Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 40:12-50:26

12 At sinabi ni Jose sa kanya, “Ito ang kahulugan niyon: ang tatlong sanga ay tatlong araw.

13 Sa loob ng tatlong araw ay itataas ng Faraon ang iyong ulo, at ibabalik ka sa iyong katungkulan, at ibibigay mo ang kopa ni Faraon sa kanyang kamay, gaya ng karaniwang dati mong ginagawa nang ikaw ay kanyang katiwala.

14 Subalit alalahanin mo ako kapag ikaw ay napabuti na, at hinihiling ko sa iyo na gumawa ka ng mabuti sa akin, at banggitin mo ako sa Faraon, at ako'y ilabas mo sa bahay na ito.

15 Ako'y tunay na ninakaw sa lupain ng mga Hebreo, at dito naman ay wala akong ginagawang anuman upang ako'y ilagay nila sa bilangguan.”

16 Nang makita ng puno ng mga panadero na ang kahulugan ay mabuti ay sinabi niya kay Jose, “Ako'y nanaginip din, at may tatlong kaing ng maputing tinapay ang nasa ibabaw ng aking ulo.

17 Sa ibabaw ng kaing ay naroon ang lahat ng uri ng pagkain para sa Faraon. Subalit ito ay kinakain ng mga ibon mula sa kaing na nasa ibabaw ng aking ulo.”

18 Si Jose ay sumagot, “Ito ang kahulugan niyon: ang tatlong kaing ay tatlong araw.

19 Sa loob ng tatlong araw ay itataas ng Faraon ang iyong ulo, at ibibitin ka sa isang punungkahoy, at kakainin ng mga ibon ang iyong laman.”

20 Nang ikatlong araw, na siyang kapanganakan ng Faraon, gumawa siya ng isang handaan para sa lahat ng kanyang mga lingkod. Ipinatawag niya[a] ang puno ng mga katiwala ng kopa, at ang puno ng mga panadero.

21 At ibinalik niya ang puno ng mga katiwala ng kopa sa kanyang pagiging katiwala ng kopa, at ibinigay niya ang kopa sa kamay ng Faraon.

22 Subalit ang puno ng mga panadero ay ibinitin niya, gaya ng ipinakahulugan sa kanila ni Jose.

23 Gayunma'y hindi na naalala si Jose ng puno ng mga katiwala ng kopa, kundi nakalimutan siya.

Ipinaliwanag ni Jose ang Panaginip ng Hari

41 Sa katapusan ng dalawang taon, ang Faraon ay nanaginip na siya'y nakatayo sa tabi ng Nilo.

May umahon sa ilog na pitong bakang magaganda ang anyo at matataba at ang mga ito ay kumain ng damo.

Pagkatapos nito, sa likuran ng mga ito ay may pito pang ibang mga baka na umahon sa ilog na mga pangit ang anyo at payat; at sila ay nagsihinto sa tabi ng mga unang baka sa pampang ng ilog.

Ang pitong bakang magaganda ang anyo at matataba ay kinain ng mga bakang pangit ang anyo at payat. At nagising ang Faraon.

Siya'y natulog at nanaginip sa ikalawang pagkakataon; mula sa iisang tangkay ay umusbong ang pitong uhay na mabibintog at malulusog.

Pagkatapos nito, pitong uhay na payat at tinuyo ng hanging silangan ang tumubong kasunod ng mga iyon.

Nilamon ng mga uhay na payat ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. Nagising ang Faraon, at iyon ay isang panaginip.

Kinaumagahan,(A) ang kanyang diwa ay nabagabag at siya'y nagpasugo at ipinatawag ang lahat ng salamangkero at mga pantas sa Ehipto. Isinalaysay ng Faraon sa kanila ang kanyang panaginip, subalit walang makapagpaliwanag sa Faraon.

Nang magkagayon ay nagsalita sa Faraon ang puno ng mga katiwala ng kopa na sinasabi, “Naaalala ko sa araw na ito ang aking pagkakasala.

10 Nang ang Faraon ay nagalit sa kanyang mga lingkod, ibinilanggo niya ako sa bahay ng kapitan ng bantay, ako at ang puno ng mga panadero.

11 Isang gabi, kami ay nanaginip, siya at ako. Kami ay nagkaroon ng kanya-kanyang panaginip na may kanya-kanyang kahulugan.

12 Doon ay kasama namin ang isang binata, isang Hebreo, na alipin ng kapitan ng bantay. Nang sabihin namin sa kanya ay ipinaliwanag niya sa amin ang aming panaginip; ipinaliwanag niya ang kahulugan ayon sa panaginip ng bawat isa sa amin.

13 At nangyari nga sa amin ang ayon sa kanyang ipinaliwanag sa amin; ako'y ibinalik sa aking katungkulan, at ang panadero ay ipinabitay.”

14 Kaya't nagpasugo ang Faraon at ipinatawag si Jose, at madali siyang inilabas sa bilangguan. At nang siya'y makapag-ahit at makapagpalit ng damit ay pumunta sa Faraon.

15 At sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako'y nanaginip at walang makapagpaliwanag nito. Nabalitaan ko na pagkarinig mo ng isang panaginip ay naipapaliwanag mo.”

16 Sumagot si Jose sa Faraon, na sinasabi, “Hindi ako, ang Diyos ang sasagot sa kapayapaan ng Faraon.”

17 Pagkatapos ay sinabi ng Faraon kay Jose, “Sa aking panaginip ay nakatayo ako sa pampang ng Nilo;

18 may umahon sa ilog na pitong bakang matataba at magaganda ang anyo, at kumain ng damo.

19 Pagkatapos nito, may ibang pitong baka na nagsiahon sa likuran nila, mga payat, at napakapangit ang anyo, at payat na kailanma'y hindi ako nakakita sa buong lupain ng Ehipto ng kagaya ng mga iyon sa kapangitan.

20 Kinain ng mga bakang payat at pangit ang pitong nauunang bakang matataba.

21 Nang makain na nila ang mga iyon ay walang makapagsasabi na kinain nila ang mga iyon sapagkat ang kanilang anyo ay pangit ding gaya ng una. At nagising ako.

22 Nakakita rin ako sa aking panaginip ng pitong uhay na umuusbong sa isang tangkay, mabibintog at malulusog;

23 at pitong uhay na lanta, payat at tinuyo ng hanging silangan ang umuusbong na kasunod ng mga iyon.

24 Nilamon ng mga uhay na lanta ang pitong uhay na mabibintog. Isinalaysay ko ito sa mga salamangkero, subalit walang makapagpaliwanag ng kahulugan niyon sa akin.”

25 Kaya't sinabi ni Jose sa Faraon, “Ang panaginip ng Faraon ay iisa; ipinakita ng Diyos sa Faraon ang malapit na niyang gawin.

26 Ang pitong malulusog na baka ay pitong taon; at ang pitong mabibintog na uhay ay pitong taon. Ito ay iisang panaginip.

27 At ang pitong payat at pangit na baka na umahong kasunod ng mga iyon ay pitong taon, gayundin ang pitong uhay na tinuyo ng hanging silangan; ang mga iyon ay pitong taong taggutom.

28 Ito ang aking sinabi sa Faraon. Ang malapit nang gawin ng Diyos ay ipinaalam niya sa Faraon.

29 Magkakaroon ng pitong taong kasaganaan sa buong lupain ng Ehipto.

30 Pagkatapos ng mga iyon, magkakaroon ng pitong taong taggutom at ang lahat ng kasaganaan sa lupain ng Ehipto ay malilimutan at sasalantain ng taggutom ang lupain.

31 Ang kasaganaan sa lupain ay hindi maaalala dahil sa taggutom na susunod; sapagkat ito'y magiging napakatindi.

32 Tungkol sa pag-uulit ng panaginip sa Faraon na makalawa, ito ay nangangahulugan na ang bagay ay itinatag ng Diyos, at iyon ay madali nang gawin ng Diyos.

33 Ngayon nga'y pahanapin ang Faraon ng isang taong matalino at pantas at pamahalain siya sa lupain ng Ehipto.

34 Gawin ng Faraon na maglagay ng mga tagapamahala sa lupain, at kunin ang ikalimang bahagi ng bunga ng lupain ng Ehipto sa loob ng pitong taong kasaganaan.

35 Tipunin nilang lahat ang mga pagkain nitong dumarating na masasaganang taon, at ikamalig ang mga trigo sa ilalim ng kamay ng Faraon, bilang pagkain sa mga bayan, at itabi ang mga ito.

36 Ang pagkain ay maging laan para sa lupain sa pitong taong taggutom na mangyayari sa lupain ng Ehipto, upang huwag mapuksa ang lupain dahil sa taggutom.”

Ginawa si Jose na Tagapamahala ng Ehipto

37 Ang mungkahi ay ikinatuwa ng Faraon at ng kanyang mga lingkod.

38 Kaya't sinabi ng Faraon sa kanyang mga lingkod, “Makakakita kaya tayo ng isang taong kagaya nito, na kinakasihan ng espiritu ng Diyos?”

39 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Yamang itinuro sa iyo ng Diyos ang lahat ng ito, ay walang matalino o pantas na gaya mo.

40 Ikaw(B) ang magiging pinuno sa aking bahay, at ayon sa iyong salita ay susunod ang aking buong bayan; tanging tungkol lamang sa pagkahari magiging mataas ako kaysa iyo.”

41 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ikaw ay inatasan ko upang mamahala sa buong lupain ng Ehipto.”

42 Inalis(C) ng Faraon sa kamay niya ang kanyang singsing at inilagay sa kamay ni Jose, at siya'y sinuotan ng pinong lino at inilagay ang isang kuwintas na ginto sa kanyang leeg.

43 Siya'y pinasakay niya sa karwahe na para sa ikalawang pinakamataas na pinuno; at sila'y sumisigaw sa unahan niya, “Lumuhod kayo!” Sa gayo'y inilagay siya bilang puno sa buong lupain ng Ehipto.

44 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako ang Faraon, at kung walang pagsang-ayon mula sa iyo ay hindi magtataas ang sinumang tao ng kanyang kamay o ng kanyang paa sa buong lupain ng Ehipto.”

Ang Pag-aasawa ni Jose

45 Pinangalanan ng Faraon si Jose na Zafenat-panea, at ibinigay bilang asawa niya si Asenat, na anak ni Potifera, na pari sa On. Sa gayo'y nagkaroon si Jose ng kapangyarihan sa lupain ng Ehipto.

46 Si Jose ay tatlumpung taong gulang na nang magsimulang maglingkod sa Faraon na hari ng Ehipto. Si Jose ay umalis sa harapan ng Faraon, at nilibot ang buong lupain ng Ehipto.

47 Ang lupa ay nagbunga ng sagana sa loob ng pitong taon ng kasaganaan,

48 at tinipon niya ang lahat ng pagkain sa loob ng pitong taon na may kasaganaan sa lupain ng Ehipto, at inimbak ang pagkain sa mga bayan. Ang pagkain sa mga bukid na nasa palibot ng bawat bayan ay inimbak sa bawat bayan.

49 Si Jose ay nag-imbak ng napakaraming trigo na gaya ng buhangin sa dagat, hanggang sa huminto siya sa pagtatala nito, sapagkat hindi na ito mabilang.

50 Bago dumating ang taon ng taggutom ay ipinanganak kay Jose ang dalawang lalaki, na ipinanganak sa kanya ni Asenat na anak ni Potifera, na pari sa On.

51 Tinawag ni Jose ang pangalan ng panganay na Manases,[b] sapagkat sinabi niya, “Ipinalimot ng Diyos sa akin ang lahat ng aking paghihirap at ang buong sambahayan ng aking ama.”

52 At ang ipinangalan sa ikalawa ay Efraim[c] sapagkat sinabi niya, “Ako'y pinalago ng Diyos sa lupain ng aking pagdadalamhati.”

53 Ang pitong taon ng kasaganaan na nasa lupain ng Ehipto ay natapos.

54 Nang(D) ang pitong taon ng taggutom ay nagpasimulang dumating, ayon sa sinabi ni Jose, nagkagutom sa lahat ng lupain subalit sa buong lupain ng Ehipto ay may pagkain.[d]

55 Nang(E) ang buong lupain ng Ehipto ay nagutom, ang taong-bayan ay humingi ng pagkain sa Faraon. Kaya't sinabi ng Faraon sa lahat ng mga Ehipcio, “Pumunta kayo kay Jose; ang kanyang sabihin sa inyo ay inyong gawin.”

56 Yamang ang taggutom ay lumaganap sa buong lupain, binuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at ipinagbili sa mga Ehipcio, sapagkat matindi ang taggutom sa lupain ng Ehipto.

57 Bukod dito, lahat ng mga taga-ibang lupain ay dumating upang bumili ng trigo kay Jose sapagkat matindi ang taggutom sa buong daigdig.

Bumili ng Pagkain ang mga Kapatid ni Jose sa Ehipto

42 Nabalitaan ni Jacob na may trigo sa Ehipto, kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, “Bakit kayo nagtitinginan?”

Kanyang(F) sinabi, “Aking narinig na may trigo sa Ehipto. Bumaba kayo roon, at bumili kayo ng para sa atin, upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay.”

Kaya't ang sampung kapatid ni Jose ay bumaba upang bumili ng trigo sa Ehipto.

Subalit si Benjamin na kapatid ni Jose ay hindi pinasama ni Jacob sa kanyang mga kapatid, sapagkat sabi niya, “Baka may mangyaring kapahamakan sa kanya.”

Kaya't ang mga anak ni Israel ay kasama ng iba pang nagsidating upang bumili ng trigo, sapagkat ang taggutom ay nakarating na sa lupain ng Canaan.

Si Jose noon ang tagapamahala sa lupain. Siya ang nagbibili ng trigo sa lahat ng mga tao sa lupain. At dumating ang mga kapatid ni Jose at sila'y yumuko sa kanya na ang kanilang mga mukha ay nakasubsob sa lupa.

Nakita ni Jose ang kanyang mga kapatid at nakilala sila, subalit siya'y nagkunwaring iba sa kanila, at nagsalita ng marahas na mga bagay sa kanila. Sinabi niya sa kanila, “Saan kayo nanggaling?” Sinabi nila, “Mula sa lupain ng Canaan, upang bumili ng pagkain.”

Nakilala ni Jose ang kanyang mga kapatid, subalit siya'y hindi nila nakilala.

Naalala(G) ni Jose ang kanyang napanaginip tungkol sa kanila; at sinabi sa kanila, “Kayo'y mga espiya, naparito kayo upang tingnan ang kahubaran[e] ng lupain.”

10 Kanilang sinabi sa kanya, “Hindi, panginoon ko, kundi ang iyong mga lingkod ay nagsiparito upang bumili ng pagkain.

11 Kaming lahat ay mga anak ng isa lamang lalaki. Kami ay mga taong tapat; ang iyong mga lingkod ay hindi mga espiya.”

12 Kanyang sinabi sa kanila, “Hindi! Pumarito kayo upang tingnan ang kahubaran[f] ng lupain.”

13 Ngunit kanilang sinabi, “Kaming iyong mga lingkod ay labindalawang magkakapatid, na mga anak ng isa lamang lalaki sa lupain ng Canaan. Ang bunso ay nasa aming ama ngayon, at ang isa ay wala na.”

14 Sinabi sa kanila ni Jose, “Iyan ang sinabi ko sa inyo, ‘Kayo'y mga espiya!’

15 Sa pamamagitan nito ay masusubok kayo: Kung paanong nabubuhay si Faraon, hindi kayo aalis dito malibang pumarito ang inyong kapatid na bunso.

16 Suguin ninyo ang isa sa inyo at dalhin dito ang inyong kapatid, habang kayo ay nasa bilangguan upang masubok ang inyong mga salita, kung may katotohanan sa inyo; at kung wala, kung paanong nabubuhay ang Faraon, ay tunay na mga espiya nga kayo.”

17 Silang lahat ay kanyang inilagay na magkakasama sa bilangguan sa loob ng tatlong araw.

18 Nang ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Gawin ninyo ito at kayo'y mabubuhay; sapagkat may takot ako sa Diyos.

19 Kung kayo'y mga taong tapat, maiwan ang isa sa inyong magkakapatid kung saan kayo nakabilanggo; at ang iba ay humayo upang magdala ng trigo dahil sa taggutom sa inyong mga sambahayan.

20 Dalhin ninyo sa akin ang inyong kapatid na bunso; sa ganito'y mapapatotohanan ang inyong mga salita, at hindi kayo mamamatay.” At kanilang ginawa ang gayon.

21 Sinabi nila sa isa't isa, “Talagang tayo ay nagkasala dahil sa ating kapatid, sapagkat nakita natin ang kanyang pighati nang siya'y makiusap sa atin, ngunit hindi natin siya pinakinggan. Dahil dito'y dumating sa atin ang pighating ito.”

22 Si(H) Ruben ay sumagot sa kanila, “Hindi ba sinabi ko sa inyo, huwag kayong magkasala laban sa bata; at ayaw kayong makinig? Kaya ngayon ay dumating ang pagtutuos para sa kanyang dugo.”

23 Hindi nila nalalaman na naiintindihan sila ni Jose, yamang siya ay nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng isang tagapagsalin.

24 Kaya't siya'y lumayo sa kanila at umiyak; at siya'y bumalik at nakipag-usap sa kanila. Kinuha niya sa kanila si Simeon, at siya'y tinalian sa harapan ng kanilang mga paningin.

25 Ipinag-utos ni Jose na punuin ng trigo ang kanilang mga sisidlan at ibalik ang salapi ng bawat isa sa kanya-kanyang sako at sila'y bigyan ng mababaon sa daan. At ito ay ginawa para sa kanila.

26 Pagkatapos ay kanilang ipinapasan ang trigo sa kanilang mga asno at umalis mula roon.

27 Sa pagbubukas ng isa sa kanyang sako upang bigyan ng pagkain ang kanyang asno sa tuluyan, nakita niya ang kanyang salapi, at nakita niya na ito ay nasa ibabaw ng kanyang sako.

28 Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Ang salapi ko ay isinauli at tingnan din ninyo ang aking sako.” Sila'y nanlupaypay at bawat isa ay takot na nagsasabi sa kanyang kapatid, “Ano itong ginawa ng Diyos sa atin?”

29 Nang sila'y dumating kay Jacob na kanilang ama sa lupain ng Canaan, isinalaysay nila sa kanya ang lahat ng nangyari sa kanila, na sinasabi;

30 “Ang lalaking pinuno sa lupaing iyon ay marahas na kinausap kami at itinuring kaming mga espiya sa lupain.

31 Ngunit aming sinabi sa kanya, ‘Kami ay mga tapat, hindi kami mga espiya.

32 Kami ay labindalawang magkakapatid, mga anak ng aming ama; ang isa'y wala na, at ang bunso ay nasa aming ama ngayon sa lupain ng Canaan.’

33 Sinabi sa amin ng lalaking iyon na pinuno ng lupain, ‘Sa pamamagitan nito ay makikilala ko kung kayo'y mga tapat. Iwan ninyo sa akin ang isa sa inyong mga kapatid; umalis kayo at magdala ng butil para sa taggutom sa inyong mga sambahayan.

34 Dalhin ninyo rito sa akin ang inyong bunsong kapatid upang aking malaman na kayo'y hindi mga espiya, kundi kayo'y mga tapat. Saka ko isasauli sa inyo ang inyong kapatid at kayo'y makakapangalakal sa lupain.’”

Nakita ang Salapi sa Kanilang Sisidlan

35 Nang inaalisan nila ng laman ang kanilang mga sako, sa sako ng bawat isa ay nakalagay ang kanya-kanyang bungkos ng salapi. Nang makita nila at ng kanilang ama ang kanilang mga bungkos ng salapi, sila ay natakot.

36 Sinabi sa kanila ng kanilang amang si Jacob, “Pinangulila ninyo ako; si Jose ay wala na, at si Simeon ay wala na, at kukunin pa ninyo si Benjamin. Lahat ng ito ay nangyari sa akin!”

37 Nagsalita si Ruben sa kanyang ama, “Maaari mong ipapatay ang aking dalawang anak kung hindi ko siya maibabalik sa iyo. Ibigay mo siya sa akin at siya'y ibabalik ko sa iyo.”

38 Sinabi niya, “Hindi aalis ang aking anak na kasama ninyo sapagkat ang kanyang kapatid ay patay na, at siya na lamang ang natitira. Kung mangyari sa kanya ang anumang kapahamakan sa paglalakbay na inyong gagawin, ay pabababain nga ninyo ang aking mga uban na may kapanglawan sa Sheol.”

Bumabang Muli ang mga Kapatid ni Jose na Kasama si Benjamin

43 Noon ay matindi ang taggutom sa lupain.

Nang maubos na nilang kainin ang trigo na kanilang dinala mula sa Ehipto, sinabi sa kanila ng kanilang ama, “Bumalik kayo, bumili kayo ng kaunting pagkain para sa atin.”

Subalit sinabi ni Juda sa kanya, “Ang lalaking iyon ay mahigpit na nagbabala sa amin, na sinasabi, ‘Hindi ninyo makikita ang aking mukha malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.’

Kung pasasamahin mo sa amin ang aming kapatid, bababa kami at ibibili ka namin ng pagkain.

Subalit kapag hindi mo siya pinasama ay hindi kami bababa; sapagkat sinabi sa amin ng lalaki, ‘Hindi ninyo ako makikita malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.’”

Sinabi naman ni Israel, “Bakit ninyo ako ginawan ng ganitong kasamaan, na inyong sinabi sa lalaki na mayroon pa kayong ibang kapatid?”

Sila'y sumagot, “Ang lalaki ay masusing nagtanong tungkol sa amin at sa ating pamilya, na sinasabi, ‘Buháy pa ba ang inyong ama? May kapatid pa ba kayo?’ Sumagot kami sa kanyang mga tanong. Paano namin malalaman na kanyang sasabihin, ‘Dalhin ninyo rito ang inyong kapatid?’”

Sinabi ni Juda kay Israel na kanyang ama. “Pasamahin mo sa akin ang bata at hayaan mong kami ay makaalis na upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay—kami, ikaw, at ang aming mga anak.

Ako mismo ang mananagot para sa kanya. Maaari mo akong panagutin para sa kanya. Kapag hindi ko siya naibalik sa iyo at naiharap sa iyo, ako ang magpapasan ng sisi magpakailanman.

10 Sapagkat kung hindi sana tayo naantala, dalawang ulit na sana kaming nakabalik.”

11 Sinabi naman sa kanila ng kanilang amang si Israel, “Kung talagang gayon, gawin ninyo ito: magdala kayo sa inyong sisidlan ng mga piling bunga ng lupain, at dalhan ninyo ng handog ang lalaki ng kaunting mabangong langis at kaunting pulot, pabango, mira, mga pili at almendras.

12 Magdala rin kayo ng dobleng dami ng salapi; dalhin ninyong pabalik ang salaping isinauli nila sa ibabaw ng inyong mga sako. Marahil iyon ay hindi napansin.

13 Dalhin din ninyo ang inyong kapatid, at muli kayong maglakbay pabalik sa lalaking iyon.

14 Pagkalooban nawa kayo ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat ng awa sa harapan ng lalaking iyon upang ibalik sa inyo ang inyong isa pang kapatid at si Benjamin. At ako, kung ako'y mangulila, ako'y mangungulila.”

15 Kaya't dinala ng mga lalaki ang handog at ang dobleng dami ng salapi at si Benjamin. Sila'y pumunta sa Ehipto, at humarap kay Jose.

16 Nang makita ni Jose si Benjamin na kasama nila, ay sinabi niya sa katiwala ng kanyang bahay, “Dalhin mo ang mga lalaking iyan sa bahay, magpatay ka ng hayop, at ihanda mo; sapagkat ang mga lalaking iyan ay manananghaliang kasalo ko.”

17 Dinala ng katiwala ang mga lalaking iyon sa bahay ni Jose.

18 Ang mga lalaki ay natakot sapagkat sila'y dinala sa bahay ni Jose, at sinabi nila, “Dinala tayo rito dahil sa salaping isinauli sa ating mga sako noon, upang magkaroon siya ng pagkakataong dakpin tayo, at tayo'y kunin bilang mga alipin, pati ang ating mga asno.”

19 Kaya't sila'y lumapit sa katiwala ng bahay ni Jose at kinausap nila sa pintuan ng bahay.

20 Sinabi nila, “O panginoon ko, talagang kami ay bumaba noong una upang bumili ng pagkain.

21 Nang dumating kami sa tuluyan, binuksan namin ang aming mga sako, at naroon ang salapi ng bawat isa na nasa ibabaw ng kanya-kanyang sako, ang salapi namin sa tunay nitong timbang; kaya't ito ay muli naming dinala.

22 Nagdala rin kami ng karagdagang salapi upang ibili ng pagkain. Hindi namin nalalaman kung sino ang naglagay ng aming salapi sa aming mga sako.”

23 Siya'y sumagot, “Huwag kayong mag-alala o matakot man. Ang Diyos ninyo at ang Diyos ng inyong ama ang nagbigay sa inyo ng kayamanang nasa inyong mga sako; tinanggap ko ang inyong salapi.” Pagkatapos ay dinala niya si Simeon sa kanila.

24 Nang dalhin ng katiwala[g] ang mga lalaki sa bahay ni Jose, at sila'y mabigyan ng tubig, at makapaghugas ng kanilang mga paa, at mabigyan ng pagkain ang kanilang mga asno,

25 ay inihanda nila ang regalo sa pagdating ni Jose sa tanghali, sapagkat kanilang narinig na doon sila magsisikain.

26 Nang dumating si Jose sa bahay, dinala nila sa kanya ang regalo na dinala nila sa loob ng bahay at sila'y nagpatirapa sa harapan niya.

27 Kanyang tinanong sila tungkol sa kanilang kalagayan, at sinabi, “Mayroon bang kapayapaan ang inyong ama, ang matanda na inyong sinabi? Buháy pa ba siya?”

28 Kanilang sinabi, “Mayroong kapayapaan sa iyong lingkod, sa aming ama, siya ay buháy pa.” Sila'y nagsiyuko at nagpatirapa.

29 Tumingin siya at nakita niya ang kanyang kapatid na si Benjamin, ang anak ng kanyang ina, at kanyang sinabi, “Ito ba ang inyong bunsong kapatid na inyong sinabi sa akin?” Kanyang sinabi, “Pagpalain ka nawa ng Diyos, anak ko.”

30 Pagkatapos ay nagmadaling lumabas si Jose sapagkat nanaig ang kanyang pagmamahal sa kanyang kapatid. Humanap siya ng lugar na maiiyakan, pumasok sa loob ng silid, at umiyak doon.

31 Pagkatapos ay naghilamos siya, lumabas, nagpigil sa sarili, at nagsabi, “Maghain kayo ng pagkain.”[h]

32 Kanilang hinainan siya nang bukod, at sila naman ay bukod din, at ang mga Ehipcio na kumakaing kasama niya ay bukod, sapagkat ang mga Ehipcio ay hindi kumakaing kasalo ng mga Hebreo; sapagkat ito ay kasuklamsuklam sa mga Ehipcio.

33 Sila'y umupo sa harapan niya, ang panganay ayon sa kanyang pagkapanganay, at ang bunso ayon sa kanyang pagkabunso. At ang mga lalaki ay nagtinginan sa isa't isa na may pagkamangha.

34 Mula sa hapag ni Jose ay dinalhan sila ng mga pagkain, subalit ang pagkain ni Benjamin ay limang ulit na mas marami kaysa alinman sa kanila. Kaya't sila'y nag-inuman at nagkatuwaang kasama niya.

Ang Nawawalang Kopa

44 Iniutos niya sa katiwala ng kanyang bahay, “Punuin mo ng mga pagkain ang mga sako ng mga lalaking ito, hangga't madadala nila, at ilagay ang salapi ng bawat isa sa ibabaw ng kanyang sako.

Ilagay mo ang aking kopang pilak sa ibabaw ng sako ng bunso, at ang kanyang salapi para sa trigo.” Ginawa niya ang ayon sa sinabi ni Jose.

Nang nagliliwanag na ang umaga, isinugo na ang mga lalaki, kasama ang kanilang mga asno.

Nang sila'y makalabas na sa bayan, at hindi pa sila nakakalayo, sinabi ni Jose sa katiwala ng kanyang bahay, “Bumangon ka, habulin mo ang mga lalaki, at kapag sila'y inabutan mo, ay sabihin mo sa kanila, ‘Bakit ginantihan ninyo ng kasamaan ang kabutihan? Bakit ninyo ninakaw ang aking kopang pilak?[i]

Hindi ba ito ang kopang iniinuman ng aking panginoon, at sa pamamagitan nito siya ay nanghuhula? Kayo'y gumawa ng masama sa paggawa ng ganyan.’”

Nang kanyang abutan sila, kanyang sinabi sa kanila ang mga salitang ito.

Kanilang sinabi sa kanya, “Bakit sinabi ng aking panginoon ang mga salitang ito? Malayong gagawa ang iyong mga lingkod ng ganyang bagay.

Tingnan mo, ang salapi na aming natagpuan sa ibabaw ng aming mga sako ay aming isinauli sa iyo mula sa lupain ng Canaan. Paano naming mananakaw ang pilak at ginto sa bahay ng iyong panginoon?

Maging kanino man ito matagpuan sa iyong mga lingkod, siya ay mamatay, at pati kami ay magiging alipin ng aming panginoon.”

10 Kanyang sinabi, “Mangyari ayon sa inyong mga salita; maging kanino man ito matagpuan ay magiging aking alipin; at kayo'y pawawalang-sala.”

11 Nang magkagayo'y nagmadali sila, ibinaba ng bawat isa ang kanyang sako sa lupa, at binuksan ng bawat isa ang kanyang sako.

12 Kanyang sinaliksik, simula sa panganay hanggang sa bunso, at natagpuan ang kopa sa sako ni Benjamin.

13 Kaya't kanilang pinunit ang kanilang mga suot, at kinargahan ng bawat isa ang kanyang asno, at bumalik sa bayan.

14 Nang si Juda at ang kanyang mga kapatid ay dumating sa bahay ni Jose, siya'y nandoon pa, at sila'y nagpatirapa sa lupa sa harapan niya.

15 Sinabi ni Jose sa kanila, “Ano itong ginawa ninyo? Hindi ba ninyo nalalaman na ang isang taong gaya ko ay makapanghuhula?”

16 Sinabi ni Juda, “Anong aming sasabihin sa aming panginoon? Anong aming sasalitain? O paanong kami ay makakapangatuwiran? Natagpuan ng Diyos ang kasamaan ng iyong mga lingkod. Narito, kami ay mga alipin ng aming panginoon, kami pati na ang kinatagpuan ng kopa.”

17 At kanyang sinabi, “Malayo nawa sa akin ang gumawa nito; ang taong kinatagpuan ng kopa ay siyang magiging aking alipin, at kayo ay umuwing may kapayapaan sa inyong ama.”

Nakiusap si Juda para kay Benjamin

18 Nang magkagayo'y lumapit si Juda sa kanya, at sinabi, “O panginoon ko, pahintulutan mo ang iyong lingkod na magsalita sa pandinig ng aking panginoon, at huwag nawang magningas ang iyong galit laban sa iyong lingkod, sapagkat ikaw ay kagaya ng Faraon.

19 Tinanong ng aking panginoon ang kanyang mga lingkod, na sinasabi, ‘Kayo ba'y mayroong ama o kapatid?’

20 At aming sinabi sa aking panginoon, ‘Kami ay may ama, isang matanda, at isang anak sa kanyang katandaan, at ang kanyang kapatid ay patay na, at siya lamang ang naiwan ng kanyang ina, at minamahal siya ng kanyang ama.’

21 Sinabi mo sa iyong mga lingkod, ‘Dalhin ninyo siya sa akin, upang makita ko siya.’

22 Aming sinabi sa aking panginoon, ‘Hindi maiiwan ng bata ang kanyang ama, at kung iiwan niya ang kanyang ama, ang kanyang ama ay mamamatay.’

23 At sinabi mo sa iyong mga lingkod, ‘Kapag ang bunso ninyong kapatid ay hindi bumabang kasama ninyo, hindi na ninyo ako makikitang muli.’

24 Nang kami'y bumalik sa iyong lingkod na aking ama, aming sinabi sa kanya ang mga salita ng aking panginoon.

25 Nang sinabi ng aming ama, ‘Pumaroon kayong muli; bumili kayo ng kaunting pagkain para sa atin,’

26 ay aming sinabi, ‘Hindi kami makakababa. Kung ang aming bunsong kapatid ay kasama namin, ay bababa kami. Sapagkat hindi namin makikita ang mukha ng lalaking iyon, malibang ang aming bunsong kapatid ay kasama namin.’

27 Sinabi ng iyong lingkod na aming ama sa amin, ‘Nalalaman ninyo na ang aking asawa ay nagkaanak sa akin ng dalawang lalaki;

28 ang isa'y umalis sa akin, at aking sinabi, tiyak na siya'y nilapa; at hindi ko na siya nakita mula noon.

29 Kung inyong kukunin pa ang isang ito sa akin, at may mangyaring sakuna sa kanya, ay inyong ibababa ang aking uban sa Sheol na may kapanglawan.’

30 Kaya't ngayon, kung ako'y dumating sa iyong lingkod na aking ama, at ang bata ay hindi namin kasama, yamang ang kanyang buhay ay nakatali sa buhay ng batang iyan;

31 kapag kanyang nakitang ang bata ay di kasama, siya ay mamamatay at ibababa ng inyong mga lingkod ang mga uban ng iyong lingkod na aming ama sa Sheol na may kapanglawan.

32 Sapagkat ang iyong lingkod ang siyang naging panagot sa bata sa aking ama, na nagsasabi, ‘Kapag hindi ko siya dinala sa iyo, papasanin ko ang sisi ng aking ama magpakailanman.’

33 Kaya't ngayon, hinihiling ko na ipahintulot mo na ang iyong lingkod ang maiwan bilang isang alipin sa aking panginoon sa halip na ang bata at iyong ipahintulot na ang bata ay umahong kasama ng kanyang mga kapatid.

34 Sapagkat paano ako makakapunta sa aking ama kung ang bata'y hindi kasama? Takot akong makita ang kasamaang darating sa aking ama.”

Nagpakilala si Jose sa Kanyang mga Kapatid

45 Kaya't(I) hindi nakapagpigil si Jose sa harapan ng mga nakatayo sa tabi niya, at siya ay sumigaw, “Paalisin ninyo ang lahat ng tao sa aking harapan.” Kaya't walang taong nakatayo sa harapan niya nang si Jose ay magpakilala sa kanyang mga kapatid.

Siya'y umiyak nang malakas, at ito ay narinig ng mga Ehipcio at ng sambahayan ng Faraon.

Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako'y si Jose. Buháy pa ba ang aking ama?” Ang kanyang mga kapatid ay hindi makasagot sa kanya, sapagkat sila'y nanginig sa kanyang harapan.

Kaya't sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Lumapit kayo sa akin.” At sila'y lumapit, at kanyang sinabi, “Ako'y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili upang dalhin sa Ehipto.

Ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili sapagkat ako'y ipinagbili ninyo rito; sapagkat sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magligtas ng buhay.

Sapagkat ang taggutom ay dalawang taon na sa lupain; at limang taon pang hindi magkakaroon ng pagbubukid o pag-aani man.

Sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magpanatili para sa inyo ng mga matitira sa daigdig at upang panatilihing buháy para sa inyo ang maraming nakaligtas.

Kaya't hindi kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Diyos, at ginawa niya ako bilang ama kay Faraon, at bilang panginoon sa kanyang buong bahay, at tagapamahala ng buong lupain ng Ehipto.

Magmadali(J) kayo at pumunta kayo sa aking ama, at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng iyong anak na si Jose: Ginawa ako ng Diyos na panginoon sa buong Ehipto, pumarito ka sa akin, huwag kang magtagal.

10 Ikaw ay maninirahan sa lupain ng Goshen, at malalapit ka sa akin, ikaw at ang iyong mga anak, ang mga anak ng iyong mga anak, ang iyong mga kawan, mga bakahan, at ang iyong buong pag-aari.

11 At doo'y tutustusan kita, sapagkat may limang taong taggutom pa; baka ikaw, at ang iyong sambahayan, at ang lahat ng iyo ay maging dukha.’

12 Nakikita ng inyong mga mata at ng mga mata ng aking kapatid na si Benjamin, na ang bibig ko mismo ang nagsasalita sa inyo.

13 Inyong sabihin sa aking ama kung paanong ako'y iginagalang sa Ehipto, at ang lahat ng inyong nakita. Magmadali kayo at dalhin ninyo rito ang aking ama.”

14 Siya'y humilig sa leeg ng kanyang kapatid na si Benjamin, at umiyak; at si Benjamin ay umiyak sa kanyang leeg.

15 Kanyang hinagkan ang lahat niyang mga kapatid, at umiyak sa kanila; at pagkatapos ay nakipag-usap sa kanya ang kanyang mga kapatid.

16 Nang ang ulat ay naibalita sa sambahayan ng Faraon, “Dumating na ang mga kapatid ni Jose,” ito ay minabuti ni Faraon at ng kanyang mga lingkod.

17 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Sabihin mo sa iyong mga kapatid, ‘Gawin ninyo ito: Kargahan ninyo ang inyong mga hayop, humayo kayo at umuwi sa lupain ng Canaan.

18 Kunin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sambahayan, at pumarito kayo sa akin. Ibibigay ko sa inyo ang pinakamabuti sa lupain ng Ehipto, at inyong tamasahin ang katabaan ng lupain.’

19 Ngayo'y inuutusan ka, ‘Gawin mo ito: kumuha kayo ng mga karwahe sa lupain ng Ehipto para sa inyong mga anak, at sa inyong mga asawa, at kunin ninyo ang inyong ama at kayo'y pumarito.

20 Huwag na ninyong alalahanin pa ang inyong pag-aari, sapagkat ang pinakamabuti ng buong lupain ng Ehipto ay sa inyo.’”

21 Ganoon nga ang ginawa ng mga anak ni Israel, at ayon sa sinabi ng Faraon ay binigyan sila ni Jose ng mga karwahe, at ng mababaon sa daan.

22 Sa kanilang lahat ay nagbigay siya ng mga pampalit na bihisan; ngunit kay Benjamin ay nagbigay siya ng tatlong daang pirasong pilak, at limang pampalit na bihisan.

23 Sa kanyang ama ay nagpadala siya ng ganito: sampung asnong may pasang mabuting mga bagay mula sa Ehipto, at sampung babaing asno na may pasang trigo, tinapay, at pagkain ng kanyang ama sa daan.

24 Kaya't kanyang pinahayo ang kanyang mga kapatid, at sila'y umalis at kanyang sinabi sa kanila, “Huwag kayong mag-aaway sa daan.”

25 Sila'y umahon mula sa Ehipto, at dumating sa lupain ng Canaan, kay Jacob na kanilang ama.

26 Kanilang sinabi sa kanya, “Si Jose ay buháy pa! Sa katunaya'y siya ang pinuno sa buong lupain ng Ehipto.” Siya ay nabigla; hindi siya makapaniwala sa kanila.

27 Subalit nang kanilang sabihin sa kanya ang lahat ng mga salita na sinabi ni Jose sa kanila, at nang kanyang makita ang mga karwahe na ipinadala ni Jose upang dalhin siya, ay nanauli ang diwa ni Jacob na kanilang ama.

28 At sinabi ni Israel, “Sapat na! Si Jose na aking anak ay buháy pa. Dapat akong pumunta at makita siya bago ako mamatay.”

Si Jacob at ang Kanyang Angkan ay Pumunta sa Ehipto

46 Kaya't si Israel, dala ang lahat niyang pag-aari ay naglakbay at dumating sa Beer-seba, at doon ay nag-alay ng mga handog sa Diyos ng kanyang amang si Isaac.

Ang Diyos ay nagsalita kay Israel sa mga pangitain sa gabi, at sinabi, “Jacob, Jacob.” Sumagot siya, “Narito ako.”

Kanyang sinabi, “Ako ang Diyos, ang Diyos ng iyong ama; huwag kang matakot na pumunta sa Ehipto sapagkat doo'y gagawin kitang isang dakilang bansa.

Ako'y pupuntang kasama mo sa Ehipto, at muli rin kitang ibabalik; at isasara ng kamay ni Jose ang iyong mga mata.”

Kaya't naglakbay si Jacob mula sa Beer-seba at dinala ng mga anak ni Israel si Jacob na kanilang ama, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa, sa mga karwahe na ipinadala ng Faraon kay Jacob.

Kanilang(K) dinala rin ang kanilang mga hayop, ang mga pag-aari na kanilang natamo sa lupain ng Canaan, at dumating sa Ehipto si Jacob at ang lahat ng inapong kasama niya.

Ang kanyang mga anak na lalaki at babae, at ang mga anak na lalaki at babae ng kanyang mga anak na kasama niya, at ang kanyang buong binhi ay dinala niya sa Ehipto.

Ito ang mga pangalan ng mga Israelita, si Jacob at ang kanyang mga inapo na dumating sa Ehipto: si Ruben na anak na panganay ni Jacob.

Ang mga anak ni Ruben: sina Hanoc, Fallu, Hesron, at Carmi.

10 Ang mga anak ni Simeon: sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jakin, Zohar, at si Shaul na anak ng isang babaing taga-Canaan.

11 Ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat, at si Merari.

12 Ang mga anak ni Juda: sina Er, Onan, Shela, Perez, at si Zera; ngunit sina Er at Onan ay namatay sa lupain ng Canaan. At ang mga anak ni Perez ay sina Hesron at Hamul.

13 Ang mga anak ni Isacar: sina Tola, Pua, Job, at si Simron.

14 Ang mga anak ni Zebulon: sina Sered, Elon, at si Jalel

15 (ito ang mga anak ni Lea, na kanyang ipinanganak kay Jacob sa Padan-aram, kabilang dito ang kanyang anak na babaing si Dina. Ang lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay tatlumpu't tatlo).

16 Ang mga anak ni Gad: sina Zifion, Hagui, Suni, Ezbon, Eri, Arodi, at si Areli.

17 Ang mga anak ni Aser: sina Imna, Isva, Isui, Beriah, at Sera na kanilang kapatid na babae; at ang mga anak ni Beriah: sina Eber at Malkiel.

18 (ito ang mga anak ni Zilpa na siyang ibinigay ni Laban kay Lea na kanyang anak na babae, at ang mga ito ay kanyang ipinanganak kay Jacob, labing-anim na katao).

19 Ang mga anak ni Raquel na asawa ni Jacob: sina Jose at Benjamin.

20 At(L) kay Jose ay ipinanganak sa lupain ng Ehipto sina Manases at Efraim, na ipinanganak sa kanya ni Asenat, na anak ni Potifera na pari sa On.

21 At ang mga anak ni Benjamin: sina Bela, Beker, Asbel, Gera, Naaman, Ehi, Ros, Muppim, Hupim, at si Ard

22 (ito ang mga anak ni Raquel na ipinanganak kay Jacob: sa kabuuan ay labing-apat na katao).

23 Ang mga anak ni Dan: si Husim.

24 Ang mga anak ni Neftali: sina Jahzeel, Guni, Jeser, at si Shilem

25 (ito ang mga anak ni Bilha, na siyang ibinigay ni Laban kay Raquel na kanyang anak, at ang mga ito ang ipinanganak niya kay Jacob: sa kabuuan ay pitong katao).

26 Lahat ng taong sumama kay Jacob sa Ehipto, na kanyang sariling mga anak, bukod pa ang mga asawa ng mga anak ni Jacob, sa kabuuan ay animnapu't anim na katao.

27 Ang(M) mga anak ni Jose na ipinanganak sa kanya sa Ehipto ay dalawa; ang lahat ng tao sa sambahayan ni Jacob na pumunta sa Ehipto ay pitumpu.

28 At isinugo ni Israel si Juda kay Jose upang ituro ang daan patungo sa Goshen; at sila'y dumating sa lupain ng Goshen.

29 Inihanda ni Jose ang kanyang karwahe at umahon upang salubungin si Israel na kanyang ama sa Goshen. Siya'y humarap sa kanya, yumakap sa kanya, at umiyak nang matagal sa kanyang leeg.

30 Sinabi ni Israel kay Jose, “Ngayo'y hayaan na akong mamatay pagkatapos na makita kong[j] ikaw ay buháy pa.”

31 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid at sa sambahayan ng kanyang ama, “Ako'y aahon at sasabihin ko sa Faraon, ‘Ang aking mga kapatid, at ang sambahayan ng aking ama na nasa lupain ng Canaan ay pumarito sa akin;

32 ang mga lalaki ay mga pastol ng kawan sapagkat sila'y naging tagapag-alaga ng hayop, at kanilang dinala ang kanilang mga kawan, mga bakahan, at ang lahat nilang ari-arian.’

33 At kapag tinawag kayo ng Faraon, at sasabihin, ‘Ano ang inyong hanapbuhay?’

34 ay inyong sasabihin, ‘Ang iyong mga lingkod ay naging tagapag-alaga ng hayop mula sa aming pagkabata hanggang sa ngayon, kami at ang aming mga ninuno,’ upang kayo'y patirahin sa lupain ng Goshen, sapagkat bawat pastol ay kasuklamsuklam sa mga Ehipcio.”

Iniharap si Jacob sa Faraon

47 Kaya't pumunta si Jose sa Faraon at sinabi, “Ang aking ama, ang aking mga kapatid, ang kanilang mga kawan, mga bakahan, at ang lahat nilang pag-aari, ay dumating na mula sa lupain ng Canaan. Sila ngayon ay nasa lupain ng Goshen.”

Kumuha siya ng limang kalalakihan mula sa kanyang mga kapatid at kanyang iniharap sila sa Faraon.

Sinabi ng Faraon sa kanyang mga kapatid, “Ano ang inyong hanapbuhay?” At kanilang sinabi sa Faraon, “Ang iyong mga lingkod ay mga pastol, gaya ng aming mga ninuno.”

Kanilang sinabi sa Faraon, “Pumarito kami upang manirahan bilang dayuhan sa lupain. Walang pastulan para sa mga kawan na pag-aari ng iyong mga lingkod sapagkat ang taggutom ay matindi sa lupain ng Canaan. Ngayon ay pahintulutan mo na ang iyong mga lingkod ay manirahan sa lupain ng Goshen.”

Pagkatapos ay sinabi ng Faraon kay Jose, “Ang iyong ama at ang iyong mga kapatid ay pumarito sa iyo.

Ang lupain ng Ehipto ay nasa harapan mo; patirahin mo ang iyong ama at ang iyong mga kapatid sa pinakamabuti sa lupain, patirahin mo sila sa lupain ng Goshen at kung may alam ka sa kanilang may kakayahan, gawin mo silang mga tagapamahala ng aking mga hayop.”

Kaya't isinama ni Jose si Jacob na kanyang ama at pinatayo niya sa harapan ng Faraon, at binasbasan ni Jacob ang Faraon.

Sinabi ng Faraon kay Jacob, “Gaanong karami na ang mga araw ng mga taon ng iyong buhay?”

Sinabi ni Jacob sa Faraon, “Ang mga taon ng aking paninirahan sa lupa ay isandaan at tatlumpung taon; kakaunti at masasama ang naging mga taon ng aking buhay. Hindi iyon maihahambing sa mga taon ng buhay ng aking mga ninuno sa panahon ng kanilang mahabang pamumuhay.”

10 At binasbasan ni Jacob ang Faraon at umalis sa harapan ng Faraon.

11 Pinatira ni Jose ang kanyang ama at ang kanyang mga kapatid, at sila'y binigyan ng lugar sa lupain ng Ehipto, sa pinakamabuti sa lupain, sa lupain ng Rameses, gaya ng iniutos ng Faraon.

12 Binigyan ni Jose ng pagkain ang kanyang ama, ang kanyang mga kapatid, at ang buong sambahayan ng kanyang ama, ayon sa bilang ng kanilang mga anak.

Ang Taggutom at ang Bunga Noon

13 Noon ay walang pagkain sa buong lupain sapagkat matindi ang taggutom, at ang lupain ng Ehipto at ang lupain ng Canaan ay nanghina dahil sa taggutom.

14 Kaya't tinipon ni Jose ang lahat ng salapi na natagpuan sa lupain ng Ehipto at Canaan, kapalit ng trigong kanilang binibili at ipinasok ni Jose ang salapi sa bahay ng Faraon.

15 Nang ang salapi ay maubos nang lahat sa lupain ng Ehipto at Canaan, pumunta kay Jose ang lahat ng mga Ehipcio, at nagsabi, “Bigyan mo kami ng pagkain, bakit kami mamamatay sa iyong harapan? Sapagkat ang aming salapi ay naubos na.”

16 Sinabi ni Jose, “Ibigay ninyo ang inyong mga hayop; at bibigyan ko kayo kapalit ng inyong mga hayop, kung naubos na ang salapi.”

17 Kaya't dinala nila ang kanilang mga hayop kay Jose, at binigyan sila ni Jose ng pagkain kapalit ng mga kabayo, mga kawan, mga bakahan, at mga asno. Nang taong iyon, sila'y kanyang binigyan ng pagkain kapalit ng lahat nilang mga hayop.

18 Nang matapos ang taong iyon ay muli silang pumunta sa kanya nang ikalawang taon. Sinabi nila sa kanya, “Hindi namin maililihim sa aming panginoon na ang pilak at mga kawan ng hayop ay naubos na at ang mga kawan ng hayop ay sa aking panginoon na. Wala nang naiiwan sa paningin ng aking panginoon kundi ang aming katawan at ang aming mga lupain.

19 Dapat ba kaming mamatay sa inyong harapan, kami at ang aming lupain? Bilhin mo kami at ang aming mga lupain kapalit ng pagkain, at kami at ang aming lupain ay magiging mga alipin sa Faraon. Bigyan mo kami ng binhi, upang kami ay mabuhay at huwag mamatay, upang ang lupain ay huwag maging walang laman.”

20 Kaya't binili ni Jose ang buong lupain ng Ehipto para sa Faraon. Ipinagbili ng bawat isa sa mga Ehipcio ang kanyang bukid, sapagkat matindi para sa kanila ang taggutom. Kaya't ang lupain ay naging sa Faraon.

21 At tungkol sa mga tao, kanyang ginawa silang mga alipin mula sa isang dulo ng hangganan ng Ehipto hanggang sa kabilang dulo.

22 Tanging ang lupa lamang ng mga pari ang hindi niya binili, sapagkat ang Faraon ay nagtakda ng bahagi para sa mga pari at karaniwang kumakain sila mula sa bahagi na ibinibigay sa kanila ng Faraon. Dahil dito, hindi nila ipinagbili ang kanilang lupa.

23 Nang magkagayo'y sinabi ni Jose sa bayan, “Ngayo'y binili ko kayo sa araw na ito at ang inyong mga lupa para sa Faraon. Narito ang binhi para sa inyo; hasikan ninyo ang lupa.

24 Sa panahon ng inyong pag-aani ay ibibigay ninyo ang ikalimang bahagi sa Faraon, at ang apat na bahagi ay para sa inyo, para sa binhi sa bukid at bilang pagkain ninyo, ng inyong mga kasambahay, at ng inyong mga anak.”

25 Kanilang sinabi, “Iniligtas mo ang aming buhay; kung gugustuhin ng aking panginoon, kami ay magiging mga alipin ng Faraon.”

26 Kaya't ginawang kautusan ni Jose sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito na ang ikalimang bahagi ay para kay Faraon. Tanging ang lupa ng mga pari ang hindi naging kay Faraon.

Huling Pakiusap ni Jacob

27 Kaya't si Israel ay nanirahan sa lupain ng Ehipto, sa lupain ng Goshen; at sila'y nagkaroon ng mga pag-aari roon, at sumagana at naging napakarami.

28 Si Jacob ay nanirahan sa lupain ng Ehipto ng labimpitong taon; kaya't ang mga araw ni Jacob, ang mga taon ng kanyang buhay, ay isandaan at apatnapu't pitong taon.

29 Nang(N) ang araw ng kamatayan ni Israel ay malapit na, tinawag niya ang kanyang anak na si Jose, at sinabi sa kanya, “Kung ako ngayon ay makakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, hinihiling ko na ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita, at mangako kang maging tapat at tunay sa akin. Huwag mo akong ililibing sa Ehipto.

30 Kapag ako'y humimlay na kasama ng aking mga ninuno, ilabas mo ako mula sa Ehipto, at ilibing mo ako sa kanilang libingan.” At sinabi ni Jose, “Aking gagawin ang ayon sa iyong sinabi.”

31 Kanyang sinabi, “Sumumpa ka sa akin;” at sumumpa siya sa kanya. At yumuko si Israel sa ulunan ng kanyang higaan.

Binasbasan ni Jacob sina Efraim at Manases

48 Pagkatapos ng mga bagay na ito, sinabi kay Jose, “Ang iyong ama ay may sakit.” Kaya't isinama niya ang kanyang dalawang anak, sina Manases at Efraim.

Nang sabihin kay Jacob, “Narito, pinuntahan ka ng anak mong si Jose;” siya[k] ay nagpalakas at umupo sa higaan.

Sinabi(O) ni Jacob kay Jose, “Ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay nagpakita sa akin sa Luz sa lupain ng Canaan, at binasbasan ako,

at sinabi sa akin, ‘Palalaguin at pararamihin kita, at gagawin kitang isang kapisanan ng mga bayan; at ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi pagkamatay mo, bilang isang pag-aari magpakailanman.’

Kaya't akin na ngayon ang dalawa mong anak na ipinanganak sa iyo sa lupain ng Ehipto bago ako pumarito sa iyo: sina Efraim at Manases, gaya nina Ruben at Simeon.

Ang iyong mga anak na ipinanganak pagkaraan nila ay magiging iyo; sila'y tatawagin sa kanilang mana ayon sa pangalan ng kanilang mga kapatid.

Sapagkat(P) nang ako'y dumating mula sa Padan, si Raquel ay namatay sa lupain ng Canaan sa daan, nang malapit nang makarating sa Efrata; at inilibing ko siya roon sa daan ng Efrata” (na siya ring Bethlehem).

Nang nakita ni Israel ang mga anak ni Jose, ay sinabi niya, “Sinu-sino ang mga ito?”

Sinabi ni Jose sa kanyang ama, “Sila'y aking mga anak, na ibinigay ng Diyos sa akin dito.” Kanyang sinabi, “Dalhin mo sila sa akin, at sila'y aking babasbasan.”

10 Ang mga mata nga ni Israel ay malabo na dahil sa katandaan, at hindi na siya makakita. Kanyang hinagkan sila, at niyakap.

11 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi ko akalaing makikita ko pa ang iyong mukha, at ngayon ay ipinakita rin sa akin ng Diyos ang iyong binhi.”

12 Sila'y inalis ni Jose mula sa kanyang mga tuhod, at iniyuko ang kanyang mukha sa lupa.

13 Kapwa sila dinala ni Jose, si Efraim sa kanyang kanang kamay patungo sa kaliwang panig ni Israel, at si Manases sa kanyang kaliwang kamay patungo sa kanang panig ni Israel, at kanyang inilapit sila sa kanya.

14 Iniunat ni Israel ang kanyang kanang kamay at ipinatong sa ulo ni Efraim, na siyang bunso, at ang kanyang kaliwang kamay sa ulo ni Manases, na pinagkrus ang kanyang mga kamay; sapagkat si Manases ang panganay.

15 Kanyang binasbasan si Jose, at sinabi, “Ang Diyos na sa harapan niya ay lumakad ang aking mga ninuno na sina Abraham at Isaac, ang Diyos na naging pastol ko simula nang ako'y ipanganak hanggang sa araw na ito,

16 ang anghel na tumubos sa akin sa bawat kasamaan, nawa'y pagpalain niya ang mga batang ito; at tawagin nawa sila sa aking pangalan, at sa pangalan ng aking mga magulang na sina Abraham at Isaac, at nawa'y dumami sila sa ibabaw ng lupa.”

17 Nang makita ni Jose na ipinatong ng kanyang ama ang kanyang kanang kamay sa ulo ni Efraim, ito ay naging masama sa kanyang paningin. Kaya't hinawakan niya ang kamay ng kanyang ama upang ilipat mula sa ulo ni Efraim tungo sa ulo ni Manases.

18 At sinabi ni Jose sa kanyang ama, “Hindi ganyan, ama ko. Yamang ang isang ito ang panganay, ipatong mo ang iyong kanang kamay sa kanyang ulo.”

19 Subalit tumanggi ang kanyang ama, “Nalalaman ko, anak ko, nalalaman ko. Siya man ay magiging isang bayan, at siya man ay magiging dakila. Subalit ang kanyang kapatid na mas bata ay magiging higit na dakila kaysa kanya, at ang kanyang binhi ay magiging napakaraming mga bansa.”

20 Kaya't(Q) kanyang binasbasan sila nang araw na iyon, na sinasabi, “Sa pamamagitan mo ang Israel ay magpapala, na magsasabi, ‘Gawin ka nawa ng Diyos na gaya ni Efraim at gaya ni Manases.’”

21 At sinabi ni Israel kay Jose, “Ako'y malapit nang mamatay, ngunit ang Diyos ay lagi ninyong kasama, at ibabalik kayong muli sa lupain ng inyong mga ninuno.

22 Bukod dito'y binigyan kita ng isang libis ng bundok na higit kaysa iyong mga kapatid, na kinuha ko sa pamamagitan ng aking tabak at busog sa kamay ng mga Amoreo.”

Mga Huling Salita ni Jacob

49 Pagkatapos ay tinawag ni Jacob ang kanyang mga anak, at sinabi, “Magtipun-tipon kayo at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa mga araw na darating.

Magtipun-tipon kayo at makinig, kayong mga anak ni Jacob;
    at inyong pakinggan si Israel na inyong ama.

Ruben, ikaw ang aking panganay,
    ang aking kalakasan, ang siyang pasimula ng aking kapangyarihan,
    ang pinakamataas sa karangalan at kalakasan, at siyang kasakdalan ng kapangyarihan.
Kagaya ng kumukulong tubig, ikaw ay hindi mangingibabaw;
    sapagkat, sumampa ka sa higaan ng iyong ama:
    pagkatapos ay dinumihan mo ito—sumampa sa aking tulugan.

Si Simeon at si Levi ay magkapatid;
    ang kanilang mga sandata ay mga kasangkapan ng karahasan.
Huwag nawang pumasok ang aking kaluluwa sa kanilang payo;
    huwag isama ang aking espiritu sa kanilang kapisanan;
Sapagkat sa kanilang galit ay pumatay sila ng tao,
    at sa kanilang sariling kalooban ay nilumpo nila ang baka.
Sumpain ang kanilang galit, sapagkat ito ay mabangis;
    at ang kanilang poot, sapagkat ito ay malupit.
Hahatiin ko sila sa Jacob,
    at ikakalat ko sila sa Israel.

Juda, pupurihin ka ng iyong mga kapatid;
    ang iyong kamay ay malagay sa leeg ng iyong mga kaaway;
    ang mga anak ng iyong ama nawa ay yumukod sa harapan mo.
Si(R) Juda'y isang anak ng leon.
    Aking anak, ikaw ay umahon mula sa pagkahuli,
siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon;
    at gaya ng isang babaing leon, sinong makakagising sa kanya?
10 Ang setro ay hindi mahihiwalay kay Juda,
    ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kanyang mga paa,
hanggang sa ang Shilo ay dumating;[l]
    at ang pagtalima ng mga bayan sa kanya.
11 Itinali ang kanyang batang asno sa puno ng ubas,
    at ang guya ng kanyang asno sa piling puno ng ubas;
nilabhan niya ang kanyang suot sa alak,
    at ang kanyang damit sa dugo ng ubas.
12 Ang kanyang mga mata ay namumula sa alak,
    at ang kanyang mga ngipin ay namumuti sa gatas.

13 Si Zebulon ay tatahan sa dalampasigan,
    at siya'y magiging kanlungan ng mga sasakyang-dagat;
    at ang kanyang hangganan ay magiging hanggang Sidon.

14 Si Isacar ay isang malakas na asno,
    na nahihiga sa gitna ng mga kawan ng mga tupa;
15 at nakakita siya ng dakong pagpapahingahan, na ito ay mabuti,
    at ang lupain ay maganda;
at kanyang iniyuko ang kanyang balikat upang pasanin,
    at naging aliping sapilitang pinagagawa.

16 Si Dan ay hahatol sa kanyang bayan,
    bilang isa sa mga lipi ni Israel.
17 Si Dan ay magiging ahas sa daan,
    isang ulupong sa landas,
na nangangagat ng mga sakong ng kabayo,
    kaya't nahuhulog sa likuran ang sakay niyon.

18 Aking hinintay ang iyong pagliligtas, O Panginoon.

19 Si Gad ay sasalakayin ng isang pulutong ng mandarambong,
    ngunit siya ang sasalakay sa kanilang mga sakong.

20 Mula kay Aser, ang kanyang tinapay ay tataba,
    at siya ay magbibigay ng pagkaing-hari.

21 Si Neftali ay isang babaing usa na pinakawalan,
    na nagbibigay ng isang magandang pananalita.

22 Si Jose ay isang mabungang supling,
    isang mabungang supling sa tabi ng bukal;
    ang kanyang mga sanga'y gumagapang sa ibabaw ng pader.
23 Ginigipit siya ng mga bihasa sa pana,
    at namamana, at naghihintay na tambangan siya.
24 Ngunit ang kanyang busog ay nananatili sa kalakasan,
    at ang mga kamay ng kanyang bisig ay pinalakas
ng mga kamay ng Makapangyarihan ni Jacob
    (sa pangalan ng Pastol, ang Bato ng Israel),
25 sa pamamagitan ng Diyos ng iyong ama, na tutulong sa inyo,
    ng Makapangyarihan sa lahat na magpapala sa inyo,
    pagpapala ng langit mula sa itaas,
mga pagpapala ng mga kalaliman na nalalagay sa ibaba,
    mga pagpapala ng mga dibdib at ng bahay-bata.
26 Ang mga pagpapala ng iyong ama
    ay higit na malakas kaysa pagpapala ng walang hanggang kabundukan,
    sa kasaganaan ng mga burol na walang hanggan;
nawa ang mga iyon ay mapasaulo ni Jose,
    at para sa kilay niya na ibinukod mula sa mga kapatid.

27 Si Benjamin ay isang lobong mabangis;
    sa umaga'y nilalamon niya ang nasila,
    at sa gabi ay paghahatian niya ang samsam.”

28 Ang lahat ng ito ang labindalawang lipi ng Israel. At ito ang sinalita ng kanilang ama sa kanila, at sila'y binasbasan niya, ang bawat isa ayon sa basbas sa kanya.

Ang Pagkamatay at Paglilibing kay Jacob

29 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila, “Ako'y malapit nang makasama sa aking bayan. Ilibing ninyo ako sa tabi ng aking mga magulang, sa yungib na nasa parang ni Efron na Heteo,

30 sa(S) yungib na nasa parang ng Macpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, ang parang na binili ni Abraham kay Efron na Heteo, upang maging libingan.

31 Doon(T) nila inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa; at doon nila inilibing si Isaac at si Rebecca na kanyang asawa; at doon ko inilibing si Lea,

32 sa parang at sa yungib na nandoon na binili mula sa mga anak ni Het.”

33 Pagkatapos(U) na si Jacob ay makapagbilin sa kanyang mga anak, itinikom niya ang kanyang mga paa sa higaan, siya'y nalagutan ng hininga at naging kasama ng kanyang bayan.

50 Yumakap si Jose sa kanyang ama, umiyak sa harapan niya, at hinalikan niya.

Iniutos ni Jose sa kanyang mga manggagamot na naglilingkod sa kanya na embalsamuhin ang kanyang ama, at inembalsamo ng mga manggagamot si Israel.

Gumugol sila ng apatnapung araw na siyang kailangan upang matupad ang pag-iimbalsamo. At ang mga Ehipcio ay tumangis para sa kanya ng pitumpung araw.

Nang makaraan na ang mga araw ng kanyang pagtangis, si Jose ay nagsalita sa sambahayan ng Faraon, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa inyong paningin ay sabihin ninyo sa pandinig ni Faraon:

Pinanumpa(V) ako ng aking ama, na sinasabi, ‘Ako'y malapit nang mamatay; ililibing mo ako doon sa libingan na aking hinukay para sa akin sa lupain ng Canaan.’ Kaya't ngayon ay nakikiusap ako na pahintulutan ninyo akong umalis, at ilibing ko ang aking ama, at muli akong babalik.”

Sinabi ng Faraon, “Umalis ka, at ilibing mo ang iyong ama, ayon sa kanyang ipinasumpa sa iyo.”

Kaya't umalis si Jose upang ilibing ang kanyang ama. Kasama niyang umalis ang lahat ng lingkod ng Faraon, ang mga matatandang pinuno[m] sa kanyang sambahayan, ang lahat ng matatandang pinuno sa lupain ng Ehipto;

ang buong sambahayan ni Jose, ang kanyang mga kapatid, at ang sambahayan ng kanyang ama. Tanging ang kanilang mga anak lamang, mga kawan, at bakahan, ang iniwan nila sa lupain ng Goshen.

Umahong kasama niya ang mga karwahe at mga nangangabayo. Iyon ay isang napakalaking pangkat.

10 Sila'y nakarating hanggang sa giikan sa Atad na nasa kabilang ibayo ng Jordan; at doo'y tumangis sila nang malakas at napakatindi. Kanyang ipinagluksa ang kanyang ama sa loob ng pitong araw.

11 Nang makita ng mga Cananeo na nakatira sa lupaing iyon ang pagtangis sa giikan sa Atad, ay kanilang sinabi, “Ito'y isang napakalaking panaghoy para sa Ehipcio,” kaya't ang pangalang itinawag dito ay Abel-mizraim,[n] ito ay nasa kabilang ibayo ng Jordan.

12 Ginawa sa kanya ng kanyang mga anak ang ayon sa iniutos sa kanila.

13 Dinala(W) siya ng kanyang mga anak sa lupain ng Canaan, at inilibing siya sa yungib ng Macpela sa parang na binili ni Abraham upang maging libingan, mula kay Efron na Heteo, sa tapat ng Mamre.

14 Pagkatapos niyang mailibing ang kanyang ama, bumalik si Jose sa Ehipto, kasama ang kanyang mga kapatid at ang lahat ng umalis na kasama niya sa paglilibing sa kanyang ama.

Ang Kabutihang Loob ni Jose sa Kanyang mga Kapatid

15 Nang makita ng mga kapatid ni Jose na ang kanilang ama'y patay na, ay kanilang sinabi, “Baka si Jose ay may galit sa atin, at tayo'y tiyak na gantihan sa lahat ng kasamaang ginawa natin sa kanya.”

16 Kaya't ipinasabi nila kay Jose, “Iniutos ng iyong ama bago namatay, na sinasabi,

17 ‘Ganito ang inyong sasabihin kay Jose: Hinihiling ko na ipatawad mo ang pagkakasala ng iyong mga kapatid, at ang kanilang pagkakamali sapagkat sila'y gumawa ng kasamaan sa iyo.’ Hinihiling namin na ipatawad mo ang pagkakasala ng mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” Si Jose ay umiyak nang sila ay magsalita sa kanya.

18 Ang kanyang mga kapatid ay lumapit at nagpatirapa sa harapan niya at kanilang sinabi, “Narito, kami ay iyong mga alipin.”

19 Subalit sinabi ni Jose sa kanila, “Huwag kayong matakot. Sapagkat ako ba ay nasa lugar ng Diyos?

20 Kayo, kayo'y nagnasa ng masama laban sa akin, ngunit inilagay ng Diyos para sa kabutihan, upang mangyari ang gaya sa araw na ito, upang mapanatiling buháy ang napakaraming tao.

21 Kaya't huwag kayo ngayong matakot; pakakainin ko kayo at ang inyong mga anak.” Kanya silang inaliw at nagsalitang may kabaitan sa kanila.

Ang Kamatayan ni Jose

22 Si Jose ay nanirahan sa Ehipto, siya at ang sambahayan ng kanyang ama; at si Jose ay nabuhay ng isandaan at sampung taon.

23 Nakita ni Jose ang mga anak ni Efraim hanggang sa ikatlong salinlahi; gayundin ang mga anak ni Makir na anak ni Manases ay ipinanganak sa mga tuhod ni Jose.

24 At sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako'y malapit nang mamatay; ngunit kayo'y tiyak na dadalawin ng Diyos, at dadalhin kayo mula sa lupaing ito hanggang sa lupain na kanyang ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob.”

25 Pagkatapos(X) ay pinanumpa ni Jose ang mga anak ni Israel, na sinasabi, “Kapag dinalaw kayo ng Diyos, dadalhin ninyo ang aking mga buto mula rito.”

26 Kaya't namatay si Jose sa gulang na isandaan at sampung taon; at kanilang inembalsamo siya, at siya'y inilagay sa isang kabaong sa Ehipto.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001