Bible in 90 Days
15 Nang(A) mga araw na iyon ay nakakita ako sa Juda ng mga lalaking nagpipisa sa mga ubasan sa araw ng Sabbath, at nagdadala ng mga uhay, at isinasakay sa mga asno, gayundin ng alak, mga ubas, mga igos, at lahat ng uri ng pasan, na kanilang ipinapasok sa Jerusalem sa araw ng Sabbath. Binalaan ko sila nang panahong iyon laban sa pagtitinda ng pagkain.
16 Gayundin ang mga lalaki mula sa Tiro, na naninirahan sa lunsod, ay nagpasok ng isda at ng lahat ng uri ng kalakal, at ipinagbili sa araw ng Sabbath sa mga mamamayan ng Juda at ng Jerusalem.
17 Kaya't nakipagtalo ako sa mga maharlika sa Juda, at sinabi ko sa kanila, “Ano itong masamang bagay na inyong ginagawa, na inyong nilalapastangan ang araw ng Sabbath?
18 Hindi ba ganito ang ginawa ng inyong mga ninuno, at hindi ba dinala ng ating Diyos ang lahat ng kasamaang ito sa atin, at sa lunsod na ito? Gayunma'y nagdadala kayo ng higit pang poot sa Israel sa pamamagitan ng paglapastangan sa Sabbath.”
19 Nang nagsisimula nang dumilim sa mga pintuan ng Jerusalem bago ang Sabbath, aking iniutos na ang mga pintuan ay dapat sarhan at nagbigay ng mga utos na ang mga iyon ay huwag buksan hanggang sa lumipas ang Sabbath. Inilagay ko ang ilan sa aking mga lingkod sa mga pintuan upang walang maipasok na pasan sa araw ng Sabbath.
20 Sa gayo'y ang mga mangangalakal at mga nagtitinda ng lahat ng uri ng kalakal ay nagpalipas ng magdamag sa labas ng Jerusalem minsan o makalawa.
21 Ngunit binalaan ko sila at sinabi sa kanila, “Bakit kayo'y nagpalipas ng magdamag sa harapan ng pader? Kapag muli ninyong ginawa ang ganyan, pagbubuhatan ko kayo ng kamay.” Mula nang panahong iyon ay hindi na sila dumating pa nang Sabbath.
22 Inutusan ko ang mga Levita na sila'y maglinis ng sarili, at pumaroon at bantayan ang mga pintuan upang ipangilin ang araw ng Sabbath. Alalahanin mo rin ito alang-alang sa akin, O aking Diyos, at kahabagan mo ako ayon sa kadakilaan ng iyong tapat na pag-ibig.
23 Nang(B) mga araw ding iyon ay nakita ko ang mga Judio na nag-asawa ng mga babaing taga-Asdod, Ammon, at Moab;
24 at kalahati sa kanilang mga anak ay nagsasalita ng wikang Asdod, at hindi sila makapagsalita sa wika ng Juda, kundi ayon sa wika ng bawat bayan.
25 At ako'y nakipagtalo sa kanila, sinumpa ko sila, sinaktan ko ang iba sa kanila, sinabunutan ko sila, at pinasumpa ko sila sa pangalan ng Diyos, na sinasabi, “Huwag ninyong ibibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, ni kukunin man ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki, o para sa inyong mga sarili.
26 Hindi(C) ba't nagkasala si Solomon na hari ng Israel dahil sa ganyang mga babae? Sa gitna ng maraming bansa ay walang haring gaya niya, at siya'y minahal ng kanyang Diyos, at ginawa siya ng Diyos na hari sa buong Israel, gayunma'y ibinunsod siya sa pagkakasala ng mga babaing banyaga.
27 Makikinig ba kami sa inyo at gagawin ang lahat ng ganitong malaking kasamaan at magtataksil laban sa ating Diyos sa pamamagitan ng pag-aasawa sa mga babaing banyaga?”
28 At(D) isa sa mga anak ni Jehoiada, na anak ni Eliasib na pinakapunong pari, ay manugang ni Sanballat na Horonita; kaya't pinalayas ko siya sa aking harapan.
29 Alalahanin mo sila, O Diyos ko, sapagkat kanilang dinumihan ang pagkapari, ang tipan ng pagkapari at ang mga Levita.
30 Sa gayo'y nilinis ko sila sa lahat ng mga bagay na banyaga, at itinatag ko ang mga katungkulan ng mga pari at ng mga Levita, bawat isa'y sa kanyang gawain;
31 at naglaan ako para sa kaloob na panggatong, sa mga takdang panahon, at para sa mga unang bunga. Alalahanin mo ako, O Diyos ko, sa ikabubuti.
Hindi Sinunod ni Reyna Vasti si Haring Ahasuerus
1 Nangyari(E) noon sa mga araw ni Ahasuerus, ang Ahasuerus na naghari mula sa India hanggang sa Etiopia, sa isandaan at dalawampu't pitong lalawigan.
2 Nang mga araw na iyon, nang maupo si Haring Ahasuerus sa trono ng kanyang kaharian, na nasa kastilyo ng Susa,
3 sa ikatlong taon ng kanyang paghahari, siya'y nagbigay ng isang malaking handaan para sa kanyang mga pinuno at mga lingkod. Ang hukbo ng Persia at Media at ang mga maharlika at gobernador ng mga lalawigan ay naroon,
4 samantalang ipinapakita niya ang malaking kayamanan ng kanyang kaharian at ang karangalan at karangyaan ng kanyang kamahalan sa loob ng maraming araw, na isang daan at walumpung araw.
5 Nang maganap na ang mga araw na ito, ang hari ay nagdaos ng isang kapistahan na tumagal ng pitong araw para sa buong bayan na nasa kastilyo ng Susa, sa malalaki at maliliit na tao, sa bulwagan ng halamanan ng palasyo ng hari.
6 May mga tabing na telang puti, at palawit na asul na naiipit ng mga panaling pinong lino at ng kulay-ube sa mga argolyang pilak at mga haliging marmol. Mayroon ding mga upuang ginto at pilak sa sahig na mosaik na yari sa porbido, marmol, perlas at mamahaling bato.
7 Ang mga inumin ay nakalagay sa mga sisidlang ginto na iba't ibang uri, at ang alak ng kaharian ay labis-labis, ayon sa kasaganaan ng hari.
8 Ang pag-inom ay ayon sa kautusan; walang pinipilit, sapagkat ipinag-utos ng hari sa lahat ng pinuno ng kanyang palasyo na gawin ang ayon sa nais ng bawat isa.
9 Si Reyna Vasti ay nagdaos din ng kapistahan para sa mga kababaihan sa palasyo na pag-aari ni Haring Ahasuerus.
10 Nang ikapitong araw, nang ang hari ay masaya na dahil sa alak, kanyang inutusan sina Mehuman, Bizta, Harbona, Bigta, Abagta, Zetar, at Carkas, ang pitong eunuko na naglilingkod kay Haring Ahasuerus,
11 na iharap si Reyna Vasti na suot ang kanyang korona sa harapan ng hari, upang ipakita sa mga tao at sa mga pinuno ang kanyang kagandahan; sapagkat siya'y magandang pagmasdan.
12 Ngunit si Reyna Vasti ay tumanggi na pumunta sa utos ng hari na ipinaabot ng mga eunuko. Kaya't ang hari ay lubhang nagalit, at ang kanyang galit ay nag-alab sa katauhan niya.
Naalis sa Pagkareyna si Vasti
13 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga pantas na nakakaalam ng mga panahon—sapagkat gayon ang paraan ng hari sa lahat ng dalubhasa sa kautusan at sa paghatol,
14 ang sumusunod sa kanya ay sina Carsena, Zetar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena, at Memucan, ang pitong pinuno ng Persia at Media, na nakakita sa mukha ng hari, at naupong una sa kaharian:
15 “Ayon sa kautusan, anong ating gagawin kay Reyna Vasti sapagkat hindi niya sinunod ang utos ni Haring Ahasuerus na ipinaabot ng mga eunuko?”
16 At si Memucan ay sumagot sa harapan ng hari at ng mga pinuno, “Si Reyna Vasti ay hindi lamang sa hari nagkasala, kundi pati sa lahat ng mga pinuno, at sa lahat ng mga mamamayang nasa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus.
17 Sapagkat ang ginawang ito ng reyna ay mababalitaan ng lahat ng kababaihan, at hahamakin nila ang kanilang mga asawa, sapagkat kanilang sasabihin, ‘Si Haring Ahasuerus ay nag-utos kay Reyna Vasti na humarap sa kanya, ngunit hindi siya pumunta!’
18 Sa araw na ito ang lahat ng kababaihan ng mga pinuno ng Persia at Media, na nakabalita ng ginawang ito ng reyna ay magsasabi ng gayon sa lahat ng pinuno ng hari, kaya't magkakaroon ng napakaraming paghamak at pagkapoot.
19 Kung ikalulugod ng hari, maglabas ng utos ang hari, at isulat sa mga kautusan ng mga taga-Persia at mga Medo, upang huwag mabago, na si Vasti ay hindi na makakalapit kay Haring Ahasuerus; at ibigay ng hari ang kanyang pagkareyna sa iba na mas mabuti kaysa kanya.
20 Kaya't kapag ang batas na ginawa ng hari ay naipahayag sa kanyang buong kaharian, sa buong nasasakupan nito, lahat ng babae ay magbibigay sa kanilang mga asawa ng karangalan, maging mataas at mababa.”
21 Ang payong ito ay ikinatuwa ng hari at ng mga pinuno; at ginawa ng hari ang ayon sa iminungkahi ni Memucan.
22 Siya'y nagpadala ng mga sulat sa lahat ng mga lalawigan ng kaharian, sa bawat lalawigan sa sarili nitong paraan ng pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa kanilang wika, na ang bawat lalaki ay magiging panginoon sa kanyang sariling bahay at magsalita ayon sa wika ng kanyang bayan.
2 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nang mapawi ang galit ni Haring Ahasuerus, kanyang naalala si Vasti at ang kanyang ginawa, at kung ano ang iniutos laban sa kanya.
2 Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na naglilingkod sa kanya, “Magpahanap kayo ng magagandang kabataang birhen para sa hari.
3 Magtalaga ang hari ng mga pinuno sa lahat ng mga lalawigan ng kanyang kaharian, upang kanilang tipunin ang lahat ng magagandang kabataang birhen sa kabisera ng Susa sa bahay ng mga babae, sa pamamahala ni Hegai, na eunuko ng hari, na tagapag-ingat ng mga babae. At ibigay sa kanila ang kanilang mga kailangan sa pagpapaganda.
4 Ang dalaga na kalugdan ng hari ay magiging reyna na kapalit ni Vasti.” Ang bagay na ito ay nakalugod sa hari; at gayon ang ginawa niya.
5 Noon ay may isang Judio sa kabisera ng Susa, na ang pangala'y Mordecai, na anak ni Jair, na anak ni Shimei, na anak ni Kish na Benjaminita;
6 na(F) dinala mula sa Jerusalem na kasama ng mga bihag na nadalang kasama ni Jeconias[a] na hari sa Juda, na dinala ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia.
7 Pinalaki niya si Hadassa, samakatuwid ay si Esther, na anak na babae ng kanyang amain, sapagkat siya'y walang ama o ina man, at ang dalaga ay maganda at kaakit-akit. Nang mamatay ang kanyang ama't ina, inampon siya ni Mordecai na parang tunay na anak.
8 Kaya't nang ang utos ng hari at ang kanyang batas ay naipahayag na, at nang matipon ang maraming dalaga sa kabisera ng Susa, sa pamamahala ni Hegai, si Esther ay dinala rin sa palasyo ng hari at inilagay sa pamamahala ni Hegai, na tagapag-ingat sa mga babae.
9 Ang dalaga ay nakalugod sa kanya at nakuha ang kanyang paglingap. Nagbigay siya agad sa kanya ng mga kailangan sa pagpapaganda at ng kanyang bahaging pagkain, at ng pitong piling dalaga mula sa palasyo ng hari. Kanyang inilipat siya at ang kanyang mga babaing alalay sa pinakamabuting dako sa bahay ng mga babae.
10 Hindi ipinaaalam ni Esther ang kanyang bayan o ang kanyang kamag-anak man; sapagkat ibinilin sa kanya ni Mordecai na huwag niyang ipaalam.
11 Si Mordecai ay lumalakad araw-araw sa harapan ng bulwagan ng mga babae upang malaman kung anong kalagayan ni Esther, at kung ano ang nangyayari sa kanya.
12 Nang dumating na ang panahon na ang bawat dalaga ay makapasok kay Haring Ahasuerus, pagkatapos ng labindalawang buwan sa ilalim ng mga pamamalakad para sa mga babae, yamang ganito ang nakaugaliang panahon para sa kanilang pagpapaganda, samakatuwid ay anim na buwan na may langis na mira, at anim na buwan na may pabango, at pampaganda para sa mga babae.
13 Kapag pumasok na ang dalaga sa hari, siya ay bibigyan ng anumang kanyang naisin upang dalhin niya mula sa lugar ng mga babae hanggang sa palasyo ng hari.
14 Sa gabi ay pumaparoon siya, at sa kinaumagahan ay bumabalik siya sa ikalawang lugar ng mga babae sa pamamahala ni Saasgaz, na eunuko ng hari, na nag-iingat sa mga asawang-lingkod. Hindi na siya muling papasok sa hari malibang ang hari ay malugod sa kanya at ipatawag sa kanyang pangalan.
15 Nang sumapit ang panahon ni Esther na anak ni Abihail, na amain ni Mordecai, na umampon sa kanya bilang sariling anak na babae, upang humarap sa hari, wala siyang hininging anuman maliban sa ipinayo ni Hegai na eunuko ng hari, na tagapag-ingat sa mga babae. At si Esther ay hinangaan ng lahat ng nakakita sa kanya.
Si Esther ay Napiling Maging Reyna
16 Nang si Esther ay dalhin kay Haring Ahasuerus sa kanyang palasyo nang ikasampung buwan na siyang buwan ng Tebet, nang ikapitong taon ng kanyang paghahari,
17 minahal ng hari si Esther nang higit kaysa lahat ng mga babae, at siya'y nakatagpo ng biyaya at paglingap nang higit kaysa lahat ng mga birhen. Kaya't kanyang inilagay ang korona ng kaharian sa kanyang ulo at ginawa siyang reyna na kapalit ni Vasti.
18 Nang magkagayo'y gumawa ng malaking kapistahan ang hari para sa kanyang mga pinuno at sa kanyang mga lingkod, iyon ay handaan ni Esther. Nagkaloob din ang hari ng pagbabawas ng buwis sa mga lalawigan, at nagbigay ng mga kaloob ayon sa kasaganaan ng hari.
Iniligtas ni Mordecai ang Hari
19 Nang matipon sa ikalawang pagkakataon ang mga birhen, nakaupo si Mordecai sa pintuan ng hari.
20 Hindi pa ipinapakilala ni Esther ang kanyang pinagmulan o ang kanyang bayan man, gaya ng ibinilin sa kanya ni Mordecai. Sinusunod ni Esther si Mordecai na gaya ng kanyang pagpapalaki sa kanya.
21 Sa mga araw na iyon, samantalang nakaupo si Mordecai sa pintuan ng hari, sina Bigtan at Teres na dalawa sa mga eunuko ng hari, na nagbabantay sa pintuan ay nagalit at hinangad na pagbuhatan ng kamay si Haring Ahasuerus.
22 Ang bagay na ito ay nalaman ni Mordecai at sinabi niya ito kay Reyna Esther, at sinabi ni Esther sa hari sa pangalan ni Mordecai.
23 Nang ang pangyayari ay siyasatin at matuklasang totoo, ang dalawang lalaki ay kapwa binigti sa punungkahoy. At ito'y isinulat sa Aklat ng mga Kasaysayan sa harapan ng hari.
3 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay itinaas ni Haring Ahasuerus sa tungkulin si Haman na anak ni Amedata na Agageo, at itinaas siya at binigyan ng katungkulang[b] mataas kaysa lahat ng mga pinuno na kasama niya.
2 At lahat ng mga lingkod ng hari na nasa pintuan ng hari ay yumukod at nagbigay-galang kay Haman sapagkat iniutos na gayon ng hari tungkol sa kanya. Ngunit si Mordecai ay hindi yumukod o gumalang man sa kanya.
3 Nang magkagayo'y sinabi kay Mordecai ng mga lingkod ng hari na nasa pintuan ng hari, “Bakit mo sinusuway ang utos ng hari?”
4 Nang sila'y makipag-usap sa kanya araw-araw at sila'y ayaw niyang pakinggan, kanilang sinabi kay Haman upang makita kung mangingibabaw ang mga salita ni Mordecai, sapagkat sinabi niya sa kanila na siya'y Judio.
5 Nang makita ni Haman na si Mordecai ay hindi yumuyukod, o gumagalang man sa kanya, napuno ng poot si Haman.
6 Ngunit inisip niyang walang kabuluhan na mag-isang patayin si Mordecai. Kaya't yamang ipinaalam nila sa kanya ang pinagmulan ni Mordecai, inisip ni Haman na lipulin ang lahat ng mga Judio, samakatuwid ay ang kababayan ni Mordecai sa buong nasasakupan ng kaharian ni Ahasuerus.
7 Nang unang buwan, na siyang buwan ng Nisan, nang ikalabindalawang taon ni Haring Ahasuerus, kanilang pinagpalabunutan ang Pur sa harapan ni Haman para sa araw at buwan. Ang palabunutan ay tumapat sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar.
8 At sinabi ni Haman kay Haring Ahasuerus, “May mga taong nakakalat at nakahiwalay sa gitna ng mga bayan sa lahat ng mga lalawigan ng iyong kaharian. Ang kanilang kautusan ay kaiba sa bawat ibang bayan at hindi nila sinusunod ang mga kautusan ng hari; kaya't walang pakinabang ang hari na sila'y pabayaang magpatuloy.
9 Kung ikalulugod ng hari, hayaang ipag-utos na sila'y lipulin. Ako'y magbabayad ng sampung libong talentong pilak sa mga kamay ng mga namamahala ng gawain ng hari, upang ilagay ang mga iyon sa mga kabang-yaman ng hari.”
10 Nang magkagayo'y hinubad ng hari ang singsing sa kanyang kamay, at ibinigay kay Haman na anak ni Amedata na Agageo, na kaaway ng mga Judio.
11 At sinabi ng hari kay Haman, “Ang salapi ay ibinibigay sa iyo, gayundin ang mga tao upang gawin mo sa kanila kung ano ang inaakala mong mabuti.”
Inisip ni Haman na Lipulin ang mga Judio
12 Nang magkagayo'y ipinatawag ang mga kalihim ng hari nang ikalabintatlong araw ng unang buwan. Isang utos, ayon sa lahat na iniutos ni Haman, ang ipinasulat sa mga tagapamahala ng hari, at sa mga tagapamahala ng lahat ng lalawigan, at sa mga pinuno ng bawat bayan, sa bawat lalawigan ayon sa sarili nitong pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa kanilang wika; ito'y isinulat sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari.
13 Ipinadala ang mga sulat sa pamamagitan ng mga sugo sa lahat ng mga lalawigan ng hari, upang wasakin, patayin at lipulin ang lahat ng Judio, bata at matanda, ang mga bata at ang mga babae sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar, at upang samsamin ang kanilang mga ari-arian.
14 Ang isang sipi ng sulat ay ibibigay bilang utos sa bawat lalawigan sa pamamagitan ng paghahayag sa lahat ng bayan na sila'y maging handa para sa araw na iyon.
15 Mabilis na umalis ang mga sugo sa utos ng hari, at ang batas ay pinalabas sa kabisera ng Susa. Ang hari at si Haman ay naupo upang uminom; ngunit ang lunsod ng Susa ay nagkagulo.
Pinakiusapan ni Mordecai si Esther na Mamagitan
4 Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng ginawa ni Haman, pinunit ni Mordecai ang kanyang suot, at nagsuot ng damit-sako at may mga abo sa ulo. At lumabas siya sa gitna ng bayan, at tumangis nang malakas na may mapait na pagsigaw.
2 Siya'y umakyat sa pasukan ng pintuan ng hari, sapagkat walang makakapasok sa loob ng pintuan ng hari na nakasuot ng damit-sako.
3 Sa bawat lalawigan, sa tuwing darating ang utos at batas ng hari, ay nagkaroon ng malaking pagluluksa sa mga Judio, na may pag-aayuno, iyakan, at taghuyan; at karamihan sa kanila ay nahihigang may suot damit-sako at may mga abo sa ulo.
4 Nang dumating ang mga babaing alalay ni Esther at ang kanyang mga eunuko at ibalita iyon sa kanya, ang reyna ay lubhang nabahala. Siya'y nagpadala ng bihisan upang isuot ni Mordecai, upang hubarin niya ang kanyang damit-sako, ngunit ayaw niyang tanggapin ang mga ito.
5 Nang magkagayo'y ipinatawag ni Esther si Hatac, na isa sa mga eunuko ng hari, na itinalaga na mag-alaga sa kanya, at inutusan niyang pumunta kay Mordecai, upang malaman kung ano iyon, at kung bakit gayon.
6 Sa gayo'y lumabas si Hatac patungo kay Mordecai, sa liwasang-bayan na nasa harapan ng pintuan ng hari.
7 Isinalaysay sa kanya ni Mordecai ang lahat na nangyari sa kanya, at ang halaga ng salaping ipinangako ni Haman na ibabayad sa mga kabang-yaman ng hari para sa pagpatay sa mga Judio.
8 Binigyan din siya ni Mordecai ng sipi ng utos na ipinahayag sa Susa upang patayin sila, upang ipakita ito kay Esther, at ipaliwanag ito sa kanya. Ipinagbilin niya sa kanya na siya'y pumunta sa hari upang makiusap at humiling sa kanya alang-alang sa kanyang bayan.
9 At si Hatac ay pumunta, at sinabi kay Esther ang mga sinabi ni Mordecai.
10 Nang magkagayo'y nagsalita si Esther kay Hatac, at nagpasabi kay Mordecai,
11 “Lahat ng lingkod ng hari at ang bayan ng mga lalawigan ng hari ay nakakaalam, na may isang kautusan na kung ang sinumang lalaki o babae ay pumunta sa hari sa pinakaloob na bulwagan na hindi ipinatatawag ay papatayin. Malibang paglawitan siya ng hari ng gintong setro, maaaring mabuhay ang taong iyon. Ako'y tatlumpung araw nang hindi ipinatatawag ng hari.”
12 At sinabi nila kay Mordecai ang mga sinabi ni Esther.
13 Nang magkagayo'y ipinabalik sa kanila ni Mordecai ang sagot kay Esther: “Huwag mong isipin na sa palasyo ng hari ay makakatakas ka na higit kaysa lahat ng ibang mga Judio.
14 Sapagkat kung ikaw ay tatahimik sa panahong ito, ang tulong at kaligtasan ay babangon para sa mga Judio mula sa ibang lugar, ngunit ikaw at ang sambahayan ng iyong ninuno ay mapapahamak. At sinong nakakaalam na kung kaya ka nakarating sa kaharian ay dahil sa pagkakataong ganito?”
15 At sinabi ni Esther sa kanila na sagutin si Mordecai,
16 “Ikaw ay humayo, tipunin mo ang lahat na Judio na matatagpuan sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kumain o uminom man sa loob ng tatlong araw, gabi o araw. Ako at ang aking mga babaing alalay ay mag-aayuno ring gaya ninyo. Pagkatapos ay pupunta ako sa hari bagaman labag sa batas. At kung ako'y mamamatay, ay mamatay.”
17 Sa gayo'y umalis si Mordecai at ginawa ang ayon sa lahat na iniutos ni Esther sa kanya.
Ang Hari at si Haman sa Handaan ni Esther
5 Nang ikatlong araw, nagsuot si Esther ng kanyang damit pang-reyna, at tumayo sa pinakaloob na bulwagan ng palasyo ng hari, sa tapat ng tirahan ng hari. Ang hari ay nakaupo sa kanyang trono sa loob ng palasyo, sa tapat ng pasukan ng palasyo.
2 Nang makita ng hari si Reyna Esther na nakatayo sa bulwagan, nakuha ng reyna ang paglingap ng hari. Kaya't inilawit ng hari kay Esther ang gintong setro na nasa kanyang kamay. At lumapit si Esther at hinipo ang dulo ng setro.
3 Itinanong ng hari sa kanya, “Ano iyon, Reyna Esther? Ano ang iyong kahilingan? Ibibigay ko sa iyo kahit kalahati ng aking kaharian.”
4 Sinabi ni Esther, “Kung ikalulugod ng hari, pumunta sa araw na ito ang hari at si Haman sa salu-salong inihanda ko para sa hari.”
5 At sinabi ng hari, “Dalhin mong madali dito si Haman upang magawa namin ang gaya ng nais ni Esther.” Kaya't pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther.
6 Samantalang umiinom sila ng alak, sinabi ng hari kay Esther, “Ano ang iyong kahilingan? Ipagkakaloob iyon sa iyo. Ano ang iyong kahilingan? Kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob sa iyo.”
7 At sumagot si Esther, “Ang aking kahilingan ay ito:
8 Kung ako'y nakatagpo ng paglingap sa paningin ng hari, at kung kalugdan ng hari na ipagkaloob ang aking kahilingan, pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo na aking ihahanda sa kanila, at bukas ay aking gagawin ang gaya ng sinabi ng hari.”
Nagpagawa si Haman ng Bitayan para kay Mordecai
9 Lumabas si Haman nang araw na iyon na galak na galak at may masayang puso. Ngunit nang makita ni Haman si Mordecai sa pintuan ng hari, na hindi siya tumayo o nanginig man sa harapan niya, siya'y napuno ng poot laban kay Mordecai.
10 Gayunma'y nagpigil si Haman sa kanyang sarili, at umuwi sa bahay. Siya'y nagsugo at ipinasundo ang kanyang mga kaibigan at si Zeres na kanyang asawa.
11 Ikinuwento ni Haman sa kanila ang karangyaan ng kanyang mga kayamanan, ang bilang ng kanyang mga anak na lalaki, at lahat ng pagkataas ng katungkulan na ipinarangal ng hari sa kanya, at kung paanong kanyang itinaas siya nang higit kaysa mga pinuno at mga lingkod ng hari.
12 Dagdag pa ni Haman, “Maging si Reyna Esther ay hindi nagpapasok ng sinuman na kasama ng hari sa kapistahan na kanyang inihanda kundi ako lamang. At bukas ay inaanyayahan na naman niya ako na kasama ng hari.
13 Gayunma'y ang lahat ng ito'y walang kabuluhan sa akin habang aking nakikita ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng hari.”
14 Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Zeres na kanyang asawa at ng lahat niyang kaibigan, “Magpagawa ka ng isang bitayan na may limampung siko ang taas, at kinaumagahan ay sabihin mo sa hari na bitayin doon si Mordecai. Pagkatapos ay lumakad kang masaya na kasama ng hari sa kapistahan.” Ang payong ito ay nagustuhan ni Haman at kanyang ipinagawa ang bitayan.
Si Mordecai ay Pinarangalan ng Hari
6 Nang gabing iyon ay hindi makatulog ang hari kaya't kanyang iniutos na dalhin ang aklat ng mahahalagang mga gawa, ang mga kasaysayan, at ang mga ito ay binasa sa harapan ng hari.
2 Natuklasang(G) nakasulat kung paanong sinabi ni Mordecai ang tungkol kina Bigtana at Teres, dalawa sa mga eunuko ng hari, na nagbabantay sa pintuan na nagbalak patayin si Haring Ahasuerus.
3 At sinabi ng hari, “Anong karangalan at kadakilaan ang ibinigay kay Mordecai dahil dito?” Sinabi ng mga lingkod ng hari na naglilingkod sa kanya, “Walang anumang ginawa para sa kanya.”
4 Sinabi ng hari, “Sino ang nasa bulwagan?” Kapapasok pa lamang ni Haman sa bulwagan ng palasyo ng hari, upang magsalita sa hari na bitayin si Mordecai sa bitayan na inihanda niya sa kanya.
5 At ang mga lingkod ng hari ay nagsabi sa kanya, “Naroon si Haman, nakatayo sa bulwagan.” At sinabi ng hari, “Papasukin siya.”
6 Sa gayo'y pumasok si Haman at sinabi ng hari sa kanya, “Anong gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari?” Sinabi ni Haman sa kanyang sarili, “Sino ang kinalulugdang parangalan ng hari nang higit kaysa akin?”
7 At sinabi ni Haman sa hari, “Para sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari,
8 ay ipakuha ang damit-hari na isinuot ng hari, at ang kabayo na sinakyan ng hari, at ang korona ng hari para sa kanyang ulo,
9 at ibigay ang bihisan at ang kabayo sa isa sa pinakapangunahing pinuno ng hari. Bihisan niya ang lalaking kinalulugdang parangalan ng hari, at ilibot sa buong lunsod na nakasakay sa kabayo, at ipahayag na nauuna sa kanya: ‘Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari.’”
10 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Haman, “Ikaw ay magmadali, at kunin mo ang bihisan at ang kabayo, gaya ng iyong sinabi, at gayon ang gawin mo kay Mordecai, na Judio na umuupo sa pintuan ng hari. Huwag mong bawasan ang anumang bagay na iyong sinabi.”
11 Nang magkagayo'y kinuha ni Haman ang bihisan at ang kabayo, at binihisan si Mordecai, at sakay na inilibot sa buong lunsod at ipinahahayag na nauuna sa kanya: “Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari.”
12 Pagkatapos ay bumalik si Mordecai sa pintuan ng hari. Ngunit si Haman ay nagmadaling umuwi, tumatangis at may takip ang ulo.
13 At ibinalita ni Haman kay Zeres na kanyang asawa at sa lahat ng kanyang mga kaibigan ang lahat ng bagay na nangyari sa kanya. Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ng kanyang mga pantas na lalaki at ni Zeres na kanyang asawa, “Kung si Mordecai, na siyang pinagsimulan ng iyong pagbagsak, ay mula sa bayan ng mga Judio, hindi ka magtatagumpay laban sa kanya, kundi ikaw ay tiyak na mahuhulog sa harapan niya.”
14 Samantalang sila'y nakikipag-usap pa sa kanya, dumating ang mga eunuko ng hari at nagmamadaling dinala si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther.
Si Haman ay Binitay
7 Kaya't ang hari at si Haman ang pumunta sa kapistahan na kasama ni Reyna Esther.
2 Nang ikalawang araw, samantalang sila'y umiinom ng alak, muling sinabi ng hari kay Esther, “Ano ang iyong kahilingan, Reyna Esther? Ibibigay iyon sa iyo. Ano ang iyong kahilingan? Kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob sa iyo.”
3 At sumagot si Reyna Esther, “Kung ako'y naging mabuti sa iyong paningin, O hari, at kung kalulugdan ng hari, ipagkaloob sa akin ang aking buhay ayon sa aking pakiusap at ang aking mga kababayan ayon sa aking kahilingan.
4 Sapagkat kami ay ipinagbili, ako at ang aking bayan upang ipahamak, upang patayin, at upang lipulin. Kung kami ay ipinagbili lamang bilang mga aliping lalaki at babae, ako'y tumahimik na sana, sapagkat ang aming kapighatian ay hindi dapat ihambing sa mawawala sa hari.”
5 Nang magkagayo'y sinabi ni Haring Ahasuerus kay Reyna Esther, “Sino siya, at saan naroon siya na mag-aakalang gumawa nang ganito?”
6 Sinabi ni Esther, “Ang isang kaaway at kalaban! Itong masamang si Haman!” Nang magkagayo'y natakot si Haman sa harapan ng hari at ng reyna.
7 At ang hari ay galit na tumayo at iniwan ang kapistahan ng alak at pumunta sa halamanan ng palasyo; ngunit si Haman ay nanatili upang ipagmakaawa ang kanyang buhay kay Reyna Esther, sapagkat nakita niya na may kasamaang ipinasiya laban sa kanya ang hari.
8 Nang magkagayo'y bumalik ang hari mula sa halamanan ng palasyo patungo sa lugar kung saan sila umiinom ng alak, habang si Haman ay nakasubsob sa upuan na kinaroroonan ni Esther. Sinabi ng hari, “Kanya bang gagawan ng masama ang reyna sa harapan ko, sa sarili kong bahay?” Pagkalabas ng mga salita sa bibig ng hari ay kanilang tinakpan ang mukha ni Haman.
9 Nang magkagayo'y sinabi ni Harbona, na isa sa eunuko na nasa harapan ng hari, “Ang bitayan na may limampung siko ang taas, na ginawa ni Haman para kay Mordecai, na ang salita ay siyang nagligtas sa hari, ay nakatayo sa bahay ni Haman.” At sinabi ng hari, “Bitayin siya roon.”
10 Kaya't binigti nila si Haman sa bitayan na inihanda niya para kay Mordecai. At humupa ang poot ng hari.
Hinirang si Mordecai
8 Nang araw na iyon ay ibinigay ni Haring Ahasuerus kay Esther ang bahay ni Haman na kaaway ng mga Judio. At si Mordecai ay humarap sa hari; sapagkat sinabi ni Esther kung ano ang kaugnayan niya sa kanya.
2 At hinubad ng hari ang kanyang singsing na inalis niya kay Haman, at ibinigay kay Mordecai. At ipinamahala ni Esther kay Mordecai ang bahay ni Haman.
Ang Bagong Kahilingan ni Esther
3 At si Esther ay muling nagsalita sa harapan ng hari, at nagpatirapa sa kanyang mga paa, at nagsumamo sa kanya na may mga luha na hadlangan ang masamang panukala ni Haman na Agageo, at ang pakana na kanyang binalak laban sa mga Judio.
4 Nang magkagayo'y inilawit ng hari kay Esther ang gintong setro.
5 Sa gayo'y tumindig si Esther at tumayo sa harapan ng hari. At sinabi niya, “Kung ikalulugod ng hari, at kung ako'y nakatagpo ng lingap sa kanyang paningin, at kung ang bagay ay inaakalang matuwid sa harapan ng hari, at ako'y nakakalugod sa kanyang mga mata, nawa'y isulat ang isang utos upang pawalang-bisa ang mga sulat na binalak ni Haman na anak ni Amedata, na Agageo, na kanyang sinulat upang lipulin ang mga Judio na nasa lahat ng lalawigan ng hari.
6 Sapagkat paano ko matitiis na makita ang kapahamakang darating sa aking mga kababayan? O paano ko matitiis na makita ang pagpatay sa aking mga kamag-anak?”
7 Nang magkagayo'y sinabi ni Haring Ahasuerus kina Reyna Esther at Mordecai na Judio, “Tingnan ninyo, ibinigay ko kay Esther ang bahay ni Haman, at kanilang binigti siya sa bitayan, sapagkat kanyang binalak na patayin ang mga Judio.
8 Maaari kang sumulat ng ayon sa nais mo tungkol sa mga Judio, sa pangalan ng hari, at tatakan ito ng singsing ng hari; sapagkat ang utos na isinulat sa pangalan ng hari at natatakan ng singsing ng hari ay hindi maaaring pawalang-bisa.”
9 Ang mga kalihim ng hari ay ipinatawag nang panahong iyon, sa ikadalawampu't tatlong araw ng ikatlong buwan, na siyang buwan ng Sivan. Iisang utos ang isinulat ayon sa lahat na iniutos ni Mordecai tungkol sa mga Judio, sa mga gobernador, at sa mga tagapamahala at mga pinuno ng mga lalawigan mula sa India hanggang sa Etiopia, na isandaan at dalawampu't pitong lalawigan. Ito ay para sa bawat lalawigan ayon sa sarili nitong pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa wika nila, at sa mga Judio ayon sa pagsulat at wika nila.
10 Ang pagkasulat ay sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari, at ipinadala ang mga sulat sa pamamagitan ng mga sugong mangangabayo na nakasakay sa matutuling kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari, na inalagaan mula sa kulungan ng hari.
11 Sa pamamagitan ng mga ito, pinahihintulutan ng hari ang mga Judio na nasa bawat lunsod, na magtipun-tipon at ipagsanggalang ang kanilang buhay, upang puksain, patayin, at lipulin ang anumang sandatahang lakas ng alinmang bayan at lalawigan na sasalakay sa kanila, kasama ang kanilang mga bata at mga babae, at samsamin ang kanilang ari-arian.
12 Ito ay sa isang araw sa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar.
13 Isang sipi ng kasulatan ang ilalabas bilang utos sa bawat lalawigan, at ipahahayag sa lahat ng mga bayan, at ang mga Judio ay maghanda sa araw na iyon na maghiganti sa kanilang mga kaaway.
14 Sa gayo'y ang mga sugo na sumasakay sa matutuling kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari ay nagmamadaling sumakay dahil sa utos ng hari; at ang utos ay pinalabas sa kastilyo ng Susa.
15 At si Mordecai ay lumabas mula sa harapan ng hari na nakadamit-hari na asul at puti, at may malaking koronang ginto, at may balabal na pinong lino at kulay ube, samantalang ang bayan ng Susa ay sumigaw at natuwa.
16 Nagkaroon ang mga Judio ng kaginhawahan, kasayahan, kagalakan, at karangalan.
17 At sa bawat lalawigan at bayan, saanman dumating ang utos ng hari, ay nagkaroon ang mga Judio ng kasayahan, kagalakan, at kapistahan. At maraming mula sa mga tao ng lupain ay tinawag ang kanilang sarili na mga Judio; sapagkat ang takot sa mga Judio ay dumating sa kanila.
Natalo ng mga Judio ang Kanilang Kaaway
9 Sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar, nang ang utos at pasiya ng hari ay malapit nang ipatupad, nang araw na iyon na inaasahan ng mga kaaway ng mga Judio na makapaghari sila sa kanila, ngunit ito ay binago upang maging araw na ang mga Judio ang siyang maghahari sa kanilang mga kaaway,
2 ang mga Judio ay nagtipun-tipon sa kanilang mga lunsod sa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, upang patayin ang mga naghahangad ng kanilang kapahamakan. Walang makatalo sa kanila, sapagkat ang pagkatakot sa kanila ay dumating sa lahat ng mga tao.
3 Lahat ng mga pinuno ng mga lalawigan, mga gobernador, mga tagapamahala, at ang mga pinuno ng kaharian, ay tumulong sa mga Judio; sapagkat ang takot kay Mordecai ay dumating sa kanila.
4 Sapagkat si Mordecai ay makapangyarihan sa bahay ng hari, at ang kanyang katanyagan ay lumaganap sa lahat ng mga lalawigan, sapagkat ang lalaking si Mordecai ay lalo pang naging makapangyarihan.
5 Kaya't pinagpapatay ng mga Judio ang lahat ng kanilang mga kaaway sa pamamagitan ng tabak at pinuksa sila, at ginawa ang maibigan nila sa mga napopoot sa kanila.
6 At sa kabisera ng Susa ay pumatay at pumuksa ang mga Judio ng limang daang lalaki,
7 at pinatay rin sina Forsandata, Dalfon, Asfata,
8 Forata, Ahalia, Aridata,
9 Farmasta, Arisai, Aridai, at Vaizata,
10 na sampung anak ni Haman, na anak ni Amedata, na kaaway ng mga Judio; ngunit hindi nila ginalaw ang mga samsam.
11 Nang araw na iyon ang bilang ng napatay sa kabisera ng Susa ay iniulat sa hari.
12 At sinabi ng hari kay Reyna Esther; “Sa Susa na kabisera, ang mga Judio ay pumatay ng limang daang lalaki at ng sampung anak ni Haman. Ano kaya ang kanilang ginawa sa ibang mga lalawigan ng hari? Ngayon, ano pa ang iyong pakiusap? Ipagkakaloob sa iyo. Ano pa ang iyong kahilingan? Iyon ay gagawin.”
13 Nang magkagayo'y sinabi ni Esther, “Kung ikalulugod ng hari, ipahintulot sa mga Judio na nasa Susa na gawin din bukas ang ayon sa utos sa araw na ito, at ang sampung anak ni Haman ay ibitin sa bitayan.”
14 At iniutos ng hari na ito ay gawin; ang utos ay ipinalabas sa Susa, at ang sampung anak ni Haman ay ibinitin.
15 Ang mga Judio na nasa Susa ay nagtipon din nang ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar, at kanilang pinatay ang tatlong daang lalaki sa Susa ngunit hindi nila ginalaw ang mga samsam.
16 At ang ibang mga Judio na nasa mga lalawigan ng hari ay nagtipon din upang ipagsanggalang ang kanilang buhay, at nagkaroon ng kapahingahan sa kanilang mga kaaway, at pumatay ng pitumpu't limang libo sa mga napopoot sa kanila, ngunit hindi nila ginalaw ang mga samsam.
17 Ito'y nang ikalabintatlong araw ng buwan ng Adar, at nang ikalabing-apat na araw ay nagpahinga sila, at ginawang araw ng kapistahan at kasayahan.
18 Ngunit ang mga Judio na nasa Susa ay nagtipon nang ikalabintatlo at ikalabing-apat na araw; at nang ikalabinlimang araw ay nagpahinga sila, at ginawa iyon na araw ng kapistahan at kasayahan.
19 Kaya't ipinagdiwang ng mga Judio sa mga nayon na naninirahan sa mga bayang walang pader ang ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar bilang araw ng kasayahan at kapistahan. Sa araw na iyon ay nagpadala sila ng handog na pagkain para sa isa't isa.
Ang Pista ng Purim ay Ginawa
20 Itinala ni Mordecai ang mga bagay na ito, at nagpadala ng mga sulat sa lahat ng Judio, na nasa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, sa malapit at gayundin sa malayo,
21 na ipinagbilin sa kanila na kanilang ipagdiwang ang ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar, at ang ikalabinlima niyon, taun-taon,
22 bilang mga araw na nagkaroon ng kapahingahan ang mga Judio sa kanilang mga kaaway, at ang buwan na ang kapanglawan ay naging kasayahan para sa kanila, at mula sa pagtangis ay naging mga araw ng kapistahan. Gagawin nila ang mga iyon na mga araw ng pagsasaya at kagalakan, mga araw para sa pagdadala ng mga piling bahagi ng handog na pagkain para sa isa't isa at kaloob para sa mga dukha.
23 At ginawang kaugalian ng mga Judio ang bagay na kanilang sinimulan, at gaya ng isinulat ni Mordecai sa kanila.
24 Si(H) Haman na anak ni Amedata na Agageo, na kaaway ng lahat na Judio ay nagbalak laban sa mga Judio upang lipulin sila, at pinagpalabunutan ang Pur, upang durugin, at lipulin sila.
25 Ngunit nang si Esther ay humarap sa hari, siya ay nagbigay ng utos na nakasulat na ang kanyang masamang balak laban sa mga Judio ay mauwi sa kanyang sariling ulo; at siya at ang kanyang mga anak ay dapat ibitin sa bitayan.
26 Kaya't kanilang tinawag ang mga araw na ito na Purim, ayon sa katagang Pur. Iyon ay dahil sa lahat ng nakasulat sa sulat na ito, at dahil sa naranasan nila sa bagay na ito, at dahil sa lahat ng dumating sa kanila,
27 ang mga Judio ay nagpasiya at nangako sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak, at sa lahat ng umanib sa kanila, na walang pagsalang kanilang ipagdiriwang ang dalawang araw na ito ayon sa nakasulat, at ayon sa panahong itinakda taun-taon.
28 Ang mga araw na ito ay aalalahanin at ipagdiriwang ng bawat salinlahi, sa bawat angkan, lalawigan, at lunsod. At ang mga araw na ito ng Purim ay hindi lilipas sa mga Judio, o ang alaala man sa mga iyon ay lilipas sa kanilang mga anak.
29 Nang magkagayo'y si Reyna Esther na anak ni Abihail, at si Mordecai na Judio, ay nagbigay ng buong nakasulat na kapamahalaan, upang pagtibayin ang ikalawang sulat tungkol sa Purim.
30 Ang sulat ay ipinadala sa lahat ng mga Judio, sa isandaan at dalawampu't pitong lalawigan ng kaharian ni Ahasuerus, na may mga salita ng kapayapaan at katotohanan,
31 na ang mga araw na ito ng Purim ay ipagdiwang sa kanilang mga takdang panahon, ayon sa ibinilin sa mga Judio nina Mordecai na Judio at ni Reyna Esther, at ayon sa kanilang ipinasiya sa kanilang sarili at para sa kanilang mga anak, tungkol sa kanilang mga pag-aayuno at pagdaing.
32 At pinagtibay ng utos ni Reyna Esther ang mga kaugaliang ito ng Purim, at iyon ay itinala.
Ang Kadakilaan ni Mordecai
10 Si Haring Ahasuerus ay nagpataw ng buwis sa lupain at sa mga baybayin ng dagat.
2 At lahat ng mga gawa ng kanyang kapangyarihan at kalakasan, at ang buong kasaysayan ng mataas na karangalan ni Mordecai na ibinigay sa kanya ng hari, hindi ba nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Media at Persia?
3 Sapagkat si Mordecai na Judio ay pangalawa kay Haring Ahasuerus, at siya ay makapangyarihan sa gitna ng mga Judio at bantog sa karamihan ng kanyang mga kamag-anak, sapagkat inuna niya ang kapakanan ng kanyang bayan, at namagitan para sa ikabubuti ng lahat niyang mga kababayan.
Ang Matuwid at Mayamang si Job
1 May isang lalaki sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Ang lalaking iyon ay walang kapintasan, matuwid, may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan.
2 May isinilang sa kanya na pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae.
3 Siya ay mayroong pitong libong tupa, tatlong libong kamelyo, limang daang magkatuwang na baka, limang daang babaing asno, at napakaraming mga lingkod; kaya't ang lalaking ito ay siyang pinakadakila sa lahat ng mga taga-silangan.
4 Ang kanyang mga anak na lalaki ay laging nagtutungo at nagdaraos ng pagdiriwang sa bahay ng bawat isa sa kanyang araw; at sila'y nagsusugo at inaanyayahan ang kanilang tatlong kapatid na babae upang kumain at uminom na kasalo nila.
5 Pagkatapos ng mga araw ng kanilang pagdiriwang, sila ay ipinasugo ni Job at pinapagbanal. Siya'y maagang bumabangon sa umaga at naghahandog ng mga handog na sinusunog ayon sa bilang nilang lahat, sapagkat sinabi ni Job, “Maaaring ang aking mga anak ay nagkasala, at sinumpa ang Diyos sa kanilang mga puso.” Ganito ang palaging ginagawa ni Job.
6 Isang(I) araw, ang mga anak ng Diyos ay dumating upang iharap ang kanilang sarili sa Panginoon, at si Satanas[c] ay dumating din namang kasama nila.
7 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas sa Panginoon, “Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pamamanhik-manaog doon.”
8 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job? Wala siyang katulad sa lupa, isang walang kapintasan at matuwid na lalaki na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan.”
9 Pagkatapos(J) ay sumagot si Satanas sa Panginoon, “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang kapalit?
10 Hindi ba't binakuran mo siya at ang kanyang sambahayan, at ang lahat ng nasa kanya sa bawat dako? Pinagpala mo ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang mga pag-aari ay dumami sa lupain.
11 Ngunit pagbuhatan mo siya ngayon ng iyong kamay, galawin mo ang lahat ng pag-aari niya, at susumpain ka niya nang mukhaan.”
12 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Ang lahat ng pag-aari niya ay nasa iyong kapangyarihan, subalit huwag mo lamang siyang pagbubuhatan ng iyong kamay.” Sa gayo'y umalis si Satanas sa harapan ng Panginoon.
Ang mga Kasawiang-palad ni Job at ang Kanyang Pagtitiis
13 Isang araw, nang ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay kumakain at umiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay,
14 dumating ang isang sugo kay Job, at nagsabi, “Nag-aararo ang mga baka, at ang mga asno ay kumakain sa tabi nila,
15 sinalakay at tinangay sila ng mga Sabeo, at kanilang pinagpapatay ng talim ng tabak ang mga lingkod at ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”
16 Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, “Ang apoy ng Diyos ay bumagsak mula sa langit, at sinunog ang mga tupa at ang mga lingkod, at inubos sila. Ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”
17 Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, “Ang mga Caldeo ay nagtatlong pangkat, sinalakay ang mga kamelyo, tinangay ang mga iyon, at pinagpapatay ng talim ng tabak ang mga lingkod; at ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”
18 Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, “Ang iyong mga anak na lalaki at babae ay kumakain at umiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay.
19 Biglang dumating ang isang malakas na hangin mula sa ilang, hinampas ang apat na sulok ng bahay, lumagpak ito sa mga kabataan, at sila'y namatay. Ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo.”
20 Pagkatapos ay tumindig si Job, pinunit ang kanyang balabal, inahitan ang kanyang ulo, nagpatirapa sa lupa at sumamba.
21 Sinabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, at hubad akong babalik doon. Ang Panginoon ang nagbigay at ang Panginoon ang bumawi; purihin ang pangalan ng Panginoon.”
22 Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job, ni pinaratangan man ng kasamaan ang Diyos.
Si Job ay Nagkaroon ng mga Bukol
2 Isang araw, muling dumating ang mga anak ng Diyos upang iharap ang kanilang sarili sa Panginoon, at dumating din si Satanas upang iharap ang sarili sa Panginoon.
2 Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Si Satanas ay sumagot sa Panginoon, at nagsabi, “Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pamamanhik-manaog doon.”
3 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job, wala siyang katulad sa lupa, isang walang kapintasan at matuwid na lalaki, may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan? Siya'y nanatili pa rin sa kanyang katapatan, bagaman ako'y inudyukan mo laban sa kanya, upang sirain siya nang walang kadahilanan.”
4 Si Satanas ay sumagot sa Panginoon, “Balat sa balat! Lahat ng pag-aari ng tao ay ibibigay niya dahil sa kanyang buhay.
5 Ngunit iunat mo ngayon ang iyong kamay, galawin mo ang kanyang buto at laman, at kanyang susumpain ka nang mukhaan.”
6 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Siya'y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kanyang buhay.”
7 Kaya't umalis si Satanas mula sa harapan ng Panginoon, at nilagyan si Job ng mga nakakapandiring bukol mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa puyo ng kanyang ulo.
8 At kumuha siya ng isang pirasong basag na palayok upang kayurin ang sarili at siya'y umupo sa mga abo.
9 Pagkatapos ay sinabi ng kanyang asawa sa kanya, “Mananatili ka pa ba sa iyong katapatan? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka na.”
10 Ngunit sinabi niya sa kanya, “Nagsasalita kang gaya ng pagsasalita ng mga hangal na babae. Tatanggap lang ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa pamamagitan ng kanyang mga labi.
Dinalaw Siya ng Tatlong Kaibigan
11 Nang mabalitaan ng tatlong kaibigan ni Job ang lahat ng kasamaang ito na dumating sa kanya, dumating ang bawat isa sa kanila mula sa kanya-kanyang sariling pook: si Elifaz na Temanita, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamatita. Sila'y nagkaisang pumunta upang makiramay sa kanya at aliwin siya.
12 Nang kanilang matanaw siya mula sa malayo, siya ay hindi nila nakilala. Kanilang inilakas ang kanilang tinig, umiyak at sinira ng bawat isa sa kanila ang kanya-kanyang balabal, at nagbuhos ng alabok sa kanilang mga ulo paharap sa langit.
13 At sila'y umupo sa ibabaw ng lupa na kasama niya na pitong araw at pitong gabi, at walang nagsalita sa kanya, sapagkat kanilang nakita na ang kanyang paghihirap ay napakalaki.
Ang Unang Pagsasalita ni Job
3 Pagkatapos(K) nito'y ibinuka ni Job ang kanyang bibig at sinumpa ang araw ng kanyang kapanganakan.
2 Sinabi ni Job:
3 “Maglaho nawa ang araw nang ako'y isilang,
at ang gabi na nagsabi,
‘May batang lalaking ipinaglihi.’
4 Magdilim nawa ang araw na iyon!
Huwag nawang hanapin iyon ng Diyos sa itaas,
ni silayan man iyon ng liwanag.
5 Hayaang angkinin iyon ng mapanglaw at pusikit na kadiliman.
Tirahan nawa iyon ng ulap;
takutin nawa iyon ng kadiliman ng araw.
6 Ang gabing iyon—sakmalin nawa ng makapal na kadiliman!
Huwag itong magsaya na kasama ng mga araw ng taon,
huwag nawa itong mapasama sa bilang ng mga buwan.
7 Oo, ang gabing iyon nawa ay maging baog,
huwag marinig doon ang tinig ng kagalakan.
8 Sumpain nawa iyon ng mga sumusumpa sa araw,
ng mga bihasa sa paggising sa Leviatan.[d]
9 Magdilim nawa ang mga bituin ng pagbubukang-liwayway niyon;
hayaang umasa ito ng liwanag, ngunit hindi magkakaroon,
ni mamalas ang mga talukap-mata ng umaga,
10 sapagkat hindi nito tinakpan ang mga pinto ng sinapupunan ng aking ina,
o ikinubli man ang kaguluhan sa aking mga mata.
11 “Bakit hindi pa ako namatay nang ako'y isilang?
Bakit hindi ako nalagutan ng hininga nang ako'y iluwal?
12 Bakit tinanggap ako ng mga tuhod?
O bakit ang mga dibdib, na aking sususuhan?
13 Sapagkat nahihimlay at natatahimik na sana ako,
ako sana'y natutulog; nagpapahinga na sana ako;
14 kasama ng mga hari at ng mga tagapayo ng daigdig,
na muling nagtayo ng mga guho para sa kanilang sarili,
15 o kasama ng mga prinsipeng may mga ginto,
na pinuno ng pilak ang kanilang bahay.
16 Bakit hindi pa ako inilibing tulad ng batang patay nang isilang,
gaya ng sanggol na hindi nakakita ng liwanag kailanman?
17 Doon ang masama ay tumitigil sa paggambala,
at doo'y ang pagod ay nagpapahinga.
18 Doon ang mga bilanggo ay sama-samang nagiginhawahan,
hindi nila naririnig ang tinig ng nag-aatang ng pasan.
19 Ang hamak at ang dakila ay naroroon,
at ang alipin ay malaya sa kanyang panginoon.
20 “Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa kahirapan,
at ng buhay ang kaluluwang nasa kapighatian,
21 na(L) nasasabik sa kamatayan, ngunit hindi ito dumarating;
at naghuhukay dito ng higit kaysa mga kayamanang nakalibing;
22 na labis ang kagalakan,
at natutuwa kapag natagpuan nila ang libingan?
23 Bakit ang liwanag ay ibibigay sa taong ang daan ay nakatago,
at ang taong binakuran ng Diyos?
24 Sapagkat ang buntong-hininga ko ay dumarating na parang aking pagkain,[e]
at ang aking mga daing ay bumubuhos na parang tubig.
25 Sapagkat ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin,
at ang aking pinangingilabutan ay nangyayari sa akin.
26 Hindi ako mapalagay at hindi rin matahimik,
wala akong kapahingahan; kundi dumarating ang kaguluhan.”
Ang Unang Pagsasalita ni Elifaz: Pinatunayan Niya ang Katarungan ng Diyos
4 Pagkatapos ay sumagot si Elifaz na Temanita, na sinasabi,
2 “Kung may isang mangahas magsalita sa iyo, magdaramdam ka ba?
Ngunit sinong makakapigil ng pagsasalita?
3 Tingnan mo, marami kang tinuruan,
at pinalakas mo ang mahihinang kamay.
4 Ang mga salita mo ay umalalay sa mga natitisod,
at pinalakas mo ang mahihinang tuhod.
5 Subalit ngayo'y inabutan ka nito, at ikaw ay naiinip;
ito'y nakarating sa iyo, at ikaw ay balisa.
6 Hindi ba ang iyong takot sa Diyos ay ang iyong tiwala,
at ang katapatan ng iyong mga lakad ang iyong pag-asa?
7 “Isipin mo ngayon, sino ba ang walang sala na napahamak?
O saan ang mga matuwid ay winasak?
8 Ayon sa aking nakita, ang mga nag-aararo ng kasamaan
at naghahasik ng kaguluhan ay gayundin ang inaani.
9 Sa hininga ng Diyos sila'y namamatay,
at sa bugso ng kanyang galit sila'y natutupok.
10 Ang ungal ng leon, at ang tinig ng mabangis na leon,
at ang mga ngipin ng mga batang leon ay nababali.
11 Ang malakas na leon ay namamatay dahil walang nasisila,
at ang mga anak ng inahing leon ay nagkalat.
Ang Kawalang Kabuluhan ng Tao sa Harapan ng Diyos
12 “Ngayo'y may salitang dinala sa akin nang lihim,
at tinanggap ng aking tainga ang bulong niyon.
13 Sa(M) gitna ng mga pag-iisip mula sa mga panggabing pangitain,
kapag ang mahimbing na tulog sa mga tao ay dumarating;
14 ang takot ay dumating sa akin, at ang pangingilabot,
na nagpanginig sa lahat ng aking mga buto.
15 At dumaan ang isang espiritu sa harap ng aking mukha;
ang balahibo ng aking balat ay nagtindigan.
16 Tumayo iyon,
ngunit hindi ko mawari ang anyo niyon.
Isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata;
nagkaroon ng katahimikan, at ako'y nakarinig ng isang tinig:
17 ‘Maaari bang maging matuwid ang taong may kamatayan sa harapan ng Diyos?
Maaari bang maging malinis ang tao sa harapan ng kanyang Lumikha?
18 Maging sa kanyang mga lingkod ay hindi siya nagtitiwala,
at ang kanyang mga anghel ay pinaparatangan niya ng kamalian;
19 gaano pa kaya silang tumatahan sa mga bahay na putik,
na ang pundasyon ay nasa alabok,
na napipisang gaya ng gamu-gamo.
20 Sa pagitan ng umaga at gabi, sila ay nawawasak;
sila'y namamatay magpakailanman na walang pumapansin.
21 Kung nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila,
hindi ba sila'y namamatay na walang karunungan?’
Si Job ay Itinuwid ng Diyos
5 “Tumawag ka ngayon; may sasagot ba sa iyo?
At kanino sa mga banal ka babaling?
2 Tunay na pinapatay ng pagkayamot ang taong hangal,
at pinapatay ng panibugho ang mangmang.
3 Nakakita na ako ng hangal na nag-uugat,
ngunit bigla kong sinumpa ang kanyang tirahan.
4 Ang mga anak niya ay malayo sa kaligtasan,
sila'y dinudurog sa pintuan
at walang magligtas sa kanila isa man.
5 Ang kanyang ani ay kinakain ng gutom,
at kinukuha niya ito maging mula sa mga tinik,
at ang bitag ay naghahangad sa kanilang kayamanan.
6 Sapagkat ang paghihirap ay hindi nanggagaling sa alabok,
ni ang kaguluhan ay sumisibol man sa lupa;
7 kundi ang tao ay ipinanganak tungo sa kaguluhan,
kung paanong ang siklab, sa itaas ay pumapailanglang.
8 “Ngunit sa ganang akin, ang Diyos ay aking hahanapin,
at sa Diyos ko ipagkakatiwala ang aking usapin,
9 na siyang gumagawa ng mga dakilang bagay at hindi maintindihan,
mga kamanghamanghang bagay na hindi mabilang,
10 nagbibigay siya ng ulan sa lupa,
at nagdadala ng tubig sa mga bukid;
11 kanyang itinataas ang mga mapagpakumbaba,
at ang mga tumatangis ay itinataas sa katiwasayan.
12 Kanyang binibigo ang mga pakana ng tuso,
anupa't ang kanilang mga kamay ay hindi nagkakamit ng tagumpay.
13 Kanyang(N) hinuhuli ang marunong sa kanilang sariling katusuhan;
at ang balak ng madaya ay dagling nawawakasan.
14 Nakakasalubong nila sa araw ang kadiliman,
at nangangapa na gaya nang sa gabi kahit katanghalian.
15 Ngunit siya'y nagliligtas mula sa tabak ng kanilang bibig,
at ang maralita mula sa kamay ng makapangyarihan.
16 Kaya't ang dukha ay may pag-asa,
at itinitikom ng kawalang-katarungan ang bibig niya.
Ang Kagalingan ng Parusa
17 “Narito,(O) mapalad ang tao na sinasaway ng Diyos,
kaya't huwag mong hamakin ang pagtutuwid ng Makapangyarihan sa lahat.
18 Sapagkat(P) siya'y sumusugat, ngunit kanyang tinatalian;
siya'y nananakit, ngunit nagpapagaling ang kanyang mga kamay.
19 Ililigtas ka niya mula sa anim na kaguluhan;
sa ikapito ay walang kasamaang gagalaw sa iyo.
20 Sa taggutom ay tutubusin ka niya mula sa kamatayan;
at sa digmaan, mula sa tabak na makapangyarihan.
21 Ikaw ay ikukubli mula sa hagupit ng dila;
at hindi ka matatakot sa pagkawasak kapag ito'y dumating.
22 Sa pagkawasak at taggutom, ikaw ay tatawa,
at hindi ka matatakot sa mababangis na hayop sa lupa.
23 Sapagkat ikaw ay makakasundo ng mga bato sa parang;
at ang mga ganid sa parang sa iyo ay makikipagpayapaan.
24 Malalaman mo na ang iyong tolda ay ligtas,
at dadalawin mo ang iyong kulungan, at walang nawawalang anuman.
25 Malalaman mo rin na ang iyong lahi ay magiging marami,
at ang iyong supling ay magiging gaya ng damo sa lupa.
26 Tutungo ka sa iyong libingan sa ganap na katandaan,
gaya ng bigkis ng trigo na dumarating sa giikan sa kanyang kapanahunan.
27 Narito, siniyasat namin ito; ito ay totoo.
Dinggin mo, at alamin mo para sa kabutihan mo.”
Inilarawan ni Job ang Kanyang Kasawian
6 Pagkatapos ay sumagot si Job at sinabi,
2 “O tinimbang sana ang aking pagkayamot,
at lahat ng aking mga sakuna ay inilagay sana sa mga timbangan.
3 Sapagkat kung gayon iyon ay magiging mas mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
kaya't ang aking mga salita ay naging padalus-dalos.
4 Sapagkat ang mga palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasa akin,
iniinom ng aking espiritu ang kanilang lason;
ang mga kilabot ng Diyos ay nakahanay laban sa akin.
5 Umuungal ba ang mailap na asno kapag mayroon siyang damo?
O inuungalan ba ng baka ang kanyang pagkain?
6 Ang wala bang lasa ay makakain nang walang asin?
O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog?
7 Wala akong ganang hawakan ang mga iyon;
ang mga iyon ay parang nakakapandiring pagkain sa akin.
8 “Makamit ko nawa ang aking kahilingan;
at ipagkaloob nawa ng Diyos ang aking minimithi;
9 na kalugdan nawa ng Diyos na durugin ako;
na ibitaw niya ang kanyang kamay, at putulin ako!
10 Ito nga ang magiging kaaliwan ko;
magsasaya pa ako sa walang tigil na sakit;
sapagkat hindi ko itinakuwil ang mga salita ng Banal.
11 Ano ang aking lakas, upang ako'y maghintay?
At ano ang aking wakas upang ako'y magtiis?
12 Ang lakas ko ba ay lakas ng mga bato,
o ang laman ko ba ay tanso?
13 Sa totoo ay walang tulong sa akin,
at anumang mapagkukunan ay inilayo sa akin.
Ang Daya at Lupit ng Kanyang mga Kaibigan
14 “Siyang nagkakait ng kagandahang-loob sa kanyang kaibigan
ay nagtatakuwil ng takot sa Makapangyarihan sa lahat.
15 Ang aking mga kapatid ay mapandayang tulad sa batis,
na parang daluyan ng mga batis na lumilipas,
16 na madilim dahil sa yelo,
malabo dahil sa natutunaw na niyebe.
17 Sa panahon ng init, sila'y nawawala;
kapag mainit, sila'y nawawala sa kanilang kinalalagyan.
18 Ang mga pangkat ng manlalakbay ay lumilihis sa kanilang daan;
umaakyat sila sa pagkapahamak at namamatay.
19 Tumitingin ang mga pulutong ng manlalakbay mula sa Tema,
umaasa ang mga manlalakbay mula sa Sheba.
20 Sila'y nabigo, sapagkat sila'y nagtiwala;
sila'y pumaroon at sila'y nalito.
21 Naging ganyan kayo ngayon sa akin,
nakikita ninyo ang aking kasawian at kayo'y natatakot.
22 Sinabi ko ba: ‘Bigyan ninyo ako ng kaloob?’
O, ‘Mula sa inyong yaman ay handugan ninyo ako ng suhol?’
23 O, ‘Iligtas ninyo ako mula sa kamay ng kaaway?’
O, ‘Tubusin ninyo ako mula sa kamay ng mga manlulupig?’
24 “Turuan ninyo ako, at ako'y tatahimik;
ipaunawa ninyo sa akin kung paano ako nagkamali.
25 Napakatindi ng mga tapat na salita!
Ngunit ang inyong saway, ano bang sinasaway?
26 Sa akala ba ninyo ay masasaway ninyo ang mga salita,
gayong ang mga salita ng taong sawi ay hangin?
27 Magpapalabunutan nga kayo para sa ulila,
at magtatawaran para sa inyong kaibigan.
28 “Subalit ngayon, tumingin kayo sa akin na may kaluguran,
sapagkat hindi ako magsisinungaling sa inyong harapan.
29 Bumalik kayo, isinasamo ko sa inyo, huwag magkaroon ng kamalian.
Oo, kayo'y magsibalik, nakataya rito ang aking katuwiran.
30 May masama ba sa aking dila?
Hindi ba nakakabatid ng kasawian ang aking panlasa?
Nagreklamo si Job sa Diyos
7 “Wala bang mahirap na paglilingkod ang tao sa ibabaw ng lupa?
At hindi ba ang kanyang mga araw ay gaya ng mga araw ng isang taong upahan?
2 Gaya ng alipin na naghahangad ng lilim,
at gaya ng upahang manggagawa na sa kanyang sahod ay tumitingin,
3 gayon ako pinaglaanan ng mga buwan na walang kabuluhan,
at itinakda sa akin ang mga gabi ng kalungkutan.
4 Kapag ako'y nahihiga, aking sinasabi, ‘Kailan ako babangon?’
Ngunit mahaba ang gabi,
at ako'y pabali-baligtad hanggang sa pagbubukang-liwayway.
5 Ang aking laman ay nadaramtan ng mga uod at ng libag;
tumitigas ang aking balat, pagkatapos ay namumutok.
6 Ang aking mga araw ay matulin kaysa panghabi ng manghahabi,
at nagwawakas na walang pag-asa.
7 “Alalahanin mo na ang aking buhay ay isang hininga;
hindi na muling makakakita ng mabuti ang aking mata.
8 Ang mata niyang nakatingin sa akin ay hindi na ako muling makikita;
habang ang iyong mga mata ay nakatuon sa akin, ako ay maglalaho.
9 Kung paanong ang ulap ay napapawi at nawawala,
gayon hindi na aahon pa ang taong sa Sheol ay bumababa.
10 Hindi na siya babalik pa sa kanyang bahay,
ni hindi na siya makikilala ng kanyang lugar.
11 “Kaya't hindi ko pipigilan ang aking bibig;
ako'y magsasalita sa kadalamhatian ng aking espiritu;
ako'y dadaing sa kapaitan ng aking kaluluwa.
12 Ako ba'y dagat, o dambuhala sa dagat,
upang maglagay ka ng bantay sa akin?
13 Kapag sinasabi ko, ‘Aaliwin ako ng aking tulugan,
pagagaanin ng aking higaan ang aking pagdaramdam.’
14 Kung magkagayo'y tinatakot mo ako ng mga panaginip,
at sinisindak ako ng mga pangitain,
15 anupa't pinipili ng aking kaluluwa ang pagkabigti
at ang kamatayan kaysa aking mga buto.
16 Kinasusuklaman ko ang aking buhay; ayaw kong mabuhay magpakailanman.
Hayaan mo akong mag-isa, sapagkat ang aking mga araw ay parang isang hininga.
17 Ano(Q) ang tao, na itinuturing mong dakila,
at iyong itinutuon ang iyong isip sa kanya,
18 at iyong dinadalaw siya tuwing umaga,
at sinusubok siya sa tuwi-tuwina?
19 Gaano katagal mo akong hindi titingnan
ni babayaan akong nag-iisa hanggang sa malunok ko ang aking laway?
20 Kung ako'y nagkasala, ano ang aking magagawa sa iyo, O ikaw na bantay sa mga tao?
Bakit ginawa mo akong iyong tudlaan?
Bakit ako'y naging iyong pasan?
21 At bakit hindi mo ipinatatawad ang aking pagsalangsang,
at inaalis ang aking kasamaan?
Sapagkat ngayo'y mahihiga ako sa alabok;
ako'y hahanapin mo ngunit ako'y hindi matatagpuan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001