Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 29-40

Ang Pagtatalaga(A)

29 “Ito ang iyong gagawin sa kanila upang italaga sila, at makapaglingkod sa akin bilang mga pari. Kumuha ka ng isang guyang toro at ng dalawang lalaking tupa na walang kapintasan,

at ng tinapay na walang pampaalsa, mga bibingkang walang pampaalsa na hinaluan ng langis, at maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis. Gagawin mo ang mga ito sa piling harinang trigo.

Isisilid mo ito sa isang bakol, at dadalhin mo ang mga ito na nasa bakol, kasama ang toro at ang dalawang lalaking tupa.

Si Aaron at ang kanyang mga anak ay iyong dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan, at iyong huhugasan sila ng tubig.

Kukunin mo ang mga kasuotan, at iyong isusuot kay Aaron ang tunika at ang balabal ng efod, at ang efod, ang pektoral, at bibigkisan mo ng mainam na hinabing pamigkis ng efod:

at ipapatong mo ang turbante sa kanyang ulo, at ipapatong mo ang banal na korona sa turbante.

Saka mo kukunin ang langis na pambuhos, at ibubuhos mo sa ibabaw ng kanyang ulo, at bubuhusan mo siya ng langis.

Pagkatapos, iyong dadalhin ang kanyang mga anak, at susuotan mo sila ng mga tunika,

at iyong bibigkisan ng mga pamigkis si Aaron at ang kanyang mga anak, at itatali mo ang mga turbante sa kanilang ulo, at mapapasakanila ang pagkapari sa pamamagitan ng isang panghabam-panahong batas. Gayon mo itatalaga si Aaron at ang kanyang mga anak.

Ang Handog ng Pagtatalaga para sa mga Pari

10 “Pagkatapos, iyong dadalhin ang toro sa harap ng toldang tipanan at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng toro.

11 Papatayin mo ang toro sa harapan ng Panginoon, sa pintuan ng toldang tipanan.

12 Kukuha ka ng bahagi ng dugo ng toro, at ilalagay mo iyon sa pamamagitan ng iyong daliri sa ibabaw ng mga sungay ng dambana; at iyong ibubuhos ang lahat ng dugo sa paanan ng dambana.

13 Kukunin mo lahat ng taba na nakabalot sa bituka, at ang mga taba ng atay, at ang dalawang bato at ang taba ng mga iyon, at susunugin mo sa ibabaw ng dambana.

14 Subalit ang laman ng toro, ang balat, at ang dumi ay iyong susunugin sa apoy sa labas ng kampo; ito ay handog pangkasalanan.

15 “Kukunin mo rin ang isa sa mga lalaking tupa, at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng lalaking tupa.

16 Papatayin mo ang lalaking tupa, kukunin mo ang dugo, at iyong iwiwisik sa palibot sa ibabaw ng dambana.

17 Pagpuputul-putulin mo ang tupa at huhugasan mo ang mga lamang-loob at ang mga hita, at ipapatong mo sa mga piraso at sa ulo nito.

18 Susunugin(B) mo ang buong tupa sa ibabaw ng dambana; ito ay handog na sinusunog para sa Panginoon. Ito ay mabangong samyo, isang handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

19 “Kukunin mo ang isa pang lalaking tupa at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa.

20 Papatayin mo ang tupa, kukunin mo ang dugo, at ilalagay mo sa dulo ng kanang tainga ni Aaron, at sa dulo ng kanang tainga ng kanyang mga anak, at sa hinlalaki ng kanilang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanilang kanang paa, at iwiwisik mo ang natirang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.

21 Kukuha ka ng bahagi ng dugo na nasa ibabaw ng dambana, at ng langis na pambuhos, at iwiwisik mo kay Aaron at sa kanyang mga kasuotan, at sa kanyang mga anak na kasama niya; pati ang mga kasuotan nila at magiging banal siya at ang kanyang mga kasuotan, at ang kanyang mga anak, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak na kasama niya.

22 “Kukunin mo rin ang taba ng lalaking tupa, at ang matabang buntot, at ang tabang nakabalot sa mga bituka, ang mga taba ng atay, ang dalawang bato, ang taba na nasa ibabaw ng mga iyon, at ang kanang hita (sapagkat iyon ay isang lalaking tupa na itinatalaga),

23 isang malaking tinapay, at isang munting tinapay na may langis, at isang manipis na tinapay sa bakol ng tinapay na walang pampaalsa na nasa harapan ng Panginoon.

24 Ilalagay mo ang lahat ng ito sa mga kamay ni Aaron at sa mga kamay ng kanyang mga anak; at iyong iwawagayway ang mga ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.

25 Kukunin mo sa kanilang mga kamay ang mga ito, at iyong susunugin sa dambana bilang karagdagan sa handog na sinusunog, bilang isang mabangong samyo sa harapan ng Panginoon; ito ay handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

26 “At kukunin mo ang dibdib ng lalaking tupa na itinalaga ni Aaron, at iwawagayway mo ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon; at iyon ang magiging iyong bahagi.

27 Iyong itatalaga ang dibdib ng handog na iwinawagayway, at ang hitang iwinawagayway na bahagi ng pari, mula sa lalaking tupa na itinalaga para kay Aaron at sa kanyang mga anak.

28 Ito ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak, na bahaging ukol sa kanila sa habang panahon na mula sa mga anak ni Israel, sapagkat ito ang bahagi ng mga pari na ihahandog ng mga anak ni Israel, na kinuha sa kanilang mga handog pangkapayapaan. Ito ay kanilang handog sa Panginoon.

29 “Ang mga banal na kasuotan ni Aaron ay magiging sa kanyang mga anak pagkamatay niya, upang buhusan ng langis ang mga iyon, at upang italaga sa mga iyon.

30 Pitong araw na isusuot ang mga ito ng anak na magiging pari kapalit niya, kapag siya'y pumapasok sa toldang tipanan upang maglingkod sa dakong banal.

31 “At kukunin mo ang lalaking tupa na itinalaga at ilaga mo ang laman nito sa isang dakong banal.

32 Kakainin ni Aaron at ng kanyang mga anak ang laman ng tupa, at ang tinapay na nasa bakol sa pintuan ng toldang tipanan.

33 Kanilang kakainin ang mga bagay na iyon, na ipinantubos ng sala, upang italaga at pakabanalin sila, subalit hindi kakain niyon ang sinumang dayuhan, sapagkat banal ang mga ito.

34 At kung may lumabis sa laman na itinalaga, o sa tinapay, hanggang sa kinaumagahan, ay iyo ngang susunugin sa apoy ang nalabi, hindi ito kakainin, sapagkat ito'y banal.

Ang mga Pang-araw-araw na Handog(C)

35 “Ito ang gagawin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo; pitong araw mo silang itatalaga.

36 Araw-araw ay maghahandog ka ng toro na handog pangkasalanan bilang pantubos. Maghahandog ka rin ng handog pangkasalanan para sa dambana, kapag iyong iginagawa ng katubusan iyon; at iyong bubuhusan ito ng langis upang ito'y maitalaga.

37 Pitong araw na iyong gagawan ng katubusan ang dambana, at iyong pakakabanalin ito, at ang dambana ay magiging kabanal-banalan; anumang humipo sa dambana ay magiging banal.

38 “Ito naman ang iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana: dalawang kordero na tig-iisang taong gulang, araw-araw sa habang panahon.

39 Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga; at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa hapon;

40 at kasama ng unang kordero ang ikasampung bahagi ng mainam na harina na may halong ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo; at ang ikaapat na bahagi ng isang hin na alak, ang handog na inumin.

41 Ang isa pang kordero ay iyong ihahandog sa hapon, at iyong ihahandog na kasama nito ang handog na butil at handog na inumin tulad ng sa umaga, na mabangong samyo, na isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

42 Ito ay magiging isang patuloy na handog na sinusunog sa buong panahon ng inyong mga salinlahi sa pintuan ng toldang tipanan, sa harapan ng Panginoon; kung saan ko kayo tatagpuin, upang makipag-usap ako roon sa iyo.

43 At doo'y makikipagtagpo ako sa mga anak ni Israel, at ito ay pakakabanalin ng aking kaluwalhatian.

44 Aking pakakabanalin ang toldang tipanan, at ang dambana; gayundin si Aaron at ang kanyang mga anak ay aking pakakabanalin upang maglingkod sa akin bilang mga pari.

45 Ako'y mananahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at ako'y magiging kanilang Diyos.

46 Kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Diyos na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, upang ako'y manirahang kasama nila. Ako ang Panginoon nilang Diyos.

Ang Dambana ng Insenso(D)

30 “Gagawa ka ng isang dambana na pagsusunugan ng insenso. Ito'y gagawin mo mula sa kahoy na akasya.

Isang siko ang magiging haba niyon, at isang siko ang luwang; magiging parisukat iyon, at dalawang siko ang magiging taas; ang mga sungay niyon ay kaisang piraso niyon.

Ito'y babalutin mo ng lantay na ginto, ang mga tagiliran sa palibot, at ang mga sungay; at igagawa mo ito ng isang moldeng ginto sa palibot.

Igagawa mo ito ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng molde, sa dakong itaas ng dalawang tagiliran mo iyon gagawin; iyon ay magiging suotan ng mga pasanan upang mabuhat ito.

Ang iyong gagawing mga pasanan ay kahoy na akasya, at babalutin mo ito ng ginto.

Iyong ilalagay ito sa harapan ng tabing na nasa may kaban ng patotoo, sa harapan ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, kung saan kita kakatagpuin.

Maghahandog si Aaron sa ibabaw niyon ng mababangong insenso, tuwing umaga kapag kanyang inaayos ang mga ilaw, ay ihahandog niya iyon,

at kapag sinisindihan ni Aaron ang mga ilawan sa gabi, kanyang ihahandog iyon bilang isang insensong patuloy na handog sa harapan ng Panginoon sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.

Huwag kayong maghahandog ng hindi banal na insenso sa ibabaw niyon, o ng handog na susunugin, o ng handog na butil man at huwag kayong magbubuhos ng handog na inumin sa ibabaw niyon.

10 Si Aaron ay magsasagawa ng pagtubos sa ibabaw ng mga sungay ng dambana, minsan sa isang taon. Siya ay tutubos ng kasalanan minsan sa isang taon sa pamamagitan ng dugo ng handog pangkasalanan, sa buong panahon ng inyong mga salinlahi; iyon ay kabanal-banalan sa Panginoon.”

11 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

12 “Pagbilang mo sa mga anak ni Israel, magbibigay ang bawat isa sa kanila ng pantubos ng kanyang sarili sa Panginoon, kapag iyong binibilang sila, upang huwag magkaroon ng salot sa gitna nila kapag iyong binibilang sila.

13 Bawat(E) mapapasama sa pagbilang ay magbibigay nito: kalahati ng isang siklo ayon sa siklo ng santuwaryo: (ang isang siklo ay dalawampung gera), kalahating siklo bilang handog sa Panginoon.

14 Bawat mapasama sa pagbilang, mula sa dalawampung taong gulang pataas, ay magbibigay ng handog sa Panginoon.

15 Ang mayaman ay hindi magbibigay nang higit, at ang dukha ay hindi magbibigay nang kulang sa kalahating siklo, kapag nagbibigay kayo ng handog sa Panginoon, upang ipantubos sa inyong mga sarili.

16 At iyong kukunin sa mga anak ni Israel ang salaping pantubos at iyong ilalaan sa paglilingkod sa toldang tipanan; na maging pinakaalaala sa mga anak ni Israel sa harapan ng Panginoon, upang ipantubos sa inyong mga kaluluwa.”[a]

Ang Palangganang Tanso

17 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,

18 “Gagawa(F) ka rin ng isang palangganang yari sa tanso, na may patungang tanso, upang paghugasan. Iyong ilalagay ito sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at iyong sisidlan ito ng tubig.

19 Si Aaron at ang kanyang mga anak ay maghuhugas doon ng kanilang mga kamay at mga paa.

20 Kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan ay maghuhugas sila ng tubig, upang sila'y huwag mamatay, o kapag sila'y lumalapit sa dambana upang maglingkod, upang magsunog ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

21 Kaya't maghuhugas sila ng kanilang mga kamay at mga paa upang huwag silang mamatay. Ito'y magiging isang batas magpakailanman para sa kanila, sa kanya at sa kanyang binhi, sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi.”

Ang Langis na Pambuhos

22 Bukod(G) dito'y sinabi ng Panginoon kay Moises,

23 “Magdala ka rin ng pinakamaiinam na pabango: ng purong mira na limang daang siklo, at ng mabangong kanela na kalahati nito ang dami, dalawang daan at limampu; at ng mabangong kalamo na dalawang daan at limampu,

24 at ng kasia, limang daan, ayon sa siklo ng santuwaryo, at ng langis ng olibo na isang hin;

25 at gagawa ka mula sa mga ito ng banal na langis na pambuhos, isang pabangong tinimpla ayon sa pagtitimpla ng manggagawa ng pabango; siya ngang magiging banal na langis na pambuhos.

26 Iyong bubuhusan niyon ang toldang tipanan, at ang kaban ng patotoo,

27 at ang hapag, ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang ilawan at ang mga kasangkapan niyon, at ang dambana ng insenso,

28 ang dambana ng handog na sinusunog kasama ang lahat ng mga kasangkapan, ang palanggana at ang patungan nito.

29 Pakabanalin mo ang mga iyon upang maging kabanal-banalan; sinumang humawak sa mga iyon ay magiging banal.

30 Iyong bubuhusan ng langis si Aaron at ang kanyang mga anak, at itatalaga sila, upang sila'y maglingkod sa akin bilang mga pari.

31 Sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Ito ang aking magiging banal na langis na pambuhos sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.

32 Hindi ito ibubuhos sa laman ng mga karaniwang tao, ni huwag kayong gagawa ng gaya niyan sa pagkakagawa, ito ay banal at ito'y magiging banal sa inyo.

33 Sinumang gumawa ng gaya niyan, o sinumang gumamit niyan sa isang dayuhan ay ititiwalag sa kanyang bayan.’”

34 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magdala ka ng mababangong pabango ng estacte, onix, at galbano; mababangong pabango na may purong kamanyang (na bawat isa'y magkakapareho ng bahagi),

35 at gumawa ka ng insenso, na pabangong ayon sa pagtitimpla ng manggagawa ng pabango, hinaluan ng asin, dalisay at banal.

36 Iyong didikdikin ang iba niyan nang pinung-pino at ilalagay mo sa harapan ng kaban ng tipan,[b] sa loob ng toldang tipanan na doon kita kakatagpuin; ito ay magiging kabanal-banalan para sa inyo.

37 Ang insensong inyong gagawin, ayon sa mga sangkap niyon ay huwag ninyong gagawin para sa inyong sarili; iyon ay aariin mong banal sa Panginoon.

38 Sinumang gagawa nang gaya niyan, upang gamiting pabango ay ititiwalag sa kanyang bayan.”

Ang Pagtawag kina Bezaleel at Aholiab(H)

31 Sinabi ng Panginoon kay Moises,

“Tingnan mo, aking tinawag sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda.

Aking pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, may kakayahan, katalinuhan, may kaalaman sa iba't ibang uri ng gawain,

upang magdibuho ng magagandang disenyo, upang gumawa sa ginto, sa pilak, at sa tanso,

upang umukit ng mga batong pang-enggaste, upang gumawa ng mga nililok na kahoy, at upang gumawa sa lahat ng sari-saring gawain.

Aking itinalagang kasama niya si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan; at sa lahat ng may kakayahang gumawa ay nagbigay ako ng karunungan, upang magawa nila ang lahat ng aking iniutos sa iyo:

ang toldang tipanan at ang kaban ng patotoo, at ang luklukan ng awa na nasa ibabaw niyon, at ang lahat ng kasangkapan ng tolda,

ang hapag at ang mga kasangkapan niyon at ang dalisay na ilawan, kasama ng lahat na mga kasangkapan; ang dambana ng insenso,

ang dambana ng handog na sinusunog kasama ng lahat ng mga kasangkapan niyon, ang lababo at ang patungan niyon;

10 at ang mga kasuotang mahusay ang pagkagawa, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, para sa kanilang paglilingkod bilang mga pari;

11 at ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso para sa dakong banal. Ayon sa lahat ng iniutos ko sa iyo ay gagawin nila ang mga ito.”

Ang Pangingilin sa Sabbath

12 At sinabi ng Panginoon kay Moises,

13 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Inyong ipapangilin ang aking mga Sabbath, sapagkat ito'y isang tanda sa akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang inyong makilala na akong Panginoon ang nagpapabanal sa inyo.

14 Inyong ipapangilin ang Sabbath, sapagkat iyon ay banal para sa inyo. Bawat lumapastangan dito ay walang pagsalang papatayin, sapagkat sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw na iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.

15 Anim(I) na araw na gagawin ang gawain, subalit ang ikapitong araw ay Sabbath ng taimtim na pagpapahinga, banal sa Panginoon; sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw ng Sabbath ay walang pagsalang papatayin.

16 Kaya't ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng Sabbath, na iingatan ang Sabbath sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi, bilang isang palagiang tipan.

17 Ito'y(J) isang tanda sa akin at sa mga anak ni Israel magpakailanman na sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, at sa ikapitong araw siya ay nagpahinga at naginhawahan.’”

Tinanggap ni Moises ang Dalawang Tapyas ng Bato

18 Pagkatapos na makapagsalita ang Diyos[c] sa kanya sa ibabaw ng bundok ng Sinai, kanyang ibinigay kay Moises ang dalawang tapyas ng tipan, ang mga tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Diyos.

Ang Gintong Guya(K)

32 Nang(L) makita ng bayan na nagtatagal si Moises ng pagpanaog sa bundok, ay nagtipon ang bayan kay Aaron, at sinabi sa kanya, “Tumindig ka at igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat ang Moises na ito na naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.”

At sinabi ni Aaron sa kanila, “Alisin ninyo ang mga hikaw na ginto na nasa tainga ng inyu-inyong asawa, ng inyong mga anak na lalaki at babae, at dalhin ninyo sa akin.”

Kaya't inalis ng buong bayan ang mga hikaw na ginto na nasa kanilang mga tainga, at dinala ang mga ito kay Aaron.

Kanyang(M) tinanggap ang ginto mula sa kanila at hinubog ito sa pamamagitan ng isang kagamitang panlilok, at ginawang isang hinulmang guya. At kanilang sinabi, “Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!”

Nang makita ito ni Aaron, nagtayo siya ng isang dambana sa harapan niyon. Nagpahayag si Aaron at sinabi, “Bukas ay isang pista sa Panginoon.”

Kinaumagahan,(N) sila'y bumangon nang maaga, nag-alay ng mga handog na sinusunog at nagdala ng mga handog pangkapayapaan; at ang taong-bayan ay naupo upang kumain at mag-inuman at bumangon upang magkatuwaan.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka agad! Ang iyong bayan na inilabas mo mula sa lupain ng Ehipto ay nagpapakasama.

Sila'y madaling lumihis sa daan na aking iniutos sa kanila. Sila'y gumawa ng isang hinulmang guya at kanilang sinamba, at hinandugan ito, at kanilang sinabi, ‘Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!’”

At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Aking nakita ang bayang ito, napakatigas ng kanilang ulo.

10 Kaya ngayo'y hayaan mo ako upang ang aking poot ay mag-alab laban sa kanila, at aking lipulin sila. Ngunit ikaw ay aking gagawing isang dakilang bansa.”

11 Ngunit(O) nagsumamo si Moises sa Panginoon niyang Diyos, at sinabi, “ Panginoon, bakit ang iyong poot ay pinag-aalab mo laban sa iyong bayan na iyong inilabas sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay?

12 Bakit kailangang sabihin ng mga Ehipcio, ‘Dahil sa masamang layunin ay kanyang inilabas sila upang patayin sila sa mga bundok, at upang lipulin sila mula sa balat ng lupa?’ Iurong mo ang iyong mabangis na poot, at baguhin mo ang iyong isip sa kasamaang ito laban sa iyong bayan.

13 Alalahanin(P) mo si Abraham, si Isaac, at si Israel na iyong mga lingkod. Sa kanila ay sumumpa ka sa iyong sarili, at sinabi mo sa kanila, ‘Aking pararamihin ang inyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at lahat ng lupaing ito na aking ipinangako ay aking ibibigay sa inyong binhi, at kanilang mamanahin ito magpakailanman.’”

14 At nagbago ang isip ng Panginoon sa masama na kanyang sinabing gagawin niya sa kanyang bayan.

Nagalit si Moises

15 Si Moises ay tumalikod at bumaba sa bundok, dala ang dalawang tapyas ng tipan sa kanyang mga kamay, mga tapyas na may sulat sa magkabilang panig niyon, sa isang panig at sa kabilang panig ay nakasulat ang mga iyon.

16 Ang mga tapyas ay gawa ng Diyos, at ang sulat ay sulat ng Diyos, na nakaukit sa mga tapyas.

17 Nang marinig ni Josue ang ingay ng bayan habang sila'y nagsisigawan, sinabi niya kay Moises, “May ingay ng digmaan sa kampo.”

18 Ngunit kanyang sinabi, “Hindi iyon ingay ng sigaw ng pagtatagumpay, o ingay man ng sigaw ng pagkatalo, kundi ingay ng mga umaawit ang aking naririnig.”

19 Nang makalapit siya sa kampo, at kanyang makita ang guya at ang pagsasayawan, ang galit ni Moises ay nag-alab, at kanyang ibinato ang mga tapyas na nasa kanyang mga kamay at binasag ang mga ito sa paanan ng bundok.

20 Kanyang kinuha ang guya na kanilang ginawa, sinunog ng apoy, giniling hanggang sa naging pulbos, isinaboy sa tubig, at ipinainom sa mga anak ni Israel.

21 At sinabi ni Moises kay Aaron, “Anong ginawa ng bayang ito sa iyo, na dinalhan mo sila ng isang malaking kasalanan?”

22 Sinabi ni Aaron, “Huwag mag-alab ang galit ng aking Panginoon; kilala mo ang taong-bayan, na sila'y mahilig sa kasamaan.

23 Sapagkat kanilang sinabi sa akin, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol sa Moises na ito, ang lalaking naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.’

24 At aking sinabi sa kanila, ‘Sinumang may ginto ay hubarin ito,’ at kanila namang ibinigay sa akin, at aking inihagis sa apoy at lumabas ang guyang ito!”

Pinarusahan ang mga Tao

25 Nang makita ni Moises na ang bayan ay nagwawala (sapagkat pinabayaan sila ni Aaron na magwala, sa kanilang kahihiyan sa gitna ng kanilang mga kaaway),

26 tumayo si Moises sa pintuan ng kampo, at nagsabi, “Sino ang nasa panig ng Panginoon? Lumapit kayo sa akin.” At lahat ng mga anak ni Levi ay nagtipon sa kanya.

27 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, ‘Ilagay ng bawat lalaki ang kanyang tabak sa kanyang tagiliran. Humayo kayong paroo't parito sa mga pintuan sa buong kampo, at patayin ng bawat lalaki ang kanyang kapatid na lalaki, ng bawat lalaki ang kanyang kasama, at ng bawat lalaki ang kanyang kapwa.’”

28 Ginawa ng mga anak ni Levi ang ayon sa salita ni Moises; at nabuwal ang halos tatlong libong katao sa mamamayan nang araw na iyon.

29 Sinabi ni Moises, “Itinalaga ninyo ang inyong sarili ngayon sa paglilingkod sa Panginoon, bawat isa sa halaga ng kanyang anak na lalaki o kapatid na lalaki, kaya't kayo ay nagdala sa inyo ng pagpapala sa araw na ito.”

30 Kinabukasan, sinabi ni Moises sa bayan, “Kayo'y nagkasala ng malaking kasalanan. Ngayo'y aakyat ako sa Panginoon; marahil ay aking matutubos ang inyong kasalanan.”

31 Kaya't bumalik si Moises sa Panginoon, at sinabi, “O, ang bayang ito'y nagkasala ng malaking kasalanan; at gumawa sila para sa kanilang sarili ng mga diyos na ginto.

32 Ngunit(Q) ngayon, kung maaari ay patawarin mo ang kanilang kasalanan—at kung hindi, ay burahin mo ako sa aklat na isinulat mo.”

33 Ngunit sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang sinumang nagkasala laban sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat.

34 Subalit ngayo'y humayo ka, iyong pangunahan ang bayan patungo sa dakong aking sinabi sa iyo; ang aking anghel ay hahayo sa unahan mo. Gayunman kapag dumating ang araw ng pagpaparusa, aking parurusahan sila sa kanilang mga kasalanan.”

35 At ang Panginoon ay nagpadala ng isang salot sa bayan, sapagkat kanilang ginawa ang guya—yaong ginawa ni Aaron.

Lumayo ang Panginoon sa Israel

33 Sinabi(R) ng Panginoon kay Moises, “Humayo ka, umakyat ka mula rito, ikaw at ang bayan na iyong inilabas mula sa lupain ng Ehipto, patungo sa lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob, na aking sinasabi, ‘Sa iyong mga anak at inapo ay aking ibibigay iyon!’

Magsusugo ako ng isang anghel sa unahan mo, at aking palalayasin ang mga Cananeo, mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo.

Pumunta ka sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, ngunit hindi ako pupuntang kasama ninyo, baka ikaw ay lipulin ko sa daan, sapagkat ikaw ay isang bayang matigas ang ulo.”

Nang marinig ng taong-bayan ang masasamang balitang ito ay tumangis sila, at walang taong nagsuot ng kanyang mga palamuti.

Sapagkat sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kayo'y isang bayang matigas ang ulo; kung ako'y aakyat na kasama ninyo nang sandali, ay malilipol ko kayo. Kaya't ngayo'y alisin ninyo ang inyong mga palamuti upang aking malaman kung ano ang aking gagawin sa inyo.’”

Kaya't hinubad ng mga anak ni Israel ang kanilang mga palamuti, magmula sa bundok ng Horeb.

Kinaugalian na ni Moises na dalhin ang tolda at itayo sa labas ng kampo, na malayo sa kampo; kanyang tinawag iyon na toldang tipanan. At bawat maghanap sa Panginoon ay lumalabas patungo sa toldang tipanan, na nasa labas ng kampo.

Kapag si Moises ay lumalabas patungo sa toldang tipanan, ang buong bayan ay tumatayo, bawat lalaki sa pintuan ng kanyang tolda at pinanonood si Moises hanggang sa makapasok siya sa tolda.

At kapag si Moises ay pumapasok sa tolda, bumababa ang haliging ulap at tumitigil sa pintuan ng tolda, at ang Panginoon ay nakikipag-usap kay Moises.

10 Kapag nakikita ng buong bayan na ang haliging ulap ay tumitigil sa pintuan ng tolda, ang buong bayan ay tumitindig at sumasamba, bawat isa sa pintuan ng kanyang tolda.

11 Sa gayon nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises nang mukhaan, gaya ng pakikipag-usap ng isang tao sa kanyang kaibigan. Kapag siya'y bumabalik uli sa kampo, ang kanyang lingkod na si Josue, anak ni Nun, na may kabataan pa, ay hindi umaalis sa tolda.

Si Moises ay Nakipag-usap sa Panginoon

12 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Tingnan mo, iyong sinasabi sa akin, ‘Dalhin mo ang bayang ito,’ ngunit hindi mo ipinakilala sa akin kung sino ang susuguin mo na kasama ko. Gayunma'y iyong sinabi, ‘Aking nakikilala ka sa pangalan, at ikaw rin naman ay nakatagpo ng biyaya sa aking paningin.’

13 Ngayon, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin ay ituro mo sa akin ngayon ang iyong mga daan, upang ikaw ay aking makilala, at ako'y makatagpo ng biyaya sa iyong paningin. Alalahanin mo rin na ang bansang ito ay iyong bayan.”

14 Kanyang sinabi, “Ako'y sasaiyo, at ikaw ay aking bibigyan ng kapahingahan.”

15 At sinabi niya sa kanya, “Kung ikaw ay hindi sasaakin, huwag mo na kaming paahunin mula rito.

16 Sapagkat paano ngayon malalaman na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, ako at ang iyong bayan? Hindi ba dahil sa ikaw ay lumalakad na kasama namin, kaya't kami ay naiiba, ako at ang iyong bayan, sa lahat ng bayan sa balat ng lupa?”

17 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Gagawin ko ang bagay na ito na iyong sinabi, sapagkat ikaw ay nakatagpo ng biyaya sa aking paningin, at ikaw ay aking nakikilala sa pangalan.”

18 Sinabi ni Moises, “Hinihiling ko sa iyo na ipakita mo sa akin ang iyong kaluwalhatian.”

19 At(S) kanyang sinabi, “Aking pararaanin ang lahat kong kabutihan sa harapan mo, at aking ipahahayag ang aking pangalang ‘Ang Panginoon’[d] sa harapan mo. Ako'y magkakaloob ng biyaya sa kaninumang aking ibig pagkalooban, at ako'y magpapakita ng habag sa kaninumang aking ibig kahabagan.

20 Ngunit, kanyang sinabi, “Hindi mo maaaring makita ang aking mukha; sapagkat hindi ako maaaring makita ng tao at siya'y mabubuhay.”

21 At sinabi ng Panginoon, “Masdan mo, may isang dako sa tabi ko, at ikaw ay tatayo sa ibabaw ng bato;

22 at samantalang ang aking kaluwalhatian ay dumaraan, aking ilalagay ka sa isang bitak ng bato, at tatakpan kita ng aking kamay hanggang sa ako'y makaraan.

23 Pagkatapos, aking aalisin ang aking kamay, at iyong makikita ang aking likod; subalit ang aking mukha ay hindi makikita.”

Ginawang Muli ang Dalawang Tapyas(T)

34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tumabas ka ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una, at aking isusulat sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas na iyong binasag.

Maghanda ka sa kinaumagahan, at umakyat ka kinaumagahan sa bundok ng Sinai at humarap ka sa akin doon sa tuktok ng bundok.

Walang sinumang aakyat na kasama mo, at huwag hayaang may makitang sinuman sa buong bundok; kahit ang mga kawan at ang mga baka ay huwag manginain sa harapan ng bundok na iyon.”

Kaya't si Moises ay tumabas ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una; kinaumagahan, siya ay bumangon nang maaga at umakyat sa bundok ng Sinai, gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanya, at hinawakan ang dalawang tapyas na bato.

Ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at tumayong kasama niya roon at ipinahayag ang pangalan ng Panginoon.

Ang(U) Panginoon ay nagdaan sa harapan niya, at nagpahayag,

“Ang Panginoon, ang Panginoon,
isang Diyos na puspos ng kahabagan at mapagpala,
hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan,
na nag-iingat ng wagas na pag-ibig para sa libu-libo,
nagpapatawad ng kasamaan, ng pagsuway, at ng kasalanan,
ngunit sa anumang paraan ay hindi ituturing na walang sala ang may sala;
na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama
sa mga anak,
at sa mga anak ng mga anak,
hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”

Nagmadali si Moises na itinungo ang kanyang ulo sa lupa at sumamba.

Kanyang sinabi, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, O Panginoon, ay ipahintulot nawa ng Panginoon, idinadalangin ko sa iyo, na humayo ka sa kalagitnaan namin. Bagaman ang bayang ito ay matigas ang ulo, ipatawad mo ang aming kasamaan at mga kasalanan, at tanggapin mo kami bilang iyong mana.”

Ang Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan(V)

10 At kanyang sinabi, “Ako ngayo'y nakikipagtipan. Sa harap ng iyong buong bayan ay gagawa ako ng mga kababalaghan na kailanma'y hindi ginawa sa buong lupa, o sa alinmang bansa; at ang buong bayan na kasama ay makakakita ng gawa ng Panginoon, sapagkat kakilakilabot na bagay ang aking gagawing kasama mo.

11 “Tuparin mo ang mga iniutos ko sa iyo sa araw na ito. Tingnan mo, aking pinalalayas sa harap mo ang mga Amoreo, mga Cananeo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Heveo, at ang mga Jebuseo.

12 Mag-ingat ka na huwag makipagtipan sa mga nakatira sa lupain na iyong patutunguhan, baka ito'y maging isang bitag sa gitna mo.

13 Inyong(W) wawasakin ang kanilang mga dambana, at sisirain ninyo ang kanilang mga haligi at inyong ibubuwal ang kanilang mga sagradong poste.[e]

14 Sapagkat hindi ka sasamba sa ibang diyos, sapagkat ang Panginoon na ang pangalan ay Mapanibughuin ay Diyos na mapanibughuin.

15 Huwag kang makipagtipan sa mga nakatira sa lupain, sapagkat kapag sila ay nagpapakasama sa kanilang mga diyos at naghahandog sa kanilang mga diyos, mayroon sa kanilang mag-aanyaya sa inyo, at ikaw ay kakain ng kanilang handog.

16 At iyong papag-asawahin ang iyong mga anak na lalaki sa kanilang mga anak na babae, at ang kanilang mga anak na babae na nagpapakasama sa kanilang mga diyos ay pasusunurin ang inyong mga anak na magpakasama sa kanilang mga diyos.

17 “Huwag(X) kang gagawa para sa iyo ng mga diyos na hinulma.”

Ang Batas ng Pangako

18 “Ang(Y) Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay iyong ipapangilin. Pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang pampaalsa na gaya ng iniutos ko sa iyo sa takdang panahon sa buwan ng Abib, sapagkat sa buwan ng Abib ay umalis ka sa Ehipto.

19 Ang(Z) lahat na nagbubukas ng bahay-bata ay akin, at gayundin ang lahat ng hayop na lalaki, ang panganay ng baka at ng tupa.

20 Ang(AA) panganay ng isang asno ay iyong tutubusin ng isang kordero, o kung hindi mo ito tutubusin ay iyong babaliin ang kanyang leeg. Lahat ng panganay sa iyong mga anak ay iyong tutubusin. At walang lalapit sa harapan ko na walang dala.

21 “Anim(AB) na araw na gagawa ka, ngunit sa ikapitong araw ay magpapahinga ka; sa panahon ng pagbubungkal at sa pag-aani ay magpapahinga ka.

22 Iyong(AC) ipapangilin ang Pista ng mga Sanlinggo, ang mga unang bunga ng pag-aani ng trigo, at ang kapistahan ng pagtitipon ng ani sa katapusan ng taon.

23 Tatlong ulit sa isang taon na haharap ang lahat ng iyong mga kalalakihan sa Panginoong Diyos, ang Diyos ng Israel.

24 Sapagkat palalayasin ko ang mga bansa sa harap mo at palalakihin ko ang iyong mga hangganan; at hindi pagnanasaan ng sinuman ang iyong lupain, kapag ikaw ay umaakyat upang humarap sa Panginoon mong Diyos, tatlong ulit sa isang taon.

25 “Huwag(AD) kang mag-aalay sa akin ng dugo ng handog na may pampaalsa; o magtitira man ng handog sa pista ng paskuwa hanggang sa kinaumagahan.

26 Ang(AE) pinakaunang bunga ng iyong lupa ay dadalhin mo sa bahay ng Panginoon mong Diyos. Huwag mong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina.”

27 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo ang mga salitang ito; ayon sa mga salitang ito ay nakipagtipan ako sa iyo at sa Israel.”

28 At siya'y naroon na kasama ng Panginoon, na apatnapung araw at apatnapung gabi; hindi siya kumain ng tinapay, o uminom man ng tubig. At isinulat niya sa mga tapyas ang mga salita ng tipan, ang sampung utos.

Nagliwanag ang Mukha ni Moises

29 Nang(AF) bumaba si Moises sa bundok ng Sinai, na dala ang dalawang tapyas na bato ng patotoo sa kamay niya habang bumababa siya sa bundok, ay hindi nalalaman ni Moises na ang balat ng kanyang mukha ay nagliliwanag dahil sa pakikipag-usap niya sa Diyos.

30 Nang makita ni Aaron at ng lahat ng mga anak ni Israel si Moises, ang balat ng kanyang mukha ay nagliliwanag at sila'y natakot na lumapit sa kanya.

31 Ngunit tinawag sila ni Moises; at si Aaron at ang lahat ng matatanda sa Israel ay nagbalik sa kanya at si Moises ay nagsalita sa kanila.

32 Pagkatapos, ang lahat ng mga anak ni Israel ay lumapit at kanyang ibinigay sa kanila sa pamamagitan ng utos ang lahat ng salita ng Panginoon na binigkas sa kanya sa bundok ng Sinai.

33 At pagkapagsalita sa kanila ni Moises ay naglagay siya ng isang talukbong sa kanyang mukha.

34 Subalit kapag si Moises ay pumapasok sa harapan ng Panginoon upang makipag-usap sa kanya ay nag-aalis siya ng talukbong hanggang siya'y makalabas; at nang siya'y lumabas ay kanyang sinabi sa mga anak ni Israel ang iniutos sa kanya.

35 Nakita ng mga anak ni Israel na ang balat ng mukha ni Moises ay nagliliwanag; at muling inilalagay ni Moises ang talukbong sa kanyang mukha, hanggang sa siya'y makapasok upang makipag-usap sa Diyos.[f]

Ang Batas Ukol sa Sabbath

35 Tinipon ni Moises ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel, at sinabi sa kanila, “Ito ang mga salita na iniutos ng Panginoon na inyong gagawin.

Anim(AG) na araw na gagawin ang gawain, subalit ang ikapitong araw ay banal na Sabbath na taimtim na pagpapahinga sa Panginoon; sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw na iyon ay papatayin.

Huwag kayong magpapaningas ng apoy sa lahat ng inyong tinitirhan sa araw ng Sabbath.”

Handog at mga Manggagawa sa Tabernakulo(AH)

Sinabi ni Moises sa buong sambayanan ng mga anak ni Israel, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon:

Kumuha kayo sa inyo ng isang handog para sa Panginoon; sinumang may mapagbigay na puso ay magdala ng handog sa Panginoon: ginto, pilak, at tanso;

lanang asul, kulay-ube at pula; hinabing pinong lino; balahibo ng kambing,

mga balat ng tupang lalaki na kinulayan ng pula, mga balat ng kambing; at kahoy na akasya,

langis para sa ilaw, mga pabango para sa langis na pambuhos at para sa mabangong insenso,

at mga batong onix, at mga batong pang-enggaste, para sa efod at para sa pektoral.

10 “Ang bawat taong may kakayahan sa inyo ay pumarito, at gawin ang lahat ng iniutos ng Panginoon:

11 ang tabernakulo, ang tolda at ang takip niyon, ang mga kawit at ang mga tabla niyon, ang mga biga, ang mga haligi at ang mga patungan niyon;

12 ang kaban kasama ang mga pasanan niyon, ang luklukan ng awa, at ang tabing;

13 ang hapag kasama ang mga pasanan niyon, at ang lahat ng kasangkapan niyon at ang tinapay na handog;

14 ang ilawan din para sa ilaw, kasama ang mga kasangkapan at ang mga ilawan niyon, at ang langis para sa ilaw;

15 at ang dambana ng insenso, kasama ang mga pasanan niyon, ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso, at ang tabing para sa pintuan na nasa pasukan ng tabernakulo;

16 ang dambana ng handog na sinusunog, at ang parilyang tanso niyon, ang mga pasanan niyon, lahat ng mga kasangkapan niyon, ang hugasan at ang patungan niyon.

17 Ang mga tabing sa bulwagan, ang mga haligi at ang mga patungan ng mga iyon, at ang tabing sa pasukan ng bulwagan;

18 ang mga tulos ng tabernakulo, ang mga tulos ng bulwagan, at ang mga lubid ng mga iyon;

19 ang mga kasuotang ginawang mainam para sa pangangasiwa sa dakong banal, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, para sa kanilang paglilingkod bilang mga pari.”

20 Pagkatapos, ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel ay umalis sa harap ni Moises.

21 At sila'y dumating, ang lahat ng taong napukaw ang kalooban, at lahat ng pinakilos ng kanyang espiritu at nagdala ng handog sa Panginoon upang gamitin sa toldang tipanan, at para sa lahat ng paglilingkod doon at para sa mga banal na kasuotan.

22 Kaya't sila'y naparoon, mga lalaki at mga babae, ang lahat na mayroong kusang loob, at nagdala ng mga aspile, mga hikaw, mga singsing na pantatak, mga pulseras, at sari-saring alahas na ginto; samakatuwid, lahat na nag-alay ng handog na ginto sa Panginoon.

23 At bawat taong may telang asul, o kulay-ube, o pula, o pinong lino, o balahibo ng mga kambing, o balat ng mga tupa na kinulayan ng pula, o mga balat ng kambing ay nagdala ng mga iyon.

24 Ang lahat na nakapaghandog ng handog na pilak at tanso ay nagdala ng handog sa Panginoon at lahat ng taong may kahoy na akasya na magagamit sa anumang gawain ay nagdala nito.

25 Lahat ng mga babaing may kakayahan ay naghabi sa pamamagitan ng kanilang mga kamay, at dinala ang kanilang mga hinabi na telang asul, kulay-ube at pula, at hinabing pinong lino.

26 Lahat ng mga babae na ang mga puso ay pinakilos na may kakayahan ay naghabi ng balahibo ng kambing.

27 At ang mga pinuno ay nagdala ng mga batong onix, mga batong pang-enggaste para sa efod at sa pektoral,

28 ng mga pabango at langis para sa ilawan at para sa langis na pambuhos, at para sa mabangong insenso.

29 Lahat ng lalaki at babae ng mga anak ni Israel na ang puso'y nagpakilos sa kanila na magdala ng anuman para sa gawain na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na gawin ay nagdala ng mga iyon bilang kusang-loob na handog sa Panginoon.

Ang Manggagawa ay Tinawag(AI)

30 Sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel, “Tingnan ninyo, tinawag ng Panginoon sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda.

31 Kanyang pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, ng kakayahan, katalinuhan, kaalaman, at kahusayan sa lahat ng sari-saring gawain;

32 upang gumawa ng magagandang dibuho, gumawa sa ginto, sa pilak, at sa tanso,

33 sa pagputol ng mga batong pang-enggaste, at sa pag-ukit sa kahoy, upang gumawa sa lahat ng mahuhusay na gawa.

34 At kanyang kinasihan siya upang makapagturo, siya at gayundin si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan.

35 Sila'y kanyang pinuspos ng kakayahan upang gumawa ng lahat ng sari-saring gawa ng tagaukit o ng tagakatha o mambuburda sa telang asul, kulay-ube, pula, at sa hinabing pinong lino, o ng manghahabi, ng mga gumagawa ng anumang gawain, at ng mga kumakatha ng magagandang disenyo.

36 Sina Bezaleel at Aholiab at lahat ng mahuhusay na lalaki na pinagkalooban ng Panginoon ng kakayahan at katalinuhan na malaman kung paanong gumawa ng lahat ng gawain sa pagtatayo ng santuwaryo ay gagawa ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon.”

Ang mga Handog ay Tinanggap

Tinawag ni Moises sina Bezaleel at Aholiab, at lahat ng marurunong na pinagkalooban ng Panginoon ng kakayahan, lahat ng may pusong napukaw na pumaroon upang gawin ang gawain;

at kanilang tinanggap mula kay Moises ang lahat ng handog na dinala ng mga anak ni Israel na magagamit sa gawang paglilingkod sa santuwaryo upang gawin. Kanilang patuloy silang dinalhan ng kusang handog tuwing umaga,

kaya't dumating ang lahat ng mga taong may kakayahan na gumagawa ng lahat na gawain sa santuwaryo, na bawat isa'y mula sa kanyang gawain na kanyang ginagawa,

at kanilang sinabi kay Moises, “Ang bayan ay nagdadala nang higit kaysa kailangan sa gawaing iniutos ng Panginoon na ating gawin.”

Kaya't si Moises ay nagbigay ng utos at ipinahayag nila sa buong kampo na sinasabi, “Huwag nang gumawa ang lalaki o babae man ng anumang higit pa para sa handog sa santuwaryo.” Kaya't pinigilan ang taong-bayan sa pagdadala;

sapagkat ang nadala nila ay sapat na sa paggawa ng lahat ng gagawin, at higit pa.

Ang Paggawa ng Tabing(AJ)

Lahat ng mga bihasang lalaki sa mga manggagawa ay gumawa ng tabernakulo na may sampung tabing; gawa ang mga ito sa hinabing pinong lino, asul, kulay-ube, at pulang tela na may mga kerubin na ginawa ng bihasang manggagawa.

Ang haba ng bawat tabing ay dalawampu't walong siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; lahat ng tabing ay magkakapareho ang sukat.

10 Pinagkabit-kabit niya ang limang tabing at ang iba pang limang tabing ay pinagkabit-kabit niya.

11 Siya'y gumawa ng mga silong asul sa gilid ng tabing, sa gilid ng pinakadulong tabing ng unang pangkat, gayundin ang ginawa niya sa mga gilid ng tabing na nasa dulo ng ikalawang pangkat.

12 Limampung silo ang ginawa niya sa isang tabing, at limampung silo ang ginawa niya sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pangkat: ang mga silo ay magkakatapat sa isa't isa.

13 Siya'y gumawa ng limampung kawit na ginto, at pinagdugtong ang mga tabing sa isa't isa sa pamamagitan ng mga kawit; sa gayo'y naging isa ang tabernakulo.

14 Gumawa rin siya ng mga tabing na balahibo ng mga kambing para sa tolda na nasa ibabaw ng tabernakulo; labing-isang tabing ang ginawa niya.

15 Ang haba ng bawat tabing ay tatlumpung siko, at apat na siko ang luwang ng bawat tabing; ang labing-isang tabing ay magkakapareho ng sukat.

16 Kanyang pinagdugtong ang limang tabing at ang anim na tabing ay bukod.

17 Siya'y gumawa ng limampung silo sa gilid ng unang tabing, na nasa dulo ng pagkakadugtong, at limampung silo ang ginawa niya sa gilid ng tabing na nasa dulo ng ikalawang pagkakadugtong.

18 Siya'y gumawa ng limampung kawit na tanso upang pagdugtung-dugtungin ang tolda, upang ang mga iyon ay maging isa.

19 Siya'y gumawa ng isang pantakip sa tolda na balat ng mga tupa na kinulayan ng pula, at ng isang takip na balat ng kambing sa ibabaw.

Ang Paggawa ng Tabla at Biga; ng Lambong; at ng Kaban

20 Siya'y gumawa ng mga patayong haliging yari sa kahoy na akasya para sa tabernakulo.

21 Sampung siko ang haba ng isang haligi, at isang siko't kalahati ang luwang ng bawat haligi.

22 Bawat haligi ay mayroong dalawang mitsa na nagdudugtong sa isa't isa; gayon ang ginawa niya sa lahat ng haligi ng tabernakulo.

23 At kanyang iginawa ng mga haligi ang tabernakulo: dalawampung haligi sa gawing timog;

24 at siya'y gumawa ng apatnapung patungang pilak sa ilalim ng dalawampung haligi: dalawang patungan sa ilalim ng isang tabla na ukol sa kanyang dalawang mitsa; at dalawang tuntungan sa ilalim ng isang tabla na ukol sa kanyang dalawang mitsa.

25 Sa ikalawang panig ng tabernakulo sa dakong hilaga ay gumawa siya ng dalawampung haligi.

26 At ng kanilang apatnapung patungang pilak; dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng ibang haligi.

27 At sa dakong hulihan, sa gawing kanluran ng tabernakulo ay gumawa siya ng anim na haligi.

28 Dalawang haligi ang ginawa niya para sa mga sulok ng tabernakulo sa dakong hulihan.

29 At ang mga iyon ay magkahiwalay sa ilalim ngunit magkakabit at nauugnay na mainam sa itaas, sa unang argolya. Gayon ang ginawa niya sa dalawa para sa dalawang sulok.

30 Mayroong walong tabla at ang mga patungang pilak ay labing-anim na patungan; sa ilalim ng bawat tabla ay may dalawang patungan.

31 At siya'y gumawa ng mga bigang kahoy na akasya; lima sa mga tabla ng isang panig ng tabernakulo,

32 at limang biga sa mga tabla ng kabilang panig ng tabernakulo, at limang biga sa mga tabla ng tabernakulo sa dakong hulihan pakanluran.

33 Kanyang pinaraan ang gitnang biga sa gitna ng mga tabla, mula sa isang dulo hanggang sa kabila.

34 Kanyang binalot ang mga tabla ng ginto, at gumawa ng mga gintong argolya na mga daraanan ng mga biga, at binalot ang mga biga ng ginto.

35 Kanyang ginawa ang lambong na telang asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na may mga kerubin na gawa ng bihasang manggagawa.

36 At kanyang iginawa iyon ng apat na haliging akasya, at binalot ang mga ito ng ginto, ang kanilang mga kawit ay ginto rin at naghulma siya para sa mga ito ng apat na patungang pilak.

37 Kanya ring iginawa ng tabing ang pintuan ng tolda ng telang asul, kulay-ube at pula, hinabing pinong lino, na ginawa ng mambuburda;

38 at iginawa niya ng limang haligi kasama ang kanilang mga kawit. Kanyang binalot ang mga kapitel at ang kanilang mga pilete ng ginto; at ang kanilang limang patungan ay tanso.

37 Ginawa ni Bezaleel ang kaban na yari sa kahoy na akasya; dalawang siko at kalahati ang haba niyon, at isang siko't kalahati ang luwang at may isang siko at kalahati ang taas niyon.

Kanyang binalot iyon ng lantay na ginto sa loob at sa labas, at iginawa ng isang moldeng ginto sa palibot.

Naghulma siya para dito ng apat na argolyang ginto, sa apat na sulok niyon; dalawang argolya sa isang tagiliran, at dalawang argolya sa kabilang tagiliran.

Siya'y gumawa ng mga pasanang kahoy na akasya, at binalutan ang mga ito ng ginto.

Isinuot niya ang mga pasanan sa mga argolya, sa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban.

Gumawa rin siya ng isang luklukan ng awa na lantay na ginto na dalawang siko at kalahati ang haba, at isang siko at kalahati ang luwang.

Siya'y gumawa ng dalawang kerubing yari sa pinitpit na ginto; sa dalawang dulo ng luklukan ng awa niya ginawa ang mga ito,

isang kerubin sa isang dulo, at isang kerubin sa kabilang dulo; na kaisang piraso ng luklukan ng awa ginawa niya ang mga kerubin sa dalawang dulo.

Ibinubuka ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak paitaas, na nalililiman ng kanilang mga pakpak ang luklukan ng awa, magkakaharap ang kanilang mga mukha; nakaharap sa dakong luklukan ng awa ang mga mukha ng mga kerubin.

Ang Paggawa ng Hapag(AK)

10 Ginawa rin niya ang hapag na yari sa kahoy na akasya, na dalawang siko ang haba at isang siko ang luwang at isang siko at kalahati ang taas niyon.

11 Binalot niya iyon ng lantay na ginto, at iginawa niya ng isang moldeng ginto sa palibot.

12 Iginawa niya iyon ng isang gilid na isang dangkal ang luwang sa palibot, at iginawa ng isang moldeng ginto ang gilid sa palibot.

13 Naghulma siya para doon ng apat na argolyang ginto at inilagay ang mga argolya sa apat na sulok na ukol sa apat na paa niyon.

14 Malapit sa gilid ang mga argolya, na daraanan ng mga pasanan upang mabuhat ang hapag.

15 Ginawa niya ang mga pasanang kahoy na akasya at binalot ng ginto, upang mabuhat ang hapag.

16 At ginawa niyang lantay na ginto ang mga kasangkapang nasa ibabaw ng hapag, ang mga pinggan niyon at ang mga kutsaron niyon, at ang mga tasa niyon, at ang mga kopa niyon na ginagamit sa inuming handog.

Ang Paggawa ng Ilawan(AL)

17 Kanya ring ginawa ang ilawan na lantay na ginto. Ang patungan at ang haligi ng ilawan ay ginawa sa pinitpit na metal; ang mga kopa niyon, ang mga usbong, at ang mga bulaklak niyon ay iisang piraso.

18 May anim na sangang lumalabas sa mga tagiliran niyon; ang tatlong sanga ng ilawan ay sa isang tagiliran, at ang tatlong sanga ng ilawan ay sa kabilang tagiliran;

19 tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa isang sanga, isang usbong at bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang usbong at isang bulaklak—gayon nga sa anim na sangang lumalabas sa ilawan.

20 At sa ilawan mismo ay may apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, kasama ang mga usbong niyon, at ng mga bulaklak niyon,

21 at isang usbong na kakabit niyon sa ilalim ng bawat pares na sanga na lumalabas doon.

22 Ang mga usbong at ang mga sanga ay iisang piraso ng ilawan; ang kabuuan nito ay isang piraso na yari sa pinitpit na lantay na ginto.

23 Kanyang ginawa ang pitong ilawan niyon, at ang mga sipit at ang mga pinggan niyon, na lantay na ginto.

24 Ginawa niya iyon at ang lahat ng mga kasangkapan niyon mula sa isang talentong lantay na ginto.

Ang Paggawa ng Dambana ng Insenso(AM)

25 At kanyang ginawa ang dambana ng insenso na yari sa kahoy na akasya; isang siko ang haba at isang siko ang luwang niyon; parisukat iyon, at dalawang siko ang taas; ang mga sungay niyon ay kaisang piraso niyon.

26 Kanyang binalot iyon ng lantay na ginto, ang ibabaw niyon, at ang mga tagiliran niyon sa palibot, ang mga sungay niyon at kanyang iginawa ng isang moldeng ginto sa palibot.

27 Iginawa niya iyon ng dalawang gintong argolya sa ilalim ng molde, sa dakong itaas ng dalawang panig, sa ibabaw ng dalawang panig, na pagsusuotan ng mga pasanan upang mabuhat.

28 Gumawa siya ng mga pasanang kahoy na akasya, at binalot ang mga ito ng ginto.

29 Ginawa(AN) rin niya ang banal na langis na pambuhos, at ang purong mabangong insenso ayon sa timpla ng manggagawa ng pabango.

Ang Paggawa ng Dambana ng Handog na Sinusunog(AO)

38 Ginawa rin niya ang dambana ng handog na sinusunog na yari sa kahoy na akasya: limang siko ang haba at limang siko ang luwang niyon, parisukat; at tatlong siko ang taas.

Kanyang iginawa ng mga sungay iyon sa ibabaw ng apat na sulok niyon; ang mga sungay niyon ay kaisang piraso niyon; at kanyang binalot iyon ng tanso.

Kanyang ginawa ang lahat ng mga kasangkapan ng dambana, ang mga palayok, ang mga pala, ang mga palanggana, ang malalaking tinidor, at ang mga apuyan: lahat ng mga kasangkapan ay kanyang ginawang yari sa tanso.

At kanyang iginawa ang dambana ng isang parilya, na sala-salang tanso, sa ilalim ng gilid ng dambana, na umaabot hanggang sa kalahatian paibaba.

Siya ay naghulma ng apat na argolya para sa apat na sulok ng parilyang tanso, bilang suotan ng mga pasanan;

ginawa niya ang mga pasanan na yari sa kahoy na akasya, at binalot ng tanso ang mga ito.

Kanyang isinuot ang mga pasanan sa mga argolya na nasa mga tagiliran ng dambana, upang mabuhat iyon; ginawa niya itong may guwang na may mga tabla.

Kanyang(AP) ginawa ang hugasang yari sa tanso, at ang patungan niyon ay tanso, mula sa mga salamin ng mga babaing lingkod na naglilingkod sa pintuan ng toldang tipanan.

Kanyang ginawa ang bulwagan, sa gawing timog ang mga tabing ng bulwagan ay mga hinabing pinong lino na may isang daang siko.

10 Ang mga haligi ng mga iyon ay dalawampu, at ang mga patungan ay dalawampu, yari sa tanso; ang mga kawit ng mga haligi at ang mga kawit ay pilak.

11 Sa dakong hilaga ay isang daang siko, ang mga haligi ay dalawampu, at ang mga patungan ay dalawampu, yari sa tanso; ang mga kawit ng mga haligi at ang mga panali ay pilak.

12 At sa gawing kanluran ay may mga tabing na may limampung siko, ang mga haligi ay sampu, at ang mga patungan ay sampu; ang mga kawit ng mga haligi at ang mga panali ay pilak.

13 Sa harapan hanggang gawing silangan ay may limampung siko.

14 Ang mga tabing sa isang dako ng pintuan ay labinlimang siko; ang mga haligi ay tatlo, at ang mga patungan ay tatlo;

15 gayundin sa kabilang dako—sa dakong ito at sa dakong iyon ng pintuan ng bulwagan ay may mga tabing na tiglalabinlimang siko; ang mga haligi niyon ay tatlo, at ang mga patungan niyon ay tatlo.

16 Lahat ng mga tabing ng bulwagan sa palibot ay pinong lino.

17 Ang mga patungan para sa mga haligi ay tanso, ngunit ang mga kawit ng mga haligi at ang mga panali ay pilak; at ang mga balot ng mga itaas ay pilak; at ang lahat ng haligi ng bulwagan ay may taling pilak.

18 At ang tabing sa pasukan ng bulwagan ay binurdahan na telang asul, kulay-ube at pula, at pinong lino at may dalawampung siko ang haba, ang luwang ay may limang siko, na kasukat ng mga tabing sa bulwagan.

19 Ang mga haligi ay apat, at ang mga patungan ay apat, tanso; ang mga kawit ay pilak, at ang mga balot ng itaas nito, at ang mga panali ay pilak.

20 At lahat ng mga tulos ng tabernakulo, at ng bulwagan sa palibot ay tanso.

Ang Kabuuan ng Nagamit na Metal

21 Ito ang kabuuan ng mga bagay sa tabernakulo, ang tabernakulo ng patotoo, ayon sa pagbilang nila, alinsunod sa utos ni Moises para sa paglilingkod ng mga Levita sa pangunguna ni Itamar na anak ng paring si Aaron.

22 Ginawa ni Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda, ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

23 At kasama niya si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan, na mang-uukit, at bihasang manggagawa, at mambuburda sa telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino.

24 Lahat ng ginto na ginamit sa buong gawain sa santuwaryo, samakatuwid ay ang gintong handog, ay dalawampu't siyam na talento, at pitong daan at tatlumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo.

25 Ang(AQ) pilak mula sa kapisanan na binilang ay sandaang talento, at isang libo't pitong daan at pitumpu't limang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo:

26 tig-isang(AR) beka bawat ulo, samakatuwid, kalahati ng isang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo, sa bawat isa na nasali sa mga nabilang, magmula sa dalawampung taong gulang pataas, sa anim na raan at tatlong libo at limang daan at limampung lalaki.

27 Ang isandaang talentong pilak ay ginamit sa pagbubuo ng mga patungan ng santuwaryo, at ng mga patungan ng mga haligi ng tabing; sandaang patungan sa sandaang talento, isang talento sa bawat patungan.

28 Sa isang libo't pitong daan at pitumpu't limang siklo ay naigawa ng kawit ang mga haligi at binalot ang mga itaas, at iginawa ng mga panali.

29 Ang tansong ipinagkaloob ay pitumpung talento, at dalawang libo at apatnaraang siklo,

30 na siyang ginawang mga patungan sa pintuan ng toldang tipanan, at ng dambanang tanso, at ng parilyang tanso niyon, at ng lahat ng kasangkapan ng dambana,

31 at ng mga tungtungan ng bulwagan sa palibot, at ng mga patungan sa pintuan ng bulwagan, at ng lahat ng mga tulos ng tabernakulo, at ng lahat ng mga tulos ng bulwagan sa palibot.

39 Sa telang asul, kulay-ube, at pula ay gumawa sila ng mga kasuotang mahusay ang pagkayari para sa pangangasiwa sa dakong banal; kanilang ginawa ang mga banal na kasuotan para kay Aaron; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Paggawa ng Efod, Pektoral, at ng Balabal(AS)

Kanyang ginawa ang efod na ginto, na telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino.

At kanilang pinukpok ang ginto na pinanipis na pahaba at pinutol na ginawang kawad na ginto, upang itahi sa telang asul, sa kulay-ube, sa pula, at sa lino na gawa ng bihasang manggagawa.

Kanilang iginawa ang efod ng mga pambalikat, na magkakabit sa dalawang dulo.

Ang pamigkis na mainam ang pagkayari na nasa ibabaw ng efod upang ibigkis, ay kaputol at gaya ng pagkayari ng efod—ginto, telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Kanilang ginawa ang mga batong onix na pinalibutan ng ginto, na ayos ukit ng isang pantatak, ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel.

Kanyang inilagay sa ibabaw ng pambalikat ng efod upang maging mga batong pang-alaala para sa mga anak ni Israel; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Kanyang ginawa ang pektoral, na gawa ng bihasang manggagawa, gaya ng pagkayari ng efod—ginto, at telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino.

Parisukat iyon; ang pektoral ay doble, isang dangkal ang haba at isang dangkal ang luwang niyon, kapag nakatiklop.

10 Kanilang nilagyan ito ng apat na hanay na mga bato: isang hanay sa sardio, topacio, at karbungko na siyang unang hanay.

11 Ang ikalawang hanay ay isang esmeralda, isang zafiro, at isang diamante.

12 Ang ikatlong hanay ay isang jacinto, isang agata, at isang ametista.

13 Ang ikaapat na hanay ay isang berilo, isang onix, at isang jaspe, na natatakpan ng mga enggasteng ginto sa kanilang mga pagkakakalupkop.

14 Mayroong labindalawang bato na may mga pangalan ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel; ang mga iyon ay gaya ng mga singsing-pantatak, bawat isa'y may nakaukit na pangalan na ukol sa labindalawang lipi.

15 At kanilang iginawa ang pektoral ng mga tanikalang parang tirintas, na yari sa lantay na ginto.

16 Sila'y gumawa ng dalawang pangkalupkop na ginto, at ng dalawang singsing na ginto; at inilagay ang dalawang singsing sa dalawang dulo ng pektoral.

17 Kanilang ikinabit ang dalawang tanikalang lantay na ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral.

18 Ang ibang dalawang dulo ng dalawang tanikalang ayos singsing ay kanilang ikinabit sa dalawang pangkalupkop, at ikinabit sa mga pambalikat ng efod sa dakong harapan niyon.

19 Sila'y gumawa pa ng dalawang singsing na ginto at inilagay sa dalawang sulok ng pektoral sa gilid niyon, na nasa dakong loob ng efod.

20 Sila'y gumawa ng dalawang singsing na ginto at ikinabit sa dakong ibaba ng dalawang pambalikat ng efod, sa may harapan na malapit sa pagkakadugtong, sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng efod.

21 Kanilang itinali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing, sa mga singsing ng efod ng isang panaling kulay asul upang mamalagi sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng efod; upang ang pektoral ay hindi matanggal mula sa efod gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

22 Kanyang ginawa ang balabal ng efod na hinabing lahat sa kulay asul;

23 at ang butas ng balabal ay gaya ng sa kasuotan, na may tahi sa palibot ng pinakaleeg upang huwag mapunit.

24 Kanilang ginawan ang mga palda ng balabal ng mga granadang telang asul, kulay-ube, pula, at pinong lino.

25 Sila'y gumawa rin ng mga kampanilyang yari sa lantay na ginto, at inilagay ang mga kampanilya sa pagitan ng mga granada sa ibabaw ng palda ng balabal sa palibot, sa pagitan ng mga granada;

26 isang kampanilya at isang granada, isang kampanilya at isang granada sa ibabaw ng palda ng balabal sa palibot para sa paglilingkod; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

27 Ginawa rin nila ang mga tunika na hinabi mula sa pinong lino, para kay Aaron at sa kanyang mga anak,

28 at ang turbanteng yari sa pinong lino, at ang mga gora na yari sa pinong lino, at ang mga salawal na lino na yari sa hinabing pinong lino,

29 at ang bigkis na yari sa hinabing pinong lino, telang asul at kulay-ube, at pula na gawa ng mambuburda; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

30 Kanilang ginawa ang plata ng banal na korona na lantay na ginto, at nilagyan ito ng sulat na tulad ng ukit ng isang singsing na pantatak: “Banal sa Panginoon.”

31 Kanilang tinalian ito ng isang panaling asul, upang ilapat sa ibabaw ng turbante; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Sinuri ni Moises ang Pagkagawa(AT)

32 Gayon natapos ang lahat ng paggawa sa tabernakulo ng toldang tipanan; at ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises; gayon ang ginawa nila.

33 At kanilang dinala ang tabernakulo kay Moises, ang tolda, at ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang mga kawit, ang mga tabla, ang mga biga, ang mga haligi, at ang mga patungan;

34 ang takip na mga balat ng mga tupa na kinulayan ng pula, at ang takip na balat ng mga kambing, at ang lambong na pantabing;

35 ang kaban ng patotoo at ang mga pasanan niyon, at ang luklukan ng awa;

36 ang hapag pati ang lahat ng mga kasangkapan niyon, at ang tinapay na handog;

37 ang ilawan na dalisay na ginto, ang mga ilaw niyon, at ang mga lalagyan ng ilaw, at lahat ng mga kasangkapan niyon, at ang langis na para sa ilaw;

38 ang dambanang ginto, ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso, at ang tabing para sa pintuan ng tolda;

39 ang dambanang tanso, ang parilyang tanso niyon, ang mga pasanan at ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang lababo at ang patungan niyon;

40 ang mga tabing ng bulwagan, ang mga haligi niyon, at ang mga patungan at ang tabing na para sa pintuan ng bulwagan, ang mga panali, at ang mga tulos, at lahat ng mga kasangkapan sa paglilingkod sa tabernakulo, para sa toldang tipanan;

41 ang mga kasuotang mainam ang pagkagawa para sa pangangasiwa sa dakong banal, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, upang maglingkod bilang mga pari.

42 Ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises, gayon ginawa ng mga anak ni Israel ang lahat ng gawa.

43 At nakita ni Moises ang lahat ng gawain at kanilang ginawa iyon; kung paanong iniutos ng Panginoon ay gayon nila ginawa. At binasbasan sila ni Moises.

Itinayo ang Tabernakulo

40 At nagsalita ang Panginoon kay Moises na sinasabi,

“Sa unang araw ng unang buwan ay iyong itatayo ang tabernakulo ng toldang tipanan.

Iyong ilalagay doon ang kaban ng patotoo, at iyong tatabingan ng lambong ang kaban.

Iyong ipapasok ang hapag, at iyong aayusin ang mga bagay na nasa ibabaw niyon; at iyong ipapasok ang ilawan at iyong iaayos ang mga ilaw niyon.

At iyong ilalagay ang dambanang ginto para sa insenso sa harap ng kaban ng patotoo, at ilalagay mo ang tabing para sa pintuan ng tabernakulo.

Iyong ilalagay ang dambana ng handog na sinusunog sa harap ng pintuan ng tabernakulo ng toldang tipanan.

Ilagay mo ang lababo sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at iyong sisidlan iyon ng tubig.

Iyong ilalagay ang bulwagan sa palibot, at ibibitin mo ang tabing sa pintuan ng bulwagan.

Pagkatapos ay kukunin mo ang langis na pambuhos at bubuhusan mo ang tabernakulo at ang lahat na naroon, at iyong pakakabanalin, at ang lahat ng kasangkapan niyon ay magiging banal.

10 Bubuhusan mo rin ng langis ang dambana ng handog na sinusunog at ang lahat ng kasangkapan niyon, at iyong pakakabanalin ang dambana at ang dambana ay magiging kabanal-banalan.

11 Bubuhusan mo rin ng langis ang lababo at ang patungan nito, at iyong pakakabanalin.

12 Iyong dadalhin si Aaron at ang kanyang mga anak sa pintuan ng toldang tipanan, at iyong huhugasan ng tubig.

13 Iyong isusuot kay Aaron ang mga banal na kasuotan; at iyong bubuhusan siya ng langis at iyong pababanalin siya, upang ako'y mapaglingkuran niya bilang pari.

14 Pagkatapos ay iyong dadalhin ang kanyang mga anak at iyong susuotan sila ng mga kasuotan:

15 Iyong bubuhusan sila ng langis gaya ng iyong pagbubuhos sa kanilang ama, upang sila'y makapaglingkod sa akin bilang pari, at ang pagbubuhos sa kanila ay maging para sa walang hanggang pagkapari sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi.”

16 Gayon nga ang ginawa ni Moises, ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon sa kanya, gayon ang kanyang ginawa.

17 Sa unang buwan ng ikalawang taon, ng unang araw ng buwan, ang tabernakulo ay itinayo.

18 Itinayo ni Moises ang tabernakulo, inilagay niya ang mga saligan, at ipinatong ang malalaking tabla, at isinuot ang mga biga, at itinayo ang mga haligi niyon.

19 Kanyang inilatag ang tolda sa ibabaw ng tabernakulo, at kanyang inilagay ang takip ng tabernakulo sa itaas ng ibabaw niyon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

20 Kanyang kinuha ang patotoo at inilagay ito sa loob ng kaban, at kanyang inilagay ang mga pasanan sa kaban, at kanyang inilagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban:

21 Kanyang ipinasok ang kaban sa tabernakulo, at inayos ang kurtinang pantabing, at tinabingan ang kaban ng patotoo; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

22 Kanyang inilagay ang hapag sa loob ng toldang tipanan, sa dakong hilaga ng tabernakulo, sa labas ng tabing.

23 Kanyang inayos ang tinapay sa ibabaw ng hapag sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

24 Kanyang inilagay ang ilawan sa toldang tipanan, sa tapat ng hapag, sa gawing timog ng tabernakulo.

25 Kanyang sinindihan ang mga ilaw sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

26 Kanyang inilagay ang dambanang ginto sa loob ng toldang tipanan sa harap ng lambong.

27 Siya'y nagsunog doon ng mabangong insenso; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

28 Kanyang inilagay ang tabing para sa pintuan ng tabernakulo.

29 Kanyang inilagay ang dambana ng handog na sinusunog sa pintuan ng toldang tipanan, at nag-alay doon ng handog na sinusunog, at ng handog na harina; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

30 Kanyang inilagay ang lababo sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at sinidlan ng tubig upang paghugasan.

31 Si Moises at si Aaron at ang kanyang mga anak ay nagsipaghugas doon ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga paa;

32 kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan at kapag sila'y lumalapit sa dambana ay naghuhugas sila; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

33 At kanyang inilagay ang bulwagan sa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at iniayos ang tabing ng pintuan ng bulwagan. Gayon tinapos ni Moises ang gawain.

Ang Ulap sa Ibabaw ng Tabernakulo(AU)

34 Pagkatapos(AV) ay tinakpan ng ulap ang toldang tipanan at pinuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang tabernakulo.

35 Si Moises ay hindi makapasok sa toldang tipanan, sapagkat nanatili sa ibabaw niyon ang ulap, at pinuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon ang tabernakulo.

36 Kapag ang ulap ay napapaitaas mula sa tabernakulo ay nagpapatuloy ang mga anak ni Israel sa kanilang paglalakbay.

37 Subalit kapag ang ulap ay hindi napapaitaas ay hindi sila naglalakbay hanggang sa araw na iyon ay pumaitaas.

38 Sapagkat sa kanilang buong paglalakbay ang ulap ng Panginoon ay nasa ibabaw ng tabernakulo sa araw, at may apoy sa loob niyon sa gabi, sa paningin ng buong sambahayan ng Israel.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001