The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.
25 At si Nadab na anak ni Jeroboam ay nagpasimulang maghari sa Israel sa ikalawang taon ni Asa na hari sa Juda, at siya'y naghari sa Israel na dalawang taon.
26 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at lumakad ng lakad ng kaniyang ama, at sa kaniyang kasalanan na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.
27 At si Baasa na anak ni Ahia, sa sangbahayan ni Issachar ay nagbanta laban sa kaniya; at sinaktan siya ni Baasa sa Gibbethon, na nauukol sa mga Filisteo; sapagka't kinukulong ni Nadab at ng buong Israel ang Gibbethon.
28 Nang ikatlong taon nga ni Asa na hari sa Juda, ay pinatay siya ni Baasa, at naghari na kahalili niya.
29 At nangyari, na pagkapaging hari niya, sinaktan niya ang buong sangbahayan ni Jeroboam, hindi siya nag-iwan kay Jeroboam ng sinomang may hininga, hanggang sa kaniyang nilipol siya, ayon sa sabi ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Ahias na Silonita:
30 Dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam na kaniyang ipinagkasala, at kaniyang ipinapagkasala sa Israel; dahil sa kaniyang pamumungkahi na kaniyang iminungkahing galit sa Panginoon, sa Dios ng Israel.
31 Ang iba nga sa mga gawa ni Nadab, at ang lahat niyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
32 At nagkaroon ng pagdidigmaan si Asa at si Baasa na hari sa Israel sa lahat ng kanilang kaarawan.
33 Nang ikatlong taon ni Asa na hari sa Juda, ay nagpasimulang maghari si Baasa na anak ni Ahia sa buong Israel sa Thirsa, at naghari na dalawang pu't apat na taon.
34 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at lumakad ng lakad ni Jeroboam, at sa kaniyang kasalanan na ipinapagkasala sa Israel.
16 At ang salita ng Panginoon ay, dumating kay Jehu na anak ni Hanani, laban kay Baasa, na sinasabi,
2 Yamang itinaas kita mula sa alabok, at ginawa kitang pangulo sa aking bayang Israel; at ikaw ay lumakad ng lakad ni Jeroboam, at iyong pinapagkasala ang aking bayang Israel, upang mungkahiin mo ako sa galit sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanan;
3 Narito, aking lubos na papalisin si Baasa at ang kaniyang sangbahayan; at aking gagawin ang iyong sangbahayan na gaya ng sangbahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat.
4 Ang mamatay kay Baasa sa bayan ay kakanin ng mga aso; at ang mamatay sa kaniya sa parang ay kakanin ng mga ibon sa himpapawid,
5 Ang iba nga sa mga gawa ni Baasa, at ang kaniyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
6 At natulog si Baasa na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa Thirsa; at si Ela na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
7 At bukod dito'y, sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani, ay dumating ang salita ng Panginoon laban kay Baasa, at laban sa kaniyang sangbahayan, dahil sa lahat na kasamaan na kaniyang ginawa sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin siya sa galit sa pamamagitan ng gawa ng kaniyang mga kamay, sa pagkagaya sa sangbahayan ni Jeroboam, at sapagka't sinaktan din niya siya.
8 Nang ikadalawang pu't anim na taon ni Asa na hari sa Juda ay nagpasimula si Ela na anak ni Baasa na maghari sa Israel sa Thirsa, at nagharing dalawang taon.
9 At ang kaniyang lingkod na si Zimri, na punong kawal sa kalahati ng kaniyang mga karo, ay nagbanta laban sa kaniya. Siya'y nasa Thirsa nga, na nagiinom at lasing sa bahay ni Arsa, na siyang katiwala sa sangbahayan sa Thirsa:
10 At pumasok si Zimri, at sinaktan siya, at pinatay siya, nang ikadalawang pu't pitong taon ni Asa na hari sa Juda, at naghari na kahalili niya.
11 At nangyari, nang siya'y magpasimulang maghari, pagupo niya sa kaniyang luklukan, ay kaniyang sinaktan ang buong sangbahayan ni Baasa: hindi siya nagiwan ng isa man lamang lalaking bata, kahit kamaganak niya, kahit mga kaibigan niya.
12 Ganito nilipol ni Zimri ang buong sangbahayan ni Baasa, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita laban kay Baasa, sa pamamagitan ni Jehu na propeta,
13 Dahil sa lahat ng mga kasalanan ni Baasa, at mga kasalanan ni Ela na kaniyang anak, na kanilang ipinagkasala, at kanilang ipinapagkasala sa Israel, upang mungkahiin sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga kalayawan.
14 Ang iba nga sa mga gawa ni Ela, at ang lahat na kaniyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
15 Nang ikadalawang pu't pitong taon ni Asa na hari sa Juda, ay naghari si Zimri na pitong araw sa Thirsa. Ang bayan nga ay humantong laban sa Gibbethon na nauukol sa mga Filisteo.
16 At narinig ng bayan na nasa hantungan na sinabing nagbanta si Zimri, at sinaktan ang hari: kaya't ginawang hari sa Israel ng buong Israel si Omri na punong kawal ng hukbo nang araw na yaon sa kampamento.
17 At si Omri ay umahon mula sa Gibbethon, at ang buong Israel ay kasama niya, at kanilang kinubkob ang Thirsa.
18 At nangyari, nang makita ni Zimri na ang bayan ay nasakop, na siya'y naparoon sa castilyo ng bahay ng hari, at sinunog ng apoy ang bahay na kinaroroonan ng hari at siya'y namatay.
19 Dahil sa kaniyang mga kasalanan na kaniyang ipinagkasala sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon sa paglakad sa lakad ni Jeroboam, at sa kaniyang kasalanan na kaniyang ginawa, upang papagkasalahin ang Israel.
20 Ang iba nga sa mga gawa ni Zimri, at ang kaniyang panghihimagsik na kaniyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
21 Nang magkagayo'y ang bayan ng Israel ay nahati sa dalawa: ang kalahati ng bayan ay sumunod kay Thibni na anak ni Gineth, upang gawin siyang hari; at ang kalahati ay sumunod kay Omri.
22 Nguni't ang bayan na sumunod kay Omri ay nanaig laban sa bayan na sumunod kay Thibni na anak ni Gineth: sa gayo'y namatay si Thibni at naghari si Omri.
23 Nang ikatatlong pu't isang taon ni Asa na hari sa Juda ay nagpasimula si Omri na maghari sa Israel, at naghari na labing dalawang taon: anim na taon na naghari siya sa Thirsa.
24 At binili niya ang burol ng Samaria kay Semer sa halagang dalawang talentong pilak; at siya'y nagtayo sa burol, at tinawag ang pangalan ng bayan na kaniyang itinayo, ayon sa pangalan ni Semer, na may-ari ng burol, na Samaria.
25 At gumawa si Omri ng masama sa paningin ng Panginoon, at gumawa ng masama na higit kay sa lahat na nauna sa kaniya.
26 Sapagka't siya'y lumakad sa buong lakad ni Jeroboam na anak ni Nabat, at sa kaniyang mga kasalanan na ipinapagkasala niya sa Israel, upang mungkahiin sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga kalayawan.
27 Ang iba nga sa mga gawa ni Omri na kaniyang ginawa, at ang kapangyarihan niya na kaniyang ipinamalas, di ba nasusulat sa mga aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
28 Sa gayo'y natulog si Omri na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa Samaria; at si Achab na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
29 At nang ikatatlong pu't walong taon ni Asa na hari sa Juda, ay nagpasimula si Achab na anak ni Omri na maghari sa Israel: at si Achab na anak ni Omri ay naghari sa Israel sa Samaria na dalawang pu't dalawang taon.
30 At si Achab na anak ni Omri ay gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon na higit kay sa lahat na nauna sa kaniya.
31 At nangyari, na wari isang magaang bagay sa kaniya na lumakad sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na siya'y nagasawa kay Jezabel, na anak ni Ethbaal na hari ng mga Sidonio, at yumaon at naglingkod kay Baal, at sumamba sa kaniya.
32 At kaniyang ipinagtayo ng dambana si Baal sa bahay ni Baal na kaniyang itinayo sa Samaria.
33 At gumawa si Achab ng Asera; at gumawa pa ng higit si Achab upang mungkahiin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, sa galit kay sa lahat ng mga hari sa Israel na nauna sa kaniya.
34 Sa kaniyang mga kaarawan itinayo ni Hiel na taga Beth-el ang Jerico: siya'y naglagay ng talagang-baon sa pagkamatay ni Abiram na kaniyang panganay, at itinayo ang mga pintuang-bayan niyaon sa pagkamatay ng kaniyang bunsong anak na si Segub; ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.
17 At si Elias na Thisbita, na sa mga nakikipamayan sa Galaad, ay nagsabi kay Achab: Buhay ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na ako'y nakatayo sa harap niya hindi magkakaroon ng hamog o ulan man sa mga taong ito, kundi ayon sa aking salita.
2 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na nagsasabi,
3 Umalis ka rito, at lumiko ka sa dakong silanganan, at magkubli ka sa tabi ng batis Cherith na nasa tapat ng Jordan.
4 At mangyayari, na ikaw ay iinom sa batis; at aking iniutos sa mga uwak na pakanin ka roon.
5 Sa gayo'y naparoon siya at ginawa ang ayon sa salita ng Panginoon: sapagka't siya'y pumaroon at tumahan sa tabi ng batis Cherith, na nasa tapat ng Jordan.
6 At dinadalhan siya ng tinapay at laman ng mga uwak sa umaga, at tinapay at laman sa hapon, at siya'y umiinom sa batis.
7 At nangyari, pagkaraan ng sanggayon, na ang batis ay natuyo, sapagka't walang ulan sa lupain.
8 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na sinasabi,
9 Ikaw ay bumangon, paroon ka sa Sarepta, na nauukol sa Sidon, at tumahan ka roon: narito, aking inutusan ang isang baong babae roon na pakanin ka.
10 Sa gayo'y bumangon siya, at naparoon sa Sarepta; at nang siya'y dumating sa pintuan ng bayan, narito, isang baong babae ay nandoon na namumulot ng mga patpat: at tinawag niya siya, at sinabi, Isinasamo ko sa iyo na dalhan mo ako ng kaunting tubig sa inuman, upang aking mainom.
11 At nang siya'y yumayaon upang kumuha, tinawag niya siya, at sinabi, Dalhan mo ako, isinasamo ko sa iyo, ng isang subong tinapay sa iyong kamay.
12 At kaniyang sinabi, Ang Panginoon mong Dios ay buhay, ako'y wala kahit munting tinapay, kundi isang dakot na harina sa gusi, at kaunting langis sa banga: at, narito, ako'y namumulot ng dalawang patpat, upang ako'y pumasok, at ihanda sa akin at sa aking anak, upang aming makain, bago kami mamatay.
13 At sinabi ni Elias sa kaniya, Huwag kang matakot; yumaon ka, at gawin mo ang iyong sinabi, nguni't igawa mo muna ako ng munting tinapay, at ilabas mo sa akin, at pagkatapos ay gumawa ka para sa iyo at para sa iyong anak.
14 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ang gusi ng harina ay hindi makukulangan, o ang banga ng langis man ay mababawasan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.
15 At siya'y yumaon, at ginawa ang ayon sa sabi ni Elias: at kumain ang babae, at siya, at ang kaniyang sangbahayan na maraming araw.
16 Ang gusi ng harina ay hindi nakulangan, o ang banga ng langis man ay nabawasan, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Elias.
17 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na ang anak na lalake ng babae, na may-ari ng bahay ay nagkasakit; at ang kaniyang sakit ay malubha, na walang hiningang naiwan sa kaniya.
18 At sinabi niya kay Elias, Ano ang ipakikialam ko sa iyo, Oh ikaw na lalake ng Dios? ikaw ay naparito sa akin upang ipaalala mo ang aking kasalanan, at upang patayin ang aking anak!
19 At sinabi niya sa kaniya, Ibigay mo sa akin ang iyong anak. At kinuha niya sa kaniyang kandungan, at dinala sa silid na kaniyang tinatahanan, at inihiga sa kaniyang sariling higaan.
20 At siya'y dumaing sa Panginoon, at nagsabi, Oh Panginoon kong Dios, dinalhan mo rin ba ng kasamaan ang bao na aking kinatutuluyan, sa pagpatay sa kaniyang anak?
21 At siya'y umunat sa bata na makaitlo, at dumaing sa Panginoon, at nagsabi, Oh Panginoon kong Dios, idinadalangin ko sa iyo na iyong pabalikin sa kaniya ang kaluluwa ng batang ito.
22 At dininig ng Panginoon ang tinig ni Elias; at ang kaluluwa ng bata ay bumalik sa kaniya, at siya'y muling nabuhay.
23 At kinuha ni Elias ang bata, at ibinaba sa loob ng bahay na mula sa silid, at ibinigay siya sa kaniyang ina: at sinabi ni Elias, Tingnan mo, ang iyong anak ay buhay.
24 At sinabi ng babae kay Elias, Ngayo'y talastas ko na ikaw ay lalake ng Dios, at ang salita ng Panginoon sa iyong bibig ay katotohanan.
24 At nang kinabukasa'y nagsipasok sila sa Cesarea. At sila'y hinihintay ni Cornelio, na tinipon nito ang kaniyang kamaganakan at ang kaniyang mga kaibigang minamahal.
25 At nangyari, na pagpasok ni Pedro, ay sinalubong siya ni Cornelio, at nagpatirapa sa kaniyang paanan, at siya'y sinamba.
26 Datapuwa't itinindig siya ni Pedro, na sinasabi, Magtindig ka; ako man ay tao rin.
27 At sa pakikipagsalitaan niya sa kaniya, ay pumasok siya, at kaniyang naratnan ang maraming nangagkakatipon:
28 At sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo na hindi matuwid sa isang taong Judio na makisama lumapit sa isang taga ibang bansa; at gayon ma'y ipinakilala sa akin ng Dios, na sinomang tao'y huwag kong tawaging marumi o karumaldumal:
29 Dahil din dito'y naparito akong hindi tumutol ng anoman, nang ako'y ipasundo. Itinatanong ko nga kung sa anong kadahilanan ipinasundo ninyo ako.
30 At sinabi ni Cornelio, May apat nang araw, hanggang sa oras na ito, na aking ginaganap ang pananalangin sa oras na ikasiyam sa bahay ko; at narito, tumindig sa harapan ko ang isang lalake na may pananamit na nagniningning,
31 At sinabi, Cornelio, dininig ang dalangin mo, at ang iyong mga paglilimos ay inaalaala sa paningin ng Dios.
32 Magsugo ka nga sa Joppe, at ipatawag mo si Simon, na pinamagatang Pedro; siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simong mangluluto ng balat, na nasa tabi ng dagat.
33 Pagdaka nga'y nagsugo ako sa iyo; at mabuti ang ginawa mo't naparito ka. Ngayon nga'y kaming lahat ay nangaririto sa paningin ng Dios, upang dinggin ang lahat ng mga bagay na sa iyo'y ipinagutos ng Panginoon.
34 At binuka ni Pedro ang kaniyang bibig, at sinabi, Tunay ngang natatalastas ko na hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao:
35 Kundi sa bawa't bansa siya na may takot sa kaniya, at gumagawa ng katuwiran, ay kalugodlugod sa kaniya.
36 Ang salita na kaniyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang evangelio ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo (siya'y Panginoon ng lahat:)
37 Talastas ninyo ang salitang ito na nahayag sa buong Judea, magbuhat sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan;
38 Sa makatuwid baga'y si Jesus na taga Nazaret, kung paanong siya'y pinahiran ng Dios ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan: na naglilibot na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling sa lahat ng mga pinahihirapan ng diablo; sapagka't sumasa kaniya ang Dios.
39 At mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng mga Judio, at sa Jerusalem; na siya nama'y kanilang pinatay, na siya'y ibinitin sa isang punong kahoy.
40 Siya'y muling binuhay ng Dios nang ikatlong araw, at siya'y itinalagang mahayag.
41 Hindi sa buong bayan, kundi sa mga saksi na hinirang ng Dios nang una, sa makatuwid baga'y sa amin, na nagsikain at nagsiinom na kasalo niya, pagkatapos na siya'y muling mabuhay sa mga patay.
42 At sa ami'y ipinagbilin niya na magsipangaral kami sa bayan, at saksihan na siya ang itinalaga ng Dios na maging Hukom ng mga buhay at ng mga patay.
43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta, na ang bawa't sumasampalataya sa kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.
44 Samantalang nagsasalita pa si Pedro ng mga salitang ito, ay bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nangakikinig ng salita.
45 At silang sa pagtutuli na nagsisampalataya ay nangamanghang lahat na nagsiparoong kasama ni Pedro, sapagka't ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Espiritu Santo.
46 Sapagka't nangarinig nilang nangagsasalita ang mga ito ng mga wika, at nangagpupuri sa Dios. Nang magkagayo'y sumagot si Pedro,
47 Mangyayari bagang hadlangan ng sinoman ang tubig, upang huwag mangabautismuhan itong mga nagsitanggap ng Espiritu Santo na gaya naman natin?
48 At inutusan niya sila na magsipagbautismo sa pangalan ni Jesucristo. Nang magkagayo'y kanilang ipinamanhik sa kaniya na matirang mga ilang araw.
134 Narito, purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na lingkod ng Panginoon. Ninyong nagsisitayo sa kinagabihan sa bahay ng Panginoon.
2 Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa dakong santuario, at purihin ninyo ang Panginoon.
3 Pagpalain ka nawa ng Panginoon mula sa Sion; sa makatuwid baga'y niyaong gumawa ng langit at lupa.
9 Ang nagtatakip ng pagsalangsang ay humahanap ng pagibig: nguni't ang nagdadadaldal tungkol sa anoman ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik.
10 Ang saway ay nanasok na taimtim sa isang naguunawa, kay sa isang daang hampas sa mangmang.
11 Ang hinahanap lamang ng masamang tao ay panghihimagsik; kaya't isang mabagsik na sugo ay susuguin laban sa kaniya.
Public Domain