Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 1:1-14:32

Mga Handog na Sinusunog

Ipinatawag ng Panginoon si Moises at nagsalita sa kanya mula sa toldang tipanan, na sinasabi,

“Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila: Kapag ang sinuman sa inyo ay nagdadala ng alay sa Panginoon, ang dadalhin ninyong alay ay galing sa mga hayop, mga bakahan, at sa kawan.

“Kung ang kanyang alay ay isang handog na sinusunog mula sa bakahan, mag-aalay siya ng isang lalaking walang kapintasan. Ito ay kanyang dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan, upang siya ay tanggapin sa harapan ng Panginoon.

Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog na sinusunog at ito ay tatanggapin para sa ikatutubos niya.

At kanyang papatayin ang toro sa harapan ng Panginoon; ang dugo ay ihahandog ng mga anak ni Aaron, na mga pari, at iwiwisik ito sa palibot ng dambana na nasa pintuan ng toldang tipanan.

Kanyang babalatan at pagpuputul-putulin ang handog na sinusunog.

Maglalagay ang mga anak ng paring si Aaron ng apoy sa ibabaw ng dambana, at aayusin ang kahoy sa apoy.

Aayusin ng mga paring anak ni Aaron ang mga bahagi, ang ulo, at ang taba sa kahoy na nakapatong sa apoy na nasa ibabaw ng dambana;

ngunit ang mga lamang-loob at mga paa ay huhugasan niya ng tubig. Susunugin ng pari ang kabuuan nito sa ibabaw ng dambana bilang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy na isang mabangong samyo sa Panginoon.

10 “Kung ang kanyang kaloob para sa handog na sinusunog ay mula sa kawan, sa mga tupa, o sa mga kambing, siya ay maghahandog ng isang lalaking walang kapintasan.

11 Ito ay kanyang kakatayin sa hilagang bahagi ng dambana sa harapan ng Panginoon. Iwiwisik ng mga anak ni Aaron, na mga pari, ang dugo niyon sa palibot ng dambana.

12 At ito ay kanyang pagpuputul-putulin, kasama ang ulo at ang kanyang taba, at iaayos ng pari sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy sa ibabaw ng dambana;

13 ngunit ang mga lamang-loob at ang mga paa ay huhugasan ng tubig. At ihahandog ng pari ang kabuuan at susunugin sa dambana; ito ay isang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy, na isang mabangong samyo sa Panginoon.

14 “Kung ang kanyang alay sa Panginoon ay handog na sinusunog na mula sa mga ibon, ang ihahandog niya ay mga batu-bato o mga batang kalapati.

15 Ito ay dadalhin ng pari sa dambana, puputulan ng ulo, susunugin sa ibabaw ng dambana, at ang dugo'y patutuluin sa tabi ng dambana.

16 Aalisin niya ang butsi pati ang mga laman nito, at ihahagis sa silangang bahagi ng dambana, sa kinalalagyan ng mga abo.

17 Bibiyakin niya ito sa mga pakpak, ngunit hindi hahatiin. Ito'y susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy, bilang isang handog na sinusunog. Ito ay isang handog na pinaraan sa apoy, na isang mabangong samyo sa Panginoon.

Ang Butil na Handog

“Kapag ang isang tao ay magdadala ng butil na handog bilang handog sa Panginoon, dapat na ang kanyang handog ay mula sa piling harina. Bubuhusan niya ito ng langis, at lalagyan ito ng kamanyang.

Dadalhin niya ito sa mga anak ni Aaron na mga pari at siya'y kukuha mula roon ng isang dakot na piling harina at langis, at lahat ng kamanyang nito. Ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, isang handog na pinakaalaala, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.

Ang nalabi sa butil na handog ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; ito ay kabanal-banalan sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

“Kapag ikaw ay magdadala ng butil na handog na niluto sa hurno, dapat na ito ay tinapay na walang pampaalsa mula sa piling harina na hinaluan ng langis, o maninipis na tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis.

At kung ang iyong alay ay butil na handog na luto sa kawali, dapat na ang iyong handog ay piling harina na walang pampaalsa na hinaluan ng langis.

Ito ay iyong pagpuputul-putulin at bubuhusan mo ito ng langis; ito ay butil na handog.

Kung ang butil na handog ay niluto sa kawali, dapat na ang iyong handog ay piling harina na hinaluan ng langis.

At dadalhin mo sa Panginoon ang pagkaing handog na mula sa mga sangkap na ito, at dadalhin ito ng pari sa dambana.

Kukunin ng pari mula sa butil na handog ang bahaging pinakaalaala nito at susunugin sa ibabaw ng dambana, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.

10 At ang nalabi sa pagkaing handog ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; kabanal-banalan sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa Diyos.

11 “Alinmang butil na handog na iaalay ninyo sa Panginoon, ay gawin ninyong walang pampaalsa. Huwag kayong magsusunog ng anumang pampaalsa ni ng anumang pulot bilang handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon.

12 Bilang alay na mga unang bunga, ihahandog ninyo ang mga ito sa Panginoon, ngunit ang mga ito ay hindi ihahandog sa dambana bilang isang mabangong samyo.

13 Titimplahan mo ng asin ang lahat ng iyong butil na handog. Huwag mong hayaang ang iyong butil na handog ay mawalan ng asin sa pakikipagtipan ng iyong Diyos; lahat ng iyong mga alay ay ihahandog mong may asin.

14 “Kung maghahandog ka sa Panginoon ng butil na handog ng mga unang bunga, ang iaalay mo bilang butil na handog ng iyong unang bunga ay niligis na bagong butil na sinangag sa apoy.

15 Bubuhusan mo iyon ng langis at lalagyan mo ng kamanyang sa ibabaw nito, ito ay butil na handog.

16 At susunugin ng pari bilang bahaging pinakaalaala ang bahagi ng butil na niligis at ang bahagi ng langis, pati ang lahat ng kamanyang niyon; ito ay isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

Handog Pangkapayapaan

“Kung ang alay ay handog pangkapayapaan, at ang ihahandog niya ay mula sa bakahan, maging lalaki o babae, ito ay ihahandog niya na walang kapintasan sa harapan ng Panginoon.

Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kanyang alay, at papatayin ito sa pintuan ng toldang tipanan; at iwiwisik ng mga anak ni Aaron na mga pari ang dugo sa palibot ng dambana.

Mula sa kanyang alay na handog pangkapayapaan, bilang isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, ihahandog niya ang lahat ng tabang bumabalot sa lamang-loob at lahat ng tabang nasa lamang-loob,

at ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw ng mga iyon, na nasa mga balakang, at ang lamad ng atay na kanyang aalising kasama ng mga bato.

Pagkatapos, ito ay susunugin ng mga anak ni Aaron sa dambana, sa ibabaw ng handog na sinusunog na nasa ibabaw ng kahoy na nakapatong sa apoy, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.

“At kung ang kanyang alay sa Panginoon bilang handog pangkapayapaan ay mula sa kawan, maging lalaki o babae, ito ay ihahandog niya na walang kapintasan.

Kung isang kordero ang kanyang ihahandog bilang kanyang alay, ihahandog niya ito sa harapan ng Panginoon,

kanyang ipapatong ang kamay niya sa ulo ng kanyang alay, at ito ay papatayin sa harapan ng toldang tipanan, at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo niyon sa palibot ng dambana.

Mula sa alay na mga handog pangkapayapaan na isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, iaalay niya ang taba niyon, ang buong matabang buntot na aalisin sa pinakamalapit sa gulugod, ang tabang bumabalot sa lamang-loob, at ang lahat ng taba ng lamang-loob.

10 Ang dalawang bato, at ang tabang nasa loob nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa atay ay aalisin niya kasama ng mga bato.

11 At susunugin ito ng pari sa ibabaw ng dambana bilang pagkaing inihandog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

12 “Kung ang kanyang alay ay kambing, dadalhin niya ito sa harapan ng Panginoon.

13 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo niyon, at papatayin iyon sa harapan ng toldang tipanan at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo sa palibot ng dambana.

14 Siya ay maghahandog mula rito ng kanyang alay, bilang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, ang tabang bumabalot sa lamang-loob at lahat ng tabang nasa lamang-loob,

15 ang dalawang bato, ang tabang nasa ibabaw nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay ay aalisin niya kasama ng mga bato.

16 Ang mga ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, bilang pagkaing handog na pinaraan sa apoy na isang mabangong samyo. Lahat ng taba ay sa Panginoon.

17 Ito ay magiging isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng inyong lahi sa lahat ng inyong mga tahanan. Huwag kayong kakain ng taba o anumang dugo nito.”

Handog para sa Kasalanang Hindi Sinasadya

Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kapag ang isang tao ay nagkasala nang hindi sinasadya sa alinman sa mga iniutos ng Panginoon tungkol sa mga bagay na hindi dapat gawin, at nakagawa ang alinman sa mga ito:

Kapag ang pari na binuhusan ng langis ang nagkasala at nagbunga ng pagkakasala sa bayan, ay maghahandog siya sa Panginoon ng isang guyang toro na walang kapintasan, bilang handog pangkasalanan dahil sa nagawa niyang kasalanan.

Dadalhin niya ang toro sa pintuan ng toldang tipanan sa harapan ng Panginoon; at ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng toro, at papatayin ang toro sa harapan ng Panginoon.

Ang pari na binuhusan ng langis ay kukuha ng dugo ng toro at dadalhin sa toldang tipanan;

ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik nang pitong ulit ang dugo sa harapan ng Panginoon, sa harapan ng tabing ng dakong banal.

Maglalagay ang pari ng kaunting dugo sa mga sungay ng dambana ng mabangong insenso sa harapan ng Panginoon, na nasa toldang tipanan at ang nalabi sa dugo ng toro ay ibubuhos sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog na nasa pintuan ng toldang tipanan ng kapulungan.

Kanyang aalisin ang lahat ng taba ng toro na handog pangkasalanan; ang tabang bumabalot sa lamang-loob at ang lahat ng tabang nasa lamang-loob;

ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay ay aalisin niya kasama ng mga bato,

10 gaya ng pag-aalis ng mga ito sa bakang lalaki na alay ng handog pangkapayapaan; at ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog.

11 Subalit ang balat ng toro at lahat ng laman nito, pati ang ulo, mga hita, lamang-loob, dumi,

12 at ang buong toro ay ilalabas niya sa kampo sa isang dakong malinis, sa lugar na pinagtatapunan ng mga abo, at kanyang susunugin sa apoy sa ibabaw ng kahoy; ito ay susunugin sa lugar na pinagtatapunan ng mga abo.

13 “At kung ang buong kapulungan ng Israel ay magkasala nang hindi sinasadya, at ito ay hindi alam ng kapulungan, at sila'y nakagawa ng alinman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin at sila'y nagkasala,

14 kapag nalaman na ang kasalanang kanilang nagawa, ang kapulungan ay magdadala ng isang guyang toro bilang handog pangkasalanan, at dadalhin ito sa harapan ng toldang tipanan.

15 Ipapatong ng matatanda ng kapulungan ang kanilang kamay sa ulo ng toro sa harapan ng Panginoon, at papatayin ang toro sa harapan ng Panginoon.

16 Pagkatapos, dadalhin ang dugo ng toro sa toldang tipanan ng paring binuhusan ng langis,

17 at ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo, at iwiwisik nang pitong ulit sa harapan ng Panginoon sa harap ng tabing.

18 Maglalagay siya ng kaunting dugo sa mga sungay ng dambana na nasa harapan ng Panginoon na nasa toldang tipanan, at ang nalabi sa dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog na nasa pintuan ng toldang tipanan.

19 At aalisin niya ang lahat ng taba niyon at susunugin sa ibabaw ng dambana.

20 Gagawin niya sa toro kung paano ang ginawa niya sa torong handog pangkasalanan, gayundin ang gagawin niya rito. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanila, at sila ay patatawarin.

21 Ilalabas niya ang toro sa kampo at susunugin ito gaya ng pagkasunog sa unang toro; ito ay handog pangkasalanan para sa kapulungan.

22 “Kapag ang isang pinuno ay nagkasala at nakagawa nang hindi sinasadya sa alinman sa lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon niyang Diyos na hindi dapat gawin, at nagkasala;

23 kapag naipaalam na sa kanya ang kasalanang kanyang nagawa, siya ay magdadala ng kanyang handog, isang lalaking kambing na walang kapintasan.

24 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing, at papatayin niya ito sa dakong pinagkakatayan ng handog na sinusunog sa harapan ng Panginoon; ito ay handog pangkasalanan.

25 Pagkatapos ay kukuha ang pari sa pamamagitan ng kanyang daliri ng kaunting dugo mula sa handog pangkasalanan at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabi sa dugo'y ibubuhos sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog.

26 At ito ay susunugin niya sa dambana, kasama ang lahat nitong taba, gaya ng taba ng handog pangkapayapaan. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanyang kasalanan, at siya ay patatawarin.

Ang Batas ng Handog Pangkasalanan ng mga Pangkaraniwang Tao

27 “At(A) kung ang sinumang pangkaraniwang tao sa mga mamamayan ay magkasala nang hindi sinasadya sa paggawa ng bagay na hindi dapat gawin, laban sa isa sa mga utos ng Panginoon at nagkasala,

28 kapag naipaalam na sa kanya ang kasalanan niyang nagawa, siya ay magdadala ng kanyang handog na isang babaing kambing na walang kapintasan para sa kasalanang nagawa niya.

29 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog pangkasalanan, at papatayin ang handog pangkasalanan sa lugar ng handog na sinusunog.

30 Pagkatapos ay kukuha ng kaunting dugo nito ang pari sa pamamagitan ng kanyang daliri at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabi sa dugo niyon ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana.

31 Lahat ng taba niyon ay kanyang aalisin, gaya ng pag-aalis ng taba sa alay na handog pangkapayapaan; at ito ay susunugin ng pari sa dambana bilang mabangong samyo sa Panginoon. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, at siya ay patatawarin.

32 “Kapag kordero ang kanyang dinala bilang handog pangkasalanan, siya ay magdadala ng babaing walang kapintasan.

33 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog pangkasalanan at papatayin ito bilang handog pangkasalanan sa lugar na pinagpapatayan ng handog na sinusunog.

34 Pagkatapos ay kukuha ang pari ng kaunting dugo ng handog pangkasalanan sa pamamagitan ng kanyang daliri at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabing dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana.

35 Ang lahat ng taba niyon ay kanyang aalisin, gaya ng pag-aalis ng taba sa kordero na alay bilang handog pangkapayapaan, at ang mga ito ay susunugin ng pari sa dambana, sa ibabaw ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, para sa kanyang kasalanan na kanyang nagawa at siya'y patatawarin.

Mga Pangyayaring Nangangailangan ng Handog Pangkasalanan

“Kapag may hayagang panawagan upang sumaksi, at magagawa ng isang tao na sumaksi bilang isa na nakakita o nakarinig, ngunit ayaw namang magsalita, ang taong iyon ay nagkakasala at dapat parusahan.

O kung ang sinuman ay nakahipo ng alinmang bagay na marumi, o maging ito ay bangkay ng mabangis na hayop na marumi, o bangkay ng umuusad na marumi, at di niya iyon nalaman, siya'y magiging marumi at nagkakasala.

O kung siya'y nakahipo ng karumihan ng tao, maging anumang karumihan niya, at hindi niya iyon nalalaman, siya ay nagkakasala kapag nalaman niya iyon.

O kapag ang isang tao ay sumumpa nang padalus-dalos sa pamamagitan ng kanyang mga labi, upang gumawa ng masama o ng mabuti, anumang padalus-dalos na panunumpa na isinumpa ng tao, at iyon ay hindi niya nalaman, siya ay nagkakasala kapag nalaman niya iyon.

Kapag nagkasala ka sa isa sa mga ito, ipahayag mo ang iyong kasalanang nagawa.

Dadalhin niya sa Panginoon ang kanyang handog para sa budhing maysala dahil sa kasalanang nagawa niya, isang babaing hayop mula sa kawan, isang kordero o isang kambing bilang handog pangkasalanan, at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya.

“Subalit kung hindi niya kaya ang halaga ng isang kordero, siya na nagkasala ay magdadala sa Panginoon bilang handog para sa kasalanang kanyang ginawa, ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati—ang isa'y bilang handog pangkasalanan at ang isa'y bilang handog na sinusunog.

Kanyang dadalhin ang mga ito sa pari na siyang maghahandog nito, ang una ay para sa handog pangkasalanan. Pipilipitin niya ang ulo mula sa leeg, ngunit hindi ito paghihiwalayin.

Magwiwisik siya ng kaunting dugo ng handog pangkasalanan sa gilid ng dambana; at ang nalabi sa dugo ay patutuluin sa paanan ng dambana; ito ay handog pangkasalanan.

10 Ihahandog niya ang ikalawa bilang handog na sinusunog ayon sa tuntunin; at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya alang-alang sa kasalanan na kanyang nagawa, at siya ay patatawarin.

11 “Subalit kung hindi niya kayang magdala ng dalawang batu-bato, o ng dalawang batang kalapati, ang nagkasala ay magdadala ng ikasampung bahagi ng isang efa[a] ng piling harina bilang handog pangkasalanan niya. Hindi niya ito lalagyan ng langis ni lalagyan man ng kamanyang, sapagkat ito'y handog pangkasalanan.

12 Dadalhin niya ito sa pari at ang pari ay kukuha ng isang dakot mula roon bilang handog na pinakaalaala at ito'y susunugin sa dambana, sa ibabaw ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; ito ay handog pangkasalanan.

13 Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa nagkasala laban sa alinman sa mga bagay na ito, at siya ay patatawarin. Ang nalabi ay para sa pari gaya ng butil na handog.”

14 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

15 “Kung ang sinuman ay nakagawa ng pagsira sa pagtitiwala at nagkasala nang hindi sinasadya sa mga banal na bagay ng Panginoon, magdadala siya sa Panginoon ng handog para sa budhing maysala ng isang tupang lalaki na walang kapintasan mula sa kawan, na ayon sa halagang itinakda ng santuwaryo para sa siklong[b] pilak. Ito ay handog para sa budhing maysala.

16 At isasauli niya ang kanyang ipinagkasala laban sa banal na bagay, at magdaragdag pa siya ng ikalimang bahagi, at ibibigay niya sa pari. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa nagkasala sa pamamagitan ng lalaking tupang handog para sa budhing maysala at siya ay patatawarin.

17 “At kung ang isang tao ay magkasala at gumawa ng alinman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, kahit hindi niya nalalaman, siya ay nagkasala at mananagot sa kanyang kasamaan.

18 Kaya't siya'y magdadala sa pari ng isang tupang lalaki na walang kapintasan mula sa kawan ayon sa halagang itinakda mo bilang handog para sa budhing maysala. At ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya dahil sa kasalanang hindi sinasadya na kanyang nagawa, at siya ay patatawarin.

19 Ito ay handog para sa budhing maysala, siya'y nagkasala sa Panginoon.”

Nagsalita(B) ang Panginoon kay Moises, na sinasabi:

“Kung ang sinuman ay magkasala at sumuway sa Panginoon sa pamamagitan ng pandaraya sa kanyang kapwa tungkol sa isang habilin, o sa isang sangla, o sa pagnanakaw, o pangingikil sa kanyang kapwa,

o nakatagpo ng nawawalang bagay at nagsinungaling tungkol doon, at sumumpa ng kasinungalingan tungkol sa alinman sa lahat ng ito na ginawa ng tao, at nagkasala;

kapag siya'y nagkasala at naunawaan na niya ang kanyang kasalanan, isasauli niya ang ninakaw, o ang nakuha sa pangingikil, o ang habiling inihabilin sa kanya, o ang bagay na nawala na kanyang natagpuan,

o lahat ng bagay na kanyang sinumpaan ng kabulaanan. Isasauli niya itong buo at daragdagan pa niya ng ikalimang bahagi niyon sa kaninumang nagmamay-ari sa araw ng kanyang handog para sa budhing maysala.

Dadalhin niya sa pari ang kanyang handog para sa budhing maysala sa Panginoon, ang isang tupang lalaki na walang kapintasan na mula sa kawan, ayon sa iyong halagang itinakda para sa isang handog para sa budhing maysala.

Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng Panginoon tungkol sa bagay na kanyang nagawa at napatunayang nagkasala; siya ay patatawarin.”

Mga Handog na Sinusunog

Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

“Iutos mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak: Ito ang kautusan tungkol sa handog na sinusunog. Ang handog na sinusunog ay mananatili sa ibabaw ng dambana sa buong magdamag hanggang umaga, samantalang ang apoy sa dambana ay pananatilihing nagniningas doon.

10 At isusuot ng pari ang kanyang mahabang kasuotang lino sa ibabaw ng kanyang mga pang-ilalim na lino kasunod ng kanyang katawan; at kukunin niya ang mga abo ng handog na sinusunog na sinunog sa apoy sa ibabaw ng dambana, at ilalagay niya sa tabi ng dambana.

11 Pagkatapos nito, maghuhubad siya ng kanyang mga suot at magbibihis ng ibang mga kasuotan, at ilalabas ang mga abo sa kampo sa isang malinis na pook.

12 Ang apoy sa ibabaw ng dambana ay pananatilihing nagniningas doon, at hindi ito papatayin. Ang pari ay magsusunog ng kahoy sa ibabaw niyon tuwing umaga, at aayusin niya sa ibabaw niyon ang handog na kanyang susunugin, at kanyang susunugin ito kasama ang taba ng mga handog pangkapayapaan.

13 Ang apoy ay pananatilihing nagniningas sa ibabaw ng dambana; hindi ito papatayin.

Mga Butil na Handog

14 “Ito ang kautusan tungkol sa butil na handog: dadalhin ito ng mga anak ni Aaron sa harapan ng Panginoon, sa harap ng dambana.

15 Kukuha siya roon ng isang dakot ng magandang uri ng harina at ng langis ng butil na handog, at ng lahat na kamanyang na nasa ibabaw ng handog. Ito ay susunugin bilang bahaging alaala sa ibabaw ng dambana, isang mabangong samyo sa Panginoon.

16 Ang nalabi sa handog ay kakainin ni Aaron at ng kanyang mga anak. Ito ay kakainin na walang pampaalsa sa dakong banal; kakainin nila ito sa bulwagan ng toldang tipanan.

17 Hindi ito lulutuing may pampaalsa. Aking ibinigay iyon bilang kanilang bahagi mula sa handog sa akin na pinaraan sa apoy; ito ay kabanal-banalan gaya ng handog pangkasalanan at handog para sa budhing maysala.

18 Bawat lalaki sa mga anak ni Aaron ay kakain niyon mula sa handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy. Ito ay iniutos magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi. Sinumang humipo sa mga iyon ay magiging banal.”

19 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

20 “Ito ang alay ni Aaron at ng kanyang mga anak na kanilang ihahandog sa Panginoon sa araw na siya'y buhusan ng langis: ang ikasampung bahagi ng isang efa[c] ng piling harina bilang isang nagpapatuloy na butil na handog, ang kalahati nito ay sa umaga at ang kalahati ay sa hapon.

21 Ito ay gagawin sa kawaling may langis; ito ay mamasahing mabuti at pipira-pirasuhin tulad sa butil na handog, at ihahandog ito bilang mabangong samyo sa Panginoon.

22 Ang paring mula sa mga anak ni Aaron na binuhusan ng langis upang humalili sa kanya ay maghahandog niyon gaya ng ipinag-utos ng Panginoon magpakailanman; ito ay susunuging buo.

23 Bawat butil na handog ng pari ay susunuging buo, hindi ito kakainin.”

24 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

25 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ito ang kautusan tungkol sa handog pangkasalanan: sa dakong pinagpapatayan ng handog na sinusunog ay doon papatayin sa harapan ng Panginoon ang handog pangkasalanan; ito ay kabanal-banalang bagay.

26 Ang paring naghandog niyon para sa kasalanan ay kakain niyon. Ito ay kakainin sa banal na dako sa bulwagan ng toldang tipanan.

27 Lahat ng humipo ng laman niyon ay magiging banal; at kapag tumilamsik ang dugo sa damit, ang natilamsikan ay lalabhan sa banal na dako.

28 Ang palayok na pinaglagaan nito ay babasagin; at kung ito'y inilaga sa sisidlang tanso, ito ay lilinisin at babanlawan ng tubig.

29 Bawat lalaki sa mga pari ay kakain niyon; ito ay kabanal-banalan.

30 At alinmang handog pangkasalanan na ang dugo'y ipinasok sa toldang tipanan upang ipantubos sa santuwaryo ay huwag kakainin. Ito ay susunugin ng apoy.

Handog sa Pagkakasala

“Ito ang batas tungkol sa handog para sa budhing maysala: ito ay kabanal-banalan.

Sa dakong pinagpapatayan nila ng handog na sinusunog ay doon papatayin ang handog para sa budhing maysala at ang dugo niyon ay iwiwisik niya sa palibot ng dambana.

Lahat ng taba nito ay ihahandog; ang buntot na mataba at ang taba na bumabalot sa lamang loob,

at ang dalawang bato at ang tabang nasa mga iyon na nasa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay na iyong aalisin na kasama ng mga bato.

Ang mga iyon ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; ito ay handog para sa budhing maysala.

Bawat lalaki sa mga pari ay kakain niyon; ito ay dapat kainin sa dakong banal.

Kung ano ang handog pangkasalanan ay gayundin ang handog para sa budhing maysala, ang dalawa'y may iisang batas. Ang pari na gumawa ng pagtubos sa pamamagitan nito ay siyang tatanggap nito.

Ang paring naghahandog ng handog na sinusunog ng sinumang tao ay siyang magmamay-ari ng balat ng handog na sinusunog na inialay.

Bawat butil na handog na niluto sa hurno, at lahat na inihanda sa kawali ay mapupunta sa pari na naghahandog niyon.

10 Ngunit bawat butil na handog na tuyo o hinaluan ng langis ay pantay-pantay na paghahatian ng lahat ng anak ni Aaron.

Handog Pangkapayapaan

11 “Ito ang batas tungkol sa alay na mga handog pangkapayapaan na ihahandog sa Panginoon.

12 Kung ihahandog niya iyon bilang pasasalamat, ihahandog niyang kasama ng alay ang mga maninipis na tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis, mga munting tinapay na hinaluan ng langis, at manipis na tinapay na gawa sa magandang uri ng harina na hinaluan ng langis.

13 Ihahandog niya ang kanyang alay na munting tinapay na walang pampaalsa kasama ng alay na handog pangkapayapaan para sa pasasalamat.

14 At mula sa mga iyon, siya ay mag-aalay ng isang tinapay sa bawat handog, bilang isang handog sa Panginoon; ito ay mapupunta sa paring magwiwisik ng dugo ng mga handog pangkapayapaan.

Ang Pagkain ng Handog Pangkapayapaan

15 Ang laman ng handog pangkapayapaan bilang pasasalamat ay kakainin sa araw ng paghahandog nito; hindi siya magtitira nito hanggang sa umaga.

16 Ngunit kung ang alay na kanyang inihahandog ay isang panata o kusang-loob na handog, ito ay kakainin sa araw ng kanyang paghahandog; at sa kinaumagahan ay kanyang kakainin ang nalabi rito;

17 subalit ang nalabi sa laman ng alay sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.

18 Kung kakainin sa ikatlong araw ang alinmang bahagi ng laman ng alay na handog pangkapayapaan, ito ay hindi tatanggapin. Ito ay hindi ibibilang sa kanya na naghahandog niyon; ito ay magiging kasuklamsuklam, at ang taong kumain nito ay magkakasala.[d]

19 “Ang laman na mapasagi sa anumang bagay na marumi ay hindi kakainin; ito ay susunugin sa apoy. Tanging ang lahat na malinis ang makakakain ng gayong laman.

20 Ngunit ang taong kumakain ng laman ng alay na mga handog pangkapayapaan na para sa Panginoon na nasa maruming kalagayan ay ititiwalag sa kanyang bayan.

21 Kapag ang isang tao ay humipo sa anumang maruming bagay, maging ng dumi ng tao, o ng hayop na marumi, o anumang kasuklamsuklam, at pagkatapos ay kumain ng laman ng alay na mga handog pangkapayapaan na para sa Panginoon, ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.”

22 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

23 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, huwag kayong kakain ng anumang taba ng baka, ng tupa, o ng kambing.

24 Ang taba ng namatay sa kanyang sarili, at ang taba ng nilapa ng hayop, ay magagamit sa anumang paggagamitan, ngunit sa anumang paraan ay huwag ninyong kakainin.

25 Sapagkat sinumang kumain ng taba ng hayop na iyon kung saan ang handog ay pinaraan sa apoy para sa Panginoon, ay ititiwalag sa kanyang bayan.

26 At(C) huwag kayong kakain ng anumang dugo maging ng ibon o ng hayop, sa lahat ng inyong tahanan.

27 Sinumang kumain ng anumang dugo ay ititiwalag sa kanyang bayan.”

28 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

29 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ang naghahandog sa Panginoon ng handog pangkapayapaan ay magdadala sa Panginoon ng handog na mula sa kanyang mga handog pangkapayapaan.

30 Ang kanyang sariling mga kamay ang magdadala sa Panginoon ng mga handog na pinaraan sa apoy; dadalhin niya ang taba kasama ang dibdib upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.

31 Susunugin ng pari ang taba sa ibabaw ng dambana, subalit ang dibdib ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak.

32 At ang kanang hita ay ibibigay ninyo sa pari bilang handog mula sa alay ng inyong mga handog pangkapayapaan.

33 Ang anak ni Aaron na naghahandog ng dugo ng mga handog pangkapayapaan at ng taba ang tatanggap ng kanang hita bilang bahagi.

34 Sapagkat aking kinuha sa mga anak ni Israel, sa kanilang mga alay na mga handog pangkapayapaan, ang dibdib na iwinagayway at ang hitang inialay, at aking ibinigay sa paring si Aaron at sa kanyang mga anak, sa pamamagitan ng isang walang hanggang bahagi na nauukol sa kanila, mula sa mga anak ni Israel.

35 Ito ang bahagi ni Aaron at ng kanyang mga anak mula sa mga handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon, nang araw na sila ay buhusan ng langis upang maglingkod bilang mga pari ng Panginoon;

36 iniutos ng Panginoon na ibibigay sa kanila sa araw na kanyang buhusan sila ng langis mula sa mga anak ni Israel. Ito ay isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng kanilang salinlahi.”

37 Ito ang batas tungkol sa handog na sinusunog, sa butil na handog, sa handog pangkasalanan, sa handog para sa budhing maysala, sa pagtatalaga, at sa mga handog pangkapayapaan,

38 na iniutos ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, nang araw na iniutos sa mga anak ni Israel na kanilang dalhin ang kanilang mga handog sa Panginoon sa ilang ng Sinai.

Ang Pagtatalaga kay Aaron at sa Kanyang mga Anak(D)

Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

“Isama mo si Aaron at ang kanyang mga anak, ang mga kasuotan, ang langis na pambuhos, ang torong handog pangkasalanan, ang dalawang tupang lalaki, at ang bakol ng mga tinapay na walang pampaalsa,

at tipunin ang buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan.”

At ginawa ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon; at ang kapulungan ay nagkatipon sa pintuan ng toldang tipanan.

Sinabi ni Moises sa kapulungan, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon na gawin.”

At dinala ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak, at hinugasan sila ng tubig.

At isinuot sa kanya ang tunika, binigkisan ng pamigkis, inilagay sa kanya ang balabal, ipinatong ang efod, at ibinigkis sa kanya ang pamigkis na efod na mahusay ang pagkakahabi at itinali ito sa kanya.

Ipinatong ni Moises[e] sa kanya ang pektoral, at inilagay ang Urim at ang Tumim sa pektoral.

At ipinatong ang turbante sa kanyang ulo; at ipinatong sa harapan ng turbante ang ginintuang plata, ang banal na korona; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

10 Pagkatapos ay kinuha ni Moises ang langis na pambuhos at binuhusan ang tabernakulo, at ang lahat ng naroon, at ang mga iyon ay itinalaga.

11 Iwinisik niya ang iba nito sa ibabaw ng dambana ng pitong ulit, at binuhusan ng langis ang dambana at ang lahat ng kasangkapan niyon, ang hugasan at ang tuntungan niyon, upang italaga ang mga iyon.

12 Kanyang binuhusan ng kaunting langis ang ulo ni Aaron upang italaga siya.

13 At pinalapit ni Moises ang mga anak ni Aaron, at sila'y dinamitan ng mga kasuotan, binigkisan ng mga pamigkis, at itinali sa kanilang ulo ang mga turbante, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

14 Kanyang inilapit ang torong handog pangkasalanan at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng torong handog pangkasalanan,

15 at pinatay ito. Kinuha ni Moises ang kaunting dugo at ipinahid ito ng kanyang daliri sa ibabaw ng mga sungay sa palibot ng dambana, at nilinis ang dambana. Pagkatapos ay ibinuhos niya ang dugo sa paanan ng dambana sa gayo'y itinalaga niya ito upang makagawa ng pagtubos.

16 Kinuha ni Moises ang lahat ng taba na nasa mga lamang-loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga iyon, at sinunog ang mga iyon sa ibabaw ng dambana.

17 Subalit ang toro, at ang balat nito, ang laman, at ang dumi, ay sinunog niya sa labas ng kampo; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

18 Pagkatapos ay inilapit niya ang tupang lalaki na handog na sinusunog, at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng tupa,

19 at iyon ay pinatay. Iwinisik ni Moises ang dugo sa palibot ng dambana.

20 Kinatay ang tupa at ito ay sinunog ni Moises kasama ang ulo, ang mga bahagi, at ang taba.

21 Pagkatapos hugasan sa tubig ang lamang-loob at ang mga paa, ito ay sinunog ni Moises kasama ang buong tupa sa ibabaw ng dambana. Ito ay handog na sinusunog na mabangong samyo, isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

22 At inilapit niya ang ikalawang tupa, ang tupa ng pagtatalaga, at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa.

23 Iyon ay pinatay ni Moises at kumuha siya ng kaunting dugo at nilagyan ang dulo ng kanang tainga ni Aaron, ang hinlalaki ng kanyang kanang kamay at ng kanang paa.

24 Pinalapit naman ang mga anak ni Aaron, at nilagyan ni Moises ng dugo ang dulo ng kanilang kanang tainga, ang hinlalaki ng kanilang kanang kamay at ng kanang paa; at iwinisik ni Moises ang dugo sa palibot ng dambana.

25 Pagkatapos ay kinuha niya ang taba, ang matabang buntot, at ang lahat ng tabang bumabalot sa lamang-loob, ang lamad ng atay, ang dalawang bato kasama ang taba ng mga iyon, at ang kanang hita.

26 Mula sa bakol ng tinapay na walang pampaalsa na inilagay sa harapan ng Panginoon, ay kumuha siya ng isang tinapay na walang pampaalsa, at ng isang tinapay na nilangisan at ng isang manipis na tinapay, at inilagay sa ibabaw ng taba at sa ibabaw ng kanang hita.

27 Lahat ng mga ito ay inilagay niya sa mga kamay ni Aaron at sa kamay ng kanyang mga anak, at iwinawagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.

28 Pagkatapos ay kinuha ni Moises ang mga iyon sa kanilang mga kamay, at sinunog sa ibabaw ng dambana kasama ng handog na sinusunog bilang handog sa pagtatalaga na mabangong samyo. Ito ay handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

29 Kinuha ni Moises ang dibdib at iwinagayway ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon. Ito ang bahagi ni Moises sa tupa ng pagtatalaga, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

30 At kumuha si Moises ng langis na pambuhos, at ng dugong nasa ibabaw ng dambana, at iwinisik kay Aaron at sa kanyang mga suot, gayundin sa kanyang mga anak at sa mga suot ng kanyang mga anak. Itinalaga niya si Aaron at ang kanyang mga suot, ang kanyang mga anak, gayundin ang mga suot ng kanyang mga anak.

31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, “Pakuluan ninyo ang laman sa pintuan ng toldang tipanan at doon ninyo kainin kasama ng tinapay ng pagtatalaga na nasa bakol, gaya ng iniutos ko, ‘Si Aaron at ang kanyang mga anak ay kakain nito.’

32 Ang nalabi sa laman at sa tinapay ay susunugin ninyo sa apoy.

33 Huwag kayong lalabas sa pintuan ng toldang tipanan sa loob ng pitong araw, hanggang sa maganap ang mga araw ng inyong pagtatalaga. Kailangan ang pitong araw upang maitalaga kayo;

34 gaya ng ginawa niya sa araw na ito, ay gayon ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo upang ipantubos sa inyo.

35 Mananatili kayo sa pintuan ng toldang tipanan gabi't araw sa loob ng pitong araw, at inyong tutuparin ang kautusan ng Panginoon, upang huwag kayong mamatay; sapagkat gayon ang iniutos sa akin.”

36 Ginawa ni Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Si Aaron ay Nag-alay ng mga Handog

Nang ikawalong araw, ipinatawag ni Moises si Aaron, ang kanyang mga anak, at ang matatanda sa Israel.

Sinabi niya kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro bilang handog pangkasalanan, at isang tupang lalaki bilang handog na sinusunog na kapwa walang kapintasan at ihandog mo sa harapan ng Panginoon.

At sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kumuha kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng isang batang baka, at isang kordero na kapwa na may gulang na isang taon at walang kapintasan, bilang handog na sinusunog,

ng isang bakang lalaki at isang tupang lalaki na mga handog pangkapayapaan, upang ialay sa harapan ng Panginoon, at ng isang butil na handog na hinaluan ng langis, sapagkat magpapakita sa inyo ngayon ang Panginoon.’”

Kanilang dinala sa harapan ng toldang tipanan ang iniutos ni Moises, at ang buong kapulungan ay lumapit at tumayo sa harap ng Panginoon.

At sinabi ni Moises, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon na gawin ninyo upang magpakita sa inyo ang kaluwalhatian ng Panginoon.”

Pagkatapos(E) ay sinabi ni Moises kay Aaron, “Lumapit ka sa dambana at mag-alay ka ng handog pangkasalanan at handog na sinusunog, at gumawa ka ng pagtubos para sa iyong sarili at sa bayan. Ialay mo ang handog ng bayan at gumawa ka ng pagtubos para sa kanila, gaya ng iniutos ng Panginoon.”

Lumapit naman si Aaron sa dambana at pinatay ang guyang handog pangkasalanan na para sa kanya.

At dinala sa kanya ng mga anak ni Aaron ang dugo, inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at ipinahid iyon sa ibabaw ng mga sungay ng dambana at ang nalabing dugo ay ibinuhos sa paanan ng dambana.

10 Subalit ang taba, ang mga bato, at ang lamad na nasa atay ng handog pangkasalanan ay sinunog niya sa ibabaw ng dambana, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

11 Ang laman at balat ay sinunog niya sa apoy sa labas ng kampo.

12 At pinatay niya ang handog na susunugin. Ibinigay sa kanya ng mga anak ni Aaron ang dugo, at kanyang iwinisik sa palibot ng dambana.

13 At kanilang ibinigay sa kanya ang handog na sinusunog, na isa-isang putol, at ang ulo at iyon ay sinunog niya sa ibabaw ng dambana.

14 Kanyang hinugasan ang lamang-loob at ang mga paa at sinunog ang mga ito para sa handog na sinusunog sa ibabaw ng dambana.

15 Kasunod niyon inialay niya ang handog ng bayan. Kinuha niya ang kambing na handog pangkasalanan na para sa bayan, at pinatay ito at inihandog bilang handog pangkasalanan, gaya ng una.

16 Dinala niya ang handog na sinusunog at inihandog ayon sa tuntunin.

17 At dinala niya ang butil na handog at pinuno nito ang kanyang palad at sinunog ito sa ibabaw ng dambana, bukod sa handog na sinusunog sa umaga.

18 Pinatay(F) niya ang bakang lalaki at ang tupang lalaki na alay na mga handog pangkapayapaan na para sa bayan. At ibinigay ng mga anak ni Aaron sa kanya ang dugo at kanyang iwinisik sa palibot ng dambana;

19 at ang taba ng toro at ng tupang lalaki, ang matabang buntot at ang tabang bumabalot, at ang mga bato, at ang lamad ng atay.

20 Kanilang inilagay ang mga taba sa ibabaw ng mga dibdib at kanyang sinunog ang taba sa ibabaw ng dambana.

21 At iwinagayway ni Aaron ang mga dibdib at ang kanang hita na handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon; gaya ng iniutos ni Moises.

22 Itinaas(G) ni Aaron ang kanyang mga kamay paharap sa taong-bayan at binasbasan sila. Bumaba siya pagkatapos ng paghahandog ng handog pangkasalanan, ng handog na sinusunog, at ng mga handog pangkapayapaan.

23 Pumasok sina Moises at Aaron sa toldang tipanan, at sila'y lumabas at binasbasan ang bayan; at lumitaw ang kaluwalhatian ng Panginoon sa taong-bayan.

24 Lumabas ang apoy mula sa harapan ng Panginoon at tinupok ang handog na sinusunog at ang taba sa ibabaw ng dambana. Nang makita iyon ng buong bayan, sila ay nagsigawan at nagpatirapa.

Ang Kasalanan nina Nadab at Abihu

10 Noon, sina Nadab at Abihu, na mga anak ni Aaron, ay kumuha ng kanya-kanyang suuban, at nilagyan ng apoy ang mga ito at pinatungan ng insenso. Sila'y naghandog sa harapan ng Panginoon ng ibang apoy na hindi niya iniutos sa kanila.

At lumabas ang apoy sa harapan ng Panginoon, nilamon sila, at namatay sila sa harapan ng Panginoon.

Pagkatapos ay sinabi ni Moises kay Aaron, “Ito ang sinabi ng Panginoon, ‘Ako'y magpapakita na banal sa mga lumalapit sa akin; at ako'y maluluwalhati sa harapan ng buong bayan.’” At si Aaron ay nanahimik.

Tinawag ni Moises sina Misael at Elzafan, na mga anak ni Uziel na amain ni Aaron, at sa kanila'y sinabi, “Magsilapit kayo, dalhin ninyo ang inyong mga kapatid mula sa harapan ng santuwaryo tungo sa labas ng kampo.”

Kaya't sila'y lumapit at binuhat sa kanilang mga kasuotan papalabas sa kampo, gaya ng iniutos ni Moises.

At sinabi ni Moises kina Aaron, Eleazar, at Itamar na kanyang mga anak, “Huwag ninyong ilugay ang buhok ng inyong ulo, o punitin man ninyo ang inyong mga damit upang huwag kayong mamatay at nang siya'y huwag magalit laban sa buong kapulungan. Tungkol sa inyong mga kapatid, ang buong sambahayan ni Israel, sila ay tataghoy sa apoy na pinapag-alab ng Panginoon.

Huwag kayong lalabas sa pintuan ng toldang tipanan, baka kayo'y mamatay; sapagkat ang langis na pambuhos ng Panginoon ay nasa inyo.” At kanilang ginawa ang ayon sa mga salita ni Moises.

Mga Alituntunin para sa mga Pari

At ang Panginoon ay nagsalita kay Aaron, na sinasabi,

“Huwag kayong iinom ng alak o ng matapang na inumin man, ikaw o ang iyong mga anak na kasama mo, kapag kayo'y papasok sa toldang tipanan, upang kayo'y huwag mamatay. Ito ay isang walang hanggang batas sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.

10 Inyong lalagyan ng pagkakaiba ang banal at ang karaniwan, ang marumi at ang malinis,

11 at inyong ituturo sa mga anak ni Israel ang lahat ng batas na sinabi sa kanila ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.”

Ang Tungkulin at Bahagi ng mga Pari

12 Nagsalita(H) si Moises kay Aaron at sa nalabi nitong mga anak, sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang butil na handog na nalabi mula sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at inyong kaining walang pampaalsa sa tabi ng dambana, sapagkat ito ay kabanal-banalan.

13 Ito ay inyong kakainin sa dakong banal, sapagkat ito ang bahagi ninyo at ng inyong mga anak mula sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, sapagkat gayon ang iniutos sa akin.

14 Ang(I) dibdib ng handog na iwinawagayway at ang hita na inialay ay kakainin ninyo sa isang malinis na lugar, ikaw at ng iyong mga anak na lalaki at babae. Ang mga iyon ay ibinigay bilang bahagi mo at ng iyong mga anak mula sa mga alay ng handog pangkapayapaan ng mga anak ni Israel.

15 Ang hita na inialay at ang dibdib na iwinawagayway ay kanilang dadalhin kasama ng mga handog na pinaraan sa apoy, ang mga taba, ay kanilang dadalhin upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon. Ito ay bahagi mo at ng iyong mga anak, gaya ng iniutos ng Panginoon.”

16 At buong sikap na hinanap ni Moises ang kambing na handog pangkasalanan, at iyon ay sinunog na! Siya ay nagalit kina Eleazar at Itamar na mga nalalabing anak ni Aaron, at kanyang sinabi,

17 “Bakit(J) hindi ninyo kinain ang handog pangkasalanan sa banal na lugar? Ito ay kabanal-banalang bagay at ibinigay niya ito sa inyo upang alisin ang kasamaan ng kapulungan, upang gumawa ng pagtubos para sa kanila sa harapan ng Panginoon?

18 Ang dugo niyon ay hindi ipinasok sa loob ng dakong banal. Tiniyak sana ninyong kinain ito sa banal na dako, gaya ng iniutos ko.”

19 At sinabi ni Aaron kay Moises, “Tingnan mo, kanilang inihandog nang araw na ito ang kanilang handog pangkasalanan, at ang kanilang handog na sinusunog sa harapan ng Panginoon; gayunman ang gayong mga bagay ay nangyari sa akin! Kung ako nga'y nakakain ngayon ng handog para sa kasalanan, ito kaya ay kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon?”

20 Nang marinig ito ni Moises, siya ay sumang-ayon.

Mga Hayop na Malinis at Marumi(K)

11 Ang Panginoon ay nagsalita kina Moises at Aaron, na sinasabi,

“Sabihin ninyo sa mga anak ni Israel: Ito ang mga bagay na may buhay na maaari ninyong kainin sa lahat ng mga hayop na nasa lupa.

Anumang hayop na may hati ang paa, biyak, at ngumunguya—ang mga gayon ay maaari ninyong kainin.

Gayunman, huwag ninyong kakainin ang mga ito sa mga ngumunguya o doon sa mga may hati ang paa: ang kamelyo, bagaman ngumunguya, ngunit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo,

at ang kuneho, bagaman ngumunguya, subalit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo,

at ang liebre, bagaman ngumunguya, subalit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo,

at ang baboy, bagaman may hati ang paa at biyak subalit hindi ngumunguya, ito ay marumi para sa inyo.

Huwag ninyong kakainin ang kanilang laman at huwag ninyong hihipuin ang kanilang mga bangkay; ang mga iyon ay marumi para sa inyo.

“Sa lahat ng mga nasa tubig ay maaari ninyong kainin ang mga ito: alinmang may mga palikpik at mga kaliskis na nasa tubig, nasa dagat, at sa mga nasa ilog, ay makakain ninyo.

10 Subalit alinmang walang mga palikpik at mga kaliskis sa mga nasa dagat, nasa ilog, at sa alinmang mga gumagalaw sa mga nasa tubig, at sa lahat ng may buhay sa tubig, ay marumi para sa inyo.

11 Ang mga iyon ay marumi para sa inyo; huwag ninyong kakainin ang laman ng mga iyan, at ang bangkay ng mga iyan ay inyong pandidirihan.

12 Anumang walang mga palikpik at mga kaliskis na nasa tubig ay magiging maruming bagay sa inyo.

13 “At sa mga ibon ay ituturing ninyong marumi ang mga ito. Ang mga ito ay hindi ninyo dapat kakainin; ang mga ito'y marumi: ang agila, buwitre, at buwitreng itim;

14 ang lawin, limbas, ayon sa kanyang uri;

15 bawat uwak ayon sa kanyang uri;

16 ang avestruz, panggabing lawin, at ang lawing dagat, ayon sa kanyang uri;

17 ang maliit na kuwago, somormuho, at ang malaking kuwago;

18 ang puting kuwago, pelikano, at ang buwitre;

19 ang lahat ng uri ng tagak, ang kabág, at ang paniki.

20 “Lahat ng kulisap na may pakpak na lumalakad sa apat na paa ay marumi para sa inyo.

21 Gayunman, ang mga ito'y maaari ninyong kainin sa lahat ng may pakpak na umuusad na may apat na paa, na may mga hita sa itaas ng mga paa, na ginagamit upang makalundag sa lupa.

22 Mula sa kanila ay makakain ninyo ang mga ito: ang balang ayon sa kanyang uri; ang lukton ayon sa kanyang uri, ang kuliglig ayon sa kanyang uri, at ang tipaklong ayon sa kanyang uri.

23 Subalit ang iba pang kulisap na may pakpak na may apat na paa ay marumi para sa inyo.

24 “At sa pamamagitan ng mga ito ay magiging marumi kayo: sinumang humipo ng kanilang mga bangkay ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

25 Sinumang bumuhat ng kanilang mga bangkay ay maglalaba ng kanyang mga damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

26 Bawat hayop na may hati ang kuko, subalit hindi biyak ang paa, o hindi ngumunguya ay marumi para sa inyo: bawat humipo sa mga iyan ay magiging marumi.

27 At anumang lumalakad sa pamamagitan ng kanyang mga kuko sa lahat ng hayop na lumalakad sa pamamagitan ng apat na paa, ay marumi para sa inyo; sinumang humipo ng bangkay ng mga iyan ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

28 At ang bumuhat ng bangkay ng mga iyan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; ang mga ito ay marumi para sa inyo.

29 “At ang mga ito'y marumi para sa inyo sa mga umuusad sa ibabaw ng lupa: ang bubuwit, ang daga, at ang bayawak ayon sa kanyang uri,

30 ang tuko, buwaya, butiki, bubuli, at ang hunyango.

31 Ang mga ito'y marumi sa inyo mula sa lahat ng umuusad; sinumang humipo sa mga iyan, kapag ang mga iyan ay patay, ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

32 At anumang malapatan ng mga iyan, kapag ang mga iyan ay patay, ay magiging marumi, maging alinmang kasangkapang yari sa kahoy, o kasuotan, o balat, o sako, alinmang sisidlang ginagamit sa anumang layunin. Dapat itong ilubog sa tubig at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; pagkatapos, ito ay magiging malinis.

33 Anumang sisidlang yari sa lupa na malapatan ng mga iyan, lahat ng laman niyon ay magiging marumi, at iyon ay inyong babasagin.

34 Sa lahat ng pagkain na maaaring kainin na mabuhusan ng tubig ay magiging marumi; at lahat ng inuming maaaring inumin sa alinman sa mga gayong sisidlan ay magiging marumi.

35 Anumang malapatan ng anumang bahagi ng kanilang bangkay ay magiging marumi; maging hurno o kalan ay babasagin; ang mga ito ay marumi sa inyo.

36 Subalit ang isang bukal o ang isang balon na imbakan ng tubig ay magiging malinis; ngunit ang masagi ng bangkay ng mga iyon ay magiging marumi.

37 At kapag malapatan ng kanilang bangkay ang alinmang binhing panghasik na ihahasik, ito ay malinis;

38 Ngunit kung nabasa ang binhi at malapatan ng bangkay ng mga iyon, ito ay magiging marumi para sa inyo.

39 “Kapag ang alinmang hayop na inyong makakain ay namatay, ang humipo ng bangkay nito ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw,

40 at ang kumain ng bangkay nito ay maglalaba ng kanyang damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; at ang bumuhat ng bangkay nito ay maglalaba ng kanyang damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

41 “Bawat umuusad sa ibabaw ng lupa ay marumi; hindi ito maaaring kainin.

42 Anumang lumalakad sa pamamagitan ng kanyang tiyan, at lahat ng lumalakad sa pamamagitan ng apat na paa, at anumang mayroong maraming paa, maging sa lahat ng bagay na umuusad sa ibabaw ng lupa, ay huwag ninyong kakainin; sapagkat ang mga ito ay marumi.

43 Huwag ninyong gawing karumaldumal ang inyong sarili sa pamamagitan ng anumang umuusad ni gawin ninyong marumi ang inyong sarili sa pamamagitan ng mga iyan, upang huwag kayong marumihan nila.

44 Sapagkat(L) ako ang Panginoon ninyong Diyos, kaya't pakabanalin ninyo ang inyong mga sarili, at kayo'y maging banal, sapagkat ako ay banal. Huwag ninyong durungisan ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng anumang umuusad sa ibabaw ng lupa.

45 Sapagkat ako ang Panginoon na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, upang maging inyong Diyos; kayo nga'y magpakabanal, sapagkat ako'y banal.”

46 Ito ang batas tungkol sa hayop, sa ibon, at sa lahat na may buhay na gumagalaw na nasa tubig, at sa lahat ng nilikha na umuusad sa ibabaw ng lupa,

47 upang bigyan ng pagkakaiba ang marumi at ang malinis, at ang may buhay na maaaring kainin at ang may buhay na hindi maaaring kainin.

Ang Paglilinis ng mga Babae Pagkatapos Manganak

12 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

“Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kung ang isang babae ay maglihi, at manganak ng isang lalaki, siya ay magiging marumi sa loob ng pitong araw; kagaya nang sa mga araw ng kanyang pagkakaroon ng regla, siya ay magiging marumi.

At(M) sa ikawalong araw ang bata ay tutuliin.[f]

Siya'y magpapatuloy sa panahon ng kanyang paglilinis sa dugo sa loob ng tatlumpu't tatlong araw; huwag siyang hihipo ng anumang bagay na banal, at huwag siyang papasok sa santuwaryo, hanggang sa matapos ang mga araw ng kanyang paglilinis.

Ngunit kung manganak siya ng babae, siya ay magiging marumi sa loob ng dalawang linggo, gaya ng sa kanyang panahon ng pagkakaroon ng regla; siya'y magpapatuloy sa panahon ng kanyang paglilinis sa dugo sa loob ng animnapu't anim na araw.

“Kapag ang mga araw ng kanyang paglilinis ay matapos na, maging sa anak na lalaki o sa anak na babae, siya ay magdadala sa paring nasa pintuan ng toldang tipanan ng isang taong gulang na kordero bilang handog na sinusunog, at isang batang kalapati o isang batu-bato bilang handog pangkasalanan.

Ihahandog ito ng pari[g] sa harapan ng Panginoon, at itutubos para sa kanya; at siya'y malilinis sa agos ng kanyang dugo. Ito ang batas tungkol sa kanya na nanganak, maging ng lalaki o ng babae.

Kung(N) hindi niya kayang bumili ng kordero, siya ay kukuha ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, ang isa'y bilang handog na sinusunog at ang isa'y handog pangkasalanan. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya, at siya'y magiging malinis.”

Mga Batas tungkol sa mga Sakit sa Balat

13 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron:

“Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng pamamaga sa balat ng kanyang katawan, o langib, o kaya'y singaw, at sa balat ng kanyang katawan ay naging salot na ketong, dadalhin siya sa paring si Aaron, o sa isa sa kanyang mga anak na pari.

Susuriin ng pari ang bahaging may karamdaman na nasa balat ng kanyang katawan; at kung ang balahibo sa salot ay pumuti, at ang anyo ng karamdaman ay higit na malalim kaysa balat ng kanyang katawan, ito nga ay salot na ketong. Pagkatapos na siya'y masuri ng pari, ipahahayag niya na marumi siya.

Subalit kung ang pamamaga ay maputi sa balat ng kanyang katawan, at makitang ito ay hindi malalim kaysa balat, at ang balahibo niyon ay hindi pumuti, ibubukod ng pari ang may karamdaman sa loob ng pitong araw.

Siya'y susuriin ng pari sa ikapitong araw, at kung makitang ang bahaging may karamdaman ay tumigil at ito ay hindi kumalat sa balat, ibubukod siyang muli ng pari sa loob ng pitong araw pa.

Muli siyang susuriin ng pari sa ikapitong araw, at kung makitang ang bahaging may karamdaman ay namutla, at ang sakit ay hindi kumalat sa balat, kung gayon ay ipahahayag siya ng pari na malinis. Iyon ay isa lamang singaw at lalabhan niya ang kanyang damit, at magiging malinis.

Subalit kung ang singaw ay kumakalat sa balat pagkatapos na siya'y magpakita sa pari para sa kanyang paglilinis, siya ay muling magpapakita sa pari.

Siya'y susuriin ng pari, at kung ang singaw ay kumakalat na sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ketong[h] nga iyon.

“Kapag ang salot na ketong ay nasa isang tao, siya ay dadalhin sa pari.

10 Siya'y susuriin ng pari, at kung may maputing pamamaga sa balat, at pumuti ang balahibo, at may buháy na laman sa pamamaga,

11 iyon ay matagal nang ketong sa balat ng kanyang laman. Siya'y ipahahayag ng pari na marumi; hindi siya ikukulong sapagkat siya'y marumi.

12 At kung kumalat ang ketong sa balat, at ang ketong ay bumalot sa buong balat ng may salot, mula sa ulo hanggang sa kanyang mga paa, sa buong maaabot ng paningin ng pari;

13 kung gayo'y susuriin siya ng pari, at kung makitang ang ketong ay kumalat na sa kanyang buong katawan, kanyang ipahahayag na siya'y malinis na sa sakit. Yamang ito'y pumuting lahat, siya'y malinis.

14 Subalit sa araw na makitaan siya ng lamang buháy, siya ay magiging marumi.

15 Susuriin ng pari ang lamang buháy, at siya'y ipahahayag na marumi; ang lamang buháy ay marumi; ito ay ketong.

16 Ngunit kapag pumuti ang lamang buháy, ay lalapit siya sa pari;

17 siya'y susuriin ng pari, at kung ang karamdaman ay pumuti, ang may karamdaman ay ipahahayag ng pari na malinis; siya nga'y malinis.

18 “Kung sa balat ay may isang bukol na gumaling,

19 at ang humalili sa bukol ay isang pamamaga na maputi, o isang pantal na makintab na namumula, ito ay ipapakita sa pari.

20 Susuriin ito ng pari, at kung makitang ito'y tila mas malalim kaysa balat, at ang balahibo niyon ay pumuti, ipahahayag ng pari na siya ay marumi. Ito ay sakit na ketong na lumitaw mula sa bukol.

21 Subalit kung sa pagsusuri ng pari ay makitang walang balahibong puti iyon, o hindi malalim kaysa balat, kundi maitim-itim, siya ay ibubukod ng pari sa loob ng pitong araw.

22 At kung ito ay kumalat sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; iyon nga ay sakit.

23 Ngunit kung ang pamamaga ay tumigil sa kanyang kinaroroonan, at hindi kumalat, ito ay galos ng bukol; at ipahahayag ng pari na siya ay malinis.

24 “O kapag ang katawan ay may paso sa balat at ang laman sa paso ay naging tila mapulang-mapula, o maputi;

25 ito ay susuriin ng pari, at kung makitang ang buhok ay pumuti sa bahaging makintab, at tila mas malalim kaysa balat, ito ay ketong. Ito ay lumitaw sa paso, at ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ito ay sakit na ketong.

26 Ngunit kung sa pagsusuri ng pari ay walang balahibong maputi sa bahaging makintab at ito ay hindi mas malalim kaysa ibang balat, kundi parang maitim-itim, ibubukod siya ng pari sa loob ng pitong araw.

27 Sa ikapitong araw ay titingnan siya ng pari, at kung ito ay kumalat na sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi. Ito ay sakit na ketong.

28 Kung ang bahaging makintab ay nanatili sa kanyang kinaroroonan at hindi kumakalat sa balat, kundi maitim-itim, ito ay pamamaga ng paso, at ipahahayag ng pari na siya ay malinis, sapagkat iyon ay isang pilat ng paso.

29 “At kung ang sinumang lalaki o babae ay mayroong karamdaman sa ulo o sa balbas,

30 ay susuriin nga ng pari ang karamdaman, at kung ang anyo ay mas malalim kaysa balat, at ang buhok doon ay madilaw at manipis, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ito ay pangangati na isang uri ng ketong sa ulo o sa baba.

31 Kapag tiningnan ng pari ang makating karamdaman, at tila hindi mas malalim kaysa balat, at wala iyong buhok na maitim, ibubukod ng pari sa loob ng pitong araw ang may makating karamdaman.

32 At sa ikapitong araw ay susuriin ng pari ang karamdaman; at kung makitang hindi kumalat ang pangangati, at walang buhok na naninilaw, at tila ang pangangati ay hindi mas malalim kaysa balat,

33 kung gayon ay mag-aahit siya, subalit hindi aahitan ang kinaroroonan ng pangangati, at muling ibubukod ng pari ang maysakit ng pangangati sa loob ng pitong araw.

34 Susuriin ng pari ang pangangati sa ikapitong araw, at kung makitang hindi kumalat ang pangangati sa balat, at tila hindi mas malalim kaysa balat, ipahahayag ng pari na siya ay malinis, at siya'y maglalaba ng kanyang damit at magiging malinis.

35 Ngunit kung ang pangangati ay kumalat na sa balat pagkatapos ng kanyang paglilinis,

36 ay susuriin siya ng pari, at kung kumalat na sa balat ang pangangati, hindi na hahanapin ng pari ang buhok na naninilaw; siya'y marumi.

37 Subalit kung sa kanyang mga mata ay napigil na ang pangangati at may tumubong buhok na itim at gumaling na ang pangangati, siya'y malinis; at siya'y ipahahayag na malinis ng pari.

38 “Kapag ang isang lalaki o babae ay nagkaroon sa balat ng nangingintab na pantal, ng mga makintab na pantal na puti,

39 ito ay susuriin ng pari, at kung may namumuti na nangingintab na pantal sa balat ng kanyang laman; ito ay isang singaw na sumibol sa balat; siya'y malinis.

40 “Kapag ang buhok ng sinuman ay nalalagas mula sa kanyang ulo, siya ay kalbo, gayunma'y malinis.

41 At kung ang kanyang buhok ay nalagas mula sa kanyang noo, siya ay kalbo mula sa noo, ngunit siya ay malinis.

42 Subalit kung sa kalbong ulo o noo ay magkaroon ng namumula o namumuting sugat, ito ay ketong na sumibol sa kanyang kalbong ulo o sa kanyang kalbong noo.

43 Siya'y susuriin ng pari, at kung ang pamamaga ng karamdaman ay mapula-pula na maputi sa kanyang kalbong ulo o sa kanyang kalbong noo, gaya ng anyo ng ketong sa balat ng kanyang katawan,

44 siya ay ketongin, siya'y marumi. Ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ang kanyang sakit ay nasa kanyang ulo.

45 “Ang ketonging may sakit ay magsusuot ng punit na damit, at ang buhok ng kanyang ulo ay ilulugay, at tatakpan niya ang itaas na bahagi ng kanyang nguso, at siya'y sisigaw, ‘Marumi, marumi.’

46 Siya'y mananatiling marumi hangga't nasa kanya ang karamdaman; siya'y marumi. Siya ay maninirahang mag-isa sa labas ng kampo.

47 “Kung alinman sa mga kasuotan ay may sakit na ketong; sa kasuotang mula sa balahibo ng tupa o kasuotang lino,

48 maging ito ay paayon o pahalang; o ng lino o ng balahibo ng tupa, maging sa balat o sa alinmang yari sa balat,

49 at kung ang salot ay nagkukulay berde o namumula sa kasuotan, o sa balat, o sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang kasangkapang yari sa balat; ito ay sakit na ketong at ito ay ipapakita sa pari.

50 Susuriin ng pari ang sakit, at ibubukod ang bagay na may sakit sa loob ng pitong araw.

51 Kanyang susuriin ang sakit sa ikapitong araw at kung kumalat na ang sakit sa kasuotan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa balat, o alinmang yari sa balat upang gamitin, ang salot ay isang kumakalat na ketong; iyon ay marumi.

52 Kanyang susunugin ang kasuotan, maging paayon, at maging pahalang, ng balahibo ng tupa o lino o sa alinmang kasangkapang yari sa balat na kinaroroonan ng salot. Sapagkat iyon ay ketong na kumakalat; iyon ay susunugin sa apoy.

53 “Kapag sinuri ng pari, at ang sakit ay hindi kumalat sa kasuotan, maging sa paayon man, o sa pahalang man, o sa alinmang kasangkapang yari sa balat,

54 kung gayon ay mag-uutos ang pari, at kanilang lalabhan ang kinaroroonan ng sakit, at ito ay ibubukod na muli sa loob ng pitong araw.

55 Susuriin ng pari ang bagay na may sakit pagkatapos na malabhan; at kung makitang ang sakit ay hindi nagbago ng anyo nito, at kung hindi kumalat ang sakit, ito ay marumi. Susunugin mo ito sa apoy, maging ang bahaging may ketong ay nasa likuran o sa harapan.

56 “Subalit kapag tiningnan ng pari, at nakitang nangitim ang dakong may sakit pagkatapos na malabhan, ito ay hahapakin mula sa kasuotan, o mula sa paayon, o mula sa pahalang.

57 At kung ito ay nakikita pa sa kasuotang iyon, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, ito ay sakit na kumakalat; susunugin mo sa apoy ang kinaroroonan ng sakit.

58 Ang kasuotan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, na pinanggalingan ng sakit matapos mo itong malabhan, ay muli mong lalabhan, at magiging malinis.”

59 Ito ang batas tungkol sa sakit na ketong sa kasuotang balahibo ng tupa o lino, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, upang maipahayag kung ito ay malinis o marumi.

Handog sa Paglilinis ng Ketongin

14 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Ito(O) ang magiging batas tungkol sa ketongin sa mga araw ng kanyang paglilinis. Siya'y dadalhin sa pari;

at ang pari ay lalabas sa kampo at susuriin siya. Kung ang sakit na ketong ay gumaling na sa ketongin,

iuutos ng pari sa kanila na ikuha siya ng dalawang buháy na malinis na ibon, kahoy na sedro, lanang pula at isopo;

at ipag-uutos ng pari sa kanila na patayin ang isa sa mga ibon sa isang sisidlang luwad sa ibabaw ng tubig na umaagos.

Kukunin niya ang ibong buháy, ang kahoy na sedro, ang lanang pula at ang isopo, at itutubog ang mga ito at ang ibong buháy sa dugo ng ibong pinatay sa ibabaw ng tubig na umaagos.

Iwiwisik niya nang pitong ulit sa taong lilinisin mula sa ketong; pagkatapos ay ipahahayag siya na malinis, at pakakawalan ang ibong buháy sa kalawakan ng parang.

At siya na lilinisin ay maglalaba ng kanyang kasuotan at aahitin ang lahat niyang buhok, at maliligo sa tubig, at siya'y magiging malinis. Pagkatapos ay papasok siya sa kampo, subalit maninirahan sa labas ng kanyang tolda sa loob ng pitong araw.

Sa ikapitong araw ay muli niyang aahitin ang lahat ng buhok: sa ulo, baba, at kilay at lahat ng buhok sa kanyang katawan. Pagkatapos ay lalabhan niya ang kanyang kasuotan, at maliligo siya sa tubig, at siya ay magiging malinis.

10 “Sa ikawalong araw, kukuha siya ng dalawang korderong lalaki na walang kapintasan, at ng isang korderong babae na isang taong gulang at walang kapintasan, at ng ikasampung bahagi ng harinang hinaluan ng langis, isang handog at ng isang log[i] na langis, bilang pagkaing handog.

11 Ang paring naglilinis sa taong lilinisin ay tatayo sa harapan ng Panginoon sa pintuan ng toldang tipanan kasama ng mga bagay na ito.

12 Kukunin ng pari ang isa sa mga korderong lalaki at ihahandog bilang handog para sa budhing maysala, at ang log ng langis, at iwawagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.

13 Kanyang papatayin ang korderong lalaki sa lugar na pinagpapatayan nila ng handog pangkasalanan at ng handog na sinusunog, sa banal na dako; sapagkat gaya ng handog pangkasalanan, ang handog para sa budhing maysala ay para sa pari; ito ay kabanal-banalan.

14 Ang pari ay kukuha ng dugo ng handog para sa budhing maysala at ilalagay niya sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin.

15 Pagkatapos ay kukuha ang pari ng log ng langis at ibubuhos sa ibabaw ng palad ng kanyang kaliwang kamay,

16 at itutubog ng pari ang kanyang kanang daliri sa langis na nasa kanyang kaliwang kamay, at iwiwisik ang langis ng pitong ulit sa pamamagitan ng kanyang daliri sa harapan ng Panginoon.

17 Mula sa nalabing langis na nasa kanyang kamay ay maglalagay ang pari ng dugo sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin, sa ibabaw ng dugo ng handog para sa budhing maysala.

18 Ang nalabing langis na nasa kamay ng pari ay ilalagay niya sa ulo ng taong lilinisin, at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng Panginoon.

19 Mag-aalay ang pari ng handog pangkasalanan, at itutubos sa kanya na lilinisin mula sa kanyang karumihan. Pagkatapos ay papatayin niya ang handog na sinusunog,

20 at iaalay ng pari ang handog na sinusunog at ang butil na handog sa ibabaw ng dambana. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, at siya'y magiging malinis.

21 “Kung siya'y dukha at ang kanyang kakayahan ay hindi makakasapat, kukuha siya ng isang korderong lalaki na handog para sa budhing maysala bilang handog na iwinawagayway upang ipantubos sa sarili, at ng ikasampung bahagi ng harina na hinaluan ng langis bilang butil na handog, ng isang log ng langis;

22 at ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, ayon sa kanyang kaya; at ang isa ay magiging handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog.

23 Sa ikawalong araw ay kanyang dadalhin ang mga iyon sa pari sa pintuan ng toldang tipanan para sa kanyang paglilinis sa harapan ng Panginoon.

24 At kukunin ng pari ang korderong handog para sa budhing maysala at ang log ng langis at iwawagayway ang mga ito ng pari bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.

25 Kanyang papatayin ang korderong handog para sa budhing maysala, at kukuha ang pari ng dugo mula sa handog para sa budhing maysala, at ilalagay sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanyang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin;

26 at ibubuhos ng pari ang langis sa ibabaw ng palad ng kanyang kaliwang kamay.

27 Pitong ulit na iwiwisik ng pari sa pamamagitan ng kanyang kanang daliri ang langis na nasa kanyang kaliwang kamay sa harapan ng Panginoon.

28 At ilalagay ng pari ang langis na nasa kanyang kamay sa dulo ng kanang tainga, at hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin sa ibabaw ng pinaglagyan ng dugo ng handog para sa budhing maysala.

29 Ang nalabing langis na nasa kamay ng pari ay ilalagay niya sa ulo ng taong lilinisin, upang ipantubos sa kanya sa harapan ng Panginoon.

30 At kanyang ihahandog ang isa sa mga batu-bato o sa mga inakay ng kalapati, kung alin ang kanyang kaya.

31 Kung alin ang abot ng kanyang kaya, ang isa'y handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog, bukod sa butil na handog. At ang pari ay gagawa ng pagtubos sa harapan ng Panginoon para sa kanya na lilinisin.

32 Ito ang batas tungkol sa may sakit na ketong na hindi kayang bumili ng mga handog para sa kanyang paglilinis.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001