Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Panaghoy 2:1 - Ezekiel 12:20

Sa galit ng Panginoon, tinakpan niya ng makapal na ulap ang Jerusalem.[a] Ibinagsak niya ang karangalan ng Israel, na parang itinapon mula sa langit papunta sa lupa. At dahil sa kanyang galit, pinabayaan niya ang kanyang templo sa Jerusalem. Walang awa rin niyang sinira ang lahat ng tahanan sa Israel. Sa galit niyaʼy giniba niya ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem. Ibinagsak niya at inilagay sa kahihiyan ang kaharian pati na ang mga pinuno nito. Sa tindi ng kanyang poot, inalis niya ang lahat ng kapangyarihan ng Israel. Hindi niya ito tinulungan nang salakayin ng mga kaaway. Para siyang apoy na tumutupok sa mga lahi ng Israel at sa lahat ng bagay sa paligid nito.

Iniumang niya ang kanyang pana sa mga mamamayan niyang naging parang mga kaaway niya. Pinatay ang lahat ng ipinagmamalaki nitong mga mamamayan. Ibinuhos na parang apoy ang kanyang matinding galit sa mga mamamayan ng Jerusalem. Winasak ng Panginoon ang Israel na parang isang kaaway. Sinira niya ang lahat ng mga pader sa bayan at mga palasyo. Dinagdagan ang kanilang pagdadalamhati at pag-iyak. Winasak niya ang templo na parang isang halamanan lang. Binura niya sa alaala ng mga taga-Jerusalem ang itinakdang mga pista at ang Araw ng Pamamahinga. Sa kanyang matinding galit, itinakwil niya ang hari at pari. Itinakwil din ng Panginoon ang kanyang altar at templo. Ipinagiba sa kamay ng mga kaaway ang mga pader nito at nagsigawan ang mga ito sa templo ng Panginoon na parang nagdaraos ng pista.

Nagpasya ang Panginoon na ipagiba ang mga pader na nakapalibot sa lungsod ng Jerusalem. Plinanong mabuti ang paggiba at hindi pinigilan ang sarili na gawin iyon. Kaya nagiba nga ang mga pader na bumabakod doon. Bumagsak sa lupa ang mga pintuang bayan ng Jerusalem. Sinira at binali ng Panginoon ang mga saraduhan nito. Binihag ang hari at mga pinuno at dinala sa malayong mga bansa. Hindi na rin itinuturo ang kautusan at wala na ring mensahe o pangitain ang Panginoon sa kanyang mga propeta. 10 Ang mga tagapamahala ng Jerusalem ay tahimik na nakaupo sa lupa, naglagay ng abo sa ulo at nagdamit ng sako para ipakita ang kanilang pagdadalamhati. At ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakayuko sa lupa dahil sa hiya. 11 Namugto ang mga mata ko sa kaiiyak. Labis na nababagabag at parang sasabog na ang dibdib ko sa kapahamakang sinapit ng aking mga kalahi. Nawalan ng malay sa mga lansangan ang mga bata at mga sanggol. 12 Umiiyak silaʼt humihingi ng pagkain at maiinom sa kanilang mga ina. Nawalan sila ng malay tulad ng mga sugatang sundalo sa mga lansangan ng lungsod hanggang sa unti-unting mamatay sa kanlungan ng kanilang ina. 13 O Jerusalem,[b] ano pa bang masasabi ko sa iyo? Saan pa ba kita maihahambing? Kasinlalim ng dagat ang sugat mo. Paano kita maaaliw? Sino ang makapagpapagaling sa iyo? 14 Ang pangitaing nakita ng iyong mga propeta ay hindi totoo, walang kabuluhan at mapanlinlang. Ang mga kasalanan moʼy hindi nila inihayag sa iyo upang hindi kayo mabihag.

15 Ang lahat ng dumadaaʼy pumapalakpak, sumusutsot at nangungutya. Sinasabi nila, “Ito ba ang lungsod na sinasabing ‘Pinakamaganda at kagalakan ng buong mundo?’ ” 16 Kinukutya ka ng lahat ng kaaway mo. Sumusutsot at pinangangalit ang mga ngipin nila at sinabi, “Tuluyan na nating nawasak ang Jerusalem! Ito na ang araw na ating pinakahihintay. At ngayon ngaʼy nakita na natin ito!”

17 Ginawa ng Panginoon ang kanyang plano. Tinupad niya ang sinabi niya noon. Walang awa ka niyang giniba, O Jerusalem! Binigyan niya ng kagalakan ang mga kaaway mo at hinayaan silang ipagyabang ang kanilang kapangyarihan. 18 Mga taga-Jerusalem, tumawag kayo sa Panginoon. Umiyak kayo araw at gabi at paagusin ang inyong mga luha na parang ilog. Huwag kayong tumigil sa pag-iyak. 19 Bumangon kayo sa gabi at humingi ng tulong sa Panginoon. Ibuhos ninyo sa kanya ang laman ng inyong mga puso, na para kayong nagbubuhos ng tubig. Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa pananalangin para sa inyong mga anak na nawawalan ng malay sa mga lansangan dahil sa gutom.

20 Masdan nʼyo po kami Panginoon. Isipin nʼyo kung sino ang pinaparusahan nʼyo ng ganito. Dahil sa labis na pagkagutom, kinain ng mga ina ang mga anak nila na kanilang inaalagaan. Ang mga pari at ang mga propeta ay pinapatay sa inyong templo. 21 Nakahambalang sa mga lansangan ang mga bangkay ng mga bata at matatanda. Namamatay sa digmaan ang mga kabataang lalaki at babae. Sa inyong galit, walang habag nʼyo silang pinatay. 22 Niyaya nʼyo ang mga kaaway para kabi-kabilang salakayin ako, para kayong nagyayaya sa kanila sa handaan. Sa araw na iyon na ibinuhos nʼyo ang inyong galit, walang nakatakas o natirang buhay. Pinatay ng aking mga kaaway ang aking mga anak na isinilang at pinalaki.

Isa ako sa mga nakaranas ng parusa ng Panginoon dahil sa kanyang galit. Pinalayas niya ako at pinalakad sa dilim sa halip na sa liwanag. Paulit-ulit niya akong pinarusahan araw at gabi. Pinahina ang aking katawan at binali ang aking mga buto. Sinalakay niya ako at ibinilanggo sa paghihirap at pagdurusa. Inilagay sa kadiliman na parang isang tao na matagal nang patay. Kinadena niya ako at ikinulong upang hindi makatakas. Kahit na humingi ako ng tulong, hindi niya ako pinakinggan. Hinarangan niya ng pader ang aking landas, at pinaliku-liko ang aking dadaanan. 10 Para siyang oso o leon na nag-aabang upang salakayin ako. 11 Kinaladkad ako palayo sa daan at pagkatapos ay nilapa at iniwan. 12 Iniumang niya ang kanyang pana at itinutok sa akin. 13 Pinana niya ako at tumagos ito sa puso ko. 14 Naging katawa-tawa ako sa aking mga kalahi. Buong araw nila akong inaawitan ng pangungutya. 15 Pinuno niya ako ng labis na kapaitan. 16 Nabungi ang mga ngipin ko dahil pinakain niya ako ng graba, at saka tinapak-tapakan niya ako sa lupa. 17 Inalis niya ako sa maganda kong kalagayan at hindi ko na naranasan ang kasaganaan.

18 Nawala na ang karangalan ko at lahat ng pag-asa sa Panginoon. 19 Napakasakit isipin ang mga paghihirap at pagdurusa ko. 20 At kung palagi ko itong iisipin, manghihina ako. 21 Pero nanunumbalik ang pag-asa ko kapag naaalala ko na 22 ang pag-ibig at awa ng Panginoon ay walang katapusan. Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo lubusang nalipol. 23 Araw-araw ay ipinapakita niya ang kanyang habag. Dakila ang katapatan ng Panginoon! 24 Kaya sinabi ko sa aking sarili, “Ang Panginoon ang lahat para sa akin, kaya sa kanya ako nagtitiwala.” 25 Mabuti ang Panginoon sa mga nagtitiwalaʼt umaasa sa kanya. 26 Mabuting matiyagang maghintay sa pagliligtas ng Panginoon. 27 Mabuti para sa isang tao na kahit bata pa ay matuto nang sumunod. 28 Kapag tinuturuan tayo ng Panginoon, tumahimik tayo at pag-isipan itong mabuti. 29 Magpakumbaba tayo sa harap ng Panginoon at huwag mawalan ng pag-asa. 30 Kapag sinampal ka sa isang pisngi, ibigay mo pa ang kabila. At tanggapin mo rin ang pangungutya ng iyong mga kaaway. 31 Dahil hindi tayo itatakwil ng Panginoon magpakailanman. 32 Pero kahit nagpaparusa siya, ipinapakita pa rin niya ang kanyang habag at ang napakalakiʼt walang hanggan niyang pag-ibig sa atin. 33 Dahil hindi siya natutuwa na tayoʼy saktan o pahirapan.

34 Ayaw ng Panginoon na apihin ang mga bilanggo, 35 o balewalain ang karapatan ng tao. 36 Ayaw din ng Kataas-taasang Dios na ipagkait ang katarungan sa sinumang tao. Nakikita niya ang lahat ng ito.

37 Walang anumang bagay na nangyayari na hindi pinahihintulutan ng Panginoon. 38 Ang Kataas-taasang Dios ang nagpapasya kung ang isang bagay na mabuti o masama ay mangyayari. 39 Kaya bakit tayo magrereklamo kung pinarurusahan tayo dahil sa ating kasalanan? 40 Ang dapat ay siyasatin natin ang ating pamumuhay at magbalik-loob sa Panginoon. 41 Buksan natin ang ating mga puso at itaas ang ating mga kamay sa Dios na nasa langit at sabihin: 42 Panginoon, nagkasala po kami at naghimagsik sa inyo, at hindi nʼyo kami pinatawad. 43 Nagalit kayo sa amin at inusig kami at walang awang pinatay. 44 Tinakpan nʼyo ng mga ulap ang inyong sarili para hindi nʼyo marinig ang aming mga dalangin. 45 Ginawa nʼyo kaming parang basura sa paningin ng ibaʼt ibang bansa. 46 Kinutya kami ng lahat ng aming mga kaaway. 47 Dumanas kami ng matinding takot, panganib, pagkasira at kapahamakan.”

48 Napaluha ako dahil sa kapahamakang sinapit ng aking mga kalahi.

49 Patuloy akong iiyak 50 hanggang sa tumunghay ang Panginoon mula sa langit. 51 Labis akong nasaktan sa sinapit ng mga kababaihan ng aking lungsod.

52 Hinahabol ako ng aking mga kaaway na parang isang ibon, kahit na wala naman akong nagawang kasalanan sa kanila. 53 Sinubukan nila akong patayin sa pamamagitan ng pambabato at paghulog sa balon. 54 Halos malunod na ako at ang akala koʼy mamamatay na ako.

55 Doon sa ilalim ng balon, tumawag ako sa inyo Panginoon. 56 Pinakinggan nʼyo ang pagmamakaawa ko at paghingi ng tulong. 57 Dumating kayo nang akoʼy tumawag at sinabi nʼyong huwag akong matakot. 58 Tinulungan nʼyo ako sa problema ko Panginoon, at iniligtas nʼyo ang buhay ko. 59 Panginoon, nakita nʼyo ang kasamaang ginawa sa akin ng aking mga kaaway, kaya bigyan nʼyo ako ng katarungan. 60 Alam nʼyo kung paano nila ako pinaghigantihan at ang lahat ng binabalak nila laban sa akin. 61 Napakinggan nʼyo, O Panginoon, ang mga pangungutya nila at alam nʼyo ang lahat ng binabalak nila laban sa akin. 62 Buong araw nilang pinag-uusapan ang pinaplano nilang masama laban sa akin. 63 Masdan nʼyo, nakaupo man sila o nakatayo, kinukutya nila ako sa pamamagitan ng pag-awit. 64 Panginoon, parusahan nʼyo sila ayon sa kanilang ginagawa. 65 Patigasin nʼyo ang mga puso nila at sumpain nʼyo sila. 66 Sa galit nʼyo Panginoon, habulin nʼyo sila at lipulin nang mawala na sila sa mundong ito.

Ang mga mamamayan ng Jerusalem ay tulad ng kumupas na ginto o ng mamahaling bato na nagkalat sa lansangan. Kung katulad sila ng tunay na ginto noon, ngayon namaʼy itinuturing na parang mga palayok na gawa sa putik. Kahit na ang mga asong-gubat ay pinasususo ang kanilang mga tuta, pero ang mga mamamayan koʼy naging malupit sa kanilang mga anak, gaya ng malalaking ibon[c] sa disyerto.

Dumidikit na sa ngala-ngala ng mga sanggol ang mga dila nila dahil sa uhaw. Humihingi ng pagkain ang mga bata pero walang nagbibigay sa kanila. Ang mga taong dati ay kumakain ng masasarap, ngayoʼy namamatay na sa gutom sa mga lansangan. Ang mga dating lumaking mayaman, ngayoʼy naghahalungkat ng makakain sa mga basurahan. Ang parusa sa aking mga kababayan ay higit pa sa parusa sa mga taga-Sodom, na biglang winasak ng Dios at ni walang tumulong. Ang mga pinuno ng Jerusalem, nooʼy malulusog at malalakas ang katawan. Nakakasilaw ang kanilang kaputian gaya ng snow o gatas, at mamula-mula ang kutis tulad ng mga mamahaling bato. Pero ngayon, hindi na sila makilala at mas maitim pa kaysa sa uling. Mga butoʼt balat na lamang sila at parang kahoy na natuyo. Di-hamak na mas mabuti pa ang mga namatay sa digmaan kaysa sa mga namatay sa gutom na unti-unting namatay dahil sa walang makain. 10 At dahil sa kapahamakang ito na nangyari sa aking mga kababayan, ang mga mapagmahal na ina ay napilitang iluto ang sarili nilang mga anak para kainin dahil sa labis na gutom.

11 Ibinuhos ng Panginoon ang matindi niyang poot sa Jerusalem, sinunog niya ito pati na ang pundasyon nito. 12 Hindi makapaniwala ang mga hari sa buong mundo pati na ang kanilang mga nasasakupan, na mapapasok ng mga kaaway ang mga pintuan ng Jerusalem. 13 Pero nangyari ito dahil sa kasalanan ng mga propeta at mga pari nito na pumatay ng mga taong walang kasalanan. 14 Sila ngayon ay nangangapa sa mga lansangan na parang mga bulag. Puno ng dugo ang kanilang mga damit, kaya walang sinumang nagtangkang humipo sa kanila. 15 Pinagsisigawan sila ng mga tao, “Lumayo kayo! Marumi kayo. Huwag nʼyo kaming hipuin.” Kaya lumayo silaʼt nagpalaboy-laboy sa ibang mga bansa pero walang tumanggap sa kanila. 16 Ang Panginoon ang siyang nagpangalat sa kanila at hindi na niya sila pinapansin. Hindi na iginagalang ang mga pari at ang mga tagapamahala.

17 Lumalabo na ang aming paningin sa kahihintay ng tulong ng aming mga kakamping bansa, pero hindi sila tumulong sa amin. Sa mga tore namin ay nagbantay kami at naghintay sa pagdating ng mga bansang ito na hindi rin makapagliligtas sa amin. 18 Binabantayan ng mga kaaway ang mga kilos namin. Hindi na kami makalabas sa mga lansangan. Bilang na ang mga araw namin; malapit na ang aming katapusan. 19 Ang mga kaaway na tumutugis sa amin ay mas mabilis pa kaysa sa agila. Tinutugis kami sa mga bundok at inaabangan kami sa disyerto para salakayin. 20 Nahuli nila ang aming hari na hinirang ng Panginoon, ang inaasahan naming mangangalaga sa amin mula sa mga kaaway naming bansa.

21 Magalak kayo ngayon, mga angkan ni Edom na nakatira sa lupain ng Uz. Dahil kayo man ay paiinumin din sa tasa ng parusa ng Panginoon. Malalasing din kayo at malalagay sa kahihiyan. 22 Mga taga-Jerusalem, matatapos na ang parusa ninyo. Hindi magtatagal ay pauuwiin na kayo ng Panginoon mula sa lugar na ito na pinagdalhan sa inyo nang bihagin kayo. Pero kayong mga taga-Edom, parurusahan kayo ng Panginoon dahil sa inyong mga kasalanan at ibubunyag niya ang inyong kasamaan.

Panginoon, alalahanin nʼyo po ang nangyari sa amin. Masdan nʼyo ang dinanas naming kahihiyan. Kinuha ng mga dayuhan ang mga lupaʼt bahay namin. Naulila kami sa ama, kaya nabiyuda ang aming mga ina. Kinakailangang bayaran pa namin ang tubig na aming iniinom at ang kahoy na aming ipinanggagatong. Pinagtatrabaho kaming parang mga hayop at hindi man lang pinagpapahinga. Nagpasakop kami sa mga taga-Egipto at Asiria para magkaroon ng pagkain. Ang mga ninuno naming patay na ang nagkasala pero kami ngayon ang nagdurusa dahil sa kanilang kasalanan. Napailalim kami sa mga alipin at walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay. Sa paghahanap namin ng pagkain, nanganib ang aming mga buhay sa mga armadong tao sa disyerto. 10 Nilalagnat kami dahil sa matinding gutom, at ang aming katawan ay kasing init ng pugon. 11 Pinagsamantalahan ang mga asawa namin sa Jerusalem at ang mga anak naming babae sa mga bayan ng Juda. 12 Ibinitin sa pamamagitan ng pagtali sa kamay ang aming mga tagapamahala at hindi iginalang ang aming matatanda. 13 Ang aming mga kabataang lalaki ay parang aliping sapilitang pinagtrabaho sa mga gilingan at ang mga batang lalaki ay nagkandasuray-suray sa pagpasan ng mabibigat na kahoy. 14 Ang matatanda ay hindi na umuupo sa mga pintuan ng lungsod para magbigay ng payo at ang mga kabataang lalaki ay hindi na tumutugtog ng musika. 15 Wala na kaming kagalakan. Sa halip na magsayaw, nagdadalamhati kami. 16 Wala na rin kaming karangalan. Nakakaawa kami dahil kami ay nagkasala. 17 Dahil dito, nasasaktan ang aming damdamin at nagdidilim ang aming paningin. 18 Dahil napakalungkot na ng Jerusalem at mga asong-gubat na lamang ang gumagala rito.

19 O Panginoon, maghahari kayo magpakailanman. Ang inyong paghahari ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi. 20 Bakit palagi nʼyo kaming kinakalimutan? Bakit kay tagal nʼyo kaming pinabayaan? 21 Ibalik nʼyo kami sa inyo, at kami ay babalik. Ibalik nʼyo kami sa dati naming kalagayan. 22 Talaga bang sobra na ang galit nʼyo sa amin kaya itinakwil nʼyo na kami?

Unang Pangitain ni Ezekiel

1-3 Ako si Ezekiel, isang pari at anak ni Buzi. Isa rin ako sa mga bihag na dinala sa Babilonia. Nakatira ako noon sa pampang ng Ilog ng Kebar kasama ang iba pang mga bihag nang biglang bumukas ang langit. Pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at ipinakita niya sa akin ang mga pangitain. Nangyari ito noong ikalimang araw ng ikaapat na buwan nang ika-30 taon. Ikalimang taon ito nang pagkakabihag ni Haring Jehoyakin.

Habang nakatingin ako, may nakita akong bagyong paparating mula sa hilaga. Kumikidlat mula sa makapal na ulap kaya nagliliwanag ang paligid. Parang kumikinang na tanso ang kidlat sa gitna ng ulap. Sa gitna ng ulap, may nakita akong apat na buhay na nilalang, parang mga tao, 6-8 pero bawat isa sa kanila ay may apat na mukha at apat na pakpak. Tuwid ang kanilang mga binti at ang mga paa nila ay parang paa ng baka, kumikinang ito na parang tanso. May mga kamay silang katulad ng kamay ng tao na nasa ilalim ng kanilang mga pakpak. Magkakadikit ang mga pakpak nila. Lumilipad sila nang sabay-sabay sa kahit saang direksyon nang hindi bumabaling.

10 Sa harap ay mukha silang tao, sa kanan ay mukhang leon, sa kaliwa ay mukhang toro at sa likod ay mukhang agila. 11 Ang dalawa sa mga pakpak nila ay nakabuka pataas at magkadikit ang mga dulo, at ang dalawa pa nilang pakpak ay tumatakip sa katawan nila. 12 Lumilipad sila nang sabay-sabay sa kahit saang direksyon nang hindi bumabaling. At kung saan sila dalhin ng Espiritu, doon sila pumupunta. 13 Parang nagniningas na baga o mga sulo ang itsura nila. Sa pagitan nilaʼy may apoy na nagliliwanag at mula rin ditoʼy may kidlat na lumalabas 14 Ang mga buhay na nilalang na itoʼy nagpaparooʼt parito na kasimbilis ng kidlat.

15 Habang nakatingin ako sa apat na buhay na nilalang, nakita kong ang bawat isa sa kanila ay may gulong sa ilalim.[d] Ang apat na gulong ay nakasayad sa lupa. 16 Ganito ang anyo ng mga gulong: Kumikislap ang mga ito na parang mamahaling batong krisolito at magkakapareho ang kanilang anyo. Ang bawat gulong ay may isa pang gulong sa loob na nakakrus. 17 Kaya nakakapunta ang mga gulong na ito at ang mga buhay na nilalang kahit saang direksyon nang hindi na kailangang bumaling pa. 18 Ang gilid ng mga gulong ay malapad at nakakatakot dahil puno ng mga mata.

19 Kasama ng apat na buhay na nilalang ang mga gulong kahit saan sila pumunta, at kapag umaangat sila, umaangat din ang mga gulong. 20 Ang espiritu ng apat na buhay na nilalang ay nasa gulong. Kaya saan man pumunta ang espiritu, doon din pumupunta ang apat na buhay na nilalang at ang mga gulong. 21 Kapag lumakad ang mga buhay na nilalang, kasama rin ang mga gulong. Kapag tumigil sila, tumitigil din ang mga ito. At kapag lumipad sila, lumilipad din ang mga gulong dahil ang espiritu nila ay nasa gulong.

22 Sa itaas ng ulo ng mga buhay na nilalang ay may nakatabon na tila kristal na nakakasilaw at kahanga-hangang tingnan. 23 Sa ilalim nito, ang dalawang pakpak ng bawat buhay na nilalang ay nakabuka, at nagpapang-abot ang dulo ng mga pakpak ng bawat isa. Ang dalawang pakpak naman nila ay tumatakip sa kanilang katawan. 24 Kapag lumipad sila, ang pagaspas ng mga pakpak nila ay parang ugong ng rumaragasang tubig o kayaʼy parang tinig ng makapangyarihang Dios o ingay ng napakaraming hukbo. At kapag tumigil sila, ibinababa nila ang kanilang pakpak.

25 Habang nakababa ang mga pakpak nila, may tinig na nagmumula sa itaas nila. 26 Sa ibabaw nila ay may tila tronong gawa sa mga batong safiro at may parang tao sa tronong iyon. 27 Mula baywang pataas para siyang nagniningning na metal, at mula sa kanyang baywang pababa para siyang apoy na nagliliyab at napapalibutan ng nakasisilaw na liwanag. 28 Ang liwanag na iyon sa paligid niya ay parang bahaghari pagkatapos ng ulan.

Ganoon ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. At nang makita ko iyon, lumuhod ako at narinig kong may tinig na nagsasalita sa akin.

Tinawag si Ezekiel na Maging Propeta

Sinabi sa akin ng tinig, “Anak ng tao, tumayo ka dahil may sasabihin ako sa iyo.” Habang kinakausap ako ng tinig, pinuspos ako ng kapangyarihan ng Espiritu at itinayo ako. Pinakinggan ko ang tinig na kumakausap sa akin. Sinabi niya, “Anak ng tao, isusugo kita sa mga mamamayan ng Israel, ang rebeldeng bansa. Mula pa noong panahon ng kanilang mga ninuno hanggang ngayon ay nagrerebelde sila sa akin. Matitigas ang ulo nila at mga lapastangan sila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsusugo sa iyo sa mga taong ito para sabihin ang ipinapasabi ko sa kanila. Makinig man ang mga rebeldeng ito o hindi, malalaman naman nila na may propeta pala sa kanila. At ikaw, anak ng tao, huwag kang matakot sa kanila. Huwag kang matatakot kahit na ang mga sasabihin nila. Mga rebeldeng mamamayan lang sila. Dapat mong sabihin sa kanila ang ipinasasabi ko sa iyo, makinig man ang mga rebeldeng ito o hindi.

“Pero ikaw, anak ng tao, pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo. Huwag kang magiging rebelde tulad nila. Ibuka mo ang bibig mo at kainin ang ibibigay ko sa iyo.” At nakita ko ang isang kamay na nag-aabot sa akin ng isang nakarolyong kasulatan. 10 Iniladlad niya ito sa harap ko at may mga salitang nakasulat sa harap at sa likod nito. Ang nakasulat ay malulungkot na mensahe, mga panaghoy at pagdadalamhati.

Sinabi pa ng tinig sa akin, “Anak ng tao, kainin mo ang aklat na ito, puntahan mo ang mga mamamayan ng Israel at magsalita ka sa kanila.” Kaya ibinuka ko ang bibig ko at isinubo niya sa akin ang nakabilot na aklat. Sinabi niya sa akin, “Sige, kainin mo iyan at magpakabusog ka.” Kinain ko ang aklat, matamis ang lasa nito gaya ng pulot.

Pagkatapos, sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, puntahan mo ang mga mamamayan ng Israel at sabihin mo sa kanila ang ipinapasabi ko sa iyo. Hindi kita isinusugo sa mga taong iba ang wika at mahirap maintindihan, kundi sa mga mamamayan ng Israel. Sapagkat kung susuguin kita sa mga taong iba ang wika at mahirap maintindihan, tiyak na pakikinggan ka nila. Pero ang mga mamamayan ng Israel ay hindi makikinig sa iyo, dahil ayaw nilang makinig sa akin. Lahat sila ay matitigas ang ulo at mga lapastangan. Pero gagawin kitang mas matigas at mas manhid kaysa sa kanila katulad ng isang batong matigas. Kaya huwag kang matatakot sa kanila, dahil nalalaman mo na rebelde silang mamamayan.”

10 Sinabi pa niya sa akin, “Anak ng tao, makinig kang mabuti at isapuso ang lahat ng sinasabi ko sa iyo. 11 Puntahan mo ang mga kababayan mo na kasama mong binihag at sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang mensahe ng Panginoong Dios,’ makinig man sila o hindi, sabihin mo ang ipinapasabi ko.”

12 Pagkatapos, binuhat ako ng Espiritu at may narinig akong tinig na dumadagundong sa likuran ko na nagsasabi, “Purihin ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa langit.” 13 At narinig ko rin ang pagaspas ng mga pakpak ng apat na buhay na nilalang at ang ingay ng mga gulong na parang ingay ng malakas na lindol. 14 Binuhat ako ng Espiritu at dinala sa malayo. Masamang masama ang loob ko at galit na galit, pero tinulungan akong magtimpi ng Panginoon.

15 Nakarating ako sa Tel Abib, sa tabi ng Ilog ng Kebar, sa tinitirhan ng mga bihag. Nanatili ako roon sa loob ng pitong araw. Nabigla ako sa mga bagay na nakita ko.

16 Pagkatapos ng pitong araw, sinabi sa akin ng Panginoon, 17 “Anak ng tao, ginawa kitang bantay ng mga mamamayan ng Israel. Kaya ang anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila. 18 Kapag sinabi kong mamamatay ang taong masama, pero hindi mo siya binalaan o pinagsabihang lumayo sa kasamaan para maligtas, mamamatay ang taong iyon dahil sa kanyang kasalanan at pananagutan mo sa akin ang kamatayan niya. 19 Pero kung pinagsabihan mo siya at hindi siya lumayo sa kasamaan, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan, pero wala kang pananagutan sa akin. 20 Kapag ang taong matuwid ay tumalikod sa kanyang pagiging matuwid at hahayaan ko siya sa ganoong kalagayan, mamamatay siya. Kung hindi mo siya pinagsabihan, mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan at hindi ko aalalahanin ang kanyang mabubuting gawa. Pero pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan. 21 Ngunit kung pinagsabihan mo siyang tumigil na sa pagkakasala at nakinig sa iyo, hindi siya mamamatay at wala kang pananagutan sa akin.”

22 Pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoon at sinabi niya sa akin, “Tumayo kaʼt pumunta sa kapatagan, dahil may sasabihin ako sa iyo roon.” 23 Kaya pumunta agad ako sa kapatagan at nakita ko ang makapangyarihang presensya ng Panginoon katulad ng nakita ko sa pampang ng Ilog ng Kebar at akoʼy nagpatirapa. 24 Pagkatapos, pinuspos ako ng Espiritu, pinatayo at sinabihan, “Umuwi ka at magkulong sa bahay mo! 25 Doon ay gagapusin ka ng lubid para hindi mo makasama ang mga kababayan mo. 26 Gagawin kitang pipi para hindi mo mapagsabihan ang mga rebeldeng mamamayang ito. 27 Pero sa oras na kausapin kita, makakapagsalita kang muli. At sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang mensahe ng Panginoong Dios.’ May mga makikinig sa iyo pero mayroon ding hindi makikinig dahil mga rebelde silang mamamayan.”

Ipinakita ni Ezekiel ang Pagkubkob sa Jerusalem

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, kumuha ka ng tisa, ilagay mo ito sa harap mo at iguhit doon ang lungsod ng Jerusalem. Gawin mo ito na parang sinasalakay ng mga kaaway. Lagyan mo ng mga hagdan sa tabi ng pader at lagyan mo ng mga kampo sa palibot ng lungsod at ng trosong pangwasak ng pader. Pagkatapos, kumuha ka ng malapad na bakal at ilagay mo na parang pader sa pagitan mo at ng lungsod. Humarap ka sa lungsod na parang sinasalakay mo ito. Ito ang magiging palatandaan sa mga mamamayan ng Israel na sasalakayin sila ng kanilang mga kaaway.

“Pagkatapos, mahiga kang nakatagilid sa kaliwa. Tanda ito na pinapasan mo ang kasalanan ng mga mamamayan ng Israel. Papasanin mo ang mga kasalanan nila ayon sa dami ng araw ng iyong paghiga. Ang isang araw ay nangangahulugan ng isang taon. Kaya sa loob ng 390 araw ay papasanin mo ang mga kasalanan nila. Pagkatapos, bumaling ka sa kanan at pasanin mo rin ang kasalanan ng mga taga-Juda sa loob ng 40 araw, ang isang araw ay nangangahulugan pa rin ng isang taon. Tingnan mong muli ang tisa, na may larawan ng Jerusalem na kinubkob, at magsalita ka laban sa Jerusalem na nakatupi ang manggas ng iyong damit. Gagapusin kita upang hindi ka makabaling, hanggang sa matapos ang pagpapakita mo ng pagkubkob ng Jerusalem.

“Magdala ka rin ng trigo, sebada, at ibaʼt ibang mga buto. Paghalu-haluin mo ito sa isang lalagyan at gawin mong tinapay. Ito ang kakainin mo sa loob ng 390 araw habang nakahiga kang nakatagilid sa kaliwa. 10 Bawat araw, dalawaʼt kalahating guhit lang na pagkain ang kakainin mo sa mga itinakdang oras. 11 At kalahating litrong tubig lang ang iinumin mo bawat araw sa mga itinakda ring oras. 12 Lutuin mo ang tinapay bawat araw habang nanonood ang mga tao. Lutuin mo ito tulad ng pagluluto ng tinapay na gawa sa sebada. Gamitin mong panggatong ang tuyong dumi ng tao at pagkatapos ay kainin mo ang tinapay. 13 Sapagkat iyan ang mangyayari sa mga mamamayan ng Israel. Kakain sila ng mga pagkaing itinuturing na marumi sa mga lugar na pagdadalhan ko sa kanila bilang mga bihag.”

14 Pagkatapos ay sinabi ko, “O Panginoong Dios, huwag nʼyo po akong utusan na gumawa ng ganyan. Alam ninyong hindi ko kailanman dinumihan ang sarili ko, mula pa noong bata ako hanggang ngayon. Hindi po ako kumain ng anumang hayop na namatay o pinatay ng ibang hayop at hindi rin po ako kumain ng anumang hayop na itinuturing na marumi.” 15 Sumagot ang Panginoon, “Kung ganoon, dumi na lang ng baka ang gawin mong panggatong sa halip na dumi ng tao.”

16 Sinabi pa ng Panginoon, “Anak ng tao, babawasan ko ang pagkain sa Jerusalem. Kaya tatakalin ng mga taga-Jerusalem ang pagkain nilaʼt inumin. Mababalisa at magdadalamhati sila. 17 At dahil sa kakulangan ng pagkain at tubig, magtitinginan sila sa sindak, at unti-unti silang mamamatay dahil sa kanilang mga kasalanan.”

Ang Pagkagiba ng Jerusalem

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, kumuha ka ng matalim na espada at gamitin mong pang-ahit ng iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo ang buhok moʼt balbas at hatiin ito sa tatlong bahagi. Ang unang bahagi ay ilagay mo sa tisa na ginuhitan mo ng lungsod ng Jerusalem. Sunugin mo ito sa gitna ng lungsod matapos mong maipakita ang pagkubkob nito. Ang ikalawang bahagi ay ilagay mo sa palibot ng lungsod at pagputol-putulin sa pamamagitan ng espada mo. At ang natirang bahagi ay isaboy mo sa hangin dahil ikakalat ko ang mga mamamayan ko sa pamamagitan ng espada. Pero magtira ka ng kaunting buhok at balutin mo ito ng iyong damit. Kumuha ka ng iilan at sunugin mo sa apoy. Mula rito, kakalat ang apoy at masusunog ang buong Israel.

Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi na ito ang kahihinatnan ng Jerusalem, ang lungsod na ginawa kong pinakasentro sa buong daigdig. Nilabag niya ang mga utos ko at naging mas masama pa kaysa sa ibang mga bansang nasa palibot nito. Itinakwil niya ang mga utos at mga tuntunin ko. Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Kayong mga taga-Jerusalem, mas masama pa kayo kaysa sa mga bansang nasa palibot ninyo. Hindi ninyo sinunod ang mga utos at mga tuntunin ko, o sinunod[e] man ang mga tuntunin ng mga bansang nasa palibot ninyo. Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay laban sa inyo. Parurusahan ko kayo sa harap ng mga bansa. Sapagkat kasuklam-suklam ang mga ginagawa ninyo, gagawin ko sa inyo ang hindi ko pa nagagawa at hindi ko na ito gagawin pa pagkatapos. 10 Kakainin ng mga magulang ang mga anak nila at kakainin naman ng mga anak ang mga magulang nila. Parurusahan ko kayo at ang natitira pa sa inyo ay pangangalatin ko sa buong daigdig. 11 Ako, ang buhay na Panginoong Dios, ay sumusumpang lilipulin ko kayo. Hindi ko kayo kahahabagan dahil dinungisan ninyo ang aking templo sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan at paggawa ng kasuklam-suklam na mga bagay. 12 Hahatiin ko kayo sa tatlo. Ang unang bahagi ay mamamatay sa gutom at sakit sa lungsod. Ang ikalawang bahagi ay mamamatay sa labas ng lungsod sa pamamagitan ng espada. At ang ikatlong bahagi ay pangangalatin ko sa buong daigdig at patuloy kong uusigin.[f]

13 “Kapag nangyari na ito, huhupa na ang matindi kong galit, at makakaganti na ako sa inyo. Kapag naipadama ko na ito sa inyo, malalaman ninyo na ako ang Panginoong nakipag-usap sa inyo dahil sa labis kong pagkapoot. 14 Wawasakin ko ang inyong lungsod at kukutyain kayo ng mga bansang nakapalibot sa inyo at ng mga taong dumadaan sa lugar ninyo. 15 Hihiyain, kukutyain, at pandidirian kayo ng mga bansa sa paligid ninyo dahil sa nangyari sa inyo. Magiging babala kayo sa kanila sa panahon ng aking pagpaparusa sa inyo dahil sa matindi kong galit. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 16 Padadalhan ko kayo ng taggutom na parang pana na pupuksa sa inyo. Titindi nang titindi ang taggutom hanggang sa wala na kayong makain. 17 Maliban sa taggutom, padadalhan ko rin kayo ng malulupit na hayop at lalapain nila ang mga anak ninyo. Mamamatay din kayo sa sakit at mga digmaan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang mga Ipinapasabi Laban sa mga Bundok ng Israel

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Anak ng tao, humarap ka sa mga bundok ng Israel at sabihin mo ito sa kanila: O mga bundok ng Israel, mga burol, mga lambak, at mga kapatagan, dinggin ninyo ang sinasabi ng Panginoong Dios: Padadalhan ko kayo ng digmaan at gigibain ko ang mga sambahan sa matataas na lugar.[g] Gigibain ko ang mga altar ninyo pati na ang mga altar na pagsusunugan ng insenso at papatayin ko ang mamamayan ninyo sa harap ng inyong mga dios-diosan. Ikakalat ko ang mga bangkay ninyong mga Israelita sa harap ng inyong mga dios-diosan at ikakalat ko rin ang mga buto ninyo sa palibot ng inyong mga altar. Ang bawat bayan ninyo sa Israel ay wawasakin para masira ang mga sambahan ninyo sa matataas na lugar, mga dios-diosan at mga altar pati na ang mga altar na pinagsusunugan ng insenso at ang iba pang ginawa ninyo. Mamamatay ang inyong mga mamamayan at malalaman ninyo na ako ang Panginoon.

“Pero may ititira ako sa inyo mula sa digmaan. Makakatakas ang iba at mangangalat sa ibang bansa bilang mga bihag. Doon nila ako maaalala at maiisip na nila kung paano ako nagdamdam nang magtaksil sila sa akin at higit nilang pinahalagahan ang mga dios-diosan. Masusuklam sila sa sarili nila dahil sa masama at kasuklam-suklam nilang ginawa. 10 At malalaman nilang ako ang Panginoon, at totoo ang babala na ipinasabi ko na gagawin ko sa kanila.”

11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoong Dios, “Pumalakpak ka at pumadyak at sabihin mo, ‘Mabuti nga sa mga mamamayan ng Israel, dahil sa lahat ng masasama at kasuklam-suklam nilang ginawa. Ito ang dahilan kung bakit mamamatay sila sa digmaan, gutom at sakit. 12 Ang mga nasa malayo ay mamamatay sa sakit. Ang nasa malapit ay mamamatay sa digmaan. At ang natitira ay mamamatay sa gutom. Sa ganitong paraan, madadama nila ang galit ko sa kanila. 13 At malalaman nilang ako ang Panginoon kapag ang bangkay ng mga kababayan nila ay kumalat kasama ng kanilang mga dios-diosan sa palibot ng kanilang mga altar, burol, tuktok ng bundok, malalaking punongkahoy at mayayabong na punong ensina sa lugar na pinaghahandugan nila ng insenso para sa lahat ng kanilang dios-diosan. 14 Parurusahan ko sila saan man sila tumira, at gagawin kong mapanglaw ang lupain nila mula sa disyerto sa timog hanggang sa Dibla sa hilaga, at malalaman nila na ako ang Panginoon.’ ”

Malapit na ang Katapusan ng Israel

Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi sa bansang Israel, ‘Ito na ang katapusan ng buong lupain ng Israel. Katapusan na ninyo, dahil ipadarama ko na ang galit ko. Hahatulan ko kayo ayon sa pamumuhay ninyo at pagbabayarin ko na kayo ayon sa lahat ng kasuklam-suklam na ginawa ninyo. Hindi ko na kayo kahahabagan. Hahatulan ko kayo sa inyong pamumuhay at sa inyong kasuklam-suklam na ginawa, para malaman ninyo na ako ang Panginoon.’

Ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Darating sa inyo ang sunod-sunod na kapahamakan. Ito na ang wakas! Ang katapusan ninyo, kayong mga nakatira sa lupain ng Israel. Dumating na sa inyo ang kapahamakan. Malapit na ang oras na magkakagulo kayo. Tapos na ang maliligayang araw ninyo sa mga kabundukan. Hindi magtatagal at ipadarama ko na sa inyo ang matindi kong galit. Hahatulan ko kayo ayon sa pamumuhay ninyo, at pagbabayarin ko kayo sa mga kasuklam-suklam na ginawa ninyo. Hindi ko kayo kahahabagan. Pagbabayarin ko kayo ayon sa inyong pamumuhay at sa mga kasuklam-suklam na ginawa ninyo. At ditoʼy malalaman ninyong ako, ang Panginoon, ang nagparusa sa inyo.

10 “Malapit na ang araw ng pagpaparusa. Darating na ang kapahamakan. Sukdulan na ang kasamaan at kayabangan ng mga tao. 11 Ang kalupitan nilaʼy babalik sa kanila bilang parusa sa kasamaan nila. Walang matitira sa kanila, pati ang lahat ng kayamanan nila ay mawawala. 12 Oo, malapit na ang araw ng pagpaparusa. Hindi na ikatutuwa ng mga mamimili ang naitawad nila at hindi na rin malulungkot ang mga naluging nagbebenta, dahil mararanasan ng lahat ang galit ko. 13 Kung may mga nagbebenta mang makakabawi, hindi na sila makakabalik sa pagtitinda dahil ang mga sinabi ko tungkol sa buong bansa ng Israel ay hindi na mababago. Hindi maililigtas ng bawat gumagawa ng kasamaan ang kanyang buhay. 14 Kahit na hipan pa nila ang trumpeta para ihanda ang lahat sa pakikipaglaban, wala ring pupunta sa labanan, dahil mararanasan ng lahat ang galit ko.

15 “Ang sinumang lalabas ng lungsod ay mamamatay sa digmaan. Ang mananatili naman sa loob ng lungsod ay mamamatay sa sakit at gutom. 16 Ang mga makakaligtas sa kamatayan at tatakas papunta sa mga bundok ay iiyak doon na parang huni ng kalapati, dahil sa kani-kanilang kasalanan. 17 Manghihina ang mga kamay nila at mangangatog ang kanilang mga tuhod. 18 Magsusuot sila ng damit na sako at aahitin ang kanilang buhok para ipahayag ang kanilang pagdadalamhati. Takot at kahihiyan ang makikita sa mukha nila. 19 Itatapon nila sa mga lansangan ang mga pilak at ginto nila na parang maruruming bagay. Hindi sila maililigtas ng mga ito sa araw na ipadama ko ang aking poot. Hindi rin nila ito makakain para mabusog sila dahil ito ang dahilan kung bakit sila nagkasala. 20 Ipinagmamalaki nila ang mga naggagandahan nilang hiyas na siyang ginamit nila para gumawa ng mga kasuklam-suklam na dios-diosan. Kaya gagawin kong marumi ang mga bagay na ito para sa kanila. 21 Ipapasamsam ko ito sa masasamang dayuhan at dudungisan nila ito. 22 Pababayaan kong lapastanganin nila at nakawan ang aking templo. Papasukin at lalapastanganin ito ng mga magnanakaw.

23 “Bibihagin ang aking mga mamamayan dahil puro patayan at puno ng kaguluhan ang kanilang lungsod. 24 Ipakakamkam ko sa mga masasamang bansa ang mga bahay nila. Tatapusin ko ang pagmamataas ng kanilang mga makapangyarihang tao,[h] at ipalalapastangan ko ang mga sambahan nila. 25 Darating sa kanila ang takot at maghahanap sila ng kapayapaan pero hindi nila ito matatagpuan. 26 Darating sa kanila ang sunud-sunod na panganib at masasamang balita. Magtatanong sila sa mga propeta, pero wala silang matatanggap na kasagutan. Magpapaturo sila sa mga pari at hihingi ng payo sa mga tagapamahala, pero hindi sila tuturuan at papayuhan. 27 Magdadalamhati ang hari at mawawalan ng pag-asa ang mga tagapamahala niya. Ang mga taoʼy manginginig sa takot. Parurusahan ko sila ayon sa kanilang pamumuhay. Hahatulan ko sila kung paano nila hinatulan ang iba. At malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Ang Pagsamba sa mga Dios-diosan sa Jerusalem

Nang ikalimang araw ng ikaanim na buwan, nang ikaanim na taon ng aming pagkabihag, pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoong Dios. Nakaupo ako noon sa bahay ko at nakikipag-usap sa mga tagapamahala ng Juda. May nakita akong parang isang tao. Mula baywang pababa, para siyang apoy at mula naman baywang pataas ay para siyang makintab na metal. Iniunat niya ang kanyang parang kamay at hinawakan ako sa buhok. Pagkatapos, sa pamamagitan ng isang pangitain mula sa Dios, itinaas ako ng Espiritu sa kalawakan at dinala sa Jerusalem, sa bandang hilaga ng pintuan ng bakuran sa loob ng templo, sa kinalalagyan ng dios-diosan na siyang ikinagalit ng Dios. Nakita ko roon ang kapangyarihan ng Dios ng Israel, tulad ng nakita ko sa kapatagan.

Pagkatapos, sinabi ng Dios sa akin, “Anak ng tao, tumingin ka sa hilaga.” Tumingin ako at nakita ko sa tapat ng pinto malapit sa altar ang dios-diosan na siyang lubhang nagpagalit sa Dios. Sinabi sa akin ng Dios, “Anak ng tao, nakita mo ba ang ginagawa ng mga mamamayan ng Israel? Nakita mo ba ang kasuklam-suklam na ginagawa nila rito para palayasin ako sa aking templo? Pero may makikita ka pang higit na kasuklam-suklam na bagay.”

Pagkatapos, dinala niya ako sa pintuan ng bakuran ng templo at nang tumingin ako, mayroon akong nakitang butas sa pader. Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, lakihan mo pa ang butas ng pader.” Pinalaki ko iyon at nakita ko ang isang pintuan. Muli niyang sinabi sa akin, “Pumasok ka at tingnan mo ang mga kasuklam-suklam na bagay na ginagawa nila.” 10 Kaya pumasok ako at nakita kong nakaukit sa buong pader ang lahat ng uri ng hayop na gumagapang, mga hayop na itinuturing na marumi at lahat ng mga dios-diosan ng mga mamamayan ng Israel. 11 Nakatayo roon ang 70 tagapamahala ng Israel at isa sa kanila si Jaazania na anak ni Shafan. Ang bawat isa sa kanilaʼy may hawak na lalagyan ng insenso at ang usok ay pumapaitaas.

12 Sinabi sa akin ng Dios, “Anak ng tao, nakita mo ba kung ano ang lihim na ginagawa ng mga tagapamahala ng Israel? Ang bawat isa sa kanilaʼy nasa silid ng kanyang dios-diosan. Sinasabi nilang hindi na nakatingin sa kanila ang Panginoon at itinakwil na niya ang Israel.”

13 Sinabi pa ng Dios, “Makikita mo pa ang mas kasuklam-suklam nilang ginagawa.” 14 Pagkatapos, dinala niya ako sa pintuan ng templo sa hilaga at nakita ko roon ang mga babaeng nakaupo at umiiyak para sa dios-diosang si Tamuz. 15 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, nakikita mo ba ito? May makikita ka pang mas kasuklam-suklam na bagay kaysa riyan.”

16 Pagkatapos, dinala niya ako sa loob ng bakuran ng templo ng Panginoon. At doon sa pintuan ng templo, sa pagitan ng balkonahe at ng altar ay may 25 tao. Nakatalikod sila sa templo at nakaharap sa silangan at nakayuko na sumasamba sa araw.

17 Pagkatapos, sinabi ng Dios sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba ito? Pangkaraniwan na lang ba sa mga taga-Juda ang paggawa ng kasuklam-suklam na mga bagay dito? Maliban diyan, ginagawa pa nila ang mga karahasan sa buong bansa, kaya lalo pa nila akong ginagalit. Tingnan mo ang mga paglapastangan nila sa akin. 18 Kaya matitikman nila ang galit ko. Hindi ko sila kahahabagan. Kahit sumigaw pa sila sa paghingi ng tulong sa akin, hindi ko sila pakikinggan.”

Pinatay ang mga Sumasamba sa mga Dios-diosan

Pagkatapos, narinig ko ang Dios na nagsasalita nang malakas, “Halikayo sa Jerusalem, kayong mga magpaparusa sa lungsod na ito. Dalhin ninyo ang inyong mga sandata.” Pagkatapos, may anim na taong pumasok sa hilagang pintuan ng templo. Lahat silaʼy may dalang sandata. May kasama silang taong nakadamit ng telang linen at may panulat sa baywang. Tumayo sila sa tabi ng tansong altar. Mula pa noon, ang kapangyarihan ng Dios ng Israel ay nasa itaas ng mga kerubin sa loob ng templo, ngayon ay umalis na roon at lumipat sa pintuan ng templo. Pagkatapos, tinawag ng Panginoon ang taong nakadamit ng telang linen at may panulat sa baywang, at sinabi sa kanya, “Libutin mo ang buong lungsod ng Jerusalem at tatakan mo ang noo ng mga taong nagdadalamhati dahil sa mga kasuklam-suklam na mga ginagawa roon.”

At narinig ko ring sinabi ng Dios sa iba, “Sundan ninyo siya sa lungsod at patayin ang mga walang tatak sa noo. Huwag kayong maawa sa kanila. Patayin ninyo ang matatanda, mga binataʼt dalaga, mga ina at mga bata, pero huwag ninyong patayin ang mga may tatak sa noo. Magsimula kayo sa aking templo.” Kaya una nilang pinatay ang mga tagapamahala na nasa harapan ng templo.

Pagkatapos, sinabi ng Dios sa kanila, “Dumihan ninyo ang templo sa pamamagitan ng pagtatambak ng mga bangkay sa bakuran at pagkatapos ay umalis na kayo.” Umalis sila at pinagpapatay ang mga tao sa buong lungsod. Habang pumapatay sila ng mga tao, naiwan akong nag-iisa. Nagpatirapa ako at tumawag sa Dios, “O Panginoong Dios, papatayin nʼyo bang lahat ang mga natitirang Israelita dahil sa galit ninyo sa Jerusalem?” Sumagot siya sa akin, “Sukdulan na ang kasalanan ng mga mamamayan ng Israel at Juda. Sukdulan na ang patayan sa lungsod at wala nang katarungan. Sinasabi pa nilang, ‘Hindi na tayo pinapansin ng Panginoon, itinakwil na niya ang Israel.’ 10 Kaya hindi ko na sila kahahabagan, sa halip gagawin ko rin sa kanila ang ginawa nila sa iba.”

11 Bumalik sa Panginoon ang taong nakadamit ng telang linen at may panulat sa baywang at sinabi, “Nagawa ko na po ang ipinapagawa ninyo sa akin.”

Umalis ang Makapangyarihang Presensya ng Panginoon sa Templo

10 Habang nakatingin ako, may nakita akong parang isang trono na yari sa batong safiro. Nasa itaas ito ng takip na kristal sa itaas ng ulo ng mga kerubin. Sinabi ng Panginoon sa taong nakadamit ng telang linen, “Pumunta ka sa gitna ng mga gulong sa ilalim ng mga kerubin at punuin mo ang mga kamay mo ng baga at isabog mo sa buong lungsod.” At nakita kong pumunta siya.

Ang mga kerubin ay nakatayo sa timog ng templo nang pumunta ang tao at may ulap na lumukob doon sa bakuran sa loob ng templo. Pagkatapos, umalis ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa gitna ng mga kerubin at lumipat sa pintuan ng templo. Nilukuban ng ulap ang templo at lumiwanag ang bakuran dahil sa makapangyarihang presensya ng Panginoon. Ang pagaspas ng pakpak ng mga kerubin ay naririnig hanggang sa bakuran sa labas tulad ng tinig ng makapangyarihang Dios.

Nang utusan ng Panginoon ang taong nakadamit ng telang linen na kumuha ng baga sa gitna ng mga gulong sa ilalim ng mga kerubin, pumasok siya sa templo at tumayo sa tabi ng gulong. Pagkatapos, isa sa mga kerubin ang kumuha ng baga sa apoy at inilagay sa kamay ng taong nakadamit ng telang linen. Dinala ito ng tao at lumabas. Ang bawat kerubin ay parang may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang pakpak.

May nakita akong apat na gulong sa gilid ng apat na kerubin. Kumikislap na parang mamahalin na batong krisolito 10 at magkakamukha ang mga ito. Bawat gulong ay pinagkrus, na ang isa ay nasa loob ng isa pang gulong, 11 kaya ito at ang mga kerubin ay maaaring pumunta kahit saang direksyon nang hindi kailangang bumaling pa. 12 Ang buong katawan ng kerubin, ang likod, ang kamay at mga pakpak ay puno ng mata at ganoon din ang mga gulong. 13 At narinig kong ang mga gulong na itoʼy tinatawag na, “Umiikot na gulong.” 14 Ang bawat kerubin ay may apat na mukha: mukha ng kerubin, ng tao, ng leon at ng agila.

15 Pagkatapos, pumaitaas ang mga kerubin. Ito ang mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa Ilog ng Kebar. 16 Kapag lumalakad ang mga kerubin, sumasama sa kanila ang mga gulong na nasa gilid at kapag lumilipad sila, kasama rin ang mga gulong. 17 Kapag tumigil sila, tumitigil din ang mga gulong at kapag umangat sila, umaangat din ang mga gulong, dahil ang espiritu nila ay nasa gulong din. 18 Pagkatapos, ang makapangyarihang presensya ng Panginoon ay umalis sa pintuan ng templo at lumipat sa itaas ng mga kerubin. 19 At habang nakatingin ako, lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong. Tumigil sila sa silangang pintuan ng templo ng Panginoon at ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila.

20 Iyon ang mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa ilalim ng presensya ng Dios ng Israel doon sa Ilog ng Kebar. At nalaman ko na ang mga nilalang na ito ay mga kerubin. 21 Ang bawat isa sa kanila ay may apat na mukha, apat na pakpak at sa ilalim ng kanilang pakpak ay may parang kamay ng tao. 22 Ang mga itoʼy kamukha ng mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa Ilog ng Kebar. Ang bawat isa ay sabay-sabay na gumagalaw kung saan sila papunta.

Ang Parusa ng Dios sa Jerusalem

11 Pagkatapos, dinala ako ng Espiritu sa templo ng Panginoon, sa may pintuan na nakaharap sa silangan. May 25 tao roon, dalawa sa kanila ay sina Jaazania na anak ni Azur at Pelatia na anak ni Benaya na mga tagapamahala ng mga tao. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, sila ang mga taong nagpaplano at nagpapayo ng masama sa lungsod na ito. Sinasabi nila, ‘Hindi baʼt malapit na ang panahon para magtayo ng mga bahay? Ang lungsod natin ay katulad ng kaldero at tayo naman ay parang mga karne sa loob na hindi masusunog ng apoy.’ Kaya anak ng tao, magsalita ka laban sa kanila.”

Pagkatapos, nilukuban ako ng Espiritu ng Panginoon at inutusang sabihin ito: “Ito ang sinasabi ng Panginoon sa inyo mga mamamayan ng Israel: Alam ko kung ano ang sinasabi at iniisip ninyo. Marami kayong pinatay sa lungsod na ito at nagkalat ang mga bangkay sa lansangan. Kaya ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito sa inyo: Ang lungsod na ito ay natulad sa kaldero, at ang mga bangkay na inyong kinalat sa lungsod ay ang nagsilbing karne. At kayo naman ay papalayasin ko sa lungsod na ito. Natatakot kayo sa digmaan[i] pero ipapalasap ko ito sa inyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. Palalayasin ko kayo sa lungsod na ito at ipapabihag sa mga dayuhan at uudyukan ko silang parusahan kayo. 10 Mamamatay kayo sa digmaan at hahatulan ko kayo hanggang sa mga hangganan ng Israel at malalaman ninyong ako ang Panginoon. 11 Ang lungsod na itoʼy hindi magiging tulad ng kaldero para sa inyo, at kayoʼy hindi magiging tulad ng karne sa loob nito. Sapagkat hahatulan ko kayo hanggang sa hangganan ng Israel. 12 At malalaman ninyo na ako ang Panginoon. Gagawin ko ito dahil hindi ninyo sinunod ang mga utos at tuntunin ko. Sa halip, sinunod ninyo ang tuntunin ng ibang bansa sa palibot ninyo.”

13 Habang sinasabi ko ang ipinasasabi ng Dios, namatay si Pelatia na anak ni Benaya. Nagpatirapa ako at sumigaw, “O Panginoong Dios, uubusin ba ninyo ang lahat ng natitirang mga Israelita?” 14 Sinabi sa akin ng Panginoon, 15 “Anak ng tao, ang mga natitira sa Jerusalem ay nagsabi ng ganito tungkol sa kapwa nila Israelitang binihag. ‘Malayo sila sa Panginoon, kaya sa atin na ibinigay ng Panginoon ang lupaing ito.’

16 “Kaya sabihin mo sa mga kasamahan mong bihag na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi ‘Kahit ipinabihag ko kayo at ipinangalat sa ibaʼt ibang bansa, kasama nʼyo pa rin ako sa mga lugar na iyon. 17 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing muli ko kayong titipunin mula sa mga bansa kung saan kayo nangalat at ibibigay kong muli sa inyo ang lupain ng Israel. 18 At sa inyong pagbabalik, alisin ninyo ang lahat ng kasuklam-suklam na dios-diosan. 19 Babaguhin ko ang inyong puso at pag-iisip nang hindi na kayo maging masuwayin kundi maging masunurin at tapat sa akin. 20 Tutuparin na ninyo ang mga utos koʼt mga tuntunin. Magiging mga mamamayan ko kayo at akoʼy magiging Dios ninyo. 21 Pero ang mga sumasamba sa mga kasuklam-suklam na dios-diosan ay parurusahan ko ayon sa mga ginawa nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.’ ”

22 Pagkatapos, lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong sa gilid nila at ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila. 23 At pumailanlang ito mula sa lungsod at bumaba sa bundok, sa silangan ng lungsod. 24 Pagkatapos, nakita ko sa pangitaing ibinigay sa akin ng Espiritu ng Dios, na ibinalik ako sa mga bihag doon sa Babilonia. Pagkatapos ay nawala ang pangitain. 25 At isinalaysay ko sa mga bihag ang lahat ng pangitain na ipinakita sa akin ng Panginoon.

12 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, naninirahan kang kasama ng mga rebeldeng mamamayan. May mga mata sila pero hindi nakakakita, may mga tainga pero hindi nakakarinig, dahil sila ay mga rebelde. Kaya anak ng tao, maghanda ka ng mga gamit mo at magkunwaring binibihag ka. Pumunta ka sa ibang lugar, gawin mo ito sa araw para makita ka nila. Baka sakaling sa pamamagitan nito, maunawaan nila ang kanilang mga pagsuway. Samantalang maliwanag pa, ihanda mo ang mga dadalhin mo para makita ng mga tao. Pagsapit ng gabi, habang nakatingin sila, lumakad kang parang isang bihag. Butasan mo ang dingding ng iyong bahay at doon ilabas ang iyong mga dala-dalahan. Habang nakatingin sila, pasanin mo ang mga dala-dalahan moʼt lumakad ka sa gabi. Takpan mo ang iyong mukha para hindi makita ang lupain na iyong iiwan. Ang gagawin mong ito ay magiging babala sa mga mamamayan ng Israel.”

Kaya sinunod ko ang utos ng Panginoon. Maaga kong inihanda ang mga dadalhin ko at pagsapit ng gabi ay binutasan ko ang dingding ng bahay ko. At habang nanonood sila, pinasan ko ang mga dala ko at lumakad.

Kinaumagahan, sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, ngayon, ang mga rebeldeng mamamayan ng Israel ay magtatanong tungkol sa ginawa mo, 10 sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios ay may ipinapasabi sa mga namamahala ng Jerusalem at sa lahat ng mamamayan ng Israel. 11 Sabihin mo sa kanila na ang ginawa mo ay isang babala para sa kanila na sila ay mabibihag. 12 Kahit ang pinuno nilaʼy papasanin ang sarili niyang dala-dalahan at aalis nang gabi. Dadaan siya sa butas ng dingding na ginawa para sa kanya. Magtatakip siya ng mukha para hindi niya makita ang lupain. 13 Pero huhulihin ko siya na parang hayop at dadalhin sa Babilonia sa lupain ng mga Caldeo. Pero hindi niya ito makikita,[j] at doon siya mamamatay. 14 Pangangalatin ko sa lahat ng dako ang mga tauhan niya, mga lingkod at mga hukbo. At kahit nasaan sila, ipapapatay ko sila. 15 At kapag naipangalat ko na sila sa mga bansa, malalaman nilang ako ang Panginoon. 16 Pero pahihintulutan ko na may makaligtas sa kanila sa digmaan, sa gutom at sa sakit para sabihin nila sa mga bansa ang mga kasuklam-suklam na ginawa nila at malalaman nilang ako ang Panginoon.”

17 Sinabi sa akin ng Panginoon, 18 “Anak ng tao, manginig ka sa takot habang kumakain ka at umiinom. 19 Sabihin mo sa mga mamamayan ng Jerusalem at sa lahat ng taga-Israel na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi na maguguluhan sila at manginginig sa takot habang kumakain at umiinom, dahil sasamsamin ang mga ari-arian ng bansa nila dahil sa kanilang kalupitan. 20 Wawasakin ang mga bayan nila at magiging mapanglaw ito. At malalaman nilang ako ang Panginoon.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®