayaran, ipinagamit mo ang sarili mo sa kung kani-kaninong lalaki at nagpakasasa sila sa iyo. 16 Ginamit mo ang iba mong damit para pagandahin ang mga sambahan sa matataas na lugar[c] at dooʼy ipinagamit mo ang iyong sarili sa mga lalaki. Hindi ito dapat nangyari. 17 Ginamit mo rin ang mga pilak at gintong alahas na ibinigay ko sa iyo sa paggawa ng mga lalaking dios-diosan na sinamba mo. Kaya para ka na ring nangalunya. 18 Pinadamitan mo ang mga dios-diosang iyon ng mga damit na may mga burda na ibinigay ko sa iyo at inihandog mo sa kanila ang mga langis ko at insenso. 19 Inihandog mo rin sa kanila ang mga pagkaing ibinigay ko sa iyo mula sa magandang klaseng harina, pulot at langis ng olibo. Inihandog mo ito sa kanila bilang mabangong handog. Oo, iyan nga ang nangyari. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
20 “Inihandog mo ang mga anak natin sa iyong mga dios-diosan upang kainin. Hindi ka pa ba nasisiyahan sa pagpapagamit mo sa kanila? 21 Pinatay mo pa ang mga anak ko at inihandog sa mga dios-diosan. 22 Sa lahat ng kasuklam-suklam mong gawain at pagpapagamit sa iba ay hindi mo na naisip kung papaano kita inalagaan noong kabataan mo pa, noong hubad ka at kumakawag-kawag sa sarili mong dugo.
23 “Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, nakakaawa ka! Maliban sa mga kasamaang ito na ginawa mo, 24 nagtayo ka rin ng sambahan para sa mga dios-diosan, doon sa mga plasa 25 at kanto ng mga lansangan. Doon, dinumihan mo ang iyong kagandahan at ipinagamit ang sarili mo sa kung kani-kaninong lalaki. Ipinagamit mo nang ipinagamit ang sarili mo. 26 Nagpagamit ka sa mga taga-Egiptong kalapit-bansa mong malibog. Ginalit mo ako sa pamamagitan ng patuloy mong pagpapagamit. 27 Kaya pinarusahan kita at pinaliit ang nasasakupan mo. Ipinasakop kita sa mga kaaway mong Filisteo. Kahit sila ay nagulat sa iyong kahalayan.
28 “At hindi ka pa nakontento, nagpagamit ka rin sa mga taga-Asiria. Pero pagkatapos, hindi ka pa rin nasiyahan. 29 Lalo pang tumindi ang iyong pagnanasa at nangalunya ka pa sa Babilonia na lugar ng mga mangangalakal, pero hindi ka pa rin nasiyahan.
30 “Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing kay dali mong mahikayat! Para kang babaeng bayaran na walang kahihiyan! 31 Nagtayo ka ng mga sambahan para sa mga dios-diosan sa mga kanto ng lansangan at mga plasa. Mas masahol ka pa kaysa sa babaeng bayaran dahil hindi ka nagpapabayad sa mga gumagamit sa iyo. 32 Isa kang babaeng mangangalunya! Mas gusto mo pang sumiping sa iba kaysa sa asawa mo! 33 Tumatanggap ng bayad ang mga babaeng bayaran, pero ikaw, ikaw pa ang nagbibigay ng mga regalo sa mga mangingibig mo para suhulan silang makipagtalik sa iyo. 34 Kabaligtaran ka ng mga babaeng bayaran! Walang nagyayaya sa iyo para sumiping; ikaw pa ang nagyayaya. Hindi ka na nagpapabayad, ikaw pa ang nagbabayad. Kakaiba ka talaga!
35 “Kaya ikaw babaeng bayaran, pakinggan mo ang sasabihin ko! 36 Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Ipinakita mo ang iyong kahalayan at kahubaran sa mga mangingibig mo at sa mga kasuklam-suklam mong dios-diosan. Pinatay mo ang mga anak mo at inihandog sa kanila. 37 Dahil sa ginawa mong ito, titipunin ko ang mga mangingibig na pinasasaya mo, ang mga minahal at kahit ang mga kinainisan mo. Titipunin ko sila para kalabanin ka at huhubaran kita sa harap nila para makita nila ang kahubaran mo. 38 Paparusahan kita dahil sa pangangalunya mo at pagpatay. At dahil sa tindi ng galit ko at panibugho, papatayin kita. 39 Ibibigay kita sa mga naging mangingibig mo at gigibain nila ang mga sambahang itinayo mo para sa iyong mga dios-diosan. Huhubaran ka nila at kukunin ang naggagandahan mong alahas, at iiwan ka nilang hubad. 40 Dadalhin ka nila sa mga taong babato at tatadtad sa iyo sa pamamagitan ng kanilang espada. 41 Susunugin nila ang bahay mo at parurusahan ka nila sa harap ng maraming babae. Ipapatigil ko ang pagpapagamit mo at ang pagbabayad mo sa iyong mga mangingibig. 42 Sa gayon, mapapawi na ang matinding galit ko sa iyo at ang aking panibugho. Hindi na ako magagalit sa iyo.
43 “Kinalimutan mo kung papaano kita inalagaan noong kabataan mo pa. Sa halip, ginalit mo ako sa iyong mga ginawa, kaya paparusahan kita ayon sa iyong mga gawa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. Hindi baʼt sa dami ng mga kasuklam-suklam mong ginawa, nagawa mo pang dagdagan ito ng kalaswaan?
44 “Tingnan mo, may mga taong nagsabi ng kasabihang ito sa iyo: ‘Kung ano ang ina, ganoon din ang anak.’ 45 Talagang pareho kayo ng iyong ina na nagtakwil ng kanyang asawaʼt mga anak. Ang ina mo ay isang Heteo at ang ama mo ay isang Amoreo. 46 Ang nakatatanda mong kapatid na babae ay ang Samaria sa hilaga kasama ang mga anak niyang babae[d] at ang nakababata mong kapatid na babae ay ang Sodom sa timog pati na ang mga anak niyang babae. 47 Sinunod mo ang mga pag-uugali at kasuklam-suklam na gawain nila. At sa loob lang ng maikling panahon ay mas masama pa ang ginawa mo kaysa sa kanila. 48 Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay nagsasabi na ang kapatid mong Sodom at ang mga anak niyang babae ay hindi gumawa ng tulad ng ginawa mo at ng mga anak mong babae. 49 Ang kasalanan ng kapatid mong Sodom ay pagmamataas. Siya at ang mga anak niyang babae ay sagana sa pagkain at maunlad ang buhay, pero hindi sila tumulong sa mahihirap at mga nangangailangan. 50 Sa pagmamataas nila, gumawa sila ng kasuklam-suklam sa paningin ko, kaya pinarusahan ko sila katulad nga ng nakita mo.
51 “Kahit ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati man lang ng mga kasalanan mo. 52 Dapat kang mahiya dahil mas marami kang ginawang kasuklam-suklam kaysa sa mga kapatid mong babae, kaya lumabas pang mas matuwid sila kaysa sa iyo. 53 Pero darating ang araw na muli kong pauunlarin ang Sodom at Samaria, pati na ang mga anak nilang babae. At ikaw ay muli kong pauunlarin kasama nila, 54 para mapahiya ka sa lahat ng ginawa mo, dahil nagmukha pa silang matuwid kaysa sa iyo. 55 Oo, muli kong pauunlarin ang mga kapatid mong babae – ang Sodom at Samaria, ganoon din ang mga anak nilang babae. Ito rin ang mangyayari sa iyo at sa mga anak mong babae. 56 Nilait mo noon ang Sodom noong ikaw ay nagmamataas pa 57 at hindi pa nabubunyag ang iyong kasamaan. Pero ngayon, katulad ka na rin niya. Nilalait ka na rin ng mga taga-Edom at ng mga bansa sa palibot niya, pati na ng mga Filisteo. Kinukutya ka ng mga nakapalibot sa iyo. 58 Dadanasin mo ang parusa dahil sa iyong kahalayan at kasuklam-suklam na gawain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
59 Ito pa ang sinabi ng Panginoong Dios. “Parurusahan kita nang nararapat, dahil binalewala mo ang iyong pangako sa pamamagitan ng pagsira sa kasunduan natin. 60 Pero tutuparin ko pa rin ang kasunduang ginawa ko sa iyo noong kabataan mo pa at gagawa ako sa iyo ng kasunduan na walang hanggan. 61 Sa gayon, maaalala mo ang mga ginawa mo at mapapahiya ka, lalo na kung gagawin ko ang iyong mga kapatid na babae, ang Samaria at Sodom, na iyong mga anak, kahit na hindi sila kasama sa kasunduan natin. 62 Patitibayin ko ang kasunduan ko sa iyo, at malalaman mong ako ang Panginoon. 63 Maaalala mo ang mga kasalanan mo at mahihiya ka, lalo na kapag pinatawad ko na ang lahat ng ginawa mo, hindi ka na makakapagsalita dahil sa sobrang kahihiyan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Agila at sa Halamang Gumagapang
17 Sinabi ng Panginoon sa akin, 2 “Anak ng tao, sabihin mo ang talinghaga na ito sa mga mamamayan ng Israel. 3 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: May malaking agila na lumipad papuntang Lebanon. Malapad ang pakpak nito at malago ang balahibong sari-sari ang kulay. Dumapo siya sa tuktok ng punong sedro, 4 pinutol ang umuusbong na sanga at dinala sa lupain ng mga mangangalakal at doon itinanim. 5 Pagkatapos, kumuha naman ng binhi ang agila mula sa lupain ng Israel at itinanim sa matabang lupa sa tabi ng ilog at mabilis na tumubo. 6 Tumubo ito na isang mababang halaman na gumagapang. Ang mga sanga nitoʼy gumapang papunta sa agila at ang ugat ay lumalim. Nagsanga pa ito at marami pang umusbong.
7 “Pero may isa pang malaking agilang dumating Malapad din ang mga pakpak at malago ang balahibo. Ang mga ugat at sanga ng halamang iyon ay gumapang papunta sa agila upang mabigyan ito ng mas maraming tubig kaysa sa lupang tinubuan nito. 8 Ginawa ito ng halaman kahit na nakatanim ito sa matabang lupa na sagana sa tubig para tumubo, mamunga at maging maganda.
9 “Ngayon, ako, ang Panginoong Dios, ay magtatanong: Patuloy ba itong tutubo? Hindi! Bubunutin ito at kukunin ang mga bunga at pababayaang malanta. Napakadali nitong bunutin, hindi na kinakailangan ng lakas o maraming tao para bunutin ito. 10 Kahit na itanim itong muli sa ibang lugar hindi na ito tutubo? Tuluyan na itong malalanta kapag nahipan na ng mainit na hangin mula sa silangan.”
Ang Kahulugan ng Talinghaga
11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, 12 “Tanungin mo ang mga mapagrebeldeng mamamayan ng Israel kung alam nila ang kahulugan ng talinghagang ito. Sabihin mo na ito ang kahulugan: Pumunta ang hari ng Babilonia sa Jerusalem at binihag ang hari nito at ang mga tagapamahala, at dinala sa Babilonia. 13 Kinuha niya ang isa sa mga anak ng hari ng Juda at gumawa sila ng kasunduan, pinasumpa niya ang anak ng hari na maglilingkod sa kanya. Binihag din niya ang mga marangal na tao ng Juda, 14 upang hindi na makabangong muli ang kahariang ito at hindi na makalaban sa kanya. Ang kahariang ito ay mananatili kung ipagpapatuloy niya ang kanyang kasunduan sa Babilonia. 15 Pero nagrebelde ang hari ng Juda sa hari ng Babilonia. Nagpadala ng mga tao sa Egipto ang hari ng Juda para humingi ng mga kabayo at sundalo. Pero magtatagumpay kaya siya? Makakatakas kaya siyaʼt makakaligtas sa parusa dahil sa pagsira niya sa kasunduan sa Babilonia? 16 Hindi! Sapagkat ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpa na ang hari ng Juda ay siguradong mamamatay sa Babilonia dahil sinira niya ang sinumpaang kasunduan sa hari nito na nagluklok sa kanya sa trono. 17 Hindi siya matutulungan ng Faraon[e] sa digmaan, pati na ang napakarami at makapangyarihang sundalo nito kapag sumalakay na ang mga taga-Babilonia para puksain ang maraming buhay. 18 Sinira ng hari ng Juda ang kasunduang sinumpaan niya sa hari ng Babilonia, kaya hindi siya makakaligtas.
19 “Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang parurusahan ko siya dahil sa pagsira niya sa kasunduang sinumpaan niya sa pangalan ko. 20 Huhulihin ko siya at dadalhin sa Babilonia at dooʼy paparusahan ko siya dahil sa pagtataksil niya sa akin. 21 Mamamatay ang kanyang mga sundalong tumatakas, at ang matitira sa kanila ay mangangalat sa ibaʼt ibang lugar. At malalaman ninyo na akong Panginoon ang nagsabi nito.”
Ang Mabuting Kinabukasan na Ipinangako ng Dios
22-23 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kukuha ako ng usbong sa itaas ng punong sedro at itatanim ko sa ibabaw ng pinakamataas na bundok ng Israel. Lalago ito, magbubunga at magiging magandang punong sedro. Pamumugaran ito ng lahat ng uri ng ibon at sisilong naman ang ibaʼt ibang hayop sa ilalim nito. 24 Sa ganoon, malalaman ng lahat ng mga punongkahoy sa lupa na ako nga ang Panginoong pumuputol ng matataas na punongkahoy. Ako rin ang nagpapatuyo sa mga sariwang punongkahoy at nagpapasariwa ng natutuyong puno. Ako, ang Panginoon, ang nangako nito, at talagang gagawin ko ito.”
Mamamatay ang Nagkasala
18 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Ano ang ibig ninyong sabihin sa kasabihang ito sa Israel, ‘Ang mga magulang ay kumain ng maasim na ubas at ang asim nitoʼy matitikman pati ng kanilang mga anak?’
3 “Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi nʼyo na babanggitin ang kasabihang ito sa Israel. 4 Makinig kayo! Akin ang lahat ng may buhay, maging ang buhay ng mga magulang o buhay ng mga anak. Ang taong nagkasala ang siyang mamamatay. 5 Halimbawa, may isang taong matuwid na ginagawa kung ano ang tama. 6 Hindi siya sumasamba sa mga dios-diosan ng Israel o kumakain ng mga inihandog sa mga dios-diosang ito sa mga sambahan sa mga bundok. Hindi siya sumisiping sa asawa ng iba o sa babaeng may buwanang dalaw. 7 Hindi siya nang-aapi at ibinabalik niya ang mga isinangla ng mga nangungutang sa kanya. Hindi siya nagnanakaw, pinapakain niya ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang damit. 8 Hindi siya nagpapatubo kapag nagpapahiram ng pera. Hindi rin siya gumagawa ng masama at wala siyang kinakampihan sa kanyang paghatol. 9 Sinusunod niyang mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin. Ang taong ganito ay matuwid at patuloy na mabubuhay. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
10 “Pero kung may anak siyang lalaki na malupit at mamamatay-tao, o gumagawa ng sumusunod na masasamang gawain 11 na hindi ginawa ng kanyang ama: Kumakain siya ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosan sa mga sambahan sa bundok at sumisiping sa asawa ng iba. 12 Nang-aapi ng mahihirap at nangangailangan. Nagnanakaw at hindi isinasauli ang isinangla ng mga nangutang sa kanya. Sumasamba sa mga dios-diosan, gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, 13 at nagpapatubo sa mga may utang sa kanya. Maliligtas kaya siya? Hindi! Mamamatay siya dahil sa mga ginawa niyang kasuklam-suklam at walang ibang dapat sisihin sa kamatayan niya kundi siya.
14 “Kung ang masamang taong ito ay may anak na lalaki at nakita niya ang lahat ng masamang ginawa ng kanyang ama pero hindi niya ito ginaya, 15 hindi siya sumamba sa mga dios-diosan ng Israel o kumain ng mga pagkaing inihandog sa mga dios-diosang ito sa mga sambahan sa bundok, hindi siya sumisiping sa hindi niya asawa, 16 hindi siya nang-aapi at hindi niya inaangkin ang mga garantiya ng mga umutang sa kanya, hindi siya nagnanakaw, pinapakain niya ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang damit, 17 hindi siya gumagawa ng masama at hindi nagpapatubo sa may utang sa kanya, tinutupad niya ang mga utos koʼt mga tuntunin, ang taong itoʼy hindi mamamatay dahil sa kasalanan ng kanyang ama. Patuloy siyang mabubuhay. 18 Pero ang kanyang ama ay mamamatay dahil mukha siyang pera, magnanakaw at gumagawa ng masama sa kanyang mga kababayan.
19 “Pero maaaring itanong ninyo kung bakit hindi dapat parusahan ang anak dahil sa kasalanan ng kanyang ama. Kung ang anak ay matuwid, gumagawa ng tama at sinusunod ang mga tuntunin ko, patuloy siyang mabubuhay. 20 Ang taong nagkasala ang siyang dapat mamatay. Hindi dapat parusahan ang anak dahil sa kasalanan ng kanyang ama at ang ama naman ay hindi dapat parusahan dahil sa kasalanan ng kanyang anak. Ang taong matuwid ay gagantimpalaan sa ginawa niyang kabutihan at ang taong masama ay parurusahan dahil sa ginawa niyang kasamaan.
21 “Ngunit kung ang taong masama ay magsisi sa lahat ng kasalanan niya at sumunod sa aking mga tuntunin at gumawa ng matuwid at tama, hindi siya mamamatay kundi patuloy na mabubuhay. 22 Hindi na siya mananagot sa lahat ng nagawa niyang kasalanan at dahil sa ginawa niyang matuwid, patuloy siyang mabubuhay. 23 Ako, ang Panginoong Dios ay hindi natutuwa kapag namamatay ang masama. Masaya ako kapag nagsisi siya at patuloy na mabuhay.
24 “Pero kung ang taong matuwid ay tumigil sa paggawa ng matuwid, nagpakasama at gumawa pa ng kasuklam-suklam gaya ng ginagawa ng mga taong masama, patuloy pa rin kaya siyang mabubuhay? Siyempre hindi! Kalilimutan na ang mga ginawa niyang matuwid. At dahil sa pagtataksil niya sa akin at sa mga ginawa niyang kasalanan, mamamatay siya.
25 “Pero baka naman sabihin ninyo, ‘Hindi tama ang ginagawa ng Panginoon.’ Makinig kayo, kayong mga mamamayan ng Israel! Ang ginagawa ko ba ang hindi tama o ang ginagawa ninyo ang hindi tama? 26 Kapag ang taong matuwid ay tumigil sa paggawa ng matuwid at magpakasama, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan. 27 Pero kung ang taong masama ay tumigil sa paggawa ng masama at gumawa ng matuwid at tama, maililigtas niya ang buhay niya. 28 Dahil inamin niya ang kasalanan niya at pinagsisihan ito, hindi siya mamamatay at patuloy na mabubuhay. 29 Ngunit baka sabihin ninyo mamamayan ng Israel, ‘Hindi tama ang ginagawa ng Panginoon!’ Mga mamamayan ng Israel, ang mga ginagawa ko ba ang hindi tama o ang ginagawa ninyo?”
30 “Kaya sinasabi ko sa inyo, mga mamamayan ng Israel, ako, ang Panginoong Dios, ako ang hahatol sa bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga ginawa. Kaya, magsisi na kayo! Talikuran na ninyo ang lahat ng inyong kasalanan para hindi kayo mapahamak. 31 Mga mamamayan ng Israel, bakit gusto ninyong mamatay? Tumigil na kayo sa paggawa ng kasalanan at baguhin na ang inyong pamumuhay. 32 Hindi ako natutuwa kapag may namamatay. Kaya magsisi na kayo para kayoʼy mabuhay! Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Panaghoy para sa mga Pinuno ng Israel
19 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Awitin mo ang panaghoy na ito para sa mga pinuno ng Israel:
2 “Ang iyong ina ay parang isang leon na inaalagaan ang mga anak niya kasama ng iba pang mga leon. 3 Inalagaan niya ang isa sa mga anak niya, lumaki ito at naging malakas na leon. Natuto itong manghuli at manlapa ng mga tao. 4 Nang mabalitaan ito ng ibang bansa, hinuli nila ito at dinala sa Egipto na nakakadena.
5 “Nang malaman ng ina ng leon na bigo ang pangarap niya para sa kanyang anak, pinalaki niya uli ang isa pang anak at naging malakas na leon din ito. 6 Sumama ito sa iba pang mga leon at natutong manghuli at kumain ng tao. 7 Giniba niya ang mga kampo ng kanyang mga kaaway at winasak ang kanilang mga bayan. Natatakot ang mga mamamayan kapag naririnig ang atungal niya.
8 “Kaya nagkaisa ang mga bansa para labanan at palibutan siya. Inilabas nila ang kanilang mga lambat at hinuli siya, 9 ikinulong na nakakadena sa isang kulungan at dinala sa hari ng Babilonia. Ikinulong nila ito upang hindi na marinig ang pag-atungal nito sa kabundukan ng Israel.
10 “Ang iyong ina ay tulad ng isang ubas na itinanim sa tabi ng tubig. Nagkaroon ito ng maraming sanga at bunga dahil sagana sa tubig. 11 Matitibay ang sanga nito at maaaring gawing setro ng hari. Mas tumaas pa ang ubas na ito kaysa sa ibang halaman. Kitang-kita ito dahil mataas at maraming sanga. 12 Pero dahil sa galit, binunot ito at itinapon sa lupa. Ang mga bunga nitoʼy natuyo dahil sa mainit na hangin mula sa silangan. Natuyo rin ang matatayog na sanga, nalaglag at pagkatapos ay nasunog 13 Ngayon, muli itong itinanim sa ilang, sa lugar na tuyo at walang tubig. 14 Isa sa mga sanga nitoʼy nasunog at kumalat ang apoy sa iba pang mga sanga at tinupok ang mga bunga nito. Kaya wala nang natirang sanga na maaaring gawing setro ng hari. Ang panaghoy na itoʼy dapat awitin ngayon.”
Ang mga Rebeldeng Israelita
20 Nang ikasampung araw ng ikalimang buwan, nang ikapitong taon ng aming pagkabihag, may ilang tagapamahala ng Israel na lumapit sa akin para humingi ng payo mula sa Panginoon. 2 Sinabi sa akin ng Panginoon, 3 “Anak ng tao, sabihin mo sa mga tagapamahala ng Israel na ako, ang Panginoong Dios ay nagtatanong, ‘Pumarito ba kayo para humingi ng payo sa akin?’ Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi ako magbibigay ng payo sa kanila.
4 “Anak ng tao, hatulan mo sila. Ipamukha sa kanila ang mga kasuklam-suklam na bagay na ginawa ng mga ninuno nila. 5 Sabihin mo sa kanila na ito ang sinabi ng Panginoong Dios: Nang piliin ko ang Israel na lahi ni Jacob at ipakilala ang sarili ko sa kanila roon sa lupain ng Egipto, sumumpa ako sa kanila na ako ang Panginoon na magiging Dios nila. 6 Isinumpa ko sa kanila na palalayain ko sila sa Egipto at dadalhin sa lupaing pinili ko para sa kanila – isang maganda at masaganang lupain,[f] ang lupaing pinakamaganda sa lahat. 7 Pagkatapos, sinabi ko sa kanila, ‘Itakwil na ninyo ang inyong mga dios-diosan, huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan ng Egipto, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios.’
8 “Pero nagrebelde sila at hindi nakinig sa akin. Hindi nila itinakwil ang kasuklam-suklam na dios-diosan ng Egipto. Kaya sinabi kong ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila roon sa Egipto. 9 Ngunit hindi ko ito ginawa, dahil ayaw kong malagay sa kahihiyan ang pangalan ko sa mga bansa sa palibot na nakaalam na inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto. 10 Kaya pinalaya ko sila sa Egipto at dinala sa ilang. 11 At dooʼy ibinigay ko sa kanila ang mga utos at mga tuntunin ko na dapat nilang sundin para mabuhay sila. 12 Ipinatupad ko rin sa kanila ang Araw ng Pamamahinga bilang tanda ng aming kasunduan. Magpapaalala ito sa kanila na ako ang Panginoong pumili sa kanila na maging mga mamamayan ko.
13 “Pero nagrebelde pa rin sila sa akin doon sa ilang. Hindi nila sinunod ang mga utos ko at mga tuntunin, na kung susundin nila ay mabubuhay sila. At nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Kaya sinabi kong ibubuhos ko sa kanila ang galit ko at lilipulin ko sila sa ilang. 14 Ngunit hindi ko ito ginawa, dahil ayaw kong malagay sa kahihiyan ang pangalan ko sa mga bansa sa palibot na nakaalam na inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto. 15 Pero isinumpa ko sa kanila roon sa ilang na hindi ko sila dadalhin sa lupaing ibinigay ko sa kanila – ang maganda at masaganang lupain, ang lupaing pinakamaganda sa lahat. 16 Dahil hindi nila sinunod ang mga utos koʼt mga tuntunin at nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Higit nilang pinahalagahan ang pagsamba sa mga dios-diosan nila.
17 “Ngunit sa kabila ng ginawa nila, kinaawaan ko sila at hindi nilipol doon sa ilang. 18 Sinabihan ko ang mga anak nila roon sa ilang, ‘Huwag ninyong tutularan ang mga tuntunin at pag-uugali ng inyong mga magulang at huwag ninyong dudungisan ang sarili ninyo sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan. 19 Ako ang Panginoon na inyong Dios. Sundin ninyong mabuti ang mga utos koʼt mga tuntunin. 20 Pahalagahan ninyo ang Araw ng Pamamahinga, dahil tanda ito ng kasunduan natin at nagpapaalala sa inyong ako ang Panginoon na inyong Dios.’
21 “Pero nagrebelde rin sa akin ang mga anak nila. Hindi nila sinunod ang mga utos ko at tuntunin, na kapag tinupad nilaʼy mabubuhay sila. At hindi nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Kaya sinabi kong ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila roon sa ilang. 22 Ngunit hindi ko rin ito ginawa, dahil ayaw kong malagay sa kahihiyan ang pangalan ko sa mga bansa sa palibot na nakaalam na inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto. 23 Pero isinumpa ko sa kanila roon sa ilang na pangangalatin ko sila sa ibaʼt ibang bansa, 24 dahil hindi nila sinunod ang mga utos koʼt panuntunan at hindi nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa kanila. Higit nilang pinahalagahan ang pagsamba sa mga dios-diosan ng kanilang mga magulang. 25 Pinabayaan ko silang sundin ang mga utos at mga tuntuning hindi mabuti at hindi makapagbibigay ng magandang buhay. 26 Pinabayaan ko silang dungisan ang mga sarili nila sa pamamagitan ng paghahandog sa mga dios-diosan pati na ang paghahandog ng kanilang mga panganay na lalaki. Pinayagan ko ito para mangilabot sila at malaman nilang ako ang Panginoon.
27 “Kaya anak ng tao, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel, na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Ang inyong mga ninuno ay patuloy na lumapastangan at nagtakwil sa akin. 28 Sapagkat nang dalhin ko sila sa lupaing ipinangako ko sa kanila, nag-alay sila ng mga handog, mga insenso at mga inumin sa matataas na lugar at malalagong punongkahoy. Kaya nagalit ako sa kanila. 29 Tinanong ko sila, ‘Ano iyang matataas na lugar na pinupuntahan ninyo?’ ” Ang sagot nila, “Bama.”[g] (Hanggang ngayon, Bama ang tawag sa matataas na lugar na iyon).
30 “Sabihin mo ngayon sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: Dudungisan din ba ninyo ang inyong sarili gaya ng ginawa ng inyong mga ninuno at sasamba rin ba kayo sa mga kasuklam-suklam na dios-diosan? 31 Ngayon nga ay dinudumihan ninyo ang inyong sarili sa pamamagitan ng paghahandog sa mga dios-diosan pati na ang paghahandog ninyo ng inyong mga anak na lalaki bilang handog na sinusunog. Kaya mga mamamayan ng Israel, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay hindi magbibigay ng payo sa inyo kahit humingi kayo sa akin.
32 “Hinding-hindi mangyayari ang iniisip ninyo. Hindi kayo magiging katulad ng mga bansa na ang mga mamamayan ay sumasamba sa mga dios-diosang gawa sa bato at kahoy. 33 Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang pamumunuan ko kayo ng may kapangyarihan at poot. 34 Sa pamamagitan ng kapangyarihan ko at poot, kukunin ko kayo mula sa mga bansang pinangalatan ninyo, 35 at dadalhin sa ilang na lugar ng mga bansa. At doon, haharapin ko kayo at hahatulan. 36 Kung hinatulan ko ang inyong mga ninuno sa ilang ng Egipto, hahatulan ko rin kayo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 37 Ibubukod ko ang masasama sa inyo at patitibayin ko ang kasunduan ko sa inyo. 38 Ihihiwalay ko sa inyo ang mga naghimagsik sa akin. Kahit palabasin ko sila sa bansang bumihag sa kanila, hindi pa rin sila makakapasok sa lupain ng Israel. At malalaman ninyong ako nga ang Panginoon!”
39 Sinabi pa ng Panginoong Dios sa mga mamamayan ng Israel, “Sige, magpatuloy kayong maglingkod sa mga dios-diosan kung ayaw ninyong sumunod sa akin. Pero darating ang araw na hindi na ninyo malalapastangan ang pangalan ko sa pamamagitan ng paghahandog sa inyong mga dios-diosan ninyo. 40 Sapagkat doon sa banal kong bundok, sa mataas na bundok ng Israel, ang buong mamamayan ng Israel ay maglilingkod sa akin. Doon ko kayo tatanggapin at hihilingin na mag-alay kayo sa akin ng ibaʼt ibang handog at mabuting mga kaloob. 41 Kapag nakuha ko na kayo mula sa mga bansa kung saan kayo nangalat, tatanggapin ko na kayo katulad ng pagtanggap ko sa mabangong insenso na inihahandog sa akin. Ipapakita ko sa inyo ang kabanalan ko habang nakatingin ang ibang mga bansa. 42 At kapag nadala ko na kayo sa lupain ng Israel na ipinangako kong ibibigay sa inyong mga ninuno, malalaman ninyong ako ang Panginoon. 43 At doon ninyo maaalala ang mga ginawa ninyong nagparumi sa inyong mga sarili at kamumuhian ninyo ang mga sarili ninyo dahil sa lahat ng ginawa ninyong kasamaan. 44 O mga mamamayan ng Israel, malalaman ninyong ako ang Panginoon kapag pinakitunguhan ko kayo ng mabuti, sa kabila ng marumi at masama ninyong ginawa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Mensahe ng Dios Laban sa Timog ng Juda
45 Sinabi sa akin ng Panginoon, 46 “Anak ng tao, humarap ka sa timog at magsalita ka laban sa mga lugar doon na may mga kagubatan. 47 Sabihin mo sa mga lugar na iyon na ako, ang Panginoong Dios, ang magpapaningas at susunog sa mga kagubatan, sariwa man ito o tuyo. Walang makakapatay sa nagliliyab na apoy at susunugin nito ang lahat mula sa hilaga hanggang sa timog. 48 At makikita ng lahat na ako, ang Panginoon, ang sumunog nito at hindi ito mapapatay.
49 “Pagkatapos ay sinabi ko, ‘O Panginoong Dios, sinasabi ng mga tao na nagsasalita lang daw ako ng mga talinghaga.’ ”
Ang Babilonia ay Gagamitin ng Panginoon Bilang Espada para Parusahan ang Israel
21 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, humarap ka sa Jerusalem at magsalita ka laban sa Israel at sa mga sambahan nito. 3 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: Kalaban ko kayo! Bubunutin ko ang aking espada at papatayin ko kayong lahat, mabuti man o masama. 4 Oo, papatayin ko kayong lahat mula sa timog hanggang sa hilaga. 5 At malalaman ng lahat na ako ang Panginoon. Binunot ko na ang aking espada at hindi ko ito ibabalik sa lalagyan hanggaʼt hindi natatapos ang pagpatay nito.
6 “Kaya anak ng tao, umiyak ka nang may pagdaramdam at kapaitan. Iparinig sa kanila ang pag-iyak mo. 7 Kapag tinanong ka nila kung bakit ka umiiyak, sabihin mong dahil sa balitang lubhang nakakatakot, nakakapanghina, nakakayanig at nakakahimatay. Hindi magtatagal at mangyayari ito. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
8 Sinabi pa ng Panginoon sa akin, 9-10 “Anak ng tao, sabihin mo ang ipinapasabi ko sa mga tao. Sabihin mong ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito: Hinasa ko na ang espada ko para patayin kayo. Pinakintab ko ito nang husto para kuminang na parang kidlat. Ngayon, matutuwa pa ba kayo? Kukutyain nʼyo pa ba ang mga turo at pagdidisiplina ko sa inyo? 11 Hinasa ko naʼt pinakintab ang espada, at nakahanda na itong gamitin sa pagpatay.
12 “Anak ng tao, umiyak ka nang malakas at dagukan mo ang iyong dibdib dahil ang espadang iyon ang papatay sa mga mamamayan kong Israel, pati na sa kanilang mga pinuno. 13 Isang pagsubok ito sa mga mamamayan ko. Huwag nilang iisipin na hindi ko gagawin ang pagdidisiplinang ito na kinukutya nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 14 Kaya, anak ng tao, sabihin mo ang ipinasasabi ko sa iyo. Isuntok mo ang iyong kamao sa iyong palad sa galit, at kumuha ka ng espada at itaga ito ng dalawa o tatlong ulit. Ito ang tanda na marami sa kanila ang mamamatay sa digmaan. 15 Manginginig sila sa takot at maraming mamamatay sa kanila. Ilalagay ko ang espada sa pintuan ng kanilang lungsod para patayin sila. Kumikislap ito na parang kidlat at handang pumatay. 16 O espada, tumaga ka sa kaliwa at sa kanan. Tumaga ka kahit saan ka humarap. 17 Isusuntok ko rin ang aking kamao sa aking palad, nang sa gayoʼy mapawi ang galit ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
18 Sinabi sa akin ng Panginoon, 19 “Anak ng tao, gumawa ka ng mapa at iguhit mo ang dalawang daan sa mapa na siyang dadaanan ng hari ng Babilonia na may dalang espada. Ang daang iguguhit mo ay magsisimula sa Babilonia. Maglagay ka ng karatula sa kanto ng dalawang daan para malaman kung saan papunta ang bawat daang ito. 20 Ang isa ay papuntang Rabba, ang kabisera ng Ammon at ang isa naman ay papuntang Jerusalem, ang kabisera ng Juda na napapalibutan ng mga pader. 21 Sapagkat tatayo ang hari ng Babilonia sa kanto ng dalawang daan na naghiwalay at aalamin niya kung aling daan ang dadaanan niya sa pamamagitan ng palabunutan ng mga palaso, pagtatanong sa mga dios-diosan, at pagsusuri sa atay ng hayop na inihandog. 22 Ang mabubunot ng kanyang kamay ay ang palasong may tatak na Jerusalem. Kaya sisigaw siya at mag-uutos na salakayin ang Jerusalem at patayin ang mga mamamayan doon. Maglalagay siya ng malalaking troso na pangwasak ng pintuan ng Jerusalem. Tatambakan nila ng lupa ang tabi ng pader ng lungsod para makaakyat sila sa pader. 23 Hindi makapaniwala ang mga taga-Jerusalem na mangyayari ito sa kanila dahil may kasunduan sila sa Babilonia. Pero ipapaalala ng hari ng Babilonia ang tungkol sa kasalanan nila at pagkatapos ay dadalhin silang bihag.
24 “Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Ang inyong kasalanan ay nahayag at ipinakita ninyo ang inyong pagiging rebelde at makasalanan. At dahil sa ginagawa ninyong ito, ipapabihag ko kayo.
25 “Ikaw na masama at makasalanang pinuno ng Israel, dumating na rin ang oras ng pagpaparusa sa iyo. 26 Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Alisin mo ang turban at korona mo dahil ngayon, magbabago na ang lahat. Ang mga hamak ay magiging makapangyarihan at ang mga makapangyarihan ay magiging hamak. 27 Wawasakin ko ang Jerusalem! Hindi ito maitatayong muli hanggang sa dumating ang pinili ko na maging hukom nito. Sa kanya ko ito ipagkakatiwala.
28 “At ikaw anak ng tao, sabihin mo sa mga taga-Ammon na humahamak sa mga taga-Israel na ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito sa kanila: Ang espada ay handa nang pumatay. Pinakintab ko na ito at kumikislap na parang kidlat. 29 Hindi totoo ang pangitain nila tungkol sa espada. Ang totoo, handang-handa na ang espada sa pagputol ng leeg ng mga taong masama. Dumating na ang oras ng pagpaparusa sa kanila. 30 Ibabalik ko kaya ang espada sa lalagyan nito nang hindi ko kayo napaparusahan? Hindi! Parurusahan ko kayo sa sarili ninyong bansa, sa lugar na kung saan kayo ipinanganak. 31 Ibubuhos ko sa inyo ang matindi kong galit at ibibigay ko kayo sa malulupit na mga tao na bihasang pumatay. 32 Magiging panggatong kayo sa apoy, at ang inyong mga dugo ay mabubuhos sa inyong lupa at hindi na kayo maaalala pa. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang mga Kasalanan ng Jerusalem
22 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, handa ka na bang hatulan ang Jerusalem? Handa ka na bang humatol sa lungsod na ito ng mga kriminal? Ipaalam mo sa kanya ang kasuklam-suklam niyang gawain. 3 Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: O lungsod ng mga kriminal, darating na sa iyo ang kapahamakan. Dinudungisan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga dios-diosan. 4 Mananagot ka dahil sa mga pagpatay mo at dahil dinungisan mo ang iyong sarili sa paggawa ng mga dios-diosan. Dumating na ang wakas mo. Kaya pagtatawanan ka at kukutyain ng mga bansa. 5 O lungsod na sikat sa kasamaan at kaguluhan, kukutyain ka ng mga bansa, malayo man o malapit. 6 Tingnan mo ang mga pinuno ng Israel na nakatira sa iyo, ginagamit nila ang kapangyarihan nila sa mga pagpatay. 7 Hindi na iginagalang ang mga magulang sa iyong lugar. Ang mga dayuhang naninirahan sa lugar moʼy kinikikilan, at ang mga biyuda at mga ulila ay hindi tinatrato nang mabuti. 8 Hindi mo iginagalang ang mga bagay na itinuturing kong banal, pati ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa iyo. 9 May mga tao riyan na nagsisinungaling para ipapatay ang iba. Mayroon ding kumakain ng mga inihandog sa mga dios-diosan sa sambahan sa mga bundok at gumagawa ng malalaswang gawain. 10 Mayroon ding mga tao riyan na sumisiping sa asawa ng kanyang ama o sa babaeng may buwanang dalaw na itinuturing na marumi. 11 Mayroon ding sumisiping sa asawa ng iba, o sa manugang niyang babae, o sa kapatid niyang babae. 12 Ang iba ay nagpapasuhol para pumatay ng tao, ang iba ay nagpapatubo ng labis, at ang iba ay nagiging mayaman dahil mukhang pera. Kinalimutan na nila ako. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 13 Isusuntok ko ang aking kamao sa palad ko sa galit, dahil sa mga pangingikil at mga pagpatay ninyo. 14 Magiging matapang pa rin ba kayo at malakas ang loob sa oras na parusahan ko na kayo? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito: Siguradong paparusahan ko kayo. Tiyak na gagawin ko ito. 15 Pangangalatin ko kayo sa ibaʼt ibang bansa at patitigilin ko ang mga ginagawa ninyo na nagpaparumi sa inyo. 16 Lalapastanganin kayo ng mga taga-ibang bansa at malalaman ninyo na ako ang Panginoon.”
17 Sinabi rin sa akin ng Panginoon, 18 “Anak ng tao, ang mga mamamayan ng Israel ay wala nang halaga sa akin. Tulad sila ng sari-saring latak ng tanso, lata, bakal at tingga na naiwan pagkatapos dalisayin ang pilak sa hurno. 19 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sapagkat wala kayong kabuluhan, titipunin ko kayo sa Jerusalem, 20-21 katulad ng taong nagtitipon ng pilak, tanso, bakal, tingga at lata sa nagniningas na hurno para tunawin. Titipunin ko kayo sa Jerusalem para ibuhos sa inyo ang galit ko at doon ko kayo parurusahan na parang mga metal na tinutunaw. 22 Kung paanong ang pilak ay tinutunaw sa hurno, tutunawin din kayo sa Jerusalem at malalaman ninyo na ako, ang Panginoon, ang nagpadama ng galit ko sa inyo!”
23 Sinabing muli sa akin ng Panginoon, 24 “Anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na dahil ayaw nilang linisin ko sila, hindi ko sila kaaawaan[h] sa araw na ibuhos ko sa kanila ang aking galit. 25 Ang mga pinuno nila ay nagpaplano ng masama. Para silang umaatungal na leon na lumalapa ng kanyang biktima. Pumapatay sila ng tao, kumukuha ng mga kayamanan at mahahalagang bagay, at marami ang naging biyuda dahil sa mga pagpatay nila. 26 Ang mga pari nilaʼy hindi sumusunod sa mga utos ko at nilalapastangan nila ang mga bagay na itinuturing kong banal. Para sa kanila, walang pagkakaiba ang banal at ang hindi banal, ang malinis at ang marumi, at hindi nila sinusunod ang mga ipinapagawa ko sa kanila sa Araw ng Pamamahinga. Hindi nila ako iginagalang. 27 Ang mga pinuno nilaʼy parang mga lobong lumalapa sa mga biktima nito. Pumapatay sila para magkapera. 28 Pinagtatakpan ng kanilang mga propeta ang mga kasalanan nila sa pamamagitan ng mga hindi totoong pangitain at mga hula. Sinasabi nilang iyon daw ang sinabi ng Panginoong Dios kahit na hindi ito sinabi ng Panginoon. 29 Nandaraya at nagnanakaw ang mga tao. Inaapi nila ang mahihirap, ang mga nangangailangan at ang mga dayuhang naninirahang kasama nila. Hindi nila binibigyan ng katarungan ang mga ito.
30 “Naghahanap ako ng taong makapagtatanggol ng lungsod, at mamamagitan sa akin at sa mga tao para hindi ko gibain ang lungsod na ito, pero wala akong nakita. 31 Kaya ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila. Lilipulin ko sila dahil sa ginawa nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Magkapatid na Babaeng Masama
23 Sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, noon ay may magkapatid na babae. 3 Nang mga bata pa sila, ibinenta nila ang kanilang dangal doon sa Egipto. Hinayaan nilang magpasasa ang mga lalaki sa kanilang katawan. 4 Si Ohola ang panganay at ang bunso naman ay si Oholiba. Naging asawa ko ang dalawang ito at nagkaroon kami ng mga anak. Si Ohola ay ang Samaria at si Oholiba naman ay ang Jerusalem.
5 “Kahit na asawa ko na si Ohola, patuloy pa rin siyang nagpapagamit sa iba at nahumaling siya sa mga mangingibig niyang sundalo ng Asiria. 6 Makikisig ang mga ito at nasa kasibulan ng kabataan. Matataas ang katungkulan ng mga ito, nakauniporme ng kulay asul at nakasakay sa kabayo. 7 Nagpagamit si Ohola sa lahat ng opisyal ng Asiria, at dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa kanilang mga dios-diosan. 8 Hindi niya itinigil ang mahahalay niyang gawain na sinimulan niya noong nasa Egipto pa siya. Bata pa lang siya, nakiapid na siya at ang mga lalaki ay nagpasasa sa katawan niya.
9 “Kaya, pinabayaan ko na siya sa mga mangingibig niyang taga-Asiria na kinahuhumalingan niya. 10 Hinubaran nila siya, kinuha ang mga anak niya at pinatay sa pamamagitan ng espada. Naging usap-usapan ng mga kababaihan itong nangyaring parusa sa kanya.
11 “Kahit nakita ni Oholiba ang nangyaring ito sa kapatid niya, nagpatuloy pa rin siya sa mahahalay niyang gawain at naging mas masama pa kaysa sa kanyang kapatid. 12 Nahumaling din siya sa mga taga-Asiria na makikisig at nasa kasibulan ng kanilang kabataan. Pinuno ng mga sundalo ang mga ito, nakauniporme at nakasakay sa kabayo. 13 Nakita kong katulad din siya ng kapatid niya. Dinungisan din niya ang kanyang sarili.
14-15 “Patuloy na nagbenta ng kanyang dangal si Oholiba. Nagkagusto siya sa mga opisyal ng Babilonia nang makita niya ang mga larawan ng mga ito sa mga pader. Nakapulang uniporme sila, may sinturon sa baywang at nakaturban. 16 Dahil nagustuhan niya sila, pinaimbitahan niya ang mga ito na bumisita sa kanya. 17 Kaya dumalaw ang mga ito at sumiping sa kanya. Sa pagsiping nila sa kanya, dinungisan nila siya. Pero kinalaunan, nagsawa rin siya at hindi na nagpagamit sa kanila.
18 “Kinasuklaman ko si Oholiba at itinakwil tulad ng kapatid niya dahil patuloy niyang ipinagbibili ang kanyang dangal. 19 Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin siya sa pagbebenta ng kanyang dangal tulad ng ginawa niya roon sa Egipto noong kabataan niya. 20 Nahumaling siya sa mga kalaguyo niya, na ang ari ay kasinlaki ng sa asno at ang binhi ay kasindami ng sa kabayo. 21 Kaya pinanabikan mo Oholiba ang iyong mahalay na gawain na ginawa mo sa Egipto noong kabataan mo, nang ang mga lalaki roon ay nagpasasa sa katawan mo.
22 “Kaya, ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi sa iyo nito Oholiba, ipapasalakay kita sa mga kalaguyo mong itinakwil mo at pinagsawaan. 23 Sila ay ang mga taga-Babilonia at mga Caldeong mula sa Pekod, Shoa, Koa at ang mga taga-Asiria. Ang mga taga-Asiriang ito ay makikisig at batang-bata. Matataas ang katungkulan nila at nakasakay sa mga kabayo. 24 Lulusob sila sa iyo mula sa hilaga na may maraming sundalo, mga kabayo, at mga karwahe. May mga pananggalang sila at nakahelmet, kukubkubin ka nila. Ipauubaya ko sa kanila ang pagpaparusa sa iyo at parurusahan ka nila kung ano ang sa tingin nila ay nararapat sa iyo. 25 Sa tindi ng galit ko sa iyo, inatasan ko silang parusahan ka. At sa galit nilaʼy puputulin nila ang ilong mo at mga tainga. Bibihagin nila ang iyong mga anak, at ang matitira sa iyo ay papatayin nila sa pamamagitan ng espada o apoy. 26 Huhubaran ka rin nila at kukunin ang mga alahas mo. 27 Matitigil na ang kahalayan mo at pagpapagamit sa iba na sinimulan mo sa Egipto. Hindi mo na iyon maaalala at makakalimutan mo na ang Egipto. 28 Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabing ipauubaya kita sa mga taong kinamumuhian mo; ang mga taong itinakwil mo matapos mong pagsawaan. 29 Sa galit nila, parurusahan ka nila at sasamsamin ang lahat ng pinagpaguran mo. Iiwanan ka nilang hubad at makikita ng mga tao ang kahiya-hiya mong kalagayan dahil sa kahalayan mo at pagpapagamit sa iba. 30 Iyan ang nagdala sa iyo sa kapahamakan, dahil nakiapid ka sa mga taga-ibang bansa at dinungisan mo ang sarili mo sa pagsamba sa dios-diosan nila. 31 Tinularan mo ang ginawa ng kapatid mo, kaya parurusahan kita katulad ng pagpaparusa ko sa kanya.
32 “Oo, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing, parurusahan kita tulad ng pagpaparusa ko sa iyong kapatid. Ang parusa koʼy tulad ng inuming nakalagay sa isang malaki at malalim na tasa. At kapag nainom mo na ang laman ng tasang ito, kukutyain ka at pagtatawanan dahil puno ito ng galit ko. 33 Malalasing kaʼt malulungkot dahil ang tasang itoʼy puno ng kapahamakan. Ito ang tasa ng paghihirap na ininom ng kapatid mong Samaria. 34 Iinumin mong lahat ang laman nito at babasagin mo ang tasa. Dadagukan mo ang iyong dibdib sa labis na kalungkutan. Mangyayari ito, dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 35 At dahil kinalimutan mo akoʼt itinakwil, ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing maghihirap ka dahil sa kahalayan mo at sa pagpapagamit mo ng iyong katawan.”
36 Muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, hatulan mo sina Ohola at Oholiba. Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain. 37 Sapagkat nakiapid sila at pumatay. Nakikiapid sila sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan. At ang mga anak nila na itinalaga sa akin nang isilang ay siya mismong inialay nila sa mga dios-diosan bilang pagkain nito. 38-39 Ito pa ang ginawa nila sa akin: Nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga at ang aking templo. Nilapastangan nila ang templo ko sa pamamagitan ng paghahandog ng mga anak nila sa kanilang mga dios-diosan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®