Bible in 90 Days
8 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Gumawa ka ng isang makamandag[a] na ahas at ipatong mo sa isang tikin, at bawat taong nakagat ay mabubuhay kapag tumingin doon.”
9 Kaya't(A) si Moises ay gumawa ng isang ahas na tanso at ipinatong sa isang tikin, at kapag may nakagat ng ahas, at tumingin ang taong iyon sa ahas na tanso ay nabubuhay.
Naglakbay mula sa Obot at Nagkampo sa Bundok ng Pisga
10 Ang mga anak ni Israel ay naglakbay, at nagkampo sa Obot.
11 Sila'y naglakbay mula sa Obot, at nagkampo sa Ije-abarim sa ilang na nasa tapat ng Moab, patungo sa dakong sinisikatan ng araw.
12 Mula roon ay naglakbay sila, at nagkampo sa libis ng Zared.
13 Mula roon ay naglakbay sila, at nagkampo sa kabilang ibayo ng Arnon, na nasa ilang na humahantong sa hangganan ng mga Amoreo; sapagkat ang Arnon ay hangganan ng Moab, na nasa pagitan ng Moab at ng mga Amoreo.
14 Kaya't sinasabi sa aklat ng Mga Pakikipaglaban ng Panginoon,
Ang Waheb sa Sufa,
at ang mga libis ng Arnon,
15 at ang tagiliran ng mga libis
na hanggang sa dakong tahanan ng Ar,
at humihilig sa hangganan ng Moab.
16 At mula roon ay nagpatuloy sila patungo sa Beer, na siyang balon kung saan sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tipunin mo ang bayan at bibigyan ko sila ng tubig.”
17 Nang magkagayo'y inawit ng Israel ang awit na ito:
“Bumukal ka, O balon; awitan ninyo siya!
18 Ang balong hinukay ng mga pinuno,
na pinalalim ng mga maharlika ng bayan,
ng kanilang setro at mga tungkod.”
At mula sa ilang, sila'y nagpatuloy patungo sa Matana,
19 mula sa Matana patungong Nahaliel; at mula sa Nahaliel patungong Bamot;
20 mula sa Bamot patungo sa libis na nasa bukid ng Moab, sa tuktok ng Pisga, na pababa sa ilang.
Pinatay sina Sihon at Og(B)
21 Pagkatapos, ang Israel ay nagpadala ng mga sugo kay Sihon, na hari ng mga Amoreo, na sinasabi,
22 “Paraanin mo ako sa iyong lupain. Kami ay hindi liliko sa bukid o sa ubasan. Kami ay hindi iinom ng tubig mula sa mga balon; kami ay daraan sa Daan ng Hari hanggang sa makaraan kami sa iyong nasasakupan.”
23 Ngunit hindi pinahintulutan ni Sihon ang Israel na dumaan sa kanyang nasasakupan. Tinipon ni Sihon ang kanyang buong bayan, at lumabas sa ilang laban sa Israel at dumating sa Jahaz, at nilabanan ang Israel.
24 Pinatay siya ng Israel sa talim ng tabak, at inangkin ang kanyang lupain mula sa Arnon hanggang Jaboc, hanggang sa mga anak ni Ammon; sapagkat ang hangganan ng mga anak ni Ammon ay matibay.
25 At sinakop ng Israel ang lahat ng mga bayang ito. Ang Israel ay nanirahan sa lahat ng mga bayan ng mga Amoreo, sa Hesbon at sa lahat ng mga bayan niyon.
26 Sapagkat ang Hesbon ay siyang bayan ni Sihon na hari ng mga Amoreo, na siyang nakipaglaban sa unang hari sa Moab, at sumakop ng buong lupain niyon sa kanyang kamay hanggang sa Arnon.
27 Kaya't ang mga nagsasalita ng mga kawikaan ay nagsasabi,
“Halina kayo sa Hesbon,
itayo at itatag ang lunsod ni Sihon.
28 Sapagkat(C) may isang apoy na lumabas sa Hesbon,
isang liyab mula sa bayan ni Sihon.
Tinupok nito ang Ar ng Moab,
at winasak[b] ang matataas na dako ng Arnon.
29 Kahabag-habag ka, Moab!
Ikaw ay napahamak, O bayan ni Cemos!
Hinayaan niyang maging takas ang kanyang mga anak na lalaki,
at ipinabihag ang kanyang mga anak na babae,
kay Sihon na hari ng mga Amoreo.
30 Aming pinana sila. Ang Hesbon ay namatay hanggang sa Dibon,
at aming winasak hanggang Nofa, na umaabot hanggang Medeba.
31 Kaya't nanirahan ang Israel sa lupain ng mga Amoreo.
32 Si Moises ay nagsugo upang tiktikan ang Jazer, at kanilang sinakop ang mga bayan niyon at pinalayas nila ang mga Amoreo na naroroon.
33 Sila'y lumiko at umahon sa daan ng Basan. Si Og na hari sa Basan ay lumabas laban sa kanila, siya at ang buong bayan niya, upang makipaglaban sa Edrei.
34 Ngunit sinabi ng Panginoon kay Moises, “Huwag mo siyang katakutan, sapagkat ibinigay ko siya sa iyong kamay, at ang buong bayan niya, at ang kanyang lupain, at iyong gagawin sa kanya ang gaya ng iyong ginawa kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na naninirahan sa Hesbon.”
35 Gayon nila pinatay siya at ang kanyang mga anak, at ang buong bayan niya hanggang sa walang natira sa kanya, at kanilang inangkin ang kanyang lupain.
Nagpasugo si Balak kay Balaam
22 Ang mga anak ni Israel ay naglakbay at nagkampo sa mga kapatagan ng Moab sa kabila ng Jordan sa Jerico.
2 Nakita ni Balak na anak ni Zipor ang lahat ng ginawa ng Israel sa mga Amoreo.
3 Ang Moab ay takot na takot sa taong-bayan, sapagkat sila'y marami. Ang Moab ay nanghina sa takot dahil sa mga anak ni Israel.
4 At sinabi ng Moab sa matatanda sa Midian, “Ngayon ay hihimurin ng karamihang ito ang lahat na nasa palibot natin, gaya ng baka na humihimod sa damo sa parang.” Kaya't si Balak na anak ni Zipor, na hari ng Moab ng panahong iyon
5 ay(D) nagpadala ng mga sugo kay Balaam na anak ni Beor, hanggang sa Petor na nasa tabi ng ilog, hanggang sa lupain ng mga anak ng kanyang bayan, upang tawagin siya, at sabihin, “May isang bayan na lumabas mula sa Ehipto, sila'y nakakalat sa ibabaw ng lupa, at sila'y naninirahan sa tapat ko.
6 Pumarito ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, at sumpain mo ang bayang ito para sa akin; sapagkat sila'y totoong makapangyarihan para sa akin. Baka sakaling ako'y manalo at aming matalo sila, at mapalayas ko sila sa lupain, sapagkat alam ko na ang iyong pinagpala ay nagiging pinagpala at ang iyong sinusumpa ay isusumpa.”
7 Ang matatanda ng Moab at Midian ay pumaroon na dala sa kanilang kamay ang mga upa para sa panghuhula; at sila'y dumating kay Balaam at sinabi nila sa kanya ang mga sinabi ni Balak.
8 Kanyang sinabi sa kanila, “Dito na kayo tumuloy ngayong gabi at ibibigay ko sa inyo ang kasagutan, kung ano ang sasabihin ng Panginoon sa akin.” Kaya't ang mga pinuno ng Moab ay tumuloy na kasama ni Balaam.
9 At ang Diyos ay pumunta kay Balaam at nagtanong, “Sino ang mga taong ito na kasama mo?”
10 Sinabi ni Balaam sa Diyos, “Si Balak na anak ni Zipor, hari ng Moab ay nagpasugo sa akin na sinasabi,
11 “Tingnan mo! Ang bayan na lumabas sa Ehipto ay nangalat sa ibabaw ng lupa. Ngayo'y pumarito ka, sumpain mo sila para sa akin. Baka sakaling malalabanan ko sila at sila'y aking mapalayas.”
12 Sinabi ng Diyos kay Balaam, “Huwag kang paroroon na kasama nila. Huwag mong susumpain ang bayan, sapagkat sila'y pinagpala.”
13 Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at sinabi sa mga pinuno ni Balak, “Umuwi na kayo sa inyong lupain, sapagkat ang Panginoon ay tumanggi na ako'y sumama sa inyo.”
14 Kaya't ang mga pinuno ng Moab ay tumindig at sila'y pumunta kay Balak at nagsabi, “Si Balaam ay tumangging pumarito na kasama namin.”
15 Si Balak ay muling nagsugo ng marami pang pinuno at lalong higit na marangal kaysa kanila.
16 Sila'y pumunta kay Balaam at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ni Balak na anak ni Zipor, ‘Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mong hayaang may makahadlang sa iyong pagparito sa akin.
17 Sapagkat ikaw ay aking bibigyan ng malaking karangalan, at anumang sabihin mo sa akin ay gagawin ko. Ipinapakiusap ko na pumarito ka at sumpain mo para sa akin ang bayang ito.’”
18 Ngunit si Balaam ay sumagot sa mga lingkod ni Balak, “Kahit ibigay sa akin ni Balak ang kanyang bahay na punô ng pilak at ginto, hindi ako maaaring lumampas sa utos ng Panginoon kong Diyos na ako'y gumawa ng kulang o higit.
19 Manatili kayo rito, gaya ng iba, upang aking malaman kung ano pa ang sasabihin sa akin ng Panginoon.”
20 Nang gabing iyon, ang Diyos ay dumating kay Balaam at sinabi sa kanya, “Kung ang mga taong iyan ay pumarito upang tawagin ka ay bumangon ka, sumama ka sa kanila. Ngunit ang salita lamang na sasabihin ko sa iyo ang siya mong gagawin.”
Si Balaam at ang Asno ay Sinalubong ng Anghel ng Panginoon
21 Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at inihanda ang kanyang asno, at sumama sa mga pinuno ng Moab.
22 Ngunit ang galit ng Diyos ay nag-aalab sapagkat siya'y pumunta. Ang anghel ng Panginoon ay tumayo sa daan bilang kalaban niya. Siya noon ay nakasakay sa kanyang asno at ang kanyang dalawang alipin ay kasama niya.
23 Nakita ng asno ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, hawak ang kanyang tabak at ang asno ay lumiko sa daan, at nagtungo sa parang. Pinalo ni Balaam ang asno upang ibalik siya sa daan.
24 Nang magkagayo'y tumayo ang anghel ng Panginoon sa isang makipot na daan sa pagitan ng mga ubasan na may bakod sa magkabilang panig.
25 Nakita ng asno ang anghel ng Panginoon at siya'y itinulak sa bakod at naipit ang paa ni Balaam sa bakod at kanyang pinalo uli ang asno.
26 Pagkatapos, ang anghel ng Panginoon ay nagpauna uli at tumayo sa isang makipot na dako na walang daang lilikuan maging sa kanan o sa kaliwa.
27 Nang makita ng asno ang anghel ng Panginoon, ito ay lumugmok sa ilalim ni Balaam. Ang galit ni Balaam ay nag-alab at kanyang pinalo ng tungkod ang asno.
28 Ibinuka ng Panginoon ang bibig ng asno at ito'y nagsabi kay Balaam, “Ano ang ginawa ko sa iyo upang ako'y paluin mo nang tatlong ulit?”
29 Sinabi ni Balaam sa asno, “Sapagkat pinaglaruan mo ako. Kung mayroon lamang akong tabak sa aking kamay, sana'y pinatay na kita ngayon.”
30 At sinabi ng asno kay Balaam, “Di ba ako'y iyong asno na iyong sinakyan sa buong buhay mo hanggang sa araw na ito? Gumawa na ba ako kailanman ng ganito sa iyo?” At kanyang sinabi, “Hindi.”
Ang Sabi ng Anghel ng Panginoon
31 Nang magkagayo'y iminulat ng Panginoon ang mga mata ni Balaam, at kanyang nakita ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, hawak ang kanyang tabak at kanyang iniyukod ang kanyang ulo at nagpatirapa.
32 At sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Bakit mo pinalo ang iyong asno ng ganitong tatlong ulit? Narito, ako'y naparito bilang kalaban, sapagkat ang iyong lakad ay masama sa harap ko.
33 Nakita ako ng asno at lumihis sa harap ko nang tatlong ulit. Kung hindi siya lumihis sa akin, napatay na sana kita ngayon, at hinayaan itong mabuhay.”
34 At sinabi ni Balaam sa anghel ng Panginoon, “Ako'y nagkasala sapagkat hindi ko alam na ikaw ay nakatayo sa daan laban sa akin. Ngayon, kung inaakala mong masama ay babalik ako.”
35 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Balaam, “Sumama ka sa mga lalaki ngunit ang salita lamang na aking sasabihin sa iyo ang siyang sasabihin mo.” Kaya't sumama si Balaam sa mga pinuno ni Balak.
Lumabas si Balak Upang Salubungin si Balaam
36 Nang mabalitaan ni Balak na si Balaam ay dumarating, lumabas siya upang salubungin siya sa bayan ng Moab, na nasa hangganan ng Arnon, na siyang dulong bahagi ng hangganan.
37 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Di ba ikaw ay aking pinapuntahan upang tawagin? Bakit nga ba hindi ka naparito sa akin? Hindi ba kita kayang parangalan?”
38 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ngayon, ako'y naparito sa iyo. Mayroon ba ako ngayong anumang kapangyarihan na makapagsalita ng anumang bagay? Ang salitang inilagay ng Diyos sa aking bibig ang aking sasabihin.”
39 At si Balaam ay sumama kay Balak at sila'y pumunta sa Kiryat-huzot.
40 Naghandog si Balak ng mga baka at mga tupa at ipinadala kay Balaam at sa mga pinuno na kasama niya.
41 Nangyari nga, kinaumagahan, isinama ni Balak si Balaam at dinala siya sa matataas na dako ni Baal, at nakita niya ang isang bahagi ng sambayanan.
Ang Unang Talinghaga ni Balaam
23 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako ng pitong toro at pitong lalaking tupa.”
2 Ginawa nga ni Balak ang sinabi ni Balaam. Sina Balak at Balaam ay naghandog sa bawat dambana ng isang toro at isang lalaking tupa.
3 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Tumayo ka sa tabi ng iyong handog na sinusunog at ako'y aalis. Baka sakaling pumarito ang Panginoon upang salubungin ako at anumang bagay na kanyang ipakita sa akin ay sasabihin ko sa iyo.” Siya'y dumating sa isang dakong mataas na walang tanim.
4 At sinalubong ng Diyos si Balaam at sinabi sa kanya, “Aking inihanda ang pitong dambana, at inihandog ang isang toro at isang lalaking tupa para sa bawat dambana.”
5 Nilagyan ng Panginoon ng salita ang bibig ni Balaam at sinabi, “Bumalik ka kay Balak, at ganito ang iyong sasabihin.”
6 Siya'y bumalik kay Balak na nakatayo sa tabi ng kanyang handog na sinusunog kasama ang lahat ng mga pinuno ng Moab.
7 At binigkas ni Balaam[c] ang kanyang talinghaga, na sinasabi,
“Mula sa Aram ay dinala ako rito ni Balak,
na hari ng Moab, mula sa mga bundok ng silangan.
Pumarito ka, sumpain mo para sa akin ang Jacob.
Pumarito ka, laitin mo ang Israel.
8 Paano ko susumpain ang hindi sinumpa ng Diyos?
At paano ko lalaitin ang hindi nilait ng Panginoon?
9 Sapagkat mula sa tuktok ng mga bundok ay nakikita ko siya,
at mula sa mga burol ay akin siyang natatanaw;
narito, siya'y isang bayang naninirahang mag-isa,
at hindi ibinibilang ang sarili sa gitna ng mga bansa.
10 Sinong makakabilang ng mga alabok ng Jacob,
o ng bilang ng ikaapat na bahagi ng Israel?
Mamatay nawa ako ng kamatayan ng matuwid,
at ang aking wakas ay maging tulad nawa ng sa kanya!”
11 At sinabi ni Balak kay Balaam, “Anong ginawa mo sa akin? Isinama kita upang sumpain mo ang aking mga kaaway, ngunit narito, wala kang ginawa kundi pagpalain sila.”
12 Siya'y sumagot, “Hindi ba nararapat na aking maingat na sabihin ang inilagay ng Panginoon sa bibig ko?”
Ang Ikalawang Talinghaga ni Balaam
13 Sinabi sa kanya ni Balak, “Ipinapakiusap ko sa iyo na sumama ka sa akin sa ibang lugar, kung saan mo sila makikita. Ang makikita mo lamang ay ang pinakamalapit sa kanila, at hindi mo sila makikitang lahat at sumpain mo sila para sa akin mula roon.”
14 Kaya't kanyang dinala siya sa parang ng Sofim, sa tuktok ng Pisga, at nagtayo roon ng pitong dambana, at naghandog ng isang toro at ng isang lalaking tupa sa bawat dambana.
15 Kanyang sinabi kay Balak, “Tumayo ka rito sa tabi ng iyong handog na sinusunog, habang sinasalubong ko ang Panginoon doon.”
16 At sinalubong ng Panginoon si Balaam, at nilagyan ng salita ang kanyang bibig, at sinabi, “Bumalik ka kay Balak, at ganito ang iyong sasabihin.”
17 Nang siya'y dumating sa kanya, siya'y nakatayo sa tabi ng kanyang handog na sinusunog na kasama ang mga pinuno sa Moab. At sinabi sa kanya ni Balak, “Anong sinabi ng Panginoon?”
18 At binigkas ni Balaam ang kanyang talinghaga, na sinasabi,
“Tumindig ka, Balak, at iyong pakinggan,
makinig ka sa akin, ikaw na anak ni Zipor.
19 Ang Diyos ay hindi tao, na magsisinungaling,
ni anak ng tao na magsisisi.
Sinabi ba niya at hindi niya gagawin?
O sinalita ba niya at hindi niya tutuparin?
20 Ako'y tumanggap ng utos na magbigay ng pagpapala:
kanyang pinagpala, at hindi ko na mababago iyon.
21 Wala siyang nakitang kasamaan sa Jacob,
ni wala siyang nakitang kasamaan sa Israel.
Ang Panginoon nilang Diyos ay kasama nila,
at ang sigaw ng hari ay nasa gitna nila.
22 Ang Diyos ang naglalabas sa kanila sa Ehipto.
Siya'y may lakas na gaya ng mabangis na toro.
23 Tunay na walang engkanto laban sa Jacob,
ni panghuhula laban sa Israel.
Ngayo'y sasabihin tungkol sa Jacob at sa Israel,
‘Anong ginawa ng Diyos!’
24 Tingnan mo, ang bayan ay tumitindig na parang isang babaing leon,
at parang isang leon na itinataas ang sarili.
Siya'y hindi mahihiga hanggang sa makakain ng biktima
at makainom ng dugo ng napatay.”
25 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Huwag mo silang sumpain ni pagpalain.”
26 Ngunit si Balaam ay sumagot at nagsabi kay Balak, “Di ba sinabi ko sa iyo, ‘Ang lahat na sinasalita ng Panginoon ay siya kong nararapat gawin?’”
27 Kaya't sinabi ni Balak kay Balaam, “Halika ngayon, isasama kita sa ibang lugar; marahil ay matutuwa ang Diyos na iyong sumpain sila para sa akin mula roon.”
28 At isinama ni Balak si Balaam sa tuktok ng Peor na nasa gawing itaas ng ilang.
29 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako rito ng pitong toro at pitong lalaking tupa.”
30 At ginawa ni Balak ang sinabi ni Balaam, at naghandog ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat dambana.
Ang Ikatlong Talinghaga ni Balaam
24 Nang makita ni Balaam na ikinatuwa ng Panginoon na pagpalain ang Israel, hindi siya pumunta na gaya nang una, upang maghanap ng tanda, kundi kanyang iniharap ang kanyang mukha sa dakong ilang.
2 Itinaas ni Balaam ang kanyang paningin, at kanyang nakita ang Israel na nagkakampo ayon sa kanilang mga lipi; at ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa kanya.
3 At binigkas niya ang kanyang talinghaga, na sinasabi:
“Ang sinabi ni Balaam na anak ni Beor,
ang sinabi ng lalaking bukas[d] ang mga mata,
4 ang sabi niya na nakarinig ng mga salita ng Diyos,
na nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat,
na nakalugmok ngunit bukas ang mga mata.
5 Napakaganda ng iyong mga tolda, O Jacob,
ang iyong mga himpilan, O Israel!
6 Gaya ng mga libis na abot hanggang sa malayo,
gaya ng mga halamanan sa tabi ng ilog,
gaya ng aloe na itinanim ng Panginoon,
gaya ng mga puno ng sedro sa tabi ng ilog.
7 Ang tubig ay aagos mula sa kanyang pang-igib,
at ang kanyang binhi ay matatatag sa maraming tubig,
ang kanyang hari ay tataas ng higit kay Agag,
at ang kanyang kaharian ay matatanyag.
8 Ang Diyos ang naglalabas sa kanya sa Ehipto;
may lakas na gaya ng mabangis na toro.
Kanyang lalamunin ang mga bansa na kanyang mga kaaway,
at kanyang babaliin ang kanilang mga buto,
at papanain sila ng kanyang mga palaso.
9 Siya'y(E) yumuko, siya'y lumugmok na parang leon,
at parang isang babaing leon, sinong gigising sa kanya?
Pagpalain nawa ang lahat na nagpapala sa iyo,
at sumpain ang lahat na sumusumpa sa iyo.”
Ang Ikaapat na Talinghaga ni Balaam
10 Ang galit ni Balak ay nagningas laban kay Balaam. Isinuntok ni Balak ang kanyang mga kamay at sinabi kay Balaam, “Tinawag kita upang iyong sumpain ang aking mga kaaway, ngunit binasbasan mo sila nang tatlong ulit.
11 Ngayon nga ay umalis ka patungo sa iyong lugar. Aking inisip na lubos kitang gantimpalaan ngunit pinigil ng Panginoon ang iyong gantimpala.”
12 At sinabi ni Balaam kay Balak, “Di ba sinabi ko rin sa iyong mga sugo,
13 kahit ibigay sa akin ni Balak ang kanyang bahay na punô ng pilak at ginto ay hindi ako maaaring lumampas sa salita ng Panginoon na gumawa ng mabuti o masama sa aking sariling kalooban. Kung ano ang sabihin ng Panginoon ay siya kong sasabihin?
14 Ngayon, ako'y pupunta sa aking bayan. Pumarito ka at aking ipahahayag sa iyo ang gagawin ng bayang ito sa iyong bayan sa mga huling araw.”
15 At binigkas niya ang kanyang talinghaga, na sinasabi:
“Ang sabi ni Balaam na anak ni Beor,
ang sabi ng taong bukas ang mga mata,
16 ang sabi niya, na nakarinig ng mga salita ng Diyos,
at nakaalam ng karunungan ng Kataas-taasan,
na siyang nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat,
na nakalugmok ngunit bukas ang kanyang mga mata.
17 Aking makikita siya, ngunit hindi ngayon;
aking pagmamasdan siya, ngunit hindi sa malapit:
Lalabas ang isang bituin sa Jacob,
at may isang setro na lilitaw sa Israel,
at dudurugin ang noo[e] ng Moab,
at lilipulin ang lahat ng mga anak ng kaguluhan.
18 Ang Edom ay sasamsaman,
ang Seir na kanyang mga kaaway ay sasamsaman rin,
samantalang ang Israel ay nagpapakatapang.
19 Sa pamamagitan ng Jacob ay magkakaroon ng kapamahalaan,
at ang nalalabi sa bayan ay pupuksain.”
20 Pagkatapos siya'y tumingin sa Amalek, at binigkas ang kanyang talinghaga na sinasabi,
“Ang Amalek ay siyang dating nangunguna sa mga bansa;
ngunit sa huli siya ay mapupuksa.”
21 At tumingin siya sa Kineo, at binigkas ang kanyang talinghaga na sinasabi,
“Matibay ang iyong tirahan,
at ang iyong pugad ay nasa malaking bato;
22 gayunma'y mawawasak ang Cain.
Gaano katagal na bibihagin ka ng Ashur?”
23 At siya'y nagsalita ng talinghaga, na sinasabi:
“Sinong mabubuhay kapag ginawa ito ng Diyos?
24 Ngunit ang mga barko ay manggagaling sa baybayin ng Kittim
at kanilang pahihirapan ang Ashur at Eber,
at siya man ay pupuksain.”
25 Pagkatapos, si Balaam ay tumindig at bumalik sa kanyang lugar; at si Balak ay umalis na rin.
Sinamba si Baal-peor
25 Samantalang ang Israel ay naninirahan sa Shittim, ang taong-bayan ay nagpasimulang makiapid sa mga anak na babae ng Moab.
2 Sapagkat inanyayahan ng mga ito ang taong-bayan sa mga paghahandog sa kanilang mga diyos; at ang bayan ay kumain at yumukod sa mga diyos ng Moab.
3 Ang Israel ay nakipag-isa sa Baal ng Peor; at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel.
4 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isama mo ang lahat ng pinuno sa bayan at bitayin mo sila sa harap ng araw sa harap ng Panginoon, upang ang matinding galit ng Panginoon ay mapawi sa Israel.
5 Sinabi ni Moises sa mga hukom sa Israel, “Patayin ng bawat isa sa inyo ang mga taong nakipag-isa sa Baal ng Peor.”
6 At dumating ang isa sa mga anak ni Israel at nagdala sa kanyang mga kapatid ng isang babaing Midianita sa paningin ni Moises at ng buong kapulungan ng mga anak ni Israel, habang sila'y umiiyak sa pintuan ng toldang tipanan.
7 Nang makita ito ni Finehas, na anak ni Eleazar, na anak ng paring si Aaron, ay tumindig siya sa gitna ng kapulungan at hinawakan ang isang sibat.
8 Pumunta siya sa likod ng lalaking Israelita sa loob ng tolda, at tinuhog silang pareho, ang lalaking Israelita at ang babae, tagos sa katawan nito. Sa gayon ang salot ay huminto sa mga anak ni Israel.
9 Ang mga namatay sa salot ay dalawampu't apat na libo.
10 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
11 “Pinawi ni Finehas na anak ni Eleazar, na anak ng paring si Aaron, ang aking galit sa mga anak ni Israel, sa paraang siya'y nanibugho dahil sa aking paninibugho sa kanila, na anupa't hindi ko nilipol ang mga anak ni Israel sa aking paninibugho.
12 Kaya't sabihin mo, narito, ibinibigay ko sa kanya ang aking tipan ng kapayapaan.
13 At magiging kanya at sa binhing susunod sa kanya ang tipan ng walang hanggang pagkapari, sapagkat siya'y mapanibughuin para sa kanyang Diyos at ginawa ang pagtubos para sa mga anak ni Israel.”
14 Ang pangalan ng lalaking Israelita na napatay, na pinatay na kasama ng babaing Midianita ay Zimri na anak ni Salu, na pinuno sa isang sambahayan ng mga Simeonita.
15 Ang pangalan ng babaing Midianita na napatay ay Cozbi, na anak ni Zur; siya'y pinuno sa bayan ng isang sambahayan ng mga sambayanan sa Midian.
16 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
17 “Guluhin ninyo ang mga Midianita, at inyong daigin sila;
18 sapagkat ginulo nila kayo ng kanilang mga pandaraya sa inyo sa nangyari sa Peor, at sa pangyayari kay Cozbi, na anak na babae ng pinuno sa Midian, na kanilang kapatid na namatay nang araw ng salot dahil sa pangyayari sa Peor.
Muling Binilang ang mga Anak ni Israel
26 At nangyari, pagkatapos(F) ng salot, nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Eleazar na anak ng paring si Aaron, na sinasabi,
2 “Bilangin mo ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel mula sa dalawampung taong gulang pataas ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, ang lahat sa Israel na may kakayahang makipagdigma.
3 Si Moises at ang paring si Eleazar ay nakipag-usap sa kanila sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico, na sinasabi,
4 “Bilangin ninyo ang bayan, mula sa dalawampung taong gulang pataas; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises. Ang mga anak ni Israel na umalis sa lupain ng Ehipto ay ang mga ito:
5 Si Ruben, ang panganay ni Israel. Ang mga anak ni Ruben: kay Hanoc, ang angkan ng mga Hanocitas; kay Fallu, ang angkan ng mga Falluita;
6 kay Hesron, ang angkan ng mga Hesronita; kay Carmi, ang angkan ng mga Carmita.
7 Ito ang mga angkan ng mga Rubenita at ang nabilang sa kanila ay apatnapu't tatlong libo pitong daan at tatlumpu.
8 Ang mga anak ni Fallu: si Eliab.
9 Ang mga anak ni Eliab ay sina Nemuel, Datan, at Abiram. Ito ang Datan at Abiram na pinili mula sa kapulungan na siyang naghimagsik laban kay Moises at laban kay Aaron sa pangkat ni Kora nang sila'y naghimagsik laban sa Panginoon.
10 At ibinuka ng lupa ang kanyang bibig, at nilamon sila pati si Kora. Nang mamatay ang pangkat na iyon; noong panahong lamunin ng apoy ang dalawandaan at limampung tao, at sila'y naging isang babala.
11 Gayunma'y hindi namatay ang mga anak ni Kora.
12 Ang mga anak ni Simeon ayon sa kanilang mga angkan: kay Nemuel, ang angkan ng mga Nemuelita; kay Jamin, ang angkan ng mga Jaminita; kay Jakin, ang angkan ng mga Jakinita;
13 kay Zera, ang angkan ng mga Zeraita; kay Shaul, ang angkan ng mga Shaulita.
14 Ito ang mga angkan ng mga Simeonita, dalawampu't dalawang libo at dalawandaan.
15 Ang mga anak ni Gad ayon sa kanilang mga angkan: kay Zefon, ang angkan ng mga Zefonita; kay Hagui, ang angkan ng mga Haguita; kay Suni, ang angkan ng mga Sunita;
16 kay Ozni, ang angkan ng mga Oznita; kay Eri, ang angkan ng mga Erita;
17 kay Arod, ang angkan ng mga Arodita; kay Areli, ang angkan ng mga Arelita.
18 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Gad ayon sa nabilang sa kanila, apatnapung libo at limang daan.
19 Ang mga anak ni Juda ay sina Er at Onan. Sina Er at Onan ay namatay sa lupain ng Canaan.
20 Ang mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga angkan: kay Shela, ang angkan ng mga Shelaita; kay Perez, ang angkan ng mga Perezita; kay Zera, ang angkan ng mga Zeraita.
21 At ang mga naging anak ni Perez: kay Hesron, ang angkan ng mga Hesronita; kay Hamul, ang angkan ng mga Hamulita.
22 Ito ang mga angkan ni Juda ayon sa nabilang sa kanila, pitumpu't anim na libo at limang daan.
23 Ang mga anak ni Isacar ayon sa kanilang mga angkan: kay Tola, ang angkan ng mga Tolaita; kay Pua, ang angkan ng mga Puanita;
24 kay Jasub, ang angkan ng mga Jasubita; kay Simron, ang angkan ng mga Simronita.
25 Ito ang mga angkan ni Isacar ayon sa nabilang sa kanila, animnapu't apat na libo at tatlong daan.
26 Ang mga anak ni Zebulon ayon sa kanilang mga angkan: kay Sered, ang angkan ng mga Seredita: kay Elon, ang angkan ng mga Elonita; kay Jalel, ang angkan ng mga Jalelita.
27 Ito ang mga angkan ng mga Zebulonita ayon sa nabilang sa kanila, animnapung libo at limang daan.
28 Ang mga anak ni Jose ayon sa kanilang mga angkan: sina Manases at Efraim.
29 Ang mga anak ni Manases: kay Makir, ang angkan ng mga Makirita; at naging anak ni Makir si Gilead; kay Gilead, ang angkan ng mga Gileadita.
30 Ito ang mga anak ni Gilead: kay Jezer, ang angkan ng mga Jezerita; kay Helec, ang angkan ng mga Helecita;
31 kay Asriel, ang angkan ng mga Asrielita; kay Shekem, ang angkan ng mga Shekemita;
32 kay Semida, ang angkan ng mga Semidaita; at kay Hefer, ang angkan ng mga Heferita.
33 Si Zelofehad na anak ni Hefer ay hindi nagkaanak ng lalaki, kundi mga babae. Ang mga pangalan ng mga anak na babae ni Zelofehad ay Mahla, Noa, Hogla, Milca, at Tirsa.
34 Ito ang mga angkan ni Manases, at ang nabilang sa kanila ay limampu't dalawang libo at pitong daan.
35 Ito ang mga anak ni Efraim ayon sa kanilang mga angkan: kay Shutela, ang angkan ng mga Shutelaita; kay Beker, ang angkan ng mga Bekerita; kay Tahan, ang angkan ng mga Tahanita.
36 Ito ang mga anak ni Shutela: kay Heran, ang angkan ng mga Heranita.
37 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Efraim ayon sa nabilang sa kanila, tatlumpu't dalawang libo at limang daan. Ito ang mga anak ni Jose, ayon sa kanilang mga angkan.
38 Ang mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan: kay Bela, ang angkan ng mga Belaita; kay Asbel, ang angkan ng mga Asbelita; kay Ahiram, ang angkan ng mga Ahiramita;
39 kay Sufam ang angkan ng mga Sufamita; kay Hufam, ang angkan ng mga Hufamita.
40 Ang mga anak ni Bela ay sina Ard at Naaman. Mula kay Ard, ang angkan ng mga Ardita; kay Naaman, ang angkan ng mga Naamanita.
41 Ito ang mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan; at ang nabilang sa kanila ay apatnapu't limang libo at animnaraan.
42 Ito ang mga anak ni Dan ayon sa kanilang mga angkan: kay Suham, ang angkan ng mga Suhamita. Ito ang mga angkan ni Dan ayon sa kanilang mga angkan.
43 Lahat ng mga angkan ng mga Suhamita, ayon sa nabilang sa kanila, ay animnapu't apat na libo at apatnaraan.
44 Ang mga anak ni Aser ayon sa kanilang mga angkan: kay Imna, ang angkan ng mga Imnaita; kay Isui, ang angkan ng mga Isuita; kay Beriah, ang angkan ng mga Beriahita.
45 Sa mga anak ni Beriah: kay Eber, ang angkan ng mga Eberita; kay Malkiel, ang angkan ng mga Malkielita.
46 At ang pangalan ng anak na babae ni Aser ay Sera.
47 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Aser ayon sa nabilang sa kanila, limampu't tatlong libo at apatnaraan.
48 Ang mga anak ni Neftali ayon sa kanilang mga angkan: kay Jahzeel, ang angkan ng mga Jahzeelita; kay Guni, ang angkan ng mga Gunita.
49 Kay Jeser, ang angkan ng mga Jeserita; kay Shilem, ang angkan ng mga Shilemita.
50 Ito ang mga angkan ni Neftali ayon sa kanilang mga angkan at ang nabilang sa kanila ay apatnapu't limang libo at apatnaraan.
51 Ito ang bilang sa angkan ni Israel, animnaraan isang libo at pitong daan at tatlumpu.
52 At(G) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
53 “Sa mga ito hahatiin ang lupain bilang mana ayon sa bilang ng mga pangalan.
54 Sa marami ay magbibigay kayo ng maraming mana, at sa kaunti ay magbibigay kayo ng kaunting mana. Ang bawat isa ayon sa mga bilang sa kanya ay bibigyan ng kanyang mana.
55 Gayunman ay hahatiin ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan: ang kanilang mamanahin ay ayon sa mga pangalan ng mga lipi ng kanilang mga ninuno.
56 Ayon sa palabunutan hahatiin ang kanilang mana, alinsunod sa dami o sa kaunti.
57 Ito ang mga nabilang sa mga Levita ayon sa kanilang mga angkan: kay Gershon, ang angkan ng mga Gershonita; kay Kohat, ang angkan ng mga Kohatita; kay Merari, ang angkan ng mga Merarita.
58 Ito ang mga angkan ni Levi: ang angkan ng mga Libnita, ang angkan ng mga Hebronita, ang angkan ng mga Mahlita, ang angkan ng mga Musita, ang angkan ng mga Korahita. At naging anak ni Kohat si Amram.
59 Ang pangalan ng asawa ni Amram ay Jokebed, na anak na babae ni Levi, na ipinanganak kay Levi sa Ehipto. Ipinanganak niya kay Amram sina Aaron at Moises, at si Miriam na kanilang kapatid na babae.
60 At(H) naging anak ni Aaron sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar.
61 Sina(I) Nadab at Abihu ay namatay nang sila'y maghandog ng kakaibang apoy sa harap ng Panginoon.
62 Ang nabilang sa kanila ay dalawampu't tatlong libo, lahat ng lalaki mula sa isang buwang gulang pataas: dahil hindi sila binilang kasama ng mga anak ni Israel, sapagkat sila'y hindi binigyan ng mana sa gitna ng mga anak ni Israel.
63 Ito ang mga nabilang ni Moises at ng paring si Eleazar, na bumilang ng mga anak ni Israel sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico.
64 Ngunit sa mga ito ay wala isa mang lalaki na ibinilang ni Moises at ng paring si Aaron, na bumilang ng mga anak ni Israel sa ilang ng Sinai.
65 Sapagkat(J) sinabi ng Panginoon tungkol sa kanila, “Sila'y tiyak na mamamatay sa ilang.” At walang natira kahit isang tao sa kanila, liban kay Caleb na anak ni Jefone, at kay Josue na anak ni Nun.
Ang mga Anak na Babae ni Zelofehad
27 Nang magkagayo'y lumapit ang mga anak na babae ni Zelofehad, na anak ni Hefer, na anak ni Gilead, na anak ni Makir, na anak ni Manases, sa mga angkan ni Manases, na anak ni Jose. Ito ang mga pangalan ng kanyang mga anak: Mahla, Noa, Hogla, Milca, at Tirsa.
2 At sila'y tumayo sa harap ni Moises, at ng paring si Eleazar, at sa harap ng mga pinuno at ng buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan na sinasabi,
3 “Ang aming ama ay namatay sa ilang, at siya'y hindi kasama ng pangkat ng mga nagtipun-tipon laban sa Panginoon sa pangkat ni Kora, kundi siya'y namatay sa kanyang sariling kasalanan; at siya'y walang anak na lalaki.
4 Bakit ang pangalan ng aming ama ay aalisin sa angkan niya, dahil ba sa siya'y walang anak na lalaki? Bigyan ninyo kami ng ari-arian kasama ng mga kapatid ng aming ama.”
5 Dinala ni Moises ang kanilang usapin sa harap ng Panginoon.
6 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
7 “Tama(K) ang sinasabi ng mga anak na babae ni Zelofehad. Bigyan mo sila ng ari-arian na pinakamana mula sa mga kapatid ng kanilang ama; at iyong isasalin ang mana ng kanilang ama sa kanila.
8 At iyong sasabihin sa mga anak ni Israel, “Kung ang isang lalaki ay mamatay at walang anak na lalaki, inyong isasalin ang kanyang mana sa kanyang anak na babae.
9 Kung siya'y walang anak na babae, inyong ibibigay ang kanyang mana sa kanyang mga kapatid.
10 Kung siya'y walang kapatid, inyong ibibigay ang kanyang mana sa mga kapatid ng kanyang ama.
11 Kung ang kanyang ama ay walang kapatid, inyong ibibigay ang kanyang mana sa kanyang kamag-anak na pinakamalapit sa kanyang angkan, at kanyang aariin. At ito ay magiging isang tuntunin at batas sa mga anak ni Israel gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Sinabi ang tungkol sa Kamatayan ni Moises
12 Sinabi(L) ng Panginoon kay Moises, “Umahon ka sa bundok na ito ng Abarim, at tanawin mo ang lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel.
13 Kapag nakita mo na iyon, titipunin kang kasama rin ng iyong bayan, na gaya ng pagkatipon kay Aaron na iyong kapatid.
14 Sapagkat sa ilang ng Zin, sa pakikipagtalo ng kapulungan ay naghimagsik kayo laban sa aking utos na kilalanin ninyo akong banal sa harap ng mga mata nila doon sa tubig.” (Ito ang tubig ng Meriba sa Kadesh sa ilang ng Zin.)
Si Josue ang Kapalit ni Moises(M)
15 At nagsalita si Moises sa Panginoon, na sinasabi,
16 “Hayaan mong pumili ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng lahat ng laman, ng isang lalaki sa kapulungan,
17 na(N) lalabas sa harapan nila, at papasok sa harapan nila, mangunguna sa kanila palabas at magdadala sa kanila papasok upang ang kapulungan ng Panginoon ay huwag maging parang mga tupa na walang pastol.”
18 Kaya't(O) sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isama mo si Josue na anak ni Nun, isang lalaking nagtataglay ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya.
19 Iharap mo siya sa paring si Eleazar, at sa buong kapulungan; at sa harapan nila'y atasan mo siya.
20 Bibigyan mo siya ng ilan sa iyong awtoridad upang sundin siya ng buong kapulungan ng mga anak ni Israel.
21 At(P) siya'y tatayo sa harap ng paring si Eleazar, na siyang sasangguni para sa kanya, sa pamamagitan ng hatol ng Urim sa harap ng Panginoon; sa kanyang salita ay lalabas sila, at sa kanyang salita ay papasok sila, siya at ang lahat ng mga anak ni Israel na kasama niya, samakatuwid ay ang buong kapulungan.
22 Ginawa ni Moises ang ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya at kanyang isinama si Josue. Kanyang iniharap siya sa paring si Eleazar at sa buong kapulungan.
23 Kanyang(Q) ipinatong ang mga kamay niya sa kanya, at siya'y kanyang inatasan, gaya ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Araw-araw na Handog na Sinusunog(R)
28 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Iutos mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, ‘Ang aking alay, ang aking pagkain na handog sa akin na pinaraan sa apoy bilang mabangong samyo sa akin ay pagsikapan mong ihandog sa akin sa takdang panahon.
3 Iyong sasabihin sa kanila, “Ito ang handog na pinaraan sa apoy na inyong ihahandog sa Panginoon; mga korderong lalaki na isang taong gulang na walang kapintasan, dalawa araw-araw, bilang palagiang handog na sinusunog.
4 Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga, at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa paglubog ng araw,
5 at ang ikasampung bahagi ng isang efa ng piling butil bilang handog na butil na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo.
6 Iyon ay isang palagiang handog na sinusunog, na iniutos sa bundok ng Sinai na mabangong samyo ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
7 Ang handog na inumin ay ang ikaapat na bahagi ng isang hin para sa isang kordero. Sa dakong banal ka magbubuhos ng handog na inumin na matapang na inumin para sa Panginoon.
8 Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa paglubog ng araw gaya ng handog na butil sa umaga. Gaya ng handog na inumin ay iyong ihahandog iyon bilang isang handog na pinaraan sa apoy, bilang mabangong samyo sa Panginoon.
Ang Handog sa Araw ng Sabbath
9 “Sa araw ng Sabbath ay dalawang korderong lalaki na isang taong gulang na walang kapintasan, at dalawang ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina bilang handog na butil na hinaluan ng langis, at ang handog na inumin niyon.
10 Ito ang handog na sinusunog sa bawat Sabbath, bukod pa sa palagiang handog na sinusunog at ang inuming handog niyon.
Ang Buwanang Handog
11 Sa simula ng inyong mga buwan ay maghahandog kayo ng handog na sinusunog sa Panginoon; dalawang batang toro at isang lalaking tupa, pitong korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan;
12 at tatlong ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina bilang handog na butil na hinaluan ng langis para sa bawat toro; at dalawang ikasampung bahagi ng piling harina bilang handog na butil, na hinaluan ng langis para sa isang lalaking tupa;
13 at isang ikasampung bahagi ng piling harina na hinaluan ng langis bilang handog na butil para sa bawat kordero; handog na sinusunog na mabangong samyo, handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
14 Ang kanilang magiging handog na inumin ay kalahati ng isang hin ng alak para sa toro, at ang ikatlong bahagi ng isang hin ay para sa lalaking tupa, at ang ikaapat na bahagi ng isang hin ay para sa kordero. Ito ang handog na sinusunog sa bawat buwan sa lahat ng buwan ng taon.
15 Isang kambing na lalaki na handog sa Panginoon dahil sa kasalanan; ihahandog ito bukod pa sa palagiang handog na sinusunog at sa inuming handog niyon.
Ang Handog sa Paskuwa ng Panginoon(S)
16 Sa(T) ikalabing-apat na araw ng unang buwan ay paskuwa ng Panginoon.
17 Sa(U) ikalabinlimang araw ng buwang ito ay magkakaroon ng isang pista; pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa.
18 Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain,
19 kundi maghahandog kayo sa Panginoon ng isang handog na pinaraan sa apoy, na handog na sinusunog: dalawang batang toro, isang lalaking tupa, pitong korderong lalaki na isang taong gulang, na walang kapintasan;
20 gayundin ang kanilang handog na butil na piling handog na harina na hinaluan ng langis, tatlong ikasampung bahagi ang inyong ihahandog para sa isang toro, at dalawang ikasampung bahagi para sa lalaking tupa;
21 at isang ikasampung bahagi ang iyong ihahandog para sa bawat isa sa pitong kordero;
22 at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan upang ipantubos sa inyo.
23 Inyong ihahandog ang mga ito bukod pa sa handog na sinusunog sa umaga, bilang palagiang handog na sinusunog.
24 Sa ganitong paraan ninyo ihahandog araw-araw, sa loob ng pitong araw ang pagkain na handog na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa Panginoon. Ihahandog ito bukod pa sa palagiang handog na sinusunog at sa inuming handog.
Mga Handog sa Pista ng mga Sanlinggo(V)
25 Sa ikapitong araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon. Huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain.
26 Gayundin sa araw ng mga unang bunga, sa paghahandog ninyo ng handog na bagong butil sa Panginoon sa inyong pista ng mga sanlinggo, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon, huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain,
27 kundi kayo'y maghahandog ng isang handog na sinusunog na mabangong samyo sa Panginoon; dalawang batang toro, isang lalaking tupa, at pitong korderong lalaki na isang taong gulang.
28 Ang(W) handog na butil, na piling harina na hinaluan ng langis ay tatlong ikasampung bahagi para sa bawat toro, dalawang ikasampung bahagi sa isang lalaking tupa,
29 isang ikasampung bahagi sa bawat kordero para sa pitong kordero;
30 isang kambing na lalaki upang ipantubos sa inyo.
31 Bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon, ay inyong ihahandog ang mga iyon kasama ang mga inuming handog. Ang mga ito ay dapat walang kapintasan.
Handog sa Pista ng mga Trumpeta(X)
29 Sa unang araw ng ikapitong buwan ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon. Huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain. Ito ay araw para sa inyo na paghihip ng mga trumpeta.
2 Kayo'y maghahandog ng isang handog na sinusunog na mabangong samyo sa Panginoon, ng isang batang toro, isang lalaking tupa, pitong korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan.
3 Ang handog na butil ng mga iyon, na piling harina, na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasampung bahagi para sa toro, dalawang ikasampung bahagi para sa lalaking tupa,
4 at isang ikasampung bahagi para sa bawat kordero sa pitong kordero,
5 at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan upang ipantubos sa inyo,
6 bukod pa sa handog na sinusunog sa bagong buwan, at sa handog na butil niyon, at sa palagiang handog na sinusunog at sa handog na butil niyon, at sa mga inuming handog niyon, ayon sa kanilang tuntunin na mabangong samyo na handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
Mga Handog sa Araw ng Pagtubos(Y)
7 At(Z) sa ikasampung araw nitong ikapitong buwan ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon at inyong pahihirapan ang inyong mga kaluluwa, at huwag kayong gagawa ng anumang gawa,
8 kundi kayo'y maghahandog sa Panginoon ng isang handog na sinusunog na mabangong samyo; isang batang toro, isang tupang lalaki, pitong korderong lalaki na isang taong gulang, mga walang kapintasan para sa inyo.
9 Ang handog na butil ng mga iyon, na piling harina na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasampung bahagi para sa toro, dalawang ikasampung bahagi para sa isang lalaking tupa,
10 isang ikasampung bahagi para sa bawat kordero sa pitong kordero;
11 isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan, bukod pa sa handog pangkasalanan na pantubos at sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil, at sa mga inuming handog ng mga iyon.
Mga Handog sa Pista ng mga Kubol(AA)
12 Sa(AB) ikalabinlimang araw ng ikapitong buwan ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain at mangingilin kayo sa loob ng pitong araw para sa Panginoon.
13 Maghahandog kayo ng isang handog na sinusunog, handog na pinaraan sa apoy na mabangong samyo para sa Panginoon: labintatlong batang toro, dalawang tupang lalaki, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang, na mga walang kapintasan.
14 Ang handog na butil ng mga iyon, na piling harina na hinaluan ng langis ay tatlong ikasampung bahagi ng efa para sa bawat toro sa labintatlong toro, dalawang ikasampung bahagi sa bawat lalaking tupa para sa dalawang lalaking tupa,
15 at isang ikasampung bahagi para sa bawat kordero sa labing-apat na kordero;
16 isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon at sa inuming handog niyon.
17 Sa ikalawang araw ay maghahandog kayo ng labindalawang batang toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan.
18 Ang handog na harina ng mga iyon, at ang mga handog na inumin para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero ayon sa bilang ng mga iyon, alinsunod sa tuntunin;
19 isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil, at sa mga handog na inumin ng mga iyon.
20 Sa ikatlong araw ay labing-isang toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan,
21 handog na butil at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin,
22 at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon, at sa handog na inumin niyon.
23 Sa ikaapat na araw ay sampung toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang na walang kapintasan,
24 handog na butil ng mga iyon at ang mga handog na inumin para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin;
25 at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, sa handog na butil niyon, at sa handog na inumin niyon.
26 Sa ikalimang araw ay siyam na toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang na walang kapintasan,
27 kasama ang handog na butil at ang handog na inumin para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin;
28 at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon, at sa handog na inumin niyon.
29 At sa ikaanim na araw ay walong toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan,
30 kasama ang handog na butil at mga handog na inumin para sa mga toro, sa mga lalaking tupa at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin;
31 at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, sa handog na butil niyon, at sa mga inuming handog niyon.
32 Sa ikapitong araw ay pitong toro, dalawampung tupang lalaki, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan,
33 kasama ang handog na butil ng mga iyon, at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin;
34 at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, sa handog na butil niyon, at sa inuming handog niyon.
35 Sa ikawalong araw ay magkakaroon kayo ng isang taimtim na pagpupulong; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain,
36 kundi kayo'y maghahandog ng isang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa Panginoon: isang toro, isang lalaking tupa, pitong korderong lalaki na isang taong gulang, walang kapintasan.
37 Ang handog na butil ng mga iyon at ang mga inuming handog para sa toro, sa lalaking tupa, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang alinsunod sa tuntunin;
38 isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon, at sa inuming handog niyon.
39 “Ang mga ito ay inyong ihahandog sa Panginoon sa inyong mga takdang kapistahan, bukod pa sa inyong mga ipinangakong handog, at sa inyong mga kusang handog, para sa inyong mga handog na sinusunog, mga handog na butil, at mga inuming handog, at mga handog pangkapayapaan.
40 At sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Batas tungkol sa mga Panata
30 Nagsalita si Moises sa mga pinuno ng mga lipi ng mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ito ang ipinag-uutos ng Panginoon.
2 Kapag(AC) ang isang lalaki ay namanata ng isang panata sa Panginoon, o sumumpa ng isang sumpa, na itinali ang kanyang sarili sa pamamagitan ng isang panata, ay huwag niyang sisirain ang kanyang salita. Kanyang tutuparin ang ayon sa lahat ng lumabas sa kanyang bibig.
3 Kapag ang isang babae naman ay namanata ng isang panata sa Panginoon at itinali ang kanyang sarili sa pamamagitan ng isang sumpa, samantalang nasa bahay ng kanyang ama, sa kanyang pagkadalaga,
4 at narinig ng kanyang ama ang kanyang panata, at ang kanyang sumpa na doon ay itinali niya ang kanyang sarili, at ang kanyang ama ay walang sinabi sa kanya, lahat nga ng kanyang panata ay magkakabisa, at bawat panata na kanyang ipinanata sa kanyang sarili ay magkakabisa.
5 Ngunit kung sawayin siya ng kanyang ama sa araw na narinig niya ito, alinman sa kanyang panata o pangako na kanyang ginawa ay hindi magkakabisa, at patatawarin siya ng Panginoon sapagkat sinaway siya ng kanyang ama.
6 At kung siya'y may asawa at mamanata o magbitiw sa kanyang labi ng anumang salita na hindi pinag-isipan na doo'y itinali niya ang kanyang sarili,
7 at marinig ng kanyang asawa at walang sinabi sa kanya sa araw na marinig iyon, magkakabisa nga ang kanyang mga panata at pangako na doo'y itinali niya ang kanyang sarili.
8 Ngunit kung sawayin siya ng kanyang asawa sa araw na marinig iyon, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang panata at ang binitiwang pangako ng kanyang mga labi na doo'y itinali niya ang kanyang sarili, at patatawarin siya ng Panginoon.
9 Ngunit anumang panata ng isang babaing balo, o ng isang hiniwalayan ng asawa ay magkakabisa sa bawat bagay na doo'y itinali niya ang kanyang sarili.
10 Kung siya'y mamanata sa bahay ng kanyang asawa, o kanyang itinali ang kanyang sarili sa isang pananagutan na kaakbay ng isang sumpa,
11 at narinig ng kanyang asawa, at walang sinabi sa kanya at hindi siya sinaway, kung gayon ay magkakabisa ang lahat niyang panata, at bawat pananagutan na kanyang itinali sa kanyang sarili ay magkakabisa.
12 Ngunit kung ang mga iyon ay pawawalang-bisa ng kanyang asawa sa araw na marinig, hindi magkakabisa ang anumang bagay na binitiwan ng kanyang mga labi tungkol sa kanyang mga panata o tungkol sa itinali niya sa kanyang sarili. Patatawarin siya ng Panginoon.
13 Bawat panata o bawat pananagutan na pinagtibay ng sumpa, na makapagpapahirap ng sarili, ay mabibigyang bisa ng kanyang asawa, o mapawawalang bisa ng kanyang asawa.
14 Ngunit kung ang kanyang asawa ay walang sinabi sa kanya sa araw-araw, pinagtibay nga niya ang lahat niyang panata, o ang lahat ng kanyang pananagutan, sapagkat hindi siya umimik nang araw na kanyang marinig ang mga ito.
15 Ngunit kung kanyang pawawalang-bisa ito pagkatapos na kanyang marinig, tataglayin nga niya ang kasamaan ng kanyang asawa.
16 Ito ang mga tuntunin na iniutos ng Panginoon kay Moises, sa mag-asawa at sa mag-ama samantalang ang anak na dalaga ay nasa bahay ng kanyang ama sa panahon ng kanyang kabataan.
Paghihiganti sa Midianita
31 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Ipaghiganti mo ang mga anak ni Israel sa mga Midianita; pagkatapos nito'y ititipon ka sa iyong bayan.”
3 At sinabi ni Moises sa bayan, “Kayong mga lalaki ay maghanda ng sandata para sa pakikipaglaban upang labanan ang Midianita at igawad ang paghihiganti ng Panginoon sa Midian.
4 Sa bawat lipi ay isang libo ang susuguin ninyo sa pakikipaglaban.”
5 Sa gayo'y sinugo ang libu-libong Israelita, isang libo sa bawat lipi, labindalawang libong may sandata para sa pakikipaglaban.
6 Sinugo sila ni Moises sa pakikipaglaban, isang libo sa bawat lipi, sila at si Finehas na anak ng paring si Eleazar, na may mga kasangkapan ng santuwaryo at may mga trumpeta na panghudyat sa kanyang kamay.
7 Nakipaglaban sila sa Midian gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises, at kanilang pinatay ang bawat lalaki.
8 Pinatay nila ang mga hari sa Midian: sina Evi, Rekem, Zur, Hur, at Reba, limang hari sa Midian. Sina Balaam na anak ni Beor ay kanilang pinatay rin ng tabak.
9 At binihag ng mga anak ng Israel ang mga babae sa Midian at ang kanilang mga bata. Ang lahat ng kanilang mga hayop at mga kawan, at ang lahat ng kanilang ari-arian ay kanilang sinamsam.
10 Ang lahat ng kanilang mga bayan sa mga dakong kanilang tinitirhan at ang lahat nilang mga tolda ay kanilang sinunog sa apoy.
11 Kanilang dinala ang lahat ng kanilang nakuha, at ang lahat ng kanilang nasamsam, maging tao at hayop.
12 Ang mga bihag, ang nasamsam, at ang mga natangay ay kanilang dinala kay Moises at sa paring si Eleazar, at sa kapulungan ng mga anak ni Israel na nasa kampo sa mga kapatagan ng Moab, na nasa tabi ng Jordan sa Jerico.
13 Si Moises at ang paring si Eleazar, at ang lahat ng mga pinuno sa kapulungan, ay lumabas upang salubungin sila sa labas ng kampo.
14 Si Moises ay nagalit sa mga pinuno ng hukbo, sa mga pinuno ng libu-libo at sa mga pinuno ng daan-daan na nanggaling sa pakikipaglaban.
15 Sinabi ni Moises sa kanila, “Hinayaan ba ninyong mabuhay ang lahat ng mga babae?
16 Ang(AD) mga babaing ito, dahil sa payo ni Balaam, ang naging dahilan upang ang mga anak ni Israel ay magtaksil sa Panginoon sa nangyari sa Peor, kaya't nagkasalot sa kapulungan ng Panginoon.
17 Ngayon ay patayin ninyo ang lahat ng mga batang lalaki at bawat babae na nakakilala na ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa mga ito.
18 Ngunit ang lahat ng mga dalaga na hindi pa nakakilala ng lalaki dahil hindi pa nasisipingan ang mga ito ay hayaan ninyong mabuhay upang mapasainyo.
19 Manatili kayo sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw. Sinuman sa inyo na nakamatay ng sinumang tao, at nakahawak ng anumang pinatay ay maglilinis sa ikatlong araw at sa ikapitong araw, kayo at ang inyong mga bihag.
20 Ang bawat kasuotan, lahat ng yari sa balat, sa balahibo ng kambing, at lahat ng bagay na yari sa kahoy ay linisin ninyo.
Pagbabahagi ng Samsam at Bihag
21 Sinabi ng paring si Eleazar sa mga mandirigma ng hukbo na pumunta sa pakikipaglaban, “Ito ang tuntunin ng kautusan na iniutos ng Panginoon kay Moises:
22 Ang ginto, pilak, tanso, bakal, lata, tingga,
23 at bawat bagay na hindi natutupok sa apoy ay inyong pararaanin sa apoy, at iyon ay magiging malinis. Gayunma'y inyong lilinisin iyon ng tubig para sa karumihan at ang lahat na hindi nakakatagal sa apoy ay inyong pararaanin sa tubig.
24 Inyong lalabhan ang inyong mga damit sa ikapitong araw, at kayo'y magiging malinis, at pagkatapos nito'y makakapasok kayo sa kampo.”
25 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
26 “Ang samsam na nakuha ninyo maging tao o hayop ay bilangin mo at ng paring si Eleazar, at ng mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno sa kapulungan.
27 Hatiin mo sa dalawa ang samsam, sa mga lalaking mandirigma na lumabas sa pakikipaglaban at sa buong kapulungan.
28 Bigyan mo ng buwis ang Panginoon para sa mga lalaking mandirigma na pumunta sa pakikipaglaban: isa sa bawat limang daang tao, at gayundin sa mga hayop, at sa mga asno at mga kawan.
29 Sa kalahating nauukol sa kanila ay kukunin mo iyon at ibibigay mo sa paring si Eleazar na handog sa Panginoon.
30 Sa kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel ay kunin mo ang isang samsam sa bawat limampu, sa mga tao, mga baka, mga asno, mga kawan, sa lahat ng hayop at ibigay mo sa mga Levita na siyang namamahala sa tabernakulo ng Panginoon.”
31 Ginawa nga ni Moises at ng paring si Eleazar ang ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
32 Ang nabihag bukod pa sa nasamsam ng mga taong nakipaglaban ay animnaraan at pitumpu't limang libong tupa,
33 pitumpu't dalawang libong baka,
34 animnapu't isang libong asno,
35 at tatlumpu't dalawang libong tao lahat, mga babae na hindi pa nakakilala ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa mga ito.
36 Ang kalahati, na siyang bahagi niyong mga pumunta sa pakikipaglaban ay umaabot sa bilang na tatlong daan tatlumpu't pitong libo at limang daang tupa.
37 Ang buwis na tupa sa Panginoon ay animnaraan at pitumpu't lima.
38 Ang mga baka ay tatlumpu't anim na libo; at ang buwis sa Panginoon ay pitumpu't dalawa.
39 Ang mga asno ay tatlumpung libo at limang daan; at ang buwis sa Panginoon ay animnapu't isa.
40 Ang mga tao ay labing-anim na libo; at ang buwis sa Panginoon ay tatlumpu't dalawang tao.
41 Ibinigay ni Moises ang buwis, na ukol sa handog sa Panginoon, sa paring si Eleazar, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
42 Ang kalahati ay sa mga anak ni Israel, na inihiwalay ni Moises sa mga taong nakipaglaban.
43 Ang kalahati na nauukol sa kapisanan ay tatlong daan at tatlumpu't pitong libo at limang daang tupa,
44 tatlumpu't anim na libong baka,
45 tatlumpung libo't limang daang asno,
46 at labing-anim na libong tao.
47 Ang kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel ay kinuha ni Moises, ang isa sa bawat limampu, sa tao at gayundin sa hayop, at ibinigay sa mga Levita na namamahala sa tabernakulo ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
48 Ang mga pinuno na namamahala sa libu-libo ng hukbo, ang mga pinuno ng libu-libo, at ang mga pinuno ng daan-daan ay lumapit kay Moises.
49 Sinabi nila kay Moises, “Binilang ng iyong mga lingkod ang mga lalaking mandirigma na nasa aming kapangyarihan, at walang kulang kahit isa man sa amin.
50 Aming dinala bilang handog sa Panginoon ang nakuha ng bawat lalaki na mga hiyas na ginto, mga panali sa braso, at mga pulseras, mga singsing na pantatak, mga hikaw, at mga kuwintas sa leeg upang ipantubos sa aming mga sarili sa harap ng Panginoon.”
51 At kinuha ni Moises at ng paring si Eleazar ang kanilang ginto na lahat ay nasa anyong hiyas.
52 Ang lahat ng gintong handog na kanilang inihandog sa Panginoon, ng mga pinuno ng libu-libo, at ng mga pinuno ng daan-daan, ay labing-anim na libo pitong daan at limampung siklo.
53 (Sapagkat ang mga lalaki na nakipaglaban ay kanya-kanyang nag-uwi ng mga samsam.)
54 At kinuha ni Moises at ng paring si Eleazar ang ginto ng mga pinuno ng libu-libo at ng daan-daan, at ipinasok sa toldang tipanan bilang alaala sa mga anak ni Israel sa harap ng Panginoon.
Ang Ruben, Gad, at ang Kalahati ng Lipi ni Manases ay Nanirahan sa Gilead(AE)
32 Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad ay may lubhang napakaraming hayop. Nang kanilang makita ang lupain ng Jazer at ang lupain ng Gilead ay mabuting lugar iyon para sa hayop,
2 lumapit at nagsalita ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng sambayanan, na sinasabi:
3 “Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Saban, Nebo, at ang Beon,
4 na lupaing winasak ng Panginoon sa harap ng kapulungan ng Israel ay lupaing mabuti para sa hayop, at ang iyong mga lingkod ay may mga hayop.”
5 At sinabi nila, “Kung kami ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin ay ibigay sa iyong mga lingkod ang lupaing ito bilang ari-arian; at huwag mo na kaming patawirin sa Jordan.”
6 Sinabi ni Moises sa mga anak ni Gad at sa mga anak ni Ruben, “Pupunta ba ang inyong mga kapatid sa pakikipaglaban, samantalang kayo'y nakaupo rito?
7 At bakit pinanghihina ninyo ang loob ng mga anak ni Israel, upang huwag magpatuloy sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila?
8 Ganyan(AF) ang ginawa ng inyong mga ninuno nang sila'y aking suguin, mula sa Kadesh-barnea upang lihim na siyasatin ang lupain.
9 Sapagkat nang sila'y makaahon sa libis ng Escol at makita ang lupain, ay kanilang pinanghina ang loob ng mga anak ni Israel upang huwag pumasok sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.
10 Ang(AG) galit ng Panginoon ay nagningas nang araw na iyon, at siya'y sumumpa na sinasabi,
11 ‘Tunay na walang taong lumabas sa Ehipto, mula sa dalawampung taong gulang pataas na makakakita ng lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob; sapagkat sila'y hindi lubos na sumunod sa akin;
12 liban kay Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo, at si Josue na anak ni Nun sapagkat sila'y lubos na sumunod sa Panginoon.’
13 Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang pinagala-gala sila sa ilang nang apatnapung taon hanggang sa ang buong salinlahing iyon na gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon ay nalipol.
14 At, ngayo'y bumangon kayo na kapalit ng inyong mga ninuno, supling ng mga taong makasalanan, upang dagdagan pa ninyo ang matinding galit ng Panginoon sa Israel.
15 Sapagkat kung kayo'y lumihis ng pagsunod sa kanya ay kanyang muling iiwan sila sa ilang; at inyong lilipulin ang buong bayang ito.”
16 Sila'y lumapit sa kanya, at nagsabi, “Gagawa kami rito ng mga kulungan para sa aming mga hayop, at ng mga bayan para sa aming mga bata.
17 Ngunit kami ay maghahandang lumaban upang magpauna sa mga anak ni Israel hanggang sa aming madala sila sa kanilang lugar; at ang aming mga bata ay maninirahan sa mga bayang may pader dahil sa mga naninirahan sa lupain.
18 Kami ay hindi babalik sa aming mga bahay, hanggang sa ang lahat ng mga anak ni Israel ay magkaroon ng kanilang sariling pag-aari,
19 sapagkat hindi kami makikihati sa kanilang mana sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa dako pa roon; sapagkat tinanggap na namin ang aming mana rito sa dakong silangan ng Jordan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001