Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 66:19 - Jeremias 10:13

19 At ako'y maglalagay ng tanda sa gitna nila. At mula sa kanila ay aking susuguin ang mga nakaligtas sa mga bansa, sa Tarsis, Put, at Lud, na humahawak ng pana, sa Tubal at Javan, sa mga pulong malayo na hindi nakarinig ng aking kabantugan, o nakakita man ng aking kaluwalhatian. At kanilang ipahahayag ang aking kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa.

20 At kanilang dadalhin ang lahat ng inyong mga kapatid mula sa lahat ng bansa bilang handog sa Panginoon, na nakasakay sa mga kabayo, sa mga karwahe, sa mga duyan, at sa mga mola, at sa mga kamelyo, sa aking banal na bundok na Jerusalem, sabi ng Panginoon, gaya ng pagdadala ng mga anak ni Israel ng kanilang handog na butil sa malinis na sisidlan sa bahay ng Panginoon.

21 At ang ilan sa kanila ay kukunin ko ring mga pari at mga Levita, sabi ng Panginoon.

22 “Sapagkat(A) kung paanong ang mga bagong langit
    at ang bagong lupa na aking lilikhain
ay mananatili sa harapan ko, sabi ng Panginoon,
    gayon mananatili ang inyong lahi, at ang inyong pangalan.
23 At mula sa bagong buwan hanggang sa isa pang bagong buwan,
    at mula sa isang Sabbath hanggang sa isa pang Sabbath,
paroroon ang lahat ng laman upang sumamba sa harapan ko,
sabi ng Panginoon.

24 “At(B) sila'y lalabas at titingin sa mga bangkay ng mga taong naghimagsik laban sa akin, sapagkat ang kanilang uod ay hindi mamamatay, o mamamatay man ang kanilang apoy; at sila'y magiging kasuklamsuklam sa lahat ng laman.

Ang Pagkatawag kay Jeremias

Ang mga salita ni Jeremias na anak ni Hilkias, isa sa mga pari na nasa Anatot sa lupain ng Benjamin,

na(C) sa kanya dumating ang salita ng Panginoon nang mga araw ni Josias na anak ni Amon, na hari ng Juda, nang ikalabintatlong taon ng kanyang paghahari.

Dumating(D) din ito nang mga araw ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, at hanggang sa katapusan nang ikalabing-isang taon ni Zedekias, na anak ni Josias, hari ng Juda, hanggang sa pagkadalang-bihag ng Jerusalem nang ikalimang buwan.

Ngayon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na sinasabi,

“Bago kita inanyuan sa sinapupunan ay kilala na kita,
at bago ka ipinanganak, ikaw ay aking itinalaga;
hinirang kitang propeta sa mga bansa.”

Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ah, Panginoong Diyos! Tingnan mo, hindi ako marunong magsalita, sapagkat ako'y kabataan pa.”

Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon,

“Huwag mong sabihin, ‘Ako'y isang kabataan;’
sapagkat saanman kita suguin ay paroroon ka,
at anumang iutos ko sa iyo ay sasabihin mo.
Huwag kang matakot sa kanila,
sapagkat ako'y kasama mo na magliligtas sa iyo, sabi ng Panginoon.”

Pagkatapos ay iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon,

“Narito, inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig.
10 Tingnan mo, inilagay kita sa araw na ito sa ibabaw ng mga bansa at ng mga kaharian,
upang bumunot at magpabagsak,
upang pumuksa at magwasak,
upang magtayo at magtanim.”

Dalawang Pangitain

11 Dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi, “Jeremias, anong nakikita mo?” At aking sinabi, “Ako'y nakakakita ng isang tungkod na almendro.”

12 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Nakita mong mabuti, sapagkat pinagmamasdan ko ang aking salita upang isagawa ito.”

13 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin sa ikalawang pagkakataon, na nagsasabi, “Ano ang iyong nakikita?” At aking sinabi, “Ako'y nakakakita ng isang palayok na pinagpapakuluan, at nakaharap palayo sa hilaga.”

14 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Mula sa hilaga ay lalabas ang kasamaan sa lahat ng naninirahan sa lupain.

15 Sapagkat narito, tinatawag ko ang lahat ng mga angkan ng mga kaharian ng hilaga, sabi ng Panginoon. Sila'y darating at bawat isa ay maglalagay ng kanya-kanyang trono sa pasukan ng mga pintuan ng Jerusalem, laban sa lahat ng pader nito sa palibot, at laban sa lahat ng mga lunsod ng Juda.

16 At aking bibigkasin ang aking mga hatol laban sa kanila, dahil sa lahat nilang kasamaan sa pagtalikod sa akin. Sila'y nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, at nagsisamba sa mga gawa ng kanilang sariling mga kamay.

17 Ngunit ikaw, magbigkis ka ng iyong mga balakang, tumindig ka at sabihin mo sa kanila ang lahat ng iniuutos ko sa iyo. Huwag kang manghina sa harapan nila, baka ikaw ay papanghinain ko sa harapan nila.

18 Ngayon, tingnan mo, ginawa kita sa araw na ito na isang lunsod na may kuta at isang haliging bakal, at gaya ng pader na tanso laban sa buong lupain, laban sa mga hari ng Juda, sa mga prinsipe nito, sa mga pari nito, at laban sa mamamayan ng lupain.

19 Lalaban sila sa iyo, ngunit hindi sila magtatagumpay laban sa iyo, sapagkat ako'y kasama mo upang iligtas ka, sabi ng Panginoon.”

Ang Pag-aaruga ng Diyos sa Israel

Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

“Humayo ka at ipahayag mo sa pandinig ng Jerusalem na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon:

Naaalala ko ang katapatan ng iyong kabataan,
    ang iyong pag-ibig bilang babaing ikakasal,
kung paanong sumunod ka sa akin sa ilang,
    sa lupaing hindi hinasikan.
Ang Israel ay banal sa Panginoon,
    ang unang bunga ng kanyang ani.
Lahat ng nagsikain nito ay nagkasala,
    ang kasamaan ay dumating sa kanila, sabi ng Panginoon.”

Pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O sambahayan ni Jacob, at lahat ng mga angkan ng sambahayan ng Israel.

Ganito ang sabi ng Panginoon:

“Anong kamalian ang natagpuan sa akin ng inyong mga magulang
    upang ako'y kanilang layuan,
at sumunod sa kawalang kabuluhan, at naging walang kabuluhan?
Hindi nila sinabi, ‘Nasaan ang Panginoon
    na nag-ahon sa atin mula sa lupain ng Ehipto,
na pumatnubay sa atin sa ilang,
    sa lupain ng mga disyerto at mga hukay,
sa lupain ng tagtuyot at malalim na kadiliman,
    sa lupaing hindi dinaanan ng sinuman
    at walang taong nanirahan?’
At dinala ko kayo sa masaganang lupain,
    upang sa mga bunga ng mabubuting bagay nito kayo ay kumain.
Ngunit nang kayo'y pumasok ang lupain ko'y inyong dinungisan,
    at ang aking pamana ay ginawa ninyong karumaldumal.
Hindi sinabi ng mga pari, ‘Nasaan ang Panginoon?’
    Silang nagsisihawak ng kautusan ay hindi nakakilala sa akin;
ang mga pinuno[a] ay sumuway sa akin,
    at ang mga propeta ay nagsalita ng propesiya sa pamamagitan ni Baal,
    at nagsisunod sa mga bagay na walang pakinabang.
“Kaya't makikipagtalo pa rin ako sa inyo, sabi ng Panginoon,
    at sa mga anak ng inyong mga anak ay makikipagtalo ako.
10 Sapagkat tumawid kayo sa mga baybayin ng Kittim,[b] at inyong tingnan,
    at magsugo kayo sa Kedar, at magsuring mainam;
    at inyong tingnan kung may nangyari nang ganitong bagay.
11 Nagpalit ba ang isang bansa ng mga diyos,
    bagaman sila'y hindi mga diyos?
Ngunit ipinagpalit ng bayan ko ang kanilang kaluwalhatian
    sa hindi pinakikinabangan.
12 Magtaka kayo, O mga langit, sa bagay na ito,
    at magulat kayo, mawasak kayong lubos, sabi ng Panginoon.
13 Sapagkat ang bayan ko ay gumawa ng dalawang kasamaan:
    tinalikuran nila ako,
ang bukal ng mga tubig na buháy,
    at gumawa para sa kanila ng mga tipunan ng tubig
na mga sirang tipunan
    na hindi malagyan ng tubig.

Mga Bunga ng Kataksilan ng Israel

14 “Ang Israel ba'y alipin? Siya ba'y aliping ipinanganak sa bahay?
    Bakit nga siya'y naging hayop na nasila?
15 Ang mga batang leon ay nagsiungal laban sa kanya,
    at sila'y malakas na nagsiungal.
Winasak nila ang kanyang lupain;
    ang kanyang mga lunsod ay guho, walang naninirahan.
16 Bukod dito'y binasag[c] ng mga anak ng Memfis at ng Tafnes
    ang bao ng iyong ulo.
17 Hindi ba ikaw na rin ang nagdala nito sa iyong sarili,
    dahil sa iyong pagtalikod sa Panginoon mong Diyos,
    nang kanyang patnubayan ka sa daan?
18 At ano ngayon ang napala mo sa pagpunta sa Ehipto,
    upang uminom ng tubig ng Nilo?
O anong napala mo sa pagpunta sa Asiria,
    upang uminom ng tubig ng Eufrates?
19 Parurusahan ka ng iyong sariling kasamaan,
    at ang iyong pagtalikod ang sa iyo'y sasaway.
Alamin mo at iyong tingnan na masama at mapait
    na iyong talikuran ang Panginoon mong Diyos,
    at ang takot sa akin ay wala sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo.

Tumanggi ang Israel na Sambahin ang Diyos

20 “Sapagkat matagal nang panahong binasag ko ang iyong pamatok
    at ang mga gapos mo'y nilagot;
    ngunit iyong sinabi, ‘Hindi ako maglilingkod.’
Sapagkat sa bawat mataas na burol
    at sa lilim ng bawat luntiang punungkahoy
    ay yumuko kang tulad sa mahalay na babae.[d]
21 Gayunma'y itinanim kita na isang piling puno ng ubas,
    na pawang dalisay na binhi.
Bakit nga naging bansot ka
    at naging ligaw na ubas?
22 Kahit maligo ka ng lihiya,
    at gumamit ng maraming sabon,
    ang mantsa ng iyong pagkakasala ay nasa harapan ko pa rin, sabi ng Panginoong Diyos.
23 Paano mo nasasabi, ‘Hindi ako nadungisan,
    hindi ako sumunod sa mga Baal’?
Tingnan mo ang iyong daan sa libis!
    Alamin mo kung ano ang iyong ginawa!
Ikaw ay isang matuling batang kamelyo na pinagsala-salabat ang kanyang mga daan,
24     isang mailap na asno na sanay sa ilang,
na sa kanyang init ay sinisinghot ang hangin!
    Sinong makakapigil sa kanyang pagnanasa?
Hindi na mapapagod pa ang mga nagsisihanap sa kanya;
    sa kanyang kabuwanan ay kanilang matatagpuan siya.
25 Ingatan mo ang iyong paa sa paglakad na walang panyapak,
    at ang iyong lalamunan sa pagkauhaw.
Ngunit iyong sinabi, ‘Walang pag-asa,
    sapagkat ako'y umibig sa mga dayuhan,
    at ako'y susunod sa kanila!’

26 “Kung paanong ang isang magnanakaw ay napapahiya kapag nahuhuli,
    gayon mapapahiya ang sambahayan ni Israel;
sila, ang kanilang mga hari, ang kanilang mga pinuno,
    ang kanilang mga pari, at ang kanilang mga propeta,
27 na nagsasabi sa punungkahoy, ‘Ikaw ay aking ama;’
    at sa bato, ‘Ipinanganak mo ako.’
Sapagkat sila'y tumalikod sa akin,
    at hindi ang kanilang mukha.
Ngunit sa panahon ng kanilang kaguluhan ay sinasabi nila,
    ‘Bumangon ka at iligtas mo kami!’
28 Ngunit nasaan ang iyong mga diyos
    na ginawa mo para sa iyo?
Hayaan mo silang magsibangon, kung maililigtas nila kayo
    sa panahon ng iyong kaguluhan,
sapagkat kung gaano karami ang iyong mga bayan
    ay gayon ang iyong mga diyos, O Juda.

29 “Bakit kayo nagrereklamo laban sa akin?
Kayong lahat ay naghimagsik laban sa akin, sabi ng Panginoon.
30 Sa walang kabuluhan ang mga anak ninyo'y aking sinaktan;
    sila'y hindi tumanggap ng saway.
Nilamon ng inyong sariling tabak ang inyong mga propeta,
    na gaya ng leong mapamuksa.
31 At ikaw, O salinlahi, dinggin ninyo ang salita ng Panginoon.
Ako ba'y naging lupang ilang sa Israel,
    o isang lupain ng makapal na kadiliman?
Bakit sinasabi ng aking bayan, ‘Kami ay malaya,
    hindi na kami lalapit pa sa iyo’?
32 Malilimutan ba ng isang dalaga ang kanyang mga hiyas,
    o ng isang ikakasal na babae ang kanyang kasuotan?
Gayunma'y kinalimutan ako ng aking bayan
    sa di mabilang na mga araw.

33 “Kay galing mong pinamahalaan ang iyong lakad
    upang humanap ng mga mangingibig!
Anupa't maging sa masasamang babae
    ay itinuro mo ang iyong mga lakad.
34 Sa iyong mga palda ay natagpuan din
    ang dugong ikinabubuhay ng mga dukhang walang sala;
hindi mo sila natagpuan na sapilitang pumapasok.
    Gayunman, sa kabila ng lahat ng mga ito
35 ay sinasabi mo, ‘Ako'y walang sala;
    tunay na ang kanyang galit sa akin ay lumayo na.’
Narito, sa kahatulan ay dadalhin kita,
    sapagkat iyong sinabi, ‘Hindi ako nagkasala.’
36 Kay dali mong magpagala-gala
    na binabago mo ang iyong lakad!
Ilalagay ka sa kahihiyan ng Ehipto
    na gaya ng panghihiya sa iyo ng Asiria.
37 Mula doon ay lalabas ka rin
    na ang iyong mga kamay ay nakapatong sa iyong ulo,
sapagkat itinakuwil ng Panginoon ang iyong mga pinagkakatiwalaan,
    at sa pamamagitan nila'y hindi ka magtatagumpay.

Ang Taksil na Israel

Sinasabi nila, “Kung hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa,
    at siya'y humiwalay sa kanya,
at maging asawa ng ibang lalaki,
    babalik pa ba uli ang lalaki sa kanya?
Hindi ba lubos na madudumihan ang lupaing iyon?
Ikaw ay naging upahang babae[e] sa maraming mangingibig;
    at babalik ka sa akin?
    sabi ng Panginoon.
Itanaw mo ang iyong mga mata sa lantad na kaitaasan, at iyong tingnan!
    Saan ka hindi nasipingan?
Sa tabi ng mga lansangan ay umupo kang naghihintay
    na gaya ng taga-Arabia sa ilang.
Dinumihan mo ang lupain
    ng iyong kahalayan at ng iyong kasamaan.
Kaya't pinigil ang mga ambon,
    at hindi dumating ang ulan sa tagsibol;
gayunma'y mayroon kang noo ng isang upahang babae,
    ikaw ay tumatangging mapahiya.
Hindi ba sa akin ay katatawag mo lamang,
    ‘Ama ko, ikaw ang kaibigan ng aking kabataan—
siya ba ay magagalit magpakailanman,
    siya ba ay magngingitngit hanggang sa katapusan?’
Narito, ikaw ay nagsalita,
    at gumawa ng masasamang bagay, at nasunod mo ang iyong naibigan.”

Ayaw Magsisi ng Israel at ng Juda

Sinabi(E) sa akin ng Panginoon sa mga araw ng haring si Josias, “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel, kung paanong siya'y umahon sa bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy, at doon siya'y naging paupahang babae?

At aking sinabi, ‘Pagkatapos na magawa niya ang lahat ng bagay na ito, siya'y babalik sa akin;’ ngunit hindi siya bumalik, at ito'y nakita ng taksil niyang kapatid na Juda.

Nakita niya na dahil sa lahat ng pangangalunya ng taksil na Israel, pinalayas ko siya na may kasulatan ng paghihiwalay. Gayunma'y hindi natakot ang taksil niyang kapatid na Juda; sa halip siya man ay humayo at naging paupahang babae.

Sapagkat ang pagiging paupahang babae ay napakagaan para sa kanya, dinumihan niya ang lupain, at siya'y nangalunya sa mga bato at punungkahoy.

10 Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay hindi bumalik sa akin ng buong puso ang taksil niyang kapatid na Juda, kundi paimbabaw, sabi ng Panginoon.”

11 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Ipinakita ng taksil na Israel ang kanyang sarili na mas matuwid kaysa taksil na Juda.

12 Humayo ka at ipahayag mo ang mga salitang ito paharap sa hilaga, at sabihin mo,

‘Manumbalik ka, taksil na Israel, sabi ng Panginoon.
Hindi ako titingin na may galit sa inyo,
    sapagkat ako'y maawain, sabi ng Panginoon;
hindi ako magagalit magpakailanman.
13 Kilalanin mo lamang ang iyong pagkakasala,
    na ikaw ay naghimagsik laban sa Panginoon mong Diyos,
at ikinalat mo ang iyong mga lingap sa mga dayuhan sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy,
    at kayo'y hindi nagsisunod sa aking tinig, sabi ng Panginoon.
14 Manumbalik kayo, O taksil na mga anak, sabi ng Panginoon,
    sapagkat ako ay panginoon sa inyo,
at kukuha ako sa inyo ng isa sa isang lunsod, at dalawa sa isang angkan,
    at dadalhin ko kayo sa Zion.

15 “‘At bibigyan ko kayo ng mga pastol ayon sa aking napupusuan, na magpapakain sa inyo ng kaalaman at unawa.

16 At mangyayari na kapag kayo'y dumami at lumago sa lupain sa mga araw na iyon, sabi ng Panginoon, hindi na nila sasabihin, “Ang kaban ng tipan ng Panginoon.” Hindi na iyon maiisip ni maaalala, ni hahanap-hanapin; at ito ay hindi na muling gagawin.

17 Sa panahong iyon ay tatawagin nila ang Jerusalem na trono ng Panginoon, at lahat ng mga bansa ay magtitipon doon sa Jerusalem, sa pangalan ng Panginoon, at hindi na sila lalakad ayon sa katigasan ng kanilang masasamang puso.

18 Sa mga araw na iyon ang sambahayan ng Juda ay lalakad na kasama ng sambahayan ng Israel, at magkasama silang manggagaling sa lupain ng hilaga patungo sa lupain na ibinigay ko bilang pamana sa inyong mga magulang.

Ang Pagsamba ng Israel sa Diyus-diyosan

19 “‘Aking inisip,
    nais kong ilagay ka na kasama ng aking mga anak,
at bigyan ka ng magandang lupain,
    isang pinakamagandang pamana sa lahat ng mga bansa.
At akala ko'y tatawagin mo ako, Ama ko;
    at hindi ka na hihiwalay pa sa pagsunod sa akin.
20 Tunay na kung paanong iniiwan ng taksil na asawang babae ang kanyang asawa,
    gayon kayo nagtaksil sa akin, O sambahayan ng Israel, sabi ng Panginoon.’”

21 Isang tinig ay naririnig sa mga lantad na kaitaasan,
    ang iyak at pagsusumamo ng mga anak ni Israel;
sapagkat kanilang binaluktot ang kanilang daan,
    kanilang nilimot ang Panginoon nilang Diyos.
22 “Manumbalik kayo, O taksil na mga anak,
    pagagalingin ko ang inyong kataksilan.”

“Narito, kami ay lumalapit sa iyo;
    sapagkat ikaw ang Panginoon naming Diyos.
23 Tunay na ang mga burol ay kahibangan,
    ang mga lasingan sa mga bundok.
Tunay na nasa Panginoon naming Diyos
    ang kaligtasan ng Israel.

24 “Ngunit mula sa ating pagkabata ay nilamon ng kahiyahiyang bagay ang lahat ng pinagpagalan ng ating mga magulang, ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, ang kanilang mga anak na lalaki at babae.

25 Tayo'y magsihiga sa ating kahihiyan, at takpan tayo ng ating kawalan ng dangal; sapagkat tayo'y nagkasala laban sa Panginoon nating Diyos, tayo at ang ating mga magulang, mula sa ating kabataan hanggang sa araw na ito; at hindi tayo nakinig sa tinig ng Panginoon nating Diyos.”

Panawagan upang Magsisi

“Kung ikaw ay manunumbalik, O Israel, sabi ng Panginoon,
    sa akin ka dapat manumbalik.
Kung iyong aalisin ang iyong mga karumaldumal sa aking harapan,
    at hindi ka mag-uurong-sulong,
at kung ikaw ay susumpa, ‘Habang buháy ang Panginoon,’
    sa katotohanan, sa katarungan, at sa katuwiran;
ang mga bansa ay pagpapalain sa pamamagitan niya,
    at sa kanya luluwalhati sila.”

Ang Juda ay Binalaang Sasalakayin

Sapagkat(F) ganito ang sabi ng Panginoon sa mga kalalakihan ng Juda at sa Jerusalem,

“Bungkalin ninyo ang inyong lupang tiwangwang,
    at huwag kayong maghasik sa mga tinikan.
Tuliin ninyo ang inyong mga sarili para sa Panginoon,
    at inyong alisin ang maruming balat ng inyong puso,
    O mga taga-Juda at mga mamamayan ng Jerusalem;
baka ang aking poot ay sumiklab na parang apoy,
    at magliyab na walang makakapatay nito,
    dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa.”

Ipahayag ninyo sa Juda, at ibalita ninyo sa Jerusalem; at inyong sabihin,

“Inyong hipan ang trumpeta sa buong lupain;
    sumigaw kayo nang malakas, at inyong sabihin,
‘Magtipun-tipon kayo, at tayo'y magsipasok
    sa mga lunsod na may kuta!’
Magtaas kayo ng watawat paharap sa Zion;
    kayo'y magsitakas upang maligtas, huwag kayong magsitigil;
sapagkat ako'y nagdadala ng kasamaan mula sa hilaga,
    at ng malaking pagkawasak.
Ang isang leon ay umahon mula sa sukal niya,
    at isang mangwawasak ng mga bansa ang naghanda;
    siya'y lumabas mula sa kanyang lugar,
upang wasakin ang iyong lupain,
    ang iyong mga lunsod ay magiging guho
    na walang maninirahan.
Dahil dito ay magbigkis kayo ng damit-sako,
    managhoy kayo at tumangis;
sapagkat ang mabangis na galit ng Panginoon
    ay hindi pa humihiwalay sa atin.”

“Mangyayari sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, ang puso ng hari at ang puso ng mga pinuno ay manlulumo. Ang mga pari ay matitigilan at ang mga propeta ay mamamangha.”

10 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ah Panginoong Diyos, tunay na iyong lubos na dinaya ang sambayanang ito at ang Jerusalem, na iyong sinasabi, ‘Kayo'y magiging payapa,’ samantalang ang tabak ay nasa kanilang lalamunan!”

11 Sa panahong iyon ay sasabihin sa sambayanang ito at sa Jerusalem, “Isang mainit na hangin mula sa mga hubad na kaitaasan sa ilang ay patungo sa anak na babae ng aking bayan, hindi upang magtahip o maglinis man;

12 isang hanging napakalakas para dito ang darating dahil sa utos ko. Ngayon ako ay magsasalita ng mga hatol laban sa kanila.”

13 Pagmasdan ninyo, siya'y tumataas na parang mga ulap,
    at ang kanyang mga karwahe ay tulad ng ipu-ipo;
mas matulin kaysa mga agila ang kanyang mga kabayo—
    kahabag-habag tayo, sapagkat nawawasak tayo!
14 O Jerusalem, puso mo'y hugasan mula sa kasamaan,
    upang ikaw ay maligtas naman.
Hanggang kailan titigil sa iyong kalooban
    ang iyong pag-iisip na kasamaan?
15 Sapagkat isang tinig ang nagpapahayag mula sa Dan,
    at mula sa Bundok ng Efraim ay nagbabalita ng kasamaan.
16 Balaan ninyo ang mga bansa na siya ay darating;
    ibalita ninyo sa Jerusalem,
“Dumating ang mga mananakop mula sa malayong lupain,
    sila ay sumisigaw laban sa mga lunsod ng Juda.
17 Gaya ng mga bantay sa parang sila'y nakapalibot laban sa kanya
    sapagkat siya'y naghimagsik laban sa akin, sabi ng Panginoon.
18 Ang iyong mga lakad at ang iyong mga gawa
    ang nagdala ng mga bagay na ito sa iyo.
Ito ang iyong pagkasalanta, anong pait!
    Ito'y tumatagos sa iyong puso.”

Ang Kalungkutan ni Jeremias para sa Kanyang Bayan

19 Ang paghihirap ko, ang paghihirap ko! Ako'y namimilipit sa sakit!
    O ang pagdaramdam ng aking puso!
Ang aking puso ay kakaba-kaba,
    hindi ako matahimik;
sapagkat narinig mo, o kaluluwa ko, ang tunog ng trumpeta,
    ang hudyat ng digmaan.
20 Sunud-sunod ang mga pagkapinsala,
    ang buong lupain ay nasisira.
Ang aking mga tolda ay biglang nawasak,
    at ang aking mga tabing sa isang iglap.
21 Hanggang kailan ang watawat ay aking makikita
    at maririnig ang tunog ng trumpeta?
22 “Sapagkat ang bayan ko ay hangal,
    hindi nila ako nakikilala:
sila'y mga batang mangmang
    at sila'y walang pang-unawa.
Sa paggawa ng masama sila ay marunong,
    ngunit sa paggawa ng mabuti ay wala silang alam.”

23 Ako'y tumingin sa lupa, at narito, ito'y wasak at walang laman;
    at sa mga langit, at sila'y walang liwanag.
24 Ako'y tumingin sa mga bundok, at narito, sila ay nayayanig,
    at ang lahat ng burol ay nagpapabalik-balik.
25 Ako'y tumingin, at narito, walang tao,
    at lahat ng mga ibon sa himpapawid ay nagsialisan.
26 Ako'y tumingin, at narito, ang mabungang lupain ay naging disyerto,
    at lahat ng mga lunsod ay nakatiwangwang na guho
    sa harapan ng Panginoon, sa harapan ng kanyang mabangis na galit.

27 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, “Ang buong lupain ay mawawasak; gayunma'y hindi ko isasagawa ang lubos na pagwasak.

28 Dahil dito ang lupa ay tatangis,
    at ang langit sa itaas ay magiging madilim;
sapagkat ako'y nagsalita, ako'y nagpanukala,
    at hindi ako magbabago ng isip ni ako'y uurong.”

29 Ang bawat bayan ay tumakas dahil sa ingay
    ng mga mangangabayo at ng mga mamamana;
sila'y pumapasok sa mga sukal, at umaakyat sa malalaking bato;
    lahat ng mga lunsod ay pinabayaan,
    at walang taong sa mga iyon ay naninirahan.
30 At ikaw, ikaw na nawasak, anong gagawin mo?
Magdamit ka man ng matingkad na pula,
    gayakan mo man ang iyong sarili ng mga palamuting ginto,
    palakihin mo man ang iyong mga mata sa pamamagitan ng pinta?
Sa walang kabuluhan ay nagpapaganda ka.
    Hinahamak ka ng iyong mga mangingibig,
    pinagbabantaan nila ang iyong buhay.
31 Sapagkat ako'y nakarinig ng isang sigaw na gaya ng sa babaing manganganak,
    ng daing na gaya ng isang magsisilang ng kanyang panganay,
ang daing ng anak na babae ng Zion, na hinahabol ang paghinga,
    na nag-uunat ng kanyang mga kamay,
“Kahabag-habag ako! Ako ay nanlulupaypay sa harap ng mga mamamatay-tao.”

Ang Kasalanan ng Jerusalem

Tumakbo kayong paroo't parito sa mga lansangan ng Jerusalem,
    tingnan ninyo, at pansinin!
Halughugin ninyo ang kanyang mga liwasan
    kung kayo'y mayroong taong matatagpuan,
na gumagawa ng katarungan
    at naghahanap ng katotohanan;
upang patawarin ko siya.
Bagaman kanilang sinasabi, “Habang ang Panginoon ay buháy;”
    gayunma'y sumusumpa sila ng may kasinungalingan.
O Panginoon, hindi ba naghahanap ng katotohanan ang iyong mga mata?
Hinampas mo sila,
    ngunit hindi sila nasaktan;
nilipol mo sila,
    ngunit ayaw nilang tumanggap ng pagtutuwid.
Kanilang pinatigas ang kanilang mukha ng higit kaysa batong malaki;
    ayaw nilang magsisi.

Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ang mga ito ay dukha lamang,
    sila'y mga hangal,
sapagkat hindi nila alam ang daan ng Panginoon,
    ang kautusan ng kanilang Diyos.
Ako'y pupunta sa mga dakila,
    at magsasalita sa kanila;
sapagkat alam nila ang daan ng Panginoon,
    ang kautusan ng kanilang Diyos.”
Ngunit nagkakaisa nilang binali ang pamatok,
    nilagot nila ang mga gapos.

Kaya't isang leon mula sa gubat ang sa kanila'y papaslang,
    pupuksain sila ng isang lobo mula sa ilang,
isang leopardo ang nag-aabang sa kanilang mga lunsod.
    Bawat isa na lalabas doon ay pagluluray-lurayin;
sapagkat ang kanilang mga pagsuway ay marami,
    at ang kanilang mga pagtalikod ay malalaki.

“Paano kita mapapatawad?
    Tinalikuran ako ng iyong mga anak,
    at sila'y nanumpa sa pamamagitan ng mga hindi diyos.
Nang busugin ko sila,
    sila'y nangalunya
    at nagpuntahan sa mga bahay ng mga babaing upahan.[f]
Sila'y mga kabayong malulusog at pinakaing mabuti,
    bawat isa'y humalinghing sa asawa ng kanyang kapwa.
Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon,
    sa isang bansang gaya nito
    hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili?

10 “Akyatin ninyo ang kanyang mga hanay ng ubasan at inyong sirain;
    ngunit huwag kayong magsagawa ng lubos na pagwasak.
Tanggalin ninyo ang kanyang mga sanga;
    sapagkat sila'y hindi sa Panginoon.
11 Sapagkat ang sambahayan ng Israel at ang sambahayan ng Juda
    ay labis na nagtaksil sa akin, sabi ng Panginoon.
12 Sila'y nagsalita ng kasinungalingan tungkol sa Panginoon,
    at kanilang sinabi, ‘Wala siyang gagawin,
walang kasamaang darating sa atin,
    ni makakakita tayo ng tabak o ng taggutom.
13 Ang mga propeta ay magiging hangin,
    at ang salita ay wala sa kanila.
Ganoon ang gagawin sa kanila!’”

14 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo:
“Sapagkat sinabi ninyo ang salitang ito,
narito, gagawin kong apoy ang aking mga salita sa inyong bibig,
    at ang sambayanang ito ay kahoy, at sila'y lalamunin ng apoy.
15 Narito, ako'y nagdadala sa inyo
    ng isang bansang mula sa malayo, O sambahayan ng Israel, sabi ng Panginoon.
Ito'y isang tumatagal na bansa,
    ito'y isang matandang bansa,
isang bansa na ang wika ay hindi mo nalalaman,
    at ang kanilang sinasabi ay di mo mauunawaan.
16 Ang kanilang lalagyan ng pana ay gaya ng bukas na libingan,
    silang lahat ay mga lalaking makapangyarihan.
17 Lalamunin nila ang iyong ani at ang iyong pagkain,
    lalamunin nila ang iyong mga anak na lalaki at babae;
lalamunin nila ang iyong mga kawan at ang iyong mga bakahan;
    lalamunin nila ang iyong mga puno ng ubas at mga puno ng igos;
ang iyong mga lunsod na may kuta na iyong pinagtitiwalaan,
    ay kanilang wawasakin sa pamamagitan ng tabak.”

18 “Ngunit maging sa mga araw na iyon, sabi ng Panginoon, hindi ko gagawin ang inyong lubos na pagkawasak.

19 Mangyayari na kanilang sasabihin, ‘Bakit ginawa ng Panginoon nating Diyos ang lahat ng mga bagay na ito sa atin?’ At sasabihin mo sa kanila, ‘Kung paanong inyong tinalikuran ako, at naglingkod kayo sa mga ibang diyos sa inyong lupain, gayon kayo maglilingkod sa mga banyaga sa isang lupain na hindi sa inyo.’”

Binalaan ng Diyos ang Kanyang Bayan

20 Ipahayag mo ito sa sambahayan ng Jacob,
    at ibalita mo ito sa Juda, na sinasabi,
21 “Pakinggan(G) ninyo ito ngayon, O hangal at bayang walang unawa;
    na may mga mata, ngunit hindi nakakakita;
    na may mga tainga, ngunit hindi nakakarinig.
22 Hindi(H) ba kayo natatakot sa akin? sabi ng Panginoon,
    hindi ba kayo nanginginig sa aking harapan?
Sapagkat inilagay ko ang buhangin bilang hangganan sa karagatan,
    isang palagiang hadlang na hindi nito malalampasan;
bagaman tumaas ang mga alon, hindi sila magtatagumpay,
    bagaman ang mga ito'y magsihugong, hindi nila ito madadaanan.
23 Ngunit ang bayang ito ay may suwail at mapaghimagsik na puso;
    sila'y tumalikod at lumayo.
24 Hindi nila sinasabi sa kanilang mga puso,
    ‘Sa Panginoon nating Diyos ay matakot tayo,
na nagbibigay ng ulan sa kapanahunan nito,
    ng ulan sa taglagas at ulan sa tagsibol,
at nag-iingat para sa atin
    ng mga sanlinggong itinakda para sa pag-aani!’
25 Ang inyong mga kasamaan ang nagpalayo ng mga ito,
    at ang inyong mga kasalanan ang nagsipigil ng kabutihan para sa inyo.
26 Sapagkat ang masasamang tao ay natagpuang kasama ng aking bayan;
    sila'y nagbabantay na gaya ng pagbabantay ng mga mamimitag.
Sila'y naglalagay ng silo,
    sila'y nanghuhuli ng mga tao.
27 Gaya ng hawla na punô ng mga ibon,
    ang kanilang mga bahay ay punô ng pandaraya;
kaya't sila'y naging dakila at mayaman.
28     Sila'y nagsitaba, sila'y kumintab.
Sila'y magagaling sa paggawa ng kasamaan.
    Hindi nila ipinaglalaban ang usapin,
ang usapin ng mga ulila, upang sila'y magwagi,
    at hindi nila ipinagtatanggol ang mga karapatan ng mga dukha.
29 Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon;
    sa isang bansang gaya nito,
    hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili?

30 Isang kamanghamangha at kakilakilabot na bagay
    ang nangyayari sa lupain:
31 ang mga propeta ay nagpapahayag ng kasinungalingan,
    at ang mga pari ay namumuno ayon sa kanilang kapangyarihan,
at iniibig ng aking bayan ang gayon;
    ngunit ano ang inyong gagawin sa wakas nito?

Ang Jerusalem ay Pinaligiran ng mga Kaaway

Tumakas kayo upang maligtas, O mga anak ni Benjamin,
    mula sa gitna ng Jerusalem!
Hipan ninyo ang trumpeta sa Tekoa,
    at magtaas ng hudyat sa Bet-hacquerim;
sapagkat may nagbabadyang kasamaan sa hilaga,
    at isang malaking pagkawasak.
Ang maganda at maayos na anak na babae ng Zion
    ay pupuksain ko.
Ang mga pastol at ang kanilang mga kawan ay darating laban sa kanya;
    magtatayo sila ng kanilang mga tolda sa palibot niya,
    sila'y magpapakain ng tupa, sa kanya-kanyang lugar ang bawat isa.
“Maghanda kayo upang digmain siya,
    bangon, at tayo'y sumalakay sa katanghaliang-tapat!”
“Kahabag-habag tayo! sapagkat ang araw ay kumikiling,
    sapagkat ang mga dilim ng gabi ay humahaba!”
“Bangon, at tayo'y sumalakay nang gabi,
    at gibain natin ang kanyang mga palasyo!”
Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
“Putulin ninyo ang kanyang mga punungkahoy,
    at magtayo kayo ng bunton laban sa Jerusalem.
Ito ang lunsod na dapat parusahan;
    walang anumang bagay sa loob niya kundi kalupitan.
Kung paanong pinananatiling sariwa ng isang bukal ang kanyang tubig,
    gayon niya pinananatiling sariwa ang kanyang kasamaan;
karahasan at pagwasak ang naririnig sa loob niya;
    pagkakasakit at mga sugat ang laging nasa harapan ko.
Tumanggap ka ng babala, O Jerusalem,
    baka mapalayo ako sa iyo;
at ikaw ay gawin kong wasak,
    isang lupaing hindi tinatahanan.”

Ang Mapanghimagsik na Israel

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Pupulutin nilang lubusan na gaya ng sa puno ng ubas
    ang nalabi sa Israel;
gaya ng mamimitas ng ubas ay idaan mo uli ang iyong kamay
    sa mga sanga nito.”

10 Kanino ako magsasalita at magbibigay ng babala,
    upang sila'y makinig?
Ang kanilang mga tainga ay nakapinid,[g]
    at hindi sila makarinig:
Narito, ang salita ng Panginoon sa kanila ay kadustaan;
    ito'y hindi nila kinaluluguran.
11 Ngunit ako'y punô ng poot ng Panginoon;
    ako'y pagod na sa pagpipigil nito.

“Ibuhos mo ito sa mga bata sa lansangan,
    at gayundin sa pagtitipon ng kabinataan;
sapagkat ang lalaki at ang kanyang asawa ay kapwa kukunin,
    maging ang may gulang at ang napakatanda na.
12 At(I) ang kanilang mga bahay ay ibibigay sa iba,
    ang kanilang mga bukid at ang kanilang mga asawa na magkakasama,
sapagkat iuunat ko ang aking kamay
    laban sa mga naninirahan sa lupain,” sabi ng Panginoon.

13 “Sapagkat mula sa pinakamaliit sa kanila hanggang sa pinakamalaki sa kanila,
    ang bawat isa ay sakim sa pinagkakakitaan;
at mula sa propeta hanggang sa pari man,
    bawat isa'y gumagawang may panlilinlang.
14 Kanilang(J) pinagaling nang bahagya ang sugat ng aking bayan,
    na sinasabi, ‘Kapayapaan, kapayapaan’;
    gayong wala namang kapayapaan.
15 Sila ba'y nahiya dahil sa ginawa nilang karumaldumal?
    Hindi, kailanma'y hindi sila nahiya;
    kung paano mamula ang pisngi ay hindi nila alam.
Kaya't sila'y mabubuwal na kasama ng mga nabubuwal;
    sa panahon na akin silang parurusahan, sila'y babagsak,” sabi ng Panginoon.
16 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Tumayo kayo sa mga daan at tumingin,
    at ipagtanong ninyo ang mga sinaunang landas,
kung saan naroon ang mabuting daan; at lumakad kayo roon,
    at kayo'y makakatagpo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.
Ngunit kanilang sinabi, ‘Hindi kami lalakad doon.’
17 Ako'y naglagay ng mga bantay sa inyo, na sinasabi,
    ‘Inyong pakinggan ang tunog ng trumpeta!’
Ngunit kanilang sinabi, ‘Hindi kami makikinig.’
18 Kaya't inyong pakinggan, mga bansa,
    at inyong alamin, O kapulungan, kung ano ang mangyayari sa kanila.
19 Pakinggan mo, O lupa: ako'y nagdadala ng kasamaan sa bayang ito,
    na bunga ng kanilang mga pakana,
sapagkat sila'y hindi nakinig sa aking mga salita;
    at tungkol sa aking kautusan, ito'y kanilang itinakuwil.
20 Sa anong layunin nagdadala kayo sa akin ng insenso mula sa Sheba,
    o ng matamis na tubó mula sa malayong lupain?
Ang inyong mga handog na sinusunog ay hindi maaaring tanggapin,
    ni ang inyo mang mga handog ay nakakalugod sa akin.
21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon,
‘Tingnan mo, ako'y maglalagay ng mga batong katitisuran
    sa harap ng bayang ito na kanilang katitisuran;
ang mga magulang at kasama ang mga anak,
    ang kapitbahay at ang kanyang kaibigan ay mapapahamak.’”

22 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Tingnan mo, isang bayan ay dumarating mula sa lupain sa hilaga,
    ang isang malaking bansa ay gigisingin mula sa mga kadulu-duluhang bahagi ng lupa.
23 Sila'y nagsisihawak ng pana at ng sibat;
    sila'y malupit at walang habag;
    ang kanilang tunog ay gaya ng nagngangalit na dagat;
sa mga kabayo sila'y nakasakay,
    nakahanay na gaya ng isang lalaki para sa digmaan,
    laban sa iyo, O anak na babae ng Zion!”

24 Narinig namin ang balita tungkol doon,
    ang aming mga kamay ay walang magawa;
napigilan kaming lahat ng kahapisan,
    ng sakit na gaya ng sa isang babae sa panganganak.
25 Huwag kang lumabas sa parang,
    o lumakad man sa daan;
sapagkat may tabak ang kaaway,
    ang kilabot ay nasa bawat dako.

26 O anak na babae ng bayan ko, magbihis ka ng damit-sako,
    at gumulong ka sa abo,
tumangis ka na gaya ng sa bugtong na anak,
    ng pinakamapait na pag-iyak;
sapagkat biglang darating sa atin ang mangwawasak.

27 “Ginawa kitang isang tagasubok at tagapagdalisay sa gitna ng aking bayan:
    upang iyong malaman at masubok ang kanilang mga daan.
28 Silang lahat ay lubhang mapanghimagsik,
    gumagala na may paninirang-puri;
sila'y tanso at bakal,
    silang lahat ay kumikilos na may kabulukan.
29 Ang panghihip ay humihihip nang malakas;
    ang tingga ay natutunaw sa apoy;
sa walang kabuluhan na nagpapatuloy ang pagdalisay,
    sapagkat ang masasama ay hindi natatanggal.
30 Tatawagin silang pilak na itinakuwil,
    sapagkat itinakuwil sila ng Panginoon.”

Nangaral si Jeremias sa Templo

Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon na sinasabi,

“Tumayo ka sa pintuan ng bahay ng Panginoon, at ipahayag mo roon ang salitang ito, at iyong sabihin, Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, kayong lahat na taga-Juda na nagsisipasok sa mga pintuang ito upang magsisamba sa Panginoon.

Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, Baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at hahayaan ko kayong manirahan sa dakong ito.

Huwag kayong magtiwala sa mapandayang mga salita, na sinasabi, ‘Ito ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon.’

“Sapagkat kung tunay na inyong babaguhin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa; kung kayo'y tunay na magsisigawa ng katarungan sa isa't isa,

kung hindi ninyo aapihin ang dayuhan, ang ulila at ang babaing balo, o hindi kayo magpapadanak ng walang salang dugo sa dakong ito, o susunod man sa ibang mga diyos sa ikapapahamak ng inyong sarili,

kung gayo'y hahayaan ko kayong manirahan sa dakong ito, sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga magulang mula nang una hanggang magpakailanman.

“Narito, kayo'y nagtitiwala sa mga mapandayang salita na hindi mapapakinabangan.

Kayo ba'y magnanakaw, papatay, mangangalunya at susumpa ng kasinungalingan, at magsusunog ng insenso kay Baal, at magsisisunod sa ibang mga diyos na hindi ninyo nakikilala,

10 at pagkatapos ay magsisiparito at magsisitayo sa harapan ko sa bahay na ito, na tinatawag sa aking pangalan, na magsasabi, ‘Kami ay ligtas!’ upang magpatuloy lamang sa paggawa ng lahat ng karumaldumal na ito?

11 Ang(K) bahay bang ito na tinawag sa aking pangalan, ay naging yungib ng mga tulisan sa inyong mga mata? Narito, ako mismo ang nakakita nito, sabi ng Panginoon.

12 Magsiparoon(L) kayo ngayon sa aking lugar na dating nasa Shilo, na doon ko pinatira ang aking pangalan nang una, at inyong tingnan kung ano ang aking ginawa roon dahil sa kasamaan ng aking bayang Israel.

13 At ngayon, sapagkat inyong ginawa ang lahat ng mga bagay na ito, sabi ng Panginoon, at nang ako'y nagsalita sa inyo na bumabangong maaga at nagsasalita, ay hindi kayo nakinig. At nang tawagin ko kayo, hindi kayo sumagot,

14 kaya't gagawin ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, na inyong pinagtitiwalaan at sa dakong ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, ang gaya ng aking ginawa sa Shilo.

15 Palalayasin ko kayo sa aking paningin, gaya ng pagpapalayas ko sa lahat ninyong mga kapatid, ang lahat ng supling ni Efraim.

Ang Pagsuway ng Bayan

16 “Tungkol sa iyo, huwag mong ipanalangin ang bayang ito, ni magtaas man ng daing o panalangin para sa kanila, o mamagitan ka man sa akin, sapagkat hindi kita diringgin.

17 Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?

18 Ang(M) mga bata ay namumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, at ang mga babae ay nagmamasa ng masa upang igawa ng mga tinapay ang reyna ng langit, at sila'y nagbubuhos ng mga handog na inumin sa ibang mga diyos, upang ako'y kanilang ibunsod sa galit.

19 Ako ba ang kanilang ibinubunsod sa galit? sabi ng Panginoon. Hindi ba ang kanilang sarili, sa kanilang sariling ikalilito?

20 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ang aking galit at poot ay ibubuhos sa dakong ito, sa tao, at hayop, sa mga punungkahoy sa parang at sa bunga ng lupa. Ito ay magliliyab at hindi mapapatay.”

21 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, “Idagdag ninyo ang inyong mga handog na sinusunog sa inyong mga alay, at kainin ninyo ang laman.

22 Sapagkat nang araw na ilabas ko sila sa lupain ng Ehipto, hindi ako nagsalita sa inyong mga magulang, o nag-utos man sa kanila, tungkol sa mga handog na sinusunog at mga alay.

23 Kundi ito ang ipinag-utos ko sa kanila, ‘Sundin ninyo ang aking tinig, at ako'y magiging inyong Diyos, at kayo'y magiging aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos ko sa inyo, para sa ikabubuti ninyo.’

24 Ngunit hindi sila nakinig o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa katigasan ng kanilang masasamang puso, at nagsilakad nang paurong at hindi pasulong.

25 Mula nang araw na ang inyong mga magulang ay lumabas sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito, sinugo ko sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw akong bumabangong maaga at isinusugo sila.

26 Gayunma'y hindi sila nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg. Sila'y higit na masama kaysa kanilang mga magulang.

27 “Kaya't sasabihin mo ang lahat ng salitang ito sa kanila, ngunit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila, ngunit hindi sila sasagot sa iyo.

28 At sasabihin mo sa kanila, ‘Ito ang bansang hindi sumunod sa tinig ng Panginoon nilang Diyos, at hindi tumanggap ng pagtutuwid. Ang katotohanan ay naglaho na; ito ay nahiwalay sa kanilang bibig.

29 Gupitin mo ang iyong buhok, at itapon mo,
    tumaghoy ka sa mga lantad na kaitaasan;
sapagkat itinakuwil at pinabayaan ng Panginoon
    ang salinlahi ng kanyang poot.'

30 “Sapagkat ang mga anak ni Juda ay gumawa ng masama sa aking paningin, sabi ng Panginoon; kanilang inilagay ang kanilang mga karumaldumal sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang dungisan ito.

31 At(N) sila'y nagtayo ng mga mataas na dako ng Tofet, na nasa libis ng anak ni Hinom, upang sunugin sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at babae, na hindi ko ipinag-utos, o dumating man sa aking pag-iisip.

32 Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na siya tatawaging Tofet, o ang libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng Katayan. Sapagkat sila'y maglilibing sa Tofet, hanggang sa mawalan ng lugar saanman.

33 Ang mga bangkay ng mga taong ito ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid, at para sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga iyon.

34 At(O) aking patitigilin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang tinig ng pagsasaya at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, sapagkat ang lupain ay mawawasak.

“Sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang mga buto ng mga hari ng Juda, ang mga buto ng kanyang mga pinuno, ang mga buto ng mga pari, ang mga buto ng mga propeta, at ang mga buto ng mga naninirahan sa Jerusalem ay ilalabas sa kanilang mga libingan;

at ang mga ito ay ikakalat sa harap ng araw, ng buwan, at ng lahat ng natatanaw sa langit, na kanilang inibig at pinaglingkuran, na sila nilang sinundan, hinanap, at sinamba. Sila'y hindi matitipon o malilibing; sila'y magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng lupa.

Ang kamatayan ay higit na pipiliin kaysa buhay ng lahat ng naiwang nalabi na nanatili sa masamang angkang ito sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Ang Kasalanan at ang Parusa

“Sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon!
Kapag nabubuwal ang mga tao, di ba't muling bumabangon sila?
    Kapag ang isang tao'y tumalikod, hindi ba't bumabalik siya?
Kung gayo'y bakit ang bayang ito ng Jerusalem ay tumalikod
    sa tuluy-tuloy na pagtalikod?
Sila'y nananatili sa pandaraya,
    ayaw nilang bumalik.
Aking pinakinggan at aking narinig,
    ngunit hindi sila nagsalita nang matuwid;
walang nagsisisi sa kanyang kasamaan,
    na nagsasabi, ‘Anong aking ginawa?’
Bawat isa'y tumatahak sa kanyang sariling daanan,
    gaya ng kabayo na dumadaluhong sa labanan.
Maging ang tagak sa himpapawid
    ay nakakaalam ng kanyang kapanahunan;
at ang batu-bato, langay-langayan, at tagak
    ay tumutupad sa panahon ng kanilang pagdating,
ngunit hindi nalalaman ng aking bayan
    ang alituntunin ng Panginoon.

“Paano ninyo nasasabi, ‘Kami ay matalino,
    at ang kautusan ng Panginoon ay nasa amin?’
Ngunit sa katunayan, ito ay ginawang kasinungalingan
    ng huwad na panulat ng mga eskriba.
Ang mga taong pantas ay mapapahiya,
    sila'y masisindak at kukunin;
narito, kanilang itinakuwil ang salita ng Panginoon,
    at anong karunungan ang nasa kanila?
10 Kaya't(P) ibibigay ko ang kanilang mga asawa sa iba,
    at ang kanilang mga parang sa mga bagong magmamay-ari,
sapagkat mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki,
    ang bawat isa ay sakim sa pakinabang;
mula sa propeta hanggang sa pari,
    bawat isa'y gumagawang may panlilinlang.
11 Kanilang(Q) pinagaling nang bahagya ang sugat ng aking bayan,
    na sinasabi, ‘Kapayapaan, kapayapaan,’
    gayong walang kapayapaan.
12 Nahiya ba sila nang sila'y gumawa ng karumaldumal?
    Hindi, hindi man lamang sila nahiya,
    hindi sila marunong mamula sa hiya.
Kaya't sila'y mabubuwal sa gitna ng mga nabuwal;
    sa panahon ng kanilang kaparusahan, sila'y ibabagsak, sabi ng Panginoon.
13 Lubos ko silang lilipulin, sabi ng Panginoon,
    mawawalan ng ubas sa puno ng ubas,
    o ng mga igos sa mga puno ng igos,
maging ang mga dahon ay nalalanta;
    at ang naibigay ko sa kanila ay lumipas na sa kanila.”

14 Bakit tayo'y nakaupo lamang?
Kayo'y magtipun-tipon, at magsipasok tayo sa mga lunsod na may kuta,
    at mamatay doon;
sapagkat tayo'y itinakda nang mamatay ng Panginoon nating Diyos,
    at binigyan tayo ng tubig na may lason upang inumin,
    sapagkat tayo'y nagkasala laban sa Panginoon.
15 Tayo'y naghanap ng kapayapaan, ngunit walang mabuting dumating;
    ng panahon ng paggaling, ngunit narito, ang panghihilakbot.

16 “Ang singasing ng kanilang mga kabayo ay naririnig mula sa Dan,
    sa tunog ng halinghing ng kanilang malalaking kabayo
    ay nayayanig ang buong lupain.
Sila'y dumarating at nilalamon ang lupain at ang lahat ng naroon;
    ang lunsod at ang mga naninirahan doon.
17 Sapagkat narito, ako'y nagsusugo ng mga ahas sa gitna ninyo,
    mga ulupong na hindi mapapaamo,
    at kakagatin nila kayo,” sabi ng Panginoon.

18 Ang aking kapighatian ay wala nang lunas!
    ang puso ko ay nanlulupaypay.
19 Narito, dinggin ninyo ang daing ng anak na babae ng aking bayan
    mula sa malayong lupain:
“Hindi ba nasa Zion ang Panginoon?
    Wala ba sa loob niya ang kanyang Hari?”
“Bakit nila ako ginalit sa pamamagitan ng kanilang mga larawang inanyuan,
    at ng kanilang ibang mga diyos?”
20 “Ang pag-aani ay nakaraan, ang tag-init ay tapos na,
    at tayo'y hindi ligtas.”
21 Dahil sa sugat ng anak na babae ng aking bayan ay nasaktan ako,
    ako'y nagluluksa, at ako'y sakmal ng pagkabalisa.

22 Wala bang pamahid na gamot sa Gilead?
    Wala bang manggagamot doon?
Bakit nga hindi pa naibabalik
    ang kalusugan ng anak na babae ng aking bayan?

O, ang ulo ko sana ay mga tubig,
    at ang aking mga mata ay bukal ng mga luha,
upang ako'y makaiyak araw at gabi
    dahil sa mga pinaslang sa anak na babae ng aking bayan!
O, mayroon sana akong patuluyan sa ilang
    para sa mga manlalakbay,
upang aking maiwan ang aking bayan
    at sila'y aking layuan!
Sapagkat silang lahat ay mapakiapid,
    isang pangkat ng mga taksil!
Binabaluktot nila ang kanilang dila gaya ng pana;
    ang kasinungalingan at hindi katotohanan ang nananaig sa lupain;
sapagkat sila'y nagpapatuloy mula sa kasamaan tungo sa kasamaan,
    at hindi nila ako nakikilala, sabi ng Panginoon.

Mag-ingat ang bawat isa sa kanyang kapwa,
    at huwag kayong magtiwala sa sinumang kapatid;
sapagkat bawat kapatid ay mang-aagaw,
    at bawat kapwa ay gumagala bilang isang maninirang-puri.
Dinadaya ng bawat isa ang kanyang kapwa,
    at hindi nagsasalita ng katotohanan;
kanilang tinuruan ang kanilang dila na magsalita ng kabulaanan;
    sila'y gumagawa ng kasamaan at pinapagod ang sarili sa paggawa ng kasamaan.
Ang iyong tahanan ay nasa gitna ng pandaraya; at sa pamamagitan ng pandaraya ay
    ayaw nila akong kilalanin, sabi ng Panginoon.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Tingnan mo, akin silang dadalisayin at susubukin,
    sapagkat ano pa ang aking magagawa, dahil sa mga kasalanan ng aking bayan?
Ang kanilang dila ay palasong nakakamatay;
    ito ay nagsasalita nang may kadayaan;
sa kanyang bibig ay nagsasalita ng kapayapaan ang bawat isa sa kanyang kapwa,
    ngunit sa kanyang puso ay nagbabalak siya na tambangan ito.
Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon;
    sa isang bansa na gaya nito,
    hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili?

10 “Itataas ko para sa mga bundok ang pag-iyak at paghagulhol,
    at ang panaghoy sa mga pastulan sa ilang,
sapagkat ang mga iyon ay giba na, anupa't walang dumaraan;
    at hindi naririnig ang ungal ng kawan;
ang mga ibon sa himpapawid at gayundin ang mga hayop sa parang
    ay nagsitakas at ang mga ito'y wala na.
11 Gagawin kong bunton ng mga guho ang Jerusalem,
    isang pugad ng mga asong-gubat;
at aking sisirain ang mga lunsod ng Juda,
    na walang maninirahan.”

12 Sino ang matalino na makakaunawa nito? At kanino nagsalita ang bibig ng Panginoon, upang ito'y kanyang maipahayag? Bakit ang lupain ay giba at wasak na parang ilang, na anupa't walang dumaraan?

13 At sinabi ng Panginoon: “Sapagkat kanilang tinalikuran ang aking kautusan na aking inilagay sa harapan nila, at hindi sila sumunod sa aking tinig, o lumakad ayon dito,

14 kundi matigas na nagsisunod sa kanilang sariling puso, at nagsisunod sa mga Baal, gaya ng itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang.

15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Aking pakakainin ang bayang ito ng mapait na halaman, at bibigyan ko sila ng nakalalasong tubig upang inumin.

16 Ikakalat ko sila sa mga bansa na hindi nila nakilala, maging ng kanilang mga magulang man; at ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila.”

Humingi ng Saklolo ang Jerusalem

17 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo:
“Isaalang-alang ninyo, at tawagin ninyo upang pumarito ang mga babaing tagatangis,
    at inyong ipasundo ang mga babaing tagaiyak, upang sila'y pumarito!
18 Magmadali sila, at magsihagulhol para sa atin,
    upang ang ating mga mata ay daluyan ng mga luha,
    at ang ating mga talukap-mata ay labasan ng tubig.
19 Sapagkat ang tinig ng pagtangis ay naririnig mula sa Zion,
    ‘Tayo'y wasak na wasak!
    Tayo'y nalagay sa malaking kahihiyan,
sapagkat iniwan natin ang lupain,
    sapagkat kanilang ibinagsak ang ating mga tirahan.’”

20 Ngayo'y pakinggan ninyo, O mga kababaihan, ang salita ng Panginoon,
    at tanggapin ng inyong pandinig ang salita ng kanyang bibig;
at turuan ninyo ng pagtangis ang inyong mga anak na babae
    at ng panaghoy ang bawat isa sa kanyang kapwa.
21 Sapagkat ang kamatayan ay umakyat sa ating mga bintana,
    ito'y nakapasok sa ating mga palasyo,
upang lipulin ang mga bata sa mga lansangan
    at ang mga binata sa mga liwasang-bayan.
22 Magsalita ka: “Ganito ang sabi ng Panginoon,
‘Ang mga bangkay ng mga tao ay mabubuwal
    na parang dumi sa kaparangan,
gaya ng bigkis sa likod ng manggagapas,
    at walang magtitipon sa mga iyon!’”

23 Ganito ang sabi ng Panginoon: “Huwag magmapuri ang marunong sa kanyang karunungan, at huwag magmapuri ang makapangyarihan sa kanyang kapangyarihan, huwag magmapuri ang mayaman sa kanyang kayamanan;

24 kundi(R) ang nagmamapuri ay dito magmapuri, na kanyang nauunawaan at nakikilala ako, na ako ang Panginoon na nagsasagawa ng kagandahang-loob, ng katarungan, at ng katuwiran sa daigdig; sapagkat sa mga bagay na ito ay nalulugod ako, sabi ng Panginoon.”

25 “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na parurusahan ko ang lahat ng mga tuli gayunma'y hindi tuli—

26 ang Ehipto, Juda, Edom, at ang mga anak ni Ammon, at ni Moab, at ang lahat ng naninirahan sa ilang na inaahit ang buhok sa kanilang noo, sapagkat ang lahat ng mga bansang ito ay hindi tuli, at ang buong sambahayan ng Israel ay hindi tuli sa puso.”

Huwad at Tunay na Pagsamba

10 Pakinggan ninyo ang salita na sinasabi ng Panginoon sa inyo, O sambahayan ng Israel.

Ganito ang sabi ng Panginoon:

“Huwag ninyong pag-aralan ang lakad ng mga bansa,
    ni mabagabag sa mga tanda ng mga langit,
    sapagkat ang mga bansa ay nababagabag sa mga iyon,
sapagkat ang mga kaugalian ng mga sambayanan ay walang kabuluhan.
Isang punungkahoy mula sa gubat ang pinuputol,
    at nilililok sa pamamagitan ng palakol ng mga kamay ng manlililok.
Ginagayakan ito ng mga tao ng pilak at ginto;
    pinatatatag nila ito ng martilyo at mga pako,
    upang huwag itong makilos.
Sila ay gaya ng mga panakot-uwak sa gitna ng taniman ng pipino,
    at hindi sila makapagsalita.
Kailangan silang pasanin,
    sapagkat hindi sila makalakad.
Huwag ninyong katakutan ang mga iyon,
    sapagkat sila'y hindi makakagawa ng masama,
    ni wala ring magagawang mabuti.”

Walang gaya mo, O Panginoon;
    ikaw ay dakila, at ang iyong pangalan ay dakila sa kapangyarihan.
Sinong(S) hindi matatakot sa iyo, O Hari ng mga bansa?
    Sapagkat ito'y nararapat sa iyo;
sapagkat sa lahat ng mga pantas ng mga bansa
    at sa lahat nilang mga kaharian
    ay walang gaya mo.
Sila'y pawang mga mangmang at hangal,
    ang turo ng mga diyus-diyosan ay kahoy lamang!
Pinitpit na pilak ang dinadala mula sa Tarsis,
    at ginto mula sa Uphaz.
Ang mga ito'y gawa ng manlililok at ng mga kamay ng platero;
    ang kanilang damit ay bughaw at kulay ube;
    ang mga ito'y gawang lahat ng mga bihasang manggagawa.
10 Ngunit ang Panginoon ang tunay na Diyos;
    siya ang buháy na Diyos at walang hanggang Hari.
Sa kanyang poot ang lupa'y nayayanig,
    at hindi matatagalan ng mga bansa ang kanyang galit.

11 Kaya't ganito ang inyong sasabihin sa kanila: “Ang mga diyos na hindi gumawa ng langit at ng lupa ay malilipol sa lupa, at sa silong ng mga langit.”[h]

12 Siya ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,
    na nagtatag ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang karunungan,
    at sa pamamagitan ng kanyang kaunawaan ay iniladlad niya ang kalangitan.
13 Kapag siya'y nagsasalita
    ay may hugong ng tubig sa mga langit,
    at kanyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa.
Gumagawa siya ng mga kidlat para sa ulan,
    at naglalabas siya ng hangin mula sa kanyang mga kamalig.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001