Bible in 90 Days
15 Tayong malalakas ay dapat magbata ng mga kahinaan ng mga mahihina, at hindi upang bigyan ng kaluguran ang ating mga sarili. 2 Ito ay sapagkat ang bawat isa sa atinay dapat magbigay-lugod sa ikatitibay ng kaniyang kapwa. 3 Sapagkat maging si Cristo ay hindi nagbigay-lugod sa kaniyang sarili. Subalit ayon sa nasusulat:
Ang pag-aalipusta nila na umaalipusta sa iyo ay napunta sa akin.
4 Ito ay sapagkat ang anumang bagay na isinulat noong una pa ay isinulat para sa ikatututo natin upang magkaroon tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng pagtitiis at pagpapalakas-loob na mula sa kasulatan.
5 Ang Diyos ang nagbigay sa inyo ng pagtitiis at pagpapalakas-loob upang magkaroon kayo ng iisang kaisipan sa isa’t isa ayon kay Cristo Jesus. 6 Gagawin niya ito upang sa nagkakaisang kaisipan at nagkakaisang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesucristo.
7 Kaya nga, upang maluwalhati ang Diyos, tanggapin ninyo ang bawat isa ayon sa paraan ng pagtanggap sa atin ni Cristo. 8 Ngunit sinasabi: SiJesucristo ay naging tagapaglingkod ng mga nasa pagtutuli para sa katotohanan ng Diyos, upang tiyakin ang mga pangako ng Diyos na ibinigay niya sa mga ninuno. 9 At upang ang mga Gentil ay lumuwalhati sa Diyos dahil sa kaniyang kahabagan. Ayon sa nasusulat:
Dahil dito ihahayag kita sa mga Gentil at ako ay aawit ng papuri sa iyong pangalan.
10 Muli ay sinabi ng kautusan:
Kayong mga Gentil, magalak kayong kasama ng kaniyang mga tao.
11 At muli:
Kayong lahat ng mga Gentil, purihin ninyo ang Panginoon. Kayong lahat ng mga tao, purihin ninyo siya.
12 Muli ay sinabi ni Isaias:
Magkakaroon ng ugat ni Jesse. Siya ang titindig upang maghari sa mga Gentil. Sa kaniya aasa ang mga Gentil.
13 Sa inyong pagsampalataya, mapupuno kayo ng kagalakan at kapayapaan. Gagawin ito sa inyo ng Diyos ng pag-asa upang sumagana kayo sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Si Pablo ang Tagapaglingkod sa mga Gentil
14 Mga kapatid, ako sa aking sarili ay nakakatiyak na kayo rin ay puno ng kabutihan at ng lahat ng kaalaman. At maari na kayong magbigay ng payo sa isa’t isa.
15 Mga kapatid, patungkol sa ilang mga bagay, ako ay sumulat sa inyo na may katapangan bilang paala-ala sa inyo dahil sa biyaya na ibinigay sa akin ng Diyos. 16 Biniyayaan ako ng Diyos na maging natatanging tagapaglingkod ni Jesucristo sa mga Gentil upang paglingkuran ko nang may kabanalan ang ebanghelyo ng Diyos. Ito ay upang angpaghain ng mga Gentil, na pinabanal ng Banal na Espiritu, ay maging katanggap-tanggap.
17 Dahil dito mayroon akong dahilan upang ipagmalaki, sa pamamagitan ni Jesucristo, ang mga bagayna patungkol sa Diyos. 18 Hindi ako maglakas-loob na magsalita ng mga bagay na hindi ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko upang ang mga Gentil ay sumunod sa pamamagitan ng salita at gawa. 19 Ito rin ay upang sumunod ang mga Gentil sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga himala, ng mga tanda at ng mga kamangha-manghang gawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos. Kaya nga, sa ganang akin, mula sa Jerusalem hanggang sa palibot ng Iliricum ay naipangaral ko na nang lubos ang ebanghelyo ni Cristo. 20 Kaya nga, lubos kong minimithi na maipangaral ang ebanghelyo, hindi sa mga dakong kilala na si Cristo, upang hindi ako makapagtayo sa saligang itinayo ng iba. 21 Subalit ayon sa nasusulat:
Sa kanila na hindi pa naisasaysay ang mga patungkol sa kaniya, sila ay makakakita. Sila na hindi pa nakarinig, sila ay makakaunawa.
22 Dahil sa mga bagay na ito, ako ay madalas mahadlangan sa pagpunta sa inyo.
Ang Balak na Pagdalaw ni Pablo sa Roma
23 Sa ngayon wala na akong kalalagyan sa mga lalawigang ito. Maraming taon na rin akong nananabik na pumunta sa inyo.
24 Kapag ako ay makapunta sa Espanya, pupunta ako sa inyo sapagkat inaasahan kong makita kayo sa aking paglalakbay at matulungan ninyo ako sa patuloy kong paglalakbay. Ito ay pagkatapos na magkaroon ako ng kasiyahan sa ating pagsasama-sama. 25 Sa ngayon, ako ay papunta sa Jerusalem upang maglingkod sa mga banal. 26 Ito ay sapagkat isang kaluguran samga taga-Macedonia at sa mga taga-Acaya ang makapagbigay ng kaloob sa pagsasama-sama ng mga mahihirap sa mga banal na nasa Jerusalem. 27 Nalugod sila sa paggawa nito at ito ay ibinilang nilang pagkakautang nila sa kanila sapagkat ang mga Gentil ay naging kabahagi ng mga Judio sa kanilang espirituwal na pagpapala. Kaya naman ang mga Gentil ay dapat na maglingkod sa mga Judio sa mga bagay na ukol sa katawan. 28 Kaya nga, tatapusin ko ang tungkuling ito at titiyakin kong matanggap nila ang bungang ito. Pagkatapos, dadaan ako sa inyo pagpunta ko sa Espanya. 29 Natitiyak kong sa pagpunta ko sa inyo, pupunta ako sa kapuspusan ng biyaya ng ebanghelyo ni Cristo.
30 Mga kapatid, namamanhik ako sa inyo sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo at sa pamamagitan ng pag-ibig mula sa Espiritu. Ipinamamanhik kongsamahan ninyo akong magsikap sa pananalangin sa Diyos para sa akin. 31 Ipanalangin ninyo na ako ay maligtas mula sa mga sumusuway sa Diyos na nasa Judea. At nang ang aking paglilingkod sa Jerusalem ay maging katanggap-tanggap sa mga banal na naroroon. 32 Ipanalangin ninyo na ako ay makapunta sa inyo na may kagalakan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos at makapagpahingang kasama ninyo. 33 Ang Diyos ng kapayapaan ang siyang sumainyong lahat. Siya nawa.
Sariling Pagbati
16 Ipinagtatagubilin ko sa inyo si Febe, na ating kapatid, na isang tagapaglingkod ng iglesiya na nasa Cencrea.
2 Hinihiling ko na tanggapin ninyo siya sa Panginoon gaya ng nararapat sa mga banal. Hinihiling ko na tulungan ninyo siya sa anumang bagay na kakailanganin niya sapagkat siya ay naging malaking tulong sa maraming tao at gayundin sa akin.
3 Batiin ninyo sina Priscila at Aquila. Sila ay mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. 4 Inilagay nila sa panganib ang kanilang leeg dahil saaking buhay. Hindi lang ako ang nagpapasalamat sa kanila kundi ang lahat din ng mga iglesiya ng mga Gentil.
5 Batiin din ninyo ang iglesiya na nasa kanilang tahanan. Batiin niyo si Epeneto na aking minamahal. Siya ang unang bunga para kay Cristo sa Acaya. 6 Batiin ninyo si Maria na nagpagal ng labis para sa atin.
7 Batiin ninyo sina Andronico at Junias. Sila ay mga kamag-anak ko at kasama kong bilanggo, na kinikilala ng mga apostol. Bago ako, sila ay na kay Cristo na. 8 Batiin ninyo si Ampliato na minamahal ko sa Panginoon. 9 Batiin ninyo si Urbano na ating kamanggagawa kay Cristo. Batiin ninyo si Estacio na minamahal ko.
10 Batiin ninyo si Apeles, na isang katanggap-tanggap na manggagawa kay Cristo. Batiin ninyo ang mga nasa sambahayan ni Aristobulo. 11 Batiin ninyo si Herodion na aking kamag-anak. Batiin ninyo ang mga nasa sambahayan ni Narciso na mga nasa Panginoon.
12 Batiin ninyo sina Trifena at Trifosa na mga nagpagal sa Panginoon. Batiin ninyo si Persida, ang minamahal na lubos nagpagal sa Panginoon. 13 Batiin ninyo si Rufo, ang hinirang ng Panginoon, at sa kaniyang inana itinuring ko na ring ina.
14 Batiin ninyo sila Sincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas at sa mga kapatid na kasama nila. 15 Batiin ninyo sila Filologo, Julia, Nereo at ang kapatid niyang babae at gayundin kay Olimpas. Batiin ninyo ang lahat ng mga banal na kasama nila.
16 Magbatian kayo sa isa’t isa ng banal na halik. Ang mga iglesiya ni Cristo ay bumabati sa inyo.
17 Ipinamamanhik ko sa inyo mga kapatid na mag-ingat kayo sa kanila na nagiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi at ng katitisuran na taliwas sa turo na inyongnatutunan. Layuan ninyo sila. 18 Ito ay sapagkat ang mga gayon ay hindi naglilingkod sa ating Panginoong Jesucristo kundi sa mga sarili nilang tiyan. Sa pamamagitan ng mabuting salita at papuri ay dinadaya nila ang mga puso ng mgawalang kapintasan. 19 Ang balita patungkol sa inyong pagsunod ay umabot salahat ng dako. Ako nga ay nagagalak patungkol sa inyo ngunit ninanais kong maging matalino kayo patungkol sa mabubuti at maging mga walang kamalayan patungkol sa masama.
20 Hindi na magtatagal ang Diyos ng kapayapaan ang dudurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa.
Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ang siyang sumainyo.
21 Si Timoteo, na aking kamanggagawa, at ang aking mga kamag-anak na sina Lucio, Jason at Sosipatro ay bumabati sa inyo.
22 Akong si Tercio na sumulat ng sulat na ito ay bumabati sa inyo sa Panginoon.
23 Si Gayo na tumanggap sa akin at sa buong iglesiya ay bumabati sa inyo.
Si Erasto na tagapamahala ng lungsod ay bumabati sa inyo gayundin si Quarto na ating kapatid.
24 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ang sumainyong lahat. Siya nawa.
25 Sa Diyos na makakapagpatatag sa inyo ayon sa aking ebanghelyo at paghahayag kay Jesucristo. Ito ay ayon sa hiwaga na itinago noong una pang panahon. 26 Subalit ngayon ang hiwaga ay inihayag na. Ito ay ipinakilala sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta ayon sa utos ng walang hanggang Diyos. Ito ay para sa pagsunod sa pananampalataya ng lahat ng mga bansa. 27 Sa iisang matalinong Diyos, ang kaluwalhatian ang siyang sumakaniya magpakailanman sa pamamagitan ni Jesucristo. Siya nawa!
1 Akong si Pablo, sa kalooban ng Diyos, ay tinawag na maging apostol ni Jesucristo. Ang ating kapatid na si Sostenes ay kasama ko.
2 Sumusulat ako sa iglesiya ng Diyos na nasa Corinto, na mga itinalaga kay Cristo Jesus. Sa kanila na tinawag na mga banal kasama ang lahat ng nasa bawat dako, na tumatawag sa pangalan ni Jesucristo na kanilang Panginoon at ating Panginoon.
3 Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.
Pasasalamat
4 Nagpapasalamat akong lagi sa aking Diyos para sa inyo dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Jesucristo.
5 Nagpapasalamat ako na sa bawat bagay ay pinasasagana niya kayo sa kaniya, sa lahat ng inyong pagsasalita at sa lahat ng kaalaman. 6 Ito ay kung papaanong napagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo. 7 Kaya nga, hindi kayo nagkulang sa isa mang kaloob, na kayo ay naghihintay ng kapahayagan ng ating Panginoong Jesucristo. 8 Siya ang magpapatibay sa inyo hanggang wakas, hindi mapaparatangan sa araw ng ating Panginoong Jesucristo. 9 Ang Diyos ay matapat. Sa pamamagitan niya kayo ay tinawag sa pakikipag-isa sa kaniyang Anak na si Jesucristo na ating Panginoon.
Ang Pagkakabaha-bahagi sa Iglesiya
10 Mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo na kayong lahat ay magkaisa sa mga sasabihin ninyo, at huwag magkaroon ng pagkakabahagi sa inyo. Sa halip, lubos kayong magkaisa sa iisang isipan at iisang pagpapasiya.
11 Nasabi nga sa akin ng ilan sa sambahayan ni Cloe na mayroong mga paglalaban-laban sa inyo. 12 Ito ang sasabihin ko: Ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi: Ako ay kay Pablo, ako ay kay Apollos, ako ay kay Cefas, ako ay kay Cristo.
13 Pinagbaha-bahagi ba si Cristo? Si Pablo ba ay ipinako sa krus ng dahil sa inyo? Binawtismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo? 14 Ako ay nagpapasalamat na wala akong binawtismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gayo. 15 Ito ay upang walang sinumang magsabi na ako ay nagbabawtismo sa aking pangalan. 16 Binawtismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Patungkol sa iba, wala na akong alam na binawtismuhan ko. 17 Ito ay sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbawtismo kundi upang ipangaral ang ebanghelyo. Ito ay hindi sa pamamagitan ng karunungan ng salita upang hindi mawalan ng halaga ang krus ni Cristo.
Si Cristo ang Karunungan at Kapangyarihan ng Diyos
18 Sapagkat ang salita patungkol sa krus ay kamangmangan sa mga napapahamak ngunit sa atin na naligtas ito ay kapangyarihan ng Diyos.
19 Ito ay sapagkat nasusulat:
Sisirain ko ang karunungan ng marurunong at pawawalang kabuluhan ang talino ng matatalino.
20 Nasaan ang marunong? Nasaan ang guro ng kautusan? Nasaan ang nakikipagtalo ng kapanahunang ito? Hindi ba ang karunungan ng sanlibutang ito ay ginawa ng Diyos na kamangmangan? 21 Ito ay sapagkat sa karunungan ng Diyos, ang sanlibutan ay hindi nakakilala sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Dahil dito ikinalugod ng Diyos na iligtas sila na sumasampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral. 22 Ang mga Judio ay humihingi ng tanda at ang mga Griyego ay naghahanap ng karunungan. 23 Ang aming ipinangangaral ay si Cristo na ipinako sa krus. Sa mga Judio siya ay katitisuran, sa mga Griyego siya ay kamangmangan. 24 Sa mga tinawag, Judio at Griyego, siya ay Cristo na siyang kapangyarihan ng Diyos at karunungan ng Diyos. 25 Ito ay sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay higit sa karunungan ng tao at ang kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng tao.
26 Sapagkat nakita ninyo ang inyong pagkatawag, mga kapatid. Iilan lang ang matatalino ayon sa laman, iilan lang ang makapangyarihan, iilan lang ang maharlika na tinawag. 27 Subalit pinili ng Diyos ang kamangmangan ng sanlibutan upang ipahiya ang marurunong. Pinili niya ang mga mahihina ng sanlibutan upang ipahiya ang mga malalakas. 28 Pinili ng Diyos ang mga mabababa sa sanlibutan at mga hinamak at mga bagay na walang halaga upang mapawalang halaga ang mga bagay na itinuturing na mahalaga. 29 Ginawa niya ito upang walang sinuman ang makapagmalaki sa harap niya. 30 Dahil sa kaniya, kayo ay na kay Cristo Jesus. Ginawa siya na maging karunungan, katuwiran, kabanalan at katubusan para sa atin mula sa Diyos. 31 Ito ay upang matupad ang nasusulat:
Siya na nagmamalaki, magmalaki siya sa Panginoon.
2 Mga kapatid, ako ay dumating sa inyo na naghahayag ng patotoo patungkol sa Diyos, hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o karunungan. 2 Ito ay sapagkat pinagpasiyahan kong walang malamang anuman sa inyo maliban kay Jesucristo na ipinako sa krus. 3 Nakasama ninyo ako sa kahinaan, sa pagkatakot at lubhang panginginig. 4 Ang aking pananalita at pangangaral ay hindi sa mapanghikayat na pananalita ng karunungan ng tao. Sa halip, ito ay sa pagpapatunay ng Espiritu at ng kapangyarihan. 5 Ito ay upang ang inyong pananampalataya ay hindi ayon sa karunungan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos.
Karunungang Mula sa Espiritu
6 Gayunman, kami ay nagsasalita ng karunungan sa may mga sapat na gulang na. Ngunit ang sinasalita namin ay hindi ang karunungan ng kapanahunang ito, ni ng mga namumuno sa kapanahunang ito na mauuwi sa wala.
7 Sinasalita namin ang karunungan ng Diyos sa pamamagitan ng isang hiwaga. Ito ang nakatagong karunungan na itinalaga ng Diyos bago pa ang kapanahunang ito para sa ating kaluwalhatian. 8 Wala ni isa man sa mga namumuno sa kapanahunang ito ang nakakaalam patungkol dito. Kung nalaman lang nila ito, hindi na nila sana ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit ayon sa nasusulat:
Ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na umiibig sa kaniya ay hindi nakita ng mga mata, ni hindi narinig ng tainga at hindi pumasok sa puso ng mga tao.
10 Ngunit ang mga ito ay inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang sumasaliksik ng lahat ng mga bagay maging ang mga malalalim na bagay ng Diyos. 11 Ito ay sapagkat sinong tao ang nakakaalam ng mga bagay ng tao, maliban sa espiritu ng tao nanasa kaniya? Ganoon din ang mga bagay ng Diyos, walang sinumang nakakaalam maliban sa Espiritu ng Diyos.
12 Ngunit hindi namin tinanggap ang espiritu ng sanlibutan. Sa halip, ang tinanggap namin ay ang Espiritu na mula saDiyos upang malaman namin ang mga bagay na ipinagkaloob sa amin ng Diyos. 13 Ang mga bagay na ito ang aming sinasabi: Hindi sa pamamagitan ng mga salitang itinuro ng karunungan ng tao kundi sa mga salitang itinuro ng Banal na Espiritu. Inihahalintulad namin ang mga espirituwal na bagay sa espirituwal na bagay. 14 Hindi tinatanggap ng likas na tao ang mga bagay na ukol sa Espiritu ng Diyos sapagkat kamangmangan sa kaniya ang mga ito at hindi niya ito maaaring malaman dahil ang mga ito ay nasisiyasat sa kaparaanang espirituwal. 15 Ang taong sumusunod sa Espiritu ay nakakasiyasat ng lahat ng mga bagay ngunit walang sinumang nakakasiyasat sa kaniya.
16 Ito ay sapagkat sino nga ang nakaalam ng isipan ng Panginoon? Sino ang magtuturo sa kaniya?
Ngunit kami, nasa amin ang kaisipan ni Cristo.
Patungkol sa Pagkakampi-kampi sa Iglesiya
3 Mga kapatid, hindi ako nakapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, subalit tulad sa mga taong namumuhay ayon sa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo.
2 Pinainom ko kayo ng gatas sa halip na matigas na pagkain sapagkat hindi pa ninyo kaya ang matigas na pagkain at maging sa ngayon nga ay hindi pa ninyo kaya. 3 Ito ay sapagkat kayo ay nasa laman pa rin dahil mayroon pa rin kayong mga inggitan, paglalaban-laban at pagkakabaha-bahagi. Hindi ba kayo ay namumuhay pa sa laman, at namumuhay bilang mga tao? 4 Ito ay sapagkat may nagsasabi: Ako ay kay Pablo. Ang iba ay nagsasabi: Ako ay kay Apollos. Hindi ba ito ang nagpapakitang kayo ay namumuhay pa ayon sa laman?
5 Sino nga si Pablo at sino si Apollos? Hindi ba kami ay mga tagapaglingkod, na sa pamamagitan namin kayo ay sumampalataya kung paanong ibinigay ng Diyos sa bawat isa sa amin ang mga gawaing ito? 6 Ako ang nagtanim, si Apollos ang nagdilig ngunit ang Diyos ang nagpalago. 7 Kaya nga, siya na nagtanim at maging siya na nagdilig ay hindi mahalaga, kundi ang Diyos na nagpalago. 8 Ang nagtanim at ang nagdilig ay iisa. Gayunman, tatanggapin ng bawat isa ang kani-kaniyang gantimpala ayon sa kaniyang pagpapagal. 9 Ito ay sapagkat kami ay kamanggagawa ng Diyos, kayo ang taniman ng Diyos, kayo ang gusali ng Diyos.
10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa akin, inilagay ko ang saligan. Inilagay ko ito tulad ng isang marunong na punong-tagapagtayo at may ibang nagtatayo roon. Subalit mag-ingat ang bawat isa kung papaano siya magtatayo roon. 11 Ito ay sapagkat wala nang ibang saligang mailalagay ang sinuman maliban doon sa nakalagay na. Siya ay si Jesus na Cristo. 12 Ngunit, ang isang tao ay maaaring magtayo sa saligang ito ng ginto, pilak, mga mamahaling bato, kahoy, damo o dayami. 13 Ang gawa ng bawat tao ay mahahayag sapagkat may araw na ihahayag ito sa pamamagitan ng apoy. Ang gawa ng bawat isa, anumang uri ito ay susubukin ng apoy. 14 Kung ang gawa na itinayo ng sinuman sa saligang ito ay nanatili, tatanggap siya ng gantimpala. 15 Kung ang gawa ng sinuman ay masunog, malulugi siya. Gayunman, maliligtas siya ngunit tulad ng dumaan sa apoy.
16 Hindi ba ninyo alam na kayo ang banal na dako ng Diyos at ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa inyo? 17 Ang sinumang wawasak sa banal na dako ng Diyos ay wawasakin din ng Diyos sapagkat ang dakong banal ng Diyos ay banal at kayo ang dakong iyon.
18 Huwag ninyong dayain ang inyong sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-iisip na siya ay marunong sa kapanahunang ito, dapat siyang maging mangmang upang siya ay maging marunong. 19 Ito ay sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos dahil nasusulat:
Hinuhuli niya ang marunong sa kanilang katusuhan.
20 Gayundin:
Nalalaman ng Panginoon na walang kabuluhan ang kaisipan ng marurunong.
21 Kaya nga, huwag magmalaki ang sinuman sa mga tao sapagkat ang lahat ng bagay ay sa inyo. 22 Maging si Pablo, o si Apollos, o si Cefas, o sanlibutan, o buhay, o kamatayan, o mga kasalukuyang bagay o mga bagay na darating na, lahat ay sa inyo. 23 Kayo ay kay Cristo at si Cristo ay sa Diyos.
Mga Apostol ni Cristo
4 Sa ganitong paraan ay kilalanin kami ng mga tao bilang mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos.
2 Gayundin naman, ang katiwala ay kinakailangang maging matapat. 3 Para sa akin, isang maliit na bagay na ako ay siyasatin ninyo o kaya ng sinumang tao. Subalit maging ako ay hindi ko sinisiyasat ang aking sarili. 4 Ito ay sapagkat wala akong alam na laban patungkol sa aking sarili subalit hindi ito nangangahulugan na ako ay matuwid. Ngunit siya na sumisiyasat sa akin ay ang Panginoon. 5 Kaya nga, huwag hatulan ang anumang bagay bago dumating ang oras, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Dadalhin niya sa liwanag ang mga tagong bagay ng kadiliman at magpapakita ng mga layunin ng mga puso, at ang papuring mula sa Diyos ay makakamtan ng bawat isa.
6 Mga kapatid, ang mga bagay na ito ay aking isinagawa sa aking sarili at gayundin kay Apollos. Ito ay upang matutunan ninyo mula sa amin na huwag mag-isip ng mataas kaysa sa nakasulat. Ito ay upang hindi ninyo ipagmalaki ang isang tao laban sa isang tao. 7 Ang dahilan nito, sino ang gumawa sa inyo na maging iba sa ibang tao? Ano ang mayroon sa inyo na hindi ninyo tinanggap? Ngunit yamang nakatanggap din kayo, bakit nagmamalaki kayo na parang hindi kayo nakatanggap?
8 Nasa inyo na ang higit pa sa kailangan ninyo. Kayo ay mayaman na. Naghari na kayo tulad ng mga hari na hindi kami kasama. At hangad ko na totoong maghari kayo upang kami rin naman ay magharing kasama ninyo. 9 Ito ay sapagkat sa aking palagay, ginawa ng Diyos na kaming mga apostol ay maging pinakahamak sa lahat na parang itinalaga sa kamatayan. Kami ay ginawang isang panoorin para sa sangkatauhan, sa mga anghel at sa mga tao. 10 Kami ay mga mangmang alang-alang kay Cristo ngunit kayo ay mga matatalino. Kami ay mahihina ngunit kayo ay malalakas. Kayo ay pinarangalan ngunit kami ay itinuturing na walang dangal. 11 Hanggang sa ngayon kami ay nagugutom at nauuhaw at walang mga damit. Pinahihirapan kami at walang tirahan. 12 Kami ay nagpapagal, gumagawa sa sarili naming mga kamay. Kapag kami ay nilalait, pinagpapala namin sila. Sa pag-uusig nila sa amin kami ay nagbabata. 13 Pinagwiwikaan nila kami ng masama, kami naman ay nagpapayo. Kami ay naging parang basura ng sanlibutan at mga linab hanggang sa ngayon.
14 Isinulat ko ang mga bagay na ito hindi upang hiyain kayo kundi bigyan kayo ng babala bilang mga minamahal na anak. 15 Ito ay sapagkat kahit magkaroon kayo ng sampung libong guro kay Cristo, hindi marami ang inyong ama dahil sa pamamagitan ng ebanghelyo kayo ay naging mga anak ko kay Cristo Jesus. 16 Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo, tularan ninyo ako. 17 Dahil dito, isinugo ko sa inyo si Timoteo na minamahal kong anak. Siya ay tapat sa Panginoon. Siya ang magpapaalaala sa inyo ng pamamaraan ng aking pamumuhay kay Cristo ayon sa itinuturo ko sa bawat iglesiya sa lahat ng dako.
18 Ngunit may ilan sa inyo na nagyayabang na parang hindi na ako pupunta sa inyo. 19 Kung loloobin ng Panginoon, pupunta ako sa inyo sa lalong madaling panahon nang sa gayon ay malaman ko ang kapangyarihan ng mga nagyayabang at hindi ang kanilang salita. 20 Ito ay sapagkat ang paghahari nga ng Diyos ay hindi sa salita kundi sa kapangyarihan. 21 Ano ang ibig ninyo? Ibig ba ninyong pumunta ako riyan na may tungkod, o pumunta akong may pag-ibig at may espiritu ng pagpapakumbaba?
Itiwalag ang Kapatid na Gumagawa ng Masama
5 Karaniwang naiuulat sa akin na mayroong pakikiapid sa inyo. Ang isa sa inyo ay nakikisama sa asawa ng sarili niyang ama. Ito ay uri ng pakikiapid na hindi ginagawa maging ng mga Gentil.
2 Nagmamalaki pa kayo sa halip na magdalamhati upang maitiwalag sa inyong kalagitnaan ang gumawa nito. 3 Ito ay sapagkat wala ako sa inyo sa katawan ngunit ako ay nasa inyo sa espiritu. Kaya nga, nahatulan ko na ang gumawa ng bagay na ito gaya ng ako ay naririyan sa inyo. 4 Ginawa ko ito sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, sa inyong pagtitipon, kasama ang aking espiritu, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng ating Panginoong Jesucristo. 5 Ang hatol ko ay ibigay ninyo kay Satanas ang ganiyang tao para sa pagwasak ng kaniyang katawan. Ito ay upang maligtas ang kaniyang espiritu sa araw ng Panginoong Jesus.
6 Ang inyong pagyayabang ay hindi mabuti. Hindi ba ninyo nalalaman na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa ng harina? 7 Alisin nga ninyo ang lumang pampaalsa upang kayo ay maging bagong masa ng harina. Kayo nga ay tunay na walang pampaalsa dahil si Cristo, na siyang ating Paglagpas, ay inihain para sa atin. 8 Kaya nga, ipagdiriwang natin ang kapistahan hindi sa pamamagitan ng lumang pampaalsa. Hindi sa pampaalsa ng masamang hangarin o kasamaan, kundi sa pamamagitan ng tinapay na walang pampaalsa, na ito ay sa katapatan at sa katotohanan.
9 Isinulat ko sa inyo, sa aking liham na huwag kayong makikisama sa mga nakikiapid. 10 Hindi ko tinutukoy ang mga mapang-apid sa sanlibutang ito, o mga mapag-imbot, o mga sakim, o mga sumasamba sa diyos-diyosan. Kung sila ang tinutukoy ko, dapat na kayong umalis sa sanlibutang ito. 11 Sa halip, isinulat ko sa inyo na huwag kayong makikisama sa sinuman na tinatawag na kapatid kung siya ay nakikiapid, o mapag-imbot, o sumasamba sa diyos-diyosan, o mapanirang-puri, o manginginom ng alak, o kaya ay manunuba. Huwag kayong makikisama sa katulad nila, ni makikain man lang.
12 Kaya ano ang karapatan ko upang hatulan ko sila na nasa labas? Hindi ba ninyo hahatulan sila na nasa loob? 13 Sila na nasa labas ay hahatulan ng Diyos. Kaya nga, inyong itiwalag mula sa inyo ang taong masama.
Paghahabla ng Mananampalataya Laban sa Kapwa Mananampalataya
6 Ang isa sa inyo ay may isang bagay laban sa isa. Maglalakas loob ba siyang magsakdal sa harap ng isang hindi matuwid at hindi sa harap ng mga banal?
2 Ang mga banal ay hahatol sa sangkatauhan, hindi ba ninyo alam iyan? Yamang kayo ang hahatol sa sangkatauhan, hindi ba kayo karapat-dapat humatol sa maliliit na bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya na ating hahatulan ang mga bagay sa buhayna ito? 4 Kapag may hahatulan kayo sa mga bagay sa buhay na ito, bakit ninyo pinahahatol sila na itinuturing na pinakamababa sa iglesiya?
5 Nagsasalita ako para mahiya kayo. Wala bang isa mang marunong sa inyo na makakapagpasiya sa pagitan ng kaniyang mga kapatid? 6 Ang nangyayari ay nagsasakdal ang isang kapatid laban sa kapatid, at ito ay sa harap ng hindi mananampalataya.
7 Tunay ngang may pagkakamali sa inyo dahil naghahablahan kayo sa isa’t isa. Bakit hindi na lang ninyo tanggaping ginawan kayo ng mali? Bakit hindi na lang ninyo tanggaping dinadaya kayo? 8 Hindi ninyo ito tinatanggap, sa halip, kayo ang gumagawa ng mali at nandaraya at ginagawa ninyo ito sa inyong kapatid.
9 Ang mga hindi matuwid ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos. Hindi ba ninyo alam iyan? Huwag kayong magpadaya. Ang mga nakikiapid, ang mga sumasamba sa diyos-diyosan, ang mga mangangalunya, ang mga bakla, ang mga gumagamit sa kapwa lalaki ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos. 10 Maging ang mga magnanakaw, ang mga mapag-imbot, ang mga manginginom ng alak, ang mga mapanirang puri, ang mga sakim ay hindi magmamana ng paghahari ng Diyos. 11 Ganito ang ilan sa inyo, ngunit kayo ay nahugasan na, kayo ay pinabanal na. Kayo ay pinaging- matuwid sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.
Ang Pakikiapid
12 Para sa akin, ang lahat ng bagay ay ayon sa kautusan, ngunit hindi lahat ay kapakipakinabang. Ang lahat ng bagay ay maaari kong gawin ngunit hindi ako magpapasakop sa kapamahalaan sa mga bagay na ito.
13 Ang pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain. Ang mga ito ay wawasakin ng Diyos. Ang katawan ay hindi para sa pakikiapid kundi para sa Diyos at ang Diyos ay para sa katawan. 14 Ang Diyos, na nagbangon sa Panginoon, ay siya ring magbabangon sa atin sa pamamagitan ng sarili niyang kapangyarihan. 15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Kukunin ko ba ang mga bahagi ni Cristo at gagawingbahagi ng isang patutot? Huwag nawang mangyari. 16 Hindi ba ninyo alam na angisang nakikipag-isa sa patutot ay kaisang laman niya? Ito ay sapagkat sinabi nga niya: Ang dalawa ay magiging isang katawan. 17 Ngunit siya na nakikipag-isa sa Diyos ay isang espiritu.
18 Layuan ninyo ang pakikiapid. Ang bawat kasalanang ginagawa ng tao ay sa labas ng katawan. Ngunit ang nakikiapid ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan. 19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay banal na dako ng Banal na Espiritu na nasa inyo? Ang inyong katawan ay mula sa Diyos at kayo ay hindi sa inyong sarili. 20 Ito ay sapagkat binili kayo sa halaga. Luwalhatiin nga ninyo ang Diyos sa inyong katawan at espiritu. Ang inyong katawan at espiritu ay sa Diyos.
Ang Pag-aasawa
7 Patungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin, mabuti para sa isang lalaki na hindi niya hahawakan ang isang babae.
2 Gayunman, upang maiwasan ang pakikiapid, makapag-asawa nawa ang bawat lalaki at gayundin nawa ang bawat babae. 3 Dapat gampanan ng lalaki ang tungkulin niya sa kaniyang asawa at gayundin ang babae sa kaniyang asawa. 4 Ang asawang babae ay walang kapamahalaan sa sarili niyang katawan kundi ang lalaki. Gayundin ang lalaki, wala siyang kapamahalaan sa sarili niyang katawan kundi ang babae. 5 Huwag magkait ang sinuman sa isa’t isa maliban na lang kung napagkasunduan sa ilang panahon. Ito ay upang maiukol ninyo ang inyong sarili sa pag-aayuno at pananalangin. Pagkatapos noon ay magsamang muli upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa inyong kawalan ng pagpipigil. 6 Ito ay sinasabi ko bilang pagpapahintulot at hindi bilang pag-uutos. 7 Ibig ko sana na ang lahat ng lalaki ay maging tulad ko, ngunit ang bawat isa ay may kani-kaniyang kaloob mula sa Diyos. Ang isa ay may kaloob sa ganitong bagay at ang isa ay may kaloob sa ganoong bagay.
8 Sa mga walang asawa at sa mga balo ay sinasabi ko: Mabuti para sa kanila ang manatili sa kalagayang tulad ko. 9 Ngunit kung hindi sila makapagpigil, hayaan silang mag-asawa sapagkat higit na mabuti ang mag-asawa kaysa mag-alab sa matinding pagnanasa.
10 Sa mga may asawa ay iniuutos ko: Huwag humiwalay ang asawang babae sa kaniyang asawa. Hindi ako ang nag-uutos nito kundi ang Panginoon. 11 Kung siya ay humiwalay, huwag siyang mag-aasawa o kaya ay makipagkasundo siya sa kaniyang asawang lalaki. Huwag palayasin ng asawang lalaki ang kaniyang asawa.
12 Nangungusap ako sa iba, hindi ang Panginoon kundi ako: Kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang hindi sumasampalataya, huwag palayasin ng lalaki ang asawang babae. Ito ay kung sumasang-ayonang babae na manahang kasama ng lalaki. 13 Ang babae na may asawang hindi sumasampalataya ay huwag humiwalay sa asawang lalaki. Ito ay kung sumasang-ayon siyang manahang kasama ng babae. 14 Ito ay sapagkat ang asawang lalaki na hindi sumasampalataya ay pinababanal sa pamamagitan ng asawang babae. Ang asawang babae na hindi sumasampalataya ay pinababanal ng asawanglalaki. Kung hindi gayon, ang inyong mga anak ay marurumi, ngunit ngayon sila ay mga banal.
15 Kung ang hindi sumasampalataya ay humiwalay, hayaan siyang humiwalay. Ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ay hindi na sa ilalim ng pagpapaalipin sa ganoong kalalagayan. Ngunit tayo ay tinawag ng Diyos na mamuhay sa kapayapaan. 16 Alam mo ba, ikaw na babae, na baka ikaw ang makadala sa iyong asawa patungo sa kaligtasan? Alam mo ba, ikaw na lalaki, na baka ikaw ang makadala sa iyong asawa patungo sa kaligtasan?
17 Ngunit kung ano nga ang itinakda ng Diyos sa bawat tao, mamuhay nawa siya ng ganoon. Kung paano tinawag ng Panginoon ang bawat isa, gayundin ang tagubilin ko sa mga iglesiya. 18 Mayroon bang tinatawag sa pagiging nasa pagtutuli? Huwag siyang maging hindi tuli. Mayroon bang tinatawag sa hindi pagiging nasa pagtutuli? Huwag siyang gawing tuli. 19 Ang pagtutuli ay walang halaga, ang hindi pagtutuli ay walang halaga. Ang mahalaga ay ang pagsunod sa utos ng Diyos. 20 Ang bawat tao ay manatili sa pagkatawag sa kaniya. 21 Tinawag ka ba na alipin? Huwag mong ikabahala iyon. Kung maaari kang maging malaya, gamitin mo ang kalayaang iyon. 22 Ito ay sapagkat siya na tinawag na isang alipin sa Panginoon ay malaya sa Panginoon. Gayundin siya na tinawag na isang malaya sa Panginoon ay isang alipin ni Cristo. 23 Kayo ay biniling may halaga, huwag kayong paalipin sa mga tao. 24 Mga kapatid, ang bawat tao ay panatilihing kasama ng Diyos sa tawag naitinawag sa kaniya.
25 Patungkol sa mga dalaga, wala akong utos na mula sa Diyos, gayunman ay magbibigay ako ng payo bilang isang taong nakatanggap mula sa Diyos ng habag na maging matapat. 26 Dahil sa kasalukuyang pangangailangan, sa aking palagay ay ito ang mabuti. Mabuti para sa isang lalaki ang manatiling ganito. 27 May asawa ka ba? Kung mayroon, huwagmo nang hangaring makipaghiwalay. Hiwalay ka ba sa iyong asawa? Huwag mo nang hangaring mag-asawang muli. 28 Kapag ikaw ay nag-asawa, hindi ka nagkasala. Kapag ang isang dalaga ay nag-asawa, hindi siya nagkasala. Ngunit, ang mga may asawa ay daranas ng kahirapan sa buhay, ngunit ang hangad ko ay makaligtas kayo sa bagay na ito.
29 Mga kapatid, ito ang sasabihin ko: Maikli na ang panahon, kaya mula ngayon, ang mga may asawa ay maging tulad nang mga walang asawa. 30 Ang mga nananangis ay maging parang mga hindi nananangis, ang mga nagagalak ay maging parang mga hindi nagagalak. Ang mga bumibili ay maging parang mga walang naging pag-aari. 31 Ang mga nagtatamasa ng mga bagay sa sanlibutang ito ay maging parang mga hindi nagtamasa ng lubos sapagkat ang kaanyuan ng sanlibutang ito ay lumilipas.
32 Ngunit ibig kong maging malaya kayo sa mga alalahanin. Ang walang asawa ay nagsusumikap sa mga bagay para sa Panginoon, kung papaano niya mabibigyang lugod ang Panginoon. 33 Ang lalaking may asawa ay nagsusumikap sa mga bagay ng sanlibutang ito kung papaano niya mabibigyang lugod ang kaniyang asawa. 34 Magkaiba ang babaeng may asawa at ang babaeng walang asawa. Ang babaeng walang asawa ay nagsusumikap sa mga bagay para sa Panginoon upang siya ay maging banal, kapwa ang kaniyang katawan at ang kaniyang espiritu. Ngunit ang babaeng may asawa ay nagsusumikap sa mga bagay ng sanlibutang ito kung papaano niya mabibigyang lugod ang kaniyang asawa. 35 Sinasabi ko ito para sa inyong ikabubuti, hindi sa inuumangan ko kayo ng patibong kundi upang magawa ninyo ang nararapat. Ito rin ay upang mapaglingkuran ninyo ang Panginoon ng walang anumang nakakagambala.
36 Kung ang isang lalaki ay nag-aakalang hindi nararapat ang kaniyang asal sa babaeng kaniyang magiging asawa, o kung inaakala ng babaeng kaniyang magiging asawa na siya ay nakalagpas na sa kaniyang kabataan o kung inaakala niyang gayon ang dapat na mangyari, gawin na niya ang dapat niyang gawin. Sa bagay na ito ay hindi siya nagkakasala. 37 Ngunit, mabuti ang kaniyang ginagawa kung mayroon siyang paninindigan sa kaniyang puso, hindi dahil sa kinakailangan, kundi dahil sa may kapamahalaan siya sa sarili niyang kalooban. At ito ay pinagpasiyahan niya sa kaniyang puso na panatilihin niyang gayon ang kaniyang magiging asawa. 38 Mabuti kung ang lalaki ay magpakasal, ngunit higit na mabuti kung hindi siya magpakasal.
39 Ang asawang babae ay nakabuklod sa pamamagitan ng batas sa kaniyang asawa hanggang ang lalaki ay nabubuhay. Kapag ang lalaki ay namatay, ang babae ay may kalayaang magpakasal sa sinumang ibig niya, ngunit ito ay dapat ayon sa kalooban ng Panginoon. 40 Kung siya ay mananatiling walang asawa ayon sa aking payo, siya ay higit na masaya at sa aking palagay ang Espiritu ng Diyos ay nasa akin.
Ang Pagkaing Inialay sa mga Diyos-diyosan
8 Isinusulat ko ang patungkol sa pagkaing inihain sa mga diyos-diyosan. Alam natin na lahat tayo ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nakakapagpayabang ngunit ang pag-ibig ay nakakapagpatatag.
2 Ngunit kung ang sinuman ay nag-aakalang alam niya ang anumang bagay, siya ay wala pang nalalaman sa dapat niyang malaman. 3 Kung ang sinuman ay umiibig sa Diyos, kilala siya ng Diyos.
4 Patungkol sa mga pagkaing inihain sa mga diyos-diyosan, alam nating walang halaga ang diyos-diyosan sa sanlibutan. Alam nating wala nang ibang Diyos maliban sa isa. 5 Sapagkat maraming mga tinatawag na diyos sa langit man o sa lupa, maraming diyos, maraming panginoon. 6 Subalit para sa atin iisa lamang ang Diyos, ang Ama. Sa kaniya nagmula ang lahat ng mga bagay at tayo ay para sa kaniya. Iisa lamang ang Panginoong Jesucristo. Sa pamamagitan niya nagmula ang lahat ng mga bagay at tayo ay nabubuhay sa pamamagitanniya.
7 Subalit hindi lahat ay may kaalaman. Dahil sa kanilang budhi patungkol sa mga diyos-diyosan, hanggang ngayon ay may ilang tao na kapag kinakain nila ang mga bagay na ito, iniisip nilang iyon ay inihain sa diyos-diyosan. At dahil mahihina ang kanilang budhi, iyon ay nadudungisan. 8 Hindi tayo nagiging katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ng pagkain sapagkat kapag kumain tayo, hindi ito makakabuti sa atin. Kapag hindi tayo kumain, hindi ito makakasama sa atin.
9 Ngunit mag-ingat kayo baka ang karapatang ito ay maging katitisuran sa mga mahihina. 10 Ito ay sapagkat ikaw na may kaalaman, kung kumain ka sa templo ng mga diyos-diyosan at kung makita ka ng isang taong may mahinang budhi, hindi kaya lumakas ang loob niyang kumain din ng mga inihandog sa mga diyos-diyosan? 11 Dahil sa iyo na may kaalaman, hindi rin kaya masira ang buhay ng mahina mong kapatid, na kung kanino si Cristo ay namatay? 12 Sa ganito ay nagkakasala ka laban sa iyong mga kapatid at sinusugatan ang kanilang mahihinang budhi at nagkakasala ka laban kay Cristo. 13 Kaya nga, kung ang pagkain ko nito ay makakapagpatisod sa aking kapatid, hindi na ako kakain ng laman kailanman upang hindi ako maging katitisuran sa aking kapatid.
Ang mga Karapatan ng Isang Apostol
9 Ako ba ay hindi apostol? Hindi ba ako malaya? Hindi ko ba nakita si Jesucristo na ating Panginoon? Hindi ba kayo ay mga bunga ng aking gawa?
2 Kung sa ibang tao ako ay hindi apostol, gayunman, sa inyo ako ay isang apostol sapagkat kayo ang tatak ng aking pagka-apostol sa Panginoon.
3 Ito ang aking tugon sa mga sumisiyasat sa akin. 4 Wala ba kaming karapatang kumain at uminom? 5 Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang manananampalataya tulad ng ibang mga apostol at ng mga kapatid sa Panginoon at ni Cefas? 6 Ako lang ba at si Bernabe ang walang karapatang hindi maghanapbuhay?
7 Sinong kawal, na sa panahon ng kaniyang pagiging kawal, ang naglingkod sa sarili niyang gugol? Sinong nagtatanim sa ubasan ang hindi kumakain ng bunga noon? Sinong nag-aalaga ng tupa ang hindi umiinom ng gatas ng tupa? 8 Sinasabi ko ba ang mga bagay na ito bilang isang tao? Hindi ba sinasabi rin ito ng kautusan? 9 Ito ay sapagkat isinulat ni Moises sa kautusan:
Huwag mong bubusalan ang baka na ginagamit sa paggigiik ng mais.
Ang baka ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos?
10 Hindi ba ito ay sinabi niya nang dahil sa atin? Dahil sa atin ito ay isinulat: Ang nag-aararo ay dapat mag-araro sa pag-asa, at ang naggigiik ng mais sa pag-asa ay dapat maging kabahagi ng kaniyang pag-asa. 11 Yamang nakapaghasik kami sa inyo ng mga espirituwal na bagay, malaking bagay ba kung umani kami ng mga bagay na para sa katawan? 12 Yamang ang iba ay kabahagi sa karapatan sa inyo, hindi ba kami rin?
Gayunman, hindi namin ginamit ang karapatang ito. Sa halip, binata namin ang lahat ng bagay upang hindi namin mahadlangan ang ebanghelyo ni Cristo.
13 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga gumagawa ng mga banal na bagay sa templo ay kumakain mula sa mga bagay na nasa templo? Hindi ba sila na mga naglilingkod sa dambana, ay kabahagi samga handog sa dambana? 14 Sa gayunding paraan, itinalagang Panginoon na sila na nangangaral ng ebanghelyo ay mamumuhay sa ebanghelyo.
15 Ngunit alinman sa mga bagay na ito ay hindi ko ginamit. Hindi ko isinulat ang mga bagay na ito upang ito ay gawin sa akin sapagkat para sa akin mabuti pa na ako ay mamatay kaysa mawalan ng saysay ang dahilan ng aking pagmamalaki. 16 Ito ay sapagkat kahit na ipinapangaral ko ang ebanghelyo, wala akong anumang maipagmamalaki dahil kinakailangan kong ipangaral ito. Ngunit sa aba ko, kapag hindi ko ipangaral ang ebanghelyo. 17 Kapag ito ay ginawa ko nang kusang loob, mayroon akong gantimpala. Kapag ginawa ko ito nang labag sa aking kalooban, isang tungkulin pa rin ito na ipinagkatiwala sa akin. 18 Ano ngayon ang gantimpala ko? Ang gantimpala ko ay kung ipangaral ko ang ebanghelyo ni Cristo, ipinangangaral ko ang ebanghelyo ng walang bayad. Upang sa gayon ay hindi ko gagamitin ang sarili kong kapamahalaan sa ebanghelyo.
19 Ito ay sapagkat kahit na ako ay malaya mula sa kaninuman, gayunman, ginawa ko ang aking sarili na alipin ng lahat upang lalo pang marami ang madala ko. 20 Sa mga Judio ako ay naging Judio upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng kautusan ako ay naging tulad ng mga nasa ilalim upang madala ko sila na nasa ilalim ng kautusan. 21 Sa mga walang kautusan, ako ay naging tulad sa mga walang kautusan upang madala ko sila na walang kautusan.Hindi sa ako ay walang kautusan patungo sa Diyos subalit ako ay sa ilalim ng kautusan patungo kay Cristo. 22 Sa mga mahihina ako ay naging mahina upang madala ko ang mga mahihina. Naging ganito ako sa lahat ng bagay upang mailigtas ko sa bawat kaparaanan kahit ang ilan. 23 Ito ay ginagawa ko alang-alang sa ebanghelyo nang sa gayon ako ay maging kapwa kabahagi ng ebanghelyo.
24 Hindi ba ninyo nalalaman na sa paligsahan sa pagtakbo ang lahat ay tumatakbo ngunit iisa ang nagkakamit ng gantimpala? Kung gayon, pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang makamit ang gantimpala. 25 Ang bawat isang sumasali sa paligsahan ay may pagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay. Ginagawa nila iyon upang magkamit sila ng putong na nasisira ngunit tayo ay putong na hindi nasisira. 26 Kaya nga, ako ay tumatakbo hindi tulad sa walang katiyakan. Sa ganitong paraan ako ay nakikipaglaban, hindi tulad ng isang sumusuntok sa hangin. 27 Sinusupil ko ang aking katawan at pinasusuko ito upang sa aking pangangaral sa iba ay hindi ako masumpungang hindi karapat-dapat.
Mga Babala Mula sa Kasaysayan ng Israel
10 Mga kapatid, hindi ko ibig na hindi kayo makaalam. Ang mga ninuno natin ay naliliman ng ulap at silang lahat ay tumawid sa dagat.
2 Lahat sila ay binawtismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat. 3 Iisa ang kinain nilang espirituwal na pagkain. 4 Iisa ang ininom nilang espirituwal na inumin dahil uminom sila mula sa espirituwal na bato na sumunod sa kanila. Ang batong ito ay si Cristo. 5 Subalit, hindi nalugod ang Diyos sa marami sa kanila kaya sila ay ikinalat niya sa ilang.
6 Ang mga ito ay halimbawa sa atin upang hindi tayo maghangad ng masasamang bagay tulad nang naging paghahangad nila. 7 Huwag din nga kayong sumamba sa diyos-diyosan tulad ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat:
Ang mga tao ay umuupo upang kumain at uminom. Sila ay tumitindig upang maglaro.
8 Huwag din nga tayong makiapid tulad ng ilan sa kanila na nakiapid. Sa loob ng isang araw dalawampu’t tatlong libo ang bumagsak sa kanila at namatay. 9 Huwag din nating subukin si Cristo tulad ng ginawang pagsubok ng ilan sa kanila. Sa pamamagitan ng mga ahas sila ay namatay. 10 Huwag din kayong laging bumubulong tulad ng ilan sa kanila na laging bumubulong at namatay sa pamamagitan ng mangwawasak.
11 Ang lahat ng mga bagay na ito ay nangyari upang maging halimbawa. Ito ay isinulat para maging babala sa atin na kung kanino ang mga katapusan ng mga kapanahunan ay dumating. 12 Kaya nga, siya na nag-aakalang nakatayo ay mag-ingat at baka siya ay bumagsak. 13 Walang pagsubok na dumating sa iyo maliban sa karaniwang pagsubok sa tao. Ang Diyos ay matapat, na hindi ka pababayaang masubok nang higit sa makakaya mo. Kasabay ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para makaligtas ka nang sa gayon, makayanan mo ang pagsubok.
Ang Hain sa Diyos-diyosan at ang Hapag ng Panginoon
14 Kaya nga, mga iniibig, lumayo nga kayo sa pagsamba sa diyos-diyosan.
15 Tulad sa matalinong tao ako ay nagsasalita. Hatulan ninyo ang aking sinasabi: 16 Ang saro ng pagpapala, na aming pinagpala, hindi ba ito ay ang pakikipag-isa sa dugo ni Cristo? Hindi ba ang tinapay na pinagputul-putol, hindi baito ay ang pakikipag-isa sa katawan ni Cristo? 17 Tayo bagamat marami ay iisang tinapay dahil tayong lahat ay nakikibahagi sa iisang tinapay.
18 Tingnan ninyo ang Israel ayon sa laman. Hindi ba sila na kumain ng hain ay kapwa kabahagi sa dambana? 19 Anong sasabihin ko? Sasabihin ko bang may kabuluhan ang diyos-diyosan o ang inihain sa mga diyos-diyosan ay may kabuluhan? 20 Sinasabi ko: Ang inihahain ng mga Gentil ay inihahain nila sa mga demonyo at hindi sa Diyos. Hindi ko ibig na kayo ay maging kapwa kabahagi ng mga demonyo. 21 Hindi ka makaiinom sa saro ng Panginoon at sa saro ng mga demonyo. Hindi ka makakabahagi sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng mga demonyo. 22 Iniinggit ba natin ang Panginoon? Higit ba tayong malakas kaysa sa kaniya?
Ang Kalayaan ng Mananampalataya
23 Para sa akin, ang lahat ng bagay ay ayon sa kautusan, subalit hindi lahat ng mga bagay ay kapakipakinabang. Para sa akin ang lahat ng mga bagay ay ayon sa batas ngunit hindi lahat ng bagay ay nakakapagpatibay.
24 Huwag hangarin ng sinuman ang para sa sarili niya kundi ang para sa kapakanan ng iba.
25 Anumang ipinagbibili sa pamilihan ay kainin ninyo. Huwag nang magtanong alang-alang sa budhi. 26 Ito ay sapagkat
ang lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng kasaganaan nito.
27 Kapag ang sinuman sa mga hindi sumasampalataya ay mag-anyaya sa inyo, pumunta kayo kung ibig ninyo. Kainin ninyo ang lahat ng inihanda sa inyo. Huwag nang magtanong alang-alang sa budhi. 28 Kapag may nagsabi sa iyo: Ito ay inihain sa diyos-diyosan. Huwag kang kumain alang-alang sa kaniya na nagsabi sa iyo at alang-alang sa budhi sapagkat ang lupa ay sa Panginoon at ang kasaganaan nito. 29 Ang budhi na sinasabi ko ay hindi ang sa iyo kundi ang sa iba. Bakit hahatulan ng ibang budhi ang aking kalayaan? 30 Ako ay nakikibahagi nang may pasasalamat. Bakit ako nilalait sa mga bagay na pinasalamatan ko?
31 Kaya nga, kung kakain kayo, o iinom o anumang gagawin ninyo, gawin ninyo ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos. 32 Huwag kayong maging katitisuran kapwa sa mga Judio at sa mga Griyego at sa iglesiya ng Diyos. 33 Ako sa lahat ng bagay ay nagbibigay-lugod sa lahat. Hindi ko hinahangad ang sarili kong kapakinabangan, kundi ang kapakinabangan ng marami upang sila ay maligtas.
Nararapat na Pagsamba
11 Tumulad kayo sa akin gaya ko na tumulad din kay Cristo.
2 Mga kapatid, pinupuri ko kayo na sa lahat ng mga bagay ay naalala ninyo ako. Sinusunod din ninyo ang mga kaugalian ayon sa pagkakatagubilin ko sa inyo.
3 Ibig kong malaman ninyo na ang pangulo ng bawat lalaki ay si Cristo. Ang pangulo ng bawat babae ay ang lalaki. Ang pangulo ni Cristo ay ang Diyos. 4 Ang bawat lalaking nananalangin o naghahayag nang may takip ang ulo, ay nagbibigay ng kahihiyan sa kaniyang ulo. 5 Ang bawat babaeng nananalangin at naghahayag nang walang panakip ng ulo aynagbibigay ng kahihiyan sa kaniyang ulo. Ang walang panakip ng ulo ng babae ay tulad na rin ng inahitan ng buhok. 6 Ito ay sapagkat kung ang babae ay walang panakip ng ulo, magpagupit na rin siya. Ngunit kung kahihiyan para sa babae ang siya ay magpagupit o magpaahit, maglagay na lang siya ng panakip ng ulo. 7 Ito ay sapagkat ang lalaki ay hindi na dapat magtakip ng ulo dahil ito ang wangis at kaluwalhatian ng Diyos. Ang babae ay ang kaluwalhatian ng lalaki. 8 Ito ay sapagkat ang lalaki ay hindi nagmula sa babae. Ang babae ang siyang nagmula sa lalaki. 9 Ito ay sapagkat ang lalaki ay hindi nilikha para sa babae kundi ang babae aynilikha para sa lalaki. 10 Dahil dito ang babae ay kailangan ding magkaroon ng kapangyarihan sa kaniyang ulo alang-alang sa mga anghel.
11 Magkagayunman, sa Panginoon ang lalaki ay hindi hiwalay sa babae at ang babae ay hindi hiwalay sa lalaki. 12 Ito ay sapagkat ang babae ay nagmula sa lalaki, gayundin naman ang lalaki ay ipinanganganak ng babae. Ngunit ang lahat ng bagay ay nagmula sa Diyos. 13 Kayo ang humatol. Nararapat ba sa isang babae ang manalangin sa Diyos nang walang lambong? 14 Hindi ba ang kalikasan na rin ang nagturo na kapag mahaba ang buhok ng lalaki, iyon ay kasiraang dangal sa kaniya? 15 Ngunit sa babae, kung mahaba ang buhok niya, iyon ay kaluwalhatian sa kaniya sapagkat ang mahabang buhok ay ibinigay sa kaniya bilang panakip. 16 Kung may nagnanais makipagtalo patungkol sa bagay na ito, wala na kaming ibang kaugalian, maging ang mga iglesiya ng Diyos.
Ang Hapag ng Panginoon
17 Ngayon, sa sasabihin ko, hindi ko kayo pinupuri sapagkat ang pagtitipon ninyo ay hindi para sa ikabubuti kundi sa lalong ikasasama.
18 Ito ay sapagkat una sa lahat, sa pagtitipun-tipon ninyo sa iglesiya, naririnig ko na may pagkakampi-kampi sa inyo. Naniniwala ako na maaaring ito ay totoo. 19 Ito ay sapagkat kinakailangang mahayag ang pangkat na nagtuturo ng mga kamalian na nasa inyo nang sa gayon ay mahayag ang mga katanggap-tangap sa Diyos. 20 Sa pagtitipon ninyo sa isang dako, hindi kayo nagtitipon upang kumain ng hapunan ng Panginoon. 21 Ito ay sapagkat sa inyong pagkain, ang bawat isa ay kumakain ng kani-kaniyang hapunan nang una sa iba. Kaya ang isa ay gutom at ang isa ay lasing. 22 Hindi ba mayroon kayong mga bahay upang doon kumain at uminom? O baka naman hinahamak ninyo ang iglesiya ng Diyos at ipinapahiya ang mga walang pagkain? Ano ang dapat kong sabihin? Pupurihin ko ba kayo sa ganito? Hindi ko kayo pupurihin.
23 Ito ay sapagkat tinanggap ko mula sa Panginoon ang siya ko namang ibinibigay sa inyo. Ang Panginoong Jesus, nang gabing siya ay ipinagkanulo, ay kumuha ng tinapay. 24 Pagkatapos niyang magpasalamat, pinagputul-putol niya ito, at sinabi: Kunin ninyo, kainin ninyo, ito ang aking katawan na pinagputul-putol para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin. 25 Sa gayunding paraan kinuha niya ang saro pagkatapos maghapunan. Sinabi niya: Ang sarong ito ay ang bagong tipan sa aking dugo. Sa tuwing kayo ay iinom nito, gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin. 26 Ito ay sapagkat sa tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa sarong ito, inihahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa siya ay dumating.
27 Ang sinumang kumain ng tinapay at uminom sa saro ng hindi nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Ngunit suriin muna ng tao ang kaniyang sarili. Pagkatapos hayaan siyang kumain ng tinapay at uminom sa saro. 29 Ito ay sapagkat siya na kumakain at umiinom nang hindi karapat-dapat ay kumakain at umiinom ng kahatulan sa kaniyang sarili. Hindi niya kinikilala nang tama ang katawan ng Panginoon. 30 Dahil dito marami sa inyo ang mahihina at may karamdaman at marami ang natulog na. 31 Ito ay sapagkat hindi tayo hahatulan kung hahatulan natin ang ating mga sarili. 32 Kung tayo ay hinahatulan, tayo ay tinuturuan upang hindi tayo mahatulang kasama ng sanlibutan.
33 Kaya nga, mga kapatid, sa inyong pagtitipon upang kumain, maghintayan kayo sa isa’t isa. 34 Kapag ang sinuman ay nagugutom, hayaan siyang kumain muna sa bahay. Ito ay upang hindi kayo magtipun-tipon sa kahatulan.
Aayusin ko ang ibang mga bagay sa pagdating ko.
Mga Kaloob na Espirituwal
12 Ngayon, mga kapatid, hindi ko ibig na kayo ay walang nalalaman patungkol sa mga kaloob na espirituwal.
2 Alam ninyo na kayong mga Gentil ay inakay patungo sa mga diyos-diyosang hindi nakakapagsalita. 3 Kaya nga, nais kong malaman ninyo ito. Walang sinumang tao na nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ang nagsasabi: Sumpain si Jesus. Wala ring makakapagsabing si Jesus ay Panginoon maliban sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
4 May iba’t ibang uri ng kaloob ngunit iisa ang Espiritu. 5 May iba’t ibang uri ng paglilingkod ngunit iisa ang Panginoon. 6 May iba’t ibang uri ng gawain ngunit iisa ang Diyos na sa lahat ay gumagawa sa lahat ng bagay.
7 Ibinigay sa bawat isa ang kapahayagan ng Espiritu para sa kapakinabangan. 8 Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa isa ay ibinigay ang salita ng karunungan. Sa isa ay ibinigay ang salita ng kaalaman sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 9 Sa iba ay ibinigay ang pananampalataya at sa iba ay kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Sa isa naman ay ibinigay ang paggawa ng mga himala at sa isa ay ang pagpapahayag. Sa isa ay ibinigay ang pagkilala sa mga espiritu at sa iba naman ay iba’t ibang uri ng wika. Sa iba naman ay ang pagpapaliwanag sa mga wika. 11 Gayunman, ang isa at siya ring Espiritu ang gumagawa sa lahat ng mga bagay na ito. Ibinabahaginiya ito sa bawat isa ayon sa kaniyang kalooban.
Isang Katawan, Maraming Bahagi
12 Ang katawan ay iisa ngunit maraming bahagi. Ang lahat ng bahagi ng isang katawan bagamat marami ay iisang katawan. Si Cristo ay gayundin.
13 Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng iisang Espiritu, tayo rin ngang lahat ay binawtismuhan sa iisang katawan kahit tayo ay Judio o Griyego, alipin o malaya. At tayo rin ay pinainom sa iisang Espiritu.
14 Ito ay sapagkat ang katawan ay hindi iisang bahagi kundi marami. 15 Ang paa ba ay hindi bahagi ng katawan kapag sinabi niya: Dahil hindi ako kamay, hindi ako kasama sa katawan. 16 Ang tainga ba ay hindi bahagi ng katawan kapag sinabi niya: Dahil hindi ako mata, hindi ako kasama sa katawan. 17 Kung ang buong katawan ay mata, paano ito makakarinig? Kung ang buong katawan ay pandinig, paano ito makakaamoy? 18 Ngunit ngayon, inilagay ng Diyos sa katawan ang bawat isang bahagi ayon sa kalooban niya. 19 Kapag ang lahat ng bahagi ay iisa lang, nasaan ang katawan? 20 Ngunit ngayon, marami ang bahagi ngunit iisa ang katawan.
21 Ang mata ay hindi makakapagsabi sa kamay: Hindi kita kailangan. Maging ang ulo ay hindi makakapagsabi sa paa: Hindi kita kailangan. 22 Subalit ang mga bahagi pa nga ng katawan na inaakalang mahihina ay siyang kinakailangan. 23 Binibigyan natin ng malaking karangalan ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong marangal. Ang mga hindi magagandang bahagi ay higit nating pinagaganda. 24 Ngunit ang magagandang bahagi ay hindi na kinakailangang pagandahin. Subalit maayos na pinagsama-sama ng Diyos ang katawan. Ang mga bahaging may kakulangan ay binigyan niya ng higit na karangalan. 25 Ito ay upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa katawan at sa halip ay magmalasakitan sa isa’t isa ang lahat na bahagi. 26 Kaya nga, kung ang isang bahagi ay maghihirap, kasama niyang maghihirap ang lahat ng bahagi. Kung ang isang bahagi ay pararangalan, kasama niyang magagalak ang lahat ng bahagi.
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo at ang bawat isa ay bahagi nito. 28 At itinalaga ng Diyos ang ilan sa iglesiya. Una ay ang mga apostol, pangalawaang mga propeta at pangatlo ang mga guro. Kasunod nito ang mga gumagawa ng himala, pagkatapos ay ang mga kaloob ng pagpapagaling at saka ang pagtulong. Inilagay din ang pamamahala at iba’t ibang uri ng wika. 29 Ang lahat ba ay mga apostol? Lahat ba ay mga propeta? Lahat ba ay mga guro? Ang lahat ba ay gumagawa ng mga himala? 30 Lahat ba ay may kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba ay nagsasalita ng mga wika? Lahat ba ay nagpapaliwanag ng mga wika? 31 Ngunit higit ninyong hangarin ang pinakamabuting kaloob.
Ipakikita ko sa inyo ang lalo pang higit na paraan.
Pag-ibig
13 Kung magsalita ako ng mga wika ng mga tao o ng mga anghel at wala akong pag-ibig, ako ay parang tansong tumutunog o kumakalansing na pompiyang.
2 Kahit na may kaloob ako ng paghahayag, at ng pagkaalam sa lahat ng mga hiwaga at nasa akin ang lahat ng kaalaman, wala akong halaga kung wala akong pag-ibig. Kahit na may matibay akong pananampalataya upang mapalipat ko ang mga bundok, kung wala akong pag-ibig, wala akong halaga. 3 Kahit ipamigay ko ang lahat kong tinatangkilik upang mapakain ang mga mahihirap, kahit ibigay ko ang aking katawan para sunugin, kung wala akong pag-ibig, wala akong mapapakinabang.
4 Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Ang pag-ibig ay hindi nagmamapuri o nagmamataas. 5 Ito ay hindi nag-uugali ng di-nararapat, hindi ito naghahangad ng sarilingkapakinabangan, hindi madaling magalit at hindi nag-iisip ng masama. 6 Hindi ito nagagalak sa kalikuan kundi nagagalak sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay nagtatakip ng lahat ng bagay. Ito ay naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagbabata sa lahat ng bagay.
8 Ang pag-ibig ay hindi nagwawakas. Kung mayroong paghahayag, ang mga ito ay lilipas. Kung may pagsasalita ng mga wika, sila ay titigil.Kung may kaalaman, ito ay lilipas. 9 Ito ay sapagkat alam namin ang ilang bahagi, at naghahayag kami ng ilang bahagi. 10 Ngunit kapag yaong ganap ay darating, ang ilang bahagi na iyon ay lilipas. 11 Nang ako ay bata pa, nagsalita ako tulad ng bata, nag-isip ako tulad ng bata, nangatwiran ako tulad ng bata. Nang ako ay malaki na, iniwan ko na ang mga bagay na pambata. 12 Ito ay sapagkat sa ngayon ay malabo tayong makakakita sa pamamagitan ng salamin, ngunit darating ang panahon na tayo ay magkikita-kita nang harapan. Sa ngayon ang alam ko ay ilang bahagi lamang ngunit darating ang panahon na makakaalam ako tulad ng naging pagkaalam sa akin.
13 Ngayon ang tatlong ito ay mananatili, ang pananampalataya, ang pag-asa at ang pag-ibig. Ngunit ang pinakadakila sa tatlong ito ay ang pag-ibig.
Ang Kaloob ng Paghahayag at Pagsasalita ng mga Wika
14 Magpatuloy kayo sa pag-ibig at maghangad kayo ng mga kaloob na espirituwal. Ngunit lalo ninyong hangarin na kayo ay makapaghayag.
2 Ito ay sapagkat siya na nagsasalita ng ibang wika ay nagsasalita hindi sa mga tao kundi sa Diyos, dahil walang nakakaunawa sa kaniya. Ngunit sa espiritu, siya ay nakakapagsalita ng mga hiwaga. 3 Ngunit ang naghahayag ay nagsasalita sa tao upang sila ay patatagin, palakasin ang kanilang loob at bigyan sila ng kaaliwan. 4 Ang nagsasalita ng ibang wika ay nagpapatatag sa sarili niya. Ngunit ang naghahayag ay nagpapatatag sa iglesiya. 5 Ibig ko na lahat kayo ay makapagsalita ng ibang wika ngunit higit kong ninanais na kayo ay makapaghahayag. Ito ay sapagkat ang naghahayag ay higit na dakila kaysa sa nagsasalita ng ibang wika, maliban na lang kung ipaliliwanag niya. Sa ganoon ang iglesiya ay makakatanggap ng katatagan.
6 At ngayon mga kapatid, kung ako ay pumunta sa inyo na nagsasalita sa ibang wika, may mapapakinabangan ba kayo sa akin? Wala kayong mapapakinabangan sa akin maliban na lang kung ako ay magsasalita sa pamamagitan ng pahayag o sa kaalaman, o sa paghahayag, o sa pagtuturo. 7 Ang mga walang buhay na bagay ay nagbibigay ng tunog, maging plawta man o alpa. Papaano nga malaman kung ang tinutugtog ay plawta o alpa kung hindi ito magbigay ng malinaw na tunog? 8 Maging ang trumpeta, kung ito ay magbigay ng hindi malinaw na tunog, sino ang maghahanda sa pakikidigma? 9 Ganoon din sa inyo. Malibang gumamit kayo ng mga salitang madaling maunawaan, papaano mauunawaan ang mga sinasabi ninyo? Ito ay sapagkat sa hangin kayo nagsasalita. 10 Maaaring sa sanlibutan ay napakaraming uri ng tunog, wala isa man sa kanila ang walang kabuluhan. 11 Kaya nga, kung hindi ko naiintindihan ang kahulugan ng wikang iyon, ako ay tulad ng isang banyaga sa kaniya na nagsasalita. Siya rin naman na nagsasalita ay tulad ng isang banyaga sa akin. 12 Ganoon din sa inyo. Yamang naghahangad kayo ng mga espirituwal na kaloob. Hangarin ninyo na kayo ay sumagana para sa ikatatatag ng iglesiya.
13 Kaya nga, ang nagsasalita sa ibang wika ay manalangin namaipaliwanag niya ang sinasabi niya. 14 Ito ay sapagkat kung ako ay nananalangin sa ibang wika, ang espiritu ko ay nananalangin ngunit ang aking pang-unawa ay walang bunga. 15 Ano nga ito? Mananalangin ako sa espiritu at mananalangin din ako sa pamamagitan ng pang-unawa. Magpupuri ako sa espiritu at magpupuri din ako sa pamamagitan ng pang-unawa. 16 Kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, sa iyong pagbibigay ng pasasalamat, paano makakapagsabi ng siya nawa ang taong hindi naturuan. Ang sinasabi mo ay hindi niya nalalaman. 17 Ito ay sapagkat makakapagpasalamat ka nga ng mabuti ngunit ang iba ay hindi nagiging matibay.
18 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos na ako ay nakapagsasalita ng ibang wika nang higit sa inyong lahat. 19 Subalit iibigin ko pang magsalita sa iglesiya ng limang salita na nauunawaan ko kaysa sampung libong salita sa ibang wika. Ito ay upang makapagturo ako sa iba.
20 Mga kapatid, huwag kayong maging mga bata sa pag-iisip. Subalit maging mga sanggol kayo sa masamang hangarin, ngunit sa pag-iisip ay maging mga lalaking may sapat na gulang na. 21 Nakasulat sa kautusan:
Sinabi ng Panginoon: Magsasalita ako sa mga taong ito sa pamamagitan ng ibang mga wika at magsasalita ako sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga. Kahit na maging gayonhindi nila ako pakikinggan.
Mga Wika Bilang Tanda
22 Kaya nga, ang mga wika ay bilang tanda, hindi para sa mga sumasampalataya kundi para sa kanila na hindi sumasampalataya. Ngunit ang paghahayag ay hindi para sa mga hindi sumasampalataya kundi para sa mga sumasampalataya.
23 Kaya nga, kung ang buong iglesiya ay magtitipun-tipon sa isang lugar at bawat isa ay mag-salita sa iba’t ibang wika, at sa pagpasok ng mga hindi tinuruan at hindi mananampalataya ay narinig kayo, hindi kaya nila isiping kayo ay nababaliw? 24 Kapag ang lahat ay naghahayag, sa pagpasok ng hindi mananampalataya at hindi nataruan, siya ay susumbatan ng lahat, siya ay hahatulan ng lahat. 25 At sa ganoong paraan ang mga lihim ng kaniyang puso ay mahahayag. Siya ay magpapatirapa at sasamba sa Diyos at iuulat niyang ang Diyos ay tunay na sumasainyo.
Maayos na Pananambahan
26 Ano ngayon ang dapat gawin, mga kapatid? Kapag kayo ay nagtitipun-tipon ang bawat isa sa inyo ay may awit, may katuruan, may ibang wika, may kapahayagan, may pagpapaliwanag na mga wika. Ang lahat ng ito ay gawin ninyo nawa sa ikatitibay.
27 Kapag ang sinuman ay magsasalita sa ibang wika, gawin ito ng dalawa hanggang sa tatlo lang at dapat sunod-sunod at kinakailangang may nagpapaliwanag. 28 Kung walang magpapaliwanag, tumahimik siya sa iglesiya at magsalita na lang siya sa kaniyang sarili at sa Diyos.
29 Papagsalitain ang dalawa o tatlong propeta at hayaan silang hatulan ng iba. 30 Ngunit kung ang isa na nakaupo ay may kapahayagan, tumahimik muna ang nauna. 31 Ito ay sapagkat lahat kayo ay maaaring isa-isang makapaghahayag upang ang lahat ay matuto at mapalakas ang loob ng lahat. 32 Ang espiritu ng mga propeta ay nagpapasakop sa mga propeta. 33 Ito ay sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan, tulad ng sa lahat ng iglesiya ng mga banal.
34 Ang kababaihan ay tumahimik sa iglesiya, dahil hindi silapinahihintulutang magsalita. Sa halip sila ay dapat magpasakop ayon na rin sa nakasulat sa kautusan. 35 Kung ibig nilang matuto ng anumang bagay, magtanong sila sa sarili nilang mga asawa sa kanilang bahay sapagkat nakakahiya para sa babae ang magsalita sa iglesiya.
36 Ang salita ba ng Diyos ay nagmula sa inyo, o dumating lang ito sa inyo? 37 Kung ang sinuman ay magisip na siya ay propeta o kaya ay espirituwal na tao, dapat niyang kilalanin na ang mga bagay na isinulat ko sa inyo ay mga utos mula sa Panginoon. 38 Kapag ito ay hindi pahalagahan ng sinuman, hayaan ng ito ay hindi niya pahalagahan.
39 Kaya nga, mga kapatid, magsumigasig kayo, na kayo ay makapaghahayag at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa ibang wika. 40 Ang lahat ay gawin ninyo nang nararapat at may kaayusan.
Copyright © 1998 by Bibles International