Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 5-15

Ang Sermon sa Bundok

Nang makita ni Jesus ang maraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya ay lumapit ang kanyang mga alagad. Nagsimula siyang magturo sa kanila, nagsasabing:

Ang Mapapalad(A)

“Pinagpala ang mga mapagpakumbabang-loob,
    sapagkat para sa kanila ang kaharian ng langit.
Pinagpala ang mga nagdadalamhati,
    sapagkat sila ay aaliwin.
Pinagpala ang mga maamo,
    sapagkat mamanahin nila ang lupa.
Pinagpala ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran,
    sapagkat sila'y bibigyang-kasiyahan.
Pinagpala ang mga mahabagin,
    sapagkat sila ay kahahabagan.
Pinagpala ang mga dalisay ang kalooban,
    sapagkat makikita nila ang Diyos.
Pinagpala ang mga nagsisikap para sa kapayapaan,
    sapagkat sila ay ituturing na mga anak ng Diyos.
10 Pinagpala ang mga inaapi nang dahil sa katuwiran,
    sapagkat para sa kanila ang kaharian ng langit.

11 Pinagpala kayo kapag dahil sa akin, kayo'y inaalipusta, inaapi at pinararatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. 12 Magalak kayo at matuwa, sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit, sapagkat gayundin nila inusig ang mga propetang nauna sa inyo.

Asin at Ilaw(B)

13 “Kayo ang asin ng lupa, ngunit kung mawalan na ng lasa ang asin, paano pa maibabalik ang alat nito? Wala na itong paggagamitan liban sa ito'y itapon at tapak-tapakan ng mga tao. 14 Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Hindi maikukubli ang isang lungsod na itinayo sa ibabaw ng isang burol. 15 Hindi nagsisindi ng ilawan ang mga tao at ilalagay lamang sa ilalim ng isang takalan. Sa halip, ilalagay ito sa ibabaw ng isang patungan, nang sa gayo'y magbigay liwanag ito sa lahat ng nasa bahay. 16 Sa gayunding paraan ay paliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit.

Ang Turo tungkol sa Kautusan

17 “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-saysay ang Kautusan o ang sinulat ng mga propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-saysay kundi isakatuparan ang mga ito. 18 Sapagkat tinitiyak ko sa inyo, lumipas man ang langit at ang lupa, ni isang munting titik o isang kudlit ng Kautusan ay hindi lilipas hanggang sa maisakatuparan ang lahat ng mga bagay. 19 Kaya't sinumang sumuway kahit sa pinakamaliit sa mga utos na ito at turuan ang mga tao ng pagsuway ay ituturing na pinakamaliit sa kaharian ng langit. Ngunit sinumang tumutupad at nagtuturo sa mga tao na sundin ang mga ito ay ituturing na dakila sa kaharian ng langit. 20 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, kung ang inyong pagiging matuwid ay hindi hihigit sa pagiging matuwid ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit.

Turo tungkol sa Galit

21 “Narinig ninyong sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang papatay, at sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; sinumang magsabi sa kanyang kapatid, "Raca",[a] ay pananagutin sa Sanhedrin; at sinumang magsabi, ‘Ulol ka’ ay mananagot sa impiyernong nagliliyab sa apoy. 23 Kaya't kung mag-aalay ka ng iyong handog sa dambana at doon ay naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwan mo ang iyong handog sa harap ng dambana at umalis ka. Makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid at pagkatapos ay bumalik ka at ialay mo ang iyong handog. 25 Agad kang makipagkasundo sa naghabla sa iyo habang papunta pa lamang kayo sa hukuman, kung hindi ay ibibigay ka niya sa hukom, at ibibigay ka ng hukom sa bantay at ikaw ay masasadlak sa bilangguan. 26 Tinitiyak ko sa iyo, hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo naibabayad ang kahuli-hulihan mong barya.

Turo tungkol sa Pangangalunya

27 “Narinig ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ 28 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo na ang bawat tumitingin sa babae nang may mahalay na pagnanasa ay nagkasala na ng pangangalunya sa kanyang puso. 29 Kung nagiging sanhi ng iyong pagkakasala ang iyong kanang mata, dukutin mo ito at itapon. Sapagkat mas mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa maitapon ang iyong buong katawan sa impiyerno. 30 At kung nagiging sanhi ng iyong pagkakasala ang iyong kanang kamay, putulin mo ito at itapon. Sapagkat mas mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang iyong buong katawan ay mapunta sa impiyerno.

Turo tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(C)

31 “Sinabi rin, ‘Ang sinumang lalaking magpaalis at humiwalay sa kanyang asawang babae ay dapat magbigay sa babae ng kasulatan ng paghihiwalay.’ 32 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo, sinumang lalaking magpaalis at humiwalay sa kanyang asawa, maliban sa kadahilanang pangangalunya ay nagtutulak sa kanyang asawa na mangalunya. At sinumang magpakasal sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.

Ang Turo tungkol sa Panunumpa

33 “Narinig din ninyong sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan, sa halip ay tutuparin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.’ 34 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo, huwag ninyong gagamitin sa panunumpa ang anuman, kahit ang langit, sapagkat iyon ang trono ng Diyos, 35 o kaya'y ang lupa, sapagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa, kahit ang Jerusalem, sapagkat ito ang lungsod ng dakilang hari. 36 Huwag mo ring gagamitin sa iyong panunumpa ang iyong ulo, sapagkat hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isa mang hibla ng iyong buhok. 37 Ngunit magsabi kayo ng ‘Oo’ kung ‘Oo’, at ‘Hindi’ kung ‘Hindi’. Anumang higit pa rito ay galing na sa masama.

Ang Turo tungkol sa Paghihiganti(D)

38 “Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.’ 39 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo: Huwag ninyong labanan ang masamang tao. Sa halip, kapag sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila. 40 At kung isinakdal ka sa hukuman ng sinuman at nakuha ang iyong damit, hayaan mong makuha rin niya ang iyong balabal. 41 At kung sapilitan kang palakarin ng sinuman ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya. 42 Magbigay ka sa nanghihingi sa iyo, at huwag magdamot sa nanghihiram sa iyo.

Ang Pagmamahal sa Kaaway(E)

43 “Narinig ninyong sinabi, ‘Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang kayo'y maging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama gayundin sa mabubuti, at nagpapadala siya ng ulan sa mga matuwid, gayundin sa mga di-matuwid. 46 Sapagkat kung ang mamahalin ninyo ay iyon lamang nagmamahal sa inyo, ano'ng mapapala ninyo? Hindi ba't ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung sa mga kapatid lamang ninyo kayo bumabati, mayroon ba kayong ginagawang higit kaysa iba? Hindi ba't ganoon din ang ginagawa ng mga Hentil? 48 Kaya't dapat kayong maging ganap tulad ng inyong Amang nasa langit.

Turo tungkol sa Paglilimos

“Tiyakin ninyo na ang paggawa ninyo ng mabuti ay hindi pakitang-tao lamang. Kung hindi ay hindi kayo tatanggap ng gantimpala mula sa inyong Amang nasa langit. Kaya't kapag nagbibigay ka sa mga dukha, huwag kang magpapatugtog ng trumpeta sa harapan mo, tulad ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang sila'y parangalan ng mga tao. Tinitiyak ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kapag nagbibigay ka sa mga dukha, huwag mong ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay, upang maging lihim ang iyong pagbibigay. At gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita sa ginawa mo nang lihim.

Turo tungkol sa Pananalangin(F)

“Kapag kayo'y nananalangin, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari; sapagkat gustung-gusto nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga lansangan, upang sila'y makita ng mga tao. Tinitiyak ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. Subalit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid, isara mo ang pintuan, at manalangin ka sa iyong Amang hindi nakikita. At gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita sa mga lihim na bagay. Kapag kayo'y nananalangin, huwag ninyong daanin sa maraming salitang walang kabuluhan na tulad ng ginagawa ng mga Hentil, sapagkat akala nila'y pakikinggan sila dahil sa dami ng kanilang sinasabi. Huwag ninyo silang tularan, sapagkat alam na ng inyong Ama ang kailangan ninyo bago pa man kayo humingi. Manalangin nga kayo tulad nito:

'Ama naming nasa langit,
    pakabanalin nawa ang iyong pangalan.
10 'Dumating nawa ang iyong kaharian,
    matupad nawa ang iyong kalooban, dito sa lupa tulad ng sa langit.
11 Bigyan mo po kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.
12     Patawarin mo po kami sa aming mga pagkakautang,
    kung paanong nagpatawad kami sa mga nagkakautang sa amin.
13 At huwag mo kaming pabayaan sa panahon ng pagsubok,
    sa halip ay iligtas mo po kami mula sa masama.'[b]

14 Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang iba sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. 15 Ngunit kung hindi kayo nagpapatawad sa mga pagkakasala ng iba, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga pagkakasala.

Turo tungkol sa Pag-aayuno

16 “Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot gaya ng mga mapagkunwari, sapagkat pinalulungkot nila ang kanilang mga hitsura upang mahalata ng iba na sila ay nag-aayuno. Tinitiyak ko sa inyo, natanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Sa halip, kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos ka, 18 upang ang pag-aayuno mo ay hindi makita ng iba maliban ng iyong Amang hindi nakikita. At gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita sa lihim.

Ang Kayamanan sa Langit(G)

19 “Huwag kayong mag-impok para sa inyong mga sarili ng mga kayamanan dito sa lupa, kung saan ang bukbok at kalawang ay sumisira at kung saan ang mga magnanakaw ay nakapanloloob at nakapagnanakaw. 20 Sa halip ay mag-impok kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan ang bukbok at ang kalawang ay hindi makakapanira at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nakapanloloob at nakapagnanakaw. 21 Sapagkat kung saan nakalagak ang iyong kayamanan, doon din naman malalagak ang iyong puso.

Ang Ilawan ng Katawan(H)

22 “Ang mata ang pinakatanglaw ng katawan. Kaya't kung malusog ang iyong mata, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. 23 Subalit kung masama ang iyong mata, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. Kaya't kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, napakalaking kadiliman iyan!

Diyos o Kayamanan(I)

24 “Walang taong maaaring maglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang pangalawa, o kaya'y magiging tapat siya sa isa at hindi igagalang ang pangalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa salapi.

Tungkol sa Pagkabalisa(J)

25 “Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ikabalisa ang inyong ikabubuhay, kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, ni ang inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba't mas mahalaga ang buhay kaysa sa pagkain, at ang katawan kaysa sa pananamit? 26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid! Hindi sila nagtatanim o gumagapas o nagtitipon sa kamalig, gayunma'y pinakakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa kanila? 27 At sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay nakapagdaragdag ng isang oras[c] sa haba ng kanyang buhay? 28 At bakit nag-aalala kayo tungkol sa pananamit? Masdan ninyo ang mga ligaw na bulaklak sa parang, lumalaki sila nang hindi naman nagpapagal ni humahabi ng tela, 29 gayunma'y sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagbihis nang tulad sa isa sa mga ito. 30 At kung gayon nga binibihisan ng Diyos ang damo sa parang na ngayon ay buháy ngunit bukas ay inihahagis sa kalan, kayo pa kaya ang hindi niya bihisan, kayong mahina ang pananampalataya? 31 Kaya't huwag kayong mabalisa at magtanong, ‘Ano ang aming kakainin?’ o ‘Ano ang aming iinumin?’ o ‘Ano ang isusuot namin?’ 32 Sapagkat ang mga bagay na ito ang pinagsisikapang makamtan ng mga Hentil, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga ito. 33 Subalit pagsikapan muna ninyong matagpuan ang kaharian ng Diyos at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo. 34 Kaya't huwag kayong mag-alala para sa araw ng bukas, sapagkat mag-aalala ang bukas para sa kanyang sarili. Sapat na para sa buong maghapon ang mga alalahanin nito.

Ang Paghatol sa Kapwa(K)

“Huwag kayong humatol upang hindi kayo mahatulan. Sapagkat sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo, at sa panukat na gagamitin ninyo ay susukatin kayo. Bakit nakikita mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid, subalit hindi mo napapansin ang troso na nakabalandra sa iyo mismong mga mata? Paano mo nasasabi sa iyong kapatid, ‘Halika't aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’ gayong may trosong nakahambalang sa sarili mong mata? Mapagkunwari! Tanggalin mo muna ang troso sa sarili mong mata, nang sa gayo'y makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid. Huwag kayong magbigay sa aso ng sagradong bagay, at huwag ninyong ihagis sa harap ng mga baboy ang inyong mga perlas. Tatapak-tapakan lamang nila ang mga ito at baka balingan pa kayo at lapain.

Humingi, Humanap, Tumuktok(L)

“Hingin ninyo at ibibigay sa inyo. Hanapin ninyo at matatagpuan ninyo. Tumuktok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay makatatanggap; at ang bawat humahanap ay makatatagpo; at pagbubuksan ang bawat tumutuktok. Sino ba sa inyo ang magbibigay ng bato kapag ang kanyang anak ay humihingi ng tinapay? 10 May magbibigay ba sa inyo ng ahas sa kanyang anak kapag humihingi siya sa inyo ng isda? 11 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng magagandang regalo sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya!

Ang Ginintuang Aral

12 “Kaya't anumang nais ninyong gawin sa inyo ng iba, gayundin ang gawin ninyo sa kanila, sapagkat ito ang buod ng Kautusan at ng mga propeta.

Ang Makipot na Pintuan(M)

13 “Pumasok kayo sa makitid na pintuan; sapagkat maluwang ang pintuan at madali ang daan patungo sa pagkawasak, at maraming dumaraan doon. 14 Sapagkat makitid ang pintuan at mahirap ang daan patungo sa buhay, at iilan lamang ang nakatatagpo niyon.

Sa Bunga Makikilala(N)

15 “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta! Lumalapit sila sa inyo nang nakadamit-tupa, ngunit sa loob ay mga mababangis na asong-gubat. 16 Sa pamamagitan ng kanilang mga bunga, sila'y inyong makikilala. Nakapag-aani ba ng ubas sa halamang tinikan o nakakukuha ba ng igos sa mga dawagan? 17 Kaya't mabuti ang bunga ng bawat mabuting puno, subalit masama ang ibinubunga ng masamang puno. 18 Hindi maaaring magkaroon ng masamang bunga ang mabuting puno, at magkaroon ng mabuting bunga ang masamang puno. 19 Bawat punong masama ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy. 20 Kaya't sa pamamagitan ng kanilang bunga ay makikilala ninyo sila.

Hindi Ko Kayo Nakilala Kailanman(O)

21 “Hindi lahat ng tumatawag sa akin ng ‘Panginoon, Panginoon’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang nagsasagawa ng kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba't sa iyong pangalan ay nagpahayag kami ng propesiya, nakapagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan din ay gumawa kami ng maraming himala?’ 23 At sasabihin ko naman sa kanila, ‘Kailanma'y hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!’

Ang Matalino at ang Hangal na Nagtayo ng Bahay(P)

24 “Kaya't ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at isinasagawa ang mga ito ay maitutulad ng isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. 25 Bumuhos ang ulan at bumaha. Lumakas ang hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi iyon bumagsak, sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. 26 At ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito, ngunit hindi isinasagawa ang mga ito ay maitutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. 27 Bumuhos ang ulan at bumaha. Lumakas ang hangin at hinampas ang bahay na iyon. Nagiba nga ang bahay na iyon at nagkawasak-wasak.” 28 Pagkatapos ni Jesus sa pagsasalita ng mga ito, namangha ang napakaraming tao sa kanyang pagtuturo, 29 sapagkat siya'y nagturo sa kanila nang tulad sa isang may kapangyarihan at hindi katulad ng kanilang mga guro ng Kautusan.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(Q)

Pagbaba ni Jesus mula sa bundok ay sumunod sa kanya ang napakaraming tao. Lumapit sa kanya ang isang ketongin at lumuhod sa harapan niya, nakikiusap, “Panginoon, maaari mo po akong gawing malinis, kung nanaisin mo.” Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan ang lalaki. Sinabi niya rito, “Nais ko. Maging malinis ka.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tiyakin mong hindi mo ito sasabihin kaninuman, sa halip ay pumunta ka at humarap sa pari. Mag-alay ka ng handog na ipinag-utos ni Moises bilang katibayan sa kanila.”

Pinagaling ang Alipin ng Senturyon(R)

Nang pumasok si Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang senturyon. Nakiusap ito sa kanya, na nagsasabi, “Panginoon, ang aking lingkod ay nakaratay sa bahay, paralisado at hirap na hirap sa kanyang karamdaman.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pupunta ako roon at pagagalingin ko siya.” Ngunit sumagot ang senturyon, “Panginoon, hindi po ako karapat-dapat na papuntahin kayo sa ilalim ng aking bubungan. Sapat na pong bumigkas kayo ng salita at gagaling na ang aking lingkod. Ako man ay isang taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng iba, at may nasasakupang mga kawal. Sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka,’ at humahayo nga siya. Sinasabi ko naman sa iba, ‘Lumapit ka,’ at lumalapit nga siya. Sa aking utusan, ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa nga niya.” 10 Nang marinig ito ni Jesus, namangha siya at sinabi niya sa mga sumunod sa kanya, “Totoong sinasabi ko sa inyo, kaninuman sa Israel ay hindi ko nakita ang ganito kalaking pananampalataya. 11 Sinasabi ko sa inyo, maraming manggagaling sa silangan at kanluran at makakasalo sa hapag-kainan nina Abraham, Isaac, at Jacob sa kaharian ng langit, 12 subalit ang mga anak ng kaharian ay itatapon sa kadilimang nasa labas. Naroon ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.” 13 Sinabi ni Jesus sa senturyon, “Umuwi ka na. Mangyayari para sa iyo ang iyong sinasampalatayanan.” Nang oras ding iyon ay gumaling ang naturang lingkod.

Maraming Pinagaling si Jesus(S)

14 Nang pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenang babae nito na nakahiga dahil may lagnat. 15 Hinawakan niya ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon siya at pinaglingkuran si Jesus. 16 Kinagabihan ay dinala nila sa kanya ang maraming taong sinasaniban ng mga demonyo. Sa pamamagitan ng salita ay pinalayas niya ang mga espiritu at pinagaling ang lahat ng mga maysakit. 17 Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni Propeta Isaias: “Kinuha niya ang ating mga karamdaman, at ang mga sakit natin ay kanyang pinasan.”

Ang Pagsunod kay Jesus(T)

18 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa paligid niya, kanyang ipinag-utos na sila'y tumawid sa ibayo. 19 Lumapit sa kanya ang isang tagapagturo ng Kautusan at sinabi sa kanya, “Guro, susundan ko po kayo, saan man kayo magpunta.” 20 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang mga asong-gubat ay may lungga, at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, subalit ang Anak ng Tao ay walang sariling matutulugan.” 21 Sinabi sa kanya ng isa pang alagad, “Panginoon, payagan po muna ninyo akong umuwi at mailibing ko ang aking ama.” 22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin. Hayaan mo na ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay.”

Pinatigil ni Jesus ang Bagyo(U)

23 Nang makasakay si Jesus sa bangka, sinundan siya ng kanyang mga alagad. 24 At biglang nagkaroon ng malakas na unos sa dagat, at halos matabunan na ng mga alon ang bangka. Subalit natutulog noon si Jesus. 25 Siya'y kanilang pinuntahan at ginising, na sinasabi, “Panginoon, iligtas mo kami! Mamamatay kami rito!” 26 Sinabi niya sa kanila, “Ano'ng ikinatatakot ninyo? Kayong mahihina ang pananampalataya!” Bumangon siya at pinagsabihan ang mga hangin at ang dagat. At nagkaroon ng ganap na katahimikan. 27 Kaya't namangha ang mga tao at sinabi nila, “Anong uri ng tao ito? Kahit ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”

Pinagaling ang mga Gadarenong Inaalihan ng mga Demonyo(V)

28 Pagdating niya sa kabilang pampang, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasaniban ng demonyo. Nanggaling ang mga lalaking ito sa mga libingan at sila'y mababangis kaya't walang taong makadaan doon. 29 Bigla silang sumigaw, “Ano'ng kailangan mo sa amin, Anak ng Diyos? Pumarito ka ba upang parusahan na kami bago pa sumapit ang takdang panahon?” 30 Noon ay may isang malaking kawan ng baboy na nanginginain sa di kalayuan mula sa kanila. 31 Nakiusap kay Jesus ang mga demonyo. Sinabi nila, “Kung palalabasin mo kami, papuntahin mo na lang kami sa kawan ng mga baboy.” 32 At sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo roon.” Nagsilabas nga sila at pumasok sa mga baboy, at ang buong kawan ay rumagasang patungong bangin, nahulog sa dagat at nalunod. 33 Nagtakbuhan ang mga tagapag-alaga ng mga hayop at sila'y pumasok sa lungsod. Doon ay ibinalita nila ang buong pangyayari, lalung-lalo na ang nangyari sa mga taong sinaniban ng mga demonyo. 34 Lumabas ang lahat ng mga taong-bayan upang salubungin si Jesus. Pagkakita sa kanya, sila'y nakiusap sa kanya na lisanin ang kanilang lupain.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(W)

Sumakay si Jesus sa isang bangka, tumawid sa kabilang pampang at dumating sa kanyang sariling bayan. Dinala sa kanya ng mga tao ang isang paralitikong nakaratay sa isang banig. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Patatagin mo ang iyong loob, anak. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” May mga tagapagturo ng Kautusan na naroon ang nagsabi sa kani-kanilang sarili, “Lumalapastangan ang taong ito.” Subalit dahil nalalaman ni Jesus ang kanilang mga iniisip, sinabi niya, “Bakit nag-iisip kayo ng masama sa inyong mga puso? Alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’? o ang sabihing, ‘Bumangon ka at lumakad’? Subalit upang malaman ninyong dito sa lupa, ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan,” sinabi niya sa paralitiko, “Bumangon ka, damputin mo ang iyong higaan at umuwi ka na.” Bumangon nga ang paralitiko at umuwi. Nang makita ito ng napakaraming tao, natakot sila at nagbigay-luwalhati sa Diyos na nagkaloob ng gayong kapangyarihan sa mga tao.

Ang Pagtawag kay Mateo(X)

Sa paglalakad ni Jesus mula roon ay nakita niya ang isang taong tinatawag na Mateo, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya rito, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo nga siya at sumunod sa kanya. 10 Habang nakaupo si Jesus sa may hapag-kainan sa bahay, maraming mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ang dumating at naupong kasalo niya at ng kanyang mga alagad. 11 Nang ito'y makita ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanyang mga alagad, “Bakit ang inyong guro ay nakikisalo sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan?” 12 Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang malulusog, kundi ang mga may sakit. 13 Humayo kayo at pag-aralan ninyo ang ibig sabihin nito: ‘Ang nais ko'y habag, at hindi handog.’ Sapagkat dumating ako hindi upang tawagin ang matutuwid, kundi ang mga makasalanan.”

Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(Y)

14 Dumating naman sa kanya ang mga alagad ni Juan, at nagsabi, “Bakit kami pati ang mga Fariseo ay nag-aayuno, samantalang ang iyong mga alagad ay hindi nag-aayuno?” 15 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Maaari bang magpakalungkot ang mga inanyayahan sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikakasal? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal at doon pa lamang sila mag-aayuno. 16 Walang taong gumagamit ng hindi pa pinaurong na tela upang itagpi sa lumang damit, sapagkat babatakin ng itinagping tela ang damit, at lalong magiging malaki ang sira. 17 Hindi rin inilalagay ang bagong alak sa mga lumang lalagyang balat. Kapag ganoon ang ginawa, puputok ang mga balat, matatapon ang alak, at magpupunit-punit ang mga balat. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa mga bagong lalagyang balat, at pareho silang magtatagal.”

Muling Binuhay ang Anak ng Pinuno at Pinagaling ang Isang Babae(Z)

18 Habang sinasabi ni Jesus ang mga ito sa kanila, dumating ang isang pinuno at nanikluhod sa kanya. “Kamamatay po lamang ng aking anak na babae, ngunit puntahan ninyo at ipatong ang inyong kamay sa kanya, at siya'y mabubuhay.” 19 Tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati ang kanyang mga alagad. 20 Samantala, may isang babaing labindalawang taon nang pinahihirapan ng pagdurugo, lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng damit nito. 21 Sinabi ng babae sa kanyang sarili, “Mahawakan ko lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” 22 Lumingon si Jesus, at pagkakita sa babae ay sinabi niya, “Patatagin mo ang iyong loob, anak. Pinagaling ka ng iyong pagsampalataya.” Nang oras ding iyon ay gumaling ang babae. 23 Pagdating ni Jesus sa bahay ng pinuno at makita ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakagulo, 24 sinabi niya, “Umalis na kayo. Hindi naman patay ang bata kundi natutulog lamang.” Pinagtawanan nila si Jesus. 25 Nang mapalabas na ang maraming tao, pumasok siya, hinawakan sa kamay ang batang babae at ito'y bumangon. 26 Kumalat ang balita tungkol dito sa buong lupaing iyon.

Pinagaling ang Dalawang Bulag

27 Habang nililisan ni Jesus ang dakong iyon, may dalawang lalaking bulag na sumunod sa kanya at sumisigaw nang malakas, “Maawa ka sa amin, Anak ni David.” 28 Pagpasok niya sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag, at sinabi ni Jesus sa kanila, “Naniniwala ba kayong kaya kong gawin ito?” Sinabi nila sa kanya, “Opo, Panginoon.” 29 Hinawakan niya ang kanilang mga mata at sinabi, “Mangyari sa inyo ang inyong pinaniniwalaan.” 30 At sila'y nakakita. Mahigpit na nagbilin sa kanila si Jesus, “Tiyakin ninyong walang ibang makaaalam nito.” 31 Subalit pag-alis nila ay ipinamalita nila ang tungkol sa kanya sa buong lupaing iyon.

Pinagaling ang Lalaking Pipi

32 Nang paalis na sina Jesus, dinala sa kanya ang isang taong pipi dahil ito'y sinasaniban ng demonyo. 33 Pinalayas ni Jesus ang demonyo, at ang pipi ay nakapagsalita. Namangha ang napakaraming tao at nagsabi, “Wala pang nakitang tulad nito sa Israel.” 34 Subalit sinabi ng mga Fariseo, “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo ay nagpapalayas siya ng mga demonyo.”

Nahabag si Jesus sa mga Tao

35 Nilibot ni Jesus ang lahat ng mga lungsod at mga nayon, at nagtuturo sa mga sinagoga ng mga Judio at ipinapahayag ang Magandang Balita ng kaharian. Pinagagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 36 Nang kanyang makita ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y nababalisa at nakakaawa, na gaya ng mga tupang walang pastol. 37 Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakarami ng aanihin, subalit kakaunti ang mga manggagawa. 38 Kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng ánihin na magsugo siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”

Ang Labindalawang Apostol(AA)

10 Tinawag ni Jesus ang kanyang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng maruruming espiritu at magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman. Narito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una ay si Simon, na tinaguriang Pedro, at si Andres na kanyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kapatid niyang si Juan; sina Felipe at Bartolome; sina Tomas at Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, ang nagkanulo kay Jesus.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(AB)

Ang labindalawang ito ay sinugo ni Jesus at inatasan ng ganito, “Huwag kayong pupunta sa mga Hentil, ni papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip, puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa sambahayan ng Israel. Sa inyong paghayo ay ipahayag ninyo: ‘Malapit nang dumating ang kaharian ng langit.’ Ang mga maysakit ay inyong pagalingin, ang mga patay ay inyong buhayin, ang mga ketongin ay inyong linisin, at ang mga demonyo ay inyong palayasin. Tinanggap ninyo nang walang bayad, ipamigay din ninyong walang bayad. Huwag kayong magdadala ng ginto, pilak o tanso sa inyong lalagyan ng salapi, 10 o kaya'y ng supot para sa inyong paglalakbay, o ng dalawang bihisan, o mga sandalyas, o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang pagkain. 11 At saanmang bayan o nayon kayo makarating, humanap kayo roon ng taong karapat-dapat. Makituloy kayo sa kanya hanggang sa inyong paglisan. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, basbasan ninyo ito. 13 At kung karapat-dapat ang sambahayang iyon, igawad ninyo ang inyong basbas ng kapayapaan doon, subalit kung hindi ito karapat-dapat, bawiin ninyo ang basbas ng kapayapaang iginawad ninyo. 14 Kung mayroong hindi tumanggap sa inyo o ayaw makinig sa inyong mga salita, ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa pag-alis ninyo sa bahay o bayang iyon. 15 Tinitiyak ko sa inyo, mas kaaawaan pa ang lupain ng Sodoma at Gomorra kaysa sa bayang iyon.

Mga Pag-uusig na Darating(AC)

16 “Tandaan ninyo, isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't magpakatalino kayong gaya ng mga ahas at maging maamo gaya ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, sapagkat may mga magkakanulo sa inyo sa mga hukuman at hahagupit sa inyo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadakpin kayo at ihaharap sa mga tagapamahala at sa mga hari dahil sa akin, upang magbigay-patotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag kayo'y ipinadakip, huwag ninyong ipangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ang inyong sasabihin ay ibibigay sa inyo sa oras ding iyon. 20 Hindi na kayo ang nagsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang nagsasalita sa pamamagitan ninyo. 21 Magkakanulo ang kapatid sa kapatid upang ito'y ipapatay, pati ang ama sa kanyang anak, at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at kanilang ipapapatay ang mga ito. 22 Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit ang makatagal hanggang sa wakas ay maliligtas. 23 Kapag ginigipit nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo papunta sa kasunod, sapagkat tinitiyak ko sa inyo, hindi pa ninyo nararating ang lahat ng mga bayan sa Israel ay darating na ang Anak ng Tao.

24 “Ang mag-aaral ay hindi mas mataas kaysa kanyang guro, o ang alipin kaysa kanyang panginoon. 25 Sapat na para sa mag-aaral ang maging katulad ng kanyang guro at sa alipin ang maging katulad ng kanyang panginoon. Kung ang pinuno ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, higit nilang aalipustain ang kanyang mga kasambahay!

Ang Dapat Katakutan(AD)

26 “Kaya't huwag kayong matakot sa kanila, sapagkat walang natatakpan na hindi malalantad, o kaya'y nakatago na hindi mabubunyag. 27 Kung may sinabi ako sa inyo sa dilim, sabihin ninyo sa liwanag. Kung may narinig kayong ibinulong, ipagsigawan ninyo sa ibabaw ng mga bahay. 28 At huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, subalit walang kakayahang pumatay ng kaluluwa. Sa halip ay matakot kayo sa kanya na may kapangyarihang pumuksa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno. 29 Hindi ba't nabibili ang dalawang maya sa isang kusing? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nahuhulog sa lupa na hindi napapansin ng inyong Ama. 30 Pati nga ang mga buhok sa ulo ninyo ay biláng na lahat. 31 Huwag kayong matakot. Higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.

Pagkilala kay Cristo(AE)

32 “Kaya't sinumang kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay siya ko ring kikilalanin sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit sinumang sa akin ay magkaila sa harapan ng mga tao ay siya ring ipagkakaila ko sa harapan ng aking Amang nasa langit.

Hindi Kapayapaan kundi Tabak(AF)

34 “Huwag ninyong akalaing dumating ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi ako dumating upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak. 35 Dumating ako upang labanan ng isang lalaki ang kanyang ama, ng anak na babae ang kanyang ina, at ng manugang na babae ang kanyang biyenang babae. 36 Ang magiging kaaway ng tao ay mismong ang sarili niyang mga kasambahay. 37 Ang nagmamahal sa ama o sa ina nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at ang nagmamahal sa anak na lalaki o babae nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Sinumang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang nagsisikap para sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay makatatagpo nito.

Mga Gantimpala(AG)

40 “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng gantimpala ng propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid sa pangalan ng taong matuwid ay tatanggap ng gantimpala ng taong matuwid. 42 Sinumang magbigay ng isang basong tubig na malamig sa isa sa mga hamak na ito sa pangalan ng isang alagad, tinitiyak ko sa inyong hindi siya mawawalan ng gantimpala.”

Ang mga Sinugo ni Juan na Tagapagbautismo(AH)

11 Matapos pagbilinan ni Jesus ang kanyang labindalawang alagad, nilisan niya ang lugar na iyon upang magturo at mangaral sa kanilang mga bayan. Nang mabalitaan ni Juan, na noon ay nasa bilangguan, ang tungkol sa mga gawa ng Cristo, nagsugo siya ng kanyang mga alagad, at ipinatanong, “Ikaw na ba ang darating, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Jesus sa kanila, “Pagbalik ninyo kay Juan ay sabihin ninyo sa kanya ang inyong mga naririnig at nakikita. Nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga paralitiko, nagiging malinis ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, binubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga dukha ang Magandang Balita. Pinagpala ang sinumang hindi natitisod dahil sa akin.” Habang sila'y umaalis, nagsimulang magsalita si Jesus sa napakaraming tao tungkol kay Juan: “Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang inyong makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin? Ngunit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng mga mamahaling damit? "Nasa mga palasyo ng mga hari ang mga nagsusuot ng magagarang kasuotan." At ano nga ba ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, at sinasabi ko sa inyo, higit pa sa isang propeta. 10 Siya ang tinutukoy ng nasusulat,

‘Tingnan ninyo, isinusugo ko ang aking sugo, na mauuna sa iyo,
    na maghahanda ng iyong daraanan.’

11 Tinitiyak ko sa inyo, sa mga isinilang ng mga babae ay wala pang lumitaw na mas dakila kay Juan na Tagapagbautismo. Gayunman, ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. 12 Mula pa sa kapanahunan ni Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay dumaranas ng karahasan at sapilitang kinukuha ng mga taong marahas. 13 Sapagkat ang lahat ng mga propeta at ang Kautusan ay nagsalita ng propesiya hanggang kay Juan, 14 at kung nais ninyong tanggapin, siya ay si Elias na darating. 15 Makinig ang mga may pandinig!

16 “At sa ano ko naman ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa mga palengke at tumatawag sa kanilang mga kalaro,

17 ‘Tumugtog kami ng plauta para sa inyo, ngunit hindi naman kayo sumayaw;
    umawit kami ng himig pagluluksa, ngunit hindi naman kayo umiyak.’

18 Sapagkat naparito si Juan na hindi kumakain ni umiinom, ngunit sinasabi nila, ‘Sinasaniban siya ng demonyo.’ 19 Naparito ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinasabi nila, ‘Tingnan ninyo siya! Matakaw at manginginom, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ Subalit ang karunungan ay pinatutunayang tama sa pamamagitan ng kanyang mga gawa.”

Babala sa mga Lungsod na Di-nagsisi(AI)

20 Pagkatapos nito'y sinimulan niyang sumbatan ang mga lungsod na ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi nagsisi ang mga tao roon. 21 “Kaysaklap ng sasapitin mo, Corazin! Kaysaklap ng sasapitin mo, Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagsisi na nakasuot ng damit-sako at may abo sa ulo. 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa sa araw ng paghuhukom ang Tiro at Sidon kaysa sa inyo. 23 At ikaw Capernaum, sa akala mo ba'y itataas ka sa langit? Ibababa ka sa daigdig ng mga patay.[d] Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa iyo, nakatayo pa sana hanggang ngayon ang bayang iyon. 24 Ngunit sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa sa araw ng paghuhukom ang lupain ng Sodoma kaysa sa inyo.”

Ang Dakilang Paanyaya(AJ)

25 Nang sandaling iyon ay sinabi ni Jesus, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at may pinag-aralan, ngunit ipinaalam mo sa mga musmos. 26 Oo, Ama, sapagkat kalugud-lugod iyon sa iyong paningin. 27 Lahat ng mga bagay ay ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak maliban sa Ama at walang nakakakilala sa Ama maliban sa Anak at sa sinumang piliin ng Anak na pagpahayagan niya. 28 Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagod at may mabigat na pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Ang aking pamatok ay inyong pasanin, at kayo'y matuto sa akin, sapagkat ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso, at matatagpuan ninyo ang kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. 30 Sapagkat ang aking pamatok ay madaling dalhin, at magaan ang aking pasanin.”

Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(AK)

12 Sa pagkakataong iyon ay bumagtas sina Jesus sa bukirin ng mga trigo nang araw ng Sabbath. Inabot ng gutom ang kanyang mga alagad at sila'y nagsimulang mamitas ng mga uhay at kumain. Subalit nang ito'y makita ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo, ang mga alagad mo'y gumagawa ng ipinagbabawal sa araw ng Sabbath.” Sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom? Hindi ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na ihinandog, na hindi nararapat ayon sa batas na kainin niya o ng mga kasamahan niya, kundi iyon ay para sa mga pari lamang? O hindi ba ninyo nabasa sa Kautusan, kung paanong sa mga araw ng Sabbath ang mga pari sa loob ng templo ay hindi nagpapasaklaw sa Sabbath, subalit hindi sila itinuturing na nagkasala? Ngunit sinasabi ko sa inyo, narito ang isang higit na dakila kaysa templo. Kung alam lamang ninyo ang ibig sabihin nito: ‘Ang nais ko ay habag, at hindi handog,’ ay hindi ninyo sana hinatulan ang mga walang sala. Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath.”

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(AL)

Umalis doon si Jesus at pumasok sa sinagoga. 10 At naroon ang isang taong paralisado ang isang kamay. Tinanong nila si Jesus, “Ayon ba sa batas ang magpagaling ng maysakit sa araw ng Sabbath?” Itinanong nila ito upang makahanap ng maipaparatang sa kanya. 11 Sinabi niya sa kanila, “Halimbawa, kung isa sa inyo ay may tupang nahulog sa isang hukay sa araw ng Sabbath, hindi ba niya ito aabutin at iaahon? 12 Higit namang napakahalaga ng isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa batas ang gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath.” 13 At sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga niya ito at ito'y nanumbalik sa dati, wala nang sakit katulad ng isa. 14 Gayunma'y umalis ang mga Fariseo at nagpulong laban sa kanya at nag-usap kung paano siya papatayin. 15 Subalit alam ito ni Jesus kaya't umalis siya roon. Sumunod sa kanya ang napakaraming tao, at silang lahat ay kanyang pinagaling. 16 Ipinagbilin niya sa kanila na huwag nilang ipamamalita ang tungkol sa kanya. 17 Naganap ito bilang katuparan ng sinabi sa pamamagitan ni Propeta Isaias, na nagsasaad:

18 “Masdan ninyo ang hinirang kong lingkod,
    ang aking iniibig, na sa kanya ang kaluluwa ko'y nalulugod.
Ilalagay ko ang aking Espiritu sa kanya,
    at sa mga bansa ang katarungan ay ipahahayag niya.
19 Hindi siya makikipag-away o sisigaw man,
at walang makaririnig ng kanyang tinig sa mga lansangan.
20 Nagalusang tambo ay hindi niya babaliin,
    nagbabagang mitsa ay hindi niya papatayin,
    hanggang ang katarungan ay maihatid niya sa tagumpay;
21     at magkakaroon ng pag-asa ang mga bansa sa kanyang pangalan.”

Panlalait sa Banal na Espiritu(AM)

22 Pagkatapos ay dinala kay Jesus ang isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng demonyo. Pinagaling niya ang lalaki kaya't nakapagsalita at nakakita iyon. 23 Namangha ang lahat ng naroroon at nagtanong, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?” 24 Subalit (AN) nang ito'y marinig ng mga Fariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas lamang ng mga demonyo ang taong ito sa pamamagitan ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” 25 Palibhasa'y alam niya ang mga iniisip nila, kanyang sinabi sa kanila, “Bawat kahariang lumalaban sa kanyang sarili ay babagsak; at walang bayan o sambahayang nagkakahati-hati ang magtatagal. 26 Kung pinapalayas ni Satanas si Satanas, hindi ba't nilalabanan niya ang kanyang sarili? Kung gayo'y paano tatayo ang kanyang kaharian? 27 At kung nakapagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, kanino namang kapangyarihan napapalayas sila ng inyong mga tagasunod? Kaya't sila na mismo ang hahatol sa inyo. 28 Ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, kung gayon, dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos. 29 O paano ba mapapasok at mapagnanakawan ng sinuman ang bahay ng isang malakas na tao, kung hindi muna niya ito gagapusin? Kung magkagayon, saka pa lamang niya malolooban ang bahay nito. 30 Ang (AO) wala sa panig ko ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay pinagmumulan ng pagkakawatak-watak. 31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, patatawarin ang mga tao sa bawat kasalanan at panlalait, subalit ang panlalait sa Espiritu ay hindi patatawarin. 32 At (AP) ang sinumang magsalita ng anuman laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu ay hindi patatawarin, sa panahon mang ito o sa darating.

Sa Bunga Nakikilala(AQ)

33 “Alinman sa (AR) gawin ninyong mabuti ang puno at mabuti ang bunga nito o gawin ninyong masama ang puno at masama rin ang bunga nito. Sapagkat nakikilala ang puno sa pamamagitan ng bunga nito. 34 Kayong (AS) lahi ng mga ulupong! Sadyang hindi kayo makapagsasalita ng mabubuting bagay sapagkat kayo'y masasama! Sapagkat kung ano ang nilalaman ng dibdib, iyon ang mamumutawi sa bibig. 35 Ang mabuting tao mula sa kanyang mabuting kayamanan ay naglalabas ng mabubuting bagay, at ang masamang tao mula sa kanyang masamang kayamanan ay naglalabas ng masasamang bagay. 36 Sinasabi ko sa inyo, pananagutan ng mga tao sa araw ng paghuhukom ang bawat salitang walang habas na binigkas. 37 Sapagkat batay sa iyong mga salita, ikaw ay mapapawalang-sala o mahahatulan.”

Ang Tanda ni Jonas(AT)

38 Pagkatapos, (AU) may mga guro ng Kautusan at mga Fariseo na sumagot sa kanya, “Guro, nais naming makakita mula sa iyo ng isang himala bilang tanda.” 39 Sumagot (AV) siya sa kanila, “Ang isang masama at taksil na lahi ay humahanap ng mahimalang tanda; subalit walang mahimalang tanda na ibibigay sa kanya, maliban sa mahimalang tanda ng propetang si Jonas. 40 Sapagkat (AW) kung paanong tatlong araw at tatlong gabi si Jonas sa loob ng tiyan ng isang dambuhalang isda, gayundin ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing mapapasailalim ng lupa. 41 Tatayo ang (AX) mga taga-Nineve sa paghuhukom laban sa lahing ito at hahatulan ito, sapagkat nagsisi sila nang mangaral si Jonas. At ngayon, narito ang isang mas dakila kaysa kay Jonas. 42 Ang (AY) Reyna ng Timog ay tatayo sa paghuhukom laban sa lahing ito, at hahatulan ito, sapagkat nanggaling pa siya sa kadulu-duluhan ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang isang mas dakila kaysa kay Solomon.

Ang Pagbabalik ng Maruming Espiritu(AZ)

43 “Kapag nakalabas mula sa isang tao ang karumal-dumal na espiritu, lumilibot ito sa mga tuyong lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan, subalit wala siyang matagpuan. 44 Kaya't sinasabi niya, ‘Babalik ako sa pinanggalingan kong bahay.’ Pagdating niya roon at matagpuan iyong walang laman, nalinisan at naiayos na, 45 umaalis siya, at nagdadala pa ng pitong espiritu na mas masasama kaysa kanya, at sila'y pumapasok at naninirahan doon. Ang huling kalagayan ng taong iyon ay masahol pa kaysa una. Gayundin ang sasapitin ng masamang lahing ito.”

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(BA)

46 Habang nagsasalita pa si Jesus[e] sa napakaraming tao, nakatayo sa labas ang kanyang ina at mga kapatid, hinihiling nilang siya'y makausap. 47 May nagsabi sa kanya, “Nakatayo po sa labas ang inyong ina at mga kapatid at ibig kayong makausap.”[f] 48 Sumagot si Jesus sa kanya, “Sino ba ang aking ina at sino ang aking mga kapatid?” 49 Itinuro ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi niya, “Narito ang aking ina at aking mga kapatid. 50 Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng aking Ama sa langit, siya ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(BB)

13 Nang araw ding iyon ay lumabas ng bahay si Jesus at naupo sa tabing-dagat. Dinagsa siya ng napakaraming tao (BC) kaya't sumakay siya sa isang bangka at umupo roon samantalang ang napakaraming tao ay nakatayo sa dalampasigan. At marami siyang isinalaysay sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “Makinig kayo! May isang manghahasik na lumabas upang maghasik. Habang siya'y naghahasik, may mga binhing nahulog sa tabing daan at dumating ang mga ibon at inubos nila ang mga ito. Ang ibang binhi ay nalaglag sa batuhan na kakaunti lamang ang lupa. Sumibol agad ang mga ito palibhasa'y manipis ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, ang mga iyon ay napaso sa init, at dahil hindi pa nagkakaugat ang mga iyon ay tuluyan nang nalanta. Ang ibang binhi ay nalaglag sa may mga halamang tinikan. Lumaki ang mga halamang tinikan at sumakal sa mga iyon. Ang ibang binhi ay nalaglag sa mabuting lupa, at nagsipamunga. Ang iba ay tig-iisang daan, ang iba ay animnapu, ang iba ay tatlumpu. Ang mga may pandinig ay makinig.”

Ang Paggamit ng mga Talinghaga(BD)

10 Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad, at nagtanong, “Bakit po kayo gumagamit ng mga talinghaga sa pagsasalita ninyo sa mga tao?” 11 Sumagot siya sa kanila, “Ito ay dahil kayo ang pinagkaloobang makaalam ng mga hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, at hindi sila ang pinagkalooban ng mga ito. 12 Sapagkat (BE) sinumang mayroon ay lalo pang bibigyan, at magkakaroon siya ng napakarami; ngunit sinumang wala, pati ang anumang nasa kanya ay kukunin. 13 Ako'y nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga, sapagkat tumitingin sila subalit hindi nakakakita, nakikinig ngunit hindi naman nakaririnig, ni nakauunawa. 14 Sa kanila natutupad (BF) ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi:

‘Makinig man kayo nang makinig, kailanma'y hindi ninyo mauunawaan,
    tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita.
15 Sapagkat ang puso ng mga taong ito ay manhid na,
    at hindi na makarinig ang kanilang mga tainga,
    at kanilang ipinikit ang mga mata nila;
baka ang mga mata nila'y makakita,
    at makarinig ang kanilang mga tainga,
at makaunawa ang puso nila,
    at manumbalik sa akin, at sila'y aking pagalingin.’

16 Subalit (BG) pinagpala ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito'y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito'y nakaririnig. 17 Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang nagnais na makita ang inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita; at nagnais marinig ang inyong naririnig, ngunit hindi nila ito narinig.

Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik(BH)

18 “Ngayon, pakinggan ninyo ang ibig sabihin ng talinghaga ng manghahasik: 19 Kapag ang isang tao ay nakikinig tungkol sa kaharian, ngunit hindi niya ito inuunawa, dumarating ang diyablo[g] at inaagaw ang naihasik sa kanyang puso. Ito ang tinutukoy na mga naihasik sa may tabing daan. 20 Tungkol naman sa mga naihasik sa mga batuhan, ito ang taong nakikinig ng salita at agad itong tinatanggap nang may kagalakan, 21 gayunma'y hindi siya nagkaroon ng ugat, at hindi gaanong nagtatagal. Kapag may dumating na kagipitan o pag-uusig dahil sa salita, madali siyang natitisod. 22 Tungkol sa naihasik sa may mga halamang tinikan, ito ang taong nakikinig ng salita ngunit ang mga alalahanin sa sanlibutan at ang panlilinlang ng mga kayamanan ay sumasakal sa salita, anupa't hindi ito nakapamumunga. 23 Tungkol naman sa naihasik sa mabuting lupa, siya ang taong nakikinig ng salita at nauunawaan ito, kaya't siya nga ang namumunga. May namumunga ng isandaan, ang iba ay animnapu, at ang iba ay tatlumpu.”

Ang Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan

24 Naglahad siya sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinasabi niya, “Ang kaharian ng langit ay maihahambing sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukirin. 25 Subalit habang natutulog ang kanyang mga tauhan, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng mga binhi ng damo sa triguhan, at umalis. 26 Kaya't nang tumubo na ang mga tanim at namunga, naglitawan din ang mga damo. 27 Lumapit ang mga alipin sa pinuno ng sambahayan at sinabi sa kanya, ‘Panginoon, hindi po ba't mabuting binhi ang inyong inihasik sa inyong bukirin? Paano nagkaroon ng mga damo roon?’ 28 Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ At sinabi ng mga alipin sa kanya, ‘Nais ba ninyong pumunta kami at bunutin ang mga damo?’ 29 Ngunit sumagot siya, ‘Huwag, baka sa pagbunot ninyo sa mga damo ay mabunot pati ang mga trigo. 30 Hayaan ninyong tumubo ang mga iyon na kasama ng mga trigo hanggang sa anihan, at pagsapit ng anihan ay sasabihan ko ang mga manggagapas. Tipunin muna ninyo ang mga damo. Talian ninyo ang mga ito upang sunugin; ngunit tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’ ”

Ang Talinghaga tungkol sa Binhi ng Mustasa(BI)

31 Naglahad siya sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: Kumuha ang isang tao ng isang butil na binhi ng mustasa, at inihasik sa kanyang bukirin. 32 Pinakamaliit man ito sa lahat ng mga binhi, pagtubo nito ay siya namang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging isang puno, kaya't ang mga ibon sa himpapawid ay dumadapo roon at nagpupugad sa kanyang mga sanga.”

Ang Talinghaga tungkol sa Pampaalsa(BJ)

33 Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa ng tinapay na kinuha ng isang babae, at inihalo sa tatlong takal ng harina, hanggang sa mapaalsa nito ang buong masa.”

Propesiya tungkol sa mga Talinghaga(BK)

34 Ang lahat ng mga ito'y sinabi ni Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Wala siyang sinabi sa kanila kundi sa pamamagitan ng talinghaga. 35 Ito (BL) ay katuparan ng sinabi sa pamamagitan ng propeta,[h]

“Sa pagbigkas ng mga talinghaga, bibig ko'y aking bubuksan,
    sasabihin ko ang mga nakatagong bagay mula pa nang itatag ang sanlibutan.”

Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa mga Damo

36 Pagkatapos ay iniwan ni Jesus ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Nilapitan siya ng kanyang mga alagad, at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa mga damo sa bukirin.” 37 Sumagot siya, “Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao. 38 Ang bukirin ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi naman ay tumutukoy sa mga anak ng kaharian, subalit ang mga damo ay ang mga anak ng Masama. 39 Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang anihan ay ang katapusan ng panahon; at ang mga manggagapas ay ang mga anghel. 40 Kaya't kung paanong binubunot ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng panahon. 41 Isusugo ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan; 42 at ihahagis nila ang mga ito sa nagliliyab na pugon. Doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. 43 Pagkatapos nito, ang mga matuwid ay magliliwanag katulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig!

Ang Kayamanang Nakabaon

44 “Ang kaharian ng langit ay katulad nito: May kayamanang nakabaon sa isang bukid. Natuklasan ito ng isang tao at muli niya itong tinabunan. Sa kanyang tuwa ay humayo siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang bukid na iyon.

Ang Mamahaling Perlas

45 “Muli, ang kaharian ng langit ay katulad nito: May isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas. 46 Nang matagpuan niya ang isang mamahaling perlas ay umalis siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas.

Ang Lambat

47 “At muli, ang kaharian ng langit ay katulad ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuhuli ng lahat ng uri ng isda. 48 Kapag puno na ito, hinihila ito ng mga tao sa dalampasigan. Nauupo sila upang piliin ang mabubuting isda at ilagay sa mga sisidlan, ngunit itinatapon ang mga hindi mapakikinabangan. 49 Ganoon ang mangyayari sa katapusan ng panahon. Magdadatingan ang mga anghel at ibubukod nila ang masasama sa matutuwid 50 at itatapon sila sa nagliliyab na pugon. Doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.

Kayamanang Bago at Luma

51 “Naunawaan ba ninyo ang lahat ng mga ito?” Sumagot ang mga alagad, “Opo.” 52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya't ang bawat tagapagturo ng Kautusan na sinanay para sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang imbakan ng kayamanan.”

Itinakwil si Jesus sa Nazareth(BM)

53 Pagkatapos isalaysay ni Jesus ang mga talinghagang ito, nilisan niya ang lugar na iyon. 54 Pagdating niya sa sarili niyang bayan, nagturo siya sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha sila sa kanya, at nagsabi, “Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan? Paano niya nagagawa ang himalang ito? 55 Hindi ba't ito ang anak ng karpintero? Di ba't Maria ang pangalan ng kanyang ina? Di ba't mga kapatid niya sina Santiago, Jose, Simon, at Judas? 56 Hindi ba't narito sa bayan natin ang lahat ng kanyang mga kapatid na babae? Saan nakuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?” 57 At (BN) natisod sila sa kanya. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay kinikilala kahit saan, liban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” 58 Kaya't hindi siya gumawa roon ng maraming himala dahil sa hindi nila pagsampalataya.

Namatay si Juan na Tagapagbautismo(BO)

14 Nang panahong iyon ay narinig ng pinunong[i] si Herodes ang balita tungkol kay Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Ang taong iyon ay si Juan na Tagapagbautismo! Siya'y ibinangon mula sa kamatayan kaya't nagagawa niya ang mga himalang ito.” Nauna noon ay (BP) ipinadakip ni Herodes si Juan. Iginapos niya ito at ibinilanggo dahil kay Herodias, na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.[j] Sapagkat (BQ) pinagsasabihan siya noon ni Juan, “Labag sa batas na angkinin mo ang babaing iyan.” At kahit nais niyang ipapatay si Juan, natatakot siya sa taong-bayan sapagkat kinikilala nila si Juan na isang propeta. Subalit pagsapit ng kaarawan ni Herodes, sumayaw sa gitna ng mga panauhin ang anak na babae ni Herodias na ikinalugod naman ni Herodes. Kaya't nangako siya at nanumpa na ibibigay niya ang anumang hihingin ng dalaga. Sa sulsol ng kanyang ina ay sinabi ng dalaga, “Ibigay ninyo sa akin ngayon, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo!” Ikinalungkot ito ng hari, subalit dahil sa kanyang binitawang pangako sa harap ng mga panauhin, ipinag-utos niyang ibigay ang kahilingang iyon. 10 Nagpadala siya ng tauhan at pinapugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 11 Dinala ang ulo ni Juan na nakalagay sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga, at dinala naman niya ito sa kanyang ina. 12 Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang bangkay at inilibing ito. Pagkatapos, sila'y umalis at ibinalita ito kay Jesus.

Pinakain ang Limang Libo(BR)

13 Nang marinig ito ni Jesus, nilisan niya ang lugar na iyon. Sumakay siya sa isang bangka patungo sa isang hindi mataong lugar at doon ay nag-iisa siya. Subalit nang mabalitaan ito ng napakaraming tao, naglakad sila mula sa mga bayan at sinundan siya. 14 Pagdating ni Jesus sa pampang at nakita niya ang napakaraming tao, naawa siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na naroon. 15 Nang palubog na ang araw, nilapitan siya ng kanyang mga alagad at sinabi, “Malayo sa kabayanan ang lugar na ito, at pagabi na. Papuntahin na po ninyo sa mga nayon ang mga tao para makabili sila ng makakain nila.” 16 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi na kailangang umalis pa sila; bigyan ninyo sila ng makakain.” 17 At sinabi naman nila sa kanya, “Limang tinapay lang po at dalawang isda ang mayroon tayo rito.” 18 “Dalhin ninyo rito sa akin” ang sabi niya. 19 Pinaupo niya sa damuhan ang napakaraming tao. Nang makuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat para sa mga ito. Pinagputul-putol niya ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad. Ipinamahagi ito ng mga alagad sa mga tao. 20 Ang lahat ay kumain at nabusog. Pagkatapos ay tinipon ng mga alagad ang mga labis na mga pinagputul-putol na tinapay, at nakapuno sila ng labindalawang kaing. 21 Mga limang libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata ang mga kumain.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(BS)

22 Pagkatapos ay agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna niya sa kabilang pampang, habang pinauuwi niya ang napakaraming tao. 23 Matapos niyang pauwiin ang mga tao, nag-iisang umakyat siya sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, naroroon pa rin siyang nag-iisa. 24 Ngunit nang mga sandaling iyon, ang bangka ay pumapalaot na at hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin. 25 Nang madaling-araw na,[k] lumapit sa kanila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng lawa. 26 Nang makita ng mga alagad na lumalakad siya sa ibabaw ng tubig, nasindak sila at nagsabi, “May multo!” At nagsisigaw sila sa takot. 27 Subalit nagsalita kaagad si Jesus, at sinabi sa kanila, “Laksan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.” 28 Sumagot sa kanya si Pedro, “Panginoon, kung ikaw po iyan, papuntahin mo ako diyan sa iyo sa ibabaw ng tubig.” 29 Sinabi niya, “Halika.” Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig papalapit kay Jesus. 30 Ngunit nang mapansin ni Pedro[l] ang hangin, natakot siya. At nang siya'y nagsisimula nang lumubog ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!” 31 Kaagad iniabot ni Jesus ang kamay niya at hinawakan si Pedro, at sinabihan, “Ikaw na maliit ang pananampalataya! Bakit ka nag-alinlangan?” 32 Nang makasampa na sila sa bangka ay huminto na ang hangin. 33 Sumamba sa kanya ang mga nasa bangka. Sabi nila, “Totoong ikaw ang Anak ng Diyos.”

Pinagaling ang mga Maysakit sa Genesaret(BT)

34 Pagdating nila sa kabilang pampang, dumaong sila sa Genesaret. 35 Nang makilala siya ng mga tao sa lugar na iyon, ipinamalita nila ito sa buong lupain at dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit. 36 Nakiusap sila sa kanya na mahawakan nila kahit ang laylayan ng kanyang damit. At lahat ng nakahawak nito ay gumaling.

Mga Minanang Kaugalian(BU)

15 Pagkatapos, dumating kay Jesus ang mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, “Bakit nilalabag ng iyong mga alagad ang kaugalian ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago kumain.” Sumagot siya sa kanila, “At bakit nilalabag naman ninyo ang utos ng Diyos dahil sa inyong kaugalian? Sapagkat (BV) iniutos ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama't ina;’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat mamatay.’ Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang mapapakinabangan mo mula sa akin ay ibinigay ko na sa Diyos, at ang nagsabi niyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.’ Kaya't masunod lamang ang inyong kaugalian ay binabale-wala na ninyo ang salita[m] ng Diyos. Kayong mapagkunwari! Angkop na angkop sa inyo ang ipinahayag ni Isaias nang sabihin niya,

‘Iginagalang (BW) ako ng mga taong ito sa kanilang mga labi,
    subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
Pagsamba sa aki'y walang kabuluhan;
    pawang gawa ng tao ang kanilang katuruan.’ ”

Ang Nagpaparumi sa Tao(BX)

10 Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayo at unawain ninyo ito: 11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang sanhi ng pagiging marumi ng isang tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang sanhi ng kanyang pagiging marumi.” 12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam ba ninyong nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang sinabi ninyong ito?” 13 Ngunit sumagot siya, “Bubunutin ang lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit. 14 Hayaan (BY) ninyo sila. Sila'y mga bulag na tagaakay.[n] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.” 15 Sumagot naman si Pedro, “Ipaliwanag mo po sa amin ang talinghaga.” 16 At sinabi niya, “Hanggang ngayon ba'y hindi pa rin kayo marunong umunawa? 17 Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at idinudumi? 18 Ngunit (BZ) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at iyon ang nagpaparumi sa tao. 19 Sapagkat sa puso nagmumula ang masasamang pag-iisip, pagpaslang, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsisinungaling, at panlalait. 20 Ang mga ito ang sanhi ng pagiging marumi ng isang tao, subalit ang kumain nang hindi nahugasan ang mga kamay nang ayon sa minanang turo ay hindi nakapagpaparumi sa sinuman.”

Ang Pananampalataya ng Babaing Taga-Canaan(CA)

21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa karatig-pook ng Tiro at Sidon. 22 Naroon ang isang babaing taga-Canaan na mula sa lupaing iyon. Siya'y nagsisisigaw, “Maawa ka po sa akin, Panginoon, Anak ni David! Ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.” 23 Ngunit hindi man lamang siya sumagot sa babae. Lumapit ang mga alagad niya at nakiusap sa kanya, “Paalisin mo po siya, sapagkat nagsisisigaw siya sa hulihan natin.” 24 At sumagot siya, “Ako'y sinugo para lamang sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.” 25 Ngunit lumapit ang babae, lumuhod sa harapan niya at sinabi, “Panginoon, tulungan mo po ako.” 26 Sumagot si Jesus, “Hindi tamang kunin ang kinakain ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.” 27 Ngunit sagot ng babae, “Opo, Panginoon. Ngunit ang mga aso man ay kumakain ng mga mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang mga amo.” 28 Kaya't sumagot si Jesus sa kanya, “Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari para sa iyo ang hinihiling mo.” At gumaling ang kanyang anak na babae sa oras ding iyon.

Maraming Pinagaling si Jesus

29 Umalis doon si Jesus at bumagtas sa tabi ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Dumagsa sa kanya ang napakaraming tao na may dalang mga pilay, mga paralitiko, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y kanyang pinagaling. 31 Namangha ang maraming tao nang makita nilang nakapagsasalita ang mga pipi, lumalakas ang mga paralitiko, nakalalakad ang mga piláy, at nakakikita ang mga bulag. At pinuri nila ang Diyos ng Israel.

Pinakain ang Apat na Libo(CB)

32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Naaawa ako sa maraming taong ito, sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at ngayon ay wala silang pagkain. Ayaw ko naman silang paalising gutóm, at baka himatayin sila sa daan.” 33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na tinapay sa liblib na pook na ito upang ipakain sa ganito karaming tao?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilan ba ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo niya sa lupa ang mga tao, 36 kinuha ang pitong tinapay at ang mga isda at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao. 37 Silang lahat ay kumain at nabusog. At nakapagtipon sila ng pitong kaing na punô ng mga labis na pinagputul-putol na pagkain. 38 May apat na libong lalaki ang kumain bukod pa sa mga babae at sa mga bata. 39 Pagkatapos pauwiin ang maraming tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa nasasakupan ng Magadan.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.