Bible in 90 Days
14 Mga hangal at mangmang ang mga sumasamba sa mga dios-diosan. Mapapahiya lang ang mga platerong gumawa ng mga dios-diosan nila, dahil hindi naman totoong dios ang mga ito. Wala silang buhay. 15 Wala silang kabuluhan at dapat kamuhian. Darating ang araw na wawasakin ang lahat ng ito. 16 Pero ang Dios ni Jacob[a] ay hindi katulad ng mga iyon. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay pati na ang Israel, ang mga taong hinirang niya – Panginoong Makapangyarihan ang pangalan niya.
Ang Kapahamakang Darating
17 Mga taga-Jerusalem, tipunin na ninyo ang mga kagamitan at umalis, dahil malapit nang salakayin ang lungsod ninyo. 18 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Makinig kayo! Paaalisin ko kayo sa lupaing ito. Pahihirapan ko kayo hanggang sa madama nʼyo ang galit ko.”
19 Sinabi ng mga taga-Jerusalem, “Nakakaawa tayo dahil sa kapahamakan natin. Malubha ang kalagayan natin, pero kailangan natin itong tiisin. 20 Wasak na ang mga tolda natin; nalagot na ang mga tali nito. Iniwan na tayo ng mga anak natin. Wala nang natira na muling magtatayo ng mga toldang tinitirhan natin.”
21 Nangyari ito sa atin dahil hangal ang mga pinuno natin. Hindi sila lumapit sa Panginoon para sumangguni. Kaya hindi sila nagtagumpay, at nangalat ang mga taong nasasakupan nila. 22 Pakinggan nʼyo ang malakas na ingay ng mga sundalo na dumarating mula sa hilaga! Wawasakin nila ang mga bayan ng Juda at magiging tirahan na lang ito ng mga asong-gubat.[b]
Ang Panalangin ni Jeremias
23 Panginoon, alam ko po na ang buhay ng tao ay hindi kanya. Hindi siya ang may hawak ng kinabukasan niya. 24 Ituwid nʼyo po kami[c] Panginoon, nang nararapat sa amin. Huwag nʼyo po itong gawin nang dahil sa inyong galit, baka wala ng matira sa amin. 25 Ipadama nʼyo po ang inyong galit sa mga bansang hindi kumikilala sa inyo at sa mga taong hindi dumudulog sa inyo. Sapagkat inubos po nila ang lahi ni Jacob at winasak ang mga tahanan nila.
Hindi Tinupad ng Juda ang Kasunduan
11 Sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 2 “Ipaalala mo sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem ang mga dapat sundin sa kasunduan namin. 3 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsasabing isusumpa ko ang taong ayaw sumunod sa mga sinasabi sa kasunduang ito. 4 Ang mga utos kong ito ay ipinatupad ko sa inyong mga ninuno noong inilabas ko sila sa Egipto, sa lugar na parang nagniningas na pugon na tunawan ng bakal. Sinabi ko sa kanila, ‘Kung susundin ninyo ako at ang lahat ng utos ko, magiging mga mamamayan ko kayo at akoʼy magiging Dios ninyo. 5 Nang sa ganoon, tutuparin ko ang aking ipinangako sa inyong mga ninuno na bibigyan ko sila ng maganda at masaganang lupain[d] – ang lupaing tinitirhan ninyo ngayon.’ ”
At sinabi ko, “Siya nawa, Panginoon.”
6 Pagkatapos, muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem at sabihin mo ito: ‘Alalahanin ninyo ang kasunduan ninyo at sundin ninyo ang isinasaad sa kasunduang ito. 7 Mula nang inilabas ko ang mga ninuno ninyo sa Egipto hanggang ngayon, paulit-ulit ko silang pinagsasabihan na dapat nila akong sundin. 8 Pero hindi sila nakinig at hindi nila pinansin ang sinabi ko. Sa halip, sinunod nila ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. Sinabi ko sa kanila na sundin nila ang kasunduang ito, pero hindi nila ito sinunod. Kaya ipinadala ko sa kanila ang lahat ng sumpa na nakasaad sa kasunduan.’ ”
9 Muling sinabi ng Panginoon sa akin, “Ang mga taga-Juda at taga-Jerusalem ay may balak na masama laban sa akin. 10 Tinularan nila ang mga kasalanan ng mga ninuno nilang hindi naniwala sa mga salita ko. Sumamba rin sila sa mga dios-diosan. Ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay parehong sumuway sa kasunduang ginawa ko sa mga ninuno nila. 11 Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabi na magpapadala ako sa kanila ng kaparusahan na hindi nila matatakasan. At kahit na humingi sila ng tulong sa akin, hindi ko sila pakikinggan. 12 Kaya hihingi na lang sila ng tulong sa mga dios-diosang pinaghahandugan nila ng insenso, pero hindi naman sila matutulungan ng mga dios-diosang ito kapag dumating na ang kaparusahan.
13 “Kayong mga taga-Juda, kay dami nʼyong dios-diosan, kasindami ng mga bayan ninyo. At kung gaano karami ang lansangan sa Jerusalem, ganoon din karami ang altar na itinayo nʼyo para pagsunugan ng insenso para sa kasuklam-suklam na dios-diosang si Baal.
14 “Kaya Jeremias, huwag ka nang mananalangin para sa mga taong ito. Huwag ka nang magmakaawa sa akin para sa kanila dahil hindi ko sila sasagutin kung tatawag sila sa akin sa oras ng paghihirap nila. 15 Gumawa ng maraming kasamaan ang mga mamamayan na minamahal ko. Wala silang karapatang pumunta sa templo ko. Hindi mapipigilan ng mga handog nila ang kaparusahang darating sa kanila. Tuwang-tuwa pa sila sa paggawa ng masama.”
16 Noong una ay inihambing sila ng Panginoon sa isang malagong puno ng olibo na maraming bunga. Pero sa biglang pagdaan ng naglalagablab na apoy ay mawawasak sila na parang sinunog na mga sanga at hindi na mapapakinabangan pa. 17 Ang Panginoong Makapangyarihan ang nagtayo sa Juda at Israel, pero ngayon ay iniutos niyang wasakin ang mga ito, dahil masama ang ginagawa nila. Ginalit nila ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahandog ng mga sinusunog na insenso kay Baal.
Ang Balak Laban kay Jeremias
18 Sinabi sa akin ng Panginoon ang tungkol sa balak ng mga kaaway laban sa akin. 19 Tulad ako ng isang tupang dinadala sa katayan nang hindi ko nalalaman. Hindi ko alam na may balak pala silang patayin ako. Sinabi nila, “Patayin natin siya katulad ng pagputol sa isang puno na may mga bunga, para mawala siya sa mundo at hindi na maalala.”
20 Pero nanalangin ako, “O Panginoong Makapangyarihan, matuwid po ang paghatol ninyo. Nalalaman po ninyo ang isip at puso ng tao. Ipakita nʼyo po sa akin ang paghihiganti nʼyo sa kanila, dahil ipinaubaya ko sa inyo ang usaping ito!”
21-22 Nais ng mga taga-Anatot na patayin ako kung hindi ako titigil sa pagpapahayag ng mensahe ng Panginoon. Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Parurusahan ko sila. Mamamatay sa digmaan ang mga kabataan nilang lalaki at mamamatay sa gutom ang mga anak nila. 23 Walang matitirang buhay sa mga taga-Anatot, dahil malilipol sila sa oras na parusahan ko na sila.”
Ang mga Reklamo ni Jeremias
12 Panginoon, kapag nagrereklamo po ako sa inyo, palaging makatarungan ang tugon ninyo. Pero ngayon, may tanong po ako tungkol sa katarungan nʼyo: Bakit po umuunlad ang masasamang tao? Bakit po mapayapa ang buhay ng mga taong taksil sa inyo? 2 Pinagpapala nʼyo po sila na parang punongkahoy na nag-uugat, lumalago, at namumunga. Pinupuri po nila kayo ng mga bibig nila pero hindi galing sa puso nila. 3 Ngunit kilala nʼyo po ako Panginoon. Nakikita nʼyo ang mga ginagawa ko at alam po ninyo kung ano ang nasa puso ko. Kaladkarin nʼyo po ang mga taong ito na parang mga tupa patungo sa katayan. Ihiwalay po ninyo sila para katayin. 4 Hanggang kailan po kaya ang pagkatuyo ng lupa at ang pagkalanta ng mga damo? Namamatay na po ang mga hayop at mga ibon dahil sa kasamaan ng mga taong nakatira sa lupaing ito. At sinasabi pa nila, “Walang pakialam ang Dios sa sasapitin natin.”
Ang Sagot ng Panginoon
5 Sinabi ng Panginoon, “Jeremias, kung napapagod ka sa pakikipaghabulan sa mga tao, di lalo na sa mga kabayo? Kung nadadapa ka sa lugar na patag, di lalo na sa kagubatan na malapit sa Ilog ng Jordan? 6 Kahit na ang iyong mga kapatid at kamag-anak ay nagtaksil sa iyo. Nagbalak sila ng masama laban sa iyo. Huwag kang magtiwala sa kanila kahit na mabuti ang sinasabi nila.
7 “Itatakwil ko ang mga mamamayan ko, ang bansang pag-aari ko. Ibibigay ko ang minamahal kong mga mamamayan sa mga kaaway nila. 8 Lumaban sila sa akin na parang leon na umaatungal sa kagubatan, kaya nagalit ako sa kanila. 9 Naging kasuklam-suklam sila sa akin na parang ibong mandaragit. At sila mismoʼy napapalibutan ng mga ibong mandaragit. Titipunin ko ang mababangis na hayop para kainin sila nito. 10 Wawasakin ng maraming pinuno ang Juda na itinuturing kong aking ubasan. Tatapak-tapakan nila itong magandang lupain at gagawing ilang. 11 Gagawin nila itong malungkot na lugar at magiging walang kabuluhan sa akin. Magiging ilang ang lupaing ito, dahil wala nang magmamalasakit dito. 12 Darating ang mga mangwawasak sa lugar na ilang. Gagamitin ko sila bilang espada na wawasak sa buong lupain, at walang makakatakas. 13 Magtatanim ng trigo ang mga mamamayan ko, pero aani sila ng tinik. Magtatrabaho sila nang husto pero wala silang pakikinabangan. Mag-aani sila ng kahihiyan dahil sa matinding galit ko.”
14 Sinabi pa ng Panginoon, “Ito ang gagawin ko sa lahat ng masasamang bansa sa palibot ng Israel na sumira ng lupaing ibinigay ko sa mga mamamayan ko: Palalayasin ko sila sa lupain nila katulad ng pagpapalayas ko sa mga taga-Juda sa lupain nito. 15 Pero sa bandang huli, kahahabagan ko ulit ang mga bansang ito at ibabalik ko sila sa sarili nilang lupain. 16 At kung tatanggapin nila nang buong puso ang pananampalataya ng mga mamamayan ko at kung susumpa sila sa pangalan ko, gaya ng itinuro nila sa mga mamamayan ko na pagsumpa sa pangalan ni Baal, magiging kabilang din sila sa mga mamamayan ko. 17 Pero ang alin mang bansa na hindi susunod sa akin ay palalayasin ko sa kanilang lupain at lilipulin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Sinturon na Telang Linen
13 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Lumakad ka at bumili ng sinturon na telang linen. Itali mo ito sa baywang mo, pero huwag mong lalabhan.” 2 Kaya bumili ako ng sinturon at pagkatapos, itinali ko ito sa baywang ko ayon sa sinabi ng Panginoon.
3 Pagkatapos, sinabing muli sa akin ng Panginoon, 4 “Tanggalin mo ang sinturon na binili mo at pumunta ka malapit sa Ilog ng Eufrates[e] at itago mo roon ang sinturon sa biyak ng bato.” 5 Kaya pumunta ako sa may Ilog ng Eufrates at itinago ko roon ang sinturon ayon sa sinabi ng Panginoon.
6 Pagkaraan ng mahabang panahon, muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa Ilog ng Eufrates at kunin mo ang sinturon na ipinatago ko sa iyo roon.” 7 Kaya pumunta ako sa Ilog ng Eufrates at kinuha ko ang sinturon sa pinagtaguan ko, pero sira na iyon at hindi na mapapakinabangan. 8-9 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Ganyan din ang mangyayari sa Juda na mapagmataas at sa higit na pagmamataas ng Jerusalem. 10 Ayaw sumunod ng masasamang taong ito sa mga sinasabi ko. Sinusunod nila ang nais ng matitigas nilang puso na naglilingkod at sumasamba sa mga dios-diosan. Kaya matutulad sila sa sinturon na iyan na hindi na mapapakinabangan. 11 Kung papaano sanang ang sinturon ay nakakapit nang mahigpit sa baywang ng tao, nais ko rin sanang ang lahat ng mamamayan ng Israel at Juda ay kumapit nang mahigpit sa akin. Hinirang ko sila para papurihan nila ako at parangalan, pero ayaw nilang makinig sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Sisidlang-balat ng Alak
12 “Jeremias, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagsasabing, ‘Ang lahat ng sisidlang-balat nʼyo ay mapupuno ng alak.’ At kung sasabihin nila sa iyo, ‘Alam na naming mapupuno ng alak ang lahat ng lalagyan namin.’ 13 Sabihin mo sa kanila na ito ang ibig kong sabihin: ‘Parurusahan ko ang lahat ng mamamayan ng lupaing ito, na parang nilasing ko sila ng alak. Parurusahan ko ang mga hari na angkan ni David, ang mga pari, mga propeta, at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem. 14 Pag-uumpugin ko ang mga magulang at ang mga anak nila. Hindi ako mahahabag sa pagpatay sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Babala tungkol sa Kapalaluan
15 Makinig kayong mabuti, at huwag kayong magmataas dahil nagsalita ang Panginoon. 16 Parangalan nʼyo ang Panginoon na inyong Dios habang hindi pa niya ipinapadala ang kadiliman, at habang hindi pa kayo nadadapa sa madilim na mga bundok. Ang liwanag na inaasahan ninyoʼy gagawin niyang napakatinding kadiliman. 17 Kung ayaw pa rin ninyong makinig, iiyak ako ng lihim dahil sa pagmamataas ninyo. Iiyak ako ng malakas at dadaloy ang mga luha ko dahil bibihagin ang mga hinirang ng Panginoon.
18 Inutusan ako ng Panginoon na sabihin sa hari at sa kanyang ina na bumaba sila sa trono nila dahil malapit nang kunin sa ulo nila ang magaganda nilang korona. 19 Isasara ang mga pintuan ng mga bayan sa Negev. Wala nang makakapasok o makakalabas doon. Bibihagin ang lahat ng taga-Juda.
20 Tingnan nʼyo ang mga kaaway na dumarating mula sa hilaga. O Jerusalem, nasaan na ang iyong mga mamamayan na ipinagmamalaki mo, na ipinagkatiwala ko sa iyo para alagaan mo? 21 Ano ang mararamdaman mo kung ang kakampi mong bansa ang sumakop sa iyo? Hindi baʼt magdaramdam ka tulad ng isang babaeng manganganak na? 22 Kung tatanungin mo ang sarili mo kung bakit ka napahamak na parang babaeng pinunit ang damit at pinagsamantalahan, itoʼy dahil sa napakarami mong kasalanan. 23 Mapapalitan ba ng taong maitim[f] ang kulay ng balat niya? Maaalis ba ng leopardo ang mga batik sa katawan niya? Hindi! Ganyan din kayong mga taga-Jerusalem, hindi kayo makakagawa ng mabuti dahil ugali na ninyo ang gumawa ng masama.
24-25 Sinabi ng Panginoon, “Pangangalatin ko kayo katulad ng ipa na ipinapadpad ng hanging mula sa disyerto. Iyan ang kahihinatnan ninyo. Gagawin ko ito sa inyo dahil kinalimutan ninyo ako at nagtiwala kayo sa mga dios-diosan. 26 Ibibilad ko kayo sa kahihiyan gaya ng babaeng hinubaran. 27 Nakita ko ang mga ginawa ninyong kasuklam-suklam na pagsamba sa mga dios-diosan sa mga bundok at kapatagan. Tulad kayo ng babaeng bayaran na nag-aapoy ang pagnanasa, o ng mga nangangalunya at nakikiapid. Nakakaawa kayo, mga taga-Jerusalem! Hanggang kailan kayo mananatili sa karumihan?”
Ang Matinding Tagtuyot sa Juda
14 Ito ang sinabi sa akin ng Panginoon tungkol sa mahabang tagtuyot: 2 “Nagluluksa ang Juda; ang mga lungsod niyaʼy nanlulupaypay. Nakaupo ang mga mamamayan niya sa lupa na umiiyak, at naririnig ang iyakan sa Jerusalem. 3 Inutusan ng mayayaman ang mga alipin nila na umigib ng tubig. Pumunta sila sa mga balon pero walang tubig doon. Kaya bumalik silang walang laman ang mga lalagyan, at nagtakip ng mga ulo dahil sa matinding hiya. 4 Nabitak ang lupa dahil walang ulan. At dahil sa hinagpis, tinakpan ng mga magbubukid ang mga ulo nila. 5 Kahit ang usa ay iniwanan ang anak niya na kasisilang pa lang dahil wala nang sariwang damo. 6 Ang mga asnong-gubat ay tumatayo sa mga burol at humihingal na parang asong-gubat.[g] Nanlalabo na ang kanilang paningin dahil sa kawalan ng pagkain.”
7 Sinabi ng mga tao, “O Panginoon, nagkasala po kami sa inyo. Palagi kaming lumalayo sa inyo kaya dapat lang kaming parusahan. Pero tulungan po ninyo kami ngayon, alang-alang sa karangalan ng pangalan ninyo. 8 O Panginoon, kayo po ang tanging pag-asa ng Israel, ang Tagapagligtas niya sa panahon ng kaguluhan. Bakit naging parang dayuhan kayo rito sa amin? Bakit po kayo parang manlalakbay na tumitigil lang ng isang gabi sa bansa namin? 9 Katulad rin po ba kayo ng taong walang magagawa at sundalong walang kakayahang magligtas? Kasama namin kayo, O Panginoon, at kami ay inyong mga mamamayan, kaya huwag nʼyo po kaming pababayaan.”
10 Ito ang sagot ng Panginoon sa mga tao: “Talagang gusto na ninyong lumayo sa akin; ang sarili lang ninyong kagustuhan ang inyong sinusunod. Kaya ayaw ko na kayong tanggapin bilang aking mga mamamayan. Hindi ko makakalimutan ang kasamaan ninyo at parurusahan ko kayo.”
11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Huwag kang mananalangin para sa kabutihan ng mga taong ito. 12 Kahit mag-ayuno pa sila, hindi ko diringgin ang paghingi nila ng tulong sa akin. Kahit na maghandog pa sila ng mga handog na sinusunog at handog na pagpaparangal sa akin, hindi ko iyon tatanggapin. Sa halip, papatayin ko sila sa pamamagitan ng digmaan, gutom, at salot.”
13 Pero sinabi ko, “O Panginoong Dios, alam nʼyo po na laging sinasabi sa kanila ng mga propeta na wala raw digmaan o taggutom na darating dahil sinabi nʼyo raw na bibigyan nʼyo sila ng kapayapaan sa bansa nila.” 14 Sumagot ang Panginoon, “Ang mga propetang iyan ay nanghuhula ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo at hindi ako nagsalita sa kanila. Hindi galing sa akin ang mga pangitaing sinasabi nila sa inyo; walang kabuluhan at mga kathang-isip lang ang mga inihuhula nila. 15 Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing, parurusahan ko ang mga sinungaling na propetang iyan. Nagsasalita sila sa pangalan ko kahit na hindi ko sila sinugo. Sinasabi nilang walang darating na digmaan o taggutom sa bansang ito, pero sa digmaan at taggutom sila mapapahamak. 16 At tungkol naman sa mga taong naniniwala sa sinabi nila, ang mga bangkay nilaʼy itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem. Mamamatay sila sa digmaan at taggutom. Walang maglilibing sa kanila, sa mga asawa nila, at sa mga anak nila. Papatawan ko sila ng parusang nararapat sa kanila.
17 “Jeremias, sabihin mo ito sa mga tao: Araw-gabi, walang tigil ang pag-iyak ko dahil malubha ang sugat ng mga mamamayan ko na aking itinuturing na birheng anak, at totoong nasasaktan ako. 18 Kung pupunta ako sa mga bukid at lungsod, nakikita ko ang mga bangkay ng mga namatay sa digmaan at taggutom. Ang mga propeta at pari ay patuloy sa gawain nila pero hindi nila alam kung ano ang ginagawa nila.”[h]
Lumapit ang mga Tao sa Panginoon
19 O Panginoon, talaga bang itinakwil nʼyo na ang Juda? Talaga bang galit po kayo sa Jerusalem?[i] Bakit nʼyo po kami pinarusahan ng ganito at parang wala na kaming pag-asang gumaling? Umasa po kaming bibigyan nʼyo kami ng kapayapaan, pero hindi naman ito dumating. Umasa po kaming mapapabuti ang kalagayan namin, pero takot ang dumating sa amin. 20 O Panginoon, kinikilala namin ang kasamaan namin, pati ang kasalanan ng mga ninuno namin. Nagkasala po kami sa inyo. 21 Huwag nʼyo po kaming itakwil, alang-alang sa karangalan ng pangalan ninyo. Huwag nʼyo pong ilagay sa kahihiyan ang marangal nʼyong trono. Alalahanin nʼyo po ang kasunduan nʼyo sa amin. Nawaʼy huwag nʼyo itong sirain. 22 Wala ni isang walang kwentang mga dios-diosan ng mga bansa ang makapagpapaulan o makapagpapaambon. Kahit ang langit mismo ay hindi makapagpapaulan. Kayo lang, Panginoon na aming Dios ang tanging makakagawa nito, kaya sa inyo po kami nagtitiwala.
Ang Parusa para sa mga Taga-Juda
15 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit sina Moises at Samuel pa ang magmakaawa sa akin para sa mga taong ito, hindi ko sila kahahabagan. Kaya ilayo mo sila sa akin. Paalisin mo sila! 2 Kung magtatanong sila kung saan sila pupunta, sabihin mo na ito ang sinabi ko: ‘Ang mga itinalagang mamatay ay mamamatay. Ang ibaʼy itinalagang mamatay sa digmaan at ang ibaʼy sa taggutom. Ang iba namaʼy itinalagang bihagin.’
3 “Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ipapadala ko sa kanila ang apat na uri ng mamumuksa: Mamamatay sila sa digmaan, kakaladkarin ng mga aso ang mga bangkay nila, tutukain sila ng mga ibon at ang natitira sa mga bangkay nilaʼy uubusin ng mababangis na hayop. 4 Kamumuhian sila ng lahat ng bansa sa mundo dahil sa ginawa ni Manase na anak ni Hezekia sa Jerusalem noong hari pa siya ng Juda.
5 “O mga taga-Jerusalem, sino kaya ang mahahabag sa inyo? Sino kaya ang malulungkot para sa inyo? At sino kaya ang magtatanong tungkol sa inyong kalagayan? 6 Itinakwil nʼyo ako; palagi nʼyo akong tinatalikuran. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing iuunat ko na ang mga kamay ko para lipulin kayo. Sawa na akong kahabagan kayo. 7 Parurusahan ko kayo na parang ipa na tinatahip sa pintuan ng lungsod. Lilipulin ko kayo at ang mga anak ninyo, dahil hindi ninyo tinalikuran ang inyong masasamang ugali. 8 Pararamihin ko ang inyong mga biyuda na parang mas marami pa kaysa sa buhangin sa tabing-dagat. Sa katanghaliang tapat, ipapadala ko ang lilipol sa mga ina ng mga kabataan ninyong lalaki. Biglang darating sa inyo ang pagdadalamhati at takot. 9 May inang mawawalan ng pitong anak na lalaki. Hihimatayin siya at mahihirapang huminga. Ang kanyang mga anak ay parang araw na lumubog nang napakaaga pa. Mapapahiya siya dahil wala na siyang anak. At ang mga matitirang buhay ay ipapapatay ko rin sa mga kaaway. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Dumaing si Jeremias
10 Kaawa-awa ako! Sanaʼy hindi na ako isinilang ng aking ina! Palagi akong kinakalaban sa buong Juda. Wala akong utang kaninuman, at hindi rin ako nagpapautang, pero isinusumpa ako ng lahat. 11 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ang totoo, magiging mabuti ang lahat para sa iyo. Makikiusap sa iyo ang mga kaaway mo na ipanalangin mo sila sa panahon ng paghihirap at pagdadalamhati nila.
12 “Kung papaanong walang makakabali ng piraso ng bakal o tanso, wala ring makakatalo sa mga kaaway na galing sa hilaga. 13 Ipapasamsam ko sa mga kaaway nʼyo ang mga kayamanan at ari-arian nʼyo dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong bansa. 14 Ipapaalipin ko kayo sa mga kaaway nʼyo sa lupaing hindi nʼyo alam, at ipadarama ko sa inyo ang galit ko na parang nagliliyab na apoy.”
15 Sinabi ni Jeremias, “Panginoon, alam nʼyo po ang lahat! Alalahanin at tulungan nʼyo po ako. Ipaghiganti nʼyo ako sa mga umuusig sa akin. Alam ko na hindi kayo madaling magalit, kaya huwag nʼyo po akong hayaang mamatay. Alalahanin nʼyo po ang mga paghihirap ko dahil sa inyo. 16 Noong nagsalita kayo sa akin, pinakinggan ko po kayo. Ang mga salita po ninyo ay kagalakan ko; at akoʼy sa inyo, O Panginoong Dios na Makapangyarihan. 17 Hindi po ako sumama sa mga kasayahan at kagalakan nila. Nag-iisa po ako dahil nakikipag-usap kayo sa akin at sinabi nʼyo sa akin ang tungkol sa galit ninyo. 18 Bakit hindi po natatapos ang paghihirap ko? Bakit hindi na gumagaling ang mga sugat ko? Hindi na po ba magagamot ang mga ito? Bibiguin nʼyo po ba ako na parang sapa na natutuyo kapag tag-araw?”
19 Kaya sinabi sa akin ng Panginoon, “Kung magsisisi ka, pababalikin kita sa piling ko para patuloy kang makapaglingkod sa akin. Kung magsasalita ka ng mga makabuluhang bagay at iiwasan ang mga bagay na walang kabuluhan, muli kitang gagawing tagapagsalita ko. Kinakailangang sila ang lumapit sa iyo at hindi ikaw ang lalapit sa kanila. 20 Gagawin kitang parang matibay na tansong pader para sa mga taong ito. Kakalabanin ka nila pero hindi ka nila matatalo, dahil kasama mo ako. Iingatan kita at ililigtas. 21 Ililigtas kita sa kamay ng masasama at mararahas na tao.”
Hindi Pinayagang Mag-asawa si Jeremias
16 Sinabi pa sa akin ng Panginoon, 2 “Huwag kang mag-aasawa o magkakaanak man sa lupaing ito. 3 Sasabihin ko sa iyo kung bakit, at kung ano ang mangyayari sa mga batang ipapanganak sa lugar na ito at sa mga magulang nila. 4 Mamamatay sila dahil sa malubhang karamdaman. Walang magluluksa sa kanila o maglilibing ng mga bangkay nila. Kakalat ang mga bangkay nila sa lupain na parang mga dumi. May mga mamamatay sa digmaan at taggutom, at ang mga bangkay nilaʼy kakainin ng mga ibon at mababangis na hayop.”
5 Sinabi pa ng Panginoon, “Huwag kang papasok sa mga bahay na may mga patay. Huwag kang makikidalamhati sa kanila o magpapakita ng pagkahabag sa kaninuman. Sapagkat inalis ko na ang pag-ibig at pagkahabag ko sa mga taong ito. 6 Mamamatay sila sa lupaing ito, mayaman man o dukha, at walang maglilibing sa kanila. Walang taong susugat sa sarili nila o magpapakalbo para ipahayag ang pagluluksa nila sa mga namatay. 7 Walang magbibigay ng pagkain o inumin para aliwin ang mga nagdadalamhati, kahit na ama o ina ang namatay. 8 Huwag ka ring papasok sa mga tahanang may mga handaan para kumain at uminom doon. 9 Sapagkat ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Makikita mo sa kapanahunan mo na patitigilin ko ang kasiyahan at kagalakan sa lugar na ito, pati ang kaligayahan ng mga bagong kasal.’
10 “Kapag sinabi mo sa mga tao ang mga bagay na ito at magtanong sila, ‘Ano ang nagawa naming kasalanan sa Panginoon naming Dios? Bakit kami binigyan ng babala ng Panginoon na darating sa amin ang ganoong kapahamakan?’ 11 Sabihin mo sa kanilang ito ang sagot ko: ‘Ginawa ko ito dahil itinakwil ako ng mga ninuno nila. Naglingkod at sumamba sila sa mga dios-diosan. Itinakwil nila ako at hindi nila sinunod ang kautusan ko. 12 At mas higit pa kayong masama kaysa sa mga ninuno ninyo. Ang kasamaan at katigasan ng mga puso nʼyo ang sinunod ninyo, sa halip na ako ang sundin ninyo. 13 Kaya palalayasin ko kayo sa lupaing ito patungo sa lupaing hindi nʼyo alam, ni ng mga ninuno ninyo. At doon, magpapakasawa kayo sa paglilingkod sa ibang dios araw at gabi, at hindi ko na kayo kahahabagan.’
14 “Darating ang araw na hindi na susumpa ang mga tao ng ganito, ‘Sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga taga-Israel sa Egipto!’ 15 Sa halip, sasabihin nila, ‘Sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga taga-Israel sa bansang nasa hilaga at sa lahat ng bansa kung saan niya sila pinangalat.’ Sapagkat ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila.
16 “Pero sa ngayon, padadalhan ko muna sila ng maraming kaaway na parang mga mangingisdang huhuli sa kanila. At magsusugo rin ako ng mga mangangaso na maghahanap sa kanila sa mga bundok, burol at mga kweba. 17 Nakita ko ang lahat ng pag-uugali nila. Wala kahit anuman na naitatago sa akin. Nakita ko rin ang mga kasalanan nila. 18 Kaya pagbabayarin ko sila nang doble sa kasamaan at kasalanan nila dahil dinungisan nila ang lupain ko sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam at patay nilang mga dios-diosan.”
19 Sinabi ko, “O Panginoon, kayo po ang kalakasan at tagapagkalinga ko sa panahon ng pagdadalamhati. Lalapit po sa inyo ang mga bansa mula sa buong mundo[j] at sasabihin nila, ‘Walang kwenta ang mga dios-diosan ng aming mga ninuno. Wala silang nagawa na anumang kabutihan. 20 Ang tao baʼy makakagawa ng kanyang dios? Kung makakagawa siya, hindi iyon totoong Dios!’ ”
21 Sinabi ng Panginoon, “Kaya ngayon, ipapakita ko sa kanila ang kapangyarihan at kakayahan ko para malaman nila na ako nga ang Panginoon.”
Ang Kasalanan at Kaparusahan ng Juda
17 Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Juda, nakaukit sa matigas ninyong mga puso ang mga kasalanan nʼyo na parang mga salitang nakaukit sa bato o sa sungay na nasa sulok ng mga altar ninyo. 2 Kahit ang mga anak ninyoʼy sumasamba sa mga altar nʼyo at sa mga posteng simbolo ng diosang si Ashera sa ilalim ng mayayabong na puno at sa itaas ng mga bundok. 3 Kaya ipapasamsam ko sa mga kaaway nʼyo ang mga kayamanan at ari-arian nʼyo, pati ang mga sambahan nʼyo sa matataas na lugar, dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong bansa. 4 Mawawala sa inyo ang lupaing ibinigay ko. Ipapaalipin ko kayo sa mga kaaway nʼyo sa lupaing hindi nʼyo alam, dahil ginalit nʼyo ako na parang nagniningas na apoy na hindi mamamatay magpakailanman.”
5 Sinabi pa ng Panginoon, “Isusumpa ko ang taong lumalayo sa akin at nagtitiwala lamang sa tao. 6 Matutulad siya sa isang maliit na punongkahoy sa ilang na walang magandang kinabukasan. Maninirahan siya sa tigang at maalat na lupain na walang ibang nakatira. 7 Pero mapalad ang taong nagtitiwala at lubos na umaasa lamang sa akin. 8 Matutulad siya sa punongkahoy na itinanim sa tabi ng ilog na ang mga ugat ay umaabot sa tubig. Ang punongkahoy na itoʼy hindi manganganib, dumating man ang tag-init o mahabang tag-araw. Palaging sariwa ang mga dahon nito at walang tigil ang pamumunga.
9 “Ang puso ng tao ay mandaraya higit sa lahat, at lubos na masama. Sino ang nakakaalam kung gaano ito kasama? 10 Pero ako, ang Panginoon, alam ko ang puso at isip ng tao. Gagantihan ko ang bawat isa ayon sa pag-uugali at mga gawa niya. 11 Ang taong yumaman sa masamang paraan ay parang ibon na nililimliman ang hindi niya itlog. Sa bandang huli, sa kalagitnaan ng buhay niya, mawawala ang kayamanan niya at lalabas na siyaʼy hangal.”
12 O Panginoon, ang templo nʼyo po ang inyong magandang trono mula pa noon. 13 Kayo po Panginoon, ang pag-asa ng Israel. Mapapahiya ang lahat ng magtatakwil sa inyo. Malilibing po sila sa ilalim ng lupa, dahil itinakwil po nila kayo, kayo na bukal na nagbibigay ng buhay.
14 Panginoon, pagalingin nʼyo po ako at gagaling ako; iligtas nʼyo po ako at maliligtas ako. At kayo lang ang tangi kong pupurihin. 15 Sinabi po sa akin ng mga tao, “Nasaan na ang mga sinabi ng Panginoon? Bakit hindi pa rin ito nangyayari hanggang ngayon?” 16 O Panginoon, hindi po ako naging pabaya sa gawain ko bilang tagapagbantay ng mga mamamayan ninyo. Hindi ko po hinangad na ipahamak nʼyo sila. Alam po ninyo ang mga sinabi ko. 17 Huwag nʼyo po akong takutin, dahil kayo ang kanlungan ko sa panahon ng kapahamakan. 18 Takutin at hiyain nʼyo po ang mga umuusig sa akin. Pero huwag nʼyo itong gawin sa akin. Padalhan nʼyo po sila ng kapahamakan para malipol sila nang lubusan.
Ang Araw ng Pamamahinga
19 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa mga pintuan ng Jerusalem. Tumayo ka muna sa pintuan na dinadaanan ng mga hari ng Juda at pagkatapos, sa iba pang mga pintuan. 20 At sabihin mo sa mga tao, ‘Pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga hari at mga taga-Juda, pati kayong mga nakatira sa Jerusalem na dumadaan sa mga pintuang ito. 21 Ito ang sinasabi ng Panginoon: Kung pinahahalagahan ninyo ang inyong sarili, huwag kayong magtatrabaho o magdadala ng anumang mga paninda sa mga pintuan ng Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga. 22 Totoo yan, huwag kayong magtatrabaho o magdadala ng mga paninda mula sa mga bahay nʼyo sa araw na ito. Ituring nʼyo itong natatanging araw. Iniutos ko ito sa mga ninuno nʼyo, 23 pero hindi sila nakinig sa akin. Matitigas ang ulo nila! Ayaw nilang tanggapin ang mga pagtuturo ko sa kanila. 24 Pero kung susunod lang kayo sa akin na hindi kayo magtatrabaho o magdadala ng mga paninda sa pintuan ng Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga, at ituturing nʼyo itong banal na araw 25 ay pagpapalain ko kayo. Palaging magkakaroon ng haring maghahari rito sa Jerusalem na mula sa angkan ni David. Sila at ang mga tagapamahala nila ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo papasok sa pintuan ng lungsod kasama ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem. At ang lungsod na ito ng Jerusalem ay mananatiling lungsod magpakailanman. 26 At darating ang mga tao na sasamba sa templo ng Panginoon mula sa mga lugar sa paligid ng Jerusalem, sa mga bayan ng Juda, at Benjamin, at mula sa mga kaburulan sa kanluran, sa mga kabundukan, at sa Negev. Magdadala sila ng mga handog na sinusunog, at iba pang mga handog, gaya ng handog na pagpaparangal sa Panginoon, handog ng pasasalamat, at mga insenso. 27 Pero kung hindi kayo susunod sa akin, at hindi nʼyo ituturing na banal ang Araw ng Pamamahinga at magdadala kayo ng mga paninda sa mga pintuan ng Jerusalem sa araw na iyon, susunugin ko ang mga pintuan ng Jerusalem pati ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito, at walang makakapatay ng sunog na iyon!’ ”
18 Sinabi pa sa akin ng Panginoon, 2 “Pumunta ka sa bahay ng magpapalayok at doon ko sasabihin sa iyo ang nais kong sabihin.” 3 Kaya pumunta ako sa bahay ng magpapalayok at nakita ko na gumagawa siya ng palayok. 4 Kapag hindi maganda ang hugis ng palayok na ginagawa niya, inuulit niya ito hanggang sa magustuhan niya ang hugis.
5 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, 6 “O mga mamamayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang ginawa ng magpapalayok sa luwad na ito? Kung papaanong ang luwad ay nasa kamay ng magpapalayok, kayo rin ay nasa mga kamay ko. 7 Kapag sinabi ko na ang isang bansa o kaharian ay babagsak at mawawasak, 8 at ang bansa o kahariang iyon ay tumigil sa paggawa ng masama, hindi ko na itutuloy ang balak kong pagwasak sa kanila. 9 At kapag sinabi ko naman na muling babangon at itatayo ang isang bansa o kaharian, 10 at ang bansa o kahariang iyon ay gumawa ng masama at hindi sumunod sa akin, hindi ko na itutuloy ang balak kong paggawa ng mabuti sa kanila.
11 “Kaya sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem na ito ang sinasabi ko, ‘Makinig kayo! May binabalak akong kaparusahan para sa inyo. Kaya tumigil na kayo sa masasama ninyong pag-uugali. Ang bawat isa sa inyo ay magbago na ng ginagawa at pag-uugali.’ 12 Pero sasagot[k] ang mga tao, ‘Hindi maaari! Ipagpapatuloy pa rin namin ang aming gusto; susundin namin ang nais ng matitigas at masasama naming puso.’ ”
13 Kaya ito ang sinabi ng Panginoon, “Tanungin ninyo sa ibang mga bansa kung may narinig na silang ganitong pangyayari? Ang mga mamamayan ng Israel ay nanatili sanang isang birhen, pero kasuklam-suklam ang mga bagay na ginawa nila! 14 Natutunaw ba ang yelo sa mababatong bundok ng Lebanon? Natutuyo ba ang malalamig na batis doon? Hindi! 15 Pero ang aking mga mamamayan ay nakalimot na sa akin. Nagsusunog sila ng insenso sa walang kwentang mga dios-diosan. Iniwan nila ang tama at dating daan, at doon sila dumaan sa daang hindi mabuti kung saan silaʼy nadapa. 16 Kaya magiging malungkot ang lupain nila at hahamakin magpakailanman. Ang lahat ng dumadaan ay mapapailing at mangingilabot. 17 Pangangalatin ko sila sa harap ng mga kaaway nila na parang alikabok na tinatangay ng hangin mula sa silangan. Tatalikuran ko sila at hindi ko sila tutulungan sa araw na lilipulin na sila.”
18 Pagkatapos, sinabi ng mga tao, “Halikayo, gumawa tayo ng paraan para mapatigil natin si Jeremias! May mga pari rin tayong magtuturo sa atin ng kautusan, at may mga pantas din tayong magpapayo sa atin, at mga propetang magpapahayag sa atin ng mensahe ng Dios. Kaya gumawa tayo ng mga kwento laban sa kanya at huwag na nating pakinggan ang mga sinasabi niya.”
19 Kaya nanalangin ako, “O Panginoon, tulungan nʼyo po ako! Pakinggan nʼyo po ang balak ng mga kaaway ko sa akin. 20 Mabuti po ang ginagawa ko sa kanila pero masama ang iginaganti nila sa akin. Humukay po sila para mahulog ako sa hukay na iyon, kahit na dumulog ako sa inyo at nanalangin na huwag nʼyo silang parusahan dahil sa galit nʼyo sa kanila. 21 Pero ngayon, pabayaan po ninyong mamatay ang mga anak nila sa gutom at digmaan. Pabayaan nʼyong mabiyuda ang mga babae at mawala ang mga anak nila. Pabayaan nʼyo pong mamatay ang kanilang mga lalaki sa sakit at ang mga kabataang lalaki sa digmaan. 22 Hayaan nʼyo silang mapasigaw sa takot kapag ipinasalakay nʼyo sa mga kaaway ang mga bahay nila. Sapagkat naghanda po sila ng hukay para mahulog ako roon, at naglagay sila ng bitag para mahuli ako. 23 Pero alam nʼyo po Panginoon ang lahat ng plano nilang pagpatay sa akin. Kaya huwag nʼyo silang patawarin sa mga kasalanan at kasamaan nila. Hayaan nʼyo silang matalo ng kanilang mga kaaway habang nakatingin kayo. Iparanas nʼyo sa kanila ang inyong galit.”
Ang Basag na Banga
19 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Bumili ka ng banga sa magpapalayok. Pagkatapos, magsama ka ng mga tagapamahala ng mga tao at tagapamahala ng mga pari, 2 at pumunta kayo sa Lambak ng Ben Hinom malapit sa Pintuan na Pinagtatapunan ng mga Basag na Palayok. At doon mo sabihin ang sinabi ko sa iyo. 3 Sabihin mo, ‘Mga hari ng Juda at mga taga-Jerusalem, pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel. Ito ang sinabi niya: Magpapadala ako ng malagim na kapahamakan sa lugar na ito at ang sinumang makakarinig tungkol dito ay talagang matatakot. 4 Gagawin ko ito dahil itinakwil ako ng mga mamamayan ko at ginawa nilang handugan ng mga handog na sinusunog para sa mga dios-diosan ang kapatagang ito. Hindi naman nila kilala ang mga dios-diosang ito, at hindi rin kilala ng mga ninuno nila o ng mga hari sa Juda. Pumatay pa sila ng mga walang malay na bata sa lugar na ito. 5 Nagtayo sila ng mga sambahan para kay Baal, at sinunog nila roon ang mga anak nila bilang mga handog sa kanya. Hindi ko ito iniutos sa kanila, ni hindi man lang ito pumasok sa isip ko. 6 Kaya mag-ingat kayo, dahil ako, ang Panginoon ay nagsasabing darating ang panahon na ang lugar na itoʼy hindi na tatawaging Tofet o Lambak ng Ben Hinom, kundi Lambak ng Patayan. 7 Sisirain ko sa lugar na ito ang binabalak ng Juda at Jerusalem. Ipapapatay ko sila sa mga kaaway nila sa pamamagitan ng digmaan, at ipapakain ko ang mga bangkay nila sa mga ibon at mga hayop sa gubat. 8 Wawasakin ko ang lungsod na ito at hahamakin. Ang mga dumadaan ay mangingilabot at halos hindi makapaniwala dahil sa nangyari rito. 9 Papalibutan ng mga kaaway ang lungsod na ito hanggang sa ang mga mamamayan dito ay maubusan ng pagkain. Kaya kakainin nila ang kapwa nila at pati na ang sarili nilang anak.’ ”
10 Pagkatapos ay sinabi sa akin ng Panginoon, “Basagin mo ang banga sa harap ng mga taong sumama sa iyo. 11 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabing wawasakin ko ang bansa ng Juda at ang lungsod ng Jerusalem katulad ng pagbasag ko sa bangang ito na hindi na muling mabubuo. Ililibing nila ang maraming bangkay sa Tofet hanggang sa wala nang mapaglibingan. 12 Ito ang gagawin ko sa Jerusalem at sa mga mamamayan nito. Ituturing itong marumi gaya ng Tofet. 13 Ang lahat ng bahay sa Jerusalem, pati ang palasyo ng hari ng Juda ay ituturing na marumi katulad ng Tofet. Sapagkat sa bubungan ng mga bahay na ito ay nagsunog sila ng mga insenso para sa kanilang dios na mga bituin, at nag-alay ng mga handog na inumin para sa mga dios.”
14 Nang masabi na ni Jeremias ang ipinapasabi ng Panginoon, umalis siya sa Tofet at pumunta sa bulwagan ng templo ng Panginoon at sinabi sa mga tao, 15 “Makinig kayo, dahil ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel: Ipapadala ko sa lungsod na ito at sa mga baryo sa palibot ang sinabi kong parusa dahil matigas ang ulo nila at ayaw nilang makinig sa mga sinabi ko.”
Sina Jeremias at Pashur
20 Ang paring si Pashur na anak ni Imer, ang pinakamataas na opisyal sa templo ng Panginoon nang panahong iyon. Nang marinig niya ang mga sinabi ni Jeremias, 2 pinabugbog niya ito at ipinabilanggo sa may pintuan ng templo ng Panginoon na tinatawag na Pintuan ni Benjamin. 3 Kinaumagahan, pinalabas ni Pashur si Jeremias. Sinabi ni Jeremias sa kanya, “Pashur, pinalitan na ng Panginoon ang pangalan mo. Tatawagin ka na ngayong Magor Misabib.[l] 4 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon: Katatakutan mo ang kalagayan mo at ang kalagayan ng lahat ng kaibigan mo. Makikita mo silang papatayin ng mga kaaway nila sa digmaan. Ibibigay ko ang buong Juda sa hari ng Babilonia. Ang ibang mamamayan ay papatayin, at ang iba namaʼy bibihagin. 5 Ipapasamsam ko sa mga kaaway ang lahat ng kayamanan ng lungsod ng Jerusalem – lahat ng pinaghirapan nila, lahat ng mamahaling bagay at ang lahat ng kayamanan ng hari ng Juda. Dadalhin nila ang lahat ng iyon sa Babilonia. 6 Pati ikaw Pashur at ang buong sambahayan mo ay bibihagin at dadalhin sa Babilonia. At doon ka mamamatay at ililibing, pati ang lahat ng kaibigan mo na hinulaan mo ng kasinungalingan.”
Nagreklamo si Jeremias sa Panginoon
7 Panginoon, nilinlang nʼyo ako at nanaig kayo sa akin. Naging katatawanan ako ng mga tao at patuloy nila akong kinukutya. 8 Kapag nagsasalita ako, isinisigaw ko po ang mensahe nʼyo Panginoon tungkol sa karahasan at pagkawasak! At dahil sa ipinasasabi nʼyong ito, pinagtatawanan po nila ako at kinukutya. 9 Kung minsan, naiisip kong huwag na lang akong magsalita ng tungkol sa inyo o sabihin ang ipinapasabi ninyo. Pero hindi ko po mapigilan, dahil ang mga salita nʼyo ay parang apoy na nagniningas sa puso at mga buto ko. Pagod na ako sa kapipigil dito. 10 Narinig ko ang pangungutya ng mga tao. Inuulit nila ang mga sinasabi kong, “Nakakatakot ang nakapalibot sa atin!” Sinasabi pa nila, “Ipamalita natin ang kanyang kasinungalingan!” Pati ang mga kaibigan koʼy naghihintay ng pagbagsak ko. Sinasabi nila, “Baka sakaling madaya natin siya. Kung mangyayari iyon, magtatagumpay tayo at mapaghihigantihan natin siya.”
11 Pero kasama ko po kayo, Panginoon. Para kayong sundalo na matapang at makapangyarihan, kaya hindi magtatagumpay ang mga umuusig sa akin. Mapapahamak sila at mapapahiya, at kahit kailan, hindi makakalimutan ang kahihiyan nila. 12 O Panginoong Makapangyarihan, nalalaman nʼyo po kung sino ang matuwid dahil alam nʼyo ang nasa puso at isip ng tao. Ipakita nʼyo po sa akin ang paghihiganti nʼyo sa kanila dahil ipinaubaya ko na po sa inyo ang usaping ito.
13 Panginoon, magpupuri at aawit po ako sa inyo ngayon dahil iniligtas nʼyo ang mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao.
14 Pero isinusumpa ko ang araw na akoʼy isinilang! Hindi ko ikinagagalak ang araw na ipinanganak ako ng aking ina! 15 Isinusumpa ko ang nagbalita sa aking ama na, “Lalaki ang anak mo!” na siyang ikinagalak ng aking ama. 16 Nawaʼy ang taong iyon ay maging katulad ng mga bayan na winasak ng Panginoon at hindi kinahabagan. Nawaʼy maghapon niyang mapakinggan ang sigaw at daing ng mga tao sa digmaan. 17 Sapagkat hindi niya ako pinatay noong nasa sinapupunan pa ako ng aking ina. Sanaʼy naging libingan ko na lang ang tiyan ng aking ina, o di kayaʼy ipinagbuntis na lamang niya ako magpakailanman. 18 Bakit pa ako isinilang? Para lang ba makita ang kaguluhan at kahirapan, at mamatay sa kahihiyan?
Hinulaan ang Pagbagsak ng Jerusalem
21 Ngayon, nagsalita sa akin ang Panginoon nang sinugo sa akin ni Haring Zedekia si Pashur na anak ni Malkia at ang paring si Zefanias na anak ni Maaseya. Sinabi nila sa akin, 2 “Ipakiusap mo sa Panginoon na tulungan kami, dahil sinasalakay na kami ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Baka sakaling gumawa ng himala ang Panginoon katulad ng ginawa niya noon, para mapigilan ang pagsalakay ni Nebucadnezar.”
3 Pero sinagot ko sila, 4 “Sabihin nʼyo kay Zedekia na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ‘Magiging walang kabuluhan ang mga sandata na inyong ginagamit sa pakikipagdigma nʼyo kay Nebucadnezar at sa mga kawal niya[m] na nakapaligid na sa inyo. Titipunin ko sila[n] sa gitna ng lungsod na ito. 5 Ako mismo ang makikipaglaban sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ko dahil sa matindi kong galit. 6 Papatayin ko ang lahat ng naninirahan sa lungsod na ito, tao man o hayop. Mamamatay sila sa matinding salot. 7 At ikaw, Haring Zedekia ng Juda, ang mga tagapamahala mo, at ang mga mamamayang natitira na hindi namatay sa salot, digmaan, o gutom ay ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia na kaaway ninyo. At walang awa niya kayong papatayin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’
8 “Sabihin din ninyo sa mga mamamayan ng Jerusalem na ito ang ipinapasabi ng Panginoon, ‘Makinig kayo! Pumili kayo, buhay o kamatayan. 9 Ang sinumang mananatili sa lungsod na ito ay mamamatay sa digmaan, gutom o sakit. Pero ang mga susuko sa mga taga-Babilonia na nakapalibot sa lungsod ninyo ay mabubuhay. 10 Nakapagpasya na akong padalhan ng kapahamakan ang lungsod na ito at hindi kabutihan. Ipapasakop ko ito sa hari ng Babilonia, at susunugin niya ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’
11-12 “Sabihin din ninyo sa sambahayan ng hari ng Juda, na mga angkan ni David, na pakinggan ang mensaheng ito ng Panginoon: Pairalin nʼyo lagi ang katarungan. Tulungan nʼyo ang mga ninakawan; iligtas nʼyo sila sa mga umaapi sa kanila. Sapagkat kung hindi, magniningas ang galit ko na parang apoy na hindi mapapatay dahil sa masama nʼyong ginagawa. 13 Kalaban ko kayo, mga taga-Jerusalem, kayong nakatira sa matibay na lugar sa patag sa ibabaw ng bundok. Nagmamataas kayo na nagsasabi, ‘Walang makakasalakay sa atin, sa matibay na talampas na ito!’ 14 Pero parurusahan ko kayo ayon sa mga ginagawa ninyo. Susunugin ko ang inyong mga kagubatan hanggang sa ang lahat ng nakapalibot sa inyo ay matupok. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Parusa ng Panginoon sa mga Hari ng Juda
22 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa palasyo ng hari ng Juda at sabihin mo ito: 2 O hari ng Juda, na angkan ni David, kayong mga namamahala at mga mamamayang dumadaan sa mga pintuan dito, pakinggan nʼyo ang mensaheng ito ng Panginoon: 3 Pairalin nʼyo ang katarungan at katuwiran. Tulungan nʼyo ang mga ninakawan, iligtas nʼyo sila sa kamay ng mga taong umaapi sa kanila. Huwag nʼyong pagmamalupitan o sasaktan ang mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Huwag din kayong papatay ng mga taong walang kasalanan. 4 Kung susundin nʼyo ang mga utos kong ito, mananatiling maghahari sa Jerusalem ang angkan ni David. Ang hari, kasama ng kanyang mga pinuno at mga mamamayan ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at kabayo na papasok sa pintuan ng palasyo. 5 Pero kung hindi nʼyo susundin ang mga utos kong ito, isinusumpa ko sa sarili ko na mawawasak ang palasyong ito.”
6 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa palasyo ng hari ng Juda:
“Para sa akin, kasingganda ka ng Gilead o ng tuktok ng bundok ng Lebanon. Pero gagawin kitang parang disyerto, na tulad ng isang bayan na walang naninirahan. 7 Magpapadala ako ng mga taong gigiba sa iyo. Ang bawat isa sa kanilaʼy magdadala ng mga gamit-panggiba. Puputulin nila ang iyong mga haliging sedro at ihahagis sa apoy. 8 Ang mga taong galing sa ibaʼt ibang bansa na dadaan sa lungsod na ito ay magtatanungan, ‘Bakit kaya ginawa ito ng Panginoon sa dakilang lungsod na ito?’ 9 At ito ang isasagot sa kanila, ‘Dahil itinakwil nila ang kasunduan nila sa Panginoon na kanilang Dios, at sumamba sila at naglingkod sa mga dios-diosan.’ ”
Ang Mensahe tungkol kay Jehoahaz
10-11 Mga taga-Juda, huwag kayong umiyak sa pagpanaw ni Haring Josia. Sa halip, umiyak kayo nang lubos para sa anak niyang si Jehoahaz na pumalit sa kanya bilang hari ng Juda. Sapagkat binihag siya at hindi na siya makakabalik pa. Kaya hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito na sinilangan niya. Sapagkat ang Panginoon ang nagsabi na hindi na siya makakabalik. 12 Mamamatay siya sa lupain kung saan siya dinalang bihag. Hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito.
Ang Mensahe tungkol kay Jehoyakim
13 Nakakaawa ka Jehoyakim, nagtayo ka ng iyong palasyo sa pamamagitan ng masamang paraan. Pinagtrabaho mo ang iyong kapwa nang walang sweldo. 14 Sinabi mo, “Magtatayo ako ng palasyong malalaki ang silid sa itaas. Palalagyan ko ito ng malalaking bintana at dingding ng tablang sedro. At pagkatapos, papipinturahan ko ng pula.”
15 Akala mo ba magiging dakila kang hari kung magtatayo ka ng palasyong gawa sa sedro? Bakit ayaw mong sundin ang iyong ama? Matuwid at makatarungan ang mga ginawa niya; kaya namuhay siya nang maunlad at payapa ang kalagayan. 16 Ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga dukha at ng mga nangangailangan, kaya naging mabuti ang lahat para sa kanya. Ganyan ang tamang pagkilala sa akin. 17 Pero ikaw, wala kang ibang hinahangad kundi ang makapandaya, pagpatay ng mga taong walang kasalanan, pang-aapi, at karahasan.
18 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol kay Haring Jehoyakim ng Juda, na anak ni Josia, “Walang magluluksa para sa kanya kapag namatay siya. Ang sambahayan niya, ang mga pinuno niya at ang ibang mga tao ay hindi magluluksa para sa kanya. 19 Ililibing siya katulad ng paglilibing sa patay na asno; kakaladkarin ang bangkay niya at itatapon sa labas ng pintuan ng Jerusalem.
20 “Mga taga-Juda, umiyak kayo dahil wala na kayong mga kakamping bansa. Hanapin nʼyo sila sa Lebanon. Tawagin nʼyo sila sa Bashan at Abarim. 21 Binigyan ko kayo ng babala noong nasa mabuti pa kayong kalagayan, pero hindi kayo nakinig. Talagang ganyan na ang ugali nʼyo mula noong bata pa kayo; hindi kayo sumusunod sa akin. 22 Kaya pangangalatin ko ang mga pinuno nʼyo na parang ipa na tinatangay ng hangin, at bibihagin din ang mga kakampi nʼyong bansa. Talagang mapapahiya kayo dahil sa kasamaan ninyo.
23 “Kayong mga nakatira sa palasyo ng Jerusalem na gawa sa kahoy na sedro mula sa Lebanon, kahabag-habag kayo kapag dumating na sa inyo ang paghihirap, na parang babaeng naghihirap sa panganganak.
Ang Mensahe tungkol kay Jehoyakin
24 “Ako, ang buhay na Panginoon, ay sumusumpa na itatakwil kita, Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim. Kahit para kang singsing sa aking kanang kamay[o] na tanda ng kapangyarihan ko, tatanggalin kita sa daliri ko. 25 Ibibigay kita sa mga nais pumatay sa iyo na kinatatakutan mo. Ibibigay kita kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga kawal[p] niya. 26 Ikaw at ang iyong ina ay ipapatapon ko sa ibang bansa at doon kayo mamamatay. 27 At hindi na kayo makakabalik sa lupaing ninanais nʼyong balikan. 28 Jehoyakin, para kang basag na palayok na hindi na mapapakinabangan. Kaya itatapon ko kayo ng mga anak mo sa bansang hindi nʼyo alam.”
29 O lupain ng Juda, pakinggan mo ang salita ng Panginoon. 30 Sapagkat ito ang sinasabi niya, “Isulat nʼyo na ang taong ito na si Jehoyakin na parang walang anak, sapagkat wala ni isa man sa kanyang mga anak ang luluklok sa trono ni David bilang hari ng Juda. At hindi rin siya magtatagumpay sa pamumuhay niya.”
Ang Pag-asang Darating
23 1-2 Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Nakakaawa kayong mga pinuno ng mga mamamayan ko! Kayo sana ang mag-aalaga sa aking mga mamamayan tulad ng pastol ng mga tupa, ngunit pinabayaan lang ninyo silang mamatay at mangalat. Kaya dahil sa pinangalat ninyo ang mga mamamayan ko at hindi nʼyo inalagaan, parurusahan ko kayo. Oo, parurusahan ko kayo dahil sa kasamaang ginawa ninyo. 3 Ako mismo ang magtitipon sa mga natitira kong mamamayan mula sa ibaʼt ibang lugar kung saan ko sila pinangalat, at dadalhin ko sila pabalik sa lupain nila at muli silang dadami roon. 4 Bibigyan ko sila ng pinunong magmamalasakit at mangangalaga sa kanila, at hindi na sila matatakot o mangangamba, at wala nang maliligaw sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
5 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na paghahariin ko ang isang hari na matuwid na mula sa angkan ni David. Maghahari siyang may karunungan, at paiiralin niya ang katuwiran at katarungan sa lupaing ito. 6 Ito ang pangalang itatawag sa kanya, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’[q] At sa panahong iyon, maliligtas ang Juda at magkakaroon ng kapayapaan sa Israel.
7 “Sa panahong iyon, hindi na susumpa ang mga tao ng ganito, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga Israelita mula sa Egipto!’ 8 Sa halip, sasabihin nilang, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga lahi ng Israel sa mga bansa sa hilaga at sa lahat ng bansa kung saan sila pinangalat. At maninirahan na sila sa kanilang sariling lupain.’ ”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®