Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 48 - Panaghoy 1

Ang Mensahe tungkol sa Moab

48 Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, tungkol sa Moab:

“Nakakaawa ang Nebo dahil wawasakin ito. Mapapahiya at bibihagin ang Kiriataim at matitibag ang mga muog nito. Hindi na papupurihan ang Moab; ang mga kaaway sa Heshbon ay nagbabalak na wasakin ang Moab. At ikaw naman Madmen ay sasalakayin ng mga kaaway at magiging mapanglaw. Pakinggan nʼyo ang sigawan sa Horonaim, dahil sa matinding digmaan at kapahamakan. Mawawasak ang Moab at mag-iiyakan ang mga bata. Ang mga mamamayan ng Moab ay mag-iiyakan nang malakas habang paakyat sila sa Luhit at pababa sa Honoraim. Mag-iiyakan sila dahil sa kapahamakan.

“Iligtas ninyo ang inyong sarili! Tumakas kayo papuntang ilang. Mga taga-Moab, nagtitiwala kayo sa kakayahan at kayamanan ninyo kaya bibihagin kayo pati ang dios-diosan ninyong si Kemosh at ang mga pari at mga pinuno nito.

“Darating ang manlilipol sa bawat bayan at walang bayan na makakaligtas. Mawawasak ang mga bayan sa lambak at talampas. Mangyayari ito dahil sinabi mismo ng Panginoon. May pakpak sana ang Moab para makalipad siya papalayo,[a] dahil wala nang kabuluhan ang mga bayan nito at wala nang maninirahan dito. 10 Sumpain ang taong pabaya sa paggawa ng gawain ng Panginoon laban sa Moab. Sumpain ang taong hindi papatay sa mga taga-Moab. 11 Tahimik ang pamumuhay ng Moab mula pa noon. Hindi pa ito nakaranas ng pagkabihag. Parang alak ito na hindi nagagalaw o naisasalin man sa isang sisidlan. Kaya ang lasa at amoy nitoʼy hindi nagbabago.

12 “Pero darating ang araw na isusugo ko ang mga kaaway para ibuhos ang Moab mula sa kanyang lalagyan at pagkatapos ay babasagin ang lalagyan nito. 13 At ikakahiya ng mga taga-Moab ang dios-diosan nilang si Kemosh, gaya ng nangyari sa Betel nang ikahiya ng mga Israelita ang dios-diosan nila. 14 Ipinagmamalaki ng mga taga-Moab na matatapang ang sundalo nila sa pakikipaglaban. 15 Pero mawawasak ang Moab at ang mga bayan nito. Papatayin ang kanilang matatapang na kabataan. Ako, ang Panginoon na Haring Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.

16 “Malapit na ang kapahamakan ng Moab. 17 Umiyak kayo, kayong lahat na kakampi ng Moab![b] Sabihin nʼyo, ‘Wala na ang Moab! Nabali na ang tungkod niya, ang tungkod na sagisag ng kapangyarihan at katanyagan niya.’

18 “Kayong mga taga-Dibon, magpakumbaba kayo at maupo sa lupa dahil ang nagwasak sa Moab ay sasalakay din sa inyo at gigibain ang mga lungsod nʼyo na napapalibutan ng mga pader. 19 Kayong mga nasa Aroer, tumayo kayo sa tabi ng daan at magbantay. Magtanong kayo sa mga nakatakas kung ano ang nangyari. 20 Sasagot sila, ‘Nawasak at napahiya ang Moab. Humiyaw kayo at umiyak. Isigaw nʼyo sa Arnon na nawasak ang Moab.’

21 “Parurusahan din ang mga bayan sa talampas: ang Holon, Jaza, Mefaat, 22 Dibon, Nebo, Bet Diblataim, 23 Kiriataim, Bet Gamul, Bet Meon, 24 Keriot at Bozra. Darating na ang parusa sa lahat ng bayan ng Moab, sa malayo at malapit. 25 Wala nang kapangyarihan ang Moab at mahina na ito ngayon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

26 “Lasingin nʼyo ang Moab dahil naghimagsik siya sa akin. Gugulong siya sa sariling suka at magiging katawa-tawa. 27 Kayong mga taga-Moab, hindi baʼt kinutya ninyo ang Israel? Bakit, nahuli ba siyang nagnakaw? Bakit iiling-iling pa kayo sa pagkutya nʼyo sa kanya? 28 Umalis na kayo sa bayan nʼyo at tumira sa mababatong lugar, na parang mga kalapating nagpupugad sa mga bitak ng matatarik at mababatong lugar. 29 Napakayabang ninyo. Narinig ko kung gaano kayo kayabang at kapalalo. 30 Ako, ang Panginoon, nalalaman ko kung gaano kayo kayabang, pero iyan ay walang kabuluhan. 31 Kaya iiyak ako para sa mga taga-Moab at mga taga-Kir Hareset.[c] 32 Iiyak din ako para sa mga taga-Sibna ng higit kaysa sa pag-iyak ko sa mga taga-Jazer. Sibma, para kang halamang ubas na ang mga sanga ay umabot sa kabila ng Dagat na Patay hanggang sa Jazer. Pero ngayon, inubos ng mga maninira ang bunga mo. 33 Wala nang maririnig na kasayahan at katuwaan sa mga bukid at mga ubasan sa lupain ng Moab. Hindi na umaagos ang katas ng ubas sa mga pisaan. Wala ng mga pumipisa ng ubas na sumisigaw sa tuwa. May mga sumisigaw nga, pero hindi na sigaw ng tuwa. 34 Ang iyakan ng mga taga-Heshbon ay naririnig hanggang sa Eleale at Jahaz. Ang iyakan ng mga taga-Zoar ay naririnig hanggang sa Horonaim at sa Eglat Shelishiya. Sapagkat kahit ang batis ng Nimrim ay tuyo na. 35 Patitigilin ko sa Moab ang mga naghahandog sa mga sambahan sa matataas na lugar[d] at nagsusunog ng insenso sa mga dios-diosan nila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

36 “Kaya umiiyak ang aking puso para sa Moab at sa mga taga-Kir Hareset, gaya ng malungkot na tugtog ng plauta sa patay. Wala na ang mga kayamanang nakamit nila. 37 Ang bawat isaʼy nagpahayag ng kalungkutan nila sa pamamagitan ng pagpapakalbo, pag-aahit, pagsugat sa mga kamay nila at pagsusuot ng damit na pangluksa. 38 Nag-iiyakan ang mga tao sa mga bahay nila at sa mga plasa, dahil winasak ko ang Moab na parang banga na binasag at wala nang pumapansin. 39 Gayon na lamang ang pagkawasak ng Moab! Pakinggan nʼyo ang iyakan ng mga mamamayan. Nakakahiya ang Moab. Kinukutya at kinamumuhian ito ng mga bansa sa palibot nito.”

40 Sinabi pa ng Panginoon, “Tingnan nʼyo! Ang kaaway ng Moab ay parang agila na lumilipad para dagitin ito. 41 Sasakupin ang mga lungsod[e] at ang mga kampo ng Moab. Sa mga araw na iyon, matatakot ang mga sundalo ng Moab katulad ng isang babaeng malapit nang manganak. 42 Mawawasak ang Moab dahil sa paghihimagsik niya sa Panginoon. 43 Ang sasapitin ng mga taga-Moab ay takot, hukay at bitag.

44 “Ang sinumang tatakas dahil sa takot ay mahuhulog sa hukay. At ang sinumang makakaligtas sa hukay ay mahuhuli sa bitag, dahil talagang parurusahan ko ang Moab sa takdang panahon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 45 Ang mga kawawang nakatakas ay nais magtago sa Heshbon. Pero ang Heshbon na pinagharian ni Haring Sihon ay nagliliyab sa apoy at nilamon pati ang mga kabundukan na pinagtataguan ng mga taga-Moab na ang gusto ay digmaan. 46 Hala! Tapos na kayo, kayong mga taga-Moab! Kayong mga sumasamba sa dios-diosang si Kemosh ay bibihagin ang inyong mga anak. 47 Pero darating ang araw na ibabalik ko ang mabuting kalagayan ng Moab. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.” Ito ang mensahe tungkol sa Moab.

Ang Mensahe Tungkol sa Ammon

49 Ito naman ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga taga-Ammon:

“Kayong mga sumasamba sa dios-diosang si Molec, bakit nʼyo tinitirhan ang mga bayan ng lupain ni Gad? Wala bang lahi si Israel na magmamana ng lupaing ito? Ako, ang Panginoon ay nagsasabing, darating ang araw na ipapasalakay ko sa mga kaaway ang Rabba. Wawasakin ang lungsod nʼyong ito pati ang mga baryo sa palibot ay susunugin. Sa ganitong paraan, mapapalayas ng mga taga-Israel ang mga nagpalayas sa kanila.

“Umiyak kayo nang malakas, kayong mga taga-Heshbon dahil wasak na ang Ai. Umiyak din kayong mga taga-Rabba. Magdamit kayo ng damit na sako at magparooʼt parito sa gilid ng pader para ipakita ang pagluluksa ninyo. Sapagkat bibihagin ang dios-diosan nʼyong si Molec pati ang mga pari at pinuno niya. Kayong mga taksil, bakit ninyo ipinagyayabang ang inyong masaganang mga kapatagan? Nagtitiwala kayo sa kayamanan ninyo at sinasabi ninyong walang sasalakay sa inyo. Ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ay magpapadala sa inyo ng mga kaaway mula sa mga bansa sa palibot ninyo para takutin kayo. Palalayasin nila kayo sa inyong lupain at walang sinumang tutulong sa inyo. Pero darating ang araw na ibabalik ko sa mabuting kalagayan ang mga taga-Ammon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Mensahe tungkol sa Edom

Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan tungkol sa Edom:

“Nasaan na ang marurunong sa Teman? Wala na bang natitirang marunong magpayo? Kayong mga nakatira sa Dedan tumakas kayo at magtago sa malalalim na kweba. Sapagkat padadalhan ko ng kapahamakan ang mga lahi ni Esau sa oras na parusahan ko sila. Hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nag-iiwan ng mga bunga? Hindi baʼt ang mga magnanakaw ay kumukuha rin lang ng anumang magugustuhan nila? 10 Pero kukunin ang lahat ng ari-arian ng mga angkan ni Esau. Kukunin ko ang takip ng pinagtataguan nila para hindi na sila makapagtago. Mamamatay ang mga anak, kamag-anak at mga kapitbahay nila. Walang matitira sa kanila. 11 Pero maiiwan sa akin ang mga ulila nʼyo dahil ako ang kakalinga sa kanila. At ang mga biyuda nʼyo ay makakaasa sa akin.”

12 Sinabi pa ng Panginoon, “Kung ang mga walang kasalanan ay nagdurusa, kayo pa kaya? Tiyak na parurusahan kayo. 13 Isinusumpa ko sa sarili ko na ang Bozra ay mawawasak. Magiging nakakatakot ang kalagayan nito, at kukutyain at susumpain ito. Ang lahat ng bayan nito ay magiging wasak magpakailanman. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

14 Narinig ko ang balita mula sa Panginoon na nagpadala siya ng mga sugo sa mga bansa para paghandain sila sa digmaan at hikayatin silang salakayin ang bansa ng Edom. 15 Sapagkat sinabi ng Panginoon sa mga taga-Edom, “Gagawin ko kayong mas mababa kaysa sa ibang mga bansa, at hahamakin nila kayo. 16 Ipinagmamalaki ninyo na nakatira kayo sa batuhan at matataas na lugar. Pero sa pagmamataas at pananakot nʼyong iyan sa iba, dinadaya nʼyo ang sarili ninyo. Sapagkat kahit na naninirahan kayo sa pinakamataas na lugar katulad ng pinagpupugaran ng agila, ibabagsak ko pa rin kayo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

17 Sinabi pa ng Panginoon, “Magiging malagim ang kalagayan ng Edom. Ang lahat ng dumadaan ay mangingilabot at halos hindi makapaniwala sa nangyari sa bansang ito. 18 Kung paanong nawasak ang Sodom at Gomora at ang mga bayan sa palibot nito, ganoon din ang mangyayari sa Edom. At wala nang maninirahan dito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 19 Bigla kong sasalakayin ang Babilonia katulad ng leon na galing sa kagubatan malapit sa Ilog ng Jordan, sasalakay patungo sa pastulan ng maraming tupa. Magsisitakas sila, at pipili ako ng taong mamamahala sa Edom. Sino ang maitutulad sa akin? Sino ang mangangahas na kalabanin ako? Sino ang pinunong makakalaban sa akin? 20 Kaya pakinggan nʼyo ang binabalak kong gawin laban sa Edom pati sa mga mamamayan ng Teman: Bibihagin ko ang mga anak nila at gigibain ang mga tahanan nila. 21 At dahil sa matinding pagkawasak ng Edom, mayayanig ang lupa at ang iyakan ng mga taga-roon ay maririnig hanggang sa Dagat na Pula. 22 Tingnan nʼyo! Ang kaaway ay parang agila na lumilipad na dadagit sa mga taga-Bozra. Sa panahong iyon, matatakot at magiging parang babaeng malapit nang manganak ang mga sundalo sa Edom.”

Ang Mensahe tungkol sa Damascus

23 Ito ang mensahe tungkol sa Damascus: “Natakot ang mga taga-Hamat at taga-Arpad sa masasamang balita na narinig nila. Naguguluhan at nanlulupaypay sila, at hindi mapalagay katulad ng maalong dagat. 24 Nanghihina ang mga taga-Damascus at tumakas sila dahil sa takot. Takot at sakit ng damdamin ang nararamdaman nila na para bang babaeng malapit nang manganak. 25 Ang tanyag at masayang[f] lungsod ng Damascus ay itinakwil. 26 Ang mga kabataan niyang lalaki ay mamamatay sa mga lansangan pati ang lahat ng kawal niya. 27 Susunugin ko ang mga pader ng Damascus, pati ang matitibay na palasyo ni Haring Ben Hadad.”

Ang Mensahe tungkol sa Kedar at Hazor

28 Ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Kedar at mga kaharian ng Hazor na sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia:

“Humanda kayo at salakayin nʼyo ang Kedar. Lipulin nʼyo ang mga taong ito ng silangan. 29 Ang mga tolda, kawan, mga ari-arian, at mga kamelyo nila ay sasamsamin. Sisigaw sila, ‘Napapaligiran tayo ng mga nakakatakot nating kaaway.’

30 “Mga taga-Hazor, magmadali kayo at tumakas! Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing magtago na kayo sa mga kweba. Nagplano ng masama laban sa inyo si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. 31 Ako, ang Panginoon, ang nag-utos sa kanila, ‘Lusubin nʼyo ang mga taong namumuhay nang tiwasay at walang anumang ikinababalisa. Walang trangka ang pintuan ng lungsod nila, at nabubuhay sila na sila-sila lang. 32 Ang mga kamelyo nila at ang lahat ng kawan nila ay magiging inyo. Pangangalatin ko ang mga taong ito na nakatira sa malayong lugar at pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan mula sa kung saan-saan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 33 Magiging malungkot ang Hazor magpakailanman at walang taong maninirahan doon kundi magiging tirahan na lang ng mga asong-gubat.’ ”[g]

Ang Mensahe tungkol sa Elam

34 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias tungkol sa Elam noong nagpasimulang maghari si Zedekia sa Juda. 35 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Papatayin ko ang mga tagapana ng Elam – ang pinakamahusay nilang mga kawal. 36 Sasalakayin ang Elam ng mga kaaway mula sa lahat ng panig, at pangangalatin ko ang mga mamamayan niya sa lahat ng dako. Bibihagin sila sa lahat ng bansa sa buong daigdig. 37 Lilipulin ko sila sa pamamagitan ng mga kaaway nila na nais pumatay sa kanila. Talagang pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan dahil sa matindi kong galit sa kanila. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ipapasalakay ko sila sa mga kaaway nila hanggang sa mawala silang lahat. 38 Papatayin ko ang hari at ang mga pinuno ng Elam, at itatayo ko roon ang trono ko. 39 Pero darating ang araw na ibabalik ko ang Elam sa mabuting kalagayan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Mensahe Tungkol sa Babilonia

50 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias tungkol sa Babilonia at sa mga mamamayan nito:

“Ipahayag sa mga bansa ang balita nang walang inililihim! At itaas ang watawat na tanda ng pagkawasak ng Babilonia! Madudurog at mapapahiya ang mga dios-diosan niya pati na ang dios-diosang si Bel at Marduk. Sapagkat sasalakayin ang Babilonia ng isang bansa mula sa hilaga, at magiging mapanglaw ang lugar na ito. Wala nang maninirahan dito dahil tatakas ang mga mamamayan niya pati ang mga hayop.

Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay iiyak na lalapit sa akin, ang Panginoon na kanilang Dios. Magtatanong sila ng daan papuntang Jerusalem[h] at pupunta sila roon. Gagawa sila ng walang hanggang kasunduan sa akin at hindi na nila ito kakalimutan.

“Ang mga mamamayan ko ay parang mga tupang naliligaw. Pinabayaan sila ng mga pastol nila roon sa kabundukan at kaburulan at hindi na nila alam ang daan pauwi. Sinasakmal sila ng mga nakakakita sa kanila. Sinasabi ng mga kaaway nila, ‘Nagkasala sila sa Panginoon na siyang tunay nilang kapahingahan at pag-asa ng mga ninuno nila kaya wala tayong kasalanan sa ating pagsalakay sa kanila.’

“Tumakas kayo mula sa Babilonia! Iwanan na ninyo ang bansang iyan! Mauna na kayong tumakas katulad ng mga kambing na nangunguna sa mga kawan! Sapagkat ipapasalakay ko ang Babilonia sa alyansa ng mga makapangyarihang bansa mula sa hilaga. Sasalakayin nila ang Babilonia at masasakop nila ito. Bihasa ang mga tagapana nila at walang mintis ang kanilang pagpana. 10 Sasamsamin nila ang mga ari-arian ng Babilonia at talagang magsasawa sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

11 Mga taga-Babilonia, sinamsam nʼyo ang pag-aari ng mga mamamayan ko. Tuwang-tuwa kayo at masaya na parang dumalagang baka sa pastulan o kabayong humahalinghing. 12 Pero ilalagay ko sa kahihiyan ang inyong bansa.[i] Magiging pinakaaba ito sa lahat ng bansa, at magiging isa itong mapanglaw at disyerto. 13 Dahil sa aking poot, wala nang maninirahan sa Babilonia at magiging mapanglaw ito. Masisindak at mangingilabot ang lahat ng dadaan dito dahil sa lahat ng nangyari sa bansang ito.

14 “Kayong mga tagapana, humanay na kayo sa pwesto nʼyo sa palibot ng Babilonia. Panain nʼyo siya dahil nagkasala siya sa Panginoon. 15 Sumigaw kayo laban sa kanya sa lahat ng dako! Tingnan nʼyo! Sumuko na ang Babilonia! Nawawasak na ang mga tore niya at gumuho na ang mga pader niya. Ang Panginoon ang naghiganti sa kanya. Kaya paghigantihan ninyo siya at gawin ninyo sa kanya ang ginawa niya sa iba. 16 Paalisin ninyo sa Babilonia ang mga nagtatanim at nag-aani. Iligtas ninyo ang mga bihag sa espada ng mga kaaway at patakasin ninyo sila at pauwiin sa sarili nilang lupain.

17 “Ang mga Israelita ay parang mga tupang nagkalat na hinahabol ng mga leon. Una, sinakmal sila ng hari ng Asiria, pagkatapos ang pinakahuling ngumatngat ng mga buto nila ay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia.

18 “Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Parurusahan ko si Haring Nebucadnezar at ang Babilonia katulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria. 19 Pero pababalikin ko ang mga Israelita sa bansa nila. Magiging parang mga tupa silang nanginginain sa kabundukan ng Carmel at sa kapatagan ng Bashan, at sa kaburulan ng Efraim at Gilead, at mabubusog sila. 20 Sa mga araw na iyon, wala nang makikitang mga kasalanan at pagsuway sa mga natitirang mga mamamayan ng Israel at Juda dahil patatawarin ko na sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

Ang Parusa ng Panginoon sa Babilonia

21 Sinabi pa ng Panginoon, “Salakayin nʼyo ang Merataim at ang Pekod. Patayin ninyo sila at lipulin nang lubusan bilang handog para sa akin. Gawin ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo. 22 Iparinig nʼyo ang sigawan ng labanan at ingay ng puspusang pangwawasak. 23 Ang Babilonia ay parang martilyong dumurog ng mga bansa, pero ngayon siya na ang nadurog. Nakita ng mga bansa kung paano nawasak ang Babilonia!

24 “O Babilonia, nahuli ka sa bitag na inilagay ko para sa iyo. Nahuli ka dahil lumaban ka sa akin. 25 Binuksan ko ang aking taguan ng mga armas at inilabas ko ang mga sandata dahil sa aking galit. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan ay may gagawin sa iyo, O Babilonia.

26 Mga kalaban ng Babilonia, na nasa malayong lugar, salakayin nʼyo na ang Babilonia! Buksan nʼyo ang mga bodega niya. Ipunin nʼyo ang mga nasamsam nʼyo katulad ng trigo. Lipulin nʼyong lubos ang mga taga-Babilonia at huwag kayong magtitira kahit isa. 27 Patayin ninyo ang lahat ng kanilang mga kawal na tulad sa batang toro. Patayin ninyo silang lahat. Nakakaawa sila dahil dumating na ang panahon na dapat silang parusahan.

28 “Pakinggan nʼyo ang mga taong nakatakas sa Babilonia habang isinasalaysay nila sa Jerusalem kung paano naghiganti ang Panginoon na ating Dios dahil sa ginawa ng mga taga-Babilonia sa templo natin.

29 “Ipatawag nʼyo ang mga tagapana para sumalakay sa Babilonia! Palibutan nʼyo para walang makatakas. Paghigantihan nʼyo siya sa ginawa niya; gawin nʼyo sa kanya ang ginawa niya sa iba dahil kinalaban niya ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. 30 Sa mga araw na iyon, mamamatay sa mga lansangan ang mga kabataan niyang lalaki pati ang lahat niyang kawal.

31 Ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ay nagsasabing kalaban kita, Babiloniang mapagmataas! Dumating na ang araw na parurusahan kita. 32 Ikaw na palalo ay mawawasak at walang tutulong sa iyo para ibangon ka. Susunugin ko ang mga bayan mo at ang lahat ng nasa paligid nito.”

33 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Inaapi ang mga mamamayan ng Israel at Juda. Binihag sila at binantayang mabuti para hindi sila makauwi sa bayan nila. 34 Pero ako ang kanilang Manunubos, Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko. Ipagtatanggol ko sila at bibigyan ng kapayapaan, pero guguluhin ko ang mga mamamayan ng Babilonia.

35 Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ang espada ng kapahamakan ay tatama sa mga taga-Babilonia pati sa mga pinuno at matatalinong tao niya. 36 Tatama rin ito sa kanyang mga bulaang propeta at magiging mga mangmang sila. Tatama rin ito sa mga sundalo niya at matatakot sila! 37 Tatama ito sa kanyang mga kabayo, karwahe, at sa lahat ng kumakampi sa kanya. At manghihina sila na parang babae! Tatama rin ito sa mga kayamanan niya at sasamsamin itong lahat. 38 Matutuyo ang lahat ng pinagkukunan niya ng tubig! Sapagkat ang Babilonia ay lugar na punong-puno ng napakaraming dios-diosan – mga dios-diosang nagliligaw sa mga tao.

39 “At ang Babilonia ay titirhan na lang ng mga hayop sa gubat, mababangis na hayop, mga asong-gubat, at mga kuwago. At hindi na titirhan ng tao ang Babilonia magpakailanman. 40 Kung paanong winasak ng Dios ang Sodom at Gomora, at ang mga bayan sa palibot nito, ganoon din ang mangyayari sa Babilonia. Wala nang maninirahan doon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

41 “Tingnan ninyo! May mga sundalong dumarating mula sa hilaga. Isang makapangyarihang bansa mula sa malayong lupain na lalaban sa Babilonia. 42 Ang dala nilang mga sandata ay mga pana at mga sibat. Malulupit sila at walang habag. Ang ingay nilaʼy parang malalakas na alon habang nakasakay sila sa kanilang mga kabayo. Darating sila na handang-handa para salakayin kayong mga taga-Babilonia. 43 Nabalitaan ito ng hari ng Babilonia at nanlupaypay siya. Nakaramdam siya ng takot at sakit katulad ng babaeng manganganak na.

44 “Bigla kong sasalakayin ang Babilonia katulad ng leon na galing sa kagubatan malapit sa Ilog ng Jordan, sasalakay patungo sa pastulan ng maraming tupa. Magsisitakas sila, at pipili ako ng taong mamamahala sa Babilonia. Sino ang maitutulad sa akin? Sino ang mangangahas na kalabanin ako? Sino ang pinunong makakalaban sa akin? 45 Kaya pakinggan mo ang balak kong gawin laban sa Babilonia. Kahit ang mga anak nilaʼy bibihagin at ang mga bahay nilaʼy gigibain. 46 Sa pagbagsak ng Babilonia, yayanig ang lupa at maririnig sa ibang bansa ang iyakan nila.”

Dagdag na Parusa sa Babilonia

51 Ito pa ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Babilonia: “Hahamunin ko ang manlilipol para salakayin ang Babilonia at ang mga mamamayan nito.[j] Magpapadala ako ng mga dayuhan para salakayin at wasakin ang Babilonia na tulad sa ipa na tinatangay ng hangin. Lulusubin nila ang Babilonia sa lahat ng dako sa araw ng kapahamakan nito. Hindi na magkakaroon ng pagkakataon ang mga tagapana ng Babilonia na magamit ang mga pana o mga baluti nila. Wala silang ititirang kabataang lalaki. Lubusan nilang lilipulin ang mga sundalo ng Babilonia. Hahandusay ang mga sugatan nilang bangkay sa mga daan. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Banal na Dios ng Israel, ay hindi itinakwil ang Israel at Juda kahit na puno ng kasamaan ang lupain nila.

“Tumakas kayo mula sa Babilonia! Iligtas ninyo ang inyong buhay! Hindi kayo dapat mamatay dahil sa kasalanan ng Babilonia. Panahon na para gantihan ko siya ayon sa nararapat sa mga ginawa niya. Para siyang tasang ginto sa kamay ko na puno ng alak. Pinainom niya ang mga bansa sa buong daigdig, at silaʼy nalasing at naging baliw. Biglang mawawasak ang Babilonia! Ipagluksa nʼyo siya! Gamutin nʼyo ang mga sugat niya at baka sakaling gumaling siya.”

Sinabi ng mga Israelitang naninirahan doon, “Sinikap naming gamutin ang Babilonia pero hindi na siya magamot. Hayaan na lang natin siya at umuwi na tayo sa mga lugar natin. Sapagkat hanggang langit na ang mga kasalanan niya kaya parurusahan na siya ng Panginoon. 10 Ipinaghiganti tayo ng Panginoon. Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem[k] at sabihin natin doon ang ginawa ng Panginoon na ating Dios.”

11 Maghihiganti ang Panginoon sa Babilonia dahil sa paggiba nito sa templo niya. Hinikayat ng Panginoon ang mga hari ng Media para wasakin ang Babilonia dahil ito ang layunin niya. Sinabi niya, “Hasain nʼyo ang mga pana ninyo at ihanda ang mga pananggalang ninyo. 12 Itaas nʼyo ang watawat na sagisag ng pagsalakay sa Babilonia. Dagdagan nʼyo ang mga bantay; ipwesto ang mga bantay. Palibutan nʼyo ang lungsod! Panahon na para gawin ng Panginoon ang plano niya laban sa mga taga-Babilonia.”

13 O Babilonia, sagana ka sa tubig at sagana ka rin sa kayamanan. Pero dumating na ang wakas mo, ang araw ng kapahamakan mo. 14 Sumumpa ang Panginoong Makapangyarihan sa sarili niya na sinasabi, “Ipapasalakay ko kayo sa napakaraming kaaway na kasindami ng balang, at sisigaw sila ng tagumpay laban sa inyo.”

Ang Pagpupuri sa Dios

15 Nilikha ng Dios ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan at karunungan niya. 16 Sa utos niyaʼy lumalabas ang mga ulap at mga kidlat sa kalangitan, at bumubuhos ang malakas na ulan. Pinapalabas niya ang hangin mula sa pinanggagalingan nito.

17 Mga hangal at mangmang ang bawat tao na sumasamba sa mga dios-diosan. Mapapahiya lang ang mga platerong gumawa ng mga dios-diosan nila, dahil hindi naman totoong dios ang mga ito. Wala silang buhay, 18 wala silang kabuluhan at dapat kamuhian. Darating ang araw na wawasakin ang lahat ng ito. 19 Pero ang Dios ni Jacob[l] ay hindi katulad ng mga iyon. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay pati na ang Israel, ang mga taong hinirang niya – Panginoong Makapangyarihan ang pangalan niya.

Ang Martilyo ng Panginoon

20 Sinabi ng Panginoon, “Ikaw[m] ang panghampas ko, ang panghampas ko sa digmaan. Sa pamamagitan mo, wawasakin ko ang mga bansa at kaharian, 21 ang mga kabayo, karwahe at ang mga nakasakay dito. 22 Sa pamamagitan mo, lilipulin ko ang mga lalaki at babae, matatanda at bata, at ang mga binata at dalaga. 23 Lilipulin ko rin sa pamamagitan mo ang mga kawan at mga pastol, ang mga magbubukid at mga baka, ang mga pinuno at iba pang mga namamahala.

24 Mga mamamayan ko, ipapakita ko sa inyo ang paghihiganti ko sa Babilonia at sa mga mamamayan nito dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila sa Jerusalem. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

25 “Kalaban kita, O Babilonia, ikaw na tinaguriang Bundok na Mapangwasak! Winasak mo ang buong mundo. Gagamitin ko ang kapangyarihan ko para wasakin at sunugin ka. 26 Walang anumang batong makukuha sa iyo para gamitin sa pagtatayo ng bahay. Magiging malungkot ang kalagayan mo magpakailanman. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

27 “Itaas ang watawat na tanda ng pagsalakay! Patunugin ang trumpeta sa mga bansa! Ihanda sila para salakayin ang Babilonia. Utusang sumalakay ang mga sundalo ng Ararat, Mini at Ashkenaz. Pumili kayo ng pinuno para salakayin ang Babilonia. Magpadala kayo ng mga kabayong kasindami ng mga balang. 28 Paghandain mo ang mga hari ng Media, pati ang mga pinuno at mga tagapamahala nila, at ang lahat ng bansa na nasasakupan nila para salakayin ang Babilonia.

29 “Parang taong nanginginig at namimilipit sa sakit ang Babilonia, dahil isasagawa ng Panginoon ang kanyang plano laban dito, na wala nang maninirahan at magiging mapanglaw na ang lugar na ito. 30 Titigil ang mga sundalo ng Babilonia sa pakikipaglaban at mananatili na lang sila sa kanilang kampo. Manghihina sila na parang mahihinang babae. Masusunog ang mga bahay sa Babilonia at masisira ang mga pintuan. 31 Sunud-sunod na darating ang mga tagapagbalita para sabihin sa hari ng Babilonia na ang buong lungsod ay nasakop na. 32 Naagaw ang mga tawiran sa mga ilog. Sinunog ang mga kampo at natatakot ang mga sundalo.”

33 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Ang Babilonia ay tulad ng trigo na malapit nang anihin at giikin.”

34-35 Sinabi ng mga taga-Jerusalem, “Si Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay parang dragon na lumulon sa amin. Binusog niya ang tiyan niya ng mga kayamanan namin. Iniwan niya ang lungsod namin na walang itinira, parang banga na walang laman. Itinaboy niya kami at hindi namin alam kung ano ang gagawin namin. Gawin din sana sa Babilonia ang ginawa niya sa amin at sa mga anak namin. Pagbayaran sana ng mga mamamayan ng Babilonia ang mga pagpatay nila.”

36 Kaya sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Jerusalem, ipagtatanggol ko kayo at maghihiganti ako para sa inyo. Patutuyuin ko ang dagat at ang mga bukal sa Babilonia. 37 Wawasakin ko ang bansang ito! Magiging katawa-tawa at kasumpa-sumpa ang bansang ito, at wala nang maninirahan dito maliban sa mga asong-gubat.[n] 38 Ang mga taga-Babilonia ay aatungal na parang leon. 39 At dahil gutom sila, ipaghahanda ko sila ng piging. Lalasingin ko sila, pasasayahin at patutulugin nang mahimbing habang panahon, at hindi na magigising. 40 Dadalhin ko sila para katayin na parang mga tupa at mga kambing. 41 Papaanong bumagsak ang Babilonia?[o] Ang bansang hinahangaan ng buong mundo! Nakakatakot tingnan ang nangyari sa kanya! 42 Matatabunan ng malalakas na alon ang Babilonia. 43 Magiging malungkot ang mga bayan niya na parang disyerto na walang nakatira o dumadaan man lang. 44 Parurusahan ko si Bel na dios-diosan ng Babilonia. Ipapasuka ko sa kanya ang mga nilamon niya.[p] Hindi na siya dadagsain ng mga bansa para sambahin. Bumagsak na ang mga pader ng Babilonia.

45 “Mga hinirang ko, lumayo na kayo sa Babilonia! Iligtas ninyo ang inyong buhay bago ko ibuhos ang galit ko. 46 Pero huwag kayong matatakot o manlulupaypay kung dumating na ang balita tungkol sa digmaan. Sapagkat ang balita tungkol sa digmaan ng mga hari ay darating sa bawat taon. 47 Darating ang panahon na parurusahan ko ang mga dios-diosan ng Babilonia. Mapapahiya ang buong Babilonia, at bubulagta ang lahat ng bangkay ng mamamayan niya. 48 At kapag nangyari iyon, sisigaw sa kagalakan ang langit at ang lupa, at ang lahat ng nandito dahil sa pagkawasak ng Babilonia. Sapagkat sasalakayin ito ng mga mangwawasak mula sa hilaga. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

49 “Kinakailangang wasakin ang Babilonia dahil sa pagpatay niya sa mga Israelita at sa iba pang mga tao sa buong mundo.

Ang Mensahe ng Panginoon sa mga Israelita na nasa Babilonia

50 “Kayong mga natitirang buhay, tumakas na kayo mula sa Babilonia at huwag kayong tumigil! Alalahanin nʼyo ang Panginoon at ang Jerusalem kahit na nasa malalayo kayong lugar. 51 Sinasabi ninyo, ‘Nahihiya kami. Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan dahil ang templo ng Panginoon ay dinungisan ng mga dayuhan.’ 52 Pero darating ang araw na parurusahan ko ang mga dios-diosan ng Babilonia. At ang mga daing ng mga sugatang taga-Babilonia ay maririnig sa buong lupain nila. 53 Kahit na umabot pa sa langit ang mga pader ng Babilonia at kahit tibayan pa nila ito nang husto, magpapadala pa rin ako ng wawasak dito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 54 Mapapakinggan ang mga iyakan sa buong Babilonia dahil sa pagkawasak nito. 55 Wawasakin ko ang Babilonia at magiging tahimik ito. Sasalakay sa kanya ang mga kaaway na parang umuugong na alon. Maririnig ang sigawan nila sa kanilang pagsalakay. 56 Darating ang mga wawasak ng Babilonia at bibihagin ang mga kawal niya, at mababali ang mga pana nila. Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Dios na nagpaparusa sa masasama. At parurusahan ko ang Babilonia ayon sa nararapat sa kanya. 57 Lalasingin ko ang kanyang mga tagapamahala, marurunong, mga pinuno, mga punong sundalo at ang buong hukbo niya. Mahihimbing sila at hindi na magigising habang panahon. Ako, ang Hari na nagsasabi nito. Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko.”

58 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Wawasakin ang makakapal na pader ng Babilonia at susunugin ang matataas niyang pintuan. Magiging walang kabuluhan ang lahat ng pinaghirapan ng mga mamamayan niya dahil ang lahat ng iyon ay masusunog lang.”

Ang Mensahe ni Jeremias para sa Babilonia

59 Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya na isa sa mga nakakataas na tagapamahala ni Haring Zedekia. Si Seraya ay anak ni Neria at apo ni Maseya. Sinabi ni Jeremias ang mensaheng ito noong pumunta si Seraya sa Babilonia kasama ni Haring Zedekia. Ikaapat na taon noon ng paghahari ni Zedekia sa Juda. 60 Isinulat ni Jeremias sa nakarolyong sulatan ang lahat ng kapahamakang darating at mangyayari sa Babilonia. 61 Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya, “Kapag dumating ka sa Babilonia, basahin mo nang malakas sa mga tao ang nakasulat sa kasulatang ito. 62 Pagkatapos ay manalangin ka, ‘O Panginoon, sinabi nʼyo po na wawasakin nʼyo ang lugar na ito para walang manirahan dito, maging tao man o hayop, at itoʼy magiging mapanglaw magpakailanman.’ 63 Pagkabasa mo nito, talian mo ito ng bato at ihagis sa Ilog ng Eufrates. 64 At sabihin mo, ‘Ganyan ang mangyayari sa Babilonia, lulubog ito at hindi na lilitaw pa dahil sa mga kapahamakang ipararanas ng Panginoon sa kanya. Mamamatay ang mga mamamayan niya.’ ”

Ito ang katapusan ng mensahe ni Jeremias.

Ang Pagkawasak ng Jerusalem

52 Si Zedekia ay 21 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ni Haring Jehoyakim. Sa galit ng Panginoon, pinalayas niya sa harapan niya ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda.

At ngayon, nagrebelde si Zedekia sa hari ng Babilonia. Kaya noong ikasiyam na taon ng paghahari niya, nang ikasampung araw ng ikasampung buwan, sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo sa Jerusalem. Nagkampo sila sa labas ng lungsod at nagtambak ng lupa sa tabi ng pader para roon sila dumaan sa pagpasok nila sa lungsod. Pinalibutan nila ang lungsod hanggang ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia.

Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, matindi na ang taggutom sa lungsod at wala nang makain ang mga tao. Winasak na ng mga taga-Babilonia ang isang bahagi ng pader ng lungsod, kaya naisip ni Zedekia na tumakas kasama ang kanyang buong hukbo. Pero dahil sa napalibutan na sila ng mga taga-Babilonia, naghintay sila hanggang sa gumabi. Doon sila dumaan sa pintuan na nasa pagitan ng dalawang pader malapit sa halamanan ng hari. Tumakas sila patungo sa Lambak ng Jordan.[q] Pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Humiwalay kay Zedekia ang lahat ng sundalo niya at siyaʼy nahuli. Dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at doon siya hinatulan. 10 Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedekia, pinatay ng hari ng Babilonia ang anak na lalaki ni Zedekia, at ang lahat ng pinuno ng Juda. 11 At ipinadukit ng hari ang mga mata ni Zedekia, ikinadena siya at dinala sa Babilonia. Doon siya ikinulong hanggang sa siyaʼy mamatay.

12 Noong ikasampung araw ng ikalimang buwan, nang ika-19 na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, pumunta sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya ng hari sa Babilonia. 13 Sinunog niya ang templo ng Panginoon, ang palasyo, ang lahat ng bahay sa Jerusalem, at ang lahat ng mahahalagang gusali. 14 Sa pamamahala niya, giniba ng mga sundalo ng Babilonia ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem. 15 At dinala niyang bihag ang mga natitirang tao sa lungsod, pati na ang ilang pinakadukhang mga tao at ang mga taong kumampi sa hari ng Babilonia. 16 Pero iniwan din niya ang ilan sa pinakadukhang mga tao para alagaan ang mga ubasan at mga bukirin.

17 Sinira ng mga taga-Babilonia ang mga sumusunod na kagamitan sa templo ng Panginoon: ang haliging tanso, mga karitong ginagamit sa pag-igib, at ang malaking lalagyan ng tubig na tanso na tinatawag nilang Dagat. At dinala nila sa Babilonia ang lahat ng tanso. 18 Kinuha rin nila ang mga kawali, mga pala, mga pamputol sa mitsa ng ilaw, mga mangkok at ang iba pang tanso na ginagamit sa templo. 19 Kinuha ni Nebuzaradan ang mga planggana, mga lalagyan ng baga, mga mangkok, mga palayok, mga lalagyan ng ilaw, mga tasa at mga mangkok na ginagamit sa pag-aalay ng handog na inumin, at iba pang kagamitang gawa sa ginto at pilak. 20 Hindi kayang timbangin ang mga tanso na mula sa dalawang haligi, sa lalagyan ng tubig na tinatawag nilang Dagat, sa 12 torong tanso na patungan nito at mga karitong ginagamit sa pag-igib ng tubig. Ang mga gamit na itoʼy ipinagawa noon ni Solomon para sa templo ng Panginoon. 21 Ang taas ng bawat haligi ay 27 talampakan at ang kabuuang bilog ay 18 talampakan, may butas ito sa gitna, at ang kapal ng tanso ay apat na pulgada. 22 Ang bawat haligi ay may parang ulo sa itaas, na nasa pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Pinaikutan ito ng mga mala-kadenang dugtong-dugtong at napapalibutan ito ng palamuting tanso, na hugis prutas na pomegranata. 23 Sa gilid ng bawat haligi ay may 96 na palamuti na kahugis ng prutas ng pomegranata na nakapaikot sa kadenang magkakakabit sa parang ulo ng haligi.

24 Binihag din ni Nebuzaradan sina Seraya na punong pari, Zefanias na pangalawang punong pari at ang tatlong tagapagbantay ng pinto ng templo. 25 Ito pa ang mga nakita niya at dinalang bihag mula sa lungsod: ang opisyal ng mga sundalo ng Juda, ang pitong tagapamahala ng hari, ang kumander na kumukuha at nagsasanay ng mga taong magiging sundalo at ang 60 pang mamamayan doon. 26 Silang lahat ay dinala ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia na nasa Ribla, 27 na sakop ng Hamat. At doon sila ipinapatay ng hari.

Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila. 28-30 Ito ang bilang ng mga taong binihag ni Haring Nebucadnezar:

Noong ikapitong taon ng paghahari niya, 3,023.

Noong ika-18 taon ng paghahari niya, 832.

Noong ika-23 taon ng paghahari niya, 745. Si Nebuzaradan ang bumihag sa kanila. May kabuuang bilang na 4,600 ang binihag.

Pinakawalan si Jehoyakin

31 Noong ika-37 taon ng pagkabihag ni Haring Jehoyakin ng Juda, naging hari ng Babilonia si Evil Merodac. Pinalaya niya si Jehoyakin nang ika-25 araw ng ika-12 buwan nang taon na iyon. 32 Mabait siya kay Haring Jehoyakin at pinarangalan niya ito ng higit kaysa sa ibang mga hari na bihag din doon sa Babilonia. 33 Kaya hindi na nagsuot si Haring Jehoyakin ng damit na para sa mga bilanggo, at mula noon ay kumakain na siya kasama ng hari. 34 At bawat araw, binibigyan siya ng hari ng Babilonia ng kanyang mga pangangailangan hanggang sa siya ay namatay.

Napakalungkot na sa Jerusalem na dati ay puno ng mga tao. Ang kilalang-kilala noon sa buong mundo, ngayoʼy tulad ng isang biyuda. Kung dati ay reyna siya ng lahat ng lungsod, ngayoʼy isang alipin ang kanyang katulad. Buong pait siyang umiiyak magdamag. Mga luha niyaʼy dumadaloy sa kanyang mga pisngi. Walang dumamay sa kanya, isa man sa kanyang mga minamahal.[r] Pinagtaksilan siya ng lahat ng kaibigan niya, na ngayoʼy kanyang kaaway. Lubhang pinahirapan ang Juda at ang mga mamamayan niyaʼy binihag. Doon na sila nakatira sa ibang bansa kung saan hindi sila makapagpahinga. Tinugis sila ng kanilang mga kaaway hanggang hindi na sila makatakas.

Ang mga daan patungo sa Jerusalem[s] ay puno na ng kalungkutan, dahil wala nang dumadalo sa mga takdang pista. Sa mga pintuang bayan ay wala na ring mga tao. Ang mga pari ay dumadaing, at ang mga dalaga ay nagdadalamhati. Napakapait ng sinapit ng Jerusalem. Pinamunuan sila ng kanilang mga kaaway, at yumaman ang mga ito. Sapagkat pinahirapan ng Panginoon ang Jerusalem dahil napakarami nitong kasalanan. Ang kanyang mga mamamayan ay binihag ng mga kaaway. Ang kagandahan ng Jerusalem ay naglaho na. Ang kanyang mga pinuno ay parang mga gutom na usa na naghahanap ng pastulan. Silaʼy nanghihina na habang tumatakas sa mga tumutugis sa kanila. Ngayong ang Jerusalem ay nagdadalamhati at naguguluhan, naalala niya ang lahat ng dati niyang yaman. Nang mahulog siya sa kamay ng mga kaaway niya, walang sinumang tumulong sa kanya. At nang siyaʼy bumagsak, kinutyaʼt tinawanan pa siya ng mga kaaway niya.

Napakalaki ng kasalanan ng Jerusalem, kaya naging marumi siya. Ang lahat ng pumupuri noon sa kanya ngayoʼy hinahamak na siya, dahil nakita nila ang kanyang kahihiyan.[t] Sa hiya ay napadaing siya at tumalikod. Nahayag sa lahat ang kanyang karumihan, at hindi niya inalala ang kanyang kasasapitan. Malagim ang kanyang naging pagbagsak, at walang sinumang tumutulong sa kanya. Kaya sinabi niya, “O Panginoon tingnan nʼyo po ang aking paghihirap, dahil tinalo ako ng aking mga kaaway.”

10 Kinuha ng mga kaaway ang lahat ng kayamanan niya. Sa temploʼy nakita niyang pumapasok ang mga taong hindi pinahihintulutan ng Panginoon na pumasok doon. 11 Ang mga mamamayan niyaʼy dumadaing habang naghahanap ng pagkain. Ipinagpalit nila ang kanilang mga kayamanan para sa pagkain upang mabuhay. Sinabi ng Jerusalem, “O Panginoon, pagmasdan nʼyo ako dahil akoʼy nasa kahihiyan.” 12 Sinabi rin niya sa mga dumaraan, “Balewala lang ba ito sa inyo? May nakita ba kayong naghirap na kagaya ko? Ang paghihirap na ito ay ipinataw sa akin ng Panginoon nang magalit siya sa akin. 13 Mula sa langit, nagpadala siya ng apoy na tila sumusunog sa aking mga buto. Naglagay siya ng bitag para sa aking mga paa at nahuli ako. Iniwanan niya akong nanghihina buong araw. 14 Inipon niya ang lahat ng aking mga kasalanan at inilagay sa aking batok bilang pamatok. At ito ang nagdala sa akin sa pagkabihag. Pinanghina ako ng Panginoon at ibinigay sa kamay ng mga kaaway na hindi ko kayang labanan. 15 Itinakwil ng Panginoon ang lahat ng mga kawal ko. Tinipon niya ang aking mga kaaway para lipulin ang aking mga kabataang sundalo. Ang mga mamamayan[u] ng Juda ay naging tulad ng ubas na ipinasok ng Panginoon sa pigaan at tinapak-tapakan. 16 Iyan ang dahilan kung bakit umiiyak ako. Walang nagpapalakas sa akin ni walang umaalo. Nakakaawa ang aking mga mamamayan dahil natalo sila ng kanilang mga kaaway.”

17 Humingi ng tulong ang Jerusalem pero walang tumulong sa kanya. Sapagkat niloob ng Panginoon na makaaway ng lahi ni Jacob ang mga bansa sa palibot niya. Itinuring nilang napakarumi ng Jerusalem sa paningin nila.

18 Sinabi ng Jerusalem, “Matuwid ang Panginoon, pero hindi ko sinunod ang kanyang mga utos. Kaya lahat kayo, pakinggan ninyo ako at tingnan ang aking paghihirap. Ang mga kabataan kong babae at lalaki ay binihag. 19 Humingi ako ng tulong sa aking mga kakampi pero pinagtaksilan nila ako. Namatay ang aking mga pari at ang mga tagapamahala ng lungsod habang naghahanap ng pagkain para mabuhay.

20 Panginoon, masdan nʼyo po ang aking kagipitan! Nababagabag at parang pinipiga ang puso ko, dahil naghihimagsik ako sa inyo. Kabi-kabila ang patayan sa aking mga lansangan pati na sa loob ng bahay ko. 21 Narinig ng mga tao ang pagdaing ko ngunit wala kahit isang umaalo sa akin. Nalaman ng lahat ng kaaway ko ang aking mga paghihirap at natuwa sila sa ginawa nʼyong ito sa akin. Dumating na sana ang araw na ipinangako nʼyong pagpaparusa sa kanila, para maging katulad ko rin sila. 22 Masdan nʼyo ang lahat ng kasamaang ginagawa nila; parusahan nʼyo sila tulad ng pagpaparusa nʼyo sa akin dahil sa lahat ng aking kasalanan. Paulit-ulit akong dumadaing at parang mawawalan na ako ng malay.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®