Bible in 90 Days
12 “Magkakaroon ka rin ng isang pook sa labas ng kampo na ikaw ay lalabas doon;
13 at ikaw ay magkakaroon din ng isang kahoy na kabilang sa iyong mga sandata. Kapag ikaw ay dudumi sa labas, gagawa ka ng hukay sa pamamagitan nito at pagkatapos ay tatabunan mo ang iyong dumi.
14 Sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay lumalakad sa gitna ng iyong kampo upang iligtas ka at ibigay ang iyong mga kaaway sa harapan mo, kaya't ang iyong kampo ay magiging banal upang huwag siyang makakita ng anumang kahiyahiyang bagay sa gitna ninyo at lumayo sa iyo.
Iba't ibang mga Batas
15 “Huwag mong ibabalik sa kanyang panginoon ang isang aliping tumakas sa kanyang panginoon at pumunta sa iyo.
16 Siya'y maninirahang kasama mo, sa gitna mo, sa dakong kanyang pipiliin sa loob ng isa sa iyong mga bayan na kanyang nais; huwag mo siyang pagmamalupitan.
17 “Huwag(A) magkakaroon ng bayarang babae[a] sa mga anak na babae ng Israel, ni magkakaroon ng bayarang lalaki[b] sa mga anak na lalaki ng Israel.
18 Huwag mong dadalhin ang upa sa isang masamang babae, o ang pasahod sa isang aso sa bahay ng Panginoon mong Diyos para sa anumang panata, sapagkat ang mga ito ay kapwa karumaldumal sa Panginoon mong Diyos.
19 “Huwag(B) kang magpapahiram na may patubo sa iyong kapatid, patubo ng salapi, patubo ng kakainin, patubo ng anumang bagay na ipinapahiram na may patubo.
20 Sa isang dayuhan ay makapagpapahiram ka na may patubo, ngunit sa iyong kapatid ay huwag kang magpapahiram na may patubo upang pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gagawin mo sa lupain na malapit mo nang pasukin upang angkinin.
21 “Kapag(C) ikaw ay gagawa ng isang panata sa Panginoon mong Diyos, huwag kang magiging mabagal sa pagbabayad nito, sapagkat tiyak na hihingin sa iyo ng Panginoon mong Diyos, at ikaw ay magkakasala.
22 Ngunit kung iiwasan mong gumawa ng panata, ito ay hindi magiging kasalanan sa iyo.
23 Maingat mong isasagawa ang lumabas sa iyong mga labi, ayon sa iyong kusang loob na ipinanata sa Panginoon mong Diyos, na ipinangako ng iyong bibig.
24 “Kapag ikaw ay pumasok sa ubasan ng iyong kapwa ay makakakain ka ng mga nagustuhan mong ubas hanggang sa ikaw ay mabusog; ngunit huwag kang maglalagay sa iyong sisidlan.
25 Kapag ikaw ay lumapit sa nakatayong trigo ng iyong kapwa, mapipitas mo ng iyong kamay ang mga uhay; ngunit huwag kang gagamit ng karit sa nakatayong trigo ng iyong kapwa.
Paghihiwalay at Muling Pag-aasawa
24 “Kapag(D) ang isang lalaki ay kumuha ng isang babae at pinakasalan, at kung ang babae ay hindi kalugdan ng kanyang paningin, sapagkat natagpuan niya itong may isang kahiyahiyang bagay, lalagda ang lalaki ng isang kasulatan ng paghihiwalay at ibibigay niya sa kanyang kamay. Kanyang palalabasin siya sa kanyang bahay,
2 at pagkaalis niya sa bahay ng lalaki ay makakahayo siya at makakapag-asawa sa ibang lalaki;
3 kung kapootan siya ng huling asawa, at lagdaan siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay at ibigay sa kanyang kamay, at palabasin siya sa kanyang bahay; o kung mamatay ang huling asawa na kumuha sa kanya upang maging asawa niya;
4 hindi na siya muling makukuha upang maging asawa ng kanyang unang asawa na humiwalay sa kanya, pagkatapos na siya'y marumihan; sapagkat iyo'y karumaldumal sa harapan ng Panginoon. Huwag mong dadalhan ng pagkakasala ang lupain na ibinibigay bilang pamana sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
Iba't ibang mga Batas
5 “Kapag ang isang lalaki ay bagong kasal, hindi siya lalabas upang sumama sa hukbo ni mamamahala ng anumang katungkulan. Siya'y magiging malaya sa bahay sa loob ng isang taon at kanyang pasasayahin ang kanyang asawa na kanyang kinuha.
6 “Walang taong kukuha ng gilingan o ng batong nasa itaas ng gilingan bilang isang sangla, sapagkat para na niyang kinuha bilang sangla ang buhay.
7 “Kung(E) ang sinuman ay matagpuang nagnanakaw ng sinuman sa kanyang mga kapatid sa mga anak ni Israel, at kanyang inalipin siya o ipinagbili siya, ang magnanakaw na iyon ay papatayin. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
8 “Mag-ingat(F) ka sa salot na ketong. Masikap mong gawin ang ayon sa lahat ng ituturo sa iyo ng mga paring Levita. Kung paanong iniutos ko sa kanila ay gayon mo isasagawa.
9 Alalahanin(G) mo ang ginawa ng Panginoon mong Diyos kay Miriam sa daan nang kayo'y lumalabas sa Ehipto.
10 “Kapag(H) ikaw ay magpapahiram sa iyong kapwa ng anumang bagay, huwag kang papasok sa kanyang bahay upang kunin ang kanyang sangla.
11 Ikaw ay tatayo sa labas, at ang taong iyong pinahihiram ang maglalabas ng sangla sa iyo.
12 Kung siya'y taong mahirap ay huwag kang matutulog na nasa iyo ang sangla niya.
13 Isasauli mo sa kanya ang sangla paglubog ng araw, upang siya'y matulog sa kanyang balabal at pagpalain ka. Ito ay magiging katuwiran mo sa harapan ng Panginoon mong Diyos.
14 “Huwag(I) mong pagmamalupitan ang isang upahang manggagawa na dukha at nangangailangan, maging siya'y mula sa iyong mga kapatid, o sa mga dayuhan na nasa lupain mo sa loob ng iyong mga bayan.
15 Ibibigay mo sa kanya ang kanyang upa sa araw na kinita niya iyon, bago lumubog ang araw sapagkat siya'y mahirap at itinalaga niya roon ang kanyang puso; baka siya'y dumaing sa Panginoon laban sa iyo at maging kasalanan mo.
16 “Ang(J) mga magulang ay hindi papatayin dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawat tao'y papatayin dahil sa kanyang sariling kasalanan.
17 “Huwag(K) mong babaluktutin ang katarungan sa dayuhan ni sa ulila; ni huwag mong kukuning sangla ang damit ng babaing balo;
18 kundi aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa Ehipto at tinubos ka ng Panginoon mong Diyos mula roon; kaya't iniuutos ko sa iyong gawin mo ito.
19 “Kapag(L) inaani mo ang iyong ani sa bukid at nalimutan mo ang isang bigkis sa bukid ay huwag mong babalikan upang kunin iyon. Iyon ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo, upang pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay.
20 Kapag pinipitasan mo ang iyong puno ng olibo ay huwag mong babalikan ang mga nalampasan; ito ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo.
21 Kapag ikaw ay namimitas sa iyong ubasan, huwag mong pupulutin ang nasa likuran mo; ito ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo.
22 At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Ehipto; kaya't iniuutos ko na gawin mo ito.
25 “Kung magkaroon ng usapin ang mga tao at sila'y pumunta sa hukuman, at sila'y hahatulan; kanilang pawawalang-sala ang matuwid at parurusahan ang salarin.
2 Kung ang salarin ay nararapat hagupitin, padadapain siya ng hukom sa lupa, at hahagupitin sa kanyang harapan na may bilang ng hagupit ayon sa kanyang pagkakasala.
3 Apatnapung(M) hagupit ang ibibigay sa kanya, huwag lalampas; baka kung siya'y hagupitin niya nang higit sa bilang na ito, ang iyong kapatid ay maging hamak sa iyong paningin.
4 “Huwag(N) mong bubusalan ang baka kapag gumigiik.
Katungkulan para sa Namatay na Kapatid
5 “Kung(O) ang magkapatid ay naninirahang magkasama, at isa sa kanila'y namatay at walang anak, ang asawang babae ng namatay ay huwag mag-aasawa ng isang dayuhan o sa labas ng pamilya. Ang kapatid na lalaki ng kanyang asawa ay sisiping sa kanya, kukunin siya bilang asawa, at tutuparin sa kanya ang tungkulin ng kapatid na namatay.
6 Ang panganay na kanyang ipapanganak ay papalit sa pangalan ng kanyang kapatid na namatay upang ang kanyang pangalan ay huwag mapawi sa Israel.
7 At(P) kung ayaw kunin ng lalaki ang asawa ng kanyang kapatid, ang asawa ng kanyang kapatid ay pupunta sa pintuang-bayan sa matatanda, at sasabihin, ‘Ang kapatid ng aking asawa ay tumatangging itindig ang pangalan ng kanyang kapatid sa Israel; ayaw niyang tuparin sa akin ang tungkulin ng kapatid na namatay.’
8 Kung magkagayo'y tatawagin siya ng matatanda sa kanyang bayan at makikipag-usap sa kanya; at kung siya'y magpumilit at sabihin, ‘Ayaw kong kunin siya;’
9 ang asawa ng kanyang kapatid ay lalapit sa kanya sa harapan ng matatanda at huhubarin ang sandalyas sa kanyang mga paa, at luluraan siya sa mukha; at siya'y sasagot at sasabihin, ‘Ganyan ang gagawin sa lalaking ayaw magtindig ng sambahayan ng kanyang kapatid.’
10 At ang kanyang pangala'y tatawagin sa Israel, ‘Ang bahay ng hinubaran ng sandalyas.’
Iba Pang mga Batas
11 “Kapag may dalawang lalaking nag-aaway at ang asawang babae ng isa ay lumapit upang iligtas ang kanyang asawa sa kamay ng nananakit sa kanya sa pamamagitan ng pag-uunat niya ng kanyang kamay at paghawak sa maselang bahagi ng lalaki,
12 iyo ngang puputulin ang kamay ng babae. Huwag kang magpapakita ng habag.
13 “Huwag(Q) kang magkakaroon sa iyong supot ng dalawang uri ng pabigat, isang malaki at isang maliit.
14 Huwag kang magkakaroon sa iyong bahay ng dalawang uri ng takalan, isang malaki at isang maliit.
15 Magkaroon ka lamang ng isang tunay at tapat na pabigat; magkaroon ka lamang ng isang tunay at tapat na takalan upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
16 Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng gayong mga bagay, ang lahat ng gumagawa ng pandaraya ay kasuklamsuklam sa Panginoon mong Diyos.
Ang Utos na Patayin ang mga Amalekita
17 “Alalahanin(R) mo ang ginawa sa iyo ng Amalek sa daan nang ikaw ay lumabas sa Ehipto;
18 kung paanong sinalubong ka niya sa daan, at pinatay niya ang mga kahuli-hulihan sa iyo, ang lahat na mahina sa hulihan mo, nang ikaw ay pagod at nanghihina; at siya'y hindi natakot sa Diyos.
19 Kaya't kapag binigyan ka ng Panginoon mong Diyos ng kapahingahan sa lahat ng iyong mga kaaway sa palibot, sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos na pinakamana upang angkinin ay iyong papawiin ang alaala ng Amalek sa ilalim ng langit; huwag mong kakalimutan.
Mga Handog mula sa Inani
26 “Kapag nakapasok ka sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana, at iyong naangkin at iyong tinitirhan;
2 kukunin(S) mo ang bahagi ng una sa lahat ng bunga ng lupain na iyong aanihin sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, iyong isisilid sa isang buslo. Ikaw ay pupunta sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos, bilang tahanan ng kanyang pangalan.
3 Pupunta ka sa pari na nangangasiwa nang araw na iyon at sasabihin mo sa kanya, ‘Aking ipinahahayag sa araw na ito sa Panginoon mong Diyos, na ako'y dumating na sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa aming mga magulang na ibibigay sa amin.’
4 Kukunin ng pari ang buslo sa iyong kamay at ilalagay sa harapan ng dambana ng Panginoon mong Diyos.
5 “At ikaw ay sasagot at magsasabi sa harapan ng Panginoon mong Diyos, ‘Ang aking ama ay isang lagalag na taga-Aram. Siya ay bumaba sa Ehipto at nanirahan doon, na iilan sa bilang, at doo'y naging isang bansang malaki, makapangyarihan, at makapal.
6 Kami ay pinagmalupitan, pinahirapan at inatangan kami ng mabigat na pagkaalipin ng mga Ehipcio.
7 Kami ay dumaing sa Panginoon, sa Diyos ng aming mga ninuno at pinakinggan ng Panginoon ang aming tinig, kanyang nakita ang aming kahirapan, ang aming gawa, at ang aming kaapihan.
8 Inilabas kami ng Panginoon sa Ehipto ng kamay na makapangyarihan, ng unat na bisig, ng malaking pagkasindak, ng mga tanda, at ng mga kababalaghan;
9 at dinala niya kami sa lupaing ito, at ibinigay sa amin ang lupaing ito, na lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.
10 At ngayon, dala ko ang una sa mga bunga ng lupa na ibinigay mo sa akin, O Panginoon.’ Iyong ilalapag sa harapan ng Panginoon mong Diyos, at sasamba ka sa harapan ng Panginoon mong Diyos.
11 Kaya ikaw, kasama ang mga Levita at ang mga dayuhang naninirahang kasama mo, ay magdiriwang sa lahat ng kasaganaang ibinigay sa iyo ng Panginoon at sa iyong sambahayan.
12 “Pagkatapos(T) mong maibigay ang buong ikasampung bahagi ng iyong bunga sa ikatlong taon, na siyang taon ng pagbibigay ng ikasampung bahagi, na ibinibigay ito sa Levita, sa mga dayuhan, sa ulila, sa babaing balo, upang sila'y makakain sa loob ng iyong mga bayan, at mabusog,
13 kung gayo'y iyong sasabihin sa harapan ng Panginoon mong Diyos, ‘Aking inalis ang mga bagay na banal sa aking bahay, at akin ding ibinigay sa Levita, sa dayuhan, sa ulila at sa babaing balo, ayon sa lahat ng utos na iyong iniutos sa akin; hindi ko nilabag ang anuman sa iyong mga utos, ni kinalimutan ang mga iyon.
14 Hindi ko iyon kinain habang ako'y nagluluksa, ni inilabas ko nang ako'y marumi, ni ibinigay ko upang gamitin sa patay. Aking pinakinggan ang tinig ng Panginoon kong Diyos; aking ginawa ayon sa lahat ng iniutos mo sa akin.
15 Tumingin ka mula sa iyong banal na tahanan, mula sa langit, at pagpalain mo ang iyong bayang Israel, at ang lupa na iyong ibinigay sa amin, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga ninuno, na isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.’
Ang Sariling Bayan ng Panginoon
16 “Sa araw na ito ay iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos na tuparin mo ang mga tuntunin at mga batas na ito; iyo ngang maingat na tutuparin ng buong puso at kaluluwa mo.
17 Ipinahayag mo sa araw na ito na ang Panginoon ay iyong Diyos, at ikaw ay lalakad sa kanyang mga daan, at iyong gaganapin ang kanyang mga tuntunin at mga utos at mga batas, at iyong papakinggan ang kanyang tinig.
18 Ipinahayag(U) ng Panginoon sa araw na ito na ikaw ay isang sambayanan na kanyang sariling pag-aari, gaya ng ipinangako niya sa iyo, na iyong tutuparin ang lahat ng kanyang utos,
19 upang itaas ka sa lahat ng bansa na kanyang nilikha, sa ikapupuri, sa ikababantog, sa ikararangal; at upang ikaw ay maging isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos, gaya ng kanyang sinabi.”
Kautusan ng Diyos na Nakasulat sa mga Bato
27 Pagkatapos, si Moises at ang matatanda sa Israel ay nag-utos sa taong-bayan, na sinasabi, “Tuparin ninyo ang lahat ng utos na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito.
2 Sa(V) araw na iyong tawirin ang Jordan patungo sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos ay maglalagay ka ng malalaking bato, at tatapalan ninyo ng plaster.
3 Isusulat ninyo sa mga ito ang lahat ng mga salita ng kautusang ito kapag ikaw ay tumawid upang pumasok sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Diyos ng iyong mga ninuno.
4 Pagtawid mo sa Jordan, ilalagay ninyo ang mga batong ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, sa bundok ng Ebal at iyong tatapalan ng plaster.
5 Doo'y(W) magtatayo ka ng isang batong dambana sa Panginoon mong Diyos, na hindi gagamitan ng kasangkapang bakal.
6 Iyong itatayo na buong bato ang dambana ng Panginoon mong Diyos, at maghahandog ka roon ng mga handog na sinusunog sa Panginoon mong Diyos.
7 Ikaw ay mag-aalay ng mga handog pangkapayapaan at iyong kakainin doon; at ikaw ay magagalak sa harapan ng Panginoon mong Diyos;
8 at isusulat mo nang malinaw sa mga batong iyon ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.”
9 Si Moises at ang mga paring Levita ay nagsalita sa buong Israel, na sinasabi, “Tumahimik ka at pakinggan mo, O Israel; sa araw na ito ay naging bayan ka ng Panginoon mong Diyos.
10 Kaya't sundin mo ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang kanyang mga utos at ang kanyang mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.”
Mga Sumpa sa Pagsuway
11 Inatasan ni Moises ang bayan ng araw na iyon, na sinasabi:
12 “Pagtawid(X) ninyo sa Jordan, ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Gerizim upang basbasan ang bayan: Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin;
13 at ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Ebal upang sumumpa: Ruben, Gad, Aser, Zebulon, Dan, at Neftali.
14 Ang mga Levita ay sasagot at magsasalita sa malakas na tinig sa lahat ng mga lalaki sa Israel.
15 “‘Sumpain(Y) ang taong gumagawa ng larawang inukit o inanyuan, isang karumaldumal sa Panginoon na gawa ng mga kamay ng manggagawa at lihim na inilagay sa isang dako.’ At ang buong bayan ay sasagot at magsasabi, ‘Amen.’
16 “‘Sumpain(Z) ang sumisira ng puri ng kanyang ama o ng kanyang ina.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
17 “‘Sumpain(AA) ang mag-aalis ng muhon ng kanyang kapwa.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
18 “‘Sumpain(AB) ang magliligaw ng bulag sa daan.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
19 “‘Sumpain(AC) ang bumabaluktot ng katarungan para sa dayuhan, sa ulila at sa babaing balo.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
20 “‘Sumpain(AD) ang sumisiping sa asawa ng kanyang ama, sapagkat kanyang inililitaw ang balabal ng kanyang ama.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
21 “‘Sumpain(AE) ang sumisiping sa alinmang hayop.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
22 “‘Sumpain(AF) ang sumisiping sa kanyang kapatid na babae, sa anak ng kanyang ama, o sa anak na babae ng kanyang ina.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
23 “‘Sumpain(AG) ang sumisiping sa kanyang biyenang babae.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
24 “‘Sumpain ang pumapatay ng lihim sa kanyang kapwa.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
25 “‘Sumpain ang tumatanggap ng suhol upang pumatay ng isang taong walang sala.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
26 “‘Sumpain(AH) ang hindi sumasang-ayon sa mga salita ng kautusang ito upang gawin.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’
Mga Pagpapala sa Pagsunod(AI)
28 “Kung(AJ) susundin mo ang tinig ng Panginoon mong Diyos at maingat mong gagawin ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, itataas ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng mga bansa sa lupa;
2 at ang lahat ng pagpapalang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo, kung iyong susundin ang tinig ng Panginoon mong Diyos.
3 Magiging mapalad ka sa lunsod, at magiging mapalad ka sa parang.
4 Magiging mapalad ang bunga ng iyong katawan, ang bunga ng iyong lupa, ang bunga ng iyong mga hayop, ang karagdagan sa iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan.
5 Magiging mapalad ang iyong buslo at ang iyong masahan ng harina.
6 Magiging mapalad ka sa iyong pagpasok at magiging mapalad ka sa iyong paglabas.
7 “Tatalunin ng Panginoon sa harapan mo ang iyong mga kaaway na babangon laban sa iyo; sila'y lalabas laban sa iyo sa isang landas at tatakas sa harapan mo sa pitong landas.
8 Igagawad sa iyo ng Panginoon ang kanyang pagpapala sa iyong mga kamalig at sa lahat ng iyong gagawin at pagpapalain ka niya sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
9 Itatatag ka ng Panginoon na isang banal na bayan para sa kanya, gaya ng kanyang ipinangako sa iyo, kung iyong gaganapin ang mga utos ng Panginoon mong Diyos, at lalakad ka sa kanyang mga daan.
10 Makikita ng lahat ng mga bayan sa lupa na ikaw ay tinawag sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoon at sila'y matatakot sa iyo.
11 Ikaw ay pasasaganain ng Panginoon sa ikabubuti mo, sa bunga ng iyong katawan, at sa bunga ng iyong mga hayop, at sa bunga ng iyong lupa, sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa iyong mga ninuno upang ibigay sa iyo.
12 Bubuksan ng Panginoon para sa iyo ang kanyang kamalig na punung-puno, ang langit, upang ibigay ang ulan sa iyong lupain sa kapanahunan, at upang pagpalain ang lahat mong ginagawa. Ikaw ay magpapahiram sa maraming bansa, at ikaw ay hindi hihiram.
13 Gagawin ka ng Panginoon na ulo at hindi buntot; ikaw ay magiging sa ibabaw lamang, at hindi ka mapapasailalim—kung iyong papakinggan ang mga utos ng Panginoon mong Diyos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na iyong susundin at gagawin.
14 Huwag kang lilihis sa alinmang salita na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, sa kanan o sa kaliwa, upang sumunod sa ibang mga diyos at paglingkuran sila.
Mga Ibubunga ng Pagsuway(AK)
15 “Ngunit kung hindi mo papakinggan ang tinig ng Panginoon mong Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa ng lahat ng kanyang mga utos at tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ang lahat ng sumpang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo.
16 Susumpain ka sa bayan, at susumpain ka sa parang.
17 Susumpain ang iyong buslo at ang iyong masahan ng harina.
18 Susumpain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang karagdagan ng iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan.
19 Susumpain ka sa iyong pagpasok at susumpain ka sa iyong paglabas.
20 “Ipararating ng Panginoon sa iyo ang sumpa, ang pagkalito at pagkabigo sa lahat ng iyong gagawin, hanggang sa ikaw ay mabuwal at mapuksa dahil sa kasamaan ng iyong mga gawa, sapagkat pinabayaan mo ako.
21 Ikakapit sa iyo ng Panginoon ang salot hanggang sa maubos ka sa lupa na iyong pupuntahan upang angkinin.
22 Sasalutin ka ng Panginoon ng pagkaubos, lagnat, pamamaga, nag-aapoy na init, pagkatuyo,[c] ng salot ng hangin, at ng amag; at kanilang hahabulin ka hanggang sa ikaw ay malipol.
23 Ang mga langit na nasa itaas ng iyong ulo ay magiging tanso, at ang lupa na nasa ilalim mo ay magiging bakal.
24 Ang ipauulan ng Panginoon sa iyong lupa ay abo at alabok; mula sa langit ay bababa ito sa iyo hanggang sa ikaw ay mawasak.
25 “Ipatatalo ka ng Panginoon sa harapan ng iyong mga kaaway. Ikaw ay lalabas sa isang landas laban sa kanila at tatakas sa pitong landas sa harapan nila, at ikaw ay magiging katatakutan sa lahat ng mga kaharian sa lupa.
26 Ang iyong bangkay ay magiging pagkain sa lahat ng mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa at walang taong bubugaw sa kanila.
27 Sasalutin ka ng Panginoon ng bukol sa Ehipto, ng mga ulser, ng pangangati, at ng galis na hindi mapapagaling.
28 Sasaktan ka ng Panginoon ng pagkabaliw, ng pagkabulag, at ng pagkalito ng isipan;
29 at ikaw ay mangangapa sa katanghaliang-tapat na gaya ng bulag na nag-aapuhap sa kadiliman at hindi ka giginhawa sa iyong mga lakad. Ikaw ay laging aapihin at pagnanakawan, at walang taong tutulong sa iyo.
30 Ikaw ay mag-aasawa at ibang lalaki ang sisiping sa kanya; ikaw ay magtatayo ng isang bahay at hindi mo tatahanan. Ikaw ay magtatanim ng ubasan at hindi mo mapapakinabangan ang bunga niyon.
31 Ang iyong baka ay papatayin sa iyong paningin, at hindi mo makakain iyon; ang iyong asno ay aagawin sa harapan ng iyong mukha at hindi na maibabalik sa iyo. Ang iyong tupa ay ibibigay sa iyong mga kaaway at walang tutulong sa iyo.
32 Ang iyong mga anak na lalaki at babae ay ibibigay sa ibang bayan; at ang iyong paningin ay titingin at mapapagod nang paghihintay sa kanila sa buong araw; at ikaw ay walang magagawa.
33 Ang bunga ng iyong lupa at lahat ng iyong gawa ay kakainin ng bansang di mo kilala; at ikaw ay laging aapihin at gigipitin;
34 kaya't ikaw ay masisiraan ng isip dahil sa tanawin na makikita ng iyong mga mata.
35 Sasaktan ka ng Panginoon sa mga tuhod at sa mga hita ng isang masamang bukol na hindi mo mapapagaling, mula sa talampakan ng iyong paa hanggang sa bao ng iyong ulo.
36 “Dadalhin ka ng Panginoon at ang haring ilalagay mo upang manguna sa iyo sa isang bansang hindi mo nakilala, maging ng iyong mga ninuno at doo'y maglilingkod ka sa ibang mga diyos na yari sa kahoy at bato.
37 Ikaw ay magiging katatakutan, isang kawikaan at isang bukambibig sa lahat ng bayang pagdadalhan sa iyo ng Panginoon.
38 Magdadala ka ng maraming binhi sa bukid, ngunit kakaunti ang iyong titipunin; sapagkat uubusin ng balang.
39 Ikaw ay magtatanim ng ubasan at iyong aalagaan, ngunit hindi ka iinom ng alak, ni mamimitas; sapagkat kakainin iyon ng uod.
40 Magkakaroon ka ng mga puno ng olibo sa lahat ng iyong mga nasasakupan ngunit hindi ka magpapahid ng langis; sapagkat ang iyong olibo ay malalagas.
41 Ikaw ay magkakaanak ng mga lalaki at mga babae, ngunit sila'y hindi magiging iyo; sapagkat sila'y pupunta sa pagkabihag.
42 Lahat ng iyong punungkahoy at bunga ng iyong lupa ay aangkinin ng balang.
43 Ang dayuhan na nakatira sa gitna mo ay tataas nang higit sa iyo habang ikaw ay bababa nang pababa.
44 Siya'y magpapahiram sa iyo, at ikaw ay hindi magpapahiram sa kanya. Siya'y magiging ulo at ikaw ay magiging buntot.
45 Lahat ng mga sumpang ito ay darating sa iyo at hahabulin ka at aabutan ka, hanggang ikaw ay mawasak, sapagkat hindi mo pinakinggan ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at hindi mo tinupad ang kanyang mga utos at ang kanyang mga tuntunin na kanyang iniutos sa iyo.
46 Ang mga iyon ay magiging isang tanda at isang kababalaghan sa iyo, at sa iyong lahi magpakailanman.
47 “Sapagkat hindi ka naglingkod na may kagalakan at may kasayahan ng puso sa Panginoon mong Diyos, dahil sa kasaganaan ng lahat ng mga bagay.
48 Kaya't maglilingkod ka sa iyong mga kaaway na susuguin ng Panginoon laban sa iyo, sa gutom, uhaw, kahubaran, at kakulangan sa lahat ng mga bagay. Lalagyan ka niya ng isang pamatok na bakal sa iyong leeg hanggang sa maibuwal ka niya.
49 Magdadala ang Panginoon ng isang bansang laban sa iyo mula sa malayo mula sa katapusan ng lupa, na gaya ng paglipad ng agila; isang bansang ang wika'y hindi mo nauunawaan;
50 bansang may mabangis na mukha na hindi igagalang ang pagkatao ng matanda, ni mahahabag sa bata.
51 Kanyang kakainin ang anak ng iyong hayop at ang bunga ng iyong lupa, hanggang sa ikaw ay mawasak. Wala ring ititira sa iyong trigo, alak, o langis, ng karagdagan ng iyong bakahan, o ng anak ng iyong kawan, hanggang sa ikaw ay mapuksa niya.
52 Kanyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong bayan, hanggang sa ang mataas at may pader na kuta na iyong pinagtitiwalaan ay bumagsak sa iyong buong lupain. Kanyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong mga bayan sa buong lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
53 At kakain ka ng bunga ng iyong sariling katawan, ng laman ng iyong mga anak na lalaki at babae na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, sa pagkakubkob at sa paghihirap na ipaparanas sa iyo ng iyong mga kaaway.
54 Maging ang lalaking pinakamabait at mahabagin sa inyo ay magkakait ng pagkain sa kanyang kapatid, sa kanyang asawa na kanyang niyayakap at sa huli sa nalalabi sa kanyang mga anak;
55 kaya't hindi niya ibibigay sa alinman sa kanila ang laman ng kanyang mga anak na kanyang kakainin, sapagkat walang natira sa kanya sa pagkubkob at sa paghihirap na ipinaranas sa iyo ng iyong mga kaaway sa lahat ng iyong mga bayan.
56 Ang pinakamahinhin at pinakamaselang babae sa gitna mo, na hindi pa mangangahas na ituntong ang talampakan ng kanyang paa sa lupa dahil sa kahinhinan at pagiging maselan ay magiging masama ang kanyang mata sa kanyang asawa at sa kanyang anak na lalaki at babae;
57 at(AL) sa kanyang isinilang na lumabas sa pagitan ng kanyang mga hita at sa kanyang mga anak na kanyang panganganak; sapagkat lihim niyang kakainin sila dahil sa kakulangan ng lahat ng mga bagay, sa pagkubkob at sa kahirapang ipinaranas sa iyo ng iyong mga kaaway sa iyong mga bayan.
58 “Kung hindi mo gagawin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito na nasusulat sa aklat na ito, upang ikaw ay matakot dito sa maluwalhati at kakilakilabot na pangalang, ang ‘ Panginoon mong Diyos,’
59 kung magkagayo'y ipapadala ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga anak ang di-pangkaraniwang kahirapan, matindi at walang katapusan, at malubhang karamdaman na tumatagal.
60 Muli niyang ipapadala sa iyo ang lahat ng mga sakit sa Ehipto, na iyong kinatakutan at kakapit sa iyo.
61 Bawat sakit, at bawat salot na hindi nakasulat sa aklat ng kautusang ito'y ipararating nga sa iyo ng Panginoon, hanggang sa ikaw ay mapuksa.
62 Kayo'y maiiwang iilan sa bilang samantalang noon kayo'y naging gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan; sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang tinig ng Panginoon mong Diyos.
63 Kung paanong ang Panginoon ay natutuwa na gawan kayo ng mabuti at paramihin kayo, ay gayon magagalak ang Panginoon sa inyo na kayo'y lipulin at puksain. Kayo'y palalayasin sa lupain na inyong pinapasok upang angkinin.
64 Pangangalatin kayo ng Panginoon sa lahat ng mga bayan, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa; at doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos na yari sa kahoy at bato na hindi ninyo kilala, ni ng inyong mga ninuno.
65 Sa gitna ng mga bansang ito ay hindi ka makakasumpong ng ginhawa, at mawawalan ng kapahingahan ang talampakan ng iyong paa, kundi bibigyan ka doon ng Panginoon ng isang nanginginig na puso, lumalabong paningin, at nanghihinang kaluluwa.
66 Ang iyong buhay ay mabibitin sa pag-aalinlangan sa harapan mo; at ikaw ay matatakot gabi't araw, at mawawalan ng katiyakan ang iyong buhay.
67 Sa kinaumagahan ay iyong sasabihin, ‘Sana'y gumabi na!’ at sa kinagabihan ay iyong sasabihin, ‘Sana'y mag-umaga na!’—dahil sa takot ng iyong puso na iyong ikatatakot, at dahil sa tanawing makikita ng iyong paningin.
68 Pababalikin ka ng Panginoon sa Ehipto sa pamamagitan ng mga barko, na sa daan ay aking sinabi sa iyo, ‘Hindi mo na muling gagawin;’ at doo'y ipagbibili ninyo ang inyong mga sarili sa mga kaaway bilang aliping lalaki at babae, at hindi kayo bibilhin ng sinuman.”
Ang Tipan ng Panginoon sa Israel sa Lupain ng Moab
29 Ito ang mga salita ng tipan na iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin sa mga anak ni Israel sa lupain ng Moab, bukod sa tipang kanyang ginawa sa kanila sa Horeb.
2 Tinawag ni Moises ang buong Israel at sinabi sa kanila, “Inyong nakita ang lahat na ginawa ng Panginoon sa harapan ng inyong paningin sa lupain ng Ehipto, kay Faraon at sa lahat ng kanyang lingkod at kanyang buong lupain;
3 ang malaking pagsubok na nakita ng inyong mga mata, ang mga tanda, at ang mga dakilang kababalaghan.
4 Ngunit hindi kayo binigyan ng Panginoon ng isipang makakaunawa, at ng mga matang makakakita, at ng mga pandinig na makakarinig, hanggang sa araw na ito.
5 Pinatnubayan ko kayo ng apatnapung taon sa ilang; ang inyong mga damit ay hindi naluma, at ang inyong sandalyas ay hindi nasira sa inyong paa.
6 Hindi kayo kumain ng tinapay, ni uminom ng alak o inuming nakalalasing, upang inyong malaman na ako ang Panginoon ninyong Diyos.
7 At(AM) nang kayo'y dumating sa dakong ito, si Sihon na hari ng Hesbon at si Og na hari ng Basan ay lumabas laban sa atin sa pakikidigma at ating tinalo sila.
8 Ating(AN) sinakop ang kanilang lupain at ibinigay natin bilang pamana sa mga Rubenita, Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases.
9 Kaya't ingatan ninyo ang mga salita ng tipang ito at inyong gawin upang kayo'y magtagumpay sa lahat ng inyong ginagawa.
10 “Kayong lahat ay nakatayo sa araw na ito sa harapan ng Panginoon ninyong Diyos; ang inyong mga puno, ang inyong mga lipi, ang inyong matatanda, at ang inyong mga pinuno, lahat ng mga lalaki sa Israel,
11 ang inyong mga bata, ang inyong mga asawa at ang dayuhan na nasa gitna ng inyong mga kampo mula sa inyong mangangahoy hanggang sa tagasalok ng inyong tubig;
12 upang ikaw ay makipagtipan sa Panginoon mong Diyos, at sa kanyang pangako na ginagawa sa iyo ng Panginoon mong Diyos sa araw na ito;
13 upang kanyang itatag ka sa araw na ito bilang isang bayan, at upang siya'y maging iyong Diyos, na gaya ng kanyang ipinangako sa iyo at sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob.
14 Hindi lamang sa inyo ko ginagawa ang tipang ito at ang pangakong ito;
15 kundi doon sa nakatayo ritong kasama natin sa araw na ito sa harapan ng Panginoon nating Diyos, at gayundin sa hindi natin kasama sa araw na ito;
16 “(Sapagkat nalalaman ninyo kung paanong nanirahan tayo sa lupain ng Ehipto; at kung paanong tayo'y pumasok sa gitna ng mga bansang inyong dinaanan;
17 at inyong nakita ang kanilang mga karumaldumal na bagay, at ang kanilang mga diyus-diyosan na yari sa kahoy, bato, pilak at ginto na nasa gitna nila.)
18 Baka(AO) magkaroon sa gitna ninyo ng lalaki, o babae, o angkan, o lipi na ang puso'y humiwalay sa araw na ito sa ating Panginoong Diyos, upang maglingkod sa mga diyos ng mga bansang iyon; baka magkaroon sa gitna ninyo ng isang ugat na nakalalason at ng mapait na bunga;
19 na kapag kanyang narinig ang mga salita ng sumpang ito ay kanyang basbasan ang kanyang sarili sa kanyang puso, na sasabihin, ‘Ako'y magkakaroon ng kapayapaan, bagaman ako'y lumalakad sa pagmamatigas ng aking puso.’ Makapagpapaalis ito ng basa-basa at pagkatuyo.
20 Hindi siya patatawarin ng Panginoon, kundi ang galit at paninibugho ng Panginoon ay mag-uusok laban sa taong iyon, at ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito ay mapapasa kanya at papawiin ng Panginoon ang kanyang pangalan sa ilalim ng langit.
21 Ihihiwalay siya ng Panginoon sa lahat ng mga lipi sa Israel para sa sakuna, ayon sa lahat ng mga sumpa ng tipan na nasusulat sa aklat na ito ng kautusan.
22 Ang mga lahing darating, ang inyong mga anak na babangon pagkamatay ninyo, at ang dayuhan na magmumula sa malayong lupain ay magsasabi, kapag nakita nila ang mga salot ng lupaing iyon, at ang sakit na inilagay ng Panginoon,
23 at(AP) ang buong lupaing iyon ay sunóg na asupre, at asin, na hindi nahahasikan, hindi nagbubunga, ni walang tumutubong damo, na gaya ng nangyari sa pagkawasak ng Sodoma at Gomorra, Adma at Zeboyin, na winasak ng Panginoon sa kanyang matinding galit.
24 Kaya't lahat ng mga bansa ay magsasabi, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupaing ito? Ano ang dahilan ng pagpapakita ng ganitong matinding galit?’
25 Kaya't sasabihin ng mga tao, ‘Sapagkat kanilang tinalikuran ang tipan ng Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na kanyang ginawa sa kanila nang kanyang ilabas sila sa lupain ng Ehipto;
26 at sila'y humayo at naglingkod sa ibang mga diyos, at sinamba nila ang mga diyos na hindi nila nakilala na hindi niya ibinigay sa kanila.
27 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-init laban sa lupaing ito, at dinala sa kanya ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito.
28 Sila'y binunot ng Panginoon sa kanilang lupain dahil sa galit, sa poot, at sa malaking pagngingitngit, at sila'y itinaboy sa ibang lupain, gaya sa araw na ito.’
29 “Ang mga bagay na lihim ay para sa Panginoon nating Diyos, ngunit ang mga bagay na hayag ay para sa atin at sa ating mga anak magpakailanman, upang ating magawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.
Mga Pasubali sa Pagsasauli at Pagpapala
30 “Kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo, ang pagpapala at ang sumpa na inilagay ko sa harapan mo, at iyong bulay-bulayin ang mga iyon sa gitna ng lahat ng mga bansa na pinagtabuyan sa iyo ng Panginoon mong Diyos
2 at magbalik ka sa Panginoon mong Diyos at sundin mo at ng iyong mga anak nang buong puso at kaluluwa ang kanyang tinig ayon sa lahat na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito,
3 babawiin[d] ng Panginoon mong Diyos ang iyong pagkabihag at mahahabag sa iyo. Ibabalik at titipunin ka sa lahat ng mga bayang pinagkalatan sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
4 Kung ang pagkakabihag sa iyo ay nasa kadulu-duluhang bahagi ng langit, mula roo'y titipunin at kukunin ka ng Panginoon mong Diyos.
5 Dadalhin ka ng Panginoon mong Diyos sa lupaing inangkin ng iyong mga ninuno, at iyong aangkinin, at gagawan ka niya ng mabuti at pararamihin ka niya nang higit kaysa iyong mga ninuno.
6 Tutuliin ng Panginoon mong Diyos ang iyong puso at ang puso ng iyong binhi, upang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso at kaluluwa mo, upang ikaw ay mabuhay.
7 Lahat ng mga sumpang ito ng Panginoon mong Diyos ay darating sa mga kaaway at sa kanila na napopoot at umusig sa iyo.
8 Kung magkagayon ikaw ay babalik at susunod sa tinig ng Panginoon at iyong gagawin ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.
9 Pasasaganain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong kamay, sa bunga ng iyong katawan, sa anak ng iyong bakahan, at sa bunga ng iyong lupa. Sapagkat muling magagalak ang Panginoon sa pagpapasagana sa iyo, gaya ng kanyang ikinagalak sa iyong mga ninuno,
10 kung iyong susundin ang tinig ng Panginoon mong Diyos at tutuparin mo ang kanyang mga utos at ang kanyang mga tuntuning nasusulat sa aklat na ito ng kautusan; kung ikaw ay manunumbalik sa Panginoon mong Diyos nang iyong buong puso, at kaluluwa.
11 “Sapagkat ang utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay hindi napakabigat para sa iyo, ni malayo.
12 Wala(AQ) ito sa langit, upang huwag mong sabihin, ‘Sinong aakyat sa langit para sa atin, at magdadala niyon sa atin, at magpaparinig sa atin, upang ating marinig at magawa?’
13 Ni wala sa kabila ng dagat upang huwag mong sabihin, ‘Sino ang daraan sa dagat para sa atin, at magdadala niyon sa atin, at magpaparinig sa atin, upang ating marinig at magawa?’
14 Kundi ang salita ay napakalapit sa iyo, ito ay nasa iyong bibig, at nasa iyong puso, kaya't ito ay iyong magagawa.
15 “Tingnan mo, inilagay ko sa harapan mo sa araw na ito ang buhay at kabutihan, kamatayan at kasamaan;
16 at iniuutos ko sa iyo sa araw na ito na ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, lumakad ka sa kanyang mga daan. Tuparin mo ang kanyang mga utos, ang kanyang mga tuntunin, at mga batas upang ikaw ay mabuhay at dumami, at pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lupain na iyong pinapasok upang angkinin.
17 Ngunit kung ang iyong puso ay tumalikod at hindi mo diringgin, kundi maliligaw at sasamba ka sa ibang mga diyos, at maglilingkod ka sa kanila;
18 ipinahahayag ko sa inyo sa araw na ito na kayo'y tiyak na mapupuksa. Hindi kayo mabubuhay nang matagal sa ibabaw ng lupaing tatawirin ninyo sa kabila ng Jordan, upang pasukin at angkinin.
19 Tinatawagan ko ang langit at ang lupa bilang saksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking inilagay sa harapan mo ang buhay at kamatayan, ang pagpapala at sumpa. Kaya't piliin mo at ng iyong binhi ang buhay upang ikaw ay mabuhay.
20 Ibigin(AR) mo ang Panginoon mong Diyos, sundin ang kanyang tinig, at manatili ka sa kanya; sapagkat ang kahulugan niyon sa iyo ay buhay, at haba ng iyong mga araw, upang matirahan mo ang lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob.”
Si Josue ang Pumalit kay Moises
31 Si Moises ay nagpatuloy sa pagsasalita ng mga salitang ito sa buong Israel.
2 Kanyang(AS) sinabi sa kanila, “Ako'y isandaan at dalawampung taon na sa araw na ito; hindi na ako makalalabas-pasok, at sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Huwag kang tatawid sa Jordang ito.’
3 Mauuna ang Panginoon mong Diyos at kanyang pupuksain ang mga bansang ito sa harapan mo at ito ay iyong aangkinin. Si Josue ay mauuna sa iyo gaya ng sinabi ng Panginoon.
4 Gagawin(AT) sa kanila ng Panginoon ang gaya ng ginawa niya kina Sihon at Og, na mga hari ng mga Amoreo, at sa kanilang lupain na kanyang winasak.
5 Ibibigay sila ng Panginoon sa harapan mo, at iyong gagawin sa kanila ang ayon sa lahat ng utos na aking iniutos sa iyo.
6 Kayo'y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot ni masindak sa kanila sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay humahayong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan.”
7 At tinawag ni Moises si Josue at sinabi sa kanya sa paningin ng buong Israel, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; sapagkat ikaw ay maglalakbay na kasama ng bayang ito patungo sa lupaing ipinangakong ibibigay at ipapamana ng Panginoon sa kanilang mga ninuno.
8 Ang(AU) Panginoon ang siyang mangunguna sa iyo. Siya'y sasaiyo, hindi ka niya iiwan, ni pababayaan; huwag kang matatakot ni manlulupaypay.”
Ang Batas ay Dapat Basahin Tuwing Ikapitong Taon
9 Isinulat ni Moises ang kautusang ito at ibinigay sa mga pari na mga anak ni Levi, na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at sa lahat ng matatanda sa Israel.
10 Iniutos(AV) sa kanila ni Moises, “Sa katapusan ng bawat pitong taon, sa takdang panahon ng taon ng pagpapalaya, sa Pista ng mga Tolda,
11 kapag ang buong Israel ay haharap sa Panginoon mong Diyos sa lugar na kanyang pipiliin ay iyong babasahin ang kautusang ito sa harapan ng buong Israel sa kanilang pandinig.
12 Tipunin mo ang mamamayan, ang mga lalaki, mga babae, mga bata, mga dayuhan na nasa loob ng iyong mga bayan upang kanilang marinig at upang sila'y matutong matakot sa Panginoon mong Diyos, at isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito;
13 at upang ang kanilang mga anak na hindi nakakaalam nito ay makarinig at matutong matakot sa Panginoon ninyong Diyos, habang kayo'y nabubuhay sa lupain na inyong paroroonan na inyong tatawirin sa Jordan upang angkinin.”
Huling mga Tagubilin ng Panginoon kay Moises
14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit na ang mga araw na ikaw ay mamamatay. Tawagin mo si Josue, at humarap kayo sa toldang tipanan upang siya'y aking mapagbilinan.” Sina Moises at Josue ay humayo at humarap sa toldang tipanan.
15 Ang Panginoon ay nagpakita sa Tolda sa isang haliging ulap; ang haliging ulap ay tumayo sa pintuan ng tabernakulo.
16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ikaw ay malapit ng mamatay na kasama ng iyong mga ninuno. Ang bayang ito'y babangon at makikiapid sa mga di-kilalang diyos sa lupain na kanilang paroroonan upang makasama nila, at ako'y tatalikuran nila at sisirain ang aking tipan na aking ginawa sa kanila.
17 Kung magkagayo'y ang aking galit ay mag-aalab laban sa kanila sa araw na iyon. Pababayaan ko sila, at ikukubli ko ang aking mukha sa kanila, at sila'y sasakmalin, at maraming kasamaan at kabagabagan ang darating sa kanila. At kanilang sasabihin sa araw na iyon, ‘Hindi ba ang mga kasamaang ito ay dumating sa atin dahil sa ang ating Diyos ay wala sa gitna natin?’
18 Tiyak na ikukubli ko ang aking mukha sa araw na iyon dahil sa lahat ng kasamaang kanilang ginawa, sapagkat sila'y bumaling sa ibang mga diyos.
19 Ngayon nga'y isulat ninyo para sa inyo ang awit na ito, at ituro sa mga anak ni Israel; ilagay mo sa kanilang mga bibig upang ang awit na ito'y maging saksi sa akin laban sa mga anak ni Israel.
20 Sapagkat kapag sila'y naipasok ko na sa lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot na ipinangako sa kanilang mga ninuno at sila'y nakakain, nabusog at tumaba, ay babaling at paglilingkuran nila ang ibang mga diyos, at ako'y hahamakin nila, at sisirain ang aking tipan.
21 At kapag ang maraming kasamaan at kaguluhan ay dumating sa kanila, magpapatotoo ang awit na ito sa harapan nila bilang saksi; sapagkat hindi ito malilimutan sa mga bibig ng kanilang binhi. Sapagkat nalalaman ko ang kanilang iniisip, na kanilang binabalak gawin, bago ko sila dinala sa lupaing ipinangako kong ibibigay.”
22 Kaya't isinulat ni Moises ang awit na ito nang araw ding iyon at itinuro sa mga anak ni Israel.
23 Kanyang(AW) pinagbilinan si Josue na anak ni Nun at sinabi, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; sapagkat iyong ipapasok ang mga anak ni Israel sa lupaing ipinangakong ibibigay ko sa kanila; at ako'y magiging kasama mo.”
24 Pagkatapos maisulat ni Moises ang mga salita ng kautusang ito sa isang aklat hanggang sa katapusan,
25 nag-utos si Moises sa mga Levita na may dala ng kaban ng tipan ng Panginoon,
26 “Kunin ninyo itong aklat ng kautusan at ilagay ninyo sa tabi ng kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Diyos, upang doo'y maging saksi laban sa iyo.
27 Sapagkat nalalaman ko ang inyong paghihimagsik, at ang katigasan ng inyong ulo. Habang nabubuhay pa akong kasama ninyo sa araw na ito, kayo'y naging mapaghimagsik na laban sa Panginoon at gaano pa kaya pagkamatay ko?
28 Tipunin mo ang matatanda sa iyong mga lipi at ang inyong mga pinuno upang masabi ko ang mga salitang ito sa kanilang pandinig, at tawagin ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa kanila.
29 Sapagkat alam ko na pagkamatay ko, kayo'y magiging masama at maliligaw sa daang itinuro sa inyo at ang kasamaan ay sasapit sa inyo sa mga huling araw. Sapagkat inyong gagawin ang masama sa paningin ng Panginoon, upang siya'y galitin ninyo sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay.”
Ang Awit ni Moises
30 Binigkas ni Moises ang mga salita ng awit na ito hanggang sa natapos, sa pandinig ng buong kapulungan ng Israel:
32 “Makinig kayo, mga langit, at ako'y magsasalita,
at pakinggan ng lupa ang mga salita ng aking bibig.
2 Ang aking aral ay papatak na parang ulan;
ang aking salita ay bababa na parang hamog;
gaya ng ambon sa malambot na damo,
at gaya ng mahinang ambon sa pananim.
3 Sapagkat aking ihahayag ang pangalan ng Panginoon;
dakilain ninyo ang ating Diyos!
4 “Siya ang Bato, ang kanyang gawa ay sakdal;
sapagkat lahat ng kanyang daan ay katarungan.
Isang Diyos na tapat at walang kasamaan,
siya ay matuwid at banal.
5 Sila'y nagpakasama,
sila'y hindi kanyang mga anak, dahilan sa kanilang kapintasan;
isang lahing liko at tampalasan.
6 Ganyan ba ninyo gagantihan ang Panginoon,
O hangal at di-matalinong bayan?
Hindi ba siya ang iyong ama na lumalang sa iyo?
Kanyang nilalang ka, at itinatag ka.
7 Alalahanin mo ang mga naunang araw,
isipin mo ang mga taon ng maraming salinlahi;
itanong mo sa iyong ama at kanyang ibabalita sa iyo;
sa iyong matatanda, at kanilang sasabihin sa iyo.
8 Nang(AX) ibigay ng Kataas-taasan sa mga bansa ang kanilang pamana,
nang kanyang ihiwalay ang mga anak ng tao,
kanyang inilagay ang mga hangganan ng mga bayan,
ayon sa bilang ng mga anak ni Israel.
9 Sapagkat ang bahagi ng Panginoon ay ang kanyang bayan;
si Jacob ang bahaging pamana niya.
10 “Kanyang natagpuan siya sa isang ilang na lupain,
at sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang;
kanyang pinaligiran siya, kanyang nilingap siya,
kanyang iningatan siyang parang sarili niyang mga mata.
11 Gaya ng agila na ginagalaw ang kanyang pugad,
na pumapagaspas sa kanyang mga inakay,
kanyang ibinubuka ang kanyang mga pakpak, na kinukuha sila,
kanyang dinadala sa ibabaw ng kanyang mga pakpak:
12 tanging ang Panginoon ang pumapatnubay sa kanya,
at walang ibang diyos na kasama siya.
13 Kanyang pinasakay siya sa matataas na dako ng lupa,
at siya'y kumain ng bunga ng bukirin,
at kanyang pinainom ng pulot na mula sa bato,
at ng langis na mula sa batong kiskisan.
14 Ng mantika mula sa baka, at gatas mula sa tupa,
na may taba ng mga kordero,
at ng mga tupang lalaki sa Basan, at mga kambing,
ng pinakamabuti sa mga trigo;
at sa katas ng ubas ay uminom ka ng alak.
15 “Ngunit tumaba si Jeshurun at nanipa;
ikaw ay tumataba, ikaw ay lumalapad, ikaw ay naging makinis.
Nang magkagayo'y tinalikuran niya ang Diyos na lumalang sa kanya,
at hinamak ang Bato ng kanyang kaligtasan.
16 Siya'y kinilos nila sa paninibugho sa ibang mga diyos,
sa pamamagitan ng mga karumaldumal, kanilang ibinunsod siya sa pagkagalit.
17 Sila'y(AY) naghandog sa mga demonyo na hindi Diyos,
sa mga diyos na hindi nila nakilala,
sa mga bagong diyos na kalilitaw pa lamang,
na hindi kinatakutan ng inyong mga ninuno.
18 Hindi mo pinansin ang Batong nanganak sa iyo,
at kinalimutan mo ang Diyos na lumalang sa iyo.
19 “At nakita ito ng Panginoon, at kinapootan sila,
dahil sa panggagalit ng kanyang mga anak na lalaki at babae.
20 At kanyang sinabi, ‘Aking ikukubli ang aking mukha sa kanila,
aking titingnan kung ano ang kanilang magiging wakas;
sapagkat sila'y isang napakasamang lahi,
mga anak na walang katapatan.
21 Kinilos(AZ) nila ako sa paninibugho doon sa hindi diyos;
ginalit nila ako sa kanilang mga diyus-diyosan.
Kaya't paninibughuin ko sila sa mga hindi bayan;
aking gagalitin sila sa pamamagitan ng isang hangal na bansa.
22 Sapagkat may apoy na nag-aalab sa aking galit,
at nagniningas hanggang sa Sheol,
at lalamunin ang lupa pati ang tubo nito,
at pag-aapuyin ang saligan ng mga bundok.
23 “‘Aking dadaganan sila ng mga kasamaan;
aking uubusin ang aking pana sa kanila.
24 Sila'y mapupugnaw sa gutom,
at lalamunin ng maningas na init,
at ng nakalalasong salot;
at ang mga ngipin ng mga hayop ay isusugo ko sa kanila,
pati ng kamandag ng gumagapang sa alabok.
25 Sa labas ay namimighati ang tabak,
at sa mga silid ay malaking takot;
kapwa mawawasak ang binata at dalaga,
ang sanggol pati ng lalaking may uban.
26 Aking sinabi, “Ikakalat ko sila sa malayo,
aking aalisin ang alaala nila sa mga tao,”
27 kung hindi ko kinatatakutan ang panghahamon ng kaaway;
baka ang kanilang mga kalaban ay humatol ng mali,
baka kanilang sabihin, “Ang aming kamay ay matagumpay,
at hindi ginawa ng Panginoon ang lahat ng ito.”’
28 “Sapagkat sila'y bansang salat sa payo,
at walang kaalaman sa kanila.
29 O kung sila'y mga pantas, kanilang mauunawaan ito,
at malalaman nila ang kanilang wakas!
30 Paano hahabulin ng isa ang isanlibo,
at patatakbuhin ng dalawa ang sampung libo,
malibang ipinagbili sila ng kanilang Bato,
at ibinigay na sila ng Panginoon?
31 Sapagkat ang kanilang bato ay hindi gaya ng ating Bato,
kahit ang ating mga kaaway man ang maging mga hukom.
32 Sapagkat ang kanilang puno ng ubas ay mula sa ubasan sa Sodoma,
at mula sa mga parang ng Gomorra.
Ang kanilang ubas ay ubas ng apdo,
ang kanilang mga buwig ay mapait,
33 ang kanilang alak ay kamandag ng mga dragon,
at mabagsik na kamandag ng mga ahas.
34 “Hindi ba ito'y nakalaan sa akin,
na natatatakan sa aking mga kabang-yaman?
35 Ang(BA) paghihiganti ay akin, at ang gantimpala,
sa panahon na madudulas ang kanilang mga paa;
sapagkat ang araw ng kanilang kapahamakan ay malapit na,
at ang mga bagay na darating sa kanila ay nagmamadali.
36 Sapagkat(BB) hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
at mahahabag sa kanyang mga lingkod.
Kapag nakita niyang ang kanilang kapangyarihan ay wala na,
at wala ng nalalabi, bihag man o malaya.
37 At kanyang sasabihin, ‘Saan naroon ang kanilang mga diyos,
ang bato na kanilang pinagkanlungan?
38 Sino ang kumain ng taba ng kanilang mga handog,
at uminom ng alak ng kanilang handog na inumin?
Pabangunin sila at tulungan ka,
at sila'y maging inyong pag-iingat!
39 “‘Tingnan ninyo ngayon, ako, samakatuwid ay Ako nga,
at walang diyos liban sa akin;
ako'y pumapatay at ako'y bumubuhay;
ako'y sumusugat at ako'y nagpapagaling;
at walang makakaligtas sa aking kamay.
40 Sapagkat aking itinataas ang aking kamay sa langit,
at sumusumpa, ‘Buháy ako magpakailanman.
41 Kung ihahasa ko ang aking makintab na tabak,
at ang aking kamay ay humawak sa hatol,
ako'y maghihiganti sa aking mga kaaway,
at aking gagantihan ang mga napopoot sa akin.
42 At aking lalasingin ng dugo ang aking palaso,
at ang aking tabak ay sasakmal ng laman;
ng dugo ng patay at ng mga bihag,
mula sa ulong may mahabang buhok ng mga pinuno ng kaaway.’
43 “Magalak(BC) kayo, O mga bansa, kasama ng kanyang bayan;
sapagkat ipaghihiganti niya ang dugo ng kanyang mga lingkod,
at maghihiganti sa kanyang mga kalaban,
at patatawarin ang kanyang lupain, ang kanyang bayan.”
44 At si Moises ay pumaroon at sinabi ang lahat ng mga salita ng awit na ito sa pandinig ng bayan, siya at si Josue[e] na anak ni Nun.
Huling Tagubilin ni Moises
45 Pagkatapos sabihin ni Moises ang lahat ng mga salitang ito sa buong Israel,
46 ay kanyang sinabi sa kanila, “Ilagay ninyo sa puso ang lahat ng mga salita na aking pinapatotohanan sa inyo sa araw na ito, na inyong iuutos sa inyong mga anak upang gawin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.
47 Sapagkat ito'y hindi hamak na bagay sa inyo; sapagkat ito'y inyong buhay, at sa pamamagitan ng bagay na ito ay inyong pahahabain ang inyong mga araw sa lupain na inyong itinawid sa Jordan upang angkinin.”
Pinasampa si Moises sa Bundok ng Nebo
48 Ang(BD) Panginoon ay nagsalita kay Moises nang araw ding iyon,
49 “Umakyat ka sa bundok na ito ng Abarim, sa bundok ng Nebo na nasa lupain ng Moab, na nasa tapat ng Jerico. Tanawin mo ang lupain ng Canaan, na aking ibinibigay sa mga anak ni Israel bilang pag-aari.
50 Mamamatay ka sa bundok na iyong inakyat at isasama ka sa iyong angkan, gaya ni Aaron na iyong kapatid na namatay sa bundok ng Hor at isinama sa kanyang angkan.
51 Sapagkat kayo'y sumuway sa akin sa gitna ng mga anak ni Israel sa tubig ng Meriba ng Kadesh, sa ilang ng Zin; sapagkat hindi ninyo ako itinuring na banal sa gitna ng mga anak ni Israel.
52 Gayunma'y makikita mo ang lupain sa harapan mo, ngunit hindi ka makakapasok sa lupain na aking ibinibigay sa mga anak ni Israel.”
Binasbasan ni Moises ang mga Lipi ni Israel
33 Ito ang basbas na iginawad ni Moises, ang tao ng Diyos, sa mga anak ni Israel bago siya namatay.
2 At kanyang sinabi,
“Ang Panginoo'y nanggaling sa Sinai,
at lumitaw sa Seir patungo sa kanila;
siya'y lumiwanag mula sa bundok ng Paran,
at siya'y may kasamang laksa-laksang mga banal:
sa kanyang kanang kamay ay ang kanyang sariling hukbo.
3 Oo, iniibig niya ang bayan:
lahat ng kanyang mga banal ay nasa iyong kamay;
sila'y sumunod sa iyong mga yapak,
na tumatanggap ng tagubilin mula sa iyo.
4 Si Moises ay nag-atas sa atin ng isang kautusan,
isang pamana para sa kapulungan ni Jacob.
5 Nagkaroon ng hari sa Jeshurun,
nang magkatipon ang mga pinuno ng bayan,
pati ang lahat ng mga lipi ni Israel.
6 “Mabuhay nawa ang Ruben, at huwag mamatay;
kahit kaunti man ang kanyang mga tao.”
7 At ito ang sinabi niya tungkol sa Juda:
“Dinggin mo, Panginoon, ang tinig ng Juda,
at dalhin mo siya sa kanyang bayan:
sa pamamagitan ng iyong mga kamay ay ipaglaban siya,
at maging katulong laban sa kanyang mga kaaway.”
8 At(BE) tungkol kay Levi ay kanyang sinabi,
“Ang iyong Tumim at ang iyong Urim ay para sa inyong mga banal,
na iyong sinubok sa Massah,
nakipagtunggali ka sa kanya sa mga tubig ng Meriba;
9 na siyang nagsabi tungkol sa kanyang ama at ina,
‘Hindi ko siya nakita;’
ni hindi niya kinilala ang kanyang mga kapatid,
ni kinilala niya ang kanyang sariling mga anak.
Sapagkat kanilang sinunod ang iyong salita,
at ginaganap ang iyong tipan.
10 Ituturo nila ang iyong batas kay Jacob,
at ang iyong mga kautusan sa Israel;
sila'y maglalagay ng insenso sa harapan mo,
at ng buong handog na sinusunog sa ibabaw ng iyong dambana.
11 Basbasan mo, Panginoon, ang kanyang kalakasan,
at tanggapin mo ang gawa ng kanyang mga kamay;
baliin mo ang mga balakang ng mga naghihimagsik laban sa kanya,
at ang mga napopoot sa kanya, upang sila'y huwag nang muling bumangon.”
12 Tungkol kay Benjamin ay kanyang sinabi,
“Ang minamahal ng Panginoon ay maninirahang ligtas sa siping niya;
na kinakanlungan siya buong araw,
oo, siya'y maninirahan sa pagitan ng kanyang mga balikat.”
13 At tungkol kay Jose ay kanyang sinabi,
“Pagpalain nawa ng Panginoon ang kanyang lupain,
sa pinakamabuti mula sa langit, sa hamog,
at sa kalaliman na nasa ilalim,
14 at sa pinakamabuti sa mga bunga ng araw,
at sa mga pinakamabuting bunga ng mga buwan,
15 at sa pinakamagandang bunga ng matandang bundok,
at sa mga pinakamabuti sa mga burol na walang hanggan,
16 at sa pinakamabuti sa lupa at sa lahat ng naroroon;
at ang kanyang mabuting kalooban na naninirahan sa mababang punungkahoy:
dumating nawa ito sa ulo ni Jose,
at sa tuktok ng ulo niya na itinalaga sa kanyang mga kapatid.
17 Gaya ng panganay ng kanyang baka, kaluwalhatian ay sa kanya,
at ang mga sungay ng mabangis na toro ay kanyang mga sungay;
sa pamamagitan ng mga iyon ay itutulak niya ang mga bayan
hanggang sa mga hangganan ng lupa,
at sila ang sampung libu-libo ni Efraim,
at sila ang libu-libo ni Manases.”
18 At tungkol kay Zebulon ay kanyang sinabi,
“Magalak ka, Zebulon, sa iyong paglabas;
at ikaw, Isacar, sa iyong mga tolda.
19 Kanilang tatawagin ang mga bayan sa bundok;
maghahandog sila ng mga matuwid na alay;
sapagkat kanilang sisipsipin ang mga kasaganaan ng mga dagat,
at ang natatagong kayamanan sa buhanginan.”
20 At tungkol kay Gad, ay kanyang sinabi,
“Pagpalain ang nagpalaki kay Gad:
siya'y mabubuhay na parang isang leon,
at lalapain ang bisig at ang bao ng ulo.
21 Kanyang pinili ang pinakamabuti sa lupain para sa kanya,
sapagkat doon nakatago ang bahagi ng isang pinuno,
at siya'y dumating sa mga pinuno ng bayan,
kanyang isinagawa ang katuwiran ng Panginoon,
at ang kanyang mga batas sa Israel.”
22 At tungkol kay Dan ay kanyang sinabi,
“Si Dan ay anak ng leon,
na lumukso mula sa Basan.”
23 At tungkol kay Neftali ay kanyang sinabi,
“O Neftali, na busog ng mabuting kalooban,
at puspos ng pagpapala ng Panginoon;
angkinin mo ang kanluran at ang timog.”
24 At tungkol kay Aser ay kanyang sinabi,
“Pagpalain si Aser nang higit sa ibang mga anak;
itangi nawa siya ng kanyang mga kapatid,
at ilubog ang kanyang paa sa langis.
25 Ang iyong mga halang ay magiging bakal at tanso;
kung paano ang iyong mga araw ay gayon nawa ang iyong lakas.
26 “Walang gaya ng Diyos, O Jeshurun,
na sumasakay sa langit dahil sa pagtulong sa iyo,
at sa himpapawid dahil sa kanyang karangalan.
27 Ang walang hanggang Diyos ay isang kanlungan,
at sa ibaba'y ang walang hanggang mga bisig.
At kanyang palalayasin ang kaaway sa harapan mo,
at sinabi, ‘Puksain.’
28 Kaya't ang Israel ay ligtas na namumuhay,
ang bukal ni Jacob sa lupain ng trigo at alak,
oo, ang kanyang mga langit ay magbababa ng hamog.
29 Mapalad ka, O Israel! Sino ang gaya mo,
bayang iniligtas ng Panginoon,
ang kalasag na iyong tulong,
ang tabak ng iyong tagumpay!
At ang iyong mga kaaway ay manginginig sa harapan mo,
at ikaw ay tutuntong sa kanilang mga matataas na dako.”
Ang Kamatayan ni Moises
34 Pagkatapos ay umakyat si Moises sa bundok ng Nebo mula sa mga kapatagan ng Moab, sa taluktok ng Pisga, na nasa tapat ng Jerico. At ipinakita sa kanya ng Panginoon ang buong lupain ng Gilead hanggang sa Dan,
2 ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at ng Manases, at ang buong lupain ng Juda hanggang sa dagat sa kanluran,
3 ang Negeb at ang kapatagan ng libis ng Jerico na lunsod ng mga puno ng palma hanggang sa Zoar.
4 At(BF) sinabi ng Panginoon sa kanya, “Ito ang lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob, na sinasabi, ‘Aking ibibigay sa iyong binhi;’ aking ipinakita sa iyo, ngunit hindi ka daraan doon.”
5 Kaya't si Moises na lingkod ng Panginoon ay namatay sa lupain ng Moab ayon sa salita ng Panginoon.
6 Kanyang inilibing siya sa libis sa lupain ng Moab na nasa tapat ng Bet-peor; ngunit walang sinumang tao ang nakakaalam ng libingan niya hanggang sa araw na ito.
7 Si Moises ay isandaan at dalawampung taong gulang nang siya'y mamatay. Ang kanyang mata'y hindi lumabo, ni ang kanyang likas na lakas ay humina.
8 At ipinagluksa ng mga anak ni Israel si Moises nang tatlumpung araw sa mga kapatagan ng Moab, at natapos ang mga araw ng pagtangis at pagluluksa para kay Moises.
9 Si Josue na anak ni Nun ay puspos ng espiritu ng karunungan, sapagkat ipinatong ni Moises ang kanyang mga kamay sa kanya. Pinakinggan siya ng mga anak ni Israel, at ginawa nila ang gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
10 At(BG) wala pang bumangong propeta sa Israel na gaya ni Moises, na kilala ng Panginoon nang mukhaan.
11 Walang tulad niya dahil sa lahat ng mga tanda at mga kababalaghang iniutos ng Panginoon na gawin niya sa lupain ng Ehipto, kay Faraon, at sa lahat ng kanyang mga lingkod, at sa kanyang buong lupain,
12 at dahil sa makapangyarihang kamay at sa dakila at kakilakilabot na ginawa ni Moises sa paningin ng buong Israel.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001