Bible in 90 Days
Muling Nagpakita ang Diyos kay Solomon(A)
11 Sa gayon tinapos ni Solomon ang bahay ng Panginoon at ang bahay ng hari. Lahat ng pinanukalang gawin ni Solomon sa bahay ng Panginoon at sa kanyang sariling bahay ay matagumpay niyang nagawa.
12 Pagkatapos ang Panginoon ay nagpakita kay Solomon sa gabi, at sinabi sa kanya, “Narinig ko ang iyong dalangin, at pinili ko ang dakong ito para sa aking sarili bilang bahay ng pag-aalay.
13 Kapag aking isinara ang langit upang huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang upang lamunin ang lupain, o kung ako'y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan;
14 at kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at manalangin, at hanapin ako[a] at tumalikod sa kanilang masasamang lakad; akin silang papakinggan mula sa langit, at patatawarin ko ang kanilang kasalanan at pagagalingin ang kanilang lupain.
15 Ngayon ang aking mga mata ay mabubuksan, at ang aking mga tainga ay makikinig sa panalangin na ginagawa sa dakong ito.
16 Sapagkat ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito upang ang aking pangalan ay manatili roon magpakailanman; ang aking mga mata at ang aking puso ay mananatili roon sa lahat ng panahon.
17 Tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harapan ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga tuntunin at ang aking mga batas,
18 aking(B) patatatagin ang trono ng iyong kaharian, gaya ng aking ipinakipagtipan kay David na iyong ama, na sinasabi, ‘Hindi ka magkukulang ng lalaki na mamumuno sa Israel.’
19 “Ngunit kung kayo[b] ay humiwalay at talikuran ninyo ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harapan ninyo, at humayo at maglingkod sa ibang mga diyos at sambahin sila,
20 aking bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan ay itataboy ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan at isang bukambibig sa lahat ng mga bayan.
21 Sa bahay na ito na dakila, bawat magdaraan ay magtataka at magsasabi, ‘Bakit ganito ang ginawa ng Panginoon sa lupaing ito at sa bahay na ito?’
22 Kanilang sasabihin, ‘Sapagkat kanilang pinabayaan ang Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, at bumaling sa ibang mga diyos, at sinamba at pinaglingkuran ang mga ito; kaya't kanyang dinala ang lahat ng kasamaang ito sa kanila.’”
Ang mga Nagawa ni Solomon(C)
8 Sa pagtatapos ng dalawampung taon, na sa panahong iyon ay naitayo ni Solomon ang bahay ng Panginoon at ang kanyang sariling bahay,
2 muling itinayo ni Solomon ang mga lunsod na ibinigay ni Huram sa kanya, at pinatira roon ang mga anak ni Israel.
3 Si Solomon ay pumaroon laban sa Hamatsoba, at sinakop ito.
4 Kanyang itinayo ang Tadmor sa ilang at ang lahat ng bayang imbakan na kanyang itinayo sa Hamat.
5 Itinayo rin niya ang Itaas na Bet-horon at ang Ibabang Bet-horon, mga may pader na lunsod, may mga pintuan, at mga halang,
6 at ang Baalat at ang lahat ng bayang imbakan na pag-aari ni Solomon, at lahat ng bayan para sa kanyang mga karwahe, at ang mga bayan para sa kanyang mga mangangabayo, at anumang naisin ni Solomon na itayo sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa buong lupain na kanyang nasasakupan.
7 Lahat ng mga taong natira sa mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo, at mga Jebuseo, na hindi kabilang sa Israel;
8 mula sa kanilang mga anak na naiwan pagkamatay nila sa lupain, na hindi pinuksa ng mga anak ni Israel—ang mga ito ay sapilitang pinagawa ni Solomon, hanggang sa araw na ito.
9 Ngunit sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Solomon sa kanyang gawain; sila'y mga kawal, kanyang mga pinuno, mga pinuno sa kanyang mga karwahe, at kanyang mga mangangabayo.
10 Ito ang mga pangunahing pinuno ni Haring Solomon, dalawandaan at limampu, na may kapamahalaan sa taong-bayan.
11 Dinala ni Solomon ang anak na babae ni Faraon mula sa lunsod ni David sa bahay na kanyang itinayo para sa kanya, sapagkat kanyang sinabi, “Ang aking asawa ay hindi maninirahan sa bahay ni David na hari ng Israel, sapagkat ang mga lugar na kinalagyan ng kaban ng Panginoon ay banal.”
12 At nag-alay si Solomon sa Panginoon ng mga handog na sinusunog sa dambana ng Panginoon na kanyang itinayo sa harapan ng portiko,
13 ayon(D) sa kinakailangan sa bawat araw, siya'y naghahandog ayon sa utos ni Moises, sa mga Sabbath, mga bagong buwan, at sa tatlong taunang kapistahan, ang kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa, ang kapistahan ng mga sanlinggo, at ang kapistahan ng mga tolda.
14 Ayon sa utos ni David na kanyang ama, kanyang hinirang ang mga pangkat ng mga pari para sa kanilang paglilingkod, at ang mga Levita sa kanilang mga katungkulan ng pagpupuri, at paglilingkod sa harapan ng mga pari, ayon sa kailangan sa bawat araw, at ang mga bantay-pinto sa kanilang mga pangkat para sa iba't ibang pintuan; sapagkat gayon ang iniutos ni David na tao ng Diyos.
15 Sila'y hindi lumihis sa iniutos ng hari sa mga pari at mga Levita tungkol sa anumang bagay at tungkol sa mga kabang-yaman.
16 Gayon naisagawa ang lahat ng gawain ni Solomon mula sa araw na ang saligan ng bahay ng Panginoon ay nailagay at hanggang sa ito ay natapos. Gayon nayari ang bahay ng Panginoon.
Ang Kanyang Pangangalakal
17 Pagkatapos ay pumaroon si Solomon sa Ezion-geber at sa Eloth, sa dalampasigan ng dagat sa lupain ng Edom.
18 Nagpadala sa kanya si Huram ng mga sasakyang dagat sa pamamagitan ng kamay ng kanyang mga lingkod, at mga lingkod na bihasa sa dagat. Sila'y pumunta sa Ofir na kasama ng mga lingkod ni Solomon, at kumuha mula roon ng apatnaraan at limampung talentong ginto at dinala ito kay Haring Solomon.
Dumalaw ang Reyna ng Sheba(E)
9 Nang(F) mabalitaan ng reyna ng Sheba ang katanyagan ni Solomon, siya'y pumunta sa Jerusalem upang siya'y subukin ng mahihirap na tanong, kasama ang maraming alalay, at mga kamelyo na may pasang mga pabango at napakaraming ginto at mga mamahaling bato. Nang siya'y dumating kay Solomon, sinabi niya sa kanya ang lahat ng nasa kanyang isipan.
2 Sinagot ni Solomon ang lahat niyang mga tanong; walang bagay na nalingid kay Solomon na hindi niya maipaliwanag sa kanya.
3 Nang makita ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon, ang bahay na kanyang itinayo,
4 ang pagkain sa kanyang hapag, ang pagkakaupo ng kanyang mga pinuno, at ang pagsisilbi ng kanyang mga lingkod, at ang kanilang mga pananamit, ang kanyang mga tagahawak ng saro, at ang kanilang mga pananamit, at ang kanyang mga handog na sinusunog na kanyang iniaalay sa bahay ng Panginoon, ay hindi na siya halos makahinga.[c]
5 Sinabi niya sa hari, “Totoo ang ulat na narinig ko sa aking sariling lupain tungkol sa iyong pamumuhay at karunungan,
6 ngunit hindi ko pinaniwalaan ang mga ulat hanggang sa ako'y dumating at nakita ito ng aking sariling mga mata. Ang kalahati ng kalakhan ng iyong karunungan ay hindi nasabi sa akin; nahigitan mo pa ang ulat na aking narinig.
7 Maliligaya ang iyong mga tauhan! Maliligaya itong iyong mga lingkod na patuloy na nakatayo sa harapan mo at naririnig ang iyong karunungan!
8 Purihin ang Panginoon mong Diyos na nalugod sa iyo at inilagay ka sa kanyang trono, upang maging hari para sa Panginoon mong Diyos! Sapagkat minamahal ng iyong Diyos ang Israel at itatatag sila magpakailanman, ginawa ka niyang hari nila upang iyong igawad ang katarungan at katuwiran.”
9 Kanyang binigyan ang hari ng isandaan at dalawampung talentong ginto, napakaraming mga pabango at mahahalagang bato. Walang gayong mga pabango na gaya ng ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.
10 Bukod doon, ang mga lingkod ni Huram at ang mga lingkod ni Solomon, na nagpadala ng ginto mula sa Ofir ay nagdala ng mga kahoy na algum at mga mamahaling bato.
11 Ang hari ay gumawa ng mga hagdanan mula sa mga kahoy na algum para sa bahay ng Panginoon at para sa bahay ng hari, at ng mga alpa, at mga salterio para sa mga mang-aawit. Wala pang nakitang gaya ng mga iyon sa lupain ng Juda.
12 Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang lahat ng naisin niya, anumang hingin niya, na higit pang kapalit ng kanyang dinala sa hari. At siya'y bumalik at umuwi sa kanyang sariling lupain, kasama ang kanyang mga lingkod.
Ang Kayamanan ni Solomon(G)
13 Ang timbang ng ginto na dumating kay Solomon sa loob ng isang taon ay animnaraan at animnapu't anim na talentong ginto,
14 bukod pa sa dinala ng mga negosyante at mga mangangalakal; at ang lahat ng mga hari sa Arabia at ang mga tagapamahala ng lupain ay nagdala ng ginto at pilak kay Solomon.
15 Si Haring Solomon ay gumawa ng dalawandaang kalasag na yari sa pinitpit na ginto; animnaraang siklo ng pinitpit na ginto ang ginamit sa bawat kalasag.
16 Siya'y gumawa ng tatlong daang kalasag na yari sa pinitpit na ginto; tatlong daang siklong ginto ang ginamit sa bawat kalasag; at ang mga ito ay inilagay ng hari sa Bahay ng Gubat ng Lebanon.
17 Gumawa rin ang hari ng isang malaking tronong garing, at binalot ng dalisay na ginto.
18 Ang trono ay may anim na baytang at isang gintong tuntungan na nakakapit sa trono, at sa bawat tagiliran ng upuan ay ang mga patungan ng kamay at dalawang leon na nakatayo sa tabi ng mga patungan ng kamay,
19 at may labindalawang leon na nakatayo roon, isa sa bawat dulo ng isang baytang sa ibabaw ng anim na baytang. Walang ginawang gaya noon sa alinmang kaharian.
20 Ang lahat ng inuman ni Solomon ay ginto, at ang lahat ng sisidlan sa Bahay ng Gubat ng Lebanon ay dalisay na ginto; ang pilak ay hindi itinuturing na mahalaga sa mga araw ni Solomon.
21 Sapagkat ang mga sasakyang-dagat ng hari ay nagtungo sa Tarsis na kasama ng mga lingkod ni Huram; minsan sa bawat tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang-dagat ng Tarsis na may dalang ginto, pilak, garing, mga unggoy, at mga pabo real.[d]
22 Sa gayon nakahigit si Haring Solomon sa lahat ng hari sa lupa sa kayamanan at sa karunungan.
23 Lahat ng mga hari sa lupa ay nagnais na makaharap si Solomon upang makinig sa karunungan niya na ipinagkaloob ng Diyos sa kanya.
24 Bawat isa sa kanila ay nagdala ng kanya-kanyang kaloob, mga bagay na yari sa pilak at ginto, mga damit, mira, mga pabango, mga kabayo, at mga mola, ganoon karami taun-taon.
25 Kaya't(H) si Solomon ay may apat na libong silungan ng kabayo at mga karwahe, at labindalawang libong mangangabayo, na kanyang inilagay sa mga bayan ng mga karwahe, at kasama ng hari sa Jerusalem.
26 Siya'y(I) namuno sa lahat ng mga hari mula sa Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa hangganan ng Ehipto.
27 Ginawa ng hari ang pilak sa Jerusalem na karaniwan gaya ng bato, at ang mga sedro na kasindami ng mga puno ng sikomoro ng Shefela.
28 Ang(J) mga kabayo ay inangkat para kay Solomon mula sa Ehipto at mula sa lahat ng mga lupain.
29 Ang iba nga sa mga gawa ni Solomon, mula sa una hanggang katapusan, di ba nakasulat sa kasaysayan ni Natan na propeta, at sa propesiya ni Ahias na Shilonita, at sa mga pangitain ni Iddo na propeta tungkol kay Jeroboam na anak ni Nebat?
30 Si Solomon ay naghari sa Jerusalem sa buong Israel sa loob ng apatnapung taon.
31 At si Solomon ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at siya'y inilibing sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Rehoboam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Naghimagsik ang mga Lipi sa Hilaga(K)
10 Si Rehoboam ay pumunta sa Shekem, sapagkat ang buong Israel ay pumunta sa Shekem upang gawin siyang hari.
2 Nang ito ay mabalitaan ni Jeroboam na anak ni Nebat (sapagkat siya'y nasa Ehipto, na doon siya tumakas mula kay Haring Solomon), si Jeroboam ay bumalik mula sa Ehipto.
3 Sila'y nagsugo at ipinatawag siya. Si Jeroboam at ang buong Israel ay dumating at sinabi nila kay Rehoboam,
4 “Pinabigat ng iyong ama ang aming pasanin. Ngayon nga'y pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod ng iyong ama at ang kanyang mabigat na pasanin sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.”
5 Sinabi niya sa kanila, “Pumarito kayong muli sa akin pagkalipas ng tatlong araw.” Kaya't ang taong-bayan ay umalis.
6 Pagkatapos si Haring Rehoboam ay sumangguni sa matatanda na tumayo sa harapan ni Solomon na kanyang ama noong siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, “Ano ang maipapayo ninyo sa akin sa pagsagot ko sa bayang ito?”
7 Sinabi nila sa kanya, “Kung ikaw ay magiging mabait sa bayang ito, bibigyan sila ng kasiyahan, at magsasalita ka ng mabubuting salita sa kanila, sila ay magiging lingkod mo magpakailanman.”
8 Ngunit tinalikuran niya ang payong ibinigay sa kanya ng matatanda at sumangguni siya sa mga kabataang lumaking kasama niya at nakatayo sa harapan niya.
9 Sinabi niya sa kanila, “Ano ang inyong maipapayo upang ating masagot ang bayang ito na nagsabi sa akin, ‘Pagaanin mo ang pasanin na iniatang ng iyong ama sa amin?’”
10 Sinabi sa kanya ng mga kabataang lumaking kasama niya, “Ganito ang iyong sasabihin sa bayan na nagsabi sa iyo, ‘Pinabigat ng iyong ama ang aming pasanin; ngayon ay pagaanin mo para sa amin;’ ganito ang iyong sasabihin sa kanila, ‘Ang aking kalingkingan ay higit na makapal kaysa mga balakang ng aking ama.
11 Ngayon, yamang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na pasanin, aking dadagdagan pa ang pasanin ninyo. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.’”
12 Kaya't si Jeroboam at ang buong bayan ay pumunta kay Rehoboam nang ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari, “Muli kayong bumalik sa akin sa ikatlong araw.”
13 Mabagsik silang sinagot ng hari at tinalikuran ni Haring Rehoboam ang payo ng matatanda.
14 Si Haring Rehoboam ay nagsalita sa kanila ayon sa payo ng mga kabataan, na sinasabi, “Pinabigat ng aking ama ang pasanin ninyo, ngunit aking dadagdagan pa. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.”
15 Sa gayo'y hindi nakinig ang hari sa taong-bayan; sapagkat iyon ay isang pagbabago ng mga pangyayari na ginawa ng Diyos upang matupad ng Panginoon ang kanyang salita na kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahias na Shilonita.
16 Nang(L) makita ng buong Israel na hindi sila pinakinggan ng hari, sumagot ang bayan sa hari, “Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse. Bawat isa sa inyong tolda, O Israel! Tumingin ka ngayon sa sarili mong bahay, David.” Kaya't ang buong Israel ay humayo sa kani-kanilang tolda.
17 Ngunit si Rehoboam ay naghari sa mga anak ni Israel na nakatira sa mga lunsod ng Juda.
18 Nang suguin ni Haring Rehoboam si Hadoram, na tagapangasiwa sa sapilitang paggawa, ay pinagbabato siya ng mga anak ni Israel hanggang sa mamatay. At si Haring Rehoboam ay dali-daling sumakay sa kanyang karwahe upang tumakas patungo sa Jerusalem.
19 Sa gayon ang Israel ay naghimagsik laban sa sambahayan ni David hanggang sa araw na ito.
Ang Propesiya ni Shemaya(M)
11 Nang dumating si Rehoboam sa Jerusalem, kanyang tinipon ang sambahayan ni Juda at ni Benjamin, na isandaan at walumpung libong mandirigma upang lumaban sa Israel, at ibalik ang kaharian kay Rehoboam.
2 Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating kay Shemaya na tao ng Diyos:
3 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon, na hari ng Juda, at sa buong Israel sa Juda at Benjamin,
4 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kayong aahon o lalaban sa inyong mga kapatid. Bumalik ang bawat lalaki sa kanyang bahay; sapagkat ang bagay na ito ay galing sa akin.’” Kaya't sila'y nakinig sa salita ng Panginoon, at nagbalik at hindi umahon laban kay Jeroboam.
Pinatibay ni Rehoboam ang mga Lunsod
5 Si Rehoboam ay nanirahan sa Jerusalem, at nagtayo siya ng mga lunsod sa Juda bilang sanggalang.
6 Kanyang itinayo ang Bethlehem, Etam, Tekoa,
7 Bet-zur, Soco, Adullam,
8 Gat, Maresha, Zif,
9 Adoraim, Lakish, Azeka,
10 Zora, Ayalon, Hebron, mga lunsod na may kuta na nasa Juda at sa Benjamin.
11 Kanyang pinatibay ang mga kuta, at naglagay ng punong-kawal at nag-imbak ng pagkain, langis, at alak.
12 Siya'y naglagay ng mga kalasag at mga sibat sa lahat ng mga bayan at pinalakas silang mabuti. Sa gayon niya hinawakan ang Juda at Benjamin.
Ang mga Pari at Levita ay Pumaroon sa Juda
13 At ang mga pari at mga Levita na nasa buong Israel ay napasakop sa kanya mula sa lahat ng lugar na kanilang tinitirhan.
14 Iniwan ng mga Levita ang kanilang mga lupain at ari-arian at nagtungo sa Juda at Jerusalem; sapagkat pinalayas sila ni Jeroboam at ng kanyang mga anak sa paglilingkod bilang mga pari ng Panginoon,
15 at(N) siya'y humirang ng sarili niyang mga pari para sa matataas na dako, at para sa mga kambing na demonyo, at para sa mga guya na kanyang ginawa.
16 At ang lahat ng naglagak ng kanilang mga puso upang hanapin ang Panginoong Diyos ng Israel ay dumating pagkatapos nila mula sa lahat ng lipi ng Israel sa Jerusalem upang maghandog sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga magulang.
17 Kanilang pinalakas ang kaharian ng Juda, at sa loob ng tatlong taon ay pinatatag nila si Rehoboam na anak ni Solomon, sapagkat sila'y lumakad ng tatlong taon sa landas nina David at Solomon.
Ang Sambahayan ni Rehoboam
18 Nag-asawa si Rehoboam kay Mahalat na anak ni Jerimot na anak ni David, at ni Abihail na anak ni Eliab, na anak ni Jesse;
19 at siya'y nagkaanak sa kanya ng mga lalaki; sina Jeus, Shemarias, at Zaham.
20 Pagkatapos niya, kinuha niya si Maaca na anak na babae ni Absalom; ipinanganak nito sa kanya sina Abias, Atai, Ziza, at Shelomit.
21 Minahal ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom nang higit kaysa lahat ng kanyang mga asawa at sa kanyang mga asawang-lingkod (nagkaroon siya ng labingwalong asawa at animnapung asawang-lingkod, at mayroong dalawampu't walong anak na lalaki at animnapung anak na babae);
22 at hinirang ni Rehoboam si Abias na anak ni Maaca bilang pinuno ng kanyang mga kapatid, sapagkat balak niyang gawin siyang hari.
23 Siya'y kumilos na may katalinuhan, at kanyang ikinalat ang ilan sa kanyang mga anak sa buong lupain ng Juda at Benjamin, sa lahat ng bayang may pader; at kanyang binigyan sila ng saganang pagkain at humanap ng mga asawa para sa kanila.
Ang Pagsalakay ng Ehipto sa Juda(O)
12 Nang ang paghahari ni Rehoboam ay naging matatag at malakas, kanyang tinalikuran ang kautusan ng Panginoon, at ang buong Israel ay kasama niya.
2 Nang ikalimang taon ni Haring Rehoboam, sapagkat sila'y naging taksil sa Panginoon, si Shishac na hari ng Ehipto ay umahon laban sa Jerusalem,
3 kasama ang isanlibo at dalawang daang karwahe, at animnapung libong mangangabayo. At ang mga taong dumating na kasama niya mula sa Ehipto ay di mabilang—mga taga-Libya, mga Sukiim, at mga taga-Etiopia.
4 Kinuha niya ang mga lunsod ng Juda na may kuta at nakarating hanggang sa Jerusalem.
5 At si Shemaya na propeta ay dumating kay Rehoboam at sa mga pinuno ng Juda na nagtipun-tipon sa Jerusalem dahil kay Shishac, at sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya't pinabayaan ko naman kayo sa kamay ni Shishac.’”
6 Nang magkagayon, ang mga pinuno ng Israel at ang hari ay nagpakumbaba at kanilang sinabi, “Ang Panginoon ay matuwid.”
7 Nang makita ng Panginoon na sila'y nagpakumbaba, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Shemaya: “Sila'y nagpakumbaba; hindi ko sila pupuksain, kundi bibigyan ko sila ng ilang pagliligtas, at ang aking poot ay hindi mabubuhos sa Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ni Shishac.
8 Gayunman, sila'y magiging kanyang lingkod upang kanilang makilala ang aking paglilingkod at ang paglilingkod ng mga kaharian ng mga lupain.”
Ang Templo ay Giniba
9 Kaya't(P) umahon si Shishac na hari ng Ehipto laban sa Jerusalem, tinangay niya ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon at ang mga kayamanan ng bahay ng hari; kinuha niyang lahat ang mga iyon. Kinuha rin niya ang mga kalasag na ginto na ginawa ni Solomon.
10 Si Haring Rehoboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso bilang kapalit ng mga iyon, at ipinagkatiwala ang mga iyon sa mga kamay ng mga pinuno ng bantay, na nag-iingat ng pintuan ng bahay ng hari.
11 Sa tuwing papasok ang hari sa bahay ng Panginoon, ang bantay ay dumarating at dinadala ang mga iyon, at ibinabalik sa silid ng bantay.
12 Nang siya'y magpakumbaba, ang Panginoon ay hindi nagalit sa kanya, kaya't hindi na nagkaroon ng lubos na pagkawasak. Bukod dito, ang kalagayan sa Juda ay naging mabuti.
13 Sa gayo'y pinatatag ni Haring Rehoboam ang sarili sa Jerusalem at siya'y naghari. Si Rehoboam ay apatnapu't isang taon nang siya'y nagpasimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing pitong taon sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ng Panginoon sa lahat ng mga lipi ng Israel, upang ilagay ang kanyang pangalan doon. Ang pangalan ng kanyang ina ay Naama na Ammonita.
14 Siya'y gumawa ng kasamaan, sapagkat hindi niya inilagak ang kanyang puso upang hanapin ang Panginoon.
15 Ang mga gawa ni Rehoboam, mula una hanggang sa katapusan, di ba nakasulat ang mga iyon sa kasaysayan ni Shemaya na propeta at ni Iddo na propeta? At mayroong patuloy na mga digmaan sa pagitan nina Rehoboam at Jeroboam.
16 Si Rehoboam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa lunsod ni David; at si Abias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Ang Pakikidigma ni Abias kay Jeroboam(Q)
13 Nang ikalabingwalong taon ni Haring Jeroboam, si Abias ay nagsimulang maghari sa Juda.
2 Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Micaya na anak ni Uriel na taga-Gibea. Noon ay mayroong digmaan sa pagitan nina Abias at Jeroboam.
3 Si Abias ay nakipaglabang kasama ang isang hukbo ng matatapang na mandirigma, apatnaraang libong mga piling lalaki. At si Jeroboam ay humanay sa pakikipaglaban sa kanya na may walong daang libong piling malalakas na mandirigma.
4 At si Abias ay tumayo sa Bundok ng Zemaraim na nasa lupaing maburol ng Efraim, at nagsabi, “Pakinggan ninyo ako, O Jeroboam at buong Israel!
5 Hindi ba ninyo nalalaman na ibinigay ng Panginoong Diyos ng Israel ang paghahari sa Israel magpakailanman kay David at sa kanyang mga anak sa pamamagitan ng isang tipan ng asin?
6 Gayunma'y si Jeroboam na anak ni Nebat, na lingkod ni Solomon na anak ni David, ay tumindig at naghimagsik laban sa kanyang panginoon;
7 at may ilang mga walang-hiyang lalaki na nagtipun-tipon sa paligid niya at hinamon si Rehoboam na anak ni Solomon, nang si Rehoboam ay bata pa at walang matatag na pasiya at hindi makapanalo sa kanila.
8 “At ngayo'y inyong inaakalang madadaig ang kaharian ng Panginoon sa kamay ng mga anak ni David, sapagkat kayo'y napakarami at may dala kayong mga gintong batang baka, na ginawa ni Jeroboam upang maging mga diyos ninyo.
9 Hindi ba pinalayas ninyo ang mga pari ng Panginoon, ang mga anak ni Aaron, at ang mga Levita, at kayo'y gumawa ng mga pari para sa inyo gaya ng mga bayan ng ibang mga lupain? Sinumang dumarating upang italaga ang sarili sa pamamagitan ng isang batang baka o ng pitong lalaking tupa ay nagiging pari ng hindi mga diyos.
10 Ngunit sa ganang amin, ang Panginoon ang aming Diyos, at hindi namin siya tinalikuran. Mayroon kaming mga pari na naglilingkod sa Panginoon na mga anak ni Aaron at mga Levita para sa kanilang paglilingkod.
11 Sila'y naghahandog sa Panginoon tuwing umaga at hapon ng mga handog na sinusunog at ng kamanyang, at nag-aalay ng tinapay na handog sa hapag na dalisay na ginto, at iniingatan ang ilawang ginto upang ang mga ilawan nito ay magningas tuwing hapon, sapagkat aming iningatan ang bilin ng Panginoon naming Diyos; ngunit inyong tinalikuran siya.
12 Tingnan ninyo, ang Diyos ay kasama namin sa aming unahan, at ang kanyang mga pari na may mga trumpetang pandigma upang patunugin ang hudyat upang digmain kayo. O mga anak ni Israel, huwag kayong lumaban sa Panginoon, sa Diyos ng inyong mga ninuno; sapagkat hindi kayo magtatagumpay.”
13 Si Jeroboam ay nagsugo ng isang pagtambang upang lumigid at sumalakay sa kanila mula sa likuran; kaya't ang kanyang mga kawal ay nasa harapan ng Juda at ang pagtambang ay nasa likuran nila.
14 Nang ang Juda ay lumingon, ang labanan ay nasa harapan at likuran nila at sila'y sumigaw sa Panginoon, at hinipan ng mga pari ang mga trumpeta.
15 Pagkatapos ay sumigaw ng pakikipaglaban ang mga lalaki ng Juda; at nang sumigaw ang mga anak ng Juda, ginapi ng Diyos si Jeroboam at ang buong Israel sa harapan ni Abias at ng Juda.
16 At ang mga Israelita ay tumakas sa harapan ng Juda; at sila'y ibinigay ng Diyos sa kamay ng Juda.[e]
17 Tinalo sila ni Abias at ng kanyang mga tauhan sa isang napakalaking patayan; sa gayon, ang napatay sa Israel ay limang daang libong mga piling lalaki.
18 Gayon nagapi ang mga anak ni Israel nang panahong iyon, at ang mga anak ni Juda ay nagtagumpay, sapagkat sila'y nagtiwala sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
19 Hinabol ni Abias si Jeroboam, at inagawan siya ng mga bayan, ang Bethel at ang mga nayon niyon, ang Jeshana at ang mga nayon niyon, at ang Efron at ang mga nayon niyon.
20 Hindi na nabawi ni Jeroboam ang kanyang kapangyarihan sa mga araw ni Abias; at sinaktan siya ng Panginoon at siya'y namatay.
21 Ngunit si Abias ay naging makapangyarihan. Kumuha siya ng labing-apat na asawa at nagkaroon ng dalawampu't dalawang anak na lalaki, at labing-anim na anak na babae.
22 Ang iba pa sa mga gawa ni Abias, ang kanyang mga lakad, at ang kanyang mga sinabi ay nakasulat sa kasaysayan ni propeta Iddo.
Nilupig ni Haring Asa ang Taga-Etiopia
14 Kaya't natulog si Abias na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, at si Asa na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Sa kanyang mga araw ang lupain ay nagpahinga ng sampung taon.
2 At si Asa ay gumawa ng mabuti at matuwid sa paningin ng Panginoon niyang Diyos.
3 Inalis niya ang mga ibang dambana at ang matataas na dako, at winasak ang mga haligi at ibinagsak ang mga sagradong poste,[f]
4 at inutusan ang Juda na hanapin ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at tuparin ang batas at ang utos.
5 Kanya ring inalis sa lahat ng bayan ng Juda ang matataas na dako at ang mga dambana ng kamanyang. At ang kaharian ay nagpahinga sa ilalim niya.
6 Siya'y nagtayo ng mga lunsod na may kuta sa Juda sapagkat ang lupain ay nagkaroon ng kapahingahan. Siya'y hindi nagkaroon ng pakikidigma sa mga taong iyon sapagkat binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan.
7 At sinabi niya sa Juda, “Itayo natin ang mga lunsod na ito, at palibutan ng mga pader at mga muog, mga pintuan at mga halang. Ang lupain ay sa atin pa rin, sapagkat hinanap natin ang Panginoon nating Diyos. Ating hinanap siya, at binigyan niya tayo ng kapahingahan sa lahat ng dako.” Kaya't sila'y nagtayo at umunlad.
8 Si Asa ay may hukbo na binubuo ng tatlong daang libo mula sa Juda, may sandata ng mga kalasag at mga sibat, at dalawandaan at walumpung libo mula sa Benjamin, na may dalang mga kalasag at pana. Lahat ng mga ito ay mga lalaking malalakas at matatapang.
9 Si Zera na taga-Etiopia ay lumabas laban sa kanila na may hukbo na isang milyong katao at tatlong daang karwahe; at siya'y dumating hanggang sa Maresha.
10 At lumabas si Asa upang harapin siya at sila'y humanay sa pakikipaglaban sa libis ng Sefata sa Maresha.
11 Si Asa ay tumawag sa Panginoon niyang Diyos, “ Panginoon, walang iba liban sa iyo na makakatulong, sa pagitan ng malakas at ng mahina. Tulungan mo kami, O Panginoon naming Diyos, sapagkat kami ay nananalig sa iyo, at sa iyong pangalan ay pumarito kami laban sa karamihang ito. O Panginoon, ikaw ang aming Diyos; huwag mong papagtagumpayin ang tao laban sa iyo.”
12 Kaya't ginapi ng Panginoon ang mga taga-Etiopia sa harapan ni Asa at sa harapan ng Juda; at ang mga taga-Etiopia ay nagsitakas.
13 At si Asa at ang mga tauhang kasama niya ay humabol sa kanila hanggang sa Gerar, at ang mga taga-Etiopia ay nabuwal hanggang sa walang naiwang buháy; sapagkat sila'y nawasak sa harapan ng Panginoon at ng kanyang hukbo. Ang mga taga-Juda ay nagdala ng napakaraming samsam.
14 Kanilang tinalo ang lahat ng lunsod sa palibot ng Gerar, sapagkat ang takot sa Panginoon ay nasa kanila. Kanilang sinamsaman ang lahat ng bayan, sapagkat napakaraming samsam sa kanila.
15 Kanila ring sinalakay ang mga tolda ng mga taong may mga hayop, at nagdala ng napakaraming tupa at mga kamelyo. Pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem.
Si Asa ay Gumawa ng Pagbabago
15 Ang Espiritu ng Diyos ay dumating kay Azarias na anak ni Obed,
2 at siya'y lumabas upang salubungin si Asa, at sinabi sa kanya, “Pakinggan ninyo ako, Asa, at buong Juda at Benjamin: Ang Panginoon ay nasa panig ninyo samantalang kayo'y nasa panig niya. Kung inyong hahanapin siya, siya'y matatagpuan ninyo; ngunit kung siya'y tatalikuran ninyo, kanyang tatalikuran kayo.
3 Sa loob ng mahabang panahon ang Israel ay walang tunay na Diyos, walang tagapagturong pari, at walang kautusan.
4 Ngunit nang sa kanilang kahirapan ay nanumbalik sila sa Panginoon, ang Diyos ng Israel, at kanilang hinanap siya, kanilang natagpuan siya.
5 Nang mga panahong iyon ay walang kapayapaan sa taong lumabas, o sa taong pumasok, sapagkat malalaking ligalig ang nagpahirap sa lahat ng naninirahan sa mga lupain.
6 Sila'y nagkadurug-durog, bansa laban sa bansa, at lunsod laban sa lunsod sapagkat niligalig sila ng Diyos ng bawat uri ng kaguluhan.
7 Ngunit kayo, magpakatapang kayo! Huwag ninyong hayaang manghina ang inyong mga kamay, sapagkat ang inyong mga gawa ay gagantimpalaan.”
8 Nang marinig ni Asa ang mga salitang ito, ang propesiya ni Azarias na anak ni Obed, lumakas ang loob niya. Inalis niya ang mga karumaldumal na diyus-diyosan sa buong lupain ng Juda at ng Benjamin, at sa mga lunsod na kanyang sinakop sa lupaing maburol ng Efraim. Kanyang inayos ang dambana ng Panginoon na nasa harapan ng portiko ng Panginoon.
9 At kanyang tinipon ang buong Juda at Benjamin, at ang mga galing sa Efraim, Manases, at Simeon na nakikipamayang kasama nila, sapagkat napakalaki ang bilang ng tumakas patungo sa kanya mula sa Israel nang kanilang makita na ang Panginoon niyang Diyos ay kasama niya.
10 Sila'y nagtipon sa Jerusalem sa ikatlong buwan ng ikalabinlimang taon ng paghahari ni Asa.
11 Sila'y naghandog sa Panginoon nang araw na iyon, mula sa samsam na kanilang dinala, pitong daang baka at pitong libong tupa.
12 At sila'y nakipagtipan upang hanapin ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ng kanilang buong puso at kaluluwa.
13 Sinumang ayaw humanap sa Panginoong Diyos ng Israel ay papatayin, maging bata o matanda, lalaki o babae.
14 Sila'y sumumpa sa Panginoon na may malakas na tinig, may mga sigawan, may mga trumpeta, at may mga tambuli.
15 Ikinagalak ng buong Juda ang panata, sapagkat sila'y namanata ng kanilang buong puso, at hinanap siya ng buo nilang hangarin. At siya'y natagpuan nila at binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa palibot.
16 Maging si Maaca na kanyang ina ay inalis ni Haring Asa sa pagiging inang reyna, sapagkat siya'y gumawa ng kasuklamsuklam na larawan para sa sagradong poste.[g] Pinutol ni Asa ang kanyang larawan, dinurog ito, at sinunog sa batis ng Cedron.
17 Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis sa Israel. Gayunma'y ang puso ni Asa ay tapat sa lahat ng kanyang mga araw.
18 At kanyang ipinasok sa bahay ng Diyos ang mga kaloob na itinalaga ng kanyang ama, at ang mga sarili niyang kaloob na kanyang itinalaga—pilak, ginto, at mga sisidlan.
19 Hindi nagkaroon ng digmaan hanggang sa ikatatlumpu't limang taon ng paghahari ni Asa.
Mga Kaguluhan sa Israel(R)
16 Nang ikatatlumpu't anim na taon ng paghahari ni Asa, si Baasha na hari ng Israel ay pumunta laban sa Juda, at itinayo ang Rama, upang mahadlangan niya ang sinumang lalabas o pupunta kay Asa na hari ng Juda.
2 At kumuha si Asa ng pilak at ginto mula sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari, at ipinadala ang mga ito kay Ben-hadad, na hari ng Siria, na naninirahan sa Damasco, na sinasabi,
3 “Magkaroon nawa ng pagkakasundo sa pagitan nating dalawa, gaya ng sa aking ama at sa iyong ama. Ako'y nagpapadala sa iyo ng pilak at ginto; humayo ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasha na hari ng Israel upang siya'y lumayo sa akin.”
4 At nakinig si Ben-hadad kay Haring Asa, at sinugo niya ang mga pinunong-kawal ng kanyang mga hukbo laban sa mga bayan ng Israel, at kanilang nasakop ang Ijon, Dan, Abel-maim, at ang lahat ng mga bayang imbakan ng Neftali.
5 Nang mabalitaan ito ni Baasha, inihinto niya ang pagtatayo ng Rama, at ipinatigil ang kanyang paggawa.
6 Pagkatapos ay isinama ni Haring Asa ang buong Juda; at kanilang dinala ang mga bato ng Rama at ang kahoy nito, na ginagamit ni Baasha sa pagtatayo at ginamit din niya sa pagtatayo ng Geba at Mizpah.
Si Propeta Hanani
7 Nang panahong iyon ay pumunta kay Asa na hari sa Juda si Hanani na propeta, at sinabi sa kanya, “Sapagkat ikaw ay umasa sa hari ng Siria, at hindi ka umasa sa Panginoon mong Diyos, tinakasan ka ng hukbo ng hari ng Siria.
8 Hindi ba ang mga taga-Etiopia at ang mga Lubim ay isang napakalaking hukbo na may napakaraming mga karwahe at mangangabayo? Ngunit sapagkat ikaw ay umasa sa Panginoon, kanyang ibinigay sila sa iyong kamay.
9 Sapagkat ang mga mata ng Panginoon ay nagpaparoo't parito sa palibot ng buong lupa, upang ipakita ang kanyang kapangyarihan alang-alang sa kanila na ang mga puso ay tapat sa kanya. Ikaw ay gumawang may kahangalan sa bagay na ito; sapagkat mula ngayo'y magkakaroon ka ng mga digmaan.”
10 Nang magkagayo'y nagalit si Asa sa propeta at inilagay siya sa bilangguan sapagkat siya'y nagalit sa kanya dahil sa bagay na ito. At pinagmalupitan ni Asa ang ilan sa mga taong-bayan nang panahon ding iyon.
Ang Katapusan ng Paghahari ni Asa(S)
11 Ang mga gawa ni Asa, mula una hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.
12 Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng kanyang paghahari, si Asa ay nagkaroon ng karamdaman sa kanyang mga paa; ang kanyang sakit ay naging malubha. Gayunman, maging sa kanyang pagkakasakit ay hindi niya hinanap ang Panginoon, kundi humingi ng tulong sa mga manggagamot.
13 Si Asa ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at namatay sa ikaapatnapu't isang taon ng kanyang paghahari.
14 Kanilang inilibing siya sa libingan na kanyang ipinagawa para sa kanyang sarili sa lunsod ni David. Kanilang inihiga siya sa higaan na nilagyan ng iba't ibang uri ng espesia na inihanda ng manggagawa ng mga pabango. Sila'y gumawa ng isang napakalaking apoy para sa kanyang karangalan.
Si Jehoshafat ang Pumalit kay Asa
17 Si Jehoshafat na kanyang anak ay nagharing kapalit niya at pinalakas ang kanyang sarili laban sa Israel.
2 Naglagay siya ng mga kawal sa lahat ng mga lunsod na may kuta sa Juda, at naglagay ng mga tanggulan sa lupain ng Juda, at sa mga lunsod ng Efraim na sinakop ni Asa na kanyang ama.
3 Ang Panginoon ay kasama ni Jehoshafat, sapagkat siya'y lumakad sa mga unang lakad ng kanyang ama[h] at hindi niya hinanap ang mga Baal;
4 kundi hinanap ang Diyos ng kanyang ama at lumakad sa kanyang mga utos, at hindi ayon sa mga gawa ng Israel.
5 Kaya't pinatatag ng Panginoon ang kaharian sa kanyang kamay. Ang buong Juda ay nagdala kay Jehoshafat ng mga kaloob at siya'y nagkaroon ng malaking kayamanan at karangalan.
6 Ang kanyang puso ay matapang sa mga pamamaraan ng Panginoon; at bukod dito'y inalis niya ang matataas na dako at ang mga sagradong poste[i] sa Juda.
7 Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari ay kanyang sinugo ang kanyang mga pinuno, sina Benhail, Obadias, Zacarias, Natanael, at Micaya upang magturo sa mga bayan ng Juda.
8 Kasama nila ang mga Levita na sina Shemaya, Netanias, Zebadias, Asahel, Semiramot, Jonathan, Adonias, Tobia, at Tobadonias, at kasama ng mga Levitang ito ay ang mga paring sina Elishama at Jehoram.
9 At sila'y nagturo sa Juda na may aklat ng kautusan ng Panginoon. Sila'y humayo sa palibot ng lahat na bayan ng Juda at nagturo sa gitna ng bayan.
Ang Kadakilaan ni Jehoshafat
10 At ang takot sa Panginoon ay dumating sa lahat ng kaharian ng mga lupain na nasa palibot ng Juda, at sila'y hindi nakipagdigma laban kay Jehoshafat.
11 Ang ilan sa mga Filisteo ay nagdala ng mga kaloob kay Jehoshafat at ng pilak bilang buwis; ang mga taga-Arabia ay nagdala naman sa kanya ng pitong libo at pitong daang lalaking tupa, at pitong libo at pitong daang kambing na lalaki.
12 At si Jehoshafat ay lalong naging makapangyarihan. Siya'y nagtayo sa Juda ng mga muog at mga lunsod-imbakan,
13 at siya'y nagkaroon ng maraming mga imbakan sa mga bayan ng Juda. Nagkaroon siya ng mga kawal, mga magigiting na mandirigma sa Jerusalem.
14 Ito ang bilang nila ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno: mula sa Juda, ang mga punong-kawal ng libu-libo; si Adna na punong-kawal, na may kasamang tatlong daang libong magigiting na mandirigma;
15 at sunod sa kanya ay si Jehohanan na punong-kawal, na may dalawandaan at walumpung libo.
16 Kasunod niya ay si Amasias na anak ni Zicri, isang kusang-loob para sa paglilingkod sa Panginoon; na may dalawandaang libong magigiting na mandirigma.
17 Mula sa Benjamin: si Eliada na isang magiting na mandirigma, na may dalawandaang libong tauhan na may sakbat na pana at kalasag,
18 at sunod sa kanya ay si Jozabad na may isandaan at walumpung libo na may sandata sa pakikipagdigma.
19 Ang mga ito ay naglingkod sa hari bukod sa mga inilagay ng hari sa mga lunsod na may kuta sa buong Juda.
Binalaan ni Propeta Micaya si Ahab(T)
18 Si Jehoshafat ay nagkaroon ng malaking kayamanan at karangalan; at nakisanib siya kay Ahab sa pamamagitan ng pag-aasawa.
2 Pagkalipas ng ilang taon, siya ay pumunta kay Ahab sa Samaria. At nagkatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa kanya at sa mga taong kasama niya, at hinimok siya na umahon laban sa Ramot-gilead.
3 Sinabi ni Haring Ahab ng Israel kay Jehoshafat na hari ng Juda, “Sasama ka ba sa akin sa Ramot-gilead?” Kanyang sinagot siya, “Ako'y gaya mo, at ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan. Kami ay sasama sa iyo sa digmaan.”
Nagtanong sa Propeta
4 At sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Sumangguni ka muna kung ano ang salita ng Panginoon.”
5 Nang magkagayo'y tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta na apatnaraang katao, at sinabi sa kanila, “Pupunta ba kami sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpipigil ako?” At sinabi nila, “Umahon ka; sapagkat ibibigay iyon ng Diyos sa kamay ng hari.”
6 Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong iba pang propeta ng Panginoon na maaari naming mapagsanggunian?”
7 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “May isa pang lalaki na sa pamamagitan niya ay maaari tayong sumangguni sa Panginoon, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit kinapopootan ko siya, sapagkat kailanman ay hindi siya nagsasalita ng mabuting propesiya tungkol sa akin, kundi laging kasamaan.” At sinabi ni Jehoshafat, “Huwag magsabi ng ganyan ang hari.”
8 At tumawag ng isang pinuno ang hari ng Israel, at sinabi, “Dalhin kaagad dito si Micaya na anak ni Imla.”
9 Noon ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakaupo sa kanilang mga trono, na nakadamit-hari. Sila'y nakaupo sa may giikan sa pasukan ng pintuan ng Samaria, at ang lahat ng mga propeta ay nagsasalita sa harapan nila.
10 At si Zedekias na anak ni Canaana ay gumawa para sa kanyang sarili ng mga sungay na bakal, at kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga-Siria hanggang sila'y mapuksa.’”
11 Lahat ng mga propeta ay nagsalita ng gayong propesiya, na sinasabi, “Umahon ka sa Ramot-gilead at magtagumpay; ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”
12 At ang sugo na umalis upang tawagin si Micaya ay nagsalita sa kanya, “Tingnan mo, ang mga salita ng mga propeta na nagkakaisa ay kaaya-aya sa hari. Ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng kaaya-aya.”
13 Ngunit sinabi ni Micaya, “Kung paanong buháy ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng aking Diyos, iyon ang aking sasabihin.”
14 At pagdating niya sa hari, sinabi ng hari sa kanya, “Micaya, hahayo ba kami sa Ramot-gilead upang lumaban, o magpipigil ba ako?” At siya'y sumagot, “Umahon ka at magtagumpay, sila'y ibibigay sa inyong kamay.”
15 Ngunit sinabi ng hari sa kanya, “Ilang ulit ba kitang uutusan na huwag magsalita sa akin ng anuman maliban sa katotohanan sa pangalan ng Panginoon?”
16 Kaya't(U) kanyang sinabi, “Nakita ko ang buong Israel na nakakalat sa mga bundok, gaya ng mga tupa na walang pastol. At sinabi ng Panginoon, ‘Ang mga ito'y walang panginoon; hayaang umuwing payapa ang bawat isa sa kanyang tahanan.’”
17 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba sinabi ko sa iyo na siya'y hindi magsasalita ng mabuting propesiya tungkol sa akin, kundi kasamaan?”
18 Sinabi ni Micaya, “Kaya't pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon: Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at ang lahat ng hukbo ng langit na nakatayo sa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.
19 At sinabi ng Panginoon, ‘Sinong aakit kay Ahab na hari ng Israel, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramot-gilead?’ At ang isa'y nagsalita ng isang bagay at ang iba'y nagsalita ng iba.
20 Dumating ang isang espiritu at tumayo sa harapan ng Panginoon, na nagsasabi, ‘Aakitin ko siya.’ At sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Sa anong paraan?’
21 At kanyang sinabi, ‘Ako'y hahayo at magiging isang sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta.’ At kanyang sinabi, ‘Aakitin mo siya, at magtatagumpay ka; humayo ka at gayon ang gawin mo!'
22 Kaya't ngayon, ang Panginoon ay naglagay ng sinungaling na espiritu sa bibig ng mga propeta mong ito; ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.”
23 Si Zedekias na anak ni Canaana ay lumapit at sinampal si Micaya, at sinabi, “Saan dumaan ang Espiritu ng Panginoon mula sa akin upang magsalita sa iyo?”
24 At sinabi ni Micaya, “Makikita mo sa araw na iyon kapag ikaw ay pumasok sa pinakaloob na silid upang magtago.”
25 Sinabi ng hari ng Israel, “Hulihin si Micaya, at ibalik siya kay Amon na tagapamahala ng lunsod at kay Joas na anak ng hari;
26 at sabihin ninyo, ‘Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ang taong ito sa bilangguan, at pakainin siya ng kaunting tinapay at tubig hanggang sa ako'y bumalik nang payapa.’”
27 At sinabi ni Micaya, “Kung ikaw ay makabalik nang payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko.” At kanyang sinabi, “Makinig kayong lahat, kayong mga taong-bayan!”
Ang Kamatayan ni Ahab(V)
28 Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead.
29 At sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Ako'y magbabalatkayo at pupunta sa labanan, ngunit ikaw ay magsuot ng iyong balabal.” At ang hari ng Israel ay nagbalatkayo; at sila'y pumunta sa labanan.
30 Samantala, ang hari ng Siria ay nag-utos sa mga punong-kawal ng kanyang mga karwahe, na sinasabi, “Huwag kayong makipaglaban sa maliit o sa malaki man, kundi sa hari ng Israel lamang.”
31 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe si Jehoshafat, kanilang sinabi, “Iyon ang hari ng Israel.” Kaya't sila'y pumihit upang lumaban sa kanya; at si Jehoshafat ay sumigaw at tinulungan siya ng Panginoon. Inilayo sila ng Diyos sa kanya;
32 sapagkat nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, sila'y tumigil sa paghabol sa kanya.
33 Subalit isang lalaki ang nagpahilagpos ng kanyang pana at hindi sinasadyang tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng mga dugtungan ng baluti, kaya't sinabi niya sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Ipihit mo at ilayo mo ako sa labanan, sapagkat ako'y nasugatan.”
34 Ang labanan ay naging mainit nang araw na iyon; at ang hari ng Israel ay nanatili sa kanyang karwahe paharap sa mga taga-Siria hanggang sa kinahapunan, at sa paglubog ng araw ay namatay siya.
Sinumbatan ng Isang Propeta si Jehoshafat
19 Si Jehoshafat na hari ng Juda ay ligtas na umuwi sa kanyang bahay sa Jerusalem.
2 Subalit si Jehu na anak ni Hanani na propeta ay lumabas upang salubungin siya, at sinabi kay Haring Jehoshafat, “Dapat mo bang tulungan ang masasama at mahalin ang mga napopoot sa Panginoon? Dahil dito, ang poot ay lumabas laban sa iyo mula sa harapan ng Panginoon.
3 Gayunman, may ilang kabutihang natagpuan sa iyo, sapagkat winasak mo ang mga sagradong poste[j] sa lupain, at inilagak mo ang iyong puso upang hanapin ang Diyos.”
4 Si Jehoshafat ay nanirahan sa Jerusalem; at siya'y muling lumabas sa bayan, mula sa Beer-seba hanggang sa lupaing maburol ng Efraim, at kanyang ibinalik sila sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
5 Siya'y humirang ng mga hukom sa lupain sa lahat ng lunsod na may kuta sa Juda, sa bawat lunsod,
6 at sinabi sa mga hukom, “Isaalang-alang ninyo kung ano ang inyong ginagawa, sapagkat kayo'y humahatol hindi para sa tao, kundi para sa Panginoon; siya'y kasama ninyo sa pagbibigay ng hatol.
7 Ngayon, sumainyo nawa ang takot sa Panginoon. Mag-ingat kayo sa inyong ginagawa, sapagkat walang pagpilipit ng katarungan sa Panginoon nating Diyos, o pagtatangi o pagtanggap man ng mga suhol.”
8 Bukod dito'y naglagay si Jehoshafat sa Jerusalem ng ilang mga Levita, mga pari, at mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng Israel upang humatol para sa Panginoon at upang pagpasiyahan ang mga alitan. Ang kanilang mga luklukan ay nasa Jerusalem.
9 At kanyang tinagubilinan sila, “Ganito ang inyong gagawin sa takot sa Panginoon, sa katapatan at sa inyong buong puso:
10 tuwing may usaping dumating sa inyo mula sa inyong mga kapatid na naninirahan sa kanilang mga lunsod, tungkol sa pagdanak ng dugo, sa kautusan o batas, mga tuntunin o mga kahatulan, ay inyong tuturuan sila, upang sila'y huwag magkasala sa harap ng Panginoon, at ang poot ay huwag dumating sa inyo at sa inyong mga kapatid. Gayon ang inyong gagawin, at kayo'y hindi magkakasala.
11 Si Amarias na punong pari ay mamumuno sa inyo sa lahat ng bagay ng Panginoon; at si Zebadias na anak ni Ismael, na tagapamahala sa sambahayan ng Juda, sa lahat ng mga bagay ng hari, at ang mga Levita ay maglilingkod sa inyo bilang mga pinuno. Gumawa kayong may katapangan at ang Panginoon nawa'y makasama ng matuwid!”
Digmaan Laban sa Edom
20 Pagkatapos nito, ang mga Moabita at mga Ammonita, at pati ang ilan sa mga Meunita[k] ay dumating laban kay Jehoshafat upang makipaglaban.
2 Ilang katao ang dumating at nagsabi kay Jehoshafat, “Napakaraming tao ang dumarating laban sa iyo mula sa Edom,[l] mula sa kabila ng dagat; sila'y naroon na sa Hazazon-tamar” (na siya ring En-gedi).
3 Si Jehoshafat ay natakot, at nagpasiyang hanapin ang Panginoon, at nagpahayag ng pag-aayuno sa buong Juda.
4 Kaya't ang Juda'y nagtipun-tipon upang humingi ng tulong sa Panginoon; mula sa lahat ng bayan ng Juda ay dumating sila upang hanapin ang Panginoon.
5 Si Jehoshafat ay tumayo sa kapulungan ng Juda at Jerusalem, sa bahay ng Panginoon, sa harapan ng bagong bulwagan,
6 at kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno, di ba ikaw ay Diyos sa langit? Di ba ikaw ay namumuno sa lahat ng kaharian ng mga bansa? Sa iyong kamay ay kapangyarihan at lakas, anupa't walang makakaharap sa iyo.
7 Hindi(W) ba't ikaw, O aming Diyos, ang nagpalayas sa mga naninirahan sa lupaing ito sa harapan ng iyong bayang Israel, at iyong ibinigay sa binhi ni Abraham na iyong kaibigan magpakailanman?
8 Sila'y nanirahan doon at ipinagtayo ka ng santuwaryo para sa iyong pangalan, na sinasabi,
9 ‘Kung ang kasamaan ay dumating sa amin, ang tabak, kahatulan,[m] salot, o taggutom, kami ay tatayo sa harapan ng bahay na ito at sa iyong harapan, sapagkat ang iyong pangalan ay nasa bahay na ito; at kami ay dadaing sa iyo sa aming kahirapan, at ikaw ay makikinig at magliligtas?’
10 Tingnan(X) mo ngayon, ang mga tao mula sa Ammon at Moab, at sa Bundok ng Seir, na hindi mo ipinalusob sa Israel nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto, kundi kanilang iniwasan at hindi nila pinuksa—
11 kanilang ginagantihan kami sa pamamagitan ng pagparito upang palayasin kami sa pag-aari na ibinigay mo sa amin upang manahin.
12 O Diyos namin, hindi mo ba sila hahatulan? Sapagkat kami ay walang magagawa laban sa napakaraming taong ito na dumarating laban sa amin. Hindi namin alam kung ano ang gagawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo.”
13 Samantala, ang buong Juda ay nakatayo sa harapan ng Panginoon, kasama ang kanilang mga bata, kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak.
14 Ang Espiritu ng Panginoon ay dumating kay Jahaziel na anak ni Zacarias, na anak ni Benaya, na anak ni Jeiel, na anak ni Matanias, isang Levita sa mga anak ni Asaf, sa gitna ng kapulungan.
15 At(Y) kanyang sinabi, “Makinig kayo, buong Juda at mga mamamayan ng Jerusalem, at Haring Jehoshafat: Ganito ang sabi ng Panginoon sa inyo, ‘Huwag kayong matakot, at huwag kayong panghinaan ng loob sa napakaraming taong ito, sapagkat ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo, kundi sa Diyos.
16 Bukas ay harapin ninyo sila. Sila'y aahon sa ahunan ng Sis; inyong matatagpuan sila sa dulo ng libis, sa silangan ng ilang ng Jeruel.
17 Hindi(Z) ninyo kailangang lumaban sa digmaang ito. Manatili kayo sa inyong puwesto, tumayo kayong panatag, at tingnan ninyo ang pagtatagumpay ng Panginoon alang-alang sa inyo, O Juda at Jerusalem.’ Huwag kayong matakot o panghinaan ng loob; bukas ay harapin ninyo sila sapagkat ang Panginoon ay sasama sa inyo.”
18 Pagkatapos ay itinungo ni Jehoshafat ang kanyang ulo sa lupa, at ang buong Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem ay nagpatirapa sa Panginoon, na sumasamba sa Panginoon.
19 At ang mga Levita, sa mga anak ng mga Kohatita at sa mga anak ng mga Korahita ay tumayo upang purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, nang napakalakas na tinig.
20 Kinaumagahan, sila'y maagang bumangon at lumabas sa ilang ng Tekoa. Habang sila'y lumalabas, si Jehoshafat ay tumayo at nagsabi, “Pakinggan ninyo ako, O Juda at mga mamamayan ng Jerusalem! Manalig kayo sa Panginoon ninyong Diyos, at kayo'y magiging matatag. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta, at kayo'y magtatagumpay.”
21 Pagkatapos niyang sumangguni sa mga tao, kanyang hinirang ang mga aawit sa Panginoon at magpupuri sa kanya sa banal na kaayusan, habang sila'y nangunguna sa hukbo at nagsasabi, “Magpasalamat kayo sa Panginoon; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.”
22 Nang sila'y magpasimulang umawit at magpuri, ang Panginoon ay naglagay ng pagtambang laban sa mga taga-Ammon, Moab, at Bundok ng Seir na dumating laban sa Juda kaya't sila'y nagapi.
23 Sapagkat sinalakay ng mga anak ni Ammon at ni Moab ang mga mamamayan ng Bundok ng Seir, at lubos silang pinuksa. Pagkatapos nilang patayin ang mga mamamayan ng Bundok ng Seir, silang lahat ay tumulong upang puksain ang isa't isa.
24 Nang ang Juda ay dumating sa bantayang tore sa ilang, sila'y tumingin sa dako ng napakaraming tao, sila'y mga bangkay na nakabuwal sa lupa at walang nakatakas.
25 Nang si Jehoshafat at ang kanyang mga tauhan ay pumaroon upang kunin ang samsam sa kanila, nakatagpo sila ng napakaraming baka, mga ari-arian, mga damit, at mahahalagang bagay na kanilang kinuha para sa kanilang sarili hanggang sa hindi na nila kayang dalhin. Tatlong araw nilang hinakot ang samsam na talagang napakarami.
26 Nang ikaapat na araw, sila'y nagtipun-tipon sa Libis ng Beraca;[n] sapagkat doo'y pinuri nila ang Panginoon. Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Libis ng Beraca hanggang sa araw na ito.
27 Pagkatapos sila'y bumalik, bawat lalaki ng Juda at Jerusalem, at si Jehoshafat sa unahan nila, pabalik sa Jerusalem na may kagalakan; sapagkat sila'y pinapagkatuwa ng Panginoon sa kanilang mga kaaway.
28 Sila'y dumating sa Jerusalem na may mga salterio, alpa, at mga trumpeta patungo sa bahay ng Panginoon.
29 At ang takot sa Diyos ay dumating sa lahat ng mga kaharian ng mga bansa nang kanilang mabalitaang ang Panginoon ay nakipaglaban sa mga kaaway ng Israel.
30 Kaya't ang kaharian ni Jehoshafat ay naging tahimik, sapagkat binigyan siya ng kanyang Diyos ng kapahingahan sa palibot.
Ang Katapusan ng Paghahari ni Jehoshafat(AA)
31 Gayon naghari si Jehoshafat sa Juda. Siya'y tatlumpu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng dalawampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.
32 Siya'y lumakad sa landas ni Asa na kanyang ama at hindi siya lumihis doon. Ginawa niya ang matuwid sa paningin ng Panginoon.
33 Gayunman, ang matataas na dako ay hindi inalis; hindi pa nailalagak ng bayan ang kanilang puso sa Diyos ng kanilang mga ninuno.
34 Ang iba pa sa mga gawa ni Jehoshafat, mula una hanggang katapusan, ay nakasulat sa kasaysayan ni Jehu na anak ni Hanani, na nakatala sa Aklat ng mga Hari ng Israel.
35 Pagkatapos nito si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakiisa kay Ahazias na hari ng Israel na siyang gumawa ng masama.
36 Siya'y nakisama sa kanya sa paggawa ng mga sasakyang-dagat upang magtungo sa Tarsis, at kanilang ginawa ang mga sasakyang-dagat sa Ezion-geber.
37 At si Eliezer na anak ni Dodavahu na taga-Maresha ay nagsalita ng propesiya laban kay Jehoshafat, na sinasabi, “Sapagkat ikaw ay nakiisa kay Ahazias, wawasakin ng Panginoon ang iyong mga ginawa.” At ang mga sasakyang-dagat ay nawasak at sila'y hindi nakapunta sa Tarsis.
Si Haring Jehoram ng Juda(AB)
21 Si Jehoshafat ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David. Si Jehoram na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
2 Siya'y mayroong mga kapatid na lalaki, mga anak ni Jehoshafat: sina Azarias, Jeiel, Zacarias, Azarias, Micael, at Shefatias; lahat ng mga ito ay mga anak ni Jehoshafat na hari ng Israel.[o]
3 Binigyan sila ng kanilang ama ng maraming kaloob na pilak, ginto, at mahahalagang ari-arian, pati ng mga lunsod na may kuta sa Juda; ngunit ang kaharian ay ibinigay niya kay Jehoram, sapagkat siya ang panganay.
4 Nang si Jehoram ay makaakyat sa kaharian ng kanyang ama at naging matatag, kanyang pinatay sa pamamagitan ng tabak ang lahat niyang mga kapatid, gayundin ang ilan sa mga pinuno ng Israel.
5 Si Jehoram ay tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng walong taon sa Jerusalem.
6 At siya'y lumakad sa landas ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat asawa niya ang anak na babae ni Ahab. At siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.
7 Gayunma'y(AC) ayaw lipulin ng Panginoon ang sambahayan ni David, dahil sa tipan na kanyang ginawa kay David, at palibhasa'y kanyang ipinangako na bibigyan siya ng ilawan at ang kanyang mga anak magpakailanman.
8 Sa(AD) kanyang mga araw ay naghimagsik ang Edom mula sa kapangyarihan ng Juda, at naglagay sila ng sarili nilang hari.
9 Nang magkagayo'y dumaan si Jehoram na kasama ang kanyang mga punong-kawal at lahat niyang mga karwahe at siya'y bumangon nang kinagabihan at pinatay ang mga Edomita na pumalibot sa kanya at sa mga punong-kawal ng mga karwahe.
10 Kaya't naghimagsik ang Edom mula sa kapangyarihan ng Juda hanggang sa araw na ito. Nang panahon ding iyon ay naghimagsik ang Libna mula sa kanyang pamumuno, sapagkat kanyang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.
Ang Nakakatakot na Sulat ni Elias
11 Bukod dito'y gumawa siya ng matataas na dako sa maburol na lupain ng Juda, at inakay ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kataksilan at iniligaw ang Juda.
12 May isang liham na dumating sa kanya mula kay Elias na propeta, na sinasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ni David na iyong ama, ‘Sapagkat hindi ka lumakad sa mga landas ni Jehoshafat na iyong ama, o sa mga landas ni Asa na hari ng Juda;
13 kundi lumakad sa mga landas ng mga hari ng Israel, at iyong inakay ang Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kataksilan, kung paanong inakay ng sambahayan ni Ahab ang Israel sa kataksilan, at pinatay mo rin ang iyong mga kapatid sa sambahayan ng iyong ama, na higit na mabuti kaysa iyo;
14 ang Panginoon ay magdadala ng napakalaking salot sa iyong bayan, sa iyong mga anak, mga asawa, at sa lahat ng iyong pag-aari.
15 Ikaw mismo ay magkakaroon ng malubhang sakit sa bituka, hanggang sa lumuwa ang iyong bituka araw-araw dahil sa sakit.’”
16 Pinag-alab ng Panginoon laban kay Jehoram ang galit ng mga Filisteo at ng mga taga-Arabia na malapit sa mga taga-Etiopia.
17 Sila'y dumating laban sa Juda at sinalakay ito, at dinala ang lahat ng pag-aari na natagpuan sa bahay ng hari, pati ang mga anak niya at kanyang mga asawa. Kaya't walang naiwang anak sa kanya, maliban kay Jehoahaz na bunso niyang anak.
Ang Pagkatalo at Kamatayan ni Jehoram
18 Pagkatapos ng lahat ng ito, sinaktan siya ng Panginoon sa kanyang bituka ng sakit na walang lunas.
19 Sa paglakad ng panahon, sa katapusan ng dalawang taon, ang kanyang bituka ay lumabas dahil sa kanyang sakit, at siya'y namatay sa matinding paghihirap. Ang kanyang mamamayan ay hindi gumawa ng apoy para sa kanyang karangalan, gaya ng apoy na ginawa para sa kanyang mga ninuno.
20 Siya'y tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng walong taon. Siya'y namatay na walang nalungkot. Kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, ngunit hindi sa mga libingan ng mga hari.
Si Haring Ahazias ng Juda(AE)
22 Ginawang hari ng mga mamamayan ng Jerusalem si Ahazias na kanyang bunsong anak bilang hari na kapalit niya, sapagkat pinatay ng pulutong ng mga lalaking dumating na kasama ng mga taga-Arabia ang lahat ng nakatatandang anak na lalaki. Kaya't si Ahazias na anak ni Jehoram na hari ng Juda ay naghari.
2 Si Ahazias ay apatnapu't dalawang taong gulang nang nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Atalia na anak ni Omri.
3 Lumakad rin siya sa mga landas ng sambahayan ni Ahab, sapagkat ang kanyang ina ang kanyang tagapayo sa paggawa ng kasamaan.
4 Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab; sapagkat pagkamatay ng kanyang ama sila ang kanyang mga tagapayo, na kanyang ikinapahamak.
5 Sumunod din siya sa kanilang payo, at sumama kay Jehoram na anak ni Ahab na hari ng Israel upang makidigma kay Hazael na hari ng Siria sa Ramot-gilead. At sinugatan ng mga taga-Siria si Joram.
6 At siya'y bumalik upang magpagaling sa Jezreel sa mga sugat na tinamo niya sa Rama, nang siya'y makipaglaban kay Hazael na hari ng Siria. At si Azarias na anak ni Jehoram na hari ng Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Ahab sa Jezreel, sapagkat siya'y may sakit.
7 Ngunit itinalaga na ng Diyos na ang pagbagsak ni Ahazias ay darating sa kanyang pagdalaw kay Joram. Sapagkat nang siya'y dumating doon, siya'y lumabas na kasama ni Jehoram upang salubungin si Jehu na anak ni Nimsi, na siyang binuhusan ng langis ng Panginoon upang wasakin ang sambahayan ni Ahab.
8 Nang si Jehu ay maglalapat ng kahatulan sa sambahayan ni Ahab, kanyang nakaharap ang mga pinuno ng Juda at ang mga anak ng mga kapatid ni Ahazias, na naglilingkod kay Ahazias, at kanyang pinatay sila.
9 Hinanap niya si Ahazias, na nahuli habang nagtatago sa Samaria, at dinala kay Jehu at siya'y pinatay. Kanilang inilibing siya, sapagkat kanilang sinabi, “Siya'y apo[p] ni Jehoshafat na humanap sa Panginoon nang buo niyang puso.” At ang sambahayan ni Ahazias ay wala ni isa mang may kakayahang mamuno sa kaharian.
Si Reyna Atalia ng Juda(AF)
10 Nang makita ni Atalia na ina ni Ahazias na ang kanyang anak ay patay na, siya'y humanda upang patayin ang lahat ng angkan ng hari mula sa sambahayan ni Juda.
11 Ngunit kinuha ni Josabet, na anak na babae ng hari, si Joas na anak ni Ahazias, at ipinuslit siya mula sa mga anak ng hari na malapit nang patayin, at kanyang inilagay siya at ang kanyang yaya sa isang silid-tulugan. Gayon siya ikinubli ni Josabet, na anak ni Haring Jehoram, at asawa ng paring si Jehoiada, (sapagkat siya'y kapatid ni Ahazias) kay Atalia, kaya't siya'y hindi niya napatay.
12 At siya'y nanatiling kasama nila sa loob ng anim na taon, na nakatago sa bahay ng Diyos, habang si Atalia ay naghahari sa lupain.
Ang Paghihimagsik Laban kay Atalia(AG)
23 Ngunit sa ikapitong taon ay lumakas ang loob ni Jehoiada, at nakipagtipan siya sa mga punong-kawal ng daan-daan, kina Azarias na anak ni Jeroham, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya, at kay Elisafat na anak ni Zicri.
2 Kanilang nilibot ang Juda at tinipon ang mga Levita mula sa lahat ng bayan ng Juda, at ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng Israel, at sila'y dumating sa Jerusalem.
3 Ang(AH) buong kapulungan ay nakipagtipan sa hari sa bahay ng Diyos. At sinabi ni Jehoiada[q] sa kanila, “Narito, ang anak ng hari! Hayaan siyang maghari gaya nang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga anak ni David.
4 Ito ang bagay na inyong gagawin: sa inyong mga pari at mga Levita na magtatapos ang paglilingkod sa Sabbath, ikatlong bahagi sa inyo ang magiging mga bantay-pinto.
5 Ang ikatlong bahagi ay sa bahay ng hari, at ang ikatlong bahagi ay sa Pintuan ng Saligan; at ang buong bayan ay sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon.
6 Walang papapasukin sa bahay ng Panginoon maliban sa mga pari at mga naglilingkod na Levita. Sila'y maaaring pumasok, sapagkat sila'y banal, ngunit ang buong bayan ay susunod sa tagubilin ng Panginoon.
7 Palilibutan ng mga Levita ang hari, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay; at sinumang pumasok sa bahay ay papatayin. Samahan ninyo ang hari sa kanyang pagpasok at sa kanyang paglabas.”
8 Ginawa ng mga Levita at ng buong Juda ang ayon sa lahat ng iniutos ng paring si Jehoiada. Bawat isa'y nagdala ng kanyang mga tauhan, ang mga matatapos ang paglilingkod sa Sabbath, kasama ng mga magsisimulang maglingkod sa Sabbath, sapagkat hindi pinauwi ng paring si Jehoiada ang mga pangkat.
9 Ibinigay ng paring si Jehoiada sa mga pinunong-kawal ang mga sibat, at ang malalaki at maliliit na mga kalasag na dating kay Haring David, na nasa bahay ng Diyos.
10 Kanyang inilagay ang buong bayan bilang bantay para sa hari, bawat tao'y may sandata sa kanyang kamay, mula sa gawing timog ng bahay hanggang sa gawing hilaga ng bahay, sa palibot ng dambana at ng bahay.
11 Pagkatapos ay kanyang inilabas ang anak ng hari, at ipinutong nila ang korona sa kanya, at ibinigay sa kanya ang patotoo, at ipinahayag siyang hari. Binuhusan siya ng langis ni Jehoiada at ng kanyang mga anak, at kanilang sinabi, “Mabuhay ang hari.”
12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng taong-bayan na nagtatakbuhan at nagpupuri sa hari, siya'y lumabas patungo sa mga tao sa loob ng bahay ng Panginoon.
13 Nang siya'y tumingin, naroon ang hari na nakatayo sa tabi ng kanyang haligi sa pasukan, at ang mga punong-kawal at ang mga manunugtog ng trumpeta ay nasa tabi ng hari. Ang lahat ng mga taong-bayan ng lupain ay nagagalak at humihihip ng mga trumpeta, ang mga mang-aawit dala ang kanilang panugtog na nangunguna sa pagdiriwang. Kaya't pinunit ni Atalia ang kanyang damit, at sumigaw: “Kataksilan! Kataksilan!”
14 Kaya't inilabas ng paring si Jehoiada ang mga pinunong-kawal na inilagay sa hukbo, at sinabi sa kanila, “Palabasin ninyo siya sa pagitan ng mga hanay; sinumang sumunod sa kanya ay papatayin ng tabak.” Sapagkat sinabi ng pari, “Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng bahay ng Panginoon.”
15 Kaya't kanilang binigyang-daan siya at siya'y pumasok sa pintuan ng kabayo sa bahay ng hari, at siya'y kanilang pinatay roon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001