Bible in 90 Days
23 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,
24 “Hindi mo ba napapansin ang sinalita ng mga taong ito na sinasabi, ‘Itinakuwil ng Panginoon ang dalawang angkan na kanyang pinili?’ Ganito nila hinamak ang aking bayan kaya't hindi na sila isang bansa sa kanilang paningin.
25 Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung ang aking tipan sa araw at gabi ay hindi manatili at ang mga panuntunan ng langit at ng lupa ay hindi ko itinatag;
26 ay itatakuwil ko nga ang binhi ni Jacob at ni David na aking lingkod at hindi ako pipili ng isa sa kanyang binhi na mamumuno sa binhi ni Abraham, Isaac, at Jacob. Sapagkat ibabalik ko ang kanilang mga kayamanan at kahahabagan ko sila.”
Mensahe para kay Zedekias
34 Ang(A) salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, nang si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, ang buo niyang hukbo, ang lahat ng kaharian sa daigdig na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan, at ang lahat ng mga bayan ay nakipaglaban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng mga lunsod nito, na sinasabi,
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Humayo ka at magsalita kay Zedekias na hari ng Juda, at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ibinibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonia, at susunugin niya ito ng apoy.
3 Hindi ka makakatakas sa kanyang kamay, kundi tiyak na mahuhuli ka at mahuhulog sa kanyang kamay. Makikita mo nang mata sa mata ang hari ng Babilonia, at makikipag-usap sa kanya nang mukhaan, at ikaw ay pupunta sa Babilonia.’
4 Gayunma'y pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O Zedekias, hari ng Juda! Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa iyo: ‘Ikaw ay hindi mamamatay sa pamamagitan ng tabak.
5 Ikaw ay payapang mamamatay. Kung paanong nagsunog ng insenso para sa iyong mga magulang na mga dating hari na una sa iyo, gayon sila magsusunog para sa iyo at kanilang tataghuyan ka, na magsasabi, “Ah panginoon!”’ Sapagkat aking sinabi ang salita, sabi ng Panginoon.”
6 Sinabi ni propeta Jeremias ang lahat ng salitang ito kay Zedekias na hari ng Juda, sa Jerusalem,
7 nang lumalaban ang hukbo ng hari ng Babilonia laban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng lunsod ng Juda na nalabi, ang Lakish at Azeka; sapagkat ang mga ito lamang ang mga nalabing mga lunsod na may kuta ng Juda.
Dinaya ang mga Alipin
8 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, pagkatapos na makipagtipan si Haring Zedekias sa lahat ng taong-bayan na nasa Jerusalem upang magpahayag sa kanila ng kalayaan,
9 na dapat palayain ng bawat isa ang kanyang aliping Hebreo, babae o lalaki, upang walang sinumang dapat umalipin sa Judio, na kanyang kapatid.
10 At ang lahat ng pinuno at ang lahat ng taong-bayan ay sumunod at nakipagtipan na bawat isa'y palalayain ang kanyang alipin, lalaki man o babae, at hindi na sila muling aalipinin, sila'y tumalima at pinalaya sila.
11 Ngunit pagkatapos ay bumalik sila, at kinuhang muli ang mga aliping lalaki at babae na kanilang pinalaya, at sila'y muling ipinailalim sa pagkaalipin bilang aliping lalaki at babae.
12 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
13 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Ako'y nakipagtipan sa inyong mga ninuno nang sila'y aking inilabas mula sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, na sinasabi,
14 ‘Sa(B) katapusan ng pitong taon ay palalayain ng bawat isa sa inyo ang kanyang kapwa Hebreo na ipinagbili sa iyo, at naglingkod sa iyo ng anim na taon; dapat mo siyang palayain sa paglilingkod sa iyo.’ Ngunit ang inyong mga ninuno ay hindi nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pandinig sa akin.
15 Kamakailan lamang ay nagsisi kayo at ginawa ang matuwid sa aking mga mata sa paghahayag ng kalayaan, bawat tao sa kanyang kapwa. At kayo'y nakipagtipan sa harapan ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan.
16 Ngunit kayo'y tumalikod at nilapastangan ang aking pangalan nang kuning muli ng bawat isa sa inyo ang kanyang aliping lalaki at babae na inyong pinalaya sa kanilang nais, at sila'y inyong ipinailalim upang inyong maging mga aliping lalaki at aliping babae.
17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: Kayo'y hindi sumunod sa akin sa pagpapahayag ng kalayaan, bawat isa sa kanyang kapatid at sa kanyang kapwa. Narito, ako'y nagpapahayag sa inyo ng kalayaan tungo sa tabak, sa salot, at sa taggutom, sabi ng Panginoon. Gagawin ko kayong isang katatakutan sa lahat ng mga kaharian sa daigdig.
18 At ang mga lalaking sumuway sa aking tipan, at hindi tumupad sa mga salita ng tipan na kanilang ginawa sa harapan ko ay gagawin kong gaya ng guya na kanilang hinahati sa dalawa at pinadaraan sa pagitan ng mga bahagi nito—
19 ang mga pinuno ng Juda, ng Jerusalem, mga eunuko, ang mga pari, at ang lahat ng taong-bayan ng lupain na dumaan sa pagitan ng mga bahagi ng guya
20 ay ibibigay ko sa kanilang mga kaaway at sa mga tumutugis sa kanilang buhay. Ang kanilang mga bangkay ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid at ng mga hayop sa lupa.
21 Si Zedekias na hari ng Juda at ang kanyang mga pinuno ay ibibigay ko sa kanilang mga kaaway, sa mga tumutugis sa kanilang buhay, at sa hukbo ng hari ng Babilonia na umurong na sa inyo.
22 Ako'y mag-uutos, sabi ng Panginoon, at ibabalik ko sila sa lunsod na ito; at ito'y kanilang lalabanan, sasakupin, at kanilang susunugin ng apoy. Gagawin kong sira at walang naninirahan ang mga bayan ng Juda.”
Si Jeremias at ang mga Recabita
35 Ang(C) salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon sa mga araw ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda, na sinasabi,
2 “Pumaroon ka sa bahay ng mga Recabita. Magsalita ka sa kanila at dalhin mo sila sa isa sa mga silid ng bahay ng Panginoon, at bigyan mo sila ng alak na maiinom.”
3 Kaya't kinuha ko si Jaazanias na anak ni Jeremias, na anak ni Habasinias, ang kanyang mga kapatid na lalaki, ang lahat niyang mga anak na lalaki, at ang buong sambahayan ng mga Recabita.
4 Dinala ko sila sa bahay ng Panginoon, sa silid ng mga anak ni Hanan na anak ni Igdalias, na tao ng Diyos, malapit sa silid ng mga pinuno sa itaas ng silid ni Maasias na anak ni Shallum, na tanod ng pintuan.
5 Aking inilagay sa harapan ng mga anak ng sambahayan ng mga Recabita ang mga mangkok na punô ng alak at ang mga saro, at sinabi ko sa kanila, “Uminom kayo ng alak.”
6 Ngunit kanilang sinabi, “Hindi kami iinom ng alak, sapagkat si Jonadab na anak ni Recab, na aming ama ay nag-utos sa amin, ‘Huwag kayong iinom ng alak, maging kayo o ang inyong mga anak man, magpakailanman.
7 Huwag din kayong magtatayo ng bahay, ni maghahasik ng binhi, magtatanim o magkakaroon ng ubasan, kundi kayo'y titira sa mga tolda sa lahat ng mga araw ninyo, upang kayo ay mabuhay ng maraming araw sa lupain na inyong tinitirhan.’
8 Sinunod namin ang tinig ni Jonadab na anak ni Recab na aming ama sa lahat ng kanyang iniutos sa amin, na huwag uminom ng alak sa lahat ng aming mga araw, kami at ang aming mga asawa, ang aming mga anak na lalaki o babae man;
9 at huwag kaming magtayo ng mga bahay na aming matitirahan. Wala kaming ubasan, o bukid, o binhi;
10 kundi kami ay nanirahan sa mga tolda, sinunod at ginawa namin ang lahat ng iniutos sa amin ni Jonadab na aming ama.
11 Ngunit nang si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay dumating sa lupain, ay aming sinabi, ‘Tayo na, at tayo'y pumunta sa Jerusalem sapagkat nakakatakot ang mga hukbo ng mga Caldeo at mga taga-Siria!’ Kaya't kami ay naninirahan sa Jerusalem.”
12 At dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na sinasabi,
13 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Humayo ka at sabihin mo sa mga tao ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem, Hindi ba kayo tatanggap ng turo at makikinig sa aking mga salita? sabi ng Panginoon.
14 Ang utos na ibinigay ni Jonadab na anak ni Recab sa kanyang mga anak na huwag iinom ng alak ay nasunod; at hindi sila uminom ng alak hanggang sa araw na ito, sapagkat kanilang sinunod ang utos ng kanilang ama. Paulit-ulit akong nagsalita sa inyo ngunit hindi ninyo ako pinakinggan.
15 Aking sinugo sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na bumabangon akong maaga at sinusugo sila na nagsasabi, ‘Ngayon ay humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad, baguhin ninyo ang inyong mga gawa, at huwag kayong sumunod sa mga ibang diyos upang maglingkod sa kanila. Kung gayo'y maninirahan kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno.’ Ngunit hindi kayo nakinig o sumunod man sa akin.
16 Tinupad ng mga anak ni Jonadab na anak ni Recab ang utos na ibinigay ng kanilang magulang sa kanila, ngunit hindi ako sinunod ng bayang ito.
17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking dadalhin sa Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem ang lahat ng kasamaan na aking binigkas laban sa kanila; sapagkat ako'y nagsalita sa kanila ngunit hindi sila nakinig; ako'y tumawag sa kanila, ngunit hindi sila sumagot.”
18 Ngunit sinabi ni Jeremias sa sambahayan ng mga Recabita, “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Sapagkat inyong sinunod ang utos ni Jonadab na inyong ama, at inyong iningatan ang lahat niyang alituntunin, at inyong ginawa ang lahat ng kanyang iniutos sa inyo;
19 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Si Jonadab na anak ni Recab ay hindi kukulangin ng anak na tatayo sa harapan ko magpakailanman.”
Binasa ni Baruc ang Balumbon sa Loob ng Templo
36 Nang(D) ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, ang salitang ito ay dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2 “Kumuha ka ng isang balumbon, at isulat mo doon ang lahat ng salita na aking sinabi sa iyo laban sa Israel, laban sa Juda, at laban sa lahat ng mga bansa, mula nang araw na magsalita ako sa iyo, mula nang mga araw ni Josias hanggang sa araw na ito.
3 Marahil ay maririnig ng sambahayan ni Juda ang lahat ng kasamaan na aking pinanukalang gawin sa kanila, at humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad, upang aking maipatawad ang kanilang kasamaan at kasalanan.”
4 Pagkatapos ay tinawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Nerias, at sinulat ni Baruc sa isang balumbon mula sa bibig ni Jeremias ang lahat ng salita ng Panginoon na sinabi niya sa kanya.
5 At inutusan ni Jeremias si Baruc, na sinasabi, “Ako'y nakakulong. Hindi ako makakapasok sa bahay ng Panginoon;
6 kaya't pumunta ka, at sa isang araw ng pag-aayuno ay basahin mo sa pandinig ng buong bayan ang mga salita ng Panginoon mula sa balumbon na iyong pinagsulatan mula sa aking bibig. Babasahin mo rin ang mga ito sa pandinig ng lahat ng mga taga-Juda na lumalabas sa kanilang mga bayan.
7 Marahil ay makakarating ang kanilang karaingan sa harapan ng Panginoon, at humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad; sapagkat malaki ang galit at poot na binigkas ng Panginoon laban sa sambayanang ito.”
8 Ginawa nga ni Baruc na anak ni Nerias ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ni Jeremias na propeta tungkol sa pagbasa mula sa balumbon ng mga salita ng Panginoon sa bahay ng Panginoon.
9 Nang ikalimang taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, nang ikasiyam na buwan, lahat ng tao sa Jerusalem, at ang lahat ng taong dumating sa Jerusalem mula sa mga bayan ng Juda ay nagpahayag ng pag-aayuno sa harapan ng Panginoon.
10 At sa pandinig ng buong bayan ay binasa ni Baruc mula sa balumbon ang mga salita ni Jeremias, sa bahay ng Panginoon, sa silid ni Gemarias na anak ni Safan na kalihim, na nasa mas mataas na bulwagan sa pasukan ng Bagong Pintuan ng bahay ng Panginoon.
Ang Balumbon ay Binasa sa mga Pinuno
11 Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemarias, na anak ni Safan, ang lahat ng salita ng Panginoon mula sa balumbon,
12 siya'y bumaba sa bahay ng hari patungo sa silid ng kalihim. Lahat ng mga pinuno ay nakaupo roon: si Elisama na kalihim, si Delaias na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemarias na anak ni Safan, si Zedekias na anak ni Hananias, at ang lahat ng mga pinuno.
13 Sinabi sa kanila ni Micaya ang lahat ng mga salitang narinig niya nang basahin ni Baruc ang balumbon sa pandinig ng taong-bayan.
14 At sinugo ng lahat ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias, na anak ni Shelemias, na anak ni Cushi, upang sabihin kay Baruc, “Kunin mo ang balumbon na iyong binasa sa pandinig ng taong-bayan, at pumarito ka.” Kaya't kinuha ni Baruc na anak ni Nerias ang balumbon at pumaroon sa kanila.
15 Sinabi nila sa kanya, “Umupo ka at basahin mo iyan.” Binasa naman iyon ni Baruc sa kanila.
16 Nang kanilang marinig ang lahat ng mga salita, sila'y takot na humarap sa isa't isa, at sinabi nila kay Baruc, “Dapat nating iulat ang lahat ng salitang ito sa hari.”
17 At kanilang tinanong si Baruc na sinasabi, “Sabihin mo sa amin, paano mo isinulat ang lahat ng salitang ito. Mula ba sa kanyang bibig?”
18 Sumagot si Baruc sa kanila, “Binigkas niya ang lahat ng salitang ito sa akin mula sa kanyang bibig, at isinulat ko naman iyon ng tinta sa balumbon.”
19 Nang magkagayo'y sinabi ng mga pinuno kay Baruc, “Umalis ka at magtago, ikaw at si Jeremias, at huwag mong ipaalam kahit kanino ang inyong kinaroroonan.”
Sinunog ng Hari ang Balumbon
20 Kaya't sila'y pumasok sa bulwagan ng hari, pagkatapos nilang mailagay ang balumbon sa silid ni Elisama na kalihim; at kanilang iniulat ang lahat ng mga salita sa hari.
21 Pagkatapos ay sinugo ng hari si Jehudi upang kunin ang balumbon, at ito'y kanyang kinuha sa silid ni Elisama na kalihim. Ito'y binasa ni Jehudi sa hari at sa lahat ng pinuno na nakatayo sa tabi ng hari.
22 Noon ay ikasiyam na buwan at taglamig at ang hari ay nakaupo sa loob ng bahay at may apoy sa apuyan na nagniningas sa harap niya.
23 Pagkabasa ni Jehudi ng tatlo o apat na hanay, ang mga iyon ay pinuputol ng hari sa pamamagitan ng patalim at inihahagis sa apoy na nasa apuyan, hanggang sa ang buong balumbon ay natupok sa apoy na nasa apuyan.
24 Gayunman, maging ang hari o alinman sa kanyang mga lingkod na nakarinig ng lahat ng mga salitang ito ay hindi natakot o pinunit man ang kanilang mga suot.
25 Kahit nakiusap sina Elnatan, Delaias, at Gemarias sa hari na huwag sunugin ang balumbon, ay ayaw niyang makinig sa kanila.
26 At iniutos ng hari kina Jerameel na anak ng hari, kay Seraya na anak ni Azriel, at kay Shelemias na anak ni Abdeel na hulihin si Baruc na kalihim at si Jeremias na propeta. Ngunit ikinubli sila ng Panginoon.
Ang Balumbon ay muling Isinulat ni Jeremias
27 Pagkatapos na masunog ng hari ang balumbon na sinulatan ni Baruc ng mga salitang mula sa bibig ni Jeremias, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,
28 “Kumuha kang muli ng isa pang balumbon at isulat mo roon ang lahat ng dating salita na nasa unang balumbon na sinunog ni Jehoiakim na hari ng Juda.
29 At tungkol kay Jehoiakim na hari ng Juda ay iyong sasabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Sinunog mo ang balumbon na ito, na iyong sinasabi, “Bakit mo isinulat doon na ang hari ng Babilonia ay tiyak na darating at wawasakin ang lupaing ito, at pupuksain doon ang tao at ang hayop?”
30 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Jehoiakim na hari ng Juda, Siya'y mawawalan ng uupo sa trono ni David, at ang kanyang bangkay ay itatapon sa labas sa kainitan ng araw at sa hamog ng gabi.
31 Parurusahan ko siya, ang kanyang binhi, at ang kanyang mga lingkod dahil sa kanilang kasamaan. At aking dadalhin sa kanila, sa mga naninirahan sa Jerusalem, at sa mga tao ng Juda, ang lahat ng kasamaan na aking binigkas laban sa kanila, ngunit ayaw nilang makinig.’”
32 Kaya't kumuha si Jeremias ng isa pang balumbon, at ibinigay ito kay Baruc na kalihim, na anak ni Nerias, na sumulat doon mula sa bibig ni Jeremias ng lahat ng mga salita na nasa balumbon na sinunog sa apoy ni Jehoiakim na hari ng Juda; at marami pang katulad na mga salita ang idinagdag doon.
Pakiusap ni Zedekias kay Jeremias
37 Si(E) Zedekias na anak ni Josias na ginawang hari sa lupain ng Juda ni Haring Nebukadnezar ng Babilonia, ay naghari sa halip na si Conias na anak ni Jehoiakim.
2 Ngunit siya, ang kanyang mga lingkod, at ang mamamayan ng lupain ay hindi nakinig sa mga salita ng Panginoon na kanyang sinalita sa pamamagitan ni propeta Jeremias.
3 Sinugo ni Haring Zedekias si Jehucal na anak ni Shelemias, at si Sefanias na anak ni Maasias na pari, kay Jeremias na propeta, na sinasabi, “Idalangin mo kami sa Panginoon nating Diyos.”
4 Si Jeremias noon ay naglalabas-pasok pa rin sa gitna ng bayan, sapagkat hindi pa siya inilalagay sa bilangguan.
5 Samantala, ang hukbo ni Faraon ay lumabas sa Ehipto; at nang mabalitaan ang tungkol sa kanila ng mga Caldeo na noon ay kumukubkob sa Jerusalem, sila'y umurong mula sa Jerusalem.
6 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay propeta Jeremias, na sinasabi,
7 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Ganito ang inyong sasabihin sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo sa akin upang sumangguni sa akin, ‘Ang hukbo ni Faraon na lumabas upang tulungan kayo ay pabalik na sa Ehipto na kanilang sariling lupain.
8 At ang mga Caldeo ay babalik upang labanan ang lunsod na ito. Ito'y kanilang sasakupin at susunugin ng apoy.
9 Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa pagsasabing, “Ang mga Caldeo ay tiyak na lalayo sa atin,” sapagkat hindi sila lalayo.
10 Sapagkat kahit magapi ninyo ang buong hukbo ng mga Caldeo na lumalaban sa inyo, at ang natira lamang sa kanila ay mga lalaking sugatan sa kanya-kanyang tolda, babangon sila at susunugin ng apoy ang lunsod na ito.’”
Ibinilanggo si Jeremias
11 Nangyari nang ang hukbo ng mga Caldeo ay makaurong na mula sa Jerusalem nang papalapit ang hukbo ni Faraon,
12 si Jeremias ay lumabas sa Jerusalem upang pumasok sa lupain ng Benjamin, upang tanggapin roon ang kanyang bahagi kasama ng bayan.
13 Nang siya'y nasa Pintuan ng Benjamin, isang bantay na ang pangalan ay Irias na anak ni Shelemias, na anak ni Hananias ang naroroon. Dinakip niya si propeta Jeremias, na sinasabi, “Ikaw ay papunta sa panig ng mga Caldeo.”
14 At sinabi ni Jeremias, “Kasinungalingan, hindi ako pumupunta tungo sa panig ng mga Caldeo.” Ngunit hindi siya pinakinggan ni Irias at kanyang dinakip si Jeremias at dinala sa mga pinuno.
15 Nagalit ang mga pinuno kay Jeremias at kanilang binugbog siya at ikinulong sa bahay ni Jonathan na kalihim, na ginawa na nilang bilangguan.
16 Nang si Jeremias ay makapasok sa piitang nasa ilalim ng lupa at manatili roon ng maraming araw,
17 ipinatawag siya ni Haring Zedekias at tinanggap siya. Palihim siyang tinanong ng hari sa kanyang bahay, at nagsabi, “Mayroon bang anumang salita mula sa Panginoon?” Sinabi ni Jeremias, “Mayroon.” At sinabi niya, “Ikaw ay ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia.”
18 Sinabi rin ni Jeremias kay Haring Zedekias, “Anong kasalanan ang nagawa ko laban sa iyo, sa iyong mga lingkod, o sa bayang ito upang ilagay ninyo ako sa bilangguan?
19 Nasaan ang inyong mga propeta na nagsalita ng propesiya sa inyo, na nagsasabi, ‘Ang hari ng Babilonia ay hindi darating laban sa inyo o laban man sa lupaing ito?’
20 Ngayon nga'y pakinggan mo, hinihiling ko sa iyo, O panginoon kong hari: tanggapin mo ang aking pakiusap sa harapan mo na huwag mo akong pabalikin sa bahay ni Jonathan na kalihim, baka mamatay ako roon.”
21 Kaya't nag-utos si Haring Zedekias, at kanilang dinala si Jeremias sa himpilan ng mga bantay. Kanilang binigyan siya ng isang pirasong tinapay araw-araw mula sa lansangan ng mga magtitinapay, hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod. Kaya't nanatili si Jeremias sa himpilan ng mga bantay.
Si Jeremias sa Isang Tuyong Balon
38 At narinig ni Shefatias na anak ni Matan, ni Gedalias na anak ni Pashur, ni Jehucal na anak ni Shelemias, at ni Pashur na anak ni Malkias ang mga salitang binibigkas ni Jeremias sa buong bayan, na sinasabi,
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot; ngunit ang lalabas patungo sa mga Caldeo ay mabubuhay, at ang kanyang buhay ay tataglayin niya bilang gantimpala ng digmaan, at siya'y mabubuhay.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang lunsod na ito ay tiyak na ibibigay sa kamay ng hukbo ng hari ng Babilonia at masasakop.”
4 Nang magkagayo'y sinabi ng mga pinuno sa hari, “Patayin ang lalaking ito, sapagkat pinahihina niya ang mga kamay ng mga kawal na naiwan sa lunsod na ito, at ang mga kamay ng buong bayan, sa pagsasalita ng gayong mga salita sa kanila. Sapagkat hindi hinahanap ng lalaking ito ang kapakanan ng bayang ito, kundi ang kanilang kapahamakan.”
5 At sinabi ni Haring Zedekias, “Narito, siya'y nasa inyong mga kamay; sapagkat ang hari ay walang magagawang anuman laban sa inyo.”
6 Kaya't kanilang dinakip si Jeremias at inihulog siya sa balon ni Malkias na anak ng hari, na nasa himpilan ng mga bantay, sa pamamagitan ng pagbababa kay Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid. Noon ay walang tubig sa balon, kundi burak lamang at lumubog si Jeremias sa burak.
Iniahon si Jeremias sa Balon
7 Narinig ni Ebed-melec na isang eunuko na taga-Etiopia, na noon ay nasa bahay ng hari, na kanilang inilagay si Jeremias sa balon. Ang hari noo'y nakaupo sa Pintuan ng Benjamin.
8 Kaya't si Ebed-melec ay lumabas sa bahay ng hari, at nagsalita sa hari, na sinasabi,
9 “Panginoon kong hari, ang mga lalaking ito ay gumawa ng kasamaan sa lahat ng kanilang ginawa kay Jeremias na propeta sa pamamagitan ng paghuhulog sa kanya sa balon. Siya'y mamamatay doon sa gutom, sapagkat wala nang tinapay sa lunsod.”
10 Nang magkagayo'y iniutos ng hari kay Ebed-melec na taga-Etiopia, “Magsama ka mula rito ng tatlong lalaki at iahon mo si Jeremias na propeta mula sa balon bago siya mamatay.”
11 Sa gayo'y nagsama ng mga lalaki si Ebed-melec at pumasok sa bahay ng hari, sa taguan ng damit sa bodega at kumuha roon ng mga lumang basahan at mga lumang damit, at kanilang ibinaba sa hukay sa pamamagitan ng mga lubid kay Jeremias.
12 Sinabi ni Ebed-melec na taga-Etiopia kay Jeremias, “Ilagay mo ang mga basahan at lumang damit na ito sa pagitan ng iyong kilikili at ng mga lubid.” Gayon nga ang ginawa ni Jeremias.
13 Kanilang iniahon si Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid at itinaas siya mula sa balon. At si Jeremias ay nanatili sa himpilan ng bantay.
Hiningi ni Zedekias ang Payo ni Jeremias
14 Ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias na propeta at tinanggap siya sa ikatlong pasukan ng bahay ng Panginoon. Sinabi ng hari kay Jeremias, “Magtatanong ako sa iyo at huwag kang maglihim ng anuman sa akin.”
15 Sinabi ni Jeremias kay Zedekias, “Kung sasabihin ko sa iyo, hindi ba tiyak na ipapapatay mo ako? At kung bigyan kita ng payo, hindi ka naman makikinig sa akin.”
16 Si Zedekias ay lihim na sumumpa kay Jeremias, “Habang buháy ang Panginoon na nagbigay sa atin ng buhay, hindi kita ipapapatay o ibibigay man kita sa kamay ng mga lalaking ito na nagtatangka sa iyong buhay.”
17 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias kay Zedekias, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, Kung ikaw ay susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas ang iyong buhay at ang lunsod na ito ay hindi masusunog ng apoy; at ikaw at ang iyong sambahayan ay mabubuhay.
18 Ngunit kung hindi ka susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, ibibigay ang lunsod na ito sa kamay ng mga Caldeo, ito'y kanilang susunugin ng apoy, at ikaw ay hindi makakatakas sa kanilang kamay.”
19 Sinabi ni Haring Zedekias kay Jeremias, “Ako'y natatakot sa mga Judio na kumampi sa mga Caldeo, baka ako'y ibigay nila sa kanilang kamay at kanila akong pagmalupitan.”
20 Sinabi ni Jeremias, “Hindi ka ibibigay sa kanila. Sundin mo ngayon ang tinig ng Panginoon tungkol sa aking sinasabi sa iyo. Ikaw ay mapapabuti at ang iyong buhay ay maliligtas.
21 Ngunit kung ayaw mong sumuko, ito ang pangitaing ipinakita sa akin ng Panginoon:
22 Narito, lahat ng babaing naiwan sa bahay ng hari ng Juda ay inilalabas patungo sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, at sila ay nagsasabi,
‘Dinaya ka ng iyong malalapit na kaibigan,
at nagtagumpay laban sa iyo;
ngayong ang iyong mga paa ay nakalubog sa burak,
sila'y lumayo sa iyo.’
23 Lahat ng mga asawa mo at ang iyong mga anak ay dadalhin din sa mga Caldeo, at hindi ka makakatakas sa kanilang kamay, kundi ikaw ay bibihagin ng hari ng Babilonia; at ang lunsod na ito ay susunugin ng apoy.”
24 Nang magkagayo'y sinabi ni Zedekias kay Jeremias, “Huwag mong ipaalam kaninuman ang mga salitang ito, at hindi ka mamamatay.
25 Kung mabalitaan ng mga pinuno na ako'y nakipag-usap sa iyo at sila'y pumarito at sabihin sa iyo, ‘Sabihin mo sa amin kung ano ang sinabi mo sa hari at kung anong sinabi ng hari sa iyo, huwag kang maglilihim ng anuman sa amin at hindi ka namin ipapapatay,’
26 iyong sasabihin sa kanila, ‘Ako'y mapagpakumbabang nakiusap sa hari na huwag niya akong pabalikin sa bahay ni Jonathan, upang mamatay doon.’”
27 Dumating ang lahat ng pinuno kay Jeremias at tinanong siya. Kanyang sinagot sila ayon sa itinuro sa kanya ng hari. Kaya't huminto na sila sa pakikipag-usap sa kanya; sapagkat ang pag-uusap ay hindi narinig.
28 At(F) nanatili si Jeremias sa himpilan ng bantay hanggang sa araw na masakop ang Jerusalem.
Ang Pagbagsak ng Jerusalem
39 Nang ikasiyam na taon ni Zedekias na hari ng Juda, nang ikasampung buwan, dumating si Nebukadnezar, hari ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo laban sa Jerusalem at kinubkob ito;
2 nang ikalabing-isang taon ni Zedekias, nang ikaapat na buwan, nang ikasiyam na araw ng buwan, nagkaroon ng butas sa lunsod.
3 At ang lahat ng mga pinuno ng hari ng Babilonia ay dumating at umupo sa gitnang pintuan: sina Nergal-sarezer, Samgar-nebo, Sarsechim ang Rabsaris, Nergal-sarezer ang Rab-mag, at ang iba pa sa mga pinuno ng hari ng Babilonia.
4 Nang makita sila ni Zedekias na hari ng Juda at ng lahat ng mga kawal, sila ay tumakas at lumabas sa lunsod nang kinagabihan sa may halamanan ng hari papalabas sa pintuan sa pagitan ng dalawang pader, at siya'y lumabas patungo sa Araba.
5 Ngunit hinabol sila ng hukbo ng mga Caldeo, at inabutan si Zedekias sa mga kapatagan ng Jerico. Nang kanilang mahuli siya, siya'y kanilang dinala kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at kanyang hinatulan siya.
6 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak ni Zedekias sa Ribla sa kanyang harapan. Pinatay rin ng hari ng Babilonia ang lahat ng mga taong maharlika ng Juda.
7 Dinukot niya ang mga mata ni Zedekias at siya'y ginapos ng tanikala upang dalhin sa Babilonia.
8 Sinunog ng mga Caldeo ang bahay ng hari at ang mga bahay ng mga taong-bayan, at ibinagsak ang mga pader ng Jerusalem.
9 Pagkatapos ay dinalang-bihag ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay patungong Babilonia ang nalabi sa mga tao na naiwan sa lunsod, yaong mga pumanig sa kanya at ang mga taong naiwan.
10 Ngunit iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay ang ilan sa mga dukha sa lunsod na walang ari-arian, at binigyan sila ng mga ubasan at mga bukid sa panahon ding iyon.
Ang Paglaya ni Jeremias
11 Si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay nag-utos kay Nebuzaradan, na kapitan ng bantay tungkol kay Jeremias, na sinasabi,
12 “Kunin mo siya, ingatan mong mabuti at huwag siyang saktan, kundi gawin mo sa kanya ang kanyang sasabihin sa iyo.”
13 Sa gayo'y si Nebuzaradan na kapitan ng bantay, si Nabusazban ang Rabsaris, si Nergal-sarezer ang Rab-mag, at lahat ng mga pangunahing pinuno ng hari ng Babilonia
14 ay nagsugo at kinuha si Jeremias sa himpilan ng bantay. Kanilang ipinagkatiwala siya kay Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan, upang kanyang iuwi siya. Sa gayo'y nanirahan siyang kasama ng taong-bayan.
15 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias samantalang siya'y nakakulong sa himpilan ng bantay, na sinasabi,
16 “Humayo ka at sabihin mo kay Ebed-melec na taga-Etiopia, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Tutuparin ko ang aking mga salita laban sa lunsod na ito sa ikasasama at hindi sa ikabubuti, at ang mga iyon ay matutupad sa harapan mo sa araw na iyon.
17 Ngunit ililigtas kita sa araw na iyon, at hindi ka ibibigay sa kamay ng mga lalaking iyong kinatatakutan, sabi ng Panginoon.
18 Sapagkat tiyak na ililigtas kita, at ikaw ay hindi ibubuwal ng tabak, kundi tataglayin mo ang iyong buhay bilang gantimpala ng digmaan, sapagkat nagtiwala ka sa akin, sabi ng Panginoon.’”
Namalagi si Jeremias kay Gedalias
40 Ang salita ay dumating kay Jeremias mula sa Panginoon pagkatapos na siya'y palayain mula sa Rama ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay, nang siya'y dalhing may tanikala kasama ng lahat ng bihag mula sa Jerusalem at sa Juda na dinalang-bihag sa Babilonia.
2 Kinuha si Jeremias ng kapitan ng bantay, at sinabi sa kanya, “Ang Panginoon mong Diyos ang nagpahayag ng kasamaang ito laban sa lugar na ito;
3 pinapangyari ng Panginoon at ginawa ang ayon sa kanyang sinabi sapagkat kayo'y nagkasala laban sa Panginoon at hindi sinunod ang kanyang tinig. Kaya't ang bagay na ito ay dumating sa inyo.
4 At ngayon, narito, pinalalaya kita ngayon sa mga tanikalang nasa iyong mga kamay. Kung inaakala mong mabuti na sumama sa akin sa Babilonia, halika, at kakalingain kita. Ngunit kung inaakala mong masama na sumama sa akin sa Babilonia ay huwag kang sumama. Ang buong lupain ay nasa harapan mo. Pumunta ka kung saan mo inaakalang mabuti at marapat sa iyo na puntahan.
5 Kung ikaw ay mananatili, bumalik ka kay Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan, na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa mga bayan ng Juda, at manirahang kasama niya, kasama ng taong-bayan, o pumunta ka kung saan mo inaakalang mabuting puntahan.” At binigyan siya ng kapitan ng bantay ng pagkain at kaloob at hinayaan siyang umalis.
6 Pagkatapos ay pumunta si Jeremias kay Gedalias na anak ni Ahikam, sa Mizpa, at nanirahang kasama niya kasama ng mga taong-bayang naiwan sa lupain.
7 Nang(G) mabalitaan ng lahat ng pinuno ng mga kawal at ng kanilang mga tauhan na nasa mga parang na ginawang tagapamahala ng lupain ng hari ng Babilonia si Gedalias na anak ni Ahikam, at ipinamahala sa kanya ang mga lalaki, mga babae, mga bata, at ang mga pinakadukha sa lupain na hindi nadalang-bihag sa Babilonia,
8 sila at ang kanilang mga tauhan ay pumunta kay Gedalias sa Mizpa, sina Ismael na anak ni Netanias, si Johanan na mga anak ni Carea, si Seraya na anak ni Tanhumat, ang mga anak ni Ephi na Netofatita, at si Jezanias na anak ng Maacatita.
9 Si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga tauhan, na sinasabi, “Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga Caldeo. Manirahan kayo sa lupain at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at ito'y sa ikabubuti ninyo.
10 Tungkol sa akin, ako'y maninirahan sa Mizpa, upang tumayo para sa inyo sa harapan ng mga Caldeo na darating sa atin. Ngunit tungkol sa inyo, magtipon kayo ng alak at ng mga bunga sa tag-init at ng langis, at inyong ilagay sa inyong mga sisidlan, at kayo'y manirahan sa inyong mga bayan na inyong sinakop.”
11 Gayundin, nang mabalitaan ng lahat ng Judio na nasa Moab at kasama ng mga anak ni Ammon at sa Edom at ng nasa ibang mga lupain, na ang hari ng Babilonia ay nag-iwan ng nalabi sa Juda, at hinirang si Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan, upang mamahala sa kanila,
12 ay bumalik ang lahat ng mga Judio mula sa lahat ng dakong pinagtabuyan sa kanila, at dumating sa lupain ng Juda, kay Gedalias sa Mizpa, at sila'y nagtipon ng napakaraming alak at mga bunga sa tag-araw.
13 Samantala, si Johanan na anak ni Carea at ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal na nasa mga parang ay pumunta kay Gedalias sa Mizpa,
14 at sinabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na sinugo ni Baalis na hari ng mga anak ni Ammon si Ismael na anak ni Netanias upang kunin ang iyong buhay?” Ngunit si Gedalias na anak ni Ahikam ay ayaw maniwala sa kanila.
15 Kaya't lihim na nakipag-usap si Johanan na anak ni Carea kay Gedalias sa Mizpa, “Hayaan mo akong umalis at patayin si Ismael na anak ni Netanias, at walang makakaalam nito. Bakit ka niya kailangang patayin, upang ang lahat ng mga Judio na nasa palibot mo ay mangalat, at malipol ang nalabi sa Juda?”
16 Ngunit sinabi ni Gedalias na anak ni Ahikam kay Johanan na anak ni Carea, “Huwag mong gagawin ang bagay na ito; sapagkat ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan tungkol kay Ismael.”
Pinaslang si Gedalias
41 Nang(H) ikapitong buwan, si Ismael na anak ni Netanias, na anak ni Elisama, mula sa angkan ng hari, at isa sa mga pangunahing pinuno ng hari, ay dumating kay Gedalias na anak ni Ahikam sa Mizpa, kasama ang sampung lalaki. Habang magkakasama silang kumakain ng tinapay sa Mizpa,
2 si Ismael na anak ni Netanias at ang sampung lalaki na kasama niya ay tumayo, tinaga ng tabak at pinatay si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan, na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa lupain.
3 Pinatay rin ni Ismael ang lahat ng mga Judio na kasama ni Gedalias sa Mizpa, at ang mga kawal na Caldeo na nagkataong naroroon.
4 Isang araw pagkaraan ng pagpatay kay Gedalias, bago ito nalaman ng sinuman,
5 walumpung mga lalaki ang dumating mula sa Shekem, mula sa Shilo, at mula Samaria, na ahit ang kanilang balbas at punit ang kanilang suot, sugatan ang katawan, na may dalang handog na butil at insenso upang ialay sa bahay ng Panginoon.
6 Si Ismael na anak ni Netanias ay lumabas mula sa Mizpa upang salubungin sila, na umiiyak habang papalapit. Nang kanyang makaharap sila, sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo kay Gedalias na anak ni Ahikam.”
7 Nang sila'y dumating sa bayan, pinatay sila ni Ismael na anak ni Netanias at ng mga lalaking kasama niya, at inihagis sila sa isang hukay.
8 Ngunit may sampung lalaki na kasama nila ang nagsabi kay Ismael, “Huwag mo kaming patayin sapagkat kami ay nakapag-imbak ng trigo, sebada, langis, at pulot na nakatago sa parang.” Kaya't napahinuhod siya at hindi niya pinatay sila at ang kanilang mga kasama.
9 Ang hukay na pinagtapunan ni Ismael ng lahat ng bangkay ng mga tao na kanyang pinatay ay ang malaking hukay na ginawa ni Haring Asa bilang sanggalang laban kay Baasa na hari ng Israel. Ito ay pinuno ni Ismael na anak ni Netanias ng mga napatay.
10 At dinalang-bihag ni Ismael ang lahat ng nalabi sa taong-bayan na nasa Mizpa, ang mga anak na babae ng hari at ang lahat ng taong naiwan sa Mizpa, na siyang ipinagkatiwala ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay kay Gedalias na anak ni Ahikam. Sila'y dinalang-bihag ni Ismael na anak ni Netanias, at naghandang tumawid patungo sa mga Ammonita.
11 Ngunit nang mabalitaan ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya ang lahat ng kasamaang ginawa ni Ismael na anak ni Netanias,
12 ay isinama nila ang lahat nilang mga tauhan upang lumaban kay Ismael na anak ni Netanias. Kanilang inabutan siya sa tabi ng malaking bukal na nasa Gibeon.
13 At nang makita ng lahat ng mga taong kasama ni Ismael si Johanan na anak ni Carea at ang lahat ng pinuno ng mga kawal na kasama niya, sila'y natuwa.
14 Kaya't ang lahat ng mga taong dinalang-bihag ni Ismael mula sa Mizpa ay pumihit at bumalik, at pumunta kay Johanan na anak ni Carea.
15 Ngunit si Ismael na anak ni Netanias ay tumakas mula kay Johanan na kasama ng walong lalaki, at pumunta sa mga Ammonita.
16 Nang magkagayo'y kinuha ni Johanan na anak ni Carea at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya ang lahat ng nalabi sa bayan na dinalang-bihag ni Ismael na anak ni Netanias mula sa Mizpa, pagkatapos niyang mapatay si Gedalias na anak ni Ahikam—ang mga kawal, mga babae, mga bata, at ang mga eunuko na ibinalik ni Johanan mula sa Gibeon.
17 At sila'y umalis at huminto sa Geruth Chimham, na malapit sa Bethlehem, na nagbabalak pumunta sa Ehipto,
18 dahil sa mga Caldeo; sapagkat sila'y takot sa kanila, sapagkat pinatay ni Ismael na anak ni Netanias si Gedalias na anak ni Ahikam na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa lupain.
Humiling ang Bayan kay Jeremias na Idalangin Sila
42 At ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal, pati sina Johanan na anak ni Carea, si Jezanias na anak ni Hoshaias, at ang buong bayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila ay lumapit,
2 at nagsabi kay Jeremias na propeta, “Pakinggan mo sana ang samo namin sa iyo, at idalangin mo kami sa Panginoon mong Diyos, para sa lahat ng nalabing ito. Sapagkat kakaunti lamang kaming naiwan mula sa marami gaya ng nakikita ng iyong sariling mga mata.
3 Ipakita nawa sa amin ng Panginoon mong Diyos ang daan na dapat naming lakaran, at ang bagay na dapat naming gawin.”
4 Nang magkagayo'y sinabi ng propetang si Jeremias sa kanila, “Narinig ko kayo. Narito, mananalangin ako sa Panginoon ninyong Diyos ayon sa inyong sinabi, at anumang isagot ng Panginoon sa inyo ay sasabihin ko sa inyo. Wala akong ililihim sa inyo.”
5 Sinabi naman nila kay Jeremias, “Ang Panginoon nawa ay maging totoo at tapat na saksi laban sa amin, kung hindi kami kikilos nang ayon sa lahat ng salita na ipinahahatid sa iyo ng Panginoon mong Diyos sa amin.
6 Maging iyon ay mabuti o masama, susundin namin ang tinig ng Panginoon nating Diyos na siya naming pinagsusuguan sa iyo upang ikabuti namin, kapag aming sinunod ang tinig ng Panginoon nating Diyos.”
Ang Sagot ng Panginoon sa Dalangin ni Jeremias
7 Pagkalipas ng sampung araw ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias.
8 Pagkatapos ay ipinatawag niya si Johanan na anak ni Carea, pati ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya, at ang buong bayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila,
9 at sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, na inyong pinagsuguan sa akin upang idulog ang inyong kahilingan sa harapan niya:
10 Kung kayo'y mananatili sa lupaing ito, aking itatayo kayo at hindi ibabagsak. Itatanim ko kayo at hindi bubunutin, sapagkat ikinalulungkot ko ang pinsalang nagawa ko sa inyo.
11 Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonia na inyong kinatatakutan. Huwag kayong matakot sa kanya, sabi ng Panginoon, sapagkat ako'y kasama ninyo upang iligtas kayo, at sagipin mula sa kanyang kamay.
12 Kahahabagan ko kayo at siya'y mahahabag sa inyo at ibabalik kayo sa sarili ninyong lupain.
13 Ngunit kung inyong sabihin, ‘Hindi kami mananatili sa lupaing ito,’ at susuwayin ninyo ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos,
14 na inyong sinasabi, ‘Hindi; kundi pupunta kami sa lupain ng Ehipto, na doon ay hindi kami makakakita ng digmaan, o makakarinig man ng tunog ng trumpeta, o magugutom sa tinapay, at kami'y maninirahan doon,’
15 ay inyo ngang pakinggan ang salita ng Panginoon, O nalabi ng Juda. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kung talagang nakatutok ang inyong pag-iisip[a] na pumasok sa Ehipto, at hahayo upang manirahan doon,
16 kung gayon ay aabutan kayo roon sa lupain ng Ehipto ng tabak na inyong kinatatakutan, at ang taggutom na inyong kinatatakutan ay mahigpit na susunod sa inyo doon sa Ehipto, at mamamatay kayo roon.
17 Kaya ang lahat ng taong nakatutok ang pag-iisip na pumasok sa Ehipto upang manirahan doon ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot. Walang matitira o makakaligtas sa kanila mula sa kasamaan na aking dadalhin sa kanila.
18 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kung paanong ang aking galit at poot ay ibinuhos sa mga naninirahan sa Jerusalem, gayon ko rin ibubuhos ang aking poot sa inyo kapag kayo'y pumunta sa Ehipto. Kayo'y magiging tampulan ng pagkutya, kakilabutan, isang sumpa at paghamak. Hindi na ninyo makikita ang lugar na ito.
19 Sinabi na sa inyo ng Panginoon, O nalabi ng Juda, ‘Huwag kayong pumunta sa Ehipto.’ Tandaan ninyong mabuti na binalaan ko kayo sa araw na ito.
20 Sapagkat dinaya lamang ninyo ang inyong mga sarili. Sapagkat sinugo ninyo ako sa Panginoon ninyong Diyos, na inyong sinasabi, ‘Idalangin mo kami sa Panginoon nating Diyos, at anuman ang sasabihin ng Panginoon nating Diyos ay sabihin mo sa amin, at aming gagawin iyon.’
21 At aking ipinahayag iyon sa inyo sa araw na ito, ngunit hindi kayo sumunod sa tinig ng Panginoon ninyong Diyos sa anumang bagay na kanyang ipinasugo sa akin upang sabihin sa inyo.
22 Ngayon nga'y tinitiyak ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa tabak, sa taggutom, at sa salot sa lugar na nais ninyong puntahan at tirahan.”
Dinala si Jeremias sa Ehipto
43 Nang si Jeremias ay makatapos ng pagsasalita sa buong bayan ng lahat ng mga salitang ito ng Panginoon nilang Diyos, na ipinahatid sa kanya ng Panginoon nilang Diyos sa kanila,
2 ay sinabi kay Jeremias nina Azarias na anak ni Hoshaias, Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga walang-galang na lalaki, “Nagsisinungaling ka. Hindi ka sinugo ng Panginoon nating Diyos upang sabihing, ‘Huwag kayong pumunta sa Ehipto upang manirahan doon;’
3 kundi inilagay ka ni Baruc na anak ni Nerias laban sa amin, upang ibigay kami sa kamay ng mga Caldeo, upang mapatay nila kami o dalhin kaming bihag sa Babilonia.”
4 Sa gayo'y si Johanan na anak ni Carea, pati ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal, at ang buong bayan ay hindi sumunod sa tinig ng Panginoon na manatili sa lupain ng Juda.
5 Kundi(I) kinuha ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal ang lahat ng nalabi ng Juda na bumalik upang manirahan sa lupain ng Juda mula sa lahat ng mga bansa na pinagtabuyan sa kanila—
6 ang mga lalaki, mga babae, mga bata, ang mga prinsesa, at bawat taong iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay kay Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan; pati si Jeremias na propeta, at si Baruc na anak ni Nerias.
7 At sila'y dumating sa lupain ng Ehipto sapagkat hindi nila sinunod ang tinig ng Panginoon. At sila'y dumating sa Tafnes.
8 Pagkatapos ay dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias sa Tafnes, na sinasabi,
9 “Maglagay ka ng malalaking bato sa iyong kamay, at ikubli mo ang mga iyon sa argamasa sa daanang papasok sa palasyo ni Faraon sa Tafnes, sa paningin ng mga taga-Juda;
10 at sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking isusugo at kukunin si Nebukadnezar na hari ng Babilonia na aking lingkod, at aking ilalagay ang kanyang trono sa mga batong ito na aking ikinubli; at kanyang ilaladlad ang kanyang talukbong sa ibabaw nito.
11 Siya'y darating at kanyang sasaktan ang lupain ng Ehipto na ibibigay sa kamatayan ang mga itinakda sa kamatayan, sa pagkabihag ang mga itinakda sa pagkabihag, at sa tabak ang mga itinakda sa tabak.
12 Ako'y magpapaningas ng apoy sa templo ng mga diyos ng Ehipto at kanyang susunugin ang mga iyon at dadalhing bihag. Kanyang babalutin ang lupain ng Ehipto na gaya ng pastol na binabalot ang sarili ng kanyang balabal, at siya'y payapang aalis mula roon.
13 Kanyang babaliin ang matatayog na haligi ng Bet-shemes[b] na nasa lupain ng Ehipto, at ang mga templo ng mga diyos ng Ehipto ay kanyang susunugin ng apoy.’”
Ang Mensahe ng Panginoon sa mga Judio
44 Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa lahat ng mga Judio na nanirahan sa lupain ng Ehipto, sa Migdol, Tafnes, Memfis, at sa lupain ng Patros, na nagsasabi,
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Inyong nakita ang lahat ng kasamaan na aking dinala sa Jerusalem, at sa lahat ng mga bayan ng Juda. Tingnan ninyo, sa araw na ito ay giba sila at walang naninirahan doon,
3 dahil sa kasamaan na kanilang ginawa, na ibinunsod ako sa galit sa pamamagitan ng kanilang pagsusunog ng insenso, at paglilingkod sa ibang mga diyos na hindi nila nakilala, maging nila, ninyo o ng inyong mga ninuno man.
4 Gayunma'y masugid kong sinugo sa inyo ang lahat kong mga lingkod na propeta, na nagsasabi, ‘O huwag ninyong gawin ang karumaldumal na bagay na ito na aking kinasusuklaman!’
5 Ngunit hindi sila nakinig o ikiniling man nila ang kanilang pandinig upang humiwalay sa kanilang kasamaan at huwag nang magsunog ng insenso sa ibang mga diyos.
6 Kaya't ang aking poot at galit ay ibinuhos at nagningas sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem; at sila'y nasira at nagiba gaya sa araw na ito.
7 Kaya't ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Bakit ninyo ginagawa ang ganitong malaking kasamaan laban sa inyong mga sarili, na ihiwalay sa inyo ang mga lalaki at babae, mga sanggol at bata, mula sa kalagitnaan ng Juda, na walang iniiwang nalabi sa inyo?
8 Bakit ninyo ako ibinubunsod sa galit sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay, na nagsusunog kayo ng insenso sa ibang mga diyos sa lupain ng Ehipto na inyong pinuntahan upang tirahan, upang kayo'y mahiwalay at maging isang sumpa at tampulan ng pagkutya sa gitna ng lahat ng mga bansa sa lupa?
9 Nakalimutan na ba ninyo ang kasamaan ng inyong mga ninuno, ang kasamaan ng mga hari ng Juda, at ang kasamaan ng kanilang mga asawang babae, at ang inyong sariling kasamaan, at ang kasamaan ng inyong mga asawang babae, na kanilang ginawa sa lupain ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem?
10 Ngunit sila'y hindi nagpakumbaba hanggang sa araw na ito, ni natakot man, ni lumakad man sa aking kautusan at sa aking mga alituntunin, na aking inilagay sa harapan ninyo at ng inyong mga ninuno.
11 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, itututok ko ang aking mukha laban sa inyo sa ikasasama, upang ihiwalay ang buong Juda.
12 At aking kukunin ang nalabi sa Juda na nagpasiyang pumasok sa lupain ng Ehipto upang manirahan doon, at silang lahat ay malilipol. Sa lupain ng Ehipto ay mabubuwal sila; sila'y lilipulin ng tabak at ng taggutom. Sila'y mamamatay, mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, sa pamamagitan ng tabak at ng taggutom. Sila'y magiging tampulan ng paghamak, kakilabutan, pagkutya at pag-alipusta.
13 Aking parurusahan ang mga naninirahan sa lupain ng Ehipto, gaya ng parusang ginawa ko sa Jerusalem, sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at salot,
14 anupa't walang sinuman sa nalabi ng Juda na pumasok upang manirahan sa lupain ng Ehipto ay makakatakas o makakaligtas o makakabalik sa lupain ng Juda na kanilang pinagnanasaang balikan upang tahanan. Sila'y hindi babalik, maliban sa ilang mga takas.”
15 At lahat ng mga lalaki na nakaalam na ang kanilang mga asawa ay nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, at ang lahat ng babae na nakatayo na isang malaking kapulungan, ang buong bayan na nanirahan sa Patros sa lupain ng Ehipto, ay sumagot kay Jeremias:
16 “Tungkol sa salitang iyong sinabi sa amin sa pangalan ng Panginoon, hindi ka namin papakinggan.
17 Kundi gagawin namin ang lahat ng bagay na aming ipinangako, na magsunog ng insenso sa reyna ng langit at magbukas para sa kanya ng inuming handog, gaya ng aming ginawa, namin at ng aming mga magulang, ng aming mga hari, at ng aming mga pinuno sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem; sapagkat noon ay mayroon kaming saganang pagkain at guminhawa kami, at hindi nakakita ng kasamaan.
18 Ngunit mula nang aming iwan ang pagsusunog ng insenso sa reyna ng langit, at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, kami ay kinapos sa lahat ng bagay at nalipol ng tabak at ng taggutom.”
19 “At nang kami ay nagsunog ng insenso sa reyna ng langit at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, wala bang pagsang-ayon ang aming mga asawa na kami ay gumawa ng munting tinapay para sa kanya na may larawan niya at ipinagbuhos namin siya ng mga inuming handog?”
Inulit ni Jeremias ang Kanyang Babala
20 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa buong bayan, sa mga lalaki at mga babae at sa lahat ng taong nagbigay sa kanya ng naturang sagot, na sinasabi,
21 “Tungkol sa mga insenso na inyong sinunog sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem, ninyo at ng inyong mga magulang, ng inyong mga hari, at inyong mga pinuno, at ng mga tao ng lupain, hindi ba sila'y inalaala ng Panginoon? Hindi ba ito'y pumasok sa kanyang isipan?
22 Kaya't hindi na matagalan ng Panginoon ang inyong masasamang gawa at ang mga karumaldumal na inyong ginawa. Kaya't ang inyong lupain ay naging sira, giba at isang sumpa, na walang naninirahan, gaya sa araw na ito.
23 Ito'y sapagkat kayo'y nagsunog ng insenso, at sapagkat kayo'y nagkasala laban sa Panginoon at hindi sumunod sa tinig ng Panginoon o nagsilakad man sa kanyang kautusan at sa kanyang alituntunin, at sa kanyang mga patotoo, kaya't ang kasamaang ito ay sumapit sa inyo, gaya sa araw na ito.”
24 At sinabi ni Jeremias sa buong bayan at sa lahat ng kababaihan, “Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, kayong lahat na taga-Juda na nasa lupain ng Ehipto,
25 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kayo at ang inyong mga asawa ay nagpahayag ng inyong mga bibig, at tinupad ng inyong mga kamay, na nagsasabi, ‘Tiyak na tutuparin namin ang mga panata na aming ginawa, na magsunog ng insenso sa reyna ng langit, at ipagbuhos siya ng mga inuming handog.’ Sige, pagtibayin ninyo ang inyong mga panata at tuparin ang inyong mga panata!
26 Kaya't inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, kayong lahat na taga-Juda na naninirahan sa lupain ng Ehipto: Ako'y sumumpa sa pamamagitan ng aking dakilang pangalan, sabi ng Panginoon, na ang aking pangalan ay hindi na sasambitin sa bibig ng sinumang tao sa Juda sa buong lupain ng Ehipto, na sasabihin, ‘Habang buháy ang Panginoong Diyos.’
27 Tingnan ninyo, nagmamasid ako sa kanila sa ikasasama at hindi sa ikabubuti. Lahat ng tao ng Juda na nasa lupain ng Ehipto ay malilipol sa pamamagitan ng tabak at ng taggutom, hanggang sa sila'y magkaroon ng wakas.
28 At ang makakatakas sa tabak na babalik sa lupain ng Juda mula sa lupain ng Ehipto ay kaunti sa bilang. At ang buong nalabi ng Juda na dumating sa lupain ng Ehipto upang manirahan doon ay makakaalam kung kaninong salita ang tatayo, ang sa akin o sa kanila.
29 Ito ang magiging tanda sa inyo, sabi ng Panginoon, parurusahan ko kayo sa lugar na ito, upang inyong malaman na ang aking salita laban sa inyo ay tiyak na tatayo laban sa inyo sa ikapipinsala.
30 Ganito(J) ang sabi ng Panginoon, Narito, ibibigay ko si Faraon Hophra na hari ng Ehipto sa kamay ng kanyang mga kaaway at ng mga nagtatangka sa kanyang buhay; kung paanong ibinigay ko si Zedekias na hari ng Juda sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na kanyang kaaway at nagtangka sa kanyang buhay.”
Ang Pangako ng Panginoon kay Baruc
45 Ang(K) salita na sinabi ni propeta Jeremias kay Baruc na anak ni Nerias, nang sulatin niya ang mga salitang ito sa isang aklat mula sa bibig ni Jeremias, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, na sinasabi,
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, sa iyo, O Baruc:
3 Iyong sinabi, ‘Kahabag-habag ako! Sapagkat ang Panginoon ay nagdagdag ng kalungkutan sa aking sakit; ako'y pagod na sa pagdaing, at wala akong kapahingahan.’
4 Ganito ang sasabihin mo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, ang aking itinayo ay aking ibinabagsak, at ang aking itinanim ay aking bubunutin, ito'y ang buong lupain.
5 At ikaw, naghahanap ka ba ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili? Huwag mo nang hanapin ang mga iyon, sapagkat, narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa lahat ng laman, sabi ng Panginoon; ngunit ibibigay ko ang iyong buhay bilang gantimpala ng digmaan sa lahat ng dakong iyong pupuntahan.”
Ang Pagkatalo ng Ehipto sa Carquemis
46 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga bansa.
2 Tungkol(L) sa Ehipto. Tungkol sa hukbo ni Faraon Neco, na hari ng Ehipto na nasa tabi ng ilog ng Eufrates, sa Carquemis, na tinalo ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda:
3 “Ihanda ninyo ang panangga at kalasag,
at kayo'y lumapit sa pakikipaglaban!
4 Singkawan ninyo ang mga kabayo,
kayo'y sumakay, O mga mangangabayo!
Humanay kayo na may helmet;
pakintabin ang inyong mga sibat,
at isuot ang inyong kasuotang pandigma!
5 Bakit ko nakita iyon?
Sila'y nanlulupaypay
at nagsisibalik.
Ang kanilang mga mandirigma ay ibinuwal
at mabilis na tumakas;
hindi sila lumilingon—
ang pagkasindak ay nasa bawat panig! sabi ng Panginoon.
6 Ang maliksi ay huwag tumakbo,
ni ang malakas ay tumakas;
sa hilaga sa tabi ng Ilog Eufrates
sila ay natisod at bumagsak.
7 “Sino itong bumabangon na katulad ng Nilo,
gaya ng mga ilog na ang mga tubig ay bumubulusok?
8 Ang Ehipto ay bumabangong parang Nilo,
gaya ng mga ilog na ang tubig ay bumubulusok.
Kanyang sinabi, Ako'y babangon at tatakpan ko ang lupa.
Aking wawasakin ang lunsod at ang mga mamamayan nito.
9 Sulong, O mga kabayo;
at kayo'y humagibis, O mga karwahe!
Sumalakay kayong mga mandirigma;
mga lalaki ng Etiopia at Put na humahawak ng kalasag;
ang mga lalaki ng Lud, na humahawak at bumabanat ng pana.
10 Sapagkat ang araw na iyon ay sa Panginoong Diyos ng mga hukbo,
isang araw ng paghihiganti,
upang makaganti siya sa kanyang mga kaaway.
Ang tabak ay lalamon at mabubusog,
at magpapakalasing sa dugo nila.
Sapagkat ang Panginoong Diyos ng mga hukbo ay magkakaroon ng pag-aalay
sa hilagang lupain sa tabi ng Ilog Eufrates.
11 Umahon ka sa Gilead, at kumuha ka ng balsamo,
O anak na birhen ng Ehipto!
Walang kabuluhang gumamit ka ng maraming gamot;
hindi ka na gagaling.
12 Nabalitaan ng mga bansa ang iyong kahihiyan,
at ang daigdig ay punô ng iyong sigaw,
sapagkat ang mandirigma ay natisod sa kapwa mandirigma,
sila'y magkasamang nabuwal.”
13 Ang(M) salitang sinabi ng Panginoon kay Jeremias na propeta tungkol sa pagdating ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia upang salakayin ang lupain ng Ehipto:
Ang Pagdating ni Nebukadnezar
14 “Ipahayag ninyo sa Ehipto, ihayag sa Migdol,
at ihayag sa Memfis at sa Tafnes;
Sabihin ninyo, ‘Tumayo ka at humanda ka,
sapagkat ang tabak ay lalamon sa palibot mo.’
15 Bakit napayuko ang iyong malalakas?
Hindi sila tumatayo
sapagkat sila'y ibinagsak ng Panginoon.
16 Tinisod niya ang marami, oo, at sila'y nabuwal sa isa't isa.
At sinabi nila sa isa't isa,
‘Bangon, at bumalik tayo sa ating sariling bayan,
at sa ating lupang sinilangan,
malayo sa tabak ng manlulupig.’
17 Sila'y sumigaw roon. ‘Si Faraon, hari ng Ehipto ay isang ingay lamang.
Hinayaan niyang lumipas ang takdang oras!’
18 “Habang buháy ako, sabi ng Hari,
na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo,
tunay na gaya ng Tabor sa gitna ng mga bundok,
at gaya ng Carmel sa tabing dagat,
gayon darating ang isa.
19 Ihanda ninyo ang inyong dala-dalahan para sa pagkabihag,
O, anak na babae na nakatira sa Ehipto!
Sapagkat ang Memfis ay magiging sira,
susunugin at walang maninirahan.
20 “Ang Ehipto ay isang napakagandang dumalagang baka;
ngunit isang salot ang dumarating mula sa hilaga—ito'y dumarating!
21 Maging ang kanyang mga upahang kawal sa gitna niya
ay parang mga pinatabang guya.
Oo, sila ay pumihit at tumakas na magkakasama,
sila'y hindi nakatagal,
sapagkat ang araw ng kanilang pagkapinsala ay dumating sa kanila,
ang panahon ng kanilang kaparusahan.
22 “Siya ay gumagawa ng tunog na gaya ng ahas na gumagapang na papalayo;
sapagkat ang kanyang mga kaaway ay dumarating na may kalakasan,
at dumarating laban sa kanya na may mga palakol,
gaya ng mga mamumutol ng kahoy.
23 Kanilang pinutol ang kanyang kakahuyan, sabi ng Panginoon,
bagaman mahirap pasukin;
sapagkat sila'y higit na marami kaysa mga balang,
sila'y hindi mabilang.
24 Ang anak na babae ng Ehipto ay malalagay sa kahihiyan;
siya'y ibibigay sa kamay ng isang sambayanan mula sa hilaga.”
25 Sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: “Ako'y nagdadala ng kaparusahan sa Amon ng Tebes, at kay Faraon, at sa Ehipto, at sa kanyang mga diyos at sa kanyang mga hari, kay Faraon at sa mga nagtitiwala sa kanya.
26 Ibibigay ko sila sa kamay ng mga nagtatangka sa kanilang buhay, sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia at sa kanyang mga pinuno. Pagkatapos ang Ehipto ay tatahanan na gaya ng mga araw noong una, sabi ng Panginoon.
Ililigtas ng Panginoon ang Kanyang Bayan
27 “Ngunit(N) huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod,
ni manlulupaypay, O Israel,
sapagkat, narito, ililigtas kita mula sa malayo,
at ang iyong lahi mula sa lupain ng kanilang pagkabihag.
Ang Jacob ay babalik at magiging tahimik at tiwasay,
at walang sisindak sa kanya.
28 Huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon,
sapagkat ako'y kasama mo.
Sapagkat lubos kong wawakasan ang lahat ng mga bansa
na aking pinagtabuyan sa iyo;
ngunit ikaw ay hindi ko lubos na wawakasan.
Ngunit parurusahan kita nang hustong sukat,
at hindi kita iiwan sa anumang paraan na hindi mapaparusahan.”
Ang Mensahe ng Panginoon tungkol sa mga Filisteo
47 Ang(O) salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga Filisteo, bago sinakop ni Faraon ang Gaza.
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon:
Narito, ang mga tubig ay umaahon mula sa hilaga,
at magiging nag-uumapaw na baha;
ang mga ito ay aapaw sa lupain at sa lahat ng naroon,
ang lunsod at ang mga naninirahan doon.
Ang mga tao ay sisigaw,
at bawat mamamayan sa lupain ay tatangis.
3 Sa ingay ng lagapak ng mga kuko ng kanyang mga kabayo,
sa hagibis ng kanyang mga karwahe, sa ingay ng kanilang mga gulong,
hindi nililingon ng mga magulang ang kanilang mga anak,
dahil sa kahinaan ng kanilang mga kamay,
4 dahil sa araw na dumarating
upang lipulin ang lahat ng Filisteo,
upang ihiwalay sa Tiro at Sidon
ang bawat kakampi na nananatili.
Sapagkat nililipol ng Panginoon ang mga Filisteo,
ang nalabi sa pulo ng Crete.
5 Ang pagiging kalbo ay dumating sa Gaza,
ang Ascalon ay nagiba.
O nalabi ng kanilang libis,
hanggang kailan mo hihiwaan ang iyong sarili?
6 Ah, tabak ng Panginoon!
Hanggang kailan ka hindi tatahimik?
Ilagay mo ang sarili sa iyong kaluban;
ikaw ay magpahinga at tumahimik!
7 Paano ito magiging tahimik
yamang ito'y inatasan ng Panginoon?
Laban sa Ascalon at laban sa baybayin ng dagat
ay itinakda niya ito.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001