Bible in 90 Days
40 Nagsugo pa sila ng mga taong nagmumula sa malayo, na siyang ipinasundo sa sugo, at sila'y dumating. Iyong pinaliguan ang iyong sarili para sa kanila, kinulayan mo ang iyong mga mata, at ginayakan mo ang iyong sarili;
41 naupo ka sa isang magarang upuan, na may hapag na nakahanda sa harapan niyon, na siya mong pinaglapagan ng aking insenso at langis.
42 Ang tunog ng maraming taong walang iniintindi ay nasa kanya; at kasama ng mga pangkaraniwang lalaki ay dinala ang mga maglalasing na mula sa ilang. Kanilang nilagyan ng mga pulseras ang mga kamay ng mga babae, at magagandang korona sa kanilang mga ulo.
43 “Nang magkagayo'y sinabi ko, Hindi ba nangangalunya ngayon ang mga lalaki kapag sila'y nagpapaupa sa kanya?
44 Sapagkat kanilang sinipingan siya, na parang sumiping sila sa isang upahang babae. Gayon nila sinipingan sina Ohola at Oholiba, mga masasamang babae.
45 Ngunit ang matutuwid na tao ang hahatol sa kanila ng kahatulan na may hatol sa mangangalunya, at ng hatol sa mga babae na nagpadanak ng dugo; sapagkat sila'y mangangalunya, at ang dugo ay nasa kanilang mga kamay.”
46 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Magdala ka ng isang hukbo laban sa kanila, at gagawin ko silang tampulan ng takot at pagsamsam.
47 At babatuhin sila ng hukbo, at tatagain sila ng kanilang mga tabak; papatayin nila ang kanilang mga anak na lalaki at babae, at susunugin ng apoy ang kanilang mga bahay.
48 Ganito ko wawakasan ang kahalayan sa lupain, upang ang lahat ng mga babae ay mabalaan na huwag gumawa ng gayong kahalayan na inyong ginawa.
49 At sisingilin ang inyong kahalayan sa inyo, at inyong papasanin ang mga kaparusahan para sa inyong makasalanang pagsamba sa diyus-diyosan; at inyong malalaman na ako ang Panginoong Diyos.
Ang Talinghaga ng Kumukulong Palayok
24 Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak(A) ng tao, isulat mo ang pangalan ng araw na ito, ang araw ding ito. Kinubkob ng hari ng Babilonia ang Jerusalem sa araw ding ito.
3 At magsalita ka ng isang talinghaga sa mapaghimagsik na sambahayan, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
Magsalang ka ng palayok, isalang mo,
at buhusan mo rin ng tubig;
4 ilagay mo rito ang mga piraso ng laman,
lahat ng mabubuting putol, ang hita at ang balikat;
punuin mo ng mga piling buto.
5 Kumuha ka ng piling-pili mula sa kawan,
at ibunton mo ang mga kahoy[a] sa ilalim niyon;
pakuluan mong mabuti;
lutuin mo rin ang mga buto sa loob niyon.
6 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang madugong lunsod, ang kaldero na may kalawang, at ang kalawang ay hindi naalis doon! Ilabas mo mula roon ang pira-piraso, na walang pamimiling[b] ginawa roon.
7 Sapagkat ang dugo na kanyang pinadanak ay nasa gitna pa rin niya. Inilagay niya ito sa lantad na bato; hindi niya ito ibinuhos sa lupa upang tabunan ng alabok.
8 Upang pukawin ang aking poot, upang maghiganti, inilagay ko sa lantad na bato ang dugo na kanyang pinadanak upang hindi ito matakpan.
9 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang madugong lunsod! Akin ding patataasin ang bunton.
10 Ibunton ang kahoy, paningasin ang apoy, pakuluang mabuti ang laman, ihalo ang mga pampalasa, at sunugin ang mga buto.
11 Pagkatapos ay ilagay itong walang laman sa mga baga upang ito ay uminit, at ang tanso niyo'y masunog, upang ang dumi niyon ay matunaw roon, upang mawala ang kalawang niyon.
12 Ako'y nagpakapagod sa walang kabuluhan, ang makapal nitong kalawang ay hindi naaalis sa pamamagitan ng apoy.
13 Ang kalawang niyon ay ang iyong maruming kahalayan. Sapagkat ikaw ay nilinis ko sana at hindi ka nalinis sa iyong karumihan, hindi ka na malilinis pa hanggang sa aking malubos ang aking poot sa iyo.
14 Akong Panginoon ang nagsalita, ito'y mangyayari, ito'y aking gagawin. Hindi ako magpipigil, ni magpapatawad, ni magsisisi man. Ayon sa iyong mga lakad at mga gawa ay hahatulan kita, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Kamatayan ng Asawa ni Ezekiel
15 Ang salita ng Panginoon ay dumating din sa akin, na sinasabi,
16 “Anak ng tao, narito, malapit ko nang alisin sa iyo sa pamamagitan ng kamatayan ang kaluguran ng iyong mga mata. Gayunma'y hindi ka tatangis, ni iiyak man, ni aagos man ang iyong mga luha.
17 Magbuntong-hininga ka, ngunit huwag malakas; huwag mong tangisan ang patay. Itali mo ang iyong putong, at isuot mo ang iyong mga sandalyas sa iyong mga paa. Huwag mong takpan ang iyong mga bigote, at huwag kang kumain ng tinapay ng mga tao.”
18 Kinaumagahan, nagsalita ako sa taong-bayan, at kinagabihan ay namatay ang aking asawa. Aking ginawa nang sumunod na umaga ang gaya ng iniutos sa akin.
19 At sinabi ng taong-bayan sa akin, “Hindi mo ba sasabihin sa amin kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito sa amin, kung bakit ikaw ay kumikilos ng ganyan?”
20 Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, “Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:
21 ‘Sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking lalapastanganin ang aking santuwaryo, ang kapalaluan ng inyong kapangyarihan, ang kaluguran ng inyong mga mata, at naisin ng inyong kaluluwa. Ang inyong mga anak na lalaki at babae na inyong iniwan sa hulihan ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak.
22 Inyong gagawin ang gaya ng aking ginawa; hindi ninyo tatakpan ang inyong mga bigote, o kakain man ng tinapay ng mga tao.
23 Ang inyong putong ay malalagay sa inyong mga ulo, at ang inyong mga sandalyas sa inyong mga paa. Kayo'y hindi tatangis o iiyak man, kundi kayo'y manlulupaypay sa inyong mga kasamaan, at dadaing sa isa't isa.
24 Ganito magiging isang tanda sa inyo si Ezekiel; ayon sa lahat niyang ginawa ay inyong gagawin. Kapag ito'y nangyari, inyong malalaman na ako ang Panginoong Diyos.’
25 “At ikaw, anak ng tao, sa araw na iyon nang aking alisin sa kanila ang kanilang lakas, ang kanilang kagalakan at kaluwalhatian, ang kaluguran ng kanilang mga mata, at ang ninanais ng kanilang puso, maging ang kanilang mga anak na lalaki at babae,
26 na sa araw na iyon ay darating sa inyo ang isang takas upang iulat sa inyo ang balita.
27 Sa araw na iyon ay bubuka ang iyong bibig sa kanya na nakatakas, at ikaw ay magsasalita, at hindi na mapipipi pa. Kaya't ikaw ay magiging isang tanda sa kanila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Ang Pahayag Laban sa mga Ammonita
25 Ang(B) salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, humarap ka sa mga anak ni Ammon, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanila.
3 Sabihin mo sa mga anak ni Ammon, “Inyong pakinggan ang salita ng Panginoong Diyos: Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Sapagkat iyong sinabi, ‘Aha!’ laban sa aking santuwaryo nang ito'y malapastangan; at laban sa lupain ng Israel nang ito'y sirain; at laban sa sambahayan ni Juda nang ito'y tumungo sa pagkabihag;
4 kaya't narito, aking ibibigay ka sa mga tao sa silangan bilang ari-arian. Itatayo nila ang kanilang mga kampo na kasama mo, at gagawa ng kanilang mga tolda sa kalagitnaan mo. Kanilang kakainin ang iyong bungang-kahoy, at kanilang iinumin ang iyong gatas.
5 Aking gagawin ang Rabba na pastulan ng mga kamelyo, at ang mga lunsod ng mga anak ni Ammon bilang pahingahan ng mga kawan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
6 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ipinalakpak mo ang iyong mga kamay, at ipinadyak mo ang iyong mga paa, at nagalak ka na may buong paghamak ng iyong kalooban laban sa lupain ng Israel,
7 kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at ibibigay kita bilang samsam sa mga bansa. Tatanggalin kita mula sa mga bayan, ipalilipol kita mula sa mga bansa at aking wawasakin ka. At iyong malalaman na ako ang Panginoon.
Ang Pahayag Laban sa Moab
8 “Ganito(C) ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat sinabi ng Moab at ng Seir, Narito, ang sambahayan ni Juda ay gaya ng lahat ng ibang mga bansa;
9 kaya't narito, aking bubuksan ang tagiliran ng Moab mula sa mga bayan sa kanyang mga hangganan, ang kaluwalhatian ng bansa, ang Bet-jesimot, Baal-meon, at Kiryataim.
10 Ibibigay ko itong kasama ang mga anak ni Ammon sa mga tao sa silangan bilang ari-arian, upang ang mga ito ay huwag nang maalala sa gitna ng mga bansa,
11 at ako'y maglalapat ng hatol sa Moab. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
Ang Pahayag Laban sa Edom
12 “Ganito(D) ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ang Edom ay gumawang may paghihiganti sa sambahayan ni Juda at nagkasala ng mabigat sa paghihiganti sa kanila,
13 kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Iuunat ko ang aking kamay laban sa Edom, at aking aalisin doon ang tao at hayop. Gagawin ko itong wasak mula sa Teman hanggang sa Dedan at babagsak sila sa pamamagitan ng tabak.
14 At aking gagawin ang aking paghihiganti sa Edom sa pamamagitan ng kamay ng aking bayang Israel. Kaya't kanilang gagawin sa Edom ang ayon sa aking galit, at ayon sa aking poot; at kanilang malalaman ang aking paghihiganti, sabi ng Panginoong Diyos.
Ang Pahayag Laban sa mga Filisteo
15 “Ganito(E) ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ang mga Filisteo ay gumawa ng paghihiganti, at naghiganti na may masamang hangarin ng puso upang mangwasak na may walang hanggang pagkagalit;
16 kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Aking iuunat ang aking kamay laban sa mga Filisteo, at aking tatanggalin ang mga Kereteo, at wawasakin ko ang nalalabi sa baybaying-dagat.
17 Ako'y maglalapat ng matinding paghihiganti sa kanila na may mabangis na pagpaparusa. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon, kapag aking isinagawa ang aking paghihiganti sa kanila.”
Ang Pahayag Laban sa Tiro
26 Nang(F) unang araw ng buwan na siyang ikalabing-isang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, sapagkat sinabi ng Tiro tungkol sa Jerusalem, ‘Aha, ang pintuan ng mga bayan ay wasak, iyon ay bumukas sa akin. Ako'y muling mapupuno ngayong siya'y wasak;
3 kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako'y laban sa iyo, O Tiro, at aking pasasampahin ang maraming bansa laban sa iyo, gaya ng pagsampa ng dagat ng kanyang mga alon.
4 Kanilang gigibain ang mga pader ng Tiro, at ibabagsak ang kanyang mga tore; at aking kakayurin ang kanyang lupa, at gagawin ko siyang hubad na bato.
5 Siya'y magiging dakong ladlaran ng mga lambat sa gitna ng dagat; sapagkat aking sinalita, sabi ng Panginoong Diyos; at siya'y magiging samsam sa mga bansa.
6 At ang kanyang mga anak na babae na nasa lupain ay papatayin ng tabak, at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
7 “Sapagkat ganito ang sinasabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking dadalhin sa Tiro, mula sa hilaga, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na hari ng mga hari, na may mga kabayo at mga karwahe, may mga mangangabayo, at isang hukbo ng maraming kawal.
8 Kanyang papatayin ng tabak ang iyong mga anak na babae sa lupain; at siya'y gagawa ng mga pader na pangkubkob laban sa iyo, at magtatayo ng isang bunton laban sa iyo, at magtataas ng mga pananggalang laban sa iyo.
9 Kanyang itutuon ang kanyang mga pambayo laban sa iyong mga pader, at sa pamamagitan ng kanyang mga palakol ay kanyang ibabagsak ang iyong mga muog.
10 Magiging napakarami ang kanyang mga kabayo, anupa't tatakpan ka ng kanilang alabok. Ang iyong mga pader ay uuga sa ugong ng mga mangangabayo, mga kariton, at ng mga karwahe, kapag siya'y papasok sa iyong mga pintuan na gaya ng pagpasok ng tao sa isang lunsod na binutasan.
11 Tatapakan ng mga paa ng kanyang mga kabayo ang lahat mong mga lansangan; papatayin niya ng tabak ang iyong bayan at ang matitibay mong haligi ay mabubuwal sa lupa.
12 Kanilang sasamsamin ang iyong mga kayamanan, at nanakawin ang iyong kalakal. Kanilang ibabagsak ang iyong mga pader at gigibain ang iyong magagandang bahay. Ang iyong mga bato, kahoy at ang lupa ay ihahagis nila sa gitna ng dagat.
13 Aking(G) patitigilin ang tinig ng iyong mga awit, at ang tunog ng iyong mga lira ay hindi na maririnig.
14 At gagawin kitang hubad na bato. Ikaw ay magiging dakong ladlaran ng mga lambat; ikaw ay hindi na muling itatayo sapagkat akong Panginoon ang nagsalita, sabi ng Panginoong Diyos.
15 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa Tiro: Hindi ba mayayanig ang mga pulo sa tunog ng iyong pagbagsak, kapag ang nasugatan ay dumaraing, kapag ang patayan ay ginawa sa gitna mo?
16 Kung(H) magkagayo'y bababa ang lahat ng mga pinuno sa dagat mula sa kanilang mga trono, at aalisin ang kanilang mga balabal, at huhubarin ang kanilang mga damit na may burda. Sila'y mababalot ng panginginig; sila'y magsisiupo sa lupa, at manginginig bawat sandali, at matatakot sa iyo.
17 At mananaghoy sila para sa iyo, at sasabihin sa iyo,
‘Paano ka napahamak, O ikaw na tinatahanan mula sa karagatan,
O tanyag na lunsod,
na makapangyarihan sa dagat,
ikaw at ang iyong mga mamamayan,
na naglalapat ng pagkatakot sa iyo
sa lahat ng kanyang mga mamamayan!
18 Ang mga pulo ngayon ay nayayanig
sa araw ng iyong pagbagsak;
oo, ang mga pulo na nasa dagat
ay natakot sa iyong pagyaon.’
19 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapag ikaw ay ginawa kong wasak na lunsod, gaya ng mga lunsod na walang naninirahan, kapag tinabunan kita ng kalaliman, at tinakpan ka ng maraming tubig;
20 kung gayo'y ibababa kita na kasama nila na bumababa sa hukay, sa mga tao nang una, at patitirahin kita sa malalim na bahagi ng lupa, sa mga dakong wasak na nang una, na kasama ng nagsibaba sa hukay, upang ikaw ay hindi na tahanan, o magkaroon ng lugar sa lupain ng mga buháy, ngunit ako'y maglalagay ng kaluwalhatian sa lupain ng mga buhay.
21 Ako'y(I) magdadala sa inyo ng mga kakilakilabot at hindi ka na mabubuhay; ikaw ay mawawala na, bagaman ikaw ay hanapin, ay hindi ka na muling matatagpuan, sabi ng Panginoong Diyos.”
Awit Punebre para sa Tiro
27 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “At ikaw, anak ng tao, managhoy ka para sa Tiro;
3 at sabihin mo sa Tiro na naninirahan sa pasukan sa dagat, ang mangangalakal ng mga bansa sa maraming pulo, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“O Tiro, sinabi mo,
‘Ako'y sakdal sa kagandahan.’
4 Ang iyong mga hangganan ay nasa kalaliman ng mga dagat;
ginawang sakdal ang iyong kagandahan ng iyong mga tagapagtayo.
5 Ang lahat mong mga tabla
ay mula sa mga puno ng abeto na mula sa Senir;
sila'y nagsikuha ng sedro mula sa Lebanon,
upang gumawa ng palo para sa iyo.
6 Ginawa nilang iyong mga sagwan
ang mga ensina sa Basan;
kanilang ginawang mga bangko
ang mga puno ng pino mula sa mga pulo ng Chittim na balot ng garing.
7 Pinong telang lino na may burda mula sa Ehipto
ang iyong layag
na nagsisilbing iyong watawat;
kulay asul at ube mula sa mga pulo ng Elisha
ang iyong karang.
8 Ang mga naninirahan sa Sidon at Arvad
ay iyong mga tagasagwan;
ang iyong mga pantas na lalaki, O Tiro, ay nasa iyo,
sila ang iyong mga piloto.
9 Ang matatanda sa Gebal at ang kanyang mga pantas na lalaki ay nasa iyo,
na inaayos ang iyong mga dugtungan;
ang lahat ng sasakyan sa dagat at lahat ng mga tauhan nito ay nasa iyo,
upang ipangalakal ang iyong paninda.
10 “Ang Persia, Lud, at Put ay nasa iyong hukbo bilang iyong mga mandirigma. Kanilang ibinitin ang kalasag at helmet sa iyo; binigyan ka nila ng kariktan.
11 Ang mga lalaki ng Arvad at ang iyong hukbo ay nasa ibabaw ng iyong mga pader sa palibot, at ang mga lalaki ng Gamad ay nasa iyong mga muog. Kanilang isinabit ang kanilang mga kalasag sa iyong mga kuta sa palibot; kanilang pinasakdal ang iyong kagandahan.
12 “Ang Tarsis ay nangalakal sa iyo dahil sa napakalaki mong kayamanan na iba't-ibang uri; ang pilak, bakal, lata, at tingga, ay ipinagpalit nila sa iyong mga kalakal.
13 Ang Javan, Tubal, at Meshec ay nakipagkalakalan sa iyo; kanilang ipinagpalit ang mga tao at ang mga sisidlang tanso sa iyong mga kalakal.
14 Ipinagpalit ng Bet-togarmah sa iyong mga kalakal ang kanilang mga kabayo at mga kabayong pandigma at mga mola.
15 Ang mga tao sa Dedan ay nakipangalakal sa iyo. Ang maraming pulo ay naging iyong tanging pamilihan. Kanilang dinala bilang kabayaran ang mga sungay na garing at ebano.
16 Nakipagkalakalan sa iyo ang Aram dahil sa dami ng iyong mga paninda. Sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga esmeralda, kulay-ube, bagay na may burda, pinong telang lino, koral, at mga rubi.
17 Nakipagkalakalan sa iyo ang lupain ng Juda at Israel. Sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng trigo, olibo, pulot, langis, at balsamo.
18 Nakipagkalakalan sa iyo ang Damasco dahil sa dami ng iyong mga paninda, dahil sa napakalaki mong kayamanan na iba't ibang uri; alak ng Helbon, at maputing lana.
19 Nakikipagpalitan ang Vedan at Javan sa iyong mga kalakal ng sinulid na lana; ng pundidong bakal, kasia, at ng kalamo.
20 Nakipagkalakalan sa iyo ang Dedan ng telang upuan para sa pangangabayo.
21 Ang Arabia at lahat ng prinsipe ng Kedar ay naging iyong mga mamimili ng mga kordero, mga lalaking tupa, at mga kambing. Sa mga ito'y nakipagkalakalan sila sa iyo.
22 Ang mga mangangalakal ng Seba at Raama ay nakipagkalakalan sa iyo. Kanilang ipinagpalit sa iyong mga kalakal ang pinakamabuting uri ng lahat ng pabango, at lahat ng mahahalagang bato at ginto.
23 Ang Haran, Canneh, at Eden, Ashur at ang Chilmad ay nakipagkalakalan sa iyo.
24 Ang mga ito ay nakipagkalakalan sa iyo ng mga piling pananamit, mga damit na kulay asul at may burda, at mga alpombrang may kulay na natatalian ng mga sintas at ginawang matibay. Sa mga ito'y nakipagkalakalan sila sa iyo.
25 Ang(J) mga sasakyan sa Tarsis ay naglakbay para sa iyong kalakal.
“Kaya't ikaw ay napuno at naging totoong maluwalhati
sa kalagitnaan ng mga dagat.
26 Dinala ka ng iyong mga mananagwan
sa malawak na dagat.
Winasak ka ng hanging silangan
sa kalagitnaan ng dagat.
27 Ang iyong kayamanan, ang iyong mga kalakal, ang iyong paninda,
ang iyong mga mananagwan, at ang iyong mga piloto,
ang iyong mga taga-ayos ng dugtong, at ang tagapagtinda ng iyong mga kalakal,
at ang lahat mong mandirigma na nasa iyo,
at ang lahat ng pangkat
na nasa gitna mo,
ay lulubog sa kalagitnaan ng dagat
sa araw ng iyong pagkawasak.
28 Sa lakas ng sigaw ng iyong mga piloto,
ang mga nayon ay nayayanig,
29 at pababa sa kanilang mga sasakyan
ay dumating ang lahat ng humahawak sa sagwan.
Ang mga marino at lahat ng mga piloto ng dagat
ay nakatayo sa pampang,
30 at tumataghoy nang malakas sa iyo
at umiiyak na mainam.
Binuhusan nila ng alabok ang kanilang mga ulo,
at naglubalob sa mga abo;
31 nagpakalbo sila dahil sa iyo,
at nagbigkis ng sako,
at kanilang iniyakan ka na may kapaitan ng kaluluwa,
at matinding pananangis.
32 Bukod dito sa kanilang pagtangis ay nananaghoy sila para sa iyo,
at tinangisan ka:
‘Sino ang kagaya ng Tiro
na tulad niyang tahimik sa gitna ng dagat?
33 Kapag ang iyong mga kalakal ay dumating mula sa mga dagat,
iyong binubusog ang maraming bayan;
iyong pinayaman ang mga hari sa lupa
ng karamihan ng iyong mga kayamanan at mga kalakal.
34 Ngayo'y nawasak ka sa karagatan,
sa kalaliman ng mga tubig;
ang iyong kalakal at ang lahat mong mga tauhan
ay lumubog na kasama mo.
35 Lahat ng naninirahan sa mga pulo
ay natitigilan dahil sa iyo;
at ang kanilang mga hari ay tunay na natakot,
sila'y nabagabag sa kaanyuan.
36 Pinagsutsutan ka ng mga mangangalakal sa gitna ng mga bayan;
ikaw ay dumating sa isang kakilakilabot na wakas,
at hindi ka na mabubuhay pa magpakailanman.’”
Ang Pahayag Laban sa Hari ng Tiro
28 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Sapagkat ang iyong puso ay nagmamataas,
at iyong sinabi, ‘Ako'y diyos,
ako'y nakaupo sa upuan ng mga diyos, sa pusod ng mga dagat,’
gayunman ikaw ay tao lamang, at hindi Diyos,
bagaman ginawa mo ang iyong puso
na parang puso ng Diyos.
3 Narito, ikaw ay higit na marunong kaysa kay Daniel;
walang lihim ang malilihim sa iyo;
4 sa pamamagitan ng iyong karunungan at pagkaunawa
nagkaroon ka ng mga kayamanan para sa iyong sarili,
at nakapagtipon ka ng ginto at pilak
sa iyong mga kabang-yaman;
5 sa pamamagitan ng iyong dakilang karunungan sa pangangalakal
napalago mo ang iyong kayamanan,
at ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kayamanan—
6 kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Sapagkat ginawa mo ang iyong puso
na parang puso ng Diyos,
7 kaya't ako'y magdadala ng mga dayuhan sa iyo,
ang kakilakilabot sa mga bansa;
at kanilang bubunutin ang kanilang mga tabak laban sa kagandahan ng iyong karunungan,
at kanilang durungisan ang iyong kaningningan.
8 Kanilang ibababa ka sa hukay;
at ikaw ay mamamatay ng kamatayan ng pinaslang
sa pusod ng mga dagat.
9 Sabihin mo pa kaya sa harapan nila na pumapatay sa iyo, ‘Ako'y Diyos!’
bagaman ikaw ay tao lamang at hindi Diyos,
sa kamay nila na sumusugat sa iyo?
10 Ikaw ay mamamatay ng pagkamatay ng mga hindi tuli
sa pamamagitan ng kamay ng mga dayuhan;
sapagkat ako ang nagsalita, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Panaghoy sa Hari ng Tiro
11 Bukod dito'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na sinasabi,
12 “Anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Tiro, at sabihin mo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Ikaw ang tatak ng kasakdalan,
punô ng karunungan, at sakdal sa kagandahan.
13 Ikaw ay nasa Eden na halamanan ng Diyos;
bawat mahahalagang bato ay iyong kasuotan,
ang sardio, topacio, diamante,
berilo, onix, jaspe,
zafiro, karbungko, at esmeralda;
at ang ginto at ang pagkayari ng iyong pandereta
at ng iyong mga plauta ay nasa iyo;
sa araw na ikaw ay lalangin
inihanda ang mga ito.
14 Inilagay kita na may pinahirang kerubin na nagbabantay;
ikaw ay nasa ibabaw ng banal na bundok ng Diyos;
ikaw ay naglalakad sa gitna ng mga batong apoy.
15 Ikaw ay sakdal sa iyong mga landas
mula sa araw na ikaw ay lalangin,
hanggang sa ang kasamaan ay matagpuan sa iyo.
16 Dahil sa karamihan ng iyong kalakal
ay napuno ka ng karahasan, at ikaw ay nagkasala;
kaya't inihagis kita bilang maruming bagay mula sa bundok ng Diyos,
at winasak kita, O tumatakip na kerubin
mula sa gitna ng mga batong apoy.
17 Ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kagandahan;
iyong pinasama ang iyong karunungan dahil sa iyong kaningningan.
Inihagis kita sa lupa;
aking inilantad ka sa harapan ng mga hari,
upang pagsawaan ka ng kanilang mga mata.
18 Sa pamamagitan ng karamihan ng iyong mga kasamaan,
sa kalikuan ng iyong pangangalakal,
iyong nilapastangan ang iyong mga santuwaryo;
kaya't ako'y naglabas ng apoy sa gitna mo;
tinupok ka niyon,
at ginawa kitang abo sa ibabaw ng lupa
sa paningin ng lahat ng nakakita sa iyo.
19 Silang lahat na nakakakilala sa iyo sa gitna ng mga bayan,
ay natigilan dahil sa iyo;
ikaw ay dumating sa isang kakilakilabot na wakas,
at ikaw ay hindi na mabubuhay pa.”
Ang Pahayag Laban sa Sidon
20 At(K) ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
21 “Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha sa Sidon, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanya,
22 at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
‘Narito, ako'y laban sa iyo, O Sidon,
at aking ipahahayag ang aking kaluwalhatian sa gitna mo.
At kanilang malalaman na ako ang Panginoon,
kapag ako'y naglapat ng hatol sa kanya,
at aking ipahayag ang aking kabanalan sa kanya.
23 Sapagkat ako'y magpapadala sa kanya ng salot
at dugo sa kanyang mga lansangan;
at ang mga pinatay ay mabubuwal sa gitna niya,
sa pamamagitan ng tabak na nakaumang sa kanya sa lahat ng panig,
at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
24 “At tungkol sa sambahayan ni Israel, hindi na magkakaroon pa ng tinik o dawag na mananakit sa kanila sa alinman sa nasa palibot nila na nakitungo sa kanila na may paglait. At kanilang malalaman na ako ang Panginoong Diyos.
Pagpapalain ang Israel
25 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapag aking tinipon ang sambahayan ni Israel mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan, at aking ipahayag ang aking kabanalan sa kanila sa paningin ng mga bansa, sila nga'y magsisitahan sa kanilang sariling lupain na aking ibinigay sa aking lingkod na si Jacob.
26 At sila'y maninirahang tiwasay doon, at sila'y magtatayo ng mga bahay, at magtatanim ng ubasan. Sila'y maninirahang tiwasay, kapag ako'y naglapat ng mga hatol sa lahat nilang kalapit-bayan na nakitungo sa kanila na may paglait. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Diyos.”
Ang Pahayag Laban sa Ehipto
29 Nang(L) ikalabindalawang araw ng ikasampung buwan ng ikasampung taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha laban kay Faraon na hari ng Ehipto, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanya, at laban sa buong Ehipto.
3 Magsalita ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Narito, ako'y laban sa iyo,
Faraong hari ng Ehipto,
ang malaking dragon na nakahiga sa
gitna ng kanyang mga ilog,
na nagsasabi, ‘Ang Nilo ko ay aking sarili,
at ako ang gumawa nito!’
4 Maglalagay ako ng mga pangbingwit sa iyong mga panga,
at aking padidikitin ang isda ng iyong mga ilog sa iyong mga kaliskis;
at iaahon kita mula sa gitna ng iyong mga ilog,
na kasama ng lahat ng isda ng iyong mga ilog
na dumidikit sa iyong mga kaliskis.
5 At ikaw ay aking itatapon sa ilang,
ikaw at ang lahat ng isda sa iyong mga ilog;
ikaw ay mabubuwal sa parang;
at hindi titipunin, at ililibing.
Ibinigay kita bilang pagkain sa mga hayop sa lupa,
at sa mga ibon sa himpapawid.
6 “At(M) malalaman ng lahat ng naninirahan sa Ehipto na ako ang Panginoon. Sapagkat sila'y naging tukod na tambo sa sambahayan ni Israel;
7 nang kanilang hawakan ka sa iyong kamay, iyong binali at winasak ang kanilang mga balikat. Nang sila'y sumandal sa iyo, iyong binalian at pinanginig ang lahat nilang mga balakang.
8 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, dadalhan kita ng tabak, at aking ihihiwalay sa iyo ang tao at hayop.
9 Ang lupain ng Ehipto ay magiging giba at sira; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. “Sapagkat iyong[c] sinabi, ‘Ang Nilo ay akin, at ako ang gumawa nito;’
10 kaya't narito, ako'y laban sa iyo at sa iyong mga sapa, at aking lubos na gigibain at sisirain ang lupain ng Ehipto, mula sa Migdol hanggang Syene, hanggang sa hangganan ng Etiopia.
11 Walang paa ng tao na daraan doon, o paa man ng hayop na daraan doon. Ito'y hindi tatahanan sa loob ng apatnapung taon.
12 Aking gagawing wasak ang lupain ng Ehipto sa gitna ng mga lupaing wasak; at ang kanyang mga lunsod sa gitna ng mga bansang giba ay magiging sira sa loob ng apatnapung taon. Aking pangangalatin ang mga Ehipcio sa gitna ng mga bansa, at aking pagwawatak-watakin sila sa mga lupain.
13 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa katapusan ng apatnapung taon ay aking titipunin ang mga Ehipcio mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan;
14 at aking ibabalik uli ang kapalaran ng Ehipto, at aking ibabalik sila sa lupain ng Patros, sa lupain na kanilang pinagmulan; at sila doo'y magiging isang mababang kaharian.
15 Siya'y magiging pinakamababa sa mga kaharian; at hindi na muling matataas pa nang higit kaysa mga bansa. At gagawin ko silang napakaliit na anupa't hindi na sila mamumuno sa mga bansa.
16 At ito ay hindi na muling aasahan pa ng sambahayan ni Israel, na nagpapaalala ng kanilang kasamaan, nang sila'y humingi sa kanila ng tulong. At kanilang malalaman na ako ang Panginoong Diyos.”
Masasakop ang Ehipto
17 Nang unang araw ng unang buwan ng ikadalawampu't pitong taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
18 “Anak ng tao, pinapagtrabaho nang mabigat ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia ang kanyang kawal laban sa Tiro. Bawat ulo ay kinalbo, at lahat ng balikat ay napaltos; gayunma'y wala siyang nakuhang anuman o ang kanyang hukbo man mula sa Tiro upang ipambayad sa paglilingkod na kanyang ipinaglingkod laban doon.
19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking ibibigay ang lupain ng Ehipto kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at dadalhin niya ang kanyang kayamanan. Kanyang sasamsaman ito at iyon ang magiging upa para sa kanyang hukbo.
20 Ibinigay ko sa kanya ang lupain ng Ehipto bilang ganti sa kanya dahil sa kanyang ipinaglingkod, sapagkat sila'y gumawa para sa akin, sabi ng Panginoong Diyos.
21 “Sa araw na iyon, aking palilitawin ang isang sungay upang umusli sa sambahayan ni Israel, at aking bubuksan ang iyong mga labi sa gitna nila. Kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Ang Magiging Wakas ng Ehipto
30 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, magpahayag ka ng propesiya at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Managhoy kayo, ‘Kahabag-habag ang araw na iyon!’
3 Sapagkat ang araw ay malapit na,
ang araw ng Panginoon ay malapit na;
magiging araw iyon ng mga ulap,
panahon ng kapahamakan para sa mga bansa.
4 Ang isang tabak ay darating sa Ehipto,
at ang kahirapan ay darating sa Etiopia,
kapag ang mga patay ay nabubuwal sa Ehipto;
at dinadala nila ang kanyang kayamanan,
at ang kanyang mga pundasyon ay winawasak.
5 Ang Etiopia, Put, Lud, buong Arabia, Libya, at ang mga anak ng lupain na magkakasundo, ay mabubuwal na kasama nila sa pamamagitan ng tabak.
6 “Ganito ang sabi ng Panginoon:
Ang mga tumutulong sa Ehipto ay mabubuwal,
at ang kanyang palalong kapangyarihan ay bababa;
mula sa Migdol hanggang sa Syene
mabubuwal sila roon sa pamamagitan ng tabak,
sabi ng Panginoong Diyos.
7 At sila'y mawawasak sa gitna ng mga lupaing wasak;
at ang kanyang mga lunsod ay malalagay sa gitna ng mga lunsod na giba.
8 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon,
kapag ako'y nagpaningas ng apoy sa Ehipto,
at ang lahat ng kanyang mga katulong ay nalipol.
9 “Sa araw na iyon ay lalabas ang mabibilis na mga sugo mula sa harapan ko upang takutin ang hindi naghihinalang mga taga-Etiopia; at magkakaroon ng kahirapan sa kanila sa araw ng kapahamakan ng Ehipto; sapagkat narito, ito'y dumarating!
10 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
Akin namang wawakasan ang karamihan ng Ehipto,
sa pamamagitan ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia.
11 Siya at ang kanyang bayang kasama niya, na kakilakilabot sa mga bansa,
ay ipapasok upang gibain ang lupain;
at kanilang bubunutin ang kanilang mga tabak laban sa Ehipto,
at pupunuin ng mga patay ang lupain.
12 At aking tutuyuin ang Nilo,
at aking ipagbibili ang lupain sa kamay ng masasamang tao;
at aking sisirain ang lupain at lahat ng naroon,
sa pamamagitan ng kamay ng mga dayuhan;
akong Panginoon ang nagsalita.
13 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
Aking wawasakin ang mga diyus-diyosan,
at aking wawakasan ang mga larawan sa Memfis;
at hindi na magkakaroon pa ng pinuno sa lupain ng Ehipto;
at ako'y maglalagay ng takot sa lupain ng Ehipto.
14 Aking sisirain ang Patros,
at ako'y magsusunog sa Zoan,
at maglalapat ako ng mga hatol sa Tebes.
15 Aking ibubuhos ang aking poot sa Sin,
na tanggulan ng Ehipto,
at aking ititiwalag ang karamihan ng Tebes.
16 At ako'y magpapaningas ng apoy sa Ehipto;
ang Sin ay malalagay sa malaking kadalamhatian;
at ang Tebes ay mabubutas,
at ang Memfis ay magkakaroon ng mga kahirapan sa araw-araw.
17 Ang mga binata ng On at Pi-beseth ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak;
at ang mga babae ay tutungo sa pagkabihag.
18 Sa Tafnes nama'y magdidilim ang araw,
kapag aking binasag doon ang mga pamatok ng Ehipto,
at ang kanyang palalong kapangyarihan ay magwawakas;
tatakpan siya ng ulap,
at ang kanyang mga anak na babae ay tutungo sa pagkabihag.
19 Ganito ko ilalapat ang mga kahatulan sa Ehipto.
Kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
20 Nang ikapitong araw ng unang buwan ng ikalabing-isang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
21 “Anak ng tao, aking binali ang bisig ni Faraon na hari ng Ehipto; at narito, hindi ito natalian, upang pagalingin ito, ni binalot ng tapal, upang ito ay maging malakas para humawak ng tabak.
22 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y laban kay Faraon na hari ng Ehipto, at aking babaliin ang kanyang mga bisig, ang malakas na bisig at ang nabali; at aking pababagsakin ang tabak mula sa kanyang kamay.
23 Aking pangangalatin ang mga Ehipcio sa gitna ng mga bansa, at pagwawatak-watakin ko sila sa mga lupain.
24 Aking palalakasin ang mga bisig ng hari ng Babilonia, at ilalagay ko ang aking tabak sa kanyang kamay; ngunit aking babaliin ang mga bisig ni Faraon, at siya'y dadaing sa harap niya tulad ng taong nasugatan nang malubha.
25 Aking palalakasin ang mga bisig ng hari ng Babilonia, ngunit ang mga bisig ni Faraon ay babagsak, at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. Kapag aking inilagay ang aking tabak sa kamay ng hari ng Babilonia, kanyang iuunat ito sa lupain ng Ehipto.
26 At aking pangangalatin ang mga Ehipcio sa gitna ng mga bansa at pagwawatak-watakin sila sa mga lupain. Kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Inihambing ang Ehipto sa Sedro
31 Nang unang araw ng ikatlong buwan ng ikalabing-isang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto, at sa kanyang karamihan:
“Sino ang iyong kawangis sa iyong kadakilaan?
3 Narito, tingnan mo, ikaw ay ihahambing ko sa sedro sa Lebanon,
na may magagandang sanga, at may mayabong na lilim,
at napakataas,
at ang kanyang dulo ay nasa gitna ng mayayabong na sanga.
4 Dinidilig siya ng tubig,
pinalalaki siya ng kalaliman,
ang kanyang mga ilog ay umaagos
sa palibot ng kanyang kinatataniman;
at kanyang pinaaagos ang kanyang mga tubig
sa lahat ng punungkahoy sa kagubatan.
5 Kaya't ito ay naging napakataas
at higit kaysa lahat ng punungkahoy sa gubat;
at ang kanyang mga sanga ay dumami,
at ang kanyang mga sanga ay humaba,
dahil sa saganang tubig nang kanyang pabugsuan.
6 Lahat ng ibon sa himpapawid
ay gumawa ng kanilang mga pugad sa kanyang mga sanga;
at sa ilalim ng kanyang mga sanga
ay nanganak ang lahat ng mga hayop sa parang;
at sa kanyang lilim ay nanirahan
ang lahat ng malalaking bansa.
7 Ito ay maganda sa kanyang kadakilaan,
sa haba ng kanyang mga sanga;
sapagkat ang kanyang ugat ay bumaba
hanggang sa saganang tubig.
8 Ang(N) mga sedro sa halamanan ng Diyos ay hindi makapantay sa kanya;
ni ang mga puno ng abeto ay hindi gaya ng kanyang mga sanga,
at ang mga puno ng kastano ay walang halaga
kapag inihambing sa kanyang mga sanga;
walang anumang punungkahoy sa halamanan ng Diyos
na kagaya niya sa kanyang kagandahan.
9 Pinaganda ko siya
sa karamihan ng kanyang mga sanga,
kaya't lahat ng punungkahoy sa Eden,
na nasa halamanan ng Diyos, ay nainggit sa kanya.
10 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ikaw ay nagpakataas at inilagay niya ang kanyang dulo sa gitna ng mayayabong na sanga, at ang kanyang puso ay nagmataas sa kanyang kataasan,
11 aking ibibigay siya sa kamay ng makapangyarihan sa mga bansa. Kanyang haharapin siya na gaya ng nararapat sa kanyang kasamaan. Aking pinalayas siya.
12 Ang mga dayuhan na siyang kakilakilabot sa mga bansa ang puputol sa kanya at siya'y iiwan. Sa ibabaw ng mga bundok at sa lahat ng mga libis ay malalaglag ang kanyang mga sanga, at ang kanyang mga sanga ay mababali sa tabi ng lahat ng mga ilog ng lupain; ang lahat ng tao sa lupa ay lalayo mula sa kanyang lilim at iiwan siya.
13 Sa ibabaw ng kanyang guho ay maninirahan ang lahat ng mga ibon sa himpapawid, at lahat ng mga hayop sa parang ay maninirahan sa ibabaw ng kanyang mga sanga.
14 Ito ay upang walang punungkahoy na nasa tabi ng mga tubig ang lumago ng napakataas, o maglagay man ng kanilang dulo sa gitna ng mayayabong na sanga, at walang puno na umiinom ng tubig ang makaabot sa kanilang kataasan, sapagkat silang lahat ay ibinigay na sa kamatayan, sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, sa gitna ng mga taong may kamatayan, na kasama ng nagsibaba sa hukay.
15 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapag siya'y bumaba sa Sheol ay patatangisin ko ang kalaliman dahil sa kanya, at pipigilin ko ang mga ilog niya; at ang mga malalaking ilog ay titigil. Aking daramtan ng panangis ang Lebanon dahil sa kanya at ang lahat na punungkahoy sa parang ay manlulupaypay dahil sa kanya.
16 Aking yayanigin ang mga bansa sa ugong ng kanyang pagkabuwal, aking ihahagis siya sa Sheol na kasama ng nagsibaba sa hukay; at ang lahat ng punungkahoy sa Eden, ang pili at pinakamahusay ng Lebanon, lahat ng nagsisiinom ng tubig ay maaaliw sa pinakamalalim na bahagi ng lupa.
17 Sila rin nama'y magsisibaba sa Sheol na kasama niya, sa kanila na napatay ng tabak; oo, silang naninirahan sa kanyang lilim sa gitna ng mga bansa ay mamamatay.
18 Sino sa inyo ang gaya ng punungkahoy sa Eden sa kaluwalhatian at sa kadakilaan? Ibababa ka na kasama ng mga punungkahoy sa Eden sa pinakamalalim na bahagi ng lupa. Ikaw ay hihigang kasama ng mga di-tuli, na kasama nila na napatay ng tabak.
“Ito'y si Faraon at ang lahat niyang karamihan, sabi ng Panginoong Diyos.”
Inihambing sa Buwaya ang Faraon
32 Nang unang araw ng ikalabindalawang buwan ng ikalabindalawang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, managhoy ka dahil kay Faraong hari ng Ehipto, at sabihin mo sa kanya:
“Itinuturing mo ang iyong sarili bilang isang leon sa gitna ng mga bansa,
gayunman, ikaw ay parang dragon sa mga dagat;
at ikaw ay lumitaw sa iyong mga ilog,
at nilabo mo ng iyong mga paa ang tubig,
at dinumihan mo ang kanilang mga ilog.
3 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
Aking ilaladlad ang aking lambat sa iyo
na kasama ng isang pulutong ng maraming tao;
at iaahon ka nila sa aking lambat.
4 At ihahagis kita sa lupa,
ihahagis kita sa malawak na parang,
at aking padadapuin sa iyo ang lahat ng mga ibon sa himpapawid,
at aking bubusugin sa iyo ang mga hayop ng buong lupa.
5 At aking ilalagay ang iyong laman sa ibabaw ng mga bundok,
at pupunuin ko ang mga libis ng iyong mga kataasan.
6 Aking didiligin ang lupain ng iyong dumadaloy na dugo
maging sa mga bundok;
at ang mga daan ng tubig ay mapupuno dahil sa iyo.
7 Kapag(O) ikaw ay aking inalis, aking tatakpan ang langit,
at padidilimin ko ang kanilang mga bituin;
aking tatakpan ng ulap ang araw,
at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag.
8 Lahat na maningning na liwanag sa langit
ay aking padidilimin sa iyo,
at tatakpan ko ng kadiliman ang iyong lupain,
sabi ng Panginoong Diyos.
9 “Aking guguluhin ang puso ng maraming bayan, kapag dinala kitang bihag sa gitna ng mga bansa, patungo sa mga lupain na hindi mo nalalaman.
10 Dahil sa akin, ang maraming bayan ay mamamangha sa iyo, at ang kanilang mga hari ay lubhang matatakot sa iyo, kapag ikinumpas ko ang aking tabak sa harapan nila. Sila'y manginginig bawat sandali, bawat tao dahil sa kanyang sariling buhay, sa araw ng iyong pagbagsak.
11 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang tabak ng hari ng Babilonia ay darating sa iyo.
12 Sa pamamagitan ng mga tabak ng makapangyarihan ay aking pababagsakin ang iyong karamihan, silang lahat na kakilakilabot sa mga bansa.
“Kanilang pawawalan ng halaga ang kapalaluan ng Ehipto,
at ang buong karamihan niyon ay malilipol.
13 Aking lilipulin ang lahat ng mga hayop niyon
mula sa tabi ng maraming tubig;
at hindi sila guguluhin pa ng paa ng tao,
ni guguluhin man sila ng mga kuko ng mga hayop.
14 Kung magkagayo'y aking palilinawin ang kanilang tubig,
at aking paaagusin ang kanilang mga ilog na parang langis, sabi ng Panginoong Diyos.
15 Kapag aking ginawang giba ang lupain ng Ehipto,
at kapag ang lupain ay nawalan ng kanyang laman,
kapag aking sasaktan silang lahat na nagsisitahan doon,
kung magkagayon ay kanila ngang malalaman na ako ang Panginoon.
16 Ito ang panaghoy na kanilang itataghoy; itataghoy ito ng mga anak na babae ng mga bansa; sa Ehipto, at sa lahat ng kanyang karamihan ay itataghoy nila ito, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Daigdig ng mga Patay
17 Nang ikalabinlimang araw ng unang buwan ng ikalabindalawang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
18 “Anak ng tao, iyakan mo ang karamihan ng Ehipto, at ibaba mo ito, siya at ang mga anak na babae ng mga makapangyarihang bansa, hanggang sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, na kasama ng mga bumaba sa hukay.
19 ‘Sinong dinadaig mo sa kagandahan?
Bumaba ka, at malagay kang kasama ng mga di-tuli.’
20 Sila'y mabubuwal sa gitna nila na napatay ng tabak, at kasama niya ang lahat niyang karamihan.
21 Ang mga makapangyarihang pinuno ay magsasalita tungkol sa kanila, na kasama ng mga tumulong sa kanila, mula sa gitna ng Sheol. ‘Sila'y nagsibaba, sila'y nakatigil, samakatuwid ay ang mga hindi tuli na napatay ng tabak.’
22 “Ang Asiria ay naroon at ang buo niyang pulutong; ang kanyang mga libingan ay nasa palibot niya, silang lahat na napatay, na nabuwal sa pamamagitan ng tabak;
23 na ang mga libingan ay nakalagay sa pinakamalalim na bahagi ng hukay, at ang kanyang pulutong ay nasa palibot ng kanyang libingan; silang lahat na napatay, na nabuwal sa pamamagitan ng tabak, na naghasik ng takot sa lupain ng buháy.
24 “Naroon ang Elam at ang buo niyang karamihan sa palibot ng kanyang libingan; silang lahat na napatay na nabuwal sa pamamagitan ng tabak, na nagsibabang hindi mga tuli sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, na naghasik ng takot sa kanila sa lupain ng buháy, at dinala ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay.
25 Kanilang iginawa ang Elam[d] ng higaan sa gitna ng mga napatay na kasama ang lahat niyang karamihan, ang kanilang mga libingan ay nasa palibot niya, silang lahat na di-tuli na napatay sa pamamagitan ng tabak. Ang pagkatakot sa kanila ay ikinalat sa lupain ng buháy, at dinala nila ang kanilang kahihiyan na kasama ng mga bumaba sa hukay. Sila'y inilagay na kasama ng mga napatay.
26 “Naroon ang Meshec at Tubal, at ang lahat nilang karamihan. Ang mga libingan nila ay nasa palibot niya, silang lahat na hindi tuli, na napatay sa pamamagitan ng tabak; sapagkat sila'y naghasik ng takot sa lupain ng buháy.
27 At sila'y hindi humigang kasama ng makapangyarihang lalaki nang una na nabuwal na nagsibaba sa Sheol na dala ang kanilang mga sandatang pandigma, na ang kanilang mga tabak ay inilagay sa ilalim ng kanilang mga ulo, ngunit ang parusa para sa kanilang kasamaan ay nasa kanilang mga buto; sapagkat ang pagkatakot sa mga makapangyarihang lalaki ay nasa lupain ng buháy.
28 Ngunit ikaw ay mabubuwal sa gitna ng mga di-tuli, kasama nila na napatay sa pamamagitan ng tabak.
29 “Naroon ang Edom, ang kanyang mga hari at lahat niyang mga pinuno, na sa kanilang kapangyarihan ay nahiga na kasama ng napatay ng tabak. Sila'y humigang kasama ng mga di-tuli, at niyong nagsibaba sa hukay.
30 “Naroon ang mga pinuno sa hilaga, silang lahat, at lahat ng mga taga-Sidon, sa kabila ng lahat ng takot na ibinunga ng kanilang kapangyarihan ay nagsibabang may kahihiyan na kasama ng patay. Sila'y nahigang hindi tuli na kasama ng napatay sa pamamagitan ng tabak, at taglay ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay.
31 “Kapag nakita sila ni Faraon, aaliwin niya ang sarili dahil sa lahat niyang karamihan—si Faraon at ng buo niyang hukbo na napatay ng tabak, sabi ng Panginoong Diyos.
32 Bagama't naghasik ako ng takot sa kanya sa lupain ng buháy; at siya'y ihihiga sa gitna ng mga di-tuli, na kasama ng napatay ng tabak, si Faraon at ang karamihan niya, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Tungkulin ng Bantay(P)
33 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, magsalita ka sa iyong mga kababayan, at sabihin mo sa kanila, Kapag aking dinala ang tabak sa lupain, at ang taong-bayan ng lupain ay kumuha ng isang lalaki sa gitna nila bilang bantay nila;
3 at kung makita ng bantay na dumarating ang tabak sa lupain at kanyang hipan ang trumpeta at bigyan ng babala ang taong-bayan;
4 sinumang makarinig ng tunog ng trumpeta at hindi pinansin ang babala, at ang tabak ay dumating at mapatay siya, ang kanyang dugo ay mapapasa-kanyang sariling ulo.
5 Narinig niya ang tunog ng trumpeta at hindi niya pinansin; ang kanyang dugo ay sasakanya. Ngunit kung kanyang pinansin, ay nailigtas sana niya ang kanyang buhay.
6 Ngunit kung makita ng bantay na dumarating ang tabak at hindi humihip ng trumpeta, at ang taong-bayan ay hindi nabigyan ng babala, at ang tabak ay dumating, at pinatay ang sinuman sa kanila; ang taong iyon ay kinuha sa kanyang kasamaan, ngunit ang kanyang dugo ay sisingilin ko sa kamay ng bantay.
7 “Kaya't ikaw, anak ng tao, inilagay kitang bantay sa sambahayan ni Israel; tuwing maririnig mo ang salita mula sa aking bibig, bigyan mo sila ng babala mula sa akin.
8 Kapag aking sinabi sa masama, O masamang tao, ikaw ay tiyak na mamamatay, at ikaw ay hindi nagsalita upang bigyang babala ang masama sa kanyang lakad, ang masamang iyon ay mamamatay sa kanyang kasamaan, ngunit ang kanyang dugo ay sisingilin ko sa iyong kamay.
9 Ngunit kung iyong bigyan ng babala ang masama upang tumalikod sa kanyang lakad at hindi siya tumalikod sa kanyang lakad, mamamatay siya sa kanyang kasamaan, ngunit iniligtas mo ang iyong buhay.
Tungkulin ng Bawat Isa
10 “At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang iyong sinabi: ‘Ang aming mga pagsuway at mga kasalanan ay nasa amin, at nanghihina kami dahil sa mga ito; paano ngang kami ay mabubuhay?’
11 Sabihin mo sa kanila, Kung paanong buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, wala akong kasiyahan sa kamatayan ng masama, kundi ang masama ay tumalikod sa kanyang lakad at mabuhay. Manumbalik kayo, manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad; sapagkat bakit kayo mamamatay, O sambahayan ni Israel?
12 At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa iyong bayan, Ang pagiging matuwid ng taong matuwid ay hindi makapagliligtas sa kanya sa araw ng kanyang pagsuway. At tungkol sa kasamaan ng taong masama, hindi siya mabubuwal sa pamamagitan niyon kapag siya'y tumalikod sa kanyang kasamaan; at ang matuwid ay hindi mabubuhay sa kanyang pagiging matuwid kapag siya'y nagkakasala.
13 Bagaman aking sinabi sa matuwid na siya'y tiyak na mabubuhay; gayunma'y kung siya'y nagtitiwala sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan, anuman sa kanyang matutuwid na gawa ay hindi aalalahanin; kundi sa kasamaan na kanyang nagawa ay mamamatay siya.
14 Ngunit, bagaman aking sinabi sa masama, ‘Ikaw ay tiyak na mamamatay;’ ngunit kung iwan niya ang kanyang kasalanan, at gawin ang ayon sa katarungan at katuwiran;
15 kung isauli ng masama ang sangla, ibalik ang kinuha sa pagnanakaw, at lumakad sa tuntunin ng buhay, na di gumagawa ng kasamaan, siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.
16 Wala sa alinman sa mga kasalanan na kanyang nagawa ang aalalahanin laban sa kanya; kanyang ginawa ang ayon sa katarungan at katuwiran; siya'y tiyak na mabubuhay.
17 “Gayunma'y sinasabi ng iyong bayan, ‘Ang daan ng Panginoon ay hindi makatarungan;’ gayong ang kanilang daan ang hindi makatarungan.
18 Kapag iniwan ng matuwid ang kanyang pagiging matuwid, at gumawa ng kasamaan, kanyang ikamamatay iyon.
19 Kung tumalikod ang masama sa kanyang kasamaan, at gawin ang ayon sa katarungan at katuwiran, kanyang ikabubuhay iyon.
20 Gayunma'y inyong sinasabi, ‘Ang daan ng Panginoon ay hindi makatarungan.’ O sambahayan ni Israel, aking hahatulan ang bawat isa sa inyo ayon sa kanyang mga lakad.”
Ang Pagbagsak ng Jerusalem
21 Nang(Q) ikalimang araw ng ikasampung buwan ng ikalabindalawang taon ng ating pagkabihag, isang tao na nakatakas mula sa Jerusalem ang dumating sa akin, at nagsabi, “Ang lunsod ay bumagsak.”
22 Ang kamay ng Panginoon ay sumaakin nang kinagabihan bago dumating ang nakatakas. At binuksan niya ang aking bibig kinaumagahan nang panahong dumating sa akin ang nakatakas. Kaya't ang aking bibig ay nabuksan at hindi na ako pipi.
Ang Kasamaan ng mga Tao
23 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
24 “Anak ng tao, ang mga naninirahan sa mga gibang dakong iyon ng lupain ng Israel ay patuloy na nagsasabi, ‘Si Abraham ay iisa lamang, ngunit kanyang naging pag-aari ang lupain. Ngunit tayo'y marami; ang lupain ay tiyak na ibinigay sa atin upang angkinin!’
25 Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kayo'y nagsisikain ng lamang may dugo, at itinataas ninyo ang inyong mga mata sa inyong mga diyus-diyosan, at nagpapadanak ng dugo; inyo bang aariin ang lupain?
26 Kayo'y nagtitiwala sa tabak, kayo'y gumagawa ng kasuklamsuklam, at dinudungisan ng bawat isa sa inyo ang asawa ng kanyang kapwa; inyo bang aariin ang lupain?
27 Sabihin mo ang ganito sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kung paanong ako'y nabubuhay, tiyak na yaong mga nasa sirang dako ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak, at siyang nasa parang ay ibibigay ko sa mga hayop upang lamunin; at silang nasa mga muog at sa mga yungib ay mamamatay sa salot.
28 Aking gagawing wasak at giba ang lupain, at ang kanyang palalong kapangyarihan ay magwawakas, at ang mga bundok ng Israel ay masisira anupa't walang daraan doon.
29 Kung magkagayo'y malalaman nila na ako ang Panginoon, kapag aking ginawang wasak at giba ang lupain dahil sa lahat nilang kasuklamsuklam na ginawa.
Ang Bunga ng Pahayag ng Propeta
30 “At tungkol sa iyo, anak ng tao, ang iyong bayan na sama-samang nag-uusap tungkol sa iyo sa tabi ng mga pader at sa mga pintuan ng mga bahay, na nagsasabi sa bawat isa sa kanyang kapatid, ‘Pumarito ka, at pakinggan mo kung ano ang salita na nanggagaling sa Panginoon.’
31 Dumating sila sa iyo na gaya ng pagdating ng bayan, at sila'y nagsisiupo sa harapan mo na gaya ng aking bayan, at kanilang dinirinig ang iyong mga salita, ngunit hindi nila ginagawa. Sapagkat sa pamamagitan ng kanilang mga labi ay nagpapakita sila ng malaking pag-ibig, ngunit ang kanilang puso ay nasa kanilang pakinabang.
32 Narito, ikaw ay parang umaawit sa kanila ng mga awit ng pag-ibig na may magandang tinig, nakatutugtog na mabuti sa panugtog; kanilang naririnig ang iyong sinasabi, ngunit hindi nila iyon gagawin.
33 At kapag ito'y nangyari,—at ito'y darating—kanilang malalaman na isang propeta ang napasa gitna nila.”
Pahayag Laban sa mga Pinuno ng Israel
34 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, magsalita ka ng propesiya laban sa mga pastol ng Israel, magsalita ka ng propesiya, at iyong sabihin sa mga pastol, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang mga pastol ng Israel na pinakakain ang kanilang sarili! Hindi ba dapat pakainin ng mga pastol ang mga tupa?
3 Kayo'y kumakain ng taba, at kayo'y nagsusuot ng lana, inyong pinapatay ang mga pinataba, ngunit hindi ninyo pinakakain ang mga tupa.
4 Hindi ninyo pinalakas ang payat, hindi ninyo pinagaling ang maysakit, o inyo mang tinalian ang may pilay, o inyo mang ibinalik ang naligaw, o inyo mang hinanap ang nawala, kundi inyong pinamumunuan sila na may karahasan at kalupitan.
5 Kaya't(R) sila'y nangalat dahil sa walang pastol, at sila'y naging pagkain sa lahat ng mababangis na hayop sa parang, at nangalat.
6 Ang aking mga tupa ay nangalat, sila'y nagsilaboy sa lahat ng bundok, at sa bawat mataas na burol. Ang aking mga tupa ay nangalat sa buong ibabaw ng lupa, at walang naghanap o nagmalasakit sa kanila.
7 “Kaya't kayong mga pastol, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon:
8 Kung paanong ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, sapagkat ang aking mga tupa ay naging biktima, at ang aking mga tupa ay naging pagkain ng lahat ng mababangis na hayop, dahil sa walang pastol, at sapagkat hindi hinanap ng aking mga pastol ang aking mga tupa, kundi ang mga pastol ay nagsikain, at hindi pinakain ang aking mga tupa;
9 kaya't kayong mga pastol, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon:
10 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Narito, ako'y laban sa mga pastol. Aking aalisin ang aking mga tupa sa kanilang kamay, at akin silang patitigilin sa pagpapakain sa mga tupa. Hindi na pakakainin ng mga pastol ang kanilang sarili. Aking ililigtas ang aking mga tupa sa kanilang mga bibig upang huwag silang maging pagkain nila.
Ang Mabuting Pastol
11 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa, at aking pagmamalasakitan sila.
12 Kung paanong hinahanap ng pastol ang kanyang kawan kapag ang ilan sa kanyang mga tupa ay nangangalat, gayon ko hahanapin ang aking mga tupa; at ililigtas ko sila sa lahat ng dako na kanilang pinangalatan sa araw na maulap at makapal na kadiliman.
13 Aking ilalabas sila sa mga bayan, titipunin ko sila mula sa mga lupain, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain. Pakakainin ko sila sa mga bundok ng Israel, sa tabi ng mga bukal ng tubig, at sa lahat na tinatahanang dako sa lupain.
14 Aking pakakainin sila sa mabuting pastulan, at ang matataas na bundok ng kataasan ng Israel ang kanilang magiging pastulan. Doo'y mahihiga sila sa mabuting lupaing pastulan, at sa matabang pastulan ay manginginain sila sa mga bundok ng Israel.
15 Ako mismo ang magiging pastol ng aking mga tupa at sila'y dadalhin ko sa kapahingahan, sabi ng Panginoong Diyos.
16 Aking hahanapin ang nawala at ibabalik ang naligaw, tatalian ang nabalian, at palalakasin ang mahihina, ngunit aking lilipulin ang mataba at malakas. Aking pakakainin sila ng kahatulan.
17 “At tungkol sa inyo, aking kawan, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako'y hahatol sa pagitan ng tupa at tupa, sa pagitan ng mga lalaking tupa at mga lalaking kambing.
18 Hindi pa ba sapat sa inyo na kumain sa mabuting pastulan, kundi dapat pa ninyong tapakan ng inyong mga paa ang nalabi sa inyong pastulan? Kapag umiinom kayo ng malinaw na tubig, dapat pa ba ninyong parumihin ng inyong mga paa ang nalabi?
19 At dapat bang kainin ng aking mga tupa ang niyapakan ng inyong mga paa, at kanilang inumin ang dinumihan ng inyong mga paa?
20 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa kanila: Narito, ako, samakatuwid baga'y ako ang hahatol sa matabang tupa at sa payat na tupa.
21 Sapagkat inyong itinutulak ng tagiliran at ng balikat, at inyong sinusuwag ng inyong mga sungay ang lahat ng may sakit, hanggang sa inyong maikalat sila.
22 Aking ililigtas ang aking kawan, at hindi na sila magiging biktima; at ako ang hahatol sa pagitan ng mga tupa.
23 Ako'y(S) maglalagay ng isang pastol sa kanila, ang aking lingkod na si David, at kanyang pakakainin sila. Kanyang pakakainin sila at siya'y magiging kanilang pastol.
24 At akong(T) Panginoon ay magiging kanilang Diyos, at ang aking lingkod na si David ay magiging pinuno nila; akong Panginoon ang nagsalita.
25 “Ako'y makikipagtipan sa kanila ng tipan ng kapayapaan, at aking aalisin ang mababangis na hayop sa lupain; at sila'y maninirahang tiwasay sa ilang, at matutulog sa mga kakahuyan.
26 Aking gagawing mapapalad sila at ang mga dakong nasa palibot ng aking burol. Aking pababagsakin ang ulan sa kapanahunan; sila'y magiging ulan ng pagpapala.
27 Ang punungkahoy sa parang ay magbubunga, ang lupa'y magbibigay ng kanyang pakinabang, at sila'y magiging tiwasay sa kanilang lupain. Kanilang malalaman na ako ang Panginoon, kapag aking pinutol ang bakal ng kanilang pamatok, at aking nailigtas sila sa kamay ng mga umalipin sa kanila.
28 Sila'y hindi na magiging biktima ng mga bansa, o lalamunin man sila ng hayop sa lupa; kundi sila'y maninirahang tiwasay at walang mananakot sa kanila.
29 Aking pagkakalooban sila ng masasaganang pananim at sila'y hindi na malilipol pa ng taggutom sa lupain, o magdaranas pa man ng pagkutya ng mga bansa.
30 At kanilang malalaman na akong Panginoon nilang Diyos ay kasama nila, at sila na sambahayan ni Israel ay aking bayan, sabi ng Panginoong Diyos.
31 Kayo'y mga tupa ko, mga tupa ng aking bayan, at ako'y inyong Diyos, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Parusa ng Diyos sa Edom
35 Bukod(U) dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, humarap ka sa bundok ng Seir, at magsalita ka ng propesiya laban doon.
3 Sabihin mo roon, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y laban sa iyo, O bundok ng Seir, at aking iuunat ang aking kamay laban sa iyo, at gagawin kitang sira at wasak.
4 Aking gigibain ang iyong mga bayan, at ikaw ay magiging wasak; at iyong malalaman na ako ang Panginoon.
5 Sapagkat ikaw ay nag-iingat ng isang matagal nang pakikipag-away, at ibinigay mo ang mga anak ni Israel sa kapangyarihan ng tabak sa kapanahunan ng kanilang kapahamakan, sa kapanahunan ng kanilang huling kaparusahan.
6 Kaya't kung paanong ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, aking ihahanda ka sa dugo, at hahabulin ka ng dugo. Sapagkat ikaw ay nagkasala sa dugo, kaya't hahabulin ka ng dugo.
7 Ang bundok ng Seir ay gagawin kong wasak at sira; at aking aalisin sa kanya ang lahat ng dumarating at umaalis.
8 At aking pupunuin ang iyong mga bundok ng mga napatay. Sa iyong mga burol at sa iyong mga libis at sa lahat mong mga bangin ay mabubuwal sila na napatay ng tabak.
9 Ikaw ay gagawin kong palagiang kasiraan, at ang iyong mga lunsod ay hindi tatahanan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
10 “Sapagkat iyong sinabi, ‘Ang dalawang bansang ito, at ang dalawang lupaing ito ay magiging akin, at aming aariin;’ bagaman kinaroroonan ng Panginoon.
11 Kaya't kung paanong buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, papakitunguhan kita ayon sa galit at sa inggit na iyong ipinakita dahil sa iyong pagkapoot laban sa kanila. At ako'y magpapakilala sa gitna nila kapag aking hahatulan ka.
12 Iyong malalaman na akong Panginoon ay nakarinig ng lahat mong panlalait na iyong sinabi laban sa mga bundok ng Israel, na sinasabi, ‘Sinira ang mga iyon, ibinigay sa atin bilang pagkain.’
13 At kayo'y nagmalaki laban sa akin sa pamamagitan ng inyong bibig, at inyong pinarami ang inyong mga salita laban sa akin; aking narinig iyon.
14 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Habang ang buong lupa ay nagagalak, aking wawasakin ka.
15 Kung paanong ikaw ay nagalak sa mana ng sambahayan ni Israel, sapagkat nawasak iyon, gayon ang gagawin ko sa iyo; ikaw ay mawawasak, O bundok ng Seir, at buong Edom, lahat ng ito. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001