Bible in 90 Days
1 Ang(A) pangitain ni Isaias na anak ni Amoz, na kanyang nakita tungkol sa Juda at Jerusalem, sa mga araw nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias, mga hari ng Juda.
Ang Sumbat sa Bayan ng Diyos
2 Dinggin mo, O langit, at pakinggan mo, O lupa,
sapagkat nagsalita ang Panginoon:
“Ako'y nag-alaga at nagpalaki ng mga anak,
ngunit sila'y naghimagsik laban sa akin.
3 Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon,
at ng asno ang sabsaban ng kanyang panginoon
ngunit ang Israel ay hindi nakakakilala,
ang bayan ko ay hindi nakakaunawa.”
4 Ah, bansang makasalanan,
bayang punô ng kasamaan,
anak ng mga gumagawa ng kasamaan,
mga anak na gumagawa ng kabulukan!
Tinalikuran nila ang Panginoon,
hinamak nila ang Banal ng Israel,
sila'y lubusang naligaw.
5 Bakit kayo'y hahampasin pa,
na kayo'y patuloy sa paghihimagsik?
Ang buong ulo ay may sakit,
at ang buong puso ay nanghihina.
6 Mula sa talampakan ng paa hanggang sa ulo
ay walang kagalingan,
kundi mga sugat, mga galos,
at sariwang latay;
hindi pa naaampat, o natalian man,
o napalambot man ng langis.
7 Ang inyong lupain ay giba,
ang inyong mga lunsod ay tupok ng apoy;
ang inyong lupain ay nilalamon ng mga dayuhan sa inyong harapan;
iyon ay giba, tulad nang winasak ng mga dayuhan.
8 At ang anak na babae ng Zion ay naiwang parang kubol sa isang ubasan,
parang kubo sa taniman ng mga pipino,
parang lunsod na nakubkob.
9 Malibang(B) ang Panginoon ng mga hukbo
ay mag-iwan sa atin ng ilang nakaligtas
naging gaya sana tayo ng Sodoma,
at naging gaya sana tayo ng Gomorra.
10 Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon,
kayong mga pinuno ng Sodoma!
Makinig kayo sa kautusan ng ating Diyos,
kayong bayan ng Gomorra!
11 “Ano(C) sa akin ang dami ng inyong mga handog?
sabi ng Panginoon;
punô na ako sa mga lalaking tupa na handog na sinusunog,
at ang taba ng mga pinatabang baka;
at ako'y hindi nalulugod sa dugo ng mga toro,
mga kordero at ng mga kambing na lalaki.
12 “Nang kayo'y dumating upang tingnan ang aking mukha,
sinong humiling nito mula sa inyong kamay
na inyong yurakan ang aking mga bulwagan?
13 Huwag na kayong magdala ng mga walang kabuluhang alay;
ang insenso ay karumaldumal sa akin.
Ang bagong buwan, ang Sabbath, at ang pagtawag ng mga kapulungan—
hindi ko na matiis ang kasamaan at ang banal na pagpupulong.
14 Ang aking kaluluwa ay namumuhi sa inyong mga bagong buwan at sa inyong mga takdang kapistahan,
ang mga iyan ay pasanin para sa akin.
Ako'y pagod na sa pagpapasan ng mga iyan.
15 Kapag inyong iniunat ang inyong mga kamay,
ikukubli ko ang aking mga mata sa inyo;
kahit na marami ang inyong panalangin,
hindi ako makikinig;
ang inyong mga kamay ay punô ng dugo.
16 Maghugas kayo ng inyong sarili, maglinis kayo;
alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa
sa aking paningin;
tumigil kayo sa paggawa ng kasamaan,
17 matuto kayong gumawa ng mabuti;
inyong hanapin ang katarungan,
inyong ituwid ang paniniil;
inyong ipagtanggol ang mga ulila,
ipaglaban ninyo ang babaing balo.
18 “Pumarito kayo ngayon, at tayo'y mangatuwiran sa isa't isa,
sabi ng Panginoon:
bagaman ang inyong mga kasalanan ay tulad ng matingkad na pula,
ang mga ito'y magiging mapuputi na parang niyebe;
bagaman ito'y mapulang-mapula,
ang mga ito'y magiging parang balahibo ng tupa.
19 Kung kayo'y sasang-ayon at magiging masunurin,
kayo'y kakain ng mabubuting bagay ng lupain;
20 ngunit kung kayo'y magsitanggi at maghimagsik,
kayo'y lalamunin ng tabak;
sapagkat ang bibig ng Panginoon ang nagsalita.”
Ang Makasalanang Lunsod
21 Paanong ang tapat na lunsod
ay naging upahang babae,[a]
siya na puspos ng katarungan!
Ang katuwiran ay tumatahan sa kanya,
ngunit ngayo'y mga mamamatay-tao.
22 Ang iyong pilak ay naging dumi,
ang iyong alak ay nahaluan ng tubig.
23 Ang iyong mga pinuno ay mga rebelde,
at kasama ng mga mapaghimagsik.
Bawat isa'y nagnanais ng mga suhol,
at naghahangad ng mga regalo.
Hindi nila ipinagtatanggol ang ulila,
o nakakarating man sa kanila ang usapin ng babaing balo.
24 Kaya't ang Panginoon, Diyos ng mga hukbo, ang Makapangyarihan ng Israel, ay nagsasabi,
“Ah, aking ibubuhos ang aking poot sa aking mga kaaway,
at maghihiganti ako sa aking mga kaaway.
25 Aking ibabaling ang aking kamay laban sa iyo,
at aking sasalaing lubos ang iyong dumi tulad ng lihiya,
at aalisin ko ang lahat ng iyong tingga.
26 At aking ibabalik ang iyong mga hukom na gaya ng una,
at ang iyong mga tagapayo na tulad ng pasimula.
Pagkatapos ay tatawagin kang lunsod ng katuwiran,
ang tapat na lunsod.”
27 Ang Zion ay tutubusin ng katarungan,
at ang kanyang mga nanunumbalik sa pamamagitan ng katuwiran.
28 Ngunit magkasamang lilipulin ang mga mapaghimagsik at mga makasalanan,
at silang tumalikod sa Panginoon ay magwawakas.
29 Ngunit ikahihiya mo ang mga punungkahoy
na inyong kinagigiliwan;
at kayo'y mapapahiya dahil sa inyong piniling mga halamanan.
30 Sapagkat kayo'y magiging parang kahoy[b]
na ang dahon ay nalalanta,
at parang halamanan na walang tubig.
31 Ang malakas ay magiging parang bagay na madaling masunog,
at ang kanyang gawa ay parang kislap,
at kapwa sila magliliyab
at walang papatay sa apoy.
Kapayapaang Walang Hanggan(D)
2 Ang salita na nakita ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem.
2 At mangyayari sa mga huling araw,
na ang bundok ng bahay ng Panginoon
ay matatatag bilang pinakamataas sa mga bundok,
at itataas sa ibabaw ng mga burol;
at lahat ng bansa ay pupunta roon.
3 Maraming tao ang darating at magsasabi:
“Halina kayo, at tayo'y umahon sa bundok ng Panginoon,
sa bahay ng Diyos ni Jacob;
upang turuan niya tayo ng kanyang mga daan,
at tayo'y lumakad sa kanyang mga landas.”
Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang tagubilin,
at ang salita ng Panginoon mula sa Jerusalem.
4 Kanyang(E) hahatulan ang mga bansa,
at magpapasiya para sa maraming tao;
at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod,
at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit;
ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa,
o matututo pa ng pakikipagdigma.
5 O sambahayan ni Jacob,
halikayo at tayo'y lumakad
sa liwanag ng Panginoon.
Wawakasan ang Kapalaluan
6 Sapagkat tinanggihan mo ang iyong bayan,
ang kay Jacob na sambahayan,
sapagkat sila'y punô ng mga manghuhula mula sa silangan,
at mga mangkukulam na gaya ng mga Filisteo,
at sila'y nakikipagkamay sa mga anak ng mga dayuhan.
7 Ang kanilang lupain naman ay punô ng pilak at ginto,
at walang katapusan ang kanilang mga kayamanan;
ang kanila namang lupain ay punô ng mga kabayo,
at ang kanilang mga karwahe ay wala ring katapusan.
8 Ang kanilang lupain ay punô ng mga diyus-diyosan;
kanilang sinasamba ang gawa ng kanilang mga kamay,
na ginawa ng kanilang sariling mga daliri.
9 Kaya't ang tao ay hinahamak
at ang mga tao ay ibinababa—
huwag mo silang patawarin!
10 Pumasok(F) ka sa malaking bato,
at magkubli ka sa alabok,
mula sa pagkatakot sa Panginoon
at sa karangalan ng kanyang kamahalan.
11 Ang mga tinging mapagmataas ng tao ay ibababa,
at ang kapalaluan ng mga tao ay pangungumbabain,
at ang Panginoon lamang ang itataas
sa araw na iyon.
12 Sapagkat may araw ang Panginoon ng mga hukbo
laban sa lahat ng palalo at mapagmataas,
laban sa lahat ng itinaas at ito'y ibababa;
13 laban sa lahat ng sedro ng Lebanon,
na matayog at mataas;
at laban sa lahat ng ensina ng Basan;
14 laban sa lahat ng matataas na bundok,
at laban sa lahat ng mga burol na matayog,
15 laban sa bawat matayog na tore,
at laban sa bawat matibay na pader,
16 laban sa lahat ng mga sasakyang-dagat ng Tarsis,
at laban sa lahat ng magagandang barko.
17 At ang kahambugan ng tao ay hahamakin,
at ang pagmamataas ng mga tao ay ibababa;
at ang Panginoon lamang ang itataas sa araw na iyon.
18 Ang mga diyus-diyosan ay mapapawing lubos.
19 Ang mga tao ay papasok sa mga yungib ng malalaking bato,
at sa mga butas ng lupa,
sa harapan ng pagkatakot sa Panginoon,
at sa karangalan ng kanyang kamahalan,
kapag siya'y bumangon upang yanigin ang lupa.
20 Sa araw na iyon ay ihahagis ng mga tao
ang kanilang mga diyus-diyosang pilak, at ang kanilang mga diyus-diyosang ginto,
na kanilang ginawa upang sambahin,
sa mga daga at mga paniki;
21 upang pumasok sa mga siwang ng malalaking bato,
at sa mga bitak ng mga bangin,
sa harapan ng pagkatakot sa Panginoon,
at sa karangalan ng kanyang kamahalan,
kapag siya'y bumangon upang yanigin ang lupa.
22 Layuan ninyo ang tao,
na ang hinga ay nasa kanyang ilong,
sapagkat ano siya para pahalagahan?
Kaguluhan sa Jerusalem
3 Sapagkat, inaalis ng Makapangyarihan, ng Panginoon ng mga hukbo,
sa Jerusalem at sa Juda
ang panustos at tungkod,
ang lahat na panustos na tinapay
at ang lahat na panustos na tubig;
2 ang magiting na lalaki at ang mandirigma
ang hukom at ang propeta,
ang manghuhula at ang matanda;
3 ang kapitan ng limampu,
at ang marangal na tao,
ang tagapayo, at ang bihasang salamangkero,
at ang dalubhasa sa pag-eengkanto.
4 Gagawin kong pinuno nila ang mga batang lalaki,
at ang mga sanggol ang mamumuno sa kanila.
5 Aapihin ng mga tao ang isa't isa,
bawat isa'y ang kanyang kapwa,
ang kabataan ay magpapalalo laban sa matanda
at ang hamak laban sa marangal.
6 Kapag hinawakan ng lalaki ang kanyang kapatid
sa bahay ng kanyang ama, na nagsasabi:
“Ikaw ay may damit,
ikaw ay maging aming pinuno,
at ang wasak na ito
ay mapapasailalim ng iyong pamamahala”;
7 sa araw na iyon ay magsasalita siya na nagsasabi:
“Hindi ako magiging tagapagpagaling;
sa aking bahay ay wala kahit tinapay o damit man;
huwag ninyo akong gawing
pinuno ng bayan.”
8 Sapagkat ang Jerusalem ay giba,
at ang Juda ay bumagsak;
sapagkat ang kanilang pananalita at ang kanilang mga gawa ay laban sa Panginoon,
na nilalapastangan ang kanyang maluwalhating presensiya.
9 Ang kanilang pagtatangi ng mga tao ay sumasaksi laban sa kanila;
at kanilang ipinahahayag ang kanilang mga kasalanan na gaya ng Sodoma,
hindi nila ikinukubli ito.
Kahabag-habag sila!
Sapagkat sila'y nagdala ng kasamaan sa kanilang sarili.
10 Sabihin ninyo sa matuwid, na iyon ay sa ikabubuti nila,
sapagkat sila'y kakain ng bunga ng kanilang mga gawa.
11 Kahabag-habag ang masama! Ikasasama nila iyon,
sapagkat ang ginawa ng kanyang mga kamay ay gagawin sa kanya.
12 Tungkol sa aking bayan, mga bata ang nang-aapi sa kanila,
at ang mga babae ang namumuno sa kanila.
O bayan ko, inililigaw kayo ng inyong mga pinuno,
at ginugulo ang daan ng iyong mga landas.
Hinatulan ang Kanyang Bayan
13 Ang Panginoon ay tumayo upang magsanggalang,
kinuha niya ang kanyang lugar upang ang kanyang bayan ay hatulan.
14 Ang Panginoon ay papasok sa paghatol
kasama ng matatanda at mga pinuno ng kanyang bayan:
“Kayo ang lumamon ng ubasan,
ang samsam ng mga dukha ay nasa inyong mga bahay.
15 Anong ibig ninyong sabihin na inyong dinudurog ang aking bayan,
at ginigiling ang mukha ng mga dukha?” sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo.
Babala sa Kababaihan ng Jerusalem
16 Sinabi ng Panginoon:
Sapagkat ang mga anak na babae ng Zion ay mapagmataas,
at nagsisilakad na may naghahabaang mga leeg,
at mga matang nagsisiirap,
na lumalakad na pakendeng-kendeng habang humahayo,
at ipinapadyak ang kanilang mga paa;
17 kaya't sasaktan ng Panginoon
ang bao ng ulo ng mga anak na babae ng Zion,
at ilalantad ng Panginoon ang kanilang mga lihim na bahagi.
18 Sa araw na iyon ay aalisin ng Panginoon ang mga hiyas ng kanilang mga paa, at ang mga hiyas ng ulo, at ang mga pahiyas na may hugis ng kalahating buwan;
19 ang mga kuwintas, ang mga pulseras, at ang mga belo;
20 ang mga laso ng buhok, ang mga palamuti sa braso, ang mga pamigkis, ang mga sisidlan ng pabango, at ang mga anting-anting,
21 ang mga singsing, ang mga hiyas na pang-ilong;
22 ang mga damit na pamista, ang mga balabal, ang mga kapa, ang mga pitaka;
23 ang maninipis na kasuotan, ang pinong lino, ang mga turbante, at ang mga belo.
24 Sa halip na maiinam na pabango ay kabulukan;
at sa halip na pamigkis ay lubid;
at sa halip na ayos na buhok ay kakalbuhan;
at sa halip na pamigkis na maganda ay pamigkis na damit-sako;
kahihiyan sa halip na kagandahan.
25 Ang iyong mga lalaki ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak,
at ang iyong magigiting ay sa pakikipagdigma.
26 At ang kanyang mga pintuan ay tataghoy at tatangis;
at siya'y wasak na uupo sa ibabaw ng lupa.
4 Pitong babae ang hahawak sa isang lalaki sa araw na iyon, na magsasabi, “Kami ay kakain ng aming sariling tinapay at magsusuot ng aming sariling kasuotan, hayaan mo lamang na tawagin kami sa iyong pangalan; alisin mo ang aming kahihiyan.”
Muling Itatayo ang Jerusalem
2 Sa araw na iyon ay magiging maganda at maluwalhati ang sanga ng Panginoon, at ang bunga ng lupain ay ipagmamalaki at sa ikaluluwalhati ng mga nakaligtas na taga-Israel.
3 Siyang naiwan sa Zion, at siyang nanatili sa Jerusalem ay tatawaging banal, bawat nakatala sa mga nabubuhay sa Jerusalem,
4 kapag hinugasan ng Panginoon ang karumihan ng mga anak na babae ng Zion, at nilinis ang dugo ng Jerusalem sa gitna ng bayan sa pamamagitan ng espiritu ng paghuhukom at ng espiritu ng pagsunog.
5 At(G) ang Panginoon ay lilikha sa itaas ng buong kinalalagyan ng Bundok ng Zion, at sa itaas ng kanyang mga kapulungan ng isang ulap sa araw, at ng usok at liwanag ng nagniningas na apoy sa gabi; sapagkat sa itaas ng lahat ng kaluwalhatian ay magkakaroon ng isang bubong at kanlungan.
6 At iyon ay magiging kanlungan kapag araw laban sa init, at kanlungan at kublihan mula sa bagyo at ulan.
Ang Awit tungkol sa Ubasan
5 Paawitin(H) ninyo ako sa aking pinakamamahal,
ng awit ng aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan:
Ang aking pinakamamahal ay may ubasan
sa matabang burol.
2 Kanyang binungkal iyon at inalisan ng mga bato,
at tinamnan ng piling puno ng ubas,
nagtayo siya ng isang toreng bantayan sa gitna niyon,
at humukay doon ng isang pisaan ng ubas;
at kanyang hinintay na magbunga ng ubas,
ngunit nagbunga ito ng ligaw na ubas.
3 At ngayon, O mga mamamayan ng Jerusalem
at mga kalalakihan ng Juda,
hatulan ninyo, hinihiling ko sa inyo,
ako at ang aking ubasan.
4 Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan
na hindi ko nagawa? Sino ang nakakaalam?
Bakit, nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas,
ito'y nagbunga ng ubas na ligaw?
5 Ngayo'y aking sasabihin sa inyo
ang gagawin ko sa aking ubasan.
Aking aalisin ang halamang-bakod niyon,
at ito ay susunugin,
aking ibabagsak ang pader niyon
at ito'y magiging lupang yapakan.
6 Aking pababayaang sira;
hindi aalisan ng sanga o bubungkalin man;
magsisitubo ang mga dawag at mga tinik;
akin ding iuutos sa mga ulap,
na huwag nila itong paulanan ng ulan.
7 Sapagkat ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo
ay ang sambahayan ng Israel,
at ang mga tao ng Juda
ay ang kanyang maligayang pananim;
at siya'y naghintay ng katarungan,
ngunit narito, pagdanak ng dugo;
ng katuwiran,
ngunit narito, pagdaing!
Ang Kasamaan ng Tao
8 Kahabag-habag sila na nagdudugtong ng bahay sa bahay,
na nagdaragdag ng bukid sa bukid
hanggang sa mawalan na ng pagitan,
at kayo'y patirahing nag-iisa
sa gitna ng lupain!
9 Sa aking pandinig ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa:
“Tiyak na maraming bahay ang magigiba,
malalaki at magagandang bahay, na walang naninirahan.
10 Sapagkat ang walong ektarya[c] ng ubasan ay magbubunga lamang ng limang galon,[d]
at sampung omer[e] ng binhi ay magbubunga lamang ng isang efa.”[f]
11 Kahabag-habag sila na bumabangong maaga sa umaga,
upang sila'y makasunod sa nakalalasing na inumin;
na nagpupuyat hanggang sa kalaliman ng gabi,
hanggang sa mag-alab ang alak sa kanila!
12 Sila'y may lira at alpa,
pandereta at plauta, at alak sa kanilang mga kapistahan;
ngunit hindi nila pinahalagahan ang mga gawa ng Panginoon,
o minasdan man nila ang gawa ng kanyang mga kamay.
13 Kaya't ang aking bayan ay pupunta sa pagkabihag dahil sa kawalan ng kaalaman;
ang kanilang mararangal na tao ay namamatay sa gutom,
at ang napakarami nilang tao ay nalulugmok sa uhaw.
14 Kaya't pinalaki ng Sheol ang kanyang panlasa,
at ibinuka nito ang kanyang bibig na hindi masukat,
at ang kaluwalhatian ng Jerusalem,[g] at ang kanilang karamihan, at ang kanilang kahambugan,
at ang nagagalak sa gitna nila ay bumaba roon.
15 Ang tao ay pinayuyukod, at ang tao ay pinapagpapakumbaba,
at ang mga mata ng nagmamataas ay pinapagpapakumbaba.
16 Ngunit ang Panginoon ng mga hukbo ay itinaas sa katarungan,
at ang Diyos na Banal ay napatunayang banal sa katuwiran.
17 Kung magkagayo'y manginginain ang mga kordero na gaya sa kanilang pastulan,
at ang mga patabain sa mga wasak na lugar ay kakainin ng mga dayuhan.
18 Kahabag-habag sila na nagsisihila ng kasamaan sa pamamagitan ng mga panali ng pagkukunwari,
at ng kasalanan na tila lubid ng kariton,
19 na nagsasabi, “Pagmadaliin siya,
madaliin niya ang kanyang gawain
upang iyon ay aming makita;
at dumating nawa ang layunin ng Banal ng Israel
upang iyon ay aming malaman!”
20 Kahabag-habag sila na tinatawag na mabuti ang masama,
at ang masama ay mabuti;
na inaaring dilim ang liwanag,
at liwanag ang dilim;
na inaaring mapait ang matamis,
at matamis ang mapait!
21 Kahabag-habag sila na pantas sa kanilang sariling mga mata,
at marunong sa kanilang sariling paningin!
22 Kahabag-habag sila na mga malakas sa pag-inom ng alak,
at mga taong matatapang sa paghahalo ng matapang na inumin,
23 na pinawawalang-sala ang masama dahil sa suhol,
at ang katuwiran ng matuwid ay inaalis sa kanya!
24 Kaya't kung paanong ang dila ng apoy ay tumutupok sa dayami,
at ang tuyong damo ay natutupok sa liyab,
magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat,
at ang kanilang bulaklak ay papailanglang na gaya ng alabok;
sapagkat kanilang itinakuwil ang tagubilin ng Panginoon ng mga hukbo,
at hinamak ang salita ng Banal ng Israel.
25 Kaya't nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
at iniunat niya ang kanyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila,
at ang mga bundok ay nayanig;
at ang kanilang mga bangkay ay naging gaya ng dumi
sa gitna ng mga lansangan.
Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kanyang galit,
kundi laging nakaunat ang kanyang kamay.
26 Siya'y magtataas ng hudyat sa mga bansa mula sa malayo,
at sisipulan sila mula sa mga dulo ng lupa;
at, narito, ito'y dumarating na napakatulin!
27 Walang napapagod o natitisod man,
walang umiidlip o natutulog man;
walang pamigkis na maluwag,
o napatid man ang mga panali ng mga sandalyas;
28 ang kanilang mga palaso ay matalas,
at lahat nilang pana ay nakahanda
ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay parang batong hasaan,
at ang kanilang mga gulong ay parang ipu-ipo.
29 Ang kanilang ungal ay gaya ng sa leon,
sila'y nagsisiungal na gaya ng mga batang leon;
sila'y nagsisiungal, at nanghuhuli ng biktima,
at kanilang tinatangay, at walang makapagliligtas.
30 Ang mga iyon ay uungal laban sa kanila sa araw na iyon
na gaya ng ugong ng dagat.
Kung may tumingin sa lupain,
narito, kadiliman at kahirapan,
at ang liwanag ay pinadilim ng mga ulap niyon.
Ang Pagkatawag kay Isaias
6 Noong(I) taong mamatay si Haring Uzias ay nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang tronong matayog at mataas; at napuno ang templo ng laylayan ng kanyang damit.
2 Sa itaas niya ay nakatayo ang mga serafin; bawat isa'y may anim na pakpak; may dalawang nakatakip sa kanyang mukha, may dalawa na nakatakip sa kanyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kanya.
3 At(J) tinawag ng isa ang isa at sinabi:
“Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo;
ang buong lupa ay punô ng kanyang kaluwalhatian.”
4 At(K) ang mga pundasyon ng mga pintuan ay nayanig sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok.
5 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Kahabag-habag ako! Ako'y napahamak sapagkat ako'y lalaking may maruruming labi, at ako'y naninirahan sa gitna ng bayan na may maruruming labi; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo!”
6 Nang magkagayo'y lumipad papalapit sa akin ang isa sa mga serafin na may baga sa kanyang kamay na kanyang kinuha ng mga sipit mula sa dambana.
7 Inilapat niya ito sa aking bibig, at nagsabi, “Ngayong lumapat ito sa iyong mga labi, ang iyong kasamaan ay naalis na, at ang iyong kasalanan ay pinatawad na.”
8 At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, “Sinong susuguin ko, at sinong hahayo para sa atin?” Nang magkagayo'y sinabi ko, “Narito ako; suguin mo ako!”
9 At(L) sinabi niya, “Ikaw ay humayo, at sabihin mo sa bayang ito:
‘Patuloy kayong makinig, ngunit huwag ninyong unawain;
patuloy ninyong tingnan, ngunit huwag ninyong alamin!’
10 Patabain mo ang puso ng bayang ito,
at iyong pabigatin ang kanilang mga pandinig,
at iyong ipikit ang kanilang mga mata;
baka sila'y makakita ng kanilang mga mata,
at makarinig ng kanilang mga tainga,
at makaunawa ng kanilang puso,
at magbalik-loob, at magsigaling.”
11 Nang magkagayo'y sinabi ko, “O Panginoon, hanggang kailan?”
At siya'y sumagot:
“Hanggang sa ang mga lunsod ay magiba
na walang naninirahan,
at ang mga bahay ay mawalan ng tao,
at ang lupain ay maging lubos na mawasak,
12 at ilayo ng Panginoon ang mga tao,
at ang mga pinabayaang dako ay marami sa gitna ng lupain.
13 At bagaman magkaroon ng ikasampung bahagi roon,
muli itong susunugin,
gaya ng isang roble o isang ensina,
na ang tuod ay nananatiling nakatayo kapag ito ay pinuputol.”
Ang banal na binhi ang siyang tuod niyon.
Unang Babala kay Ahaz
7 Nang(M) mga araw ni Ahaz na anak ni Jotam, anak ni Uzias, na hari ng Juda, si Rezin na hari ng Siria, at si Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel, ay umahon sa Jerusalem upang makipagdigma laban doon, ngunit hindi nila ito magapi.
2 Nang sabihin sa sambahayan ni David, “Ang Siria ay nakipagkasundo sa Efraim,” ang puso niya at ang puso ng kanyang bayan ay nanginig na gaya ng mga punungkahoy sa gubat na niyanig ng hangin.
3 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Isaias, “Lumabas ka at iyong salubungin si Ahaz, ikaw, at si Sear-jasub na iyong anak, sa dulo ng padaluyan ng tipunan ng tubig sa itaas, sa lansangan ng parang ng Bilaran ng Tela,
4 at sabihin mo sa kanya, ‘Ikaw ay makinig, tumahimik ka, huwag kang matakot, o manghina man ang iyong puso ng dahil sa dalawang buntot na apoy na ito na umuusok, ng dahil sa mabangis na galit ng Rezin at Siria, at ng anak ni Remalias.
5 Dahil sa ang Siria, ang Efraim, at ang mga anak ni Remalias, ay nagbalak ng masama laban sa iyo, na nagsasabi,
6 “Magsiahon tayo laban sa Juda, at ating takutin, at ating sakupin para sa ating sarili, at ating ilagay na hari sa gitna niyon ang anak ni Tabeel.”
7 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Hindi ito matatatag o mangyayari man.
8 Sapagkat ang ulo ng Siria ay ang Damasco,
at ang ulo ng Damasco ay ang Rezin.
Sa loob ng animnapu't limang taon ay magkakawatak-watak ang Efraim anupa't hindi na ito magiging isang bayan.
9 At ang ulo ng Efraim ay ang Samaria,
at ang ulo ng Samaria ay ang anak ni Remalias.
Kung kayo'y hindi maniniwala,
tunay na hindi kayo matatatag.’”
Pangalawang Babala kay Ahaz—Palatandaan ng Emmanuel
10 At ang Panginoon ay muling nagsalita kay Ahaz, na sinasabi,
11 “Humingi ka ng tanda mula sa Panginoon mong Diyos; gawin mo itong kasinlalim ng Sheol o kasintaas ng langit.”
12 Ngunit sinabi ni Ahaz, “Hindi ako hihingi, ni susubukin ko man ang Panginoon.”
13 At kanyang sinabi, “Dinggin ninyo ngayon, O sambahayan ni David! Maliit na bagay ba sa inyo ang pagurin ang mga tao, na inyong papagurin rin ang aking Diyos?
14 Kaya't(N) ang Panginoon mismo ang magbibigay sa inyo ng tanda. Narito, isang birhen ang maglilihi, at manganganak ng isang lalaki, at kanyang tatawagin ang kanyang pangalan na Emmanuel.[h]
15 Siya'y kakain ng keso at pulot, kapag siya'y natutong tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti.
16 Sapagkat bago malaman ng bata na tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti, iiwan ang lupain ng dalawang haring iyong kinatatakutan.
17 Ang Panginoon ay magpapasapit sa iyo, sa iyong bayan, at sa sambahayan ng iyong ninuno ng mga araw na hindi pa nangyari mula nang araw na humiwalay ang Efraim sa Juda, ang hari ng Asiria.”
18 Sa araw na iyon, susutsutan ng Panginoon ang langaw na nasa kahuli-hulihang bahagi ng mga ilog ng Ehipto, at ang pukyutan na nasa lupain ng Asiria.
19 At sila'y dadating, at silang lahat ay magpapahinga sa matatarik na bangin, sa mga bitak ng malalaking bato, sa lahat ng mga tinikan, at sa lahat ng mga sukal.
20 Sa araw na iyon ay aahitan ng Panginoon ng pang-ahit na inupahan sa kabila ng Ilog,—kasama ang hari ng Asiria—ang ulo at ang balahibo ng mga paa, gayundin ang balbas.
21 Sa araw na iyon, ang isang tao ay mag-aalaga ng guyang baka at ng dalawang tupa;
22 at dahil sa saganang gatas na kanilang ibibigay ay kakain siya ng keso; sapagkat ang bawat isa na naiwan sa gitna ng lupain ay kakain ng keso at pulot.
23 Sa araw na iyon, ang bawat dakong kinaroroonan ng libong puno ng ubas na nagkakahalaga ng isang libong siklong pilak, ay magiging dawagan at tinikan.
24 Paroroon doon ang mga tao na may mga pana at may busog; sapagkat ang buong lupain ay magiging mga dawag at mga tinikan.
25 At ang tungkol sa lahat ng burol na inaasarol ng asarol ay hindi mo paroroonan dahil sa takot sa mga dawag at sa mga tinikan; ngunit ang mga iyon ay magiging dako na doon ay pinakakawalan ang mga baka at ang mga tupa ay naglalakad.
8 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Kumuha ka ng malapad na tabla, at sulatan mo ng pangkaraniwang titik, ‘Kay Maher-shalalhash-baz.’”
2 Mayroon akong mga tapat na saksi upang sumaksi sa akin, si Urias na pari at si Zacarias na anak ni Jeberekias.
3 At ako'y naparoon sa propetisa; at siya'y naglihi, at nanganak ng isang lalaki. At sinabi ng Panginoon sa akin, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Maher-shalalhash-baz.
4 Sapagkat bago ang bata ay matutong magsalita ng, ‘Ama ko,’ o ‘Ina ko,’ ang kayamanan ng Damasco at ang samsam sa Samaria ay kukunin sa harapan ng hari ng Asiria.”
5 At nagsalitang muli ang Panginoon sa akin:
6 “Yamang tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloa na umaagos na marahan, at magalak sa harapan ni Rezin at sa anak ni Remalias;
7 kaya't narito, iniaahon ng Panginoon sa kanila ang tubig ng Ilog, malakas at marami, ang hari ng Asiria at ang lahat niyang kaluwalhatian. Siya'y aahon sa lahat niyang daluyan, at aapaw sa lahat niyang baybayin.
8 Ito'y aagos hanggang sa Juda, aapaw at aabot hanggang sa leeg; at ang nakabuka niyang mga pakpak ang siyang magpupuno ng lawak ng iyong lupain, O Emmanuel.”
9 Kayo'y magsama-sama, mga bayan, at mabalisa,
kayo'y makinig, kayong lahat na malayong lupain;
magbigkis kayo, at kayo'y mabagabag,
kayo'y magbigkis, at kayo'y mabagabag.
10 Magsanggunian kayo, ngunit iyon ay mauuwi sa wala;
magsalita kayo ng salita ngunit iyon ay hindi mananatili,
sapagkat ang Diyos ay kasama namin.
11 Sapagkat ang Panginoon ay nagsalitang ganito sa akin na may malakas na kamay, at binalaan ako na huwag lumakad sa lakad ng bayang ito, na sinasabi,
12 “Huwag(O) ninyong tawaging pagsasabwatan ang lahat na tinatawag na pagsasabwatan ng bayang ito, at huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan, o mangilabot man.
13 Ngunit ang Panginoon ng mga hukbo, siya ang inyong ituturing na banal; siya ang inyong katakutan, at sa kanya kayo mangilabot.
14 At(P) siya'y magiging santuwaryo ninyo, isang batong katitisuran at malaking batong kabubuwalan ng dalawang sambahayan ng Israel, isang bitag at silo sa mga mamamayan ng Jerusalem.
15 At marami ang matitisod doon; sila'y mabubuwal at mababalian. Sila'y masisilo at mahuhuli.”
16 Talian mo ang patotoo, tatakan mo ang turo sa gitna ng aking mga alagad.
17 Aking(Q) hihintayin ang Panginoon na nagkukubli ng kanyang mukha sa sambahayan ni Jacob, at ako'y aasa sa kanya.
18 Ako(R) at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Panginoon ay mga tanda at kababalaghan sa Israel mula sa Panginoon ng mga hukbo, na naninirahan sa Bundok ng Zion.
19 At kapag kanilang sinabi sa inyo, “Sumangguni kayo sa mga multo at masasamang espiritu na humuhuni at bumubulong.” Hindi ba dapat sumangguni ang bayan sa kanilang Diyos, ang mga patay para sa mga buháy?
20 Sa kautusan at sa patotoo! Kung hindi sila nagsasalita nang ayon sa salitang ito ay sa dahilang wala silang umaga.
Panahon ng Kaguluhan
21 At sila'y daraan sa lupain na nahihirapang lubha at gutom, at kapag sila'y nagugutom, sila'y magagalit, at susumpain ang kanilang hari at ang kanilang Diyos, at ititingala ang kanilang mga mukha.
22 Sila'y titingin sa lupa ngunit ang makikita lamang ay kahirapan at kadiliman, ulap ng hapis, at itataboy sila sa makapal na kadiliman.
Kapanganakan at Paghahari ng Prinsipe ng Kapayapaan
9 Gayunman(S) ay hindi magkakaroon ng kapanglawan sa kanya na nasa pagkahapis. Nang unang panahon ay dinala niya sa paghamak ang mga lupain ng Zebulon at Neftali, ngunit sa huling panahon ay gagawin niyang maluwalhati ang daang patungo sa dagat, ang lupain sa kabila ng Jordan, ang Galilea ng mga bansa.
2 Ang(T) bayan na lumakad sa kadiliman
ay nakakita ng dakilang liwanag;
silang naninirahan sa lupain ng matinding kadiliman,
sa kanila sumikat ang liwanag.
3 Iyong pinarami ang bansa,
iyong pinarami ang kanilang kagalakan.
Sila'y nagagalak sa harap mo
gaya ng kagalakan sa pag-aani,
gaya ng mga tao na nagagalak kapag kanilang pinaghahatian ang samsam.
4 Sapagkat ang pamatok na kanyang pasan,
at ang pingga sa kanyang balikat,
ang panghampas ng nagpapahirap sa kanya,
ay iyong sinira na gaya sa araw ng Midian.
5 Sapagkat lahat ng sandalyas ng naglalakad na mandirigma,
at ang mga kasuotang tigmak ng dugo
ay susunugin bilang panggatong para sa apoy.
6 Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata,
sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki;
at ang pamamahala ay maaatang sa kanyang balikat;
at ang kanyang pangalan ay tatawaging
“Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos,
Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”
7 Ang(U) paglago ng kanyang pamamahala
at ng kapayapaan ay hindi magwawakas,
sa trono ni David, at sa kanyang kaharian,
upang itatag, at upang alalayan
ng katarungan at ng katuwiran
mula sa panahong ito hanggang sa magpakailanman.
Isasagawa ito ng sigasig ng Panginoon ng mga hukbo.
8 Nagpadala ng mensahe ang Panginoon sa Jacob,
at ito'y magliliwanag[i] sa Israel.
9 At malalaman ng buong bayan,
ng Efraim at ng mga mamamayan ng Samaria,
na nagsasabi sa kapalaluan at sa pagmamatigas ng puso:
10 “Ang mga laryo ay nahulog,
ngunit aming itatayo ng tinabas na bato;
ang mga sikomoro ay pinutol na,
ngunit aming papalitan ng mga sedro.”
11 Kaya't ang Panginoon ay magbabangon ng mga kaaway laban sa kanila,
at pasisiglahin ang kanyang mga kalaban.
12 Ang mga taga-Siria sa silangan, at ang mga Filisteo sa kanluran,
at kanilang lalamunin ang Israel sa pamamagitan ng bukas na bibig.
Sa lahat na ito ang kanyang galit ay hindi napawi,
kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat.
13 Gayunma'y ang bayan ay hindi nagbalik-loob sa kanya na nanakit sa kanila,
o hinanap man nila ang Panginoon ng mga hukbo.
14 Kaya't puputulin ng Panginoon ang ulo't buntot ng Israel,
ang sanga ng palma at ang tambo, sa isang araw—
15 ang matanda at ang marangal na tao ang siyang ulo,
at ang propeta na nagtuturo ng mga kabulaanan ang siyang buntot.
16 Sapagkat silang umakay sa bayang ito ay siyang nagliligaw;
at silang pinapatnubayan nila ay nilamon.
17 Kaya't ang Panginoon ay hindi nagagalak sa kanilang mga binata,
ni mahahabag man sa kanilang mga ulila at mga babaing balo.
Sapagkat bawat isa ay masama at manggagawa ng kasamaan,
at bawat bibig ay nagsasalita ng kahangalan.
Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi,
kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat.
18 Sapagkat ang kasamaan ay sumusunog na gaya ng apoy;
ito'y tumutupok ng mga dawag at mga tinikan;
inaapuyan nito ang tinikan sa gubat,
at pumapailanglang na paitaas sa mga masinsing ulap na usok.
19 Sa poot ng Panginoon ng mga hukbo
ay nasusunog ang lupain.
Ang bayan naman ay gaya ng panggatong sa apoy;
walang taong nagpapatawad sa kanyang kapatid.
20 Sila'y sumunggab ng kanang kamay, ngunit nagugutom pa rin,
at kakain sa kaliwa, ngunit hindi sila nasisiyahan,
nilalamon ng bawat isa ang laman ng kanyang kapwa.
21 Sinakmal ng Manases ang Efraim, at ng Efraim ang Manases;
sila'y kapwa naging laban sa Juda.
Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi,
kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat.
10 Kahabag-habag sila na nag-uutos ng masasamang utos,
at ang mga manunulat na sumusulat ng mga pang-aapi.
2 Upang ilayo sa katarungan ang nangangailangan,
at upang alisin ang karapatan ng dukha ng aking bayan,
upang ang mga babaing balo ay maging kanilang samsam,
at upang kanilang gawing mga biktima ang mga ulila!
3 Ano ang inyong gagawin sa araw ng pagpaparusa,
sa bagyo na darating mula sa malayo?
Kanino kayo tatakas upang kayo'y tulungan,
at saan ninyo iiwan ang inyong kayamanan?
4 Walang nalabi kundi ang mamaluktot na kasama ng mga bilanggo,
o mabubuwal na kasama ng mga napatay.
Sa lahat ng ito ang galit niya ay hindi napawi,
kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat.
5 Hoy,(V) taga-Asiria, ang pamalo ng aking galit,
siyang tungkod ng aking poot!
6 Aking susuguin siya laban sa isang masamang bansa,
at laban sa bayan na aking kinapopootan ay inuutusan ko siya,
upang manamsam at manunggab,
at yapakan sila na parang putik ng mga lansangan.
7 Gayunma'y hindi niya inaakalang gayon,
at hindi gayon ang iniisip ng kanyang puso;
ngunit ang nasa kanyang puso ang mangwasak,
at lipulin ang mga bansa na hindi kakaunti.
8 Sapagkat kanyang sinasabi,
“Hindi ba ang aking mga punong-kawal ay haring lahat?
9 Hindi ba ang Calno ay gaya ng Carquemis?
Hindi ba ang Hamat ay gaya ng Arpad?
Hindi ba ang Samaria ay gaya ng Damasco?
10 Kung paanong nakaabot ang aking kamay hanggang sa mga kaharian ng mga diyus-diyosan,
na ang mga larawan nilang inanyuan ay mas marami kaysa Jerusalem at sa Samaria;
11 hindi ko ba gagawin sa Jerusalem at sa kanyang mga diyus-diyosan,
ang gaya ng ginawa ko sa Samaria at sa kanyang mga diyus-diyosan?”
12 Kaya't kapag naisagawa ng Panginoon ang lahat niyang gawain sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem, kanyang parurusahan ang palalong paghahambog ng hari ng Asiria, at ang kanyang mga mapagmataas na kapalaluan.
13 Sapagkat kanyang sinabi:
“Aking ginawa ito sa kalakasan ng aking kamay
at sa aking karunungan, sapagkat ako'y may pang-unawa;
aking inalis ang mga hangganan ng mga tao,
at ninakaw ko ang kanilang mga kayamanan,
at parang matapang na toro na ibinaba ko ang mga nakaupo sa mga trono.
14 At natagpuan ng aking kamay na parang pugad
ang mga kayamanan ng mga tao;
kaya't aking pinulot ang buong lupa
na parang namumulot ng mga itlog na napabayaan,
at walang nagkilos ng pakpak,
o nagbuka man ng bibig o sumiyap.”
15 Magmamapuri ba ang palakol laban sa gumagamit niyon?
O magmamalaki ba ang lagari laban sa humahawak niyon?
Na parang dapat itaas ng pamalo ang nagtataas niyon,
o na parang dapat itaas ng tungkod siya na hindi kahoy.
16 Kaya't ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo,
ay magpaparating ng nakapanghihinang karamdaman sa kanyang matatabang mandirigma
at sa ilalim ng kanyang kaluwalhatian ay magkakaroon ng pagniningas
na gaya ng ningas ng apoy.
17 At ang liwanag ng Israel ay magiging apoy,
at ang kanyang Banal ay pinakaliyab;
at susunugin at lalamunin nito
ang kanyang mga tinikan at mga dawag sa isang araw.
18 At kanyang wawasakin ang kaluwalhatian ng kanyang gubat,
at ng kanyang mabungang lupain,
ang kaluluwa at gayundin ang katawan; at magiging gaya ng maysakit na nanghihina.
19 At ang nalabi sa mga punungkahoy ng kanyang gubat ay mangangaunti,
na ang mga iyon ay kayang bilangin ng bata.
20 At sa araw na iyon, ang nalabi sa Israel at ang nakatakas sa sambahayan ni Jacob, hindi na magtitiwala pa uli sa kanya na nanakit sa kanila; kundi magtitiwala sa Panginoon, sa Banal ng Israel, sa katotohanan.
21 Ang isang nalabi ay babalik, ang nalabi ng Jacob, sa makapangyarihang Diyos.
22 Sapagkat(W) bagaman ang iyong bayang Israel ay magiging parang buhangin sa dagat, tanging ang nalabi lamang sa kanila ang babalik. Ang pagkawasak ay naiutos na, na inaapawan ng katuwiran.
23 Sapagkat ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, ay gagawa ng lubos na kawakasan, gaya ng inuutos, sa gitna ng buong lupa.
Sumama rin ang Asiria
24 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, “O bayan kong tumatahan sa Zion, huwag kayong matakot sa taga-Asiria kapag kayo ay sinaktan ng pamalo at itaas ang kanyang tungkod laban sa iyo, gaya ng ginawa ng mga Ehipcio.
25 Sapagkat kaunting panahon na lamang at ang aking pagkagalit ay matatapos na, at ang aking galit ay matutuon sa kanilang ikawawasak.
26 Ang Panginoon ng mga hukbo ay hahawak ng panghampas laban sa kanila, gaya nang kanyang paluin ang Midian sa bato ng Oreb. At ang kanyang panghampas ay aabot sa dagat, at kanyang itataas na gaya ng kanyang ginawa sa Ehipto.
27 At sa araw na iyon, ang pasan niya ay mawawala sa iyong balikat, at ang kanyang pamatok ay mawawasak mula sa iyong leeg.”
Siya ay umahon mula sa Rimon.
28 Siya'y dumating sa Ajad,
siya'y nagdaan sa Migron;
itinabi niya sa Micmash ang kanyang mga dala-dalahan.
29 Sila'y nakatawid sa landas;
sila'y nagpalipas ng gabi sa Geba.
Ang Rama ay nanginginig;
ang Gibea ni Saul ay tumakas.
30 Sumigaw ka nang malakas, O anak na babae ng Galim!
Makinig ka, O Lais!
Sagutin mo siya, O Anatot!
31 Ang Madmena ay nasa pagtakas,
ang mga nananahan sa Gebim ay nagsisitakas upang maligtas.
32 Sa araw ding ito ay titigil siya sa Nob;
kanyang kakalugin ang kanyang kamao
sa bundok ng anak na babae ng Zion,
na burol ng Jerusalem.
33 Tingnan mo, puputulin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo,
ang mga sanga sa pamamagitan ng kakilakilabot na kapangyarihan,
at ang napakataas ay ibubuwal
at ang matatayog ay ibababa.
34 Kanyang puputulin ang mga sukal ng gubat sa pamamagitan ng palakol,
at ang Lebanon at ang maharlika nitong mga puno ay babagsak.
Mapayapang Kaharian
11 May(X) usbong na lalabas mula sa tuod ni Jesse,
at sisibol ang isang sanga mula sa kanyang mga ugat.
2 At ang Espiritu ng Panginoon ay sasakanya,
ang diwa ng karunungan at ng unawa,
ang diwa ng payo at ng kapangyarihan,
ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon;
3 at ang kanyang kalulugdan ay ang takot sa Panginoon.
Hindi siya hahatol ng ayon sa nakikita ng kanyang mga mata,
ni magpapasiya man ng ayon sa narinig ng kanyang mga tainga.
4 Kundi(Y) sa katuwiran ay hahatulan niya ang dukha,
at magpapasiya na may karampatan para sa maaamo sa lupa.
Sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kanyang bibig,
at sa hinga ng kanyang mga labi ay kanyang papatayin ang masama.
5 Katuwiran(Z) ang magiging bigkis ng kanyang baywang,
at katapatan ang pamigkis ng kanyang mga balakang.
6 At(AA) ang asong-gubat ay maninirahang kasama ng kordero,
at mahihigang kasiping ng batang kambing ang leopardo,
ang guya, ang batang leon, at ang patabain ay magkakasama;
at papatnubayan sila ng munting bata.
7 Ang baka at ang oso ay manginginain;
ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping;
at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka.
8 Ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ahas,
at ang batang kahihiwalay sa suso ay isusuot ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
9 Hindi(AB) sila mananakit o maninira man
sa aking buong banal na bundok:
sapagkat ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon,
gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.
10 At(AC) sa araw na iyon ang ugat ni Jesse ay tatayo bilang sagisag ng mga bayan, siya ay hahanapin ng mga bansa; at ang kanyang tirahan ay magiging maluwalhati.
11 At sa araw na iyon ay muling iuunat ng Panginoon ang kanyang kamay upang mabawi ang nalabi sa kanyang bayan, mula sa Asiria, Ehipto, Patros, Etiopia, mula sa Elam, Shinar, Hamat, at mula sa mga lupain sa baybayin ng dagat.
12 Siya'y maglalagay ng sagisag para sa mga bansa,
at titipunin niya ang mga ipinatapon mula sa Israel,
at titipunin ang mga nangalat ng Juda
mula sa apat na sulok ng lupa.
13 Ang paninibugho ng Efraim ay maaalis,
ang panliligalig ng Juda ay tatanggalin,
ang Efraim ay hindi maninibugho sa Juda,
at ang Juda ay hindi manliligalig sa Efraim.
14 Ngunit sila'y lulusob sa mga Filisteo sa kanluran,
at magkasamang mananamsam sila sa mga tao ng silangan.
Kanilang iuunat ang kanilang kamay sa Edom at sa Moab;
at susundin sila ng mga anak ni Ammon.
15 At(AD) lubos na wawasakin ng Panginoon
ang dila ng dagat ng Ehipto;
at iwawasiwas ang kanyang kamay sa Ilog
ng kanyang nakakapasong hangin,
at gagawing pitong daluyan,
at gumawa ng daan upang makaraang naglalakad;
16 at magkakaroon ng isang lansangan mula sa Asiria,
para sa nalabi sa kanyang bayan,
gaya ng nangyari sa Israel
nang araw na sila'y umahon mula sa lupain ng Ehipto.
Awit ng Pasasalamat
12 At sa araw na iyon ay iyong sasabihin,
“Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon,
bagaman ikaw ay nagalit sa akin,
ang iyong galit ay napawi,
at iyong inaaliw ako.
2 “Ang(AE) Diyos ay aking kaligtasan;
ako'y magtitiwala, at hindi ako matatakot
sapagkat ang Panginoong Diyos ay aking kalakasan at awit;
at siya'y naging aking kaligtasan.”
3 Kaya't kayo'y iigib ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan.
4 At sa araw na iyon ay inyong sasabihin,
“Magpasalamat kayo sa Panginoon,
kayo'y tumawag sa kanyang pangalan,
ipaalam ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bansa,
ipahayag ninyo na ang kanyang pangalan ay marangal.
5 “Umawit kayo sa Panginoon; sapagkat siya'y gumawang may kaluwalhatian,
ipaalam ito sa buong lupa.
6 Sumigaw ka at umawit nang malakas, ikaw na naninirahan sa Zion,
sapagkat dakila ang Banal ng Israel na nasa gitna mo.”
Ang Babala Laban sa Babilonia
13 Ang(AF) pahayag tungkol sa Babilonia na nakita ni Isaias na anak ni Amoz.
2 Maglagay kayo ng isang hudyat sa bundok na walang tanim,
sumigaw kayo nang malakas sa kanila,
inyong senyasan ng kamay, upang sila'y magsipasok
sa mga pintuang-bayan ng mga mahal na tao.
3 Aking inutusan ang aking mga itinalaga,
aking ipinatawag ang aking mga mandirigma, ang aking mga anak na nagsasayang may pagmamalaki,
upang isagawa ang aking galit.
4 Pakinggan ninyo ang ingay sa mga bundok,
na gaya ng napakaraming tao!
Pakinggan ninyo ang ingay ng mga kaharian,
ng mga bansa na nagtitipon!
Tinitipon ng Panginoon ng mga hukbo
ang hukbo para sa pakikipaglaban.
5 Sila'y nagmumula sa malayong lupain,
mula sa dulo ng kalangitan,
ang Panginoon at ang mga sandata ng kanyang galit,
upang wasakin ang buong lupain.
6 Manangis(AG) kayo, sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na;
ito'y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat!
7 Kaya't lahat ng kamay ay manghihina,
at bawat puso ng tao ay manlulumo,
8 at sila'y mababalisa.
Mga pagdaramdam at mga kapanglawan ang daranasin nila;
sila'y maghihirap na gaya ng babaing nanganganak.
Sila'y magtitinginan na nanghihilakbot
ang kanilang mga mukha ay magliliyab.
9 Tingnan ninyo, ang araw ng Panginoon ay dumarating,
mabagsik, na may poot at mabangis na galit;
upang gawing wasak ang lupa,
at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyon.
10 Sapagkat(AH) ang mga bituin ng langit at ang mga buntala nito,
ay hindi magbibigay ng kanilang liwanag;
ang araw ay magdidilim sa kanyang pagsikat,
at hindi ibibigay ng buwan ang kanyang liwanag.
11 Aking parurusahan ang sanlibutan dahil sa kanilang kasamaan,
at ang masasama dahil sa kanilang kabuktutan;
at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo,
at aking ibababa ang kapalaluan ng malulupit.
12 Aking gagawin na mas bihira ang mga tao kaysa dalisay na ginto,
at ang sangkatauhan kaysa ginto ng Ofir.
13 Kaya't aking yayanigin ang kalangitan,
at ang lupa ay yayanigin mula sa kanyang dako,
sa poot ng Panginoon ng mga hukbo,
at sa araw ng kanyang mabangis na galit.
14 At gaya ng isang usang hinahabol,
o gaya ng mga tupa na walang magtitipon sa kanila,
bawat tao ay babalik sa kanyang sariling bayan,
at bawat isa ay tatakas patungo sa kanyang sariling lupain.
15 Bawat matagpuan ay uulusin,
at bawat mahuli ay mabubuwal sa tabak.
16 Ang kanilang mga sanggol ay pagluluray-lurayin
sa harapan ng kanilang mga mata;
ang kanilang mga bahay ay pagnanakawan,
at ang kanilang mga asawa ay gagahasain.
17 Tingnan ninyo, aking kinikilos ang mga taga-Media laban sa kanila,
na hindi nagpapahalaga sa pilak,
at hindi nalulugod sa ginto.
18 Papatayin ng kanilang mga pana ang mga binata;
at sila'y hindi maaawa sa bunga ng bahay-bata;
ang kanilang mata ay hindi mahahabag sa mga bata.
19 At(AI) ang Babilonia, ang kaluwalhatian ng mga kaharian,
ang kariktan at ipinagmamalaki ng mga Caldeo,
ay magiging gaya ng Sodoma at Gomorra
kapag ibinagsak sila ng Diyos.
20 Hindi ito matitirahan kailanman,
ni matitirahan sa lahat ng mga salinlahi,
ni magtatayo roon ng tolda ang taga-Arabia,
ni pahihigain doon ng mga pastol ang kanilang kawan.
21 Kundi(AJ) maiilap na hayop sa ilang ang magsisihiga roon,
at ang kanilang mga bahay ay mapupuno ng mga hayop na nagsisiungal;
at mga avestruz ay maninirahan doon,
at ang mga demonyong kambing ay magsasayaw doon.
22 At ang mga asong-gubat ay magsisihiyaw sa kanilang mga muog,
at ang mga chakal sa magagandang palasyo;
at ang kanilang panahon ay malapit nang sumapit,
at ang kanilang mga araw ay hindi pahahabain.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001