Bible in 90 Days
Ang Kasaysayan ng Paglalang
1 Nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit[a] at ang lupa.
2 Ang lupa ay walang anyo at walang laman, at binalot sa kadiliman ang kalaliman samantalang ang Espiritu ng Diyos[b] ay kumikilos sa ibabaw ng mga tubig.
3 At(A) sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag,” at nagkaroon ng liwanag.
4 Nakita ng Diyos na ang liwanag ay mabuti, at ibinukod ng Diyos ang liwanag sa kadiliman.
5 Tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, at ang kadiliman ay tinawag niyang Gabi. Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang unang araw.
6 Sinabi(B) ng Diyos, “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig at paghiwalayin nito ang tubig.”
7 Ginawa ng Diyos ang kalawakan at ibinukod ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan mula sa tubig na nasa itaas ng kalawakan. At ito ay nangyari.
8 Tinawag ng Diyos ang kalawakan na Langit. Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikalawang araw.
9 Sinabi ng Diyos, “Magtipon ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako at hayaang lumitaw ang lupa.” At ito ay nangyari.
10 Tinawag ng Diyos ang tuyong lupa na Lupa at ang tubig na natipon ay tinawag niyang mga Dagat. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.
11 Sinabi ng Diyos, “Sibulan ang lupa ng halaman, ng mga tanim na nagkakabinhi at ng punungkahoy na namumunga ayon sa kanyang binhi, ang bawat isa ayon sa kanyang uri sa ibabaw ng lupa.” At ito ay nangyari.
12 At ang lupa ay sinibulan ng halaman, ng mga tanim na nagkakabinhi ayon sa kanyang sariling uri at ng punungkahoy na namumunga ayon sa kanyang binhi, bawat isa ayon sa kanyang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.
13 Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikatlong araw.
14 Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang ihiwalay ang araw sa gabi; at ang mga ito ay maging palatandaan para sa mga panahon, sa mga araw, at sa mga taon,
15 at ang mga ito ay maging tanglaw sa kalawakan ng langit upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa.” At ito ay nangyari.
16 Nilikha ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw; ang malaking tanglaw ay upang maghari sa araw at ang maliit na tanglaw ay upang maghari sa gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin.
17 Ang mga ito ang inilagay ng Diyos sa kalawakan ng langit upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa,
18 upang mamahala sa araw at sa gabi, at upang ihiwalay ang liwanag sa kadiliman. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.
19 Lumipas ang gabi at sumapit ang umaga nang ikaapat na araw.
20 Sinabi ng Diyos, “Hayaang bumukal mula sa tubig ang maraming nilalang na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa ibabaw ng lupa sa kalawakan ng langit.”
21 Kaya't nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat at ang bawat nilalang na may buhay na gumagalaw na ibinukal ng tubig ayon sa kanya-kanyang uri at ang lahat ng ibong may pakpak, ayon sa kanya-kanyang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.
22 At sila'y binasbasan ng Diyos, “Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami at inyong punuin ang tubig sa mga dagat, at magpakarami ang mga ibon sa lupa.”
23 Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikalimang araw.
24 Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ang lupa ng mga buháy na nilalang, ayon sa kanya-kanyang uri: ng mga hayop at mga nilalang na gumagapang, at ng maiilap na hayop sa lupa ayon sa kanya-kanyang uri.” At ito ay nangyari.
25 Nilikha ng Diyos ang maiilap na hayop sa lupa ayon sa kani-kanilang uri, at maaamong hayop ayon sa kani-kanilang uri, at ang bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanilang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.
26 Sinabi(C) ng Diyos, “Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis; at magkaroon sila ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, sa mga hayop, sa buong lupa, at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa.”
27 Kaya't(D) (E) nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang. Sila'y kanyang nilalang na lalaki at babae.
28 Sila'y binasbasan ng Diyos at sa kanila'y sinabi ng Diyos, “Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at supilin ninyo ito. Magkaroon kayo ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawat bagay na may buhay na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.”
29 Sinabi ng Diyos, “Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat halaman na nagkakabinhi na nasa ibabaw ng lupa, at ang bawat punungkahoy na may binhi sa loob ng bunga; ang mga ito ay magiging pagkain ninyo.
30 Sa bawat mailap na hayop sa lupa, at sa bawat ibon sa himpapawid, at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa, sa bawat bagay na may hininga ng buhay ay ibinigay ko ang lahat ng halamang luntian bilang pagkain.” At ito ay nangyari.
31 Nakita ng Diyos ang lahat ng kanyang nilikha at ito ay napakabuti. Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikaanim na araw.
2 Nayari ang langit at ang lupa, at ang lahat ng mga bagay sa mga iyon.
2 Nang(F)(G) ikapitong araw ay natapos ng Diyos ang gawain na kanyang ginawa, at nagpahinga siya nang ikapitong araw mula sa lahat ng gawaing kanyang ginawa.
3 At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at kanyang ginawang banal, sapagkat sa araw na iyon ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng gawain na kanyang ginawa.
4 Ito ang kasaysayan tungkol sa langit at lupa, sa araw na likhain ng Panginoong Diyos ang langit at lupa.
Ang Halamanan ng Eden
5 Nang sa lupa ay wala pang tanim sa parang, at wala pang damo na tumutubo sa parang,—sapagkat hindi pa nagpapaulan ang Panginoong Diyos sa lupa at wala pang taong nagbubungkal ng lupa,
6 ngunit may isang ulap[c] na pumaitaas buhat sa lupa at dinilig ang buong kapatagan ng lupa.
7 At(H) nilalang ng Panginoong Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging buháy na kaluluwa.
8 Naglagay ang Panginoong Diyos ng isang halamanan sa silangan ng Eden, at inilagay niya roon ang taong kanyang nilalang.
9 At(I) pinatubo ng Panginoong Diyos sa lupa ang lahat ng punungkahoy na nakakalugod sa paningin, at mabuting kainin; gayundin ang punungkahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at ang punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama.
10 May isang ilog na lumabas mula sa Eden upang diligin ang halamanan, at mula roo'y nahati at naging apat na ilog.
11 Ang pangalan ng una ay Pishon na siyang umaagos sa palibot ng buong lupain ng Havila, na doo'y may ginto;
12 at ang ginto sa lupang iyon ay mabuti; mayroon doong bedelio at batong onix.
13 Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang umaagos sa palibot ng buong lupain ng Cus.
14 Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris na siyang umaagos sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.
15 Kinuha ng Panginoong Diyos ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden upang ito ay kanyang bungkalin at ingatan.
16 At iniutos ng Panginoong Diyos sa lalaki, na sinabi, “Malaya kang makakakain mula sa lahat ng punungkahoy sa halamanan,
17 subalit mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyon ay tiyak na mamamatay ka.”
18 At sinabi ng Panginoong Diyos, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa; siya'y igagawa ko ng isang katuwang na nababagay sa kanya.”
19 Kaya't mula sa lupa ay nilalang ng Panginoong Diyos ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at dinala sa lalaki upang malaman kung anong itatawag niya sa mga iyon. At anuman ang itawag ng lalaki sa bawat buháy na nilalang ay siyang pangalan nito.
20 At pinangalanan ng lalaki ang lahat ng hayop at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawat hayop sa parang; subalit para sa lalaki ay walang nakitang katuwang na nababagay para sa kanya.
Nilalang ang Babae mula sa Lalaki
21 Kaya't pinatulog nang mahimbing ng Panginoong Diyos ang lalaki, at habang siya'y natutulog, kinuha niya ang isa sa kanyang mga tadyang at pinaghilom ang laman sa lugar na iyon;
22 at ang tadyang na kinuha ng Panginoong Diyos sa lalaki ay ginawang isang babae, at dinala siya sa lalaki.
23 At sinabi ng lalaki,
“Sa wakas, ito'y buto ng aking mga buto
at laman ng aking laman.
Siya'y tatawaging Babae,
sapagkat sa Lalaki siya kinuha.”
24 Kaya't(J) iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, at pumipisan sa kanyang asawa; at sila'y nagiging isang laman.
25 Ang lalaki at ang kanyang asawa ay kapwa hubad, ngunit sila'y hindi nahihiya.
Nagkasala ang Tao
3 Ang(K) ahas nga ay higit na tuso kaysa alinman sa mga mailap na hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Diyos. Sinabi niya sa babae, “Sinabi ba ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang mula sa alinmang punungkahoy sa halamanan?’”
2 At sinabi ng babae sa ahas, “Makakain namin ang bunga ng mga punungkahoy sa halamanan;
3 subalit sinabi ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng halamanan; huwag din ninyo itong hihipuin, kundi kayo'y mamamatay.’”
4 Subalit sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay.
5 Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kayo'y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo'y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”
6 Kaya't nang makita ng babae na ang bunga ng punungkahoy ay mabuting kainin, nakakalugod sa paningin, na dapat nasain upang maging matalino, siya ay pumitas ng bunga nito at kinain ito; at binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at siya'y kumain.
7 At parehong nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila'y mga hubad. Magkasama silang nagtahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panakip.
8 Narinig nila ang tinig ng Panginoong Diyos na lumalakad sa halamanan sa malamig na bahagi ng maghapon. Nagtago ang lalaki at ang kanyang asawa sa Panginoong Diyos sa mga punungkahoy sa halamanan.
9 Tinawag ng Panginoong Diyos ang lalaki at sa kanya'y sinabi, “Saan ka naroon?”
10 Sinabi niya, “Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan at ako'y natakot, sapagkat ako'y hubad; at ako'y nagtago.”
11 At sinabi niya, “Sinong nagsabi sa iyong ikaw ay hubad? Kumain ka ba ng bunga ng punungkahoy, na iniutos ko sa iyong huwag mong kainin?”
12 Sinabi ng lalaki, “Ang babaing ibinigay mo na aking makakasama ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at ito'y aking kinain.”
13 Sinabi(L) ng Panginoong Diyos sa babae, “Ano itong iyong ginawa?” Sinabi ng babae, “Dinaya ako ng ahas, at ako'y kumain.”
Ang Diyos ay Naggawad
14 Sinabi ng Panginoong Diyos sa ahas,
“Sapagkat ginawa mo ito
ay isinumpa ka nang higit sa lahat ng hayop,
at nang higit sa bawat mailap na hayop sa parang;
ang iyong tiyan ang ipanggagapang mo,
at alabok ang iyong kakainin
sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.
15 Maglalagay(M) ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa't isa,
at sa iyong binhi at sa kanyang binhi.
Ito ang dudurog ng iyong ulo,
at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong.”
16 Sinabi niya sa babae,
“Pararamihin ko ang paghihirap mo sa iyong paglilihi;
manganganak kang may paghihirap,
ngunit ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa,
at siya ang mamumuno sa iyo.”
17 At(N) kay Adan ay kanyang sinabi,
“Sapagkat nakinig ka sa tinig ng iyong asawa,
at kumain ka ng bunga ng punungkahoy
na aking iniutos sa iyo na,
‘Huwag kang kakain niyon,’
sumpain ang lupa dahil sa iyo.
Kakain ka mula sa kanya sa pamamagitan ng iyong mabigat na paggawa sa lahat ng mga araw ng iyong buhay;
18 mga tinik at dawag ang sisibol doon para sa iyo,
at kakain ka ng tanim sa parang.
19 Sa pawis ng iyong mukha
ay kakain ka ng tinapay,
hanggang ikaw ay bumalik sa lupa;
sapagkat diyan ka kinuha.
Ikaw ay alabok
at sa alabok ka babalik.”
20 Tinawag ng lalaki ang kanyang asawa na Eva[d] sapagkat siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay.
21 At iginawa ng Panginoong Diyos si Adan at ang kanyang asawa ng mga kasuotang balat at sila'y dinamitan.
Pinalayas sina Adan at Eva sa Halamanan
22 Sinabi(O) ng Panginoong Diyos, “Tingnan ninyo, ang tao'y naging parang isa sa atin, na nakakakilala ng mabuti at ng masama; at ngayon, baka iunat ang kanyang kamay at pumitas din ng bunga ng punungkahoy ng buhay, at kumain, at mabuhay magpakailanman.”
23 Kaya't pinalayas siya ng Panginoong Diyos sa halamanan ng Eden upang kanyang bungkalin ang lupaing pinagkunan sa kanya.
24 At kanyang itinaboy ang lalaki; at inilagay sa silanganan ng halamanan ng Eden ang mga kerubin at ang isang nagniningas na tabak na umiikot, upang bantayan ang daang patungo sa punungkahoy ng buhay.
Sina Cain at Abel
4 At nakilala ng lalaki si Eva na kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Cain, at sinabi, “Nagkaanak ako ng lalaki sa tulong ng Panginoon.”
2 Kasunod nito ay ipinanganak niya ang kanyang kapatid na si Abel. Si Abel ay tagapag-alaga ng mga tupa at si Cain ay magbubungkal ng lupa.
3 Sa paglipas ng panahon ay nagdala si Cain ng isang handog sa Panginoon mula sa mga bunga ng lupa.
4 Nagdala(P) rin si Abel ng mga panganay ng kanyang kawan, ang taba ng mga iyon. At pinahalagahan ng Panginoon si Abel at ang kanyang handog,
5 subalit hindi niya pinahalagahan si Cain at ang kanyang handog. Galit na galit si Cain, at nagngitngit[e] ang kanyang mukha.
6 Sinabi ng Panginoon kay Cain, “Bakit ka nagalit at bakit nagngitngit[f] ang iyong mukha?
7 Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, hindi ka ba tatanggapin? At kung hindi ka gumawa ng mabuti, ang kasalanan ang nag-aabang sa pintuan. Ikaw ang nais nito, subalit kailangang madaig mo ito!”
Ang Pagpatay kay Abel
8 Sinabihan(Q) ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel, at nangyari nang sila'y nasa parang, tumindig si Cain laban kay Abel na kanyang kapatid, at ito'y kanyang pinatay.
9 At sinabi ng Panginoon kay Cain, “Nasaan si Abel na iyong kapatid?” At sinabi niya, “Aywan ko! Ako ba'y tagapagbantay ng aking kapatid?”
10 Sinabi(R) niya, “Ano ang ginawa mo? Ang tinig ng dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa.
11 Ngayo'y sinumpa ka mula sa lupa. Ibinuka ng lupa ang bibig nito upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid mula sa iyong kamay.
12 Kapag binungkal mo ang lupa, ito ay di na muling magbibigay sa iyo ng kanyang lakas. Ikaw ay magiging palaboy at pagala-gala sa lupa.”
13 At sinabi ni Cain sa Panginoon, “Ang parusa sa akin ay higit kaysa makakaya ko.
14 Ako ngayo'y itinataboy mo mula sa ibabaw ng lupa, at ako'y maikukubli sa iyong mukha. Ako'y magiging palaboy at pagala-gala, sinumang makakita sa akin ay papatayin ako.”
15 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hindi! Sinumang pumatay kay Cain ay pitong ulit na gagantihan.” At nilagyan ng Panginoon ng isang tanda si Cain upang huwag siyang patayin ng sinumang makakita sa kanya.
16 At umalis si Cain sa harapan ng Panginoon at nanirahan sa lupain ng Nod, sa silangan ng Eden.
Ang mga Naging Anak ni Cain
17 Sumiping[g] si Cain sa kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Enoc. Siya'y nagtayo ng isang lunsod at tinawag ang lunsod ayon sa pangalan ng kanyang anak na si Enoc.
18 Naging anak ni Enoc si Irad; at naging anak ni Irad si Mehujael; at naging anak ni Mehujael si Metusael; at naging anak ni Metusael si Lamec.
19 At si Lamec ay nag-asawa ng dalawa; ang pangalan ng isa'y Ada, at ang pangalan ng ikalawa ay Zilla.
20 Naging anak ni Ada si Jabal. Siya ang ama ng mga naninirahan sa mga tolda at may mga hayop.
21 Ang pangalan ng kanyang kapatid ay Jubal. Siya ang ama ng lahat na tumutugtog ng alpa at plauta.
22 Ipinanganak ni Zilla si Tubal-Cain, ang panday ng lahat na kagamitang patalim na tanso at bakal. At ang kapatid na babae ni Tubal-Cain ay si Naama.
23 At sinabi ni Lamec sa kanyang mga asawa,
“Ada at Zilla, pakinggan ninyo ang aking tinig.
Kayong mga asawa ni Lamec ay makinig sa aking mga salita.
Pumatay ako ng isang tao, dahil sa pagsugat sa akin,
at ng isang binata, dahil sa ako'y sinaktan.
24 Kung pitong ulit ipaghihiganti si Cain,
tunay na si Lamec ay pitumpu't pitong ulit.”
Sina Set at Enos
25 Muling nakilala ni Adan ang kanyang asawa at siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Set; sapagkat kanyang sinabi, “Binigyan ako ng Diyos ng ibang anak na kahalili ni Abel, sapagkat siya'y pinatay ni Cain.”
26 Nagkaanak din si Set ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Enos. Nang panahong iyon ang mga tao ay nagsimulang tumawag sa pangalan ng Panginoon.
Ang mga Naging Anak ni Adan(S)
5 Ito(T) ang aklat ng mga salinlahi ni Adan. Nang lalangin ng Diyos ang tao, siya ay nilalang sa wangis ng Diyos.
2 Lalaki(U) at babae silang nilalang, at sila'y binasbasan at tinawag na Adan ang kanilang pangalan, nang araw na sila'y lalangin.
3 Nabuhay si Adan ng isandaan at tatlumpung taon, at nagkaanak ng isang lalaki na kanyang wangis, ayon sa kanyang larawan, at tinawag ang kanyang pangalan na Set.
4 Ang mga naging araw ni Adan pagkatapos na maipanganak si Set ay walong daang taon; at nagkaanak pa siya ng mga lalaki at mga babae.
5 Ang lahat ng mga araw ng naging buhay ni Adan ay siyamnaraan at tatlumpung taon at siya'y namatay.
6 Nabuhay si Set ng isandaan at limang taon at naging anak niya si Enos.
7 Nabuhay si Set pagkatapos na maipanganak si Enos ng walong daan at pitong taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
8 Ang lahat na naging araw ni Set ay siyamnaraan at labindalawang taon at siya'y namatay.
9 Nabuhay si Enos ng siyamnapung taon at naging anak niya si Kenan.
10 Si Enos ay nabuhay pagkatapos na maipanganak si Kenan ng walong daan at labinlimang taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
11 Ang lahat na naging araw ni Enos ay siyamnaraan at limang taon at siya'y namatay.
12 Nabuhay si Kenan ng pitumpung taon at naging anak niya si Mahalalel.
13 Nabuhay si Kenan pagkatapos na maipanganak si Mahalalel ng walong daan at apatnapung taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
14 Ang lahat na naging araw ni Kenan ay siyamnaraan at sampung taon at siya'y namatay.
15 Nabuhay si Mahalalel ng animnapu't limang taon at naging anak niya si Jared.
16 At nabuhay si Mahalalel pagkatapos na maipanganak si Jared ng walong daan at tatlumpung taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
17 Ang lahat na naging araw ni Mahalalel ay walong daan at siyamnapu't limang taon at siya'y namatay.
18 Nabuhay si Jared ng isandaan at animnapu't dalawang taon at naging anak niya si Enoc.
19 Nabuhay si Jared pagkatapos na maipanganak si Enoc ng walong daang taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
20 Ang lahat na naging araw ni Jared ay siyamnaraan at animnapu't dalawang taon at siya'y namatay.
21 Nabuhay si Enoc ng animnapu't limang taon at naging anak niya si Matusalem.
22 Lumakad si Enoc na kasama ng Diyos, pagkatapos na maipanganak si Matusalem ng tatlong daang taon, at nagkaanak pa siya ng mga lalaki at mga babae.
23 At ang lahat na naging araw ni Enoc ay tatlong daan at animnapu't limang taon.
24 Lumakad(V) si Enoc na kasama ng Diyos; at hindi na siya natagpuan sapagkat siya'y kinuha ng Diyos.
25 Nabuhay si Matusalem ng isandaan at walumpu't pitong taon at naging anak niya si Lamec.
26 Nabuhay si Matusalem pagkatapos na maipanganak si Lamec ng pitong daan at walumpu't dalawang taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
27 Ang lahat na naging araw ni Matusalem ay siyamnaraan at animnapu't siyam na taon at siya'y namatay.
28 Nabuhay si Lamec ng isandaan at walumpu't dalawang taon at nagkaanak ng isang lalaki.
29 Tinawag niya ang kanyang pangalan na Noe, na sinabi, “Ito ang magbibigay sa atin ng ginhawa mula sa ating gawa at sa pagpapagod ng ating mga kamay, dahil sa lupang sinumpa ng Panginoon.”
30 Nabuhay si Lamec pagkatapos na maipanganak si Noe ng limang daan at siyamnapu't limang taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
31 Ang lahat na naging araw ni Lamec ay pitong daan at pitumpu't pitong taon at namatay.
32 Nang si Noe ay may limang daang taon, naging anak niya sina Sem, Ham, at Jafet.
Ang Kasamaan ng Sangkatauhan
6 Nagsimulang(W) dumami ang mga tao sa balat ng lupa at nagkaanak sila ng mga babae.
2 Nakita ng mga anak ng Diyos na magaganda ang mga anak na babae ng mga tao. At sila'y kumuha ng kani-kanilang mga asawa mula sa lahat ng kanilang pinili.
3 At sinabi ng Panginoon, “Ang aking Espiritu ay hindi laging mananatili sa tao, sapagkat siya'y laman. Subalit ang kanyang mga araw ay magiging isandaan at dalawampung taon.”
4 Ang(X) mga higante[h] ay nasa lupa nang mga araw na iyon, at kahit pagkatapos noon. Sila ang naging anak nang makipagtalik ang mga anak ng Diyos sa mga anak na babae ng tao. Ang mga ito ang naging makapangyarihan nang unang panahon, mga bantog na mandirigma.
5 Nakita(Y) ng Panginoon na napakasama na ng tao sa lupa, at ang bawat haka ng mga pag-iisip ng kanyang puso ay palagi na lamang masama.
6 Nalungkot ang Panginoon na kanyang nilalang ang tao sa lupa at nalumbay ang kanyang puso.
7 Kaya't sinabi ng Panginoon, “Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa—ang tao, hayop, ang mga gumagapang, at ang mga ibon sa himpapawid, sapagkat ako'y nalulungkot na nilalang ko sila.”
8 Subalit si Noe ay nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Panginoon.
Si Noe at ang Kanyang mga Anak
9 Ito(Z) ang mga lahi ni Noe. Si Noe ay lalaking matuwid at walang kapintasan noong kapanahunan niya. Si Noe ay lumakad na kasama ng Diyos.
10 Nagkaanak si Noe ng tatlong lalaki: sina Sem, Ham, at Jafet.
11 At naging masama ang daigdig sa harapan ng Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan.
12 Nakita ng Diyos na ang daigdig ay naging masama sapagkat pinasama ng lahat ng tao ang kanilang gawa sa lupa.
13 At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ipinasiya ko nang wakasan ang lahat ng laman sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan nila. Ngayon, sila ay aking lilipuling kasama ng lupa.
14 Gumawa ka ng isang daong na yari sa kahoy na gofer. Gumawa ka ng mga silid sa daong at pahiran mo ito ng alkitran sa loob at labas.
15 Gagawin mo ito sa ganitong paraan: ang haba ng sasakyan ay tatlong daang siko, ang luwang ay limampung siko, at ang taas ay tatlumpung siko.
16 Gagawa ka ng isang bintana sa sasakyan at tapusin mo ito ng isang siko sa dakong itaas. Ilalagay mo ang pintuan ng sasakyan sa kanyang tagiliran. Gagawin mo ito na may una, ikalawa at ikatlong palapag.
17 Ako'y magpapadagsa ng baha ng tubig sa ibabaw ng lupa upang lipulin ang lahat ng laman na may hininga ng buhay sa ilalim ng langit. Ang lahat na nasa lupa ay mamamatay.
18 Ngunit itatatag ko ang aking tipan sa iyo. Ikaw ay sasakay sa daong, ikaw, ang iyong mga anak na lalaki, ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.
19 At sa bawat nabubuhay sa lahat ng laman at magsasakay ka sa loob ng daong ng dalawa sa bawat uri upang maingatan silang buháy na kasama mo. Dapat ay lalaki at babae ang mga ito.
20 Sa mga ibon ayon sa kanilang uri, sa mga hayop ayon sa kanilang uri, sa bawat gumagapang sa lupa ayon sa kanilang uri, dalawa sa bawat uri ang isasama mo upang ang mga iyon ay manatiling buháy.
21 At magbaon ka ng lahat na pagkain at imbakin mo, at magiging pagkain para sa inyo at para sa kanila.”
22 Gayon(AA) ang ginawa ni Noe; ginawa niya ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos.
Ang Baha
7 At sinabi ng Panginoon kay Noe, “Ikaw at ang iyong buong sambahayan ay sumakay sa daong sapagkat nakita kong ikaw lamang ang matuwid sa harap ko sa lahing ito.
2 Kumuha ka ng tigpipito sa bawat malinis na hayop, lalaki at babae; at dalawa sa mga hayop na hindi malinis, lalaki at babae.
3 Kumuha ka ng tigpipito sa mga ibon sa himpapawid, lalaki at babae; upang panatilihing buháy ang kanilang uri sa ibabaw ng lupa.
4 Sapagkat pagkaraan ng pitong araw, magpapaulan ako sa ibabaw ng lupa ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Aking pupuksain ang lahat ng may buhay na aking nilikha sa balat ng lupa.”
5 At ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng Panginoon.
6 Si Noe ay animnaraang taon nang ang baha ng tubig ay dumating sa lupa.
7 At(AB) sumakay sa daong si Noe at ang kanyang mga anak, ang kanyang asawa, at ang mga asawa ng kanyang mga anak upang umiwas sa tubig ng baha.
8 Sa mga hayop na malinis, at sa mga hayop na hindi malinis, at sa mga ibon at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa,
9 ay dala-dalawa, lalaki at babae, pumasok sa daong kasama ni Noe, ayon sa iniutos ng Diyos kay Noe.
Pagbuhos ng Baha
10 Pagkaraan ng pitong araw, ang tubig ng baha ay umapaw sa lupa.
11 Sa(AC) ikaanimnaraang taon ng buhay ni Noe, sa ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, nang araw na iyon, umapaw ang lahat ng bukal mula sa malaking kalaliman, at ang mga bintana ng langit ay nabuksan.
12 Umulan sa ibabaw ng lupa sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi.
13 Nang araw ding iyon, pumasok sa daong si Noe, sina Sem, Ham, at Jafet na mga anak ni Noe, ang asawa ni Noe, at ang tatlong asawa ng kanyang mga anak na kasama nila,
14 sila, at bawat mailap na hayop ayon sa kani-kanilang uri, bawat maamong hayop ayon sa kani-kanilang uri, bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanilang uri, at bawat ibon ayon sa kanilang uri, lahat ng sari-saring ibon.
15 Sila'y sumakay sa daong, kasama ni Noe, dala-dalawa ang lahat ng hayop na may hininga ng buhay.
16 Ang mga sumakay ay lalaki at babae ng lahat ng laman, pumasok sila gaya ng iniutos sa kanya ng Diyos. At siya'y ikinulong ng Panginoon sa loob.
17 Tumagal ang baha ng apatnapung araw sa ibabaw ng lupa. Lumaki ang tubig at lumutang ang daong, at ito'y tumaas sa ibabaw ng lupa.
18 Dumagsa ang tubig at lumaki nang husto sa ibabaw ng lupa, at lumutang ang daong sa ibabaw ng tubig.
19 At dumagsa ang tubig sa ibabaw ng lupa at inapawan ang lahat ng matataas na mga bundok na nasa silong ng langit.
20 Ang tubig ay umapaw sa mga bundok sa taas na labinlimang siko.
21 At namatay ang lahat ng laman na gumagalaw sa ibabaw ng lupa: ang mga ibon, mga maamong hayop, mga mailap na hayop, bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa, at lahat ng tao.
22 Ang bawat may hininga ng buhay sa kanilang ilong na nasa lupang tuyo ay namatay.
23 Namatay ang bawat may buhay na nasa ibabaw ng lupa: ang tao, hayop, ang mga gumagapang, at ang mga ibon sa himpapawid. Sila'y nalipol sa lupa. Tanging si Noe at ang mga kasama niya sa daong ang nalabi.
24 Tumagal ang tubig sa ibabaw ng lupa ng isandaan at limampung araw.
Ang Katapusan ng Baha
8 Hindi kinalimutan ng Diyos si Noe, at ang lahat ng may buhay, at ang lahat ng hayop na kasama niya sa sasakyan. Pinahihip ng Diyos ang isang hangin sa ibabaw ng lupa, at humupa ang tubig.
2 Natakpan din ang mga bukal ng kalaliman at ang mga bintana ng langit, at napigil ang ulan sa langit.
3 Patuloy na bumabaw ang tubig sa lupa at humupa ang tubig pagkaraan ng isandaan at limampung araw.
4 Nang ikalabimpitong araw ng ikapitong buwan, sumadsad ang daong sa ibabaw ng mga bundok ng Ararat.
5 Ang tubig ay nagpatuloy ng paghupa hanggang sa ikasampung buwan. Nang unang araw ng ikasampung buwan, nakita ang mga taluktok ng mga bundok.
Ang Uwak at ang Kalapati
6 Sa katapusan ng apatnapung araw, binuksan ni Noe ang bintana ng daong na kanyang ginawa.
7 Siya'y nagpalipad ng isang uwak, at ito'y nagparoo't parito hanggang sa natuyo ang tubig sa lupa.
8 Nagpalipad din siya ng isang kalapati upang tingnan kung humupa na ang tubig sa ibabaw ng lupa.
9 Ngunit ang kalapati ay hindi nakakita ng madadapuan ng kanyang paa, kaya't ito'y nagbalik sa kanya sa daong sapagkat ang tubig ay nasa ibabaw pa ng buong lupa. Kaya't inilabas niya ang kanyang kamay, kinuha niya ito at ipinasok sa daong.
10 Muli siyang naghintay ng pitong araw at muling pinalipad ang kalapati sa labas ng daong,
11 at nang malapit nang gumabi, ang kalapati ay nagbalik sa kanya. Sa kanyang tuka ay may isang bagong pitas na dahon ng olibo. Kaya't nalaman ni Noe na humupa na ang tubig sa lupa.
12 Muli siyang naghintay ng pitong araw, at pinalipad ang kalapati at ito ay hindi na muling nagbalik sa kanya.
13 At nang taong ikaanimnaraan at isa, nang unang araw ng unang buwan, ay natuyo ang tubig sa ibabaw ng lupa. Inalis ni Noe ang takip ng daong at tumingin siya, at nakita niyang ang ibabaw ng lupa ay natuyo na.
14 At nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalawang buwan ay natuyo ang lupa.
15 At nagsalita ang Diyos kay Noe,
16 “Lumabas ka sa daong, ikaw at ang iyong asawa, ang iyong mga anak, ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.
17 Ilabas mong kasama mo ang bawat isa na may buhay: ang mga ibon, at ang mga hayop, ang bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa upang sila'y dumami sa ibabaw ng lupa, at magkaroon ng mga anak at dumami sa ibabaw ng lupa.”
18 Kaya't lumabas si Noe, ang kanyang mga anak, ang kanyang asawa, at ang mga asawa ng kanyang mga anak na kasama niya;
19 bawat hayop, bawat gumagapang, at bawat ibon, anumang gumagalaw sa ibabaw ng lupa ayon sa kanyang angkan ay lumabas sa daong.
Naghandog si Noe
20 Ipinagtayo ni Noe ng isang dambana ang Panginoon. Kumuha siya sa lahat ng malinis na hayop, at sa lahat na malinis na ibon, at nag-alay ng mga handog na susunugin sa dambana.
21 At sinamyo ng Panginoon ang masarap na amoy, at sinabi ng Panginoon sa kanyang puso, “Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa tao, sapagkat ang haka ng puso ng tao ay masama mula sa kanyang pagkabata. Hindi ko na rin muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay na gaya ng aking ginawa.
22 Habang ang lupa ay nananatili, ang paghahasik at pag-aani, ang tag-init at taglamig, ang araw at gabi ay hindi hihinto.”
Ang Tipan ng Diyos kay Noe
9 Binasbasan(AD) ng Diyos si Noe at ang kanyang mga anak at sa kanila'y sinabi, “Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami, at inyong punuin ang lupa.
2 Ang takot at sindak sa inyo ay darating sa bawat hayop sa lupa, sa bawat ibon sa himpapawid, sa lahat ng gumagapang sa lupa, at sa lahat ng isda sa dagat. Sila ay ibinibigay sa inyong kamay.
3 Bawat gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; at kung paanong ibinigay ko sa inyo ang mga luntiang halaman, ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng mga bagay.
4 Ngunit(AE) huwag ninyong kakainin ang laman na kasama ang buhay nito, ito ay ang kanyang dugo.
5 At tiyak na aking hihingan ng sulit ang umutang sa inyong dugo. Aking hihingin ito sa bawat hayop at sa mga tao, bawat isa para sa dugo ng iba. Hihingan ko ng sulit ang umutang sa buhay ng tao.
6 Sinumang(AF) magpadanak ng dugo ng tao, ang dugo ng taong iyon ay papadanakin ng ibang tao; sapagkat nilalang ang tao sa larawan ng Diyos.
7 At(AG) kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami; magbunga kayo nang sagana sa lupa at magpakarami kayo roon.”
8 At nagsalita ang Diyos kay Noe at sa mga anak na kasama niya, na sinasabi,
9 “Narito, aking itinatatag ang tipan sa inyo, at sa inyong mga anak na susunod sa inyo;
10 at sa bawat nilikhang may buhay na kasama ninyo, ang mga ibon, ang maamong hayop at bawat mailap na hayop sa lupa na kasama ninyo, sa lahat ng lumabas sa daong, sa bawat hayop sa lupa.
11 Aking pinagtitibay ang aking tipan sa inyo; hindi ko na lilipulin ang lahat ng mga tao sa pamamagitan ng tubig ng baha at hindi na magkakaroon pa ng bahang magwawasak ng lupa.”
12 Sinabi ng Diyos, “Ito ang tanda ng tipang gagawin ko sa inyo, at sa bawat nilalang na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon.
13 Inilagay ko ang aking bahaghari sa ulap, at ito ay magiging tanda ng tipan ko at ng lupa.
14 At kapag tinipon ko ang mga ulap sa ibabaw ng lupa, ang bahaghari ay makikita sa ulap.
15 Aalalahanin ko ang aking tipan sa inyo, at sa bawat nilalang na may buhay; at ang tubig ay hindi na magiging bahang lilipol ng lahat ng nabubuhay.[i]
16 Kapag ang bahaghari ay nasa ulap, ito ay aking makikita at maaalala ang walang hanggang tipan sa pagitan ng Diyos at ng bawat nilalang na may buhay na nasa ibabaw ng lupa.”
17 Sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang tanda ng tipan na aking itinatag sa lahat ng nabubuhay na nasa ibabaw ng lupa.”
Si Noe at ang Kanyang mga Anak
18 Ang mga anak ni Noe na lumabas sa daong ay sina Sem, Ham, at Jafet. Si Ham ay siyang ama ni Canaan.
19 Ang mga ito ang tatlong mga anak ni Noe at sa kanila nagmula ang lahat ng tao sa lupa.
20 Si Noe ay isang magbubukid at siyang pinakaunang nagtanim ng ubasan.
21 Uminom siya ng alak at nalasing at siya'y nakahigang hubad sa loob ng kanyang tolda.
22 At nakita ni Ham na ama ni Canaan ang kahubaran ng kanyang ama, at isinaysay sa kanyang dalawang kapatid na nasa labas.
23 Kumuha sina Sem at Jafet ng isang balabal, inilagay sa balikat nilang dalawa, lumakad ng paatras, at tinakpan ang kahubaran ng kanilang ama. At ang mukha nila ay patalikod, at hindi nila nakita ang kahubaran ng kanilang ama.
24 Nagising si Noe sa kanyang pagkalasing, at nalaman ang ginawa sa kanya ng kanyang bunsong anak.
Ang Sumpa Kay Canaan
25 At kanyang sinabi,
“Sumpain si Canaan!
Siya'y magiging alipin ng mga alipin sa kanyang mga kapatid.”
26 At sinabi niya,
“Purihin ang Panginoon, ang Diyos ni Sem!
At si Canaan ay magiging alipin niya.
27 Palawakin ng Diyos si Jafet,
at siya'y titira sa mga tolda ni Sem;
at si Canaan ay magiging alipin niya.”
28 Nabuhay si Noe ng tatlong daan at limampung taon pagkaraan ng baha.
29 Ang lahat ng naging araw ni Noe ay siyamnaraan at limampung taon. At siya ay namatay.
Ang Lahi ng mga Anak ni Noe(AH)
10 Ang mga ito ang mga salinlahi ng mga anak ni Noe: sina Sem, Ham, at Jafet: at sila'y nagkaanak pagkaraan ng baha.
2 Ang mga anak ni Jafet: sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec, at si Tiras.
3 Ang mga anak ni Gomer: sina Askenaz, Rifat, at Togarma.
4 Ang mga anak ni Javan: sina Elisha, Tarsis, Kittim, at Dodanim.
5 Sa mga ito nahati ang mga pulo ng mga bansa sa kanilang mga lupain, ang bawat isa ayon sa kanyang wika, sa kanilang mga angkan at mga bansa.
6 Ang mga anak ni Ham ay sina Cus, Mizraim,[j] Put, at Canaan.
7 Ang mga anak ni Cus ay sina Seba, Havila, Sabta, Raama, at Sabteca; at ang mga anak ni Raama: sina Sheba, at Dedan.
8 Naging anak ni Cus si Nimrod na siyang nagsimulang maging makapangyarihan sa lupa.
9 Siya'y makapangyarihang mangangaso sa harap ng Panginoon kaya't karaniwang sinasabi: “Gaya ni Nimrod na makapangyarihang mangangaso sa harapan ng Panginoon.”
10 At ang simula ng kanyang kaharian ay ang Babel, ang Erec, ang Acad, ang Calne, sa lupain ng Shinar.
11 Buhat sa lupaing iyon ay nagtungo siya sa Asiria at itinayo ang Ninive, Rehobot-ir, at ang Cale,
12 ang Resen, sa pagitan ng Ninive at ng Cale na isang malaking bayan.
13 At naging anak ni Mizraim[k] sina Ludim, Anamim, Lehabim, at Naphtuhim,
14 sina Patrusim, at Casluim na siyang pinagmulan ng mga Filisteo, at ang Caftoreo.
15 At naging anak ni Canaan sina Sidon, na kanyang panganay, at si Het,
16 at ang mga Jebuseo, Amoreo, ang mga Gergeseo;
17 ang mga Heveo, Araceo, ang Sineo,
18 ang mga taga-Arvad, Zemareo, Hamateo at pagkatapos ay kumalat ang mga angkan ng Cananeo.
19 Ang hangganan ng lupain ng mga Cananeo ay mula sa Sidon, patungo sa Gerar, hanggang sa Gaza, patungo sa Sodoma at Gomorra, at Adma, at Zeboyin hanggang Lasa.
20 Ito ang mga anak ni Ham ayon sa kanilang angkan, wika, mga lupain, at kanilang mga bansa.
21 Nagkaroon din ng mga anak si Sem, na ama ng lahat ng mga anak ni Eber, na siyang matandang kapatid ni Jafet.
22 Ang mga anak ni Sem: sina Elam, Ashur, Arfaxad, Lud, at Aram.
23 Ang mga anak ni Aram: sina Uz, Hul, Geter, at Mas.
24 Naging anak ni Arfaxad sina Shela; at naging anak ni Shela si Eber.
25 Nagkaanak si Eber ng dalawang lalaki; ang pangalan ng una'y Peleg; sapagkat sa mga araw niya'y nahati ang lupa; at ang pangalan ng kanyang kapatid ay Joktan.
26 Naging anak ni Joktan sina Almodad, Shelef, Hazar-mavet, at si Jerah,
27 sina Hadoram, Uzal, at Dicla,
28 sina Obal, Abimael, at Sheba,
29 sina Ofir, Havila, at Jobab. Lahat ng ito ay mga naging anak ni Joktan.
30 Ang naging tahanan nila ay mula sa Mesha, patungo sa Sefar, na siyang bundok sa silangan.
31 Ito ang mga anak ni Sem, ayon sa kanilang angkan, wika, lupain, at bansa.
32 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Noe, ayon sa kanilang lahi, at bansa. Sa mga ito nagsimulang kumalat ang mga bansa pagkatapos ng baha.
Ang Tore ng Babel
11 Noon, ang buong lupa ay iisa ang wika at magkakatulad ang salita.
2 Sa kanilang paglalakbay sa silangan, nakatagpo sila ng isang kapatagan sa lupain ng Shinar, at sila'y tumira doon.
3 At sinabi nila sa isa't isa, “Halikayo! Tayo'y gumawa ng mga tisa at ating lutuing mabuti.” At ang kanilang bato ay tisa at alkitran ang kanilang semento.
4 Sinabi nila, “Halikayo! Magtayo tayo ng isang lunsod at isang tore na ang taluktok nito ay hanggang sa langit, at gumawa tayo ng pangalan para sa ating mga sarili, baka tayo magkawatak-watak sa ibabaw ng buong lupa.”
5 Bumaba ang Panginoon upang tingnan ang lunsod at ang tore na itinayo ng mga anak ng mga tao.
6 At sinabi ng Panginoon, “Tingnan ninyo, sila'y iisang bayan at may isang wika; at ito ay pasimula pa lamang ng kanilang gagawin, at ngayon, walang makakapigil sa anumang kanilang binabalak gawin.
7 Halikayo! Tayo'y bumaba at ating guluhin ang kanilang wika, upang hindi nila maunawaan ang pananalita ng bawat isa.”
8 Kaya't ikinalat sila ng Panginoon mula roon sa ibabaw ng buong lupa, at huminto sila sa pagtatayo ng lunsod.
9 Kaya't ang ipinangalan dito ay Babel, sapagkat doon ay ginulo ng Panginoon ang wika ng buong lupa, at mula roon ay ikinalat sila ng Panginoon sa ibabaw ng buong lupa.
Ang mga Anak ni Sem(AI)
10 Ito ang mga salinlahi ni Sem. May isandaang taong gulang si Sem nang maging anak si Arfaxad, dalawang taon pagkatapos ng baha.
11 Nabuhay si Sem ng limandaang taon pagkatapos na maipanganak si Arfaxad, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
12 Nang si Arfaxad ay tatlumpu't limang taon, naging anak niya si Shela.
13 Nabuhay si Arfaxad ng apatnaraan at tatlong taon pagkatapos na maipanganak si Shela, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
14 Nabuhay si Shela ng tatlumpung taon, at naging anak si Eber.
15 Nabuhay si Shela ng apatnaraan at tatlumpung taon pagkatapos na maipanganak si Eber, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
16 Nabuhay si Eber ng tatlumpu't apat na taon, at naging anak si Peleg.
17 Nabuhay si Eber ng apatnaraan at tatlumpung taon pagkatapos na maipanganak si Peleg, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
18 Nabuhay si Peleg ng tatlumpung taon, at naging anak si Reu.
19 Nabuhay si Peleg ng dalawang daan at siyam na taon pagkatapos na maipanganak si Reu, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
20 Nabuhay si Reu ng tatlumpu't dalawang taon, at naging anak si Serug.
21 Nabuhay si Reu ng dalawang daan at pitong taon pagkatapos na maipanganak si Serug, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
22 Nabuhay si Serug ng tatlumpung taon, at naging anak si Nahor.
23 Nabuhay si Serug ng dalawang daang taon pagkatapos maipanganak si Nahor, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
24 Nabuhay si Nahor ng dalawampu't siyam na taon, at naging anak si Terah.
25 Nabuhay si Nahor ng isandaan at labinsiyam na taon pagkatapos na maipanganak si Terah, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
26 At nabuhay si Terah ng pitumpung taon, at naging anak sina Abram, Nahor at Haran.
Ang Sambahayan ni Terah
27 Ito ang mga lahi ni Terah. Naging anak ni Terah sina Abram, Nahor, at Haran; at naging anak ni Haran si Lot.
28 Unang namatay si Haran kaysa sa kanyang amang si Terah sa lupaing kanyang tinubuan, sa Ur ng mga Caldeo.
29 At nagsipag-asawa sina Abram at Nahor. Ang pangalan ng asawa ni Abram ay Sarai, at ang pangalan ng asawa ni Nahor ay Milca, na anak na babae ni Haran na ama nina Milca at Iscah.
30 At si Sarai ay baog; siya'y walang anak.
31 Isinama ni Terah si Abram na kanyang anak, at si Lot na anak ni Haran, na anak ng kanyang anak, at si Sarai na kanyang manugang na asawa ni Abram na kanyang anak at sama-samang umalis sa Ur ng mga Caldeo upang magtungo sa lupain ng Canaan. Dumating sila sa Haran, at nanirahan doon.
32 At ang mga naging araw ni Terah ay dalawandaan at limang taon, at namatay si Terah sa Haran.
Ang Pagtawag ng Diyos kay Abraham
12 Sinabi(AJ) ng Panginoon kay Abram, “Umalis ka sa iyong lupain, sa iyong mga kamag-anak, sa bahay ng iyong ama, at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.
2 Gagawin kitang isang malaking bansa, ikaw ay aking pagpapalain, gagawin kong dakila ang iyong pangalan, at ikaw ay magiging isang pagpapala.
3 Pagpapalain(AK) ko ang magbibigay ng pagpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo; at sa pamamagitan mo ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain.”
4 Kaya't umalis si Abram ayon sa sinabi sa kanya ng Panginoon, at si Lot ay sumama sa kanya. Si Abram ay may pitumpu't limang taong gulang nang umalis siya sa Haran.
5 Isinama ni Abram si Sarai na kanyang asawa, at si Lot na anak ng kanyang kapatid, at ang lahat ng pag-aaring kanilang natipon at ang mga taong kanilang nakuha sa Haran; at umalis sila upang pumunta sa lupain ng Canaan at nakarating sila roon.
6 Dumaan sa lupain si Abram hanggang sa lugar ng Shekem, sa punong ensina ng More. Noon, ang mga Cananeo ay nasa lupaing iyon.
7 Nagpakita(AL) ang Panginoon kay Abram, at sinabi, “Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong lahi.”[l] At siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon na nagpakita sa kanya.
8 Mula roon ay lumipat siya sa bundok na nasa silangan ng Bethel, at doon niya itinayo ang kanyang tolda, na nasa kanluran ang Bethel, at nasa silangan ang Ai. Siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon, at tinawag ang pangalan ng Panginoon.
9 Si Abram ay patuloy na naglakbay hanggang sa Negeb.[m]
Si Abram sa Ehipto
10 Nagkagutom sa lupain kaya't bumaba si Abram sa Ehipto upang manirahan doon sapagkat mahigpit ang taggutom sa lupain.
11 Nang siya'y malapit na sa Ehipto, sinabi niya kay Sarai na kanyang asawa, “Alam kong ikaw ay isang babaing maganda sa paningin;
12 at kapag nakita ka ng mga Ehipcio ay kanilang sasabihin, ‘Ito'y kanyang asawa;’ at ako'y kanilang papatayin, subalit hahayaan ka nilang mabuhay.
13 Sabihin(AM) mong ikaw ay aking kapatid upang ako'y mapabuti dahil sa iyo, at upang ang buhay ko'y makaligtas dahil sa iyo.”
14 Nang dumating si Abram sa Ehipto, nakita ng mga Ehipcio na ang babae ay napakaganda.
15 Nang makita siya ng mga pinuno ng Faraon, siya'y kanilang pinuri kay Faraon, at dinala ang babae sa bahay ng Faraon.
16 At pinagpakitaan niya ng magandang loob si Abram dahil kay Sarai at nagkaroon si Abram ng mga tupa, baka, lalaking asno, aliping lalaki at alilang babae, babaing asno, at mga kamelyo.
17 Subalit pinahirapan ng Panginoon ang Faraon at ang kanyang sambahayan ng malubhang salot dahil kay Sarai na asawa ni Abram.
18 Tinawag ng Faraon si Abram, at sinabi, “Ano itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi sa akin na siya'y iyong asawa?
19 Bakit mo sinabing, ‘Siya'y aking kapatid?’ na anupa't siya'y aking kinuha upang maging asawa. Kaya't ngayon, narito ang iyong asawa. Siya'y kunin mo at umalis ka.”
20 At nag-utos ang Faraon sa mga tao tungkol sa kanya, at siya'y kanilang inihatid sa daan, ang kanyang asawa, at ang lahat ng kanyang pag-aari.
Naghiwalay sina Abram at Lot
13 Umahon sa Negeb mula sa Ehipto si Abram, ang kanyang asawa, dala ang lahat ng kanyang pag-aari, at si Lot.
2 At si Abram ay napakayaman sa hayop, pilak, at ginto.
3 Nagpatuloy si Abram ng kanyang paglalakbay mula sa Negeb hanggang sa Bethel, hanggang sa dakong kinaroroonan ng kanyang tolda sa pagitan ng Bethel at ng Ai;
4 sa lugar ng dambana na kanyang ginawa roon nang una; at doon ay tinawag ni Abram ang pangalan ng Panginoon.
5 Si Lot na sumama kay Abram ay mayroon ding mga tupa, baka, at mga tolda.
6 Hindi makayanan ng lupain na sila'y manirahang magkasama sapagkat napakarami ng kanilang pag-aari.
Paghiwalay kay Lot
7 At nagkaroon ng pagtatalo ang mga pastol ng hayop ni Abram at ang mga pastol ng hayop ni Lot. Ang Cananeo at ang Perezeo ay naninirahan noon sa lupain.
8 Sinabi ni Abram kay Lot, “Huwag na tayong magkaroon ng pagtatalo, maging ang ating mga pastol, sapagkat tayo'y magkapatid.
9 Di ba nasa harapan mo ang buong lupain? Humiwalay ka sa akin. Kapag kinuha mo ang nasa kaliwa, ako ay pupunta sa kanan; o kapag kinuha mo ang nasa kanan, ako ay pupunta sa kaliwa.”
10 Inilibot(AN) ni Lot ang kanyang paningin, at natanaw niya ang buong libis ng Jordan na pawang natutubigang mabuti gaya ng halamanan ng Panginoon, gaya ng lupain ng Ehipto, sa gawi ng Zoar; ito ay bago winasak ng Panginoon ang Sodoma at Gomorra.
11 Kaya't pinili ni Lot para sa kanya ang buong libis ng Jordan; at si Lot ay naglakbay sa silangan at sila'y kapwa naghiwalay.
12 Nanirahan si Abram sa lupain ng Canaan, at si Lot ay nanirahan sa mga bayan ng libis, at inilipat ang kanyang tolda hanggang sa Sodoma.
13 Ang mga tao nga sa Sodoma ay napakasama at makasalanan sa harap ng Panginoon.
Nagtungo si Abram sa Hebron
14 Sinabi ng Panginoon kay Abram pagkatapos na humiwalay si Lot sa kanya, “Itaas mo ngayon ang iyong paningin, at tumanaw ka mula sa dakong iyong kinalalagyan, sa dakong hilaga, timog, silangan, at sa kanluran;
15 sapagkat(AO) ang buong lupaing natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi magpakailanman.
16 Gagawin kong parang alabok ng lupa ang iyong binhi, at kung mabibilang ng sinuman ang alabok ng lupa, ang iyong binhi ay mabibilang din.
17 Tumindig ka! Lakarin mo ang lupain, ang kanyang haba at luwang sapagkat ibibigay ko ito sa iyo.”
18 At inilipat ni Abram ang kanyang tolda, at humayo at nanirahan sa gitna ng mga punong ensina ni Mamre na nasa Hebron, at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon.
Iniligtas ni Abram si Lot
14 Nang mga araw ni Amrafel, hari ng Shinar, ni Arioc na hari ng Elasar, ni Kedorlaomer na hari ng Elam, at ni Tidal na hari ng mga Goiim,
2 ang mga ito ay nakipagdigma laban kay Bera na hari ng Sodoma, kay Birsha na hari ng Gomorra, kay Shinab na hari ng Adma, kay Shemeber na hari ng Zeboyin, at ng hari sa Bela na si Zoar.
3 Silang lahat ay nagsama-sama sa libis ng Siddim na siyang Dagat na Patay.
4 Labindalawang taon silang naglingkod kay Kedorlaomer, at sa ikalabintatlong taon ay naghimagsik.
5 Sa ikalabing-apat na taon ay dumating si Kedorlaomer at ang mga haring kasama niya, at nilupig ang mga Refaim sa Astarot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa Save-Kiryataim,
6 at ang mga Horeo sa kanilang kabundukan ng Seir hanggang Elparan na nasa tabi ng ilang.
7 Pagkatapos, sila'y bumalik at tumungo sa Enmispat (na siyang Kadesh), at kanilang nilupig ang buong lupain ng mga Amalekita at pati ng mga Amoreo na nakatira sa Hazazon-tamar.
8 At lumabas ang mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboyin, Bela na si Zoar; at sila'y sumama sa pakikidigma sa libis ng Siddim
9 laban kay Kedorlaomer na hari ng Elam, kay Tidal na hari ng mga Goiim, kay Amrafel na hari ng Shinar, at kay Arioc na hari ng Elasar; apat na hari laban sa lima.
10 Ang libis ng Siddim ay punô ng hukay ng betun, at nang tumakas ang mga hari ng Sodoma at ng Gomorra, ang ilan ay nahulog doon, at ang natira ay tumakas sa kabundukan.
11 At kanilang sinamsam ang lahat ng pag-aari at pagkain ng Sodoma at Gomorra, at saka umalis.
12 Dinala nila si Lot na anak ng kapatid ni Abram, na nakatira sa Sodoma, at ang kanyang mga pag-aari at sila'y umalis.
13 At dumating ang isang nakatakas at ibinalita kay Abram na Hebreo na naninirahan sa mga puno ng ensina ni Mamre na Amoreo, kapatid nina Escol at Aner. Ang mga ito ay mga kakampi ni Abram.
14 Nang marinig ni Abram na nabihag ang kanyang kamag-anak, pinangunahan niya ang kanyang tatlong daan at labingwalong mga sanay na tauhan na ipinanganak sa kanyang bahay, at kanilang hinabol sila hanggang sa Dan.
15 Kinagabihan, sila'y nagpangkat-pangkat laban sa kaaway, siya at ang kanyang mga alipin, at sila'y kanilang ginapi at hinabol sila hanggang sa Hoba na nasa hilaga ng Damasco.
16 At iniuwi niya ang lahat ng pag-aari, gayundin si Lot na kanyang kamag-anak at ang kanyang mga pag-aari, at ang mga kababaihan at ang taong-bayan.
Binasbasan ni Melquizedek si Abram
17 Siya'y sinalubong ng hari ng Sodoma pagkatapos na siya'y bumalik mula sa pagkatalo ni Kedorlaomer, at sa mga haring kasama niya sa libis ng Shave (na siyang libis ng hari).
18 At(AP) si Melquizedek, hari ng Salem na pari ng Kataas-taasang Diyos,[n] ay naglabas ng tinapay at alak.
19 Siya'y kanyang binasbasan na sinabi, “Pagpalain si Abram ng Kataas-taasang Diyos, na lumikha ng langit at ng lupa;
20 at purihin ang Kataas-taasang Diyos, na nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay.” At binigyan siya ni Abram ng ikasampung bahagi ng lahat.
21 Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Ibigay mo sa akin ang mga tao at kunin mo ang mga ari-arian para sa iyong sarili.”
22 Sinabi ni Abram sa hari ng Sodoma, “Ako'y sumumpa sa Panginoong Diyos na Kataas-taasan, na lumikha ng langit at ng lupa,
23 na hindi ako kukuha kahit isang sinulid, o isang panali ng sandalyas, o ng anumang para sa iyo, baka iyong sabihin, ‘Pinayaman ko si Abram.’
24 Wala akong kukunin, maliban sa kinain ng mga kabataang lalaki at ang bahagi ng mga lalaking sumama sa akin—sina Aner, Escol, at Mamre. Ibigay mo sa kanila ang kanilang bahagi.”
Ang Tipan ng Diyos kay Abram
15 Pagkatapos ng mga bagay na ito, dumating ang salita ng Panginoon kay Abram sa isang pangitain, “Huwag kang matakot, Abram; ako ang iyong kalasag, ang iyong gantimpala ay magiging napakadakila.”
2 Ngunit sinabi ni Abram, “O Panginoong Diyos, anong ibibigay mo sa akin, yamang ako'y patuloy na walang anak at ang tagapagmana ng aking bahay ay si Eliezer ng Damasco?”
3 At sinabi ni Abram, “Hindi mo ako binigyan ng anak at isang alipin na ipinanganak sa aking bahay ang magiging tagapagmana ko.”
4 Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, “Hindi ang taong ito ang magiging tagapagmana mo; ang iyong sariling anak ang magiging tagapagmana mo.”
5 Siya'y(AQ) dinala niya sa labas at sinabi, “Tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo.” At sinabi sa kanya, “Magiging ganyan ang iyong binhi.”
6 Sumampalataya(AR) siya sa Panginoon; at ito'y ibinilang na katuwiran sa kanya.
7 At sinabi niya sa kanya, “Ako ang Panginoon na nagpaalis sa iyo sa Ur ng mga Caldeo, upang ibigay sa iyo ang lupaing ito para angkinin.”
8 Sinabi niya, “O Panginoong Diyos, paano ko malalaman na mamanahin ko iyon?”
9 At sinabi sa kanya, “Magdala ka rito ng isang dumalagang bakang tatlong taon ang gulang, isang babaing kambing na tatlong taon ang gulang, isang lalaking tupang tatlong taon ang gulang, isang inakay na batu-bato, at isang inakay na kalapati.”
10 Dinala niya ang lahat ng ito sa kanya at hinati niya sa gitna, at kanyang inihanay na magkakatapat ang isa't isa subalit hindi niya hinati ang mga ibon.
11 Nang bumaba ang mga ibong mandaragit sa mga bangkay, ang mga iyon ay binugaw ni Abram.
12 Nang(AS) lulubog na ang araw, nakatulog si Abram nang mahimbing; isang makapal at nakakatakot na kadiliman ang dumating sa kanya.
13 Sinabi(AT) ng Panginoon kay Abram, “Tunay na dapat mong malaman na ang iyong binhi ay magiging taga-ibang bayan sa lupaing hindi kanila, at sila'y magiging mga alipin doon, at sila'y pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon;
14 ngunit(AU) ang bansang kanilang paglilingkuran ay aking hahatulan; at pagkatapos ay aalis sila na may malaking ari-arian.
15 Subalit ikaw ay payapang tutungo sa iyong mga ninuno, at ikaw ay malilibing sa panahong lubos na ang iyong katandaan.
16 Sa ikaapat na salin ng iyong binhi, muli silang babalik rito sapagkat hindi pa nalulubos ang kasamaan ng mga Amoreo.”
17 Nang lumubog na ang araw at madilim na, isang hurnong umuusok at ang isang tanglaw na nagniningas ang dumaan sa gitna ng mga hinating hayop.
18 Nang(AV) araw na iyon, ang Panginoon ay nakipagtipan kay Abram, na sinasabi, “Ibinigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi, mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, ang Ilog Eufrates,
19 ang lupain ng mga Kineo, Kenizeo, at ng mga Cadmoneo,
20 ng mga Heteo, Perezeo, at Refaim,
21 at ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo, at ng mga Jebuseo.”
Si Hagar at si Ismael
16 Si Sarai na asawa ni Abram ay hindi nagkaanak sa kanya; at siya'y may isang alilang babae na taga-Ehipto, na ang pangalan ay Hagar.
2 Sinabi ni Sarai kay Abram, “Ako'y hinadlangan ng Panginoon na magkaanak. Sumiping[o] ka sa aking alilang babae; marahil ay magkakaanak ako sa pamamagitan niya.” At pinakinggan ni Abram ang sinabi ni Sarai.
3 Kaya't pagkaraan ng sampung taong paninirahan ni Abram sa lupain ng Canaan, kinuha ni Sarai na asawa ni Abram si Hagar na taga-Ehipto, na kanyang alila, at ibinigay kay Abram na kanyang asawa upang maging asawa niya.
4 Siya'y sumiping kay Hagar at naglihi; at nang makita ni Hagar na siya'y naglihi, tiningnan niya na may paghamak ang kanyang panginoong babae.
5 At sinabi ni Sarai kay Abram, “Mapasaiyo nawa ang kasamaang ginawa sa akin, ibinigay ko ang aking alila sa iyong kandungan; at nang kanyang makita na siya'y naglihi ay hinamak ako sa kanyang paningin. Ang Panginoon ang humatol sa akin at sa iyo.”
6 Subalit sinabi ni Abram kay Sarai, “Ang iyong alila ay nasa iyong kapangyarihan. Gawin mo sa kanya ang mabuti sa iyong paningin.” Pinagmalupitan siya ni Sarai at si Hagar ay tumakas.
7 Natagpuan siya ng anghel ng Panginoon sa tabi ng isang bukal sa ilang, sa bukal na nasa daang patungo sa Shur.
8 At sinabi niya, “Hagar, alila ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” At kanyang sinabi, “Ako'y tumatakas kay Sarai na aking panginoon.”
9 Sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Magbalik ka sa iyong panginoon, at pasakop ka sa kanyang mga kamay.”
10 Sinabi din sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Pararamihin kong lubos ang iyong binhi, at sila'y hindi mabibilang dahil sa karamihan.”
11 At sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Ngayon, ikaw ay nagdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. Ang itatawag mo sa kanyang pangalan ay Ismael, sapagkat pinakinggan ng Panginoon ang iyong dalamhati.”
12 Siya'y magiging isang taong gaya ng mailap na asno, ang kanyang kamay laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay laban sa kanya; at habang nabubuhay ay kalaban ng lahat niyang mga kapatid.
13 Kaya't kanyang pinangalanan ang Panginoon na nagsalita sa kanya, “Ikaw ay Diyos na nakakakita;”[p] sapagkat sinabi niya, “Talaga bang nakita ko ang Diyos at nanatiling buháy pagkatapos na makita siya?”
14 Kaya't pinangalanan ang balong iyon na Balon ng Nabubuhay na Nakakakita sa Akin;[q] ito'y nasa pagitan ng Kadesh at Bered.
15 At(AW) nanganak si Hagar ng isang lalaki kay Abram at ang itinawag ni Abram sa kanyang anak na ipinanganak ni Hagar ay Ismael.
16 Si Abram ay walumpu't anim na taon nang ipanganak ni Hagar si Ismael sa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001