Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 32:20 - Deuteronomio 7:26

20 At sinabi ni Moises sa kanila, “Kung gagawin ninyo ang bagay na ito; kung kayo'y maghahandang lumaban upang pumaroon sa harap ng Panginoon sa pakikipaglaban,

21 at bawat may sandata sa inyo ay tatawid sa Jordan sa harap ng Panginoon, hanggang sa kanyang mapalayas ang kanyang mga kaaway sa harap niya;

22 at ang lupain ay mapasuko sa harap ng Panginoon; kung gayon ay makababalik kayo at magiging malaya sa pananagutan sa Panginoon at sa Israel; at ang lupaing ito ay magiging inyong pag-aari sa harap ng Panginoon.

23 Ngunit kung hindi ninyo gagawin ang ganito, kayo'y magkakasala laban sa Panginoon at tiyak na tutugisin kayo ng inyong kasalanan.

24 Igawa ninyo ng mga lunsod ang inyong mga bata, at ng mga kulungan ang inyong mga tupa; at gawin ninyo ang inyong sinabi.”

25 Nagsalita ang mga anak nina Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, na sinasabi, “Gagawin ng iyong mga lingkod ang gaya ng iniutos ng aking panginoon.

26 Ang aming mga bata, mga asawa, kawan at buong bakahan ay mananatili riyan sa mga bayan ng Gilead.

27 Ngunit ang iyong mga lingkod ay tatawid, bawat lalaki na may sandata sa pakikipaglaban, sa harap ng Panginoon upang makipaglaban gaya ng sinabi ng aking panginoon.”

28 Sa(A) gayo'y nag-utos si Moises tungkol sa kanila sa paring si Eleazar, kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga lipi ng mga anak ni Israel.

29 At sinabi sa kanila ni Moises, “Kung ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay tatawid na kasama ninyo sa Jordan, ang lahat ng lalaki na may sandata sa pakikipaglaban, sa harap ng Panginoon; at kung ang lupain ay mapasuko sa harap ninyo ay ibibigay ninyo sa kanila bilang ari-arian ang lupain ng Gilead.

30 Ngunit kung sila'y hindi tatawid na kasama ninyo na may sandata, magkakaroon sila ng pag-aari na kasama ninyo sa lupain ng Canaan.”

31 Ang mga anak nina Gad at Ruben ay sumagot, “Kung ano ang sinabi ng Panginoon sa iyong mga lingkod ay gayon ang gagawin namin.

32 Kami ay tatawid na may sandata sa harap ng Panginoon sa lupain ng Canaan, at ang magiging pag-aari naming mana ay sa dakong ito ng Jordan.”

33 At ibinigay ni Moises sa mga anak nina Gad, at sa mga anak ni Ruben, at sa kalahati ng lipi ni Manases na anak ni Jose ang kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo, at ang kaharian ni Og na hari sa Basan, ang lupain at ang mga bayan niyon, sa loob ng mga hangganan niyon, samakatuwid ay ang mga bayan sa buong lupain.

34 Itinayo ng mga anak ni Gad ang Dibon, ang Atarot, ang Aroer,

35 ang Atarot-sofan, ang Jazer, ang Jogbeha,

36 ang Bet-nimra at ang Bet-haran: na mga bayang may pader, at kulungan din naman ng mga tupa.

37 Itinayo naman ng mga anak ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiryataim,

38 ang Nebo, Baal-meon, (na ang pangalan ng mga iyon ay pinalitan,) at ang Sibma. Binigyan nila ng ibang mga pangalan ang mga bayan na kanilang itinayo.

39 Ang mga anak ni Makir na anak ni Manases ay pumunta sa Gilead, sinakop ito, at pinalayas ang mga Amoreo na naroroon.

40 Ibinigay ni Moises ang Gilead kay Makir na anak ni Manases; at kanyang tinirhan.

41 Si Jair na anak ni Manases ay pumaroon at sinakop ang mga bayan niyon at tinawag ang mga ito na Havot-jair.

42 Si Noba ay pumaroon at sinakop ang Kenat at ang mga nayon niyon. Tinawag ito na Noba, ayon sa kanyang sariling pangalan.

Ang Talaan ng Paglalakbay ng Israel

33 Ito ang mga paglalakbay[a] ng mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto, ayon sa kanilang mga hukbo sa ilalim ng pamumuno nina Moises at Aaron.

Isinulat ni Moises kung saan sila nagsimula, yugtu-yugto, alinsunod sa utos ng Panginoon, at ito ang kanilang mga paglalakbay ayon sa kanilang mga lugar na pinagsimulan.

Sila'y naglakbay mula sa Rameses nang ikalabinlimang araw ng unang buwan. Kinabukasan, pagkatapos ng paskuwa ay buong tapang na umalis ang mga anak ni Israel sa paningin ng lahat ng mga Ehipcio,

samantalang inililibing ng mga Ehipcio ang lahat ng kanilang panganay na nilipol ng Panginoon sa gitna nila, pati ang kanilang mga diyos ay hinatulan ng Panginoon.

Ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses at nagkampo sa Sucot.

Sila'y naglakbay mula sa Sucot at nagkampo sa Etam na nasa gilid ng ilang.

Sila'y naglakbay mula sa Etam, at lumiko sa Pihahirot, na nasa silangan ng Baal-zefon at nagkampo sa tapat ng Migdol.

Sila'y naglakbay mula sa Pihahirot, at nagdaan sa gitna ng dagat hanggang sa ilang; sila'y naglakbay ng tatlong araw sa ilang ng Etam at nagkampo sa Mara.

Sila'y naglakbay mula sa Mara, at dumating sa Elim at sa Elim ay may labindalawang bukal ng tubig at pitumpung puno ng palma; at sila'y nagkampo roon.

10 Sila'y naglakbay mula sa Elim at nagkampo sa tabi ng Dagat na Pula.[b]

11 Sila'y naglakbay mula sa Dagat na Pula at nagkampo sa ilang ng Zin.

12 Sila'y naglakbay mula sa ilang ng Zin at nagkampo sa Dofca.

13 Sila'y naglakbay mula sa Dofca at nagkampo sa Alus.

14 Sila'y naglakbay mula sa Alus at nagkampo sa Refidim na doon ay walang tubig na mainom ang mga taong-bayan.

15 Sila'y naglakbay mula sa Refidim at nagkampo sa ilang ng Sinai.

16 Sila'y naglakbay mula sa ilang ng Sinai at nagkampo sa Kibrot-hataava.

17 Sila'y naglakbay mula sa Kibrot-hataava at nagkampo sa Haserot.

18 Sila'y naglakbay mula sa Haserot at nagkampo sa Ritma.

19 Sila'y naglakbay mula sa Ritma at nagkampo sa Rimon-peres.

20 Sila'y naglakbay mula sa Rimon-peres at nagkampo sa Libna.

21 Sila'y naglakbay mula sa Libna at nagkampo sa Risa.

22 Sila'y naglakbay mula sa Risa at nagkampo sa Ceelata.

23 Sila'y naglakbay mula sa Ceelata at nagkampo sa bundok ng Sefer.

24 Sila'y naglakbay mula sa bundok ng Sefer at nagkampo sa Harada.

25 Sila'y naglakbay mula sa Harada at nagkampo sa Macelot.

26 Sila'y naglakbay mula sa Macelot at nagkampo sa Tahat.

27 Sila'y naglakbay mula sa Tahat at nagkampo sa Terah.

28 Sila'y naglakbay mula sa Terah at nagkampo sa Mitca.

29 Sila'y naglakbay mula sa Mitca at nagkampo sa Hasmona.

30 Sila'y naglakbay mula sa Hasmona at nagkampo sa Moserot.

31 Sila'y naglakbay mula sa Moserot at nagkampo sa Ben-yaakan.

32 Sila'y naglakbay mula sa Ben-yaakan at nagkampo sa Horhagidgad.

33 Sila'y naglakbay mula sa Horhagidgad at nagkampo sa Jotbata.

34 Sila'y naglakbay mula sa Jotbata at nagkampo sa Abrona.

35 Sila'y naglakbay mula sa Abrona at nagkampo sa Ezion-geber.

36 Sila'y naglakbay mula sa Ezion-geber at nagkampo sa ilang ng Zin (na siya ring Kadesh).

37 At sila'y naglakbay mula sa Kadesh at nagkampo sa bundok ng Hor, sa gilid ng lupain ng Edom.

Ang Pagkamatay ni Aaron

38 Ang(B) paring si Aaron ay umakyat sa bundok ng Hor sa utos ng Panginoon, at namatay roon nang unang araw ng ikalimang buwan, sa ikaapatnapung taon, pagkaalis ng mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto.

39 Si Aaron ay isandaan at dalawampu't tatlong taon nang siya'y mamatay sa bundok ng Hor.

40 Nabalitaan(C) ng Cananeo na hari sa Arad, na naninirahan sa Negeb sa lupain ng Canaan, ang pagdating ng mga anak ni Israel.

41 Sila'y naglakbay mula sa bundok ng Hor at nagkampo sa Salmona.

42 Sila'y naglakbay mula sa Salmona at nagkampo sa Funon.

43 Sila'y naglakbay mula sa Funon at nagkampo sa Obot.

44 Sila'y naglakbay mula sa Obot at nagkampo sa Ije-abarim, sa hangganan ng Moab.

45 Sila'y naglakbay mula sa Ije-abarim at nagkampo sa Dibon-gad.

46 Sila'y naglakbay mula sa Dibon-gad at nagkampo sa Almon-diblataim.

47 Sila'y naglakbay mula sa Almon-diblataim at nagkampo sa mga bundok ng Abarim, sa harap ng Nebo.

48 Sila'y naglakbay mula sa mga bundok ng Abarim at nagkampo sa mga kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa Jerico.

49 Sila'y nagkampo sa tabi ng Jordan, mula sa Bet-jesimot hanggang sa Abel-sitim, sa mga kapatagan ng Moab.

50 At nagsalita ang Panginoon kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan, sa Jerico, na sinasabi,

51 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Pagtawid ninyo sa Jordan sa lupain ng Canaan,

52 inyong palalayasin ang lahat ng naninirahan sa lupain sa harap ninyo, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang mga batong hinugisan, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang mga larawang hinulma, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang matataas na dako.

53 Angkinin ninyo ang lupain at manirahan kayo roon, sapagkat sa inyo ko ibinigay ang lupain upang angkinin.

54 Inyong(D) mamanahin ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan ayon sa inyong mga angkan; sa malaki ay magbibigay kayo ng malaking mana, at sa maliit ay magbibigay kayo ng maliit na mana. Kung kanino matapat ang palabunutan sa bawat tao, ay iyon ang magiging kanya; ayon sa mga lipi ng inyong mga ninuno ay inyong mamanahin.

55 Ngunit kung hindi ninyo palalayasin ang mga naninirahan sa lupain sa harap ninyo ay magiging parang mga puwing sa inyong mga mata, at parang mga tinik sa inyong mga tagiliran ang mga ititira ninyo sa kanila, at kanilang guguluhin kayo sa lupaing pinaninirahan ninyo.

56 At mangyayari na gagawin ko sa inyo ang inisip kong gawin sa kanila.’”

Ang mga Hangganan ng Lupain

34 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Iutos mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, ‘Pagpasok ninyo sa lupain ng Canaan, na ito ang lupaing magiging inyong mana, ang lupain ng Canaan ayon sa mga hangganan niyon,

ang inyong lugar sa timog ay mula sa ilang ng Zin hanggang sa gilid ng Edom, at ang inyong hangganan sa timog ay magiging mula sa dulo ng Dagat ng Asin sa gawing silangan.

Ang inyong hangganan ay paliko sa dakong timog sa gulod ng Acrabim, at patuloy hanggang sa Zin, at ang mga dulo niyon ay sa dakong timog ng Kadesh-barnea; at mula rito ay patungo sa Hazar-adar, at magpapatuloy sa Azmon;

at ang hangganan ay paliko mula sa Azmon hanggang sa batis ng Ehipto, at matatapos iyon sa dagat.

“Ang inyong magiging hangganan sa kanluran ay ang Malaking Dagat at ang baybayin niyon; ito ang magiging hangganan ninyo sa kanluran.

Ito ang inyong magiging hangganan sa hilaga; mula sa Malaking Dagat ay inyong gagawing palatandaan ang bundok ng Hor;

mula sa bundok ng Hor ay inyong gagawing palatandaan ang pasukan ng Hamat; at ang dulo ng hangganan ay sa Zedad;

ang magiging hangganan ay hanggang sa Zifron, at ang dulo nito ay ang Hazar-enan. Ito ang magiging hangganan ninyo sa hilaga.

10 Inyong gagawing palatandaan ang inyong hangganan sa silangan mula sa Hazar-enan hanggang Shefam;

11 ang hangganan ay pababa mula sa Shefam hanggang sa Ribla, sa dakong silangan ng Ain; at ang hangganan ay pababa at abot hanggang sa gilid ng dagat ng Cineret sa dakong silangan.

12 Ang hangganan ay pababa sa Jordan, at ang dulo niyon ay abot sa Dagat ng Asin. Ito ang magiging inyong lupain ayon sa mga hangganan niyon sa palibot.”

13 Iniutos(E) (F) ni Moises sa mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ito ang lupain na inyong mamanahin sa pamamagitan ng palabunutan, na iniutos ng Panginoon na ibigay sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi;

14 sapagkat ang lipi ng mga anak ni Ruben ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at ang lipi ng mga anak ni Gad ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno ay tumanggap na, at gayundin naman ang kalahating lipi ni Manases ay tumanggap na ng kanilang mana.

15 Ang dalawang lipi na ito, at ang kalahating lipi ay tumanggap na ng kanilang mana sa kabila ng Jordan sa dakong silangan ng Jerico, sa dakong sinisikatan ng araw.”

16 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

17 “Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na magbabahagi ng lupain sa inyo bilang mana: ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun.

18 Maglalagay kayo ng isang pinuno sa bawat lipi upang maghati ng lupain bilang mana.

19 Ito ang mga pangalan ng mga lalaki: sa lipi ni Juda ay si Caleb na anak ni Jefone.

20 Sa lipi ng mga anak ni Simeon ay si Samuel na anak ni Amihud.

21 Sa lipi ni Benjamin ay si Elidad na anak ni Chislon.

22 Sa lipi ng mga anak ni Dan ay ang pinunong si Buki na anak ni Jogli.

23 Sa mga anak ni Jose: sa lipi ng mga anak ni Manases ay ang pinunong si Haniel na anak ni Efod,

24 sa lipi ng mga anak ni Efraim ay ang pinunong si Chemuel na anak ni Siftan;

25 sa lipi ng mga anak ni Zebulon ay ang pinunong si Elisafan na anak ni Farnac;

26 sa lipi ng mga anak ni Isacar ay ang pinunong si Paltiel na anak ni Azan;

27 sa lipi ng mga anak ni Aser ay ang pinunong si Ahiud na anak ni Selomi;

28 at sa lipi ng mga anak ni Neftali ay ang pinunong si Pedael na anak ni Amihud.

29 Ito ang mga inutusan ng Panginoon na mamahagi ng mana sa mga anak ni Israel sa lupain ng Canaan.”

Ang mga Lunsod para sa mga Levita

35 At(G) nagsalita ang Panginoon kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico, na sinasabi,

“Iutos mo sa mga anak ni Israel na kanilang bigyan ang mga Levita mula sa mana na kanilang pag-aari, ng mga lunsod na matitirahan. Ang mga pastulan sa palibot ng mga lunsod na iyon ay ibibigay rin ninyo sa mga Levita.

Magiging kanila ang mga lunsod upang tirahan; at ang kanilang mga pastulan ay para sa kanilang mga kawan, mga pag-aari, at sa lahat nilang mga hayop.

Ang mga pastulan sa mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay isang libong siko sa palibot mula sa pader ng lunsod hanggang sa dakong labas.

Ang inyong susukatin sa labas ng lunsod sa dakong silangan ay dalawang libong siko, at sa dakong timog ay dalawang libong siko, at sa kanluran ay dalawang libong siko, at sa dakong hilaga ay dalawang libong siko, na ang lunsod ay sa gitna. Ito ang magiging kanilang mga pastulan sa mga lunsod.

Ang mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay ang anim na lunsod na kanlungan, na siya ninyong ibibigay na matatakasan ng nakamatay ng tao. Bukod pa dito ay magbibigay kayo ng apatnapu't dalawang lunsod.

Lahat ng mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay apatnapu't walong lunsod; kasama ang kanilang mga pastulan.

Tungkol sa mga lunsod na inyong ibibigay mula sa ari-arian ng mga anak ni Israel ay kukuha kayo ng marami mula sa malalaking lipi at sa maliliit na lipi ay kukuha kayo ng kaunti; bawat isa ayon sa kanyang mana na kanyang minamana ay magbibigay ng kanyang mga lunsod sa mga Levita.”

Mga Lunsod-Kanlungan(H)

At(I) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

10 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Pagtawid ninyo ng Jordan sa lupain ng Canaan,

11 ay pipili kayo ng mga lunsod na magiging lunsod-kanlungan para sa inyo, upang ang nakamatay ng sinumang tao nang hindi sinasadya ay makatakas patungo doon.

12 Ang mga lunsod na iyon ay magiging sa inyo'y kanlungan laban sa tagapaghiganti upang ang nakamatay ay huwag mamatay, hanggang sa siya'y tumayo sa harap ng kapulungan para hatulan.

13 Ang mga lunsod na inyong ibibigay ay ang inyong anim na lunsod-kanlungan.

14 Magbibigay kayo ng tatlong lunsod sa kabila ng Jordan, at tatlong lunsod ang ibibigay ninyo sa lupain ng Canaan upang maging mga lunsod-kanlungan.

15 Ang anim na lunsod na ito ay magiging kanlungan para sa mga anak ni Israel, mga dayuhan, at sa mga makikipamayan sa kanila, upang ang bawat nakamatay ng sinumang tao nang hindi sinasadya ay makatakas patungo doon.

16 Ngunit kung kanyang hampasin ang kanyang kapwa ng isang kasangkapang bakal, na anupa't namatay, siya nga'y mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.

17 Kung kanyang pukpukin ng isang batong nasa kamay na ikamamatay at namatay nga, siya ay mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.

18 O kung kanyang saktan ng isang sandatang kahoy na hawak sa kamay na ikamamatay ng tao, at namatay nga, siya ay mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin.

19 Ang tagapaghiganti ng dugo ay siyang papatay sa pumatay. Kapag natagpuan niya ay kanyang papatayin.

20 Kung kanyang itinulak dahil sa poot, o kanyang pinukol ng isang bagay, na nagbabanta, anupa't siya'y namatay;

21 o sa pakikipag-away ay nanuntok na anupa't namatay, ang nanuntok ay tiyak na papatayin; siya'y mamamatay-tao; ang tagapaghiganti ng dugo ay siyang papatay sa pumatay, kapag kanyang natagpuan siya.

Ang mga Lunsod-Kanlungan para sa Nakamatay

22 “Ngunit kung sa pagkabigla ay kanyang maitulak na walang alitan, o mahagisan niya ng anumang bagay na hindi tinambangan,

23 o ng anumang bato na ikamamatay ng tao, na hindi niya nakikita at kanyang naihagis sa kanya, na anupa't namatay at hindi niya kaaway, at hindi niya pinaghahangaran ng masama;

24 kung gayon ang kapulungan ang siyang hahatol sa mamamatay-tao at sa tagapaghiganti ng dugo, ayon sa mga batas na ito.

25 Ililigtas ng kapulungan ang nakamatay sa kamay ng tagapaghiganti ng dugo, at siya'y pababalikin ng kapulungan sa kanyang lunsod-kanlungan na kanyang tinakasan at siya'y mananatili roon hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari, na binuhusan ng banal na langis.

26 Ngunit kung ang nakamatay ay lumabas sa anumang panahon sa hangganan ng kanyang lunsod-kanlungan na kanyang tinakasan,

27 at nakita siya ng tagapaghiganti ng dugo sa labas ng hangganan ng kanyang lunsod-kanlungan, at patayin ng tagapaghiganti ng dugo ang nakamatay, hindi siya mananagot sa dugo,

28 sapagkat ang tao ay dapat manatili sa kanyang lunsod-kanlungan hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari; ngunit pagkamatay ng pinakapunong pari ang nakamatay ay makakabalik sa lupain na kanyang pag-aari.

Ang Batas tungkol sa Mamamatay-Tao

29 “Ang mga bagay na ito ay magiging isang tuntunin at batas sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi sa lahat ng inyong mga tirahan.

30 Kung(J) ang sinuman ay pumatay ng isang tao, ang pumatay ay papatayin sa patotoo ng mga saksi; ngunit walang taong maaaring patayin sa patotoo ng isang saksi.

31 Bukod dito, huwag kayong tatanggap ng suhol para sa buhay ng mamamatay-tao na nagkasala ng pagpatay, kundi siya'y papatayin.

32 Huwag kayong tatanggap ng suhol sa kaninumang tumakas sa kanyang lunsod-kanlungan, upang siya'y makabalik at manirahan sa kanyang lupain bago mamatay ang pinakapunong pari.

33 Kaya't huwag ninyong parurumihin ang lupain na inyong kinaroroonan, sapagkat ang dugo ay nagpaparumi ng lupain at walang paglilinis na magagawa sa lupa dahil sa dugo na dumanak doon, maliban sa pamamagitan ng dugo ng taong nagpadanak niyon.

34 Huwag ninyong durungisan ang lupain na inyong tinitirhan, sa kalagitnaan na aking tinitirhan; sapagkat ako ang Panginoon ay naninirahan sa gitna ng mga anak ni Israel.”

Tungkol sa Pag-aasawa ng mga Tagapagmanang Babae

36 Ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Gilead, na anak ni Makir, na anak ni Manases, sa mga angkan ng mga anak ni Jose, ay lumapit at nagsalita sa harap ni Moises at ng mga pinuno, na mga puno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Israel.

Sinabi(K) nila, “Ang Panginoon ay nag-utos sa aking panginoon na ibigay sa pamamagitan ng palabunutan ang lupain na pinakamana sa mga anak ni Israel at inutusan din naman ng Panginoon ang aking panginoon na ibigay ang mana ni Zelofehad na aming kapatid sa kanyang mga anak na babae.

Kung sila'y mag-asawa sa kaninuman sa mga anak ng ibang mga lipi ng mga anak ni Israel ay aalisin ang mana nila na mula sa mana ng aming mga ninuno, at idaragdag sa mana ng lipi na kinabibilangan nila; sa gayo'y aalisin ito sa manang nauukol sa amin.

At pagdating ng jubileo ng mga anak ni Israel ay idaragdag ang kanilang mana sa mana ng lipi na kanilang kinabibilangan; sa gayo'y ang kanilang mana ay aalisin sa mana ng lipi ng aming mga ninuno.”

At iniutos ni Moises sa mga anak ni Israel ayon sa salita ng Panginoon, na sinasabi, “Tama ang sinasabi ng lipi ng mga anak ni Jose.”

Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon tungkol sa mga anak na babae ni Zelofehad, na sinasabi, ‘Hayaan silang mag-asawa sa sinumang iniisip nila na pinakamabuti; ngunit sa angkan ng lipi lamang ng kanilang ama.

Sa gayon ay walang mana ng mga anak ni Israel ang magpapalipat-lipat sa iba't ibang lipi, sapagkat ang mga anak ni Israel ay mananatili sa isa sa mana ng lipi ng kanyang mga ninuno.

Bawat anak na babae na nagmamay-ari sa anumang lipi ng mga anak ni Israel ay mag-aasawa sa isa sa mga angkan ng lipi ng kanyang ama, upang mapanatili ng bawat isa sa mga anak ni Israel ang mana ng kanyang mga ninuno.

Sa gayon ay hindi magpapalipat-lipat ang mana sa ibang lipi; sapagkat dapat manatili ang bawat lipi ng mga anak ni Israel sa kanyang sariling mana.

10 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon ang ginawa ng mga anak na babae ni Zelofehad;

11 sapagkat sina Mahla, Tirsa, Holga, Milca, at Noa, na mga anak na babae ni Zelofehad ay nagsipag-asawa sa mga anak ng mga kapatid ng kanilang ama.

12 Sila'y nag-asawa sa mga angkan ng mga anak ni Manases na anak ni Jose; at ang kanilang mana ay naiwan sa lipi ng angkan ng ama nila.

13 Ito ang mga utos at ang mga batas, na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises sa mga anak ni Israel sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico.

Ito ang mga salitang sinabi ni Moises sa buong Israel sa kabila ng Jordan sa ilang, sa Araba na katapat ng Suf, sa pagitan ng Paran at ng Tofel, Laban, Haserot, at Di-zahab.

Iyon ay labing-isang araw na lakbayin mula sa Horeb kung daraan sa bundok ng Seir hanggang sa Kadesh-barnea.

Nang unang araw ng ikalabing-isang buwan ng ikaapatnapung taon, nagsalita si Moises sa mga anak ni Israel ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon sa kanya para sa kanila.

Ito(L) ay pagkatapos niyang talunin si Sihon na hari ng mga Amoreo, na naninirahan sa Hesbon, at si Og na hari ng Basan, na naninirahan sa Astarot at sa Edrei.

Sa kabila ng Jordan sa lupain ng Moab, pinasimulan ni Moises na ipaliwanag ang kautusang ito gaya ng sumusunod:

“Ang Panginoon nating Diyos ay nagsalita sa atin sa Horeb, na nagsasabi, ‘Kayo'y matagal nang naninirahan sa bundok na ito.

Ipagpatuloy ninyo ang inyong paglalakbay at pumunta kayo sa lupaing maburol ng mga Amoreo, at sa lahat nitong kalapit na lugar, sa Araba na lupaing maburol at sa kapatagan, sa Negeb, at sa baybayin ng dagat, sa lupain ng mga Cananeo, sa Lebanon, hanggang sa malaking ilog ng Eufrates.

Tingnan ninyo, inilagay ko na ang lupain sa harapan ninyo. Pasukin ninyo at angkinin ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob, na ibibigay sa kanila at sa kanilang mga anak pagkamatay nila.’

Humirang si Moises ng mga Hukom(M)

“At ako'y nagsalita sa inyo nang panahong iyon na sinasabi, ‘Hindi ko kayo kayang dalhing mag-isa.

10 Pinarami kayo ng Panginoon ninyong Diyos, at kayo ngayon ay gaya ng mga bituin sa langit sa dami.

11 Ang Panginoon na Diyos ng inyong mga ninuno, nawa'y paramihin kayo ng makalibong ulit kaysa ngayon, at kayo nawa'y pagpalain ng gaya ng ipinangako niya sa inyo!

12 Paano ko madadalang mag-isa ang mabigat na pasan ninyo at ng inyong mga alitan?

13 Pumili kayo ng mga lalaking matatalino, may pang-unawa at may karanasan mula sa inyong mga lipi, at sila'y aking itatalaga bilang mga pinuno ninyo.’

14 At kayo'y sumagot sa akin at nagsabi, ‘Ang bagay na iyong sinabi ay mabuting gawin natin.’

15 Kaya't kinuha ko ang mga pinuno ng inyong mga lipi, mga taong matatalino at may karanasan, at inilagay sila bilang mga pinuno ninyo, na mga pinuno ng libu-libo, mga pinuno ng daan-daan, mga pinuno ng lima-limampu, mga pinuno ng sampu-sampu, at mga pinuno sa inyong mga lipi.

16 Inutusan ko ang inyong mga hukom nang panahong iyon: ‘Pakinggan ninyo ang mga usapin ng inyong mga kapatid, at hatulan ng matuwid ang tao at ang kanyang kapatid, at ang dayuhan na kasama niya.

17 Huwag kayong magtatangi ng tao sa paghatol; inyong parehong papakinggan ang hamak at ang dakila; huwag kayong matatakot sa mukha ng tao; sapagkat ang paghatol ay sa Diyos, at ang bagay na napakahirap sa inyo ay inyong dadalhin sa akin, at aking papakinggan.’

18 Kaya't nang panahong iyon, aking iniutos sa inyo ang lahat ng mga bagay na inyong gagawin.

Nagsugo ng mga Espiya mula sa Kadesh-barnea(N)

19 “Pagkatapos, tayo ay naglakbay mula sa Horeb at ating tinahak ang malawak at nakakatakot na ilang na inyong nakita, sa daang patungo sa lupaing maburol ng mga Amoreo, na gaya ng iniutos ng Panginoon nating Diyos sa atin, at tayo'y dumating sa Kadesh-barnea.

20 Aking sinabi sa inyo, ‘Inyong narating ang lupaing maburol ng mga Amoreo na ibinibigay sa atin ng Panginoon nating Diyos.

21 Tingnan mo, ibinibigay ng Panginoon mong Diyos ang lupain sa harapan mo. Akyatin mo, angkinin mo, na gaya ng sinabi sa iyo ng Panginoong Diyos ng iyong mga ninuno; huwag kang matakot, o mangamba.’

22 At lahat kayo'y lumapit sa akin, bawat isa sa inyo, at nagsabi, ‘Tayo'y magsugo ng mga lalaki upang mauna sa atin, upang lihim nilang siyasatin ang lupain, at ibalita sa atin ang daang dapat nating tahakin, at ang mga lunsod na ating daratnan!’

23 Ang panukala ay minabuti ko at ako'y kumuha ng labindalawang lalaki sa inyo, isang lalaki sa bawat lipi.

24 Sila'y pumihit at umahon sa lupaing maburol at dumating sa libis ng Escol, at kanilang lihim na siniyasat.

25 At sila'y kumuha ng bunga ng lupain at ibinaba iyon sa atin, at ibinalita, ‘Ang lupaing ibinibigay sa atin ng Panginoon ay mabuti.’

Hindi Nanampalataya ang Kapulungan

26 “Gayunma'y(O) hindi kayo umakyat, kundi naghimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon ninyong Diyos,

27 at kayo'y nagbulung-bulungan sa inyong mga tolda, at sinabi, ‘Dahil kinapootan tayo ng Panginoon, kanyang inilabas tayo sa lupain ng Ehipto upang tayo'y ibigay sa kamay ng mga Amoreo upang tayo'y lipulin.

28 Saan tayo aahon? Pinapanghina ng ating mga kapatid ang ating puso, na sinasabi, “Nakita namin doon ang mga taong malalaki at matataas kaysa atin. Ang mga bayan ay malalaki at may pader hanggang sa langit, gayundin nakita namin ang mga anak ng Anakim roon.”’

29 Nang magkagayo'y sinabi ko sa inyo, ‘Huwag kayong mangilabot ni matakot sa kanila.

30 Ang Panginoon ninyong Diyos, na nangunguna sa inyo ay siyang makikipaglaban para sa inyo, gaya ng kanyang ginawa para sa inyo sa Ehipto sa inyong harapan,[c]

31 at(P) sa ilang, na doon ay inyong nakita kung paanong dinala kayo ng Panginoon ninyong Diyos, na gaya ng pagdadala ng tao sa kanyang anak, sa lahat ng daang inyong nilakaran hanggang sa makarating kayo sa dakong ito.’

32 Gayunma'y(Q) sa kabila ng bagay na ito ay hindi kayo sumampalataya sa Panginoon ninyong Diyos,

33 na nanguna sa inyo sa daan, upang ihanap kayo ng dakong mapagtatayuan ng inyong mga tolda na nasa apoy kapag gabi, at nasa ulap kapag araw, upang ituro sa inyo ang daang dapat ninyong lakaran.

Pinarusahan ng Panginoon ang Israel(R)

34 “Nang(S) marinig ng Panginoon ang inyong mga salita, siya ay nagalit at sumumpa na sinasabi,

35 ‘Wala ni isa man sa mga taong mula sa masamang salinlahing ito ang makakakita ng mabuting lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno,

36 maliban kay Caleb na anak ni Jefone. Makikita niya iyon at ibibigay ko sa kanya at sa mga anak niya ang lupain na kanyang nilakaran, sapagkat siya'y lubos na sumunod sa Panginoon.’

37 Ang Panginoon ay nagalit din sa akin, dahil sa inyo, na nagsasabi, ‘Ikaw man ay hindi papasok doon.

38 Si Josue na anak ni Nun, na iyong lingkod,[d] ay siyang papasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob, sapagkat siya ang mangunguna upang ito ay manahin ng Israel.

39 Bukod dito, ang inyong mga bata na inyong sinasabing magiging biktima, at ang inyong mga anak na sa araw na ito ay hindi nakakaalam ng mabuti o ng masama, ay siyang papasok doon, at sa kanila'y aking ibibigay, at ito'y kanilang aangkinin.

40 Ngunit tungkol sa inyo, bumalik kayo at maglakbay sa ilang sa daang patungo sa Dagat na Pula.’

41 “At kayo ay sumagot at sinabi sa akin, ‘Kami ay nagkasala laban sa Panginoon, kami ay aahon at lalaban, ayon sa iniutos sa amin ng Panginoon naming Diyos.’ At bawat isa sa inyo ay nagsakbat ng kanya-kanyang sandatang pandigma, at inyong inakalang madaling akyatin ang lupaing maburol.

42 Kaya't sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Sabihin mo sa kanila, Huwag kayong umakyat, ni lumaban, sapagkat ako'y wala sa inyong kalagitnaan. Baka kayo'y matalo sa harapan ng inyong mga kaaway.’

43 Gayon ang sinabi ko sa inyo, ngunit hindi kayo nakinig kundi kayo'y naghimagsik laban sa utos ng Panginoon, at naghambog at umakyat sa lupaing maburol.

44 Ang mga Amoreo na naninirahan sa lupaing maburol na iyon ay lumabas laban sa inyo, at kayo'y hinabol, na gaya ng ginagawa ng mga pukyutan, at kayo'y tinalo sa Seir hanggang sa Horma.

45 Kayo'y bumalik at umiyak sa harapan ng Panginoon, ngunit hindi dininig ng Panginoon ang inyong tinig, ni pinakinggan kayo.

46 Kaya't kayo'y nanatili nang maraming araw sa Kadesh, ayon sa mga araw na inyong inilagi roon.

Ang mga Taon sa Ilang

“Pagkatapos,(T) tayo ay naglakbay pabalik sa ilang patungo sa Dagat na Pula, gaya ng sinabi sa akin ng Panginoon; at tayo'y lumigid ng maraming araw sa bundok ng Seir.

At nagsalita ang Panginoon sa akin, na sinasabi,

‘Matagal na ninyong naligid ang bundok na ito; lumiko kayo sa dakong hilaga.

At(U) iutos mo ang ganito sa taong-bayan: Kayo'y daraan sa nasasakupan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Esau, na naninirahan sa Seir; at sila'y matatakot sa inyo kaya't mag-ingat kayong mabuti.

Huwag kayong makipaglaban sa kanila, sapagkat hindi ko ibibigay sa inyo ang alinman sa kanilang lupain, kahit na ang tuntungan ng talampakan ng isang paa, sapagkat ibinigay ko na kay Esau ang bundok ng Seir bilang ari-arian.

Kayo'y bibili ng pagkain sa kanila sa pamamagitan ng salapi upang kayo'y makakain; at kayo'y bibili rin sa kanila ng tubig sa pamamagitan ng salapi upang kayo'y makainom.

Sapagkat pinagpala ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong kamay; kanyang nalalaman ang iyong paglalakbay dito sa malawak na ilang; ang Panginoon mong Diyos ay nakasama mo nitong apatnapung taon at ikaw ay di kinulang ng anuman.’

Kaya't tayo'y nagpatuloy palayo sa ating mga kapatid, na mga anak ni Esau, na nakatira sa Seir, palayo sa daan ng Araba, mula sa Elat at Ezion-geber. “Tayo'y pumihit at dumaan sa ilang ng Moab.

At(V) sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag mong guluhin ang Moab, ni kalabanin sila sa digmaan, sapagkat hindi ko ibibigay ang kanilang lupain sa iyo bilang pag-aari, sapagkat aking ibinigay na pag-aari ang Ar sa mga anak ni Lot.’

10 (Ang mga Emita ay tumira doon noong una, isang bayang malaki at marami, at matataas na gaya ng mga Anakim.

11 Ang mga ito man ay itinuturing na mga Refaim, na gaya ng mga Anakim; ngunit tinatawag silang Emita ng mga Moabita.

12 Ang mga Horita ay nanirahan din sa Seir noong una, ngunit ito ay binawi sa kanila ng mga anak ni Esau at pinuksa sila nang harapan at nanirahang kapalit nila, gaya ng ginawa ng Israel sa lupaing kanyang pag-aari na ibinigay ng Panginoon sa kanila.)

13 ‘Ngayon, tumindig kayo at tumawid sa batis ng Zared.’ At tayo'y tumawid sa batis ng Zared.

14 Ang(W) panahon mula nang tayo ay lumabas sa Kadesh-barnea hanggang sa tayo'y nakarating sa batis ng Zared ay tatlumpu't walong taon, hanggang sa ang buong lahi ng mga lalaking mandirigma ay malipol sa gitna ng kampo, gaya ng ipinangako sa kanila ng Panginoon.

15 Talagang ang Panginoon ay laban sa kanila, upang lipulin sila sa gitna ng kampo, hanggang sa sila'y nalipol.

16 “Kaya't nang mapuksa at mamatay sa gitna ng bayan ang lahat ng lalaking mandirigma,

17 ay sinabi sa akin ng Panginoon,

18 ‘Ikaw ay daraan sa araw na ito sa hangganan ng Moab sa Ar.

19 Kapag(X) ikaw ay papalapit na sa hangganan ng mga anak ni Ammon, huwag mo silang guluhin ni makipaglaban sa kanila, sapagkat hindi ko ibibigay sa iyo ang lupain ng mga anak ni Ammon yamang ibinigay ko na ito bilang pag-aari ng mga anak ni Lot.’

20 (Iyon ay kilala rin na lupain ng mga Refaim: ang mga Refaim ang nanirahan doon noong una, ngunit sila ay tinawag na mga Zamzumim ng mga Ammonita,

21 isang lunsod na malaki, marami at matataas na gaya ng mga Anakim; ngunit sila ay pinuksa ng Panginoon nang harapan. Sila'y sinamsaman at nanirahang kapalit nila.

22 Gayundin ang kanyang ginawa sa mga anak ni Esau na naninirahan sa Seir, nang kanyang puksain ng harapan ang mga Horita. Sila'y sinamsaman at nanirahang kapalit nila hanggang sa araw na ito.

23 Tungkol naman sa mga Avim na naninirahan sa mga nayon hanggang sa Gaza, ang mga Caftoreo[e] na nagmula sa Caftor,[f] lipulin ninyo sila at manirahang kapalit nila.)

24 ‘Tumindig kayo, at maglakbay. Dumaan kayo sa libis ng Arnon, at ibinigay ko na sa iyong kamay si Sihon na Amoreo, na hari ng Hesbon, at ang kanyang lupain. Pasimulan mong angkinin, at kalabanin mo siya sa digmaan.

25 Sa araw na ito ay pasisimulan kong ilagay ang pagkasindak at pagkatakot sa inyo sa mga bayang nasa ilalim ng buong langit, na makakarinig ng balita tungkol sa iyo. Manginginig at mahahapis sila dahil sa iyo.’

Nilupig ng Israel ang Hesbon(Y)

26 “Kaya't ako'y nagpadala ng mga sugo mula sa ilang ng Kedemot kay Sihon na hari ng Hesbon na may mga salita ng kapayapaan, na sinasabi,

27 ‘Paraanin mo ako sa iyong lupain. Sa lansangan lamang ako daraan, hindi ako liliko sa kanan ni sa kaliwa.

28 Pagbilhan mo ako ng pagkain kapalit ng salapi, upang makakain ako, at bigyan mo ako ng tubig kapalit ng salapi, upang makainom ako; paraanin mo lamang ako,

29 gaya nang ginawa sa akin ng mga anak ni Esau na naninirahan sa Seir, at ng mga Moabita na naninirahan sa Ar, hanggang makatawid ako sa Jordan, sa lupaing ibinibigay sa amin ng Panginoon naming Diyos.’

30 Ngunit ayaw tayong paraanin ni Sihon na hari ng Hesbon; sapagkat pinapagmatigas ng Panginoon mong Diyos ang kanyang espiritu at kanyang puso, upang maibigay siya sa iyong kamay gaya sa araw na ito.

31 Sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Pinasimulan ko nang ibigay sa iyo si Sihon at ang kanyang lupain, pasimulan mong kunin upang matirahan ang kanyang lupain.’

32 At dumating si Sihon upang kami ay harapin, siya at ang kanyang buong bayan, upang makipagdigmaan sa Jahaz.

33 Ibinigay siya ng Panginoon nating Diyos sa harapan natin; at ginapi natin siya at ang kanyang mga anak, at ang kanyang buong bayan.

34 At nasakop natin ang lahat ng kanyang mga lunsod nang panahong iyon, at ganap na winasak ang bawat lunsod, mga lalaki, mga babae, at mga bata; wala tayong itinira.

35 Ang mga hayop lamang ang para sa ating sarili, at sinamsaman ang mga lunsod na ating sinakop.

36 Mula sa Aroer na nasa tabi ng libis ng Arnon at mula sa lunsod na nasa libis hanggang sa Gilead, ay walang lunsod na napakataas para sa atin. Ang lahat ay ibinigay na sa atin ng Panginoon nating Diyos.

37 Hindi lamang kayo lumapit sa lupain ng mga anak ni Ammon; sa alinmang bahagi sa buong pampang ng ilog Jaboc at sa mga lunsod ng lupaing maburol, at sa lahat na ipinagbawal sa atin ng Panginoon nating Diyos.

Nilupig ng Israel si Haring Og(Z)

“Pagkatapos, tayo'y pumihit at umahon sa daang patungo sa Basan, at si Og na hari ng Basan at ang kanyang buong lunsod ay lumabas upang tayo ay harapin, upang makipaglaban sa Edrei.

Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag kang matakot sa kanya, sapagkat ibinigay ko na siya sa iyong kamay, at ang kanyang buong bayan, at ang kanyang lupain. At gagawin mo sa kanya ang gaya ng ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa Hesbon.’

Ibinigay din ng Panginoon nating Diyos sa ating kamay si Og, na hari ng Basan, at ang buong lunsod niya; at ating pinuksa siya hanggang sa walang natira sa kanya.

Ating sinakop ang lahat ng kanyang mga lunsod nang panahong iyon; walang lunsod na hindi natin inagaw sa kanila; animnapung lunsod ang buong lupain ng Argob na kaharian ni Og sa Basan.

Ang lahat ng mga lunsod nito'y napapaligiran ng matataas na pader, mga pintuang-lunsod at mga halang; bukod pa ang napakaraming mga nayong walang pader.

Pinuksa natin silang lahat, na gaya ng ating ginawa kay Sihon na hari ng Hesbon, ating pinuksa ang bawat lunsod, ang mga lalaki, mga babae, at mga bata.

Sinamsam natin ang mga hayupan at ang nasamsam sa mga lunsod ay ating dinala.

Ating sinakop ang lupaing nasa kabila ng Jordan mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon mula sa kamay ng dalawang hari ng mga Amoreo

(tinatawag ng mga taga-Sidon ang Hermon na Sirion, at ito ay tinatawag ng mga Amoreo na Senir),

10 lahat ng mga lunsod sa kapatagan, at ang buong Gilead, at ang buong Basan, hanggang Saleca at Edrei, ang mga lunsod ng kaharian ni Og sa Basan.

11 (Sapagkat tanging si Og na hari ng Basan ang natira sa nalabi sa mga Refaim. Ang kanyang higaan ay higaang bakal; hindi ba't ito'y nasa Rabba sa mga anak ni Ammon? Siyam na siko ang haba at apat na siko ang luwang nito, ayon sa karaniwang siko.[g])

Mga Lipi na Nanirahan sa Silangan ng Jordan(AA)

12 “Ito ang mga lupaing ating sinakop nang panahong iyon; mula sa Aroer, na nasa gilid ng libis ng Arnon, at kalahati ng lupaing maburol ng Gilead, at ang mga lunsod nito, ay aking ibinigay sa mga Rubenita at sa mga Gadita;

13 ang ibang bahagi ng Gilead, at ang buong Basan na kaharian ni Og, ang buong lupain ng Argob, ay aking ibinigay sa kalahating lipi ni Manases. (Ang buong Basan ay tinatawag na lupain ng mga Refaim.

14 Sinakop ni Jair na anak ni Manases ang buong lupain ng Argob na ito ng Basan, hanggang sa hangganan ng mga Geshureo at ng mga Macatita; tinawag niya ang mga nayon ayon sa kanyang pangalang Havot-jair hanggang sa araw na ito.)

15 At aking ibinigay ang Gilead kay Makir.

16 Sa mga Rubenita at sa mga Gadita ay aking ibinigay ang mula sa Gilead hanggang sa libis ng Arnon, na siyang kalahatian ng libis, bilang hangganan niyon hanggang sa ilog Jaboc, na siyang hangganan ng mga anak ni Ammon;

17 pati ng Araba at ng Jordan at ng hangganan niyon, mula sa Cineret hanggang sa Dagat ng Araba na Dagat ng Asin, sa ibaba ng gulod ng Pisga sa dakong silangan.

18 “At(AB) kayo'y aking inutusan nang panahong iyon, na sinasabi, ‘Ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos ang lupaing ito upang angkinin; kayong lahat na mandirigma ay daraang may sandata sa harapan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Israel.

19 Tanging ang inyong mga asawa at ang inyong mga bata, at ang inyong mga hayop (alam ko na kayo'y mayroong maraming hayop) ang mananatili sa inyong mga lunsod na aking ibinigay sa inyo,

20 hanggang sa bigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, na gaya ninyo, at kanilang angkinin din ang lupain na ibinigay sa kanila ng Panginoon ninyong Diyos sa kabila ng Jordan. Pagkatapos ay babalik ang bawat lalaki sa inyo sa kanyang pag-aari na aking ibinigay sa inyo.’

21 At aking iniutos kay Josue nang panahong iyon, na sinasabi, ‘Nakita ng iyong mga mata ang lahat ng ginawa ng Panginoon mong Diyos sa dalawang haring ito; gayon ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng mga kahariang iyong daraanan.

22 Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ang makikipaglaban para sa inyo.’

Hindi Pinapasok si Moises sa Canaan

23 “Ako'y(AC) nanalangin sa Panginoon nang panahon ding iyon, na sinasabi,

24 ‘O Panginoong Diyos, pinasimulan mong ipakita sa iyong lingkod ang iyong kadakilaan at ang iyong kamay na makapangyarihan: sino ang diyos sa langit o sa lupa ang makakagawa ng tulad sa iyong mga gawa ng iyong kapangyarihan?

25 Hinihiling ko sa iyo, patawirin mo ako at nang aking makita ang mabuting lupaing nasa kabila ng Jordan, ang mainam na lupaing maburol at ang Lebanon.’

26 Ngunit ang Panginoon ay nagalit sa akin dahil sa inyo, at hindi ako pinakinggan. At sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag ka nang magsalita pa sa akin ng tungkol sa bagay na ito.

27 Umahon ka sa taluktok ng Pisga at igala mo ang iyong paningin sa dakong kanluran, sa hilaga, sa timog, at sa silangan, at masdan mo sapagkat hindi ka makatatawid sa Jordang ito.

28 Ngunit utusan mo si Josue, at palakasin mo ang kanyang loob at patatagin mo siya sapagkat siya'y tatawid na nangunguna sa bayang ito, at kanyang ipapamana sa kanila ang lupain na iyong makikita.’

29 Kaya't nanatili tayo sa libis na nasa tapat ng Bet-peor.

Ang Israel ay Pinaalalahanang Maging Masunurin

“At ngayon, O Israel, pakinggan mo ang mga tuntunin at ang mga batas, na aking itinuturo at inyong gawin ang mga ito upang kayo'y mabuhay, at pumasok at angkinin ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoong Diyos ng inyong mga ninuno.

Huwag(AD) ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na aking iniuutos sa inyo, upang inyong matupad ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos na aking iniuutos sa inyo.

Nakita(AE) ng inyong mga mata ang ginawa ng Panginoon sa Baal-peor; sapagkat lahat ng mga tao na sumunod kay Baal-peor ay pinuksa ng Panginoon mong Diyos sa gitna mo.

Ngunit kayong humawak ng matatag sa Panginoon ninyong Diyos ay buháy na lahat sa araw na ito.’

Tinuruan ko kayo ng mga tuntunin at ng mga batas, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Diyos upang inyong gawin sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang angkinin.

Tuparin ninyo at inyong gawin, sapagkat ito ang inyong magiging karunungan at kaalaman sa paningin ng mga tao na makakarinig ng mga tuntuning ito, at magsasabi, ‘Tunay na ang dakilang bansang ito ay matalino at may pagkaunawa.’

Sapagkat aling dakilang bansa ang may Diyos na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Diyos tuwing tumatawag tayo sa kanya?

At aling dakilang bansa ang may mga tuntunin at mga batas na napakatuwid na gaya ng buong kautusang ito na aking inilagay sa harapan ninyo sa araw na ito?

“Mag-ingat ka lamang sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa ng buong sikap, baka malimutan mo ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay. Ipaalam mo ito sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak.

10 Nang araw na ikaw ay tumayo sa harapan ng Panginoon mong Diyos sa Horeb, nang sabihin sa akin ng Panginoon, ‘Tipunin mo sa akin ang bayan, at aking iparirinig sa kanila ang aking mga salita, upang sila'y matutong matakot sa akin sa lahat ng araw ng kanilang buhay sa lupa, at upang kanilang maituro sa kanilang mga anak.’

11 Kayo'y(AF) lumapit at tumayo sa ibaba ng bundok samantalang ito ay nagningas sa apoy hanggang sa langit, at nabalot ng dilim, ulap, at makapal na kadiliman.

12 Ang Panginoon ay nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang tunog ng mga salita, ngunit wala kayong anyong nakita; tanging tinig lamang.

13 At(AG) kanyang ipinahayag sa inyo ang kanyang tipan na kanyang iniutos na inyong ganapin, samakatuwid ay ang sampung utos; at kanyang isinulat ang mga ito sa dalawang tapyas na bato.

14 Iniutos(AH) sa akin ng Panginoon nang panahong iyon na turuan ko kayo ng mga tuntunin at mga batas upang inyong gawin sa lupaing inyong paroroonan upang angkinin.

Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan

15 “Kaya't ingatan ninyong mabuti ang inyong sarili. Yamang wala kayong nakitang anumang anyo nang araw na magsalita ang Panginoon sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy,

16 baka(AI) kayo'y magpakasama, at kayo'y gumawa para sa inyong sarili ng isang larawang inanyuan na kawangis ng alinmang larawan, na katulad ng lalaki o babae,

17 na(AJ) kahawig ng anumang hayop na nasa lupa, at anumang ibong may pakpak na lumilipad sa himpapawid,

18 na kahawig ng anumang bagay na gumagapang sa lupa, at anumang isda na nasa tubig sa ilalim ng lupa.

19 Baka itingin mo ang iyong mga mata sa langit, at kung iyong makita ang araw, buwan, bituin, at lahat ng hukbo ng sangkalangitan ay matukso ka at iyong sambahin at paglingkuran sila na inilagay ng Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng mga bayan na nasa ilalim ng buong langit.

20 Ngunit(AK) kinuha kayo ng Panginoon, at hinango kayo sa hurnong bakal, mula sa Ehipto, upang maging isang bayan na kanyang pag-aari, isang pamana, gaya sa araw na ito.

21 At(AL) nagalit sa akin ang Panginoon dahil sa inyong mga salita, at sumumpa na ako'y hindi tatawid sa Jordan, at hindi ako papasok sa mabuting lupaing ibinibigay ng Panginoon mong Diyos sa iyo bilang pamana.

22 Kundi ako'y nararapat mamatay sa lupaing ito, ako'y hindi nararapat tumawid sa Jordan. Ngunit kayo'y tatawid at inyong aangkinin ang mabuting lupaing ito.

23 Mag-ingat kayo sa inyong sarili, upang huwag ninyong malimutan ang tipan ng Panginoon ninyong Diyos, na kanyang pinagtibay sa inyo. Huwag kayong gagawa ng larawang inanyuan na katulad ng anumang bagay na ipinagbawal sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

24 Sapagkat(AM) ang Panginoon mong Diyos ay isang apoy na tumutupok at isang Diyos na mapanibughuin.

25 “Kapag ikaw ay nagkaanak at nagkaanak ang inyong mga anak, at nagtagal kayo sa lupain, at nagpakasama kayo, at gumawa kayo ng larawang inanyuan na katulad ng anumang bagay, at gumawa kayo ng masama sa paningin ng Panginoon mong Diyos, upang siya ay galitin;

26 aking tinatawag ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa inyo sa araw na ito, upang kayo'y kaagad na mamatay sa lupain na inyong patutunguhan sa kabila ng Jordan upang angkinin, hindi ninyo mapapatagal ang inyong mga araw doon, kundi kayo'y lubos na mapupuksa.

27 Ikakalat(AN) kayo ng Panginoon sa mga bayan, at kayo'y maiiwang iilan sa bilang sa gitna ng mga bansa na pagtatabuyan sa inyo ng Panginoon.

28 Doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos na yari ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato na hindi nakakakita, ni nakakarinig, ni nakakakain, ni nakakaamoy.

29 Ngunit(AO) kung mula roon ay iyong hahanapin ang Panginoon mong Diyos, siya ay iyong matatagpuan kung iyong hahanapin ng buong puso at buong kaluluwa.

30 Sa iyong kapighatian, kapag lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo sa mga huling araw, ay magbabalik-loob ka sa Panginoon mong Diyos, at iyong papakinggan ang kanyang tinig.

31 Sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay maawaing Diyos. Hindi ka niya pababayaan, ni lilipulin ka niya, ni kakalimutan ang tipan sa iyong mga ninuno na kanyang ipinangako sa kanila.

32 “Sapagkat ipagtanong mo nga ang mga araw na nagdaan na nauna sa iyo, mula nang araw na lalangin ng Diyos ang tao sa ibabaw ng lupa, at mula sa isang hangganan ng langit hanggang sa kabila, kung nagkaroon ng isang bagay na higit na dakila kaysa rito, o may narinig na gaya nito?

33 Mayroon bang mga tao na nakarinig ng tinig ng Diyos na nagsalita sa gitna ng apoy, gaya ng narinig mo, at nabubuhay pa?

34 O may Diyos kaya na nagtangkang humayo at sumakop ng isang bansa sa gitna ng ibang bansa sa pamamagitan ng mga pagsubok, mga tanda, mga kababalaghan, digmaan, makapangyarihang kamay, ng unat na bisig, at ng kakilakilabot na pagpapakita ng kapangyarihan ayon sa lahat na ginawa ng Panginoon mong Diyos sa iyo sa Ehipto, sa harapan ng iyong paningin?

35 Ipinakita(AP) sa iyo ito, upang makilala mo na ang Panginoon ay siyang Diyos; wala nang iba liban sa kanya.

36 Mula sa langit ay ipinarinig niya sa iyo ang kanyang tinig, upang kanyang turuan ka. Sa ibabaw ng lupa ay kanyang ipinakita sa iyo ang kanyang dakilang apoy, at iyong narinig ang kanyang mga salita sa gitna ng apoy.

37 At sapagkat minahal niya ang iyong mga ninuno at pinili ang kanilang mga anak pagkatapos nila, at inilabas ka sa Ehipto na kasama niya, sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan,

38 na pinalayas sa harapan mo ang mga bansang lalong malalaki at makapangyarihan kaysa sa iyo, upang ikaw ay kanyang papasukin, upang ibigay sa iyo ang kanilang lupain bilang pamana, gaya sa araw na ito.

39 Kaya't alamin mo sa araw na ito at ilagay sa iyong puso, na ang Panginoon ay siyang Diyos sa itaas sa langit at sa ibaba sa lupa; wala nang iba pa.

40 Kaya't tuparin mo ang kanyang mga tuntunin at mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, upang kayo ay mapabuti, at ng inyong mga anak pagkamatay mo, at upang mapahaba mo ang iyong mga araw sa ibabaw ng lupaing ibinibigay sa iyo magpakailanman ng Panginoon mong Diyos.”

Mga Lunsod-Kanlungan sa Silangan ng Jordan

41 Nang(AQ) magkagayo'y ibinukod ni Moises ang tatlong lunsod sa silangan sa kabila ng Jordan,

42 upang ang nakamatay ng tao ay makatakas patungo doon, na nakamatay sa kanyang kapwa na hindi sinasadya, na hindi niya naging kaaway nang nakaraan; na sa pagtakas sa isa sa mga lunsod na ito ay maaari niyang iligtas ang kanyang buhay:

43 Ang Bezer sa ilang, sa kapatagang lupa na para sa mga Rubenita; at sa Ramot sa Gilead na para sa mga Gadita; at ang Golan sa Basan na para sa mga anak ni Manases.

Paunang-salita sa Pagbibigay ng Kautusan ng Diyos

44 Ito ang kautusang inilagay ni Moises sa harapan ng mga anak ni Israel.

45 Ito ang mga patotoo, mga tuntunin, at mga batas na sinalita ni Moises sa mga anak ni Israel nang sila'y lumabas sa Ehipto,

46 sa kabila ng Jordan, sa libis na nasa tapat ng Bet-peor, sa lupain ni Sihon na hari ng mga Amoreo na tumira sa Hesbon, na nilupig ni Moises at ng mga anak ni Israel nang sila'y umalis sa Ehipto.

47 Kanilang inangkin ang kanyang lupain at ang lupain ni Og na hari sa Basan, ang dalawang hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa dakong silangan sa kabila ng Jordan;

48 mula sa Aroer na nasa hangganan ng libis ng Arnon, hanggang sa bundok ng Sirion[h] (na siya ring Hermon),

49 at ang buong Araba sa kabila ng Jordan sa dakong silangan hanggang sa Dagat ng Araba sa ibaba ng gulod ng Pisga.

Ang Sampung Utos(AR)

Tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, “Pakinggan mo, O Israel, ang mga tuntunin at mga batas na aking binibigkas sa inyong mga pandinig sa araw na ito, at dapat ninyong matutunan ang mga ito, at maging maingat na isagawa ang mga ito.

Ang Panginoong ating Diyos ay nakipagtipan sa atin sa Horeb.

Ang tipang ito ay hindi ginawa ng Panginoon sa ating mga ninuno, kundi sa atin, sa ating lahat na nariritong buháy sa araw na ito.

Ang Panginoon ay nakipag-usap sa inyo nang mukhaan sa bundok mula sa gitna ng apoy.

Ako'y tumayo sa pagitan ninyo at ng Panginoon nang panahong iyon upang ipahayag sa inyo ang salita ng Panginoon; sapagkat kayo'y natakot dahil sa apoy, at hindi kayo umakyat sa bundok. Kanyang sinabi:

“‘Ako ang Panginoon mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.

“‘Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harapan ko.[i]

“‘Huwag(AS) kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan na kawangis ng anumang nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa.

Huwag(AT) mo silang yuyukuran o paglilingkuran man sila, sapagkat akong Panginoon mong Diyos ay Diyos na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang hanggang sa mga anak, sa ikatlo at sa ikaapat na salinlahi ng mga napopoot sa akin,

10 ngunit pinagpapakitaan ko ng wagas na pag-ibig ang libu-libong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.

11 “‘Huwag(AU) mong gagamitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan; sapagkat hindi ituturing ng Panginoon na walang sala ang gumamit ng kanyang pangalan sa walang kabuluhan.

12 “‘Ipangilin(AV) mo ang araw ng Sabbath, at ingatan mo itong banal, gaya ng iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

13 Anim(AW) na araw na gagawa ka, at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain,

14 ngunit ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Diyos. Sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anumang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalaki o anak na babae, ni ang iyong aliping lalaki o aliping babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong asno, ni anuman sa iyong hayop, ni ang mga dayuhang nasa loob ng iyong mga pintuan, upang ang iyong aliping lalaki at aliping babae ay makapagpahingang gaya mo.

15 Aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Ehipto, at ikaw ay inilabas doon ng Panginoon mong Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay at unat na bisig. Kaya't iniutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos na ipangilin mo ang araw ng Sabbath.

16 “‘Igalang(AX) mo ang iyong ama at ang iyong ina, gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos; upang ang iyong mga araw ay humaba pa at para sa ikabubuti mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

17 “‘Huwag(AY) kang papatay.

18 “‘Ni(AZ) huwag kang mangangalunya.

19 “‘Ni(BA) huwag kang magnanakaw.

20 “‘Ni(BB) huwag kang sasaksi sa kasinungalingan laban sa iyong kapwa.

21 “‘Ni(BC) huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapwa; ni huwag mong pagnanasaan ang bahay ng iyong kapwa, ang kanyang bukid, ni ang kanyang aliping lalaki, o aliping babae, ni ang kanyang baka, ni ang kanyang asno, ni anumang bagay ng iyong kapwa.’

22 “Ang(BD) mga salitang ito ay sinabi ng Panginoon sa lahat ng inyong pagtitipon sa bundok mula sa gitna ng apoy, sa ulap, at sa makapal na kadiliman, na may malakas na tinig; at hindi na niya dinagdagan pa. At kanyang isinulat sa dalawang tapyas na bato, at ibinigay ang mga ito sa akin.

Natakot ang Bayan(BE)

23 Nang inyong marinig ang tinig mula sa gitna ng kadiliman, samantalang ang bundok ay nagliliyab sa apoy ay lumapit kayo sa akin, ang lahat ng mga pinuno sa inyong mga lipi, at ang inyong matatanda;

24 at inyong sinabi, ‘Ipinakita sa amin ng Panginoon nating Diyos ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan. Aming narinig ang kanyang tinig mula sa gitna ng apoy; aming nakita sa araw na ito na ang Diyos ay nakikipag-usap sa tao, at ang tao ay nabubuhay pa.

25 Ngayon, bakit kailangang mamamatay kami? Sapagkat tutupukin kami ng napakalaking apoy na ito; kapag aming narinig pa ang tinig ng Panginoon nating Diyos, kami ay mamamatay.

26 Sapagkat sino sa lahat ng laman na nakarinig ng tinig ng buháy na Diyos na nagsasalita mula sa gitna ng apoy, na gaya namin, at nabuhay pa?

27 Lumapit ka at iyong pakinggan ang lahat ng sasabihin ng Panginoon nating Diyos, at iyong sabihin sa amin ang lahat na sasabihin sa iyo ng Panginoon nating Diyos, at aming papakinggan, at gagawin ito.’

28 “At narinig ng Panginoon ang inyong mga salita, nang kayo'y nagsalita sa akin. Sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Aking narinig ang tinig ng bayang ito, na kanilang sinabi sa iyo; mabuti ang kanilang pagkasabi ng lahat na kanilang sinabi.

29 Ang kanila nawang isipan ay maging laging ganito, na matakot sa akin, at kanilang tuparin ang lahat ng aking mga utos para sa ikabubuti nila at pati ng kanilang mga anak magpakailanman!

30 Humayo ka at sabihin mo sa kanila, “Bumalik kayo sa inyong mga tolda.”

31 Ngunit tungkol sa iyo, manatili ka rito sa akin at aking sasabihin sa iyo ang lahat ng utos, mga tuntunin at ang mga kahatulan na iyong ituturo sa kanila upang kanilang gawin sa lupain na aking ibinibigay sa kanila upang angkinin.’

32 Inyong ingatang gawin ang gaya ng iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos; huwag kayong liliko sa kanan o sa kaliwa.

33 Kayo'y lalakad sa lahat ng mga daan na iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos, upang kayo'y mabuhay, at upang ang lahat ay maging mabuti sa iyo, at upang kayo ay mabuhay nang mahaba sa lupain na inyong aangkinin.

Ang Dakilang Utos

“Ngayon, ito ang utos, mga tuntunin, at mga batas, na iniutos sa akin ng Panginoon ninyong Diyos na ituro sa inyo, upang inyong magawa ang mga ito sa lupaing inyong paroroonan upang angkinin,

upang ikaw ay matakot sa Panginoon mong Diyos, na iyong ingatan ang lahat niyang mga tuntunin at ang kanyang mga utos na aking iniutos sa iyo, at sa iyong anak, at sa anak ng iyong anak sa lahat ng araw ng iyong buhay; at upang ang iyong mga araw ay humaba.

Kaya't pakinggan mo, O Israel, at iyong gawin upang ang lahat ay maging mabuti sa iyo, at upang kayo'y lalo pang dumami, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Diyos ng iyong mga ninuno, sa lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.

“Pakinggan(BF) mo, O Israel: ang Panginoon nating Diyos ay iisang Panginoon;[j]

at(BG) iibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas.

Ang(BH) mga salitang ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay ilalagay mo sa iyong puso;

at iyong ituturo nang buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasabihin sa kanila kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, kapag ikaw ay lumalakad sa daan, at kapag ikaw ay nahihiga, at kapag ikaw ay bumabangon.

At iyong itatali ang mga ito bilang tanda sa iyong kamay at bilang panali sa iyong noo.

At iyong isusulat ang mga ito sa pintuan ng iyong bahay at sa mga pasukan ng inyong mga bayan.

Babala Laban sa Pagsuway

10 “Kapag(BI) dinala ka ng Panginoon mong Diyos sa lupain na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob, upang ibigay sa iyo ang malalaki at mabubuting lunsod na hindi mo itinayo,

11 at mga bahay na punô ng lahat ng mabubuting bagay, na hindi mo pinunô, at mga balon na hindi mo hinukay, mga ubasan at mga puno ng olibo na hindi mo itinanim, at ikaw ay kakain at mabubusog,

12 ingatan mo na baka iyong malimutan ang Panginoon na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.

13 Matakot(BJ) ka sa Panginoon mong Diyos at maglingkod ka sa kanya at ikaw ay susumpa sa pamamagitan ng kanyang pangalan.

14 Huwag kang susunod sa ibang mga diyos, sa mga diyos ng mga bansang nasa palibot mo;

15 sapagkat ang Panginoon mong Diyos na nasa gitna mo ay isang mapanibughuing Diyos; baka ang galit ng Panginoon mong Diyos ay mag-alab laban sa iyo, at ikaw ay kanyang lipulin sa ibabaw ng lupa.

16 “Huwag(BK) ninyong susubukin ang Panginoon ninyong Diyos, gaya ng pagsubok ninyo sa kanya sa Massah.

17 Masikap ninyong ingatan ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos, at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin na kanyang iniutos sa iyo.

18 At iyong gagawin ang matuwid at mabuti sa paningin ng Panginoon, para sa ikabubuti mo, at upang iyong mapasok at maangkin ang mabuting lupain na ipinangako ng Panginoon sa iyong mga ninuno,

19 upang palayasin ang lahat ng iyong mga kaaway sa harapan mo, gaya ng ipinangako ng Panginoon.

20 “Kapag tatanungin ka ng iyong anak sa panahong darating, ‘Ano ang kahulugan ng mga patotoo, mga tuntunin, at mga batas, na iniutos sa inyo ng Panginoon nating Diyos?’

21 Iyo ngang sasabihin sa iyong anak, ‘Kami ay naging mga alipin ng Faraon sa Ehipto, at inilabas kami ng Panginoon sa Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay.

22 At ang Panginoon ay nagpakita ng mga tanda at ng mga kababalaghan, dakila at matindi, laban sa Ehipto, kay Faraon, at sa kanyang buong sambahayan, sa harapan ng aming paningin;

23 at kami ay inilabas niya mula roon upang kami ay maipasok, upang maibigay sa amin ang lupain na kanyang ipinangako sa ating mga ninuno.

24 At iniutos ng Panginoon sa amin na gawin ang lahat ng mga tuntuning ito, na matakot sa Panginoon nating Diyos, sa ikabubuti natin magpakailanman, upang ingatan niya tayong buháy, gaya sa araw na ito.

25 At magiging katuwiran sa atin kapag maingat nating isinagawa ang lahat ng utos na ito sa harapan ng Panginoon nating Diyos, gaya ng iniutos niya sa atin.’

Ang Bayang Pinili ng Panginoon(BL)

“Kapag(BM) dinala ka ng Panginoon mong Diyos sa lupain na iyong pinaroroonan upang angkinin ito, at pinalayas ang maraming bansa sa harapan mo, ang Heteo, Gergeseo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Heveo, at ang Jebuseo, na pitong bansang higit na malalaki at makapangyarihan kaysa iyo;

at kapag sila'y ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, at matalo mo sila; ganap mo silang lilipulin, huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni huwag mo silang pagpakitaan ng awa.

Huwag kang mag-aasawa sa kanila, ang iyong anak na babae ay huwag mong ibibigay sa kanyang anak na lalaki, ni ang kanyang anak na babae ay kukunin mo para sa iyong mga anak na lalaki.

Sapagkat kanilang ilalayo ang iyong anak na lalaki sa pagsunod sa akin, upang maglingkod sa ibang mga diyos, sa gayo'y mag-aalab ang galit ng Panginoon laban sa iyo, at mabilis ka niyang pupuksain.

Kundi(BN) ganito ang inyong gagawin sa kanila: gigibain ninyo ang kanilang mga dambana, inyong pagpuputul-putulin ang kanilang mga haligi, inyong ibubuwal ang kanilang mga sagradong poste,[k] at inyong susunugin sa apoy ang kanilang mga larawang inanyuan.

“Sapagkat(BO) ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos; pinili ka ng Panginoon mong Diyos upang maging kanyang sariling pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa balat ng lupa.

Kayo'y inibig at pinili ng Panginoon hindi dahil sa kayo'y mas marami kaysa alinmang bayan ni sapagkat kayo ang pinakakaunti sa lahat ng mga tao;

kundi dahil iniibig kayo ng Panginoon, at kanyang tinutupad ang pangako na kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno, kaya inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ng Faraon na hari sa Ehipto.

Dahil(BP) dito, kilalanin ninyo na ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang Diyos; ang tapat na Diyos, na nag-iingat ng tipan at may wagas na pag-ibig sa mga umiibig sa kanya at tumutupad ng kanyang mga utos, hanggang sa isanlibong salinlahi;

10 at pinaghihigantihan ang mga napopoot sa kanya, upang puksain sila. Siya'y hindi magpapaliban kundi kanyang gagantihan sila na napopoot sa kanya.

11 Kaya't maingat mong tuparin ang utos, mga tuntunin, at mga batas na aking iniutos sa iyo sa araw na ito.

Ang mga Pagpapala sa Pagiging Masunurin(BQ)

12 “Sapagkat(BR) iyong pinakinggan ang mga batas na ito, at iyong iningatan at sinunod ang mga ito, ay tutuparin sa iyo ng Panginoon mong Diyos ang tipan at ang wagas na pag-ibig na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno.

13 Iibigin ka niya, pagpapalain, at pararamihin. Pagpapalain din niya ang iyong mga supling,[l] ang bunga ng iyong lupa, ang iyong trigo, ang iyong alak, ang iyong langis, ang karagdagan ng iyong mga bakahan, at ang mga guya ng iyong kawan sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa iyo at sa iyong mga ninuno.

14 Pagpapalain ka kaysa lahat ng mga bayan; walang magiging baog na babae o lalaki sa inyo o sa inyong mga hayop.

15 Aalisin sa iyo ng Panginoon ang lahat ng karamdaman; at hindi niya ilalagay sa iyo ang alinman sa masamang sakit sa Ehipto na iyong nalaman, kundi ilalagay niya ang mga ito sa lahat ng napopoot sa iyo.

16 At iyong pupuksain ang lahat ng mga tao na ibibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos; huwag kang mahahabag sa kanila; ni maglilingkod sa kanilang mga diyos, sapagkat iyon ay magiging isang bitag sa iyo.

Ipinangako ang Tulong ng Panginoon

17 “Kapag sinabi mo sa iyong puso, ‘Ang mga bansang ito ay higit na dakila kaysa akin; paano ko sila mapapalayas?’

18 Huwag kang matatakot sa kanila; iyong aalalahaning mabuti ang ginawa ng Panginoon mong Diyos sa Faraon, at sa buong Ehipto,

19 ang napakaraming pagsubok na nakita ng iyong mga mata, ang mga tanda, mga kababalaghan, ang makapangyarihang kamay, at ang unat na bisig na sa pamamagitan nito ay inilabas ka ng Panginoon mong Diyos, gayundin ang gagawin ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng mga bayang iyong kinatatakutan.

20 Bukod dito'y susuguin sa kanila ng Panginoon mong Diyos ang malalaking putakti hanggang sa ang mga naiwan ay mamatay, pati na ang mga nagtatago sa harapan mo.

21 Huwag kang matatakot sa kanila, sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay nasa gitna mo, isang dakila at kakilakilabot na Diyos.

22 At unti-unting itataboy ng Panginoon mong Diyos ang mga bansang iyon sa harapan mo. Maaaring hindi mo agad sila puksain, baka ang mga hayop sa parang ay masyadong dumami para sa iyo.

23 Kundi ibibigay sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo, at pupuksain sila ng isang malaking pagkalito hanggang sa sila'y malipol.

24 Kanyang ibibigay ang kanilang mga hari sa iyong kamay, at iyong papawiin ang kanilang pangalan sa ilalim ng langit. Walang taong magtatagumpay laban sa iyo hanggang sa mapuksa mo sila.

25 Iyong susunugin sa apoy ang mga larawang inanyuan na kanilang mga diyos; huwag mong pagnanasaan ang pilak o ang ginto na nasa mga iyon, ni kukunin mo para sa iyo, upang ikaw ay huwag mabitag nito, sapagkat ito'y karumaldumal sa Panginoon.

26 Huwag kang magpapasok ng karumaldumal sa iyong bahay, baka ikaw ay maging isang isinumpa na gaya niyon. Lubos mong kasusuklaman iyon at kamumuhian iyon, sapagkat iyon ay bagay na isinumpa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001