Bible in 90 Days
Ang Paglilinis ng mga Bahay na may Sakit
33 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron:
34 “Pagdating ninyo sa lupain ng Canaan na aking ibinigay sa inyo bilang pag-aari, at ako'y naglagay ng sakit na ketong sa isang bahay sa lupaing inyong pag-aari,
35 ang may-ari ng bahay ay lalapit sa pari at sasabihin, ‘Mayroon yatang isang uri ng sakit sa aking bahay.’
36 Ipag-uutos ng pari na alisan ng laman ang bahay bago siya pumasok upang tingnan ang sakit, upang ang lahat na nasa bahay ay huwag maging marumi; at pagkatapos ay papasok ang pari upang tingnan ang bahay.
37 Kanyang susuriin ang salot, at kung ang salot ay nasa mga dingding ng bahay na nagkukulay berde, o namumula ng batik at ang anyo nito ay mas malalim kaysa dingding,
38 kung gayon ay lalabas ang pari sa bahay tungo sa pintuan ng bahay at isasara ang bahay sa loob ng pitong araw.
39 Muling babalik ang pari sa ikapitong araw at gagawa ng pagsusuri, at kung kumalat na ang salot sa mga dingding ng bahay,
40 ay ipag-uutos nga ng pari na alisin ang mga batong kinaroroonan ng salot at itapon ang mga iyon sa isang dakong marumi sa labas ng bayan.
41 Kanyang ipakakayod ang palibot ng loob ng bahay, at kanilang ibubuhos ang duming kinayod sa labas ng bayan, sa isang dakong marumi;
42 at sila'y kukuha ng ibang mga bato, at ihahalili sa mga batong iyon, at kukuha ng ibang pampalitada para sa bahay.
43 “Kung muling bumalik ang salot, at lumitaw sa bahay pagkatapos na maalis ang mga bato at pagkatapos ipakayod ang bahay, at pagkatapos na mapalitadahan,
44 ay papasok ang pari at magsisiyasat. Kung ang salot ay kumalat na sa bahay, ito ay ketong na nakakasira sa bahay; ito'y marumi.
45 Gigibain niya ang bahay, ang mga bato at ang mga kahoy, at ang lahat ng palitada ng bahay, at kanyang dadalhin sa labas ng bayan, sa isang dakong marumi.
46 Ang pumasok sa bahay sa lahat ng mga araw na ito'y ipinasara ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
47 At ang mahiga sa bahay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit; at ang kumain sa bahay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit.
48 “Subalit kapag pumasok ang pari at maingat na tiningnan ito at ang salot ay hindi na kumalat sa bahay pagkatapos na mapalitadahan, ipahahayag ng pari na malinis ang bahay, sapagkat ang sakit ay napagaling na.
49 Kukuha siya ng dalawang ibon para sa paglilinis ng bahay, ng kahoy na sedro, ng pulang sinulid, at ng isopo,
50 at papatayin ang isa sa mga ibon sa isang sisidlang lupa sa ibabaw ng tubig na umaagos,
51 at kukunin niya ang kahoy na sedro, at ang isopo, at ang pulang sinulid, at ang ibong buháy, at ilulubog ang mga ito sa dugo ng ibong pinatay, at sa tubig na umaagos, at iwiwisik ng pitong ulit sa bahay.
52 Gayon niya lilinisin ang bahay sa pamamagitan ng dugo ng ibon, ng agos ng tubig, ng ibong buháy, ng kahoy na sedro, ng isopo, at ng pulang sinulid;
53 at kanyang pakakawalan ang ibong buháy sa labas ng bayan, sa kaparangan, at matutubos ang bahay; at ito ay magiging malinis.”
54 Ito ang batas para sa bawat sari-saring sakit na ketong, sa pangangati;
55 sa ketong ng kasuotan at ng bahay,
56 at sa pamamaga, sa singaw, at sa batik na makintab;
57 upang ipakita kung kailan marumi, at kung kailan malinis. Ito ang batas tungkol sa ketong.
Iba't Ibang Karumihan mula sa Katawan
15 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron,
2 “Magsalita kayo sa mga anak ni Israel, at inyong sabihin sa kanila: Kapag ang isang lalaki ay mayroong tulo mula sa kanyang katawan,[a] siya ay marumi dahil sa kanyang tulo.
3 At ito ang batas tungkol sa kanyang pagiging marumi dahil sa kanyang tulo. Maging ang kanyang katawan ay may tulo, o huminto na ang tulo sa kanyang katawan, ito ay karumihan sa kanya.
4 Bawat higaang mahigaan ng may tulo ay magiging marumi; at bawat bagay na kanyang maupuan ay magiging marumi.
5 At sinumang humipo ng kanyang higaan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
6 Ang umupo sa anumang bagay na inupuan ng may tulo ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
7 Ang humipo ng katawan ng may tulo ay maglalaba ng kanyang mga damit at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
8 Kung ang may tulo ay lumura sa taong malinis, maglalaba siya ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, magiging marumi siya hanggang sa paglubog ng araw.
9 Ang bawat upuang sapin na sakyan ng may tulo ay magiging marumi.
10 Sinumang taong humipo ng alinmang bagay na nasa ilalim niya, ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; at ang magdala ng mga bagay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
11 Sinumang mahipo ng may tulo na hindi nakapaghugas ng kanyang mga kamay sa tubig, maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
12 Ang sisidlang-lupa na mahipo ng may tulo ay babasagin, at ang lahat ng sisidlang-kahoy ay babanlawan ng tubig.
13 “At kapag ang may tulo ay luminis na sa kanyang tulo ay bibilang siya ng pitong araw sa kanyang paglilinis, at maglalaba ng kanyang mga damit. Paliliguan din niya ang kanyang katawan sa tubig na umaagos, at magiging malinis.
14 Sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batu-bato, o ng dalawang batang kalapati, at haharap siya sa Panginoon sa pasukan ng toldang tipanan, at ibibigay niya ang mga ito sa pari.
15 Ihahandog ng pari ang mga ito, ang isa'y handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng Panginoon, dahil sa kanyang tulo.
16 “Kung ang isang lalaki ay nilalabasan ng binhi, paliliguan niya ng tubig ang kanyang buong katawan, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
17 At lahat ng damit at balat na kinaroroonan ng binhi ay lalabhan sa tubig, at magiging marumi hanggang paglubog ng araw.
18 Kung ang lalaking nilalabasan ng binhi ay sumiping sa isang babae, silang dalawa ay maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
19 “Kapag ang isang babae ay nilalabasan ng dugo na kanyang buwanang pagdurugo mula sa kanyang katawan, siya ay marumi sa loob ng pitong araw; at sinumang humipo sa kanya ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
20 Anumang kanyang mahigaan sa panahon ng kanyang karumihan ay magiging marumi; at anumang maupuan niya ay magiging marumi.
21 Sinumang humipo ng kanyang higaan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
22 At ang sinumang humipo ng alinmang bagay na kanyang maupuan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
23 Maging ito ay nasa ibabaw ng higaan o nasa anumang bagay na inupuan niya, kapag kanyang hinipo, siya ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
24 Kung ang sinumang lalaki ay sumiping sa kanya, at mapasa lalaki ang karumihan niya, ang lalaki ay magiging marumi sa loob ng pitong araw; at bawat higaan na kanyang higaan ay magiging marumi.
25 “Kung ang isang babae ay labasan ng dugo sa loob ng maraming araw sa hindi kapanahunan ng kanyang karumihan, o kung labasan ng dugo na lampas sa panahon ng kanyang karumihan; siya ay marumi sa buong panahon ng kanyang karumihan.
26 Bawat higaan na kanyang hinihigan sa buong panahon ng kanyang pagdurugo, ay magiging sa kanya'y gaya ng higaan ng kanyang karumihan; at bawat bagay na kanyang maupuan ay magiging marumi, na gaya ng pagiging marumi ng kanyang karumihan.
27 Sinumang humipo ng mga bagay na iyon ay magiging marumi, at maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
28 Subalit kapag siya'y gumaling sa kanyang pagdurugo, bibilang siya ng pitong araw, at pagkatapos niyon ay magiging malinis siya.
29 Sa ikawalong araw ay kukuha siya ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, at dadalhin niya sa pari sa pintuan ng toldang tipanan.
30 Ihahandog ng pari ang isa bilang handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog; at itutubos sa kanya ng pari sa harap ng Panginoon, dahil sa kanyang maruming pagdurugo.
31 “Ganito ninyo ihihiwalay ang mga anak ni Israel sa kanilang pagiging marumi, upang huwag silang mamatay sa kanilang karumihan, kapag dinungisan ang aking tabernakulo na nasa kanilang kalagitnaan.
32 Ito ang batas tungkol sa may tulo at sa nilalabasan ng binhi, kaya't naging marumi;
33 gayundin sa babaing may sakit ng kanyang karumihan, sa sinuman, babae o lalaki, na dinudugo o may tulo, at lalaki na sumisiping sa babaing marumi.
Ang Araw ng Pagtubos
16 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron, nang sila'y lumapit sa harapan ng Panginoon at namatay.
2 Sinabi(A) ng Panginoon kay Moises: “Sabihin mo kay Aaron na iyong kapatid na huwag papasok nang wala sa panahon[b] sa santuwaryo sa loob ng tabing, sa harapan ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban upang siya'y huwag mamatay, sapagkat ako'y magpapakita sa ulap sa ibabaw ng luklukan ng awa.
3 Ganito(B) papasok si Aaron sa loob ng dakong banal: may dalang isang guyang toro na handog pangkasalanan, at isang tupang lalaki na handog na sinusunog.
4 Siya'y magsusuot ng banal na kasuotang lino, at ng lino bilang kasuotang panloob kasunod ng kanyang katawan, at magbibigkis ng pamigkis na lino, at magsusuot ng turbanteng lino; ito ang mga kasuotang banal. Paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig at pagkatapos ay isusuot niya ang mga iyon.
5 Siya'y kukuha mula sa kapulungan ng mga anak ni Israel ng dalawang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng isang tupang lalaki bilang handog na sinusunog.
6 “At iaalay ni Aaron ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili, at itutubos niya sa kanya at sa kanyang sambahayan.
7 Pagkatapos ay kukunin niya ang dalawang kambing at ilalagay niya sa harapan ng Panginoon sa pintuan ng toldang tipanan.
8 Sa pamamagitan ng palabunutan ay pipiliin ni Aaron kung alin sa dalawang kambing ang sa Panginoon at kung alin ang kay Azazel.[c]
9 At ihaharap ni Aaron ang kambing na nabunot para sa Panginoon, at ihahandog ito bilang handog pangkasalanan.
10 Ngunit ang kambing na nabunot para kay Azazel ay ilalagay na buháy sa harapan ng Panginoon upang itubos sa kanya, at payaunin sa ilang kay Azazel.
11 “Ihaharap ni Aaron ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili, at itutubos para sa kanya at sa kanyang sambahayan, at papatayin niya ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili.
12 Kukuha siya mula sa dambana na nasa harapan ng Panginoon ng isang suuban na punô ng mga baga, at ng dalawang dakot ng masarap na dinikdik na insenso at kanyang dadalhin sa loob ng tabing.
13 Ilalagay niya ang insenso sa ibabaw ng apoy sa harapan ng Panginoon upang ang mga usok ng insenso ay tumakip sa luklukan ng awa[d] na nasa ibabaw ng patotoo,[e] upang huwag siyang mamatay.
14 At siya'y kukuha ng dugo ng toro at iwiwisik ito sa pamamagitan ng kanyang daliri sa ibabaw ng luklukan ng awa, at sa harapan ng luklukan ng awa ay iwiwisik niya ng pitong ulit ang dugo sa pamamagitan ng kanyang daliri.
15 “Pagkatapos(C) ay papatayin niya ang kambing na handog pangkasalanan na para sa bayan, at dadalhin ang dugo niyon sa loob ng tabing. Ang gagawin sa dugo ay ang gaya ng ginawa sa dugo ng toro, at iwiwisik iyon sa ibabaw ng luklukan ng awa at sa harapan ng luklukan ng awa.
16 Gayon niya tutubusin ang santuwaryo dahil sa karumihan ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang mga pagsuway, sa lahat nilang mga kasalanan. Gayon ang kanyang gagawin sa toldang tipanan na nasa kanila, sa gitna ng kanilang mga karumihan.
17 Huwag magkakaroon ng sinumang tao sa toldang tipanan kapag siya'y pumasok upang gumawa ng pagtubos sa loob ng dakong banal hanggang sa lumabas siya at matubos ang sarili, at ang kanyang kasambahay, at ang buong kapulungan ng Israel.
18 Pagkatapos ay lalabas siya patungo sa dambana na nasa harapan ng Panginoon, at gagawa ng pagtubos para dito, at kukuha ng dugo ng toro at ng kambing, at ilalagay sa mga sungay sa palibot ng dambana.
19 Pitong ulit niyang iwiwisik ang dugo sa dambana sa pamamagitan ng kanyang daliri, at lilinisin at babanalin ito mula sa mga karumihan ng mga anak ni Israel.
Ang Kambing na Pakakawalan
20 “Pagkatapos niyang matubos ang dakong banal, ang toldang tipanan, at ang dambana, ay ihahandog niya ang kambing na buháy.
21 At ipapatong ni Aaron ang kanyang dalawang kamay sa ulo ng kambing na buháy, at ipahahayag sa ibabaw niyon ang lahat ng mga kasamaan, mga paglabag at lahat ng mga kasalanan ng mga anak ni Israel. Ilalagay niya ang mga iyon sa ulo ng kambing at ipapadala sa ilang sa pamamagitan ng isang taong pinili.
22 Dadalhin ng kambing ang lahat ng mga kasamaan nila sa lupaing walang naninirahan, at pakakawalan niya ang kambing sa ilang.
23 “At(D) papasok si Aaron sa toldang tipanan at huhubarin ang mga suot na lino na isinuot niya nang siya'y pumasok sa dakong banal at iiwan niya ang mga iyon doon.
24 Paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig sa isang dakong banal, at isusuot ang kanyang mga damit at lalabas, at iaalay ang kanyang handog na sinusunog at ang handog na sinusunog para sa bayan. Gayon niya gagawin ang pagtubos para sa kanyang sarili at sa bayan.
25 Kanyang susunugin sa ibabaw ng dambana ang taba ng handog para sa kasalanan.
26 At ang nagpakawala ng kambing na ukol kay Azazel ay maglalaba ng kanyang mga damit at paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampo.
27 Ang(E) toro na handog pangkasalanan at ang kambing na handog pangkasalanan, na ang dugo ay ipinasok upang ipantubos sa dakong banal ay ilalabas sa kampo; at susunugin nila sa apoy ang mga balat, ang laman, at ang dumi ng mga iyon.
28 Ang magsusunog ng mga iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit, at paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampo.
Pagdaraos ng Araw ng Pagtubos
29 “Ito'y(F) magiging alituntunin magpakailanman para sa inyo: sa ikapitong buwan ng ikasampung araw ng buwan ay magpakasakit kayo sa inyong mga sarili,[f] at huwag gagawa ng anumang gawain, ang mamamayan, ni ang taga-ibang bayan na nakatira sa inyong kalagitnaan.
30 Sapagkat sa araw na ito, ang pari ay gagawa ng pagtubos sa inyo upang linisin kayo sa lahat ng inyong mga kasalanan; kayo ay magiging malinis sa harapan ng Panginoon.
31 Ito ay Sabbath na taimtim na kapahingahan sa inyo, at magpakasakit kayo;[g] ito'y isang alituntuning magpakailanman.
32 Ang pari na kanyang hihirangin at itatalaga upang maging pari na kapalit ng kanyang ama, ay siyang gagawa ng pagtubos na suot ang mga banal na kasuotang lino.
33 Kanyang tutubusin ang santuwaryo, at tutubusin niya ang toldang tipanan, at ang dambana; at tutubusin niya ang mga pari at ang buong bayan ng kapulungan.
34 Ito'y magiging alituntuning walang hanggan sa inyo, na tubusin ang mga anak ni Israel minsan sa isang taon dahil sa lahat nilang mga kasalanan.” At ginawa ni Moises ang ayon sa iniutos ng Panginoon.
Ang Pagiging Banal ng Dugo
17 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsalita ka kay Aaron at sa kanyang mga anak at sa lahat ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Ito ang iniutos ng Panginoon:
3 Sinumang tao sa sambahayan ni Israel na pumatay ng baka, o kordero, o kambing sa loob ng kampo, o pumatay sa labas ng kampo,
4 at hindi ito dinala sa pintuan ng toldang tipanan, upang ihandog bilang alay sa Panginoon, sa harapan ng tabernakulo ng Panginoon, ang dugo ay ipaparatang sa taong iyon. Siya'y nagbubo ng dugo, at ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.
5 Ito ay upang ang mga anak ni Israel ay magdala ng kanilang mga alay na kanilang pinapatay sa kaparangan, upang dalhin nila ang mga ito sa Panginoon, sa pari na nasa pintuan ng toldang tipanan, at ialay ang mga iyon bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon.
6 Iwiwisik ng pari ang dugo sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, sa pintuan ng toldang tipanan at susunugin ang taba na mabangong samyo sa Panginoon,
7 upang hindi na nila iaalay ang kanilang mga alay sa mga demonyong kambing na sanhi ng kanilang pagtataksil.[h] Ito ay magiging alituntunin magpakailanman sa kanila sa buong panahon ng kanilang salinlahi.
8 “At sasabihin mo sa kanila: Sinumang tao sa sambahayan ni Israel, o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama nila na naghandog ng handog na sinusunog o alay,
9 at hindi ito dinala sa pintuan ng toldang tipanan, upang ialay sa Panginoon, ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.
Ang Dugo ay Hindi Dapat Kainin
10 “Sinumang(G) tao sa sambahayan ni Israel o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama nila na kumain ng anumang dugo, ay aking ihaharap ang aking mukha laban sa taong iyon na kumain ng dugo, at ititiwalag siya sa kanyang bayan.
11 Sapagkat(H) ang buhay ng laman ay nasa dugo, at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang ipantubos sa inyong mga kaluluwa, sapagkat ang dugo'y siyang tumutubos dahil sa buhay.
12 Kaya't aking sinabi sa mga anak ni Israel, ‘Sinuman sa inyo ay huwag kakain ng dugo, ni ang taga-ibang bayan na naninirahang kasama ninyo ay huwag kakain ng dugo.’
13 At sinumang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama ninyo na humuli ng hayop o ng ibon na makakain, ay ibubuhos niya ang dugo niyon at tatabunan ng lupa.
14 “Sapagkat ang buhay ng lahat ng laman ay ang dugo nito. Kaya't sinabi ko sa mga anak ni Israel: Huwag kayong kakain ng dugo ng anumang laman, sapagkat ang buhay ng buong laman ay ang dugo nito, sinumang kumain niyon ay ititiwalag.
15 At sinumang tao, katutubo man o taga-ibang bayan, na kumain ng anumang kusang namatay o nilapa ng hayop ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; pagkatapos ay magiging malinis siya.
16 Subalit kung hindi niya labhan ang mga iyon, ni paliguan ang kanyang katawan, ay tataglayin niya ang kanyang kasalanan.”
18 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsalita ka ng ganito sa mga anak ni Israel: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
3 Huwag ninyong gagawin ang gaya ng ginagawa sa lupain ng Ehipto na inyong tinirahan; at huwag din ninyong gagawin ang gaya ng ginagawa nila sa lupain ng Canaan, na pinagdadalhan ko sa inyo. Huwag kayong lalakad ng ayon sa mga alituntunin nila.
4 Gagawin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ninyo ang aking mga batas at lakaran ninyo ang mga iyon: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
5 Tutuparin(I) nga ninyo ang aking mga alituntunin at mga batas; na kapag tinupad ng isang tao, siya ay mabubuhay. Ako ang Panginoon.
Mga Bawal na Pagtatalik
6 “Huwag lalapit ang sinuman sa inyo sa kaninumang kanyang malapit na kamag-anak upang ilitaw ang kahubaran. Ako ang Panginoon.
7 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng iyong ama, na siyang kahubaran ng iyong ina. Siya'y iyong ina; huwag mong ililitaw ang kanyang kahubaran.
8 Ang(J) kahubaran ng asawa ng iyong ama ay huwag mong ililitaw; iyon ay kahubaran ng iyong ama.
9 Huwag(K) mong ililitaw ang kahubaran ng iyong kapatid na babae, na anak ng iyong ama o anak ng iyong ina, maging ipinanganak sa sariling tahanan o sa ibang bayan;
10 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng anak na babae ng iyong anak na lalaki, o ng anak na babae ng iyong anak na babae; sapagkat ang kahubaran nila ay kahubaran mo rin.
11 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng anak na babae ng asawa ng iyong ama, na anak ng iyong ama, siya'y kapatid mo.
12 Huwag(L) mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ama; siya'y malapit na kamag-anak ng iyong ama.
13 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ina, sapagkat siya'y malapit na kamag-anak ng iyong ina.
14 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na lalaki ng iyong ama; samakatuwid ay huwag kang sisiping sa asawa niya; siya'y iyong tiya.
15 Huwag(M) mong ililitaw ang kahubaran ng iyong manugang na babae, siya'y asawa ng iyong anak; ang kahubaran niya ay huwag mong ililitaw.
16 Huwag(N) mong ililitaw ang kahubaran ng asawa ng iyong kapatid na lalaki; siya ay kahubaran ng iyong kapatid na lalaki.
17 Huwag(O) mong ililitaw ang kahubaran ng isang babae at ng kanyang anak na babae; huwag mong papakisamahan ang anak na babae ng kanyang anak na lalaki o ang anak na babae ng kanyang anak na babae, upang lumitaw ang kanyang kahubaran; sila'y malapit na kamag-anak; ito ay masama.
18 Hindi mo maaaring maging asawa ang iyong hipag, upang maging kaagaw ng kanyang kapatid na babae na iyong ililitaw ang kahubaran niya, habang nabubuhay pa ang kanyang kapatid.
19 “At(P) huwag kang sisiping sa isang babae upang ilitaw ang kahubaran niya habang siya ay nasa karumihan ng pagreregla.
20 Huwag(Q) kang sisiping sa asawa ng iyong kapwa, at dungisan ang iyong sarili kasama niya.
21 Huwag(R) kang magbibigay ng iyong anak[i] upang italaga iyon sa apoy kay Molec; ni huwag mong lalapastanganin ang pangalan ng iyong Diyos; Ako ang Panginoon.
22 Huwag(S) kang sisiping sa lalaki na gaya ng pagsiping mo sa babae: ito ay karumaldumal.
23 At(T) huwag kang sisiping sa anumang hayop upang dungisan mo ang iyong sarili kasama nito, ni ang babae ay huwag ibibigay ang sarili upang makasiping ng hayop, ito ay mahalay na pagtatalik.
24 “Huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa alinman sa mga bagay na ito, sapagkat sa lahat ng mga ito ay dinungisan ng mga bansang aking palalayasin sa harapan ninyo ang kanilang mga sarili,
25 at nadungisan ang lupain, kaya't aking dadalawin ang kanyang kasamaan at isinusuka ng lupain ang mga naninirahan doon.
26 Subalit inyong tutuparin ang aking mga tuntunin at ang aking mga batas, at huwag ninyong gagawin ang alinman sa mga karumaldumal na ito, maging ang mga katutubo o ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo.
27 Ang mga tao sa lupain na nauna sa inyo ay gumawa ng lahat ng mga karumaldumal na mga ito, at ang lupain ay nadungisan;
28 baka isuka rin kayo ng lupain kapag dinungisan ninyo ito, gaya ng pagsuka nito sa bansang nauna sa inyo.
29 Sapagkat sinumang gumawa ng alinman sa mga karumaldumal na ito, ang mga taong gumagawa ng mga iyon ay ititiwalag sa kanilang bayan.
30 Kaya ingatan ninyo ang aking bilin na huwag gawin ang alinman sa mga karumaldumal na kaugaliang ito na ginawa ng mga nauna sa inyo, at huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa mga ito: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”
Mga Batas tungkol sa Kabanalan at Katarungan
19 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsalita(U) ka sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Kayo'y magpakabanal, sapagkat akong Panginoon ninyong Diyos ay banal.
3 Ang(V) bawat isa ay gumalang sa kanyang ina at sa kanyang ama, at inyong ingatan ang aking mga Sabbath; ako ang Panginoon ninyong Diyos.
4 Huwag(W) kayong babaling sa mga diyus-diyosan, ni huwag kayong gagawa para sa inyong sarili ng mga diyos na inanyuan; ako ang Panginoon ninyong Diyos.
5 “At kapag kayo'y naghahandog sa Panginoon ng alay na mga handog pangkapayapaan, inyong ialay ito upang kayo'y tanggapin.
6 Ito ay kakainin sa araw na ito na inialay, o sa kinabukasan. Ang nalabi sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.
7 At kapag ito ay kinain sa ikatlong araw, ito ay karumaldumal; ito'y hindi tatanggapin,
8 at ang sinumang kumain nito ay magpapasan ng kanyang kasamaan, sapagkat nilapastangan niya ang isang banal na bagay ng Panginoon; at ititiwalag ang gayong tao sa kanyang bayan.
9 “Kapag(X) inyong ginagapas ang anihin sa inyong lupain, huwag ninyong gagapasan ang inyong bukid hanggang sa mga sulok nito, ni huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong ginapasan.
10 Huwag uubusin ang bunga ng inyong ubasan, ni huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong ubasan; iiwan ninyo ang mga iyon para sa mga dukha at sa dayuhan: ako ang Panginoon ninyong Diyos.
11 “Huwag(Y) kayong magnanakaw, ni mandaraya, ni magsisinungaling sa isa't isa.
12 At(Z) huwag kayong susumpa sa pamamagitan ng aking pangalan sa kasinungalingan; sa gayo'y lalapastanganin ninyo ang pangalan ng inyong Diyos: Ako ang Panginoon.
13 “Huwag(AA) mong gigipitin ang iyong kapwa o pagnakawan siya. Ang sahod ng isang upahang lingkod ay hindi dapat manatili sa iyo sa buong gabi hanggang sa umaga.
14 Huwag(AB) mong mumurahin ang bingi, ni maglalagay ng katitisuran sa harap ng bulag, kundi katakutan mo ang iyong Diyos: Ako ang Panginoon.
15 “Huwag(AC) kayong gagawa ng kalikuan sa paghatol; huwag kang magtatangi sa pagkatao ng dukha ni itatangi ang pagkatao ng makapangyarihan, kundi hahatulan mo ang iyong kapwa ayon sa katarungan.
16 Huwag kang magpaparoo't-parito sa iyong bayan bilang tagapagdala ng tsismis, ni huwag kang titindig laban sa dugo ng iyong kapwa: Ako ang Panginoon.
17 “Huwag(AD) mong kapopootan ang iyong kapatid sa iyong puso; tunay na sasawayin mo ang iyong kapwa, upang hindi ka magpasan ng kasalanan dahil sa kanya.
18 Huwag(AE) kang maghihiganti o magtatanim ng galit laban sa mga anak ng iyong bayan; kundi iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng sa iyong sarili: Ako ang Panginoon.
19 “Tutuparin(AF) ninyo ang aking mga tuntunin. Huwag mong palalahian ang iyong mga hayop sa ibang uri; huwag mong hahasikan ang iyong bukid ng magkaibang binhi; ni huwag kang magsusuot ng damit na hinabi mula sa dalawang magkaibang uri ng hibla.
20 “Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatakdang ipakasal sa isang lalaki, at hindi pa natutubos ang babae, o hindi pa nabibigyan ng kalayaan, ay dapat magkaroon ng pagsisiyasat. Hindi sila papatayin yamang siya'y hindi pa malaya.
21 Ngunit magdadala ang lalaki ng kanyang handog na tupang lalaki para sa Panginoon sa pintuan ng toldang tipanan para sa budhing maysala.
22 At ipantutubos sa kanya ng pari ang tupang handog para sa budhing maysala sa harapan ng Panginoon, para sa kasalanang kanyang nagawa; at ipatatawad sa kanya ang kasalanan na kanyang nagawa.
23 “Pagdating ninyo sa lupain at nakapagtanim na kayo ng sari-saring punungkahoy bilang pagkain, ay ituturing ninyo ang bunga niyon na ipinagbabawal;[j] tatlong taon itong ipagbabawal para sa inyo; hindi ito dapat kainin.
24 Subalit sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga niyon ay magiging banal, isang alay na papuri sa Panginoon.
25 At sa ikalimang taon ay makakakain na kayo ng bunga niyon upang lalong magbunga ang mga ito para sa inyo: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
26 “Huwag(AG) kayong kakain ng anumang kasama ang dugo; ni huwag kayong mang-eengkanto ni manggagaway.
27 Huwag(AH) ninyong gugupitin ng pabilog ang mga buhok sa palibot ng inyong ulo, ni sisirain ang mga sulok ng iyong balbas.
28 Huwag ninyong hihiwaan ang inyong laman dahil sa namatay; ni huwag kayong maglalagay ng tatu na tanda sa inyong sarili: Ako ang Panginoon.
29 “Huwag(AI) mong durungisan ang iyong anak na babae, na siya'y iyong gagawing upahang babae, baka ang lupain ay masadlak sa pakikiapid, at mapuno ng kasamaan.
30 Ipapangilin(AJ) ninyo ang aking mga Sabbath, at igagalang ninyo ang aking santuwaryo: Ako ang Panginoon.
31 “Huwag(AK) kayong sasangguni sa mga nakikiugnay sa masasamang espiritu ni sa mga mangkukulam; huwag ninyo silang hanapin upang madungisan nila: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
32 “Titindig ka sa harapan ng may gulang at igagalang mo ang matanda, at katakutan mo ang iyong Diyos: Ako ang Panginoon.
33 “Kapag(AL) ang isang dayuhan ay nanirahang kasama ninyo sa inyong lupain, huwag ninyo siyang gagawan ng masama.
34 Ang dayuhang kasama ninyo ay magiging kagaya ng isang katutubong kasama ninyo. Iibigin mo siya na gaya ng sa iyong sarili; sapagkat kayo ay naging mga dayuhan sa lupain ng Ehipto: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
35 “Huwag(AM) kayong mandaraya sa pagsukat ng haba, timbang, o dami.
36 Magkakaroon kayo ng wastong pamantayan, wastong timbangan, wastong efa[k] at wastong hin.[l] Ako ang Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto.
37 Inyong tutuparin ang lahat ng aking mga tuntunin, at ang lahat ng aking kahatulan, at gagawin ninyo ang mga iyon: Ako ang Panginoon.”
Mga Parusa sa Pagsuway
20 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Sasabihin mo sa mga anak ni Israel: Sinumang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga dayuhan na naninirahan sa Israel, na nagbibigay ng kanyang anak kay Molec ay tiyak na papatayin; siya'y babatuhin ng mga tao ng lupain hanggang sa mamatay.
3 Ako mismo ay haharap laban sa taong iyon, at ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan, sapagkat ibinigay niya ang kanyang anak kay Molec, kaya't nadungisan ang aking santuwaryo, at nilapastangan ang aking banal na pangalan.
4 At kapag ipinikit ng mga tao sa lupain ang kanilang mga mata sa taong iyon, habang ibinibigay niya ang kanyang anak kay Molec, at hindi siya pinatay,
5 ay ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon at sa kanyang sambahayan. Ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan, siya at lahat ng sumusunod sa kanya sa pagpapakasama kay Molec.
6 “Ang taong nakikipag-ugnay sa masasamang espiritu at sa mga mangkukulam, na nagpapakasamang kasama nila, ay ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon, at ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan.
7 Italaga ninyo ang inyong mga sarili at kayo'y maging banal; sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos.
8 Tutuparin ninyo ang aking mga tuntunin, at isasagawa ang mga iyon, ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo.
9 Sinumang(AN) lumalait sa kanyang ama o sa kanyang ina ay tiyak na papatayin; kanyang nilait ang kanyang ama o ang kanyang ina, ang kanyang dugo ay nasa kanya.
Batas Laban sa Kasagwaan
10 “Kapag(AO) ang isang lalaki ay mangalunya sa asawa ng kanyang kapwa, ang lalaking nangalunya at ang babaing nangalunya ay parehong papatayin.
11 Ang(AP) lalaking sumiping sa asawa ng kanyang ama ay naglitaw ng kahubaran ng kanyang ama, sila'y tiyak na kapwa papatayin; ang kanilang dugo ay nasa kanila.
12 At(AQ) kapag ang isang lalaki ay sumiping sa kanyang manugang na babae, sila ay kapwa papatayin; sila'y gumawa ng kahalayan, ang kanilang dugo ay nasa kanila.
13 Kapag(AR) ang isang lalaki ay sumiping sa kapwa lalaki, na gaya ng pagsiping sa babae, sila ay kapwa nakagawa ng bagay na karumaldumal, tiyak na sila'y papatayin, ang kanilang dugo ay nasa kanila.
14 Kung(AS) ang isang lalaki ay mag-asawa sa isang babae at sa kanyang ina, ito ay kasamaan. Kanilang susunugin siya at sila upang huwag magkaroon ng kasamaan sa inyong kalagitnaan.
15 Kapag(AT) ang isang lalaki ay sumiping sa hayop, siya ay tiyak na papatayin, at papatayin din ninyo ang hayop.
16 Kung ang isang babae ay lumapit sa alinmang hayop at nakipagtalik dito, papatayin mo ang babae at ang hayop; sila'y tiyak na papatayin at ang kanilang dugo ay nasa kanila.
17 “Kung(AU) kunin ng isang lalaki ang kanyang kapatid na babae, na anak ng kanyang ama o anak ng kanyang ina, at kanyang makita ang kanyang kahubaran, at makita ng babae ang kahubaran niya, ito ay isang bagay na kahiyahiya. Sila'y ititiwalag sa paningin ng mga anak ng kanilang bayan, sapagkat inilitaw niya ang kahubaran ng kanyang kapatid na babae; kanyang pananagutan ang kasamaan niya.
18 Kung(AV) ang isang lalaki ay sumiping sa isang babaing may regla, at ilitaw ang kahubaran niya; kanyang hinubaran ang kanyang daloy at kanyang pinalitaw ang daloy ng kanyang dugo; at sila'y kapwa ititiwalag sa kalagitnaan ng kanilang bayan.
19 At(AW) huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ina, ni ng kapatid na babae ng iyong ama, sapagkat hinubaran niya ang kanyang malapit na kamag-anak; sila ay kapwa mananagot ng kanilang kasamaan.
20 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang amain, kanyang inilitaw ang kahubaran ng kanyang amain. Pananagutan nila ang kanilang kasalanan at mamamatay silang walang anak.
21 Kung(AX) ang isang lalaki ay makisama sa asawa ng kanyang kapatid na lalaki, ito ay karumihan; kanyang inilitaw ang kahubaran ng kanyang kapatid na lalaki kaya't mabubuhay silang walang anak.
Utos upang Tuparin ang Batas ng Kalinisan
22 “Tuparin ninyo ang lahat ng aking mga tuntunin at mga batas, at gawin ninyo ang mga iyon upang huwag kayong isuka ng lupain na aking pagdadalhan sa inyo na inyong tatahanan.
23 Huwag kayong lalakad ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansang aking palalayasin sa harapan ninyo, sapagkat ang lahat ng kasamaang ito ay ginawa nila, at ako ay nasusuklam sa kanila.
24 Subalit sinabi ko na sa inyo, ‘Tiyak na mamanahin ninyo ang lupain nila, at ibibigay ko sa inyo upang inyong manahin, isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot.’ Ako ang Panginoon ninyong Diyos na nagbukod sa inyo sa mga bayan.
25 Inyong lalagyan ng pagkakaiba ang hayop na malinis at ang marumi, at ang ibong marumi at ang malinis. Huwag ninyong gagawing karumaldumal ang inyong pagkatao sa hayop o sa ibon, o sa anumang bagay na umuusad sa lupa na inihiwalay ko sa inyo bilang mga marurumi.
26 Kayo'y magpakabanal sa akin, sapagkat akong Panginoon ay banal, at kayo'y ibinukod ko sa mga bayan, upang kayo'y maging akin.
27 “Ang isang lalaki o ang isang babae na sumasangguni sa masasamang espiritu, o mangkukulam, ay tiyak na papatayin. Sila'y babatuhin hanggang mamatay, ang kanilang dugo ay pasan nila.”
Ang Kabanalan ng mga Pari
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo ang ganito sa mga pari na mga anak ni Aaron: Hindi dapat dungisan ng sinuman ang kanyang sarili nang dahil sa patay na kasama ng kanyang bayan,
2 maliban sa kanyang malapit na kamag-anak: sa kanyang ina, ama, anak na lalaki at babae, kapatid na lalaki,
3 at sa kanyang kapatid na dalaga na malapit sa kanya, sapagkat siya ay walang asawa, ay maaaring madungisan niya ang kanyang sarili dahil sa dalaga.[m]
4 Hindi niya dapat dungisan ang kanyang sarili bilang isang asawang lalaki sa gitna ng kanyang bayan at malapastanganan ang sarili.
5 Huwag(AY) silang gagawa ng kalbong bahagi sa kanilang ulo, o gugupitin man ang dulo ng kanilang balbas, o hihiwaan man ang kanilang laman.
6 Sila'y magiging banal sa kanilang Diyos, at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng kanilang Diyos; sapagkat sila ang nag-aalay ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, na tinapay ng kanilang Diyos, kaya't sila'y magiging banal.
7 Huwag silang mag-aasawa ng isang babaing upahan[n] o babaing nadungisan, ni mag-aasawa sa isang babaing hiwalay na sa kanyang asawa, sapagkat ang pari[o] ay banal sa kanyang Diyos.
8 Siya ay iyong ituturing na banal, sapagkat siya ang naghahandog ng tinapay ng inyong Diyos. Siya'y magiging banal sa inyo; sapagkat akong Panginoon na nagpapabanal sa inyo ay banal.
9 Kapag dinungisan ng anak na babae ng isang pari ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpapaupa[p] ay kanyang nilalapastangan ang kanyang ama; siya'y susunugin sa apoy.
10 “Ang pari na pangunahin sa kanilang magkakapatid, na binuhusan ng langis ang ulo at ang kamay, at itinalaga upang magsuot ng kasuotan ng pari, hindi dapat maglugay ng kanyang buhok, ni sirain ang kanyang damit.
11 Huwag siyang lalapit sa anumang bangkay, ni dungisan ang kanyang sarili, maging dahil sa kanyang ama, o dahil sa kanyang ina;
12 ni lalabas siya sa santuwaryo, ni lalapastanganin ang santuwaryo ng kanyang Diyos; sapagkat ang pagtalaga ng langis na pambuhos ng kanyang Diyos ay nasa kanya: Ako ang Panginoon.
13 Siya'y mag-aasawa sa isang dalagang birhen.
14 Hindi siya mag-aasawa sa isang balo, o sa hiniwalayan, o sa isang babaing nadungisan, o sa isang upahang babae; kundi kukuha siya ng isang dalagang malinis sa kanyang sariling bayan bilang asawa.
15 Upang hindi niya malapastangan ang kanyang mga anak sa gitna ng kanyang mga kamag-anak, sapagkat ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanya.”
Karapatan sa Pagkapari
16 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
17 “Sabihin mo kay Aaron: Sinuman sa iyong mga anak sa buong panahon ng kanilang salinlahi na may kapintasan ay hindi maaaring lumapit upang maghandog ng tinapay sa kanyang Diyos.
18 Sapagkat sinumang mayroong kapintasan ay huwag lalapit, ang taong bulag, pilay, nasira ang mukha, sobrang mahaba ang paa o kamay;
19 ang taong nabalian ng paa o nabalian ng kamay;
20 kuba, unano, ang taong may kapansanan sa kanyang mata, sakit ng pangangati, galisin, o nadurog ang itlog.
21 Walang tao mula sa binhi ni Aaron na pari na mayroong kapintasan ang lalapit upang mag-alay ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy yamang siya'y may kapintasan; siya'y huwag lalapit upang mag-alay ng tinapay sa kanyang Diyos.
22 Makakakain siya ng tinapay ng kanyang Diyos, ang kabanal-banalan at ang mga bagay na banal;
23 subalit hindi siya makakalapit sa tabing, o lalapit man sa dambana, sapagkat siya'y may kapintasan upang hindi niya malapastangan ang aking mga santuwaryo; sapagkat ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.”
24 Gayon ang sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel.
Ang Kabanalan ng mga Handog
22 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na sila'y magsilayo sa mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na kanilang itinalaga sa akin upang huwag nilang lapastanganin ang aking banal na pangalan: Ako ang Panginoon.
3 Sabihin mo sa kanila, ‘Sinuman sa lahat ng inyong binhi sa buong panahon ng inyong salinlahi na lumapit sa mga banal na bagay na itinalaga ng mga anak ni Israel sa Panginoon na nasa kalagayang marumi, ang taong iyon ay ititiwalag sa aking harapan: Ako ang Panginoon.
4 Sinuman sa binhi ni Aaron na may ketong o may tulo ay hindi kakain ng mga banal na bagay hanggang siya'y maging malinis. At ang humipo ng alinmang bagay na marumi dahil sa patay, o lalaking nilabasan ng binhi nito,
5 o sinumang humipo ng anumang gumagapang na makakapagparumi sa kanya o humipo sa lalaking makakapagparumi sa kanya, sa pamamagitan ng alinman sa kanyang karumihan,
6 ang tao na humipo sa gayon ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Huwag siyang kakain ng mga banal na bagay, kundi paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig.
7 Pagkalubog ng araw, siya ay magiging malinis at pagkatapos ay makakakain na siya ng mga banal na bagay, sapagkat iyon ay kanyang pagkain.
8 Hindi niya kakainin ang anumang kusang namatay o nilapa ng hayop, sapagkat marurumihan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan nito: Ako ang Panginoon.’
9 Kaya't tutuparin nila ang aking bilin, at hindi nila iyon ipagkakasala, upang sila ay huwag mamatay kapag kanilang nilapastangan ito: Ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.
10 “Ang isang taga-ibang bayan ay huwag kakain ng mga banal na bagay; sinumang manunuluyan sa pari, o aliping upahan niya ay huwag kakain ng banal na bagay.
11 Ngunit kung ang pari ay bumili ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang salapi, siya ay makakakain din nito; gayundin ang ipinanganak sa kanyang bahay ay makakakain ng kanyang tinapay.
12 Kung ang isang anak na babae ng pari ay mag-asawa sa isang dayuhan, ang babae ay hindi makakakain ng handog ng mga banal na bagay.
13 Subalit kung ang anak na babae ng pari ay balo o hiwalay sa asawa at walang anak at bumalik sa bahay ng kanyang ama na gaya rin nang kanyang kabataan, siya ay makakakain ng tinapay ng kanyang ama, ngunit ang sinumang dayuhan ay hindi makakakain niyon.
14 At kung ang sinumang lalaki ay magkamaling kumain ng banal na bagay, iyon ay kanyang daragdagan ng ikalimang bahagi at ibibigay iyon sa pari kasama ng banal na bagay.
15 Huwag lalapastanganin ng mga pari ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na kanilang inihahandog sa Panginoon;
16 sapagkat iyon ay magbubunga ng pagpasan nila ng kasamaan at pagkakasala sa pamamagitan ng pagkain ng kanilang mga banal na bagay; sapagkat ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.”
17 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
18 “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel: Sinuman sa sambahayan ni Israel o sa mga dayuhan sa Israel, na maghahandog ng kanyang alay, maging kabayaran sa isang panata o bilang inialay sa Panginoon bilang handog na sinusunog,
19 upang tanggapin, ang inyong ihahandog ay isang lalaki na walang kapintasan, mula sa mga toro, sa mga tupa, o sa mga kambing.
20 Huwag(AZ) ninyong ihahandog ang anumang may kapintasan, sapagkat ito ay hindi tatanggapin para sa inyo.
21 At kapag ang isang tao ay naghandog sa Panginoon ng handog pangkapayapaan, sa pagtupad ng isang panata o kaya'y kusang-loob na handog mula sa bakahan o sa kawan, ito ay kailangang sakdal upang matanggap; ito ay kailangang walang kapintasan.
22 Ang bulag, may bali, may kapansanan, may tulo, may pangangati, o may galis, ay huwag ninyong ihahandog sa Panginoon, ni gagawin ang mga ito bilang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy sa ibabaw ng dambana.
23 Ang toro o tupa na may bahaging napakahaba o napakaikli ay maaari mong ialay bilang kusang-loob na handog, subalit hindi matatanggap para sa isang panata.
24 Anumang hayop na nasira ang kasarian, nadurog, o naputol ay huwag ninyong ihahandog sa Panginoon, o iaalay sa loob ng inyong lupain.
25 Huwag ninyong ihahandog bilang pagkain ng inyong Diyos ang anumang gayong hayop na nakuha mula sa isang dayuhan, yamang ang mga ito ay may kapintasan dahil sa kanilang kapansanan; hindi iyon tatanggapin para sa inyo.”
26 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
27 “Kapag ipinanganak ang isang baka, tupa, o kambing, ito ay mananatili sa kanyang ina sa loob ng pitong araw; at mula sa ikawalong araw hanggang sa haharapin ito ay tatanggapin bilang alay, handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon;
28 subalit huwag ninyong papatayin sa gayon ding araw ang baka, o tupa at ang kanyang anak.
29 Kapag kayo'y maghahandog ng handog na pasasalamat sa Panginoon, iaalay ninyo ito upang kayo ay tanggapin;
30 at ito ay kakainin sa araw ding iyon, huwag kayong magtitira ng anuman hanggang sa umaga: Ako ang Panginoon.
31 “Kaya't inyong iingatan ang aking mga utos, at inyong tuparin ang mga iyon: Ako ang Panginoon.
32 Huwag ninyong lalapastanganin ang aking banal na pangalan; kundi ako'y pakakabanalin sa bayan ng Israel; ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo,
33 na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, upang ako'y maging inyong Diyos: Ako ang Panginoon.”
Batas tungkol sa mga Kapistahan
23 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila: Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon na inyong ipahahayag bilang mga banal na pagpupulong.
3 Anim(BA) na araw na gagawin ang mga gawain, subalit ang ikapitong araw ay Sabbath na ganap na kapahingahan, isang banal na pagpupulong. Huwag kayong gagawa ng anumang gawain; ito ay Sabbath sa Panginoon sa lahat ng inyong mga paninirahan.
4 “Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon, mga banal na pagpupulong na inyong ipagdiriwang sa takdang panahon.
Ang Paskuwa at Tinapay na Walang Pampaalsa(BB)
5 “Sa(BC) ikalabing-apat na araw ng unang buwan, sa paglubog ng araw, ay ang Paskuwa ng Panginoon.
6 Ang(BD) ikalabinlimang araw ng buwang ito ay Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa Panginoon. Kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw.
7 Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain.
8 Kayo ay maghahandog sa Panginoon sa loob ng pitong araw ng handog na pinaraan sa apoy; at ang ikapitong araw ay magiging banal na pagpupulong. Huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain.”
9 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
10 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Kapag kayo'y dumating sa lupain na aking ibinibigay sa inyo, at inyong nagapas na ang ani niyon, ay dalhin ninyo sa pari ang unang bunga ng inyong inani.
11 Iwawagayway niya ang bigkis sa harapan ng Panginoon upang kayo'y tanggapin; sa kinabukasan pagkatapos ng Sabbath, ito ay iwawagayway ng pari.
12 At ikaw ay maghahandog ng isang taong gulang na kordero na walang kapintasan, sa araw na iyong iwagayway ang bigkis bilang handog na sinusunog sa Panginoon.
13 Ang handog na butil ay magiging dalawang ikasampung bahagi ng isang efa ng pinong harina na hinaluan ng langis, isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy na may mabangong samyo. Ang handog na inumin na kasama nito ay alak na ikaapat na bahagi ng isang hin.[q]
Kapistahan ng Pag-aani(BE)
14 Huwag kayong kakain ng tinapay at trigong sinangag, ni uhay na bago, hanggang sa araw na ito, hanggang sa inyong madala ang handog sa inyong Diyos. Ito ay tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi, sa lahat ng inyong mga tirahan.
15 “Mula(BF) sa kinabukasan, pagkalipas ng Sabbath mula sa araw na inyong dalhin ang bigkis na handog na iwinawagayway, ay bibilang kayo ng pitong buong linggo.
16 Hanggang sa kinabukasan pagkalipas ng ikapitong Sabbath, bibilang kayo ng limampung araw; pagkatapos ay mag-aalay kayo ng handog na bagong butil sa Panginoon.
17 Mula sa inyong mga tahanan ay magdadala kayo ng dalawang tinapay upang iwagayway, na ang bawat isa ay dalawang ikasampung bahagi ng isang efa na mula sa piling harina, at lulutuin na may pampaalsa bilang unang bunga sa Panginoon.
18 Bukod sa tinapay, maghahandog kayo ng pitong kordero na isang taong gulang na walang kapintasan, at ng isang guyang toro at ng dalawang tupang lalaki. Ang mga ito ay magiging handog na sinusunog sa Panginoon, kasama ng kanilang butil na handog, at ng kanilang mga handog na inumin, isang handog na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa Panginoon.
19 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng dalawang korderong lalaki na isang taong gulang bilang alay na mga handog pangkapayapaan.
20 Ang mga iyon ay iwawagayway ng pari kasama ng tinapay ng mga unang bunga, bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon, kasama ng dalawang kordero; ang mga iyon ay magiging banal sa Panginoon para sa pari.
21 Ikaw ay magpapahayag sa araw ding iyon; ito ay banal na pagtitipon sa inyo; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain. Ito ay walang hanggang tuntunin sa lahat ng inyong mga tahanan sa buong panahon ng inyong salinlahi.
22 “Kapag(BG) inyong ginapas ang ani sa inyong lupain, ay huwag ninyong gagapasan hanggang sa mga sulok ng inyong bukid; huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong pag-aani. Iiwan ninyo ang mga iyon para sa dukha at sa dayuhan: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”
Pista ng mga Trumpeta(BH)
23 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
24 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel: Sa unang araw ng ikapitong buwan, ay magkakaroon kayo ng unang araw ng ganap na kapahingahan, isang banal na pagpupulong na ipinagdiriwang sa pamamagitan ng tunog ng mga trumpeta.
25 Kayo'y huwag gagawa ng anumang mabigat na gawain at kayo'y mag-aalay ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.”
Ang Araw ng Pagtubos(BI)
26 At(BJ) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
27 “Gayundin, ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ay araw ng pagtubos. Magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong, magpakumbaba kayo,[r] at mag-alay kayo ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
28 Huwag kayong gagawa ng anumang gawa sa araw ding ito, sapagkat ito ay araw ng pagtubos, upang gumawa ng pagtubos para sa inyo sa harapan ng Panginoon ninyong Diyos.
29 Sapagkat sinumang tao na hindi magpakumbaba[s] sa araw ding ito ay ititiwalag sa kanyang bayan.
30 At sinumang tao na gumawa ng anumang gawa sa araw ding ito ay pupuksain ko sa kalagitnaan ng kanyang bayan.
31 Kayo'y huwag gagawa ng anumang gawa; ito ay isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng inyong salinlahi sa lahat ng inyong tirahan.
32 Ito ay magiging ganap na kapahingahan sa inyo, at kayo'y magpapakumbaba; sa ikasiyam na araw ng buwan sa hapon, mula sa paglubog ng araw hanggang sa paglubog ng araw ay ipapangilin ninyo ang inyong Sabbath.”
Kapistahan ng mga Kubol(BK)
33 At(BL) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
34 “Iyong sabihin ang ganito sa mga anak ni Israel: Sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwang ito ay pitong araw na Kapistahan ng mga Kubol[t] sa Panginoon.
35 Ang unang araw ay isang banal na pagpupulong; kayo'y huwag gagawa ng anumang mabigat na gawain.
36 Pitong araw na maghahandog kayo sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy. Sa ikawalong araw ay magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong; at kayo'y maghahandog sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy. Ito ay isang taimtim na pagtitipon; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain.
37 “Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon na inyong ipahahayag bilang mga banal na pagpupulong, upang maghandog sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy, ng handog na sinusunog, ng butil na handog, at ng mga inuming handog, na bawat isa ay sa nararapat na araw;
38 bukod sa mga Sabbath sa Panginoon, at bukod sa inyong mga kaloob, bukod sa lahat ng inyong panata, bukod sa lahat ng inyong mga kusang-loob na handog na inyong ibibigay sa Panginoon.
39 “Gayundin, sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwan, kapag inyong tinipon ang bunga ng lupain, ipagdiriwang ninyo ang mga kapistahan ng Panginoon sa loob ng pitong araw; ang una at ikawalong araw ay Sabbath.
40 Sa unang araw ay magdadala kayo ng bunga ng magagandang punungkahoy, ng mga sanga ng mga palma, mga sanga ng mayayabong na punungkahoy, at ng maliliit na halaman sa batis; at kayo'y magdiriwang sa harapan ng Panginoon ninyong Diyos sa loob ng pitong araw.
41 Inyong tutuparin ito bilang isang kapistahan sa Panginoon sa loob ng pitong araw sa bawat taon. Ito ay isang tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi; sa ikapitong buwan ay ipagdiriwang ninyo ang kapistahang ito.
42 Kayo'y maninirahan sa mga kubol sa loob ng pitong araw; ang lahat ng katutubo sa Israel ay maninirahan sa mga kubol,
43 upang malaman ng inyong salinlahi na pinatira ko sa mga kubol ang mga anak ni Israel nang sila'y aking ilabas sa lupain ng Ehipto: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”
44 Gayon ipinahayag ni Moises ang mga takdang kapistahan ng Panginoon sa bayan ng Israel.
Pangangalaga sa mga Ilawan(BM)
24 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Iutos mo sa mga anak ni Israel na dalhan ka nila ng dalisay na langis ng olibo na hinalo para sa ilawan, upang patuloy na magningas ang ilawan.
3 Sa labas ng tabing ng patotoo, sa toldang tipanan, ito ay laging aayusin ni Aaron, mula hapon hanggang sa umaga sa harapan ng Panginoon. Ito'y isang tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi.
4 Aayusin niyang palagi ang mga ilaw sa ibabaw ng ilawan na yari sa lantay na ginto sa harapan ng Panginoon.
Ang Tinapay na Handog sa Diyos
5 “Kukuha(BN) ka ng piling harina, at sa pamamagitan nito ay magluluto ka ng labindalawang tinapay; dalawang ikasampung bahagi ng efa ang sa bawat tinapay.
6 Ilalagay mo ang mga iyon sa dalawang hanay, anim sa bawat hanay, sa ibabaw ng hapag na dalisay na ginto.
7 Maglalagay ka sa bawat hanay ng dalisay na kamanyang, upang maging handog na tanda para sa tinapay bilang handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon.
8 Sa bawat Sabbath ay palaging aayusin ito ni Aaron sa harapan ng Panginoon para sa mga anak ni Israel, bilang isang tungkuling walang hanggan.
9 Ito(BO) ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak, at ito ay kanilang kakainin sa dakong banal, sapagkat ito ay kabanal-banalang bahagi para sa kanya mula sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, isang walang hanggang bahagi.”
Isang Halimbawa ng Makatarungang Pagpaparusa
10 Noon, ang anak na lalaki ng isang babaing Israelita na ang ama'y Ehipcio ay pumunta sa mga anak ni Israel. Nag-away sa kampo ang anak ng babaing Israelita at ang isang Israelita.
11 At nilapastangan ng anak ng babaing Israelita ang Pangalan, sa isang pagsumpa. Siya'y kanilang dinala kay Moises, at ang pangalan ng kanyang ina ay Shelomit, na anak ni Debri sa lipi ni Dan.
12 Kanilang inilagay siya sa bilangguan hanggang sa ang hatol ay ipahayag sa kanila ng Panginoon.
13 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
14 “Dalhin mo ang manlalait sa labas ng kampo; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay magpatong ng kanilang mga kamay sa kanyang ulo, at hayaang batuhin siya ng buong kapulungan.
15 At sasabihin mo sa mga anak ni Israel, “Sinumang lumait sa kanyang Diyos ay mananagot sa kanyang kasalanan.
16 Ang lumapastangan sa pangalan ng Panginoon ay tiyak na papatayin; at babatuhin siya ng buong kapulungan; maging dayuhan o katutubo sa lupain ay papatayin kapag nilapastangan ang Pangalan.
17 Sinumang(BP) pumatay ng tao ay papatayin,
18 at ang pumatay ng hayop ay magpapalit nito; buhay sa buhay.
19 Kapag pininsala ng sinuman ang kanyang kapwa, gaya ng kanyang ginawa ay gayundin ang gagawin sa kanya,
20 bali(BQ) sa bali, mata sa mata, ngipin sa ngipin; ayon sa kanyang pagkapinsala sa tao, siya ay pipinsalain.
21 Ang pumatay ng isang hayop ay magpapalit nito at ang pumatay ng isang tao ay papatayin.
22 Magkakaroon(BR) kayo ng isa lamang batas para sa dayuhan at para sa katutubo; sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos.”
23 Nagsalita ng gayon si Moises sa mga anak ni Israel, at kanilang dinala ang taong nanlait sa labas ng kampo, at siya'y pinagbabato. At ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Ikapitong Taon(BS)
25 At(BT) nagsalita ang Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, na sinasabi,
2 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Pagdating ninyo sa lupaing ibinibigay ko sa inyo, ang lupain ay mangingilin ng isang Sabbath sa Panginoon.
3 Anim na taong hahasikan mo ang iyong bukid, at anim na taong pupungusan mo ang iyong ubasan, at titipunin mo ang kanyang bunga.
4 Subalit ang ikapitong taon ay magiging ganap na kapahingahan sa lupain, isang Sabbath sa Panginoon; huwag mong hahasikan ang iyong bukid, ni pupungusan ang iyong ubasan.
5 Huwag mong aanihin ang kusang tumubo sa iyong inanihan, at huwag mong titipunin ang mga ubas ng iyong ubasan na hindi mo inalagaan; iyon ay magiging taon ng ganap na kapahingahan sa lupain.
6 At ang bunga sa Sabbath ng lupain ay magiging pagkain mo, at ng iyong aliping lalaki at aliping babae, ng iyong upahang lingkod, ng mga dayuhang naninirahang kasama mo;
7 ng iyong hayupan at ng mababangis na hayop na nasa iyong lupain. Lahat ng bunga niyon ay magiging inyong pagkain.
Ang Taon ng Pagpapabalik
8 “Bibilang ka ng pitong Sabbath ng taon, makapitong pitong taon; at lahat ng mga araw ng pitong Sabbath ng mga taon ay magiging apatnapu't siyam na taon sa inyo.
9 At iyong patutunugin nang malakas ang trumpeta sa ikasampung araw ng ikapitong buwan; sa araw ng pagtubos ay patutunugin mo ang tambuli sa inyong buong lupain.
10 Ipangingilin ninyo ang ikalimampung taon, at ipahahayag ninyo ang kalayaan sa buong lupain sa lahat ng mga mamamayan; at ito'y magiging jubileo sa inyo; at ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang sariling ari-arian, at ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang sariling sambahayan.
11 Ang ikalimampung taon ay taon ng pagdiriwang para sa inyo, huwag kayong maghahasik ni aanihin ang tumubo sa kanyang sarili, ni titipunin ang mula sa ubasang hindi inalagaan;
12 sapagkat ito ay kapistahan ng pagdiriwang; ito ay banal sa inyo. Kakainin ninyo ang bunga niyan sa bukid.
13 “Sa taóng ito ng pagdiriwang, ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang ari-arian.
14 Kung ikaw ay magbili ng anuman sa iyong kapwa o bumili ng anuman sa kamay ng iyong kapwa, ang bawat isa sa inyo ay huwag manlamang sa kanyang kapatid.
15 Ayon sa bilang ng mga taon pagkaraan ng pagdiriwang, ay bibili ka sa iyong kapwa, ayon sa bilang ng taon ng mga pananim, ay magbibili siya sa iyo.
16 Ayon sa dami ng mga taon ay daragdagan mo ang halaga niyan, at ayon sa kakauntian ng mga taon ay babawasan mo ang halaga niyan; sapagkat ipinagbibili niya sa iyo ang bilang ng mga pananim.
17 Huwag aapihin ng sinuman ang kanyang kapwa, kundi matatakot kayo sa inyong Diyos, sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos.
Ang Suliranin ng Ikapitong Taon
18 “Kaya't inyong tutuparin ang aking mga batas, at inyong iingatan ang aking mga tuntunin at inyong isasagawa ang mga iyon; at maninirahan kayong tiwasay sa lupain.
19 Ang lupain ay magbubunga, at kakain kayo hanggang sa mabusog at maninirahan kayong tiwasay doon.
20 At kapag sinabi ninyo, ‘Anong aming kakainin sa ikapitong taon kung hindi kami maghahasik ni magtitipon ng aming mga bunga?’
21 Aking iuutos ang aking pagpapala sa inyo sa ikaanim na taon, at magkakaroon ng bunga para sa tatlong taon.
Pagpapabalik ng Ari-arian
22 “Kapag naghasik kayo sa ikawalong taon, kakainin ninyo ang mula sa dating inani hanggang sa ikasiyam na taon, hanggang sa pagdating ng kanyang bunga ay kakainin ninyo ang dating inani.
23 Ang lupain ay hindi maipagbibili magpakailanman, sapagkat akin ang lupain. Kayo'y mga dayuhan at nakikipamayang kasama ko.
24 Kayo ay magkakaloob ng pantubos sa lupain sa buong lupain na inyong pag-aari.
25 “Kung ang iyong kapatid ay naghirap, at ipinagbili ang bahagi ng kanyang mga pag-aari, ang kanyang pinakamalapit na kamag-anak ay darating at tutubusin ang ipinagbili ng kanyang kapatid.
26 Subalit kung ang isang tao ay walang manunubos, at siya'y masagana at nagkaroon ng kakayahang tubusin ito,
27 kanyang bibilangin ang mga taon simula nang ito'y ipagbili, at isasauli ang labis sa taong kanyang pinagbilhan; at babalik siya sa kanyang pag-aari.
28 Ngunit kung siya'y walang sapat upang maibalik sa kanya, kung gayon ang ipinagbili niya ay mapapasa-kamay ng bumili nito hanggang sa taon ng pagdiriwang; at sa pagdiriwang, ito ay bibitiwan at siya ay babalik sa kanyang pag-aari.
29 “At kapag ang isang tao ay nagbili ng kanyang tirahang bahay sa isang napapaderang lunsod, maaari niya itong tubusin sa loob ng isang taon pagkatapos na ito'y maipagbili sapagkat sa buong taon ay magkakaroon siya ng karapatang tumubos.
30 Kung hindi matubos hanggang sa ang isang buong taon ay matapos, kung gayon ang bahay na nasa napapaderang lunsod ay mananatili magpakailanman sa bumili, sa buong panahon ng kanyang lahi; hindi ito mababawi sa panahon ng pagdiriwang.
31 Ngunit ang mga bahay sa mga nayon na walang pader sa palibot ay ibibilang na mga bukirin sa lupain. Ito ay matutubos at ito ay mababawi sa panahon ng pagdiriwang.
32 Tungkol naman sa lunsod ng mga Levita, sa mga bahay sa mga lunsod na kanilang pag-aari, ang mga Levita ay makakatubos sa anumang panahon.
33 Ang gayong ari-arian na maaaring tubusin mula sa mga Levita, mga bahay na ipinagbili na nasa kanilang pag-aari, ay bibitiwan sa panahon ng pagdiriwang, sapagkat ang mga bahay sa mga lunsod ng mga Levita ay kanilang pag-aari sa gitna ng mga anak ni Israel.
34 At ang bukid, ang mga bukas na lupain sa kanilang mga lunsod, ay hindi maipagbibili sapagkat ito ay isang walang hanggang pag-aari.
Pautang para sa mga Dukha
35 “Kung(BU) naghirap ang iyong kapatid at hindi kayang buhayin ang sarili, ay iyo siyang aalalayan. Mamumuhay siyang kasama mo bilang isang dayuhan at nakikipanuluyan.
36 Huwag kang kukuha sa kanya ng patubo o pakinabang, kundi matakot ka sa iyong Diyos; hayaan mo siyang mabuhay na kasama mo.
37 Huwag(BV) kang magbibigay sa kanya ng salapi na may patubo, at huwag mong ibibigay ang iyong pagkain na may pakinabang.
38 Ako ang Panginoon ninyong Diyos, na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, upang ibigay sa inyo ang lupain ng Canaan at maging inyong Diyos.
Pagpapalaya sa mga Alipin
39 “At(BW) kung ang iyong kapatid na kasama mo ay naghirap at ipinagbili sa iyo, huwag mong iaatang sa kanya ang paglilingkod ng isang alipin.
40 Siya'y makakasama mo bilang isang upahang lingkod at bilang isang nakikipanirahan; siya'y maglilingkod sa iyo hanggang sa taon ng pagdiriwang.
41 Pagkatapos ay aalis siya sa iyo, siya at ang kanyang mga anak, at babalik siya sa kanyang sariling sambahayan, at babalik sa pag-aari ng kanyang mga magulang.
42 Sapagkat sila'y aking mga lingkod na inilabas ko mula sa lupain ng Ehipto; sila'y hindi maipagbibili bilang mga alipin.
43 Huwag kang mamumuno sa kanya na may kabagsikan, at ikaw ay matakot sa iyong Diyos.
44 Tungkol sa iyong mga aliping lalaki at aliping babae na maaaring mayroon ka mula sa mga bansang nasa palibot ninyo, sila'y bibilhin ninyo bilang mga aliping lalaki at aliping babae.
45 Maaari din kayong bumili mula sa mga anak ng mga dayuhan na nakikipanirahan sa inyo, at sa kanilang mga sambahayan na kasama ninyo, na kanilang ipinanganak sa inyong lupain, at sila'y magiging inyong pag-aari.
46 At sila'y inyong kukunin bilang pamana sa inyong mga anak pagkamatay ninyo upang maging pag-aari; maiaatang ninyo sa kanila ang paglilingkod magpakailanman. Ngunit sa inyong mga kamag-anak na mga anak ni Israel ay huwag kayong mamumuno na may kabagsikan.
Pagtubos sa mga Alipin
47 “Kung ang dayuhan o ang nakikipanirahang kasama mo ay yumaman, at ang iyong kamag-anak ay naghirap, at ipinagbili ang sarili sa dayuhan o sa nakikipanirahan sa iyo o sa sinumang kasambahay na dayuhan;
48 pagkatapos na siya'y maipagbili ay maaari siyang tubusin. Isa sa kanyang mga kapatid ang makakatubos sa kanya,
49 o ang kanyang amain o ang anak ng kanyang amain ay makakatubos sa kanya; o sinumang malapit na kamag-anak sa kanyang sambahayan ay makakatubos sa kanya. Kung magkaroon siyang kakayahan ay matutubos niya ang kanyang sarili.
50 At kanyang bibilangang kasama ng bumili sa kanya ang mga taon, mula sa taóng bilhin siya hanggang sa taon ng pagdiriwang. Ang halaga ng pagkabili sa kanya ay magiging ayon sa bilang ng mga taon, ayon sa panahon ng isang upahan ay gayon ang sa kanya.
51 Kung maraming taon pa ang kulang niya, ayon sa dami ng mga iyan, ay isasauli niya ang halaga ng pagkatubos sa kanya sa salaping sa kanya'y ibinili.
52 At kung kakaunti na lamang ang mga taong nalalabi hanggang sa taon ng pagdiriwang, bibilangin niya ang mga taong nalalabi at isasauli niya ang halaga ng kanyang pagkatubos.
53 Kung paano ang upahan sa taun-taon ay gayon siya maninirahan sa kanya; siya'y huwag maghahari sa kanya na may kabagsikan sa iyong paningin.
54 Kung hindi siya tubusin sa mga ganitong paraan, siya ay aalis sa taon ng pagdiriwang, siya at ang kanyang mga anak.
55 Sapagkat ang mga anak ni Israel ay mga lingkod ko. Sila'y aking mga lingkod na inilabas ko sa lupain ng Ehipto: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
Pagpapala sa Pagsunod(BX)
26 “Huwag(BY) kayong gagawa para sa inyo ng mga diyus-diyosan, ni magtatayo kayo ng larawang inanyuan o haliging pinakaalaala, ni huwag kayong maglalagay ng batong inanyuan sa inyong lupain, upang inyong yukuran iyon, sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos.
2 Inyong iingatan ang aking mga Sabbath, at inyong igagalang ang aking santuwaryo: Ako ang Panginoon!
3 “Kung(BZ) susundin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ninyo ang aking mga utos, at gagawin ang mga iyon,
4 ay bibigyan ko kayo ng ulan sa kanilang kapanahunan, at ang lupain ay magbibigay ng kanyang ani, at ang mga kahoy sa parang ay magbubunga.
5 Ang inyong paggiik ay aabot hanggang sa pag-aani ng mga ubas, at ang pag-aani ng ubas ay aabot sa panahon ng paghahasik; at kakainin ninyo ang inyong pagkain hanggang magkaroon kayo ng sapat at mabubuhay kayong tiwasay sa inyong lupain.
6 Magbibigay ako ng kapayapaan sa lupain, at mahihiga kayo, at wala kayong katatakutan. Aking aalisin sa lupain ang mababangis na hayop, at hindi daraanan ng tabak ang inyong lupain.
7 Hahabulin ninyo ang inyong mga kaaway, at sila'y mabubuwal sa harapan ninyo sa pamamagitan ng tabak.
8 At lima sa inyo'y hahabol sa isandaan, at isandaan sa inyo'y hahabol sa sampung libo; at ang inyong mga kaaway ay mabubuwal sa harapan ninyo sa pamamagitan ng tabak.
9 At lilingapin ko kayo, at gagawin ko kayong mabunga. Pararamihin ko kayo at papagtibayin ko ang aking tipan sa inyo.
10 Kakainin ninyo ang matagal nang inilaan, at inyong ilalabas ang luma dahil sa bago.
11 At ilalagay ko ang aking tabernakulo sa gitna ninyo, at ang aking sarili[u] ay hindi mapopoot sa inyo;
12 at(CA) ako'y laging lalakad sa gitna ninyo. Ako'y magiging inyong Diyos, at kayo'y magiging aking bayan.
13 Ako ang Panginoon ninyong Diyos, na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto upang hindi na kayo maging alipin nila; at aking sinira ang mga kahoy ng inyong pamatok at pinalakad ko kayo ng matuwid.
Parusa sa Pagsuway(CB)
14 “Ngunit(CC) kung hindi kayo makikinig sa akin, at hindi tutuparin ang lahat ng mga utos na ito,
15 at kung inyong tatanggihan ang aking mga batas, at kasusuklaman ang aking mga hatol, at hindi ninyo tutuparin ang lahat ng aking mga utos, kundi inyong sisirain ang aking tipan;
16 ay gagawin ko naman ito sa inyo: Ilalagay ko sa gitna ninyo ang sindak, ang nag-aapoy na lagnat na sisira sa mga mata at unti-unting kikitil ng buhay. At maghahasik kayo ng inyong binhi na walang kabuluhan, sapagkat kakainin iyon ng inyong mga kaaway.
17 Itututok ko ang aking mukha laban sa inyo, at kayo'y masasaktan sa harapan ng inyong mga kaaway. Ang mga napopoot sa inyo ay maghahari sa inyo, at kayo'y tatakas nang walang humahabol sa inyo.
18 Kung pagkatapos ng mga bagay na ito ay hindi kayo makikinig sa akin, kayo ay parurusahan ko ng higit pa sa pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan;
19 at sisirain ko ang kahambugan ng inyong lakas; at gagawin kong parang bakal ang inyong langit at parang tanso ang inyong lupa;
20 at gugugulin ninyo ang inyong lakas nang walang kabuluhan; sapagkat hindi ibibigay sa inyo ng inyong lupain ang kanyang bunga ni ng kahoy sa parang ang kanyang bunga.
21 “At kung kayo'y lalakad na salungat sa akin, at ayaw makinig sa akin, magdadala ako sa inyo nang higit pa sa pitong ulit na dami ng salot ayon sa inyong mga kasalanan.
22 Susuguin ko sa inyo ang maiilap na hayop sa parang, at aagawan kayo nito ng inyong mga anak. At papatayin ko ang inyong mga hayop, at gagawin kayong iilan, at ang inyong mga lansangan ay mawawalan ng mga tao.
23 “At kung kayo'y hindi ko maturuan sa pamamagitan ng mga bagay na ito, kundi lumakad nang laban sa akin,
24 ako ay lalakad din nang laban sa inyo, at sasaktan ko kayo nang higit pa sa pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan.
25 Magdadala ako ng tabak sa inyo upang ipaghiganti ang tipan; at kayo'y matitipon sa loob ng inyong mga lunsod, at magpapadala ako ng salot sa gitna ninyo, at kayo'y babagsak sa kamay ng kaaway.
26 Kapag sinira ko ang tungkod ninyong tinapay, sampung babae ang magluluto ng inyong tinapay sa isa lamang hurno, at ipamamahagi sa inyo ang inyong tinapay sa pamamagitan ng timbangan. Kayo'y kakain ngunit hindi kayo mabubusog.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001