Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 28:20-40:11

20 Si Jacob ay nagpanata na sinasabi, “Kung makakasama ko ang Diyos at ako'y iingatan sa daang ito na aking nilalakaran, at ako'y bibigyan niya ng tinapay na makakain, at damit na maisuot,

21 at ako'y makabalik na payapa sa bahay ng aking ama, kung gayon ang Panginoon ang magiging aking Diyos.

22 Ang batong ito na aking itinayo bilang bantayog ay magiging bahay ng Diyos; at sa lahat ng ibibigay mo sa akin ay ibibigay ko ang ikasampung bahagi sa iyo.”

Dumating si Jacob sa Tahanan ni Laban

29 Nang magkagayo'y nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay, at nagtungo sa lupain ng mga tao sa silangan.

Siya'y tumingin at nakakita ng isang balon sa parang. May tatlong kawan ng mga tupa na nagpapahinga sa tabi roon, sapagkat sa balong iyon pinaiinom ang mga kawan. Ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon ay napakalaki,

at kapag nagkakatipon doon ang lahat ng kawan, iginugulong ng mga pastol ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon, at pinaiinom ang mga tupa, at muling inilalagay ang bato sa kanyang lugar sa ibabaw ng balon.

Sinabi sa kanila ni Jacob, “Mga kapatid ko, taga-saan kayo?” At kanilang sinabi, “Taga-Haran kami.”

Sinabi niya sa kanila, “Kilala ba ninyo si Laban na anak ni Nahor?” At kanilang sinabi, “Kilala namin siya.”

Sinabi niya sa kanila, “Siya ba'y mabuti ang kalagayan?” At kanilang sinabi, “Oo; at narito ang kanyang anak na si Raquel na dumarating kasama ang mga tupa!”

Sinabi niya, “Tingnan ninyo, maaga pa, hindi pa oras upang tipunin ang mga hayop; painumin ninyo ang mga tupa, at inyo silang pastulin.”

Subalit sinabi nila, “Hindi namin magagawa hangga't hindi natitipong lahat ang kawan, at maigulong ang bato mula sa labi ng balon; at saka lamang namin paiinumin ang mga tupa.”

Samantalang nakikipag-usap pa siya sa kanila, dumating si Raquel kasama ang mga tupa ng kanyang ama; sapagkat siya ang nag-aalaga ng mga iyon.

10 Nang makita ni Jacob si Raquel na anak ni Laban, na kapatid ng kanyang ina, at ang mga tupa ni Laban, lumapit si Jacob at iginulong ang bato mula sa labi ng balon at pinainom ang kawan ni Laban.

11 Hinagkan ni Jacob si Raquel at umiyak nang malakas.

12 Sinabi ni Jacob kay Raquel na siya'y kamag-anak ni Laban na kanyang ama, at anak siya ni Rebecca. Kaya't tumakbo si Raquel[a] at sinabi sa kanyang ama.

Tinanggap Siya ni Laban

13 Nang marinig ni Laban ang balita ni Jacob na anak ng kanyang kapatid, tumakbo siya upang salubungin si Jacob at ito ay kanyang niyakap, hinagkan, at dinala sa kanyang bahay. Isinalaysay ni Jacob kay Laban ang lahat ng mga bagay na ito at

14 sinabi sa kanya ni Laban, “Talagang ikaw ay aking buto at aking laman.” At siya'y tumigil doong kasama niya ng isang buwan.

Naglingkod si Jacob para kina Raquel at Lea

15 At sinabi ni Laban kay Jacob, “Hindi ba't ikaw ay aking kamag-anak? Dapat ka bang maglingkod sa akin nang walang upa? Sabihin mo sa akin, ano ang magiging upa mo?”

16 May dalawang anak na babae si Laban; ang pangalan ng panganay ay Lea, at ang bunso ay si Raquel.

17 Ang mga mata ni Lea ay mapupungay;[b] at si Raquel ay magandang kumilos at kahali-halina.

18 Mahal ni Jacob si Raquel; kaya't kanyang sinabi, “Paglilingkuran kita ng pitong taon dahil kay Raquel na iyong anak na bunso.”

19 Sinabi ni Laban, “Mas mabuti na ibigay ko siya sa iyo kaysa ibigay ko siya sa iba; tumira ka sa akin.”

20 At naglingkod si Jacob ng pitong taon dahil kay Raquel, na sa kanya'y naging parang ilang araw dahil sa pag-ibig niya sa kanya.

Naging Asawa ni Jacob si Lea at si Raquel

21 Sinabi ni Jacob kay Laban, “Ibigay mo sa akin ang aking asawa sapagkat naganap na ang aking mga araw at hayaan mong ako'y sumiping sa kanya.”

22 Tinipong lahat ni Laban ang mga tao roon at siya'y gumawa ng isang handaan.

23 Kinagabihan, kanyang kinuha si Lea na kanyang anak at dinala kay Jacob na sumiping naman sa kanya.

24 Ibinigay ni Laban kay Lea ang kanyang alilang babae na si Zilpa upang kanyang maging alila.

25 Kinaumagahan, si Lea pala iyon! At kanyang sinabi kay Laban, “Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba pinaglingkuran kita dahil kay Raquel? Bakit mo ako dinaya?”

26 Sinabi ni Laban, “Hindi ganyan ang kaugalian dito sa aming lupain, na ibinibigay ang bunso bago ang panganay.

27 Tapusin mo ang linggong ito, at ibibigay rin namin sa iyo ang isa, bilang kapalit sa paglilingkod na gagawin mo sa akin na pitong taon pa.”

28 Ganoon ang ginawa ni Jacob, at tinapos niya ang linggo niya, at ibinigay ni Laban sa kanya si Raquel na kanyang anak upang maging asawa niya.

29 Sa kanyang anak na si Raquel ay ibinigay ni Laban bilang alilang babae ang kanyang alilang si Bilha.

30 Kaya't sumiping din si Jacob kay Raquel, at inibig si Raquel nang higit kaysa kay Lea; at naglingkod siya kay Laban ng pitong taon pa.

Mga Naging Anak ni Jacob

31 Nang makita ng Panginoon na si Lea ay kinapootan, binuksan niya ang kanyang bahay-bata; subalit si Raquel ay baog.

32 Naglihi si Lea at nanganak ng isang lalaki, at tinawag niyang Ruben;[c] sapagkat kanyang sinabi, “Sapagkat tiningnan ng Panginoon ang aking kapighatian; kaya't ngayo'y mamahalin ako ng aking asawa.”

33 Muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki at sinabi, “Sapagkat narinig ng Panginoon na ako'y kinapopootan, ibinigay rin niya sa akin ito”; at tinawag niyang Simeon.[d]

34 Muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki, at nagsabi, “Ngayo'y makakasama ko na ang aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kanya ng tatlong lalaki”; kaya't ang kanyang pangalan ay Levi.[e]

35 At muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki, at nagsabi, “Ngayo'y pupurihin ko ang Panginoon.” Kaya't tinawag niyang Juda;[f] at hindi na siya nanganak.

Ang Kanyang mga Anak

30 Nang makita ni Raquel na hindi siya nagkakaanak kay Jacob ay nainggit siya sa kanyang kapatid, at sinabi niya kay Jacob, “Bigyan mo ako ng mga anak, at kapag hindi ay mamamatay ako!”

Kaya't nag-alab ang galit ni Jacob laban kay Raquel, at sinabi niya, “Ako ba'y nasa kalagayan ng Diyos, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata?”

Sinabi niya, “Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kanya upang siya'y manganak para sa akin[g] at nang magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya.”

Kaya't ibinigay niya ang kanyang alilang si Bilha bilang isang asawa, at sinipingan siya ni Jacob.

Kaya't naglihi si Bilha at nagkaanak kay Jacob ng isang lalaki.

Sinabi ni Raquel, “Hinatulan ako ng Diyos, pinakinggan din ang aking tinig, at binigyan ako ng anak.” Tinawag niya ang kanyang pangalan na Dan.[h]

Muling naglihi si Bilha na alila ni Raquel at ipinanganak ang kanyang ikalawang anak kay Jacob.

Sinabi ni Raquel, “Ako'y nakipagbuno ng matinding pakikipagbuno sa aking kapatid, at ako'y nagtagumpay.” Kaya't tinawag niya ang kanyang pangalan na Neftali.[i]

Nang makita ni Lea na siya'y huminto na sa panganganak, kinuha niya si Zilpa na kanyang alila at ibinigay kay Jacob bilang asawa.

10 Kaya't si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalaki kay Jacob.

11 Sinabi ni Lea, “Mabuting kapalaran!” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Gad.[j]

12 Ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea ang kanyang ikalawang anak kay Jacob.

13 At sinabi ni Lea, “Maligaya na ako! Tatawagin akong maligaya ng mga babae.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Aser.[k]

14 Nang panahon ng paggapas ng trigo humayo si Ruben at nakatagpo ng mandragora sa bukid, at dinala ang mga iyon kay Lea na kanyang ina. At sinabi ni Raquel kay Lea, “Sana bigyan mo ako ng ilang mandragora ng iyong anak.”

15 At kanyang sinabi, “Maliit pa bang bagay na kinuha mo ang aking asawa? Ibig mo pa rin bang kunin ang mga mandragora ng aking anak?” Sinabi ni Raquel, “Kaya't sisiping siya sa iyo ngayong gabi para sa mga mandragora ng iyong anak.”

16 Nang dumating si Jacob mula sa bukid noong hapon, sinalubong siya ni Lea at sinabi sa kanya, “Sa akin ka dapat sumiping sapagkat ikaw ay aking inupahan sa pamamagitan ng mga mandragora ng aking anak.” At sumiping nga siya sa kanya ng gabing iyon.

17 Kaya't pinakinggan ng Diyos si Lea at siya'y naglihi at ipinanganak kay Jacob ang ikalimang anak.

18 Sinabi ni Lea, “Ibinigay sa akin ng Diyos ang aking iniupa, sapagkat ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Isacar.[l]

19 Muling naglihi si Lea at kanyang ipinanganak kay Jacob ang ikaanim na anak.

20 At sinabi ni Lea, “Binigyan ako ng Diyos ng isang mabuting kaloob. Ngayo'y pararangalan ako ng aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kanya ng anim na lalaki.” At tinawag niya ang kanyang pangalan na Zebulon.[m]

21 Pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at tinawag ang kanyang pangalan na Dina.

22 Inalala ng Diyos si Raquel, at pinakinggan siya at binuksan ang kanyang bahay-bata.

23 Siya'y naglihi at nanganak ng lalaki at kanyang sinabi, “Inalis ng Diyos sa akin ang aking pagiging kahiyahiya.”

24 At kanyang tinawag ang pangalan niya na Jose,[n] na sinasabi, “Nawa'y dagdagan pa ako ng Panginoon ng isang anak.”

Nakiusap si Jacob kay Laban

25 Nang maipanganak na ni Raquel si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Hayaan mo na akong umalis upang ako'y makapunta sa aking sariling lugar at sa aking lupain.

26 Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at ang aking mga anak, na siyang dahilan ng paglilingkod ko sa iyo, at hayaan mo akong umalis sapagkat nalalaman mo ang paglilingkod na ibinigay ko sa iyo.”

27 Subalit sinabi sa kanya ni Laban, “Kung ipahihintulot mong sabihin ko, aking natutunan sa pamamagitan ng panghuhula na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo.”

28 At kanyang sinabi, “Sabihin mo sa akin ang iyong upa, at ibibigay ko sa iyo.”

29 Sinabi ni Jacob[o] sa kanya, “Nalalaman mo kung paano akong naglingkod sa iyo, at kung anong naging kalagayan ng iyong mga hayop nang dahil sa akin.

30 Sapagkat kakaunti ang ari-arian mo bago ako dumating, at ito ay dumami nang sagana. Pinagpala ka ng Panginoon saan man ako bumaling; at ngayo'y kailan naman ako maghahanda ng para sa aking sariling bahay?”

31 Sinabi sa kanya, “Anong ibibigay ko sa iyo?” At sinabi ni Jacob, “Huwag mo akong bigyan ng anuman. Kung gagawin mo ang bagay na ito para sa akin, muli kong pakakainin at aalagaan ang iyong kawan.

32 Dadaan ako sa lahat mong kawan ngayon, at aking aalisin doon ang lahat ng tupa na batik-batik at may dungis, at ang bawat maitim na tupa, at ang may dungis at batik-batik sa mga kambing, at sila ang aking magiging upa.

33 Kaya't ang aking katapatan ay sasagot para sa akin sa huli, kapag ikaw ay dumating upang tingnan ang upa mo sa akin. Ang lahat na walang batik at walang dungis sa mga kambing, at hindi maitim sa mga tupa na matatagpuan mo sa akin, ay ituturing mong nakaw.”

34 At sinabi ni Laban, “Mabuti! Mangyari sana ayon sa iyong sinabi.”

35 Subalit nang araw ding iyon, ibinukod ni Laban ang mga lalaking kambing na may batik at dungis, at ang lahat ng babaing kambing na may batik at may dungis, lahat ng mayroong kaunting puti, at lahat ng tupa na maitim, at pinaalagaan sa kanyang mga anak.

36 Siya'y nagtakda ng agwat na tatlong araw na lakarin sa pagitan niya at ni Jacob, habang pinakain ni Jacob ang nalabi sa mga kawan ni Laban.

37 Pagkatapos ay kumuha si Jacob ng mga sariwang sanga ng alamo, almendro, at kastano, at binalatan ng mga batik na mapuputi, at kanyang pinalitaw na gayon ang puti na nasa mga sanga.

38 Inilagay niya ang mga sangang kanyang binalatan sa harapan ng kawan, sa mga painuman, na pinupuntahan ng mga kawan upang uminom. At yamang sila'y nagtatalik kapag pumupunta upang uminom,

39 ang mga kawan ay nagsisiping sa harap ng mga sanga kaya't ang kawan ay nagkaanak ng mga may guhit, may batik at may dungis.

40 Ibinukod ni Jacob ang mga tupa at inihaharap ang kawan sa mga may batik, at lahat ng maitim sa kawan ni Laban; kanyang ibinukod ang kanya at hindi isinama sa kawan ni Laban.

41 Sa tuwing magtatalik ang mga mas malalakas sa kawan, inilalagay ni Jacob ang mga sanga sa harapan ng mga kawan, sa mga painuman, upang sila'y magsiping sa gitna ng mga sanga.

42 Subalit kapag ang kawan ay mahina, hindi niya inilalagay ang mga ito, kaya't ang mahihina ay nagiging kay Laban at ang malalakas ay kay Jacob.

43 Kaya't si Jacob[p] ay naging napakayaman at nagkaroon ng malalaking kawan, mga aliping babae at lalaki, mga kamelyo at mga asno.

Tumakas si Jacob kay Laban

31 Narinig ni Jacob ang mga salita ng mga anak ni Laban, na nagsasabi, “Kinuha ni Jacob ang lahat ng sa ating ama. Mula sa ating ama ay tinamo niya ang lahat ng kanyang kayamanan.”

Nakita ni Jacob na ang pagturing sa kanya ni Laban ay hindi na kagaya nang dati.

Kaya't sinabi ng Panginoon kay Jacob, “Bumalik ka sa lupain ng iyong mga ninuno at sa iyong kamag-anak, at ako'y kasama mo.”

Kaya't si Jacob ay nagsugo at tinawag sina Raquel at Lea sa bukid na kinaroroonan ng kanyang kawan,

at sinabi sa kanila, “Nakikita ko na ang pagturing sa akin ng inyong ama ay hindi na gaya nang dati; subalit ang Diyos ng aking ama ay kasama ko.

Nalalaman ninyo na ang aking buong lakas ay ipinaglingkod ko sa inyong ama.

Subalit dinaya ako ng inyong ama at binago ang aking sahod ng sampung ulit subalit hindi siya pinahintulutan ng Diyos na gawan ako ng masama.

Kapag sinabi niya ang ganito, ‘Ang mga may batik ang magiging sahod mo;’ kung magkagayo'y nanganganak ang lahat ng kawan ng mga may batik. At kapag sinabi niya ang ganito, ‘Ang mga may guhit ang magiging sahod mo;’ kung magkagayon, ang lahat ng kawan ay nanganganak ng mga may guhit.

Sa gayon inalis ng Diyos ang mga hayop ng inyong ama, at ibinigay sa akin.

10 Sa panahong ang kawan ay nagtatalik, ako ay nanaginip at nakita ko na ang mga kambing na lalaki na nakipagtalik[q] sa kawan ay may mga guhit, may batik at may dungis.

11 Ang anghel ng Diyos ay nagsalita sa akin sa panaginip, ‘Jacob,’ at sinabi ko, ‘Narito ako.’

12 At kanyang sinabi, ‘Tingnan mo at iyong makikita na ang lahat ng kambing na nakikipagtalik sa kawan ay may guhit, may batik at may dungis; sapagkat nakita ko ang lahat na ginagawa sa iyo ni Laban.

13 Ako(A) ang Diyos ng Bethel na doon mo pinahiran ng langis ang haligi at doon ka gumawa ng panata sa akin. Tumayo ka ngayon, lumabas ka sa lupaing ito, at bumalik ka sa lupain na iyong sinilangan.’”

14 Nagsisagot sina Raquel at Lea, at sinabi sa kanya, “Mayroon pa bang natitirang bahagi at mana para sa amin sa bahay ng aming ama?

15 Hindi ba niya kami itinuring na mga taga-ibang bayan? Sapagkat ipinagbili niya kami at inubos na rin niya ang aming salapi.

16 Lahat ng kayamanang inalis ng Diyos sa aming ama ay para sa amin at para sa aming mga anak. Ngayon nga, gawin mo ang lahat ng sinabi sa iyo ng Diyos.”

17 Nang magkagayo'y tumayo si Jacob, at pinasakay sa mga kamelyo ang kanyang mga anak at asawa.

18 At kanyang dinala ang lahat niyang mga hayop, at ang lahat na pag-aari na kanyang natipon, ang hayop na kanyang natipon sa Padan-aram, upang pumunta sa lupain ng Canaan, kay Isaac na kanyang ama.

19 Si Laban ay humayo upang gupitan ang kanyang mga tupa; at ninakaw naman ni Raquel ang mga diyos ng sambahayan ng kanyang ama.

20 At dinaya ni Jacob si Laban na Arameo, sapagkat hindi sinabi sa kanya na siya'y tatakas.

21 Kaya't tumakas siya dala ang lahat niyang ari-arian. Siya ay tumawid sa Ilog Eufrates, at pumunta sa maburol na lupain ng Gilead.

Hinabol ni Laban si Jacob

22 Nang ikatlong araw ay nabalitaan ni Laban na tumakas na si Jacob.

23 Kaya't ipinagsama niya ang kanyang mga kamag-anak, at hinabol siya sa loob ng pitong araw hanggang sa kanyang inabutan siya sa bundok ng Gilead.

24 Subalit dumating ang Diyos kay Laban na Arameo sa panaginip sa gabi, at sinabi sa kanya, “Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.”

25 Inabutan ni Laban si Jacob. Naitirik na ni Jacob ang kanyang tolda sa bundok; at si Laban pati ng kanyang mga kamag-anak ay nagtirik din sa bundok ng Gilead.

26 Sinabi ni Laban kay Jacob, “Anong ginawa mo? Dinaya mo ako at dinala ang aking mga anak na babae na parang mga bihag ng tabak?

27 Bakit ka lihim na tumakas at dinaya mo ako at hindi ka nagsabi sa akin? Naihatid sana kita na may pagsasaya at awitan, may tambol at may alpa.

28 Hindi mo man lamang ipinahintulot sa akin na mahalikan ang aking mga anak na lalaki at babae? Ang ginawa mo'y isang kahangalan.

29 Nasa aking kapangyarihan ang gawan kayo ng masama. Ngunit ang Diyos ng inyong ama ay nagsalita sa akin kagabi, na sinasabi, ‘Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.’

30 Kahit kailangan mong umalis sapagkat nasasabik ka na sa bahay ng iyong ama, bakit mo ninakaw ang aking mga diyos?”

31 At sumagot si Jacob kay Laban, “Sapagkat ako'y natakot; iniisip ko na baka kunin mo nang sapilitan sa akin ang iyong mga anak.

32 Ngunit kanino mo man matagpuan ang iyong mga diyos ay hindi mabubuhay. Sa harapan ng ating mga kamag-anak, ituro mo kung anong iyo na nasa akin, at kunin mo iyon.” Hindi nalalaman ni Jacob na si Raquel ang nagnakaw noon.

33 Kaya pumasok si Laban sa tolda nina Jacob, Lea, at ng dalawang alilang babae, subalit hindi niya natagpuan. Lumabas siya sa tolda ni Lea at pumasok sa tolda ni Raquel.

34 Nakuha nga ni Raquel ang mga diyos ng sambahayan at inilagay ang mga ito sa mga dala-dalahan ng kamelyo at kanyang inupuan. Hinalughog ni Laban ang buong palibot ng tolda, ngunit hindi niya natagpuan.

35 At sinabi ni Raquel sa kanyang ama, “Huwag magalit ang aking panginoon na ako'y hindi makatayo sa harap mo; sapagkat dinatnan ako ngayon.” Kaya't kanyang hinanap, ngunit hindi natagpuan ang mga diyos ng sambahayan.

Ang Galit na Sagot ni Jacob

36 At si Jacob ay nagalit at nakipagtalo kay Laban. Sinabi ni Jacob kay Laban, “Ano ang aking paglabag at ang aking kasalanan, at habulin mo ako na may pag-iinit?

37 Kahit hinalughog mo ang lahat ng aking kasangkapan, anong natagpuan mong kasangkapan ng iyong bahay? Ilagay mo rito sa harapan ng aking mga kamag-anak at ng iyong mga kamag-anak at hayaan mong magpasiya sila sa ating dalawa.

38 Ako'y kasama mo sa loob ng dalawampung taon; ang iyong mga babaing tupa at ang iyong mga babaing kambing ay hindi nakunan, at hindi ako kumain ng mga tupang lalaki ng iyong kawan.

39 Ang nilapa ng mababangis na hayop ay hindi ko dinala sa iyo; ako mismo ang nagpasan ng pagkawala. Sa aking kamay mo hiningi iyon, maging ninakaw sa araw o sa gabi.

40 Naging ganoon ako; sa araw ay pinahihirapan[r] ako ng init, at sa gabi ay ng lamig; at ako ay nalipasan na ng antok.

41 Nitong dalawampung taon ay nakatira ako sa iyong bahay. Pinaglingkuran kita ng labing-apat na taon dahil sa iyong dalawang anak, at anim na taon dahil sa iyong kawan, at sampung ulit na binago mo ang aking sahod.

42 Kung ang Diyos ng aking ama, ang Diyos ni Abraham, at ang Kinatatakutan ni Isaac ay wala sa aking panig, tiyak na palalayasin mo ako ngayon na walang dala. Nakita ng Diyos ang aking kapighatian, ang aking pagpapagod, at sinaway ka niya kagabi.”

Ang Tipan nina Jacob at Laban

43 Sumagot si Laban kay Jacob, “Ang mga anak na babae ay aking mga anak at ang mga anak ay mga anak ko, at ang mga kawan ay aking mga kawan at ang lahat ng iyong nakikita ay akin. Subalit anong magagawa ko ngayon sa mga anak kong babae, o sa kanilang mga anak na ipinanganak nila?

44 Halika ngayon, gumawa tayo ng isang tipan, ako at ikaw; at hayaang iyon ay maging saksi sa akin at sa iyo.”

45 Kaya't kumuha si Jacob ng isang bato, at iyon ay itinayo bilang isang bantayog.

46 At sinabi ni Jacob sa kanyang mga kamag-anak, “Magtipon kayo ng mga bato,” at kumuha sila ng mga bato at kanilang ginawang isang bunton at sila'y nagkainan doon sa malapit sa bunton.

47 Tinawag ito ni Laban na Jegarsahadutha, subalit tinawag ito ni Jacob na Gilead.[s]

48 Sinabi ni Laban, “Ang buntong ito ay saksi sa akin at sa iyo ngayon.” Kaya't tinawag niya ito sa pangalang Gilead;

49 at ang bantayog ay Mizpa[t] sapagkat sinabi niya, “Bantayan ng Panginoon ako at ikaw, kapag tayo'y hindi magkasama sa isa't isa.

50 Kapag pinahirapan mo ang aking mga anak, o kung mag-asawa ka sa iba bukod sa aking mga anak, kahit wala tayong kasama, alalahanin mo, ang Diyos ay saksi sa akin at sa iyo.”

51 At sinabi ni Laban kay Jacob, “Tingnan mo ang buntong ito at ang haligi na aking inilagay sa gitna natin.

52 Ang buntong ito ay isang saksi, at ang haligi ay isang saksi na hindi ako lalampas sa buntong patungo sa inyo, at hindi ka lalampas sa buntong ito at sa haligi patungo sa akin upang saktan ako.

53 Nawa'y ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Nahor, ang Diyos ng kanilang ama ang humatol sa atin.” At si Jacob ay sumumpa ng ayon sa Kinatatakutan ng kanyang amang si Isaac.

54 At naghandog si Jacob ng handog sa bundok, at tinawag ang kanyang mga kamag-anak upang kumain ng tinapay; at sila'y kumain ng tinapay, at nanatili sa bundok.

55 Kinaumagahan, maagang bumangon si Laban, hinagkan ang kanyang mga anak na lalaki at babae, at binasbasan sila; at umalis siya at bumalik sa kanyang tahanan.

Naghanda si Jacob upang Salubungin si Esau

32 Nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglakad, at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos.

Nang makita sila ni Jacob ay sinabi niya sa kanila, “Ito'y kampo ng Diyos!” Kaya't tinawag niya ang pangalan ng lugar na iyon na Mahanaim.[u]

Si Jacob ay nagpasugo kay Esau na kanyang kapatid sa lupain ng Seir, sa bayan ng Edom.

Sila'y kanyang inutusan na sinasabi, “Ganito ang inyong sasabihin kay Esau na aking panginoon. Ganito ang sabi ng iyong lingkod na si Jacob, ‘Ako'y tumigil ng ilang panahon kay Laban at namalagi roon hanggang ngayon.

Mayroon akong mga baka, mga asno, mga kawan, at mga aliping lalaki at babae; at ako'y nagpasugo sa aking panginoon, upang ako'y makatagpo ng biyaya sa iyong paningin.’”

Ang mga sugo ay bumalik kay Jacob, na nagsasabi, “Nakarating kami sa iyong kapatid na si Esau, at siya ay darating din upang sumalubong sa iyo, at kasama niya ang apatnaraang tao.”

Kaya't natakot nang husto at nabahala si Jacob; at kanyang hinati sa dalawa ang mga taong kasama niya, ang mga kawan, ang mga bakahan, at ang mga kamelyo.

At kanyang sinabi, “Kung dumating si Esau sa isang pulutong at kanyang puksain ito, ang pulutong na natitira ay tatakas.”

Sinabi ni Jacob, “O Diyos ng aking amang si Abraham, at Diyos ng aking amang si Isaac, O Panginoon, na nagsabi sa akin, ‘Bumalik ka sa iyong lupain at sa iyong kamag-anak at gagawa ako ng mabuti sa iyo.’

10 Hindi ako karapat-dapat sa lahat ng kaawaan, at lahat ng katotohanan na iyong ginawa sa iyong lingkod sapagkat dumaan ako sa Jordang ito na dala ang aking tungkod, at ngayo'y naging dalawang pulutong ako.

11 Hinihiling ko sa iyo na iligtas mo ako sa kamay ng aking kapatid na si Esau. Ako'y natatakot sa kanya, baka siya'y dumating at kaming lahat ay pagpapatayin niya, ang mga ina pati ang mga anak.

12 Hindi(B) ba't ikaw ang nagsabi, ‘Gagawa ako ng mabuti sa iyo at ang iyong binhi ay gagawin kong parang buhangin sa dagat na hindi mabibilang dahil sa karamihan.’”

13 Siya'y namalagi roon nang gabing iyon, at kumuha siya ng panregalo mula sa kanya para sa kanyang kapatid na si Esau;

14 dalawang daang kambing na babae, dalawampung lalaking kambing, dalawang daang tupang babae, at dalawampung tupang lalaki,

15 tatlumpung kamelyong inahin, kasama ng kanilang mga anak, apatnapung baka, at sampung toro, dalawampung babaing asno at sampung lalaking asno.

16 Ang mga ito ay ibinigay niya sa kanyang mga alipin, ang bawat kawan ay nakabukod at sinabi niya sa kanyang mga alipin, “Lumampas kayo sa aking unahan at lagyan ninyo ng pagitan ang bawat kawan.”

17 Iniutos niya sa una, “Kapag ikaw ay natagpuan ni Esau na aking kapatid, at tanungin ka, ‘Kanino ka? Saan ka pupunta? At kanino itong nasa unahan mo?’

18 Kung magkagayo'y sasabihin mo, ‘Sa iyong lingkod na si Jacob. Ito ay isang regalo na padala para sa aking panginoong si Esau; at bukod dito, siya'y nasa hulihan namin.’”

19 Gayundin, iniutos niya sa ikalawa, sa ikatlo, at sa lahat ng sumusunod sa mga kawan, na sinasabi, “Sasabihin ninyo ang gayunding bagay kay Esau, kapag nakasalubong ninyo siya,

20 at sasabihin ninyo, ‘Bukod dito, ang iyong lingkod na si Jacob ay nasa hulihan namin.’” Sapagkat kanyang iniisip, “Baka mapaglubag ko ang kanyang galit sa pamamagitan ng regalo na ipinauna ko, at pagkatapos ay makikita ko ang kanyang mukha, marahil ay tatanggapin niya ako.”

21 Kaya't ang regalo ay ipinadala na nauna sa kanya; at siya'y nanatili sa kampo nang gabing iyon.

Nakipagbuno si Jacob sa Peniel

22 Nang gabing iyon, siya'y bumangon at isinama niya ang kanyang dalawang asawa, ang kanyang dalawang aliping babae, at ang kanyang labing-isang anak at tumawid sa tawiran ng Jaboc.

23 Sila'y kanyang isinama at itinawid sa batis, at kanya ring itinawid ang lahat ng kanyang ari-arian.

24 Naiwang(C) nag-iisa si Jacob at nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa magbukang-liwayway.

25 Nang makita ng lalaki na hindi siya manalo laban kay Jacob,[v] hinawakan niya ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, at ang kasu-kasuan ni Jacob ay nalinsad samantalang nakikipagbuno sa kanya.

26 Sinabi niya, “Bitawan mo ako, sapagkat nagbubukang-liwayway na.” At sinabi ni Jacob,[w] “Hindi kita bibitawan malibang ako ay mabasbasan mo.”

27 Sinabi ng lalaki kay Jacob, “Ano ang pangalan mo?” At kanyang sinabi, “Jacob.”

28 Sinabi(D) niya, “Ang iyong pangalan ay hindi na tatawaging Jacob, kundi Israel; sapagkat ikaw ay nakipaglaban sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”

29 Siya'y(E) tinanong ni Jacob, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin ang iyong pangalan.” At kanyang sinabi, “Bakit itinatanong mo ang aking pangalan?” At siya'y binasbasan doon.

30 Tinawag ni Jacob ang pangalan ng lugar na iyon na Peniel na sinasabi, “Sapagkat nakita ko ang Diyos sa harapan, at naligtas ang aking buhay.”

31 Sinikatan siya ng araw nang siya'y dumaraan sa Penuel; at siya'y papilay-pilay dahil sa kanyang hita.

32 Dahil dito, hanggang ngayon ay hindi kumakain ang mga anak ni Israel ng litid ng balakang na nasa kasu-kasuan ng hita, sapagkat dito hinampas ng taong nakipagbuno ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, sa litid ng balakang.

Nagtagpo sina Jacob at Esau

33 Tumanaw si Jacob at nakita niyang si Esau ay dumarating na may kasamang apatnaraang katao. Kaya't kanyang pinaghiwalay ang mga bata kina Lea at Raquel, at sa dalawang aliping babae.

Inilagay niya ang mga alipin na kasama ng kanilang mga anak sa unahan, at si Lea na kasama ng kanyang mga anak bilang pangalawa, at sina Raquel at Jose na pinakahuli.

At siya naman ay lumampas sa unahan nila, at pitong ulit na yumuko sa lupa hanggang sa siya ay mapalapit sa kanyang kapatid.

At tumakbo si Esau upang salubungin siya, niyakap siya, niyapos siya sa leeg, hinagkan at sila ay nag-iyakan.

Nang itaas ni Esau ang kanyang paningin, at nakita ang mga babae at ang mga bata, ay kanyang sinabi, “Sino itong mga kasama mo?” At kanyang sinabi, “Ang mga anak na ipinagkaloob ng Diyos sa iyong lingkod.”

Nang magkagayo'y lumapit ang mga aliping babae at ang kanilang mga anak, at nagsiyuko.

Lumapit din si Lea at ang kanyang mga anak, at nagsiyuko, pagkatapos ay nagsilapit sina Jose at Raquel, at nagsiyuko.

Sinabi ni Esau,[x] “Ano ang kahulugan ng lahat na ito na nasalubong ko?” At sumagot si Jacob,[y] “Upang makakita ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.”

Subalit sinabi ni Esau, “Sapat na ang nasa akin, kapatid ko. Ang nasa iyo ay sa iyo na.”

10 Sinabi sa kanya ni Jacob, “Hindi, nakikiusap ako sa iyo, na kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, ay tanggapin mo nga ang aking kaloob mula sa aking kamay; sapagkat nakita ko ang iyong mukha, na gaya ng nakakita ng mukha ng Diyos, at ikaw ay nalugod sa akin.

11 Nakikiusap ako sa iyo, tanggapin mo ang kaloob na dala ko sa iyo sapagkat lubos na ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos, at mayroon ako ng lahat na kailangan ko.” Kaya't hinimok ni Jacob si Esau at kanyang tinanggap.

12 Sinabi niya, “Tayo'y humayo at maglakbay at ako'y sasama sa iyo.”

13 Subalit sinabi ni Jacob sa kanya, “Nalalaman ng aking panginoon na ang mga bata ay mahihina pa at mayroon sa mga kawan at mga baka na nagpapasuso; kapag sila'y pinagmadali nila sa isang araw lamang ay mamamatay ang lahat ng kawan.

14 Magpauna na ang aking panginoon sa kanyang lingkod at ako'y magpapatuloy na dahan-dahan, ayon sa hakbang ng mga hayop na nasa aking unahan, at sa hakbang ng mga bata, hanggang sa makarating ako sa aking panginoon sa Seir.”

15 Kaya't sinabi ni Esau, “Pahintulutan mong iwan ko sa iyo ang ilan sa mga taong kasama ko.” Kanyang sinabi, “Bakit kailangan pa? Sapat na ang makakita ako ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.”

16 Kaya't nagbalik si Esau nang araw ding iyon sa kanyang lakad patungo sa Seir.

17 Si Jacob ay naglakbay sa Sucot, at nagtayo ng isang bahay para sa kanya, at iginawa niya ng mga balag ang kanyang hayop. Kaya't tinawag ang pangalan ng lugar na iyon na Sucot.

18 Payapang dumating si Jacob sa bayan ng Shekem, na nasa lupain ng Canaan, nang siya'y dumating mula sa Padan-aram; at siya'y tumigil sa tapat ng bayan.

19 Binili(F) niya sa halagang isandaang pirasong salapi ang bahaging iyon ng lupa na pinagtayuan ng kanyang tolda, sa kamay ng mga anak ni Hamor, na ama ni Shekem.

20 At siya'y nagtayo roon ng isang dambana at tinawag niya itong El-Elohe-Israel.[z]

Pinagsamantalahan si Dina

34 Si Dina na anak ni Lea, na ipinanganak nito kay Jacob, ay lumabas upang tingnan ang mga babae ng lupaing iyon.

Nang makita siya ni Shekem, anak ni Hamor na Heveo na siyang pinuno sa lupain, kanyang kinuha siya at sapilitang sinipingan.

Siya[aa] ay napalapit kay Dina, na anak ni Jacob at kanyang inibig ang dalaga, at nangusap sa kanya na may pagmamahal.

Kaya't si Shekem ay nagsalita sa kanyang amang si Hamor, na sinasabi, “Kunin mo para sa akin ang dalagang ito upang maging asawa ko.”

Nabalitaan nga ni Jacob na pinagsamantalahan ni Shekem[ab] ang kanyang anak na si Dina; subalit ang kanyang mga anak na lalaki ay kasama ng mga hayop niya sa parang kaya't nanatiling tahimik si Jacob hanggang sa sila'y nakarating.

Lumabas si Hamor na ama ni Shekem upang makipag-usap kay Jacob,

nang ang mga anak na lalaki ni Jacob ay magsiuwi mula sa parang. Nang ito'y kanilang mabalitaan, galit na galit ang mga lalaki, sapagkat gumawa si Shekem ng kalapastanganan sa Israel sa pamamagitan ng pagsiping sa anak ni Jacob, sapagkat ang gayong bagay ay di-nararapat gawin.

Subalit nagsalita si Hamor sa kanila, na sinasabi, “Ang puso ng aking anak na si Shekem ay nasasabik sa iyong anak. Hinihiling ko sa inyo na ipagkaloob ninyo siya sa kanya upang maging asawa niya.

Magsipag-asawa kayo sa amin; ibigay ninyo sa amin ang inyong mga anak na babae, at ibibigay namin sa inyo ang aming mga anak na babae.

10 Kayo'y maninirahang kasama namin, at ang lupain ay magiging bukas sa inyo. Mangalakal kayo at magkaroon kayo ng mga pag-aari dito.”

11 Sinabi rin ni Shekem sa ama ni Dina at sa kanyang mga kapatid, “Makatagpo sana ako ng biyaya sa inyong paningin at ang hingin ninyo sa akin ay aking ibibigay.

12 Humingi kayo sa akin ng kahit anong bigay-kaya at regalo na nais ninyo at aking ibibigay ayon sa sinabi ninyo sa akin; subalit ibigay ninyo sa akin ang dalaga upang maging asawa ko.”

13 At nagsisagot na may pandaraya ang mga anak na lalaki ni Jacob kina Shekem at Hamor na kanyang ama, sapagkat kanyang pinagsamantalahan si Dina na kanilang kapatid.

14 Sinabi nila sa kanila, “Hindi namin magagawang ibigay ang aming kapatid sa isang hindi tuli; sapagkat ito'y kahihiyan namin.

15 Sa ganitong paraan lamang kami papayag: kung kayo'y magiging gaya namin, na ang lahat ng lalaki sa inyo ay tuliin.

16 Pagkatapos ay ibibigay namin sa inyo ang aming mga anak na babae, at makikisama kami sa inyong mga anak na babae, at maninirahan kami sa inyo, at magiging isang bayan.

17 Subalit kung ayaw ninyo kaming pakinggan na kayo'y matuli, ay kukunin namin ang aming anak na babae at kami ay aalis.”

18 Nasiyahan sa kanilang mga salita si Hamor at ang kanyang anak na si Shekem.

19 Hindi nag-atubili ang binata na gawin iyon, sapagkat nalugod siya sa anak na babae ni Jacob. Si Shekem[ac] ay ang pinakamarangal sa buong sambahayan ng kanyang ama.

20 Kaya't si Hamor at ang anak niyang si Shekem ay pumunta sa pintuang-bayan ng kanilang lunsod, at sila'y nagsalita sa mga tao sa kanilang lunsod, na sinasabi,

21 “Ang mga taong ito ay mabuting makitungo sa atin; kaya't hayaan natin silang manirahan sa lupain at magsipangalakal sila riyan, sapagkat ang lupain ay sapat ang laki para sa kanila. Ipakasal natin ang ating mga anak sa kanilang mga anak na babae, at ating ibigay sa kanila ang ating mga anak na babae.

22 Sa ganito lamang paraan sila papayag na tumirang kasama natin, upang maging isang bayan: na patuli ang lahat ng lalaki sa atin, na gaya naman nila na mga tuli.

23 Di ba magiging atin ang kanilang mga baka at ang kanilang mga pag-aari at ang lahat nilang hayop? Sumang-ayon lamang tayo sa kanila at sila ay mabubuhay na kasama natin.”

24 At pinakinggan si Hamor at si Shekem na kanyang anak ng lahat na lumabas sa pintuan ng kanyang lunsod. Kaya't ang lahat ng lalaki na lumabas sa pintuan ng kanyang lunsod ay tinuli.

25 Sa ikatlong araw, nang mahapdi pa ang mga sugat ng mga tinuli, ang dalawa sa mga anak ni Jacob, sina Simeon at Levi, na mga kapatid ni Dina, ay kumuha ng kanilang tabak, palihim na pumasok sa bayan, at kanilang pinatay ang lahat ng mga lalaki.

26 Kanilang pinatay si Hamor at si Shekem na kanyang anak sa pamamagitan ng tabak, at kanilang kinuha si Dina sa bahay ni Shekem, at nagsialis.

Nilooban ang Shekem

27 Nagtungo ang mga anak na lalaki ni Jacob sa mga pinatay, at kanilang sinamsaman ang bayan, sapagkat pinagsamantalahan ang kanilang kapatid.

28 Kinuha nila ang kanilang mga kawan, mga bakahan, mga asno, at anumang nasa bayan, at nasa parang.

29 Sinamsam nila ang kanilang buong kayamanan, ang lahat ng kanilang mga anak at mga asawa at lahat na nasa bahay.

30 Sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi, “Ako'y inyong binagabag, na gawin akong kasuklamsuklam sa mga nakatira sa lupain, sa mga Cananeo at mga Perezeo. Iilan lamang ang aking tauhan at sila ay magtitipon laban sa akin, at ako'y kanilang sasalakayin, at ang aking sambahayan ay pupuksain.”

31 Subalit sinabi nila, “Ang amin bang kapatid ay ituturing na parang isang masamang babae?”

Binasbasan ng Diyos si Jacob sa Bethel

35 Sinabi(G) ng Diyos kay Jacob, “Tumayo ka, umahon ka sa Bethel, at doon ka manirahan. Gumawa ka roon ng isang dambana para sa Diyos na nagpakita sa iyo nang ikaw ay tumatakas mula sa iyong kapatid na si Esau.”

Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan, at sa lahat niyang kasama, “Alisin ninyo ang mga banyagang diyos na nasa inyo, at maglinis kayo ng inyong sarili, at palitan ninyo ang inyong mga suot.

Tayo'y umahon sa Bethel; at gagawa ako roon ng dambana para sa Diyos na sumagot sa akin sa araw ng aking kabalisahan at naging kasama ko saanman ako nagtungo.”

Kaya ibinigay nila kay Jacob ang lahat ng mga banyagang diyos na nasa kanilang kamay at ang mga hikaw na nasa kanilang mga tainga; at itinago iyon ni Jacob sa ilalim ng punong ensina na malapit sa Shekem.

Habang sila'y naglalakbay, ang matinding takot sa Diyos ay dumating sa mga bayang nasa palibot nila, at hindi nila hinabol ang mga anak ni Jacob.

Dumating si Jacob sa Luz (na siyang Bethel), na nasa lupain ng Canaan, siya at ang lahat ng mga taong kasama niya.

Nagtayo siya roon ng isang dambana at tinawag niya ang lugar na iyon na El-bethel; sapagkat ang Diyos ay nagpakita sa kanya roon, nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid.

Namatay si Debora na yaya ni Rebecca, at inilibing sa paanan ng Bethel, sa ilalim ng ensina, at ang pangalan nito ay tinawag niyang Allon-bacuth.[ad]

Muling nagpakita ang Diyos kay Jacob nang siya'y manggaling sa Padan-aram, at siya'y pinagpala.

10 Sinabi(H) ng Diyos sa kanya, “Ang pangalan mo'y Jacob; hindi ka na tatawagin pang Jacob kundi Israel ang magiging pangalan mo.” Kaya siya ay tinawag na Israel.

11 At(I) sinabi ng Diyos sa kanya, “Ako ang Diyos na Makapangyarihan[ae] sa lahat. Ikaw ay lumago at magpakarami; isang bansa at maraming mga bansa ang magmumula sa iyo, at mga hari ay magmumula sa iyo.

12 Ang lupaing ibinigay ko kina Abraham at Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi pagkamatay mo.”

13 At ang Diyos ay pumailanglang mula sa tabi niya kung saan siya ay nakipag-usap sa kanya.

14 Nagtayo(J) si Jacob ng isang haliging batong bantayog kung saan ay nakipag-usap ang Diyos sa kanya. Binuhusan niya ito ng inuming handog at ng langis.

15 Kaya't tinawag ni Jacob na Bethel ang lugar kung saan nakipag-usap sa kanya ang Diyos.

Ang Kamatayan ni Raquel

16 Sila'y naglakbay mula sa Bethel. Nang sila ay may kalayuan pa mula sa Efrata, ay manganganak na si Raquel at siya'y naghihirap sa panganganak.

17 Nang siya'y naghihirap sa panganganak, sinabi sa kanya ng hilot, “Huwag kang matakot, sapagkat magkakaroon ka ng isa pang anak na lalaki.”

18 Habang siya'y naghihingalo (sapagkat namatay siya), kanyang pinangalanan siyang Benoni;[af] subalit tinawag siyang Benjamin[ag] ng kanyang ama.

19 Kaya't namatay si Raquel at inilibing sa daang patungo sa Efrata, na siyang Bethlehem.

20 Nagtayo si Jacob ng isang haligi sa ibabaw ng kanyang libingan na siyang haligi ng libingan ni Raquel hanggang ngayon.

21 Naglakbay pa si Israel at itinayo ang kanyang tolda sa dako pa roon ng tore ng Eder.

Ang mga Anak ni Jacob(K)

22 Samantalang(L) naninirahan si Israel sa lupaing iyon, si Ruben ay humayo at sumiping kay Bilha na asawang-lingkod ng kanyang ama at ito'y nabalitaan ni Israel. Labindalawa nga ang anak na lalaki ni Jacob.

23 Ang mga anak ni Lea: si Ruben na panganay ni Jacob, at sina Simeon, Levi, Juda, Isacar, at si Zebulon.

24 Ang mga anak ni Raquel: sina Jose at si Benjamin;

25 at ang mga anak ni Bilha, na alila ni Raquel: sina Dan at Neftali;

26 at ang mga anak ni Zilpa na alilang babae ni Lea: sina Gad at Aser. Ito ang mga anak ni Jacob na ipinanganak sa kanya sa Padan-aram.

Ang Kamatayan ni Isaac

27 At(M) pumunta si Jacob kay Isaac na kanyang ama sa Mamre, sa Kiryat-arba (na siyang Hebron), kung saan tumira sina Abraham at Isaac.

28 Ang mga naging araw ni Isaac ay isandaan at walumpung taon.

29 Nalagot ang hininga ni Isaac at namatay; at siya'y naging kasama ng kanyang bayan, matanda na at puspos ng mga araw. Inilibing siya ng kanyang mga anak na sina Esau at Jacob.

Mga Naging Anak ni Esau(N)

36 Ito ang mga lahi ni Esau, na siya ring Edom.

Si(O) Esau ay nag-asawa mula sa mga anak ng Canaan; kay Ada na anak ni Elon na Heteo, kay Aholibama, anak ni Ana na anak ni Zibeon na Heveo;

kay(P) Basemat na anak ni Ismael, na kapatid ni Nebayot.

Ipinanganak ni Ada si Elifaz kay Esau; at ipinanganak ni Basemat si Reuel;

at ipinanganak ni Aholibama sina Jeus, Jalam, at Kora. Ito ang mga anak ni Esau, na ipinanganak sa kanya sa lupain ng Canaan.

Dinala ni Esau ang kanyang mga asawa, ang kanyang mga anak na lalaki at babae, ang lahat ng tao sa kanyang bahay, ang kanyang hayop, lahat ng kanyang kawan, at ang lahat na kanyang tinipon sa lupain ng Canaan, at pumunta sa isang lupaing malayo sa kanyang kapatid na si Jacob.

Sapagkat ang kanilang ari-arian ay totoong napakalaki para sa kanila na manirahang magkasama. Ang lupain na kanilang pinaglakbayan ay hindi sila makayang tustusan dahilan sa kanilang mga hayop.

Kaya't nanirahan si Esau sa bundok ng Seir. Si Esau ay si Edom.

Ito ang mga lahi ni Esau, na ama ng mga Edomita sa bundok ng Seir.

10 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Esau: si Elifaz, na anak ni Ada na asawa ni Esau, si Reuel na anak ni Basemat, na asawa ni Esau.

11 Ang mga anak ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefo, Gatam at Kenaz.

12 Si Timna ay asawang-lingkod ni Elifaz na anak ni Esau; at ipinanganak niya kay Elifaz si Amalek. Ito ang mga anak ni Ada na asawa ni Esau.

13 Ito ang mga anak ni Reuel: sina Nahat, Zera, Shammah, at Mizza. Ito ang mga anak ni Basemat na asawa ni Esau.

14 Ito ang mga anak ni Esau kay Aholibama, na anak ni Ana, na anak ni Zibeon. Ipinanganak niya kay Esau sina Jeus, Jalam at Kora.

15 Ito ang mga pinuno sa mga anak ni Esau: ang mga anak ni Elifaz, na panganay ni Esau; ang mga pinunong sina Teman, Omar, Zefo, Kenaz,

16 Kora, Gatam, at Amalek. Ito ang mga pinunong nagmula kay Elifaz sa lupain ng Edom; ito ang mga anak ni Ada.

17 Ito ang mga anak ni Reuel na anak ni Esau: ang mga pinunong sina Nahat, Zera, Shammah, at Mizza. Ito ang mga pinunong nagmula kay Reuel sa lupain ng Edom; ito ang mga anak ni Basemat na asawa ni Esau.

18 Ito ang mga anak ni Aholibama na asawa ni Esau: ang mga pinunong sina Jeus, Jalam, at Kora. Ito ang mga pinunong nagmula kay Aholibama na anak ni Ana, na asawa ni Esau.

19 Ito ang mga anak ni Esau, (na siyang Edom) at ito ang kanilang mga pinuno.

Mga Anak ni Seir(Q)

20 Ito ang mga anak ni Seir na Horeo, na naninirahan sa lupain: sina Lotan, Sobal, Zibeon, at si Ana,

21 sina Dishon, Eser, at Disan. Ito ang mga pinunong nagmula sa mga Horeo, na mga angkan ni Seir sa lupain ng Edom.

22 Ang mga anak ni Lotan ay sina Hori at Heman; at ang kapatid na babae ni Lotan ay si Timna.

23 Ito ang mga anak ni Sobal: sina Alvan, Manahat, Ebal, Zefo, at si Onam.

24 Ito ang mga anak ni Zibeon: sina Aya at Ana. Ito rin si Ana na nakatagpo ng maiinit na bukal sa ilang, habang kanyang inaalagaan ang mga asno ni Zibeon na kanyang ama.

25 Ito ang mga anak ni Ana: sina Dishon at Aholibama, na anak na babae ni Ana.

26 Ito ang mga anak ni Dishon: sina Hemdan, Esban, Itran, at Cheran.

27 Ito ang mga anak ni Eser: sina Bilhan, Zaavan at Acan.

28 Ito ang mga anak ni Disan: sina Uz at Aran.

29 Ito ang mga pinunong nagmula sa mga Horeo: ang mga pinunong sina Lotan, Sobal, Zibeon, at Ana,

30 Dishon, Eser, at Disan. Ito ang mga pinunong nagmula sa mga Horeo ayon sa kanilang mga angkan, sa lupain ng Seir.

Mga Hari ng Edom(R)

31 Ito ang mga hari na nagsipaghari sa lupain ng Edom bago maghari ang sinumang hari sa angkan ni Israel.

32 Si Bela na anak ni Beor ay naghari sa Edom; at ang pangalan ng kanyang bayan ay Dinhaba.

33 Namatay si Bela, at naghari na kapalit niya si Jobab na anak ni Zera, na taga-Bosra.

34 Namatay si Jobab at naghari na kapalit niya si Husam, na taga-lupain ng mga Temanita.

35 Namatay si Husam at naghari na kapalit niya si Adad, na anak ni Badad, na siyang gumapi kay Midian sa parang ni Moab at ang pangalan ng kanyang bayan ay Avith.

36 Namatay si Adad at naghari na kapalit niya si Samla na taga-Masreca.

37 Namatay si Samla at naghari na kapalit niya si Shaul na taga-Rehobot na tabi ng Eufrates.

38 Namatay si Shaul at naghari na kapalit niya si Baal-hanan na anak ni Acbor.

39 Namatay si Baal-hanan na anak ni Acbor at naghari na kapalit niya si Adar; at ang pangalan ng kanyang bayan ay Pau; at ang pangalan ng kanyang asawa ay Mehetabel na anak ni Matred, na anak na babae ni Mezaab.

40 Ito ang mga pangalan ng mga pinunong nagmula kay Esau, ayon sa kanya-kanyang angkan, ayon sa kanya-kanyang lugar, alinsunod sa kanya-kanyang pangalan: ang mga pinunong sina Timna, Alva, Jetet;

41 Aholibama, Ela, Pinon.

42 Kenaz, Teman, Mibzar.

43 Magdiel, at Hiram. Ito ang mga pinuno ni Edom, ayon sa kanya-kanyang tinitirhan sa lupain na kanilang pag-aari. Siya ay si Esau na ama ng mga Edomita.

Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid

37 Nanirahan si Jacob sa lupain kung saan tumira ang kanyang ama, sa lupain ng Canaan.

Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Jacob: Si Jose, na may labimpitong taong gulang, ay nagpapastol ng kawan kasama ng kanyang mga kapatid. Siya ay kasama ng mga anak nina Bilha at Zilpa, na mga asawa ng kanyang ama; at ibinalita ni Jose sa kanilang ama ang kasamaan nila.

Minahal ni Israel si Jose nang higit kaysa lahat niyang anak, sapagkat siya ang anak ng kanyang katandaan at siya'y gumawa ng isang mahabang damit na kanyang suot.[ah]

Nakita ng kanyang mga kapatid na siya'y minahal ng kanilang ama nang higit kaysa lahat niyang mga kapatid; at siya'y kinapootan nila at hindi sila nakipag-usap nang payapa sa kanya.

Minsan ay nanaginip si Jose at nang isalaysay niya ito sa kanyang mga kapatid, lalo pa silang napoot sa kanya.

Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan ninyo ngayon itong aking napanaginip.

Tayo'y nagtatali ng mga bigkis ng trigo sa bukid, nang tumayo ang aking bigkis at tumindig nang matuwid. At ang inyong mga bigkis ay pumalibot at yumuko sa aking bigkis.”

Sinabi sa kanya ng kanyang mga kapatid, “Maghahari ka ba sa amin o mamamahala sa amin?” At lalo pa silang napoot sa kanya dahil sa kanyang mga panaginip at mga salita.

Nagkaroon pa siya ng ibang panaginip at isinalaysay sa kanyang mga kapatid, at sinabi, “Ako'y nagkaroon ng isa pang panaginip: ang araw, ang buwan, at ang labing-isang bituin ay yumuko sa akin.”

10 Subalit nang kanyang isalaysay ito sa kanyang ama at mga kapatid, siya ay pinagalitan ng kanyang ama, at sinabi sa kanya, “Ano itong iyong napanaginip? Tunay bang ako, ang iyong ina, at ang iyong mga kapatid ay yuyukod sa lupa sa harap mo?”

11 At(S) ang kanyang mga kapatid ay nainggit sa kanya, subalit pinag-isipan ng kanyang ama ang bagay na iyon.

Si Jose ay Ipinagbili at Dinala sa Ehipto

12 Umalis ang kanyang mga kapatid upang pastulin ang kawan ng kanilang ama sa Shekem.

13 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi ba nagpapastol ng kawan sa Shekem ang iyong mga kapatid? Halika, at isusugo kita sa kanila.” Sinabi niya sa kanya, “Narito ako.”

14 Sinabi niya sa kanya, “Humayo ka, tingnan mo kung mabuti ang kalagayan ng iyong mga kapatid at ng kawan, at balitaan mo ako.” Siya'y kanyang isinugo mula sa libis ng Hebron, at dumating siya sa Shekem.

15 Nakita siya ng isang tao na gumagala sa parang at siya'y tinanong ng taong iyon, “Anong hinahanap mo?”

16 At sinabi niya, “Hinahanap ko ang aking mga kapatid; hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan sila nagpapastol.”

17 Sinabi ng tao, “Umalis na sila dito, sapagkat narinig kong sinabi nila, ‘Tayo na sa Dotan.’” Sinundan ni Jose ang kanyang mga kapatid, at natagpuan niya sila sa Dotan.

18 Kanilang natanawan siya sa malayo, at bago siya nakalapit sa kanila ay nagsabwatan sila laban sa kanya na siya'y patayin.

19 At sinabi nila sa isa't isa, “Tingnan ninyo, dumarating ang mahilig managinip.

20 Halikayo, patayin natin siya at itapon natin sa isa sa mga balon, at ating sasabihin, ‘Nilapa siya ng isang masamang hayop;’ at tingnan natin kung anong mangyayari sa kanyang mga panaginip.”

21 Subalit nang ito ay narinig ni Ruben, kanyang iniligtas siya sa kanilang mga kamay, at sinabi, “Huwag nating patayin.”[ai]

22 Sinabi ni Ruben sa kanila, “Huwag kayong magpadanak ng dugo. Ihulog ninyo siya sa balong ito na nasa ilang, subalit huwag ninyong pagbuhatan ng kamay;” upang siya'y kanyang mailigtas sa kanilang kamay at maibalik sa kanyang ama.

23 Nang dumating si Jose sa kanyang mga kapatid, siya'y kanilang hinubaran ng kanyang mahabang damit na kanyang suot.[aj]

24 Kanilang sinunggaban siya at inihulog sa balon. Ang balon ay tuyo at walang lamang tubig.

25 Pagkatapos ay umupo sila upang kumain ng tinapay; at sa pagtingin nila ay nakita nila ang isang pulutong na mga Ismaelita na nanggaling sa Gilead kasama ang kanilang mga kamelyo at may dalang mga pabango, mga mabangong langis, at mga mira na kanilang dadalhin sa Ehipto.

26 At sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid. “Anong ating mapapakinabang kung patayin natin ang ating kapatid, at ilihim ang kanyang dugo?

27 Halikayo, atin siyang ipagbili sa mga Ismaelita, at huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay, sapagkat siya'y ating kapatid, at ating laman.” At pinakinggan siya ng kanyang mga kapatid.

28 Dumaan(T) ang mga mangangalakal na mga Midianita; at kanilang iniahon si Jose sa balon, at siya'y ipinagbili sa mga Ismaelita sa halagang dalawampung pirasong pilak. At dinala nila si Jose sa Ehipto.

29 Nang bumalik si Ruben sa balon at makitang si Jose ay wala na sa balon, kanyang pinunit ang kanyang mga suot.

30 Siya'y nagbalik sa kanyang mga kapatid, at kanyang sinabi, “Wala ang bata; at ako, saan ako pupunta?”

31 Kaya't kanilang kinuha ang mahabang damit[ak] ni Jose, at sila'y pumatay ng isang lalaking kambing, at kanilang inilubog ang mahabang damit[al] sa dugo.

32 Kanilang ipinadala ang mahabang damit na kanyang suot sa kanilang ama, at kanilang sinabi, “Ito'y aming natagpuan, kilalanin mo kung ito'y mahabang damit ng iyong anak o hindi.”

33 Nakilala niya ito kaya't kanyang sinabi, “Ito nga ang mahabang damit ng aking anak! Sinakmal siya ng isang mabangis na hayop; tiyak na siya'y nilapa.”

34 Pinunit ni Jacob ang kanyang mga suot, at nilagyan niya ng damit-sako ang kanyang mga balakang, at ipinagluksa ng maraming araw ang kanyang anak.

35 Lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay nagtangkang siya'y aliwin; subalit tumanggi siyang maaliw, at kanyang sinabi, “Lulusong akong tumatangis para sa aking anak hanggang sa Sheol.” At tinangisan siya ng kanyang ama.

36 Samantala, ipinagbili siya ng mga Midianita sa Ehipto kay Potifar, isang pinuno ni Faraon na kapitan ng bantay.

Sina Juda at Tamar

38 Nang panahong iyon, lumusong si Juda papalayo sa kanyang mga kapatid, at tumira malapit sa isang Adullamita na ang pangalan ay Hira.

Doon ay nakita ni Juda ang anak na babae ng isang Cananeo na tinatawag na Shua. Siya ay naging asawa niya at kanyang sinipingan.

Siya ay naglihi at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Er.

At naglihi uli, at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Onan.

Muling naglihi at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Shela; at si Juda ay nasa Chezib nang siya'y manganak.

Pinapag-asawa ni Juda si Er na kanyang panganay, at ang pangalan niyon ay Tamar.

Subalit si Er na panganay ni Juda ay naging masama sa paningin ng Panginoon; at siya'y pinatay ng Panginoon.

Kaya't sinabi ni Juda kay Onan, “Pumunta ka sa asawa ng iyong kapatid, at pakasalan mo siya, at ipagbangon mo ng lahi[am] ang iyong kapatid.”

Subalit yamang nalalaman ni Onan na hindi magiging kanya ang anak, tuwing sisiping siya sa asawa ng kanyang kapatid, itinatapon niya sa lupa ang kanyang binhi upang huwag niyang mabigyan ng anak ang kanyang kapatid.

10 Ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng Panginoon, kaya't siya rin ay pinatay niya.

11 Nang magkagayo'y sinabi ni Juda kay Tamar na kanyang manugang na babae, “Mabuhay kang isang balo sa bahay ng iyong ama, hanggang sa lumaki si Shela na aking anak,” sapagkat natakot siya na baka ito rin ay mamatay gaya ng kanyang mga kapatid. At humayo si Tamar at nanirahan sa bahay ng kanyang ama.

12 Sa pagdaan ng maraming araw, namatay ang anak na babae ni Shua na asawa ni Juda. Nang tapos na ang pagluluksa ni Juda, siya at ang kanyang kaibigang si Hira na Adullamita ay umahon sa Timna sa mga manggugupit ng kanyang mga tupa.

13 Nang ibalita kay Tamar na “Ang iyong biyenang lalaki ay umaahon sa Timna upang pagupitan ang kanyang mga tupa,”

14 siya'y nagpalit ng kasuotan ng balo, tinakpan ang sarili ng isang belo, nagbalatkayo at naupo sa pasukan ng Enaim na nasa daan ng Timna. Kanyang nakikita na si Shela ay malaki na ngunit hindi ibinibigay sa kanya bilang asawa.

15 Nang makita siya ni Juda ay inakalang siya'y upahang babae, sapagkat nagtakip ng kanyang mukha.

16 Lumapit siya sa kanya sa tabi ng daan, at sinabi, “Halika, sisiping ako sa iyo;” sapagkat siya'y hindi niya nakilalang kanyang manugang. Sinabi niya, “Anong ibibigay mo sa akin upang ikaw ay makasiping sa akin?”

17 Kanyang sinabi, “Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan.” At kanyang sinabi, “Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo ito?”

18 Sinabi niya, “Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo?” Sumagot siya, “Ang iyong singsing, ang iyong pamigkis, at ang tungkod na nasa iyong kamay.” Kaya't ang mga iyon ay ibinigay sa kanya, at siya'y sumiping sa kanya, at siya'y naglihi sa pamamagitan niya.

19 Pagkatapos siya'y bumangon, umalis at pagkahubad ng kanyang belo, ay isinuot ang mga kasuotan ng kanyang pagiging balo.

20 Nang ipadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kanyang kaibigang Adullamita, upang tanggapin ang sangla mula sa kamay ng babae, siya ay hindi niya natagpuan.

21 Kaya't tinanong niya ang mga tao sa lugar na iyon, “Saan naroon ang upahang babae na nasa tabi ng daan sa Enaim?” At kanilang sinabi, “Walang upahang babae rito.”

22 Kaya't nagbalik siya kay Juda, at sinabi, “Hindi ko siya natagpuan; at sinabi rin ng mga tao sa lugar na iyon, ‘Walang upahang babae rito.’”

23 Sinabi ni Juda, “Pabayaan mong ariin niya ang mga iyon, baka tayo'y pagtawanan. Tingnan mo, ipinadala ko itong anak ng kambing at hindi mo siya natagpuan.”

Mga Anak ni Juda kay Tamar

24 Pagkaraan ng halos tatlong buwan, ibinalita kay Juda na sinasabi, “Ang iyong manugang na si Tamar ay nagpaupa, at siya'y buntis sa pagpapaupa.” Sinabi ni Juda, “Ilabas siya upang sunugin.”

25 Nang siya'y inilabas, nagpasabi siya sa kanyang biyenan, “Nagdalang-tao ako sa lalaking nagmamay-ari ng mga ito.” At sinabi pa niya, “Nakikiusap ako sa inyo, inyong kilalanin kung kanino ang mga ito, ang singsing, ang pamigkis, at ang tungkod.”

26 Ang mga iyon ay kinilala ni Juda, at sinabi, “Siya'y higit na matuwid kaysa akin; yamang hindi ko ibinigay sa kanya si Shela na aking anak.” Hindi na siya muling sumiping sa kanya.

27 Nang dumating ang panahon ng kanyang panganganak, kambal ang nasa kanyang tiyan.

28 Sa kanyang panganganak, inilabas ng isa ang kanyang kamay at hinawakan ito ng hilot at tinalian sa kamay ng isang pulang sinulid, na sinasabi, “Ito ang unang lumabas.”

29 Ngunit nang iurong niya ang kanyang kamay, ang kanyang kapatid ang lumabas. At kanyang sinabi, “Paano ka nakagawa ng butas para sa iyong sarili?” Kaya't tinawag ang pangalan niyang Perez.[an]

30 Pagkatapos ay lumabas ang kanyang kapatid na may pulang sinulid sa kamay; at tinawag na Zera[ao] ang kanyang pangalan.

Si Jose at ang Asawa ni Potifar

39 Noon ay dinala si Jose sa Ehipto, at binili siya ni Potifar sa mga Ismaelita na nagdala sa kanya roon. Si Potifar ay pinuno ni Faraon, na kapitan ng bantay at isang taga-Ehipto.

Ang(U) Panginoon ay naging kasama ni Jose, at siya'y naging lalaking maunlad. Siya'y nasa bahay ng kanyang among taga-Ehipto.

Nakita ng kanyang amo na ang Panginoon ay kasama niya, at ang lahat ng ginagawa ni Jose ay umuunlad sa kanyang kamay.

Kaya't nakatagpo si Jose ng biyaya sa paningin niya at ginawa niyang kanyang katulong.[ap] Ipinamahala niya kay Jose ang bahay niya at ang lahat niyang pag-aari ay inilagay sa kanyang pangangasiwa.

Mula nang panahon na si Jose ay pamahalain sa kanyang bahay at sa lahat ng kanyang pag-aari, pinagpala ng Panginoon ang bahay ng taga-Ehipto. Ang pagpapala ng Panginoon ay dumating sa lahat ng kanyang pag-aari, sa bahay at sa parang.

Kaya't ipinamahala niya ang lahat niyang pag-aari sa kamay ni Jose, at hindi siya nakikialam sa anumang bagay maliban sa tinapay na kanyang kinakain. Si Jose ay matipuno at makisig na lalaki.

Pagkatapos ng mga bagay na ito, tinitigan si Jose ng asawa ng kanyang panginoon at sinabi, “Sipingan mo ako.”

Subalit siya'y tumanggi at sinabi niya sa asawa ng kanyang panginoon, “Tingnan mo, ang aking panginoon ay hindi nakikialam sa akin tungkol sa anumang bagay na nasa bahay, at lahat ng kanyang pag-aari ay ipinamahala sa aking kamay.

Walang sinumang dakila kaysa akin sa bahay na ito; walang anumang bagay ang ipinagkait sa akin, maliban sa iyo, sapagkat ikaw ay kanyang asawa. Paano ngang magagawa ko itong malaking kasamaan at kasalanan laban sa Diyos?”

10 Kahit nakikiusap siya kay Jose araw-araw, ay hindi siya pumayag na siya'y sumiping o makisama sa kanya.

11 Subalit isang araw, nang siya'y pumasok sa bahay upang gawin ang kanyang gawain at walang sinumang tao sa bahay,

12 siya'y pinigilan niya sa pamamagitan ng kanyang suot, na sinasabi, “Sipingan mo ako!” Subalit naiwan ni Jose[aq] ang kanyang suot sa kamay niya, at siya'y tumakas papalabas ng bahay.

13 Nang makita niyang naiwan ang kanyang suot sa kamay niya at tumakas sa labas ng bahay,

14 siya'y tumawag ng mga tao sa kanyang bahay, at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ang aking asawa[ar] ay nagdala sa atin ng isang Hebreo upang tayo'y tuyain. Pinasok niya ako upang ako'y sipingan, at ako'y nagsisigaw nang malakas.

15 Nang marinig niyang ako'y nagtaas ng tinig at nagsisigaw, naiwan niya ang kanyang suot sa aking tabi at tumakas, at lumabas ng bahay.”

16 Pagkatapos ay iningatan niya ang kasuotan ni Jose[as] hanggang sa pagdating ng kanyang amo sa kanyang bahay.

17 Sinabi niya sa kanya ang mga salita ring ito, na sinasabi, “Pinasok ako ng aliping Hebreo na iyong dinala sa atin, upang tuyain ako.

18 Nang nagtaas ako ng aking tinig at ako'y nagsisigaw, kanyang naiwan ang suot niya sa aking tabi at tumakas na papalabas.”

19 Nang marinig ng kanyang amo ang mga sinabi ng kanyang asawa, na sinasabi, “Ganito ang ginawa sa akin ng iyong alipin;” ay nag-alab ang kanyang galit.

Si Jose ay Ibinilanggo

20 Kinuha si Jose ng kanyang panginoon at inilagay sa bilangguan, sa lugar na pinagkukulungan ng mga bilanggo ng hari.

21 Subalit(V) kasama ni Jose ang Panginoon at nagpakita sa kanya ng tapat na pag-ibig, at pinagkalooban siya ng biyaya sa paningin ng bantay sa bilangguan.

22 Ipinamahala ng bantay sa bilangguan sa pangangalaga ni Jose ang lahat na mga bilanggo na nasa bilangguan; at anumang ginagawa nila roon ay siya ang gumagawa.

23 Hindi pinakialaman ng bantay sa bilangguan ang anumang bagay na nasa pamamahala ni Jose sapagkat ang Panginoon ay kasama niya. Anumang kanyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon.

Ipinaliwanag ni Jose ang Panaginip ng mga Bilanggo

40 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang katiwala ng kopa ng hari at ang kanyang panadero ay nagkasala laban sa kanilang panginoon na hari ng Ehipto.

Nagalit ang Faraon laban sa kanyang dalawang tagapamahala, sa puno ng mga katiwala ng kopa at sa puno ng mga panadero.

Sila'y ibinilanggo sa bahay ng kapitan ng bantay, sa bilangguang kinapipiitan ni Jose.

Si Jose ay inatasan ng kapitan ng bantay na mamahala sa kanila at sila'y kanyang pinaglingkuran. Sila'y nasa bilangguan nang maraming mga araw.

Isang gabi, ang katiwala ng kopa at ang panadero ng hari sa Ehipto na nasa bilangguan ay kapwa nanaginip, at ang bawat panaginip ay may kanya-kanyang kahulugan.

Kinaumagahan, dumating si Jose sa kanila. Siya'y tumingin sa kanila at nakita niyang sila'y balisa.

Kaya't tinanong niya ang mga tagapamahala ng Faraon na mga kasama niya sa bilangguan sa bahay ng kanyang panginoon, “Bakit balisa kayo ngayon?”

Kanilang sinabi sa kanya, “Kami ay nanaginip at walang sinumang makapagpaliwanag.” Sinabi sa kanila ni Jose, “Hindi ba mula sa Diyos ang mga paliwanag? Sabihin ninyo sa akin.”

Kaya't isinalaysay ng puno ng mga katiwala ng kopa ang kanyang panaginip kay Jose at sinabi sa kanya, “Sa aking panaginip ay may isang puno ng ubas sa aking harapan.

10 Sa puno ng ubas ay may tatlong sanga. Sa pagsipot ng dahon nito, ito ay namulaklak at ang mga buwig niyon ay naging mga ubas na hinog.

11 Ang kopa ng Faraon ay nasa aking kamay; at kinuha ko ang mga ubas at aking piniga ang mga ito sa kopa ng Faraon, at ibinigay ko ang kopa sa kamay ng Faraon.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001