Bible in 90 Days
Ang Ipinamana kay Juda
15 Ang naging lupain ng lipi ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga angkan ay hanggang sa hangganan ng Edom; hanggang sa ilang ng Zin sa kadulu-duluhang bahagi ng timog.
2 Ang kanilang hangganan sa timog ay mula sa kadulu-duluhang bahagi ng Dagat na Alat, mula sa look na nakaharap sa timog.
3 Ito'y papalabas sa dakong timog paakyat sa Acrabim, at patuloy sa Zin at paakyat sa timog ng Kadesh-barnea, at patuloy sa Hesron, at paakyat sa Adar, at paliko sa Carca;
4 at patuloy sa Azmon, at papalabas sa batis ng Ehipto, at ang mga labasan ng hangganan ay sa dagat: ito ang inyong magiging hangganan sa timog.
5 Ang hangganan sa silangan ay ang Dagat na Alat, hanggang sa bunganga ng Jordan. At ang hangganan sa hilaga ay mula sa look ng dagat na nasa bunganga ng Jordan:
6 at paakyat hanggang sa Bet-hogla, at patuloy sa hilaga ng Bet-araba; at ang hangganan ay paakyat sa bato ni Bohan na anak ni Ruben.
7 Ang hangganan ay paakyat sa Debir mula sa libis ng Acor, hanggang sa hilagang paharap sa dakong Gilgal, na nasa tapat ng paakyat sa Adumim, na nasa timog ng ilog: at ang hangganan ay patuloy sa tubig ng En-shemes, at ang mga labasan niyon ay sa En-rogel.
8 Ang hangganan ay paakyat sa libis ng anak ni Hinom hanggang sa Jebuseo sa timog (na siya ring Jerusalem): at ang hangganan ay paakyat sa taluktok ng bundok na naroroon sa harapan ng libis ng Hinom sa kanluran na nasa kadulu-duluhang bahagi ng libis ng Refaim sa hilaga.
9 Ang hangganan ay umaabot mula sa taluktok ng bundok hanggang sa bukal ng tubig ng Neftoa, at papalabas sa mga lunsod ng bundok ng Efron, at ang hangganan ay umaabot sa Baala (na siya ring Kiryat-jearim).
10 Ang hangganan ay paikot mula sa Baala sa kanluran hanggang sa bundok ng Seir, at patuloy sa tabi ng bundok Jearim sa hilaga (na siya ring Chesalon), at pababa sa Bet-shemes at patuloy sa Timna.
11 Ang hangganan ay papalabas sa tagiliran ng Ekron sa hilaga; at ang hangganan ay umaabot sa Siceron, at patuloy sa bundok ng Baala, at papalabas sa Jabneel; at ang mga labasan ng hangganan ay sa dagat.
12 Ang hangganan sa kanluran ay ang Malaking Dagat, at ang baybayin nito. Ito ang hangganan ng mga anak ni Juda sa palibot, ayon sa kanilang mga angkan.
Sinakop ni Caleb ang Hebron at Debir(A)
13 Ayon(B) sa kautusan ng Panginoon kay Josue, ay nagbigay siya kay Caleb na anak ni Jefone ng isang bahagi sa gitna ng mga anak ni Juda, samakatuwid ay ang Kiryat-arba, na siya ring Hebron, (si Arba ay naging ama ni Anak).
14 Pinalayas ni Caleb mula roon ang tatlong mga anak na lalaki ni Anak: sina Sesai, Ahiman, at Talmai, na mga anak ni Anak.
15 Siya'y umakyat mula roon laban sa mga taga-Debir: ang pangalan ng Debir nang una ay Kiryat-sefer.
16 At sinabi ni Caleb, “Ang sinumang makatalo sa Kiryat-sefer at sakupin ito, sa kanya ay ibibigay ko bilang asawa si Acsa na aking anak na babae.”
17 Sinakop ito ni Otniel na anak ni Kenaz, na kapatid ni Caleb; at ibinigay niya sa kanya bilang asawa si Acsa na kanyang anak na babae.
18 Nang si Acsa ay dumating sa kanya, kanyang hinimok siya na humingi sa kanyang ama ng isang parang; at siya'y bumaba sa kanyang asno at sinabi ni Caleb sa kanya, “Anong ibig mo?”
19 At kanyang sinabi, “Bigyan mo ako ng handog; yamang inilagay mo ako sa lupain ng Negeb ay bigyan mo rin ako ng mga bukal ng tubig.” At ibinigay ni Caleb sa kanya ang mga bukal sa itaas at ang mga bukal sa ibaba.
Ang mga Bayan ng Juda
20 Ito ang naging pamana sa lipi ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga angkan.
21 Ang mga kadulu-duluhang lunsod ng lipi ng mga anak ni Juda sa timog sa hangganan ng Edom ay ang Kabzeel, Eder, Jagur,
22 Cina, Dimona, Adada,
23 Kedes, Hazor, Itnan,
24 Zif, Telem, Bealot,
25 Hazor-hadata, Kiryot-hesron (na siya ring Hazor),
26 Amam, Shema, Molada,
27 Hazar-gada, Hesmon, Bet-pelet,
28 Hazar-shual, Beer-seba, Bizotia,
29 Baala, Iim, Ezem,
30 Eltolad, Cesil, Horma,
31 Siclag, Madmana, Sansana,
32 Lebaot, Silim, Ain, at Rimon: lahat ng mga lunsod ay dalawampu't siyam, pati ang mga nayon ng mga iyon.
33 Sa mababang lupain: Estaol, Sora, Asena,
34 Zanoa, En-ganim, Tapua, Enam,
35 Jarmut, Adullam, Socoh, Azeka,
36 Saaraim, Aditaim, Gedera, Gederotaim; labing-apat na lunsod pati ang kanilang mga nayon.
37 Senan, Hadasha, Migdal-gad;
38 Dilan, Mizpe, Jokteel,
39 Lakish, Boscat, Eglon,
40 Cabon, Lamas, Citlis;
41 Gederot, Bet-dagon, Naama at Makeda: labing-anim na bayan at ang kanilang mga nayon.
42 Libna, Eter, Asan,
43 Jifta, Asna, Nesib,
44 Keila, Aczib, at Maresha; siyam na lunsod at ang kanilang mga nayon.
45 Ekron at ang kanyang mga bayan at mga nayon,
46 mula sa Ekron hanggang sa dagat, lahat na nasa gilid ng Asdod at ang kanilang mga nayon.
47 Asdod, at ang kanyang mga bayan at mga nayon. Gaza, at ang kanyang mga bayan at mga nayon, hanggang sa batis ng Ehipto, at ang Malaking Dagat at ang kanyang baybayin.
48 Sa lupaing maburol, Samir, Jatir, Socoh,
49 Dana, Kiryat-sana (na siyang Debir),
50 Anab, Estemoa, Anim;
51 Goshen, Holon, at Gilo: labing-isang lunsod at ang kanilang mga nayon,
52 Arab, Duma, Eshan,
53 Janum, Bet-tapua, Afeca;
54 Humta, Kiryat-arba (na siyang Hebron), at Sior; siyam na lunsod at ang kanilang mga nayon.
55 Maon, Carmel, Zif, Juta,
56 Jezreel, Jocdeam, Zanoa,
57 Cain, Gibeah, at Timna: sampung lunsod at ang kanilang mga nayon.
58 Halhul, Bet-zur at Gedor,
59 Maarath, Bet-anot, at Eltecon; anim na lunsod at ang kanilang mga nayon.
60 Kiryat-baal (na siyang Kiryat-jearim), at Rabba: dalawang lunsod at ang kanilang mga nayon.
61 Sa ilang; Bet-araba, Midin, Secaca;
62 Nibsan, at ang Bayan ng Asin, at En-gedi: anim na lunsod at ang kanilang mga nayon.
63 Ngunit(C) ang mga Jebuseo na naninirahan sa Jerusalem ay hindi napalayas ng mga anak ni Juda; kaya't ang mga Jebuseo ay nanirahang kasama ng mga anak ni Juda sa Jerusalem hanggang sa araw na ito.
Ang Ipinamana kina Efraim at Manases
16 Ang kabahagi ng mga anak ni Jose ay mula sa Jordan sa Jerico, sa silangan ng mga tubig ng Jerico, hanggang sa ilang na paakyat sa Jerico at patuloy sa lupaing maburol hanggang sa Bethel;
2 at papalabas mula sa Bethel na patungo sa Luz at patuloy sa nasasakupan ng mga Arkita na patungo sa Atarot;
3 at pababa sa kanluran sa nasasakupan ng mga Jafleto, hanggang sa nasasakupan ng Bet-horon sa ibaba, hanggang sa Gezer: at ang mga labasan nito ay sa dagat.
Efraim
4 Tinanggap ng mga anak ni Jose, Manases at Efraim ang kanilang mana.
5 Ang nasasakupan ng mga anak ni Efraim ayon sa kanilang mga angkan ay ito: ang hangganan ng kanilang mana sa silangan ay Atarot-adar, hanggang sa Bet-horon sa itaas.
6 Ang hangganan ay palabas sa kanluran sa Micmetat, sa hilaga; at ang hangganan ay paliko sa silangan hanggang sa Tanat-silo at patuloy sa silangan ng Janoa;
7 at pababa mula sa Janoa na patungo sa Atarot at sa Naara, at abot hanggang sa Jerico, at papalabas sa Jordan.
8 Mula sa Tapua ay patuloy ang hangganan sa kanluran sa batis ng Cana; at ang labasan niyon ay sa dagat. Ito ang mana ng lipi ng mga anak ni Efraim ayon sa kanilang mga angkan,
9 pati ang mga bayang ibinukod sa mga anak ni Efraim sa gitna ng pamana sa mga anak ni Manases, lahat ng mga bayan kabilang ang kanilang mga nayon.
10 Gayunma'y(D) hindi nila pinalayas ang mga Cananeo na naninirahan sa Gezer, kaya't ang mga Cananeo ay nanirahan sa gitna ng Efraim hanggang sa araw na ito, ngunit naging mga aliping sapilitang pinagagawa.
Ang Pamana sa mga Anak ni Manases
17 At binigyan ng kabahagi ang lipi ni Manases, sapagkat siya ang panganay ni Jose. Kay Makir na panganay ni Manases, na ama ni Gilead ay ang Gilead at ang Basan, sapagkat siya'y lalaking mandirigma.
2 Binigyan din ng kabahagi ang iba pang mga anak ni Manases ayon sa kanilang mga angkan: sina Abiezer, Helec, at Asriel, Shekem, Hefer, at Semida; ang mga ito ang mga anak na lalaki ni Manases na anak ni Jose, ayon sa kanilang mga angkan.
3 Ngunit si Zelofehad na anak ni Hefer, na anak ni Gilead na anak ni Makir, na anak ni Manases, ay hindi nagkaroon ng mga anak na lalaki kundi mga babae; ito ang mga pangalan ng kanyang mga anak: Mahla, Noa, Hogla, Milca, at Tirsa.
4 Sila'y(E) lumapit sa harapan ng paring si Eleazar at sa harapan ni Josue na anak ni Nun, at sa harapan ng mga pinuno at sinabi, “Iniutos ng Panginoon kay Moises na bigyan kami ng pamana kasama ng aming mga kapatid na lalaki,” kaya't ayon sa utos ng Panginoon ay kanyang binigyan sila ng pamana kasama ng mga kapatid ng kanilang ama.
5 Kaya't napabigay ang sampung bahagi kay Manases, bukod sa lupain ng Gilead at ang Basan, na nasa kabila ng Jordan;
6 sapagkat ang mga anak na babae ni Manases ay tumanggap ng pamana kasama ng kanyang mga anak na lalaki; at ang lupain ng Gilead ay ibinahagi sa iba pang mga anak ni Manases.
7 Ang nasasakupan ng Manases ay mula sa Aser hanggang sa Micmetat, na nasa tapat ng Shekem; at ang hangganan ay patuloy sa kanan, hanggang sa mga taga-En-tapua.
8 Ang lupain ng Tapua ay para kay Manases; ngunit ang bayan ng Tapua sa hangganan ng Manases ay para sa mga anak ni Efraim.
9 Ang hangganan ay pababa hanggang sa batis ng Cana, na dakong timog ng batis; ang mga bayang ito ay para kay Efraim sa gitna ng mga bayan ng Manases at ang hangganan ng Manases ay nasa dakong hilaga ng batis, at ang labasan ay sa dagat;
10 Ang dakong timog ay kay Efraim, at ang dakong hilaga ay kay Manases, at ang dagat ay hangganan niyon; hanggang sa Aser sa hilaga at sa Isacar sa silangan.
11 Sa loob ng lupain nina Isacar at Aser ay napabigay ang Bet-shan at ang mga nayon niyon kay Manases at ang Ibleam at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Dor at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Endor at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Taanac at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Megido, at ang mga nayon niyon, at ang ikatlo ay Nafat.
12 Gayunma'y(F) hindi maangkin ng mga anak ni Manases ang mga bayang iyon; kundi ang mga Cananeo ay nagpilit na manirahan sa lupain.
13 Ngunit nang ang mga anak ni Israel ay lumakas, kanilang inilagay ang mga Cananeo sa sapilitang paggawa ngunit hindi nila lubos na pinalayas.
14 Ang mga anak ni Jose ay nagsalita kay Josue, “Bakit ang ibinigay mo sa akin bilang pamana ay isa lamang lote at isang bahagi, bagaman ako'y isang malaking sambayanan, sapagkat pinagpala ako hanggang ngayon ng Panginoon?”
15 At sinabi ni Josue sa kanila, “Kung ikaw ay isang malaking bayan, umahon ka sa gubat, at doon ay magbukas ka ng lupain para sa iyong sarili sa lupain ng mga Perezeo at ng mga Refaim; yamang ang lupaing maburol ng Efraim ay makipot para sa iyo.
16 Sinabi naman ng mga anak ni Jose, “Ang lupaing maburol ay hindi sapat para sa amin; at ang lahat ng mga Cananeo na naninirahan sa lupain ng libis, ang mga naninirahan sa Bet-shan at sa mga nayon niyon, gayundin ang mga nasa libis ng Jezreel ay may mga karwaheng bakal.”
17 At sinabi ni Josue sa sambahayan ni Jose, ni Efraim at ni Manases, “Ikaw ay malaking bayan, at may dakilang kapangyarihan; hindi marapat sa iyo ang isang bahagi lamang;
18 kundi ang lupaing maburol ay magiging iyo. Bagaman isang gubat, ito ay mahahawan ninyo at maaangkin hanggang sa kanyang pinakadulong hangganan. Mapapalayas mo ang mga Cananeo, bagaman sila'y may mga karwaheng bakal, at bagaman sila'y malalakas.”
Ang Pagbabaha-bahagi sa Nalabing Lupain
18 Kaya't ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay nagtipun-tipon sa Shilo, at doon ay itinayo ang toldang tipanan. Ang lupain ay napasailalim sa kanilang pangangasiwa.
2 May nalalabi pang pitong lipi sa mga anak ni Israel na hindi pa nababahaginan ng kanilang pamana.
3 At sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, “Hanggang kailan kayo magpapakatamad na pasukin ang lupaing ibinigay sa inyo ng Panginoon, ng Diyos ng inyong mga ninuno?
4 Magbigay kayo ng tatlong lalaki sa bawat lipi; sila'y aking susuguin upang pasimulan nilang pasukin ang lupain, at ito ay iginuguhit ayon sa kanilang pamana, pagkatapos sila'y babalik sa akin.
5 Hahatiin nila iyon sa pitong bahagi: at ang Juda ay mananatili sa kanyang nasasakupan sa timog, at ang sambahayan ni Jose ay sa kanilang nasasakupan sa hilaga.
6 Inyong iguguhit ang lupain sa pitong bahagi, at inyong dadalhin ang pagkaguhit dito sa akin at magpapalabunutan para sa inyo sa harap ng Panginoon nating Diyos.
7 Ang mga Levita ay walang bahagi sa gitna ninyo sapagkat ang pagkapari sa Panginoon ay siyang pamana para sa kanila; ang Gad, at ang Ruben at ang kalahating lipi ni Manases ay tumanggap na ng kanilang pamana sa kabila ng Jordan na dakong silangan, na ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon.”
8 At ang mga lalaki ay nagsimula na sa kanilang lakad at ibinilin ni Josue sa mga humayo na iguhit ang lupain, “Libutin ninyo ang buong lupain. Iguhit ninyo at bumalik kayo sa akin at magpapalabunutan para sa inyo sa harap ng Panginoon sa Shilo.”
9 Kaya't ang mga lalaki ay humayo at lumibot sa lupain, at hinati sa pito ang mga bayan. Pagkatapos na maiguhit ito sa isang aklat, sila'y bumalik kay Josue sa kampo sa Shilo.
10 At ginawa ni Josue ang palabunutan para sa kanila sa Shilo sa harap ng Panginoon; at doon ay binahagi ni Josue ang lupain sa mga anak ni Israel ayon sa kanilang mga bahagi.
Ang Ipinamana kay Benjamin
11 Ang lupain ng lipi ng mga anak ni Benjamin ay lumabas ayon sa kanilang mga angkan, at ang lupaing napatapat dito ay nasa pagitan ng lipi ni Juda at ng lipi ni Jose.
12 Ang kanilang hangganan sa hilaga ay mula sa Jordan; at ang hangganan ay paakyat sa hilaga ng Jerico, at paakyat sa lupaing maburol sa kanluran, at ang dulo nito ay sa ilang ng Bet-haven.
13 Mula roon, ang hangganan ay patuloy hanggang sa Luz, sa tabi ng Luz (na siyang Bethel), sa timog, at ang hangganan ay pababa sa Atarot-adar, sa tabi ng bundok na nasa timog ng Bet-horon sa ibaba.
14 At ang hangganan ay patuloy at paliko sa kanluran sa dakong timog mula sa bundok na nakalatag sa harap ng Bet-horon, at ang mga dulo niyon ay sa Kiryat-baal (na siyang Kiryat-jearim), na lunsod ng mga anak ni Juda; ito ang bahaging kanluran.
15 Ang bahaging timog ay mula sa dakong labas ng Kiryat-jearim at ang hangganan ay palabas sa kanluran, at palabas sa bukal ng tubig ng Neftoa:
16 Ang hangganan ay pababa sa gilid ng bundok na nakalatag sa harap ng libis ng anak ni Hinom, na nasa libis ng Refaim sa hilaga; at pababa sa libis ni Hinom, sa gawing timog, sa tabi ng mga Jebuseo at pababa sa En-rogel;
17 at paliko sa hilaga at palabas sa En-shemes, at palabas sa Gelilot na nasa tapat ng paakyat sa Adumim; at pababa sa bato ng Bohan na anak ni Ruben,
18 at patuloy hanggang sa hilaga sa tagiliran ng Araba at ito ay pababa sa Araba;
19 Ang hangganan ay patuloy sa hilaga ng Bet-hogla. Ang hangganan ay nagtatapos sa hilagang look ng Dagat na Alat, sa dulong timog ng Jordan; ito ang hangganan sa timog.
20 Ang hangganan ng Jordan ay sa bahaging silangan. Ito ang pamana sa mga lipi ni Benjamin ayon sa mga hangganan niyon sa palibot, ayon sa kanilang mga angkan.
21 Ang mga lunsod ng lipi ng mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan ay ang Jerico, Bet-hogla, Emec-casis,
22 Bet-araba, Samaraim, Bethel,
23 Avim, Para, Ofra,
24 Cefar-hamonai, Ofni, Geba, labindalawang lunsod at ang mga nayon nito;
25 Gibeon, Rama, Beerot,
26 Mizpe, Cefira, Moza,
27 Rekem, Irpeel, Tarala,
28 Zela, Elef, at Jebus (na siyang Jerusalem), Gibeah, at Kiryat-jearim; labing-apat na lunsod pati ang mga nayon nito. Ito ang pamana sa mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan.
Ang Ipinamana kay Simeon
19 Ang ikalawang lupain ay napabigay kay Simeon, sa lipi ng mga anak ni Simeon ayon sa kanilang mga angkan, at ang kanilang pamana ay nasa gitna ng pamana sa lipi ni Juda.
2 At(G) tinanggap nilang pamana ang Beer-seba, Seba, Molada;
3 Hazar-shual, Bala, at Ezem;
4 Eltolad, Betul, Horma;
5 Siclag, Bet-marcabot, Hazar-susa,
6 Bet-lebaot, Saruhen: labintatlong lunsod at ang mga nayon nito;
7 Ain, Rimon, Eter, at Asan, apat na lunsod at mga nayon nito;
8 at ang lahat ng mga nayon na nasa palibot ng mga lunsod na ito hanggang sa Baalat-beer, Rama ng Negeb. Ito ang pamana sa lipi ni Simeon ayon sa kanilang mga angkan.
9 Ang pamana sa lipi ni Simeon ay bahagi ng nasasakupan ng anak ni Juda; sapagkat ang bahagi ng lipi ni Juda ay napakalaki para sa kanila; kaya't ang mga anak ni Simeon ay nagkaroon ng pamana sa loob ng kanilang pamana.
Ang Ipinamana kay Zebulon
10 At ang ikatlong lupain ay napabigay sa mga anak ni Zebulon ayon sa kanilang mga angkan. At ang nasasakupan ng kanilang pamana ay hanggang sa Sarid;
11 at ang kanilang hangganan ay paakyat sa kanluran sa Merala, at abot hanggang sa Dabeset at sa batis na nasa silangan ng Jokneam.
12 Mula sa Sarid, ito ay pabalik sa silangan sa dakong sinisikatan ng araw hanggang sa hangganan ng Cisilot-tabor, at palabas sa Daberat, at paakyat sa Jafia;
13 mula roon ito ay patuloy sa silangan sa Gat-hefer, sa Itkazin; at palabas sa Rimon hanggang sa Nea.
14 Sa hilaga, ang hangganan ay paliko patungo sa Hanaton; at ang dulo nito ay sa libis ng Iftael;
15 at sa Kata, Nahalal, Simron, Idala, Bethlehem: labindalawang lunsod at ang mga nayon nito.
16 Ito ang pamana sa mga anak ni Zebulon ayon sa kanilang mga angkan, ang mga lunsod at ang mga nayon nito.
Ang Ipinamana kay Isacar
17 Ang ikaapat na lupain ay napabigay kay Isacar, sa mga anak ni Isacar ayon sa kanilang mga angkan.
18 At ang kanilang nasasakupan ay ang sa Jezreel, Cesulot, Sunem,
19 Hafaraim, Zion, Anaharat,
20 Rabit, Kishion, Ebez,
21 Remet, En-ganim, En-hada, Bet-pazez,
22 at ang hangganan ay hanggang sa Tabor, Sahazuma, at Bet-shemes; at ang mga dulo ng hangganan ng mga iyon ay sa Jordan: labing-anim na lunsod at ang mga nayon nito.
23 Ito ang pamana sa lipi ng mga anak ni Isacar ayon sa kanilang mga angkan, ang mga bayan at mga nayon nito.
Ang Ipinamana kay Aser
24 At ang ikalimang lupain ay napabigay sa lipi ni Aser ayon sa kanilang mga angkan.
25 At ang kanilang nasasakupan ay Helcat, Hali, Beten, Acsaf,
26 Alamelec, Amad, Mishal; hanggang sa Carmel sa kanluran at sa Sihorlibnath;
27 at paliko sa sinisikatan ng araw sa Bet-dagon, hanggang sa Zebulon, at sa libis ng Iftael sa hilaga sa Bet-emec at Nehiel; at papalabas sa Cabul sa kaliwa;
28 Hebron, Rehob, Hamon, Cana, hanggang sa malaking Sidon.
29 Ang hangganan ay paliko sa Rama, at sa bayang nakukutaan ng Tiro; at ang hangganan ay paliko sa Hosa, at ang dulo nito ay sa dagat mula sa lupain ni Aczib;
30 gayundin ang Uma, Afec, at Rehob: dalawampu't dalawang lunsod at ang mga nayon nito.
31 Ito ang pamana sa lipi ni Aser ayon sa kanilang mga angkan, ang mga lunsod at mga nayon nito.
Ang Ipinamana kay Neftali
32 Ang ikaanim na lupain ay napabigay sa mga anak ni Neftali ayon sa kanilang mga angkan.
33 At ang hangganan nito ay mula sa Helef, mula sa ensina sa Saananim, at sa Adamineceb, at sa Jabneel, hanggang sa Lacum, at ang dulo niyon ay sa Jordan.
34 Ang hangganan ay paliko sa kanluran sa Aznot-tabor, at papalabas sa Hucuca mula roon; at hanggang sa Zebulon sa timog, at hanggang sa Aser sa kanluran, at sa Juda sa Jordan na dakong sinisikatan ng araw.
35 Ang mga lunsod na may pader ay Siddim, Ser, Hamat, Racat, Cineret,
36 Adama, Rama, Hazor,
37 Kedes, Edrei, En-hazor,
38 Iron, Migdal-el, Horem, Bet-anat, at Bet-shemes: labinsiyam na lunsod at ang mga nayon nito.
39 Ito ang pamana sa lipi ni Neftali ayon sa kanilang mga angkan, ang mga lunsod at ang mga nayon nito.
Ang Ipinamana kay Dan
40 Ang ikapitong lupain ay napabigay sa lipi ni Dan ayon sa kanilang mga angkan.
41 At ang nasasakupan ng kanilang pamana ay Sora, Estaol, Ir-semes,
42 Saalabin, Ailon, Jet-la,
43 Elon, Timna, Ekron,
44 Elteke, Gibeton, Baalat,
45 Jehud, Bene-berac, Gat-rimon,
46 Me-jarcon, Raccon at ang hangganan sa tapat ng Joppa.
47 Nang(H) ang nasasakupan ng mga anak ni Dan ay nawala sa kanila, ang mga anak ni Dan ay umahon at lumaban sa Lesem, at pagkatapos sakupin at patayin ng talim ng tabak, ay inangkin nila ito at nanirahan doon at tinawag ito ayon sa pangalan ni Dan na kanilang ama.
48 Ito ang pamana sa lipi ni Dan ayon sa kanilang mga angkan, ang mga lunsod na ito at ang mga nayon nito.
Ang Mana ng mga Anak ni Josue ay ang Timnat-sera
49 Nang kanilang matapos ang pamamahagi ng lupain bilang pamana ayon sa mga hangganan niyon, ay binigyan ng mga anak ni Israel ng pamana si Josue na anak ni Nun sa gitna nila.
50 Ayon sa utos ng Panginoon ay kanilang ibinigay sa kanya ang lunsod na kanyang hiningi, ang Timnat-sera sa lupaing maburol ng Efraim; at kanyang muling itinayo ang lunsod at nanirahan doon.
51 Ito ang mga pamana na ipinamahagi ng paring si Eleazar at ni Josue na anak ni Nun, at ng mga pinuno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng mga lipi ng mga anak ni Israel bilang pamana, sa pamamagitan ng palabunutan sa Shilo sa harap ng Panginoon sa pintuan ng toldang tipanan. Gayon nila tinapos ang paghahati-hati sa lupain.
Ang mga Lunsod-Kanlungan
20 At(I) ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,
2 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Pumili kayo ng lunsod-kanlungan na aking sinabi sa inyo sa pamamagitan ni Moises,
3 upang matakbuhan ng taong nakamatay nang walang balak o hindi sinasadya at magiging kanlungan ninyo laban sa tagapaghiganti sa dugo.
4 Siya'y tatakas patungo sa isa sa mga lunsod na iyon, at tatayo sa pasukan ng pintuan ng lunsod, at ipapaliwanag ang pangyayari sa pandinig ng matatanda sa lunsod na iyon. Kanilang dadalhin siya sa lunsod at kanilang bibigyan siya ng isang lugar upang siya'y manatiling kasama nila.
5 Kung siya'y habulin ng tagapaghiganti sa dugo, hindi nila ibibigay ang nakamatay sa kanyang kamay sapagkat kanyang napatay ang kanyang kapwa nang hindi sinasadya, at hindi niya kinapootan nang nakaraang panahon.
6 Siya'y mananatili sa lunsod na iyon, hanggang sa siya'y tumayo sa harap ng kapulungan upang hatulan, hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari nang panahong iyon. Kung magkagayo'y uuwi ang nakamatay at babalik sa kanyang sariling bayan, at sa kanyang sariling bahay, sa lunsod na kanyang tinakasan.”
7 Kaya't kanilang ibinukod ang Kedes sa Galilea sa lupaing maburol ng Neftali, at ang Shekem sa lupaing maburol ng Efraim, at ang Kiryat-arba (na siyang Hebron) sa lupaing maburol ng Juda.
8 Sa kabila ng Jordan sa silangan ng Jerico, ay kanyang itinalaga ang Bezer sa ilang sa kapatagan, mula sa lipi ni Ruben, at ang Ramot sa Gilead na mula sa lipi ni Gad, at ang Golan sa Basan na mula sa lipi ni Manases.
9 Ito ang mga itinalagang lunsod sa lahat ng mga anak ni Israel, at sa dayuhang naninirahang kasama nila, na sinumang makamatay ng sinumang tao na hindi sinasadya, ay makakatakas patungo doon upang huwag mapatay ng kamay ng tagapaghiganti sa dugo, hanggang siya'y humarap sa kapulungan.
Ang Bayan ng mga Levita
21 Nang magkagayo'y lumapit ang mga puno ng mga sambahayan ng mga angkan ng mga Levita kay Eleazar na pari, at kay Josue na anak ni Nun at sa mga puno ng mga sambahayan ng mga angkan ng mga lipi ng mga anak ni Israel.
2 At(J) sila'y nagsalita sa kanila sa Shilo, sa lupain ng Canaan, na sinasabi, “Ang Panginoon ay nag-utos sa pamamagitan ni Moises, na bigyan kami ng mga bayang matitirahan, at mga pastulan para sa aming hayop.”
3 Kaya't mula sa kanilang minana ay ibinigay ng mga anak ni Israel sa mga Levita ang mga lunsod na ito pati ang mga pastulan nito, ayon sa utos ng Panginoon.
4 Ang lupaing para sa mga angkan ng mga Kohatita ay nabunot. Kaya't ang mga Levita na anak ng paring si Aaron ay tumanggap sa pamamagitan ng palabunutan mula sa lipi ni Juda, at sa lipi ni Simeon, at sa lipi ni Benjamin ng labintatlong bayan.
5 Ang nalabi sa mga anak ni Kohat ay tumanggap sa pamamagitan ng palabunutan mula sa mga angkan ng lipi ni Efraim, at mula sa lipi ni Dan, at sa kalahating lipi ni Manases ng sampung bayan.
6 At ang mga anak ni Gershon ay tumanggap sa pamamagitan ng palabunutan mula sa mga angkan ng lipi ni Isacar, at sa lipi ni Aser, at sa lipi ni Neftali, at sa kalahating lipi ni Manases sa Basan ng labintatlong bayan.
7 Ang mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan ay tumanggap mula sa lipi ni Ruben, at sa lipi ni Gad, at sa lipi ni Zebulon ng labindalawang lunsod.
8 At ibinigay ng mga anak ni Israel sa mga Levita sa pamamagitan ng palabunutan ang mga lunsod na ito at ang mga pastulan nito, gaya ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
9 Mula sa lipi ng mga anak ni Juda, at sa lipi ng mga anak ni Simeon ay kanilang ibinigay ang mga lunsod na ito na nabanggit sa pangalan,
10 na napabigay sa mga anak ni Aaron, sa mga angkan ng mga Kohatita, na mga anak ni Levi; yamang sa kanila ang unang kapalaran.
11 At ibinigay nila sa kanila ang Kiryat-arba, (si Arba ang ama ni Anak,) na siya ring Hebron, sa lupaing maburol ng Juda, pati ang mga pastulan nito sa palibot.
12 Ngunit ang mga parang ng lunsod, at ang mga pastulan, ay ibinigay nila kay Caleb na anak ni Jefone bilang kanyang pag-aari.
13 At sa mga anak ni Aaron na pari ay ibinigay nila ang Hebron, ang lunsod-kanlungan para sa nakamatay at ang mga nayon nito, at ang Libna pati ang mga pastulan nito;
14 at ang Jatir pati ang mga pastulan nito, at ang Estemoa, pati ang mga pastulan nito;
15 ang Holon pati ang mga pastulan nito, at ang Debir pati ang mga pastulan nito;
16 ang Ain pati ang mga pastulan nito, at ang Juta pati ang mga pastulan nito, at ang Bet-shemes pati ang mga pastulan nito; siyam na lunsod sa dalawang liping iyon.
17 At sa lipi ni Benjamin, ang Gibeon pati ang mga pastulan nito, ang Geba pati ang mga pastulan nito;
18 ang Anatot pati ang mga pastulan nito, at ang Almon pati ang mga pastulan nito; apat na lunsod.
19 Lahat ng mga lunsod ng mga anak ni Aaron na pari ay labintatlong bayan pati ang mga pastulan ng mga iyon.
20 Tinanggap ng mga angkan ng mga anak ni Kohat, na mga Levita, samakatuwid ay ang nalabi sa mga anak ni Kohat, ang mga bayang ibinigay sa kanila ay mula sa lipi ni Efraim.
21 Sa kanila'y ibinigay ang Shekem pati ang mga pastulan sa lupaing maburol ng Efraim, na lunsod-kanlungan para sa nakamatay, at ang Gezer pati ang mga pastulan nito,
22 ang Kibsaim pati ang mga pastulan nito, at ang Bet-horon pati ang mga pastulan nito—apat na bayan.
23 At sa lipi ni Dan, ang Elteke pati ang mga pastulan nito, Gibeton pati ang mga pastulan nito;
24 ang Ailon pati ang mga pastulan nito, ang Gat-rimon pati ang mga pastulan nito—apat na lunsod.
25 At mula sa kalahating lipi ni Manases, ang Taanac pati ang mga pastulan nito; at ang Gat-rimon pati ang mga pastulan nito—dalawang bayan.
26 Lahat ng lunsod sa mga angkan ng nalabi sa mga anak ni Kohat ay sampu pati ang mga pastulan nito.
27 At sa mga anak ni Gershon, isa sa mga angkan ng mga Levita, ay ibinigay ang mula sa kalahating lipi ni Manases, ang Golan sa Basan pati ang mga pastulan nito, ang lunsod-kanlungan para sa nakamatay; at ang Beestera pati ang mga pastulan nito—dalawang lunsod;
28 at mula sa lipi ni Isacar, ang Kishion pati ang mga pastulan nito, ang Daberat pati ang mga pastulan nito;
29 ang Jarmut pati ang mga pastulan nito, ang En-ganim pati ang mga pastulan nito—apat na lunsod,
30 at mula sa lipi ni Aser, ang Mishal pati ang mga pastulan nito, ang Abdon pati ang mga pastulan nito;
31 ang Helcat pati ang mga pastulan nito, ang Rehob pati ang mga pastulan nito—apat na lunsod.
32 At mula sa lipi ni Neftali, ang lunsod-kanlungan na para sa nakamatay, ang Kedes sa Galilea pati ang mga pastulan nito, at ang Hamot-dor pati ang mga pastulan nito, at ang Cartan pati ang mga pastulan nito—tatlong lunsod.
33 Lahat ng lunsod ng mga Gershonita ayon sa kanilang mga angkan ay labintatlong lunsod pati ang mga pastulan ng mga iyon.
34 At para sa mga angkan ng mga anak ni Merari, na nalabi sa mga Levita, sa lipi ni Zebulon, ang Jokneam pati ang mga pastulan nito, at ang Karta pati ang mga pastulan nito,
35 ang Dimna pati ang mga pastulan nito, ang Nahalal pati ang mga pastulan nito—apat na lunsod.
36 Mula naman sa lipi ni Ruben, ang Bezer pati ang mga pastulan nito, at ang Jaza pati ang mga pastulan nito.
37 Ang Kedemot pati ang mga pastulan nito, at ang Mefaat pati ang mga pastulan nito—apat na lunsod.
38 Mula sa lipi ni Gad, ang lunsod-kanlungan para sa nakamatay, ang Ramot sa Gilead pati ang mga pastulan nito, ang Mahanaim pati ang mga pastulan nito;
39 ang Hesbon pati ang mga pastulan nito, at ang Jazer pati ang mga pastulan nito, lahat ay apat na lunsod.
40 Tungkol sa mga lunsod ng ilan sa mga anak ni Merari samakatuwid ay ang nalabi sa mga angkan ng mga Levita, ang ibinigay sa kanila ay labindalawang bayan.
41 Lahat ng lunsod ng mga Levita sa loob ng mga pag-aari ng mga anak ni Israel ay apatnapu't walong bayan pati ang mga pastulan ng mga iyon.
42 Ang mga lunsod na ito ay may kanya-kanyang pastulan sa palibot ng mga iyon, gayundin sa lahat ng mga bayang ito.
43 Kaya't ibinigay ng Panginoon sa Israel ang lahat ng lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa kanilang mga ninuno; at nang kanilang matanggap ay nanirahan sila doon.
44 At binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa bawat panig, gaya ng kanyang ipinangako sa kanilang mga ninuno, wala ni isa sa lahat ng kanilang mga kaaway ay nagtagumpay sa harap nila; ibinigay ng Panginoon ang lahat nilang kaaway sa kanilang kamay.
45 Wala ni isa sa lahat ng mabubuting pangako na ginawa ng Panginoon sa sambahayan ng Israel ang hindi natupad; lahat ay nangyari.
Pinauwi ni Josue ang Lipi mula sa Silangan
22 Pagkatapos ay tinawag ni Josue ang mga Rubenita, mga Gadita, at ang kalahating lipi ni Manases,
2 at(K) sinabi sa kanila, “Inyong iningatan ang lahat na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, at inyong pinakinggan ang aking tinig sa lahat ng aking iniutos sa inyo;
3 hindi ninyo pinabayaan nitong maraming araw ang inyong mga kapatid hanggang sa araw na ito, kundi inyong iningatan ang tagubilin ng Panginoon ninyong Diyos.
4 At ngayo'y binigyan ng Panginoon ninyong Diyos ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, gaya ng ipinangako niya sa kanila. Kaya't ngayo'y bumalik kayo at humayo sa inyong mga tolda sa lupaing kinaroroonan ng inyong ari-arian na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa kabila ng Jordan.
5 Maingat ninyong gawin ang utos at batas na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na ibigin ang Panginoon ninyong Diyos, at lumakad sa lahat niyang mga daan, at ingatan ang kanyang mga utos, manatili at maglingkod sa kanya nang inyong buong puso at kaluluwa.”
6 Kaya't binasbasan sila ni Josue at pinahayo sila at sila'y umuwi sa kanilang mga tolda.
7 Sa kalahating lipi ni Manases ay nagbigay si Moises ng pag-aari sa Basan; ngunit ang kalahating lipi ay binigyan ni Josue ng pag-aari kasama ng kanilang mga kapatid sa kabila ng Jordan sa dakong kanluran. Bukod dito'y, binasbasan sila ni Josue nang kanyang pauwiin sila sa kanilang mga tolda,
8 at sinabi sa kanila, “Kayo'y bumalik sa inyong mga tolda na may maraming kayamanan, maraming hayop, pilak, ginto, tanso, bakal, at maraming kasuotan. Hatiin ninyo sa inyong mga kapatid ang nasamsam mula sa inyong mga kaaway.”
9 Kaya't ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay bumalik at humiwalay sa mga anak ni Israel sa Shilo, na nasa lupain ng Canaan, upang pumunta sa lupain ng Gilead, ang kanilang lupain na kanilang naging pag-aari, ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Ang Dambana sa Tabi ng Jordan
10 Nang sila'y dumating malapit sa lupain ng Jordan, na nasa lupain ng Canaan, ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo roon ng isang napakalaking dambana sa tabi ng Jordan.
11 At narinig ng mga anak ni Israel, na sinabi, “Tingnan ninyo, ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo ng isang dambana sa tapat ng lupain ng Canaan, sa bahaging pag-aari ng mga anak ni Israel sa lupain ng Jordan.”
12 Nang ito ay marinig ng mga anak ni Israel, ang buong kapulungan ay nagtipon sa Shilo upang makipagdigma laban sa kanila.
13 At sinugo ng mga anak ni Israel sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases, sa lupain ng Gilead, si Finehas na anak ng paring si Eleazar.
14 Kasama niya ay sampung pinuno, isang pinuno sa bawat sambahayan ng mga magulang sa bawat isa sa mga lipi ng Israel; at bawat isa sa kanila'y pinuno ng mga sambahayan ng kanilang mga magulang sa mga angkan ng Israel.
15 At sila'y dumating sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases sa lupain ng Gilead, at sinabi nila sa kanila,
16 “Ganito(L) ang sinabi ng buong kapulungan ng Panginoon, ‘Anong kataksilan itong inyong ginawa laban sa Diyos ng Israel sa pagtalikod sa araw na ito mula sa pagsunod sa Panginoon, sa pamamagitan ng inyong pagtatayo ng isang dambana bilang paghihimagsik laban sa Panginoon?
17 Hindi(M) pa ba sapat ang kasalanan sa Peor na kung saan ay hindi pa natin nalilinis ang ating mga sarili, kaya't dumating ang salot sa kapulungan ng Panginoon,
18 upang kayo'y humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon? At kung kayo'y maghihimagsik ngayon laban sa Panginoon ay magagalit siya bukas sa buong kapulungan ng Israel.
19 Gayunman, kung ang inyong lupain ay marumi, dumaan kayo sa lupain ng Panginoon, na kinatatayuan ng tabernakulo ng Panginoon at kumuha kayo ng pag-aari kasama namin; huwag lamang kayong maghihimagsik laban sa Panginoon, o gawin kaming mga manghihimagsik sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang dambana bukod sa dambana ng Panginoon nating Diyos.
20 Hindi(N) ba't si Acan na anak ni Zera ay nagtaksil tungkol sa itinalagang bagay, at ang poot ay bumagsak sa buong kapulungan ng Israel? Ang taong iyon ay namatay na hindi nag-iisa dahil sa kanyang kasamaan.’”
21 Nang magkagayo'y sumagot ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, at nagsalita sa mga pinuno ng mga sambahayan ng Israel.
22 “Ang Makapangyarihan, ang Diyos, ang Panginoon! Ang Makapangyarihan, ang Diyos, ang Panginoon! Nalalaman niya; at hayaang malaman ng Israel! Kung paghihimagsik nga o kataksilan sa Panginoon, huwag mo kaming iligtas sa araw na ito,
23 sa pagtatayo namin ng isang dambana upang humiwalay sa pagsunod sa Panginoon; o kung aming ginawa upang paghandugan ng mga handog na sinusunog o handog na butil o handog pangkapayapaan, ay mismong ang Panginoon ang maghihiganti.
24 Hindi, kundi ginawa namin iyon dahil sa takot na sa darating na panahon ay sasabihin ng inyong mga anak, ‘Anong pakialam ninyo sa Panginoon, sa Diyos ng Israel?
25 Sapagkat ginawang hangganan ng Panginoon ang Jordan sa pagitan namin at ninyo, ninyong mga anak nina Ruben at Gad; kayo'y walang bahagi sa Panginoon.’ Kaya't patitigilin ng inyong mga anak ang aming mga anak sa pagsamba sa Panginoon.
26 Kaya't aming sinabi, ‘Magtayo tayo ngayon ng isang dambana, hindi para sa handog na sinusunog, ni dahil sa alay man,
27 kundi magiging saksi sa pagitan namin at ninyo, at sa pagitan ng ating mga lahi pagkamatay natin, upang aming magawa ang paglilingkod sa Panginoon sa harap niya sa pamamagitan ng aming mga handog na sinusunog, alay, at mga handog pangkapayapaan; baka sabihin ng inyong mga anak sa aming mga anak sa panahong darating, “Kayo'y walang bahagi sa Panginoon.”’
28 At inakala namin, kapag ito ay sinabi sa amin o sa aming mga anak sa panahong darating, ay aming sasabihin, ‘Tingnan ninyo ang anyo ng dambana ng Panginoon na ginawa ng aming mga ninuno, hindi para sa handog na sinusunog, ni sa alay, kundi isang saksi sa pagitan namin at ninyo.’
29 Huwag nawang mangyari sa amin na kami ay maghimagsik laban sa Panginoon, at humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang dambana para sa handog na sinusunog, handog na butil, o alay na hindi sa dambana ng Panginoon nating Diyos na nakatayo sa harap ng kanyang tabernakulo.”
30 Nang marinig ng paring si Finehas, at ng mga pinuno ng kapulungan ng mga puno ng mga angkan ng Israel na kasama niya ang mga sinabi ng mga anak nina Ruben, Gad, at Manases, sila ay nasiyahan.
31 Sinabi ni Finehas na anak ng paring si Eleazar sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa mga anak ni Manases, “Sa araw na ito ay nalalaman namin na ang Panginoon ay kasama natin, sapagkat kayo'y hindi nagkasala ng kataksilang ito laban sa Panginoon. Ngayo'y inyong iniligtas ang mga anak ni Israel mula sa kamay ng Panginoon.”
32 At si Finehas na anak ng paring si Eleazar at ang mga pinuno ay bumalik mula sa mga anak nina Ruben at Gad sa lupain ng Gilead, at nagtungo sa lupain ng Canaan, sa sambayanan ng Israel, at sila ay dinalhan nila ng balita.
33 Ang ulat ay ikinatuwa ng mga anak ni Israel; at pinuri ng mga anak ni Israel ang Diyos at hindi na nagsalita pa ng pakikidigma laban sa kanila, na wasakin ang lupaing tinitirhan ng mga anak ni Ruben at mga anak ni Gad.
34 Ang dambana ay tinawag na Saksi ng mga anak ni Ruben at ng mga anak ni Gad: “Sapagkat,” wika nila, “ito ay saksi sa pagitan natin na ang Panginoon ay Diyos.”
Ang Pamamaalam ni Josue
23 At nangyari, pagkaraan ng maraming araw, nang mabigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang Israel sa lahat nilang mga kaaway sa palibot, at si Josue ay matanda na at puspos na ng mga taon,
2 ay tinawag ni Josue ang buong Israel, ang kanilang matatanda, mga pinuno, mga hukom, at ang kanilang mga tagapamahala, at sinabi sa kanila, “Ako'y matanda na at puspos na ng mga taon.
3 Inyong nakita ang lahat ng ginawa ng Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bansang ito para sa inyo; sapagkat lumaban ang Panginoon ninyong Diyos para sa inyo.
4 Narito, aking itinatakda sa inyo bilang pamana sa inyong mga lipi ang mga bansang nalalabi pati ang mga bansang aking inihiwalay, mula sa Jordan hanggang sa Malaking Dagat sa kanluran.
5 Itataboy sila ng Panginoon ninyong Diyos mula sa harapan ninyo, at palalayasin sila sa inyong paningin, at inyong aangkinin ang kanilang lupain na gaya ng ipinangako ng Panginoon ninyong Diyos sa inyo.
6 Kaya't kayo'y magpakatatag na mabuti at maingat na gawin ang lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, at huwag kayong lumiko sa kanan o sa kaliwa;
7 huwag kayong makihalo sa mga bansang ito na nalalabi sa gitna ninyo; huwag din ninyong banggitin ang mga pangalan ng kanilang mga diyos, ni susumpa sa pamamagitan nila, ni maglilingkod o yuyukod sa mga iyon;
8 kundi humawak kayo sa Panginoon ninyong Diyos na gaya ng inyong ginawa hanggang sa araw na ito.
9 Sapagkat pinalayas ng Panginoon sa harapan ninyo ang malalaki at malalakas na bansa; at tungkol sa inyo, ay walang tao na nakatagal sa harapan ninyo hanggang sa araw na ito.
10 Magagawa(O) ng isa sa inyo na mapatakbo ang isanlibo sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ang nakikipaglaban para sa inyo, gaya ng ipinangako niya sa inyo.
11 Kaya't ingatan ninyo ang inyong sarili, ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos.
12 Sapagkat kapag kayo'y tumalikod at sumanib sa nalabi sa mga bansang ito na naiwan sa gitna ninyo, at kayo'y nagsipag-asawa sa kanilang mga kababaihan, at sila sa inyo,
13 ay alamin ninyong lubos na hindi patuloy na palalayasin ng Panginoon ninyong Diyos ang mga bansang ito sa inyong paningin, kundi sila'y magiging silo at bitag sa inyo, isang panghampas sa inyong tagiliran at mga tinik sa inyong mga mata hanggang sa kayo'y mapuksa dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos.
14 “At ngayon, sa araw na ito ay malapit na akong humayo sa lakad ng buong lupa, at nalalaman ninyo sa inyong mga puso at kaluluwa na walang bagay na nagkulang sa lahat na mga mabuting bagay na ipinangako ng Panginoon ninyong Diyos tungkol sa inyo; lahat ay nangyari sa inyo, wala kahit isang bagay na nagkulang.
15 Kaya't kung paanong ang lahat ng mga mabuting bagay na ipinangako ng Panginoon ninyong Diyos ay nangyari sa inyo, ay gayundin dadalhin ng Panginoon sa inyo ang lahat ng masasamang bagay, hanggang sa kayo'y mapuksa niya dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos.
16 Kapag sinuway ninyo ang tipan ng Panginoon ninyong Diyos na kanyang iniutos sa inyo, at humayo at naglingkod sa ibang mga diyos at yumukod sa mga iyon, ang galit ng Panginoon ay mag-iinit laban sa inyo, at kayo'y kaagad na mapupuksa sa mabuting lupain na kanyang ibinigay sa inyo.”
Nagsalita si Josue sa Bayan sa Shekem
24 Tinipon ni Josue ang lahat ng mga lipi ng Israel sa Shekem, at tinawag ang matatanda ng Israel at ang kanilang mga pinuno, mga hukom, mga tagapamahala; at sila'y humarap sa Diyos.
2 Sinabi(P) ni Josue sa buong bayan, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Ang inyong mga ninuno ay nanirahan nang unang panahon sa kabila ng Ilog, si Terah, na ama ni Abraham at ama ni Nahor, at sila'y naglingkod sa ibang mga diyos.
3 Kinuha(Q) ko ang inyong amang si Abraham mula sa kabila ng Ilog at pinatnubayan ko siya sa buong lupain ng Canaan, at pinarami ko ang kanyang binhi at ibinigay ko sa kanya si Isaac.
4 Kay(R) Isaac ay ibinigay ko sina Jacob at Esau; at ibinigay ko kay Esau ang bundok ng Seir upang angkinin; at si Jacob at ang kanyang mga anak ay lumusong sa Ehipto.
5 Sinugo(S) ko sina Moises at Aaron at sinalot ko ang Ehipto sa pamamagitan ng aking ginawa sa gitna niyon; at pagkatapos ay inilabas ko kayo.
6 At(T) inilabas ko ang inyong mga ninuno sa Ehipto, at kayo'y dumating sa dagat. Hinabol ng mga karwahe at ng mga mangangabayo ng mga Ehipcio ang inyong mga ninuno hanggang sa Dagat na Pula.
7 At nang sila'y tumangis sa Panginoon, nilagyan niya ng kadiliman ang pagitan ninyo at ang mga Ehipcio, at itinabon ang dagat sa kanila at tinakpan sila. Nakita ng inyong mga mata kung ano ang aking ginawa sa Ehipto at kayo'y nanirahan sa ilang nang matagal na panahon.
8 Pagkatapos(U) ay dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo na naninirahan sa kabila ng Jordan, at sila'y nakipaglaban sa inyo. Ibinigay ko sila sa inyong kamay, at inyong inangkin ang kanilang lupain at nilipol ko sila sa harapan ninyo.
9 Nang(V) magkagayo'y tumindig si Balak na anak ni Zipor, na hari ng Moab, at nilabanan ang Israel; at siya'y nagsugo at inanyayahan si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo.
10 Ngunit hindi ko pinakinggan si Balaam; kaya't binasbasan niya kayo. Gayon ko kayo iniligtas sa kanyang kamay.
11 Nang(W) kayo'y tumawid sa Jordan at dumating sa Jerico, ang mga tao sa Jerico ay nakipaglaban sa inyo, gayundin ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Heveo, at ang mga Jebuseo; at ibinigay ko sila sa inyong kamay.
12 Sinugo(X) ko ang malalaking putakti sa unahan ninyo na sa harapan ninyo ay itinaboy ang dalawang hari ng mga Amoreo, iyon ay hindi sa pamamagitan ng inyong tabak, ni ng inyong pana.
13 At(Y) aking binigyan kayo ng lupain na hindi ninyo pinagpaguran at ng mga lunsod na hindi ninyo itinayo, at ang mga iyon ay inyong tinatahanan. Kayo'y kumakain ng bunga ng mga ubasan at olibo na hindi ninyo itinanim.’
14 “Ngayon nga'y matakot kayo sa Panginoon, at paglingkuran ninyo siya sa katapatan at sa katotohanan. Alisin ninyo ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog at sa Ehipto, at inyong paglingkuran ang Panginoon.
15 Ngayon kung ayaw ninyong maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog, o ang mga diyos ng mga Amoreo na ang lupain nila ay inyong tinitirahan; ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon.”
16 At ang taong-bayan ay sumagot, “Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon upang maglingkod sa ibang mga diyos.
17 Sapagkat ang Panginoon nating Diyos ang nagdala sa atin at sa ating mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto, papalabas sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang iyon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinuntahan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan.
18 Itinaboy ng Panginoon sa harapan natin ang lahat ng mga bayan, ang mga Amoreo na naninirahan sa lupain. Dahil dito kami ay maglilingkod din sa Panginoon sapagkat siya'y ating Diyos.”
19 Subalit sinabi ni Josue sa bayan, “Kayo'y hindi makakapaglingkod sa Panginoon sapagkat siya'y isang banal na Diyos; siya'y Diyos na mapanibughuin; hindi niya ipatatawad ang inyong pagsuway ni ang inyong mga kasalanan.
20 Kapag inyong tinalikuran ang Panginoon at naglingkod sa ibang mga diyos, siya ay hihiwalay at kayo ay sasaktan at lilipulin, pagkatapos na kanyang gawan kayo ng mabuti.”
21 At sinabi ng bayan kay Josue, “Hindi; kundi kami ay maglilingkod sa Panginoon.”
22 At sinabi ni Josue sa bayan, “Kayo'y mga saksi laban sa inyong sarili na inyong pinili ang Panginoon upang paglingkuran siya.” At sinabi nila, “Kami ay mga saksi.”
23 Sinabi niya, “Kung gayon ay alisin ninyo ang ibang mga diyos na nasa gitna ninyo at ilapit ninyo ang inyong puso sa Panginoon, na Diyos ng Israel.”
24 At sinabi ng bayan kay Josue, “Ang Panginoon nating Diyos ay aming paglilingkuran, at ang kanyang tinig ay aming susundin.”
25 Kaya't nakipagtipan si Josue sa bayan nang araw na iyon at gumawa ng mga tuntunin at batas para sa kanila sa Shekem.
26 Isinulat ni Josue ang mga salitang ito sa aklat ng kautusan ng Diyos; at siya'y kumuha ng malaking bato, at inilagay sa lilim ng ensina na nasa tabi ng santuwaryo ng Panginoon.
27 Sinabi ni Josue sa buong bayan, “Tingnan ninyo, ang batong ito ay magiging saksi laban sa atin, sapagkat narinig nito ang lahat ng mga salita ng Panginoon na kanyang sinalita sa atin; kaya't ito'y magiging saksi laban sa inyo, kapag itinakuwil ninyo ang inyong Diyos.”
28 Sa gayo'y pinauwi ni Josue ang bayan patungo sa kanilang pamana.
Namatay Sina Josue at Eleazar
29 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Josue na anak ni Nun na lingkod ng Panginoon ay namatay sa gulang na isandaan at sampung taon.
30 Kanilang(Z) inilibing siya sa kanyang sariling pamana sa Timnat-sera, na nasa lupaing maburol ng Efraim sa hilaga ng bundok ng Gaas.
31 At naglingkod ang Israel sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng matatandang naiwang buháy pagkamatay ni Josue at nakaalam ng lahat ng mga ginawa ng Panginoon para sa Israel.
32 Ang(AA) mga buto ni Jose na dinala ng mga anak ni Israel mula sa Ehipto ay inilibing nila sa Shekem, sa bahagi ng lupang binili ni Jacob sa mga anak ni Hamor na ama ni Shekem sa halagang isandaang pirasong salapi; iyon ay naging pamana sa mga anak ni Jose.
33 Namatay si Eleazar na anak ni Aaron at kanilang inilibing siya sa Gibeah, ang bayan ni Finehas na kanyang anak, na ibinigay sa kanya sa lupaing maburol ng Efraim.
Ang Pagsakop sa Bezec, Jerusalem, Hebron, Kiryat-sefer at Iba pa
1 Pagkamatay ni Josue, itinanong ng mga anak ni Israel sa Panginoon na sinasabi, “Sino ang mangunguna sa amin upang labanan ang mga Cananeo?”
2 Sinabi ng Panginoon, “Ang Juda ang mangunguna. Ibinigay ko na ang lupain sa kanyang kamay.”
3 Sinabi ng Juda sa Simeon na kanyang kapatid, “Sumama ka sa akin sa lupaing inilaan sa akin upang ating kalabanin ang mga Cananeo. Ako nama'y sasama sa iyo sa lupaing nakalaan sa iyo.” Kaya't ang Simeon ay sumama sa kanya.
4 At umahon ang Juda at ibinigay ng Panginoon ang mga Cananeo at mga Perezeo sa kanilang kamay. Natalo nila ang sampung libong lalaki sa Bezec.
5 Kanilang natagpuan si Adoni-bezek sa Bezec at siya'y nilabanan nila, at kanilang tinalo ang mga Cananeo at ang mga Perezeo.
6 Ngunit tumakas si Adoni-bezek, kaya't kanilang hinabol siya hanggang sa nahuli, at pinutol nila ang mga hinlalaki sa kanyang kamay at paa.
7 Sinabi ni Adoni-bezek, “Pitumpung hari na pinutulan ng mga hinlalaki sa kamay at paa ang namumulot ng kanilang pagkain sa ilalim ng aking hapag. Kung paano ang aking ginawa ay gayon ako pinaghigantihan ng Diyos.” Dinala nila siya sa Jerusalem, at siya'y namatay roon.
8 At ang mga anak ni Juda ay lumaban sa Jerusalem at sinakop ito. Pinatay nila ito ng talim ng tabak, at sinunog ng apoy ang lunsod.
9 Pagkatapos, ang mga anak ni Juda ay lumusong upang lumaban sa mga Cananeo na naninirahan sa mga lupaing maburol, at sa Negeb, at sa kapatagan.
10 Ang Juda ay lumaban sa mga Cananeo na naninirahan sa Hebron (ang pangalan ng Hebron nang una ay Kiryat-arba); at kanilang tinalo ang Sesai, at ang Ahiman, at ang Talmai.
11 Mula roo'y lumaban sila sa mga taga-Debir. (Ang pangalan nga ng Debir nang una ay Kiryat-sefer.)
12 Sinabi ni Caleb, “Ang sumalakay sa Kiryat-sefer at sumakop doon ay ibibigay ko sa kanya si Acsa na aking anak bilang asawa.”
13 Si Otniel na anak ni Kenaz, nakababatang kapatid ni Caleb, ay siyang sumakop; at ibinigay niya sa kanya si Acsa na kanyang anak bilang asawa.
14 Nang makipisan siya sa kanya, kanyang hinimok siya na humingi sa kanyang ama ng isang bukid; at siya'y bumaba sa kanyang asno, at sinabi ni Caleb sa kanya, “Anong ibig mo?”
15 Sinabi ni Acsa sa kanya, “Bigyan mo ako ng isang kaloob; yamang inilagay mo ako sa lupain ng Negeb, bigyan mo rin ako ng mga bukal ng tubig.” At ibinigay ni Caleb sa kanya ang mga bukal sa itaas, at ang mga bukal sa ibaba.
16 Ang mga anak ni Kineo, na biyenan ni Moises ay umahong kasama ng mga anak ni Juda mula sa lunsod ng mga palma hanggang sa ilang ng Juda na malapit sa Arad; at sila'y naparoon at nanirahang kasama ng mga tao.
17 Ang Juda ay sumama kay Simeon na kanyang kapatid, at kanilang tinalo ang mga Cananeo na nanirahan sa Sefath at lubos na pinuksa ito. Ang pangalan ng bayan ay tinawag na Horma.
18 Sinakop din naman ng Juda ang Gaza pati ang nasasakupan niyon at ang Ascalon pati ang nasasakupan niyon, at ang Ekron pati ang nasasakupan niyon.
19 Ang Panginoon ay sumama sa Juda at kanyang inangkin ang mga lupaing maburol; ngunit hindi niya mapalayas ang mga naninirahan sa kapatagan, dahil sa sila'y may mga karwaheng bakal.
20 Kanilang(AB) ibinigay ang Hebron kay Caleb, gaya nang sinabi ni Moises at kanyang pinalayas doon ang tatlong anak ni Anak.
21 Hindi(AC) pinalayas ng mga anak ni Benjamin ang mga Jebuseo na naninirahan sa Jerusalem; kaya't ang mga Jebuseo ay nanirahang kasama ng mga anak ni Benjamin sa Jerusalem hanggang sa araw na ito.
22 Ang sambahayan ni Jose ay umahon din laban sa Bethel; at ang Panginoon ay kasama nila.
23 Ang sambahayan ni Jose ay nagsugo upang tiktikan ang Bethel. (Ang pangalan nga ng bayan nang una ay Luz.)
24 Nakakita ang mga espiya ng isang lalaki na lumalabas sa lunsod at kanilang sinabi sa kanya, “Ituro mo sa amin ang pasukan sa lunsod at magiging mabuti kami sa iyo.”
25 At itinuro niya sa kanila ang pasukan sa lunsod, at kanilang pinatay ng talim ng tabak ang mga tao sa lunsod ngunit pinaalis ang lalaki at ang kanyang buong sambahayan.
26 Kaya't ang lalaki ay pumasok sa lupain ng mga Heteo, at nagtayo ng isang bayan, at tinawag ang pangalan niyon na Luz: iyon ang pangalan niyon hanggang sa araw na ito.
Ang mga Bayang Hindi pa Nasasakop
27 Hindi(AD) pinalayas ng Manases ang mga naninirahan sa Bet-shan at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Taanac at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Dor at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Ibleam at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Megido at ang mga nayon niyon; kundi ang mga Cananeo ay nanatiling nakatira sa lupaing iyon.
28 Nang lumakas ang Israel, kanilang sapilitang pinagawa ang mga Cananeo, ngunit hindi nila lubos na pinalayas.
29 Hindi(AE) pinalayas ni Efraim ang mga Cananeo na naninirahan sa Gezer; kundi ang mga Cananeo ay nanirahan sa Gezer na kasama nila.
30 Hindi pinalayas ni Zebulon ang mga naninirahan sa Chitron, ni ang mga naninirahan sa Naalol; kundi ang mga Cananeo ay nanirahang kasama nila, at naging saklaw ng sapilitang paggawa.
31 Hindi pinalayas ng Aser ang mga naninirahan sa Aco, ni ang mga naninirahan sa Sidon, ni ang naninirahan sa Alab, ni ang naninirahan sa Aczib, ni ang naninirahan sa Helba, ni ang naninirahan sa Afec, ni ang naninirahan sa Rehob;
32 kundi ang mga Aserita ay nanirahang kasama ng mga Cananeo, na mga naninirahan sa lupaing iyon sapagkat hindi nila pinalayas sila.
33 Hindi pinalayas ng Neftali ang mga naninirahan sa Bet-shemes, ni ang mga naninirahan sa Bet-anat; kundi nanirahang kasama ng mga Cananeo na naninirahan sa lupaing iyon. Gayunman ang mga naninirahan sa Bet-shemes at naninirahan sa Bet-anat ay naging saklaw ng sapilitang paggawa para sa kanila.
34 Pinaurong ng mga Amoreo ang mga anak ni Dan sa mga lupaing maburol sapagkat ayaw nilang payagang sila'y bumaba sa kapatagan.
35 Nagpilit ang mga Amoreo na manirahan sa bundok ng Heres, sa Aijalon, at sa Shaalbim. Gayunman, lalong naging makapangyarihan[a] ang sambahayan ni Jose sa kanila at sila'y inilagay sa sapilitang paggawa.
36 Ang hangganan ng mga Amoreo ay mula sa daang paakyat ng Acrabim, mula sa Sela at paitaas.
Ang Anghel ng Panginoon sa Boquim
2 Umakyat ang anghel ng Panginoon sa Boquim mula sa Gilgal. Kanyang sinabi, “Kayo'y pinaahon ko mula sa Ehipto, at dinala ko kayo sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno. Sinabi kong, ‘Kailanma'y hindi ko sisirain ang aking tipan sa inyo,
2 at(AF) huwag kayong makikipagtipan sa mga naninirahan sa lupaing ito; inyong wawasakin ang kanilang mga dambana.’ Ngunit hindi ninyo dininig ang aking utos. Ano itong ginawa ninyo?
3 Kaya't sinasabi ko ngayon, Hindi ko sila palalayasin sa harap ninyo; kundi sila'y magiging mga kalaban[b] ninyo, at ang kanilang mga diyos ay magiging bitag sa inyo.”
4 Nang sabihin ng anghel ng Panginoon ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel, inilakas ng bayan ang kanilang tinig at umiyak.
5 At kanilang tinawag ang pangalan ng dakong iyon na Boquim; at sila'y nag-alay doon sa Panginoon.
Ang Pagkamatay ni Josue
6 Nang mapaalis na ni Josue ang taong-bayan, pumaroon ang bawat isa sa mga anak ni Israel sa kanyang mana upang angkinin ang lupa.
7 Naglingkod ang bayan sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng matatandang huling namatay kay Josue na nakakita ng mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa Israel.
8 Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ng Panginoon, ay namatay sa gulang na isandaan at sampung taon.
9 Kanilang(AG) inilibing siya sa hangganan ng kanyang mana, sa Timnat-heres, sa maburol na lupain ng Efraim na nasa hilaga ng bundok Gaas.
10 Ang buong lahing iyon ay nalakip din sa kanilang mga magulang. Doon ay may ibang salinlahing bumangon pagkamatay nila na hindi kilala ang Panginoon, ni ang mga bagay na kanyang ginawa para sa Israel.
Naglingkod kay Baal ang Bayan
11 Ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon at naglingkod sa mga Baal.
12 Kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto. Sumunod sila sa ibang mga diyos, sa mga diyos ng mga bayan na nasa palibot nila, at sila'y yumukod sa mga iyon; at kanilang ginalit ang Panginoon.
13 Kanilang tinalikuran ang Panginoon, at naglingkod sa mga Baal at Astarte.
14 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa Israel, at kanyang ibinigay sila sa mga manloloob. Kanyang ipinagbili sila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway sa palibot, anupa't sila'y hindi na makatagal sa kanilang mga kaaway.
15 Saan man sila humayo, ang kamay ng Panginoon ay laban sa kanila sa ikasasama nila, gaya nang ibinabala at isinumpa sa kanila ng Panginoon, sila'y nagipit na mabuti.
16 Kaya't ang Panginoon ay naglagay ng mga hukom na nagligtas sa kanila sa kapangyarihan ng mga nanloob sa kanila.
17 Gayunma'y hindi nila pinakinggan ang kanilang mga hukom, kundi sila'y sumamba sa ibang mga diyos, at kanilang niyukuran ang mga iyon. Hindi nagtagal, sila'y lumihis sa daan na nilakaran ng kanilang mga ninuno na sumunod sa mga utos ng Panginoon; hindi sila sumunod sa kanilang halimbawa.
18 Tuwing maglalagay ng hukom ang Panginoon para sa kanila, ang Panginoon ay kasama ng hukom, at kanyang iniligtas sila sa kamay ng kanilang mga kaaway sa lahat ng mga araw ng hukom, sapagkat naawa ang Panginoon dahil sa kanilang daing, dahil sa mga nagpahirap at nang-api sa kanila.
19 Ngunit pagkamatay ng hukom, sila'y tumalikod at kumilos na mas masama pa kaysa kanilang mga ninuno. Sila'y sumunod sa ibang mga diyos pinaglingkuran at niyuyukuran ang mga ito. Hindi nila inihinto ang alinman sa kanilang mga gawa, ni ang kanilang mga pagmamatigas.
20 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa Israel; at kanyang sinabi, “Sapagkat sinuway ng bayang ito ang aking tipan na aking iniutos sa kanilang mga ninuno, at hindi dininig ang aking tinig.
21 Kaya't hindi ko na palalayasin sa harap nila ang alinman sa mga bansang iniwan ni Josue nang siya'y mamatay;
22 upang sa pamamagitan nila'y aking masubok ang Israel, kung kanilang susundin o hindi ang daan ng Panginoon upang lakaran nila, na gaya ng ginawa ng kanilang mga ninuno.”
23 Kaya't iniwan ng Panginoon ang mga bansang iyon, sila'y hindi niya agad pinalayas, ni ibinigay sila sa kamay ni Josue.
Ang mga Bansang Iniwan ng Panginoon upang Subukin ang Israel
3 Ito ang mga bansang iniwan ng Panginoon upang subukin ang mga Israelita na walang karanasan sa pakikipaglaban sa Canaan;
2 Iyon ay upang malaman ng mga salinlahi ng mga anak ni Israel ang pakikipaglabanan, upang turuan sa pakikipaglaban ang mga hindi nakaranas nito noong una.
3 Ang nabanggit ay ang limang pinuno ng mga Filisteo at ang lahat ng mga Cananeo, mga Sidonio, at mga Heveo na naninirahan sa bundok ng Lebanon, mula sa bundok ng Baal-hermon hanggang sa pasukan ng Hamat.
4 Ang mga ito ay upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, at malaman kung kanilang papakinggan ang mga utos ng Panginoon, na kanyang iniutos sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ni Moises.
5 Kaya't ang mga anak ni Israel ay nanirahang kasama ng mga Cananeo, mga Heteo, mga Amoreo, mga Perezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo.
6 Kinuha nila ang kanilang mga anak na babae upang maging mga asawa nila, at ibinigay ang kanilang sariling mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, at naglingkod sa kanilang mga diyos.
Si Otniel ang Siyang Naging Hukom
7 Ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, at nilimot ang Panginoon nilang Diyos, at naglingkod sa mga Baal at sa mga Ashera.
8 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang ipinagbili sila sa kamay ni Cushan-risataim, na hari sa Mesopotamia; at ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Cushan-risataim ng walong taon.
9 Ngunit nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel, ang Panginoon ay nagbangon ng isang tagapagligtas sa mga anak ni Israel, na siyang nagligtas sa kanila, samakatuwid ay si Otniel na anak ni Kenaz, na nakababatang kapatid ni Caleb.
10 Ang Espiritu ng Panginoon ay sumakanya, at siya'y naging hukom sa Israel. Siya'y lumabas sa pakikipaglaban, at ibinigay ng Panginoon sa kanyang kamay si Cushan-risataim na hari sa Mesopotamia at ang kanyang kamay ay nanaig laban kay Cushan-risataim.
11 Kaya't nagpahinga ang lupain ng apatnapung taon. At si Otniel na anak ni Kenaz ay namatay.
12 Muling gumawa ng masama ang mga anak ni Israel sa paningin ng Panginoon. Pinatatag ng Panginoon si Eglon na hari sa Moab laban sa Israel, sapagkat kanilang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.
13 Kanyang tinipon ang mga anak ni Ammon at ni Amalek at siya'y humayo at tinalo niya ang Israel, at kanilang inangkin ang lunsod ng mga puno ng palma.
14 Ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Eglon na hari ng Moab ng labingwalong taon.
Naging Hukom si Ehud
15 Ngunit nang dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, humirang para sa kanila ang Panginoon ng isang tagapagligtas, si Ehud na anak ni Gera, ang Benjaminita, na isang lalaking kaliwete. At ang mga anak ni Israel ay nagpadala ng buwis sa pamamagitan niya kay Eglon na hari ng Moab.
16 Si Ehud ay gumawa ng isang tabak na may dalawang talim, na may isang siko ang haba; at kanyang ibinigkis sa loob ng kanyang suot, sa kanyang dakong kanang hita.
17 Kanyang inihandog ang buwis kay Eglon na hari ng Moab; at si Eglon ay lalaking napakataba.
18 Pagkatapos makapaghandog ng buwis, pinaalis niya ang mga taong nagdala ng kaloob.
19 Ngunit siya ay bumalik mula sa tibagan ng bato na malapit sa Gilgal, at nagsabi, “Ako'y may isang lihim na mensahe sa iyo, O hari.” At kanyang sinabi, “Tumahimik ka.” At ang lahat ng kanyang tagapaglingkod ay umalis sa kanyang harapan.
20 Si Ehud ay lumapit sa kanya habang siya'y nakaupong mag-isa sa kanyang malamig na silid sa itaas. Sinabi ni Ehud, “Ako'y may dalang mensahe sa iyo na mula sa Diyos.” Siya'y tumindig sa kanyang upuan.
21 At inabot ni Ehud ng kanyang kaliwang kamay ang tabak mula sa kanyang kanang hita, at isinaksak sa tiyan ni Eglon.
22 Pati ang puluhan ay sumuot na kasunod ng talim, at natikom ang taba sa tabak, sapagkat hindi niya binunot ang tabak sa kanyang tiyan; at lumabas ang dumi.
23 Nang magkagayo'y lumabas si Ehud sa pintuan, at pinagsarhan niya ng mga pintuan ang silid sa itaas at ikinandado ang mga ito.
24 Nang makalabas siya ay dumating ang kanyang mga katulong. Kanilang nakita na ang mga pintuan ng silid sa itaas ay nakakandado; at kanilang sinabi, “Maaaring siya ay dumudumi[c] sa malamig na silid.”
25 Sila'y naghintay hanggang sa sila'y mag-alala. Nang hindi pa niya buksan ang mga pintuan ng silid sa itaas, sila'y kumuha ng susi at binuksan ang mga ito. Nakita nilang ang kanilang panginoon ay patay na nakabulagta sa sahig.
26 Tumakas si Ehud samantalang sila'y naghihintay, at siya'y dumaan sa dako roon ng tibagan ng bato at tumakas hanggang sa Seira.
27 Pagdating niya ay kanyang hinipan ang trumpeta sa lupaing maburol ng Efraim, at ang mga anak ni Israel ay lumusong na kasama niya mula sa lupaing maburol, at siya'y nasa unahan nila.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001