Bible in 90 Days
38 At(A) siya'y gumawa ng sampung hugasang tanso; ang bawat hugasan ay naglalaman ng apatnapung bat: bawat hugasan ay may apat na siko; at may isang hugasan sa bawat isa ng sampung patungan.
39 Kanyang inilagay ang mga patungan, lima sa gawing timog ng bahay, at lima sa gawing hilaga ng bahay; at kanyang inilagay ang tangke sa timog-silangang sulok ng bahay.
40 Gumawa rin si Hiram ng mga kaldero, ng mga pala, at ng mga palanggana. Gayon tinapos ni Hiram ang lahat ng gawaing kanyang ginawa para kay Haring Solomon, sa bahay ng Panginoon:
41 ang dalawang haligi, ang dalawang kabilugan sa mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at ang dalawang yaring lambat na nakatakip sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;
42 at ang apatnaraang granada para sa dalawang yaring lambat; ang dalawang hanay na granada sa bawat yaring lambat, upang makaligid sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;
43 ang sampung patungan, at ang sampung hugasan sa ibabaw ng mga patungan;
44 at ang isang tangke ng tubig, at ang labindalawang baka sa ilalim ng tangke.
45 Ang mga kaldero, ang mga pala, at ang mga palanggana, lahat ng kasangkapang ito sa bahay ng Panginoon na ginawa ni Hiram para kay Haring Solomon, ay yari sa pinitpit na tanso.
46 Sa kapatagan ng Jordan hinulma ang mga ito ng hari, sa luwad na nasa pagitan ng Sucot at ng Zaretan.
47 Ang lahat ng kasangkapan ay hindi tinimbang ni Solomon, sapagkat lubhang napakarami; ang timbang ng tanso ay hindi natiyak.
48 Sa(B) gayon ginawa ni Solomon ang lahat ng kasangkapan na nasa bahay ng Panginoon: ang gintong dambana, at ang gintong hapag para sa tinapay na handog;
49 ang(C) mga ilawan na yari sa lantay na ginto, lima sa gawing timog, lima sa hilaga, sa harap ng panloob na santuwaryo; ang mga bulaklak, ang mga ilaw, at mga pang-ipit ay yari sa ginto;
50 ang mga saro, mga panggupit ng mitsa, mga palanggana, mga lalagyan ng insenso, at mga apuyan ay pawang yari sa lantay na ginto; at ang mga pihitan para sa mga pinto sa kaloob-looban ng bahay, ang kabanal-banalang dako, at ang mga pinto sa gitnang bahagi ng templo ay yari sa ginto.
51 Ganito(D) nayari ang lahat ng ginawa ni Haring Solomon sa bahay ng Panginoon. Ipinasok ni Solomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kanyang ama, ang pilak, ginto, mga lalagyan, at itinago sa mga silid ng kabang-yaman ng bahay ng Panginoon.
Dinala ang Kaban sa Templo(E)
8 Pagkatapos(F) ay tinipon ni Solomon ang matatanda ng Israel at ang lahat ng puno ng mga lipi, ang mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng bayan ni Israel, sa harapan ni Haring Solomon sa Jerusalem, upang iakyat ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa lunsod ni David na siyang Zion.
2 Ang(G) lahat ng mamamayan sa Israel ay nagtipon kay Haring Solomon sa kapistahan, sa buwan ng Ethanim, na siyang ikapitong buwan.
3 At ang lahat ng matatanda sa Israel ay nagtipon, at binuhat ng mga pari ang kaban.
4 Kanilang iniakyat ang kaban ng Panginoon, ang toldang tipanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapan na nasa tolda; iniakyat ang mga ito ng mga pari at ng mga Levita.
5 Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagtipon sa kanyang harapan ay kasama niya sa harap ng kaban na nag-aalay ng napakaraming mga tupa at mga baka na di matuturingan o mabibilang man.
6 At ipinasok ng mga pari ang kaban ng tipan ng Panginoon sa kalalagyan nito, sa panloob na santuwaryo ng bahay, sa dakong kabanal-banalan, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.
7 Sapagkat nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin sa gawing ibabaw ng kaban, anupa't ang mga kerubin ay kumakanlong sa ibabaw ng kaban at sa mga pasanan niyon.
8 Ang mga pasanan ay napakahaba kaya't ang mga dulo ng mga pasanan ay nakikita mula sa dakong banal sa harap ng panloob na santuwaryo, ngunit hindi nakikita sa labas at nandoon ang mga iyon hanggang sa araw na ito.
9 Walang(H) anumang bagay sa kaban liban sa dalawang tapyas na bato na inilagay ni Moises doon sa Horeb, na kung saan ang Panginoon ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto.
10 Kapag(I) ang mga pari ay lumabas sa dakong banal, ang bahay ng Panginoon ay napupuno ng ulap,
11 kaya't ang mga pari ay hindi makatayo upang mangasiwa dahil sa ulap; sapagkat napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.
Nagsalita si Solomon(J)
12 Pagkatapos(K) ay nagsalita si Solomon, “Sinabi ng Panginoon na siya'y maninirahan sa makapal na kadiliman.
13 Ipinagtayo kita ng isang marangal na tahanan, isang dako na iyong tatahanan magpakailanman.”
14 Humarap ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, habang ang buong kapulungan ng Israel ay nakatayo.
15 At kanyang sinabi, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sa pamamagitan ng kanyang kamay ay tinupad ang ipinangako ng kanyang bibig kay David na aking ama, na sinasabi,
16 ‘Mula(L) nang araw na aking ilabas ang aking bayang Israel mula sa Ehipto, hindi pa ako pumili ng isang lunsod sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; ngunit aking pinili si David upang maghari sa aking bayang Israel.’
17 Nasa(M) puso ni David na aking ama ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
18 Ngunit sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, ‘Nasa iyong puso ang magtayo ng isang bahay para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na iyon ay nasa iyong puso.
19 Gayunma'y(N) hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang magiging anak mo ang siyang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.’
20 Ngayon ay tinupad ng Panginoon ang salitang kanyang sinabi, sapagkat ako'y bumangong kapalit ni David na aking ama, at nakaupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at nagtayo ako ng bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
21 At doo'y aking ipinaghanda ng isang lugar ang kaban na kinaroroonan ng tipan ng Panginoon na kanyang ginawa sa ating mga ninuno, nang kanyang ilabas sila sa lupain ng Ehipto.”
22 Pagkatapos ay tumayo si Solomon sa harap ng dambana ng Panginoon, sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at inilahad ang kanyang mga kamay paharap sa langit.
Nanalangin si Solomon(O)
23 At kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng Israel, walang Diyos na gaya mo sa langit sa itaas, o sa lupa sa ibaba na tumutupad ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iyong mga lingkod na lumalakad sa harap mo ng buong puso nila,
24 na siyang tumupad para sa iyong lingkod na si David na aking ama ng iyong ipinangako sa kanya. Ikaw ay nagsalita sa pamamagitan ng iyong bibig, at tinupad mo ng iyong kamay sa araw na ito.
25 Ngayon,(P) O Panginoon, Diyos ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na si David na aking ama ang ipinangako sa kanya, na sinasabi, ‘Hindi mawawalan sa iyo ng kapalit sa aking harapan na uupo sa trono ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay mag-iingat sa kanilang landas, at lalakad sa harap ko gaya ng paglakad mo sa harap ko.’
26 Ngayon, O Diyos ng Israel, idinadalangin ko sa iyo na pagtibayin mo ang iyong salita na iyong sinabi sa iyong lingkod na si David na aking ama.
27 Ngunit(Q) totoo bang maninirahan ang Diyos sa lupa? Sa langit at sa pinakamataas na langit ay hindi ka magkakasiya; gaano pa sa bahay na ito na aking itinayo!
28 Gayunma'y iyong pahalagahan ang dalangin ng iyong lingkod at ang kanyang samo, O Panginoon kong Diyos, na dinggin ang daing at dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harapan mo sa araw na ito;
29 na(R) ang iyong mga mata ay maging bukas nawa sa lugar ng bahay na ito gabi at araw, sa lugar na iyong sinabi, ‘Ang aking pangalan ay doroon;’ upang iyong dinggin ang panalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa lugar na ito.
30 Pakinggan mo ang pakiusap ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, kapag sila'y nananalanging paharap sa lugar na ito. Oo, dinggin mo sa langit na iyong tahanan; dinggin mo at patawarin.
31 “Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kanyang kapwa, at pinasumpa siya ng isang panata, at siya'y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito,
32 pakinggan mo sa langit, at kumilos ka at hatulan mo ang iyong mga lingkod. Iyong parusahan ang nagkasala sa pamamagitan ng pagpapataw ng kanyang ginawa sa kanyang sariling ulo, at ariing-ganap ang matuwid upang bigyan siya ng ayon sa kanyang pagiging matuwid.
33 “Kapag ang iyong bayang Israel na nagkasala laban sa iyo ay nagapi sa harap ng kaaway ngunit muling nanumbalik sa iyo, at kinilala ang iyong pangalan, nanalangin at nagsumamo sa iyo sa bahay na ito,
34 ay pakinggan mo mula sa langit, at patawarin mo ang kasalanan ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno.
35 “Kapag ang langit ay nasarhan at walang ulan sapagkat sila'y nagkasala laban sa iyo, at pagkatapos sila'y dumalangin paharap sa dakong ito, at kinilala ang iyong pangalan, at tinalikuran ang kanilang kasalanan, sapagkat iyong pinarusahan[a] sila,
36 pakinggan mo sa langit at patawarin mo ang pagkakasala ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, at sila'y iyong turuan ng mabuting daan na kanilang dapat lakaran; at bigyan mo ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan bilang pamana.
37 “Kung magkaroon ng taggutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng tagtuyot o amag, balang o higad, kung kubkubin sila ng kanilang kaaway sa lupain ng kanilang mga lunsod; anumang salot, anumang sakit na naroon,
38 anumang dalangin at pakiusap na gawin ng sinumang tao, o ng iyong buong bayang Israel, na nalalaman ng bawat tao ang salot sa kanyang sariling puso, at iuunat ang kanyang mga kamay paharap sa bahay na ito,
39 pakinggan mo sa langit na iyong tahanan, magpatawad, kumilos, at gantihan mo ang bawat tao na ang puso ay iyong nalalaman ayon sa lahat niyang mga lakad, sapagkat ikaw, ikaw lamang ang nakakaalam ng mga puso ng lahat ng mga anak ng mga tao—
40 upang sila'y matakot sa iyo sa lahat ng araw ng kanilang buhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga ninuno.
41 “Gayundin ang dayuhan na hindi kabilang sa iyong bayang Israel, kapag siya'y magmumula sa isang malayong lupain dahil sa iyong pangalan,
42 sapagkat kanilang mababalitaan ang iyong dakilang pangalan, at ang iyong makapangyarihang kamay, at ang iyong nakaunat na bisig, kapag siya'y paparito at dadalangin paharap sa bahay na ito;
43 pakinggan mo sa langit na iyong tahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat na ipapanawagan sa iyo ng dayuhan, upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, upang matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.
44 “Kung ang iyong bayan ay lumabas upang makidigma sa kanyang mga kaaway, saanmang daan mo sila suguin, at sila'y manalangin sa Panginoon paharap sa lunsod na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan;
45 dinggin mo sa langit ang kanilang dalangin at ang kanilang kahilingan at panatilihin mo ang kanilang ipinaglalaban.
46 “Kung sila'y nagkasala laban sa iyo, (sapagkat walang taong hindi nagkakasala,) at ikaw ay nagalit sa kanila, at ibigay mo sila sa kaaway, anupa't sila'y dalhing bihag sa lupain ng kaaway sa malayo man o malapit;
47 gayunma'y kung kanilang isapuso ito sa lupain na pinagdalhang-bihag sa kanila, at sila'y magsisi, at magsumamo sa iyo sa lupain ng nagdalang-bihag sa kanila na nagsasabi, ‘Kami ay nagkasala, at kami ay gumawa ng kalikuan, at kami ay gumagawa ng kasamaan’;
48 kung sila'y magsisi ng buong puso nila at ng buong kaluluwa nila sa lupain ng kanilang mga kaaway, na nagdalang-bihag sa kanila at manalangin sa iyo paharap sa kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno sa lunsod na pinili mo, at sa bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan,
49 pakinggan mo ang kanilang dalangin at ang kanilang samo sa langit na iyong tahanan, at panatilihin mo ang kanilang ipinaglalaban.
50 Patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo, at ang lahat nilang pagsuway na kanilang ginawa laban sa iyo. Mahabag ka sa kanila sa harap ng mga nagdalang-bihag sa kanila, upang sila'y mahabag sa kanila
51 (sapagkat sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas sa Ehipto mula sa gitna ng hurnong bakal).
52 Mabuksan nawa ang iyong mga mata sa dalangin ng iyong lingkod at sa dalangin ng iyong bayang Israel, na iyong dinggin sila kapag sila'y tumatawag sa iyo.
53 Sapagkat iyong ibinukod sila mula sa lahat ng mga bayan sa lupa, upang maging iyong mana, gaya ng iyong ipinahayag sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod, nang iyong ilabas ang aming mga ninuno sa Ehipto, O Panginoong Diyos.”
Ang Basbas ni Solomon
54 Pagkatapos na ialay ni Solomon ang lahat ng dalangin at samong ito sa Panginoon, siya'y tumindig mula sa harap ng dambana ng Panginoon at doon ay lumuhod na ang kanyang mga kamay ay nakalahad paharap sa langit.
55 Siya'y tumayo, at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel ng may malakas na tinig, na sinasabi,
56 “Purihin(S) ang Panginoon na nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayang Israel, ayon sa lahat ng kanyang ipinangako. Walang nagkulang ni isang salita sa lahat niyang mabuting pangako na kanyang ipinangako sa pamamagitan ni Moises na kanyang lingkod.
57 Sumaatin nawa ang Panginoon nating Diyos, kung paanong siya'y sumaating mga magulang, huwag nawa niya tayong iwan o pabayaan man;
58 upang kanyang ibaling ang ating mga puso sa kanya, upang lumakad sa lahat ng kanyang mga daan, at sundin ang kanyang mga utos, at ang kanyang mga tuntunin, at ang kanyang mga kahatulan na kanyang iniutos sa ating mga ninuno.
59 At ang mga salitang ito na aking idinalangin sa harap ng Panginoon ay malapit nawa sa Panginoon nating Diyos sa araw at gabi, at panatilihin nawa niya ang ipinaglalaban ng kanyang lingkod, at ang ipinaglalaban ng kanyang bayang Israel, ayon sa kailangan sa bawat araw;
60 upang malaman ng lahat ng tao sa lupa, na ang Panginoon ay Diyos; wala ng iba.
61 Kaya't maging tapat nawa ang inyong puso sa Panginoon nating Diyos, na lumakad sa kanyang mga tuntunin, at sundin ang kanyang mga utos, gaya sa araw na ito.”
62 Pagkatapos, ang hari at ang buong Israel na kasama niya ay naghandog ng alay sa harap ng Panginoon.
63 Nag-alay si Solomon bilang mga handog pangkapayapaan sa Panginoon, ng dalawampu't dalawang libong baka, at isandaan at dalawampung libong tupa. Ganito itinalaga ng hari at ng lahat ng mga anak ni Israel ang bahay ng Panginoon.
64 Nang araw ding iyon ay ginawang banal ng hari ang gitna ng bulwagan na nasa harap ng bahay ng Panginoon, sapagkat doon niya inialay ang handog na sinusunog, ang handog na butil, at ang mga piraso ng taba ng mga handog pangkapayapaan, sapagkat ang tansong dambana na nasa harap ng Panginoon ay napakaliit, na hindi magkasiya roon ang handog na sinusunog, ang handog na butil, at ang taba ng mga handog pangkapayapaan.
65 Gayon ipinagdiwang ni Solomon ang kapistahan nang panahong iyon at ng buong Israel na kasama niya, isang malaking pagtitipon, mula sa pasukan sa Hamat hanggang sa batis ng Ehipto, sa harap ng Panginoon nating Diyos, pitong araw, at pitong araw, samakatuwid ay labing-apat na araw.
66 Nang ikawalong araw ay kanyang pinauwi ang taong-bayan; at kanilang pinuri ang hari at naparoon sa kanilang mga tolda na nagagalak at may masayang puso dahil sa lahat ng kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David na kanyang lingkod, at sa Israel na kanyang bayan.
Ang Tipan ng Panginoon kay Solomon(T)
9 At nangyari, nang matapos ni Solomon ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon, at ng bahay ng hari, at ang lahat ng nais ipatayo ni Solomon,
2 ang(U) Panginoon ay nagpakita kay Solomon sa ikalawang pagkakataon, gaya ng pagpapakita niya sa kanya sa Gibeon.
3 At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Narinig ko ang iyong dalangin at pagsusumamo na iyong sinabi sa harap ko. Ginawa kong banal ang bahay na ito na iyong itinayo, at inilagay ko ang aking pangalan doon magpakailanman; ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.
4 Tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama sa katapatan ng puso at sa katuwiran, at gagawa ka ng ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at tutuparin mo ang aking mga tuntunin at mga batas,
5 ay(V) akin ngang itatatag ang trono ng iyong kaharian sa Israel magpakailanman, ayon sa aking ipinangako kay David na iyong ama, na sinasabi, ‘Hindi mawawalan sa iyo ng papalit sa trono ng Israel.’
6 “Ngunit kung kayo ay lumihis sa pagsunod sa akin, kayo o ang inyong mga anak, at hindi tuparin ang aking mga utos at mga tuntunin na aking inilagay sa harap ninyo, kundi kayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos, at sumamba sa kanila;
7 ay aking ihihiwalay ang Israel sa lupain na aking ibinigay sa kanila. Ang bahay na ito na aking ginawang banal para sa aking pangalan ay aking aalisin sa aking paningin, at ang Israel ay magiging kawikaan at kukutyain sa gitna ng lahat ng tao.
8 At(W) bagaman ang bahay na ito ay mataas, ang bawat magdaan sa kanya ay magtataka at susutsot at kanilang sasabihin, ‘Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?’
9 At sila'y sasagot, ‘Sapagkat kanilang pinabayaan ang Panginoon nilang Diyos na naglabas sa kanilang mga magulang sa lupain ng Ehipto, at yumakap sa ibang mga diyos, at sinamba nila at pinaglingkuran nila; kaya't ipinaranas ng Panginoon sa kanila ang lahat ng kasamaang ito.’”
Ang mga Lunsod na Ibinigay kay Hiram(X)
10 At sa katapusan ng dalawampung taon, nang maitayo ni Solomon ang dalawang gusali, ang bahay ng Panginoon at ang bahay ng hari,
11 at si Hiram na hari ng Tiro ay nagpadala kay Solomon ng mga kahoy na sedro, mga kahoy na sipres, ng ginto, hangga't gusto niya. Binigyan ni Haring Solomon si Hiram ng dalawampung lunsod sa lupain ng Galilea.
12 Ngunit nang dumating si Hiram mula sa Tiro upang tingnan ang mga lunsod na ibinigay ni Solomon sa kanya, hindi niya naibigan ang mga ito.
13 Kaya't kanyang sinabi, “Anong uring mga lunsod itong ibinigay mo sa akin, kapatid ko?” Kaya't tinawag ang mga iyon na lupain ng Cabul,[b] hanggang sa araw na ito.
14 Nagpadala si Hiram ng isang daan at dalawampung talentong ginto sa hari.
15 Ito ang kadahilanan ng sapilitang paggawa na iniatang ni Haring Solomon, upang itayo ang bahay ng Panginoon at ang kanyang bahay, at ang Milo at ang pader ng Jerusalem, ang Hazor, ang Megido, at ang Gezer.
16 Si Faraon na hari ng Ehipto ay umahon at sinakop ang Gezer, at sinunog ng apoy, at pinatay ang mga Cananeo na nakatira sa lunsod, at ibinigay iyon bilang dote sa kanyang anak na babae na asawa ni Solomon.
17 Kaya't itinayong muli ni Solomon ang Gezer, ang ibabang Bet-horon,
18 ang Baalat, ang Tamar sa ilang, sa lupain ng Juda,
19 ang lahat ng lunsod na imbakan na pag-aari ni Solomon, ang mga lunsod para sa kanyang mga karwahe, ang mga lunsod para sa kanyang mga mangangabayo, ang anumang naisin ni Solomon na itayo sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa lahat ng lupaing sakop niya.
20 Ang lahat ng mga taong naiwan sa mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Heveo, at sa mga Jebuseo, na hindi kabilang sa mga anak ng Israel;
21 ang kanilang mga anak na naiwan sa lupain pagkamatay nila na hindi nalipol ng mga anak ni Israel, ay ginawa ni Solomon na mga sapilitang alipin, hanggang sa araw na ito.
22 Ngunit sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Solomon, kundi sila'y mga lalaking mandirigma, mga lingkod, mga pinuno, mga punong-kawal, at mga pinuno sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.
23 Ito ang mga punong kapatas na nangasiwa sa gawain ni Solomon, limang daan at limampu na namumuno sa mga manggagawa.
24 Ngunit ang anak na babae ni Faraon ay umahon mula sa lunsod ni David patungo sa kanyang bahay na itinayo ni Solomon para sa kanya, pagkatapos ay itinayo niya ang Milo.
25 Tatlong(Y) ulit sa isang taon naghahandog si Solomon ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan sa ibabaw ng dambana na kanyang itinayo para sa Panginoon, at nagsusunog ng insenso sa harap ng Panginoon. Sa gayon ay natapos niya ang bahay.
Hukbong-Dagat ni Solomon
26 Nagpagawa si Haring Solomon ng mga barko sa Ezion-geber na malapit sa Elot, sa baybayin ng Dagat na Pula, sa lupain ng Edom.
27 Nagpadala si Hiram ng mga sasakyan ng kanyang mga tauhan, na mga mandaragat na bihasa sa karagatan, kasama ng mga tauhan ni Solomon.
28 At sila'y pumaroon sa Ofir at kumuha mula roon ng ginto, na apatnaraan at dalawampung talento, at dinala ang mga iyon kay Haring Solomon.
Dumalaw ang Reyna ng Seba(Z)
10 Nang(AA) mabalitaan ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon tungkol sa pangalan ng Panginoon, pumunta siya upang kanyang subukin siya ng mahihirap na tanong.
2 Siya'y pumunta sa Jerusalem na may napakaraming alalay, may mga kamelyo na may pasang mga pabango at napakaraming ginto at mamahaling bato; at nang siya'y dumating kay Solomon ay kanyang sinabi sa kanya ang lahat ng laman ng kanyang isipan.
3 Sinagot ni Solomon ang lahat ng kanyang mga tanong; walang bagay na lihim sa hari na hindi niya ipinaliwanag sa kanya.
4 Nang makita ng reyna ng Seba ang lahat ng karunungan ni Solomon, at ang bahay na kanyang itinayo,
5 at ang pagkain sa kanyang hapag, ang pagkakaayos ng kanyang mga lingkod, ang paglilingkod ng kanyang mga tagapangasiwa, ang kanilang mga pananamit, ang kanyang mga tagahawak ng saro, ang kanyang mga handog na sinusunog na kanyang inialay sa bahay ng Panginoon, ay nawalan na siya ng diwa.
6 At sinabi niya sa hari, “Totoo ang balita na aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga kalagayan at karunungan.
7 Gayunma'y hindi ko pinaniwalaan ang mga balita hanggang sa ako'y dumating, at nakita ng aking mga mata. Wala pang kalahati ang nasabi sa akin; ang iyong karunungan at kasaganaan ay higit kaysa ulat na aking narinig.
8 Mapapalad ang iyong mga tauhan, mapapalad ang iyong mga lingkod na ito na patuloy na nakatayo sa harapan mo, at nakakarinig ng iyong karunungan.
9 Purihin ang Panginoon mong Diyos na nalulugod sa iyo, at naglagay sa iyo sa trono ng Israel. Sapagkat minamahal ng Panginoon ang Israel magpakailanman, ginawa ka niyang hari upang maglapat ng katarungan at katuwiran.”
10 Siya'y nagbigay sa hari ng isandaan at dalawampung talentong ginto, napakaraming mga pabango at mamahaling bato. Kailanma'y hindi muling nagkaroon ng gayong kasaganaan ng mga pabango, gaya ng mga ito na ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.
11 Ang mga sasakyang dagat naman ni Hiram na nagsipagdala ng ginto mula sa Ofir, ay nagsipagdala ng napakaraming kahoy na almug at mamahaling bato mula sa Ofir.
12 Ginawa ng hari ang mga kahoy na almug na mga haligi sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari; at ginawa ring mga lira at mga alpa para sa mga mang-aawit; kailanma'y hindi dumating o nakita man ang mga gayong kahoy na almug hanggang sa araw na ito.
13 At si Haring Solomon ay nagbigay sa reyna ng Seba ng lahat niyang naibigan, at lahat niyang hiningi, bukod doon sa ibinigay ni Solomon sa kanya na kaloob ng hari. Sa gayo'y bumalik siya at ang kanyang mga lingkod sa kanyang sariling lupain.
Ang Kayamanan at Katanyagan ni Solomon(AB)
14 Ang timbang ng ginto na dumating kay Solomon sa isang taon ay animnaraan at animnapu't anim na talentong ginto,
15 bukod doon sa nagmula sa mga nakikipagpalitan at sa kalakal ng mga mangangalakal, at mula sa lahat ng hari ng Arabia at mga gobernador ng lupain.
16 Si Haring Solomon ay gumawa ng dalawang daang malalaking kalasag ng pinitpit na ginto; animnaraang siklong ginto ang ginamit sa bawat kalasag.
17 At siya'y gumawa pa ng tatlong daang kalasag na pinitpit na ginto; tatlong librang ginto ang ginamit sa bawat kalasag, at inilagay ito ng hari sa Bahay ng Gubat ng Lebanon.
18 Bukod dito'y gumawa ang hari ng isang malaking tronong garing,[c] at binalot iyon ng pinakamataas na uring ginto.
19 May anim na baytang sa trono, at sa likod ng trono ay may ulo ng guya at may mga patungan ng kamay sa bawat tagiliran ng upuan, at may dalawang leon na nakatayo sa tabi ng mga patungan ng kamay,
20 at may labindalawang leon na nakatayo roon, isa sa magkabilang dulo ng anim na baytang. Walang nagawang tulad niyon sa alinmang kaharian.
21 At ang lahat ng sisidlang inuman ni Haring Solomon ay yari sa ginto, at ang lahat ng sisidlan sa Bahay ng Gubat ng Lebanon ay lantay na ginto; walang yari sa pilak sapagkat hindi mahalaga iyon sa mga araw ni Solomon.
22 Sapagkat ang hari ay may mga sasakyang pandagat na yari sa Tarsis na kasama ng mga sasakyang dagat ni Hiram. Minsan sa bawat tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang dagat na yari sa Tarsis na nagdadala ng ginto, pilak, garing, mga unggoy, at mga pabo real.[d]
23 Sa gayo'y si Haring Solomon ay nakakahigit sa lahat ng mga hari sa daigdig sa kayamanan at karunungan.
24 Nais ng buong daigdig na makaharap si Solomon upang makinig sa kanyang karunungan na inilagay ng Diyos sa kanyang puso.
25 Bawat isa sa kanila ay nagdala ng kanya-kanyang kaloob, mga kagamitang pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga pabango, mga kabayo, at mga mola, na napakarami taun-taon.
Ang mga Karwahe at mga Kabayo ni Solomon
26 Nagtipon(AC) si Solomon ng mga karwahe at ng mga mangangabayo; siya'y may isang libo't apatnaraang karwahe at labindalawang libong mangangabayo na kanyang inilagay sa mga lunsod para sa mga karwahe, at mayroon ding kasama ng hari sa Jerusalem.
27 Ginawa(AD) ng hari na karaniwan ang pilak sa Jerusalem na tulad ng bato, at ang mga sedro ay ginawa niyang kasindami ng mga puno ng sikomoro ng Shefela.
28 Ang(AE) mga kabayo na pag-aari ni Solomon ay inangkat pa sa Ehipto at Kue; at ang mga mangangalakal ng hari ay bumibili ng mga iyon mula sa Kue sa takdang halaga.
29 Ang isang karwahe ay maaangkat sa Ehipto sa halagang animnaraang siklong pilak, at ang isang kabayo ay isandaan at limampu, at sa gayong paraan ay kanilang iniluwas sa lahat ng hari ng mga Heteo, at sa mga hari ng Siria.
Ang mga Pagkakasala ni Solomon
11 Si(AF) Haring Solomon ay umibig sa maraming babaing banyaga: sa anak ni Faraon, sa mga babaing Moabita, Ammonita, Edomita, Sidonia, at Heteo;
2 mula(AG) sa mga bansa na tungkol sa mga iyon ay sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel, “Kayo'y huwag makihalubilo sa kanila, at sila man ay huwag makihalubilo sa inyo, sapagkat tiyak na kanilang ililigaw ang inyong puso sa pagsunod sa kanilang mga diyos.” Nahumaling si Solomon sa mga ito dahil sa pag-ibig.
3 Siya'y nagkaroon ng pitong daang asawa, mga prinsesa, at tatlong daang asawang-lingkod, at iniligaw ng kanyang mga asawa ang kanyang puso.
4 Sapagkat nang si Solomon ay matanda na, iniligaw ng kanyang mga asawa ang kanyang puso sa ibang mga diyos, at ang kanyang puso ay hindi naging lubos na tapat sa Panginoon niyang Diyos, gaya ng puso ni David na kanyang ama.
5 Sapagkat si Solomon ay sumunod kay Astarte, diyosa ng mga Sidonio, at kay Malcam, na karumaldumal ng mga Ammonita.
6 Sa gayon gumawa si Solomon ng masama sa paningin ng Panginoon, at hindi lubos na sumunod sa Panginoon, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama.
7 Pagkatapos ay ipinagtayo ni Solomon ng mataas na dako si Cemos na karumaldumal ng Moab, sa bundok na nasa silangan ng Jerusalem at si Molec na kasuklamsuklam ng mga anak ni Ammon.
8 Gayon ang ginawa niya para sa lahat ng kanyang mga asawang banyaga, na nagsunog ng mga insenso at naghain sa kani-kanilang mga diyos.
9 Kaya't ang Panginoon ay nagalit kay Solomon, sapagkat ang kanyang puso ay lumayo sa Panginoon, sa Diyos ng Israel, na nagpakita sa kanya ng dalawang ulit;
10 at siyang nag-utos sa kanya tungkol sa bagay na ito na siya'y huwag sumunod sa ibang mga diyos; ngunit hindi niya iningatan ang iniutos ng Panginoon.
11 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Solomon, “Yamang ito'y nagawa mo, at hindi mo tinupad ang aking tipan, at ang aking mga tuntunin na aking iniutos sa iyo, tiyak na aking aagawin ang kaharian sa iyo at aking ibibigay sa iyong lingkod.
12 Gayunma'y hindi ko ito gagawin sa iyong mga araw alang-alang kay David na iyong ama; kundi aagawin ko ito sa kamay ng iyong anak.
13 Gayunma'y hindi ko aagawin ang buong kaharian kundi ibibigay ko ang isang lipi sa iyong anak alang-alang kay David na aking lingkod, at alang-alang sa Jerusalem na aking pinili.”
14 At pinadalhan ng Panginoon si Solomon ng isang kaaway, si Hadad na Edomita; siya'y mula sa sambahayan ng hari sa Edom.
15 Sapagkat nang si David ay nasa Edom, at si Joab na pinuno ng hukbo ay umahon upang ilibing ang mga napatay, pinatay niya ang lahat ng lalaki sa Edom,
16 (sapagkat si Joab at ang buong Israel ay nanirahan doon ng anim na buwan, hanggang sa kanyang mapatay ang lahat ng lalaki sa Edom;)
17 ngunit si Hadad ay tumakas patungo sa Ehipto, kasama ang ilan sa mga Edomita na mga tauhan ng kanyang ama. Si Hadad noo'y munting bata pa.
18 Sila'y umalis sa Midian at dumating sa Paran. Sila'y nagsama ng mga lalaki mula sa Paran at sila'y nagsiparoon sa Ehipto, kay Faraon na hari sa Ehipto na siyang nagbigay sa kanya ng bahay, pagkain, at lupain.
19 At si Hadad ay nakatagpo ng malaking biyaya sa paningin ni Faraon, kaya't ibinigay ng Faraon sa kanya upang maging kanyang asawa ang kapatid ng kanyang sariling asawa, ang kapatid ni Tapenes na reyna.
20 Naging anak ng kapatid ni Tapenes sa kanya ang batang lalaking si Genubat, na inalagaan ni Tapenes sa bahay ni Faraon; at si Genubat ay nasa bahay ni Faraon na kasama ng mga anak ni Faraon.
21 Nang mabalitaan ni Hadad sa Ehipto na si David ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Joab na pinuno ng hukbo ay namatay na, sinabi ni Hadad kay Faraon, “Payagan mong humayo ako upang makauwi sa aking sariling lupain.”
22 Ngunit sinabi ni Faraon sa kanya, “Anong ipinagkukulang mo sa akin at ngayon ay nais mong umuwi sa iyong sariling lupain?” At siya'y sumagot, “Wala; gayunma'y ipinapakiusap ko sa iyo na payagan mo akong umalis.”
23 Pinadalhan ng Diyos si Solomon ng isa pang kaaway, si Rezon na anak ni Eliada, na tumakas sa kanyang panginoong si Hadadezer na hari ng Soba.
24 Siya'y nagtipon ng mga lalaki at naging pinuno ng isang pangkat ng magnanakaw, pagkatapos na patayin ni David. Sila'y pumunta sa Damasco at nanirahan doon at ginawa siyang hari sa Damasco.
25 Siya'y naging kaaway ng Israel sa lahat ng araw ni Solomon, na gumagawa ng kaguluhan tulad ni Hadad; at kanyang kinapootan ang Israel at naghari sa Siria.
Si Jeroboam ay Naghimagsik sa Hari
26 Si Jeroboam na anak ni Nebat, isang Efrateo sa Zereda na lingkod ni Solomon, na ang pangalan ng ina ay Zerua, isang babaing balo, ay nagtaas din ng kanyang kamay laban sa hari.
27 Ito ang kadahilanan ng pagtataas niya ng kanyang kamay laban sa hari: itinayo ni Solomon ang Milo at sinarhan ang butas sa lunsod ni David na kanyang ama.
28 Ang lalaking si Jeroboam ay makapangyarihang lalaki at matapang, at nang nakita ni Solomon na masipag ang kabataan, kanyang ipinagkatiwala sa kanya ang lahat ng sapilitang gawain ng sambahayan ni Jose.
29 Nang panahong iyon, nang si Jeroboam ay lumabas sa Jerusalem, nakasalubong niya sa daan si propeta Ahias na Shilonita. Si Ahias noon ay may suot na bagong kasuotan; at silang dalawa lamang ang tao sa parang.
30 Hinubad ni Ahias ang bagong kasuotan niya, at pinagpunit-punit ng labindalawang piraso.
31 At kanyang sinabi kay Jeroboam, “Kunin mo para sa iyo ang sampung piraso, sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Aking aagawin ang kaharian sa kamay ni Solomon, at ibibigay ko ang sampung lipi sa iyo.
32 Ang isang lipi ay mananatili sa kanya alang-alang sa aking lingkod na si David at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili sa lahat ng mga lipi ng Israel.
33 Ito ay sapagkat kanilang tinalikuran ako, at sinamba si Astarte na diyosa ng mga Sidonio, si Cemos na diyos ng Moab, at si Malcam na diyos ng mga anak ni Ammon. Sila'y hindi lumakad sa aking mga daan upang gawin ang matuwid sa aking paningin, at upang tuparin ang aking mga tuntunin at mga batas, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama.
34 Gayunma'y hindi ko kukunin ang buong kaharian sa kanyang kamay, kundi gagawin ko siyang pinuno sa lahat ng araw ng kanyang buhay, alang-alang kay David na aking lingkod na aking pinili, sapagkat kanyang tinupad ang aking mga utos at mga tuntunin.
35 Ngunit aking kukunin ang kaharian sa kamay ng kanyang anak at ibibigay ko sa iyo ang sampung lipi.
36 Sa kanyang anak ay ibibigay ko ang isang lipi upang si David na aking lingkod ay magkaroon ng ilawan magpakailanman sa harap ko sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili upang ilagay ang aking pangalan doon.
37 Kukunin kita at ikaw ay maghahari ayon sa buong ninanasa ng iyong kaluluwa, at magiging hari ka sa Israel.
38 Kung iyong diringgin ang lahat ng aking iniuutos sa iyo, at lalakad sa aking mga daan, at gagawin ang matuwid sa aking paningin, upang tuparin ang aking mga tuntunin at mga utos, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod; sasamahan kita at ipagtatayo kita ng isang panatag na sambahayan, gaya ng aking itinayo para kay David, at ibibigay ko sa iyo ang Israel.
39 Dahil dito'y aking pahihirapan ang binhi ni David, ngunit hindi magpakailanman.’”
40 Pinagsikapan ni Solomon na patayin si Jeroboam, ngunit si Jeroboam ay tumindig, at tumakas patungo sa Ehipto, kay Shishac, na hari ng Ehipto, at tumira sa Ehipto hanggang sa pagkamatay ni Solomon.
41 Ngayon, ang iba sa mga gawa ni Solomon, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang kanyang karunungan, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon?
42 At ang panahon na naghari si Solomon sa Jerusalem sa buong Israel ay apatnapung taon.
43 At natulog si Solomon na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Rehoboam na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Rehoboam ay Naghari(AH)
12 Si Rehoboam ay nagtungo sa Shekem, sapagkat ang buong Israel ay nagtungo sa Shekem upang gawin siyang hari.
2 Nang mabalitaan iyon ni Jeroboam na anak ni Nebat (sapagkat siya'y nasa Ehipto pa, na doon siya'y tumakas mula sa harapan ni Haring Solomon), siya ay bumalik mula sa Ehipto.
3 Sila'y nagsugo at kanilang ipinatawag siya. Si Jeroboam at ang buong kapulungan ng Israel ay dumating, at nagsabi kay Rehoboam,
4 “Pinabigat ng iyong ama ang pasanin namin. Ngayon ay pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang pamatok na iniatang niya sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.”
5 At sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo, at pagkaraan ng tatlong araw ay bumalik kayo sa akin.” Umalis nga ang taong-bayan.
6 Pagkatapos si Haring Rehoboam ay humingi ng payo sa matatandang lalaki na tumayo sa harap ni Solomon na kanyang ama samantalang siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, “Anong payo ang maibibigay ninyo sa akin, upang isagot sa bayang ito?”
7 At sinabi nila sa kanya, “Kung ikaw ay magiging lingkod sa bayang ito sa araw na ito at maglilingkod sa kanila, at magsasabi ng mabubuting salita kapag sinasagot mo sila, ay magiging mga lingkod mo nga sila magpakailanman.”
8 Ngunit tinalikuran niya ang payo ng matatanda na kanilang ibinigay sa kanya, at humingi ng payo sa mga kabataang lalaking nagsilaking kasama niya na tumayo sa harap niya.
9 At sinabi niya sa kanila, “Anong maipapayo ninyo na dapat nating isagot sa bayang ito, na nagsabi sa akin, ‘Pagaanin mo ang pasanin na iniatang ng iyong ama sa amin’?”
10 Ang kanyang mga kababata ay nagsabi sa kanya, “Ganito ang iyong sasabihin sa bayang ito na nagsabi sa iyo, ‘Pinabigat ng iyong ama ang pasanin namin, ngunit pagaanin mo sa amin.’ Ganito ang iyong sasabihin sa kanila, ‘Ang aking kalingkingan ay mas makapal kaysa mga balakang ng aking ama.
11 At yaman ngang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na pasanin, ay aking dadagdagan pa ang pasanin ninyo. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo; ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.’”
12 Kaya't naparoon si Jeroboam at ang buong bayan kay Rehoboam sa ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari, “Bumalik kayo sa akin sa ikatlong araw.”
13 Mabagsik na sinagot ng hari ang mga tao at tinalikuran ang payo na ibinigay sa kanya ng matatanda.
14 At nagsalita siya sa kanila ayon sa payo ng mga kabataan na nagsasabi, “Pinabigat ng aking ama ang inyong pasanin, ngunit pabibigatan ko pa ang inyong pasanin. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.”
15 Sa gayo'y hindi dininig ng hari ang bayan sapagkat iyon ay pinapangyari ng Panginoon upang kanyang matupad ang kanyang salita na sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Ahias na Shilonita kay Jeroboam na anak ni Nebat.
Naghimagsik ang Israel
16 Nang(AI) makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, sumagot ang bayan sa hari, na nagsasabi, “Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse. Sa iyong mga tolda, O Israel! Ngayon ikaw na ang bahala sa iyong sariling sambahayan, David.” Sa gayo'y humayo ang Israel sa kanya-kanyang tolda.
17 Ngunit si Rehoboam ay naghari sa mga anak ni Israel na naninirahan sa mga lunsod ng Juda.
18 Nang magkagayo'y sinugo ni Haring Rehoboam si Adoram na tagapangasiwa sa sapilitang paggawa, at siya'y binato ng buong Israel, hanggang siya'y mamatay. At nagmadali si Haring Rehoboam na sumakay sa kanyang karwahe upang tumakas patungo sa Jerusalem.
19 Gayon naghimagsik ang Israel laban sa sambahayan ni David, hanggang sa araw na ito.
20 Nang mabalitaan ng buong Israel na si Jeroboam ay bumalik na, sila'y nagsugo at ipinatawag siya sa kapulungan, at ginawa siyang hari sa buong Israel. Walang sumunod sa sambahayan ni David kundi ang lipi ni Juda lamang.
21 Nang dumating si Rehoboam sa Jerusalem, kanyang tinipon ang buong sambahayan ng Juda at ang lipi ni Benjamin na binubuo ng isandaan at walumpung libong piling lalaking mandirigma upang lumaban sa sambahayan ng Israel at ibalik ang kaharian kay Rehoboam na anak ni Solomon.
22 Ngunit ang salita ng Diyos ay dumating kay Shemaya na tao ng Diyos, na nagsasabi,
23 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon, na hari sa Juda, at sa buong sambahayan ng Juda, ng Benjamin, at sa nalabi sa bayan, na nagsasabi,
24 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kayong aahon o makikipaglaban sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel. Bumalik ang bawat isa sa kanyang bahay, sapagkat ang bagay na ito ay mula sa akin.’” Sa gayo'y kanilang dininig ang salita ng Panginoon, at sila'y umuwi, ayon sa salita ng Panginoon.
Si Jeroboam ay Naghari
25 Itinayo ni Jeroboam ang Shekem sa lupaing maburol ng Efraim, at nanirahan doon; at siya'y umalis roon at itinayo ang Penuel.
26 At sinabi ni Jeroboam sa kanyang sarili, “Ngayo'y maibabalik ang kaharian sa sambahayan ni David,
27 kapag ang bayang ito ay umahon upang maghandog ng mga alay sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, ang puso ng bayang ito'y babalik sa kanilang panginoon, samakatuwid ay kay Rehoboam na hari sa Juda. Ako'y papatayin nila at babalik sila kay Rehoboam na hari ng Juda.”
28 Kaya't(AJ) ang hari ay humingi ng payo at gumawa ng dalawang guyang ginto. Sinabi niya sa kanila, “Kalabisan na sa inyo ang pumunta pa sa Jerusalem. Masdan mo O Israel, ang iyong mga diyos na nagdala sa inyo mula sa lupain ng Ehipto.”
29 Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa'y sa Dan.
30 Ang bagay na ito ay naging kasalanan sapagkat ang bayan ay umahon upang sumamba sa harap ng nasa Bethel at nagtungo rin sila sa Dan.
31 Gumawa rin siya ng mga bahay sa matataas na dako, at nagtalaga ng mga pari mula sa taong-bayan na hindi kabilang sa mga anak ni Levi.
32 Si(AK) Jeroboam ay nagtakda ng isang kapistahan sa ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, gaya ng kapistahan sa Juda, at siya'y naghandog sa ibabaw ng dambana. Gayon ang ginawa niya sa Bethel, na kanyang hinahandugan ang mga guya na kanyang ginawa. At kanyang inilagay sa Bethel ang mga pari ng matataas na dako na kanyang ginawa.
33 Siya'y umakyat sa dambana na kanyang ginawa sa Bethel nang ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, sa buwan na binalak ng kanyang sariling puso. Nagtakda siya ng isang kapistahan sa mga anak ni Israel at umakyat sa dambana upang magsunog ng insenso.
Si Jeroboam ay Pinaalalahanan ng Isang Propeta
13 Dumating ang isang tao ng Diyos mula sa Juda ayon sa salita ng Panginoon sa Bethel. Si Jeroboam ay nakatayo sa tabi ng dambana upang magsunog ng insenso.
2 Ang(AL) lalaki ay sumigaw laban sa dambana ayon sa salita ng Panginoon, “O dambana, dambana, ganito ang sabi ng Panginoon: ‘Isang batang lalaki ang ipapanganak sa sambahayan ni David na ang pangalan ay Josias; at iaalay niya sa ibabaw mo ang mga pari ng matataas na dako, na nagsusunog ng insenso sa iyo, at mga buto ng mga taong susunugin sa ibabaw mo.’”
3 At siya'y nagbigay ng tanda nang araw ding iyon na sinasabi, “Ito ang tanda na sinabi ng Panginoon, ‘Ang dambana ay mawawasak at ang mga abo na nasa ibabaw nito ay matatapon.’”
4 Nang marinig ng hari ang salita ng tao ng Diyos na kanyang isinigaw laban sa dambana sa Bethel, iniunat ni Jeroboam ang kanyang kamay mula sa dambana, at sinabi, “Hulihin siya.” At ang kanyang kamay na kanyang iniunat laban sa kanya ay natuyo, anupa't hindi niya ito maibalik sa kanyang sarili.
5 Ang dambana ay nawasak at ang mga abo ay natapon mula sa dambana, ayon sa tanda na ibinigay ng tao ng Diyos sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.
6 Ang hari ay sumagot at sinabi sa tao ng Diyos, “Hilingin mo ngayon ang biyaya ng Panginoon mong Diyos, at idalangin mo ako, upang ang aking kamay ay bumalik sa kanyang sarili.” At idinalangin siya ng tao ng Diyos sa Panginoon, at ang kamay ng hari ay bumalik sa kanyang sarili, at naging gaya ng dati.”
7 At sinabi ng hari sa tao ng Diyos, “Umuwi kang kasama ko, kumain ka, at bibigyan kita ng gantimpala.”
8 Sinabi ng tao ng Diyos sa hari, “Kung ibibigay mo sa akin ang kalahati ng iyong bahay ay hindi ako hahayong kasama mo, o kakain man ako ng tinapay o iinom man ako ng tubig sa dakong ito.
9 Sapagkat iyon ang iniutos sa akin ng salita ng Panginoon, ‘Huwag kang kakain ng tinapay, o iinom man ng tubig, ni babalik man sa daan na iyong pinanggalingan.’”
10 Kaya't dumaan siya sa ibang daan, at hindi na bumalik sa daan na kanyang dinaanan patungo sa Bethel.
Ang Propeta ay Naakay sa Pagsuway
11 Noon ay may naninirahang isang matandang propeta sa Bethel. Ang isa sa kanyang mga anak ay naparoon, at isinalaysay sa kanya ang lahat ng mga ginawa ng tao ng Diyos sa araw na iyon sa Bethel; ang mga salita na kanyang sinabi sa hari ay siya ring isinalaysay nila sa kanilang ama.
12 Sinabi ng kanilang ama sa kanila, “Saan siya dumaan?” At itinuro sa kanya ng kanyang mga anak ang daang dinaraanan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda.
13 Sinabi niya sa kanyang mga anak, “Ihanda ninyo para sa akin ang asno.” Sa gayo'y kanilang inihanda ang asno para sa kanya at kanyang sinakyan.
14 Kanyang sinundan ang tao ng Diyos at natagpuan niyang nakaupo sa ilalim ng isang puno ng ensina, at sinabi niya sa kanya, “Ikaw ba ang tao ng Diyos na nanggaling sa Juda?” At sinabi niya, “Ako nga.”
15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanya, “Umuwi kang kasama ko, at kumain ka ng tinapay.”
16 At sinabi niya, “Hindi ako makababalik na kasama mo, o makakapasok na kasama mo, ni makakakain man ng tinapay o makakainom man ng tubig na kasalo mo sa dakong ito.
17 Sapagkat sinabi sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, ‘Huwag kang kakain ng tinapay o iinom man ng tubig doon, o babalik man sa daan na iyong dinaanan.’”
18 Sinabi niya sa kanya, “Ako man ay isang propetang gaya mo, at isang anghel ang nagsabi sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, ‘Ibalik mo siya na kasama mo sa iyong bahay, upang siya'y makakain ng tinapay at makainom ng tubig.’” Ngunit siya'y nagsinungaling sa kanya.
19 Kaya't siya ay bumalik na kasama niya, at kumain ng tinapay sa kanyang bahay at uminom ng tubig.
20 Samantalang sila'y nakaupo sa hapag, ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta na nagpabalik sa kanya.
21 At siya'y sumigaw sa tao ng Diyos na nanggaling sa Juda, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Sapagkat ikaw ay sumuway sa salita ng Panginoon, at hindi mo tinupad ang utos na iniutos ng Panginoon mong Diyos sa iyo,
22 kundi ikaw ay bumalik at kumain ng tinapay, at uminom ng tubig sa dakong kanyang sinabi sa iyo na, ‘Huwag kang kumain ng tinapay, at huwag kang uminom ng tubig;’ ang iyong bangkay ay hindi darating sa libingan ng iyong mga ninuno.”
23 Pagkatapos na makakain siya ng tinapay at makainom, inihanda niya ang asno para sa propeta na kanyang pinabalik.
24 Habang siya'y papaalis, sinalubong siya ng isang leon sa daan at pinatay siya. Ang kanyang bangkay ay napahagis sa daan at ang asno ay nakatayo sa tabi nito; ang leon ay nakatayo rin sa tabi ng bangkay.
25 May mga taong dumaan at nakita ang bangkay na nakahandusay sa daan at ang leon na nakatayo sa tabi ng bangkay. Sila'y humayo at isinalaysay iyon sa lunsod na tinitirhan ng matandang propeta.
26 Nang marinig iyon ng propeta na nagpabalik sa kanya sa daan, sinabi niya: “Iyon ang tao ng Diyos na sumuway sa salita ng Panginoon, kaya't ibinigay siya ng Panginoon sa leon na lumapa at pumatay sa kanya ayon sa salitang sinabi ng Panginoon sa kanya.”
27 Sinabi niya sa kanyang mga anak, “Ihanda ninyo para sa akin ang asno.” At inihanda nila iyon.
28 Siya'y pumaroon at natagpuan ang kanyang bangkay na nakahandusay sa daan, at ang leon at ang asno ay nakatayo sa tabi ng bangkay. Hindi kinain ng leon ang bangkay, o nilapa man ang asno.
29 Kinuha ng propeta ang bangkay ng tao ng Diyos, ipinatong sa asno, at ibinalik sa bayan ng matandang propeta upang tangisan at ilibing.
30 Inilagay niya ang bangkay nito sa kanyang sariling libingan at kanilang tinangisan siya na sinasabi, “Ay, kapatid ko!”
31 Pagkatapos na kanyang mailibing siya, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Kapag ako'y namatay, ilibing ninyo ako sa puntod na pinaglibingan sa tao ng Diyos. Ilagay ninyo ang aking mga buto sa tabi ng kanyang mga buto.
32 Sapagkat ang salita na kanyang isinigaw sa pamamagitan ng salita ng Panginoon laban sa dambana sa Bethel at laban sa mga bahay sa mga mataas na dako na nasa mga bayan ng Samaria ay tiyak na mangyayari.”
Ang mga Pari ni Jeroboam
33 Pagkatapos ng bagay na ito, si Jeroboam ay hindi tumalikod sa kanyang masamang pamamaraan, bagkus ay muling humirang ng mga pari mula sa taong-bayan para sa matataas na dako; sinumang may ibig ay kanyang itinatalaga upang maging mga pari sa matataas na dako.
34 Ang bagay na ito ay naging kasalanan sa sambahayan ni Jeroboam na sanhi ng kanilang pagkahiwalay at pagkapuksa mula sa ibabaw ng lupa.
Ang Pahayag ni Ahias Laban kay Jeroboam
14 Nang panahong iyon si Abias na anak ni Jeroboam ay nagkasakit.
2 Sinabi ni Jeroboam sa kanyang asawa, “Bumangon ka at magbalatkayo upang huwag kang makilala na asawa ni Jeroboam, at pumunta ka sa Shilo. Naroon si Ahias na propeta na nagsalita tungkol sa akin na ako'y magiging hari sa bayang ito.
3 Magdala ka ng sampung malalaking tinapay, mga munting tinapay, isang bangang pulot, at pumaroon ka sa kanya. Kanyang sasabihin sa iyo kung ano ang mangyayari sa bata.”
4 Gayon nga ang ginawa ng asawa ni Jeroboam; tumindig siya at pumunta sa Shilo, at dumating sa bahay ni Ahias. Si Ahias noon ay hindi na nakakakita sapagkat ang kanyang mga mata'y malabo na dahil sa kanyang katandaan.
5 At sinabi ng Panginoon kay Ahias, “Ang asawa ni Jeroboam ay darating upang magtanong sa iyo tungkol sa kanyang anak; sapagkat siya'y maysakit. Ganito't gayon ang iyong sasabihin sa kanya.” Sapagkat mangyayari na nang siya'y dumating siya'y nagkukunwari na ibang babae.
6 Nang marinig ni Ahias ang ingay ng kanyang mga paa, pagpasok niya sa pintuan ay sinabi niya, “Pumasok ka, asawa ni Jeroboam. Bakit ka nagkukunwaring iba? Sapagkat ako'y pinagbilinan ng mabibigat na balita para sa iyo.
7 Humayo ka at sabihin mo kay Jeroboam, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Sapagkat itinaas kita sa gitna ng bayan, at ginawa kitang pinuno sa aking bayang Israel,
8 at inagaw ko ang kaharian mula sa sambahayan ni David at ibinigay sa iyo; gayunma'y hindi ka naging gaya ng lingkod kong si David, na sumunod sa aking mga utos, at sumunod sa akin ng kanyang buong puso, na ginagawa lamang ang matuwid sa aking mga paningin.
9 Ngunit ikaw ay gumawa ng kasamaang higit kaysa lahat ng nauna sa iyo. Ikaw ay humayo at gumawa para sa sarili mo ng mga ibang diyos, at mga larawang hinulma, upang galitin at inihagis mo ako sa iyong likuran.
10 Kaya't(AM) ako'y magdadala ng kasamaan sa sambahayan ni Jeroboam. Aking ititiwalag kay Jeroboam ang bawat lalaki, bilanggo at malaya sa Israel, at aking lubos na lilipulin ang sambahayan ni Jeroboam, kung paanong sinusunog ng isang tao ang dumi, hanggang sa ito'y maubos.
11 Sinumang kamag-anak ni Jeroboam na mamatay sa loob ng bayan ay kakainin ng mga aso; at sinumang mamatay sa kaparangan ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid, sapagkat ito ang sinabi ng Panginoon.’
12 Kaya't humanda ka, umuwi ka sa iyong bahay. Pagpasok ng iyong mga paa sa lunsod, mamamatay ang bata.
13 Tatangisan siya ng buong Israel, at ililibing siya; sapagkat siya lamang mula kay Jeroboam ang darating sa libingan. Sapagkat siya'y kinatagpuan sa sambahayan ni Jeroboam ng bagay na mabuti sa Panginoon, sa Diyos ng Israel.
14 Bukod dito'y ang Panginoon ay magtitindig para sa kanyang sarili ng isang hari sa Israel, na siyang wawasak sa sambahayan ni Jeroboam ngayon. At mula ngayon,
15 parurusahan ng Panginoon ang Israel, gaya ng isang tambo na iwinawasiwas sa tubig. Kanyang bubunutin ang Israel mula rito sa mabuting lupa na ibinigay niya sa kanilang mga magulang, at ikakalat sila sa kabila ng Eufrates; sapagkat kanilang ginawa ang kanilang mga Ashera at ginalit ang Panginoon.
16 At kanyang pababayaan ang Israel dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam na kanyang ipinagkasala at naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.”
17 Pagkatapos ay tumindig ang asawa ni Jeroboam at umalis at dumating sa Tirsa. Pagdating niya sa pintuan ng bahay, ang bata ay namatay.
18 Inilibing at tinangisan siya ng buong Israel, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahias na propeta.
19 Ngayon, ang iba pa sa mga gawa ni Jeroboam, kung paanong siya'y nakipagdigma, at kung paanong siya'y naghari, ay nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng Kasaysayan[e] ng mga hari ng Israel.
20 Ang mga araw na naghari si Jeroboam ay dalawampu't dalawang taon. Siya'y natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Nadab na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Rehoboam ay Naghari sa Juda(AN)
21 Si Rehoboam na anak ni Solomon ay naghari sa Juda. Si Rehoboam ay apatnapu't isang taon nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y naghari ng labimpitong taon sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ng Panginoon mula sa lahat ng mga lipi ng Israel, upang ilagay ang kanyang pangalan doon. Ang kanyang ina ay si Naama na Ammonita.
22 Gumawa ang Juda ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at kanilang ibinunsod siya sa paninibugho sa pamamagitan ng mga kasalanan na kanilang ginawa, na higit kaysa lahat ng ginawa ng kanilang mga magulang.
23 Sapagkat(AO) sila'y nagtayo rin para sa kanila ng matataas na dako, ng mga haligi, at mga Ashera sa bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy.
24 Nagkaroon(AP) din ng mga sodomita[f] ang lupain. Sila'y gumawa ng ayon sa lahat ng kasuklamsuklam ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
25 Nang(AQ) ikalimang taon ni Haring Rehoboam, si Shishac na hari ng Ehipto ay umahon laban sa Jerusalem.
26 Kanyang(AR) tinangay ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari; ang mga iyon ay kanyang tinangay na lahat. Tinangay rin niya ang lahat ng kalasag na ginto na ginawa ni Solomon.
27 Si Haring Rehoboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso na kahalili ng mga iyon, at ipinagkatiwala sa mga kamay ng mga pinuno ng bantay na nag-iingat ng pintuan ng bahay ng hari.
28 Tuwing pumapasok ang hari sa bahay ng Panginoon, dinadala ang mga iyon ng bantay, at ibinabalik sa silid ng mga bantay.
29 Ngayon ang iba pa sa mga gawa ni Rehoboam at ang lahat ng bagay na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[g] ng mga hari ng Juda?
30 At nagkaroon ng patuloy na paglalaban sina Rehoboam at Jeroboam.
31 At si Rehoboam ay natulog at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno, sa lunsod ni David. Ang kanyang ina ay si Naama na Ammonita. At si Abiam na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Abiam ay Naghari sa Juda(AS)
15 Nang ikalabingwalong taon ng paghahari ni Haring Jeroboam, na anak ni Nebat, nagsimulang maghari si Abiam sa Juda.
2 Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem, at ang pangalan ng kanyang ina ay Maaca na anak ni Abisalom.
3 At siya'y lumakad sa lahat ng mga kasalanan ng kanyang ama na ginawa nito na una sa kanya; at ang kanyang puso ay hindi ganap na tapat sa Panginoon niyang Diyos, gaya ng puso ni David na kanyang ama.
4 Gayunma'y(AT) alang-alang kay David ay binigyan siya ng Panginoon niyang Diyos ng isang ilawan sa Jerusalem, inilagay ang kanyang anak pagkamatay niya at pinatatag ang Jerusalem;
5 sapagkat(AU) ginawa ni David ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, at hindi lumihis sa anumang bagay na iniutos niya sa kanya sa lahat ng araw ng kanyang buhay, maliban lamang ang tungkol kay Urias na Heteo.
6 Ang(AV) digmaan sa pagitan nina Rehoboam at Jeroboam ay nagpatuloy sa lahat ng araw ng kanyang buhay.
7 Ang iba pa sa mga gawa ni Abiam, at ang lahat niyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[h] ng mga hari ng Juda? At nagkaroon ng digmaan sina Abiam at Jeroboam.
8 At si Abiam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David. Si Asa na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Asa ay Naghari sa Juda(AW)
9 Nang ikadalawampung taon ni Jeroboam na hari ng Israel, nagsimula si Asa na maghari sa Juda.
10 Apatnapu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem; at ang pangalan ng kanyang ina ay Maaca, na anak ni Abisalom.
11 At ginawa ni Asa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama.
12 Kanyang(AX) inalis ang mga sodomita[i] sa lupain, at inalis ang lahat ng diyus-diyosan na ginawa ng kanyang mga ninuno.
13 Si Maaca na kanyang ina ay inalis rin niya sa pagkareyna, sapagkat siya'y gumawa ng karumaldumal na larawan para kay Ashera; at pinutol ni Asa ang kanyang larawan at sinunog sa batis Cedron.
14 Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis; gayunma'y ang puso ni Asa ay tapat sa Panginoon sa lahat ng kanyang mga araw.
15 Kanyang ipinasok sa bahay ng Panginoon ang mga kusang-loob na kaloob ng kanyang ama, at ang kanyang sariling mga kaloob, pilak, ginto, at mga kagamitan.
Pagdidigmaan nina Asa at Baasa
16 Nagkaroon ng digmaan sina Asa at Baasa na hari ng Israel sa lahat ng kanilang mga araw.
17 At si Baasa na hari sa Israel ay umahon laban sa Juda, at itinayo ang Rama upang walang sinumang makalabas o makapunta kay Asa na hari ng Juda.
18 Nang magkagayo'y kinuha ni Asa ang lahat ng pilak at ginto na naiwan sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, at ibinigay sa kamay ng kanyang mga lingkod. Ipinadala ang mga iyon ni Haring Asa kay Ben-hadad na anak ni Tabrimon, na anak ni Hezion, na hari ng Siria, na nakatira sa Damasco, na sinasabi,
19 “Magkaroon nawa ng pagkakasundo ako at ikaw, tulad ng aking ama at ng iyong ama. Aking ipinadala sa iyo ang isang kaloob na pilak at ginto; humayo ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasa na hari ng Israel, upang siya'y lumayo sa akin.”
20 Pinakinggan ni Ben-hadad si Haring Asa, at sinugo ang mga puno ng kanyang mga hukbo laban sa mga lunsod ng Israel, at sinakop ang Ijon, Dan, Abel-betmaaca, at ang buong Cinerot, pati ang buong lupain ng Neftali.
21 Nang mabalitaan iyon ni Baasa, kanyang itinigil ang pagtatayo ng Rama at siya'y nanirahan sa Tirsa.
22 Pagkatapos ay nagpahayag si Haring Asa sa buong Juda, walang itinangi, at kanilang inalis ang mga bato at mga kahoy ng Rama, na ginagamit ni Baasa sa pagtatayo, at itinayo ni Haring Asa sa pamamagitan niyon ang Geba ng Benjamin at ang Mizpa.
23 Ang iba pa sa lahat ng mga gawa ni Asa, ang kanyang buong kapangyarihan, at ang lahat niyang ginawa, at ang mga lunsod na kanyang itinayo, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[j] ng mga hari ng Juda? Ngunit sa panahon ng kanyang katandaan, nagkaroon ng karamdaman ang kanyang mga paa.
24 At si Asa ay natulog at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ama. Si Jehoshafat na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Nadab ay Naghari sa Israel
25 Si Nadab na anak ni Jeroboam ay nagsimulang maghari sa Israel sa ikalawang taon ni Asa na hari ng Juda, at siya'y naghari sa Israel ng dalawang taon.
26 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa landas ng kanyang ama, at sa kanyang kasalanan na sanhi ng pagkakasala ng Israel.
27 Si Baasa na anak ni Ahia, sa sambahayan ni Isacar ay nakipagsabwatan laban sa kanya; at sinaktan siya ni Baasa sa Gibeton, na sakop ng mga Filisteo; sapagkat kinukubkob ni Nadab at ng buong Israel ang Gibeton.
28 Nang ikatlong taon ni Asa na hari sa Juda ay pinatay si Nadab[k] ni Baasa, at naghari na kapalit niya.
29 Nang(AY) siya'y maging hari, pinagpapatay niya ang buong sambahayan ni Jeroboam. Wala siyang iniwan kay Jeroboam ni isa mang humihinga, hanggang sa kanyang malipol, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahias na Shilonita.
30 Ito ay dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam na kanyang ginawa, at kanyang ibinunsod sa pagkakasala ang Israel at dahil sa kanyang panggagalit sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
31 Ang iba pa sa mga gawa ni Nadab, at ang lahat niyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[l] ng mga hari ng Israel?
32 At nagkaroon ng digmaan sina Asa at Baasa na hari ng Israel sa lahat ng kanilang mga araw.
Si Baasa ay Naghari sa Israel
33 Nang ikatlong taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimulang maghari si Baasa na anak ni Ahia sa buong Israel sa Tirsa, at naghari ng dalawampu't apat na taon.
34 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa landas ni Jeroboam, at sa kanyang kasalanan na dahil dito'y nagkasala ang Israel.
Ang Propesiya ni Jehu
16 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jehu na anak ni Hanani, laban kay Baasa, na nagsasabi,
2 “Yamang itinaas kita mula sa alabok, at ginawa kitang pinuno sa aking bayang Israel, at ikaw ay lumakad sa landas ni Jeroboam, at ikaw ang sanhi ng pagkakasala ng aking bayang Israel, upang ibunsod mo ako sa galit dahil sa kanilang mga kasalanan,
3 aking lubos na lilipulin si Baasa at ang kanyang sambahayan, at gagawin ko ang iyong sambahayan na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat.
4 Ang sinumang kabilang kay Baasa na mamatay sa lunsod ay kakainin ng mga aso; at ang sinumang kabilang sa kanya na mamatay sa parang ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid.”
5 Ang iba pa sa mga gawa ni Baasa, at ang kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[m] ng mga hari ng Israel?
6 At natulog si Baasa na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa Tirsa; at si Ela na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
7 Bukod dito, sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani, ay dumating ang salita ng Panginoon laban kay Baasa, at laban sa kanyang sambahayan, dahil sa lahat ng kasamaan na kanyang ginawa sa paningin ng Panginoon, upang galitin siya sa pamamagitan ng gawa ng kanyang mga kamay, sa pagtulad sa sambahayan ni Jeroboam, at dahil din sa paglipol niya rito.
Si Ela ay Naghari sa Israel
8 Nang ikadalawampu't anim na taon ni Asa na hari ng Juda ay nagsimula si Ela na anak ni Baasa na maghari sa Israel sa Tirsa, at naghari siya ng dalawang taon.
9 Ngunit ang kanyang lingkod na si Zimri na punong-kawal sa kalahati ng kanyang mga karwahe ay nakipagsabwatan laban sa kanya. Nang siya'y nasa Tirsa na umiinom na nilalasing ang sarili sa bahay ni Arsa, na siyang katiwala sa sambahayan sa Tirsa,
10 pumasok si Zimri, sinalakay siya at pinatay nang ikadalawampu't pitong taon ni Asa na hari ng Juda, at siya'y naghari na kapalit niya.
11 Nang siya'y magsimulang maghari, pag-upong pag-upo niya sa kanyang trono, ay kanyang pinagpapatay ang buong sambahayan ni Baasa. Hindi siya nag-iwan ng isa man lamang lalaki sa kanyang kamag-anak o sa mga kaibigan.
12 Sa gayo'y nilipol ni Zimri ang buong sambahayan ni Baasa, ayon sa salita ng Panginoon, na kanyang sinabi laban kay Baasa, sa pamamagitan ni Jehu na propeta,
13 dahil sa lahat ng mga kasalanan ni Baasa, at sa mga kasalanan ni Ela na kanyang anak, na kanilang ginawa, na sanhi ng pagkakasala ng Israel upang ibunsod sa galit ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.
14 Ang iba pa sa mga gawa ni Ela, at ang lahat na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[n] ng mga hari ng Israel?
Si Zimri ay Naghari sa Israel
15 Nang ikadalawampu't pitong taon ni Asa na hari sa Juda, naghari si Zimri ng pitong araw sa Tirsa. Ang mga kawal ay nagkampo laban sa Gibeton na sakop ng mga Filisteo.
16 At narinig ng mga kawal na nagkakampo na si Zimri ay nakipagsabwatan at kanyang pinatay ang hari; kaya't si Omri na punong-kawal ng hukbo ay ginawang hari sa Israel nang araw na iyon sa kampo.
17 Kaya't si Omri ay umahon mula sa Gibeton, at ang buong Israel ay kasama niya, at kanilang kinubkob ang Tirsa.
18 Nang makita ni Zimri na ang lunsod ay nasakop na, siya'y pumunta sa kastilyo ng bahay ng hari, sinunog ng apoy ang bahay na kinaroroonan ng hari at siya'y namatay,
19 dahil sa kanyang mga kasalanan na kanyang ginawa sa pamamagitan ng paggawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, sa paglakad sa landas ni Jeroboam, at sa kanyang kasalanan na kanyang ginawa, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.
20 Ang iba pa sa mga gawa ni Zimri, at ang pakikipagsabwatan na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[o] ng mga hari ng Israel?
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001