Bible in 90 Days
28 Kanyang sinabi sa kanila, “Sumunod kayo sa akin; sapagkat ibinigay ng Panginoon ang inyong mga kaaway na mga Moabita sa inyong kamay.” At sila'y lumusong na kasunod niya, sinakop ang mga tawiran sa Jordan laban sa mga Moabita, at hindi nila pinayagang tumawid doon ang sinumang tao.
29 Ang kanilang napatay nang panahong iyon ay may sampung libo sa mga Moabita, lahat ng malalakas, matitipuno ang katawan; at doo'y walang nakatakas na lalaki.
30 Gayon nalupig ang Moab nang araw na iyon, sa ilalim ng kamay ng Israel. At ang lupain ay nagpahinga ng walumpung taon.
Tinalo ni Shamgar ang mga Filisteo
31 Kasunod niya'y dumating si Shamgar, na anak ni Anat, na nakapatay ng animnaraang Filisteo sa pamamagitan ng panundot sa baka; at kanya ring iniligtas ang Israel.
Tinalo nina Debora at Barak si Sisera
4 Ginawa uli ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, nang mamatay si Ehud.
2 Ipinagbili sila ng Panginoon sa kamay ni Jabin na hari ng Canaan, na naghahari sa Hazor; na ang pinuno sa kanyang hukbo ay si Sisera, na naninirahan sa Haroset-hagoiim.
3 At dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon sapagkat siya'y may siyamnaraang karwaheng bakal; at dalawampung taon niyang lubhang pinahirapan ang mga anak ni Israel.
4 Si Debora nga, na propetisa, asawa ni Lapidot, ay siyang hukom ng Israel nang panahong iyon.
5 Siya ay laging umuupo sa ilalim ng puno ng palma ni Debora, sa pagitan ng Rama at Bethel, sa lupaing maburol ng Efraim; at pinupuntahan siya ng mga anak ni Israel para sa kanyang hatol.
6 Siya'y nagsugo at ipinatawag si Barak na anak ni Abinoam mula sa Kedes sa Neftali, at sinabi sa kanya, “Inuutusan ka ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ‘Humayo ka, at tipunin mo ang iyong mga tauhan sa bundok ng Tabor, at kumuha ka ng sampung libo sa lipi ni Neftali at sa lipi ni Zebulon.
7 Aking palalabasin si Sisera, ang pinuno sa hukbo ni Jabin, upang salubungin ka sa Ilog Kishon, kasama ang kanyang mga karwahe at ang kanyang hukbo; at ibibigay ko siya sa iyong kamay.’”
8 Sinabi ni Barak sa kanya, “Kung sasama ka sa akin ay pupunta ako roon. Ngunit kung hindi ka sasama sa akin ay hindi ako pupunta.”
9 At kanyang sinabi, “Tiyak na sasama ako sa iyo; gayunma'y ang daan na iyong tatahakin ay hindi patungo sa iyong kapurihan, sapagkat ipagbibili ng Panginoon si Sisera sa kamay ng isang babae.” At si Debora ay tumindig at sumama kay Barak sa Kedes.
10 Tinawag ni Barak ang Zebulon at ang Neftali sa Kedes; at doo'y kasunod niyang umahon ang sampung libong lalaki at si Debora ay umahong kasama niya.
11 Si Eber na Kineo ay humiwalay na sa mga Kineo, ang mga anak ni Hobab, na biyenan ni Moises, at itinayo ang kanyang tolda sa may punong ensina sa Zaananim, na malapit sa Kedes.
12 Nang masabi kay Sisera na si Barak na anak ni Abinoam ay umahon sa bundok ng Tabor,
13 tinipon ni Sisera ang lahat ng kanyang mga karwahe, na siyamnaraang karwaheng bakal, at ang lahat ng mga lalaking kasama niya, mula sa Haroset-hagoiim hanggang sa Ilog Kishon.
14 At sinabi ni Debora kay Barak, “Tumindig ka! Sapagkat ito ang araw na ibinigay ng Panginoon si Sisera sa iyong kamay. Hindi ba lumabas ang Panginoon sa harap mo?” Kaya't lumusong si Barak mula sa bundok ng Tabor kasama ang sampung libong lalaking sumusunod sa kanya.
15 Itinaboy ng Panginoon si Sisera at ang lahat ng kanyang mga karwahe, at ang buong hukbo niya sa harap ni Barak sa talim ng tabak. Bumaba si Sisera sa kanyang karwahe, at patakbong tumakas.
16 Ngunit hinabol ni Barak ang mga karwahe at ang hukbo, hanggang sa Haroset-hagoiim at ang buong hukbo ni Sisera ay nahulog sa talim ng tabak; wala ni isang lalaking nalabi.
Pinatay ni Jael si Sisera
17 Gayunman ay patakbong tumakas si Sisera patungo sa tolda ni Jael na asawa ni Eber na Kineo; sapagkat may kapayapaan sa pagitan ni Jabin na hari sa Hazor at ng sambahayan ni Eber na Kineo.
18 Sinalubong ni Jael si Sisera, at sinabi sa kanya, “Lumiko ka, panginoon ko, lumiko ka rito sa akin; huwag kang matakot.” Kaya't siya'y lumiko sa kanya sa loob ng tolda, at siya'y tinalukbungan niya ng isang alpombra.
19 Sinabi niya sa kanya, “Isinasamo ko sa iyo, bigyan mo ako ng kaunting tubig na maiinom; sapagkat ako'y nauuhaw.” Kaya't binuksan niya ang isang balat na sisidlan ng gatas, at kanyang pinainom siya, at tinakpan siya.
20 At sinabi ni Sisera sa kanya, “Tumayo ka sa pintuan ng tolda, at kapag may taong dumating at magtanong sa iyo, ‘May tao ba riyan?’ ay iyong sasabihin, ‘Wala.’”
21 Ngunit kumuha si Jael, na asawa ni Eber, ng isang tulos ng tolda at kumuha ng isang pamukpok at dahan-dahang lumapit sa kanya. Habang natutulog nang mahimbing si Sisera dahil sa pagod, itinusok ni Jael ang tulos sa kanyang noo hanggang umabot ito sa lupa, at siya'y namatay.
22 Sa paghabol ni Barak kay Sisera ay lumabas si Jael upang salubungin siya, at sinabi sa kanya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang lalaking hinahanap mo.” Kaya't siya'y pumasok sa kanyang tolda, at naroon si Sisera na patay na nakabulagta at ang tulos ng tolda ay nasa kanyang noo.
23 Gayon nilupig ng Diyos nang araw na iyon si Jabin na hari ng Canaan sa harap ng mga anak ni Israel.
24 Habang tumatagal ay naging higit na malakas ang mga Israelita laban kay Jabin na hari ng Canaan, hanggang sa mapuksa nila si Jabin na hari ng Canaan.
Ang Awit ni Debora
5 Nang magkagayo'y umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam nang araw na iyon,
2 “Sapagkat ang mga pinuno ay nanguna sa Israel,
sapagkat kusang inihandog ng bayan ang kanilang sarili,
purihin ninyo ang Panginoon!
3 “Makinig kayo, mga hari; pakinggan ninyo, mga prinsipe;
Panginoon ako'y aawit,
ako'y gagawa ng himig sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
4 “ Panginoon, nang ikaw ay lumabas sa Seir,
nang ikaw ay humayo mula sa lupain ng Edom,
ang lupa'y nanginig,
ang langit naman ay nagpatak,
oo, ang mga ulap ay nagpatak ng tubig.
5 Ang(A) mga bundok ay nayanig sa harap ng Panginoon, yaong sa Sinai,
sa harap ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
6 “Sa mga araw ni Shamgar na anak ni Anat,
sa mga araw ni Jael, ang mga paglalakbay ay tumigil,
at ang mga manlalakbay ay bumagtas sa mga lihis na landas.
7 Ang mga magsasaka ay huminto sa Israel, sila'y tumigil,
hanggang sa akong si Debora ay bumangon,
bumangon bilang ina sa Israel.
8 Nang piliin ang mga bagong diyos,
nasa mga pintuang-bayan ang digmaan.
May nakita bang kalasag o sibat
sa apatnapung libo sa Israel?
9 Ang aking puso ay nasa mga pinuno sa Israel,
na kusang-loob na naghandog ng kanilang sarili sa bayan;
purihin ang Panginoon!
10 “Saysayin ninyo, kayong mga nakasakay sa mapuputing asno,
kayong nakaupo sa maiinam na alpombra,
at kayong lumalakad sa daan.
11 Sa tugtog ng mga manunugtog sa mga dakong igiban ng tubig,
doon nila inuulit ang mga tagumpay ng Panginoon,
ang mga tagumpay ng kanyang magbubukid sa Israel.
“Bumaba nga ang bayan ng Panginoon sa mga pintuang-bayan.
12 “Gumising ka, gumising ka, Debora!
Gumising ka, gumising ka, bumigkas ka ng awit!
Bumangon ka, Barak, at ihatid mo ang iyong mga bihag,
ikaw na anak ni Abinoam.
13 Bumaba nga ang nalabi sa mga maharlika;
at ang bayan ng Panginoon ay bumaba dahil sa kanya laban sa mga makapangyarihan.
14 Mula sa Efraim na kanilang ugat, sila ay naghanda patungo sa libis,
sa likuran mo ay ang Benjamin, na kasama ng iyong mga kamag-anak;
sa Makir nagmula ang mga pinuno,
at sa Zebulon ang may hawak ng tungkod ng pinuno;
15 ang mga pinuno sa Isacar ay dumating na kasama ni Debora;
at ang Isacar ay tapat kay Barak,
sa libis ay dumaluhong sila sa kanyang mga sakong.
Sa gitna ng mga angkan ni Ruben,
nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
16 Bakit ka nanatili sa gitna ng mga kulungan ng tupa,
upang makinig ba ng mga pagtawag sa mga kawan?
Sa gitna ng mga angkan ng Ruben,
nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
17 Ang Gilead ay nanatili sa kabila ng Jordan;
at ang Dan, bakit siya'y nanatili sa mga barko?
Ang Aser ay nanatili sa mga baybayin ng dagat,
at nanahan sa kanyang mga daong.
18 Ang Zebulon ay isang bayan na nagsuong ng kanilang buhay sa kamatayan,
gayundin ang Neftali sa matataas na dako ng kaparangan.
19 “Ang mga hari ay dumating, sila'y lumaban;
nang magkagayo'y lumaban ang mga hari ng Canaan,
sa Taanac na nasa tabi ng tubig sa Megido;
sila'y hindi nakasamsam ng pilak.
20 Mula sa langit ang mga bituin ay nakipaglaban,
mula sa kanilang paglakad sila'y nakipaglaban kay Sisera.
21 Tinangay sila ng rumaragasang Kishon,
ng rumaragasang agos, ng Ilog Kishon.
Sumulong ka, kaluluwa ko, nang may lakas!
22 “Nang magkagayo'y yumabag ang mga paa ng mga kabayo,
na may pagkaripas, pagkaripas ng kanyang mga kabayong pandigma.
23 “Sumpain si Meroz, sabi ng anghel ng Panginoon,
sumpain nang mapait ang mga naninirahan doon,
sapagkat sila'y hindi dumating upang tumulong sa Panginoon,
upang tumulong sa Panginoon, laban sa makapangyarihan.
24 “Higit na pinagpala sa lahat ng babae si Jael,
ang asawa ni Eber na Kineo,
higit siyang pinagpala sa lahat ng babaing naninirahan sa tolda.
25 Siya'y[a] humingi ng tubig, at binigyan niya ng gatas;
kanyang dinalhan siya ng mantekilya sa maharlikang mangkok.
26 Hinawakan ng kanyang kamay ang tulos ng tolda,
at ng kanyang kanang kamay ang pamukpok ng mga manggagawa;
kanyang pinukpok si Sisera ng isang pukpok,
dinurog niya ang kanyang ulo,
kanyang binasag at tinusok ang kanyang noo.
27 Siya'y nabuwal, siya'y nalugmok,
siya'y bumulagta sa kanyang paanan,
sa kanyang paanan siya ay nabuwal, siya ay nalugmok,
kung saan siya nabuwal, doon siya patay na bumagsak.
28 “Mula sa bintana siya ay dumungaw,
ang ina ni Sisera ay sumigaw sa pagitan ng durungawan:
‘Bakit ang kanyang karwahe ay natatagalang dumating?
Bakit nababalam ang mga yabag ng kanyang mga karwahe?’
29 Ang kanyang mga pinakapantas na babae ay sumagot sa kanya,
siya na rin ang sumagot sa kanyang sarili,
30 ‘Hindi ba sila nakakatagpo at naghahati-hati ng samsam?
Isa o dalawang dalaga, sa bawat lalaki;
kay Sisera ay samsam na damit na may sari-saring kulay,
samsam na sari-saring kulay ang pagkaburda,
dalawang piraso ng kinulayang gawa, binurdahan para sa aking leeg bilang samsam?’
31 “Gayon nalipol ang lahat ng iyong mga kaaway, Panginoon!
Ngunit ang iyong mga kaibigan ay maging tulad ng araw sa pagsikat niya sa kanyang kalakasan.”
At ang lupain ay nagpahinga na apatnapung taon.
Ang Israel ay Bumagsak sa Kamay ng Midian
6 Gumawa ng masama ang mga anak ni Israel sa paningin ng Panginoon; at ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Midian nang pitong taon.
2 At ang Midian ay nagtagumpay laban sa Israel. Dahil sa Midian ay gumawa ang mga anak ni Israel ng mga taguan sa bundok, sa mga yungib, at ng mga muog.
3 Sapagkat tuwing maghahasik ang Israel, ang mga Midianita at Amalekita, at ang mga taga-silangan ay umaahon at sinasalakay sila.
4 Sila'y nagkakampo sa tapat nila at kanilang sinisira ang bunga ng lupa, hanggang sa may Gaza, at wala silang iniiwang makakain sa Israel, maging tupa, baka, o asno man.
5 Sila'y aahong dala ang kanilang kawan at ang kanilang mga tolda; at sila'y dumarating na parang mga balang sa dami. Sila at ang kanilang mga kamelyo ay hindi mabilang; kaya't kanilang sinisira ang lupain sa kanilang pagdating.
6 Gayon lubhang naghirap ang Israel dahil sa Midian; at ang mga anak ni Israel ay dumaing sa Panginoon.
7 Nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel dahil sa Midian,
8 nagsugo ang Panginoon ng isang propeta sa mga anak ni Israel, at kanyang sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Kayo'y aking pinangunahan mula sa Ehipto, at inilabas ko kayo sa bahay ng pagkaalipin.
9 Iniligtas ko kayo sa kamay ng mga Ehipcio, at sa kamay ng lahat ng mga nagpapahirap sa inyo, at aking pinalayas sila sa harap ninyo, at ibinigay ko sa inyo ang kanilang lupain.
10 At sinabi ko sa inyo, ‘Ako ang Panginoon ninyong Diyos; huwag kayong magbibigay-galang sa mga diyos ng mga Amoreo, na ang kanilang lupain ay inyong tinatahanan.’ Ngunit hindi ninyo dininig ang aking tinig.”
Si Gideon ay Dinalaw ng Anghel ng Panginoon
11 Ang anghel ng Panginoon ay dumating at umupo sa ilalim ng ensina na nasa Ofra, na pag-aari ni Joas na Abiezerita, habang ang kanyang anak na si Gideon ay gumigiik ng trigo sa ubasan, upang itago ito sa mga Midianita.
12 Nagpakita ang anghel ng Panginoon sa kanya, at sinabi sa kanya, “Ang Panginoon ay sumasaiyo, ikaw na magiting na mandirigma.”
13 Sinabi ni Gideon sa kanya, “Subalit ginoo, kung ang Panginoon ay kasama namin, bakit ang lahat ng ito ay sumapit sa amin? Nasaan ang lahat ng kanyang kamangha-manghang gawa na isinaysay sa amin ng aming mga ninuno, na sinasabi, ‘Hindi ba tayo iniahon ng Panginoon mula sa Ehipto?’ Ngunit ngayo'y itinakuwil kami ng Panginoon at ibinigay kami sa kamay ng Midian.”
14 At bumaling sa kanya ang Panginoon, at sinabi, “Humayo ka sa kalakasan mong ito, at iligtas mo ang Israel sa kamay ng Midian. Hindi ba kita isinusugo?”
15 Sinabi niya sa kanya, “Ngunit ginoo, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aking angkan ang pinakamahina sa Manases, at ako ang pinakahamak sa sambahayan ng aking ama.”
16 Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Subalit ako'y makakasama mo at iyong ibubuwal ang mga Midianita, bawat isa sa kanila.”
17 At sinabi niya sa kanya, “Kung nakatagpo ako ngayon ng biyaya sa iyong paningin, ay bigyan mo ako ng isang tanda na ikaw nga ang nakikipag-usap sa akin.
18 Huwag kang umalis dito hanggang sa ako'y dumating sa iyo, at ilabas ko ang aking kaloob, at ilapag ko sa harap mo.” At kanyang sinabi, “Ako'y maghihintay hanggang sa ikaw ay bumalik.”
19 Kaya't si Gideon ay pumasok sa kanyang bahay, at naghanda ng isang batang kambing, ng mga munting tinapay na walang pampaalsa at ng isang efang harina. Inilagay niya ang karne sa isang basket, at kanyang inilagay ang sabaw sa isang palayok, at dinala ang mga ito sa kanya sa ilalim ng ensina, at inihain ang mga ito.
20 At sinabi ng anghel ng Diyos sa kanya, “Kunin mo ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa at ipatong mo sa batong ito at ibuhos mo rito ang sabaw.” At gayon ang ginawa niya.
21 Pagkatapos ay iniabot ng anghel ng Panginoon ang dulo ng tungkod na nasa kanyang kamay, at sinaling ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa. May lumabas na apoy sa bato at tinupok ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa; at ang anghel ng Panginoon ay nawala sa kanyang paningin.
22 Nalaman ni Gideon na iyon ang anghel ng Panginoon; at sinabi ni Gideon, “Tulungan mo ako, O Panginoong Diyos! Sapagkat aking nakita ang anghel ng Panginoon nang mukhaan.”
23 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Sumaiyo ang kapayapaan; huwag kang matakot, hindi ka mamamatay.”
24 Nang magkagayo'y nagtayo roon si Gideon ng isang dambana sa Panginoon, at tinawag iyon na, Ang Panginoon ay kapayapaan. Hanggang sa araw na ito, iyon ay nakatayo pa rin sa Ofra ng mga Abiezerita.
Giniba ni Gideon ang Dambana ni Baal
25 Nang gabing iyon, sinabi ng Panginoon sa kanya, “Kunin mo ang toro ng iyong ama, ang ikalawang toro na may pitong taong gulang. Ibagsak mo ang dambana ni Baal na pag-aari ng iyong ama, at putulin mo ang sagradong poste[b] na katabi niyon.
26 Ipagtayo mo ng dambana ang Panginoon mong Diyos sa tuktok ng kutang ito, sa tamang ayos. Pagkatapos, kunin mo ang ikalawang toro, at ialay mo bilang isang handog na sinusunog, pati ang kahoy ng sagradong poste[c] na iyong puputulin.”
27 Kaya't kumuha si Gideon ng sampung lalaki sa kanyang mga katulong at ginawa ang ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya; ngunit dahil siya'y takot na takot sa sambahayan ng kanyang ama at sa mga lalaki sa bayan, hindi niya iyon ginawa sa araw kundi sa gabi.
28 Kinaumagahan, nang maagang bumangon ang mga lalaki sa bayan, ang dambana ni Baal ay wasak na, ang sagradong poste[d] na katabi niyon ay pinutol, at ang ikalawang toro ay inihandog sa dambanang itinayo.
29 Sinabi nila sa isa't isa, “Sino ang gumawa ng bagay na ito?” Nang kanilang siyasatin at ipagtanong ay kanilang sinabi, “Si Gideon na anak ni Joas ang gumawa ng bagay na ito.”
30 Nang magkagayo'y sinabi ng mga taong-bayan kay Joas, “Ilabas mo ang iyong anak upang siya'y mamatay, sapagkat kanyang winasak ang dambana ni Baal, at kanyang pinutol ang sagradong poste[e] na katabi niyon.”
31 Ngunit sinabi ni Joas sa lahat ng nakatayong laban sa kanya, “Ipaglalaban ba ninyo si Baal? O ipagtatanggol ba ninyo siya? Sinumang magtanggol sa kanya ay papatayin sa kinaumagahan. Kung siya'y diyos hayaan ninyong ipagtanggol niya ang kanyang sarili, sapagkat ibinagsak ang kanyang dambana.”
32 Kaya't nang araw na iyon, si Gideon[f] ay tinawag na Jerubaal, na ang ibig sabihin ay, “Magsanggalang si Baal laban sa kanya,” sapagkat ibinagsak niya ang kanyang dambana.
33 Nang magkagayo'y lahat ng mga Midianita, mga Amalekita at ang mga taga-silangan ay nagpulong; at pagtawid sa Jordan ay nagkampo sila sa Libis ng Jezreel.
34 Ngunit lumukob ang Espiritu ng Panginoon kay Gideon; at hinipan niya ang trumpeta, at ang mga Abiezerita ay tinawag upang sumunod sa kanya.
35 At nagpadala siya ng mga sugo sa buong Manases, at sila rin ay tinawagan upang sumunod sa kanya. Siya'y nagpadala ng mga sugo sa Aser, Zebulon, at Neftali, at sila'y umahon upang salubungin sila.
Ang Tanda ng Balat ng Tupa
36 Pagkatapos, sinabi ni Gideon sa Diyos, “Kung iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinabi,
37 ilalagay ko ang isang balahibo ng tupa sa giikan; kung magkaroon ng hamog sa balat lamang, at maging tuyo ang buong lupa, ay malalaman ko nga na iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinabi.”
38 At gayon nga ang nangyari. Kinaumagahan, nang siya'y maagang bumangon at pigain ang balat, nakapiga siya ng hamog sa balahibo ng tupa na sapat na mapuno ng tubig ang isang mangkok.
39 Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Huwag mag-alab ang iyong galit laban sa akin, hayaan mong magsalita ako nang minsan pa. Ipasubok mo pa sa aking minsan sa pamamagitan ng balahibo. Tuyuin mo ngayon ang balahibo lamang, at sa buong lupa ay magkaroon ng hamog.”
40 Gayon ang ginawa ng Diyos nang gabing iyon, sapagkat ang balat lamang ang tuyo, at nagkaroon ng hamog sa buong lupa.
Ang Tatlong Daang Mandirigma
7 Pagkatapos, si Jerubaal, samakatuwid ay si Gideon, at ang lahat ng mga taong kasama niya ay maagang bumangon, at nagkampo sa tabi ng bukal ng Harod. Ang kampo ng Midian ay nasa dakong hilaga nila, sa may burol ng More, sa libis.
2 Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Ang mga taong kasama mo ay lubhang napakarami upang aking ibigay ang mga Midianita sa kanilang kamay. Baka ang Israel ay magmalaki laban sa akin, na sinasabi, ‘Ang sarili kong kamay ang nagligtas sa akin.’
3 Kaya't(B) ngayo'y ipahayag mo sa pandinig ng mga tao, ‘Sinumang matatakutin at nanginginig ay umuwi na sa bahay.’” At sinubok sila ni Gideon, umuwi ang dalawampu't dalawang libo, at naiwan ang sampung libo.
4 Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Napakarami pa rin ng tao, dalhin mo sila sa tubig at doo'y aking susubukin sila para sa iyo. Sinumang aking sabihin sa iyo, ‘Ang taong ito ay sasama sa iyo;’ iyon ang sasama sa iyo; at ang sinumang sabihin ko sa iyo, ‘Ang taong ito ay hindi sasama sa iyo,’ iyon ay hindi sasama sa iyo.”
5 Kaya't kanyang dinala ang mga tao sa tubig; at sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Bawat uminom ng tubig sa pamamagitan ng kanyang dila, gaya ng pag-inom ng aso, ay iyong ihihiwalay; gayundin ang bawat lumuhod upang uminom.”
6 Ang bilang ng mga uminom, na inilagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig, ay tatlong daang lalaki; ngunit ang lahat ng nalabi sa mga tao ay lumuhod upang uminom ng tubig.
7 At sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Sa pamamagitan ng tatlong daang lalaking uminom ay ililigtas ko kayo, at ibibigay ko ang mga Midianita sa iyong kamay; at ang iba ay pauwiin mo na sa kanya-kanyang bahay.”
8 Kaya't kumuha ang mga tao ng mga pagkain at ng kanilang mga trumpeta at kanyang sinugo ang lahat ng mga lalaki sa Israel sa kanya-kanyang tolda, ngunit itinira ang tatlong daang lalaki. Ang kampo ng Midian ay nasa ibaba niya sa libis.
9 Nang gabing iyon ay sinabi ng Panginoon sa kanya, “Bumangon ka, lusungin mo ang kampo, sapagkat aking ibinigay na ito sa iyong kamay.
10 Ngunit kung natatakot kang lumusong, lumusong ka sa kampo na kasama si Pura na iyong lingkod.
11 Iyong maririnig kung ano ang kanilang sinasabi, at pagkatapos ang iyong mga kamay ay palalakasin upang masalakay mo ang kampo.” Nang magkagayo'y lumusong siyang kasama si Pura na kanyang lingkod sa himpilan ng mga lalaking may sandata na nasa kampo.
12 Ang mga Midianita at ang mga Amalekita at ang lahat ng mga taga-silangan ay nakakalat sa libis na parang balang sa dami; at ang kanilang mga kamelyo ay di mabilang na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat.
13 Nang dumating si Gideon, may isang lalaki na nagsasalaysay ng isang panaginip sa kanyang kasama, at kanyang sinabi, “Nagkaroon ako ng isang panaginip. May isang munting tinapay na sebada na gumulong patungo sa kampo ng Midian at umabot sa tolda. Tinamaan ang tolda at iyon ay bumagsak, bumaliktad, at ito'y nawasak.”
14 At sumagot ang kanyang kasama, “Ito'y wala nang iba kundi ang tabak ni Gideon, na anak ni Joas. Siya'y isang lalaking Israelita at sa kanyang kamay ibinigay ng Diyos ang Midian at ang buong hukbo.”
Hinipan ang mga Trumpeta
15 Nang marinig ni Gideon ang salaysay tungkol sa panaginip, at ang kahulugan niyon, siya'y bumalik sa kampo ng Israel, at sinabi, “Tumindig kayo! Ibinigay na ng Panginoon sa inyong kamay ang hukbo ng Midian.”
16 Hinati niya ang tatlong daang lalaki sa tatlong pulutong, at kanyang nilagyan ang mga kamay nilang lahat ng mga trumpeta, at mga bangang walang laman at mga sulo sa loob ng mga banga.
17 At kanyang sinabi sa kanila, “Masdan ninyo ako, at gayundin ang inyong gawin. Pagdating ko sa may hangganan ng kampo, ay gawin ninyo kung ano ang aking gagawin.
18 Kapag hinipan ko at ng lahat ng kasama ko ang trumpeta, ang mga trumpeta sa lahat ng panig ng kampo ay hihipan din, at isigaw ninyo, ‘Para sa Panginoon at para kay Gideon.’”
Nalupig ang Midian
19 Kaya't si Gideon at ang isandaang lalaking kasama niya ay nakarating sa mga hangganan ng kampo sa pasimula ng pagbabantay sa hatinggabi nang halos kahahalili pa lamang ng bantay. Kanilang hinipan ang mga trumpeta at binasag ang mga banga na nasa kanilang mga kamay.
20 Hinipan ng tatlong pulutong ang mga trumpeta at binasag ang mga banga, na hawak ang mga sulo sa kanilang kaliwang kamay, at ang mga trumpeta sa kanilang kanang kamay na kanilang hinihipan, at sila'y nagsigawan, “Ang tabak para sa Panginoon at kay Gideon!”
21 Bawat isa ay nakatayo sa kanya-kanyang lugar sa palibot ng kampo, at ang buong hukbo ay nagtakbuhan; sila'y sumigaw at tumakas.
22 Nang kanilang hipan ang tatlong daang trumpeta, pinapaglaban ng Panginoon ang mga kaaway laban sa isa't-isa,[g] at laban sa buong hukbo; at tumakas ang hukbo hanggang sa Bet-sita sa dakong Zerera, hanggang sa hangganan ng Abel-mehola, sa tabi ng Tabat.
23 At ang hukbo ng Israel ay tinipon mula sa Neftali, sa Aser, at sa buong Manases, at kanilang hinabol ang Midian.
24 Nagpadala si Gideon ng mga sugo sa lahat ng lupaing maburol ng Efraim, na sinasabi, “Lusungin ninyo ang Midian, at abangan ninyo sila sa tubig, hanggang sa Bet-bara, at gayundin ang Jordan.” Sa gayo'y ang lahat ng mga lalaki ng Efraim ay tinipon, at inagapan ang tubig hanggang sa Bet-bara, at ang Jordan.
25 Kanilang hinuli ang dalawang prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb. Sa kanilang pagtugis sa Midian, pinatay nila si Oreb sa bato ni Oreb at si Zeeb sa pisaan ng ubas ni Zeeb. Kanilang dinala ang mga ulo nina Oreb at Zeeb kay Gideon sa kabila ng Jordan.
Pinatahimik ni Gideon ang Efraimita
8 Sinabi ng mga lalaki ng Efraim sa kanya, “Ano itong ginawa mo sa amin at hindi mo kami tinawag nang ikaw ay makipaglaban sa Midian?” At siya'y pinagsalitaan nila nang marahas.
2 At sinabi niya sa kanila, “Ano ang aking ginawa kung ihahambing sa inyo? Di ba mas mainam ang pamumulot ng ubas ng Efraim kaysa pag-aani ng Abiezer?
3 Ibinigay(C) ng Diyos sa inyong mga kamay ang mga prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb; ano ang aking magagawa kung ihahambing sa inyo?” Nang magkagayo'y humupa ang kanilang galit sa kanya nang kanyang masabi ito.
4 Si Gideon ay dumating sa Jordan at siya'y tumawid. Siya at ang tatlong daang lalaki na kasama niya ay nanghihina na ngunit nagpapatuloy pa.
5 Kaya't sinabi niya sa mga lalaki sa Sucot, “Humihiling ako sa inyong bigyan ninyo ng mga tinapay ang mga taong sumusunod sa akin; sapagkat sila'y nanghihina at aking tinutugis sina Zeba at Zalmuna na mga hari ng Midian.”
6 Ngunit sinabi ng mga pinuno sa Sucot, “Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay nina Zeba at Zalmuna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong hukbo?”
7 At sinabi ni Gideon, “Kung gayon, kapag ibinigay na ng Panginoon sina Zeba at Zalmuna sa aking kamay, ay aking yuyurakan ang inyong laman sa mga tinik sa ilang at sa mga dawag.”
8 Mula roon ay umahon siya sa Penuel, at gayundin ang sinabi niya sa kanila, at sinagot siya ng mga lalaki sa Penuel na gaya ng isinagot ng mga lalaki sa Sucot.
9 At sinabi naman niya sa mga lalaki sa Penuel, “Kapag ako'y bumalik nang payapa ay aking ibabagsak ang toreng ito.”
10 Noon sina Zeba at Zalmuna ay nasa Karkor, kasama ang kanilang mga hukbo na may labinlimang libong lalaki. Sila ang nalabi sa buong hukbo ng mga taga-silangan, sapagkat napatay na ang isandaan at dalawampung libong lalaki na humahawak ng tabak.
11 Kaya't si Gideon ay umahon sa daan ng mga naninirahan sa mga tolda sa silangan ng Noba at Jogbeha, at sinalakay ang hukbo, sapagkat ang hukbo ay hindi nagbabantay.
12 Sina Zeba at Zalmuna ay tumakas; at kanyang tinugis sila at kanyang nahuli ang dalawang hari ng Midian, na sina Zeba at Zalmuna, anupa't nagkagulo ang buong hukbo.
13 Nang si Gideon na anak ni Joas ay bumalik mula sa pakikipaglaban sa pamamagitan ng daang-paakyat sa Heres,
14 nahuli niya ang isang kabataang lalaking taga-Sucot at siya ay inusisa ni Gideon. Itinala niya sa mga pinuno at matatanda sa Sucot, pitumpu't pitong katao.
15 Pagkatapos, pumunta siya sa mga lalaki sa Sucot, at sinabi, “Narito sina Zeba at Zalmuna. Tungkol sa kanila ay inyo akong tinuya, na inyong sinasabi, ‘Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay nina Zeba at Zalmuna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong mga tauhang pagod?’”
16 Kanyang kinuha ang matatanda sa bayan, at kumuha siya ng mga tinik mula sa ilang at ng mga dawag, at sa pamamagitan ng mga iyon ay kanyang tinuruan ang mga lalaki sa Sucot.
17 Kanyang ibinagsak ang tore ng Penuel, at pinatay ang mga lalaki sa lunsod.
Sina Zeba at Zalmuna ay Nahuli at Pinatay
18 Pagkatapos ay kanyang sinabi kina Zeba at Zalmuna, “Nasaan ang mga lalaking inyong pinatay sa Tabor?” Sila'y sumagot, “Kung ano ikaw ay gayon sila; bawat isa sa kanila; kahawig sila ng mga anak ng hari.”
19 At kanyang sinabi, “Sila'y aking mga kapatid, mga anak na lalaki ng aking ina; buháy ang Panginoon, kung inyong iniligtas silang buháy, hindi ko sana kayo papatayin.”
20 Kaya't sinabi niya kay Jeter na kanyang panganay, “Tumindig ka at patayin mo sila.” Ngunit ang binata ay hindi bumunot ng tabak, sapagkat siya'y natakot, dahil siya'y bata pa.
21 Nang magkagayo'y sinabi nina Zeba at Zalmuna, “Tumindig ka, at sugurin mo kami, sapagkat kung ano ang lalaki ay gayon ang kanyang lakas.” Tumindig nga si Gideon at pinatay sina Zeba at Zalmuna, at kanyang kinuha ang mga hiyas na may hugis kalahating buwan na nasa mga leeg ng kanilang mga kamelyo.
22 Pagkatapos ay sinabi ng mga lalaki ng Israel kay Gideon, “Mamuno ka sa amin, ikaw, ang iyong anak at ang iyong apo, sapagkat iniligtas mo kami sa kamay ng Midian.”
23 Sinabi ni Gideon sa kanila, “Hindi ako mamumuno sa inyo, o mamumuno man ang aking anak sa inyo. Ang Panginoon ang mamumuno sa inyo.”
24 Sinabi ni Gideon sa kanila, “Mayroon akong kahilingan sa inyo. Ibigay ng bawat isa sa inyo sa akin ang mga hikaw na kanyang samsam.” (Sapagkat sila'y may mga gintong hikaw, dahil sa sila'y mga Ismaelita.)
25 At sumagot sila, “Ibibigay namin nang kusa ang mga ito.” Sila'y naglatag ng isang balabal, at inilagay roon ng bawat isa ang mga hikaw na kanyang samsam.
26 Ang timbang ng mga gintong hikaw na kanyang hiniling ay isanlibo at pitong daang siklong ginto, bukod pa ang mga hiyas na may anyong kalahating buwan, at ang mga hikaw at ang mga damit na kulay-ube na suot ng mga hari ng Midian, at bukod pa ang mga tanikala na nasa leeg ng kanilang mga kamelyo.
27 Ginawa ito ni Gideon na isang efod at inilagay sa kanyang lunsod, sa Ofra; at ang buong Israel ay naging babaing haliparot na sumusunod doon at ito'y naging bitag kay Gideon at sa kanyang sambahayan.
28 Gayon napasuko ang Midian sa harap ng mga anak ni Israel, at hindi na nila nakaya pang lumaban.[h] At ang lupain ay nagpahinga ng apatnapung taon sa mga araw ni Gideon.
29 Si Jerubaal na anak ni Joas ay humayo at nanirahan sa kanyang sariling bahay.
30 Nagkaroon si Gideon ng pitumpung anak, mga sarili niyang binhi, sapagkat marami siyang asawa.
31 Ang kanyang asawang-lingkod na nasa Shekem ay nagkaanak naman sa kanya ng isang lalaki, at kanyang tinawag ang pangalan niya na Abimelec.
32 Si Gideon na anak ni Joas ay namatay na may katandaan at inilibing sa libingan ni Joas na kanyang ama, sa Ofra ng mga Abiezerita.
33 Pagkamatay ni Gideon, ang mga anak ni Israel ay bumalik at sumamba sa mga Baal, at kanilang ginawang diyos nila ang Baal-berit.
34 At hindi naalala ng mga anak ni Israel ang Panginoon nilang Diyos na nagligtas sa kanila sa kamay ng lahat nilang mga kaaway sa buong palibot.
35 Hindi sila nagpakita ng kabutihan sa sambahayan ni Jerubaal, samakatuwid ay si Gideon, bilang ganti sa lahat ng kabutihan na kanyang ipinakita sa Israel.
Pinatay ni Abimelec ang mga Anak ni Gideon
9 Si Abimelec na anak ni Jerubaal ay nagtungo sa Shekem sa mga kapatid ng kanyang ina, at sinabi sa kanila at sa buong angkan ng sambahayan ng kanyang ina,
2 “Sabihin ninyo sa pandinig ng lahat ng mga lalaki sa Shekem, ‘Alin ang mas mabuti para sa inyo, na lahat ng pitumpung anak na lalaki ni Jerubaal ay mamuno sa inyo, o isa ang mamuno sa inyo?’ Alalahanin din naman ninyo na ako ay inyong buto at inyong laman.”
3 At sinalita ng mga kamag-anak ng kanyang ina ang lahat ng mga salitang ito sa pandinig ng lahat ng mga lalaki sa Shekem, at ang kanilang puso ay sumunod kay Abimelec, sapagkat kanilang sinabi, “Siya'y ating kapatid.”
4 Kanilang binigyan siya ng pitumpung pirasong pilak mula sa templo ni Baal-berit, na siyang iniupa ni Abimelec sa mga taong bandido at mga palaboy, na ang mga ito'y ang sumunod sa kanya.
5 Siya'y naparoon sa bahay ng kanyang ama sa Ofra, at pinatay ang kanyang mga kapatid na mga anak ni Jerubaal, na pitumpung katao, sa ibabaw ng isang bato. Ngunit si Jotam na bunsong anak ni Jerubaal ay nalabi, sapagkat siya'y nagtago.
6 Lahat ng mga lalaki sa Shekem ay nagtipun-tipon pati ang buong Bet-milo. Sila'y humayo at kanilang ginawang hari si Abimelec, sa tabi ng ensina ng haliging nasa Shekem.
Ang Pabula ni Jotam
7 Nang ito ay napabalita kay Jotam, siya'y humayo at tumayo sa tuktok ng bundok Gerizim, at pasigaw na sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ako, kayong mga lalaki sa Shekem, upang pakinggan kayo ng Diyos.
8 Minsan, ang mga punungkahoy ay humayo upang magtalaga ng hari sa kanila; at kanilang sinabi sa puno ng olibo, ‘Maghari ka sa amin.’
9 Ngunit sinabi ng puno ng olibo sa kanila, ‘Akin bang iiwan ang aking katabaan, na nakapagpaparangal sa mga diyos at sa mga tao, upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?’
10 At sinabi ng mga punungkahoy sa puno ng igos, ‘Halika, at maghari ka sa amin.’
11 Ngunit sinabi ng puno ng igos sa kanila, ‘Akin bang iiwan ang aking katamisan at ang aking mabuting bunga, at hahayo upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?’
12 At sinabi ng mga punungkahoy sa ubas, ‘Halika, at maghari ka sa amin.’
13 Ngunit sinabi ng ubas sa kanila, ‘Akin bang iiwan ang aking alak na nagpapasaya sa mga diyos at sa mga tao, at hahayo upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?’
14 Pagkatapos ay sinabi ng lahat ng mga punungkahoy sa dawag, ‘Halika, at maghari ka sa amin.’
15 At sinabi ng dawag sa mga punungkahoy, ‘Kung tunay na ako'y inyong itinatalagang hari sa inyo, pumarito nga kayo at manganlong kayo sa aking lilim. Kung hindi, hayaan ninyong lumabas ang apoy sa dawag at lamunin ang mga sedro ng Lebanon.’
16 “Ngunit ngayon, kung tapat at matuwid ninyong ginawang hari si Abimelec, at kung nakitungo kayo ng mabuti kay Jerubaal at sa kanyang sambahayan, at kayo'y gumawa sa kanya ng marapat sa kanyang mga gawa,
17 sapagkat ipinaglaban kayo ng aking ama at isinuong ang kanyang buhay, at iniligtas kayo sa kamay ng Midian,
18 at kayo'y bumangon laban sa sambahayan ng aking ama sa araw na ito, at pinatay ninyo ang kanyang mga anak, na pitumpung lalaki sa ibabaw ng isang bato, at ginawa ninyong hari si Abimelec, na anak ng kanyang asawang-lingkod, sa mga mamamayan sa Shekem, sapagkat siya'y inyong kapatid,
19 kung tapat nga at matuwid na kayo'y gumanti kay Jerubaal at sa kanyang sambahayan sa araw na ito, magalak nga kayo kay Abimelec at magalak naman siya sa inyo.
20 Ngunit kung hindi, ay lumabas ang apoy mula kay Abimelec, at lamunin ang mga mamamayan ng Shekem, at Bet-milo; at lumabas ang apoy sa mga mamamayan ng Shekem, at Bet-milo at lamunin si Abimelec.”
21 Pagkatapos, si Jotam ay patakbong tumakas, nagtungo sa Beer at nanirahan doon dahil sa takot kay Abimelec na kanyang kapatid.
22 Si Abimelec ay namuno sa Israel sa loob ng tatlong taon.
23 At nagsugo ang Diyos ng isang masamang espiritu sa pagitan ni Abimelec at ng mga lalaki sa Shekem; at ang mga lalaki sa Shekem ay nagtaksil kay Abimelec.
24 Ito ay nangyari upang ang karahasan na ginawa sa pitumpung anak ni Jerubaal ay maipaghiganti,[i] at ang kanilang dugo ay singilin kay Abimelec na kanilang kapatid, na siyang pumatay sa kanila, at sa mga lalaki sa Shekem na nagpalakas ng kanyang mga kamay upang patayin ang kanyang mga kapatid.
25 Kaya't tinambangan siya ng mga lalaki sa Shekem sa mga tuktok ng mga bundok; kanilang pinagnakawan ang lahat na dumaan sa daang iyon at ibinalita ito kay Abimelec.
Ang Tangka ni Gaal Laban kay Abimelec
26 Nang dumating sa Shekem si Gaal na anak ni Ebed na kasama ang kanyang mga kapatid, inilagak ng mga lalaki sa Shekem ang kanilang tiwala sa kanya.
27 Sila'y lumabas sa bukid, namitas sa kanilang mga ubasan, pinisa, at nagpista. Pagkatapos ay pumasok sila sa bahay ng kanilang diyos, nagkainan at nag-inuman, at nilait si Abimelec.
28 At sinabi ni Gaal na anak ni Ebed, “Sino ba si Abimelec at sino ba tayo sa Shekem, upang ating paglingkuran siya? Hindi ba ang anak ni Jerubaal at si Zebul na kanyang pinuno ay naglingkod sa mga tauhan ni Hamor na ama ni Shekem? Bakit tayo maglilingkod sa kanya?
29 Sana ang bayang ito'y mapasailalim ng aking kamay. Kung magkagayon aking paaalisin si Abimelec. Sasabihin ko sa kanya, ‘Dagdagan mo ang iyong kawal at lumabas ka.’”
30 Nang marinig ni Zebul na pinuno ng lunsod ang mga salita ni Gaal na anak ni Ebed, ay nagningas ang kanyang galit.
31 At nagpadala siya ng mga sugo kay Abimelec, na nagsabi, “Si Gaal na anak ni Ebed at ang kanyang mga kapatid ay naparoon sa Shekem; at kanilang sinusulsulan[j] ang lunsod laban sa iyo.
32 Kaya't ngayon, umalis kayo sa gabi, ikaw at ang mga lalaking kasama mo, at mag-abang kayo sa bukid.
33 Kinaumagahan, pagsikat ng araw, ay maaga kang bumangon at lusubin mo ang lunsod. Kapag siya at ang mga taong kasama niya ay lumabas laban sa iyo, ay magagawa mo sa kanila ang hinihingi ng pagkakataon.”
Nagapi ni Abimelec si Gaal
34 Kinagabihan si Abimelec at ang lahat ng apat na pulutong ng mga lalaking kasama niya ay nag-abang sa Shekem.
35 Lumabas si Gaal na anak ni Ebed at tumayo sa pasukan ng pintuang-bayan. Si Abimelec at ang mga taong kasama niya ay tumindig sa pananambang.
36 Nang sila ay makita ni Gaal, kanyang sinabi kay Zebul, “May mga lalaking bumababa mula sa mga tuktok ng bundok!” Sinabi ni Zebul sa kanya, “Ang iyong nakikita'y mga anino ng mga bundok na parang mga lalaki.”
37 Nagsalita uli si Gaal, “Tingnan mo, may mga lalaking bumababa mula sa kalagitnaan ng lupain, at ang isang pulutong ay dumarating mula sa daan ng ensina ng Meonenim.”
38 Nang magkagayo'y sinabi ni Zebul sa kanya, “Nasaan ngayon ang iyong bibig, na iyong sinabi, ‘Sino ba si Abimelec upang tayo'y maglingkod sa kanya?’ Hindi ba ito ang mga taong iyong hinamak? Lumabas ka ngayon at lumaban sa kanila.”
39 At lumabas si Gaal sa unahan ng mga lalaki ng Shekem, at nilabanan si Abimelec.
40 Hinabol siya ni Abimelec at siya'y tumakas sa harap niya, at maraming nabuwal na sugatan hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.
41 Kaya't si Abimelec ay nanirahan sa Aruma; at pinalayas ni Zebul si Gaal at ang kanyang mga kapatid, kaya't sila'y hindi makapanirahan sa Shekem.
42 Nang sumunod na araw ang mga tao ay lumabas sa parang at ibinalita ito kay Abimelec.
43 Kinuha niya ang kanyang mga tauhan at hinati niya sa tatlong pangkat, at nagbantay sa parang. Siya'y tumingin, at kanyang nakita na ang mga tao ay lumalabas sa bayan, siya ay bumangon laban sa kanila at pinatay sila.
44 Si Abimelec at ang pangkat na kasama niya ay sumugod at tumayo sa pasukan ng pintuan ng lunsod, habang ang dalawang pulutong ay sumusugod doon sa lahat ng nasa bukid, at sila'y pinatay nila.
45 Lumaban si Abimelec sa lunsod nang buong araw na iyon. Kanyang sinakop ang lunsod, at pinatay ang mga taong nasa loob niyon. Kanyang giniba ang lunsod at sinabuyan ng asin.
Binihag ang Shekem at ang Tebez
46 Nang mabalitaan iyon ng lahat ng mga lalaki sa Tore ng Shekem, pumasok sila sa kuta ng bahay ng El-berit.
47 Ibinalita kay Abimelec na ang lahat ng mga tao sa Tore ng Shekem ay nagtitipon.
48 Kaya't umakyat si Abimelec sa bundok ng Zalmon at ang mga lalaking kasama niya. Kumuha si Abimelec ng isang palakol, at pumutol ng isang bigkis ng mga kahoy at ipinasan sa kanyang balikat. At sinabi niya sa mga taong kasama niya, “Kung ano ang nakita ninyong ginagawa ko, magmadali kayo, at gawin ninyo ang aking ginawa.”
49 Kaya't bawat isa sa mga tao ay pumutol ng kanya-kanyang bigkis, at sumunod kay Abimelec. Ipinaglalagay nila iyon sa kuta, at sinunog ang kuta sa pamamagitan niyon. Kaya't ang lahat ng mga tao sa Tore ng Shekem ay namatay rin, na may mga isang libong lalaki at babae.
50 Pagkatapos ay pumunta si Abimelec sa Tebez, at nagkampo laban sa Tebez, at sinakop iyon.
51 Ngunit may isang matibay na tore sa loob ng lunsod, at tumakas ang lahat ng lalaki at babae at ang lahat na nasa lunsod at pinagsarhan ang kanilang sarili doon. Pagkatapos ay umakyat sila sa bubungan ng tore.
52 Pumunta si Abimelec sa tore at lumaban, at lumapit sa pintuan ng tore upang sunugin iyon ng apoy.
53 Ngunit(D) may isang babae na naghagis ng isang pang-ibabaw na bato ng gilingan sa ulo ni Abimelec at nabasag ang kanyang bungo.
54 Nang magkagayo'y dali-dali niyang tinawag ang kabataang lalaki na kanyang tagadala ng sandata, at sinabi niya sa kanya, “Bunutin mo ang iyong tabak, at patayin mo ako, baka sabihin tungkol sa akin ng mga tao, ‘Isang babae ang pumatay sa kanya.’” At sinaksak siya ng kanyang batang tauhan, at siya'y namatay.
55 Nang makita ng Israel na patay na si Abimelec, umuwi ang bawat lalaki sa kanya-kanyang bahay.
56 Gayon pinagbayad ng Diyos si Abimelec sa kasamaang ginawa niya sa kanyang ama, sa pagpatay sa kanyang pitumpung kapatid.
57 At ang buong kasamaan ng mga lalaki sa Shekem ay ipinataw ng Diyos sa kanilang mga ulo; at dumating sa kanila ang sumpa ni Jotam na anak ni Jerubaal.
Si Tola at si Jair
10 Pagkatapos ni Abimelec, bumangon upang iligtas ang Israel si Tola na anak ni Pua, na anak ni Dodo, na lalaking mula sa Isacar; at siya'y nanirahan sa Samir sa lupaing maburol ng Efraim.
2 Siya'y naghukom sa Israel ng dalawampu't tatlong taon; pagkatapos siya'y namatay at inilibing sa Samir.
3 Pagkatapos niya'y bumangon si Jair na Gileadita; na naghukom sa Israel nang dalawampu't dalawang taon.
4 Siya'y may tatlumpung anak na lalaki na sumasakay sa tatlumpung asno, at sila'y may tatlumpung lunsod na tinatawag na Havot-jair hanggang sa araw na ito, na nasa lupain ng Gilead.
5 At namatay si Jair at inilibing sa Camon.
Ang Israel ay Muling Tumalikod sa Diyos
6 Ginawa uli ng mga anak ni Israel ang kasamaan sa paningin ng Panginoon, at naglingkod sa mga Baal, kay Astarte, sa mga diyos ng Siria, Sidon, Moab, ng mga Ammonita at sa mga diyos ng mga Filisteo; at pinabayaan nila ang Panginoon at hindi naglingkod sa kanya.
7 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang ipinagbili sila sa kamay ng mga Filisteo at ng mga anak ni Ammon.
8 Kanilang pinahirapan at inapi ang mga anak ni Israel nang taong iyon. Labingwalong taon nilang pinahirapan ang lahat ng mga anak ni Israel na nasa dako roon ng Jordan sa lupain ng mga Amoreo, na nasa Gilead.
9 Ang mga anak ni Ammon ay tumawid sa Jordan upang labanan din ang Juda, ang Benjamin, at ang sambahayan ni Efraim; anupa't ang Israel ay lubhang nahirapan.
10 Kaya't dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, “Kami ay nagkasala laban sa iyo, sapagkat aming pinabayaan ang aming Diyos, at kami ay naglingkod sa mga Baal.”
11 At sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel, “Hindi ba't iniligtas ko kayo mula sa mga Ehipcio, sa mga Amoreo, sa mga anak ni Ammon, at sa mga Filisteo?
12 Gayundin ang mga Sidonio, mga Amalekita, at ang mga Maonita ay nagpahirap sa inyo. Kayo'y dumaing sa akin, at iniligtas ko kayo sa kanilang mga kamay.
13 Gayunma'y pinabayaan ninyo ako, at kayo'y naglingkod sa ibang mga diyos, kaya't hindi ko na kayo ililigtas.
14 Humayo kayo at dumaing sa mga diyos na inyong pinili; hayaang iligtas nila kayo sa panahon ng inyong kapighatian.”
15 At sinabi ng mga anak ni Israel sa Panginoon, “Kami ay nagkasala. Gawin mo sa amin ang anumang gusto mo, iligtas mo lamang kami sa araw na ito.”
16 Kaya't kanilang inalis sa kanila ang ibang mga diyos, at naglingkod sa Panginoon at ang kanyang kaluluwa ay nagdalamhati dahil sa kapighatian ng Israel.
17 Pagkatapos ang mga anak ni Ammon ay nagtipon, at nagkampo sa Gilead. At ang mga anak ni Israel ay nagtitipon, at nagkampo sa Mizpa.
18 Ang taong-bayan, at ang mga pinuno sa Gilead ay nag-usap, “Sino ang lalaking magpapasimulang lumaban sa mga anak ni Ammon? Siya'y magiging pinuno sa lahat ng taga-Gilead.”
Si Jefta ay Ginawang Pinuno
11 Si Jefta na Gileadita ay isang malakas na mandirigma, ngunit siya'y anak ng isang upahang babae.[k] Si Gilead ang ama ni Jefta.
2 Ang asawa ni Gilead ay nagkaanak sa kanya ng mga lalaki. Nang lumaki ang mga anak ng kanyang asawa ay kanilang pinalayas si Jefta, at sinabi nila sa kanya, “Ikaw ay hindi magmamana sa sambahayan ng aming ama sapagkat ikaw ay anak ng ibang babae.”
3 Nang magkagayo'y tumakas si Jefta sa kanyang mga kapatid, at tumira sa lupain ng Tob. Doon ay nakasama ni Jefta ang mga lalaking bandido at sumasalakay na kasama niya.
4 Pagkaraan ng ilang panahon, ang mga anak ni Ammon ay nakipagdigma sa Israel.
5 Nang lumaban ang mga anak ni Ammon sa Israel, ang mga matanda sa Gilead ay naparoon upang sunduin si Jefta mula sa lupain ng Tob.
6 At kanilang sinabi kay Jefta, “Halika't ikaw ang maging pinuno namin upang kami ay makalaban sa mga anak ni Ammon.”
7 Subalit sinabi ni Jefta sa matatanda sa Gilead, “Di ba kayo'y napoot sa akin at pinalayas ninyo ako sa bahay ng aking ama? Kung gayo'y bakit kayo naparito sa akin ngayong kayo'y nasa paghihirap?”
8 At sinabi ng matatanda sa Gilead kay Jefta, “Kaya kami ay bumabalik sa iyo ngayon ay upang makasama ka namin, at makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ikaw ay magiging pinuno naming lahat na taga-Gilead.”
9 Sinabi ni Jefta sa mga matanda sa Gilead, “Kung pauuwiin ninyo ako upang makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ibigay sila ng Panginoon sa harap ko, magiging pinuno ba ninyo ako?”
10 At sinabi kay Jefta ng matatanda sa Gilead, “Ang Panginoon ang maging saksi natin. Tiyak na aming gagawin ang ayon sa iyong salita.”
11 Kaya't si Jefta ay umalis na kasama ng matatanda sa Gilead, at ginawa nila siyang pinuno at sinabi ni Jefta sa Mizpa ang lahat ng kanyang salita sa harap ng Panginoon.
Ang Sugo sa Hari ng Ammon
12 At nagpadala si Jefta ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon, na nagsasabi, “Anong mayroon ka laban sa akin, na ikaw ay naparito sa akin upang lumaban sa aking lupain?”
13 Sinagot ng hari ng mga anak ni Ammon ang mga sugo ni Jefta, “Sapagkat sinakop ng Israel ang aking lupain nang siya'y umahon galing sa Ehipto, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at hanggang sa Jordan. Kaya't ngayo'y isauli mo nang payapa ang mga lupaing iyon.”
14 Muling nagpadala si Jefta ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon.
15 At kanyang sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ni Jefta, Hindi inagaw ng Israel ang lupain ng Moab, o ang lupain ng mga anak ni Ammon;
16 kundi nang sila'y umahon mula sa Ehipto, ang Israel ay naglakad sa ilang hanggang sa Dagat na Pula, at dumating sa Kadesh,
17 Nagpadala(E) noon ang Israel ng mga sugo sa hari sa Edom, na nagsasabi, ‘Ipinapakiusap ko sa iyong paraanin mo ako sa iyong lupain,’ ngunit hindi ito pinakinggan ng hari ng Edom. Nagsugo siya sa hari ng Moab. Ngunit tumanggi siya at ang Israel ay tumahan sa Kadesh.
18 Nang(F) magkagayo'y naglakad sila sa ilang at lumigid sa lupain ng Edom at Moab. Dumaan sila sa dakong silangan ng lupain ng Moab, at sila'y humantong sa kabilang dako ng Arnon, ngunit hindi sila pumasok sa hangganan ng Moab sapagkat ang Arnon ay siyang hangganan ng Moab.
19 Nagpadala(G) noon ang Israel ng mga sugo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na hari sa Hesbon; at sinabi ng Israel sa kanya, ‘Ipinapakiusap namin sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain hanggang sa aming dakong patutunguhan.’
20 Ngunit si Sihon ay hindi nagtiwala na paraanin ang Israel sa kanyang nasasakupan, kaya't pinisan ni Sihon ang kanyang buong bayan, at nagkampo sa Jahaz, at lumaban sa Israel.
21 At ibinigay ng Panginoon, ng Diyos ng Israel si Sihon at ang kanyang buong bayan sa kamay ng Israel, at kanilang tinalo sila. Sa gayo'y inangkin ng Israel ang buong lupain ng mga Amoreo na nanirahan sa lupaing iyon.
22 Kanilang inangkin ang buong nasasakupan ng mga Amoreo, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at mula sa ilang hanggang sa Jordan.
23 Kaya ngayon ang ari-arian ng mga Amoreo sa harap ng bayang Israel ay inalis ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, at iyo bang aariin ang mga iyan?
24 Hindi mo ba aangkinin upang maging sa iyo ang ibinigay sa iyo ni Cemos na iyong diyos? Kaya sinumang inalisan ng Panginoon naming Diyos ng ari-arian sa harap namin ay aming aangkinin.
25 At(H) ngayo'y mas magaling ka pa ba sa anumang paraan kay Balak na anak ni Zipor, na hari sa Moab? Siya ba'y nakipagdigma kailanman sa Israel o lumaban kaya sa kanila?
26 Samantalang ang Israel ay naninirahan ng tatlong daang taon sa Hesbon at sa mga nayon nito, sa Aroer at sa mga nayon nito, at sa lahat ng mga bayang nasa pampang ng Arnon, bakit hindi ninyo binawi ang mga iyon sa loob ng panahong iyon?
27 Hindi ako ang nagkasala laban sa iyo, kundi ikaw ang gumagawa ng masama sa pamamagitan ng pakikidigma mo sa akin. Ang Panginoon, na siyang Hukom ang hahatol sa araw na ito sa mga anak ni Israel at sa mga anak ni Ammon.”
28 Ngunit hindi dininig ng hari ng mga Ammonita ang mga salita ni Jefta na ipinaabot sa kanya.
Ang Pagtatagumpay at ang Panata ni Jefta
29 Pagkatapos ang Espiritu ng Panginoon ay dumating kay Jefta, at siya'y nagdaan sa Gilead at Manases, at nagdaan sa Mizpa ng Gilead, at mula sa Mizpa ng Gilead ay nagdaan siya sa mga Ammonita.
30 At nagbitaw si Jefta ng isang panata sa Panginoon, at nagsabi, “Kung iyong ibibigay ang mga Ammonita sa aking kamay,
31 ay mangyayari na sinumang lumabas sa mga pintuan ng aking bahay upang sumalubong sa akin, sa aking pagbalik na mapayapa galing sa mga anak ni Ammon ay magiging sa Panginoon, at iaalay ko iyon bilang handog na sinusunog.”
32 Sa gayo'y tinawid ni Jefta ang mga anak ni Ammon upang lumaban sa kanila; at sila'y ibinigay ng Panginoon sa kanyang kamay.
33 Sila'y pinagpapatay niya mula sa Aroer hanggang sa Minit, na may dalawampung lunsod, at hanggang sa Abel-keramim. Sa gayo'y nagapi ang mga anak ni Ammon sa harap ng mga anak ni Israel.
34 Pagkatapos si Jefta ay umuwi sa kanyang bahay sa Mizpa. Ang kanyang anak na babae ay lumabas upang salubungin siya ng alpa at ng sayaw. Siya ang kanyang kaisa-isang anak at liban sa kanya'y wala na siyang anak na lalaki o babae man.
35 Pagkakita(I) niya sa kanya, kanyang pinunit ang kanyang damit at sinabi, “Anak ko! Pinababa mo akong lubos, at ikaw ay isa sa mga bumabagabag sa akin; sapagkat gumawa na ako ng panata sa Panginoon, at hindi ko na mababawi.”
36 At sinabi niya sa kanya, “Ama ko, kung iyong ibinuka ang iyong bibig sa Panginoon, gawin mo sa akin ang ayon sa lumabas sa iyong bibig; yamang ipinaghiganti ka ng Panginoon sa iyong mga kaaway, samakatuwid ay sa mga Ammonita.”
37 Sinabi niya sa kanyang ama, “Hayaan mong gawin ang bagay na ito sa akin. Hayaan mo lamang ako ng dalawang buwan, upang ako'y humayo't gumala sa mga bundok at tangisan ko at ng aking mga kasama ang aking pagkabirhen.”
38 At kanyang sinabi, “Humayo ka.” At siya'y kanyang pinaalis nang dalawang buwan. Siya at ang kanyang mga kasama ay umalis, at tinangisan ang kanyang pagkabirhen sa mga bundok.
39 Sa katapusan ng dalawang buwan, siya'y nagbalik sa kanyang ama, at ginawa sa kanya ang ayon sa kanyang panata na kanyang binitiwan. Siya'y hindi kailanman nasipingan ng lalaki. At naging kaugalian sa Israel,
40 na ang mga anak na babae ng Israel ay pumupunta taun-taon upang alalahanin ang anak ni Jefta na Gileadita, apat na araw sa loob ng isang taon.
Tumutol ang Efraimita
12 Ang mga lalaki ng Efraim ay nagtipon at tumawid patungo sa Zafon at sinabi nila kay Jefta, “Bakit ka tumawid upang lumaban sa mga anak ni Ammon, at hindi mo kami tinawag upang sumama sa iyo? Susunugin namin ang iyong bahay na kasama ka.”[l]
2 Sinabi ni Jefta sa kanila, “Ako at ang aking bayan ay may matinding labanan sa mga anak ni Ammon; at nang tawagan ko kayo ay hindi ninyo ako iniligtas sa kanilang kamay.
3 Nang makita ko na ako'y hindi ninyo iniligtas ay inilagay ko ang aking buhay sa aking kamay. Ako'y tumawid laban sa mga anak ni Ammon, at sila'y ibinigay ng Panginoon sa aking kamay. Bakit kayo umahon dito sa akin sa araw na ito upang makipaglaban sa akin?”
4 Nang magkagayo'y tinipon ni Jefta ang mga lalaki sa Gilead, at nakipaglaban sa Efraim. Ginapi ng mga lalaki ng Gilead ang Efraim, sapagkat kanilang sinabi, “Kayo'y mga takas sa Efraim, kayong mga Gileadita, sa gitna ng Efraim, at Manases.”
5 At sinakop ng mga Gileadita ang mga tawiran sa Jordan sa gitna ng mga Efraimita. At kapag sinabi ng mga takas sa Efraim na, “Paraanin mo ako,” ay sinasabi ng mga lalaki ng Gilead sa kanya, “Ikaw ba'y Efraimita?” Kung kanyang sabihin, “Hindi,”
6 ay sinasabi nga nila sa kanya, “Sabihin mo ang Shibolet” at sinabi niya, “Sibolet;” sapagkat hindi niya mabigkas ito nang tama. Kaya't kanilang darakpin at papatayin siya sa mga tawiran ng Jordan. At ang napatay nang panahong iyon sa Efraim ay apatnapu't dalawang libo.
Namatay si Jefta
7 Naghukom si Jefta sa Israel nang anim na taon. Pagkatapos ay namatay si Jefta na Gileadita, at inilibing sa kanyang lunsod sa Gilead.[m]
8 Pagkatapos niya, si Ibzan na taga-Bethlehem ang naghukom sa Israel.
9 Siya'y mayroong tatlumpung anak na lalaki, at ang tatlumpung anak na babae ay kanyang pinapag-asawa sa labas ng kanyang angkan, at tatlumpung anak na babae naman ay kanyang ipinasok mula sa labas para sa kanyang mga anak na lalaki. At naghukom siya sa Israel nang pitong taon.
10 Si Ibzan ay namatay at inilibing sa Bethlehem.
11 Pagkatapos niya, si Elon na Zebulonita ay naghukom sa Israel; at naghukom siya sa Israel nang sampung taon.
12 At si Elon na Zebulonita ay namatay, at inilibing sa Aijalon sa lupain ng Zebulon.
13 Pagkatapos niya, si Abdon na anak ni Hillel na Piratonita ay naghukom sa Israel.
14 Siya'y nagkaroon ng apatnapung anak na lalaki at tatlumpung apo na sumasakay sa pitumpung asno, at siya'y naghukom sa Israel nang walong taon.
15 At si Abdon na anak ni Hillel na Piratonita ay namatay, at inilibing sa Piraton sa lupain ng Efraim, sa lupaing maburol ng mga Amalekita.
Ang Pagpapahirap ng Filisteo
13 Ang mga anak ni Israel ay muling gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon; at ibinigay sila ng Panginoon ng apatnapung taon sa kamay ng mga Filisteo.
2 May isang lalaki sa Sora mula sa lipi ng mga Danita, na ang pangalan ay Manoa; at ang kanyang asawa ay baog, at hindi nagkaanak.
3 At nagpakita ang anghel ng Panginoon sa babae, at sinabi sa kanya, “Bagaman ikaw ay baog at walang anak, ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki.
4 Mag-ingat ka, huwag kang iinom ng alak o ng inuming nakalalasing, at huwag kang kumain ng anumang bagay na marumi;
5 ikaw(J) ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki. Walang pang-ahit na daraan sa kanyang ulo sapagkat ang bata ay magiging Nazirita sa Diyos, mula sa sinapupunan, at kanyang pasisimulang iligtas ang Israel sa kamay ng mga Filisteo.”
6 Pagkatapos ang babae'y humayo at sinabi sa kanyang asawa, “Isang tao ng Diyos ang dumating sa akin, at ang kanyang anyo ay gaya ng anyo ng anghel ng Diyos na kagulat-gulat. Hindi ko naitanong kung saan siya nagmula, ni hindi niya sinabi sa akin ang kanyang pangalan.
7 Ngunit sinabi niya sa akin, ‘Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki. Kaya't huwag kang iinom ng alak o ng inuming nakalalasing at huwag kang kakain ng anumang maruming bagay, sapagkat ang bata'y magiging Nazirita sa Diyos mula sa sinapupunan hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.’”
Ang Pangitain ni Manoa at ng Kanyang Asawa
8 Nang magkagayo'y nanalangin si Manoa sa Panginoon, at sinabi niya, “Ipinapakiusap ko sa iyo, O Panginoon, na pabalikin mo uli ang tao ng Diyos na iyong sinugo sa amin, at ituro sa amin kung ano ang aming gagawin sa batang ipapanganak.”
9 At dininig ng Diyos ang tinig ni Manoa. Nagbalik ang anghel ng Diyos sa babae habang siya'y nakaupo sa bukid, ngunit si Manoa na kanyang asawa ay hindi niya kasama.
10 Nagmamadaling tumakbo ang babae, at sinabi sa kanyang asawa, “Ang lalaking naparito sa akin noong isang araw ay nagpakita sa akin.”
11 Tumindig si Manoa at sumunod sa kanyang asawa, at pumunta sa lalaki, at sinabi sa kanya, “Ikaw ba ang lalaking nagsalita sa babaing ito?” At kanyang sinabi, “Ako nga.”
12 Sinabi ni Manoa, “Kapag nagkatotoo ang iyong mga salita, ano ang magiging uri ng pamumuhay ng bata, at ano ang kanyang gagawin?”
13 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Manoa, “Sa lahat ng aking sinabi sa babae ay mag-ingat siya.
14 Siya'y hindi maaaring kumain ng anumang bagay na nanggagaling sa ubasan. Hindi siya iinom ng alak o ng inuming nakalalasing, ni kakain ng anumang maruming bagay; lahat ng iniutos ko sa kanya ay sundin niya.”
15 Sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon, “Ipahintulot mong ikaw ay aming pigilin, upang maipaghanda ka namin ng isang batang kambing.”
16 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Manoa, “Kahit na ako'y iyong pigilin, hindi ako kakain ng iyong pagkain, at kung ikaw ay maghahanda ng handog na sinusunog, ay iyong ihandog sa Panginoon.” (Sapagkat hindi nakilala ni Manoa na siya'y anghel ng Panginoon.)
17 Sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon, “Ano ang iyong pangalan, upang kapag nangyari ang iyong mga salita ay mabigyan ka namin ng karangalan?”
18 Sinabi ng anghel ng Panginoon sa kanya, “Bakit mo itinatanong ang aking pangalan? Ito ay totoong kagila-gilalas?”
19 Kaya't kumuha si Manoa ng isang batang kambing at ng handog na butil, at inihandog sa Panginoon sa ibabaw ng bato, at sa kanya na gumagawa ng kamangha-mangha, samantalang si Manoa at ang kanyang asawa ay nakamasid.
20 Nang pumapailanglang sa langit ang apoy mula sa dambana, na ang anghel ng Panginoon ay pumailanglang sa apoy ng dambana samantalang minamasdan ni Manoa at ng kanyang asawa; at sila'y nagpatirapa sa lupa.
Si Samson ay Ipinanganak
21 Hindi na muling nagpakita ang anghel ng Panginoon kay Manoa at sa kanyang asawa. Pagkatapos ay nabatid ni Manoa na iyon ay anghel ng Panginoon.
22 At sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na tayo'y mamamatay, sapagkat ating nakita ang Diyos.”
23 Ngunit sinabi kay Manoa ng kanyang asawa,[n] “Kung nalulugod ang Panginoon na patayin tayo, hindi sana niya tinanggap ang handog na sinusunog at ang handog na butil sa ating kamay, ni ipinakita man sa atin ang lahat ng mga bagay na ito, ni sinabi man sa panahong ito ang mga bagay na gaya nito.”
24 Nanganak ang babae ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samson. At ang bata'y lumaki at pinagpala ng Panginoon.
25 Nagpasimulang kilusin siya ng Espiritu ng Panginoon sa Mahanedan, sa pagitan ng Sora at Estaol.
Si Samson ay Nag-asawa ng Babaing Filisteo
14 Lumusong si Samson sa Timna, at sa Timna ay nakita niya ang isa sa mga anak na babae ng mga Filisteo.
2 At siya'y umahon at sinabi sa kanyang ama at ina, “Nakita ko ang isa sa mga anak na babae ng mga Filisteo sa Timna. Kunin ninyo siya ngayon upang mapangasawa ko.”
3 Ngunit sinabi sa kanya ng kanyang ama at ina, “Wala na bang babae sa mga anak ng iyong kapatid, o sa ating buong bayan, na ikaw ay hahayo upang kumuha ng asawa mula sa mga di-tuling Filisteo?” At sinabi ni Samson sa kanyang ama, “Kunin ninyo siya para sa akin, sapagkat siya'y kaakit-akit sa akin.”
4 Ngunit hindi alam ng kanyang ama at ng kanyang ina, na iyon ay mula sa Panginoon; sapagkat siya'y humahanap ng pagkakataon laban sa mga Filisteo. Nang panahong iyon ay nangingibabaw ang mga Filisteo sa mga Israelita.
Si Samson ay Pumatay ng Leon
5 Pagkatapos si Samson at ang kanyang ama at ina ay lumusong sa Timna. Nang siya'y dumating sa mga ubasan ng Timna, may isang batang leon na umuungal laban sa kanya.
6 Ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya, at niluray niya ng kanyang kamay lamang ang leon na parang lumuluray ng isang batang kambing. Ngunit hindi niya sinabi sa kanyang ama o sa kanyang ina kung ano ang kanyang ginawa.
7 Pagkatapos siya'y lumusong at nakipag-usap sa babae, at siya'y lubhang nakakalugod kay Samson.
8 Pagkaraan ng ilang panahon ay bumalik siya upang pakasalan ang babae, at siya'y lumiko upang tingnan ang bangkay ng leon. May isang kawan ng pukyutan at may pulot sa loob ng katawan ng leon.
9 Dinukot niya ito ng kanyang kamay at humayo na kumakain habang siya'y lumalakad. Siya'y pumunta sa kanyang ama at ina, at sila'y binigyan niya nito, at sila'y kumain nito. Ngunit hindi niya sinabi sa kanila na kanyang kinuha ang pulot sa bangkay ng leon.
Ang Bugtong ni Samson sa Kasalan
10 Pinuntahan ng kanyang ama ang babae, at gumawa si Samson ng isang handaan doon gaya nang nakaugaliang gawin ng mga binata.
11 Nang makita ng mga tao si Samson, sila'y nagdala ng tatlumpung kasama upang maging kasama niya.
12 At sinabi ni Samson sa kanila, “Bubugtungan ko kayo ngayon. Kung masasagot at mahuhulaan ninyo sa akin sa loob ng pitong araw ng handaan, at inyong mahulaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung kasuotang lino at tatlumpung magarang bihisan.
13 Ngunit kung hindi ninyo masasagot sa akin, ay bibigyan ninyo ako ng tatlumpung kasuotang lino at tatlumpung magarang bihisan.” At kanilang sinabi sa kanya, “Sabihin mo ang iyong bugtong upang aming marinig.”
14 At sinabi niya sa kanila,
“Mula sa mangangain ay may lumabas na pagkain,
mula sa malakas ay may lumabas na matamis.”
Ngunit hindi nila masagot ang bugtong sa loob ng tatlong araw.
15 Nang ikapitong araw ay kanilang sinabi sa asawa ni Samson, “Hikayatin mo ang iyong asawa, upang sabihin niya sa amin ang bugtong. Kapag hindi ay susunugin ka namin at ang bahay ng iyong ama. Inanyayahan ba ninyo kami upang papaghirapin?”
16 At umiyak ang asawa ni Samson sa harapan niya, at nagsabi, “Kinapopootan mo lamang ako, at hindi mo ako iniibig. Nagbigay ka ng isang bugtong sa aking mga kababayan, at hindi mo sinabi sa akin kung ano iyon.” At sinabi niya sa kanya, “Hindi ko nga sinabi sa aking ama, o sa aking ina, sa iyo ko pa kaya sasabihin?”
17 Umiyak siya sa harap niya ng pitong araw, habang hindi natatapos ang kanilang kasayahan. Nang ikapitong araw ay sinabi niya sa kanya, sapagkat kanyang pinilit siya. Pagkatapos ay sinabi ng babae ang sagot sa bugtong sa kanyang mga kababayan.
18 Nang ikapitong araw, bago lumubog ang araw, sinabi ng mga lalaki ng lunsod kay Samson,
“Ano kaya ang lalong matamis kaysa pulot?
Ano pa kaya ang lalong malakas kaysa leon?”
At sinabi niya sa kanila,
“Kung hindi kayo nag-araro sa pamamagitan ng aking dumalagang baka,
hindi sana ninyo nasagot ang aking bugtong.”
19 At ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya at siya'y lumusong sa Ascalon. Pumatay siya ng tatlumpung lalaki sa kanila, at kinuha ang kanilang samsam, at ibinigay ang magagarang bihisan sa mga nakapagpaliwanag ng bugtong. Ang kanyang galit ay nagningas, at siya'y umahon sa bahay ng kanyang ama.
20 Ngunit ang asawa ni Samson ay ibinigay sa kanyang kasamahan, na kanyang naging pangunahing abay.
Sinunog ni Samson ang Triguhan ng mga Filisteo
15 Ngunit pagkaraan ng ilang panahon, sa panahon ng pag-aani ng trigo, dumalaw si Samson na may dalang isang batang kambing sa kanyang asawa, at kanyang sinabi, “Aking papasukin ang aking asawa sa loob ng silid.” Ngunit ayaw siyang papasukin ng kanyang biyenang lalaki.
2 At sinabi ng kanyang biyenang lalaki, “Ang akala ko'y iyong lubos na kinapootan siya, kaya't ibinigay ko siya sa iyong abay. Di ba ang kanyang nakababatang kapatid ay mas maganda kaysa kanya? Kunin mo siyang kahalili niya.”
3 Sinabi ni Samson sa kanila, “Ngayon ay wala akong ipagkakasala sa mga Filisteo, kung gawan ko man sila ng kasamaan.”
4 Kaya't humayo si Samson at humuli ng tatlong daang asong-gubat[o] at kumuha ng mga sulo, at pinagkabit-kabit ang mga buntot, at nilagyan ng sulo sa pagitan ng bawat dalawang buntot.
5 Nang kanyang masindihan ang mga sulo ay kanyang pinakawalan ang mga asong-gubat sa nakatayong trigo ng mga Filisteo at parehong sinunog ang mga mandala at ang nakatayong trigo, gayundin ang mga taniman ng olibo.
6 Nang magkagayo'y sinabi ng mga Filisteo, “Sinong gumawa nito?” At kanilang sinabi, “Si Samson na manugang ng taga-Timna, sapagkat kanyang kinuha ang asawa niya at ibinigay sa kanyang abay.” Kaya't umahon ang mga Filisteo at sinunog ang babae at ang kanyang ama.
7 Sinabi ni Samson sa kanila, “Kung ganito ang ginagawa ninyo, isinusumpa kong gagantihan ko kayo at saka ako titigil.”
8 Pinaghahampas niya ang kanilang mga hita at balakang at gumawa ng napakalaking pagpatay; pagkatapos siya'y bumaba at nanatili sa isang guwang ng bato sa Etam.
Dalawang Bagong Lubid ang Iginapos kay Samson
9 Nang magkagayo'y umahon ang mga Filisteo at nagkampo sa Juda, at sinalakay ang Lehi.
10 At sinabi ng mga lalaki ng Juda, “Bakit kayo'y pumarito laban sa amin?” At kanilang sinabi, “Pumarito kami upang gapusin si Samson, at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin.”
11 Nang magkagayo'y may tatlong libong lalaki sa Juda na lumusong sa guwang ng bato ng Etam, at sinabi kay Samson, “Hindi mo ba alam na ang mga Filisteo ay ating mga tagapamahala? Ano itong ginawa mo sa amin?” At sinabi niya sa kanila, “Kung ano ang ginawa nila sa akin ay gayon ang ginawa ko sa kanila.”
12 At sinabi nila sa kanya, “Kami ay lumusong upang gapusin ka, upang maibigay ka namin sa kamay ng mga Filisteo.” Sinabi ni Samson sa kanila, “Sumumpa kayo sa akin na hindi kayo ang sasalakay sa akin.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001