The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
6 Ako'y naglagay ng mga bantay sa iyong mga kuta, Oh Jerusalem; sila'y hindi magsisitahimik kailan man sa araw o sa gabi: kayong mga mapagalaala sa Panginoon, huwag kayong mangagpahinga,
7 At huwag ninyong bigyan siya ng kapahingahan, hanggang sa siya'y matatag, at hanggang sa kaniyang gawing kapurihan sa lupa ang Jerusalem.
8 Ang Panginoon ay sumumpa ng kaniyang kanang kamay, at ng bisig ng kaniyang kalakasan, Tunay na hindi na ako magbibigay ng iyong trigo na pinakapagkain sa iyong mga kaaway; at ang mga taga ibang lupa ay hindi magsisiinom ng iyong alak, na iyong pinagpagalan.
9 Kundi silang nangagimbak niyaon ay magsisikain niyaon, at magsisipuri sa Panginoon; at silang nangagtipon niyaon ay magsisiinom niyaon sa mga looban ng aking santuario.
10 Kayo'y magsidaan, kayo'y magsidaan sa mga pintuang-bayan; inyong ihanda ang lansangan ng bayan; inyong patagin; inyong patagin ang maluwang na lansangan; inyong pulutin ang mga bato; mangagtaas kayo ng watawat na ukol sa mga bayan.
11 Narito, ang Panginoon ay nagtanyag hanggang sa wakas ng lupa, Inyong sabihin sa anak na babae ng Sion, Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating; narito, ang kaniyang kagantihan ay nasa kaniya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.
12 At tatawagin nila sila Ang banal na bayan, Ang tinubos ng Panginoon: at ikaw ay tatawagin Hinanap, Bayang hindi pinabayaan.
63 Sino ito na nanggagaling sa Edom, na may mga kasuutang tinina mula sa Bosra? itong maluwalhati sa kaniyang suot, na lumalakad sa di kawasang lakas? Ako na nagsasalita ng katuwiran, makapangyarihang magligtas.
2 Bakit ka mapula sa iyong kasuutan, at ang iyong damit ay gaya niyaong yumayapak sa alilisan ng alak?
3 Aking niyapakang magisa ang alilisan ng alak; at sa mga bayan ay walang isang sumasa akin: oo, aking niyapakan siya sa aking galit, at aking niyurakan sila sa aking kapusukan; at ang kanilang dugong buhay ay pumilansik sa aking mga suot, at natigmak ang buong suot ko.
4 Sapagka't ang kaarawan ng panghihiganti ay nasa aking puso, at ang taon ng aking mga tinubos ay dumating.
5 At ako'y lumingap, at walang tumulong; at ako'y namangha na walang umalalay: kaya't iniligtas ako ng aking sariling kamay; at ang aking kapusukan, ay umalalay sa akin.
6 At aking niyapakan ang mga bayan sa aking galit, at nilango ko sila sa aking kapusukan, at ibinubo sa lupa ang kanilang dugong buhay.
7 Aking babanggitin ang mga kagandahang-loob ng Panginoon, at ang mga kapurihan ng Panginoon, ayon sa lahat na ipinagkaloob ng Panginoon sa amin, at ang malaking kabutihan na kaniyang ginawa sa sangbahayan ni Israel na kaniyang ginawa sa kanila ayon sa kaniyang mga kaawaan, at ayon sa karamihan ng kaniyang mga kagandahang-loob.
8 Sapagka't kaniyang sinabi, Tunay, sila'y aking bayan, mga anak na hindi magsisigawang may kasinungalingan: sa gayo'y siya'y naging Tagapagligtas sa kanila.
9 Sa lahat nilang kadalamhatian ay nagdadalamhati siya, at iniligtas sila ng anghel na nasa kaniyang harapan: sa kaniyang pagibig at sa kaniyang pagkaawa ay tinubos niya sila; at kaniyang kinilik sila at kinalong silang lahat noong araw.
10 Nguni't sila'y nanganghimagsik, at namanglaw ang kaniyang banal na Espiritu: kaya't siya'y naging kaaway nila, at siya rin ang nakipaglaban sa kanila.
11 Nang magkagayo'y inalaala niya ang mga araw nang una, si Moises at ang kaniyang bayan, na sinasabi, Saan nandoon siya na nagahon sa kanila mula sa dagat, na kasama ng mga pastor ng kaniyang kawan? saan nandoon siya na kumakasi ng kaniyang banal na Espiritu sa kanila?
12 Na inaakbayan ng kaniyang maluwalhating bisig ang kanang kamay ni Moises? na humawi ng tubig sa harap nila, upang gawan ang kaniyang sarili ng walang hanggang pangalan?
13 Na pumatnubay sa kanila sa mga kalaliman, na parang isang kabayo sa ilang, upang sila'y huwag mangatisod?
14 Kung paanong ang kawan na bumababa sa libis, ay pinapagpapahinga ng Espiritu ng Panginoon: gayon mo pinatnubayan ang iyong bayan, upang gawan mo ang iyong sarili ng maluwalhating pangalan.
15 Tumungo ka mula sa langit, at tumingin ka, mula sa tahanan ng iyong kabanalan at ng iyong kaluwalhatian: saan nandoon ang iyong sikap at ang iyong mga makapangyarihang gawa? ang iyong pagmamagandang-loob at ang iyong mga habag ay iniurong mo sa akin.
16 Sapagka't ikaw ay aming Ama, bagaman hindi kami kinilala ni Abraham, at hindi kami kilala ng Israel: ikaw, Oh Panginoon, ay aming Ama, aming Manunubos na mula sa walang pasimula ay siya mong pangalan.
17 Oh Panginoon; bakit mo kami iniligaw na inihiwalay sa iyong mga daan, at pinapagmatigas mo ang aming puso na inihiwalay sa takot sa iyo? Ikaw ay magbalik dahil sa iyong mga lingkod, na mga lipi ng iyong mana.
18 Inaring sangdali lamang ng iyong banal na bayan: niyapakan ng aming mga kaaway ang iyong santuario.
19 Kami ay naging gaya ng hindi mga pinagpunuan kailan man, gaya ng hindi nangatawag sa iyong pangalan.
64 Oh buksan mo sana ang langit, na ikaw ay bumaba, na ang mga bundok ay gumuho sa iyong harapan.
2 Gaya ng kung nililiyaban ng apoy ang siitan, at ng kung pinakukulo ng apoy ang tubig; upang ipakilala ang iyong pangalan sa iyong mga kaaway, upang ang mga bansa ay manginig sa iyong harapan!
3 Nang ikaw ay gumawa ng mga kakilakilabot na bagay na hindi namin hinihintay, ikaw ay bumaba, ang mga bundok ay gumuho sa iyong harapan.
4 Sapagka't hindi narinig ng mga tao mula nang una, o naulinigan man ng pakinig, o ang mata ay nakakita man ng Dios liban sa iyo, na iginagawa niya ng kabutihan ang naghihintay sa kaniya.
5 Iyong sinasalubong siya na nagagalak at gumagawa ng katuwiran, yaong nagsialaala sa iyo sa iyong mga daan: narito, ikaw ay napoot, at kami ay nagkasala: napasa kanila kaming malaong panahon; at maliligtas baga kami?
6 Sapagka't kaming lahat ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basahang marumi: at nalalantang gaya ng dahon kaming lahat; at tinatangay kami ng aming mga kasamaan, na parang hangin.
7 At walang tumatawag ng iyong pangalan, na gumigising upang manghawak sa iyo; sapagka't ikinubli mo ang iyong mukha sa amin, at iyong pinugnaw kami sa aming mga kasamaan.
8 Nguni't ngayon, Oh Panginoon, ikaw ay aming Ama; kami ang malagkit na putik, at ikaw ay magpapalyok sa amin; at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay.
9 Huwag kang lubhang mapoot, Oh Panginoon, o umalaala man ng kasamaan ng magpakailan man: narito, tingnan mo, isinasamo namin sa iyo, kaming lahat ay iyong bayan.
10 Ang iyong mga bayang banal ay naging ilang, ang Sion ay naging giba, ang Jerusalem ay sira.
11 Ang aming banal at magandang bahay, na pinagpupurihan sa iyo ng aming mga magulang ay nasunog sa apoy; at lahat naming maligayang bagay ay nasira.
12 Magpipigil ka baga sa mga bagay na ito, Oh Panginoon? ikaw baga'y tatahimik, at pagdadalamhatiin mo kaming mainam?
65 Ako'y napagsasangunian ng mga hindi nagsipagtanong tungkol sa akin; ako'y nasusumpungan nila na hindi nagsihanap sa akin: aking sinabi, Narito ako, narito ako, sa bansa na hindi tinawag sa aking pangalan.
2 Aking iniunat ang aking mga kamay buong araw sa mapanghimagsik na bayan, na lumalakad sa daang hindi mabuti, ayon sa kanilang sariling mga pagiisip;
3 Bayan na minumungkahi akong palagi ng mukhaan, na naghahain sa mga halamanan, at nagsusunog ng kamangyan sa ibabaw ng mga laryo;
4 Na nauupo sa gitna ng mga libingan, at tumitigil sa mga lihim na dako; na kumakain ng laman ng baboy, at ang sabaw ng mga kasuklamsuklam na mga bagay ay nasa kanilang mga sisidlan;
5 Na nagsasabi, Humiwalay ka, huwag kang lumapit sa akin, sapagka't ako'y lalong banal kay sa iyo. Ang mga ito ay usok sa aking ilong, apoy na nagliliyab buong araw.
6 Narito, nasulat sa harap ko: hindi ako tatahimik, kundi ako'y gaganti, oo, ako'y gaganti sa kanilang sinapupunan,
7 Ang inyong sariling mga kasamaan, at ang mga kasamaan ng inyong mga magulang na magkakasama, sabi ng Panginoon, na mangagsunog ng kamangyan sa mga bundok, at nagsitungayaw sa akin sa mga burol: ay susukatan ko nga ng kanilang unang gawa sa kaniyang sinapupunan.
8 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung paanong nasusumpungan ang bagong alak sa kumpol, at may nagsasabi, Huwag mong sirain, sapagka't iyan ay mapapakinabangan: gayon ang gagawin ko sa ikagagaling ng aking mga lingkod, upang huwag kong malipol silang lahat.
9 At ako'y maglalabas ng lahi na mula sa Jacob, at mula sa Juda ng isang tagapagmana ng aking mga bundok; at mamanahin ng aking pinili, at tatahanan ng aking mga lingkod.
10 At ang Saron ay magiging kulungan ng mga kawan, at ang libis ng Achor ay dakong higaan ng mga bakahan, dahil sa aking bayan na humanap sa akin.
11 Nguni't kayo, na nangagpapabaya sa Panginoon, na nagsisilimot ng aking banal na bundok, na nangaghahanda ng dulang para sa Kapalaran, at pinupuno ang saro ng alak na haluan para sa Kaukulan;
12 Aking iuukol kayo sa tabak, at kayong lahat ay magsisiyuko sa patayan; sapagka't nang ako'y tumawag, kayo'y hindi nagsisagot; nang ako'y magsalita, kayo'y hindi nangakinig; kundi inyong ginawa ang masama sa harap ng aking mga mata, at inyong pinili ang di ko kinaluluguran.
13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ang aking mga lingkod ay magsisikain, nguni't kayo'y mangagugutom; narito, ang aking mga lingkod ay magsisiinom, nguni't kayo'y mangauuhaw; narito, mangagagalak ang aking mga lingkod, nguni't kayo'y mangapapahiya;
14 Narito, ang aking mga lingkod ay magsisiawit dahil sa kagalakan ng puso, nguni't kayo'y magsisidaing dahil sa kapanglawan ng puso, at aangal dahil sa pagkabagbag ng loob.
15 At inyong iiwan ang inyong pangalan na pinakasumpa sa aking mga pinili, at papatayin ka ng Panginoong Dios; at kaniyang tatawagin ang kaniyang mga lingkod ng ibang pangalan:
16 Na anopa't siyang nagpapala sa lupa ay magpapala sa Dios ng katotohanan; at siyang sumusumpa sa lupa ay susumpa sa pangalan ng Dios ng katotohanan; sapagka't ang mga dating kabagabagan ay nalimutan, at sapagka't nangakubli sa aking mga mata.
17 Sapagka't narito, ako'y lumilikha ng mga bagong langit, at ng bagong lupa, at ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa isip man.
18 Nguni't kayo'y mangatuwa at mangagalak magpakailan man sa aking nilikha; sapagka't, narito, aking nililikha na kagalakan ang Jerusalem, at kaligayahan ang kaniyang bayan.
19 At ako'y magagalak sa Jerusalem, at maliligaya sa aking bayan; at ang tinig ng iyak ay hindi na maririnig pa sa kaniya, o ang tinig man ng daing.
20 Hindi na magkakaroon mula ngayon ng sanggol na mamamatay, o ng matanda man na hindi nalubos ang kaniyang mga kaarawan; sapagka't ang bata ay mamamatay na may isang daang taong gulang, at ang makasalanan na may isang daang taon ang gulang ay susumpain.
21 At sila'y mangagtatayo ng mga bahay, at ang mga yao'y kanilang tatahanan; at sila'y mangaguubasan, at magsisikain ng bunga niyaon.
22 Sila'y hindi magtatayo, at iba ang tatahan; sila'y hindi magtatanim, at iba ang kakain; sapagka't kung paano ang mga kaarawan ng punong kahoy, ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan, at ang aking mga pinili ay mangagagalak na malaon sa gawa ng kanilang mga kamay.
23 Sila'y hindi gagawa ng walang kabuluhan, o manganganak man para sa kasakunaan, sapagka't sila ang lahi ng mga pinagpala ng Panginoon, at ang kanilang mga anak na kasama nila.
24 At mangyayari, na bago sila magsitawag, sasagot ako; at samantalang sila'y nangagsasalita, aking didinggin.
25 Ang lobo at ang kordero ay manginginaing magkasama, at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka; at alabok ang magiging pagkain ng ahas. Sila'y hindi mananakit o magpapahamak man sa aking buong banal na bundok, sabi ng Panginoon.
19 Datapuwa't inaasahan ko sa Panginoong Jesus na suguing madali sa inyo si Timoteo, upang ako naman ay mapanatag, pagkaalam ko ng inyong kalagayan.
20 Sapagka't walang taong katulad ko ang pagiisip na magmamalasakit na totoo sa inyong kalagayan.
21 Sapagka't pinagsisikapan nilang lahat ang sa kanilang sarili, hindi ang mga bagay ni Jesucristo.
22 Nguni't nalalaman ninyo ang pagkasubok sa kaniya na gaya ng paglilingkod ng anak sa ama, ay gayon naglilingkod siyang kasama ko sa ikalalaganap ng evangelio.
23 Siya nga ang aking inaasahang suguin madali, pagkakita ko kung ano ang mangyayari sa akin:
24 Datapuwa't umaasa ako sa Panginoon, na diya'y makararating din naman akong madali.
25 Nguni't inakala kong kailangang suguin sa inyo si Epafrodito, na aking kapatid at kamanggagawa, at kapuwa kawal at inyong sugo at katiwala sa aking kailangan.
26 Yamang siya'y nananabik sa inyong lahat, at totoong siya'y namanglaw, sapagka't inyong nabalitaan na siya'y may-sakit:
27 Katotohanan ngang nagkasakit siya na malapit na sa kamatayan: nguni't kinahabagan siya ng Dios; at hindi lamang siya kundi pati ako, upang ako'y huwag magkaroon ng sapinsaping kalumbayan.
28 Siya nga'y sinugo kong may malaking pagpipilit, upang, pagkakitang muli ninyo sa kaniya, kayo'y mangagalak, at ako'y mabawasan ng kalumbayan.
29 Tanggapin nga ninyo siya sa Panginoon ng buong galak; at ang gayon ay papurihan ninyo:
30 Sapagka't dahil sa pagpapagal kay Cristo ay nalapit siya sa kamatayan, na isinasapanganib ang kaniyang buhay upang punan ang kakulangan sa inyong paglilingkod sa akin.
3 Sa katapustapusan, mga kapatid ko, mangagalak kayo sa Panginoon. Ang pagsulat ko nga sa inyo ng mga gayon ding bagay, sa akin ay tunay na hindi nakangangalay, nguni't sa inyo'y katiwasayan.
2 Magsipagingat kayo sa mga aso, magsipagingat kayo sa masasamang manggagawa, magsipagingat kayo sa mga sa pagtutuli:
3 Sapagka't tayo ang pagtutuli, na nagsisisamba sa Espiritu ng Dios, at nangagmamapuri kay Cristo Jesus, at walang anomang pagkakatiwala sa laman:
73 Tunay na ang Dios ay mabuti sa Israel. Sa mga malilinis sa puso.
2 Nguni't tungkol sa akin, ang mga paa ko'y halos nahiwalay: ang mga hakbang ko'y kamunti nang nangadulas.
3 Sapagka't ako'y nanaghili sa hambog, nang aking makita ang kaginhawahan ng masama.
4 Sapagka't walang mga tali sa kanilang kamatayan: kundi ang kanilang kalakasan ay matatag.
5 Sila'y wala sa kabagabagan na gaya ng ibang mga tao; na hindi man sila nangasasalot na gaya ng ibang mga tao.
6 Kaya't kapalalua'y gaya ng kuwintas sa kanilang leeg: tinatakpan sila ng karahasan na gaya ng bihisan.
7 Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan: sila'y mayroong higit kay sa mananasa ng puso.
8 Sila'y manganunuya, at sa kasamaan ay nanunungayaw ng pagpighati: sila'y nangagsasalitang may kataasan.
9 Kanilang inilagay ang kanilang bibig sa mga langit, at ang kanilang dila ay lumalakad sa lupa.
10 Kaya't ibinabalik dito ang kaniyang bayan: at tubig ng punong saro ay nilalagok nila.
11 At kanilang sinasabi, Paanong nalalaman ng Dios? At may kaalaman ba sa Kataastaasan?
12 Narito, ang mga ito ang masama; at palibhasa'y laging tiwasay nagsisilago sa mga kayamanan,
13 Tunay na sa walang kabuluhan ay nilinis ko ang aking puso, at hinugasan ko ang aking mga kamay sa kawalaang sala;
14 Sapagka't buong araw ay nasalot ako, at naparusahan tuwing umaga.
15 Kung aking sinabi, Ako'y magsasalita ng ganito; narito, ako'y gagawang may karayaan sa lahi ng iyong mga anak.
16 Nang aking isipin kung paanong aking malalaman ito, ay napakahirap sa ganang akin;
17 Hanggang sa ako'y pumasok sa santuario ng Dios, at aking nagunita ang kanilang huling wakas,
18 Tunay na iyong inilagay sila sa mga madulas na dako: iyong inilugmok sila sa kapahamakan.
19 Kung paanong naging kapahamakan sila sa isang sandali! Sila'y nilipol na lubos ng mga kakilabutan.
20 Ang panaginip sa pagkagising: sa gayon, Oh Panginoon, pag gumising ka, iyong hahamakin ang kanilang larawan.
21 Sapagka't ang puso ko'y namanglaw, at sa aking kalooban ay nasaktan ako:
22 Sa gayo'y naging walang muwang ako, at musmos; ako'y naging gaya ng hayop sa harap mo.
23 Gayon ma'y laging sumasaiyo ako: iyong inalalayan ang aking kanan.
24 Iyong papatnubayan ako ng iyong payo, at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian.
25 Sinong kumakasi sa akin sa langit kundi ikaw? At walang ninanasa ako sa lupa liban sa iyo.
26 Ang aking laman at ang aking puso ay nanglulupaypay: nguni't ang Dios ay kalakasan ng aking puso, at bahagi ko magpakailan man.
27 Sapagka't narito, silang malayo sa iyo ay mangalilipol: iyong ibinuwal silang lahat, na nangakikiapid, na nagsisihiwalay sa iyo.
28 Nguni't mabuti sa akin na lumapit sa Dios; ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong Dios, upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa.
13 Anak ko, kumain ka ng pulot, sapagka't mabuti; at ng pulot-pukyutan na matamis sa iyong lasa:
14 Sa gayo'y matututo ka ng karunungan na malalagay sa iyong kaluluwa: kung iyong nasumpungan ito, sa gayo'y magkakaroon ka nga ng kagantihan, at ang iyong pagasa ay hindi mahihiwalay.
Public Domain