Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 12:11-22:18

11 Ganito(A) ang sabi ng Panginoon, ‘Ako'y magpapabangon ng kasamaan laban sa iyo mula sa iyong sariling sambahayan, at kukunin ko ang iyong mga asawa sa harap ng iyong paningin, at aking ibibigay sa iyong kapwa; at kanyang sisipingan ang iyong mga asawa sa liwanag ng araw na ito.

12 Lihim mo itong ginawa, ngunit gagawin ko ang bagay na ito sa harap ng buong Israel, at sa harap ng araw.’”

13 At sinabi ni David kay Natan, “Ako'y nagkasala laban sa Panginoon.” At sinabi ni Natan kay David, “Inalis din ng Panginoon ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay.

14 Gayunman, sapagkat sa pamamagitan ng gawang ito'y binigyan mo ng dahilan ang mga kaaway ng Panginoon, na lumapastangan,[a] ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay mamamatay.”

Namatay ang Anak ni David

15 Pagkatapos, si Natan ay umuwi sa kanyang bahay. Sinaktan ng Panginoon ang bata na ipinanganak ng asawa ni Urias kay David, at ito ay nagkasakit.

16 Kaya't nagmakaawa si David sa Diyos para sa bata; at si David ay nag-ayuno at pumasok at humiga sa lupa buong magdamag.

17 Ang matatanda sa kanyang bahay ay tumatayo sa tabi niya upang itindig siya sa lupa; ngunit ayaw niya, ni hindi siya kumain ng tinapay na kasalo nila.

18 Nang ikapitong araw, ang bata ay namatay. Natakot ang mga lingkod ni David na sabihin sa kanya na ang bata ay patay na; sapagkat kanilang sinabi, “Samantalang ang bata ay buháy pa, tayo ay nakipag-usap sa kanya, at hindi siya nakinig sa atin; kaya't paano natin sasabihin sa kanya na ang bata ay patay na? Baka saktan niya ang kanyang sarili.”

19 Ngunit nang makita ni David na ang kanyang mga lingkod ay nagbubulung-bulungan, nahiwatigan ni David na ang bata ay patay na. Kaya't itinanong ni David sa kanyang mga lingkod, “Patay na ba ang bata?” At kanilang sinabi, “Siya'y patay na.”

20 Nang magkagayo'y bumangon si David sa lupa at naligo, nagbuhos at nagbihis ng kanyang damit; at siya'y pumunta sa bahay ng Panginoon at sumamba. Pagkatapos ay pumunta siya sa kanyang sariling bahay; at nang siya'y humingi, kanilang hinainan siya ng pagkain at siya'y kumain.

21 Sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “Anong bagay ito na iyong ginawa? Ikaw ay nag-ayuno at umiyak dahil sa bata nang siya'y buháy pa; ngunit nang mamatay ang bata, ikaw ay bumangon at kumain ng tinapay.”

22 At kanyang sinabi, “Nang ang bata'y buháy pa, ako'y nag-ayuno at umiyak, sapagkat aking sinabi, ‘Sino ang nakakaalam kung maaawa sa akin ang Panginoon, upang ang bata'y mabuhay?’

23 Ngunit ngayo'y patay na siya; bakit pa ako mag-aayuno? Maibabalik ko pa ba siya? Ako'y pupunta sa kanya, ngunit siya'y hindi babalik sa akin.”

Ipinanganak si Solomon

24 At inaliw ni David si Batseba na kanyang asawa, lumapit siya sa kanya, at sumiping sa kanya. Siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag niya ang kanyang pangalan na Solomon. Minahal siya ng Panginoon;

25 at nagpadala ng mensahe sa pamamagitan ni Natan na propeta; kaya't tinawag niya ang kanyang pangalan na Jedidiah,[b] dahil sa Panginoon.

Nasakop ni David ang Rabba(B)

26 Noon ay nakipaglaban si Joab sa Rabba ng mga Ammonita at sinakop ang pangunahing lunsod.

27 Nagpadala si Joab ng mga sugo kay David, at nagsabi, “Ako'y nakipaglaban sa Rabba, bukod dito, aking sinakop ang lunsod ng tubig.

28 Ngayo'y tipunin mo ang nalabi sa bayan, at humimpil ka laban sa lunsod, at sakupin mo; baka sakupin ko ang lunsod at tawagin ito ayon sa aking pangalan.”

29 Tinipon ni David ang buong bayan at pumunta sa Rabba, at lumaban doon at sinakop ito.

30 Kinuha niya ang korona ng kanilang hari sa kanyang ulo; ang bigat niyon ay isang talentong ginto, at sa mga iyon ay may mahahalagang bato; at ipinutong iyon sa ulo ni David. Siya'y naglabas ng napakaraming samsam sa lunsod.

31 At kanyang inilabas ang mga taong naroon, at pinagawa sa pamamagitan ng mga lagari, mga suyod na bakal, mga palakol na bakal, at sa mga lutuan ng laryo. Gayon ang ginawa niya sa lahat ng mga bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.

Sina Amnon at Tamar

13 Samantala, si Absalom na anak ni David ay mayroong isang kapatid na magandang babae na ang pangalan ay Tamar. At umibig sa kanya si Amnon na anak ni David.

At si Amnon ay lubhang naligalig, kaya't siya'y gumawa ng paraan upang magkasakit dahil sa kanyang kapatid na si Tamar; sapagkat siya'y birhen at inaakala ni Amnon na napakahirap siyang gawan ng anumang bagay.

Ngunit si Amnon ay may isang kaibigan na ang pangala'y Jonadab, na anak ni Shimeah na kapatid ni David. At si Jonadab ay isang taong napakatuso.

Sinabi niya sa kanya, “O anak ng hari, bakit tuwing umaga ay mukhang may sakit ka? Hindi mo ba sasabihin sa akin?” At sinabi ni Amnon sa kanya, “Umiibig ako kay Tamar na kapatid ng kapatid kong si Absalom.”

Sinabi ni Jonadab sa kanya, “Mahiga ka sa iyong higaan at magsakit-sakitan ka. Kapag dumating ang iyong ama upang tingnan ka, sabihin mo sa kanya, ‘Papuntahin mo rito ang aking kapatid na si Tamar at bigyan ako ng tinapay na makakain, at maghanda ng pagkain sa aking harapan na aking nakikita, at kainin iyon mula sa kanyang kamay.’”

Kaya't nahiga si Amnon at nagsakit-sakitan. Nang dumating ang hari upang tingnan siya, sinabi ni Amnon sa hari, “Hinihiling ko sa iyo na papuntahin mo rito ang aking kapatid na si Tamar, at igawa ako ng dalawang maliit na tinapay sa aking harapan upang aking makain mula sa kanyang kamay.”

Nang magkagayo'y ipinasundo ni David si Tamar na sinasabi, “Pumunta ka ngayon sa bahay ng iyong kapatid na si Amnon at ipaghanda mo siya ng pagkain.”

Kaya't pumunta si Tamar sa bahay ng kanyang kapatid na si Amnon na doon ay nakahiga siya. Siya'y kumuha ng isang masa, minasa ito at ginawang mga tinapay sa kanyang harapan, at nilutong mga munting tinapay.

Kinuha niya ang kawali at inalis ang laman sa harap ni Amnon[c] ngunit ayaw niyang kumain. At sinabi ni Amnon, “Palabasin ang lahat ng tao sa harap ko.” Kaya't silang lahat ay lumabas sa harap niya.

10 Sinabi ni Amnon kay Tamar, “Dalhin mo sa silid ang pagkain upang aking kainin mula sa iyong kamay.” At kinuha ni Tamar ang mga tinapay na kanyang ginawa at dinala sa silid kay Amnon na kanyang kapatid.

11 Ngunit nang ilapit niya sa kanya upang kainin, kanyang hinawakan siya, at sinabi niya sa kanya, “Halika, sumiping ka sa akin, kapatid ko.”

12 Sumagot siya, “Huwag, kapatid ko, huwag mo akong pilitin. Sapagkat ang ganyang bagay ay hindi ginagawa sa Israel. Huwag kang gumawa ng ganitong kalokohan.

13 At tungkol sa akin, saan ko dadalhin ang aking hiya? At tungkol sa iyo, ikaw ay magiging gaya ng isa sa mga hangal sa Israel. Ngayon nga, hinihiling ko sa iyo, makipag-usap ka sa hari, sapagkat hindi niya ako ipagkakait sa iyo.”

14 Gayunma'y hindi siya nakinig kay Tamar. Palibhasa'y mas malakas kaysa babae, kanyang pinilit ito na sumiping sa kanya.

15 Pagkatapos ay kinapootan siya nang matindi ni Amnon at ang poot na kanyang ikinapoot sa kanya ay mas matindi kaysa pag-ibig na iniukol niya sa kanya. At sinabi ni Amnon sa kanya, “Bangon, umalis ka na.”

16 Ngunit sinabi niya sa kanya, “Huwag, kapatid ko, sapagkat itong kasamaan sa pagpapaalis mo sa akin ay higit pa kaysa ginawa mo sa akin.” Ngunit ayaw niyang makinig sa kanya.

17 Tinawag niya ang kabataang naglingkod sa kanya at sinabi, “Ilabas mo ang babaing ito at ikandado mo ang pintuan paglabas niya.”

18 Siya'y may suot na mahabang damit na may manggas; sapagkat gayon ang damit na isinusuot ng mga birheng anak na babae ng hari. Kaya't inilabas siya ng kanyang lingkod at ikinandado ang pintuan pagkalabas niya.

19 Naglagay si Tamar ng mga abo sa kanyang ulo, at pinunit ang mahabang damit na suot niya. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa kanyang ulo at umalis na umiiyak nang malakas sa daan.

20 At sinabi sa kanya ni Absalom na kanyang kapatid, “Nakasama mo ba ang kapatid mong si Amnon? Ngayo'y tumahimik ka, kapatid ko. Siya'y iyong kapatid; huwag mong damdamin ang bagay na ito.” Kaya't si Tamar ay nanatili na isang babaing malungkot sa bahay ng kanyang kapatid na si Absalom.

21 Ngunit nang mabalitaan ni Haring David ang lahat ng mga bagay na ito, siya'y galit na galit.

22 Ngunit si Absalom ay hindi nagsalita ng mabuti o masama kay Amnon, sapagkat kinapopootan ni Absalom si Amnon dahil hinalay niya ang kanyang kapatid na si Tamar.

Naghiganti si Absalom

23 Pagkalipas ng dalawang buong taon, si Absalom ay mayroong mga tagagupit ng tupa sa Baal-hazor na malapit sa Efraim at inanyayahan ni Absalom ang lahat ng mga anak na lalaki ng hari.

24 Pumunta si Absalom sa hari, at sinabi niya, “Ang iyong lingkod ay may mga tagagupit ng mga tupa. Hinihiling ko sa iyo na ang hari at ang kanyang mga lingkod ay sumama sa iyong lingkod.”

25 Ngunit sinabi ng hari kay Absalom, “Huwag, anak ko. Huwag mo kaming papuntahing lahat, baka maging pabigat kami sa iyo.” Kanyang pinilit siya, subalit hindi siya sumama, ngunit ibinigay niya ang kanyang basbas.

26 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, “Kung hindi, hinihiling ko sa iyo na pasamahin mo sa amin ang aking kapatid na si Amnon.” At sinabi ng hari sa kanya, “Bakit siya sasama sa iyo?”

27 Ngunit pinilit siya ni Absalom, kaya't kanyang pinasama sa kanya si Amnon at ang lahat ng mga anak ng hari.

28 Iniutos ni Absalom sa kanyang mga lingkod, “Tandaan ninyo ngayon, kapag ang puso ni Amnon ay masaya na dahil sa alak, at kapag sinabi ko sa inyo, ‘Saktan ninyo si Amnon,’ ay patayin nga ninyo siya. Huwag kayong matakot; hindi ba ako ang nag-uutos sa inyo? Kayo'y magpakalakas at magpakatapang.”

29 Ginawa ng mga lingkod ni Absalom kay Amnon kung ano ang iniutos ni Absalom. Nang magkagayo'y tumindig ang lahat ng mga anak ng hari, at sumakay ang bawat lalaki sa kanyang mola at tumakas.

30 Samantalang sila'y nasa daan, may balitang nakarating kay David na sinasabing, “Pinatay ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari, at walang nalabing isa man sa kanila.”

31 Nang magkagayo'y tumindig ang hari at pinunit ang kanyang mga suot, at humiga sa lupa; at ang lahat niyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya ay pinunit ang kanilang mga damit.

32 Ngunit si Jonadab na anak ni Shimeah na kapatid ni David ay sumagot at nagsabi, “Huwag akalain ng aking panginoon na kanilang pinatay ang lahat ng mga binatang anak ng hari, sapagkat si Amnon lamang ang pinatay. Sapagkat sa utos ni Absalom, ito ay itinakda na, mula nang araw na kanyang halayin ang kanyang kapatid na si Tamar.

33 Ngayon nga'y huwag itong damdamin ng aking panginoong hari na akalaing ang lahat ng mga anak ng hari ay patay na; sapagkat si Amnon lamang ang patay.”

Si Absalom ay Tumakas sa Geshur

34 Ngunit si Absalom ay tumakas. Nang ang kabataang nagbabantay ay nagtaas ng kanyang mga mata, at tumingin at nakita niya ang maraming taong dumarating mula sa daang Horonaim sa gilid ng bundok.

35 Sinabi ni Jonadab sa hari, “Ang mga anak ng hari ay dumating na; ayon sa sinabi ng inyong lingkod, ay gayon nga.”

36 Pagkatapos niyang makapagsalita, ang mga anak ng hari ay nagdatingan, at inilakas ang kanilang tinig at umiyak; ang hari at ang lahat niyang mga lingkod ay mapait na umiyak.

37 Ngunit(C) tumakas si Absalom at pumunta kay Talmai na anak ni Amihud na hari ng Geshur. At tinangisan ni David ang kanyang anak na lalaki araw-araw.

38 Kaya't tumakas si Absalom at pumunta sa Geshur at nanirahan doon sa loob ng tatlong taon.

39 Si Haring David ay nanabik na puntahan si Absalom, sapagkat siya'y naaliw na tungkol kay Amnon, yamang siya ay patay na.

Isinaayos ni Joab ang Pagpapabalik kay Absalom

14 Ngayon ay nahalata ni Joab, na anak ni Zeruia, na ang puso ng hari ay nakatuon kay Absalom.

At nagsugo si Joab sa Tekoa, at ipinasundo mula roon ang isang pantas na babae, at sinabi sa kanya, “Ikaw ay magkunwaring isang nagluluksa at magsuot ka ng damit pangluksa. Huwag kang magpahid ng langis, kundi ikaw ay magkunwaring isang babaing nagluluksa nang mahabang panahon dahil sa isang namatay.

Pumunta ka sa hari, at magsalita ka ng gayon sa kanya.” Kaya't inilagay ni Joab ang mga salita sa bibig ng babae.

Nang magsalita ang babaing taga-Tekoa sa hari, siya ay nagpatirapa sa lupa, nagbigay galang, at nagsabi, “Tulungan mo ako, O hari.”

Sinabi ng hari sa kanya, “Anong bumabagabag sa iyo?” At siya'y sumagot, “Sa katotohanan ako'y balo, at ang aking asawa ay patay na.

Ang iyong lingkod ay may dalawang anak at silang dalawa'y nag-away sa parang. Walang umawat sa kanila, at sinaktan ng isa ang isa at napatay ito.

Ang buong angkan ay bumangon laban sa iyong lingkod, at sila'y nagsabi, ‘Ibigay mo ang taong pumatay sa kanyang kapatid, upang siya'y mapatay namin dahil sa buhay ng kanyang kapatid na kanyang pinatay’; sa gayo'y mapapatay din nila ang tagapagmana. Sa gayo'y mapapatay nila ang aking nalalabing baga at walang maiiwan sa aking asawa kahit pangalan o anumang nalabi sa balat ng lupa.”

Sinabi ng hari sa babae, “Umuwi ka sa iyong bahay, at ako'y mag-uutos tungkol sa iyo.”

At sinabi ng babaing taga-Tekoa sa hari, “Panginoon kong hari, ang kasamaan ay maging akin nawa, at sa sambahayan ng aking ama; at ang hari at ang kanyang trono ay mawalan nawa ng sala.”

10 Sinabi ng hari, “Sinumang magsabi sa iyo ng anuman, dalhin mo siya sa akin, at hindi ka na niya gagalawin pa.”

11 Pagkatapos ay sinabi niya, “Hinihiling ko na alalahanin ng hari ang Panginoon mong Diyos, upang ang tagapaghiganti ng dugo ay huwag nang pumatay pa, at upang huwag nang mapuksa ang aking anak.” At kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, wala ni isang buhok ng iyong anak ang mahuhulog sa lupa.”

12 Nang magkagayo'y sinabi ng babae, “Hinihiling kong pahintulutan mo ang iyong lingkod na magsalita ng isang bagay sa aking panginoong hari.” At kanyang sinabi, “Magsalita ka.”

13 At sinabi ng babae, “Bakit ka nagbalak ng gayong bagay laban sa bayan ng Diyos? Sapagkat sa pagbibigay ng ganitong pasiya ay itinuring ng hari na nagkasala ang sarili, yamang hindi ipinababalik ng hari ang kanyang sariling itinapon.

14 Tayong lahat ay kailangang mamatay, tayo'y gaya ng tubig na nabuhos sa lupa, na hindi na muling matitipon, ngunit hindi kukunin ng Diyos ang buhay niya na humahanap ng paraan upang ang itinapon ay huwag mamalaging isang ipinatapon.

15 Ngayon ay pumarito ako upang sabihin ang bagay na ito sa aking panginoong hari, sapagkat tinakot ako ng taong-bayan, at inakala ng iyong lingkod, ‘Ako'y magsasalita sa hari, marahil ay gagawin ng hari ang kahilingan ng kanyang lingkod.

16 Sapagkat papakinggan ng hari at ililigtas ang kanyang lingkod sa kamay ng lalaking magkasamang papatay sa akin at sa aking anak mula sa pamana ng Diyos.’

17 At(D) inakala ng iyong lingkod, ‘Ang salita ng aking panginoong hari ang magpapatiwasay sa akin, sapagkat ang aking panginoong hari ay gaya ng anghel ng Diyos upang makilala ang mabuti at masama. Ang Panginoon mong Diyos ay sumaiyo nawa!’”

18 Nang magkagayo'y sinagot ng hari ang babae, “Huwag mong ikubli sa akin ang anumang itatanong ko sa iyo.” At sinabi ng babae, “Hayaang magsalita ang panginoon kong hari.”

19 Sinabi ng hari, “Kasama mo ba ang kamay ni Joab sa lahat ng bagay na ito?” At sumagot ang babae at nagsabi, “Kung paanong ikaw ay buháy panginoon kong hari, walang makakaliko sa kanan o sa kaliwa sa anumang sinabi ng aking panginoong hari. Ang iyong lingkod na si Joab ang siyang nag-utos sa akin, at siyang naglagay ng lahat ng mga salitang ito sa bibig ng iyong lingkod.

20 Upang baguhin ang takbo ng mga pangyayari, ginawa ng iyong lingkod na si Joab ang bagay na ito. Ngunit ang aking panginoon ay may karunungan gaya ng anghel ng Diyos upang malaman ang lahat ng mga bagay na nasa lupa.”

21 Sinabi ng hari kay Joab, “Ngayon, ipinahihintulot ko ito; humayo ka, ibalik mo rito uli ang binatang si Absalom.”

22 Nagpatirapa si Joab sa lupa, at nagbigay galang. Pinuri ni Joab ang hari at sinabi, “Ngayo'y nalalaman ng iyong lingkod na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, panginoon kong hari, sapagkat ipinagkaloob ng hari ang kahilingan ng kanyang lingkod.”

23 Kaya't tumindig si Joab at pumunta sa Geshur at dinala si Absalom sa Jerusalem.

24 At sinabi ng hari, “Hayaan siyang manirahang bukod sa kanyang sariling bahay, hindi siya dapat lumapit sa aking harapan.” Kaya't nanirahang bukod si Absalom sa kanyang sariling bahay at hindi lumapit sa harapan ng hari.

25 Sa buong Israel nga'y walang hinahangaan sa kanyang kagandahan na gaya ni Absalom. Mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa tuktok ng kanyang ulo, ay walang kapintasan.

26 Kapag ipinapagupit niya ang buhok sa kanyang ulo (sapagkat sa bawat katapusan ng bawat taon siya ay nagpapagupit; kapag mabigat na sa kanya ay kanyang ipinapagupit) kanyang tinitimbang ang buhok ng kanyang ulo, dalawang daang siklo, ayon sa timbangan ng hari.

27 At ipinanganak kay Absalom ang tatlong lalaki, at isang babae na ang pangala'y Tamar; siya'y isang magandang babae.

28 Kaya't si Absalom ay nanirahan ng buong dalawang taon sa Jerusalem na hindi lumalapit sa harapan ng hari.

29 Nang magkagayo'y ipinasugo ni Absalom si Joab, upang suguin siya sa hari ngunit ayaw niyang pumunta.

30 Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alipin, “Tingnan ninyo, ang bukid ni Joab ay malapit sa akin, at siya'y may sebada roon. Humayo kayo at sunugin ninyo iyon.” At sinunog ng mga alipin ni Absalom ang bukid.

31 Nang magkagayo'y bumangon si Joab at pumunta kay Absalom sa kanyang bahay, at sinabi sa kanya, “Bakit sinunog ng iyong mga alipin ang aking bukid?”

32 At sinagot ni Absalom si Joab, “Ako'y nagpasugo sa iyo, ‘Pumarito ka, upang isugo kita sa hari,’ upang itanong, ‘Bakit pa ako umuwi mula sa Geshur? Mas mabuti pang nanatili ako roon.’ Ngayon ay papuntahin mo ako sa harapan ng hari; at kung may pagkakasala sa akin, hayaang patayin niya ako!”

33 Kaya't pumunta si Joab sa hari at sinabi sa kanya; at ipinatawag niya si Absalom. Kaya't humarap siya sa hari at nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari; at hinagkan ng hari si Absalom.

Si Absalom ay Nagsimula ng Paghihimagsik

15 At nangyari pagkatapos nito, naghanda si Absalom ng isang karwahe at mga kabayo, at limampung lalaking tatakbo na nauuna sa kanya.

Nakagawian na ni Absalom na bumangong maaga at tumayo sa tabi ng daan sa pintuang-bayan. Kapag ang isang tao ay may dalang usapin upang idulog sa hari para hatulan, tatawagin siya ni Absalom, at sasabihin, “Taga-saang bayan ka?” At kapag kanyang sinabi, “Ang iyong lingkod ay mula sa ganito o sa ganoong lipi ng Israel,”

ay sasabihin ni Absalom sa kanya, “Tingnan mo, ang iyong usapin ay mabuti at matuwid; ngunit walang itinalaga ang hari upang pakinggan ka.”

Bukod dito ay sinabi ni Absalom, “O naging hukom sana ako sa lupain! Kung gayon, ang bawat taong may usapin o ipinaglalaban ay lalapit sa akin at siya'y aking bibigyan ng katarungan.”

At tuwing may taong lalapit upang magbigay-galang sa kanya, kanyang iniuunat ang kanyang kamay at hinahawakan siya, at hinahagkan.

Gayon ang ginawa ni Absalom sa buong Israel na lumalapit sa hari upang hatulan; sa gayon naagaw ni Absalom ang puso ng mga tao ng Israel.

At nangyari sa katapusan ng apat[d] na taon, sinabi ni Absalom sa hari, “Hinihiling ko sa iyo na hayaan mo akong umalis at tuparin ko ang aking panata sa Panginoon, sa Hebron.

Sapagkat ang iyong lingkod ay gumawa ng isang panata samantalang ako'y naninirahan sa Geshur sa Aram,[e] na sinasabi, ‘Kung tunay na dadalhin akong muli ng Panginoon sa Jerusalem ay sasamba ako sa Panginoon.’”

Sinabi ng hari sa kanya, “Humayo kang payapa.” Kaya't tumindig siya at pumunta sa Hebron.

10 Ngunit si Absalom ay nagsugo ng mga espiya sa lahat ng mga lipi ng Israel, na sinasabi, “Pagkarinig ninyo ng tunog ng trumpeta ay inyo ngang sasabihin, ‘Si Absalom ay hari sa Hebron!’”

11 Sumama kay Absalom ang dalawandaang lalaki na mga inanyayahang panauhin mula sa Jerusalem at sila'y pumaroong walang kamalay-malay, at walang nalalamang anuman.

12 Samantalang si Absalom ay naghahandog, ipinasugo niya si Ahitofel na Gilonita na tagapayo ni David mula sa kanyang bayang Gilo. Ang pagsasabwatan ay lumakas at ang mga taong kasama ni Absalom ay patuloy na dumarami.

Tumakas si David mula sa Jerusalem

13 Dumating ang isang sugo kay David, na nagsasabi, “Ang mga puso ng mga Israelita ay nasa panig na ni Absalom.”

14 At sinabi ni David sa lahat ng kanyang mga lingkod na kasama niya sa Jerusalem, “Humanda kayo, at tayo'y tumakas sapagkat kung hindi ay hindi tayo makakatakas kay Absalom. Magmadali kayo, baka madali niya tayong abutan at bagsakan tayo ng masama, at sugatan ang lunsod ng talim ng tabak.”

15 At sinabi ng mga lingkod ng hari sa hari, “Ang iyong mga lingkod ay handang gawin ang anumang ipasiya ng aming panginoong hari.”

16 Kaya't umalis ang hari at ang buong sambahayan niya ay sumunod sa kanya. At nag-iwan ang hari ng sampung asawang-lingkod upang pangalagaan ang bahay.

17 Humayo ang hari at ang taong-bayan na kasunod niya, at sila'y huminto sa huling bahay.

18 Lahat niyang mga lingkod ay dumaan sa harapan niya; at ang lahat ng mga Kereteo, mga Peleteo, mga Geteo, at ang animnaraang lalaking sumunod sa kanya mula sa Gat ay dumaan sa harapan ng hari.

19 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Itai na Geteo, “Bakit pati ikaw ay sumasama sa amin? Bumalik ka at manatili kang kasama ng hari; sapagkat ikaw ay dayuhan at ipinatapon mula sa iyong tahanan.

20 Kahapon ka lamang dumating, at ngayon ay gagawin ba kitang lagalag na kasama namin, samantalang hindi ko alam kung saan pupunta? Bumalik ka, at ibalik mo ang iyong mga kapatid; at nawa'y pagpakitaan ka ng Panginoon ng tapat na pag-ibig at katapatan.”

21 Ngunit sumagot si Itai sa hari, “Habang buháy ang Panginoon at buháy ang aking panginoong hari, saanman naroroon ang aking panginoong hari, maging sa kamatayan o sa buhay, ay doroon din ang iyong lingkod.”

22 At sinabi ni David kay Itai, “Kung gayon ay humayo ka at magpatuloy.” At si Itai na Geteo ay nagpatuloy, pati ang lahat niyang mga tauhan, at ang lahat ng mga batang kasama niya.

23 At ang buong lupain ay umiyak nang malakas habang ang buong bayan ay dumaraan, at ang hari ay tumawid sa batis ng Cedron, at ang buong bayan ay tumawid sa daan patungo sa ilang.

Si Zadok, Abiatar, at si Husai ay Pinabalik

24 Dumating si Abiatar, pati si Zadok at ang lahat na Levitang kasama niya na dala ang kaban ng tipan ng Diyos. Kanilang inilapag ang kaban ng Diyos hanggang sa ang buong bayan ay makalabas sa lunsod.

25 Sinabi ng hari kay Zadok, “Ibalik mo ang kaban ng Diyos sa lunsod. Kapag ako'y nakatagpo ng biyaya sa mga mata ng Panginoon, ibabalik niya ako at ipapakita sa akin ang kaban at gayundin ang kanyang tahanan.

26 Ngunit kung sabihin niyang ganito, ‘Hindi kita kinalulugdan;’ ako'y naririto, gawin niya sa akin ang inaakala niyang mabuti.”

27 Sinabi rin ng hari kay Zadok na pari, “Nakikita mo ba? Bumalik kang payapa sa lunsod, kasama ang iyong dalawang anak, si Ahimaaz na iyong anak at si Jonathan na anak ni Abiatar.

28 Tingnan mo, ako'y maghihintay sa mga tawiran sa ilang hanggang sa may dumating na salita na mula sa inyo upang ipabatid sa akin.”

29 Kaya't dinala muli nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem ang kaban ng Diyos at sila'y nanatili roon.

30 Ngunit umahon si David sa ahunan sa Bundok ng mga Olibo, na umiiyak habang siya'y umaahon. Ang kanyang ulo ay may takip at lumalakad siya na walang suot ang paa; at ang buong bayan na kasama niya ay may takip ang ulo, at sila'y umahon at umiiyak habang umaahon.

31 At ibinalita kay David, “Si Ahitofel ay isa sa mga kasabwat na kasama ni Absalom.” Sinabi ni David, “O Panginoon, hinihiling ko sa iyo, gawin mong kahangalan ang payo ni Ahitofel.”

32 Nang si David ay makarating sa tuktok na doon ay sinasamba ang Diyos, si Husai na Arkita ay sumalubong sa kanya na ang damit ay punit at may lupa sa kanyang ulo.

33 Sinabi ni David sa kanya, “Kapag ikaw ay nagpatuloy na kasama ko, ikaw ay magiging pasanin ko.

34 Ngunit kung ikaw ay babalik sa lunsod, at sasabihin mo kay Absalom, ‘Ako'y magiging iyong lingkod, O hari. Kung paanong ako'y naging lingkod ng iyong ama nang panahong nakaraan ay gayon magiging lingkod mo ako ngayon;’ kung magkagayo'y iyong mapapawalang-saysay para sa akin ang payo ni Ahitofel.

35 At hindi ba kasama mo roon si Zadok at si Abiatar na mga pari? Kaya't anumang marinig mo sa sambahayan ng hari, iyong sabihin kay Zadok at kay Abiatar na mga pari.

36 Kasama nila roon ang kanilang dalawang anak, si Ahimaaz na anak ni Zadok, at si Jonathan na anak ni Abiatar. Sa pamamagitan nila ay inyong ipadadala sa akin ang bawat bagay na inyong maririnig.”

37 Kaya't si Husai na kaibigan ni David ay dumating sa lunsod; samantalang si Absalom ay pumapasok sa Jerusalem.

Sina David at Ziba

16 Nang(E) si David ay makalampas ng kaunti sa tuktok, sinalubong siya ni Ziba na lingkod ni Mefiboset na may isang pares na magkatuwang na asno na may pasang dalawandaang tinapay, isandaang kumpol na pasas, isandaang prutas sa tag-araw, at alak sa isang sisidlang balat.

Sinabi ng hari kay Ziba, “Bakit ka nagdala ng mga ito?” Sumagot si Ziba, “Ang mga asno ay upang sakyan ng sambahayan ng hari; ang tinapay at ang prutas sa tag-araw ay upang makain ng mga kabataan, at ang alak ay upang mainom ng napapagod sa ilang.”

Sinabi(F) ng hari, “Nasaan ang anak ng iyong panginoon?” At sinabi ni Ziba sa hari, “Siya'y nakatira sa Jerusalem; sapagkat kanyang sinabi, ‘Ngayo'y ibabalik sa akin ng sambahayan ng Israel ang kaharian ng aking ama.’”

Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Ziba, “Narito, ang lahat ng pag-aari ni Mefiboset ay sa iyo na ngayon.” At sinabi ni Ziba, “Ako'y yumuyukod; makatagpo nawa ako ng biyaya sa paningin mo, panginoon kong hari.”

Sina David at Shimei

Nang dumating si Haring David sa Bahurim, may lumabas na isang lalaki mula sa angkan ng sambahayan ni Saul, na ang pangala'y Shimei, na anak ni Gera. Habang siya'y lumalabas, siya'y patuloy na nagmumura.

Kanyang pinagbabato si Haring David at ang lahat ng kanyang mga lingkod. Ang buong bayan, at ang lahat ng mga mandirigma ay nasa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.

Ganito ang sinasabi ni Shimei habang siya'y nagmumura, “Lumayas ka, lumayas ka, ikaw na mamamatay-tao, ikaw na taong walang kabuluhan!

Ipinaghiganti sa iyo ng Panginoon ang lahat ng dugo ng sambahayan ni Saul na siya mong pinalitan sa pagiging hari. At ibinigay ng Panginoon ang kaharian sa kamay ni Absalom na iyong anak. Tingnan mo, dinatnan ka ng pagkawasak sapagkat ikaw ay mamamatay-tao.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai na anak ni Zeruia sa hari, “Bakit lalaitin nitong asong patay ang aking panginoong hari? Patawirin mo ako, at pupugutin ko ang kanyang ulo.”

10 Subalit sinabi ng hari, “Anong pakialam ko sa inyo, kayong mga anak ni Zeruia? Kung siya'y nanlalait sapagkat sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Laitin mo si David,’ sino nga ang magsasabi, ‘Bakit ka gumawa ng ganyan?’”

11 At sinabi ni David kay Abisai at sa lahat niyang mga lingkod, “Ang aking buhay ay tinutugis ng sarili kong anak; gaano pa nga kaya ang Benjaminitang ito? Bayaan ninyo siya, hayaan ninyo siyang manlait sapagkat inutusan siya ng Panginoon.

12 Marahil ay titingnan ng Panginoon ang aking paghihirap, at gagantihan ako ng mabuti ng Panginoon sa panlalait sa akin sa araw na ito.”

13 Kaya't nagpatuloy ng paglakad si David at ang kanyang mga tauhan, samantalang si Shimei ay humayo sa tagiliran ng bundok sa tapat niya. Habang humahayo, kanyang nilalait, binabato at sinasabuyan ng alabok si David.

14 At ang hari at ang mga taong kasama niya ay pagod na dumating at nagpahinga siya roon.

Si Absalom sa Jerusalem

15 Samantala, si Absalom at ang buong bayan ng Israel ay dumating sa Jerusalem, at si Ahitofel ay kasama niya.

16 Nang si Husai na Arkita, na kaibigan ni David, ay dumating kay Absalom, sinabi ni Husai kay Absalom, “Mabuhay ang hari, mabuhay ang hari.”

17 Sinabi ni Absalom kay Husai, “Ito ba ang katapatan mo sa iyong kaibigan? Bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?”

18 Sinabi ni Husai kay Absalom, “Hindi, kundi kung sinong piliin ng Panginoon, ng bayang ito, at ng lahat ng lalaki sa Israel, sa kanya ako sasama, at sa kanya ako mananatili.

19 At saka, kanino ako maglilingkod? Hindi ba sa kanyang anak? Kung paanong ako'y naglingkod sa iyong ama, ay maglilingkod ako sa iyo.”

20 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom kay Ahitofel, “Ibigay ninyo ang inyong payo, ano ang ating gagawin?”

21 At sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Sipingan mo ang mga asawang-lingkod ng iyong ama na kanyang iniwan upang pangalagaan ang bahay. Mababalitaan ng buong Israel na pinasama mo ang iyong sarili sa iyong ama. Kung magkagayo'y lalakas ang mga kamay ng lahat ng kasama mo.”

22 Kaya't(G) ipinagtayo nila si Absalom ng isang tolda sa bubungan ng bahay; at sinipingan ni Absalom ang mga asawang-lingkod ng kanyang ama sa paningin ng buong Israel.

23 Nang mga araw na iyon, ang payong ibinibigay ni Ahitofel ay para na ring ang isang tao ay sumangguni sa salita ng Diyos. Kaya't lahat ng payo ni Ahitofel ay pinapahalagahan, maging ni David o ni Absalom.

Iniligaw ni Husai si Absalom

17 Bukod dito'y sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Papiliin mo ako ng labindalawang libong lalaki, at ako'y titindig at aking hahabulin si David sa gabing ito.

Ako'y darating sa kanya samantalang siya'y pagod at nanlulupaypay, at akin siyang tatakutin; at ang lahat ng taong kasama niya ay tatakas. Ang hari lamang ang aking sasaktan;

at ibabalik ko sa iyo ang buong bayan gaya ng isang babaing ikakasal na pauwi sa kanyang asawa. Ang iyong tinutugis ay buhay ng isang tao lamang, at ang buong bayan ay mapapayapa.”

Ang payo ay nagustuhan ni Absalom at ng lahat ng matatanda sa Israel.

Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, “Tawagin mo rin si Husai na Arkita, at pakinggan natin ang kanyang masasabi.”

Nang dumating si Husai kay Absalom, sinabi ni Absalom sa kanya, “Ganito ang sinabi ni Ahitofel; atin bang gagawin ang kanyang sinabi? Kung hindi, magsalita ka.”

At sinabi ni Husai kay Absalom, “Sa pagkakataong ito, ang payong ibinigay ni Ahitofel ay hindi mabuti.”

Bukod dito'y sinabi ni Husai, “Nalalaman mo na ang iyong ama at ang kanyang mga tauhan ay mga mandirigma at sila'y mababagsik na gaya ng isang oso na ninakawan ng kanyang mga anak sa parang. Bukod dito, ang iyong ama ay lalaking bihasa sa digmaan, hindi niya gugugulin ang gabi na kasama ng bayan.

Siya'y nagkukubli ngayon sa isa sa mga hukay, o sa ibang lugar. Kapag ang ilan sa kanila ay nabuwal sa unang pagsalakay, sinumang makarinig roon ay magsasabi, ‘May patayan sa mga taong sumusunod kay Absalom.’

10 Kung gayon, maging ang matapang, na ang puso ay gaya ng puso ng leon, ay lubos na matutunaw sa takot; sapagkat nalalaman ng buong Israel na ang iyong ama ay isang mandirigma at ang mga tauhang kasama niya ay magigiting na mandirigma.

11 Ngunit aking ipinapayo na ang buong Israel ay matipon sa iyo, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na gaya ng buhangin na nasa tabi ng dagat ang dami; at ikaw ay pumaroon sa labanan.

12 Sa gayo'y darating tayo sa kanya sa ibang dako na katatagpuan natin sa kanya, at tayo'y babagsak sa kanya na gaya ng hamog na bumabagsak sa lupa. Sa kanya at sa lahat ng mga tauhang kasama niya ay walang maiiwan kahit isa.

13 Kung siya'y umurong sa isang lunsod, ang buong Israel ay magdadala ng mga lubid sa lunsod na iyon, at ating babatakin iyon sa libis, hanggang sa walang matagpuan doon kahit isang maliit na bato.”

14 At si Absalom at ang lahat na lalaki sa Israel ay nagsabi, “Ang payo ni Husai na Arkita ay higit na mabuti kaysa payo ni Ahitofel.” Sapagkat ipinasiya ng Panginoon na madaig ang mabuting payo ni Ahitofel, upang madalhan ng Panginoon ng kasamaan si Absalom.

15 Nang magkagayo'y sinabi ni Husai kay Zadok at kay Abiatar na mga pari, “Ganoon at ganito ang ipinayo ni Ahitofel kay Absalom at sa mga matanda sa Israel; ganoon at ganito naman ang aking ipinayo.

Binalaan si David na Tumakas

16 Ngayon magsugo kayo agad at sabihin kay David, ‘Huwag kang tumigil sa gabing ito sa mga tawiran sa ilang, kundi sa anumang paraan ay tumawid ka; kung hindi ang hari at ang buong bayang kasama niya ay mauubos.’”

17 Si Jonathan at si Ahimaaz ay naghihintay sa En-rogel. Isang alilang babae ang laging pumupunta at nagsasabi sa kanila, at sila'y pumupunta at nagsasabi kay Haring David; sapagkat hindi sila dapat makitang pumapasok sa lunsod.

18 Ngunit nakita sila ng isang batang lalaki at nagsabi kay Absalom; kaya't sila'y kapwa mabilis na umalis at sila'y dumating sa bahay ng isang lalaki sa Bahurim, na may isang balon sa kanyang looban; at sila'y lumusong doon.

19 Ang babae ay kumuha ng isang panakip at inilatag sa bunganga ng balon, at kinalatan ng mga trigo ang ibabaw nito; at walang nakaalam nito.

20 Nang ang mga lingkod ni Absalom ay dumating sa babae na nasa bahay ay kanilang sinabi, “Saan naroon sina Ahimaaz at Jonathan?” At sinabi ng babae sa kanila, “Sila'y tumawid sa batis ng tubig.” Nang sila'y maghanap at hindi nila matagpuan, bumalik na sila sa Jerusalem.

21 Pagkatapos na sila'y makaalis, ang mga lalaki ay umahon sa balon, humayo at nagbalita kay Haring David. Sinabi nila kay David, “Tumindig kayo, at tumawid agad sa tubig, sapagkat ganoon at ganito ang ipinayo ni Ahitofel laban sa inyo.”

22 Kaya't tumindig si David at ang lahat ng taong kasama niya, at sila'y tumawid sa Jordan. Sa pagbubukang-liwayway ay walang naiwan kahit isa sa kanila na hindi nakatawid sa Jordan.

23 Nang makita ni Ahitofel na ang kanyang payo ay hindi sinunod, kanyang inihanda ang kanyang asno at umuwi sa kanyang sariling lunsod. Inayos niya ang kanyang bahay at nagbigti. Siya'y namatay at inilibing sa libingan ng kanyang ama.

24 Pagkatapos ay pumaroon si David sa Mahanaim. At si Absalom ay tumawid sa Jordan kasama ang lahat ng lalaki ng Israel.

25 Inilagay ni Absalom si Amasa sa hukbo sa halip na si Joab. Si Amasa ay anak ng isang lalaki na ang pangalan ay Itra, na Israelita, na napakasal kay Abigal na anak na babae ni Nahas, na kapatid ni Zeruia, na ina ni Joab.

26 At ang Israel at si Absalom ay humimpil sa lupain ng Gilead.

27 Nang dumating si David sa Mahanaim, si Sobi na anak ni Nahas na taga-Rabba sa mga anak ni Ammon, si Makir na anak ni Amiel na taga-Lodebar, at si Barzilai na Gileadita na taga-Rogelim,

28 ay nagdala ng mga higaan, mga palanggana, mga sisidlang yari sa luwad, trigo, sebada, harina, butil na sinangag, mga patani, at pagkaing sinangag,

29 pulot-pukyutan, mantekilya, mga tupa, at keso ng baka para kay David at sa mga taong kasama niya upang kainin; sapagkat kanilang sinabi, “Ang mga tao ay gutom, pagod, at uhaw sa ilang.”

Si Absalom ay Natalo at Pinatay

18 Pagkatapos ay tinipon ni David ang mga tauhang kasama niya, at naglagay sa kanila ng mga pinuno sa mga libu-libo at pinuno ng mga daan-daan.

Pinahayo ni David ang hukbo, ang isang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Joab, at ang isa pang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Abisai na anak ni Zeruia, na kapatid ni Joab, at ang isa pang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Itai na Geteo. At sinabi ng hari sa hukbo, “Ako man ay lalabas ding kasama ninyo.”

Ngunit sinabi ng mga tao, “Hindi ka dapat lumabas, sapagkat kung kami man ay tumakas, hindi nila kami papansinin. Kung ang kalahati sa amin ay mamatay, hindi nila kami papansinin. Ngunit ang katumbas mo ay sampung libo sa amin; kaya't mas mabuti na ikaw ay magpadala ng tulong sa amin mula sa lunsod.”

Sinabi ng hari sa kanila, “Kung ano ang inaakala ninyong mabuti ay aking gagawin.” At ang hari ay tumayo sa tabi ng pintuang-bayan, samantalang ang buong hukbo ay lumabas na daan-daan at libu-libo.

At ang hari ay nag-utos kina Joab, Abisai, at Itai, “Pakitunguhan ninyong may kaawaan ang kabataang si Absalom, alang-alang sa akin.” At narinig ng buong bayan nang nagbilin ang hari sa lahat ng punong-kawal tungkol kay Absalom.

Kaya't lumabas ang hukbo sa kaparangan laban sa Israel; at ang labanan ay naganap sa gubat ng Efraim.

Ang hukbo ng Israel ay natalo doon ng mga lingkod ni David, at nagkaroon ng malaking patayan doon sa araw na iyon na may dalawampung libong katao.

Ang labanan ay kumalat sa ibabaw ng buong lupain; at ang gubat ay lumamon ng mas maraming tao sa araw na iyon kaysa sa tabak.

Nakasagupa ni Absalom ang mga lingkod ni David. Si Absalom ay nakasakay sa kanyang mola, at ang mola ay nagdaan sa ilalim ng mayabong na mga sanga ng isang malaking ensina. Ang kanyang ulo ay nasabit sa ensina, at siya'y naiwang nakabitin sa pagitan ng langit at lupa, samantalang ang molang nasa ilalim niya ay nagpatuloy.

10 Nakita siya ng isang lalaki at sinabi kay Joab, “Tingnan ninyo, nakita ko si Absalom na nakabitin sa isang ensina.”

11 Sinabi ni Joab sa lalaking nagsabi sa kanya, “Ano, nakita mo siya! Bakit hindi mo siya agad pinatay doon? Matutuwa sana akong bigyan ka ng sampung pirasong pilak at isang pamigkis.”

12 Ngunit sinabi ng lalaki kay Joab, “Kahit maramdaman ko sa aking kamay ang bigat ng isang libong pirasong pilak, hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa anak ng hari; sapagkat sa aming pandinig ay ibinilin ng hari sa iyo, kay Abisai, at kay Itai, ‘Alang-alang sa akin ay ingatan ninyo ang kabataang si Absalom.’

13 Sa ibang paraan, kung ako'y gumawa ng pagtataksil laban sa kanyang buhay (at walang bagay na maikukubli sa hari), ikaw man sa iyong sarili ay hindi mananagot.”

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Joab, “Hindi ako magsasayang ng panahon na gaya nito sa iyo.” At siya'y kumuha ng tatlong palaso sa kanyang kamay at itinusok sa puso ni Absalom, samantalang siya'y buháy pa sa gitna ng ensina.

15 Sampung kabataang lalaki na tagadala ng sandata ni Joab ang pumalibot kay Absalom at kanilang pinatay siya.

16 Hinipan ni Joab ang trumpeta at ang hukbo ay bumalik mula sa pagtugis sa Israel; sapagkat pinigil sila ni Joab.

17 Kanilang kinuha si Absalom at kanilang inihagis siya sa isang malaking hukay sa gubat, at tinabunan siya ng isang malaking bunton ng bato. At ang buong Israel ay tumakas, bawat isa sa kanyang tolda.

18 Si Absalom noong nabubuhay pa ay kumuha at nagtayo para sa kanyang sarili ng haligi na nasa libis ng hari, sapagkat kanyang sinabi, “Wala akong anak na lalaki na mag-iingat ng alaala ng aking pangalan,” at kanyang tinawag ang haligi ayon sa kanyang sariling pangalan at ito ay tinawag na bantayog ni Absalom hanggang sa araw na ito.

Ibinalita kay David ang Pagkamatay ni Absalom

19 Sinabi ni Ahimaaz na anak ni Zadok, “Patakbuhin mo ako ngayon upang magdala ng balita sa hari na iniligtas siya ng Panginoon sa kamay ng kanyang mga kaaway.”

20 At sinabi ni Joab sa kanya, “Hindi ka magdadala ng balita sa araw na ito; magdadala ka ng balita sa ibang araw. Ngunit sa araw na ito ay hindi ka magdadala ng balita, sapagkat ang anak ng hari ay patay na.”

21 Nang magkagayo'y sinabi ni Joab sa Cusita, “Humayo ka, sabihin mo sa hari kung ano ang iyong nakita.” At ang Cusita ay yumukod kay Joab at tumakbo.

22 Sinabing muli ni Ahimaaz na anak ni Zadok kay Joab, “Anuman ang mangyari, hayaan mong tumakbo rin akong kasunod ng Cusita.” At sinabi ni Joab, “Bakit ka tatakbo, anak ko, gayong wala kang makukuhang gantimpala para sa balita?”

23 “Kahit anong mangyari, ako ay tatakbo,” ang sabi niya. Kaya't sinabi niya sa kanya, “Tumakbo ka.” Nang magkagayo'y tumakbo si Ahimaaz sa daan ng kapatagan, at naunahan ang Cusita.

24 Noon si David ay nakaupo sa pagitan ng dalawang pintuang-bayan; at ang bantay ay umakyat sa bubong ng pintuang-bayan sa may pader, at nang tumanaw siya sa malayo, nakita niya ang isang lalaking tumatakbong nag-iisa.

25 Sumigaw ang bantay at sinabi sa hari. At sinabi ng hari, “Kung siya'y nag-iisa, may balita sa kanyang bibig.” At siya'y nagpatuloy at lumapit.

26 At ang bantay ay nakakita ng isa pang lalaki na tumatakbo at tinawag ng bantay ang bantay-pinto, at sinabi, “Tingnan ninyo, may isa pang lalaking tumatakbong nag-iisa.” At sinabi ng hari, “Siya'y may dala ring balita.”

27 Sinabi ng bantay, “Sa palagay ko'y ang takbo ng nauuna ay gaya ng takbo ni Ahimaaz na anak ni Zadok.” At sinabi ng hari, “Siya'y mabuting tao at dumarating na may dalang mabuting balita.”

28 Tumawag si Ahimaaz sa hari, “Lahat ay mabuti.” At siya'y nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari, at nagsabi, “Purihin ang Panginoon mong Diyos na nagbigay ng mga lalaking nagtaas ng kanilang kamay laban sa aking panginoong hari.”

29 At sinabi ng hari, “Ligtas ba ang kabataang si Absalom?” Sumagot si Ahimaaz, “Nang ako'y suguin ni Joab na iyong lingkod, ako'y nakakita ng isang malaking kaguluhan, ngunit hindi ko alam kung ano iyon.”

30 Sinabi ng hari, “Tumabi ka at tumayo ka doon.” Siya nga'y tumabi at tumayong tahimik.

31 At ang Cusita ay dumating; at sinabi ng Cusita, “Mabuting balita para sa aking panginoong hari! Sapagkat iniligtas ka ng Panginoon sa araw na ito mula sa kamay ng lahat ng naghimagsik laban sa iyo.”

32 Sinabi ng hari sa Cusita, “Ligtas ba ang kabataang si Absalom?” At sumagot ang Cusita, “Ang mga kaaway ng aking panginoong hari, at ang lahat ng naghimagsik laban sa iyo upang gawan ka ng masama ay maging gaya nawa ng kabataang iyon.”

33 [f] Nabagbag ang damdamin ng hari at umakyat siya sa silid na nasa ibabaw ng pintuang-bayan, at umiyak. Habang siya'y humahayo ay sinasabi niya, “O anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Ako na sana ang namatay sa halip na ikaw, O Absalom, anak ko, anak ko!”

Pinagsabihan ni Joab si David

19 Sinabi kay Joab, “Ang hari ay tumatangis at nagluluksa para kay Absalom.”

Kaya't ang tagumpay[g] sa araw na iyon ay naging pagluluksa para sa buong bayan, sapagkat narinig ng bayan nang araw na iyon, “Ang hari ay nagdadalamhati dahil sa kanyang anak.”

Ang taong-bayan ay patagong pumasok sa lunsod nang araw na iyon gaya ng pagpasok ng bayang napapahiya kapag sila'y tumatakas sa labanan.

Tinakpan ng hari ang kanyang mukha at siya ay sumigaw ng malakas. “O anak kong Absalom, O Absalom, anak ko, anak ko!”

Pumasok si Joab sa bahay, lumapit sa hari at nagsabi, “Tinakpan mo ng kahihiyan ang mga mukha ng lahat ng iyong lingkod na sa araw na ito ay nagligtas ng iyong buhay at ng mga buhay ng iyong mga anak na lalaki at babae, at ng mga buhay ng iyong mga asawa, at ng mga buhay ng iyong mga asawang-lingkod,

sapagkat iniibig mo ang mga napopoot sa iyo at kinapopootan mo ang mga umiibig sa iyo. Ipinahayag mo sa araw na ito na ang mga pinuno at mga lingkod ay walang kabuluhan sa iyo. Sa araw na ito ay aking napag-alaman na kung si Absalom ay buháy at kaming lahat ay namatay ngayon, ikaw ay masisiyahan.

Ngayon nga'y bumangon ka, lumabas ka, at magsalita na may kagandahang-loob sa iyong mga lingkod. Sapagkat isinusumpa ko sa pangalan ng Panginoon, na kung ikaw ay hindi lalabas, wala ni isang taong maiiwan sa iyo sa gabing ito; at ito'y magiging masahol sa iyo kaysa lahat ng kasamaang sumapit sa iyo mula nang iyong kabataan hanggang ngayon.”

Nang magkagayo'y tumindig ang hari at naupo sa pintuang-bayan. At sinabi sa buong bayan, “Tingnan ninyo, ang hari ay nakaupo sa pintuang-bayan;” at ang buong bayan ay pumaroon sa harap ng hari. Samantala, ang lahat ng Israelita ay umalis patungo sa kanya-kanyang tolda.

Ang lahat ng mga tao ay nagtalu-talo sa buong lipi ng Israel, na sinasabi, “Iniligtas tayo ng hari sa kamay ng ating mga kaaway; at iniligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo; at ngayo'y tumakas siya papalabas sa lupain mula kay Absalom.

10 Subalit si Absalom na ating hinirang[h] upang maghari sa atin ay namatay sa labanan. Ngayon nga'y bakit hindi kayo nagsasalita ng tungkol sa pagpapabalik sa hari?”

Nagpasimulang Bumalik si David sa Jerusalem

11 Nagpadala ng mensahe si Haring David kay Zadok at kay Abiatar na mga pari, na sinasabi, “Sabihin ninyo sa matatanda ng Juda, ‘Bakit kayo ang dapat maging huli sa pagpapabalik sa hari sa kanyang bahay, gayong ang pananalita ng buong Israel ay dumating na sa hari?

12 Kayo'y aking mga kapatid, kayo'y aking buto at aking laman, bakit kayo ang dapat maging huli sa pagpapabalik sa hari?’

13 Sabihin ninyo kay Amasa, ‘Hindi ba ikaw ay aking buto at laman? Gawin ng Diyos sa akin, at higit pa, kung ikaw ay hindi maging pinuno ng aking hukbo mula ngayon bilang kapalit ni Joab.’”

14 Nahikayat ni Amasa[i] ang puso ng lahat ng mga lalaki ng Juda na parang isang tao; kaya't sila'y nagpasabi sa hari, “Bumalik ka, ikaw at ang lahat mong mga lingkod.”

15 Kaya't bumalik ang hari sa Jordan; at ang Juda ay dumating sa Gilgal upang salubungin ang hari at upang itawid ang hari sa Jordan.

16 Si(H) Shimei na anak ni Gera, na Benjaminita, na taga-Bahurim ay nagmadali upang lumusong na kasama ang mga lalaki ng Juda at salubungin si Haring David.

17 Kasama niya ang may isanlibong lalaki ng Benjamin. At si Ziba na lingkod sa sambahayan ni Saul, at ang kanyang labinlimang anak at dalawampung lingkod ay tumawid sa Jordan sa harapan ng hari.

18 Sila'y tumawid sa tawiran upang itawid ang sambahayan ng hari, at gawin ang kanyang inaakalang mabuti. At si Shimei na anak ni Gera ay nagpatirapa sa harap ng hari nang siya'y malapit nang tumawid sa Jordan.

Nagpakita ng Kabutihan si David kay Shimei

19 At sinabi niya sa hari, “Huwag nawa akong ituring ng panginoon na nagkasala o alalahanin man ang ginawang kamalian ng iyong lingkod nang araw na ang aking panginoong hari ay umalis sa Jerusalem. Huwag nawang isipin iyon ng hari.

20 Sapagkat nalalaman ng iyong lingkod na ako'y nagkasala; kaya't ako'y naparito sa araw na ito, ang una sa lahat ng sambahayan ni Jose na lumusong upang salubungin ang aking panginoong hari.”

21 Si Abisai na anak ni Zeruia ay sumagot, “Hindi ba dapat patayin si Shimei dahil dito, sapagkat kanyang nilait ang hinirang[j] ng Panginoon?”

22 Ngunit sinabi ni David, “Ano ang pakialam ko sa inyo, mga anak ni Zeruia, na kayo'y magiging mga kaaway ko sa araw na ito? Mayroon bang papatayin sa araw na ito sa Israel? Sapagkat hindi ko ba nalalaman na ako'y hari sa Israel sa araw na ito?”

23 Sinabi ng hari kay Shimei, “Ikaw ay hindi mamamatay.” At ang hari ay sumumpa sa kanya.

Nagpakita ng Kabutihan si David kay Mefiboset

24 Si(I) Mefiboset na anak ni Saul ay lumusong upang salubungin ang hari. Hindi siya naghugas ng kanyang mga paa, o inahitan man ang kanyang balbas, o nilabhan man ang kanyang mga damit, mula nang araw na ang hari ay umalis hanggang sa araw na siya'y umuwing ligtas sa bahay.

25 Nang siya'y dumating mula sa Jerusalem upang salubungin ang hari, sinabi ng hari sa kanya, “Bakit hindi ka humayong kasama ko, Mefiboset?”

26 At siya'y sumagot, “Panginoon ko, O hari, dinaya ako ng aking lingkod; sapagkat sinabi ng iyong lingkod, ‘Ako'y ipaghanda ng isang asno, upang aking masakyan at humayong kasama ng hari;’ sapagkat ang iyong lingkod ay pilay.

27 Kanyang siniraang-puri ang iyong lingkod sa aking panginoong hari. Ngunit ang panginoon kong hari ay gaya ng isang anghel ng Diyos; kaya't gawin mo kung ano ang minamabuti mo.

28 Sapagkat lahat ng sambahayan ng aking ama ay mga taong patungo sa kamatayan sa harapan ng panginoon kong hari: gayunma'y inilagay mo ang iyong lingkod na kasama ng mga kumakain sa iyong hapag. Kung gayon, ano pang karapatan mayroon ako upang makiusap sa hari?”

29 At sinabi ng hari sa kanya, “Huwag ka nang magsalita pa. Aking naipasiya na. Ikaw at si Ziba ay maghahati sa lupa.”

30 Sinabi ni Mefiboset sa hari, “Hayaan mo nang kunin niyang lahat, yamang ang aking panginoong hari ay nakauwing ligtas sa kanyang sariling bahay.”

Nagpakita ng Kabutihan si David kay Barzilai

31 At(J) si Barzilai na Gileadita ay lumusong mula sa Rogelim. Siya'y tumawid sa Jordan na kasama ng hari, upang ihatid siya sa kabila ng Jordan.

32 Si Barzilai ay lalaking napakatanda na, walumpung taong gulang. Binigyan niya ng pagkain ang hari samantalang siya'y nasa Mahanaim; sapagkat siya'y isang napakayamang tao.

33 At sinabi ng hari kay Barzilai, “Tumawid kang kasama ko, at aking pakakainin kang kasama ko sa Jerusalem.”

34 Ngunit sinabi ni Barzilai sa hari, “Gaano na lamang ang mga taon na aking ikabubuhay, na ako'y aahon pa sa Jerusalem na kasama ng hari?

35 Ako'y walumpung taon na sa araw na ito, malalaman ko pa ba kung ano ang mabuti? Malalasahan pa ba ng iyong lingkod ang kanyang kinakain at iniinom? Maririnig ko pa ba ang tinig ng mang-aawit na lalaki at babae? Bakit pa magiging dagdag na pasan ang iyong lingkod sa aking panginoong hari?

36 Ang iyong lingkod ay hahayo lamang ng kaunti sa kabila ng Jordan na kasama ng hari. Bakit gagantihan ako ng hari ng ganyang gantimpala?

37 Hinihiling ko sa iyo na pabalikin mo ang iyong lingkod, upang ako'y mamatay sa aking sariling bayan, malapit sa libingan ng aking ama at ng aking ina. Ngunit narito ang iyong lingkod na Chimham; hayaan siyang tumawid na kasama ng aking panginoong hari; at gawin mo sa kanya kung ano ang inaakala mong mabuti.”

38 Sumagot ang hari, “Si Chimham ay tatawid na kasama ko, at gagawin ko sa kanya ang inaakala mong mabuti; at lahat ng iyong nais sa akin ay aking gagawin alang-alang sa iyo.”

39 At ang buong bayan ay tumawid sa Jordan, at ang hari ay tumawid. At hinagkan ng hari si Barzilai, at binasbasan siya; at siya'y umuwi sa kanyang sariling tahanan.

40 Ang hari ay nagtungo sa Gilgal at si Chimham ay nagtungong kasama niya. Inihatid ang hari ng buong bayan ng Juda at ng kalahati ng bayan ng Israel.

41 Lahat ng kalalakihan ng Israel ay pumunta sa hari, at sinabi sa hari, “Bakit ka ninakaw ng aming mga kapatid na mga lalaki ng Juda, at itinawid ang hari at ang kanyang sambahayan sa Jordan, at ang lahat ng tauhan ni David na kasama niya?”

42 Lahat ng mamamayan ng Juda ay sumagot sa mga mamamayan ng Israel, “Sapagkat ang hari ay malapit naming kamag-anak. Bakit kayo nagagalit dahil sa bagay na ito? Mayroon ba kaming kinain na ginastusan ng hari? O binigyan ba niya kami ng anumang kaloob?”

43 Ngunit sinagot ng mga mamamayan ng Israel ang mga mamamayan ng Juda, “Kami ay may sampung bahagi sa hari, at kay David ay mayroon kaming higit kaysa inyo. Bakit ninyo kami hinahamak? Hindi ba kami ang unang nagsalita tungkol sa pagpapabalik sa aming hari?” Ngunit ang mga salita ng mga mamamayan ng Juda ay higit na mababagsik kaysa mga salita ng mga mamamayan ng Israel.

Ang Paghihimagsik ni Seba

20 Nagkataon(K) na roon ay may isang masamang tao na ang pangala'y Seba, na anak ni Bicri, na Benjaminita. Kanyang hinipan ang trumpeta, at nagsabi, “Kami ay walang bahagi kay David, o anumang pamana sa anak ni Jesse; bawat tao ay sa kanyang mga tolda, O Israel!”

Kaya't iniwan si David ng lahat ng mga lalaki ng Israel at sumunod kay Seba na anak ni Bicri. Ngunit ang mga anak ni Juda ay matatag na sumunod sa kanilang hari, mula sa Jordan hanggang sa Jerusalem.

At(L) dumating si David sa kanyang bahay sa Jerusalem. Kinuha ng hari ang kanyang sampung asawang-lingkod na siyang iniwan niya upang pangalagaan ang bahay, at inilagay sila sa isang bahay na may bantay. Hinandaan sila ng pagkain ngunit hindi siya sumiping sa kanila. Sa gayo'y nasarhan sila hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, na nabubuhay na parang mga balo.

Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Amasa, “Tipunin mo sa akin ang mga lalaki ng Juda sa loob ng tatlong araw, at humarap ka rito.”

Kaya't humayo si Amasa upang tipunin ang Juda; ngunit siya'y naantala nang higit kaysa panahong itinakda sa kanya.

Sinabi ni David kay Abisai, “Si Seba na anak ni Bicri ay gagawa ng higit na masama kaysa ginawa ni Absalom. Kunin mo ngayon ang mga lingkod ng iyong panginoon at habulin ninyo siya, baka siya'y makakuha ng mga may pader na lunsod at makatakas sa ating paningin.”

At lumabas na kasama ni Abisai sina Joab, ang mga Kereteo, mga Peleteo, at ang lahat ng mga mandirigma. Sila'y lumabas sa Jerusalem upang habulin si Seba na anak ni Bicri.

Nang sila'y nasa malaking bato na nasa Gibeon, si Amasa ay dumating upang salubungin sila. Si Joab ay may kasuotang pandigma, at sa ibabaw niyon ay ang pamigkis na may tabak sa kanyang kaluban na nakatali sa kanyang mga balakang. Samantalang siya'y lumalabas ito ay nahulog.

At sinabi ni Joab kay Amasa, “Kumusta ka, kapatid ko?” At hinawakan ni Joab sa balbas si Amasa ng kanyang kanang kamay upang hagkan siya.

10 Ngunit hindi napansin ni Amasa ang tabak na nasa kamay ni Joab. Itinarak ito ni Joab sa katawan ni Amasa at lumuwa ang bituka nito sa lupa at ito ay namatay. Ito ay hindi na niya inulit pa. At hinabol nina Joab at Abisai na kanyang kapatid si Seba na anak ni Bicri.

11 Isa sa mga tauhan ni Joab ay pumanig kay Amasa, at nagsabi, “Sinumang panig kay Joab, at sinumang para kay David, ay sumunod kay Joab.”

12 Samantala, si Amasa ay nakahandusay sa gitna ng lansangan na naliligo sa sariling dugo. At sinumang magdaan at makakita sa kanya ay humihinto. Nang makita ng lalaki na ang lahat ng tao ay huminto, dinala niya si Amasa mula sa lansangan hanggang sa parang, at tinakpan siya ng isang kasuotan.

13 Nang siya'y maialis sa lansangan, ang buong bayan ay sumunod kay Joab upang habulin si Seba na anak ni Bicri.

14 Si Seba ay dumaan sa lahat ng mga lipi ng Israel, sa Abel, hanggang sa Bet-maaca. At ang lahat na Berita ay nagtipun-tipon at sumunod sa kanya.

15 Lahat ng taong kasama ni Joab ay dumating at kinubkob siya sa Abel ng Bet-maaca. Naglagay sila ng isang bunton laban sa lunsod, at ito ay tumayo laban sa kuta; at kanilang binundol ang kuta upang ito ay maibuwal.

16 At sumigaw ang isang matalinong babae mula sa lunsod, “Makinig kayo! Makinig kayo! Sabihin ninyo kay Joab, ‘Pumarito ka upang ako'y makapagsalita sa iyo.’”

17 Siya'y lumapit sa kanya at sinabi ng babae, “Ikaw ba'y si Joab?” Siya'y sumagot, “Ako nga.” At sinabi niya sa kanya, “Pakinggan mo ang mga salita ng iyong lingkod.” At siya'y sumagot, “Aking pinapakinggan.”

18 At sinabi niya, “Sinasabi nang unang panahon, ‘Humingi sila ng payo kay Abel; sa gayo'y tinapos nila ang usapin.’

19 Ako'y isa roon sa mga tahimik at tapat sa Israel. Sinisikap mong gibain ang isang lunsod na isang ina sa Israel. Bakit mo lulunukin ang pamana ng Panginoon?”

20 Si Joab ay sumagot, “Malayo nawa sa akin, malayo nawa na aking lunukin o gibain.

21 Hindi iyon totoo. Subalit isang lalaki sa lupaing maburol ng Efraim, na tinatawag na Seba na anak ni Bicri, ang nagtaas ng kanyang kamay laban sa Haring David. Ibigay mo lamang siya sa akin at ako'y aalis sa lunsod.” At sinabi ng babae kay Joab, “Ang kanyang ulo ay ihahagis ko sa iyo sa kabila ng kuta.”

22 At ang babae ay lumapit sa mga tao na dala ang kanyang matalinong panukala. Kanilang pinugot ang ulo ni Seba na anak ni Bicri at inihagis papalabas kay Joab. Kanyang hinipan ang trumpeta at sila'y kumalat mula sa lunsod, bawat tao ay sa kanyang tolda. At si Joab ay bumalik sa Jerusalem sa hari.

23 Ngayo'y si Joab ang namumuno sa buong hukbo ng Israel; si Benaya na anak ni Jehoiada ang namumuno sa mga Kereteo at sa mga Peleteo;

24 si Adoram ang namumuno sa sapilitang paggawa; si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagasulat;

25 si Seva ay kalihim; sina Zadok at Abiatar ay mga pari;

26 at si Ira na taga-Jair ay pari rin ni David.

Pinatay ang mga Anak ni Saul

21 Samantala, nagkaroon ng taggutom sa mga araw ni David, taun-taon sa loob ng tatlong taon; at nag-usisa si David sa Panginoon. At sinabi ng Panginoon, “May pagkakasala kay Saul at sa kanyang sambahayan, sapagkat kanyang ipinapatay ang mga Gibeonita.”

Kaya't(M) tinawag ng hari ang mga Gibeonita. Ang mga Gibeonita ay hindi mga anak ni Israel, kundi mula sa nalabi sa mga Amoreo. Bagaman ang mga anak ni Israel ay sumumpang iligtas sila, pinagsikapan ni Saul na patayin sila dahil sa kanyang sigasig para sa bayan ng Israel at Juda.

At sinabi ni David sa mga Gibeonita, “Ano ang gagawin ko para sa inyo? At paano ko matutubos, upang inyong mabasbasan ang pamana ng Panginoon?”

Sinabi ng mga Gibeonita sa kanya, “Hindi tungkol sa pilak o ginto ang namamagitan sa amin at kay Saul, o sa kanyang sambahayan. Hindi rin para sa amin na patayin ang sinumang tao sa Israel.” At kanyang sinabi, “Anumang sabihin ninyo ay aking gagawin sa inyo!”

Kanilang sinabi sa hari, “Ang lalaking pumuksa sa amin at nagpanukalang lipulin kami, upang huwag kaming magkaroon ng lugar sa buong nasasakupan ng Israel,

ay ibigay sa amin ang pito sa kanyang mga anak, upang aming ibitin sila sa harapan ng Panginoon sa Gibeon sa bundok ng Panginoon.” At sinabi ng hari, “Ibibigay ko sila.”

Ngunit(N) iniligtas ng hari si Mefiboset na anak ni Jonathan, na anak ni Saul, dahil sa panata ng Panginoon na namamagitan sa kanila, kina David at Jonathan na anak ni Saul.

Kinuha(O) ng hari ang dalawang anak ni Rispa, na anak ni Aya, na kanyang ipinanganak kay Saul, sina Armoni at Mefiboset at ang limang anak ni Mical na anak na babae ni Saul na kanyang ipinanganak kay Adriel na anak ni Barzilai, na Meholatita;

at kanyang ibinigay sila sa mga kamay ng mga Gibeonita at kanilang ibinitin sila sa bundok sa harapan ng Panginoon, at magkakasamang namatay ang pito. Sila'y pinatay sa mga unang mga araw ng pag-aani, sa pasimula ng pag-aani ng sebada.

10 Kumuha si Rispa na anak ni Aya ng isang magaspang na tela, at inilatag para sa kanyang sarili sa ibabaw ng bato, mula sa pasimula ng pag-aani hanggang sa ang ulan ay bumuhos mula sa langit. Hindi niya hinayaan ang mga ibon sa himpapawid na dumapo kapag araw o ang mga hayop sa parang kapag gabi.

11 Nang sabihin kay David ang ginawa ni Rispa na anak ni Aya, na babae ni Saul,

12 humayo(P) si David at kinuha ang mga buto nina Saul at Jonathan na kanyang anak sa mga lalaki ng Jabes-gilead, na siyang nagnanakaw ng mga iyon sa liwasang-bayan ng Bet-shan, sa lugar na pinagbitinan sa kanila ng mga Filisteo, nang araw na patayin ng mga Filisteo si Saul sa Gilboa.

13 Kanyang kinuha mula roon ang mga buto nina Saul at Jonathan na kanyang anak; at kanilang tinipon ang mga buto ng mga ibinitin.

14 Kanilang ibinaon ang mga buto nina Saul at Jonathan na kanyang anak sa lupain ng Benjamin sa Zela, sa libingan ni Kish na kanyang ama; at kanilang tinupad ang lahat na iniutos ng hari. Pagkatapos, ang Diyos ay tumugon sa dalangin para sa lupain.

Mga Pakikidigma Laban sa mga Filisteo

15 Ang mga Filisteo ay muling nakipagdigma sa Israel; at si David ay lumusong kasama ang kanyang mga lingkod at sila'y lumaban sa mga Filisteo; at si David ay napagod.

16 At si Isbibenob, na isa sa mga anak ng higante na ang bigat ng kanyang sibat ay tatlongdaang siklong tanso, na may bigkis ng bagong tabak ay nagpanukalang patayin si David.

17 Ngunit(Q) sinaklolohan siya ni Abisai na anak ni Zeruia, at sinalakay ang Filisteo at pinatay siya. Nang magkagayo'y sumumpa sa kanya ang mga tauhan ni David, “Hindi ka na lalabas pang kasama namin sa labanan, baka mo patayin ang tanglaw ng Israel.”

18 Pagkatapos nito, muling nagkaroon ng pakikipaglaban sa mga Filisteo sa Gob; nang magkagayo'y pinatay ni Shibecai na Husatita si Saf, na isa sa mga anak ng higante.

19 Muling nagkaroon ng pakikipaglaban sa mga Filisteo sa Gob; at pinatay ni Elhanan na anak ni Jaareoregim, na taga-Bethlehem, si Goliat na Geteo, na ang puluhan ng kanyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi.

20 At muling nagkaroon ng labanan sa Gat, na roo'y may isang lalaking napakatangkad, na sa bawat kamay ay may anim na daliri, at sa bawat paa'y may anim na daliri, na dalawampu't apat ang bilang. Siya man ay mula sa mga higante.

21 Nang kanyang tuyain ang Israel, pinatay siya ni Jonathan na anak ni Shimei, na kapatid ni David.

22 Ang apat na ito ay buhat sa lahi ng higante sa Gat; at sila'y nabuwal sa pamamagitan ng kamay ni David, at ng kamay ng kanyang mga lingkod.

Awit ng Pagtatagumpay ni David(R)

22 At binigkas ni David sa Panginoon ang mga salita ng awit na ito nang araw na iligtas siya ng Panginoon mula sa kamay ng lahat ng kanyang mga kaaway, at sa kamay ni Saul.

At kanyang sinabi,

“Ang Panginoon ang aking malaking bato, ang aking tanggulan, at tagapagligtas ko,
    ang aking Diyos, ang aking malaking bato, na sa kanya'y nanganganlong ako,
ang aking kalasag, at sungay ng aking kaligtasan,
    ang aking matayog na muog at aking kanlungan.
    Tagapagligtas ko, ikaw ang nagliligtas sa akin mula sa karahasan.
Ako'y tatawag sa Panginoon na siyang karapat-dapat papurihan,
    at ako'y inililigtas sa aking mga kaaway.

“Sapagkat pumalibot sa akin ang mga alon ng kamatayan,
    dumaluhong sa akin ang mga agos ng kapahamakan,
ang mga panali ng Sheol ay nagkabuhul-buhol sa akin,
    ang mga silo ng kamatayan ay humarap sa akin.

“Tumawag ako sa Panginoon sa aking kagipitan,
    sa aking Diyos ako'y nanawagan.
Mula sa kanyang templo ay narinig niya ang aking tinig,
    at ang aking daing ay umabot sa kanyang mga pandinig.

“Nang magkagayo'y ang lupa'y umuga at nayanig,
    ang mga saligan ng mga langit ay nanginig
    at nilindol, sapagkat siya'y nagalit.
Ang usok ay pumaitaas mula sa kanyang ilong,
    at mula sa kanyang bibig ay ang apoy na lumalamon;
    nag-aalab na mga baga mula sa kanya ay umapoy.
10 Kanyang pinayukod ang langit, at bumaba;
    makakapal na kadiliman ang nasa ilalim ng kanyang mga paa.
11 Siya'y sumakay sa isang kerubin at lumipad;
    siya'y nakita sa mga pakpak ng hangin.
12 Ang kadilimang nasa paligid niya ay ginawa niyang kanyang lambong,
    makakapal na ulap, tubig na nagtipun-tipon.
13 Mula sa kaningningan sa kanyang harapan,
    mga bagang apoy ay nag-alab.
14 Ang Panginoon ay kumulog mula sa langit,
    at ang Kataas-taasan ay bumigkas ng kanyang tinig.
15 At siya'y nagpakawala ng mga palaso, at pinapangalat sila;
    kumidlat, at pinuksa sila.
16 Kaya't ang mga daluyan sa dagat ay lumitaw,
    nalantad ang mga saligan ng sanlibutan,
dahil sa saway ng Panginoon,
    sa hihip ng hininga ng kanyang ilong.

17 “Siya'y bumaba mula sa itaas, ako'y kanyang sinagip,
    iniahon niya ako mula sa maraming tubig.
18 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
    mula sa mga napopoot sa akin;
    sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001